Paano Hangarin ang Katotohanan (2) Ikalimang Bahagi

Kung Paano Makakamit ang Katotohanan sa mga Kapaligirang Inihahanda ng Diyos

Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang mga prinsipyo at layon ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi ba’t medyo malulutas ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos sa aspektong ito? (Oo.) Ano ang dapat maunawaan ng mga tao sa aspektong ito? Ito ay na, ito man ay sa lahat ng uri ng usapin o sa isang partikular na usapin na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos, ang pakikipagtulungan ng mga tao ay bumubuo sa 80 o maging sa 90 porsiyento, at ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at ang kanilang mga saloobin sa naturang usapin ay napakahalaga sa mga mata ng Diyos. Huwag isipin na kung wala kang sasabihin at hindi mo ipapakita ang iyong paninindigan kapag nangyari sa iyo ang mga bagay, hindi ka papansinin ng Diyos at babalewalain ka Niya. Kung gusto mong balewalain ka ng Diyos, mabuti pang huwag ka nang manampalataya sa Diyos. Dahil ikaw ay nasa sambahayan ng Diyos at dahil pinili ka ng Diyos, hinding-hindi ka babalewalain ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay sinisiyasat sa mga mata ng Diyos, lalo na ikaw, na isang munting tao. Kahit na isa kang langgam, kung pinili ka ng Diyos, palagi ka pa ring sisiyasatin at aakayin ng Diyos. Dahil sinisiyasat ka ng Diyos, kailangan mo lang tanggapin ang mga bagay na nangyayari sa iyo. Huwag mong iwasan ang mga ito—ang pag-iwas ay hindi isang matalinong pagpili. Dapat mong harapin ang mga ito. Kapag hinarap mo na ang mga ito at mayroon ka nang malinaw na saloobin ay saka ka lang magkakaroon ng pagkakataon, sa mga kapaligirang inihanda Niya para sa iyo, na makamit ang mga katotohanan na hinahayaan ng Diyos na maunawaan mo, samantalang ang pag-iwas sa mga ito ay hindi ka bibigyang-kakayahan na makaunawa ng mga katotohanan sa iyong katahimikan. Bukod sa mga katotohanan tungkol sa mga pangitain, ang ibang mga katotohanan—ibig sabihin, lahat ng uri ng katotohanan tungkol sa buhay at pag-iral ng tao—ay ipinapahayag sa pamamagitan ng isang kapaligiran o sa pamamagitan ng konteksto ng lumilitaw na pag-uugali ng isang uri ng tao. Tunay lang na maaarok ng mga tao ang mga realidad ng mga katotohanang ito matapos nilang magkamit ng tunay na karanasan at pagkaunawa. Karamihan sa mga tao ay hindi makita nang malinaw ang puntong ito, at ang saloobin nila sa iba’t ibang uri ng mga katotohanan ay maligamgam, at palagi rin nilang gustong iwasan ang mga kapaligirang ito, at ayaw nilang hanapin ang katotohanan tungkol sa mga tunay na problema. Hindi nila natututunang makilatis ang iba’t ibang uri ng mga tao at pangyayari batay sa katotohanan, ni hindi sila nagsasanay sa paglalapat ng katotohanan para lutasin ang iba’t ibang problema. Anuman ang nangyayari sa kanila, wala silang saloobin o mga pananaw, at hindi sila nakikilahok sa pagbabahaginan at mga talakayan. Kontento na sila sa pagdarasal lang sa Diyos, pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pag-aaral ng mga himno, at pagtupad nang maayos ng kanilang mga tungkulin araw-araw, at iyon na iyon. Sasabihin Ko sa iyo ang isang bagay, at iyon ay na ang mga katangian ng isang trabahador ay na handa lang siyang gumugol ng pagsisikap, at hindi siya interesado sa anumang aspekto ng katotohanan o hindi siya handang maging taimtim tungkol sa anumang aspekto ng katotohanan, at tingin niya ay isang abala ang paggawa niyon—ito ay isang trabahador. Kung hindi ka isang alipin ni Satanas, o masamang tao o anticristo, sa pinakamainam ay maaari ka lang maging isang trabahador. Pero iba ito para sa mga tao ng Diyos na maaaring magtamo ng kaligtasan. Hindi sila kontento sa pagtatrabaho lang at paggugol ng kaunting pagsisikap, kundi natututunan at nauunawaan nila ang iba’t ibang katotohanan sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, at pagkatapos ay tinitingnan at hinaharap ang iba’t ibang uri ng mga tao at pangyayari batay sa mga katotohanang ito. Sa ganitong paraan, ang iba’t ibang katotohanan ay unti-unting naikikintal sa loob nila, at unti-unting nagiging buhay nila at mga prinsipyo sa kanilang mga pagkilos at sariling asal. Tanging kapag ang katotohanan ay nagiging buhay mo ay saka mo lang magagawang magpasakop sa Diyos at matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan; kung hindi, hindi makakamit ang epektong ito. Huwag matakot na maranasan ang mga bagay, at huwag matakot na kilatisin ang mga tao. Hindi isang masamang bagay na nagaganap ang lahat ng uri ng pangyayari, at may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos dito. Dahil ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang Siyang gumagawa ng mga pagsasaayos, ano ang dapat mong ikatakot? Dahil ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang Siyang gumagawa ng mga pagsasaayos, para sa iyo, ang pagdating ng isang pangyayari, sa pinakamababa, ay hindi mapaminsala o isang tukso. Sa halip, ito ay para matuto ka ng mga aral, para mapatibay at makinabang ka, at para magawa kang perpekto. Kung magagawa mong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kung mahaharap mo ang nangyayari sa iyo bilang mga positibong materyal sa pagtuturo, at hahanapin mo ang katotohanan at matututunan ang mga aral na dapat mong matutunan, natural at di-namamalayang maikikintal sa loob mo ang katotohanan at magiging buhay mo ito. Samakatwid, mali para sa karamihan ng tao na magkaroon ng saloobin ng kawalang-pakialam, pag-iwas, di-pakikilahok, at di-pakikibahagi, at hindi magpahayag ng mga pananaw o makipagbahaginan, kapag nahaharap sila sa iba’t ibang pangyayari—hindi ito marapat. Bakit ko sinasabing mali ito at hindi marapat? Ipinapakita ng saloobing ito sa Diyos na hindi ka interesado sa Kanyang pagliligtas o sa Kanyang mabubuting layunin, at na hindi ka interesado na magawang perpekto ng Diyos, at hindi mo ito pinapansin at tinatanggihan mo ito. Kapag nakita ng Diyos na ito ang iyong saloobin, gugustuhin pa rin ba Niyang iligtas ka? At kahit na gusto ka ngang iligtas ng Diyos, paano ka Niya maililigtas kung hindi ka makikipagtulungan? Gaya ng kasabihan, “Wala nang magagawa,” at ang kasabihang ito ay tumpak na tumutukoy sa ganitong uri ng tao.

Sa loob ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, lalo na sa loob ng huling yugtong ito ng Kanyang gawain, nagpahayag na Siya ng napakaraming katotohanan, at narinig mo na ang lahat ng iyon. Gaano man karami sa mga iyon ang naranasan at naunawaan mo na, sa pinakamababa ay alam mo ang mga iyon, kaya hindi na gagawa ang Diyos ng anumang karagdagang gawain ng panghihimasok at pag-agapay. Hinihintay lang ng Diyos ang iyong saloobin, pati na ang iyong pakikipagtulungan sa lahat ng bagay na nangyayari sa iyo—gusto Niyang makita ang iyong saloobin, mga pananaw, mga paghahangad, at ang landas na tinatahak mo. Kung sa tuwing nakakaharap ka ng mga tao, pangyayari, o bagay, itinatala ng Diyos na wala kang saloobin o mga pananaw, at na palagi kang walang nasasabi, sabihin mo sa Akin, hindi ba’t isa kang hangal? Anong mga tao ang palaging walang nasasabi? Hindi ba’t iyong mga bingi, pipi, mangmang, o hangal? Ang itinatala ng Diyos ay na wala kang saloobin, kaya kapag binigyan ka Niya ng puntos sa huli, zero ang makakamit mo na puntos. Kapag may nangyayari sa iyo, tinatanong ng Diyos, “Handa ka bang magbayad ng halaga?” at sinasabi mo, “Oo!” at tinatanong Niya, “Mayroon ka bang determinasyon? Nanumpa ka ba?” at sumasagot ka, “Oo!” Kung mayroon ka lang ganitong determinasyon, pero kapag tinatanong ka kung ano ang nakamit mo mula sa pagdanas sa kapaligirang ito, wala kang masabi, at wala kang nakamit mula sa bawat kapaligirang naranasan mo, sa huli, kapag binigyan ka ng Diyos ng puntos, magiging dalawang puntos lang ito. Bakit dalawang puntos? Ito ay dahil sa maliit mong determinasyon kaya ka magkakamit ng dalawang puntos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t magiging katapusan mo na kung gayon? Magkakaroon ka pa rin ba ng pag-asa na maligtas? Ang pag-asang maligtas ay natatamo sa pamamagitan ng pagsisikap mo mismo para dito. Ito ang bunga na nakukuha mo kapalit ng pagpili na lumakad sa landas ng paghahangad ng katotohanan. Kaya anuman ang mangyari sa iyo, huwag kang matakot dito o umiwas dito, at huwag takpan ang iyong ulo ng iyong mga kamay at umatras sa iyong talukab gaya ng isang pagong—sa halip, harapin mo ito nang positibo at aktibo. Kung ikaw ay duwag at takot sa mga bagay, at hindi naglalakas-loob na magbigay ng pagtatasa sa anumang bagay—kahit kanino ito nauugnay—sa takot na malantad at makilatis ng iba kapag may nasabi kang mali, at palagi kang