Paano Hangarin ang Katotohanan (20) Ikalawang Bahagi

Nakikita ng ilang tao na masyadong makulit ang mga anak ng iba at sinasabi nila, “Napakakulit na bata; isang tingin pa lang ay masasabi mo nang hindi siya mabuti. Tiyak na pababayaan niya ang wastong gawain niya paglaki niya. Paano mangyayaring may mararating siya?” Pero kung sasabihin ng iba sa ganoong tao na makulit ang anak niya, sasagot siya, “Ano naman kung makulit siya? Ang pagiging makulit ng anak ko ay pagpapakita ng maganda niyang kinabukasan. Paglaki niya, mangingibabaw siya sa karamihan; baka maging mataas na opisyal pa nga siya!” Kapag makulit ang mga anak ng ibang tao, sinasabi niyang walang mararating ang mga ito paglaki ng mga ito, pero kapag makulit ang sarili niyang anak, sinasabi niyang mangingibabaw ito sa karamihan paglaki nito. Alin sa mga pahayag niya ang tama? (Wala.) Kung gayon, bakit niya ito sinasabi? Nagsasalita ba siya batay sa pagiging patas? (Hindi.) Na nakapagsasabi siya ng gayong mga bagay ay nagpapakita na wala siyang kamalayan ng konsensiya. Hindi pa nga lumalaki ang mga anak ng ibang tao, kaya paano niya masasabi na walang mararating ang mga ito? Kung may mararating ba ang mga tao paglaki nila ay nakasalalay sa pag-orden ng Diyos at sa landas na tinatahak nila; paanong sasalalay iyon sa isang pangungusap lang mula sa kanya! Ang pagsasabi niya ng gayong mga bagay ay nagpapakita na wala siyang kamalayan ng konsensiya. Kaparehong isyu ito ng pagiging makulit, pero kapag sarili niyang anak ang pinag-uusapan, binibigyan niya ito ng positibong paglalarawan, samantalang kapag ang mga anak ng iba ang pinag-uusapan, binibigyan niya ito ng negatibong paglalarawan. Patas ba ang mga salita niya? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng tao ang patas? (Isang taong may konsensiya.) Ano ang mga katangian ng isang taong may konsensiya? Ang isang taong may konsensiya ay nagtataglay ng dalawang katangian: pagiging matuwid at mabait. Ang pagiging matuwid ay nangangahulugan na, sa pinakamababa, dapat tama ang puso ng isang tao kapag nagsasalita at kumikilos siya. Ang mga salitang binibigkas ng isang tao ay dapat na patas, obhetibo, at batay sa katunayan; wala dapat kinikilingan ang mga ito, hindi dapat pinagtatakpan ng mga ito ang mga pagkukulang, at hindi dapat batay sa mga damdamin ang mga ito. Kapag makulit ang mga anak ng ibang tao, sinasabi niyang hindi magiging mabuti ang mga ito paglaki ng mga ito, pero kapag makulit ang sarili niyang anak, sinasabi niyang magkakaroon ito ng magandang kinabukasan paglaki nito. Ang parehong pagpapakita ng kakulitan ay binibigyan niya ng dalawang magkaibang paglalarawan. Masasabi mo bang ang taong ito ay isang matuwid na indibidwal? (Hindi.) Hindi siya isang matuwid na indibidwal; nagsasalita siya nang batay lamang sa mga damdamin. Kung gayon, may konsensiya at katwiran ba ang isang taong nagsasalita batay lamang sa mga damdamin? (Hindi.) Ang puntong ito pa lang ay sapat na para patunayang wala siyang konsensiya ni katwiran. Puro magagandang bagay lang ang sinasabi niya tungkol sa sarili niyang anak, na may mga pagpapala at mabubuting hangarin, pero isinusumpa niya ang mga anak ng ibang tao kapag binabanggit niya ang mga ito. Ito ay pagiging hindi mabait at hindi matuwid. Dahil hindi siya nagtataglay ng konsensiya, nagagawa niyang sabihin ang gayong mapaminsalang mga salita. Ang gayong tao ay hindi nagsasalita nang patas at walang ipinapahayag kundi baluktot na pangangatwiran. Sa isang banda, ipinapakita nito na hindi siya matuwid; sa kabilang banda, ipinapakita nito na hindi siya mabait. Ang mga taong hindi mabait ay ilalarawan ang mga sitwasyon ng iba bilang masama anuman ang