Paano Hangarin ang Katotohanan (2) Ikatlong Bahagi

E. Mga Kuru-kuro at Imahinasyon ng mga Tao Tungkol sa Kataas-taasang Kapangyarihan at mga Pagsasaayos ng Diyos

Naniniwala ang mga tao na ang gawain ng Diyos ay kinabibilangan ng Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Kaya, ano ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? Ang mga ito ay isang uri ng pagmamanipula, ibig sabihin, palihim na tinatakpan ng Diyos ang mga tao gamit ang isang malaking lambat, minamanipula ang lahat ng kanilang pag-uugali at ang mga kapaligirang kinapapalooban nila, at sinusubaybayan ang lahat ng ginagawa nila. Ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon na mayroon ang mga tao, hindi ba? (Oo.) Dahil dito, nagsisimula ang mga tao na maging mapagbantay at matakot sa Diyos sa puso nila, at ito ay idinudulot ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang pagiging takot at mapagbantay nila sa ganitong paraan ay hindi tunay na pagpapasakop at pagkatakot sa Diyos, kundi sa halip ay isang anyo ng paghihimagsik at paglaban. Iniisip ng mga tao na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at nasa lahat ng dako, at na anuman ang gawin nila, tunay na “kapag kumikilos ang tao, nagmamasid ang Langit.” Iniisip nila na palaging sumusubaybay sa kanila ang Diyos at nagmamasid sa kanila, nang may layon na pigilan ang kanilang puso, ang kanilang mga kamay at paa, hindi sila binibigyan ng kalayaang pumili, at pinupuwersa silang isagawa ang katotohanan, pinupuwersa silang baguhin ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at pinupuwersa silang gumawa ng mga bagay nang ayon sa mga kagustuhan ng Diyos. Ang mga ito ay pawang mga kuru-kuro ng tao. Sa mahigpit na pananalita, isa itong uri ng paglapastangan laban sa Diyos. Sa katunayan, hindi kailanman nilayon ng Diyos na puwersahin, igapos, o manipulahin ang mga tao. Hindi kailanman nililimitahan o pinipilit ng Diyos ang mga tao, at lalong hindi Niya pinupuwersa ang mga tao. Ang ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay sapat na kalayaan—tinutulutan Niya ang mga tao na piliin ang landas na dapat nilang tahakin. Kahit na nasa sambahayan ka ng Diyos, at kahit na pauna ka nang itinadhana at hinirang ng Diyos, malaya ka pa rin. Maaari mong piliing tanggihan ang iba’t ibang hinihingi at pagsasaayos ng Diyos, o maaari mong piliing tanggapin ang mga ito; binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataon na pumili nang malaya. Pero anuman ang piliin mo, o paano ka man kumilos, o anuman ang pananaw mo sa pangangasiwa ng isang usapin na nakakaharap mo, o anuman ang mga metodo at pamamaraan na ginagamit mo sa huli para lutasin ito, dapat mong panagutan ang mga kilos mo. Ang iyong huling kalalabasan ay hindi nakabatay sa iyong mga personal na paghusga at depinisyon, at sa halip ay nag-iingat ng isang talaan ang Diyos tungkol sa iyo. Pagkatapos magpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan, at pagkatapos marinig ng mga tao ang napakaraming katotohanang ito, mahigpit na susukatin ng Diyos ang mga tama at mali ng bawat tao at tutukuyin ang huling kalalabasan ng bawat tao batay sa Kanyang sinabi, sa kung ano ang Kanyang hinihingi, at sa mga prinsipyong binuo Niya para sa mga tao. Sa usaping ito, ang pagsisiyasat ng Diyos, at ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ay hindi pagmamanipula ng Diyos sa mga tao, o paggapos Niya sa mga tao—ikaw ay malaya. Hindi mo kailangang maging mapagbantay laban sa Diyos, ni hindi mo kailangang matakot o mabagabag. Isa kang malayang tao mula simula hanggang dulo. Binibigyan ka ng Diyos ng isang malayang kapaligiran, ng kalooban na gumawa ng mga malayang pagpili, at ng espasyo na makapili nang malaya, tinutulutan ka na pumili para sa iyong sarili, at anuman ang kalalabasan mo sa huli ay ganap na tinutukoy ng landas na tinatahak mo. Patas ito, hindi ba? (Oo.) Kung, sa huli, maliligtas ka, at isa kang taong nagpapasakop sa Diyos at kaayon ng Diyos, at isa kang taong tinatanggap ng Diyos, iyon ang makukuha mo dahil sa iyong mga tamang pagpili; kung, sa huli, hindi ka maliligtas, at hindi mo magagawang maging kaayon ng Diyos, at hindi ka makakamit ng Diyos, at hindi ka isang taong tinatanggap ng Diyos, iyon ay dahil din sa iyong sariling mga pagpili. Samakatwid, sa Kanyang gawain, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng maraming espasyo para pumili, at binibigyan Niya rin ang mga tao ng ganap na kalayaan. Ito ay dahil ginagamit ng Diyos ang katotohanan para sukatin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay, kabilang na ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao ay tinutukoy rin gamit ang katotohanan—ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos, na talagang hindi kailanman nagbabago. Hindi ka tatanggapin ng Diyos, hindi ka Niya papakitaan ng biyaya, at hindi ka Niya tutulutang maligtas dahil natatakot ka sa Kanya, mapagbantay ka laban sa Kanya, at naglalakad ka nang kimi at sunud-sunuran hanggang sa dulo ng daan; ni hindi ka tutulutan ng Diyos na maligtas sa huli dahil sa anumang mga ambag na ibinigay mo. Sa madaling salita, walang magiging mga eksepsiyon kung saan ang isang tao ay mauuwi sa isang kalalabasan o mabuting hantungan na hindi nararapat sa kanya—anuman ang kalalabasan ng bawat tao ay tinutukoy ng landas na tinatahak niya. Bibigyan kita ng isang halimbawa. Ipagpalagay