natatakot at hindi kailanman nakikilahok, ibig sabihin nito ay pinapalampas mo ang iyong pagkakataon! Maaaring naglaan ka ng maraming enerhiya sa paggawa ng iyong tungkulin, pero ang katunayan ay na matagal mo nang natukoy ang iyong sariling kalalabasan. Sa huli, makakakuha ka lang ng dalawang puntos, kaya hindi ba’t ikaw ay isang walang silbing hangal? Hindi ba’t ang pagkakamit ng dalawang puntos ay kapareho ng pagiging isang walang silbing hangal? At dahil makakakuha ka lang ng dalawang puntos, hindi ba’t mawawalang-saysay ang pananampalataya mo sa Diyos sa buhay na ito? Ito ang huling yugto ng gawain ng Diyos, kung ang iyong pananalig ay walang saysay sa panahong ito, matatakda na ang iyong kalalabasan. Hindi na muling gagawin ng Diyos kailanman ang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Ito ang huling pagkakataon—kung hindi mo pa rin ito pagsisikapan at hahayaan mo itong makalampas, at hindi ka makakapagtamo ng kaligtasan, sayang naman iyon! Kahit ilang taon mo nang naranasan ang gawain ng Diyos, kahit papaano ay dapat makakuha ka ng puntos na pasado, kapag nagkagayon ay magkakaroon pa rin ng pag-asa na manatili kang buhay. Kung ang iyong pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan, at nagdulot ka rin ng maraming pagkagambala at kaguluhan, wala ka talagang maaaning anumang bunga, at mawawalan ka ng pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Sa bawat kapaligirang inihahanda ng Diyos, huwag maging isang tagapanood; maging isang kalahok, maging bahagi nito. Pero may isang prinsipyo na dapat mong sundin sa pinakamababa: Huwag magdulot ng mga kaguluhan. Maaari kang makilahok at magpahayag ng sarili mong mga opinyon at pagtatasa, at kahit na magsalita ka tulad ng isang taong walang kasanayan at bumigkas ka lang ng mga salita at doktrina, hindi ito mahalaga. Gayumpaman, dapat kang makilahok sa bawat usapin nang mayroong prinsipyo at layunin na hanapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa katotohanan—saka lang magkakaroon ng pag-asa ang iyong kaligtasan. Sa anong batayan nakatatag ang pag-asa sa kaligtasan? Nakatatag ito sa batayan ng kakayahan mong magsikap tungo sa katotohanan, magbulay-bulay sa katotohanan, at magsikap para sa katotohanan kapag nangyayari ang bawat usapin. Sa ganitong batayan mo lang mauunawaan ang katotohanan, maisasagawa ang katotohanan, at makakamit ang kaligtasan. Gayumpaman, kung ikaw ay palaging isang tagapanood kapag nangyayari ang mga bagay-bagay—hindi nagbibigay ng anumang mga pagtatasa o paglalarawan, at hindi nagpapahayag ng anumang mga personal na opinyon—at wala kang mga pananaw sa anumang bagay, o, kahit na may mga pananaw ka, hindi mo ipinahahayag ang mga ito, at hindi mo alam kung tama o mali ang mga ito, pero itinatago mo lang ito nang maigi sa isip mo at iniisip ang mga ito, kung gayon ay hindi mo makakamit ang katotohanan sa huli. Pag-isipan mo ito, tulad ito ng pagkagutom habang nasa isang masaganang piging. Hindi ba’t kaawa-awa ka? Sa gawain ng Diyos, kung sampung taon ka nang nananampalataya at naging isang tagapanood sa buong panahong iyon, o kung 20 o 30 taon ka nang nananampalataya at naging isang tagapanood sa buong panahong iyon, kung gayon, sa huli, kapag oras na para tukuyin ang kalalabasan mo, ang marka na ilalagay ng Diyos sa talaan mo ay dalawang puntos, at kaya ikaw ay magiging isang hangal na walang halaga, at ang pagkakataon mong makamit ang katotohanan at ang pag-asa mong maligtas ay ganap na masisira ng sarili mo mismo. Sa pinakahuli, mababansagan ka bilang isang hangal na walang halaga, at magiging nararapat lang sa iyo ito, hindi ba? (Oo.) Ano ang sikreto para hindi maging isang hangal na walang halaga? (Ang sikreto ay ang huwag maging isang tagapanood.) Huwag maging tagapanood. Nananampalataya ka sa Diyos, kaya dapat mong danasin ang gawain ng Diyos para makamit mo ang katotohanan. Maaaring itanong ng ilan, “Kaya, hinihiling Mo ba sa akin na makilahok ako sa lahat ng bagay? Pero sinasabi ng mga tao, ‘Huwag kang makialam sa hindi mo problema.’” Ang paghingi sa iyo na makilahok ay nangangahulugan ng paghingi sa iyo na hanapin ang katotohanan at matuto ng mga aral mula sa mga bagay na nagaganap sa iyo. Halimbawa, kapag nakakatagpo mo ang isang partikular na uri ng tao, dapat kang magkamit ng pagkilatis sa pamamagitan ng mga pagpapamalas niya at ng