mga ito. Nagsasalita sila nang may lihim na mga intensyon, umaasa nang husto na maging masama ang mga bagay-bagay para sa iba. Mayroong malisya at diwa ng pagsumpa sa iba sa sinasabi nila. Palagi silang nagsasalita sa ganitong paraan at hindi sila kailanman nababagabag sa kanilang konsensiya dahil dito. Nagsasalita sila sa ganitong paraan tungkol sa mga usapin ng ibang tao, at ganito rin nila tinatrato ang iba. Halimbawa, nangaliwa ang asawa ng isang babae. Dahil takot sa sasabihin ng iba tungkol dito, sinasabi niya sa mga tao, “Nangangaliwa ang asawa ko dahil masyado talaga siyang namumukod-tangi. Magandang lalaki siya at may kakayahan. Sa masamang lipunang ito sa panahon ngayon, napakawalanghiya ng mga babaeng iyon—ibinibigay na lang nila ang sarili nila sa kanya. Dahil lang ito sa masyado siyang namumukod-tangi. Pinapatunayan din nito na hindi ako nagkamali ng paghusga sa kanya; magaling talaga ako pumili!” Pero kung asawa naman ng iba ang nangaliwa, sinasabi niya, “Halatang hindi siya disenteng tao. Wala siyang pera o itsura, pero naghahanap siya ng mga kalaguyo. Sinumang babaeng mananatili sa piling niya ay bulag!” Pinapayuhan pa nga niya ang babaeng iyon na talikuran na agad ang asawa nito, at maghanap ng bago. Nagtatanong ang taong iyon, “Nangangaliwa rin ang asawa mo, kaya bakit hindi ka maghanap ng bago?” Sinasabi niya, “Iba ang asawa ko sa asawa mo. Tampalasan ang asawa mo. Ang sa akin ay masyado lang namumukod-tangi, at ipinipilit ng iba ang sarili nila sa kanya. Hindi napigilan ng asawa ko ang sarili niya, samantalang ang asawa mo ay aktibong naghanap ng kalaguyo.” Kita mo, nagbabago ang sinasabi niya tungkol sa lahat ng bagay kapag tungkol na ito sa kanya. Anumang bagay na may kinalaman sa kanya ay kauna-unawa at isang espesyal na kaso; inilalarawan niya ang lahat ng ito sa positibong paraan. Pero kapag tungkol na ito sa iba, iba na; inilalarawan niya ang lahat ng ito bilang masama. Kung gayon, kung hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ng gayong tao, ano ang sasabihin niya? “Bagama’t hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ko, mabubuting tao sila sa mundo. Hindi sila nakikipag-away o nagmumura sa iba, at tinutulungan nila ang sinumang nakakaranas ng paghihirap. Kilala sila sa lahat ng dako bilang napakabuti at mababait na tao. Kung nanampalataya sila sa Diyos, tiyak na magiging mas mabuti sila kaysa sa atin!” Ngunit kapag hindi nananampalataya sa Diyos ang mga magulang ng ilang kapatid, sinasabi niya, “Pawang mga diyablo ang mga magulang mo!” Kapag nananampalataya naman sa Diyos ang mga magulang ng ilang kapatid, sinasabi niya, “Kahit pa nananampalataya sila sa Diyos, mga mananampalataya lang sila sa pangalan, at hindi sila mabubuti. Dahil nananampalataya sila sa Diyos, bakit hindi ka nila sinusuportahan sa paggawa mo ng tungkulin mo?” Sa tuwing may kinalaman na ito sa sarili niya, nagbabago ang sinasabi niya. Hindi siya kailanman nagsasalita batay sa mga obhetibong katunayan, at hindi kailanman patas ang kanyang mga salita. Mayroon siyang isang pamantayan para sa sarili niyang mga usapin at iba naman para sa iba. Sa kaibuturan ng kanyang puso, walang patas na pamantayan para tasahin ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Anumang may kinalaman sa kanya ay mabuti at positibo, at may iba’t ibang makatwirang dahilan; anumang may kinalaman sa iba ay dapat kondenahin, isumpa, at tanggihan, at sa mga diyablo at kay Satanas. Para naman sa kanyang pamilya, mga kamag-anak, at mga kaibigan, lahat sila ay mabubuting tao; kung nananampalataya sila sa Diyos, lahat sila ay mga tunay na mananampalataya, at lahat sila ay mga kapatid. Pero pagdating sa mga