Paano Hangarin ang Katotohanan (17) Ikatlong Bahagi

B. Pag-alam sa Kung Ano ang Wasto at Hindi Wasto

Ngayong natapos na tayong magbahaginan tungkol sa pagkilatis ng tama sa mali, dapat na nating pag-usapan ang tungkol sa pag-alam sa kung ano ang wasto at ang hindi wasto, tama ba? (Oo.) Ang pag-alam sa kung ano ang wasto at ang hindi wasto ay tiyak na iba sa pagkilatis ng tama sa mali; kung hindi, hindi na sana kailangang pag-usapan ang mga ito nang magkahiwalay. Ang pag-alam sa kung ano ang wasto at ang hindi wasto ay nangangahulugan na, mula sa perspektiba ng pagkatao, dapat malaman ng isang tao kung aling mga pananaw at aling mga salita ang wasto, at kung alin ang hindi wasto. Ang wasto ay dapat itaguyod, at ang hindi wasto ay dapat bitiwan. Sa isipan ng mga normal na tao, mayroong ilang kaisipan, pananaw, at batayan para kilatisin kung ano ang wasto at hindi wasto. Magpupursigi sila sa kung ano ang wasto, at sasalungatin o itatakwil pa nga nila kung ano ang hindi wasto. Kung hindi man lang ito magawa ng isang tao, ipinapakita nito na mayroong kulang sa kanyang pagkatao; maaari ding tiyak na sabihin na ang mga taong tulad nito ay walang pagkatao. Bilang isang tao, kung sinasabi mong may pagkatao ka, pero hindi mo man lang nalalaman kung ano ang wasto at ang hindi wasto, paano ka aasal? Paano ka aasal nang maayos? Paano mo masasabi ang bawat salita at magagawa ang bawat kilos sa loob ng pagkatao? Kung hindi mo nalalaman kung ano ang wasto at ang hindi wasto, kung gayon ang bawat isa sa iyong mga salita at kilos ay hindi sinasabi at ginagawa sa loob ng pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkilos o pagsasalita sa loob ng pagkatao? Ibig sabihin, hindi mo sinasabi ang mga salitang ito at ginagawa ang mga bagay na ito nang makatwiran, batay sa mga wastong kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng pagkatao—ito ang ibig sabihin ng hindi pagsasalita o pagkilos sa loob ng iyong pagkatao. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi nagsasalita o kumikilos ang isang tao sa loob ng kanyang pagkatao, kung gayon, sa anong batayan siya nagsasalita at kumikilos?” Sa pangkalahatan, mayroong dalawang batayan. Ang isa ay pagsasalita at pagkilos sa loob ng isang demonyong kalikasan, pamumuhay ayon sa isang satanikong disposisyon. Nakikita ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan na ang mga kaisipan, pananaw, at saloobin ng mga taong ito sa kanilang mga salita at kilos ay kapareho ng sa mga diyablo, at na ang mga bagay na ito ay nanlilihis, namiminsala, nanunukso, at nagliligaw sa mga tao, at hindi positibo. Ito ang isang batayan: ang pagsasalita at pagkilos sa loob ng demonyong kalikasan ng isang tao. Ang isa pa ay pagsasalita at pagkilos bilang isang hayop, at ang mga hayop ay lalong walang pagkatao. Ang kawalan ng pagkatao ay nangangahulugan ng pagsasalita at pagkilos nang walang konsensiya o katwiran; ganoon lang kasimple. Ang mga salitang sinasabi ng mga hayop ay isang bunton ng mga salitang magulo, hangal, at baliko; puro mga doktrinang baluktot ang sinasabi nila. Nakikita mo, ang mga salitang sinasabi nila ay kapareho ng mga kaisipan at pananaw ng mga hayop—ang mga ito ay baluktot at hangal, tunggak at magulo. Pagkatapos pakinggan ang mga ito, hindi mo alam kung matatawa ka o maiiyak, at sasabihin mo, “Paano niya nasabi iyan? Para siyang isang bata na tatlo hanggang limang taong gulang, baligho at walang kamuwang-muwang. Hindi iyan mga salitang dapat sabihin ng isang taong nasa hustong gulang na! Ang mga sinasabi niya ay walang anumang batayan, katawa-tawa ang mga ito—masyadong nakakahiyang sabihin ang mga ito sa harap ng mga tao!” Iyan ay isang hayop, isang halimaw na nagsasalita. Sila ay nagsasalita at kumikilos sa loob ng kalikasan ng isang halimaw, walang anumang katinuan, o anumang pagiging makatwiran, at lalong walang anumang konsensiya at katwiran. Ibig sabihin, ang kanilang pananalita ay labis na hindi makatwiran, walang anumang lohika sa likod nito. Hindi mo alam kung saan