Paano Hangarin ang Katotohanan (26) Unang Bahagi
Kamakailan, nagbahaginan tayo tungkol sa paksa ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang paksang ito ay nauugnay sa pagsasagawa ng “pagbitiw” sa loob ng “Paano Hangarin ang Katotohanan,” at nagbahaginan tayo tungkol sa “pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos” sa loob ng paksa ng “pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos.” Ilang beses na tayong nagbahaginan tungkol sa aspektong ito, pangunahin nating tinalakay kung paano dapat tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao. Hinati natin ang nilalamang ito sa dalawang paksa. Masasabi ba ninyo sa Akin kung ano ang dalawang paksang iyon? (Patungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, binigyan tayo ng Diyos ng dalawang tamang prinsipyo ng pagsasagawa: Ang una ay huwag Siyang ikumpara sa Diyos sa langit, at ang ikalawa ay huwag Siyang ipantay sa tiwaling sangkatauhan.) Nagbahaginan na tayo tungkol sa ilang detalye ng dalawang paksang ito, na kinabibilangan ng ilang pagpapamalas ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao. Kabilang dito ang pagbabahaginan tungkol sa kung anong mga partikular na prinsipyo ang sinusunod at pinanghahawakan ng Diyos na nagkatawang-tao sa pamumuhay, pag-iral, pag-asal Niya, at paggawa sa gitna ng mga tao. Ang pagbabahaginan sa mga paksang ito ay ginagamit upang maunawaan at malaman ng mga tao kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng Diyos na nagkatawang-tao, ng taong ito na may espesyal na pagkakakilanlan, habang namumuhay sa gitna ng mga tao. Pangunahin tayong nagbahaginan tungkol sa paksa ng pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, at nagbahaginan tayo tungkol sa maraming detalye. Ano ang naging epekto sa inyo pagkatapos itong pakinggan? Mas kaunti na ba ang mga kuru-kuro at imahinasyon ninyo tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, o nakaisip ba kayo ng ilang bagong kuru-kuro? (Nabawasan ang aming mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao.) Kung gayon, nakakatulong ba ang pagbabahaginan sa paksang ito para makilala ng mga tao ang Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) Mabuting-mabuti iyan.
Ang ating pagbabahaginan sa paksa ng Diyos na nagkatawang-tao ay pangunahing umiikot sa mga partikular na pagpapakita at pagsasagawa patungkol sa pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, na naglalayong bigyan ang mga tao ng mas kongkretong pagkaunawa sa Diyos na nagkatawang-tao, sa taong ito na may espesyal na pagkakakilanlan. Kaya, natutuklasan ba ninyo na habang mas nauunawaan ninyo ang pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, mas nararamdaman ninyo na Siya ay isa lamang normal na tao, walang anumang kapansin-pansin, at habang mas nauunawaan ninyo ang pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, mas hindi ninyo nadarama ang Kanyang pagka-Diyos? Mayroon ba kayong gayong mga iniisip? (Wala. Sa pakikinig sa ilang halimbawang ibinigay ng Diyos na tumalakay sa ilang praktikal na pagsasabuhay at mga pagpapakita ng Diyos na nagkatawang-tao, nararamdaman ko na ang panlabas na wangis lamang ng Diyos ang karaniwan at normal, ngunit ang mga pagpapakita ng Kanyang normal na pagkatao ay lubos na nakahihigit sa ating mga tao; ang mga iyon ay mga bagay na hindi natin kayang makamit. Ang normal na pagkatao ng Diyos ay walang mga tiwaling disposisyon, walang pagmamataas o panlilinlang, walang pagmamalaki o pagpapasasa ng tao. Bagama’t ang Diyos na nagkatawang-tao ay mukhang karaniwan at normal sa panlabas, makikita ng isang tao ang Kanyang kadakilaan mula sa Kanyang kababaang-loob. Ganito ang nararamdaman ko.) Karaniwan, kapag ipinakikilala ng mga tanyag na tao, dakilang tao, o matatagumpay na mahalagang tao sa sangkatauhan ang kanilang sarili sa iba’t ibang aspekto, sinasabi ba nila ang tungkol sa kanilang pagiging normal, praktikal, ordinaryo, at karaniwan? (Hindi.) Kung ipapakilala ng isang taong kabilang sa tiwaling sangkatauhan ang kanyang sarili para makilala siya ng iba, hinding-hindi niya ilalarawan kung gaano siya kaordinaryo, kakaraniwan, at kanormal. Sa kabaligtaran, sa pamamagitan ng kanyang pagpapakilala at