mga bagay na ginagawa niya. Kung nilalabag niya ang katotohanan, dapat mong kilatisin kung ano ang ginawa niya na lumalabag sa katotohanan. Kung sinasabi ng iba na isang masamang tao ang taong ito, dapat mong kilatisin kung ano ang sinabi at ginawa niya at kung anong mga pagpapamalas ng paggawa ng masama ang mayroon siya para mailarawan siya bilang isang masamang tao. Kung sinasabi ng iba na hindi ipinagtatanggol ng taong ito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at tinutulungan ang mga tagalabas sa kapinsalaan nito, dapat kang magtanong-tanong kung ano ang ginagawa ng taong ito. At pagkatapos mong magtanong-tanong, hindi sapat na malaman lang ang mga bagay na ito. Dapat mo ring pagbulay-bulayan: “Magagawa ko kaya ang gayong mga bagay? Kung walang nagpaalala sa akin, maaaring magawa ko rin ang mga parehong bagay, at kapag nagkagayon, hindi ba’t matutulad ng sa taong iyon ang magiging kalalabasan ko? Hindi ba’t magiging mapanganib ito? Buti na lang, inihanda ng Diyos ang kapaligirang ito para bigyan ako ng babala, na siyang pinakadakilang proteksiyon para sa akin!” Pagkatapos itong pagbulay-bulayan, napagtatanto mo ang isang bagay: Hindi mo maaaring sundan ang landas na sinusundan ng ganoong uri ng tao, hindi ka maaaring maging ganoong uri ng tao, at dapat mong pagsabihan ang sarili mo. Anumang mga bagay ang makaharap mo, dapat kang matuto ng mga aral mula sa mga ito. Kung may mga bagay na hindi mo lubusang nauunawaan at na pakiramdam mo sa puso mo ay kakatwa, dapat kang magtanong tungkol sa mga ito at alamin ang tungkol sa mga ito, at tiyakin ang tunay na kalagayan ng mga usapin sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Hindi ito pagkamausisa; pagiging taimtim ito. Ang pagiging taimtim ay hindi nangangahulugan ng paggawa nang pabasta-basta o pagsunod sa nakararami—isa itong saloobin ng pag-ako ng responsabilidad. Sa pamamagitan ng pagkakamit ng kalinawan tungkol sa mga problema at pagkatapos ay paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga ito, saka ka lang magkakaroon ng landas ng pagsasagawa, maisasagawa mo ito nang tumpak, at magkakaroon ng pakiramdam ng pagiging payapa at panatag kapag nahaharap sa parehas na uri ng sitwasyon sa hinaharap. Nagiging taimtim ka batay sa prinsipyo ng pagsubok na maunawaan ang tunay na kalagayan ng mga katunayan at mula sa mga ito ay makamit ang katotohanan at matuto kung paano tingnan ang mga tao at bagay, sa halip na sumunod sa ibang tao at sumunod lang sa agos sa lahat ng usapin. Sa pamamagitan ng pagiging taimtim sa mga kilos mo, saka mo lang magagawang isagawa ang katotohanan at kumilos batay sa mga prinsipyo. Iyong mga hindi taimtim ay malamang na sumunod sa ibang mga tao at sumunod sa agos, at sa ganitong paraan, malamang na malabag nila ang mga katotohanang prinsipyo. Halimbawa, sabihin na ang isang tao ay palaging gumagawa ng kanyang tungkulin sa isang pabasta-bastang paraan at kaya nadiskalipika siya mula sa paggawa ng kanyang tungkulin. Sinasabi mo, “Mukha naman siyang maayos sa panlabas. Paanong hindi ko napansin na nagiging pabasta-basta siya? Nailihis ba niya ako? Sa anong mga paraan niya iniraraos lang ang kanyang tungkulin? Anong mga bagay ang ginawa niya sa isang pabasta-bastang paraan?” Kapag sinabi sa iyo ng iba pang tao ang ilan sa mga paraan kung saan umasal nang pabasta-basta ang taong iyon, sinasabi mo, “Talagang magaling ang taong iyon sa pagpapanggap! Mukha siyang maayos sa panlabas, at nagsabi siya ng talagang magagandang bagay. Sinabi niya, ‘Binigyan tayo ng Diyos ng labis na biyaya—hindi puwede na wala tayong konsensiya, dapat nating gawin nang maayos ang ating mga tungkulin!’ Nang marinig kong sinabi niya iyon, inakala ko na ginagawa niya nang tapat ang kanyang tungkulin; hindi ko kailanman naisip na napakapabasta-basta niya! Hindi ba’t nalihis ako? Wala akong pagkilatis sa mga tao, hindi ko tiningnan ang mga tao at bagay o tinrato ang mga tao batay sa mga katotohanang prinsipyo. Bumatay lang ako sa kung gaano kakaaya-aya magsalita ang taong iyon, nang hindi tinitingnan ang mga resultang nakuha niya sa kanyang tungkulin, o sa kanyang partikular na pag-uugali at mga pagpapamalas, o sa kanyang diwa—sa usaping ito ay nagkamali ako. Lumalabas na ang mga taong mukhang mabuti sa panlabas ay maaaring hindi tiyak na tunay na mabuti, at bagama’t nagsasabi