Paano Hangarin ang Katotohanan (17) Ikaapat na Bahagi

Isang malinaw na katangian ng mga taong walang pagkatao ay na hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto kapag sila ay kumikilos at nagsasalita; palagi silang nagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran. Sinasabi nating hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto, subalit talagang hindi sila kailanman nagsasabi o gumagawa ng anumang tama. Puro maling bagay lang ang sinasabi nila; kaya nilang sabihin ang anuman gaano man ito kamali. Halimbawa, may isang taong bumili ng damit na hindi kasya sa kanya, at nakita niyang kasya ang damit ng iba, kaya nagalit siya at sinabing, “Hindi ito kasya sa akin—paanong kasyang-kasya sa iyo ang damit mo?” Gustong-gusto rin niya na hindi magkasya ang damit ng iba—saka lang siya magiging masaya. Kaya pa niyang sabihin ang gayong mga bagay—hindi ba’t ito ay baluktot na pangangatwiran? (Oo.) Kung hindi siya makatulog sa gabi at nakita niyang mahimbing ang tulog mo, hindi siya magiging masaya at sasabihin niyang, “Hindi ako makatulog, kaya paano ka nakakatulog? Hindi ito makatwiran! Napakahimbing ng tulog mo, dahil ba hindi ka nakararamdam ng pasanin sa paggawa ng iyong tungkulin? Kailangan kong iulat ito sa lider ng iglesia, sa ang Itaas!” Hindi ba’t ito ay baluktot na pangangatwiran? (Oo.) Hindi Ako nagbibiro, ganito mismo magsalita yaong mga walang pagkatao at hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Bakit Ko sinasabing hindi niya alam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto? Dahil inulat niya ito sa Akin. Nang marinig Ko ang sinabi niya, naisip Ko, “May mali sa sinasabi ng taong ito; hindi ito matuwid na pangangatwiran! Hindi ito ang dapat sabihin ng isang taong may pagkatao. Hindi na siya bata, at mahigit sampung taon nang nananampalataya sa Diyos, subalit hindi man lang niya alam kung tama o mali ang kanyang sinasabi; itinuturing pa niya na matuwid na pangangatwiran na iulat ang taong iyon. Ang taong ito ay hindi lang hindi makakilatis ng tama sa mali—hindi man lang niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Masama siya.” Kung ipinarating niya ang usaping ito sa inyo, baka talaga hindi ninyo ito nakilatis, at baka nalinlang ang ilan sa inyo sa sinabi niya, at naniwalang tama ang kanyang pangangatwiran. Ngayong nailarawan Ko na ito sa ganitong paraan, nakikilatis na ba ninyo kung tama ito o mali? (Oo.) Hindi ba’t baluktot at hibang ang gayong mga tao? (Oo.) Hindi nila alam kung tama o mali ang kanilang sinasabi, subalit sinasabi pa rin nila ito. Malinaw na itinuturing nila ang mga maling pahayag, kaisipan, at pananaw bilang mga positibong kaisipan at pananaw para ipahayag at iparating. Ito ay hindi pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto. Hindi sila nagkukunwaring walang alam, at hindi rin nila ginagamit ang mga salitang ito para iligaw ang mga tao o lokohin ang mga bata—malinaw na hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Kaya, sinasabi Kong wala silang pagkatao. Hindi man lang nila makilatis ang tama sa mali sa isang napakapundamental na bagay—mayroon ba silang tunay na katwiran? Maaari pa ba silang maging mga taong matuwid? Sinasabi nila ang mga maling bagay na para bang tama ang mga ito, na katumbas ng pagsasabing ang itim ay puti. Maaari pa ba silang maging matuwid sa kanilang mga kilos? Kaya ba nilang tratuhin ang mga tao nang patas? Hindi nila kayang tratuhin ang mga tao nang patas, kaya hindi ba’t nakakapinsala sila ng mga tao? (Oo.) Kabaitan