Paano Hangarin ang Katotohanan (16) Ikalawang Bahagi

II. Pagkilatis ng Tama sa Mali at Pag-alam sa Kung Ano ang Wasto at Hindi Wasto

Hindi na natin idedetalye pa nang husto ang tungkol sa konsensiya at katwiran, ang dalawang mahalagang sangkap na iyon ng mga katangian ng pagkatao. Pag-usapan natin ang dalawang iba pa, na pinakapartikular na mga aspekto na pinakamadaling nakakaligtaan o hindi kailanman namamalayan ng mga tao. Kung sasabihin lang natin na ang isang tao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran ng pagkatao, ito ay tila medyo pangkalahatan sa mga tao, at magiging napakahirap na tukuyin kung anong mga bagay ang nagawa ng isang tao o anong mga pagpapamalas ang mayroon siya na nagpapakitang tunay siyang may konsensiya at katwiran, at mahirap tasahin kung tunay ba siyang may normal na pagkatao. Samakatwid, hindi tayo magbabahaginan mula sa pananaw ng mga partikular na pagpapamalas ng konsensiya at katwiran, kundi mula sa dalawang iba pang aspekto. Ibig sabihin, kung ang isang tao ay nagtataglay ng pagkataong diwa, kung gayon, sa isang banda, kaya niyang makilatis ang tama sa mali, at bukod pa rito, alam din niya kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Kung taglay ba ng isang tao ang dalawang aspektong ito ay sapat na para ipakita kung taglay ba niya ang konsensiya at katwiran. Ito ay isang mas partikular na paraan upang himayin kung ang pagkatao ng isang tao ay nagtataglay ba ng konsensiya at katwiran. Kapag taglay ng isang tao ang dalawang aspektong ito—ang pagkilatis ng tama sa mali at pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto—saka lang nito tunay na naipapakita na taglay niya ang konsensiya at katwiran ng pagkatao. Kung hindi niya taglay ang dalawang aspektong ito, ang kanyang pagsasabi na mayroon siyang konsensiya at katwiran ay hindi totoo at hindi naaayon sa mga katunayan. Tingnan muna natin ang kakayahang makilatis ang tama sa mali. Ang “makilatis” ay nangangahulugang maunawaan, malaman, mamalayan, at maarok. Ano ang ibig sabihin ng “tama at mali”? Ang tama at mali ay tumutukoy sa mga positibong bagay at mga negatibong bagay. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng malaman kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto? Halimbawa, “Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Wasto.) “Ang sangkatauhan ay nag-evolve mula sa mga unggoy.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Di-wasto.) Kung kaya mong makilatis at mahusgahan kung aling mga pananaw ang wasto at kung alin ang di-wasto, ito ang pagkaalam kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Sinasabi ng mga diyablo, “Ang sangkatauhan ay nag-evolve mula sa mga unggoy.” Pagkatapos itong marinig, sinasabi mo, “Hindi iyan wasto. Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos.” Kung gayon sa usaping ito, hindi magulo ang isip mo, at alam mo kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Kung gayon, may pagkakaiba ba sa pagitan ng wasto at di-wasto, at ng tama at mali? (Mayroon.) “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng buong sangkatauhan.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Wasto.) “Kinokontrol ng sangkatauhan ang sarili nitong tadhana.