kanyang mga paglalarawan, susubukan niyang iparamdam sa mga tao na siya ay naiiba sa iba, ekstraordinaryo, dakila, at nagtataglay ng mga abilidad na higit sa abilidad ng tao. Kung may isang taong ituturing pa nga siyang isang pambihirang tao, mas magiging masaya siya. Tingnan ninyo kung paano ipinakikilala ng mga tiwaling tao ang kanilang sarili. Una, ilalarawan nila kung gaano sila kaperpekto, na wala silang anumang mga depekto o kapintasan. Ipagyayabang din nila kung gaano kadakila ang pinagmulan ng kanilang pamilya, kung gaano karangal ang kanilang katayuan, kung anong mga kalipikasyong pang-akademiko ang mayroon sila, at kung ano ang katangi-tangi sa kanilang hitsura. Kahit pa mayroon silang nunal sa mukha, kailangan nilang humanap ng kakaibang paraan para ilarawan ito, sinasabing, “Tingnan mo, kahit ang kinalalagyan ng nunal na ito ay hindi pangkaraniwan; sinasabing ang mga taong may nunal sa lugar na ito ay nakatadhanang yumaman o maging maharlika.” Pagdating sa kanilang hitsura, may pagmamalaki nilang ipahahayag kung paanong ang bawat katangian ng kanilang mukha ay natatangi, at kung anong mga positibong interpretasyon ang umiiral sa pisyognomiya para sa bawat katangian ng kanilang mukha, tulad ng pagiging nakatadhanang yumaman o maging maharlika, o ang kakayahang umangat sa katanyagan, at na sa gitna ng mga tao, sila ay masyadong magaling para manatiling ordinaryo. Bukod pa rito, partikular nilang kinagigiliwang ipagyabang ang kanilang mga kaloob at kalakasan sa ilang partikular na larangan, kung gaano kaekstraordinaryo at kanaiiba ang kanilang pag-iisip at mga ideya, at ipagyabang kung anong mga tagumpay ang nakamit nila sa kung aling mga grupo, kung paano sila pinupuri ng mga tinitingalang tao, kung gaano kataas ang pagtingin sa kanila ng mga ito, at kung paano sila kinaiinggitan at hinahangaan ng mga ito, o kung anong malalaking kontribusyon ang nagawa nila sa kung aling industriya, at kung gaano sila pinahahalagahan ng kanilang mga amo. Totoo man o hindi ang kanilang sinasabi, sa bawat aspekto ng kanilang pagpapakilala sa sarili, sinusubukan nilang iparamdam sa mga tao na sila ay naiiba sa iba, na sa gitna ng mga tao ay sila ang nag-iisa, natatangi, nakahihigit sa lahat ng ordinaryong tao. Tinitingnan nila ang lahat nang may paghamak; itinuturing nila ang lahat ng iba pa bilang mabababang tao at maliliit na pangkaraniwang tao, habang sila lamang ang pinakadakila, pinakamarangal, at pinakahindi pangkaraniwan. Kung tatanungin mo sila tungkol sa kanilang mga kalipikasyong pang-akademiko, sasabihin nilang nagtapos sila sa isang prestihiyosong unibersidad, na mayroon silang postgraduate degree o Ph.D., gayong sa realidad, pumasok lamang sila sa isang ordinaryong unibersidad. Hindi nila kailanman sinasabi ang tungkol sa sarili nilang mga depekto, mga kapintasan, mga tiwaling disposisyon, mga aspekto ng kanilang mababang karakter, o ang mga maling bagay na nagawa nila. Hangga’t ito ay tungkol sa pagpapakilala sa kanilang sarili para makilala sila ng iba, susubukan nila ang lahat ng paraan para ipagyabang, purihin, at pagandahin ang imahe ng kanilang sarili, inilalarawan ang kanilang sarili bilang napakadakila, ekstraordinaryo, at di-pangkaraniwan. Kahit na magkasakit sila, sasabihin nilang ito ay isang “sakit ng mayaman,” na nagpaparamdam sa mga tao na sila ay marupok, alagang-alaga, at naiiba sa iba. Anuman ang mangyari, hinding-hindi nila hahayaang madama ng mga tao na sila ay isa lamang ordinaryo at karaniwang tao. Sa halip, sinusubukan nila ang lahat ng paraan para tingalain sila ng mga tao, maging mataas ang tingin ng mga ito sa kanila, at hangaan sila. Kung masusundan sila ng mga tao at magkakaroon sila ng puwang sa puso ng mga ito, lalo pa silang matutuwa sa kanilang sarili. Kung sasabihin mo na sila ay ordinaryo at normal, isang miyembro ng karaniwang masa, mararamdaman nilang lubusan silang napahiya at na lubos mong nasaktan ang kanilang pride; parang pinatay mo pa nga sila. Sa buong buhay nila, hinahangad nilang maging natatangi at ekstraordinaryo. Dahil sa kanilang mga tiwaling disposisyon at gayong mga pagnanais, maraming tao ang madalas na naglilinang ng isang panlabas na imahe para magmukhang