nagmumula ang kanilang mga sinasabi, at pagkatapos marinig ang mga ito, ikaw ay lubos na nalilito at naguguluhan. Habang lalo mong pinakikinggan ang kanilang mga salita at pagsasalaysay ng mga bagay-bagay, lalo kang naguguluhan dito, at wala kang paraan para maunawaan sila. Kapag nagsasalita sila, palagi silang nagpapaikot-ikot, pinaghahalo-halo ang mga usapin, nagpapaulit-ulit, at walang-tigil na satsat nang satsat tungkol sa iisang bagay at hindi pa rin nila alam kung paano ito tatapusin sa huli. Ito ay isang halimaw, isang hayop na nagsasalita. Ang gayong mga tao ay may isang katangian, iyon ay na anuman ang kanilang gawin, sabihin, taglaying kaisipan o pananaw, o tanggaping kaisipan o pananaw, hindi man lang nila alam sa kanilang sarili kung ito ay wasto o hindi wasto. Ito ay isang katangian ng kanilang pagkatao. Ang katangian ng kanilang pagkatao ay natutukoy sa huli na ang gayong mga tao ay walang pagkatao, ibig sabihin, wala silang konsensiya at katwiran. Hindi man lang nila alam kung ano ang wasto at ang hindi wasto, kaya sa tingin mo ba ay kaya nilang magsalita at kumilos nang may konsensiya? Kaya ba nilang magtaglay ng konsensiya at katwiran ng isang normal na tao kung hindi nila alam kung ano ang wasto at ang hindi wasto? Magkakaroon ba sila ng pag-iisip ng isang normal na tao kung hindi nila kayang kilatisin kung ano ang wasto at ang hindi wasto? Hinding-hindi sila magkakaroon nito. Ang mga normal na tao ay hindi kayang makipag-usap sa gayong tao. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ba hindi ka mapagmahal? Hindi, ito ay dahil wala kayong iisang batayan, hindi nagtatagpo ang anumang mga kaisipan o pananaw ninyo. Ang pakikipag-usap sa kanila ay tulad ng pakikipag-usap sa isang hayop, sa isang diyablo; imposible ito. Sabihin mo sa Akin, kung kakausapin mo ang mga diyablo at mga Satanas tungkol sa katotohanan, mauunawaan ka ba nila? Kung sasabihin mo sa mga diyablo at mga Satanas, “Dapat kang manampalataya sa Diyos. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan. Bilang mga nilikha, tama at nararapat lamang na sambahin ng mga tao ang Diyos,” ano ang sasabihin nila? “Sambahin ang diyos? Ang gusto ko ay ako ang sambahin ng mga tao! Magkano ba ang kikitain ko sa pagsamba sa diyos? Gagawin ko ito kung babayaran ako.” Anong klaseng mga salita iyan? Makakausap mo ba ang mga diyablo? (Hindi.) Paano naman ang mga hayop, makakausap mo ba ang mga ito? (Hindi rin namin sila makakausap.) Tingnan mo, ang ilang hayop ay labis na mapagprotekta sa kanilang pagkain kapag kumakain ang mga ito. Pagkatapos ubusin ang sariling pagkain ng mga ito, aagawin pa ng mga ito ang pagkain ng iba. Kung sasabihin mo sa mga ito, “Huwag ninyong pag-awayan ang pagkain, kainin na lang ninyo ang sa inyo,” papasok ba ito sa isip nila? (Hindi.) Pagsapit ng oras ng pagkain, mag-aagawan pa rin sila ng pagkain, at magsisimula pang mag-away at magkagatan. Sadyang hindi mo sila makakausap. Upang maprotektahan sila at maiwasan ang pag-aawayan nila sa pagkain, kailangan mong gumawa ng mga hakbang at pamahalaan sila nang mahigpit, pakainin sila nang magkakahiwalay kapag oras na ng pagkain. Ito lamang ang wastong paraan para pamahalaan sila. Bakit? Dahil sila ay mga hayop, wala silang pagkamakatwiran, at lalo nang walang kontrol sa sarili, at hindi nila kayang husgahan kung ang kanilang ginagawa ay wasto o hindi wasto, kaya gaano man kawasto ang iyong sinasabi at kung may matibay man itong batayan, at gaano man ito kapaki-pakinabang sa kanila, hindi nila ito mauunawaan. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay ganito rin. Gaano man kalinaw na napagbabahaginan ang katotohanan, hindi nila ito nauunawaan, kaya hindi sila kailanman kumikilos ayon sa mga wastong prinsipyo. Kahit makagawa sila ng mali, hindi nila ito itinuturing na mali, at igigiit pa nila ito, at gagawin pa nga ito habambuhay. Hindi ba’t mga hayop sila? Ang gayong mga taong hindi nakakaunawa ng wika ng tao ay tulad lang ng mga hayop—halos walang ipinagkaiba, kung mayroon man.

