Paano Hangarin ang Katotohanan (24) Ikatlong Bahagi

Sa Kanyang buhay, hindi maiiwasang makisalamuha at makisama ng nagkatawang-taong Diyos sa mga tao, kabilang na ang ilang kapatid na nananampalataya sa Diyos, gayundin ang ilang walang pananampalataya. Kapag nakikisalamuha sa mga kapatid na nananampalataya sa Diyos, siyempre ay mayroon din Siyang ilang prinsipyo para sa pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay pagdating sa pagkatao. Bagama’t hindi Siya mahigpit na sumusunod sa mga panuntunan ng kagandahang-asal at pagtanaw ng utang na loob at sa mga kalakaran ng mundo, pagdating sa pakikipagpalitan ng pabor, nagsisikap Siyang hindi manamantala sa iba o maghanap ng pribilehiyo para sa Kanyang sarili. Kapag ginugugol ng ilang kapatid ang ilan sa kanilang lakas at oras sa pag-aasikaso ng mga personal na usapin para sa Akin, hahanap Ako ng pagkakataon na bigyan sila ng maliit na regalo, bisitahin sila, ilibre sila ng pagkain, o gumawa ng iba pang bagay. Hindi ito panunuhol; ito ay kagandahang-asal at pagtanaw ng utang na loob, at hindi pananamantala sa iba. Para naman sa mga kapatid na wala pa Akong anumang pribadong pakikipag-ugnayan, hindi Ako kailanman nagbigay ng mga regalo sa sinuman sa kanila nang dahil lang sa mayroon silang katayuan o nakapag-ambag sila sa sambahayan ng Diyos, at hindi rin Ako nagbigay sa sinuman sa kanila ng mga bagay o espesyal na pagtrato dahil pinahahalagahan Ko sila o mayroon Akong maayos na ugnayan sa kanila. Hindi kailanman nangyari ang gayong mga bagay. Sa madaling salita, kapag nakikisama at nakikisalamuha sa mga tao, nagsisikap Akong hindi manamantala sa kanila o maghanap ng pribilehiyo para sa Aking sarili. Hindi magiging dahilan ang Aking espesyal na pagkakakilanlan para isipin Kong, “Paano man kita gamitin ay angkop lang, at dapat mo itong tanggapin; isa itong pagtataas sa iyo.” Hindi Ako mag-iisip nang ganito. Kung mag-aasikaso ka ng ilang personal na usapin para sa Akin, mga usaping labas sa gawain ng iglesia, tatandaan Ko ang pabor na ito at susuklian kita. Sa batayang ito, makikipagpalitan Ako ng pabor sa iyo. Lalong tiyak na pagdating sa mga walang pananampalataya—kung may inasikaso ang isang walang pananampalataya para sa Akin at gumastos siya ng partikular na halaga ng pera, una sa lahat, titiyakin Kong hindi Ako magkakaroon ng pinansyal na pagkakautang sa kanya. Hindi Ko siya hahayaang magbayad mula sa sarili niyang bulsa; bibigyan Ko siya kung magkano man ang kailangang pera. Dagdag pa rito, sa pag-aasikaso ng usaping ito para sa Akin ay labis siyang nag-abala, nagpakapagod nang husto, at nagparoo’t parito, kaya dapat Ko siyang bigyan ng regalo bilang kagandahang-asal, bigyan ng kaunting kompensasyon para sa pabor, at hindi samantalahin. Ginagawa niya ang gawaing ito at ito ang ikinabubuhay niya; hindi Ko siya puwedeng hayaang malugi o magbayad ng pera mula sa sarili niyang bulsa dahil may inasikaso siya para sa Akin. Hindi iyon magiging angkop. Kaya, hindi Ako naghahanap ng pribilehiyo para sa Aking sarili sa gayong mga usapin. Siyempre, hindi ito pagsunod sa mga panuntunan ng laro; kundi dapat lang sumunod ang isang tao sa mga pinakapangunahing kalakaran ng mundo at sa kagandahang-asal at pagtanaw ng utang na loob; walang mga eksepsiyon ang maaaring gawin sa usaping ito. Kung sasabihan mo ang isang tao na mag-asikaso ng isang usapin at hindi mo siya babayaran, at palagi mong sinusubukang manamantala sa kanya, isa itong pagpapamalas ng kawalan ng integridad. Ano ang Aking mga prinsipyo sa mga usaping ito? Kung may gusto kang ipagawa, at angkop ang planong ibinibigay niya at kaya mong bayaran ang presyo niya, ituloy mo ito. Kung hindi mo ito kayang bayaran, huwag mo itong ituloy; humanap ka ng mas murang gagawa nito. Gawin mo lang kung ano ang kaya mong bayaran. Huwag mong akuin ang higit sa iyong makakaya, at huwag mong isipin kung paano ka makapananamantala ng iba. Kung wala kang pinansyal na kakayahan para maasikaso ito, manghiram ka ng pera, umutang ka, o maghintay ka hanggang sa kumita ka ng sapat na pera para magawa ito. Sa madaling salita, gumawa ka ng sarili mong paraan; hindi ka puwedeng manamantala ng iba. Kung ito ang kabuhayan nila, kung ito ang propesyon nila, kapag may inasikaso sila para sa iyo, dapat mong tuparin ang pangako mo at bayaran mo sila. Ito ay ganap na likas at may katwiran. Ang hindi pananamantala ng iba, hindi panlilinlang