Paano Hangarin ang Katotohanan (24) Ikalimang Bahagi
Hindi lamang mahigpit na sumusunod ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga kredo at prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay sa Kanyang buhay bilang tao, kundi mahigpit din Siyang sumusunod sa mga kredo at prinsipyong ito sa ministeryong Kanyang ginagampanan. Maraming taon na Akong gumagawa at nangangaral, at palagi na ninyong binabasa ang mga salitang Aking ibinabahagi. Sa pamamagitan ng iba’t ibang paksa, dapat ay naunawaan na ninyo ang Aking mga pananaw, paninindigan, at saloobin tungkol sa iba’t ibang isyu. Alam ninyo ito sa teorya, pero alam ba ninyo kung paano Ako umaasal at gumagawa ng mga bagay sa ministeryong Aking ginagampanan? Marahil alam lang ng ilan sa inyo na may mga ginawa Ako at alam ng ilan sa inyo kung anong mga pagpapamalas ang Aking ipinakita, pero pagdating sa mga partikular na usapin, baka hindi pa ninyo alam kung ano ang iniisip Ko sa Aking puso o kung ano ang Aking mga plano at balak. Kaya, magbibigay Ako ng maikling pagpapakilala. Pagdating sa usapin ng paggampan sa Aking ministeryo, sa pangkalahatan, sa gawaing kaya at dapat Kong gawin—at may kinalaman sa Aking ministeryo—ibinibigay Ko ang Aking buong makakaya, at hindi Ako nasasailalim sa anumang limitasyon. Wala Akong hinihingi mula sa inyo, at hindi rin Ako umaangkin ng papuri. Ginagawa Ko lang ang lahat ng posibleng paraan upang malinaw na maipaliwanag kung ano ang kaya Kong gawin, kung ano ang Aking nauunawaan, at kung ano ang Aking nalalaman. Para maipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay, kahit pa mahaba o nakakaabala ito, ginagawa Ko ang Aking buong makakaya para linawin ang mga ito. Nagsusumikap Akong umabot sa punto kung saan nararamdaman Ko sa Aking puso na naunawaan na ninyo at na naipaliwanag Ko na nang malinaw ang mga bagay-bagay, saka lamang Ako titigil sa pagsasalita, at magtatapos na roon ang paksa. Kung pakiramdam Ko ay masyadong kaunti ang Aking nasabi at baka hindi kayo nakaunawa, idedetalye Ko ito, magsasalita Ako nang higit pa, at sasabihin Ko pa nga ito nang paulit-ulit, sumusubok ng bawat posibleng paraan upang malinaw na maipaliwanag ang paksa. Hindi Ako natatakot na pagtawanan ninyo Ako—hindi Ako natatakot na pagtawanan ng ilang intelektuwal at sabihin nila, “Talagang napakahaba Mong magsalita!” Tinutupad Ko lang ang Aking responsabilidad batay sa mga prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay, ipinapaliwanag nang malinaw at payak ang mga salitang nilalayon Kong sabihin. Kung hindi maunawaan ng mga tao ang ilan sa mga salitang Aking ibinabahagi tungkol sa katotohanan, at pakiramdam nila ay hindi pa rin ito malinaw pagkatapos nilang marinig ang mga ito, magbibigay Ako ng halimbawa at magsasalita nang mas partikular. Bagama’t kailangan Kong magsabi ng maraming salita sa ganitong paraan, nakakaramdam ng pagkaubos ng lakas, pagkapagod ng isip, at panunuyo ng Aking bibig, kailangan Ko pa ring gawin ang bawat posibleng paraan upang malinaw na maipaliwanag ang mga bagay-bagay. Kung hindi kayo makakaunawa pagkatapos Kong magsalita sa pagkakataong iyon, magdaraos Ako ng isa pang pagtitipon. At ano ang kaakibat niyon? Ang pagdaraos ng isa pang pagtitipon at pagsasalita hanggang sa matuyo ang Aking bibig ay nangangahulugang Ako ay labis na mapapagod; nangangahulugan ito ng muling pagdanas ng pagkapagod. Pero hindi Ako puwedeng magpakatamad. Hindi Ko puwedeng iwasang pag-usapan ang paksang ito nang walang pagsasaalang-alang kung naunawaan na ba ninyo ito, dahil lang sa tinalakay Ko na ito noong nakaraan at natatakot Akong mapagod. Kailangan Kong subukan ang lahat ng posibleng paraan upang malinaw na maipaliwanag ang paksang ito. Tungkol naman sa kung kaya ba ninyong maunawaan, tanggapin, at isagawa ang katotohanan pagkatapos marinig ang mga salitang ito, nakasalalay iyon sa personal ninyong paghahangad; hindi Ko na pinakikialaman iyon. Gayumpaman, pagdating sa mga paksang gusto Kong talakayin at hindi Ko pa natatalakay, at sa mga responsabilidad na hindi Ko pa natutupad o sa mga pasaning hindi Ko pa naibababa, tiyak na kinakailangan Kong tapusin ang mga ito at pangasiwaan ang mga ito nang maayos, hanggang sa maramdaman Ko sa loob-loob