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Di-wasto.) “Kung gaano katagal mabubuhay ang isang tao ay nakasalalay sa kung paano niya inaalagaan ang kanyang sarili at kung paano siya nananatiling malusog.” Ang pahayag na ito ba ay wasto o di-wasto? (Di-wasto.) “Ang haba ng buhay ng isang tao ay inorden ng Diyos.” Wasto o di-wasto? (Wasto.) Ngayon alam na ninyo kung ano ang ibig sabihin ng malaman kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto, hindi ba? (Oo.) Tingnan naman natin ang pagkilatis ng tama sa mali. Ano nga ulit ang kasasabi lang nating tinutukoy ng “tama at mali”? (Mga positibong bagay at mga negatibong bagay.) Halimbawa, ang pagiging isang matapat na tao—ito ba ay isang positibong bagay o isang negatibong bagay? (Isang positibong bagay.) Paano naman ang “Pera ang nagpapaikot sa mundo”? (Iyan ay isang negatibong bagay.) Sino ang makakapagbigay ng isa pang halimbawa? (Ganap na likas at may katwiran para sa mga tao na sambahin ang Diyos. Ito ay isang positibong bagay.) Kung gayon, paano naman ang pagsusunog ng insenso at pagsamba kay Buddha? (Iyan ay isang negatibong bagay.) Ang paghahanap sa katotohanan sa paggawa ng mga bagay-bagay. (Iyan ay isang positibong bagay.) Ang pagsunod sa sariling kalooban at paggawa ng mga sariling desisyon sa anumang ginagawa. (Iyan ay isang negatibong bagay.) Alam mo kung aling mga bagay ang positibo at kung alin ang negatibo, at kaya mo ring husgahan kung aling mga pananaw ang wasto at kung alin ang di-wasto—ito ang tinatawag na kakayahang makilatis ang tama sa mali at malaman kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto. Ang pagkakaroon ng ganitong kabatiran at pagkaunawa, at pagkakaroon ng kakayahang makilatis ang mga bagay na ito sa iyong puso—ipinapahiwatig nito na ikaw ay isang taong may katangian ng pagkatao. Ang kakayahang makilatis ang tama sa mali at malaman kung ano ang wasto at kung ano ang di-wasto ay nangangahulugan na sa loob ng pagkatao ng isang tao, mayroong isang likas na kakayahang tukuyin ang ilang positibo at negatibong bagay. Dagdag pa rito, mayroon ding kaunting kamalayan at pakiramdam sa kanyang puso tungkol sa kung ang ilang bagay ay wasto ba o hindi. Kahit hindi pa naririnig ang katotohanan o hindi pa nauunawaan ang katotohanan, taglay ng kanyang pagkatao ang ganitong uri ng pagkilatis. Kahit pa hindi niya ito maipahayag nang malinaw, alam niya sa kanyang puso kung aling mga bagay ang positibo at kung alin ang negatibo, at alam niya na ang mga negatibong bagay ay di-wasto. Kung mayroon din siyang pagkaramdam ng pagkasuklam sa kanyang puso at kaya niyang tanggihan at hindi sundin ang mga bagay na ito, lalo nang mas mabuti iyon. Kapag hindi niya nauunawaan ang katotohanan, kahit pa hindi niya kayang makilatis nang napakalinaw ang mga positibo at negatibong bagay, mayroon siyang magkakaibang damdamin at magkakaibang paraan ng pagtrato sa mga positibo at negatibong bagay sa kanyang puso. Halimbawa, tungkol sa ilang masamang kalakaran sa lipunan, kapag nakikita ng mga taong may pagkatao ang masasamang kalakarang ito, nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam sa kanilang puso. Pakiramdam nila, ang mga bagay na ito ay hindi ang tamang landas, hindi mga positibong bagay, at hindi mga bagay na dapat sundan o gawin ng mga tao. Sa kabila ng katunayan na, bilang isang taong namumuhay sa ganitong kapaligirang panlipunan, wala siyang pagpipilian kundi ang sundin ang masasamang kalakaran, sa kaibuturan ay hinahamak niya ang mga ito. At habang hinahamak ang mga ito, naghahanap din sila ng bawat pagkakataon upang makatakas sa kapaligirang ito o nag-iisip sila ng bawat paraan upang iwasan ito at tanggihan ang masasamang kalakarang ito.