na naghahanda ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, at sa kapaligirang ito, ang dapat mong gawin ay pagnilayan at kilalanin ang sarili mong mga pagsalangsang, at kilalanin ang iyong mga tiwaling disposisyon, walang-katotohanang kaisipan at pananaw, kakapusan at kakulangan, o ang ilan sa iyong mga maling pagkaunawa at mga reklamo tungkol sa Diyos. Dapat mo ring itigil ang pagpapalusot o pagbibigay ng mga tusong argumento para ipagtanggol ang sarili mo at sa halip ay dapat mong magawang magpasakop, hanapin ang mga nauugnay na katotohanan para baguhin ang kasalukuyan mong sitwasyon, at tanggapin ang katotohanan papasok sa iyo at pagkatapos ay kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa paggawa nito ay makakamit mo ang ninanais na epekto. Kapag muling nangyari sa iyo ang mga kaparehong bagay, natural kang magsasagawa nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi na kakailanganin pa ng Diyos na maghanda ng mga espesyal na kapaligiran para alalayan ka. Ito ay isang bagay na kayang makamit ng mga tao, at kung kaya nila itong makamit, hindi gagawa ang Diyos ng anumang di-kinakailangang gawain. Pero pagdating sa mga hindi naghahangad ng katotohanan, iba ang saloobin ng Diyos. Ang ilang tao ay hindi hinahanap ang katotohanan o pinagninilayan ang sarili nila kapag nangyayari ang mga bagay sa kanila, kundi sa halip ay patuloy lang silang nagiging negatibo at reklamador, nagrereklamo tungkol sa Diyos at sa ibang mga tao. Hindi lang sila nakakabuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, kundi hinuhusgahan din nila Siya. Kung may isang taong magpupungos at maglalantad sa kanila, maghahanap sila ng mga palusot para pangatwiranan ang sarili nila, at maaari din silang maging pasibo at magpakatamad sa kanilang gawain, o isabotahe ang mga bagay. Ang gayong mga tao ay hindi na matutubos, at sila iyong mga itinataboy ng Diyos. Kung mayroon kang kaunting interes sa katotohanan habang nananampalataya sa Diyos, at handa kang makinig sa mga sermon at magsikap tungo sa katotohanan, at mayroon kang kaunting positibong saloobin, sisiyasatin ng Diyos ang puso mo, at aantigin ka nang kaunti kapag hinanap mo ang katotohanan, at pagkatapos ay sisiyasatin Niya kung nagagawa mong isagawa ang katotohanan. Pero kung pipiliin mong maging negatibo at magpakatamad sa gawain mo, magpalusot at pangatwiranan ang sarili mo, at manggulo kung saan-saan, at hindi mo pipiliing kilalanin ang sarili mo o magsisi, ano ang gagawin ng Diyos at paano ka Niya haharapin? Tahimik lang na magmamasid ang Diyos sa mga pagbabagong magaganap. Hindi ka aantigin ng Diyos, ni hindi ka Niya hihimukin na basahin ang Kanyang mga salita at hanapin ang katotohanan. Hindi makikisangkot o makikialam ang Diyos—hahayaan ka Niyang gumawa ng eksena hangga’t gusto mo. Kapag nagising ang konsensiya mo at naisip mo, “Hindi ko dapat ginawa ito,” o paminsan-minsan kang nakakarinig ng patotoong batay sa karanasan na kahawig ng kasalukuyan mong sitwasyon at nalalaman mo kung paano kumilos ang taong iyon, at bigla mong naramdaman na ang ginawa mo ay hindi naaangkop, hindi makatwiran, at hindi disente, at may bahagyang kirot sa iyong puso, mula sa puntong iyon, hindi ka na magiging negatibo o mahina, at mahihiya ka nang ibuka ang iyong bibig para pangatwiranan ang sarili mo, at ang iyong mga ideya o kilos na nanggugulo at sumasabotahe sa mga bagay ay uunti na nang uunti, at mababawasan na nang mababawasan ang kalubhaan ng mga ito. Gaano man kalayo ang marating nito sa huli, ano’t anuman, ito ay pawang sarili mong pag-uugali. Ang Diyos ay palihim at tahimik lang na nanonood, nang may pakay na makahanap ng ebidensiya na gagamitin para suriin ka sa huli. Katulad lang noong malapit nang mawasak ang lungsod ng Ninive, pinadala lang ng Diyos si Jonas para magparating ng mensahe sa mga taga-Ninive. Hindi sila inantig ng Diyos para ikumpisal nila ang kanilang mga kasalanan, para magsisi sila, o unawain nila ang sarili nilang mga problema—hindi Niya ginawa ang mga bagay na ito. Ipinadala lang ng Diyos si Jonas para iparating ang mensahe, at kasabay nito ay palihim Siyang nagmasid para makita kung anong serye ng mga tugon at kilos ang ginawa nila pagkarinig sa pabatid na ito, at para makita kung ano ang mga plano ng lahat ng iba’t ibang tao mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa, at kung ano ang mga saloobin nila sa pabatid na ito mula sa Diyos. Ang tanging ginawa Niya ay magmasid nang palihim. Ano ang ibig sabihin ng “magmasid”? Ibig sabihin nito ay pinapanood ng Diyos, tulad ng isang manonood, ang proseso ng kung paano ang nagiging takbo ng mga bagay at ang direksiyon ng pagbabago ng mga bagay, at hindi Siya nakikialam sa anumang paraan. Bukod sa pagpapadala kay Jonas para iparating ang ilang pangungusap na iyon, hindi gumawa ang Diyos ng anumang karagdagang gawain, ni hindi Siya gumawa ng anumang gawain ng panghihikayat sa mga tao, at lalong walang mga karagdagang salita na dapat iparating, iyong kaunting mga pangungusap lang na nagmula sa bibig ni Jonas. Siyempre, ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos sa mga tao ngayon ay nananatiling hindi nagbabago—gumagawa pa rin Siya sa ganitong paraan, at ito ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan mula umpisa hanggang dulo. Gusto man Niyang baguhin ang isang tao o isakatuparan ang isang bagay