Ko, “Malinaw na itong naipaliwanag ngayon. Natalakay Ko na ang lahat ng nakapaloob sa paksang ito. Kahit papaano man lang, alam na ninyo ito at nauunawaan ninyo ito.” Saka Ako makakaramdam ng kapanatagan sa loob-loob Ko. Maaaring ang pagdaraos ng ilan pang karagdagang pagtitipon para sa inyo ay magdudulot sa Akin ng matinding pagkapagod kaya hindi Ako makakatulog nang ilang araw, pero sa susunod na mangyari ito, ganito pa rin ang gagawin Kong pamamaraan. Hindi Ako magpapakatamad, na sinasabing, “Para maiwasang mapagod, hindi Ako magsasalita nang ganoon karami, at magbabawas Ako ng isang pagtitipon. Tapusin na natin ang paksang ito rito; hindi naman hinahangad ng karamihan sa mga tao ang katotohanan.” Hindi Ako magiging pabaya sa inyo, ni magiging pabaya sa ministeryong Aking ginagampanan. Kapag ginagawa Ko ito, hindi Ko kailanman sinasabi na hindi Ko dapat biguin ang Aking konsensiya, o hindi biguin ang mga kapatid na nakaupo rito at nakikinig sa Aking pangangaral nang ilang oras. Sa halip, natural at sa abot ng Aking makakaya ay ibinubuhos Ko sa inyo ang lahat ng dapat Kong gawin, gustong gawin, at gustong sabihin, tinutulutan kayong marinig ito at makamit ito. Hindi Ako nagpapakatamad, at hindi Ako kumikilos nang pabasta-basta. Kung hindi Ko maipaliwanag nang malinaw ang isang bagay sa unang pagkakataon, uulitin Ko ito nang dalawa o tatlong beses sa iba’t ibang paraan. Kahit pa mayroon kayong ilang opinyon tungkol sa Akin sa inyong puso o sabihin ninyong mahaba Akong magsalita, wala Akong pakialam. Hangga’t kaya Kong ipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay at makamit ang resulta, sapat na iyon. Kapag nagsasalita Ako, kumikilos Ako batay sa prinsipyo ng “paggawa ng mga bagay nang maayos at lubusan, pagtupad sa Aking responsabilidad, at pagbuhos sa inyo ng lahat ng nasa loob Ko.” Hindi Ako nagpapakatamad, o kumikilos nang pabasta-basta. Ito ang saloobin ng Diyos na nagkatawang-tao sa paggampan ng Kanyang ministeryo.
Para naman sa mga bagay na walang kinalaman sa Aking ministeryo, tulad ng paggabay sa inyo paminsan-minsan sa mga usaping saklaw ng inyong mga tungkulin, nasa labas ito ng Aking ministeryo. Baka hindi ninyo ito batid. Sa totoo lang, bukod sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan at paggabay sa inyo na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at pumasok sa katotohanang realidad, wala nang iba pang may kinalaman sa Akin; hindi ito ang nararapat Kong gawin. Hayaan ninyong linawin Ko ito sa inyo. Ang paggabay sa inyong gawain ay wala sa saklaw ng Aking ministeryo, at walang kinalaman sa Akin. Ayos lang kung gawin Ko man ang gawaing ito o hindi; iyon ay usapin ninyong mga tao. Ito ang unang pagkakataon na binanggit Ko ito—ang usapin ninyong mga tao. Ibig sabihin, ang inyong usapin, ang usapin ng mga tao, ay walang kinalaman sa Akin. Bakit Ko sinasabi ito? Ang ginagampanan ninyo ay ang inyong tungkulin, at ang ginagampanan Ko ay ang Aking ministeryo. Gumagawa Ako ng gawain, habang kayo ay gumagampan ng tungkulin; mayroong pagkakaiba. Tungkol sa paggabay sa inyo sa mga usaping saklaw ng inyong mga tungkulin, bukod sa pagbabahagi tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, kung tatanungin ninyo Ako tungkol sa mga propesyonal na kasanayan o iba’t ibang gawain, susubukan Ko ang Aking buong makakaya upang malinaw na maipahayag kung ano ang Aking nauunawaan, kung ano ang Aking naaarok, at ang mga prinsipyong Aking napanghawakan, upang malaman at maunawaan ninyo ang mga ito. Gagawin Ko ang Aking buong makakaya para turuan kayo at tulungan kayong matuto. Para sa mga bagay na hindi Ko alam, ipapahanap Ko sa inyo ang mga sanggunian, o kung mayroong sinuman sa inyo na may alam tungkol dito, kokonsultahin Ko siya, “Napag-aralan mo ang propesyong ito, kaya ano ang sinasabi tungkol sa usaping ito ng mga materyales sa pag-aaral sa industriya? Ano ang mga panuntunan sa larangang ito ng kaalaman? Hanapin natin ang mga prinsipyo rito, upang ang ating gawain ay mas bumagay sa panlasa at mapanuring mata ng mga propesyonal, upang hindi tayo kutyain o maging katawa-tawa, upang hindi tayo magmukhang hangal, at upang hindi tayo magdala ng kahihiyan sa sambahayan ng Diyos.” Tingnan mo, ang mga himno