ba iyon? (Hindi.) Marahil ay ayaw nilang maging masasamang tao, at gusto rin nilang maging palakaibigan sa iba, ngunit hindi man lang nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto, ni hindi nila mapag-iba ang itim sa puti, kaya paano sila magiging palakaibigan sa iba? Imposible nila itong magawa. Tanging kapag ang konsensiya at katwiran ng isang tao ay gumagana nang maayos, at mayroon siyang kakayahang kumilatis at pumili ng mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa, saka lang siya maaaring maging mabait. Kung sinasabi mong ikaw ay matuwid at mabait, nasaan ang mga pagpapamalas nito? Kung hindi mo man lang alam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto, paano ka magiging matuwid at mabait? Huwag mong lokohin ang iyong sarili! Tama? Ito ay tinatawag na panlilinlang sa sarili at sa iba. Partikular ding hinahangaan ng gayong mga tao ang kanilang sarili, iniisip na ang kanilang karakter ay matuwid, na sila ay mabait at hindi natatakot sa awtoridad, at na sa tuwing makakakita sila ng isang taong may nagawang mali, agad nila siyang mapupuna. Ano ang batayan mo sa gayong pagpuna? Kung pinupuna mo sila batay sa sarili mong mga maling kaisipan at pananaw, sa huli ay pahihirapan mo ang mabubuting tao at babaluktutin ang mga katotohanang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t panlilihis iyan sa mga tao? Kung ang gayong tao ang may hawak ng kapangyarihan sa iglesia, nangangahulugan iyan na si Satanas ang may hawak ng kapangyarihan. Kung si Satanas ang may hawak ng kapangyarihan, karamihan ba sa mga tao ay nakikinabang o nagdurusa? (Sila ay nagdurusa.) Karamihan ng mga tao ay lubhang mapipinsala at walang magiging paraan para mabuhay.

Ang mga paksang tinalakay natin ay pawang may kaugnayan sa ilang karaniwang pagpapamalas sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos ninyong marinig ang pagtalakay sa mga paksang ito? May kaugnayan ba ang mga paksang ito sa katotohanan? Handa ba kayong makinig? (Oo.) Tsismis lang ba ito? Pagsasalita ba ito nang masama tungkol sa mga tao habang nakatalikod sila? (Hindi, ito ay para tulungan tayong matutong kilatisin ang mga tao.) Ngayong narinig na ninyo ang mga pagbabahaginang ito, kaya na ba ninyong kilatisin ang mga tao? (Pakiramdam ko ay medyo mas kaya ko nang kilatisin ang mga tao kaysa dati.) Dapat ay medyo nakakakilatis na kayo ng mga tao ngayon. Ngayong naibahagi Ko na ang katotohanan at natalakay ang mga halimbawa sa ganitong paraan, kung hindi pa rin ninyo kayang kilatisin ang mga tao, kung gayon ay napakahina ng inyong kakayahan at hindi ninyo kayang abutin ang katotohanan. Siyempre, tiyak na may mga taong ganito. Paano man sila makinig, hindi nila ito nauunawaan, at iniisip pa nga nila, “Ang sinasabi Mo ay puro mga bagay lang sa pang-araw-araw na buhay—hindi ako makikinig! Gusto kong marinig ang malalalim na katotohanan ng ikatlong langit. Ang ibinabahagi Mo ay hindi ang katotohanan, puro tsismis lang iyan. Hindi ako makikinig!” Kung talagang ayaw mong makinig, hindi mo kailangang makinig. Pero kailangan ang lahat ng paksang tinatalakay natin. Sinumang makakaunawa sa katotohanang nilalaman ng mga ito ay makakakilatis ng mga tao. Kung tunay na kaya mong makaunawa, kung gayon ay isa kang taong pinagpala. Kung hindi mo maunawaan gaano ka man makinig, at habang lalo kang nakikinig ay lalo kang naguguluhan at lalong sumasakit ang ulo mo, kung gayon, ang pagpapamalas na ito ay hindi isang magandang tanda o magandang pangitain para sa iyo.