kapatid sa iglesia, basta-basta niyang hinuhusgahan ang mga ito, sinasabing ang isang ito ay hindi mananampalataya, ang isang iyon ay hindi deboto sa paggawa ng tungkulin niya, at dapat silang paalisin lahat. Kung magkamali nang bahagya o magkaroon ng maliit na isyu ang isang kapatid, agad niya itong sinasamantala, isinisiwalat sa publiko, at pagkatapos ay pinangangaralan at minamaliit niya ang kapatid na iyon nang may matalim na tingin. Pero kapag ang sarili niyang mga kamag-anak ang gumawa ng mali, sinusubukan lang niyang pagmukhaing maliit ang usapin at ginagawa niya ang lahat para ipagtanggol ang mga ito gamit ang mapanlinlang na pangangatwiran. Mayroon bang anumang pagiging patas ang gayong tao? (Wala.) Wala siyang anumang pagiging patas. Kapag nakikitungo sa mga kapatid at sa ibang tao, “sumusunod siya sa mga prinsipyo” nang may matalim na tingin, pakiramdam niya ay taglay niya ang katotohanang realidad. Madalas siyang magyabang sa harap ng iba, sinasabi niya, “Tingnan ninyo kung gaano ako sumusunod sa mga prinsipyo. Napakatatag ng paninindigan ko. Kaya kong isagawa ang katotohanan nang napakahusay.” Pero pagdating sa sarili niyang mga usapin sa pamilya—ang kanyang asawa, mga anak, mga kamag-anak, at maging ang kanyang aso—nagbabago ang saloobin niya. Halimbawa, kung tumatahol ang aso niya sa tuwing makakakita ito ng isang estranghero at nangangagat nang walang pinipili kapag may mga kakilalang bumibisita, sinasabi niya, “Tingnan ninyo, ang asong ito ay tunay na isang mabuti at tapat na tagapagbantay. Lubos itong tapat sa akin, ang amo nito; hindi ito kailanman nagbabago!” Pero kung ang aso ng iba ang nangangagat nang walang pinipili kapag nakakakita ng isang kakilala, sinasabi niya, “Bulag ang asong ito. Hindi man lang nito tinitingnan kung sino ang narito. Wala itong mga prinsipyo sa pagbabantay ng bahay. Bakit ito basta-bastang nangangagat?” Hindi man lang siya patas sa mga aso. Anong uri ng tao ito? (Hindi ito tao.) Iniisip niya na lahat ng ginagawa niya ay tama at makatwiran, at na naaayon ito sa mga positibong bagay; iniisip pa nga niya na sumusunod siya sa mga katotohanang prinsipyo. Pero pagdating sa anumang hindi patas na bagay na ginagawa niya o anumang baluktot na pangangatwirang ipinapahayag niya, hindi niya kailanman iniisip na mali ito, at hindi niya rin ito itinatama kailanman. Kung pagsasabihan o ilalantad mo siya, hindi niya ito tatanggapin. Ano ang huling resulta? Ito ay na matigas siyang naninindigan sa sarili niyang mga pahayag at sa kanyang diumano’y mga prinsipyo, at kumikilos pa nga na para bang siya ang pagsasakatawan ng katarungan at tinatasa niya ang lahat ng usapin. Ang katunayan, ang perspektiba at paninindigan kung saan niya sinusuri ang pagiging wasto ng mga bagay-bagay ay ganap na salungat at baligtad sa mga katotohanang prinsipyo, ngunit siya mismo ay hindi ito kailanman napagtatanto. Naglilitanya siya ng maraming erehiya at mga walang-katotohanang argumento, matigas ang ulong kumakapit sa mga salitang ito, at sinasalungat pa nga ang katotohanan at sinusubukang makipagtalo sa mga taong nakakakilatis ng tama sa mali, sinusubukang makipagtalo sa mga nakakaunawa sa katotohanan. Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila ay mga taong hindi makatwiran. Kahit pa ang ginagawa at iginigiit nila ay hindi itinuturing na mali sa paningin ng mga tao, batay sa marami nilang pagpapakita at pagbubunyag, talagang hindi sila nagtataglay ng pagiging matuwid, kabaitan, at katwiran, ng mga katangiang ito ng pagkatao. Sa pagtingin pa lang kung paano nila tinatrato ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa pang-araw-araw na buhay, baluktot ang paghusga nila maging sa isang bata o isang aso—gaano man kasama ang sarili nilang aso, ito pa rin ang pinakamahusay sa mundo; at gaano man kabuti ang aso ng iba, hindi nila magawang magsabi ng kahit isang mabuting bagay tungkol dito. Hinding-hindi nila huhusgahan nang patas ang isang tao o isang usapin, lalong hindi nila tratratuhin nang patas ang isang tao o isang usapin. Sa kanilang pagkatao, mayroon lang mga damdamin at pagkiling. Pinoprotektahan lang nila ang sarili nilang mga interes at ang sinumang tao at anumang pangyayari at bagay na may kaugnayan sa kanila. Bukod dito, pakiramdam nila ay walang anumang bagay sa buhay na sulit gawin. Sa anumang grupo ng mga tao at sa anumang usapin, ang katangian ng kanilang kalikasan na ipinapakita nila ay ang pagbaluktot sa lahat ng obhetibong tao, pangyayari, at bagay, at ang maling paglalarawan sa mga ito. Hinuhusgahan at tinatrato nila ang mga ito nang ganap na ayon sa sarili nilang mga kaisipan at pananaw o batay sa kung kapaki-pakinabang ba ang mga ito sa kanila.

Ang mga ganitong uri ng tao, na walang mga katangian ng pagkatao, ay hindi nagtataglay ng pagiging matuwid, kabaitan, at katwiran ng pagkatao. Batay sa mga pagpapakitang ito, hindi ba’t mahirap pakitunguhan ang gayong mga tao? (Oo.) Mahirap silang pakitunguhan at mahirap pakisamahan. Hinding-hindi mo sila mapapatanggap ng mga tamang kaisipan at pananaw, dahil wala silang pakultad na tumanggap ng mga positibong bagay. Nangangahulugan ito na hindi nila taglay ang mga kondisyon para tanggapin ang anumang tamang kaisipan at pananaw. Samakatwid, maraming tamang pananaw at positibong bagay ang binibigyan nila ng maling kahulugan at binabaluktot nila, at pagkatapos mabaluktot, nagiging iba’t ibang kaisipan, pananaw, at pahayag ang mga ito na partikular sa ganitong uri ng tao. Kahit pa nananampalataya sila sa Diyos, gaano man karami ang nabasa nilang mga salita ng Diyos o gaano man karaming sermon at pagbabahaginan ang napakinggan nila, palagi nilang pinanghahawakan ang sarili nilang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw sa kanilang puso, hindi kailanman binibitiwan ang mga ito. Kahit pa tustusan sila ng Diyos ng katotohanan, imposibleng matanggap nila ang mga tamang kaisipan at pananaw mula sa Diyos, ni magawa nilang tratuhin o husgahan ang isang tao o isang usapin nang may mga tamang paglalarawan at sa tamang paraan. Batay sa mga katangian ng kanilang pagkatao, tatratuhin lang nila ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay gamit ang kanilang kakaibang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw, at magpupumilit silang gawin ito. Kaya, makikita mo sa gayong mga tao na, bukod sa pagkakaroon ng mga mapagmataas at mapanlinlang na disposisyon, mayroon silang isa pang malinaw na nangingibabaw na disposisyon, iyon ay ang pagiging partikular na matigas ang kalooban. Ang partikular na pagpapakita nito ay na sila ay labis na matigas ang ulo, hangal, sutil, at sarado pa nga ang isip. Kapag nakikisalamuha ka sa gayong tao at tinatalakay mo ang ilang paksa, o magkasama kayong humaharap sa ilang usapin habang nakikipag-ugnayan ka sa kanya, nakikita mo na ang kanyang mga saloobin at disposisyon sa pagharap sa mga usapin ay partikular na matigas ang kalooban, matigas ang ulo, hangal, at sutil. Ang isang tamang bagay o isang tamang kaisipan at pananaw na malinaw na napakadaling tanggapin para sa isang normal na tao ay nagiging napakahirap tanggapin pagdating sa kanya, na may maraming balakid na kasangkot. Hindi mo tuloy alam kung matatawa ka o maiiyak, at nararamdaman mo na ang taong ito ay partikular na problematiko: “Bakit nagiging isang mahirap na problema sa kanya ang gayon