ng koro, mga musical, paggawa ng pelikula, pagsusulat ng iskrip, sining, pati na rin ang pagsasayaw, mga kasuotan, at iba pa na Aking ginagabayan—anumang aspekto ito ng propesyonal o di-propesyonal na gawain, hindi ito gawain na nasa saklaw ng ministeryong Aking ginagampanan. Ito ay inyong tungkulin. Ang pagtawag dito na “inyong tungkulin” ay nangangahulugang ito ay inyong usapin, at na dapat kayo ang mangasiwa rito, dahil ang mga usaping ito ay may kinalaman sa mga partikular na larangan ng kaalaman, at mga teknikal at propesyonal na isyu ng mga partikular na industriya, at ang mga ito ay mga bagay na kailangan ninyong matutunan. Kayo ang dapat mag-aral sa mga dapat ninyong pag-aralan, kayo ang dapat magtanong sa mga dapat ninyong itanong, at kayo ang dapat magsagawa sa mga dapat ninyong isagawa. Ito, sa katunayan, ay walang kinalaman sa Akin. Ang gawaing Aking ginagawa ay ang katawanin ang nagkatawang-taong laman ng Diyos sa pagpapahayag ng mga salita, at ang katawanin ang Diyos sa pagsasalita sa inyo at paggawa sa inyo. Para naman sa gawaing walang kinalaman sa Aking ministeryo, iyon ay usapin ninyong mga tao. Para sa gawaing ito, nagsaayos ang Diyos ng isang lider at pastol para akayin kayo, at nagtatag din ang sambahayan ng Diyos ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain at iba’t ibang atas administratibo at regulasyon. Dapat kayong mahigpit na sumunod sa mga pagsasaayos ng lider na itinatag ng Diyos para sa inyo—ang taong ginagamit ng Banal na Espiritu—at magpasakop sa kanyang pamumuno. At para naman sa anuman sa gawaing Aking ginagawa sa labas ng Aking ministeryo, saan iyon nabibilang? Ang lahat ng ito ay nabibilang bilang karagdagang gawain. Hindi Ko kailangang gumampan ng tungkulin. Gumagawa Ako ng gawain at gumagampan ng Aking ministeryo, at ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin. Samakatwid, kaya Kong gabayan ang inyong gawain, pero hindi ito ang nararapat Kong gawin. Kung iniisip ninyo, “Kailangan Mong gawin ang gawaing ito; ito ay Iyong gawain. Paanong magiging ayos lang na hindi Mo ito gawin? Kung hindi Mo ito gagawin, iaatang ko sa Iyo ang responsabilidad at ipagpipilitan ko ito sa Iyo,” kung gayon ay sinasabi Kong mali kayo. Hindi ninyo ito puwedeng iatang sa Akin. Iyon ay tungkulin ninyong mga tao. Kapag hindi ninyo nauunawaan ang isang bagay tungkol sa inyong tungkulin, dapat kayong makipagbahaginan, magtalakayan, at maghanap nang kayo-kayo lang. Kung tatanungin mo Ako, at pahihintulutan ng Aking mga sitwasyon sa panahong iyon, matutulungan kita. Kung wala Akong oras at hindi kita matutulungan, hindi Ko na iyon pananagutan. Kung ang ilan sa inyo ay gagamit ng baluktot na pangangatwiran, sinasabing ito ay ang dapat Kong gawin, kung gayon ay mali ka. Ito ang tungkuling dapat ninyong gawin, at wala itong kinalaman sa Akin. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, iyon ay pagiging iresponsable mo at kawalan mo ng katapatan. Kung hindi mo tutuparin nang maayos ang iyong tungkulin at susubukan mong ipasa sa Akin ang responsabilidad, isa itong pagpapamalas ng kawalan ng katwiran, at nakikita ito ng Diyos bilang lubhang kasuklam-suklam. Gayumpaman, kung nakikita Kong talagang hindi ninyo kayang gawin ang isang bagay, na hindi ninyo ito abot, at na hindi ninyo alam ang mga prinsipyo para sa paggawa ng gawaing ito, kailangan Kong tumulong, magbigay sa inyo ng isa o dalawang halimbawa, at kailangan Ko kayong ilagay sa tamang landas. Kung hindi pa rin ninyo ito magawa, at hindi pinapahintulutan ng Aking mga sitwasyon na gawin Ko ito, o hindi Ko rin ito magawa, ang tanging magagawa natin ay itigil ang aytem na ito ng gawain. Iyon lang ang magagawa natin—sino ba ang masisisi kung masyadong limitado ang inyong mga abilidad at napakahina ng inyong kakayahan? Pero kung gagampanan Ko nga ang isang aytem ng gawain, gagampanan Ko ito sa abot ng Aking makakaya. Kung alam Ko kung paano gawin ang isang bagay, sasabihin Ko iyon sa inyo, at ipapaalam Ko rin sa inyo kung ano ang hindi Ko alam gawin. Para sa mga bahaging hindi Ko alam, kokonsultahin Ko kayo. Kung hindi rin ninyo alam, magbubulay-bulay, mag-iisip, at maghahanap Ako nang mag-isa. Sa sandaling makaisip Ako ng isang landas, ilang ideya, at