ng iba, hindi pagkakautang sa iba, hindi pag-asal nang walang-hiya, at hindi pagkakaroon ng mga utang—ito ay tinatawag na pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan. Kapag nahihirapan ka, huwag mong ibuhos ang mga problema mo sa iba; kapag mahirap ka, huwag kang manamantala ng iba; kapag mayaman ka, huwag mong ipagmayabang ang yaman mo; at huwag kang magmalaki dahil sa iyong pagkakakilanlan at katayuan. Ito ang Aking kredo sa pakikisalamuha sa mga tao at pagharap sa mga usapin. Halimbawa, minsan ay hahanap Ako ng isang tao para mag-asikaso ng isang bagay para sa Akin. Sabihin na nating karaniwan ay nagkakahalaga lang ito ng isang libong dolyar, pero nanghihingi siya ng limang libo. Bagama’t kaya Ko itong bayaran, hindi Ko tatanggapin na madaya nang ganito. Gumagastos Ako kung magkano man ang karaniwang kailangan para magawa ito, at hindi Ako nakikipagtawaran sa mga tao. Kung hindi Ko ito kayang bayaran, hahanap Ako ng mas mura. Hinding-hindi Ako aasal nang walang kahihiyan, at hindi Ko rin sasabihing mahirap Ako para pababain nila ang presyo; hindi Ako kailanman nagsasabi ng gayong mga bagay. Nagbibigay Ako kung magkano man ang kailangang pera para maasikaso ito, nagbabayad ayon sa presyo ng merkado at kumikilos ayon sa mga panuntunan. Sadyang ganito Ako kahigpit. Ang ilang mayamang tao ay partikular na pasikat at hambog. Nagsusuot sila ng mga mamahaling tatak, mga diyamanteng singsing, at mga kuwintas, ginagayakan ang kanilang sarili mula ulo hanggang paa ng mga nakakasilaw na alahas. Bukod pa rito, nagsusuot sila ng mga sapatos na mataas ang takong saanman sila magpunta, at sa pangkalahatan ay iniiwasan nilang maglakad sa mga karpet, iniisip na masyadong hindi kapansin-pansin iyon kapag walang tunog—partikular silang naglalakad sa mga sahig na gawa sa marmol o kahoy para mapansin ng mga tao ang pagdating nila. Hindi man lang nila hinuhubad ang kanilang mamahaling sunglasses kapag pumapasok sa isang silid, at sinusuri nila ang silid mula sa pintuan para makita kung sino ang naroon, na para bang sinasabing, “Nakita ba ninyo na dumating na ang reyna?” Saanman sila magpunta, dapat muna silang magmalaki. Kapag nagsusuot Ako ng sunglasses kapag lumalabas Ako sa tag-araw, agad Ko itong inilalagay sa Aking bag kapag nakarating na Ako sa Aking paroroonan, kundi ay baka makita Ako ng mga tao na nakasuot ng sunglasses at isipin nilang nagmamalaki Ako, na maaaring magdulot ng mga maling pagkaunawa. Karamihan sa mga sapatos na isinusuot Ko ay may mga swelas na goma o foam, at sinusubukan Kong hindi gumawa ng anumang ingay kapag naglalakad. Kapag pumupunta Ako sa isang lugar para mag-asikaso ng mga usapin, kung kailangan Kong pindutin ang doorbell, ginagawa Ko iyon. Kung hindi Ko kailangang pindutin ang doorbell, pagpasok Ko, sinasabihan Ko muna ang receptionist na may appointment Ako kay ganito-at-ganyan sa isang partikular na oras, at pagkatapos ay uupo Ako roon at maghihintay. Nakikita Ko ang ilang tao na nakaupo at nakatingin sa kanilang mga telepono kapag wala silang ginagawa. Nakadekuwatro sila, ipinapalis-palis ang kanilang kinulot na buhok, at mayroon silang mamahaling bag sa tabi nila—masyado silang pasikat. Saanman Ako magpunta, partikular Akong umaasal nang hindi kapansin-pansin. Naghahanap Ako ng sulok na mauupuan, niyayakap Ko ang Aking bag sa Aking dibdib para maiwasang mahablot ito ng masasamang tao. Maingat Ako at nananatiling umaasal nang hindi kapansin-pansin. Kapag Ako na ang tinatawag, mabilis Akong pumupunta para asikasuhin ang usapin nang hindi nag-aaksaya ng oras, sinusubukang hindi makakuha ng atensyon hangga’t maaari. Sumusunod Ako sa mga panuntunan kapag nag-aasikaso ng mga bagay-bagay at hindi Ako nagkakautang sa mga tao. Saanman Ako magpunta, pinapanatili Kong kontrolado ang Aking mga kilos; ayaw Kong makakuha ng atensyon ng sinuman. Ibig sabihin, saanman Ako magpunta para mag-asikaso ng isang bagay, tahimik Akong kumikilos, hindi kailanman nag-iingay nang husto na nagiging kapansin-pansin ang Aking presensya. Kapag nakikisalamuha sa mga walang pananampalataya, kung karaniwang mayroon silang mga partikular na panuntunan para sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay, sinusunod Ko ang mga panuntunang iyon. Halimbawa, ang panuntunan sa ganito-at-ganyang industriya ay na pagkatapos asikasuhin ng isang tao ang isang usapin para sa iyo, kailangan mo siyang ilibre ng pagkain. Batay sa presyo ng aming transaksyon, ang pagkain ay karaniwang dapat magkahalaga ng humigit-kumulang labinlimang dolyar, kaya inililibre Ko siya ng pagkain na nagkakahalaga ng ganoon. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil inililibre Mo siya ng pagkain, gumastos Ka ng kaunti pang pera para magpasikat.” Hindi iyon kinakailangan. Anuman ang kanilang mga panuntunan, sinusunod natin ang mga ito. Huwag lumampas sa nararapat, at huwag mag-aksaya ng pera para lang magpasikat. Sa Kanluran, kapag sinasabihan ang isang tao na mag-asikaso ng isang bagay para sa iyo, o umuupa ng mga manggagawang bayad kada oras o mga trabahador at iba pang gaya nito, nakagawian na ang magbigay ng tip. May mga panuntunan ang ilang industriya tungkol sa halaga ng tip, habang ang iba ay wala. Para sa mga walang gayong panuntunan, kadalasan, dahil sa pagiging magalang at paggalang sa manggagawa, nagbibigay Ako ng makatwirang tip batay sa kanyang singil, sa kalidad ng kanyang gawain, at sa kanyang saloobin. Kung maganda ang trabaho niya, bibigyan Ko siya ng dagdag na limang dolyar; kung karaniwan lang ang ginawa niya at ayaw Ko na siyang kunin ulit sa hinaharap, hindi Ko siya bibigyan ng dagdag na pera, pero hindi Ko siya bibigyan ng mas mababa kaysa sa kinita niya. Tungkol naman sa pagbibigay ng mga tip, hindi Ko tinatrato ang Aking sarili na parang isang mayamang negosyante at sadyang ipinagmamayabang ang Aking yaman, naglalabas ng isang dakot na pera at ibinibigay ito sa isang tao nang hindi ito binibilang. Hinding-hindi Ko ginagawa ang gayong mga bagay. Sa halip, bago siya magsimulang magtrabaho, inihahanda Ko na nang maaga ang pera batay sa kanyang singil at ibinibigay ito sa kanya kapag aalis na siya. Lubos na nasisiyahan dito ang karamihan sa mga tao. Maituturing din itong isang panuntunan para sa pag-aasikaso ng mga usapin sa Kanluran. Dahil isa itong panuntunan, dapat natin itong sundin at huwag labagin. Kung bago ka sa isang lugar at hindi mo nauunawaan ang mga panuntunan, pinakamainam na pag-aralan mo ang mga ito. Sa sandaling maunawaan mo ang mga ito, huwag kang magkunwaring walang alam; gawin mo ang iyong buong makakaya na asikasuhin ang mga usapin ayon sa mga panuntunan. Siyempre, hindi sa natatakot Ako na husgahan Ako ng mga tao habang nakatalikod Ako o sabihin nilang hindi Ako umaasal nang sumusunod sa mga panuntunan—hindi ito dahil sa takot sa mga bagay na ito. Sa halip, pakiramdam Ko ay ganito ito dapat gawin; ito ang dapat Kong gawin. Sinasabi ng ilang tao, “Kung babawasan Mo ng sampung dolyar ang ibibigay Mo sa kanila, hindi ba’t magkakaroon Ka ng sapat para sa dagdag na pagkain?” Hindi mo ito puwedeng tingnan sa ganoong paraan. Iyon ang kinita nila. Kung kulang ng sampung dolyar ang ibibigay mo sa kanila, katumbas ito ng pagkuha ng sampung dolyar mula sa kanila. Ang paggamit sa perang kinuha mo mula sa iba para sa sarili mong mga gastusin ay kawalan ng konsensiya. Ang paggawa ng mga bagay na labag sa iyong konsensiya ay hindi kaayon ng pagkatao; ito ay kawalan ng pagkatao. Kung susubukan mo silang bayaran nang kulang nang tulad niyon, hindi ka umaasal nang sumusunod sa mga panuntunan. Ang pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan ay nangangahulugan, sa pinakamababa, ng pagkilos nang walang kinikilingan at pagsasalita nang diretsahan. Ipagpalagay na nasa industriya ka ng pagseserbisyo at kailangan mong umasa sa mga tip para makapaghanapbuhay. Kung hindi ka bibigyan ng tip ng isang tao, na pananamantala sa iyo, ano ang mararamdaman mo? Pareho lang ito ng lohika. Ang hindi pagbibigay ng tip ay maaaring hindi labag sa batas sa isang partikular na industriya, at walang hahabol sa iyo dahil dito, pero mapapanatag ba ang iyong konsensiya? Kung hindi mapapanatag ang iyong konsensiya, magkakaroon ka ng pagkakautang sa iyong konsensiya. Kung magkakaroon ka ng napakaraming gayong utang sa buhay na ito, kailan mo mababayaran ang mga ito? Hindi ka puwedeng umasal nang ganito. Marahil ay nananamantala ka nang kaunti sa isang tao sa pamamagitan ng hindi pagbibigay sa kanya ng tip, pero hindi ka ba nakakaramdam ng pag-aakusa mula sa iyong konsensiya? Kung talagang hindi, tunay na may problema sa iyo. Kung susubukan mong manamantala sa isang tao sa gayon kaliit na bagay, hindi ba’t may kakayahan kang gumawa ng mas malalalang bagay? Kapag may gayong mentalidad, maisasagawa mo pa ba ang katotohanan?