sila ng mga bagay na kaaya-ayang pakinggan, maaaring hindi talaga nila ginagawa ang sinasabi nila, at maaaring hindi tiyak na sila ay mga taong may konsensiya at pagkatao. Simula ngayon, dapat kong tingnan ang mga tao batay sa mga salita ng Diyos, at dapat akong matutong kumilatis ng mga tao. Hindi na ako puwedeng malokong muli!” Kita mo, anuman ang mangyari, hangga’t ikaw ay medyo taimtim at naghahanap sa katotohanan, at pagkatapos ay bumubuo ng mga kongklusyon, mayroon kang makakamit. Kung makakamit mo nga ang mga pakinabang na ito, hindi ba’t isa iyong mabuting bagay? (Oo.) Mayroon kang matututunan at medyo makikinabang ka sa usapin ng pagkilatis sa mga tao—ito ang nakakamit mo sa pagiging taimtim at pagsisikap kaugnay sa katotohanan. Ipagpalagay nang hindi ka taimtim sa ganitong paraan. Kapag narinig mo na itinaboy ang isang tao dahil palagi siyang pabasta-basta sa paggawa ng kanyang tungkulin, hindi mo tinatanong, “Bakit siya pabasta-basta? Bakit siya itinaboy?” Sa halip, iniisip mo lang, “Ano ba ang problema sa pagiging pabasta-basta? Ano’t anuman, hindi ako itinaboy, kaya maayos naman ang lahat.” Sa ganoong kaso, makakatanggap ka ba ng kaunting babala, matututo ng kaunting aral, o magkakaroon ka ba ng kaunting pagkilatis mula sa usaping ito? Hindi. Bakit hindi? Dahil hindi ka interesado o seryoso sa gayong mga bagay, at hindi ka talaga nagdadala ng pasanin para sa sarili mong buhay pagpasok o paghahangad ng katotohanan, at hindi ka interesado at hindi nakikilahok sa pakikipagbahaginan ng ibang tao tungkol sa mga usapin ng paghahangad ng katotohanan at sa buhay pagpasok, at sa pinakamainam, pabasta-basta ka lang bumibigkas ng ilang salita ng pagsang-ayon, at iyon na iyon. Marami bang ganitong uri ng mga tao? Kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay, partikular silang mahilig na maging pabasta-basta at iraos lang ang mga bagay-bagay, at hindi magdala ng anumang pasanin para sa sarili nilang buhay pagpasok o paghahangad ng katotohanan. Bukod sa pagkahilig na makipag-tsismisan nang kaunti kapag nakikisalamuha sa iba, wala talaga silang anumang interes sa mga bagay tulad ng mga kinasasangkutan ng buhay pagpasok o sa mga aral na dapat matutunan ng mga tao sa mga kapaligirang inihahanda ng Diyos. Pagkatapos nila sa kaunting gawain nila sa kasalukuyan, umuupo sila at tumutulala, gusto na lang matulog o magpahinga saglit, at hindi talaga sila nagdadala ng anumang pasanin para sa sarili nilang buhay pagpasok. Bukod sa kaunting determinasyon at kaunting kahilingan na mayroon sila, ang mga taong ito ay walang makakamit na katotohanan sa dulo, at sa huli, ang kabuuang puntos nila ay maaari lang maging dalawa, hindi nila magagawang iwaksi ang kanilang walang silbing kahangalan, kung kaya, magiging katapusan na nila sa buhay na ito. Kung katapusan mo na sa panahong ito, talagang magiging katapusan mo na, at hindi ka na magkakaroon ng pag-asa na maligtas, dahil maitatakda na ang iyong kalalabasan. Ang puntos na natatanggap ng isang nilikha sa huli ay direktang nauugnay sa kanyang kalalabasan. Kung makakatanggap ka ng puntos na pasado, ang iyong kalalabasan ay na maliligtas ka. Kung hindi ka makakatanggap ng puntos na pasado, hindi ka magkakaroon ng magandang kalalabasan. Ito ang panahon kung kailan matutukoy sa wakas ang mga kalalabasan ng mga tao, at kapag naitakda na ang isang kalalabasan, permanente na ito at hindi magbabago. Hindi na magkakaroon ng isa pang pagkakataon para magsikap para sa isang mabuting kalalabasan at wala nang magiging pagkakataon para baguhin ito—pinal nang matutukoy ang iyong kapalaran. Naunawaan mo ba? Ito ba ay para takutin ka? (Hindi.) Pag-isipan mo ito—ginagawa ng Diyos ang gawain ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan, at tinutustos Niya sa mga tao ang iba’t ibang katotohanang dapat nilang taglayin—ilang beses puwedeng gawin ng Diyos ang ganitong uri ng gawain? (Itong isang beses lang na ito.) Hindi pa ito nagawa kailanman noon, at hindi na muling magagawa kailanman. Ito lang ang tanging panahon, at kapag natapos na ito, ganap nang maisasakatuparan ang dakilang gawain ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “ganap nang maisasakatuparan”? Ibig sabihin ay hindi na Niya ito gagawing muli, at wala na Siyang planong gawin ito. Samakatwid, anuman ang mga huling kalalabasan ng mga tao