ilang palatandaan na susundan, magbabahagi Ako sa inyo, nagsusumikap na gawin ang Aking buong makakaya upang gawin ang gawaing ito nang maayos at lubusan. Sa isang banda, ito ay pagkakaroon ng pananagutan sa gawain. Sa kabilang banda, tinutulutan kayo nitong matuto ng isang bagay sa proseso ng Aking paggabay sa inyo. Natututunan ninyo ang mga prinsipyong kailangang maarok at ang mga katotohanang kailangang maunawaan para sa aspektong ito ng propesyonal na gawain. May ilang tao na, bagama’t nakakaunawa ng kaunting propesyonal na kaalaman, ay hindi makagawa ng isang tapos na produkto, kaya ginagabayan Ko sila. Pagkatapos itong magawa, nakakaramdam pa rin Ako ng kawalang-katiyakan tungkol dito, kaya pinapakonsulta Ko sila sa isang eksperto sa industriya, at ipinapasuri ito sa eksperto. Kung sasabihin ng eksperto na ang paggawa nito sa ganitong paraan ay sumusunod sa mga pamantayan ng industriya at hindi tayo nagiging katawa-tawa tungkol dito, ipagpapatuloy natin ang hakbang na ito. Kung sasabihin ng eksperto na mukhang ginawa ito ng isang baguhan, na ito ay mukhang nakakahiya, hindi tama, at hindi pasok sa mga pamantayan, agad nating sasabihan ang eksperto na gumawa ng ilang pagbabago rito. Hindi tayo puwedeng maging mapagmagaling, hindi tayo puwedeng magkunwaring nauunawaan natin ang isang bagay kung hindi naman, at kailangan mayroon tayong kamalayan sa sarili. Hindi natin dapat linlangin ang ating sarili; kailangan nating seryosohin ang mga bagay-bagay, nagsusumikap na magkamit ng isang bagay sa usapin ng mga propesyonal na kasanayan pagkatapos tapusin ang isang aytem ng gawain. Samakatwid, kapag ginagawa ang ganitong uri ng bagay, kahit pa isa Akong baguhan pagdating sa mga propesyonal na kasanayan at hindi Ako masyadong nakakaunawa, gagawin Ko pa rin ang Aking buong makakaya. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ginagabayan Mo pa rin sila kahit kapag hindi Ka nakakaunawa?” Ito ay dahil may limitadong mga propesyonal na kasanayan ang mga taong ito; talagang wala silang pagkamalikhain o magagandang ideya pagdating sa mga masining na produksiyong may kinalaman sa mga propesyonal na kasanayan. Mayroon Akong kaunting kalakasan sa larangang ito at mayroon Akong ilang ideya, kaya ibinibigay Ko ang mga ito sa mga taong ito na may kaunting pundasyon o kaunting sentido kumon sa isang partikular na propesyon, at iniisip ng lahat ng taong ito na napakaganda ng mga ideya Kong ito. Dahil nakikita Kong iniisip nilang napakaganda ng Aking mga ideya, nagpapatuloy Ako at ginagabayan sila nang “mapangahas,” at ang ilan sa mga gawaing ginagabayan Ko sa ganitong paraan ay puwede na. Hindi Ako nagiging walang kahihiyan sa pagsasabi niyon; ang “puwede na” na ito ay may batayan—sinasabi Ko lang ito dahil ang mga ito ay nakita na ng mga eksperto sa industriya at sinabi nilang puwede na ang mga ito. Ang “puwede na” na ito ay hindi nangangahulugang napakaganda ng mga ito o umabot na sa isang propesyonal na pamantayan, kundi kahit papaano man lang, bineripika ng mga eksperto na balido ang mga ito, at kaya nakakaramdam Ako ng kapanatagan. Sa ngayon, iniisip ng karamihan sa mga tao na ang ilang gawaing Aking ginabayan ay puwede na, at lumalabas na ang ilan sa mga ito ay nanalo pa nga ng mga parangal sa ilang kompetisyon, hindi ba? (Oo.) Anumang aspekto ng gawain o anumang uri ng bagay ang Aking ginagawa, hangga’t mayroon Akong ilang kaisipan at ideya, o pakiramdam Ko ay mayroon Akong magandang malikhaing konsepto, talagang magsasalita Ako. Susubukan Ko ang lahat ng posibleng paraan upang tumulong ang mga kapatid na ilapat ang mga ideyang ito sa produksiyon, upang mas maraming tao ang maging handang tingnan ito. Ang resulta ay naipapakalat nang higit, mas mabuti, at mas malawak ang gawain ng Diyos at ang mga salita ng Diyos—sa gayon ay nakakamit ang ating layon. Tungkol naman sa mga paraan at metodo ng paggawa Ko ng mga bagay-bagay, nakabatay pa rin ang mga ito sa mga prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Kapag gumagawa Ako ng mga bagay-bagay, tahimik Akong kumikilos, at ginagawa Ko ang lahat ng pagsisikap upang tapusin ang gampanin at gawin ito nang maayos. Sa sandaling makompleto at mai-upload ang gawain, tapos na ang yugtong iyon.