Maaaring makatagpo ang lahat ng mga halimbawang ito na pinagbahaginan natin tungkol sa pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan sa takbo ng kanilang buhay at pananatiling buhay. Para sa nagkatawang-taong Diyos, na namumuhay sa gitna ng sangkatauhang ito, ang mga bagay na ito ay imposible ring maiwasan at mga bagay na dapat Niyang harapin. Kapag ginagawa ang mga bagay na ito, sa pangkalahatan ay mahigpit na sinusunod ng nagkatawang-taong Diyos ang mga kredo at prinsipyo ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na paggawa ng mga bagay. Ginagawa Ko Mismo ang mismong bagay na ito. Siyempre, kapag ang Aking mga pakikisalamuha sa inyo ay may kinalaman sa gawain ng iglesia o sa inyong personal na buhay, kung hihilingin ninyo sa Akin na makipagbahaginan sa inyo o kokonsultahin ninyo Ako tungkol sa kung paano pangasiwaan ang isang partikular na isyu, makikipagbahaginan Ako sa inyo nang mahigpit na ayon sa Aking mga kredo ng sariling asal. Tanggapin man ninyo ang mga ito o hindi, ang Aking mga pananaw at ang mga paraan at prinsipyo kung paano Ako umaasal ay nananatiling hindi nagbabago. Hinding-hindi Ko ituturo sa inyo na samantalahin ang mga butas sa batas para higit na makinabang; ang paggawa nito ay ganap na hindi angkop. Anuman ang mangyari, ipapatukoy Ko muna sa inyo nang malinaw kung ang usapin ay may kinalaman sa mga batas, patakaran, o regulasyon ng isang partikular na industriya. Kung may kinalaman ito sa mga bagay na ito, sasabihin Ko sa inyo na kumonsulta sa mga opisyal ng gobyerno, kumonsulta sa isang abogado, o hanapin ang mga nauugnay na panuntunan online. Kung may kinalaman ito sa mga pinansyal na isyu, dapat kayong kumonsulta sa isang accountant. Dapat kayong magsagawa sa ganitong paraan nasa alinmang bansa kayo naroroon. Ganito Ako gumawa ng mga bagay-bagay, at hinding-hindi kita hihikayatin na labagin ang mga kredong ito. Sa halip, hinihingi Ko sa iyo na mahigpit na sundin ang mga batas at regulasyon ng bawat bansa, kabilang na ang mga panuntunan at probisyon ng anumang pampublikong lugar o anumang industriya. Kung hindi mo alam ang mga ito, dapat kang magkusa na pag-aralan ang mga ito at kumonsulta sa mga tao tungkol sa mga ito. Kung alam mo ang mga ito, dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para sundin ang mga ito. Anuman ang sinasabi ng mga panuntunan, ganoon natin dapat gawin ang mga bagay-bagay. Kahit pa minsan ay naaapektuhan ng mga panuntunan o batas ng bansa ang oras na ginugugol mo sa paggampan ng iyong tungkulin, o naaapektuhan ang ilang usaping may kaugnayan sa iyong tungkulin, dapat mo pa ring sundin ang mga ito. Maaari kang humanap ng mga paraan para iayos ang oras ng paggampan mo ng iyong tungkulin o ang kapaligiran kung saan mo ito ginagawa para maiwasang sumalungat sa mga batas at regulasyon ng bansa, at para maiwasan din ang masangkot sa mga gawi o magsanhi ng mga insidente na lumalabag sa mga batas at regulasyon ng bansa. Angkop bang gawin ang mga bagay sa ganitong paraan? (Oo.) Ito ay sa isang banda. Sa kabilang banda naman, anuman ang mga batas at regulasyon ng alinmang bansa, at makatwiran man o hindi makatwiran ang mga ito, hangga’t malinaw na itinatakda ang mga ito ng gobyerno, at hangga’t ang mga ito ay nasa loob ng saklaw ng Aking buhay at pag-iral, sinusunod at tinutupad Ko ang mga ito hangga’t kaya Ko. Hinding-hindi Ako magbibigay ng mga komento o pagpuna tungkol sa anumang aspekto ng mga batas at regulasyon ng gobyerno na hindi makatwiran o hindi para sa mga interes ng mga tao; sa halip, sinusunod Ko ang anumang mga panuntunang itinatakda ng gobyerno. Siyempre, kapag nagsasalita Ako tungkol sa pagsunod sa mga batas at regulasyon ng gobyerno, hindi kabilang dito ang mga batas na tumututol sa relihiyosong pananampalataya o mga batas na nagtatanggi at lumalaban sa Diyos. Sa halip, tumutukoy ito sa mga batas at regulasyon na nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga mamamayan, nagpapanatili ng kaayusan sa lipunan, at nagsusulong ng pagiging patas; ang mga ito ang dapat sundin ng mga tao. Anumang mga ideya mayroon ang mga tao sa kanilang isipan, ang pagsunod sa mga batas at regulasyon ang prayoridad. Dapat igalang ng isang tao ang mga batas ng bansa, at igalang ang mga panuntunan at probisyon ng anumang industriya. Kung hindi ka makaangkop sa mga ito o hindi mo gusto ang mga ito, maaari mong iwasan ang industriyang ito, o maaari mong lisanin ang bansa. Pero sa makatwirang pananalita, kung nakatira ka sa isang partikular na bansa, o may mga pakikipagtransaksyon ka sa mga tao sa isang partikular na industriya, dapat mong sundin ang mga batas ng bansa, ang mga probisyon at direktiba ng industriya o ng ilang partikular na espesyal na okasyon at kapaligiran, at maging ang ilang moral na pamantayan. Nagsisikap Akong mahigpit na sumunod sa mga batas, regulasyon, at probisyon ng sangkatauhan, sa