Kanina lang ay napag-usapan natin ang katangian sa pagkatao ng pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto. Maraming iba’t ibang pagpapamalas ng hindi pagkaalam ng mga tao sa kung ano ang wasto at hindi wasto. Kung alam ng mga tao kung ano ang wasto at hindi wasto, mabuti sana iyon, at hindi na natin kailangang pag-usapan pa ang paksang ito. Ngunit maraming tao ang hindi nakakaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto, kaya mahalagang magbanggit ng ilang halimbawa para kilatisin kung bakit hindi alam ng ganitong uri ng tao kung ano ang wasto at hindi wasto, kung bakit hindi nito makilatis ang mga bagay na napakalinaw na wasto o hindi wasto. Ang ganitong uri ng tao ay talagang nakapagsasabi ng gayong mga hibang na salita at nakagagawa ng gayong mga katawa-tawang bagay—ano ba talaga ang nangyayari dito? Mahalaga itong pagbahaginan at kilatisin. Ang pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto ay isang kondisyon na dapat taglayin ng pagkatao ng isang tao. Ang hindi pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto ay isang bagay na hindi dapat mangyari sa isang tao. Kung talagang hindi alam ng isang tao kung ano ang wasto at hindi wasto, nakakapanghinayang iyon; nangangahulugan ito na wala sa kanya ang mga kondisyon na dapat mayroon ang isang tao. Kani-kanina lang ay napag-usapan natin ang ilang partikular na halimbawa at pagpapamalas, at para sa ilang tao, malinaw ngang hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Kung ang isang tao ay nagsasabi lang ng ilang di-makatwiran at mapanghamong bagay o ng ilang walang-katotohanang salita sa mga tao, o nagpapahayag ng kung anong baluktot na pangangatwiran sa mga tao, hindi ito kailangang espesyal na banggitin para pagbahaginan at kilatisin, dahil ang mga pagpapamalas na iyon ay nakatuon sa mga ordinaryong tiwaling tao. Ngunit ang pagpapamalas ng ilang tao ng hindi pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto ay nakatuon sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay. Para sa ganitong uri ng tao na hindi nakakaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto, kung hindi Ako magbabanggit ng ilang halimbawa para pagbahaginan, maaaring hindi pa rin makilatis ng lahat ang mga ito, at hindi nila matatarok ang diwa at kabigatan ng ganitong uri ng problema. Kaya kailangan Ko itong talakayin. Maraming bagay na ang nangyari—kung may kinalaman ang mga ito sa katotohanan, dapat Kong sabihin kung ano talaga ang totoo, at binabanggit ang mga negatibong halimbawang ito para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magkamit ng pagkakilatis, at para hayaan din ang lahat na matuto ng mga aral mula sa mga ito. Kung may usaping kinasasangkutan ng isang partikular na tao, hindi dapat makaramdam ng hiya iyong mga sangkot. Kung nahihiya ka ngayon, hindi mo sana dapat ginawa ang mga bagay na iyon noon. Gaano kalubha ang hindi pagkaalam ng ilang tao sa kung ano ang wasto at hindi wasto? Ang mga bagay na ginagawa nila—na bunga ng hindi pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto, at na may napakalubhang kalikasan—ay hindi nakatuon sa sinumang tao, kundi sa Akin. Hindi pamilyar sa Akin at hindi Ko kilala ang karamihan sa mga tao sa iglesia, at may ilang lider at manggagawa na isa o dalawang beses Ko pa lang nakatagpo, ngunit bihira Akong magkaroon ng interaksyon at taos-pusong pakikipag-usap sa mga tao nang harapan, dahil wala Akong ganoong karaming libreng oras. Sa mga taong ito, nakakasundo Ko naman nang maayos ang ilan sa kanila, ngunit ang ilan ay imposibleng makausap. Bakit ganito? Sunod nating tingnan ang ilang halimbawa.