Ang mga bagay na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa loob ng saklaw ng ministeryong Kanyang ginagampanan ay nakabatay sa Kanyang mga prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Kapag gumagawa ng mga bagay sa labas ng saklaw na ito, hindi rin Siya lumilihis mula sa mga prinsipyong ito; umaasal din Siya nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na gumagawa ng mga bagay. Para sa mga problemang nakikita at natutuklasan Ko, ipinaparating Ko ang mga ito sa pamamagitan ng iba, o personal Akong nakikibahagi upang magbigay ng gabay at pagwawasto, at upang tumulong na lutasin ang mga ito. Sa madaling salita, pagdating sa mga bagay na maaari ninyong makasalamuha o narinig na ninyo sa inyong mga tunay na buhay, sa pangkalahatan ay pinangangasiwaan Ko ang lahat, anuman ito, batay sa gayong prinsipyo. Higit pa rito, hindi Ko pinag-iiba ang malalaki at maliliit na usapin. Pag-aalaga man ito ng mga pusa, pag-aalaga ng mga aso, pagtatayo ng mga kulungan ng baboy, pagtatayo ng mga kulungan ng tupa, o pagluluto, paggawa ng mga damit, o maging paglilinis, nakikibahagi Ako sa anumang nakikita Ko. Kapag nakikita Kong may ginagawa kayong mali, pinapatnubayan at iwinawasto Ko kayo. Iyong mga may puso ay makikinig at tatanggapin ito, habang iyong mga walang puso ay hindi makikinig at tatanggap. Pagkatapos, tinitingnan Ko kung sino ang nakikinig at nakakasunod sa Aking mga tagubilin, at ginagamit Ko sila. Sa paglipas ng mga taon ng pakikisalamuha sa inyo, ganito Ko ginagawa ang mga bagay-bagay. Pagkatapos sabihin sa inyo kung ano ang gagawin, patuloy Akong sumusubaybay hanggang sa matapos ang usapin at magawa ito nang maayos. Bagama’t maraming bagay ang hindi Ko ginagawa gamit ang sarili Kong mga kamay, palaging nakatuon ang Aking puso sa anumang sinusubaybayan Ko; hindi kailanman nililisan ng Aking puso ang mga bagay na ito. Kung may kailangang pangasiwaan nang apurahan at mabilis, gumagawa Ako mula bukang-liwayway hanggang dapithapon at hanggang sa kalaliman ng gabi para matapos ito, patuloy na sumusubaybay, nangangasiwa, at nagpapatnubay. Pero dahil sa Aking pisikal na kondisyon, gaya ng maiisip ninyo, labis na nakakapagod ang paggawa ng gawaing ito. Sa sandaling matapos na ito, tumitigil na Ako sa pagpunta roon. Kalaunan, may nakakapansin at nagsasabing, “Inorganisa ng Diyos ang mga bagay-bagay rito nang napakaayos para sa atin, pero hindi Niya ito natatamasa; tayo ang nakakatamasa ng lahat ng ito.” Sinasabi Ko na hangga’t natatamasa ninyo ito, sapat na iyon. Sa sandaling maayos na ang mga bagay-bagay para sa inyo, at angkop na ang lahat para sa inyo sa usapin ng inyong buhay at paggampan ng inyong mga tungkulin, hindi Ko na kailangang pagkaabalahan ang mga bagay na ito. Sa totoo lang, ang trabaho ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos ng katotohanan; ang ibang gawain ay walang kinalaman sa Akin. Pero sa paglipas ng mga taon na ito, bukod sa paggawa ng Aking gawain, naging abala rin Ako sa pagtulong sa inyo na lutasin ang mga problemang mayroon kayo sa paggampan ng inyong mga tungkulin, na kinailangan Ko ring pagsikapan nang husto. Bagama’t maraming gawain ang hindi nakaatang sa Akin, at maraming bagay na hindi Ko pa nagagawa noon—dahil hindi Ko kailanman sistematikong natutunan ang ilang uri ng kaalaman o kasanayan, o napangasiwaan ang mga bagay na ito sa buhay—hindi Ako tumayo lang sa isang tabi at walang ginawa habang nahaharap ang iglesia at ang sambahayan ng Diyos sa iba’t ibang bagay. Sa halip, ginagawa Ko ang Aking buong makakaya upang gabayan at tulungan kayong lahat, at pagdating sa mga usapin sa pang-araw-araw na buhay, ginagawa Ko rin ang lahat ng Aking makakaya upang maayos ang mga bagay-bagay para sa inyo. Kumikilos mula sa perspektiba ng pagkatao, ginagawa Ko ang Aking makakaya. Kung may nakikita Akong kailangang gawin at hindi Ko ito ginagawa, hindi Ako napapalagay sa loob-loob Ko. Kung nakakatuklas Ako ng problema at hindi Ko ito iwinawasto, hindi Ako napapalagay sa loob-loob Ko. Kung may gawaing walang nakakaalam kung paano gawin, at mayroon Akong mga ideya at kaya Ko itong gawin, pero hindi Ko ito ginagawa, hindi Ako napapalagay sa loob-loob Ko. Kaya, kailangan Ko lang kumilos. Samakatwid, sa panlabas, tila bukod sa pagsasalita at pangangaral, wala na Akong ibang ginawa. Pero labis Akong nagsumikap alang-alang sa inyong mga pang-araw-araw na buhay at sa mga pangunahing pangangailangan na kailangan ninyo para gampanan ang inyong mga tungkulin. Napakahina ng kakayahan ng karamihan sa mga tao na hindi man lang nila magawa nang maayos ang mga bagay na ito, kaya kailangan Kong pag-isipan kung paano kayo gagabayan. Bagama’t mukha Akong karaniwan at hindi Ako isang mahalagang tao, at hindi Ako nakatanggap ng anumang uri ng pagsasanay sa lipunan, pagdating sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tauhan