ilang espesyal na panuntunan at direktiba sa mga pampublikong lugar, at sa mga pangunahing pamantayan ng moralidad at asal ng pagkatao. Hindi Ko kailanman iginigiit ang Aking espesyal na pagkakakilanlan at katayuan, at hindi rin Ako sumasalungat sa anumang batas, regulasyon, direktiba, probisyon, at iba pang gaya nito. Hindi Ko hinahamon ang mga ito o sinasadyang labagin ang mga ito at gawin ang Aking sariling kagustuhan; sa halip, mahigpit Kong sinusunod ang mga ito. Sa likod ng mahigpit na pagsunod Kong ito ay ang paggalang sa kanilang mga batas, regulasyon, probisyon, at panuntunan. Ito rin ang prinsipyong aktuwal na isinasagawa at sinusunod ng isang tao kapag umaasal siya nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na gumagawa ng mga bagay. Marahil ay hindi nauunawaan ng ilang tao kung ano ang Aking saloobin sa mga bagay na ito; marahil ay may ilang kaisipan ang ilang tao na hindi naaayon sa realidad, o may ilang hungkag na kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Aking mga prinsipyo at kredo sa paggawa ng gayong mga bagay. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan nang ganito, may nakikita ba kayong anumang hungkag dito? (Wala.) Ang pagsasabing walang anumang hungkag ay nangangahulugang ang Aking saloobin sa mga bagay na ito ay ang tratuhin ang mga ito nang makatwiran mula sa perspektiba ng pagkatao. Hindi Ako umaako ng posisyon ng pagiging nakatataas, hindi Ako tumitindig mula sa perspektiba ng ikatlong langit, at hindi Ko tinatrato ang mga bagay na ito mula sa espesyal na katayuan ng pagkakaroon ng pagkakakilanlan ng Diyos. Sa halip, tinatrato Ko ang mga ito sa isang paraang labis na gaya ng sa tao mula sa isang makatwirang perspektiba. Hindi Ko kailanman iginigiit ang Aking pagkakakilanlan bilang ang nagkatawang-taong Diyos sa paraan ng pagtrato Ko sa mga bagay na ito, ni ginagamit kailanman ang pagkakakilanlang ito para tingnan ang mga ito sa isang mapagmataas na paraan. Hindi Ko kailanman hinahamon ang mga bagay na ito, at hindi Ko ginagambala ang mga batas at regulasyon ng bansa o ang mga panuntunan ng anumang industriya. Sa halip, mahigpit Kong sinusunod ang mga batas, regulasyon, probisyon, at iba pang gayong mga bagay nang masunurin at tapat. Sa mas praktikal pa, pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao, sumusunod din Ako sa isang prinsipyong labis na gaya ng sa tao.

Nagbahaginan na tayo tungkol sa ilang pagpapamalas ng nagkatawang-taong Diyos ng pag-asal nang sumusunod sa mga panuntunan. Maaaring ang mga ito ay mga bagay na hindi ninyo kailanman naisip, o mga bagay na hindi ninyo kailanman sineryoso; maaaring mayroon kayong napakahungkag na ideya tungkol sa mga bagay na ito; o, kapag nakikita, nakakaharap, o naririnig ninyo ang tungkol sa mga bagay na ito, maaaring tahasan ninyong binabalewala ang mga ito. Gayumpaman, ang mga bagay na ito ay isang repleksyon ng pagiging normal at pagiging praktikal, at ng kababaang-loob at pagiging tago, na ipinapamalas ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Dagdag pa rito, ang mga ito rin ang pinakanormal at pinakapraktikal na pagpapamalas ng Kanyang sariling asal kapag ang Espiritu ng Diyos ay nagbibihis ng katawang-tao at pumaparito sa gitna ng mga tao. Sa pamamagitan ng mga pagpapamalas na ito, mas mauunawaan ng mga tao kung paano tinitingnan, tinatrato, at pinangangasiwaan ng Diyos sa langit ang isyu ng pag-asal at pagiging isang miyembro ng sangkatauhan. Ang mga kredo at prinsipyong ito ng sariling asal ay nagtutulot sa mga tao na makita at malaman na hindi gumagawa ang Diyos ng anumang bagay nang hungkag, na ginagawa Niya ang lahat ng bagay nang praktikal, at nagsasagawa Siya ayon sa mga prinsipyo nang praktikal, sumusunod sa mga batas at regulasyon ng sangkatauhan, at sa mga panuntunan ng iba’t ibang larangan ng lipunan ng tao. Habang sinusunod ang mga batas at regulasyong ito, kailangan ding gampanan ng nagkatawang-taong Diyos ang Kanyang ministeryo at gawin ang gawaing nilalayon Niyang gawin. Maging ito man ay ang Kanyang pagsasabuhay ng normal na pagkatao, o ang Kanyang paggawa ng gawain ng pagka-Diyos, wala sa mga ito ang sumasalungat o kumokontra sa isa’t isa. Ang mga kredo at prinsipyo ng sariling asal na ipinapakita ng Diyos sa Kanyang normal na buhay-tao ay nagpapakita ng pagiging normal at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong Diyos—ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay na isinasabuhay Niya ang normal na pagkatao—na nagtataglay ng konsensiya at katwiran—na dapat taglayin ng Espiritu ng Diyos sa pagiging isang tao o pagbibihis sa Kanyang sarili ng katawang-tao sa gitna ng mga tao. Bagama’t ang pagsasabuhay na ito ay tila walang kaugnayan sa ministeryong ginagampanan ng nagkatawang-taong Diyos sa Kanyang pagka-Diyos sa karamihan ng oras, ang mga kredo at prinsipyo na sinusunod ng pagsasabuhay ng Diyos sa pagkatao ay