sa isang tao, ang saloobin, mga prinsipyo, at mga pamamaraan ng Diyos sa Kanyang gawain ay hindi nagbabago. Bakit ganoon? Ang nilikha ng Diyos ay mga buhay na tao, mga nilikhang tao na may malayang kalooban, at hindi mga makina o papet. Kapag ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan o gusto Niyang maisakatuparan ang isang bagay, madalas ay naghahanda muna Siya ng isang kapaligiran para bigyan sila ng kakayahan na hanapin na maarok ang Kanyang mga layunin, at minsan ay direkta Niyang sasabihin sa mga tao kung ano ang Kanyang mga layunin at hinihingi; ang natitira ay nakadepende sa mga taong gumagawa ng mga desisyon batay sa malaya nilang kalooban at sa iba’t ibang kondisyon na tinataglay nila. Ito ang saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, at ang Kanyang saloobin sa mga tao na gusto Niyang iligtas ngayon ay nananatiling hindi nagbabago. Ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos ay hindi nagbago; palaging gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan, at ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa mga tao na nilikha Niya ay palaging ganito. Pagkatapos magbigay ni Jonas ng pabatid sa mga taga-Ninive, naghanap siya ng lugar kung saan siya makakapagpalamig at pinanood niya ang mga tao ng lungsod mula sa gilid para makita kung anong uri ng matinding epekto at aktibidad ang mapupukaw sa gitna ng mga taga-Ninive sa sandaling maiparating ang mensahe ng Diyos mula sa itaas hanggang sa ibaba ng lungsod, at nalaman ng lahat ang balita na wawasakin ng Diyos ang Ninive—ang tanging ginawa niya ay magmasid. Siyempre, tumagal ng ilang panahon ang pagmamasid na ito, at sa gitna ng prosesong ito, pinanonood ng Diyos ang mga pagbabago sa lahat ng bagay na ito. Kung tatakbo ang mga bagay sa mabuting direksiyon, siyempre ay matutuwa ang Diyos; kung tatakbo ang mga bagay sa masamang direksiyon, maaaring maghinagpis Siya, pero depende iyon sa sitwasyon. Maghihinagpis ang Diyos dahil ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at naghihinagpis ang Diyos kapag ang mga tao ay nahaharap sa pagkawasak, o kapag ang isang buhay ay mawawala na. Gayumpaman, kapag nahaharap sa mga tiwaling tao na nagiging sobrang manhid at mapurol ang isip, at napakamapaghimagsik, hindi naghihinagpis ang Diyos. Gagawin ng Diyos ang dapat Niyang gawin ayon sa Kanyang orihinal na plano, ayon sa mga paraan ng Kanyang paggawa, at ayon sa mga paraan at prinsipyo ng Kanyang pagharap sa mga nilikha. Walang mga damdamin o emosyon ng tao rito, tanging ang mga prinsipyo at pamantayan ng Lumikha sa paggawa ng mga bagay. Kaya, sa aspektong ito, dapat bitiwan ng mga tao ang sarili nilang mga kuru-kuro at tumpak na arukin ang saloobin at mga pamamaraan ng Diyos para sa pagtrato sa mga tao, sa halip na gamitin ang makitid na isipan ng mga nilikhang tao para gumawa ng mga espekulasyon at hinuha tungkol sa mga kaisipan at ideya ng Diyos. Gumagawa ang Diyos sa iyo, naghahanda ng mga kapaligiran para sa iyo, at nagsasaayos ng mga tao, pangyayari, at bagay para sanayin ka at bigyang-kakayahan ka na magsagawa, at gusto Niyang ikintal ang katotohanan sa iyo—saan nakabatay ang orihinal na layunin ng Diyos sa paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan? Nakabatay ito sa prinsipyo ng pagrespeto at pagpapahalaga sa buhay. Hindi ito isang damdamin na mayroon ang Lumikha sa mga nilikhang tao—ang Diyos ay walang mga damdamin. Ang prinsipyo ng orihinal na layunin na ito ay lagpas sa mga damdamin ng makalamang ugnayan ng tao, at siyempre, hindi rin ito kung anong uri ng pagmamahal—lumilitaw ito dahil sa prinsipyo ng pagpapahalaga at pagrespeto sa buhay. Sinasabi ng ilang tao: “Ito ba ang lawak ng isipan ng Diyos? Ito ba ang Kanyang mataas na antas ng pag-iral?” Sa tingin ba ninyo ay ganoon ang kaso? (Hindi.) Maaari ninyong gamitin ang mga terminong “antas ng pag-iral” at “lawak ng isipan” para ilarawan ang mga tao, pero huwag ilapat ang mga ito sa Diyos. Hindi ito lawak ng isipan ni isang antas ng pag-iral. Sa isang banda, masasabing ito ang pagiging kaibig-ibig ng Lumikha, at sa kabilang banda, masasabi ring ito ay isang pagbubunyag ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Pinahahalagahan at nirerespeto ng Diyos ang buhay ng anumang nilikha, pero batay sa pagpapahalaga at pagrespetong ito, hindi nakikipagkompromiso ang Diyos tungkol sa Kanyang mga prinsipyo, at ang mga prinsipyong ito ay hindi sa mga damdamin o sa laman. Sa ano nabibilang ang mga ito? Ang mga ito ay mga prinsipyo ng katotohanan, na nabibilang lang sa Diyos. Pag-isipan ito, kung may mga anak ang mga tao, labis-labis nilang kinagigiliwan ang mga ito at mayroon silang malalalim na damdamin para sa mga ito. Hinihiling pa nga nila na makarga nila ang mga anak nila sa bisig nila at makasama ang mga ito buong araw. Walang gayong mga damdamin o pagmamahal ang Diyos para sa mga tao. Dahil sa ugnayan nila sa dugo, nagkakaroon ang mga tao ng ganoong mga uri ng mga damdamin para sa mga anak nila, at dahil sa ganoong mga uri ng mga damdamin ay mawawalan ang mga tao ng kanilang katwiran at mga prinsipyo. Ang mga ito ay mga hindi natural o normal na pagbubunyag ng normal na pagkatao, ni hindi isang pagpapamalas ng pagmamahal. Ang mga ito ay pawang mga damdamin at pagkamainitin ng ulo lang—ang mga ito ay mga damdamin na lumilitaw mula sa mga ugnayan sa dugo. Ang mga damdamin ay