Huwag muna nating pag-usapan ngayon ang tungkol sa kalikasan ng hayop at ng demonyo, kundi tumuon lang tayo sa aspekto ng pagkatao na pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto. Ang pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto ay isang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong may pagkatao, pero ang totoo, marami ang wala nito. Madalas na nagpapahayag ang mga tao ng baluktot na pangangatwiran, nagsasabi ng mga baluktot na salita, at gumagawa pa nga ng mga bagay na walang-katotohanan, ginagawa ang mga ito nang may partikular na katigasan ng ulo, at kaya pa nilang ipakalat ang kanilang baluktot na pangangatwiran sa iba, ipinapasa ito sa mga ito. Ang pangangatwirang ipinapahayag nila ay lubhang baluktot subalit ipinapasa pa rin nila ito sa iba, hindi lang nila pinipinsala ang sarili nila kundi pati na rin ang iba. Halimbawa, kung ayaw nilang kumain ng kanin, sasabihin nila, “Hindi masustansiya ang kanin. Dapat tayong kumain ng noodles, steamed buns, at tinapay.” Sinasabi nilang hindi masustansiya ang kanin. Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Nutrisyonista ka ba? Nasuri mo na ba ito? Ano ang batayan mo sa pagsasabing hindi masustansiya ang kanin? Halimbawa, may mga lugar kung saan palay lang ang itinatanim nila at hindi trigo, at ang mga tao roon ay kanin ang kinakain sa buong buhay nila at maayos naman ang pamumuhay, at marami ang umaabot sa katandaan. Ngunit batay sa sarili nilang panlasa, kayang sabihin ng mga taong nagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran na “hindi masustansiya ang kanin,” sinasabi pa ito na para bang ito ay isang matuwid na pangangatwiran. Matuwid na pangangatwiran nga ba ito? (Hindi.) Huwag na nating pag-usapan pa kung ang pahayag na ito ay umaayon sa katotohanan—hindi man lang ito matuwid na pangangatwiran. Paano nila nasasabi ang gayon kabaluktot na pangangatwiran? Tao ba sila? (Hindi.) Malinaw na mali ang pahayag na ito; malinaw na isa itong pahayag na sinabi dahil sa mga makasariling pagnanais at pagkiling, isang pahayag mula sa isang taong nagsasalita sa isang baluktot na paraan. Sila mismo ay hindi man lang alam kung tama ito o hindi, subalit hayagan pa rin nila itong ipinapahayag, ipinoproklama ito kahit saan. May ilang taong mahilig kumain ng kanin at ayaw sa mga pagkaing gawa sa trigo. Kapag nakakakita sila ng isang taong kumakain ng mga pagkaing gawa sa trigo, sinasabi nila, “Hindi masustansiya ang mga pagkaing gawa sa trigo, masustansiya ang kanin. Walang-halaga ang mga taong kumakain ng mga pagkaing gawa sa trigo, samantalang mararangal ang mga taong kumakain ng kanin!” Ginagamit nila ang teoryang ito bilang batayan para sukatin ang lahat ng uri ng tao. Kung mahilig kang kumain ng mga pagkaing gawa sa trigo, itinuturing ka nilang hamak at hindi kasingrangal nila. Napakalinaw na mali ang pahayag na ito, subalit hindi nila ito makilatis at sinasabi pa nila ito kahit saan. Sabihin mo sa Akin, may pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Kapag hindi na nila gusto ang pagkain ng kanin at nagsimula nang magustuhan ang mga pagkaing gawa sa trigo, sinasabi nila, “Hindi masustansiya ang kanin, masustansiya ang mga pagkaing gawa sa trigo. Tingnan ninyo kung gaano katipuno ang mga taong madalas kumain ng mga pagkaing gawa sa trigo; dapat tayong kumain ng mas maraming noodles at steamed buns! Ang kanin ay may pampalamig[a] na katangian, hindi ito mabuti para sa katawan!” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Hindi ba’t isa itong pagkiling? (Oo.) Isa itong pagkiling; hindi ito isang katunayan. Sa anong batayan nila sinasabi ito? Batay sa sarili nilang mga kagustuhan at pagkiling, batay sa kanilang walang-katotohanang mga kaisipan at pananaw. Ngunit hindi nila alam na mali ito, at sinasabi at ipinoproklama pa nila ito na para bang ito ay tama. Kung may sinumang magpahayag ng ibang opinyon, makikipagtalo sila, at magpipilit pa rin sa kanilang walang-katotohanang pananaw. Hindi ba’t kamangmangan ito tungkol sa kung ano ang wasto at hindi wasto? (Oo.) Hindi man lang nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto sa gayon kasimpleng bagay—sabihin mo sa Akin, gumagana ba ang kanilang konsensiya? Maaari ba silang maging matuwid? Ang isang taong matuwid ay dapat alam kung ano ang wasto at hindi wasto para maitaguyod ang katarungan at maitaguyod ang mga prinsipyo; saka lang magiging tama ang kanyang pinaninindigan. Kung hindi alam ng isang tao kung ano ang wasto at hindi wasto at patuloy siyang kumakapit sa isang maling pahayag o isang maling kaisipan at pananaw, ang kanyang tinatawag na pagiging matuwid ay tunay bang pagiging matuwid? Hindi ito pagiging matuwid; ito ay pagkabaluktot, kahibangan, at baluktot na pangangatwiran. Kaya, sabihin ninyo sa Akin, umiiral ba ang konsensiya ng gayong mga tao? (Hindi.) Wala silang konsensiyang masasabi. Ang ilang tao, kapag may nangyayari sa kanila at umuusbong sa kanila ang mga makasariling pagnanais, ay napagtatanto ito sa kanilang puso at napipigilan ng kanilang pagkamakatwiran. Alam nilang mali ang mga makasariling pagnanais, kaya nagagawa nilang maghimagsik laban sa laman at bitiwan ang mga ito. Ngunit iba ang ilang tao; partikular na, yaong mga hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto at yaong mga madaling magpahayag ng baluktot na pangangatwiran ay magpupumilit sa mga maling pananaw nang may kahangalan at katigasan ng ulo. Halimbawa, may ilang taong hindi magaling sumayaw; kapag sumasayaw sila, parehong kaliwa ang paa nila, wala silang balanse, at hindi makasunod sa kumpas, kaya palagi silang nagmumukhang hangal. Kaya sinasabi nila, “Ang mga taong ayaw sumayaw ay mga indibidwal na matatag. Ang mga taong mahilig sumayaw ay pawang hindi matatag, masama ang kanilang personalidad at imoral sila. Kung mag-aasawa ka ng gayong tao, tiyak na magiging hindi matatag ang buhay mo.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit ito mali? (Walang kinalaman ang pagkahilig sa pagsasayaw sa pagiging matatag o hindi.) Hindi na natin tatalakayin pa kung sinasabi nila ito dahil sa pagkamakasarili, inggit, o pagtatangkang manirang-puri, anuman ang kanilang intensyon, umaayon ba ang kanilang mga salita sa mga obhetibong katunayan? Ang mga taong marunong sumayaw at magaling sumayaw ay talaga bang hindi matatag? Ang gayong mga salita ba ay batay sa diwa ng pagkatao ng mga taong ito? Katunayan ba na sila ay hindi matatag? (Hindi.) Dagdag pa rito, ano ang tinutukoy ng pagiging matatag? Ang pagiging matatag ba ay nangangahulugang mabuting tao ang isang tao? Ang pagiging matatag ba ay isang pagpapamalas ng pagiging matuwid at mabait, ng pagkakaroon ng pagkatao? Sa pinakamainam, ito ay isang merito ng pagkatao ng isang tao o isang kalakasan; hindi nito maipapahiwatig na ang isang tao ay may normal na pagkatao. Sinasabi nila ang kanilang pananaw na para bang ito ay matuwid na pangangatwiran, na para bang ito ay isang tamang pahayag. Hindi ba’t ito ay pagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran? (Oo.) Ang katunayang nabibigkas nila ang mga salitang iyon ay nagpapatunay na hindi nila alam kung tama o mali ang kanilang sinasabi. Sabihin mo sa Akin, may pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Hindi ba’t lubha silang problematiko? (Oo.) Kung isa itong taong may normal na pagkatao, kahit pa naiinggit siya sa isang taong magaling sumayaw, sa pinakamatindi ay sasabihin niya, “Tingnan mo kung gaano kaliksi ang kanyang mga kamay at paa kapag sumasayaw siya. Gusto ko ring sumayaw, pero wala akong ganitong kaloob, ng ganitong kalakasan; hindi ako magaling sumayaw. Talagang naiinggit ako na kaya niyang sumayaw nang mahusay! Sana ay nasa akin ang mga braso at binti niya!” Ang pagsasabi nito sa ganitong paraan ay bahagya pang katanggap-tanggap; ito ay tinatawag na pagsasabi ng simpleng katotohanan. Sa pinakamatindi, mayroong bahid ng isang tiwaling disposisyon dito, ngunit hindi ito isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng hindi normal na pagkatao. Gayumpaman, ang problema ng pagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran ay isang seryosong problema. Sinasabi nila, “Ang mga taong sumasayaw ay pawang hindi matatag at hindi seryoso. Makikita mo sa isang sulyap lang na hindi sila mga taong kayang gumawa ng mga dakilang bagay.” Ang katunayang kaya nilang sabihin ang mga salitang ito ay naglalantad na may malaking problema sa kanilang pagkatao. Anong malaking problema? Ang kanilang pagkatao ay walang pangunahing kondisyon na pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto. Kaya nilang sabihin ang mga maling bagay, mga bagay na binaluktot, at mga bagay na pinilipit na para bang ang mga ito ay matuwid na pangangatwiran at mga tamang salita. Sapat na ito para ipakita na wala silang pagkatao. Sinasabi nila anuman ang gusto nila, nang hindi napipigilan ng kanilang konsensiya. Nagagawa pa nilang magpahayag ng baluktot na pangangatwiran sa gayong hayagang paraan, na may gayong pag-aakalang sila ay nasa katwiran, habang hindi man lang nalalaman ang kalikasan ng mga salitang ito o kung ano ang magiging mga kahihinatnan ng pagsasabi ng mga ito. Ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay madalas na hayagang nagsasabi ng gayong mga maling bagay at kahibangan. Ito ang kanilang likas na pagbubunyag. Hindi lang nila sinasabi ang mga bagay na ito pagdating sa isa o dalawang usapin—nagsasalita sila sa ganitong paraan sa lahat ng usapin, nagpapahayag ng isang uri ng walang-katotohanang mga kaisipan at pananaw, at naniniwalang ganoon nga sa kanilang puso. Hindi sila kailanman tumatanggap ng mga tama o positibong pahayag, ni naghahanap kailanman ng mga tama o positibong pahayag, sa halip ay nagpipilit sila sa pagsasalita sa ganitong paraan at sa pag-asal sa ganitong paraan. Kaya, ang gayong mga indibidwal ay tiyak na mga taong walang pagkatao. Iginigiit nilang magsalita sa ganitong paraan, na ganap na naglalantad sa isang problema, sa isang katunayan: Hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto, at iniisip nilang tama ang lahat ng maling paniniwala at mga maling kaisipan. Kung tatanungin mo sila, “Ano ang mali?” sasabihin nila, “Anumang salungat sa mga pahayag na ito ay malamang na mali.” At kung tatanungin mo pa sila, “Paano naman iyong mga salitang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, na umaayon sa mga obhetibong katunayan? Tama ba ang mga iyon?” sasabihin nila, “Wala akong pakialam. Sino ang nakakaalam kung tama ang mga iyon o hindi? Basta, tama ang mga salitang sinasabi ko!” Ang hindi pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto—ito ba ay isang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong tunay na nagtataglay ng konsensiya at katwiran? (Hindi.) Napakalinaw ng sagot: Tiyak na hindi.