Isang taglagas, inani ang mga patatas na itinanim sa isang bukid, at ang taong responsable sa pagluluto ay pumunta sa bukid at nag-uwi ng isang basket ng mga ito. Ang mga patatas na nasa ibabaw ay tila halos kasinglaki ng isang kamao, na mukhang puwede na. Gayumpaman, ang mga nasa ilalim nito ay puro maliliit, at ang ilan ay bulok. Nagulat Ako. “Paano niya kami nagawang bigyan ng ganitong mga patatas? Hindi ba’t dapat ang mga patatas na tulad nito ay ipinapakain sa hayop? Nagkamali kaya ng pag-empake ang tao sa bukid?” Kung totoong pagkakamali ito, bakit magaganda at normal ang mga patatas na nasa ibabaw, habang ang mga nasa ilalim ay maliliit o bulok? Nag-iwan ng malalim na impresyon sa Akin ang pangyayaring ito. Sa panlabas, ang taong nag-empake ng mga patatas ay hindi duling at ordinaryo ang kanyang hitsura. Ilang beses Ko na siyang nakita at nakausap nang saglit, pero wala kaming tunay na interaksyon. Halos masasabi Ko na hindi Ko siya kilala, kaya walang usapin ng pagpuna, mga pagsaway, o pagpupungos. Kaya bakit Ako tatratuhin ng taong ito sa ganitong paraan, na binibigyan Ako ng maliliit at bulok na mga patatas? Kung hindi niya alam na para sa Akin ang mga iyon, bakit siya maglalagay ng magaganda sa ibabaw at ng mga bulok sa ilalim? Malinaw na alam niya. Kaya, dahil alam niyang para sa Akin ang mga iyon, bakit naglagay pa rin siya ng mga bulok na patatas? Lutang ba siya noong panahong iyon? O kinontrol ba ng isang diyablo ang kanyang mga kamay? O sinapian ba siya ng isang masamang espiritu? Hindi ito gaanong posible. Kung tunay siyang sinapian ng isang masamang espiritu, nasiraan na sana siya ng bait at hindi na Ako dinalhan ng mga patatas. Kaya, kung hindi siya sinapian ng isang masamang espiritu, bakit gagawin ng taong ito na mukhang normal naman ang gayong bagay? Hindi ba niya alam na ang paggawa nito ay isang panlilinlang? Kung nagkikimkim siya ng pagkamuhi sa Akin sa kanyang puso, dapat sana ay umalis na siya sa sambahayan ng Diyos sa halip na gawin ang kanyang tungkulin dito. Bukod pa rito, kung mayroon nga siyang pagkamuhi sa Akin, ano ang dahilan? Anong dahilan ang mayroon para kamuhian Ako? Kung titingnan natin ito sa aspekto ng pagkatao, una, ilang beses Ko lang siyang nakita; hindi Ko alam kung kumusta siya bilang tao. At pangalawa, hindi pa Ako kailanman nagkaroon ng anumang tunay na pakikipag-ugnayan o pakikitungo sa kanya. Alam Ko lang na nagbubungkal siya ng lupa. Kaya bakit niya Ako tinrato sa ganitong paraan? Mayroon lang na iisang posibilidad: Magagawa lang niya ang gayong bagay kung mayroon siyang napakatinding mga kuru-kuro tungkol sa Akin at napakalaking pagkiling laban sa Akin, o kung may nag-udyok sa kanya. Na magagawa ng taong ito ang gayong bagay, na naatim niyang gawin iyon—hindi ba’t hindi ninyo ito mahihinagap? Kahit na isang ordinaryong tao ang pinakikitunguhan mo, maaatim mo bang gawin ang gayong bagay? Kahit pa nagpapatakbo ka ng isang supermarket, hindi mo puwedeng dayain at lokohin ang mga tao; kailangan mong maging mapagkakatiwalaan para mapanatili ang iyong mga mamimili at hindi masira ang sarili mong landas. Higit pa rito, ngayon ay ginagawa mo ang iyong tungkulin, at ang gawin ang gayong bagay, lalo na sa Akin—sabihin ninyo sa Akin, mapangangatwiranan ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kalikasan ng gayong tao? Alam ba niya kung ano ang wasto at hindi wasto noong ginawa niya ito? Wala siyang anumang kamalayan. Kung tunay siyang may kamalayan, noong malapit na