hindi mga katotohanan, at ang mga ito ay hindi ang dapat taglayin ng normal na pagkatao; ang mga ito ay mga negatibong bagay. Hindi nagigiliw o nagpapalayaw ang Diyos sa sangkatauhan. Ano ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan? Pinili ka ng Diyos, at may pananagutan Siya sa iyo, at gumagawa Siya sa iyo at nagbabayad ng halaga para sa iyo, at nagbibigkas ng mga salita para tustusan ka ng katotohanan at ng buhay, batay sa prinsipyo ng pagpapahalaga sa buhay ng mga nilikhang tao at ng pagrespeto sa buhay. Pero ang paraan ng paggawa ng Diyos ay hindi tulad ng nasa imahinasyon ng mga tao, ibig sabihin, sa pamamagitan ng pagsunggab sa iyo nang mahigpit, o sa mas kolokyal na pananalita, sa panggigipit sa iyo. Hindi ito ganoon. Hindi ginigipit ng Diyos ang mga tao; hindi Niya kailanman pinipilit ang mga tao na gumawa ng anumang bagay. Para magkamit ng mga pagpapala, sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay palaging gusto ng mga tao na gipitin ang Diyos, at palaging gustong puwersahin ang Diyos na bigyan sila ng mga pagpapala, at gusto ring kumapit sa Diyos at gipitin Siya para tulutan Niya silang makapasok sa kaharian ng langit. Hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.) Hindi ka ginigipit ng Diyos. Hindi maganda na gamitin ang kolokyal na terminong ito na “gipitin ka,” pero medyo malinaw ito at madaling maunawaan ng mga tao. Hindi ka sinusunggaban ng Diyos nang mahigpit—malaya ka. Kung pahahalagahan mo ang lahat ng gawaing ito na ginagawa sa iyo ng Diyos dahil nirerespeto, itinatangi, at pinahahalagahan Niya ang buhay mo, hindi mo dapat piliin na maging mapagbantay, magkimkim ng mga maling pagkaunawa, makaramdam ng paglaban, o tumanggi sa Diyos kapag namamatnugot at nagsasaayos Siya ng anumang kapaligiran para sa iyo. Sa halip, dapat mong gawin ang nararapat na gawin ng isang nilikha at ipakita ang saloobin na dapat mayroon ang isang nilikha sa Lumikha—ang pagpapasakop at pagtanggap. Hindi ba’t ganito iyon? (Oo.) Malinaw nang napagbahaginan ngayon ang aspektong ito.

Ang paraan ng pagharap ng mga tao sa gawain ng Diyos ay naglantad na ng isa sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ano ang kuru-kuro at imahinasyong ito? Binibigyang-kahulugan ng mga tao ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos bilang pagmamanipula at pagkontrol Niya sa kanila. Ganito ba gumawa ang Diyos? (Hindi.) Sa kaibuturan ng puso ng mga tao, mayroon silang di-tiyak na pagkatakot sa Diyos. Kapag nababanggit pa lang ang Diyos, nadarama na nila na Siya ay nakakatakot at hindi kaibig-ibig. Naniniwala sila na kung hindi ka makikinig sa mga salita ng Diyos at hindi magpapasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, magagalit Siya sa iyo hanggang sa makinig ka sa Kanyang mga salita at magpasakop ka sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, at na hindi Siya susuko hanggang magawa ka Niyang ganap. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro na mayroon ang mga tao? Ano ba ang nasa imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos? Hindi ba’t nasa imahinasyon nila na Siya ay isang diktador? Iniisip nila na dapat mong tanggapin ang Kanyang paghahari, tanggapin ang Kanyang mga polisiya, at maging magalang ka sa Kanya at gawin mo ang anumang pinapagawa Niya sa iyo, at na hindi mo Siya puwedeng pag-usapan nang patalikod, at na dapat mong tanggapin ang mga kapaligirang inihahanda Niya para sa iyo, at na kung hindi mo ito tatanggapin, mapaparusahan ka at magdurusa ng ganting-parusa. Talaga bang ginagawa ng Diyos ang mga bagay sa ganitong paraan? (Hindi.) Nirerespeto ka ng Diyos at pinananagutan ka Niya. Pinahahalagahan ng Diyos ang buhay ng mga nilikhang tao. Hindi dapat mabigo ang mga tao na makilala kung ano ang mabuti para sa kanila, o maging hindi mapagpahalaga sa Kanyang kabaitan. Kung pinapahalagahan mo nga ang kabaitan ng Diyos, dapat mong tanggapin ang mga kapaligirang inihahanda Niya at tanggapin ang mga ito mula sa Kanya. Kahit hindi mo tinatanggap ang mga katotohanan na nakapaloob sa mga ito, at hindi nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyong nakapaloob sa mga ito, at hindi nauunawaan kung ano ang dapat mong isagawa o baguhin, sa pinakamababa, hindi ka dapat maging mapagbantay laban sa Diyos o magkamali ng pagkaunawa sa Kanya—ito ang dapat mong makamit. Kahit na wala kang anumang makamit mula sa mga kapaligirang ito, huwag magkamali ng pagkaunawa sa mga pagnanais ng Diyos. Hindi hinahangad ng Diyos na magkamit ng anuman mula sa iyo. Isa ka lang munting nilikha, ano naman ang maaaring hangarin ng Diyos na makamit mula sa iyo? Ang iyong buhay at ang lahat ng bagay na tinatamasa mo ngayon ay ibinigay sa iyo ng Diyos, pati na rin ang kaunting doktrinang nauunawaan mo. Ang iyong malayang kalooban, kakayahan, mga kaloob, at mga abilidad at kasanayan, kapwa malaki at maliit, ay pawang ibinigay sa iyo ng Diyos. Ano naman ang hahangarin ng Diyos na makamit mula sa iyo? Kung magkakamit ang Diyos ng kaluwalhatian pagkatapos Niyang ikintal ang katotohanan sa iyo, idinudulot na magpasakop ka sa Kanya at matakot sa Kanya, at iniisip mo na ito ang hinahangad ng Diyos na makamit mula sa iyo, hindi ba’t hinuhusgahan mo Siya batay sa iyong sariling ubod ng samang mga pamantayan? Ito ay paglapastangan laban sa Diyos, hindi ba? (Oo.) Anong kaluwalhatian ang makakamit ng Diyos