napakataas, elegante, at marangal, at ang panlabas na kilos na ipinapakita nila, ang kanilang mga salita, at ang kanilang mga kilos ay labis na nagpapakita ng dating ng isang dakilang tao. Sa anumang grupo, kung may magsabi sa kanila, “Napansin kita kaagad sa gitna ng maraming taong ito; mula sa iyong tingin, sa mga katangian ng iyong mukha, at sa iyong presensiya, masasabi kong hindi ka isang ordinaryong tao,” sila ay labis na natutuwa. Walang-hanggan nilang palalakihin ang bagay na ito, at sa buong buhay nila, mananatili ang mga salitang iyon sa kanilang mga labi, ipinagyayabang kahit saan, “Sa gitna ng maraming tao, makikilala ako kaagad ng mga tao at makikita na ako ay isang lider, masyadong magaling para manatiling karaniwan, hindi isang ordinaryong tao!” Partikular nilang gusto ang maging ganitong uri ng tao, partikular na gusto nilang iposisyon ang kanilang sarili bilang isang ekstraordinaryo at di-pangkaraniwang indibidwal na naiiba sa iba, at maging isang taong walang katulad. Marami pang iba ang nagbibigay ng espesyal na atensyon sa mga tanyag na tao, mga dakilang tao at sa mga may katayuan at posisyon sa lipunan, binibigyang-pansin ang anumang balita tungkol sa mga ito, sa mga salita at kilos ng mga ito, at sa pang-araw-araw na buhay ng mga ito. Ang layunin ng atensyong ito ay hindi para sa libangan, kundi para gayahin at sundan sila. Anuman ang kinakain at isinusuot ng mga taong ito, anuman ang sikat sa mga ito, ginagaya nila. Anumang paksa ang tinatalakay ng mga taong ito, tinatalakay rin nila. Mahigpit silang sumusunod, takot na maiwan sa buong kalakaran, takot na mahuli at maliitin. Gusto lamang nilang maging isang natatangi at ekstraordinaryong tao sa gitna ng maraming tao, at ayaw na ayaw nilang maging isang normal at ordinaryong tao. Ang ilang tao, kahit na sila ay may karaniwang kakayahan, walang mga kalakasan o kaloob, at may likas na mga kondisyon na napakaordinaryo at karaniwan sa lahat ng aspekto, ay ayaw pa ring maging isang ordinaryong tao, ayaw maging isang kung sino lang. Sa halip, nagbibihis sila na napakataas at elegante, o inilalarawan ang kanilang sarili bilang labis na di-pangkaraniwan, hindi kung sino lang. Ang ilan ay nagsusumikap pa ngang gayahin ang mga dakilang tao, ang mga taong may kakayahan at may abilidad, at yaong may napakahusay na mga kasanayan. Pinapanood nila kung ano ang ginagawa, sinasabi, at tinatalakay ng mga taong ito, at ginagaya ang mga ito, nagsusumikap na maging mga ekstraordinaryong dakilang tao tulad ng mga ito, hindi na mga ordinaryo at karaniwang tao. Samakatwid, kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi maiiwasang isipin ng ilang tao: “Malakas na pinupuri, pinapaganda ang imahe, at ipinagyayabang ng mga tao ang kanilang sarili bilang labis na naiiba sa iba, labis na ekstraordinaryo at dakila, subalit palagi Mong inilalarawan ang Iyong Sarili bilang napakanormal at napakapraktikal. Hindi ba’t medyo hindi ito makatwiran? Hindi ba’t medyo hangal ito? Ikaw si Cristong nagkatawang-tao, na may napakarangal na pagkakakilanlan, na may napakalaking limbo at napakadakilang korona sa Iyong ulo. Paano Mo nagagawang ilarawan ang Iyong Sarili bilang isang ordinaryo, normal, at praktikal na tao? At, sa takot na hindi maniwala ang mga tao, nagbibigay Ka pa nga ng napakaraming halimbawa para patunayan kung gaano Ka kanormal, kapraktikal, at kaordinaryo. Likas na medyo nakapagtataka ito.” Bagama’t hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ganito talaga ang mga katunayan. Ang mga partikular na pagpapakita ng pagiging normal, praktikal, at ordinaryo ng Diyos na nagkatawang-tao ay ganito mismo; ito ay isang katunayan, hindi Ko ito maiimbento. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ba’t dapat ay magbanggit Ka man lang ng ilang halimbawa na nagpaparamdam sa mga tao na Ikaw ay naiiba sa iba at ekstraordinaryo at na ang Iyong pagkakakilanlan at wangis ay partikular na matayog at kagila-gilalas?” Buweno, ikinalulungkot Kong biguin kayo, ngunit talagang walang gayong mga halimbawa. Sa katunayan, ang Aking mga paglalarawan sa mga paraan ng Aking pag-asal at pagkilos sa buhay at sa gawain ay ang mga tunay na pagpapakita ng Diyos na nagkatawang-tao; ganoon lang ito kaobhetibo. Ganito talaga ang lahat ng ito; walang mga halimbawa na nagpapakita sa mga tao na Ako ay naiiba sa iba, ekstraordinaryo, dakila, o nagtataglay ng isang matayog at kagila-gilalas na wangis. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi Ka ba puwedeng mag-imbento ng isang bagay? Mag-iiwan iyon ng mas magandang impresyon sa puso ng mga tao, at hindi sila madidismaya. Inilalarawan Mo ang Iyong Sarili bilang napakanormal at napakapraktikal, isang ordinaryong tao lamang; ang Iyong wangis ay hindi talaga matayog! Sino pa ang mag-iidolo sa Iyo at titingala sa Iyo? Kung hindi Ka titingalain o iidolohin ng mga tao, maaari pa ba silang magkaroon ng puwang para sa Iyo sa kanilang puso?” Sinasabi Ko, hindi Ko talaga hinahangad ito. Ayos lang kung hindi mo Ako titingalain o iidolohin; maluwag ang loob Ko riyan. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi Ka titingalain o iidolohin ng mga tao, matatawag pa ba iyon na pagsunod sa Diyos?” Kung titingalain o iidolohin mo man Ako—ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga; wala lang talaga sa Akin ang mga iyon. Kung hindi mo Ako titingalain o iidolohin, ngunit kaya mong pagnilayan nang buong puso ang bawat salitang sinasabi Ko, ang bawat aspekto ng katotohanang ibinabahagi Ko, tanggapin ang mga iyon bilang mga salita ng Diyos, at umasal, kumilos, at tingnan ang mga tao at mga bagay batay sa mga salitang ito, sapat na iyon—hindi mawawalan ng kabuluhan ang Aking mga salita. Sabihin na nating hindi mo Ako tinitingala o iniidolo, ngunit ang mga salitang sinasabi Ko at ang mga sermon na ipinangangaral Ko ay nagdadala sa iyo sa harap ng Diyos, na nagbibigay-daan sa iyong malaman kung paano hangarin ang katotohanan, na nagbibigay-daan sa iyong malaman kung paano kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap ka sa bawat usapin, na matutunan kung paano umasal at kumilos, na matutunang gawin ang tungkulin ng isang nilikha, na malaman kung paano maging tapat sa Diyos at kung paano gawin ang iyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, na malaman kung paano magpasakop sa Diyos, matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at sa huli ay nagbibigay-daan sa iyong iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon at makamit ng Diyos. Kung gayon, hindi magiging walang saysay ang pagkakapahayag sa Aking mga salita, at makakamit na ang layunin ng mga ito. Tungkol naman sa Akin, sapat na kung kaya mo Akong tratuhin nang tama, tinatrato Ako nang patas at makatwiran ayon sa mga prinsipyo. Ang mga hinihingi Ko sa inyo ay hindi mataas. Nabanggit Ko na dati ang tatlong prinsipyo para sa ating mga interaksyon: Maging tapat kay Cristo, igalang Siya, at sundin ang Kanyang mga salita. Sapat na kung kaya ninyong magsagawa ayon sa tatlong prinsipyong ito. Hindi Ko kailangan ang pag-idolo ng mga tao, at hindi Ko rin kailangan ang paghanga o mataas na pagtingin ng mga tao. Hindi Ko kailangang magkaroon ng isang wangis Ko sa mga puso ng mga tao. Hindi Ako interesado sa mga bagay na ito. Maraming tao ang partikular na umiidolo sa mga taong may matayog na imahe, naiiba sa iba, may ekstraordinaryong kakayahan, at namumukod-tangi, naniniwalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maging isang normal, praktikal, at ordinaryong Anak ng tao. Yaong mga hindi pa Ako nakikilala ay likas na ipinapalagay na ang Aking wangis ay mas matayog kaysa sa mga ordinaryong tao, partikular na kagila-gilalas. Hinding-hindi ka dapat mag-isip nang ganito. Hindi Ako kagila-gilalas kahit kaunti; medyo maliit lang ang pangangatawan Ko at hindi Ako matangkad. Sa pang-araw-araw na buhay, ang Aking mga salita at kilos ay partikular na normal at praktikal. Ang lahat ng aspekto ng Aking pang-araw-araw na buhay—kung paano Ako manamit, ang Aking kasuotan, pagkain, tirahan, at transportasyon—ay partikular na ordinaryo. Hindi Ko kailanman hinahangad na maging natatangi, at hindi Ko rin kailanman hinahangad na maging bukod-tangi. Hinahangad Ko lamang na gawin ang mga bagay sa paraang sumusunod sa mga alituntunin, umasal ayon sa Aking wastong katayuan, gawin nang maayos ang Aking gawain, tuparin ang Aking ministeryo, at magsalita nang malinaw at lubusan tungkol sa kung ano ang kailangang sabihin. Ito ang Aking mga prinsipyo sa pag-asal at pagkilos. Wala sa Akin ang paghahangad ng tao na maging naiiba, na maging pambihira at dakila, at hindi Ko rin kailanman hinahangad na makilala kaagad sa gitna ng maraming tao. Kahit na hindi mo Ako makilala sa gitna ng maraming tao, hindi Ako malulungkot o madidismaya kahit kaunti, at hindi Ko rin kailanman mararamdaman na napahiya Ako, at siyempre, tiyak na hindi Ko sasabihin na pinapasama mo ang loob Ko.