May isang taong mahilig magnegosyo na dating bumibili ng ilang damit na naka-clearance mula sa mga walang pananampalataya at pagkatapos ay ibinebenta ito sa mga kapatid, pinagkakakitaan ito. Kalaunan, may ibang taong bumili ng ilang rayon, gauze, at iba pang katulad na tela para sa tag-init at inimbak ang mga ito sa bodega. Sinabi Ko, “Hindi angkop na itago ang mga iyan diyan. Kung magtatagal ang mga iyan diyan, baka ngatngatin ng mga daga o amagin dahil sa mahalumigmig na panahon, na napakalaking sayang. Hindi natin kailangang mag-alala tungkol diyan kung gagawin natin itong mga damit para maisuot ng mga kapatid, hindi ba?” Kalaunan, sinimulan Kong ayusin ito. Habang ginagawa namin ito, ang taong nagbebenta ng damit ay tumindig para tumutol: “Hindi, hindi natin puwedeng gawin ito! Sumisipsip ng init ang itim na tela. Madalas magtrabaho sa ilalim ng araw ang mga kapatid; masyado silang maiinitan kung magsusuot sila ng itim na damit. Sino ang mananagot kung magkasakit ang mga kapatid dahil sa init o ma-heatstroke?” Sa tingin ninyo, tama ba iyon? Hindi ninyo alam, ano? May isang obhetibong katunayan dito: Ang mga telang ito ay napakanipis at presko sa katawan, napakapreskong isuot. Kahit na bahagyang mas mainit isuot ang itim na tela, hangga’t medyo maluwag ang pagkagawa ng damit, hindi ito magiging sanhi para magkasakit ang mga tao dahil sa init gaya ng sinasabi ng taong iyon. Bukod pa riyan, hindi naman puro itim ang mga telang ito; may ilan na mapusyaw ang kulay. Ang totoo, ang taong nagsabi nito ay may mga lihim na motibo. Bakit Ko ito sinasabi? Kung hindi mo alam ang konteksto, baka isipin mo talagang naging mapagsaalang-alang siya sa mga kapatid. Ngunit kung alam mo ang konteksto, malalaman mong may agenda siya sa pagsasabi nito. Kung isusuot ng mga kapatid ang mga preskong damit na iyon na gawa sa rayon, hindi niya maibebenta ang mga damit na binili niya; hindi bibilhin ng mga kapatid ang mga iyon. Ang mga damit na binili niya ay puro galing sa mga tindahan sa bangketa at clearance sale, na pangit ang kalidad; magmumukha kang pulubi kapag isinuot mo ang mga iyon. Ang pinakamahalaga, hindi mura ang kanyang mga presyo. Ngayong alam na ninyo ang konteksto, unti-unti ba ninyong malalaman kung tama o mali ang sinabi niya? (Oo.) Bakit niya ito sinabi? (Natatakot siyang hindi maibenta ang kanyang mga paninda.) Hindi niya sinabing mayroon siyang mga makasariling motibo; ginamit niya ang pagkukunwaring nagmamalasakit siya sa mga kapatid at nag-aalala na baka magkasakit ang mga ito dahil sa init para hadlangan ang paggawa ng mga damit na iyon, para hadlangan ang gawaing ito. May isa pang obhetibong katunayan, na siya mismo ay nagsusuot ng itim na maong at itim na damit sa gitna ng init ng tag-araw at hindi kailanman nagsabing naiinitan siya. Ano ang nangyayari? Hindi tumugma sa mga katunayan ang sinabi niya! Nais naming gumawa ng ilang damit para sa mga kapatid gamit ang telang rayon, at sinabi niya, “Hindi, masyadong mainit ang itim na tela, magiging sanhi ito para magkasakit ang mga kapatid dahil sa init.” Ang itim na maong na isinusuot niya ay mas makapal pa kaysa sa rayon, kaya paanong hindi siya naiinitan? Kaya, tama ba ang kanyang pahayag na masyadong mainit ang itim na damit at magiging sanhi para magkasakit ang