niyang kunin ang mga bulok na patatas, inisip niya sana, “Hindi, hindi ko puwedeng kunin ang mga bulok, kailangan kong kumuha ng magaganda. Hindi ba’t ang lahat ay kailangang kumain ng mabuting pagkain?” At iyon ay bukod pa sa katunayan na Ako ang kakain ng mga iyon—ang isiping kumuha ng mga bulok na patatas ay ni hindi dapat sumagi sa kanyang isipan, lalo nang hindi niya dapat ito ginawa. Ngayon, hindi ba’t napakalinaw na ng sagot? Bakit niya nagawa ito? Ito ay dahil mula man sa mga diyablo o sa mga hayop nagreinkarnasyon ang gayong mga tao, sa kanilang pagkatao, hindi nila nauunawaan kung ano ang wasto at hindi wasto. Sa kanilang pagkatao, walang anumang bagay na makakatukoy o makapagsusuri kung ano ang mga wastong pagkilos at kaisipan at kung ano ang mga di-wastong pagkilos at kaisipan. Kung hindi sila nagreinkarnasyon mula sa mga hayop o mga diyablo, kung gayon, sila ay mga naglalakad na patay. Kung gayon, ano ang kahulugan ng pananampalataya ng gayong tao sa Diyos? Sinasabi niya, “Sa diyos ako nananampalataya. Isa ka lang tao, ano ang magagawa mo sa akin?” May anumang katwiran ba sa mga salitang ito? Tunay ba itong pananampalataya sa Diyos? Ang pagtrato ba sa Diyos sa ganitong paraan ay umaayon sa mga layunin ng Diyos? Ayaw ng Diyos sa ganitong uri ng pananampalataya. Marahil ay sasabihin din niya, “Kung gusto ba ako ng diyos o hindi ay hindi ikaw ang magsasabi!” Sinasabi Ko, “Hindi tama ang sinasabi mo. Kung ang mga salitang binibigkas Ko ay mga salita ng Diyos, kung gayon ay may problema sa pagtrato mo sa Akin sa ganitong paraan. Ang iyong kalalabasan ay itinatakda ng mga salita ng Diyos.” Sinasabi niya, “Pupunta ako sa ikatlong langit at isusumbong kita!” Sinasabi Ko, “Kung talagang makakapunta ka sa ikatlong langit, kung gayon ay magmadali ka at gawin mo iyon.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t nakakakilabot ang gayong mga tao? Sino pa ang magnanais na makipag-ugnayan sa gayong tao? Huwag na muna nating pag-usapan kung sino ang kanyang pinupuntirya sa ngayon. Kung hindi Ako ang kanyang pinupuntirya, kundi isang tao, ang kanyang mga kilos ba ay tumugma sa pamantayan ng konsensiya? (Hindi.) Anong uri ito ng problema na nagawa niya ang gayong bagay sa Akin? Yamang maging sa Akin ay nagawa niya ang gayong bagay, magagawa rin ba niya ito sa isang ordinaryong tao? Paano ba dapat tasahin ang usaping ito? Lubha Akong nagulat na nagawa ng taong ito ang gayong bagay. Bakit niya ito nagawa? Kung ginawa niya ito sa isang ordinaryong tao, magkakaroon din Ako ng paglalarawan para sa kanya. Mali ang ginawa niya. Hindi sa tama na gawin ito sa iba habang mali na gawin ito sa Akin—ang ganitong uri ng pahayag ay hindi patas at walang basehan. Kung nagawa niya ito sa Akin, magagawa niya rin ito sa iba, sa kahit sino. Ano ang dahilan nito? Mahalaga itong pagnilay-nilayang mabuti. Sinabi niyang nananampalataya siya sa Diyos at miyembro siya ng sambahayan ng Diyos, kaya bakit nagawa niya pa ring tratuhin Ako sa ganitong paraan? Paano niya nagawa ang gayong napakababang bagay? Paano niya nagawa ang isang bagay na napakahirap arukin? Itinuring niya ang kanyang sarili na napakabait, kaya paano niya nagawang ibigay at ipakain sa iba ang mga bulok na patatas? Bakit hindi siya mismo ang kumain ng mga iyon? Ang mga bulok na patatas, maliliit na patatas, at mga patatas na hindi lumaki ay pagkain para sa mga hayop, kaya bakit niya ibinigay ang mga iyon sa mga tao para kainin? Kahit hindi Ko siya sukatin sa pamamagitan ng