Kapag Ako ay nagsasalita at gumagawa at nakikipag-ugnayan sa inyo, nagbabahagi man Ako ng anumang aspekto ng katotohanan, o nagbabahagi para lutasin ang mga problema sa anumang aspekto, o nakikipag-usap lang tungkol sa mga pang-araw-araw na bagay o nagsasalita tungkol sa isang bagay, palagi Akong nagsusumikap na maunawaan ninyo Ako, at anuman ang mga bagay na tinatalakay Ko, ginagawa Ko ito para makinabang ang mga tao. Siyempre, kung ang pagbabahaginan ay tungkol sa mga isyu na nauugnay sa katotohanan, kung gayon ay mas mahalaga pa na nabibigyang-kakayahan nito ang mga tao na magkamit ng mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng katotohanan at makahanap ng mga landas para malutas ang mga isyung iyon. Kung ito ay pakikipag-usap lamang tungkol sa mga pang-araw-araw na bagay, mas normal pa iyon, dahil ito ay isang pangangailangan ng normal na pagkatao. Ano ang tinutukoy ng pangangailangang ito ng normal na pagkatao? Ibig sabihin nito, kung minsan ay kailangan ng mga taong makipag-usap at magbahagi tungkol sa kung ano ang nakikita at naririnig nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ang pakikipag-usap tungkol sa mga pang-araw-araw na bagay, pakikipagkuwentuhan, at pagbabahagi sa iba ay pawang mga pangangailangan ng konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao. Para sa Akin, ang pagbabahagi ng mga bagay ay mas madalas na tungkol sa pagtulong sa iyo na mas maunawaan ang mundong ito, ang lipunang ito, at ang sangkatauhang ito, at pagsasabi rin sa iyo kung paano mo dapat tingnan ang ilan sa mga bagay na nangyayari sa lipunang ito at sa gitna ng sangkatauhang ito, kung paano unawain ang masasamang kalakaran, kung paano unawain ang iba’t ibang bagay, at kung paano unawain ang iba’t ibang uri ng mga tao. Kahit kapag nakikipagkuwentuhan o nakikipag-usap tungkol sa mga pang-araw-araw na usapin, paminsan-minsan o daglian Kong tatalakayin ang ilang esensyal na isyu na may kaugnayan sa mga tao, pangyayari, at bagay. Kaya, anuman ang okasyon, kapag ang mga tao ay nakikipag-ugnayan sa Akin, ang nakikita, naririnig, at nauunawaan nila tungkol sa Akin ay na Ako ay hindi talaga ekstraordinaryo, kundi pawang normal, praktikal, at ordinaryo. Sa pamumuhay na may gayong anyong-tao, nararamdaman Kong Ako ay partikular na malaya at panatag kapag namumuhay Ako kasama ng mga tao. Kung sa tingin mo ay mayroon Akong anumang mga kilos na ekstraordinaryo at naiiba sa iba, o na may ilang bahagi ng Aking panlabas na mga katangian ng mukha o iba pang aspekto Ko na naiiba sa iba o partikular na ekstraordinaryo, kung ganoon ang iniisip mo, makakaramdam Ako ng labis na pagkaasiwa at hindi Ako magiging komportable. Talagang ayaw Ko sa mga taong nagsasabi ng gayong mga bagay, at talagang ayaw Ko rin sa mga taong tumitingin sa Akin sa ganoong paraan. Lalo na ang ilang tao, kapag una nila Akong nakakatagpo, inoobserbahan nila Ako, sinusuri ang tingin ng Aking mga mata, ang mga katangian ng Aking mukha, maingat na pinakikinggan ang bawat salitang ginagamit Ko at ang tono ng Aking boses, gustong makita kung Ako nga ay kasing-ekstraordinaryo at kasing-naiiba ng iba gaya ng kanilang naisip. Sinasabi Ko, hindi na kailangan iyan; hindi na kailangang obserbahan o siyasatin Ako. Ako ay isang napakaordinaryo at napakanormal na tao. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa Akin, dapat kang maging relaks, malaya, at panatag. Kung palagi kang nag-oobserba at nagsisiyasat, habang mas nagsisiyasat ka, mas mapapagod ka, at mas malilito ka. Kung sinisiyasat at inoobserbahan mo Ako, lalo kitang aayawan at lalo Akong masusuklam sa iyo. Paano mo man Ako siyasatin, kung hindi mo nauunawaan ang sinasabi Ko, kung hindi mo alam kung ano talaga ang tinutukoy ng Aking mga salita, at hindi alam kung ano ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan dito, kung gayon, ano ang silbi ng iyong pagsisiyasat? Mas kasuklam-suklam pa ang iyong pagsisiyasat. Minsan, may isang tao—hindi Ko alam kung matagal na ba siyang nag-oobserba o hindi niya iyon sinasadyang makita—na nagsabi na ang Aking mga mata ay may maningning na tuldok, at sapat na ang isang tingin para ipakita na Ako ay Diyos. Sinabi Ko, “Ano pa ang nakita mo? Nakita mo ba ang Espiritu ng Diyos na bumababa sa Akin na parang isang kalapati? Nakita mo ba ang isang tabak na may dalawang talim na lumalabas sa Aking bibig? Nakita mo ba ang Aking buong katawan na parang isang haligi ng liwanag? Nakita mo ba ang isang tungkod na bakal sa Aking kamay? Sinasabi mong nakakita ka ng isang maningning na bahagi sa Aking mga mata, ngunit mali ang sinasabi mo. Sabi sa Bibliya, ‘ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy.’ Ayon sa iyong pagkaunawa, dapat ay nakita mo ang Aking dalawang mata na parang mga ningas upang makadama ka ng bahid ng pagka-Diyos ng Diyos, ngunit isang maningning na tuldok lamang ang nakita mo, kaya nangangahulugan iyan na nilalapastangan mo ang Diyos.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ginawa ng taong ito na katawa-tawa ang kanyang sarili? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mababang tayog? (Oo.) Sinasabi Ko sa iyo, hindi mo kailangang obserbahan o siyasatin ang mga bagay na ito. Ang pakikinig lamang sa mga salitang ito na ipinahahayag Ko ay sapat na para mabigyang-kakayahan kang pumasok sa katotohanang realidad at tahakin ang landas ng kaligtasan. Kung ipipilit mong mag-obserba, anong mga problema ang lilitaw? Hindi lamang walang magiging mga resulta, kundi hindi mo rin magagawang makilala ang Diyos kahit kaunti, at ang iyong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ay titindi nang titindi. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay wala talagang kaugnayan sa persona ng Diyos o sa tunay na anyo ng Diyos na sinasabi Niya, o sa wangis ng Diyos na ipinropesiya ng Diyos sa Pahayag, o sa wangis ng Diyos na nakita ng sangkatauhan sa pamamagitan ng mga nakaraang talaan. Kaya, paano mo man obserbahan ang Diyos na nagkatawang-tao, Siya ay palaging normal at praktikal, isang ordinaryong tao; hindi Siya magpapakita sa iyo ng isang panig na ekstraordinaryo o naiiba sa iba. Kaya ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi ng mga salitang ito? Sinasabi Ko lamang sa iyo na hindi mo dapat obserbahan o siyasatin ang Diyos na nagkatawang-tao. Habang mas sinisiyasat mo Siya, mas lalayo ang Diyos sa iyo. Kung hindi mo Siya sisiyasatin, kundi dalisay kang magpapasakop at magagawa mong tanggapin ang katotohanan, bibigyang-liwanag at tatanglawan ka ng Banal na Espiritu, na gagabay sa iyong maunawaan ang katotohanan. Kung palagi mo Siyang oobserbahan at sisiyasatin, aabandonahin ka ng Banal na Espiritu. Sa sandaling abandonahin ka ng Banal na Espiritu, para bang ang buong paningin mo ay magdidilim at wala kang makikita nang malinaw. Hindi mo mauunawaan ang mga salita ng Diyos kapag binasa mo ang mga ito; kapag may nangyari sa iyo, hindi mo ito makikilatis at hindi mo malalaman kung ano ang gagawin, at kapag nakipagbahaginan ka sa iba, hindi mo malalaman kung saan magsisimula. Makakaramdam ka ng labis na pagkailang at hindi mo alam ang gagawin mo kahit na sa paggawa ng pinakasimpleng bagay na dati mong kayang gawin. Doon na ganap na magkakagulo-gulo ang mga bagay-bagay. Magagandang senyales ba ang mga ito? (Hindi.) Kaya, kapag lumitaw ang mga senyales na ito, dapat kang bumalik agad at itigil ang pag-oobserba at pagsisiyasat sa Diyos. At huwag mo rin itong gawin kapag hindi lumilitaw ang mga senyales na ito. Bakit hindi mo dapat gawin ito? Ang landas na ito ay walang patutunguhan; ang landas na ito ay hindi ang dapat mong tahakin. Ang landas na dapat mong tahakin sa pagsunod sa Diyos ay ang tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos, hindi ang obserbahan, siyasatin, o subukin ang Diyos. Lalo na sa Diyos na nagkatawang-tao, kung hindi mo pa Siya nakikita at hindi mo alam kung ano ang Kanyang