sa panahong ito, ang mga ito ay mapipinal na at hindi na mababago. Hindi na bibigyan ng Diyos ng pagkakataon ang mga tao na gumampang muli o na ipamuhay muli ang kanilang buhay. Ang oras na lumipas ay hindi na maibabalik kailanman, at hindi na magkakaroon ng anumang pagbabago. Kaya, kung hindi mo susunggaban ang pagkakataong ito, mapapalampas mo ang pagkakataong maligtas. Kung babalewalain mo ang iba’t ibang kapaligiran at ang iba’t ibang tao, pangyayari, at mga bagay na inihanda ng Diyos, kung ikaw ay manhid at mapurol ang isip pagdating sa mga ito, at tinatrato mo ang mga ito nang walang pakialam, ikaw ay isang walang silbing hangal. Kahit ikaw ay hindi sineseryoso ang sarili mong kalalabasan at hantungan, kaya sino ang papansin sa iyo? Napakaraming beses na itong sinabi sa iyo pero hindi mo ito sineseryoso, kaya ano ka kung hindi isang walang silbing hangal? Wala nang kasinghalaga pa ng usapin ng kaligtasan. Hindi ba’t ganoon ang kaso? (Oo.) Siyempre, gaya ng kakasabi Ko lang, ang huling kalalabasan ng isang tao ay natutukoy ng kanyang mga pangkalahatang pagpapamalas sa iba’t ibang kapaligirang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos, kaya dapat bigyang-pansin ng mga tao ang kanilang mga pangkalahatang pagpapamalas sa pang-araw-araw na buhay. Ang layunin dito ay hindi ang hilingin sa iyo na magtsismis o masangkot sa mga alitan, kundi ang tulutan ka, batay sa iyong umiiral na kapaligiran at mga kondisyon, at hangga’t maaari, na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanan, na tumahak sa landas ng paghahangad ng katotohanan, at na magsikap, sa humigit-kumulang, na makapasok sa tatlong aytem ng “pagbitiw” na pinagbahaginan natin, bago matapos ang gawain ng Diyos—kapag nagkagayon ay makakapasa ka nang may puntos na 60 o higit pa, at ikaw ay magiging isang tao na naligtas. Gayumpaman, kung hindi ka man lang makakalapit pagdating sa anuman sa tatlong aytem na ito, o kung hindi ka makakapasa sa anuman sa mga ito, at kung wala kang aktuwal na pagpasok sa anuman sa mga ito, hindi ka makakakuha ng puntos na pasado, at hindi ka magiging pakay ng pagliligtas. Naunawaan mo ba? (Oo.)

Ano ang dapat ninyong tutukan lahat na isagawa ngayon? Ang paghahanap sa katotohanan at pagkatuto ng mga aral sa mga kapaligirang inihahanda ng Diyos. Kung araw-araw ay kontento ka na magsumikap lang at gumampan ng gawain nang hindi talaga hinahangad ang katotohanan, isa ka lang trabahador. Kung gumugol ka ng pagsisikap, dumanas ng iba’t ibang kapaligirang inihanda ng Diyos, at nakaunawa ng ilang katotohanan; at ilang katotohanan man ang iyong nakamit, sa huli ay may mga nakamit ka, malaki o maliit man ang mga ito, marami o kaunti; at kahit abutin ka ng napakatagal para makamit ang mga bagay na ito at mabagal ang pag-usad mo, sa pinakamababa ay nasa daloy ka ng gawain ng Diyos, at ikaw ay isang tao na may mga nakamit; kung gayon ay magkakaroon ka ng pagkakataon na maligtas. Ano ang pinakabatayang bagay na dapat ninyong gawin ngayon? Dapat kayong umalis mula sa lahat ng iba’t ibang uri ng komplikado at walang-kabuluhang usapin at itakda ninyo ang inyong puso sa paghahangad ng katotohanan; dapat ninyong pagsikapan, sa loob ng maikling panahon, na maunawaan nang lubos ang inyong iba’t ibang kalagayan, na kilalanin ang inyong nakapagpapabagsak na kahinaan, ang inyong mga kahinaan, at ang inyong mga problema, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, para mayroon kayong landas na susundan at layon na hahangarin, at malilinaw na katotohanang prinsipyo na susundin sa tungkuling ginagawa ninyo. Dapat kang magkaroon ng malinaw na layon at direksyon na hahangarin kaugnay sa sarili mong mga kakulangan, sa sarili mong tungkulin, at sa sarili mong kapaligiran, sa halip na magpakaabala nang walang direksyon, nauuwi sa kung saan ka man bulag na dinadala ng iyong mga binti, na siyang mapanganib. Kailangan mong iwaksi ang kalagayan at ang kasalukuyang sitwasyon ng iyong buhay kung saan gumugugol ka lang ng pagsisikap pero hindi mo nakakamit ang katotohanan. Huwag maging isang tagapanood, at huwag masangkot sa lahat ng uri ng alitan. Kung ayaw mong masangkot sa mga ito, dapat mong matutunan na pagsikapan ang mga katotohanang prinsipyo. Kung nauunawaan mo ang bawat isa sa mga katotohanang prinsipyo, matatakasan mo ang ganitong mga uri ng alitan. Bakit Ko