kasimpleng bagay? Tao man lang ba siya?” Ang pagpapatanggap sa kanya ng isang tamang bagay o isang tamang pananaw ay kasinghirap ng pagdudulot na ang isang lobo ay tumigil sa pagkain ng karne at sa halip ay kumain ng iba’t ibang gulay. Katumbas ito ng paghiling sa kanya na baguhin ang kanyang katangian—ganoon ito kahirap. Maaaring para sa isang maliit na bagay, gumugugol ka ng maraming oras sa pagpapaliwanag at nagsisikap ka nang husto para bahagya siyang mahikayat na tanggapin ito, pero kapag may isa na namang bagay na lumitaw, muling nahahayag ang kanyang disposisyong matigas ang kalooban, at nahahayag ito sa isang partikular na hayag na paraan—kung saan ipinapakita niya ang kanyang baluktot na pag-arok at katigasan ng ulo, pati na rin ang pagiging hangal, sutil, at sarado ang isip. Habang mas nakakaugnayan mo ang gayong mga tao at mas nagkakaroon ka ng kabatiran sa kanila, matutuklasan mo na magkakaiba ang mga diwa ng mga tao. Pagdating sa diwa ng gayong mga tao, maaaring kailanganin mong gumugol ng napakatinding pagsisikap para maipaunawa sa kanila at maipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay tungkol sa ilang hindi gaanong mahalagang usapin, sa wakas ay nagkakamit ng ilang resulta nang may matinding paghihirap. Gayumpaman, pagdating sa mga isyu ng pananaw at paninindigan, o malalaking usapin, hindi mo sila kailanman makausap. Sa puntong iyon, malalaman mo na ang mga tao ay nagtataglay ng mga katangian, at magkakaiba ang katangian ng bawat isa. Kung hindi makapag-usap nang maayos o hindi makapagtulungan nang may pagkakasundo ang dalawang tao, at hindi sila mabilis na magkasundo at magkaisa sa kanilang mga pananaw kapag tinatalakay ang anumang usapin, kung gayon ay magkaiba sila ng mga katangian. Dahil ang mga uri ng tao na hindi alam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto ay walang kakayahan sa kanilang pagkatao na makilatis kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto, hindi nila kailanman matatanto kung bakit tama ang malilinaw na tamang kaisipan at pananaw, mga tamang salita, at mga tamang bagay, o kung saan nakasalalay ang pagiging tama ng mga ito. Sasabihin nila, “Bakit tama ang sinasabi mo? Bakit hindi tama ang sinasabi ko? Paano ba naging tama ang sinasabi mo?” Minsan, para patunayan na tama ang sinasabi mo, kailangan mong magpakita ng mga katunayan at mangatwiran, magbigay ng maraming halimbawa at gumawa ng maraming analohiya, dumaraan sa napakaraming abala at nag-iisip nang mabuti bago mo maipaliwanag nang malinaw sa kanila ang isang usapin. Pagkatapos itong magawa sa wakas, kailangan mo pa ring mag-isip nang mabuti at dumaan sa maraming abala para maipaliwanag nang malinaw sa kanila ang susunod na usaping lilitaw. Kung palagi mong gagawin ito, sa paglipas ng panahon ay matutuklasan mo na sa huli ay hindi nito mababago ang katangian ng isang tao, at na ang iyong ginagawa ay isang gawaing walang kabuluhan. Kahit na maglaan ka ng maraming pagsisikap at umasa nang husto sa kanilang pagbabago, ang mga resultang matatanggap mo ay napakaliit, dahil walang sinuman ang makakapagbago sa katangian ng isang tao. Kung hindi man lang alam ng isang tao kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto, kung gayon, mayroon lang isang aksyon na makakapagbago sa kanyang katangian, at iyon ay ang bumalik siya sa kanyang orihinal na anyo para muling magreinkarnasyon. Kung papalarin siya, magrereinkarnasyon siya bilang isang tao; kung mamalasin siya at muli siyang magrereinkarnasyon bilang isang bagay na hindi tao, wala pa ring pag-asa na maidulot na makilatis ng gayong mga tao kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Ganoon lang talaga iyon.