hitsura, normal lang na kilatisin Siyang mabuti sa una ninyong pagkikita. Pagkatapos Siyang kilatisin, mayroon ka nang kaunting impresyon sa Kanya, at maipapares mo ang Kanyang boses sa boses na nagsasalita sa mga recording ng sermon, “Buweno, ganito pala ang hitsura ng Diyos na nagkatawang-tao, ito ang Kanyang taas, ganito Siya manamit. Siya ay tunay na normal, praktikal, at ordinaryo—lahat ay totoo, tulad ng inilarawan sa mga salita ng Diyos.” Sapat na ito; hanggang diyan na lang. Huwag ka nang mag-ukol pa ng pagsisikap sa pagsisiyasat sa usaping ito sa iyong puso. Sunod dito, dapat kang makinig nang mabuti sa kung ano ang ibinabahagi ng Diyos, pagbulayan mo kung anong aspekto ng katotohanan ang may kaugnayan sa usaping ibinabahagi ng Diyos, isulat mo ito kaagad, pagkatapos ay gamitin mo ang iyong puso para pagbulayan ito, at pagkatapos mo itong maunawaan ay isagawa mo ito. Ito ang tamang paraan ng pagtrato kay Cristo—ang Diyos na nagkatawang-tao. Paano man Ako makipagbahaginan, anuman ang nilalamang ibinabahagi Ko, kapag ito ay may kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao, palagi Kong sinusubukang ipaalam sa inyo ang pagiging normal, praktikal, at ordinaryo ng Diyos, sa halip na iugnay Siya sa pagiging, o kilalanin Siya bilang, ekstraordinaryo, dakila, natatangi, o naiiba sa iba. Bawat usaping sinasabi Ko, bawat halimbawang ibinibigay Ko, ay may kaugnayan sa paksang ito ng pagiging normal, praktikal, at ordinaryo ng Diyos na nagkatawang-tao. Hinding-hindi Ako mag-iimbento ng isang bagay para magkamali kang isipin na Ako ay naiiba sa iba, ekstraordinaryo, o dakila, na mayroon Akong tindig ng isang lider, ng kagandahang-loob ng isang dakilang tao, o ng lawak ng isipan at tayog ng isang dakilang tao. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, hindi Ko kailanman nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng “tayog” o “lawak ng isipan,” at hindi Ko rin pinagninilayan o pinagsisikapan ang mga aspektong iyon. Ano ang pinagbubulayan Ko? Pinagbubulayan Ko kung aling mga paksa ang ibabahagi sa inyo na makapagdadala sa inyo sa katotohanang realidad, aling mga paksa ang makapanghihikayat, makakapag-akay, makakatulong, at makagagabay sa inyo, upang magkaroon kayo ng pagnanais at determinasyong magdusa at magbayad ng halaga, at magawa ninyong hangarin ang katotohanan, gawin nang maayos ang inyong tungkulin, at makamit ang kaligtasan. Palagi Kong pinagbubulayan kung aling mga paksa ang tatalakayin at aling mga sermon ang ipangangaral, upang ang mga tao ay makatahak sa landas ng kaligtasan, makatupad nang maayos sa kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, at maging mga tunay na nilikha. Anuman ang paksang tinatalakay Ko, palagi Akong nagsusumikap na tulungan kayong maging mga nilikhang pasok sa pamantayan, matutong magpasakop sa Diyos, at magkaroon ng pusong may-takot-sa-Diyos. Hindi Ko kailanman pinagbubulayan kung anong mga salita ang sasabihin para tingalain ninyo Ako, o kung anong mga bagay ang gagawin para hangaan ninyo Ako, upang sa inyong puso ay madama ninyo na Ako ay hindi maarok tulad ng isang tanyag o dakilang tao; wala ang ganitong mga bagay sa puso Ko. Hindi Ko kailanman inisip kung paano Ako dapat magsalita, ang Aking paraan ng pagsasalita, o kung paano Ko dapat ayusan ang Aking Sarili para madama ninyo na Ako ay napakatayog, para hindi ninyo Ako maarok o maabot, at para magmukha kayong napakaliit at mangmang. Hindi Ko kailanman iniisip ang mga bagay na ito sa Aking puso, at hindi Ako kailanman nagsasalita o kumikilos para protektahan ang Aking sariling katayuan, wangis, o pagkakakilanlan; buong-puso Ko lamang na ginagampanan ang Aking ministeryo.