sinasabi iyon? Kapag naunawaan mo na ang iba’t ibang katotohanan, saka ka lang makakapasok sa mga ito at magkakaroon ng pag-asa na makapasok sa katotohanang realidad. Pagkatapos, kapag lumahok ka sa iba’t ibang bagay, magkakaroon ka ng mga prinsipyo at malalaman mo kung paano harapin ang mga bagay na ito. Kung titigil ka lang na maging isang tagapanood, pero ganap kang naguguluhan tungkol sa bawat katotohanan, at hindi mo nauunawaan ang anumang mga katotohanan, at ang nauunawaan mo lang ay mga doktrina at ilang salita, at hindi mo alam kung paano kumilatis ng iba’t ibang uri ng tao, at kapag nahaharap ka sa mga isyu ay pinag-uusapan mo lang ang takbo ng mga kaganapan, at hinuhusgahan mo kung sino ang tama at kung sino ang mali at wala nang iba pa, at sa huli ay hindi mo nakakamit ang katotohanan, kung gayon ay walang silbi ang pakikilahok mo sa anumang usapin. Ano ang nangyayari sa ganitong uri ng pakikilahok? Pumupukaw ito ng mga alitan. Samakatwid, dapat mong matutunan na pagsikapan ang mga katotohanang prinsipyo, at kapag lalo nang nagiging malinaw sa iyo ang paglapat sa mga ito—at lalong nagiging tumpak ang paggawa mo ng mga ito—magkakaroon ka ng pag-asa na makapasok sa katotohanan, at pagkatapos ay magkakaroon ka rin ng pag-asa na maligtas.

Tungkol sa kung paano makakamit ng mga tao ang katotohanan sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos para sa kanila, ilang mga prinsipyo ng pagsasagawa ang kakatapos lang nating pagbahaginan sa kabuuan? Huwag maging isang tagapanood, at ano pa? (Huwag lang magsikap.) Iwaksi ang uri ng kalagayan kung saan kontento ka na sa paggugugol lang ng pagsisikap pero ayaw mong hangarin ang katotohanan. Ano pa ang mayroon? (Huwag masangkot sa lahat ng uri ng mga alitan.) Huwag masangkot sa lahat ng uri ng mga alitan, huwag masangkot sa lahat ng uri ng mga komplikadong usapin—huwag palitan ang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo gamit ang mga bagay na ito. Dapat kayong sumunod sa lahat ng prinsipyong ito. Kung kakapit ka nang mahigpit sa mga ito, hindi ka malalayo sa paghahangad ng katotohanan at hindi magtatagal ay makakapasok ka na sa realidad ng paghahangad ng katotohanan. Madali ba itong isagawa? Nakisalamuha Ako sa mga tao sa iglesia sa loob ng napakaraming taon, pero napakakaunti ng mga taong nagtatanong sa Akin tungkol sa buhay pagpasok o tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, at napakakaunti ng mga taong nagtatalakay tungkol sa mga personal nilang kalagayan at pagkatapos ay naghahanap ng mga landas ng pagsasagawa. Sa halip, ang ilang tao ay nagtatanong tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa katotohanan, at gumagamit pa nga sila ng mga salita tulad ng “maghanap.” Kapag naririnig Ko ang salitang “maghanap,” nakikinig Ako nang napakabuti at napakaseryoso, nasa kanila ang buong atensiyon Ko, pero kapag lumalabas na nagtatanong sila tungkol sa isang maliit na panlabas na usapin, nasusuklam Ako. Sinasabi Ko, “Ang usaping itinatanong mo ay walang kinalaman sa gawain ng iglesia o sa buhay pagpasok. Huwag mong gamitin ang salitang ‘maghanap.’ Iniinsulto mo ang salitang ‘maghanap.’” Maaari bang magamit nang hindi wasto ang salitang “maghanap”? (Hindi, hindi maaari.) May nagtanong pa nga sa Akin, “Ang anak ko ay may nunal sa kanyang likod. Sinasabi ng ilang tao na ang nunal na ito ay nangangahulugan na malas siya, at sinasabi ng iba na maaaring may potensyal na panganib ng karamdaman ang bahagi kung saan tumutubo ang nunal. Ano’t anuman, wala akong pakialam kung malas siya o hindi, pero kung talagang mapanganib ito sa kanyang kalusugan, sa tingin Mo ba ay dapat ipatanggal ang nunal na ito?” Kung kayo ang tatanungin nito, paano kayo sasagot? Sa tingin ba ninyo ay may kaugnayan ito sa katotohanan? May kaugnayan ba ito sa gawain ng iglesia? (Wala.) Hindi ito nauugnay sa kahit ano sa mga bagay na ito, kaya obligado ba Akong alalahanin ang usaping ito? (Hindi.) Wala Akong gayong obligasyon. Kaya sinabi Ko, “Ang katunayan na may nunal ang anak mo sa kanyang katawan ay walang kinalaman sa katotohanan. Huwag mo Akong tanungin tungkol dito; magtanong ka sa doktor. Hindi Ako ang doktor ng pamilya mo.” Sa tingin ba ninyo ay dapat Kong alalahanin ang tungkol sa usaping ito? (Hindi, hindi dapat.) Kahit sino ang tanungin mo, walang may gustong alalahanin ang usaping