na gumagampan ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, mula nang una Ko kayong makasalamuha hanggang ngayon, wala ni isang aspekto ng inyong pangunahing kapaligiran sa pamumuhay, mga kondisyon sa pamumuhay, at mga pang-araw-araw na pangangailangan ang hindi Ko pinagsumikapan. Gamitin nating halimbawa ang pagtatanim ng mga gulay sa bukid. Noong una, nang makita Kong karamihan sa mga tao sa bukid ay nanirahan sa kanayunan at gumawa ng gawain ng pagtatanim nang ilang taon, pumili Ako ng ilang tao na marunong magtanim para akuin ang gawaing ito. Sinabi Ko sa kanila kung anong mga gulay ang itatanim sa kung anong panahon at kung paano itatanim ang mga ito, iniisip na hindi Ko na kakailanganing mag-alala tungkol dito pagkatapos niyon. Pero pagkaraan ng ilang panahon, pumunta Ako sa bukid at nakita Kong ganap na magulo ang lahat. Hindi makayanan ng superbisor ang responsabilidad, at hindi rin makagawa nang maayos ang mga manggagawa. Sa huli, wala Akong magawa kundi ang makibahagi, sumubaybay, at patnubayan sila nang unti-unti. Mula sa pagpili at pagbili ng mga buto hanggang sa pag-alam kung gaano karami ang itatanim at kung paano pipiliin ang lupa, pati na rin kung ano ang itatanim sa bawat panahon, gaano karami ang itatanim, paano ito itatanim, sino ang dapat maging responsable sa pagtatanim, paano maglalagay ng pataba, at anong mga bagay ang dapat bantayan, ipinaliwanag Ko nang malinaw ang lahat sa kanila. Personal Ko silang pinatnubayan nang ganito; kulang na lang ay ipagluto at pakainin Ko sila, ginawa Ko ang lahat. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t tinatrato Mo sila na parang mga tatlong taong gulang na bata?” Sa katunayan, ganoon nga talaga iyon. Ang mga taong ito ay tila mga nasa hustong gulang na lahat, pero talagang hindi nila kayang pasanin ang mga responsabilidad na ito. Kinailangan Ko lang silang akayin at personal na patnubayan at turuan sa ganitong paraan bago tuluyang maging maayos ang mga bagay-bagay. Kalaunan, ang lahat ng taong gumagampan ng kanilang mga tungkulin ay nakakain na ng butil at gulay na sila mismo ang nagtanim. Sa tag-araw, nakakakain din sila ng ilang prutas, at sa taglamig, nakakakain sila ng mga gulay na inimbak nila. Kung hindi nakibahagi ang ang Itaas at hindi tiningnan ang gawaing ito, at hinayaan na lang ang mga tao sa ibaba na gawin ito, nagkagulo-gulo sana ang lahat ng ito. Ano’t anuman, ano ang katunayang sinasabi Ko sa inyo? Marami Akong nagawang bagay nang hindi sinasabi ang mga ito, pero ang mga bagay na sinasabi Ko ay tiyak na ang mga nagawa Ko.
Nagbabahagi Ako tungkol sa mga bagay na ito hindi para sabihin sa inyo kung gaano karaming bagay ang Aking nagawa, kung gaano katinding pagkapagod ang Aking dinanas, o ang laki ng Aking pagsisikap para sa inyong kapakanan. Hindi na kailangang pag-usapan ang mga bagay na ito. Kaya ano ang sinasabi Ko sa inyo? Ang Diyos na nagkatawang-tao ay pumaparito sa mundong ito ng mga tao upang katawanin ang Diyos sa paggawa ng gawain. Ang Kanyang trabaho ay ang ministeryong Kanyang ginagampanan. Sa yugtong ito ng mga huling araw, ang Kanyang trabaho ay ang bigyan ang mga tao ng lahat ng katotohanang kailangan nila upang matamo ang kaligtasan. Sa ministeryong Kanyang ginagampanan, mahigpit Siyang sumusunod sa mga kredo at prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Sa labas nito, sa Kanyang buhay bilang tao at pagdating sa Kanyang mga pagpapamalas ng pagkatao, hindi rin Niya nilampasan ang mga prinsipyo at kredong ito. Paggabay man ito sa inyo sa paggampan ng inyong mga tungkulin o pagtulong sa inyo na pangasiwaan ang iba’t ibang usapin tungkol sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay, kumikilos Ako batay sa mga prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Hindi Ako kailanman sumisigaw ng mga islogan o nagsasalita nang may pagmamalaki, at hindi Ako kailanman nag-uutos nang bulag; ginagawa Ko lang ang mga bagay nang praktikal. Hanggang sa anong antas Ko ito ginagawa? Halimbawa, noong pinapatnubayan ang pagtatanim sa bukid, ipinalista Ko sa kanila ang lahat ng uri ng gulay na alam nila, kung ano ang mga pangalan ng mga gulay na iyon, ano ang hitsura ng mga ito, gaano katagal ang panahon ng paglaki ng mga ito, at aling uri ang pinakamainam at pinakaangkop para sa lokal na pagtatanim. Batay sa Aking nalalaman, pumili Ako ng isa o dalawang uri ng bawat gulay, nagpasya kung sino ang magiging responsable sa pagtatanim ng mga ito, at sa huli ay ginawa ito upang makakain ang lahat ng sariwang gulay sa bawat panahon. Hindi Ako kailanman sumisigaw ng mga islogan, sinasabing, “Napakamasustansiya ng gulay na ito. Labis na nakikinabang ang mga tao sa pagkain nito. Ang ganito at ganyan ay isang siyentipikong paraan ng pagtatanim nito.” Hindi Ako kailanman nag-aral ng nutrisyon, at hindi Ko