A. Pagkilatis ng Tama sa Mali

Ang pagkilatis ng tama sa mali ay napakahalaga para sa isang tao. Dahil ang tama at mali ay kinabibilangan ng mga positibong bagay at mga negatibong bagay, ano sa tingin ninyo ang ilang positibong bagay, at ano ang ilang negatibong bagay? (Ang pananampalataya sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pagsamba sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, pati na ang paggawa ng tungkulin ng isang tao at pagiging isang matapat na tao—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Ang pagsisinungaling at panlilinlang, paglaban sa Diyos, paghihimagsik laban sa Diyos, pagkakanulo sa Diyos—ang mga ito ay mga negatibong bagay.) (Ang mga positibong bagay ay pangunahing nagmumula sa Diyos at naaayon sa katotohanan. Halimbawa, ang iba’t ibang resultang nakakamit sa pamamagitan ng gawain ng Diyos, pati na ang tunay na kaalaman ng mga tao tungkol sa disposisyon at diwa ng Diyos, ay pawang mga positibong bagay at lahat ay naaayon sa katotohanan.) Huwag ninyong isipin na ang mga positibong bagay ay napakahungkag o napakatayog. Ang totoo, ang mga positibong bagay ay iba’t ibang positibo at tamang mga tao, pangyayari, at bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Anumang bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao, anumang bagay na kapaki-pakinabang at hindi nakakapinsala sa kanilang normal na buhay, ay isang positibong bagay. Halimbawa, ang mga likas na tuntunin at batas ba ay mga positibong bagay? (Oo.) Ang mga salita ng Diyos ay pawang katotohanan at pawang mga positibong bagay; anumang bagay na kinabibilangan ng katotohanan ay isang positibong bagay. Ang pagtutustos ng Diyos sa sangkatauhan ng buhay at katotohanan, pati na ang nilalaman ng gawain ng Diyos ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan, ay mga positibong bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Lahat ng hinihingi ng Diyos sa mga tao, bawat salita ng Diyos, ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa iba’t ibang katotohanan—lahat ng ito ay mga positibong bagay. Bukod sa gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan, marami pang ibang positibong bagay na kapaki-pakinabang sa pananatiling buhay ng tao at hindi nakakapinsala sa mga tao. Nakikita ba ninyo ang mga ito? Natutukoy ba ninyo ang mga ito? Natatanggap at nasasang-ayunan ba ninyo ang mga ito mula sa kaibuturan ng inyong mga puso? Nakakasabay, nakakaangkop, at nakakasunod ba kayo sa mga ito? Halimbawa, ang mga batas ba ng apat na panahon ay mga positibong bagay? (Oo.) Sa tagsibol, umiinit ang panahon at namumukadkad ang mga bulaklak, lahat ng bagay ay tumutubo at muling nabubuhay, natutunaw ang yelo at niyebe. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Sa tag-araw, maningning na sumisikat ang araw, nakakapaso ang mga sinag nito, at lahat ng bagay ay mabilis na lumalago, nagtatamasa sa sikat ng araw. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Sa taglagas, ang nakakapasong init ay unti-unting napapalitan ng maaliwalas na kalangitan at preskong hangin; ang iba’t ibang halaman ay unti-unting nahihinog, nagbubunga ng mga buto at prutas, nagbibigay ng ani. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Sa taglamig, bumababa ang temperatura, unti-unting lumalamig ang panahon, at kung minsan ay umuulan ng niyebe. Bagama’t hindi ito kasingkasiya-siya, komportable, o malaya gaya ng ibang mga panahon, sa taglamig, napapanatili ng lahat ng bagay ang kanilang enerhiya, at ang sangkatauhan ay nagpapahinga rin at nagpapalakas. Kung gayon, ang batas bang ito ay isang positibong bagay? (Oo.) Sa pagsikat ng araw, umaawit ang mga alondras, humuhuni ang mga ibon sa umaga, na nagpapaalala sa mga tao na umaga na at oras nang bumangon, na dapat na silang magsimulang magtrabaho para sa buhay, para sa kabuhayan, at para sa patuloy na pag-iral ng sangkatauhan. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Bumabangon ang sangkatauhan sa mga huni ng mga ibon sa umaga at ng mga alondras at sinisimulan ang pagtatrabaho sa maghapon. Isa itong positibong bagay. Sa gabi, ang iba’t ibang insekto at nilalang, alinsunod sa kanilang sariling mga batas, ay nagsasagawa ng lahat ng uri ng aktibidad—ang ilan ay lumalabas para maghanap ng pagkain at ang iba ay nagsisimulang humuni. Sa oras na ito, tumatahimik ang sangkatauhan at unti-unting nakakatulog. Habang pinakikinggan ang huni ng mga kuliglig, na sinasabayan ng mga huni ng iba’t ibang nilalang at ng kanilang mga panggabing aktibidad, pumapasok ang mga tao sa mundo ng panaginip, natutulog nang napakasarap, napakahimbing, at napakapayapa. Isa ba itong positibong bagay? (Oo.) Para sa mga tao, ang mga positibong bagay na ito ay pawang mga bagay na madalas na nangyayari. Natatanggap mo ang iba’t ibang tanda at hudyat ng mga ito, at nararamdaman mo rin ang mga pakinabang na idinudulot ng mga ito sa iyong buhay, pati na ang iba’t ibang pagbabago at impluwensiyang idinudulot ng mga ito sa iyo habang namumuhay ka. Kung mayroon kang tamang pagtugon at tamang pag-arok sa pag-iral ng iba’t ibang positibong bagay sa paligid mo, pati na rin ng tamang paraan para tratuhin ang mga positibong bagay na ito, ipinapakita nito na isa kang taong may kaunting pagkaunawa sa tama at mali, na ikaw ay matugunin, sensitibo, at may pandama sa kapaligirang binubuo ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at na mayroon kang pusong mapagpasalamat para sa impluwensiya ng lahat ng bagay na ito sa paligid mo o sa pagsama ng mga ito sa iyong buhay. Ipinapakita nito na nararamdaman mo na ang pag-iral ng Diyos at ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha ay hindi maikakailang totoo, at nararamdaman mo ang mga pakinabang ng lahat ng bagay sa iyo at ang impluwensiya ng mga ito sa iyo sa iba’t ibang aspekto. Kung matatanggap mo ang gayong mga mensahe at magkakaroon ka ng ganitong mga damdamin, kung gayon, isa kang tao na nakakaunawa sa tama at mali at nagtataglay ng pagkatao. Naaarok mo nang tama ang mga positibong bagay, nakakaangkop ka sa mga ito, nakakaayon sa mga ito, at umiiral kasama ng mga ito. At hindi lang sa hindi ka nasusuklam sa mga bagay na ito; sa halip, dahil nananampalataya ka sa Diyos at nauunawaan mo ang ilang katotohanan, lalo ka pang nakukumbinsi na lahat ng positibong bagay na ito ay nagmumula sa Diyos, mula sa Lumikha, at mas nagpapasalamat ka para sa pag-iral ng mga positibong bagay na ito. Kaakibat nito, nakakaramdam ka ng pagkasuklam at pagkapoot sa iyong puso para sa mga negatibong bagay. Kaya, ano ang ilang negatibong bagay? (Pagpaparumi sa kapaligiran, labis na pagkuha.) Ang pagsira at pagpaparumi sa kapaligiran, walang-pakundangang pagpuputol ng puno, labis na pagkuha at pagsasamantala—lahat ng ito ay mga negatibong bagay. Bukod sa mga ito, ano pang ibang mga bagay ang sa tingin ninyo ay negatibo, at may malinaw na pagkapoot kayo para sa mga ito sa inyong mga puso? Palaging gustong lupigin ng sangkatauhan ang kalikasan—isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Halimbawa, madalas na nakakaranas ng mga hurricane ang ilang lugar, kaya palaging nagbubulay-bulay ang ilang tao, “Nagpapalipad ng alikabok kung saan-saan ang mga hurricane na ito, na sumisira sa mga bahay at bukirin. Kailangan nating subukan ang lahat ng ating magagawa para magtayo ng pader para harangan ang mga ito, para ipakita na ang teknolohiya ng tao ay maunlad na at na lumakas na ang mga kakayahan ng tao.” Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Ano ang nararamdaman ninyo sa inyong mga puso pagkatapos itong marinig? (Pakiramdam ko ay masyadong mataas ang tingin ng mga tao sa sarili nilang mga kakayahan.) Iyan na nga mismo iyon. Ang ilang lugar ay nababalot ng malalawak na damuhan, kaya sinasabi ng ilang tao, “Namumuhay ang mga pastol nang pagala-gala sa mga damuhan, at halos hindi sila nakakakain ng masasarap na pagkain sa buong taon. Sa kalahati ng taon, palagi silang nasa labas, nagpapastol ng mga baka at tupa sa mga damuhan. Kailan matatapos ang mahihirap na araw na ito? Dapat tayong humanap ng mga paraan para mapabuti ang buhay ng mga pastol, gawing mga gusali at lungsod ang mga damuhan at pastulan, para hindi na kailanganin ng mga pastol na manatiling buhay sa pamamagitan ng pag-aalaga ng hayop. Sa gayon, magtatamasa sila ng mas mabuting buhay, at magpapasalamat sila sa bansa at sa gobyerno.” Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Nararamdaman ba ninyo na ang paggawa nito ay isang negatibong bagay? Ang paggawa sa mga damuhan na maging mga gusali at lungsod—isa itong maling pag-iisip at pananaw; labis na baligho ang pagsasagawang ito! Hindi ninyo makilatis ang usaping ito, hindi ba? Iniisip ninyo, “Usapin ito ng gobyerno, wala tayong magagawa tungkol dito,” at wala kayong nararamdaman tungkol dito. Gayundin, palaging gumagawa ng mga pagsulong ang sangkatauhan sa paggalugad sa kalawakan, palaging gustong pumunta sa buwan, siyasatin ang Mars at Jupiter. Gusto pa nga nilang galugarin ang araw, pero dahil masyadong mataas ang temperatura ng araw, hindi sila makapunta roon. Kaya, gumagawa sila ng mga sasakyang pangkalawakan para mapangibabawan ang gravity ng Mundo at makalipad patungo sa buwan at Mars. Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Isa itong negatibong bagay. Kaya, mayroon bang anumang positibong bagay na kinasasangkutan ng agham? Mayroon bang anumang pahayag na positibo at naaayon sa mga batas ng kalikasan ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos? (Ang ilang kagamitang inimbento at ginawa sa pamamagitan ng mga siyentipikong paraan, tulad ng mga computer, ay nakapagpapabuti sa pagiging episyente ng ating trabaho. Ang mga ito ay mga positibong bagay.) Ang mga ito ay hindi positibo at hindi rin negatibo. Mga kagamitan lang ang mga iyon. Hindi sangkot sa mga ito ang isang partikular na pag-iisip, teorya, o argumento. Ang mga positibo at negatibong bagay na tinatalakay natin ay may kaugnayan sa diwa at mga saligan ng mga bagay, at pati na rin sa mga motibo sa likod ng iba’t ibang proyekto ng siyentipikong pananaliksik na isinasagawa ng sangkatauhan. Batay sa mga ito, tinutukoy natin kung ang isang bagay ay positibo o negatibo. Kaya, ano pang ibang mga negatibong bagay ang mayroon? (Sa kasalukuyan, hindi sinusunod ng sangkatauhan ang mga batas ng paglago ng lahat ng bagay kundi gumagamit ng mga siyentipikong paraan para baguhin ang mga batas na ito. Halimbawa, ang mga manok ay pinapakain ng pagkaing may mga hormone at maaari nang maibenta sa loob ng tatlumpung araw, at ang mga gulay at prutas na wala sa panahon ay itinatanim. Tila umunlad na ang agham at teknolohiya, pero lumalabag ito sa mga batas ng paglago ng lahat ng bagay at ito ay para bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng mga tao sa pagkain. Isa itong negatibong bagay.) Isa itong negatibong bagay. May ilang taong gustong paamuin ang mga tigre at leon. Nakikita nila na mukhang mabagsik ang mga tigre—kahit ang paghikab lang ng isang tigre ay nakakapagpataboy na sa mga tao sa takot—kaya gusto nila itong paamuin, at pagkatapos ay bunutin ang mga pangil nito at alagaan sa kanilang mga bakuran, gawing mga bantay ng kanilang mga bahay ang mga tigre na parang mga aso. Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Isa itong negatibong bagay. Lahat ng ginagawa ng mga tao at ang iba’t ibang bagay na iniimbento nila sa paghahangad ng makalamang kasiyahan gamit ang iba’t ibang siyentipikong paraan at labag sa mga batas ng kalikasan ay pawang mga negatibong bagay, hindi mga positibong bagay, dahil napakalaki ng pinsala ng mga ito sa sangkatauhan, at napakatindi ng pinsala ng mga ito sa tinitirhang kapaligiran ng tao. Halimbawa, ang ilang lugar ay sobrang tuyo, kaya gumagamit ang gobyerno ng mga eroplano para magpakalat ng mga cloud seeding agent para magdulot ng ulan. Isa ba itong positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Ang ilang lugar ay sobrang inuulan, na nagdudulot ng mga baha, kaya nagpapadala ang gobyerno ng mga eroplano para pawiin ang mga ulap upang makontrol ang ulan. Hindi ba’t nilalabag at sinisira nito ang mga batas ng kalikasan? (Oo.) Ang pagsira sa mga batas ng kalikasan, paglabag sa mga batas ng kalikasan, hindi pag-ayon sa mga batas ng kalikasan, paggawa ng anumang naisin, pagpapakitang-gilas ng makabagong teknolohiya ng tao—ang mga ito ay mga negatibong bagay. Bukod sa mga ito, ano pang ibang mga negatibong bagay ang mayroon? Ang pagsasagawa ba ng pananaliksik sa mga biyolohikal na ahente at genetic modification ay isang positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Dahil sa siyentipikong pananaliksik sa henetika na isinagawa, mas marami nang makakain na mga pagkaing genetically modified ang mga tao. Kaya, ang mga pagkaing genetically modified ba ay mga positibo o negatibong bagay? (Mga negatibong bagay.) Bakit ninyo sinasabing negatibo ang mga ito? Sinasabi ng ilang tao, “Isa itong siyentipikong tagumpay, na naglalayong tulutan ang mas maraming tao na magkaroon ng sapat na makakain at hindi magutom. Bukod dito, ilang dekada nang kumakain ng mga pagkaing genetically modified ang mga tao, at tumatangkad at nagiging matipuno—ang mga kabataan ngayon, sa partikular, ay mas matatangkad kaysa sa naunang henerasyon. Lahat ng ito ay dahil sa mga ambag ng agham sa sangkatauhan. Kung ang mga pagkaing genetically modified ay nagdudulot ng gayon kalaking pakinabang sa mga tao, bakit sinasabing mga negatibong bagay ang mga ito?” Maipapaliwanag ba ninyo ito? (Bagama’t mas matatangkad ang mga tao ngayon, humihina naman ang kanilang pangangatawan, at nagkakaroon sila ng mas maraming sakit—lahat ng ito ay dahil sa pagkain ng mga tao ng mga pagkaing iyon na dumaan sa siyentipikong proseso. Kaya, ang mga ito ay mga negatibong bagay.) Sa panlabas, tila nakikinabang ang mga tao sa mga pagkaing genetically modified—mas matatangkad at mas matitipuno ang mga tao—pero humina naman ang kanilang mga pangangatawan. Sa pangkalahatan, mayroong negatibong epekto sa mga tao ang mga ito, na nakakapinsala sa halip na makatulong sa kanila. Itinuturing man ng mga tao ang mga ito bilang kapaki-pakinabang o nakakapinsala, ang mga ito ay mga negatibong bagay, talagang hindi mga positibong bagay, dahil nilalabag ng mga ito ang mga batas ng kalikasan na nilikha ng Diyos, at salungat ang mga ito sa mga tungkuling dapat sanang gampanan sa katawan ng tao ng iba’t ibang orihinal na bagay na may buhay na nilikha ng Diyos. Maaaring hindi maramdaman sa simula ang epekto ng mga ito sa mga tao, pero pagkalipas ng dalawampung taon, nagiging malinaw ang masasamang kahihinatnan: Maraming tao ang nagkakaroon ng lahat ng uri ng kakaibang sakit, at naaapektuhan pa nga ang kanilang kakayahang magkaanak. Sapat na ito para patunayan na ang gayong mga pagkain ay hindi mga positibong bagay. Bagama’t mula sa perspektiba ng tao, ang pagkaing genetically modified ay isang produkto ng teknolohiya, isang ambag ng agham sa sangkatauhan, mula sa perspektiba ng mga positibo at negatibong bagay, ito ay talagang hindi isang positibong bagay.

