Paano Hangarin ang Katotohanan (2) Ikalawang Bahagi
Sa pananampalataya sa Diyos, dapat maunawaan ng isang tao kung ano mismo ang nilalayong baguhin ng gawain ng Diyos sa mga tao, kung paano nilulutas ng Diyos ang problema ng katiwalian ng mga tao, at kung ano ang nilalayon Niyang maisakatuparan sa mga tao—ang mga ito ay mga isyung dapat mapagbahaginan nang malinaw, hindi ba? Sa pagbubuod, dapat maunawaan ng isang tao kung ano mismong mga epekto ang nilalayong makamit ng Diyos sa mga tao sa Kanyang gawain. Una, sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, ipinapahayag Niya ang katotohanan at nagtutustos Siya ng buhay. Ang gawain ng pagtutustos sa mga tao ng katotohanan ay ang malinaw na pagbabahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng mga tao kapag nahaharap sila sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay sa tunay na buhay, para pagkatapos nilang maunawaan ang mga ito, magagawa nilang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyong ito, at sa batayang ito ay nalulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at nabibigyang-kakayahan silang iwaksi ang mga tiwaling disposisyong ito at tunay at ganap na magpasakop sa Diyos. Siyempre, isa rin itong tanda ng pagkakaligtas, at isa itong tunay na pagpapamalas ng pagkakaligtas na maaaring makita sa mga tao sa huli. Sa buong proseso ng pagtutustos ng Diyos sa mga tao ng katotohanan, ano ang mga pangunahing isyu na kailangang malutas? Sa pangunahin ay may dalawang uri ng mga isyu na kailangang lutasin. Ang unang uri ng isyu na dapat lutasin ay ang mga kuru-kuro ng mga tao. Ang iba’t ibang uri ng mga walang-katotohanan, baluktot, at mahigpit na kinakapitang kaisipan at pananaw ng mga tao na nagmumula kay Satanas ay kolektibong tinatawag na mga kuru-kuro ng mga tao. Ang mga maling kaisipan at pananaw na ito ay kumokontrol sa mga kaisipan at pag-uugali ng mga tao, at naging batayang teorya na ng pag-iisip sa kanilang pagtingin sa mga tao at bagay, at sa kanilang pag-asal at pagkilos, at kaya dapat ay lubusang malutas ang mga ito. Isa itong isyung nauugnay sa mga kaisipan ng mga tao na kailangang lutasin. Ang isa pang uri ng isyu na dapat lutasin ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang mga tiwaling disposisyon ay isang paksa na madalas na pinagbabahaginan, tinatalakay, at hinihimay sa buhay iglesia. Ang ilang tiwaling disposisyon ay idinudulot ng mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw ng mga tao, habang ang ibang mga tiwaling disposisyon ay purong mga satanikong disposisyon. Ang dalawang bagay na nilalayong lutasin ng Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang gawain at mga salita ay ang kanilang mga kuru-kuro at ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang nauna ay nauugnay sa kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay, samantalang ang ikalawa ay nauugnay sa kung paano umasal at kumilos ang isang tao. Kapag ang dalawang bagay na ito ay nalutas at ang mga tao ay nagkamit ng katotohanan at nagagawang magpasakop sa Diyos at maging kaayon Niya, makakamit ng gawain ng Diyos ang epekto nito, at matatapos na ang gawain ng Diyos. Gayumpaman, sa buong proseso ng gawain ng Diyos—ito man ay ang paraan ng paggawa ng Diyos, ang mga partikular na hakbang ng Kanyang gawain, o ang bawat isa sa mga katotohanang ipinapahayag Niya—wala sa mga ito ang nakapuntirya sa mga aspekto tulad ng mga personalidad, kakayahan, abilidad, likas na gawi, gawi sa buhay at pattern sa pamumuhay ng mga tao, o sa kanilang mga hilig at libangan. Sa madaling salita, ang hangarin, layon, at kabuluhan ng gawain ng Diyos ay hindi ang baguhin ang mga likas na kakayahan at abilidad, mga likas na gawi, mga personalidad ng mga tao, at iba pa. Anuman ang kakayahan at kapabilidad sa gawain na taglay mo, o anuman ang iyong likas na personalidad, mga gawi sa buhay, mga likas na gawi, at iba’t iba pang aspekto, hindi tinitingnan ng Diyos ang anuman sa mga bagay na ito. Tinitingnan lang Niya kung isa ka bang taong may normal na pagkatao, at sa batayang ito ay tinutustusan ka Niya ng katotohanan at gumagawa Siya sa iyo. Anumang mga aspekto ng katotohanan ang itinutustos ng Diyos sa iyo, o anumang uri ng gawain ang ginagawa Niya