kapareho ng diwa ng katotohanan, ng disposisyon ng Diyos, at ng Kanyang mga hinihingi para sa sangkatauhan na ipinapahayag sa Kanyang gawain ng pagka-Diyos. Ang mga prinsipyo ng sariling asal na sinusunod ng nagkatawang-taong Diyos sa Kanyang buhay-tao ay ang umasal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na gumawa ng mga bagay. Kung gayon, ang mga prinsipyo ng gawain na sinusunod Niya kapag ginagawa ang Kanyang gawain sa pagka-Diyos ay halos pareho lang—umaasal Siya nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na gumagawa ng mga bagay; hindi nagbabago ang mga prinsipyo. Samakatwid, hinggil sa nagkatawang-taong Diyos, ang Kanyang pagkatao at pagka-Diyos ay hindi kailanman nagkakahiwalay; ganap na nagkakaisa ang mga ito. Ang Kanyang pagka-Diyos ay maaaring ipahayag sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao, at ang Kanyang pagkatao ay isang pagpapamalas ng isang bahagi ng Kanyang pagka-Diyos. Samakatwid, kapag namumuhay ang nagkatawang-taong Diyos sa gitna ng sangkatauhan, ang Kanyang pagkatao at pagka-Diyos na makikita ng mga tao sa panahong ito ay hindi magkabukod o magkahiwalay; nagkakaisa ang mga ito. Ang pagsasabuhay ng Kanyang pagkatao at ang mga kredo at prinsipyo ng Kanyang sariling asal ay, sa isang partikular na antas, pinangangasiwaan, naiimpluwensiyahan, at pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos. Sa kabilang banda, masasabi rin na isinasabuhay Niya ang Kanyang normal na pagkatao na nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Tanging sa gayong pagkatao lang mababalikat ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang gawain ng pagka-Diyos, ang gawaing dapat Niyang gawin sa Kanyang pagka-Diyos; sa gayong pagkatao lang matutupad ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ang ministeryong dapat Niyang gampanan, at magagampanan ito nang maayos. Ito ay isang pagkaunawa. Ang isa pang pagkaunawa ay na ang ministeryong ginagampanan ng nagkatawang-taong Diyos ay nakakamit sa pamamagitan ng gayong pagkatao na nagtataglay ng pagiging normal at pagiging praktikal. Ano’t anuman, ang pagkataong diwa at ang pagka-Diyos ng nagkatawang-taong Diyos ay parehong bumubuo sa nagkatawang-taong Diyos, na may espesyal na pagkakakilanlan ni Cristo. Samakatwid, ang mga kredo at prinsipyo ng sariling asal ng pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos na nakikita mo, hanggang sa Kanyang mga partikular na pagpapamalas, saloobin, at pananaw sa lahat ng Kanyang ginagawa, ay bahagi ng Kanyang pagkatao at, siyempre, masasabi ring bahagi ng Kanyang pagka-Diyos. Hindi maaaring paghiwalayin ang dalawang ito. Ibig sabihin, kapag nakikita mo ang gayong pagkatao sa nagkatawang-taong Diyos, dapat kang makatiyak na Siya ang katawang-tao na ibinihis ng Diyos sa Kanyang sarili. Siyempre, kapag nakakaharap mo ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos, habang kinikilala na ang nagkatawang-taong Diyos ay may pagka-Diyos, dapat mo ring kilalanin na ang Kanyang pagkatao ay bahagi ng nagkatawang-taong Diyos, na may espesyal na pagkakakilanlan. Ano’t anuman, sa huli ay tinutulutan ang mga tao na makita ang normal at praktikal na panig na ito ng nagkatawang-taong Diyos at ang mga kredo at prinsipyo ng sariling asal na isinasabuhay Niya, dahil may kinalaman ang mga ito sa maraming isyu na kinakaharap ng katawang-tao ng Diyos sa Kanyang pag-iral at buhay. Bagama’t ang mga praktikal na pagpapamalas na ito sa buhay-tao ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi umaabot sa antas ng ministeryong ginagampanan Niya o sa Kanyang pagtustos ng katotohanan, daan, at buhay sa mga tao, ang mga prinsipyo at kredong ito ng sariling asal ay hindi hiwalay sa pagka-Diyos sa loob ng nagkatawang-taong Diyos. Mismong dahil ang katawang-taong ito ay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos at ang katawang-tao na ibinihis ng Espiritu ng Diyos sa Kanyang sarili, ang normal na pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos na ito ay magkakaroon ng gayong mga kredo at prinsipyo ng sariling asal. Ang ipinapahiwatig nito ay napakahirap para sa sinumang miyembro ng tiwaling sangkatauhan, o sinuman sa tiwaling sangkatauhan na may nakaaangat na pinagmulan, pagkakakilanlan, halaga sa lipunan, at marangal na katayuan, na umasal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat na gumawa ng mga bagay; walang sinuman ang eksepsiyon. Samakatwid, ang aspektong ito ng pagiging normal at pagiging praktikal ang mga tinataglay ng pagkatao ng nagkatawang-taong Diyos at ang Kanyang pagiging tao, at siyempre, bahagi rin ito ng mga tinataglay ng pagka-Diyos ng nagkatawang-taong Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos; ipinapahayag at ipinapakita lang Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao. Kung nagyayabang ang nagkatawang-taong Diyos saanman Siya magpunta, palaging iginigiit ang Kanyang