ito. Hindi sa takot silang managot. Sa halip, ito ay na wala silang obligasyon na alalahanin ang gayong mga bagay. Makakaapekto ba sa gawain ng iglesia ang pagtatanggal o hindi pagtatanggal sa nunal ng anak mo? Makakaapekto ba ito sa sarili mong paggampan sa iyong tungkulin? Ang usaping ito ay walang kinalaman sa Akin. Huwag mo itong itanong sa Akin; isa itong walang-saysay na usapin. Wala itong anumang kinalaman sa katotohanan, pero ginagamit mo pa rin ang salitang “maghanap.” Dinudungisan mo ang salitang “maghanap”—kasuklam-suklam ito! May nagtanong din: “Nakapasok ang isang pagong sa bakuran ko, dapat ko ba itong hulihin o hindi? Nais kong maghanap sa Iyo.” Itinanong niya ang tanong na ito para maghanap ng sagot mula sa Akin—sa tingin mo ba ay dapat Ko siyang sagutin? (Hindi.) Sabi niya, “Paano kung malalabag ko ang batas sa paghuli nito? Kung malalabag ko ang batas at hindi Mo ako pipigilan, Ikaw ang mananagot!” Ano ang sasabihin mo? (Ikaw ang nagpasyang hulihin ito gamit ang iyong sariling malayang kalooban—ang paglabag mo sa batas ay walang kinalaman sa akin.) Kung lalabagin mo man ang batas o hindi ay sarili mong usapin, at wala itong kinalaman sa Akin. Maaari mo Akong tanungin tungkol sa mga bagay tulad ng mga prinsipyo ng gawain ng iglesia at mga katotohanang prinsipyo, pero pagdating sa mga legal na usapin, maghanap ka ng abogado—kumonsulta ka sa isang abogado kung nasaang bansa ka namumuhay. Hindi Ako isang abogado, kaya huwag mo Akong tanungin tungkol sa gayong mga usapin. Narito Ako para ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Itinutustos Ko lang ang katotohanan at nakikipagbahaginan lang Ako tungkol sa mga prinsipyo. Tungkol naman sa kung maaari ka bang maligtas o hindi, wala iyong kinalaman sa Akin; sariling usapin mo iyon. At lalo na tungkol sa mga pribadong usapin sa sarili mong buhay—lalong hindi mo Ako dapat tanungin tungkol sa mga iyon, at hindi Ako obligadong sagutin ka. Ganoon iyon, tama ba? (Oo.)

Itong paksa tungkol sa gawain ng Diyos ay di-hiwalay na nauugnay sa mga huling kalalabasan ng mga tao, kaya hindi puwedeng magdala ng mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao kapag tinanggap at dinanas nila ang gawain ng Diyos; dapat nilang bitiwan ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito mula sa ugat at hindi nila dapat tulutan ang mga ito na umiral sa pagitan ng sarili at ng Diyos. Sa pagharap sa gawain ng Diyos nang may mga tamang kaisipan, pananaw, at saloobin, saka lang magkakaroon ang mga tao ng pagkakataong maunawaan at makamit ang katotohanan; sa pagharap sa gawain ng Diyos nang may mga tamang saloobin at mga tamang kaisipan at pananaw, saka lang tunay na mauunawaan at mararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, at sa huli, mula sa loob ng gawain ng Diyos, makakamit nila ang mga katotohanan na dapat nilang makamit. Samakatwid, anuman ang bitiwan mo, sa kabuuan, ang lahat ng ito ay para bigyang-kakayahan ka na makalakad sa tamang daan at makatahak sa landas ng paghahangad ng katotohanan, ang huling resulta at layon ay walang iba kundi ang bigyang-kakayahan ka na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makamit ang katotohanan. Ito ang pinakalayon ng pagbabahaginan natin tungkol sa nilalamang ito. Anuman ang napagbahaginan natin, ang pinakalayon ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na makapasok sa katotohanang realidad. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, at mayroon ka ng mga katotohanang prinsipyo bilang batayan mo sa maraming usapin, at hindi ka na walang direksyon, walang pakay, o naguguluhan sa paggawa ng mga bagay, hindi ibig sabihin nito na umunlad na ang iyong kakayahan, kundi na mayroon ka ng katotohanan ng Diyos, mga salita ng Diyos, bilang ang mga pamantayan para sa iyong mga kilos at sariling asal. Ibig sabihin, batay sa likas mong kakayahan, mga abilidad, at mga talento, naunawaan mo ang katotohanan at mayroon kang mga pamantayan para sa iyong sariling asal, kung kaya’t ikaw ay isang nilikhang tao na nakakapamuhay nang nagsasarili sa mundong ito at sa gitna ng lahat ng bagay. Ang gayong tao lang ang tunay na pasok sa pamantayan bilang isang nilikhang tao—isang pamantayang nilikhang tao. Naunawaan mo ba? (Oo.) Kung gayon, dito nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayon. Paalam!

Hulyo 15, 2023