rin nauunawaan ang pagsasaka. Ano ang alam Ko? Alam Ko kung paano piliin ang uri ng gulay na angkop itanim sa isang partikular na lokasyon, upang pagkatapos nitong lumaki, masarap ang lasa nito, handa ang lahat na kainin ito, at hindi ito itinanim nang walang saysay—ganito lang kapraktikal ang Aking pamamaraan. Ang lahat ng ito ay pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Ang mga ito ang mga prinsipyo at kredong Aking sinusunod; ganito Ako umasal sa paglipas ng mga taon. Hindi Ako kailanman sumisigaw ng mga islogan, at hindi Ko kailangan ang inyong pasasalamat. Hangga’t angkop ang inyong pagkain at tirahan, at hindi ganap na magulo ang mga bagay-bagay, nakakaramdam Ako ng kapanatagan. Kapag walang sinumang nang-aabala o nanggugulo, at mukhang malinis kahit saan, maayos na naitanim ang mga butil at gulay, maayos na naaalagaan ang mga baboy, tupa, at iba pang alagang hayop, at napakamaayos ng lahat ng iba pang lugar, kung saan hindi na problema ang mga pangunahing pangangailangan para sa karamihan ng mga taong gumagampan ng kanilang mga tungkulin, maaari na Akong tumigil sa pag-aalala. Ang Aking mga hinihingi sa usaping ito ay hindi mahigpit. Tingnan ninyo, sumigaw ba Ako kailanman ng mga islogan kapag ginagabayan kayo sa anumang gawain o sa mga isyung may kinalaman sa inyong mga pangunahing pangangailangan? Hindi Ako kailanman sumigaw ng mga islogan. Pagkatapos Kong maayos ang mga bagay-bagay para sa inyo, naghahanap Ako ng mga angkop na tao upang ipatupad ang gawain. Kung hindi angkop ang mga taong nahanap at hindi maipatupad ang gawain, pinapalitan sila. Kapag naipatupad na sa wakas ang gawain, at angkop nang napangasiwaan ang karamihan sa mga bagay, at maayos nang naisaayos ang mga pangunahing pangangailangan ng mga tauhan na gumagampan ng kanilang mga tungkulin, saka Ko lang maaaring itigil ang Aking gawaing pantao, hindi Ko na kailangang magsikap sa usaping ito. Palagi pa ring nagtatanong sa Akin ang ilang tao tungkol sa di-mahahalagang usapin. Sinasabi ng isang tao, “Ano ang dapat naming gawin kung hindi makasuso ang bagong silang na tupa?” Sinasabi naman ng isa pa, “Ano ang dapat naming gawin kung palaging lumiliit ang mga damit na ginagawa namin?” Kailangan ninyong alamin kung paano lutasin ang mga bagay na ito nang kayo lang; iyon ay usapin ninyo, at wala itong kinalaman sa Akin. Kahit kapag nagbabahagi tungkol sa katotohanan, isang beses Ko lang itong sinasabi. May mga audio recording ng mga sermon at pagbabahaginan. Kung hindi ninyo nauunawaan, maaari ninyong pakinggan ang mga ito nang ilang beses pa, at maglaan kayo ng oras upang magbulay-bulay, maghanap, at magbahaginan. Kung, batay rito, medyo nalilito pa rin kayo tungkol sa ilang isyu at hindi ninyo alam kung paano pangasiwaan ang mga ito, maaari nating pagbahaginan ang mga ito kapag nagkita tayo. Pero pagdating sa kung ano ang makakamit ng mga tao, pinakamabuti para sa inyo na pangasiwaan ang mga gayong bagay nang kayo lang. Nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay para sa mga tao—ang araw, buwan, mga bituin, tubig, hangin, sikat ng araw, pagkain, pati na rin ang iba’t ibang kapaligiran at mga buhay na bagay na kailangan ng mga tao, pagkatapos ay inilagay Niya ang mga tao sa lupa. Pinapanatili ng Diyos ang mga batas ng paglaki at operasyon ng lahat ng bagay para sa mga tao, at pinapanatili ang mga kapaligiran sa pamumuhay ng mga tao—nasa mga tao na kung paano talaga sila mamumuhay. Para naman sa kung anong mga bagay ang itatanim sa anong panahon, kailan aanihin ang mga ito, paano iimbakin ang mga ito pagkatapos ng anihan, anong mga pamamaraan ang gagamitin kapag ginagawa ang mga itong pagkain, ano ang mas maraming kakainin, ano ang mas kaunting kakainin, ano ang kakainin sa anong panahon, gaano karami ang kakainin araw-araw—iyon ay sariling usapin na ninyo. Ngayong napakalinaw nang naibahagi ang katotohanan, at maayos nang naisaayos para sa inyo ang mga usapin tungkol sa buhay, kung hihilingin pa rin ninyo sa Akin na tulungan kayong gawin ang ganito at ganyan, at hahanapin pa rin ninyo Ako upang magbahagi sa inyo tungkol sa ganito at ganyan, kung gayon ay labis kayong walang katwiran. Tungkol naman sa mga naibahagi Ko na, sinasabi Ko sa inyo na pangasiwaan at lutasin ang mga bagay na ito nang kayo-kayo lang. Ang iglesia ay may mga lider sa lahat ng antas, at mayroon ding taong ginagamit ng Banal na Espiritu upang akayin kayo. Dapat kayo mismo ang maghanap at lumutas ng mga bagay-bagay; huwag kayong lumapit sa Akin para sa lahat ng bagay. Ang dahilan ay nasabi Ko na ang lahat ng dapat sabihin, naisaayos Ko pa nga ang inyong mga pangunahing pangangailangan para sa inyo, at pagdating sa di-mahahalagang usaping iyon, hindi ang mga iyon ang dapat Kong lutasin, kundi sariling usapin ninyo ang mga iyon, at dapat kayo mismo ang mangasiwa sa mga ito.