katayuan, nagsasalita nang may pagmamalaki, nararamdamang Siya ay marangal, minamaliit ang lahat at umaasal nang mapagmataas at palalo, at palaging gustong yurakan ang lahat; kung isinusumpa Niya ang sinumang hindi yumuyukod sa pagsamba, ginagawa silang abo, pinapatay sila kaagad, o hinahampas sila gamit ang Kanyang matalim na tingin, magiging mahirap sabihin kung talagang mayroon Siyang diwa ng pagka-Diyos sa loob Niya. Sa isang banda, ang nagkatawang-taong Diyos ay may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao para mapanatili ang lahat ng buhay, salita, at gawa ng Kanyang katawang-tao. Sa kabilang banda, ang Kanyang pagka-Diyos ay gumagawa rin sa loob Niya, dahil ang pagka-Diyos, ano’t anuman, ang Kanyang tunay na buhay. Kung ang Kanyang pagkatao ay kasingmapagmataas at kasingmapagmagaling ng pagkatao ng tiwaling sangkatauhan, sasabihin mo ba na ang taong ito ay ang nagkatawang-taong Diyos? (Hindi.) Ipagpalagay na ang isang tao ay palaging may mga higit sa natural na pagpapamalas, palaging iniisip na siya ay isang nilalang sa langit na bumaba sa lupa, palaging may ganitong pakiramdam, at palaging nagsasalita sa mga tao na tila nakatataas siya, idinudulot na tingalain ng mga tao ang kanyang mga salita at gawa. Ipagpalagay na palagi siyang may mga higit sa natural at higit sa karaniwan na kaisipan sa kanyang puso, sa isang sulyap lang ay nasasabi na niya kung ano ang nangyari sa nakaraang buhay ng isang tao, kung anong mga kasamaan ang nagawa nito, kung anong mga bagay ang nagawa nito, o kung ilang beses na itong nagreinkarnasyon bilang isang tao o isang hayop. Bukod pa rito, ipagpalagay na palaging nararamdaman ng taong ito na siya ay partikular na marangal, palaging may mga higit sa natural na pagpapamalas kapag nagsasalita, at sinasamahan ng mga tanda at kababalaghan, na nagpaparamdam sa mga tao na siya ay espesyal. Ang gayong tao ay magiging hindi normal. Sa isang banda, ang buhay disposisyon sa loob niya ay magiging hindi normal; sa kabilang banda, ang buhay sa loob niya ay hindi magiging buhay ng pagka-Diyos. Ito ang tanging paraan para ipaliwanag ito.

Maging ito man ay ang Kanyang mga kredo ng sariling asal o ang Kanyang mga prinsipyo para sa pagharap sa mga usapin, ang lahat ng ipinapakita at isinasabuhay ng nagkatawang-taong Diyos ay lubhang normal at praktikal. Tingnan mo ang mga bagay na sinabi Ko at ang mga bagay na ginagawa Ko sa Aking buhay—mayroon ba sa mga ito ang hindi normal? Mayroon ba sa mga ito ang higit sa natural o hindi karaniwan? (Wala.) Anuman ang Aking pinangangasiwaan, wala kang makikitang anumang kakaiba tungkol sa Akin. Hindi Ako isang kakaibang tao; isa lang Akong normal na tao. Bukod pa rito, ang Aking mga kaisipan, pananaw, pag-iisip, at lohika sa pagharap sa bawat usapin ay hindi baluktot, sukdulan, o higit sa natural. Ako ay kalmado at mahinahon kapag nakikisalamuha at nakikisama sa mga tao. Kung ang mga tao ay handang makisalamuha sa Akin, nakikisalamuha Ako sa kanila; kung hindi, hindi Ko sinusubukang mapalapit sa kanila. Sa tingin mo ba ay normal ang Aking pag-iisip pagdating sa pakikisalamuha sa mga tao, pagharap sa mga usapin, paggawa ng lahat ng uri ng bagay, at pag-asal? (Oo.) Normal ang lahat ng ito. Hindi Ko kayo kailanman hinimok o inudyukan na labanan ang gobyerno ng anumang bansa, at hindi Ko rin kailanman sinabi sa inyo ang tulad ng: “Ang mga mananampalataya sa Diyos ay nagmulang lahat sa Diyos; kayong lahat ay nagmula sa ikatlong langit. Huwag ninyong katakutan ang mundong ito; yurakan ninyo ang mundong ito! Kayong lahat ay mga matagumpay na anak na lalaki; kunin ninyo ang pamalong bakal para pamunuan ang mundong ito at pamunuan ang sangkatauhang ito. Ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng inyong mga paa!” Sinabi Ko ba ito kailanman? (Hindi.) Ano ang Aking sinabi? Na dapat kayong sumunod sa mga panuntunan sa lahat ng inyong ginagawa. Sa alinmang bansa kayo nananampalataya sa Diyos at gumagampan ng inyong tungkulin, dapat ninyong sundin ang batas at gawin ang mga bagay ayon sa mga regulasyon ng gobyerno. Hinding-hindi kayo dapat kumilos nang walang pakundangan at ayon sa sarili ninyong kagustuhan; dapat kayong maging maingat at hindi maging mapagpalayaw. Kung lalabagin ninyo ang mga batas at regulasyon ng gobyerno, sa sandaling may magreklamo laban sa inyo, maaapektuhan nito ang paggampan ninyo ng inyong tungkulin. Lagi Ko itong inuulit-ulit sa inyo. Bagama’t tila napakakaraniwang pakinggan, ito ay napakapraktikal, dahil masyadong kaunti ang inyong karanasan sa buhay at kulang kayo sa kabatiran, at malaki ang tendensiya ninyong magkamali. Kayo ay mga mananampalataya sa Diyos. Ang inyong layunin sa pagpunta sa iba’t ibang bansa para gampanan ang inyong tungkulin ay ang sumunod sa kalooban ng Diyos at magpatotoo sa Diyos, hindi ang kalabanin ang anumang bansa o anumang naghaharing partido. Kayo ay mga