Ang mga ganitong uri ng tao, na walang mga katangian ng pagkatao, ay may isa pang katangian sa kanilang pakikisama sa iba: Kaya nilang punahin ang iba’t ibang uri ng mga pagkakamali sa lahat ng iba pa, pero kapag mayroon sila ng mga parehong pagkakamaling ito, hindi nila kailanman inaamin na mga pagkakamali ang mga ito. Sadyang hindi nila makita ang anumang kalakasan o merito sa iba; pinupuna lang nila ang mga pagkakamali ng mga ito at inilalantad ang mga pagkukulang ng mga ito, ginagamit ito bilang palusot para sabihin na hindi kaya ng iba na makipagtulungan sa kanila nang may pagkakasundo, at na ang kawalan ng abilidad na makipagtulungan nang may pagkakasundo ay pawang kasalanan ng iba, samantalang sila mismo ay walang anumang kasalanan, at ang iba ang kailangang makakilala sa kanilang sarili. Ano ang problema rito? Sa kanilang pag-asal at pakikitungo sa mga bagay-bagay, hindi kailanman kaya ng mga ganitong tao na tratuhin nang makatwiran ang iba, ni kayang tratuhin ang sarili nilang mga problema sa isang makatwiran, tama, at patas na paraan. Masasabi ba ninyo na wasto o di-wasto ang kanilang saloobin sa pagharap sa mga usapin at pagtrato sa mga tao? (Di-wasto.) Pero alam ba nila ito? (Hindi.) Palagi nilang tinatasa at tinitingnan ang iba na para bang mas matuwid sila. Ang paraan nila ng pagtingin sa iba, at ang perspektiba kung saan nila ginagawa ito, ay kinabibilangan ng paggamit sa sarili nilang tinatawag na “wasto at di-wasto” para kilatisin ang iba. Nakikita nila ang lahat ng ginagawa ng iba bilang mali at mas mababa sa kanila. Kung may lumitaw na alitan at hindi nila magawang makipagtulungan nang may pagkakasundo, naniniwala sila na problema lahat ito ng ibang tao at na kagagawan ito ng iba, na may mga tiwaling disposisyon ang iba, at na ang iba ang dapat gumawa ng mga pagbabago at mag-iba. Nakikita nila ang iba bilang puno ng mga kapintasan at problema, nang walang kahit isang merito, habang tinitingnan nila ang sarili nila bilang sagana sa merito, at walang anumang kapintasan. Masasabi mo bang may katwiran ang gayong mga tao? (Wala.) May silbi ba ang mga mata ng mga taong walang katwiran? (Wala.) Sadyang hindi nila makita ang mga kalakasan at merito sa lahat ng uri ng tao. Sa kabaligtaran, sinusunggaban nila ang mga pagkukulang ng iba—na, sa katunayan, ay maaaring hindi naman talaga mga pagkukulang—at pinalalaki nila ang mga ito. Ayos lang ang mga bagay-bagay kung walang mga problemang lumilitaw, pero sa sandaling lumitaw ang isang problema, sinusunggaban nila ang mga pagkukulang ng kabilang partido at hindi ito binibitiwan, sinasabing, “Sa anong paraan ka mas magaling kaysa sa akin? Kung mas magaling ka kaysa sa akin, bakit nangyari pa rin ang problemang ito?” Sumasabog ang kanilang malalim na pagtutol, at lahat ng kanilang tunay na panloob na pananaw ay nalalantad. Hindi nila kailanman tinitingnan ang mga tao, pangyayari, at bagay sa isang makatwirang paraan. Sa kanilang mga mata, anumang pagpapakita mula sa ibang tao ay isang problema, isang kapintasan. Batay sa kanilang mga kaisipan at pananaw, walang anuman sa mga iyon ang pumapasa sa pamantayan; lahat ng iyon ay mali, lahat ay mga negatibong bagay, at lahat ay isang bagay na magagamit nila para sa paghusga. Mahirap pakitunguhan ang gayong mga tao. Hindi sila nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, kaya sa kaibuturan ng kanilang puso, ang kanilang diumano’y “wasto at hindi wasto” ay nangangahulugan lang na anuman ang sa tingin nila ay wasto ay wasto, at anuman ang sa tingin nila ay hindi wasto ay di-wasto. Tinatasa nila ang pagiging wasto ng mga tao, pangyayari, at bagay batay sa sarili nilang ebalwasyon, batay sa sarili nilang mga kagustuhan, at batay rin sa sarili nilang mga