Gaano man karaming salita ang sabihin ng Diyos na nagkatawang-tao o gaano man karaming bagay ang Kanyang gawin, kinakailangang malaman ng mga tao na ang pinakamahalagang punto tungkol sa pagiging normal at pagiging praktikal, at sa kababaang-loob at pagiging tago, ng Diyos na nagkatawang-tao, ay ito: Namumuhay man ang Diyos na nagkatawang-tao sa gitna ng mga tao o gumagampan ng Kanyang ministeryo, ang mga pinakapangunahing kredo at prinsipyo ng Kanyang pagkatao, na isinasabuhay ng Kanyang laman, ay ang pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Nasasalamin ito sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, at natural, nasasalamin din ito sa Diyos na nagtataglay ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, ang Diyos sa Kanyang likas na pagkakakilanlan. Siyempre, sa kaso ng Diyos, hindi ito tinatawag na “pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan,” pero kahit papaano man lang, sa paraan ng paggawa ng Diyos ng mga bagay-bagay, at sa paraan ng Kanyang pagtrato sa mga tao at mga bagay, tiyak na mahigpit din Siyang sumusunod sa mga prinsipyong ito. Ito ay kapwa kung ano ang mga tinataglay ng pagkatao at kung ano ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, at kung ano ang mga tinataglay ng pagka-Diyos at kung ano ang pagka-Diyos ng Diyos sa Kanyang likas na pagkakakilanlan. Ang mga tinataglay ng Kanyang pagkatao at kung ano ang Kanyang pagkatao ay kinapapalooban ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay, habang ang diwa ng Diyos sa Kanyang likas na pagkakakilanlan ay kinapapalooban ng pagtrato ng Diyos sa mga tao nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Hindi na natin masyadong pag-uusapan pa ang tungkol dito. Anuman ang perspektiba mo—pagdating sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, sa kataas-taasang kapangyarihan at gabay ng Diyos sa sangkatauhan, mula sa malalaking usapin hanggang sa maliliit, at mula sa malalawak hanggang sa maliliit na detalye—ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay nang sumusunod sa mga panuntunan at nang tapat. Noong hindi pa nagkakatawang-tao ang Diyos, nakatago Siya sa gitna ng lahat ng bagay. Bagama’t hindi nakita ng sangkatauhan ang pigura ng Diyos o ang tunay na mukha ng Diyos, palagi nang inaakay ng Diyos ang buong sangkatauhan. Palagi rin Niyang ginagawa ang bawat isang bagay, pinamamahalaan ang bawat isang bagay, at may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa bawat isang bagay sa sansinukob sa praktikal na paraan; walang anumang hungkag sa Kanyang ginagawa. Siyempre, wala ni isang bagay na ginawa ng mga kamay ng Diyos ang nananatili sa antas ng mga teorya o islogan. Sa halip, sa bawat isang bagay na ginagawa ng Diyos—nauunawaan mo man ito o hindi, nakikita mo man ito o hindi—ginagawa Niya ito nang sumusunod sa mga panuntunan at nang tapat. Ginagawa Niya nang praktikal ang gawaing nilalayon Niyang gawin. Hindi Siya kailanman gumagawa ng mga pagpapahayag o binibigyang-katwiran ang Kanyang sarili sa mga tao, at hindi rin Siya sumisigaw ng anumang islogan. Sa halip, palagi Siyang gumagawa ng mga pagbigkas at nagsasalita, praktikal na inaakay at tinutustusan ang buong sangkatauhan. Ito rin ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Ang mga tinataglay ng Diyos na nagkatawang-tao at ang Kanyang pagiging Diyos ay tiyak na hindi mahihiwalay o sasalungat sa mga tinataglay ng Diyos Mismo at sa Kanyang pagiging Diyos. Samakatwid, pagkatapos malaman ng mga tao kung ano ang mga tinataglay ng Diyos na nagkatawang-tao at ang Kanyang pagiging Diyos, o malaman ang mga kredo at prinsipyo ng sariling asal na sinusunod ng Diyos na nagkatawang-tao, sa malaking bahagi ay makikilala nila ang diwa ng Diyos sa Kanyang likas na pagkakakilanlan, at kung ano ang mga tinataglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos. Bilang resulta, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos sa langit ay mababawasan hanggang sa isang partikular na antas, at ang kanilang pagkakilala, pag-unawa, o mga pananaw sa Diyos ay magiging mas praktikal. Sa relatibong pananalita, magagawa rin nilang tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao nang mas tumpak, obhetibo, at makatwiran, sa halip na kondenahin kung ano ang mga tinataglay ng Kanyang pagkatao at kung ano ang Kanyang pagkatao, o hamakin o balewalain kung ano ang mga tinataglay ng Kanyang pagkatao at kung ano ang Kanyang pagkatao. Sa halip, sa isang banda, magagawa nilang tratuhin ito nang tama, at sa kabilang banda, mas magagawa pa nila—sa pamamagitan ng kung ano ang mga tinataglay ng Kanyang pagkatao at kung ano ang Kanyang pagkatao—na makita kung ano ang mga tinataglay ng Kanyang pagka-Diyos at kung ano ang Kanyang pagka-Diyos, kaya mas tumpak na makikilala kapwa ang Diyos sa langit at ang Diyos sa lupa.
Sige, tatapusin natin dito ngayon ang ating pagbabahaginan sa paksang ito. Paalam!
Agosto 10, 2024