mula sa mga tao? Sa huli, ang mga tao mismo ang nagtatamo ng mga kongkretong pakinabang. Bago matapos ang Kanyang gawain, nagkamit na ng kaluwalhatian ang Diyos, dahil ang Diyos Mismo ay maluwalhati—ang Kanyang katotohanan at awtoridad ay ebidensiya ng pagkatalo ni Satanas, at ang mga ito ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang Diyos Mismo ay maluwalhati, kaya, kailangan pa ba Niyang magkamit ng kaunting kaluwalhatian mula sa isang munting nilikhang katulad mo? Hindi hinahangad ng Diyos na magkamit ng anumang bagay mula sa mga tao. Kung hinahangad Niya na magkamit ng anumang bagay, ito ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na matugunan sa huli ang mga hinihingi Niya ayon sa Kanyang plano ng pamamahala, at sa sandaling magtamo ang mga tao ng kaligtasan at nagagawa na nilang maging kaayon ng Diyos, magpapahinga na Siya—dahil sa kaligtasan ng lahi ng tao, makakapagpahinga na ang Diyos bilang kapalit—ito ang hinahangad na makamit ng Diyos. Kaya, hindi ba’t ang mga tao ang siyang nagtatamo ng mga kongkretong pakinabang sa huli? Makakamit ng mga tao ang katotohanan, hindi na nila mararamdaman na naliligaw sila sa buhay—magkakaroon sila ng direksiyon at landas—at magiging kaayon sila ng Diyos at hindi na sila maghihimagsik laban sa Kanya, hindi na sila madadakip ng anumang masamang puwersa, sila ay magiging mga tunay na nilikha, at hindi na sila haharap sa kamatayan—napakalaking karangalan niyon! Ang mga nagtatamo ng pinakamalalaking kongkretong pakinabang ay ang mga tao, iyong mga tumatanggap sa gawain ng Diyos at sa pagliligtas ng Diyos. Malinaw na bang napagbahaginan ang aspektong ito? Ano ang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa loob nito? (Binibigyan nila ng kahulugan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos bilang Kanyang pagmamanipula at pagkontrol sa mga tao.) Kung hindi natin pinagbahaginan ang tungkol dito, ang mga tao ay palaging magkakaroon ng ilang kaisipan at pananaw sa isipan nila na hindi nila maipahayag o na hindi nabuo bilang isang sistematikong teorya. Bagama’t ang mga bagay na ito ay hindi naglilimita sa kanila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, o nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay sa isang halatang paraan, malubhang nakakaapekto ang mga ito sa kanilang paghahangad ng katotohanan, sa kanilang saloobin sa Diyos, at sa kanilang ugnayan sa Diyos. Samakatwid, ang mga bagay na ito ay mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Kapag nalutas na ang problemang ito, nabitiwan mo na ang isang hadlang sa pagitan mo at ng Diyos, at matatanggal ang isang uri ng balakid sa iyong landas ng paghahangad ng katotohanan, kaya magiging mas madali para sa iyo na hangarin ang katotohanan. Kapag nalulutas ang mga totoong paghihirap, mababawasan ang mga hadlang at balakid sa pagitan mo at ng Diyos, kaya magagawa mong gawin ang iyong tungkulin at isagawa ang katotohanan nang mas lalong madali. Para lang itong pagpunta sa isang digmaan—sa tingin ninyo, ano ang mas mainam kapag pumupunta kayo sa isang digmaan, ang magdala ng magaang bitbitin o ang magdala ng mabigat na pasanin? Alin ang mas komportable? (Ang pumunta sa digmaan nang may dalang magaan na bitbitin). Ang pumunta sa digmaan nang may magaang bitbitin, ang magbitbit lang ng sandata sa iyong likuran ay sapat na—ito ay simple at madali sa ganoong paraan. Kung bukod doon ay may dala ka pang mga kaldero at bagahe, o mga kolorete at kagamitan sa pag-eehersisyo, magiging masyadong mabigat ang pasanin; magiging masakit na magdala ng napakaraming bagay sa digmaan, at hindi magiging madali na lumaban. Ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay tulad ng iba’t ibang uri ng pasanin na dala-dala ng mga tao, at mga abala at sagabal sa kanila saanman sila magpunta. Sa madaling salita, paminsan-minsan, ang mga bagay na ito ay makakaapekto at makakahadlang sa iyo sa paghahangad ng katotohanan at sa pagsasagawa nito. Kapag walang mga kritikal na isyu, magmumukha na wala kang anumang malalaking problema. Pero sa sandaling lumitaw na nga ang mga kritikal na problema ng prinsipyo, magkakaroon ka ng hadlang ng mga bagay na ito na naghihiwalay sa iyo sa Diyos. Kapag lumabas ang mga bagay na ito, madarama mo na may problema sa iyong ugnayan sa Diyos, na may tunggalian sa pagitan mo at ng Diyos; ang iyong puso ng pananampalataya sa Diyos ay hindi na magiging ganoon kadalisay, at magkakaroon ka ng maraming paghihirap. Pero kapag binitiwan mo ang mga bagay na ito, gaganda ang pakiramdam mo, giginhawa at mapapalaya ang puso mo, at hindi na malilimitahan o magagapos. Bagama’t ang mga bagay na ito ay paminsan-minsang lilitaw sa kailaliman ng iyong isipan o sa iyong mga iniisip, sa pangkalahatan ay nalutas mo na ang mga ito, kapag ginawa mong muli ang mga bagay, mas magiging panatag ka na sa paggawa sa mga ito at magagawa mo ang mga ito nang higit na simple. Bagama’t ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay maaaring mayroon pa ring di-halatang epekto sa kailaliman ng iyong isipan, sa pinakamababa, malinaw mo nang makikilatis sa iyong subhetibong kalooban na ang mga ito ay hindi mga positibong bagay, kaya personal mong bibitiwan ang mga ito at hindi ka na maaapektuhan ng mga ito. Sa ganitong paraan, sa pangkalahatan ay mabibitiwan at malulutas mo na ang hadlang na ito sa pagitan mo at ng Diyos.