nilikha lang na gumagampan ng inyong mga tungkulin; dapat kayong ganap na magpasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, at dapat kayong magpasakop sa kung paano man pinapamatnugutan at isinasaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay. Sa alinmang bansa kayo magpunta, anuman ang uri ng kapaligiran na inyong tinitirhan, o sa alinmang tahanan ng mga kapatid kayo tumuloy, dapat kayong sumunod sa mga panuntunan, tumutulong hangga’t kaya ninyo. Bukod pa rito, dapat ninyong sundin ang anumang mga batas at regulasyon na mayroon ang bansa. Paulit-ulit Ko kayong hinihikayat na huwag labagin ang mga panuntunan at huwag hayaang may magreklamo laban sa inyo. Kung may magreklamo laban sa inyo, dapat ninyong alamin kung anong pagkakamali ang inyong nagawa, anong regulasyon ang inyong nilabag, at kung bakit inihain ang reklamo. Matuto kayo ng aral para hindi na ito maulit. Kung hindi ka matututo ng aral, patuloy na may magrereklamo laban sa iyo. Ang Aking mga salita sa bagay na ito ay pawang mga solusyon sa mga problema batay sa mga aktuwal na sitwasyon—sinasabi Ko sa iyo kung paano mamuhay, kung paano manatiling buhay, at kung paano sundin ang mga panuntunan, para hindi magdulot ng hindi kinakailangang problema sa iyong sariling buhay at pananatiling buhay. Sa alinmang bansa ka magpunta, naroon ka para gampanan ang iyong tungkulin. Una, dapat kang makiangkop sa bansa at sumunod sa mga batas at regulasyon nito. Hindi mo dapat gambalain ang kanilang umiiral na kaayusan o hindi ka dapat magdulot ng anumang problema sa kanila. Saka ka lang nila tatanggapin at tatratuhin bilang isang miyembro ng bansa, at sa ganitong paraan ka lang mapapayapa para gampanan ang iyong tungkulin. Kung hindi mo man lang sinusunod ang mga lokal na panuntunan, at gumagawa ka ng mga bagay na lumalabag sa mga panuntunan, na nagiging dahilan para ang mga tao ay palaging magreklamo at lumikha ng problema para sa iyo, hanggang sa punto na kinamumuhian ka pa nga nila at ayaw na nilang manirahan ka roon, paano mo pa mapapangarap na gampanan ang iyong tungkulin? Saan ka man manirahan, dapat mong sundin ang mga lokal na batas at regulasyon. Sabihin ninyo sa Akin, tama ba ang pagsasagawa sa ganitong paraan? Kapaki-pakinabang ba ito sa inyo sa paggampan ng inyong tungkulin? (Oo.) Napakapraktikal ng pagsasagawa sa ganitong paraan. Ang pagsunod sa mga batas at regulasyon ay pangunahing sentido komun sa tunay na buhay. Hindi ito paggawa ng malaking isyu mula sa wala, lalong hindi ito pagiging masyadong sensitibo; isa itong prinsipyo na dapat mong sundin sa tunay na buhay. Kung may mangyari o may lumitaw na problema, tinatalakay natin ang pinakamahusay na paraan para lutasin ito at kung paano matuto ng aral mula rito para makapagsikap kang makagawa ng mas kaunting pagkakamali o ganap na maiwasan mong gawin ang mga ito sa hinaharap, at maging isa kang tao na umaasal nang sumusunod sa mga panuntunan at tapat. Ang ilang tao ay hindi sumusunod sa mga panuntunan saanman sila magpunta. Nagkakalat sila kahit saan, at paminsan-minsan ay nag-iingay sila at ginugulo nila ang pahinga ng kanilang mga kapitbahay. Tulad ng mga ligaw na hayop na pumapasok sa isang nayon, naaapektuhan at nagugulo nila ang kapaligiran ng komunidad, nagdudulot ng paghamak at pagkasuklam mula sa mga tao saanman sila magpunta. Sinasabi Ko sa mga taong ito na dapat mahigpit nilang sundin ang mga lokal na batas at regulasyon, at na dapat nilang sundin ang mga panuntunan, at na sa pamamagitan lang ng pag-asal sa ganitong paraan magkakaroon ang isang tao ng normal na pagkatao. Sabihin ninyo sa Akin, tama ba ang Aking paraan ng pag-iisip at ang Aking panimulang punto sa pagharap sa mga usaping ito? (Oo.) Hindi Ako gumagawa ng mga bagay na matayog at engrande, o abstrakto, o higit sa karaniwan, o hindi nakagawian. Itinutuwid at pinapatnubayan Ko lang ang mga tao tungkol sa maliliit na usaping ito sa kanilang buhay, at sa mga pagkakamali at kapintasan na lumilitaw sa kanilang buhay, tinutukoy at iwinawasto ang kanilang mga isyu at binibigyan sila ng mga payo. Para sa nagkatawang-taong Diyos, praktikal ba ang pag-asal nang ganito? (Oo.) Napakapraktikal nito! Ang pagharap sa mga usaping ito ay hindi hungkag kahit kaunti, at hindi ito hiwalay sa tunay na buhay kahit kaunti. Kaya, tinitingnan man ang mga kredo at prinsipyo ng sariling asal at paggawa ng mga bagay na makikita sa pang-araw-araw na buhay ng nagkatawang-taong Diyos, o ang mga katotohanang ibinabahagi Niya sa ministeryong Kanyang ginagampanan, ang parehong aspekto ay napakanormal at napakapraktikal. Ang parehong aspekto ay mga bagay na mauunawaan, maaarok, matatanggap, at makakamit ng mga tao na may normal na pag-iisip, na nagmamahal sa mga positibong bagay, at may konsensiya at katwiran. Wala sa dalawang aspekto ang hiwalay sa tunay na buhay kahit kaunti; ito ay pagiging normal at praktikal.