katotohanan, mula lamang sa moral na pananaw ay hindi katanggap-tanggap ang kanyang mga kilos, kaya sinasabi Kong hindi siya tao. Tumpak ba ang paglalarawang ito? Patas ba ito? (Tumpak at patas ito.) Gumawa siya ng gayong malinaw na maling bagay at hindi pa rin niya ito namalayan, at panatag pa nga ang kanyang pakiramdam, at wala siyang bahid ng paninisi sa sarili sa kanyang puso. Bakit ganito? Wala siyang konsensiya, wala man lang siyang kaluluwa; tulad ng isang diyablo o isang hayop, wala siyang kamalayan. Hindi siya tao, kaya wala siyang konsensiya. Hindi niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto, at gaano man kalubha ang maling nagawa niya, palagi niyang nararamdaman na ang kanyang mga kilos ay ganap na may katwiran, at hindi niya kailanman inamin ang kanyang mga pagkakamali, at ipinagpilitan pa rin niyang kumilos sa ganoong paraan. Kapag inilarawan siya ng iba, sinasabing mali ang kanyang ginawa, iniisip pa rin niyang siya ang nasa tama at nakakaramdam siya na naagrabyado siya. Sinasabi Kong hindi talaga iyon pag-agrabyado sa iyo. Hindi kita kinokondena o inilalarawan na walang pagkatao nang walang hawak na mga katunayan. Sa halip, sa gayong malulubhang katunayan na nakikita ng lahat, sino pa ang makapagsasabing mayroon kang pagkatao? Sa mga katunayang ito bilang ebidensiya, walang sinuman ang makapagkakaila nito. Gusto Ko sanang sabihin na mayroon kang pagkatao, na ikaw ay mabait at matuwid, ngunit ang kalikasan ng iyong ginawa ay ubod ng sama; ang kalikasan nito ay pareho sa kalikasan ng panunuya ni Satanas sa Diyos, ito ay pagbabaligtad sa tama at mali tulad ng ginawa ni Satanas sa pamamagitan ng pagpapakita sa Diyos ng mga kayamanan at kaluwalhatian ng mundo at pagsasabi sa Kanya, “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako.” Ang lahat ng nasa mundo at ang lahat ng bagay, ay nilikha ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang lahat ng mayroon at ang lahat ng bagay; ang Diyos ang dapat magtamasa ng lahat ng ito, hindi ikaw, hindi ka kalipikado na gawin ito. Ang tinatamasa mo ay ang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Dapat mong sambahin ang Diyos, hindi ikaw ang dapat sambahin ng Diyos. Hindi man lang naunawaan ng taong ito ang gayong malinaw at simpleng konsepto, at inisip pa na kailangan Kong pakiramdaman ang kanyang lagay ng loob at alamin kung masaya siya o hindi para lang makakuha ng ilang patatas. Kung masama ang lagay ng kanyang loob, bibigyan niya Ako ng ilang bulok na patatas, na para bang isang pulubi ang kaharap niya. Inaasahan pa niyang pagtitiisan Ko ang masamang pagtrato niya—posible ba iyon? Matitiis Ko ba iyon? (Hindi.) Paano dapat pakitunguhan ang gayong tao? (Dapat siyang alisin kaagad.) Ang gayong tao ay dapat pakitunguhan sa pamamagitan ng atas administratibo. At ito ay talagang hindi ang tanging insidente ng ganitong uri. Sabi ng ilan, “Mayroon pa bang mas malulubhang insidente kaysa rito?” Siyempre mayroon, kung hindi, bakit Ko sasabihing magkakaiba ang mga tao? Kung ang lahat ng nananampalataya sa Diyos ay nakakasamba sa Diyos, kung gayon ay hindi na kailangang ibukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri. Dahil maraming tao ang hindi taos-pusong nananampalataya sa Diyos, at dahil may masasamang tao at mga taong magulo ang isip na gumugulo sa gawain ng iglesia, na kayang gumawa ng anumang masamang gawa, kung kaya’t sa pagtatapos ng gawain ng iglesia, ang lahat ay nabubunyag at nabubukod-bukod ayon sa kanilang uri.