Madalas tayong nagbabahaginan sa ganitong paraan tungkol sa paksa ng paghahangad ng katotohanan. Nadarama ba ninyo ang kahalagahan ng paghahangad ng katotohanan? Kapag nakita ninyo ang mga tao sa paligid ninyo na kakilala ninyo na pinangangasiwaan ng iglesia, na ang ilan ay napapaalis o napapatalsik pa nga, nagkaroon ba kayo ng anumang mga kaisipan tungkol dito? Nakakuha ba kayo ng anumang karanasan o mga aral mula rito? Ano ang mga pangunahing problema sa mga nailipat sa mga grupong B at sa mga napaalis? (Nang makita ko ang ilang tao sa paligid ko na kakilala ko na nalilipat sa mga grupong B o napapaalis, napukaw nito ang puso at isipan ko. Bagama’t maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos, hindi talaga nila hinahangad ang katotohanan, at kung hindi ko rin hahangarin ang katotohanan at hindi ko hahanapin ang katotohanan sa tuwing nangyayari sa akin ang mga bagay, sa huli ay matitiwalag ako kagaya nila.) Alam ba ninyo kung ano ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa sa mga taong ito? Pinaalis ba sila ng sambahayan ng Diyos dahil lang masama ang pagkatao nila at hindi nila hinahangad ang katotohanan, at dahil hindi ito natutuwa sa kanila? (Hindi.) Kung gayon, totoo ba na ang lahat ng hindi napangasiwaan ay walang mga problema sa kanilang pagkatao, na silang lahat ay nagmamahal sa katotohanan, naghahangad ng katotohanan, at kaya nilang magpasakop sa katotohanan, at magmahal at matakot sa Diyos? Ganoon ba ang kaso? (Hindi.) Ang mga taong iyon ba ay napaalis o nailipat ng sambahayan ng Diyos sa mga grupong B dahil lang hindi sila nagmamahal sa katotohanan at tutol sila rito? Napangasiwaan ba sila dahil masama ang pagkatao nila at ganap silang tumututol na tanggapin ang katotohanan, o dahil ba sa kanilang hindi kaaya-ayang hitsura o sa kung anong pansamantalang pagsalangsang? Ito ba ang prinsipyo ng pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos sa mga tao? (Hindi.) Ito ba ay dahil hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan kaya pinangangasiwaan siya ng sambahayan ng Diyos, dinidiskalipika siya sa paggawa ng tungkulin, at itinataboy siya? (Hindi.) Kaya, bakit nito pinangasiwaan at itinaboy ang mga taong ito? (Dahil hindi sila kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at ginambala at ginulo nila ang gawain ng iglesia, nagdulot ng malulubhang kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos.) Ito ba ang pangunahing dahilan? (Oo.) Ano pa ang ibang mga dahilan? May sinuman bang naitaboy dahil sa palagiang pagsisinungaling? (Wala.) May sinuman bang naitaboy dahil hindi niya minamahal ang katotohanan at tutol siya sa katotohanan? May sinuman bang naitaboy dahil hindi siya tapat sa paggawa ng tungkulin niya? (Wala.) Sa tingin mo ba ay sayang naman na naitaboy ang mga taong ito? Naagrabyado ba ang sinuman sa kanila? (Hindi.) Wala talagang naagrabyado sa kanila. Ayon sa masasamang gawa na ginawa ng mga taong ito, nararapat silang mamatay nang labingwalong beses pagdating nila sa espirituwal na mundo, at silang lahat ay dapat na maparusahan—mamatay at mabuhay muli, at maparusahang muli, at mamatay muli, at mabuhay muli, at maparusahang muli, at mamatay muli—nararapat sa kanila ang mamatay nang labingwalong beses sa kabuuan. Gumawa sila ng maraming masamang gawa at ang mga kasalanan nila ay karumal-dumal! Bakit pinangasiwaan at pinatalsik ang mga taong ito, kung gayon? Ito ay dahil ang hindi pangangasiwa sa kanila ay hindi isang pagpipilian—hindi nila ginagawa ang mga tungkulin nila, nagdudulot sila ng mga paggambala at panggugulo, at sinasabotahe nila ang mga bagay-bagay! Iniisip pa nga ng ilan na ang mga taong ito ay napangasiwaan dahil mahilig silang magsinungaling at masama ang pagkatao nila, o dahil nakikipag-agawan sila sa katayuan at kapangyarihan at hindi sila tapat sa paggawa ng mga tungkulin nila; sinasabi naman ng ibang mga taong naguguluhan na ito ay dahil hindi nila mahal ang katotohanan at hindi hinahangad ang katotohanan. Kaya, mahal ba ninyo ang katotohanan? Lahat ba ng hindi itinaboy ay nagmamahal sa katotohanan at naghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Wala sa mga ito ang mga katunayan. Sa buong aktuwalidad, ang mga taong ito ay pinangasiwaan at pinatalsik dahil sa proseso ng paggawa ng mga tungkulin nila, ginampanan nila ang papel ng pagdudulot ng mga paggambala at panggugulo at pananabotahe sa mga bagay, gumawa sila ng mga bagay na gustong gawin ni Satanas at ng mga diyablo at ng malaking pulang dragon pero hindi magawa ng mga ito, malubhang nilabag ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at labis na ginalit ang Diyos. Tinaboy lang sila dahil ang hindi pagtataboy sa kanila ay sadyang hindi pagpipilian. Hindi sa hindi mapagmahal at malupit ang sambahayan ng Diyos sa mga tao, at hindi sa hindi binibigyan ng Diyos ang mga tao ng mga pagkakataon. Sa halip, sumobra na ang mga taong iyon sa kanilang mga kilos, nagdulot ng mga paggambala at panggugulo, at