interes. Hindi nila titingnan nang patas ang mga tao at mga bagay. Anuman at sinumang hindi nila gusto, hindi kaayon, hindi pinakikinabangan, o kaya ay minamaliit ay pangkalahatang itinuturing na mali at masama, nang walang puwang para sa talakayan. Ang gayong mga tao ay hindi lang mahirap pakitunguhan kundi nakakatakot din. Kung mayroong gayong tao sa paligid mo, sa sandaling maipahayag na ang lahat ng kanilang kaisipan at pananaw, ganap nang nalalantad ang kanilang karakter. Makikita mo kung ano ba talaga ang nasa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, kung ano ba talaga ang minamahal nila, kung ano ba talaga ang mga pangangailangan nila, at kung ano ba talaga ang hinahangad nila. Ang makita ang mga bagay na ito sa kanila ay maaaring magdulot na masuklam ka sa kanila habambuhay. Siyempre, kapag nalantad na ang lahat ng problemang ito sa kanila, magkakaroon ka na ng sagot tungkol sa mga pagpapakita nila tulad ng kanilang baluktot na pag-arok, at ang katigasan ng ulo, kahangalan, pagiging sutil, at pagkahilig sa mga pagbabaluktot na ibinubunyag nila dahil sa kanilang disposisyong matigas ang kalooban. Ano ang sagot na ito? Ito ay na ang gayong mga tao ay hindi nagtataglay ng normal na pagkatao—ibig sabihin, hindi sila nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng isang tao; sila ay mga di-tao. Kung mayroon silang kaunting konsensiya at katwiran, hindi sila kakapit sa baluktot na pangangatwiran at magsasalita tungkol dito na para bang tama ito. Dahil nakarinig na sila ng napakaraming sermon sa kanilang pananampalataya sa Diyos, dapat ay nakaunawa na sila ng kahit kaunting katotohanan, at dapat ay medyo nagbago na ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay. Kaya bakit tinitingnan pa rin nila ang mga bagay-bagay gamit ang mga pananaw ng mga walang pananampalataya, at tinatrato ang mga maling pananaw at baluktot na pangangatwiran bilang tama at ang katotohanan, at kinokondena pa nga ang katotohanan, mga positibong bagay, at mga tamang bagay bilang mga negatibong bagay? Kapag nalalantad ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw, makukuha mo ang kasagutan. Hindi kataka-taka na kaya nilang sabihin ang napakaraming bagay sa buhay na nagbabaligtad sa itim at puti at nagbabaluktot sa mga katunayan—ito ay dahil sa kanilang ganap na pagtangging tanggapin ang katotohanan. Dahil taglay nila ang katangian ng pagiging tutol sa katotohanan, makatwiran lang na ibunyag nila ang mga bagay na iyon. Hindi ito dahil sa kung paano sila tinuruan ng kanilang mga magulang, ni sa impluwensiya ng kapaligiran, lalo namang hindi sa kung ano ang itinuro sa kanila ng lipunan; ito ang katangian ng kanilang pagkatao. Sila ay tutol sa katotohanan; mayroon silang ganitong katangian. Kung ano ang minamahal ng isang tao, kung anong uri ng pagkatao ang ibinubunyag niya, kung ano ang likas niyang ipinapakita sa pang-araw-araw na buhay, at kung ano ang kanyang karaniwang kalagayan sa buhay—lahat ng ito ay nakadepende sa mga katangian ng isang tao. Walang sinuman ang makakapagbago sa mga katangian ng isang tao. Tulad lang ng isang ahas: Dahil mayroon itong katangian ng pagiging baliko, hindi ito kailanman gagapang nang tuwid. Tulad lang ng isang alimango: Naglalakad ito nang patagilid, at kahit na ilagay mo ito sa isang makitid na espasyo, maglalakad pa rin ito nang patagilid. Ang mga ito ang mga katangian ng mga ito, at hindi mababago ang mga katangian. Kung hindi makilatis ng isang tao ang tama sa mali o malaman kung ano ang wasto at di-wasto, masasabing ang katangiang ito ay isang katangiang taglay niya. Dahil taglay niya ang katangiang ito, likas siyang nagbubunyag ng maraming bagay na may kaugnayan dito sa kanyang pang-araw-araw na buhay—ito ay napakanormal.