sa iyo, sa huli, ito ay hindi para baguhin ang iyong likas na kakayahan at mga likas na gawi, hindi ito para itaas ang iyong kakayahan o mga likas na gawi at pagbutihin ang mga ito, o para gawing partikular na sobrenatural ang mga ito—wala sa mga aspektong ito ang mga pakay na gustong baguhin ng Diyos sa Kanyang gawain. Samakatwid, kahit ilang taon ka nang nanampalataya sa Diyos, o kahit ilang sermon na ang napakinggan mo, o kahit gaanong pagsisikap man ang inilaan mo sa mga salita ng Diyos, ang iyong likas na kakayahan ay mananatiling ganoon pa rin at hindi magbabago. Hindi ito magbabago dahil nanampalataya ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, nakinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at nagparoo’t parito at iginugol ang sarili mo sa loob ng maraming taon. Siyempre, gayundin sa iyong personalidad, mga likas na gawi, mga gawi sa buhay, mga hilig, mga libangan, at iba pa; hindi magbabago ang mga ito dahil nanampalataya ka sa Diyos sa loob ng maraming taon at ginawa mo ang tungkulin mo sa loob ng maraming taon. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang pagbabagong ito ay tiyak na hindi nangangahulugan ng pagbababa, kundi ng pagtataas—ginagawa ang mga bagay na ito na mas mataas at mas mainam kaysa dati. Ibig sabihin, nasaang yugto man ang gawain ng Diyos, o anumang pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin ito, ang binabago ng gawain Niya ay hindi ang mga likas na kakayahan, mga kapabilidad sa gawain, mga likas na gawi, mga personalidad ng mga tao, at iba pa. Kaya, kung mahina ang kakayahan mo at hindi mo kasalukuyang taglay ang kakayahan na maging isang lider o manggagawa, o maging isang superbisor para sa isang partikular na aytem ng gawain, hindi mo rin ito tataglayin pagkalipas ng 20 o 30 taon; at kahit na maligtas ka kalaunan dahil sa paghahangad sa katotohanan, hindi mo pa rin ito tataglayin. Hindi magbabago ang kakayahan mo. Magbabago ba ang mga likas mong gawi kung gayon? Ang lahat ay nakakaranas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at pagkamatay, at kapag nahaharap sa malalaking kaganapan, sila ay kakabahan, matatakot, masisindak, at iba pa—hindi rin magbabago ang mga likas na gawing ito. Halimbawa, kapag nakarinig ang mga tao ng partikular na malakas na ingay, lahat sila ay magtatakip ng kanilang ulo at magtatago sa isang ligtas na lugar—likas na gawi ito. Kapag nahawakan ng kamay mo ang apoy o iba pang bagay na mainit, likas mong iaatras ang kamay mo, o kapag nakarinig ka ng hindi magandang balita, likas kang kikilabutan sa loob-loob mo at matatakot ka. Kapag nahaharap ka sa panganib, ang likas na una mong iisipin ay, “Ligtas ba ako? Darating ba sa akin ang panganib na ito?” Ito ay likas na gawi. Dagdag pa, kapag inambahan ka ng isang tao para suntukin ka, likas kang iilag para protektahan ang sarili mo; kapag nalagyan ng alikabok o tubig ang mga mata mo, likas mong isasara ang mga ito; at kapag masakit ang ngipin mo, madalas mong hahawakan ang ngipin mo. Likas kang magkakaroon ng natural na reaksiyon, magkakaroon ng partikular na pagpapamalas, o gagawa ng likas na pagkilos. Ang mga tao ay isinilang nang may ganitong mga likas na reaksiyon. Walang makakapag-alis ng mga ito, at hindi rin babaguhin ng Diyos ang mga ito. Ang mga likas na reaksiyong ito ay itinakda ng Diyos sa mga tao noong nilikha Niya sila, at ang mga ito ay para protektahan ang mga tao. Ang mga ito ay isang bagay na dapat taglayin ng isang nilikhang tao. Hindi aalisin ng Diyos ang mga likas na gawing ito, at hindi rin mawawala sa iyo ang mga ito dahil sa iyong paghahangad sa katotohanan. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin, hindi mangyayari na hindi ka na matatakot kapag may apoy o na hindi mo na mararamdamang napapaso ang kamay mo kapag inilagay mo ito sa isang kawali ng mainit na mantika dahil hinahangad mo ang katotohanan, naunawaan mo ang maraming katotohanan, at mayroon kang tunay na pagpapasakop sa Diyos—imposible ito. Ano ang iisipin mo kung may isang taong nagbigay ng gayong patotoo? Kaiinggitan at hahangaan mo ba siya? Anong uri ng pagsusuri at paglalarawan ng katangian ang mabubuo mo tungkol dito? Sa pinakamababa, isa itong sobrenatural na penomenon, at hindi ito gagawin ng Diyos. Tungkol naman sa mga likas na gawi na nilikha ng Diyos para sa sangkatauhan, hindi aalisin ng Diyos itong mga likas mong gawi dahil hinahangad mo ang katotohanan, ni hindi Niya gagawing mga sobrenatural na kapangyarihan ang mga likas na gawing ito. Halimbawa, sabihin nang nasa madilim na lugar ka at wala kang makitang kahit na ano; likas kang mangangapa para madama mo ang paligid mo, at makikinig kang mabuti gamit ang mga tainga mo para matukoy ang mga tunog sa paligid mo, likas na kinakapa ang iyong daan pasulong. Hindi mo malalagpasan ang laman dahil hinahangad mo ang katotohanan—hindi mangyayari na habang mas dumidilim, mas liliwanag ang pakiramdam ng mga mata mo, at mas malinaw mong makikita ang mga bagay at magiging mas madaling matukoy ang direksyon mo—ito ay sobrenatural, at ito ay isang bagay na hindi ginagawa ng Diyos. Kahit na nakaunawa ka ng maraming katotohanan, at nagagawa mong magpasakop sa katotohanan at isagawa ang katotohanan, kung ang mga likas mong gawi sa aspektong ito ay maaaring manatiling ganoon pa rin at hindi umuurong, ayos na ayos na iyon, pero gusto mo pang maging sobrenatural ang mga ito—imposible iyon! Dagdag pa, ang abilidad ng isang tao na tingnan ang mga bagay at pangasiwaan ang mga bagay at ang abilidad niya na lumutas ng mga problema ay hindi rin ang nilalayon ng Diyos na baguhin sa Kanyang gawain. Ang abilidad ng isang tao na pangasiwaan ang mga bagay ay nakadepende, sa isang banda, sa kanyang kakayahan, at sa kabilang banda, sa kanyang likas na IQ, at kabilang sa kanyang IQ ang kanyang mga kaloob. Ang ilang tao ay isinilang nang partikular na nagtataglay ng ilang abilidad at kaloob para sa pangangasiwa ng mga panlabas na usapin, ibig sabihin, magaling sila sa pag-iisip at pakikipagkapwa-tao, isinilang sila nang may espesyal na abilidad sa pakikipagkapwa-tao, at marunong silang makisalamuha sa mga tao, tumingin sa mga bagay, at mangasiwa ng mga partikular na usapin. Sa isipan nila, mayroon silang partikular na malilinaw na daloy ng pag-iisip pagdating sa lahat ng uri ng bagay, na napakalohikal din. Kapag may tinitingnan silang isang bagay, kaya nilang maarok ang pinakabuod ng usapin, nang walang anumang paglihis o pagkabaligho, at pangasiwaan ang mga problema sa medyo tumpak na paraan. Ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng abilidad na pangasiwaan ang mga usapin. Ang ilang tao ay hindi isinilang nang may ganitong abilidad, at mahilig lang silang magbasa ng mga aklat, mag-alaga ng mga bulaklak, magtanim ng damo, mag-alaga ng mga ibon, at mga ganoong bagay. Ano ang tawag dito? Ang tawag dito ay pagkakaroon ng pino at maginhawang gawi sa buhay. Ang mga ito ay mga taong naghahangad ng pagiging elegante at pino. Hindi sila magaling sa pakikipagkapwa-tao o pangangasiwa ng mga panlabas na usapin—wala silang ganitong kapabilidad. Kapag kailangan nilang lumabas at mangasiwa ng mga usapin, kumonsulta sa abogado o makisalamuha sa isang personahe, nagiging kimi at takot sila at hindi naglalakas-loob na tingnan sa mata ang taong iyon, at kapag tinatanong sila, nauutal sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin. Wala silang silbi, hindi ba? Kapag ang ganitong tao ay hindi nahaharap sa isang isyu, magaling talaga siyang magyabang, sinasabing, “Ginawa ko ang ganito at ganyang bagay, mayroon akong ganito at ganyang engrandeng nakaraan, minsan akong nakisalamuha sa ganito at ganyang mga tao, at kilala ko sina ganito at ganyang mga sikat na tao….” Gayumpaman, kapag aktuwal siyang pinadala para pangasiwaan ang isang bagay, naglalaho siya nang walang bakas. Lumalabas na ang kaya lang niyang gawin ay magyabang, at wala siyang tunay na talento o kaalaman, at walang abilidad na pangasiwaan ang mga usapin. Ang katunayan ba na ang isang tao ay hindi mahusay sa pangangasiwa ng mga usapin ay mababago ng paghahangad niya sa katotohanan? Sa kasamaang-palad, hindi. Tingnan iyong mga indibidwal na may introverted na mga personalidad at takot na humarap sa ibang mga tao simula pagkabata. Kapag nasa edad bente o trenta na sila, kabadong-kabado pa rin sila kapag nakikipag-usap sa mga tao o nangangasiwa ng mga usapin na kinasasangkutan ng pakikisalamuha sa mga tao. Kapag nasa katanghalian na sila ng kanilang edad, nahihiya at namumula pa rin sila kapag nagsasalita sa harap ng maraming tao. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman magagawang humarap sa mas malawak na mundo sa buong buhay nila. Iba naman ang ibang mga tao, na mahilig na makipag-usap at makisalamuha sa mga tao simula noong mga tinedyer pa lang sila. Kahit anong personahe ang makasalamuha nila, hindi sila matatakot, at anuman ang ginagawa nila, hindi sila nababalisa o natataranta. Matalas ang isip nila, at kaya hindi sila nagdurusa sa stage fright. Kapag mas maraming tao, mas lalo silang sumasaya at sumisigla, at mas lalo nilang gustong magtanghal. Maaari bang mabago ang personalidad ng isang tao at ang kanyang abilidad na mangasiwa ng mga usapin sa pamamagitan ng pagdanas niya sa gawain ng Diyos? (Hindi.) Hindi binabago ng Diyos ang mga bagay na ito tungkol sa mga tao. Alam ng ilang tao na ang kanilang mahinang abilidad na mangasiwa ng mga usapin ay isang depekto sa kanilang pagkatao, kaya nagsisikap silang mapagtagumpayan ito. Maaari na, kapag nasa katanghalian na sila ng kanilang edad o matanda na, pagkatapos makaranas ng deka-dekada ng pagpapanday at makaipon ng malawak na karanasan, Halos nagagawa lang nilang harapin ang ilang agarang usapin; pero hindi pa rin sila magkakaroon ng abilidad na pangasiwaan ang mga kritikal at buhay-at-kamatayan na usapin. Sa partikular, may ilang taong hindi kayang pangasiwaan ang anumang bagay nang sila lang kapag matanda na sila; anuman ang subukan nilang pangasiwaan, labis nila itong nagugulo—sadyang hindi nila ito makayanan—ni hindi nila maako ang pasanin ng pag-aasikaso sa sarili nilang mga usaping pampamilya. At ano ang ginagawa nila? Sa ilang kaso, ang mga anak nila ay mayroong abilidad na pangasiwaan ang mga usapin, kaya hinahayaan ng mga taong ito ang mga anak nila na tulungan sila, habang tinatamasa nila ang mga bagay na nagawa na para sa kanila. Iniisip nila, “May naambag na ako, mayroon akong abilidad na mangasiwa ng mga usapin,” pero sa aktuwal, wala silang kapabilidad na ito. Ang mga anak nila, na ngayon ay malalaki na at kaya nang mamahala, ang umako sa mga usaping ito. Ang mga taong ito ay maaaring hindi na ngayon kasingkabado o kasingmatatakutin kapag humaharap sa mga bagay kumpara noong bata pa sila, pero hindi iyon nangangahulugan na ang abilidad nilang pangasiwaan ang mga usapin ay nagbago na o bumuti. Ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay na mas matanda na sila, nagkamit na ng karanasan, at hindi na takot sa mga bagay. Ano ang tinutukoy ng “hindi na takot sa mga bagay”? Ito ay na nagagawa na nilang tingnan ang mga usapin nang may mas bukas na isipan dahil naranasan na nila ang maraming bagay at natuklasan na ang pattern ng mga bagay, at kaya kapag talagang naharap sila sa kaunting panganib, hindi na sila matatakot, at iisipin nila: “Buweno, narito ako. Kung gusto mo ng pera, wala akong anumang pera; kung gusto mong kunin ang buhay ko, heto na—gawin mo anuman ang gusto mo!” Nagkaroon ba ng anumang pag-usad ang gayong mga tao? Wala silang naging anumang pag-usad kahit kaunti—napakapabaya at napakagulo pa rin ng isip nila pagdating sa pangangasiwa ng mga bagay. Pabasta-basta at mainipin pa rin sila gaya ng dati. Hindi nila tinatapos ang mga bagay noon, at kahit ngayon ay hindi sila nagbago kahit kaunti. Sadyang ganoon sila. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ganito talaga ang mga bagay? (Oo.)
Iba-iba ang edad ninyo. Hanggang ngayon, kailanman ba ay may naranasan na kayong isang espesyal na bagay—sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, ang iyong kakayahan ba ay ganap na nagbago at naging mas mahusay kaysa dati, o nagbago ba ang iyong mga likas na gawi? Nagkaroon ka na ba ng gayong karanasan? (Hindi.) Buweno, may sinuman bang nagsabi na, “Dati ay wala talaga akong silbi. Hindi ako mahusay magsalita, wala akong anumang mga abilidad o kasanayan, at wala akong anumang abilidad sa pakikipagkapwa-tao. Ngayong tinanggap ko na ang gawain ng Diyos, nagagawa ko nang magsalita nang mahusay, mayroon na akong mga abilidad sa pakikipagkapwa-tao, at pagdating sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay, matalino ako at may diskarte, at alam ko kung paano harapin ang mga bagay-bagay”? May sinuman bang nagkaroon na ng ganitong uri ng karanasan? (Wala.) Sinasabi ng ilan, “Bagama’t hindi nangyari sa akin ang mga bagay na iyon, sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos matapos manampalataya sa Diyos, pakiramdam ko ay nagbago na ang personalidad ko. Dati ay mabagal akong magsalita, at tinatawag ako ng lahat ng tao na ‘makupad magsalita.’ May isa rin akong palayaw, ang ‘usad-pagong.’ Simula nang mag-umpisa akong manampalataya sa Diyos, mas bumilis na ang mga reaksiyon ko kaysa dati, at nagsasalita at kumikilos na ako nang mas mabilis. Pinangangasiwaan ko rin ang mga bagay-bagay nang mas mabilis at mahusay.” Nangyayari ba ang gayong mga bagay? (Hindi.) May isang kaso kung saan maaaring posible ito. Halimbawa, kapag nag-aaral ang ilang tao ng banyagang wika at nagsasanay munang magsalita nito, nagsasalita sila nang napakabagal, paisa-isang salita lang. Iniisip ng iba na ang mga taong ito ay maaaring nagsasalita nang napakabagal dahil siguro ipinanganak sila nang may mabagal na pag-uugali. Makalipas ang tatlo o limang taon, dahil ang mga taong ito ay madalas na nakikisalamuha sa mga nagsasalita ng banyagang wikang iyon, sa huli ay nasasalita na nila ito nang napakahusay, sadyang kasingbilis ng pagsasalita nila ng katutubong wika nila, at ang iba na walang alam ay iniisip, “Nagbago na ang personalidad ng taong iyon. Dati siyang mabagal magsalita at naiinip ang mga tao habang nakikinig sa kanya, pero ngayon ay napakahusay na niyang magsalita—naging mabilis na tao na siya. Batay sa deretsahan at malinaw na paraan ng kanyang pagsasalita, malalaman mong pinangangasiwaan niya ang mga bagay-bagay nang maagap at mayroon siyang mabuting personalidad.” Sa kasong ito, nagkaroon ba ng pagbabago sa kanilang personalidad? (Wala.) Sa katunayan, isa itong normal na pattern. Ito ang proseso ng normal na pag-usad sa pag-aaral ng isang uri ng propesyon—hindi ito isang proseso ng pagbabago ng personalidad. Ito man ay kakayahan, abilidad, at mga likas na gawi, o personalidad, mga gawi, mga hilig, at mga libangan, wala sa mga aspektong ito ang mga bagay na gustong baguhin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain. Kung lagi kang naniniwala na ang layon ng paggawa at pagsasalita ng Diyos para tustusan ang mga tao ng katotohanan ay para baguhin ang lahat ng likas na katangian ng mga tao, at iniisip na saka lamang maituturing ang isang tao na ganap na isinilang na muli, tunay na isang bagong tao na gaya ng sinabi ng Diyos, kung gayon, ikaw ay nagkakamali nang malubha. Kuru-kuro at imahinasyon ito ng tao. Pagkatapos mong maunawaan ito, bitiwan mo na dapat ang gayong mga kuru-kuro, imahinasyon, haka-haka, o damdamin. Ibig sabihin, sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, hindi ka dapat laging umasa sa mga damdamin o ispekulasyon para sumahin ang mga bagay na ito: “Humusay na ba ang kakayahan ko? Nagbago na kaya ang mga likas na gawi ko? Kasingsama pa rin ba ng dati ang personalidad ko? Nagbago na ba ang pattern ng pamumuhay ko?” Huwag mo nang pagnilayan ang mga ito; walang silbi ang gayong pagninilay-nilay, dahil hindi ang mga aspektong ito ang nilalayong baguhin ng Diyos, at hindi kailanman pinuntirya ng mga salita at gawain ng Diyos ang mga bagay na ito. Hindi kailanman nilayon ng gawain ng Diyos na baguhin ang kakayahan, ang mga likas na gawi, personalidad ng mga tao, at iba pa, ni hindi kailanman nagsalita ang Diyos para sa layuning baguhin ang mga aspektong ito ng mga tao. Ang implikasyon ay na nagtutustos ng katotohanan ang gawain ng Diyos sa mga tao batay sa mga likas na kalagayan nila, na naglalayong ipaunawa ang katotohanan sa mga tao, pagkatapos ay para tanggapin ng mga tao ang katotohanan at magpasakop sila rito. Sa madaling salita, kahit ano pa ang uri ng kakayahang mayroon ka, at anuman ang personalidad at mga likas mong gawi, ang gustong gawin ng Diyos ay ang ikintal sa iyong kalooban ang katotohanan, ang baguhin ang mga dating kuru-kuro at tiwaling disposisyon mo, sa halip na baguhin ang iyong likas na kakayahan, mga likas na gawi, at personalidad. Nauunawaan mo na ngayon, tama ba? Ano ang nilalayong baguhin ng gawain ng Diyos? (Nilalayon ng gawain ng