mga kapatid dahil sa init? Sinsero ba siya nang sabihin niya ito? Hindi siya sinsero; labag ito sa tunay niyang nararamdaman. Kaya, tama ba o mali ang sinabi niya? Umayon ba ito sa mga katunayan? (Hindi ito umayon sa mga katunayan.) Kung gayon, bakit niya ito sinabi? Ito ay dahil mismo ang usaping ito ay nakakaapekto sa kanyang negosyo. Balisa siya sa loob-loob niya ngunit hindi niya masabi nang tuwiran, kaya ginamit na lamang niya ang mga salitang ito para isabotahe ang usapin, para makamit ang kanyang layon na protektahan ang sarili niyang mga interes. Ako ang nag-organisa nito, at hayagan niya itong ginambala nang ganito. Kung mayroon siyang anumang pagtutol sa inorganisa Ko, maaari naman niyang idulog ang mga iyon nang direkta sa Akin, ngunit hindi niya iyon ginawa. Sa panlabas, napakagaling niyang magkunwari, na tila walang anumang pagtutol, ngunit palihim niyang sinisira ang gawain, nang walang anumang pagpipigil. Ano ang sinabi niya? “Lahat naman ng mga kapatid ay may maisusuot, at napakaganda ng kanilang mga pananamit. Kailangan pa bang gumamit ng napakaraming tao at magbuhos ng napakalaking pagsisikap para gawin ang mga damit na ito?” Wala siyang sinabing kahit isang salita sa harap Ko; palihim lang niyang sinira ang gawain nang ganito. Nang sabihin niya ang mga salitang ito, alam ba niya sa kanyang puso kung tama ang mga iyon? Kung ginawa niya ito sa isang ordinaryong tao, at alam niya sa kanyang puso kung tama ito o hindi, at ginawa lang niya ito dahil nabulag siya ng kasakiman at itinulak ng mga personal na motibo at intensiyon, magiging isa lang itong problema sa kanyang karakter. Ngunit Ako ang pinupuntirya niya sa kilos na ito, at pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito para sirain ang gawain, hindi niya alam kung tama ang mga iyon o hindi, wala siyang kamalayan dito sa kanyang puso, at hindi rin siya nakaramdam ng anumang pag-uusig sa sarili, at hindi niya alam ang kalikasan ng kanyang mga kilos. Anong uri ng tao ito? May pagkatao ba siya? (Wala.) Gumawa siya ng gayon kabigat na kilos subalit wala siyang naramdaman sa kanyang puso. Sabihin mo sa Akin, may konsensiya ba siya? (Wala.) Wala siyang konsensiya, malinaw na malinaw iyan. Kahit pa isang ordinaryong tao lang ang gumagawa ng mga wastong bagay, gumagawa ng isang bagay na kapaki-pakinabang sa mga kapatid sa sambahayan ng Diyos, dapat mo itong suportahan at hindi sirain—dapat magtulungan ang lahat nang may pagkakasundo para maisakatuparan ito. Paano pa kaya itong gawaing Ako Mismo ang nagpasimula; subalit nangahas pa rin siyang sirain ito nang palihim, at nangahas na iunat ang kanyang mala-demonyong mga kuko. Napakalubha ng kalikasan nito! Pagkatapos niyang sirain ang gawain, nagkunwari pa rin siyang isang mabuting tao, na para bang walang nangyari. Sabihin mo sa Akin, mayroon ba siyang kahit katiting na konsensiya? Sinasabi pa niyang nananampalataya siya sa Diyos. Iyan ba ang wangis na dapat taglayin ng isang mananampalataya sa Diyos? Iyan ba ang konsensiya at pagkatao na dapat taglayin ng isang mananampalataya sa Diyos? Hindi man lang niya alam kung kanino siya nananampalataya, at hindi niya makilatis ang tama sa mali. Anong tungkulin ang kaya niyang gawin? Umaasa pa ang gayong tao na pagpapalain siya—hindi ba’t isa iyang