Kung minsan, kapag pagod Ako, pumupunta Ako sa tinitirhan ng mga kapatid para mamasyal at tumingin-tingin sa paligid. Kung minsan, namamasyal din Ako sa bukid, tinitingnan Ko ang mga taniman ng gulay, ang mga baboy, at ang mga tupa. Kapag nakakakita Ako ng kuting, hinahaplos Ko rin ito, niyayakap, at kinakausap. Kapag nakakakita Ako ng isang kyut na tuta, niyayakap Ko rin ito. May isang inahing aso na nanganak ng mahigit sampung tuta. Napakasaya niya sa harap ng mga tao, na para bang may nakamit siyang tagumpay. Pinuri Ko siya, sinabi Ko: “Tuwang-tuwa ka sa sarili mo, ano? Tingnan mo, isinilang mo ang napakaraming tuta, napakagaling talaga ng ginawa mo, napakabuti, mahusay!” Hinaplos Ko siya at niyakap sa leeg. Binibisita Ko rin ang mga kulungan ng aso, ang bukirin at mga taniman ng gulay, tumitingin-tingin sa lahat ng dako; talagang kaaya-aya ito. Sabihin ninyo sa Akin, pumupunta ba ang mga dakilang taong iyon sa marurumi, mababaho, at magugulong lugar na ito? Hindi. Lalo na sa mga lugar tulad ng mga kulungan ng aso at mga kural ng baboy na may hindi kaaya-ayang amoy—karamihan sa mga tao ay ayaw pumunta roon. Ayaw Ko rin ng mababahong amoy o mga hindi kaaya-ayang amoy, pero ang kaunting amoy mula sa isang tuta ay matitiis naman. Kung minsan, ikinukuskos ng mga tuta ang katawan ng mga ito sa Akin, hinahalikan at dinidilaan ang Aking mukha, at niyayakap Ko ang mga ito. Napakasimple ng mga hayop; nagtitiwala ang mga ito sa mga amo ng mga ito at hindi kailangang maging mapagbantay, kaya nakakapaglaro at nakikipag-ugnayan ang mga ito sa mga amo ng mga ito hangga’t gusto ng mga ito. Ganoon kasimple ang buhay ng mga ito. Laging sinasabi ng ilang tao na gusto nila ang mga aso, gusto nila ang maliliit na hayop, at pinangangalagaan nila ang maliliit na hayop, pero kapag sinabihan mo silang yakapin ang isang tuta, ayaw nila. Sinasabi nila, “Marumi at mabaho ang mga aso, at baka may mga virus pa!” Sinasabi Ko, “Napakaselan mo naman. Hindi ba’t gusto mo ang maliliit na hayop? Hindi ito tunay na pagkagusto sa mga ito.” Hindi ba’t napakamapagpaimbabaw ng gayong mga tao? (Oo.) Hindi nila itinuturing ang sarili nila bilang mga ordinaryong tao; iniisip nilang sila ay mararangal, may katayuan, at mga dakilang tao, kaya paano sila makikipag-ugnayan sa maliliit na hayop na ito na itinuturing ng mga tao na balewala? Kahit na hipuin nila ang mga ito gamit ang kanilang mga kamay, kailangan nilang magmadaling maghugas ng kanilang mga kamay at disimpektahin ang mga ito, at nagpapalit pa nga sila ng damit, at pag-uwi nila, agad silang naliligo. Umaabot sa ganitong antas ang pagiging malinis nila. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kakatwa ang gayong mga tao? Kung hindi mo talaga gusto ang maliliit na hayop, huwag kang magkunwari. Sa sandaling makita ng mga tao na nagkukunwari ka, malalaman nilang napakamapagpaimbabaw mo at hindi ka sinsero, masusuya sila tuwing makikita ka, at magkakaroon sila ng masamang impresyon sa iyo. Kung ayaw mo sa mga hayop, huwag na huwag kang magkunwari o sumubok na pagandahin ang iyong imahe. Habang lalo mong sinusubukang pagandahin ang iyong imahe, lalong iisipin ng mga tao na mas pangit at mas mababa ka. Labis na mas mainam ang maging matapat at totoo. Kung hindi mo kayang maging matapat at totoo, pinapatunayan nitong may problema sa iyong pagkatao. Ano’t anuman, ang pagiging normal at praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao ay isang katunayan, at ang Kanyang pagiging ordinaryo ay isa ring katunayan. Maraming tao ang nakakita sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Kanya at alam nilang ang mga ito ay mga katunayan. Ito ang mga katunayang pinakadapat ninyong maunawaan at malaman. Ang gayong ordinaryo at normal na tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at ito ay taliwas sa mga kuru-kuro ng mga tao. Kung kumilos Siya na tulad ng tiwaling sangkatauhan, nagyayabang kung gaano Siya naiiba sa iba gumawa man Siya ng malaki o maliit na bagay, at sinusubukang gawing katangi-tangi ang Kanyang sarili, iyon ay maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng mga tao. Sa isang banda, nariyan ang iba’t ibang pagpapamalas ng tiwaling sangkatauhan, at sa kabilang banda, nariyan ang Diyos na nagkatawang-tao na, sa kabila ng pagpapahayag ng napakaraming katotohanan, ay nagpapakita pa rin ng mga pagpapamalas na kasingnormal ng isang ordinaryong tao—alin sa mga uring ito ng pagpapamalas ang isang positibong bagay na pinakikinabangan ng mga tao? Alin ang isang negatibong bagay na kinamumuhian at tinatanggihan ng mga tao? Kaya na ba ninyong kilatisin ito ngayon kahit papaano? (Oo.) Kung gayon, hindi na natin kailangang magdetalye pa; ipagpatuloy natin ang paksa noong nakaraan.