Diyos na baguhin ang mga lumang kuru-kuro at tiwaling disposisyon sa loob ng mga tao.) Ngayong naiintindihan mo na ang katotohanang ito, dapat mong bitiwan ang mga imahinasyon at kuru-kurong iyon na hindi makatotohanan at may kaugnayan sa mga sobrenatural na bagay, at huwag mo nang gamitin ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito para sukatin ang sarili mo o magtakda ng mga kahingian sa sarili mo. Sa halip, dapat mong hanapin at tanggapin ang katotohanan batay sa iba’t ibang likas na kalagayang ibinigay sa iyo ng Diyos. Ano ang layon nito sa huli? Iyon ay na batay sa mga likas na kalagayan mo, nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, ang maunawaan mo ang bawat isang katotohanang prinsipyo na dapat isagawa sa harap ng iba’t ibang sitwasyong nakakaharap mo, at kaya mong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyong ito. Matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos kung gagawin ito. Ito ay dahil ang layon ng mga salita at gawain ng Diyos ay ang ikintal ang mga katotohanan sa loob ng mga tao para ang mga ito ay maging mga prinsipyo at pamantayan nila sa pagsasagawa, at para ang mga ito ang maging mga batayan nila sa pagtingin sa mga tao at bagay, at sa pag-asal at pagkilos, at para ang mga ito ay maging buhay nila, sa halip na gawin nito ang mga tao na mga superhuman o mga taong may mga sobrenatural na kapangyarihan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “mga superhuman” at “mga taong may mga sobrenatural na kapangyarihan”? Ang magawa ng isang tao na lagpasan ang kanyang mga likas na gawi, lagpasan ang saklaw ng kanyang abilidad, lagpasan ang kanyang kakayahan, at lagpasan pa nga ang kanyang kasarian, at ang magawang mamuhay nang lagpas sa kanyang kasarian—hindi ba’t ang mga ito ay mga sobrenatural na kapangyarihan? (Oo.) Halimbawa, ang ilang tao ay nakapagsasalita ng ilan o higit pa sa sampung wika nang hindi sumasailalim sa espesyalisadong pag-aaral ng wika. Sobrenatural ba ito? (Oo.) Ang pagiging sobrenatural na ito ay lumalagpas sa kakayahan, abilidad at likas na gawi ng tao, hindi ba? (Oo.) Higit pa rito, kapag sinasalita ang iba’t ibang wika, nagagawa pa nilang pleksibleng gumamit ng iba’t ibang boses ng lalaki at babae. Hindi ba’t mas lalong sobrenatural ito? (Oo.) Gaano karaming wika man ang nasasalita nila, hindi nila napaghahalo-halo ang mga ito, at hindi sila napapagod kahit gaano katagal silang magsalita, at kahit na hindi sila uminom ng tubig, hindi sila nauuhaw. Dagdag pa rito, habang mas nagsasalita sila, mas nagniningning ang mga mata nila, mas nagliliwanag ang mukha nila, at kumikinang ang buong katawan nila. Hindi ba’t sobrenatural ito? (Oo.) Kahit na mabaril sila habang nagsasalita, ayos lang sila at patuloy lang na nagsasalita. Mas lalong sobrenatural iyon, hindi ba? (Oo.) Kapag nakikita nila ang bala, hindi man lang nila ito sinusubukang iwasan, sa halip ay hinaharap nila ito nang direkta. Tumatagos ang bala sa kanilang dibdib, pero tumatayo sila nang matibay at hindi nanghihina. Hindi sila naaapektuhan sa anumang paraan, at ni isang hibla ng buhok nila ay hindi napipinsala. Ito ay paglagpas sa likas na gawi, hindi ba? (Oo.) Ang lahat ng penomenong ito ay lumalagpas sa likas na gawi ng tao. Ang pinakaseryosong bagay sa lahat ay na naging hindi normal na tao na sila, ibig sabihin, isang taong iba sa mga ordinaryong tao, na lagpas sa kakayahan at mga abilidad ng mga normal na tao, at lumalagpas din sa mga likas na gawi ng mga normal na tao. Ang mga pagpapamalas nila sa lahat ng aspekto ay naiiba sa mga ordinaryong tao at partikular na sobrenatural. Problema ito. Normal na tao pa rin ba siya? (Hindi.) Ano sila kung gayon? (Isang masamang espiritu.) Siya ay isang masamang espiritu. Gusto ba ninyong hangarin ito? (Hindi.) Wala sa inyo ang may gusto, kaya sa tingin mo ba ay maaaring baguhin ng gawain ng Diyos ang mga tao hanggang sa ganoong antas? Ang layon ba ng gawain ng Diyos ay gawing mga hindi normal na tao ang mga indibidwal? (Hindi.) Ito ay para tanggapin mo ang katotohanan at para danasin ang mga kapaligirang inihanda Niya para sa iyo sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, para mula rito ay maunawaan mo ang masisidhing layunin sa paggawa