ang mga kawalang idinulot nila sa gawain ng iglesia ay masyadong malubha. Hindi nila ginagawa ang mga tungkulin nila, ni hindi sila nagtatrabaho; nagdudulot sila ng mga paggambala at panggugulo, at gumagawa sila ng kasamaan. Wala sa hinirang na mga tao ng Diyos ang gusto na may ganitong mga tao sa iglesia. Kung may sasabihin kang mapanuya o kung magsisinungaling ka sa iglesia, personal na pag-uugali mo lang ito, sadyang hindi mo minamahal ang katotohanan at hindi hinahangad ang katotohanan, at basta’t hindi ito nagdudulot ng paggambala o panggugulo, walang mangangasiwa sa iyo; kung minsan ay medyo pabaya ka sa paggawa ng iyong tungkulin, pero kadalasan naman ay epektibo ka, basta’t hindi ka nagdudulot ng paggambala o panggugulo, bibigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon na manatili at gumawa ng tungkulin, tinatrato ka ayon sa mga prinsipyo. Gayumpaman, nagdulot ang mga taong ito ng mga paggambala at panggugulo. Walang pakundangan silang gumawa ng mga maling gawa, at lumabag sila sa mga prinsipyo sa bawat aspekto, nagdulot ng matinding kaguluhan; ang lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia ay nasabotahe, at ang mga bunga ng mga tungkulin na ginawa ng maraming kapatid ay ganap na nasayang. Ang mga kahihinatnan ng kanilang mga paggambala at panggugulo ay napakalubha, at aabutin ang di-mabilang na tao ng di-mabilang na oras para maituwid ang mga ito, kaya kinailangang itaboy ang mga taong ito! Sa ganitong paraan lang posible na maprotektahan ang mga kapatid para magawa nila ang kanilang mga tungkulin nang normal at makapagkamit sila ng magagandang resulta. Sa pamamagitan lang ng pagpapaalis sa masasamang tao at mga anticristong ito naging posible na makalikha ng naaangkop na kapaligiran sa paggawa at pamumuhay para sa mga kapatid. Kung mananatili sa iglesia ang masasamang tao at mga anticristong ito, magiging salot lang sila, at magkakaroon ng masama at magulong atmospera at kaguluhan saanman sila magpunta. Wala silang ginawa na nakapasok man lang sa pamantayan ng pagtatrabaho. Ang tanging ginawa nila ay manggulo, manabotahe, at mangwasak. Ang lahat ng ginawa nila ay para manggambala at manggulo sa gawain ng iglesia at sa buhay iglesia. Hindi ba’t mga alipin sila ni Satanas? Maaari bang manatili sa iglesia ang gayong mga tao? Hindi sila mga ordinaryong tiwaling tao, kundi mga alipin ni Satanas! Ano ang ginawa ng mga taong ito? Winaldas nila ang mga handog sa Diyos at ibinigay ang mga ito sa mga walang pananampalataya nang walang kondisyon—sukdulan silang mapagbigay sa pamimigay ng pera sa mga walang pananampalataya, pinupuwersa ito sa mga ito kahit na hindi naman ito hiningi ng mga ito. Kapag hiniling nila sa mga walang pananampalataya na gumawa ng kung anong gawain at sinabi ng mga walang pananampalataya na sapat na ang sandaang dolyar, pinipilit nilang magbayad ng tatlong daan, at kapag humingi ang mga walang pananampalataya ng tatlong daang dolyar, pinipilit nilang magbayad ng limang daan, binibigyan pa ang mga walang pananampalataya ng mga karagdagang bonus matapos nilang mabayaran ang sahod ng mga ito. Kahit gaano karaming handog ang magagastos, hindi nila tinatanong ang ang Itaas tungkol dito, at sa halip ay sila na lang mismo ang nagpapasya. Anumang gawain ang ginawa nila, hindi nila ito ginampanan nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, o nang ayon sa mga prinsipyong ibinigay ng sambahayan ng Diyos, at siyempre, tiyak na hindi nila ito ginampanan nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sinunod lang nila ang sarili nilang mga pagnanais at ginawa ito sa paano mang paraang gusto nila, nang hindi man lang dinidepensahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, mas pipiliin nilang depensahan ang mga walang pananampalataya kaysa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at winaldas nila ang mga handog sa Diyos sa kung saan-saan. Iyon ba ay pera na kinita nila? Hindi talaga sila nagpigil pagdating sa pamimigay ng mga bonus at regalo sa mga walang pananampalataya, at walang sinumang puwedeng hindi sumang-ayon sa kanila, at sinasaway nila ang sinumang talagang hindi sumasang-ayon sa kanila. Sa tingin mo, ang ganitong mga tao ba ay mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Diyos? Mga latak sila, hindi ba? Dapat bang paalisin ang ganitong mga tao? (Oo.) Ano pa ang ibang mga kasamaan na ginawa ng mga taong ito? Sa pangangaral ng ebanghelyo ay nag-ulat sila ng mga maling numero para linlangin ang sambahayan ng Diyos, at walang awa nilang pinahirapan at sinupil ang sinumang hindi nag-ulat ng mga maling numero. Pinuwersa nila ang iba na mag-ulat ng mga maling numero, hindi binibigyan ang mga ito ng pagpipilian kundi ang gawin ito. Anong klaseng mga tao ang mga ito? Mga tao pa ba sila? Kung sasabihin mo na masama lang ang pagkatao nila, hindi sila nagmamahal sa katotohanan, at hindi naghahangad ng katotohanan, may katuturan ba ang pahayag na ito? Hindi ba’t kalokohan ito? (Oo.) Hindi