katatawanan? Kung Ako mismo ang pinupuntirya niya gamit ang mga puna tungkol sa Akin, at nakita Kong hindi niya sinasadyang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, at katanggap-tanggap ang paggampan niya sa kanyang tungkulin, pinagtiisan Ko sana iyon pansamantala at patuloy siyang inobserbahan. Ngunit gumagawa Ako ng isang bagay na nararapat gawin para sa sambahayan ng Diyos at para sa hinirang na mga tao ng Diyos, isang bagay na kapaki-pakinabang sa lahat, at humadlang siya para guluhin at sirain ito, pinipigilan Akong magpatuloy. Sabihin mo sa Akin, dapat ba Akong maging maluwag sa kanya? Kung isa siyang taong may mababang tayog na walang gaanong alam, ngunit ang paggampan niya sa tungkulin ay karaniwang nagbubunga, kaya Kong pagtiisan ito at bigyan siya ng pagkakataong magsisi. Kung handa siyang magsisi at magserbisyo sa sambahayan ng Diyos, maaari Ko siyang patawarin at hindi pakitunguhan. Ngunit kung hindi niya alam kung ano ang makabubuti sa kanya at nagpatuloy siyang magpakalat ng mga maling paniniwala at maling kaisipan, at patuloy na nanggulo at nanira, hindi Ko na siya pagbibigyan, at pakikitunguhan Ko siya ayon sa mga prinsipyo. Ang tanging magagawa sa masasamang tao ay pakitunguhan sila ayon sa mga prinsipyo. Kapag ang lahat ng iba’t ibang uri ng peste na nanggugulo sa iglesia ay naalis na, ang iglesia ay magiging mas payapa. Kapag ang mga di-taong ito ay napakitunguhan na, magiging napakapayapa! Ang mga hayop tulad ng mga baboy, baka, at kabayo ay hindi angkop na alagaan sa loob ng bahay. Kung aalagaan sa loob ng bahay ang mga ito, ano ang kahihinatnan? Tiyak na gagawin nitong isang karima-rimarim na lugar ang bahay na iyon, isang lugar na magulo. Kung sasabihin mong kaya mo itong pagtiisan, gusto Kong makita kung ilang araw kang tatagal. Ang mga bagay na hindi angkop sa loob ay dapat ilabas. Dapat silang manatili kung saan sila nababagay, at sa gayon ay malulutas ang problema. Ang pagtitiis ay hindi solusyon; ang paglutas lamang sa problema ang solusyon, tama ba? (Oo.) Gaano man kalinaw ang iyong pakikipagbahaginan sa mga di-taong ito, sadyang hindi nila isasagawa ang anuman dito. Maaaring sampu o dalawampung taon na silang nananampalataya sa Diyos, ngunit kapag may nangyayari sa kanila, sila ay tulad pa rin ng mga walang pananampalataya; hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti, wala silang buhay pagpasok, at kapag may nangyayari sa kanila, nanggugulo at nananabotahe lang sila. Kapag hindi pa inilalantad ng gayong mga tao ang kanilang tunay na kulay, nagseserbisyo sila nang labag sa kanilang kalooban. Ngunit sa sandaling mabunyag ang kanilang tunay na kulay, dapat silang alisin kaagad—huwag nang magpakita pa ng anumang kaluwagan sa kanila. Kung gagawin mo iyon, nagiging malupit ka sa mga taong tunay na may pagkatao, naghahangad ng katotohanan, at may debosyon sa paggawa sa kanilang tungkulin.

Talababa:

a. Ang “pampalamig” ay ginagamit sa konteksto ng tradisyonal na medisinang Tsino. Sa kontekstong ito, ang “pampalamig” ay hindi tumutukoy sa mababang temperatura, kundi sa isang katangian ng ilang partikular na pagkain na pinaniniwalaang nakababawas ng init sa loob ng katawan, pumipigil sa enerhiyang yang, at nakakaapekto sa paggana ng sikmura at pali kapag kinonsumo nang labis.