Pag-usapan natin ang isa pang halimbawa. Hinog na ang mais sa isang bukid, at may isang taong magdadala ng ilan sa Akin. Sinabi sa kanya ng isang taong nasa malapit, “Ginapangan ng mga daga ang mais na iyan, huwag mong kunin!” Pinag-isipan niya ito at sinabi, “Ano naman kung ginapangan ito ng mga daga? Hindi ba’t makakain pa rin naman ito? Ayos lang kung dalhin ko ito!” Malinaw niyang alam na ang mais ay ginapangan ng mga daga at hindi angkop kainin ng mga tao, subalit ipinilit pa rin niyang dalhin ito sa Akin. Ano ang kalikasan nito? May pagkatao ba ang gayong tao? (Wala.) Kung gayon, anong uri ng tao ito? (Hindi tao, kundi isang diyablo.) Sabihin ninyo sa Akin, papayag ba siyang ibigay ang mais na ginapangan ng mga daga sa kanyang mga magulang o anak para kainin? (Hindi.) Bakit hindi? (Alam niyang hindi ito malinis, na ang pagkain nito ay masama para sa kanilang kalusugan. Hindi niya hahayaang kainin ito ng kanyang pamilya.) Alam niyang hindi niya ito maibibigay sa kanyang pamilya, subalit ipinilit pa rin niyang dalhin ito sa Akin, at hindi siya mapigilan ng iba. Kaya alam ba niya kung ito ay tama o mali? (Hindi niya alam.) Sa katunayan, alam niya sa kanyang puso na ito ay mali. Kaya bakit gusto pa rin niyang dalhin ang mais sa Akin? Kaaway niya ba Ako? Pinahirapan Ko ba siya o sinaktan? Hindi, wala Akong ginawang anuman sa mga bagay na ito. Hindi Ako pamilyar sa kanya, subalit ipinilit niyang dalhan Ako ng mais na ginapangan ng mga daga. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang kalikasan nito? Sa katunayan, ito ay isang bagay na ginawa ng isang taong nananampalataya sa Diyos. Talagang iminumulat nito ang iyong mga mata at pinalalawak ang iyong kaalaman, talagang magkakamit ka ng pagkilatis dahil dito, at makikita mo rito na tunay ngang walang katapusan ang mga kakatwang bagay sa malawak na mundong ito. Sabihin mo sa Akin, noong inihanda niya ang mais na iyon para sa Akin, mayroon ba siyang anumang kamalayan sa kanyang puso? Alam ba niya na mali ang kanyang ginagawa, na dapat sana ay nagdala siya ng magandang mais, kahit man lang mais na hindi ginapangan ng mga daga? Nag-isip ba siya nang ganito? (Wala siyang kamalayan.) Wala siyang kamalayan pagdating sa gayong mga bagay. Kung ang gayong maruming mais ay dinala sa kanyang ina o sa kanyang anak, magkakaroon siya ng kamalayan. Wala sa kanya ang kamalayan ng konsensiya na dapat taglayin ng pagkatao, kaya may pagkatao ba siya? Anong uri siya ng nilalang? (Hindi tao.) Tingnan mo, sa kanyang pananampalataya sa Diyos, ginawa niya ang kanyang tungkulin, nagdusa siya at nagbayad ng halaga, kaya niyang gumawa ng pisikal na gawain, at dumadalo rin siya sa mga pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, ngunit bakit lubha siyang hindi palakaibigan sa Akin? Bakit siya labis na nasusuklam sa Akin? Hindi Ako kailanman nakipagpalitan ng higit sa ilang salita sa kanya, kaya sa anong paraan Ko napasama ang kanyang loob? Ang ilan sa mga taong nakaugnayan Ko ay mabuti naman, at sila ay labis na palakaibigan sa Akin. Hindi lahat ay tulad niya. Ngunit hindi Ko napasama ang kanyang loob, at hindi Ko rin siya pininsala, kaya bakit niya Ako labis na kinamuhian? Nasa inyong mga puso ang sagot dito. Hindi lang Ako ang kinamumuhian niya; ganito niya tinatrato ang lahat. Ganitong klase talaga siyang nilalang. Kung siya ay magnenegosyo, tiyak na mandaraya at manloloko siya, at gagawin ang lahat ng uri ng masamang gawa. Wala siyang mga paglilimita ng konsensiya at walang mga prinsipyo sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga tao; puno ng madidilim na bagay na ito ang kanyang puso. Napakalinaw na ito ang kanyang palagiang pamamaraan at prinsipyo pagdating sa pakikitungo sa mga tao; ito ang kanyang paraan at gawi ng pag-aasikaso ng mga bagay. Sabi ng ilang tao, “Ang katunayang nagawa niya ito ay nangangahulugang hindi niya itinuring ang Diyos bilang Diyos.