ng Diyos sa Kanyang gawain, o ang sarili mong mga kakulangan at kahinaan, o ang sarili mong mga tiwaling disposisyon, at pagkatapos, sa batayan ng pagkaunawang ito, hanapin ang katotohanan at isagawa ito, at unti-unting pumasok sa katotohanan—ang prosesong ito ay mabagal at hindi talaga sobrenatural. Kapag ang ilang tao ay nagiging negatibo, mahilig silang magsabi nito: “Ano ba ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon?” Sinasabi mong wala kang anumang nakamit, pero dapat mong pag-isipan nang mabuti ang mga sumusunod. Ngayong napakaraming taon mo nang nananampalataya sa Diyos, mayroon ka na ba ngayong malinaw na pananaw sa maraming bagay? Totoo ba na kapag mas matagal ka nang nananampalataya, mas payapa at panatag na ang pakiramdam mo, at mas nadarama mo na ito ang tamang landas sa buhay? Kung ganito nga ang nadarama mo, ibig sabihin ay may nakamit ka na nga. Bagama’t hindi ka nagkamit ng anumang mga materyal na bagay, bagama’t hindi ka nagkamit ng pera, katayuan, kasikatan, pakinabang—mga bagay na kayang mahawakan ng kamay mo o makita ng mga mata mo—nakaunawa ka pa rin ng ilang katotohanan sa puso mo. Nagkamit ka ng kaunting pagkaunawa sa aktuwal na pag-iral ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Dagdag pa rito, naunawaan mo rin ang mga layunin ng Diyos at ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao, at alam mo kung ano ang isang nilikha at kung anong tungkulin ang dapat mong gawin. At kung, sa ngayon, hindi ka pinahintulutang gumawa ng isang tungkulin, maghihinagpis ka at madarama mong hungkag ang buhay mo. Hindi ba’t ipinapakita ng lahat ng ito na may mga nakamit ka na mula sa pananampalataya sa Diyos? Ang nakamit mo ay mas mahalaga kaysa sa anumang materyal na bagay. Ito ang mga epektong nakakamit ng gawain ng Diyos sa mga tao. Hindi Niya nilalayon na bigyang-kakayahan ang mga tao na sumailalim sa ilang sobrenatural at di-makatotohanang pagbabago na lagpas sa pagkatao, mga likas na gawi ng tao, o sa mga normal na pangangailangan at mga normal na pagpapamalas ng laman. Sa halip, nilalayon Niyang bigyang-kakayahan ang mga tao na maranasan ang lahat ng uri ng kapaligiran sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, at sa prosesong ito, na unti-unti at dahan-dahang makamit ang lahat ng uri ng pagkaunawa at mga karanasan. Sa madaling salita, sa buong panahon ng unti-unti at dahan-dahang prosesong ito, ang mga kaisipan at kuru-kuro ng mga tao ay nagbabago nang paunti-unti, ang kanilang mga perspektiba sa pagtingin sa mga tao at bagay ay nagbabago, ang kanilang mga pananaw at paraan ng pagharap sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay ay nagbabago, ang ilan sa kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi na kasinghalata gaya ng dati, at ang kanilang konsensiya at katwiran ay bahagyang nanumbalik. Natatamo nila ang mga tunay na pakinabang na ito, sa halip na iyong mga bagay na di-makatotohanan, mala-ilusyon, hungkag, walang substansya, o sobrenatural pa nga.
Ginagampanan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa isang unti-unting paraan, at siyempre ay mayroong isa pang mas pangunahing prinsipyo, at iyon ay na sa paggawa ng Kanyang gawain, hinahayaan ng Diyos na natural na tumakbo ang mga bagay. Ang prinsipyong ito na “hayaan ang natural na takbo ng mga bagay” ay maaaring medyo mahirap na maunawaan para sa mga tao. Ano ang ibig sabihin ng hayaan ang natural na takbo ng mga bagay? Ibig sabihin nito na, gumagawa man ang Diyos sa mga tao o kumakausap sa mga tao, hindi Niya kailanman pinupuwersa ang sinuman na gumawa ng mga bagay. Naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran para sa iyo, at tinutustusan ka ng katotohanan gaya lang ng ginagawa Niya para sa ibang mga tao. Tungkol sa kung paano mo dapat tingnan at unawain ang mga kapaligirang inihahanda Niya, at kung anong pananaw at saloobin ang dapat mong gamitin para harapin ang mga ito, may malilinaw na salita ang Diyos at nagsabi Siya sa iyo ng malilinaw na mga katotohanang prinsipyo. Tungkol naman sa kung paano mo haharapin ang mga ito, malayang pagpili mo na iyon. Maaari mong piliing tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang sarili mo, o maaari mong piliin na tanggihan ang