lang nila hindi minamahal ang katotohanan at hindi hinahangad ang katotohanan, kundi hindi pa nga sila nagtataglay ng normal na pagkatao, lalong hindi nila minamahal at hinahangad ang katotohanan—mga diyablo sila! Malinaw mo na itong nakikita ngayon, hindi ba? (Oo.) Ano ang kalikasan ng mga taong ito? (Ang kalikasan ng mga diyablo.) Mayroon silang kalikasan ng mga diyablo. Matapos mapaalis, tutol ang mga taong ito, at nadama pa nga na naagrabyado sila, sinasabing “Inosente ako, hindi ko ginawa iyan!” Nasa harap na nila mismo ang mga katunayan, pero tumanggi silang aminin ito at matigas pa nga silang kumakapit sa kanilang mga palusot at nanatiling tutol hanggang sa huli; hindi ba’t pinatutunayan nito na tama na pinaalis sila? Ano ang magiging mga kahihinatnan kung ang ganitong mga uri ng mga tao ay hindi pinaalis? Magsisisi ba sila? Kahit na bigyan mo pa sila ng pagkakataon na magpatuloy na gumawa ng tungkulin at pupungusan mo lang sila, magagawa ba nilang magsisi at magbago para sa ikabubuti? (Hindi.) Imposible talaga na makapagsisi sila. Anong kalikasang diwa ito? Anong uri ng mga tao ang hindi makapagsisi, at hindi nagsisisi kahit kapag nahaharap sa mga katunayan? (Mga diyablo.) Ang mga diyablo, ang mga taong may diwa ni Satanas, masasamang espiritu, at ang maruruming espiritu ay hindi magsisisi; paano mo man ibahagi ang katotohanan, hindi sila magsisisi. Ni hindi nila kinikilala ang mga katunayan ng paggawa nila ng masama, kaya, matatanggap ba nila ang katotohanan at makikilala ang kanilang sarili? Hinding-hindi nila gagawin iyon! Kung magagawa nilang kilalanin ang mga katunayan ng paggawa nila ng masama, magkakaroon sila ng pagkakataon na tanggapin ang katotohanan, pero ni hindi nila inaamin ang mga katunayan, at hindi nila kinikilala o tinatanggap ang kalikasan ng mga gawa nila—imposibleng makapagsisi ang gayong mga tao. Katulad lang sila ng mga taga-Sodoma—kung sasabihin mo sa mga taga-Sodoma, “Kung hindi kayo magsisisi, wawasakin ng Diyos ang lungsod na ito,” tatanggapin ba nila ito? Ano ang magiging saloobin nila pagkarinig sa mga salitang ito? Kikilos sila na para bang hindi nila narinig ang mga ito at magpapatuloy silang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto nila, nang hindi nagsisisi kahit kaunti. Samakatwid, ang huling kinalabasan nila ay pagkawasak. Tungkol naman sa mga taong ito na nagdulot ng mga paggambala at panggugulo sa iglesia, binigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataon pero hindi nila pinahalagahan ang mga ito o hindi sila nagsisi, at pilit silang sumalungat sa Diyos hanggang sa huli. Walang konsensiya o katwiran ang mga taong ito—karapat-dapat ba silang kaawaan? (Hindi.) May sinuman bang nagtanggol sa mga taong ito na hindi karapat-dapat na kaawaan? May sinuman bang humahanga sa kanila, nadarama na nagdusa sila at nagbayad ng halaga sa loob ng maraming taon, at na nagsikap sila nang husto at nang napakasipag, at na ang ilan sa kanila ay may napakahusay na kakayahan at nagtataglay ng mahusay na kapabilidad sa gawain at mga kasanayan sa pamumuno, at na nakakapanghinayang na itinaboy sila? Nakakapanghinayang ba ito? (Hindi.) Hindi ito nakakapanghinayang, na ibig sabihin ay tama na itinaboy sila. Mag-obserba lang at tingnan kung ang mga taong ito ba ay kayang tanggapin ang katotohanan at kung anong landas ang tinatahak nila. Kung nagdudulot man ang mga tao ng mga paggambala o panggugulo habang ginagawa ang mga tungkulin nila, sila ay mga latak ng sangkatauhan! Tama lang na gawin ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, at anuman ang tungkuling iyon, dapat nilang tuparin ang kanilang responsabilidad. Kahit na ang paggampan nila sa kanilang tungkulin ay hindi pasok sa pamantayan, sa pinakamababa ay hindi sila dapat magdulot ng mga paggambala at panggugulo! Ang pagdulot ng mga paggambala at panggugulo ay isang bagay na ginagawa ni Satanas; hindi ito dapat maging isang bagay na ginagawa ng mga tiwaling tao. Ang mga tiwaling tao ay ginawang tiwali ni Satanas at hindi nila maiwasang labanan ang Diyos; gayumpaman, ang mga taong may normal na pagkatao, konsensiya, at katwiran ay hindi sasadyaing magdulot ng mga paggambala at panggugulo habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Ito ay dahil pinipigilan sila ng kanilang konsensiya at katwiran, at kaya hindi nila gagambalain, guguluhin, o isasabotahe ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa proseso ng paggawa ng kanilang tungkulin. Kahit na hindi magawa ng isang tao ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, pasado nang gawin ito hanggang sa isang katamtamang pamantayan, at kahit papaano ay natutugunan nito ang pamantayan ng konsensiya at katwiran. Gayumpaman, hindi man lang kayang tugunan ng mga taong ito ang pamantayang ito, kaya sa huli ay nauuwi lang sila sa ganitong punto—ang mapaalis o mapatalsik mula sa sambahayan ng Diyos dahil sa kanilang maraming masamang gawa. Sila ang mga latak ng sangkatauhan!