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit ito mali? Kahit pa tinatrato mo Akong parang isang ordinaryong tao, hindi mo dapat ginawa ito sa Akin. Kahit pa sumusunod ka lang sa moralidad, hindi mo dapat ginawa ito. Kung ang pagkain ay talagang ginapangan ng mga daga o nginatngat ng kung anong hayop at may bakterya, ni hindi ito maaaring ibenta sa supermarket. Paano kung may kumain nito at may mangyari sa kanila? Alam man ng iba o hindi, hindi ito matatanggap ng iyong konsensiya. Yamang alam mo, hindi mo dapat hayaang kainin ito ng mga tao. Sangkot dito ang kalikasan ng isang tao, at sangkot dito ang mga prinsipyo ng pag-asal. Wala ka man lang mga pinakapangunahing pamantayan ng moralidad ng sariling asal, subalit iniisip mong tao ka. Hindi ka talaga tao. Kahit ang isang hayop ay alam na dapat nitong protektahan ang sinumang nagpapakain at nag-aalaga rito. Gamitin nating halimbawa ang isang aso—kung palagi mo itong pinapakain, magiging mabuti ito sa iyo. Kung isang estranghero ang pumasok sa bahay at gustong kumuha ng isang bagay, pipigilan nito ito at poprotektahan ka sa bawat pagkakataon. Kahit ang isang aso ay kayang maging tapat at protektahan ang amo nito, kaya paanong hindi naabot ng taong iyon ang antas na ito? Hindi ba’t mas masahol pa siya sa isang aso? (Oo.) Kung sasabihin mong isa siyang diyablo, maaaring talagang tumanggi siyang tanggapin ito. Kaya sabihin natin ito nang obhetibo ngayon: Ang gayong tao ay walang pagkatao, dahil gumawa siya ng gayong bagay na katawa-tawa, isang bagay na tiwali ang moralidad, subalit wala siyang kamalayan ng konsensiya, at hindi rin siya kailanman nagsisisi at hindi nababagabag tungkol dito. Kahit na tratuhin ng isang tao ang isang ordinaryong tao sa ganitong paraan, dapat mayroon siyang kamalayan ng konsensiya, dapat nababagabag siya sa loob niya, at dapat alam niya na mali ang kanyang ginagawa at dapat siyang huminto. Lalo nang ganito ang kaso pagdating sa pagtrato niya sa Akin sa ganitong paraan, na lalong hindi mapangangatwiranan. Siyempre, hindi Ako nasaktan dahil tinrato niya Ako sa ganitong paraan. Ang puso Ko ay hindi gaanong madaling masaktan. Nakita Ko lang na ang prinsipyong pinanghahawakan niya sa pangangasiwa ng mga bagay ay masyadong kasuklam-suklam. Hindi lang ito nabigong maabot ang pamantayan ng konsensiya, kundi ito rin ay napakababa at masyadong karima-rimarim. Ang taong ito ay talagang walang pagkatao! Gumawa siya ng gayong maling gawain sa paraang nagmamatuwid sa sarili at hayagan, at walang sinumang makapigil sa kanya. Hindi Ko siya inaagrabyado kahit kaunti sa pagsasabi Kong wala siyang pagkatao, dahil ito mismo ang uri ng gawain—isang gawaing walang-walang pagkatao—na ginagawa ng mga walang pagkatao. Labis itong naaayon sa kanyang diwa at pagkakakilanlan. Kung ang isang tao ay gumagawa ng mga bagay nang naaangkop, at mayroon siyang pagkatao at konsensiya, kung gayon, ang pagsasabing wala siyang pagkatao ay pag-agrabyado sa kanya. Ngunit kung talagang gumagawa siya ng mga gawaing walang-walang pagkatao, kung gayon ang pagsasabing wala siyang pagkatao ay lubos na tumutugma sa kanyang diwa. Ang pagsasabi nito ay hindi pag-agrabyado sa kanya, tama ba? (Tama.) Ang ilang tao, kapag naririnig Akong sinasabi ang mga salitang ito, ay mayroong ilang kaisipan at sinasabi nila, “Lagi Mong tinatalakay ang mga bagay na ito at napapahiya kami. Sino ba ang hindi nagkakamali?” Tama bang mag-isip sa ganitong paraan? (Hindi.) Lahat ay nagkakamali, ngunit talagang magkakaiba ang kalikasan ng mga pagkakamali. Maraming pagkakamali ang may kinalaman sa mga problema sa pagkatao, at maraming pagkakamali ang may kinalaman sa kalikasang diwa ng isang tao. Ang ilang pagkakamali ay mga pagbubunyag lamang ng tiwaling disposisyon ng isang tao at hindi nangangahulugang may problema sa diwa niya.