katotohanan; maaari mong piliin na tanggapin ang pagbubunyag sa iyo ng mga kapaligiran na pinamamatnugutan ng Diyos, o maaari mong piliing balewalain ang gawain ng Diyos—mayroon kang kalayaan na pumili, malaya kang pumili. Halimbawa, pagdating sa tungkuling dapat mong gawin, maaari mong piliin na gawin ito nang buong puso at nang buong lakas mo, o maaari mong piliin na gawin ito nang may pabasta-bastang saloobin. Ito ay ganap na batay sa personal mong pagpili, at siyempre, batay rin ito sa sarili mong kakayahan, mga abilidad, mga likas na gawi, at iba pa. Hindi gumagawa ang Diyos ng karagdagang gawain—ibig sabihin, sa mga normal na sitwasyon, hindi gumagawa ang Diyos ng anumang karagdagang gawain ng panghihikayat, o pamimilit. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito na naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran para sa iyo—para lang Siyang naghanda ng isang piging para sa iyo, na may maiinit at malalamig na ulam, kanin at sabaw, mga prutas, mga inumin, at kung ano-ano pa, at pagdating sa kung ano ang pinipili mo, binibigyan ka ng Diyos ng kalayaan—anuman ang piliin mo, may kalayaan kang gawin iyon, at hindi nakikialam ang Diyos, tumutuon lang Siya sa pagpapahayag ng katotohanan para tustusan ang mga tao. Ang ilang tao ay mabilisan lang na tinitingnan ang piging, nang hindi tinitikman mismo kung ano ang aktuwal na lasa ng masasarap na ulam. Nagkokomento lang sila tungkol sa piging, nagsasalita ng ilang doktrina, at pagkatapos ay umaalis na. Ang iba ay pinipili lang na tingnan ang piging, balewalain ang masasarap nitong pagkain, at umalis nang walang anumang saloobin o anumang opinyon. May iba na personal na natikman at naranasan ang masasarap na ulam nito, at natutunan din kung paano gawin ang isa sa masasarap na pagkain. Sa kapaligirang inihanda ng Diyos, anuman ang iyong saloobin—ito man ay ang tanggapin ito, o ang tanggihan o itatwa ito, o ang hamakin ito at maging mapanlaban dito, at iba pa, ang lahat ng ito ay mga saloobin sa mga mata ng Diyos. Paano hinaharap at pinakikitunguhan ng Diyos ang iba’t ibang saloobin ng mga tao? Nang natustusan na Niya ang mga tao ng napakaraming katotohanan, ang saloobin ng Diyos sa kanila ay ang magsubaybay lang at magtala. Tungkol naman sa kung ano ang pinipili ng mga tao o kung ano ang saloobin nila, hindi nakikialam ang Diyos—walang kinalaman sa Diyos ang usaping ito. Kung gayon, saan may kinalaman ang usaping ito? May kinalaman ito sa kung anong landas ang pinipili mo, kung ano ang nakakamit mo sa huli, at sa sarili mong huling kalalabasan. Sa usaping ito, ang Diyos ay hindi gumagawa ng anumang karagdagan at pantulong na gawain, tinutupad lang Niya ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat Niyang tuparin. Pagkatapos Niyang itustos sa iyo ang katotohanan at sabihin sa iyo ang mga prinsipyo para sa pagharap sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, maaari din Siyang maghanda ng mga kapaligiran para sa iyo. Gayumpaman, hindi nakikialam ang Diyos sa kung ano mismo ang mga huli mong pagpili o kung anong uri ng landas ang tinatahak mo—hinahayaan ka Niyang pumili para sa sarili mo. Halimbawa, kung ikaw ay nahalal na maging isang lider o manggagawa, maaari mong piliing kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, o kumilos nang basta-basta at walang pakundangan nang ayon sa sarili mong mga kagustuhan. Kung pipiliin mong pangasiwaan ang lahat ng bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo at gawin ang tungkulin mo ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, ang Diyos ay magmamasid at magtatala tungkol dito, at sa huli, makakamit mo ang katotohanan at makapagpapasakop ka sa Diyos—isang kalalabasan ito. Kung gagawin mo ang mga bagay ayon sa sarili mong kalooban, at kikilos ka nang basta-basta at walang pakundangan, nilalabag ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo, isa rin itong pagpili at kinakatawan nito ang landas na tinatahak mo, at pagmamasdan at itatala din ito ng Diyos, at siyempre, alam na agad kung ano ang iyong kalalabasan. Kung nakamit mo ang katotohanan at buhay, bibigyang-kakayahan ka rin nito na makamit ang pagsang-ayon ng Diyos at matitiyak nito ang isang magandang hantungan para sa iyo.