Palaging sinusubukang saliksikin ng sangkatauhan ang buwan at tuklasin kung may iba pang mga planeta na angkop para sa paninirahan ng tao. Ang siyentipikong pananaliksik na ito, ang pananaw na ito, ay isa bang positibo o negatibong bagay? (Isang negatibong bagay.) Bakit ito isang negatibong bagay? (Nilikha ng Diyos ang mga tao para manirahan sa Mundo; hindi Niya kailanman nilayon na manirahan tayo sa ibang mga planeta. Palaging ambisyoso ang mga tao at gustong pumunta kung saan-saan. Sa huli, sayang lang ang pagod, at hindi sila makapunta kahit saan.) Mula sa perspektiba ng mga tao, normal lang na saliksikin ang mga bagay na ito; lumilikha ito ng mga kondisyon ng pamumuhay para sa kinabukasan ng sangkatauhan, na isang mabuting bagay. Marami sa mga tungkuling itinatag ng Diyos sa Mundo ang nasira na; madalas na nangyayari ang iba’t ibang sakuna, nasira na ang kapaligiran ng pamumuhay sa Mundo, lubhang marumi na ang hangin, tubig, at lupa, at lahat ng uri ng mga nilalang na may buhay ay nanganganib nang maubos. Naging mahirap nang manirahan sa Mundo. Kaya naman, sinimulan nang saliksikin ng ilang institusyon ng siyentipikong pananaliksik ang ibang mga planeta, sa pag-asang makakapunta ang sangkatauhan sa ibang mga planeta at makakapanirahan doon. Naniniwala sila na, para manatiling buhay ang mga inapo ng sangkatauhan, kailangang maghanda nang maaga ang mga tao—kung hindi sila maghahanda ngayon at hindi na mabubuhay ang sangkatauhan sa Mundo sa hinaharap, hindi ba’t mawawalan ng matatakasan ang lahi ng tao? Kaya, ang pananaw bang ito, ang siyentipikong pananaliksik na ito, ay isa bang negatibo o positibong bagay sa huli? (Isang negatibong bagay.) Sa anong batayan ninyo sinasabing isa itong negatibong bagay? (Sa batayan na hindi lang talaga naghanda ang Diyos ng mga kondisyong angkop para tirhan ng mga tao ang ibang mga planeta. Bukod pa sa ibang mga planeta, kahit ang napakainit at napakalamig na mga lugar sa Mundo ay hindi angkop para sa paninirahan ng tao. Pero palaging ambisyoso ang mga tao, palaging gustong kumawala mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa mga pamamatnugot ng Diyos, gustong manirahan sa ibang mga planeta—labag ito sa mga pagsasaayos at pag-orden ng Diyos. Samakatwid, isa itong negatibong bagay.) Nilikha ng Diyos ang Mundo—isang napakagandang kapaligiran sa pamumuhay—para sa mga tao, pero hindi ito pinamamahalaan nang maayos ng mga tao. Palagi silang nagpapaunlad ng agham at modernong industriya, at dahil dito, sinira nila ang ekolohikal na kapaligiran ng Mundo at pinarumi ang hangin, tubig, at maging ang lupa. Wala nang makuhang mga organikong butil at gulay ang mga tao, at nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng sakit. Naging mahirap nang manatiling buhay sa Mundo, at ngayon ay iniisip nilang pumunta sa ibang mga planeta, nang hindi isinasaalang-alang kung kaya man lang bang pumunta roon ng kanilang mortal na laman. Ang mga tao, ang mga nilalang na ito na may mortal na laman, ay angkop lamang na manirahan sa Mundo, at sa Mundo lamang nila ito magagawa. Ito ang pag-orden ng Diyos. Saan pa nga ba makakapunta ang mga tao sa pamamagitan lang ng pag-asa sa kanilang iba’t ibang likas na kondisyon? Kayang ikampay ng mga ibon ang kanilang mga pakpak at lumipad nang libo-libong metro ang taas, pero hindi kayang lumipad ng mga tao nang sila mismo; kailangan nila ang tulong ng mga eroplano. Subalit ang paglipad sa mga eroplano ay mapanganib kung minsan. Samakatwid, ang mga tao ay pinakaangkop na manirahan sa Mundo. Ang mga pisikal na katangian ng mga tao ay kaayon ng lupa ng Mundo, at ng lahat ng aspekto ng mga kondisyon ng pamumuhay sa Mundo, tulad ng lahat ng bagay, ng apat na panahon, at ng mga batas ng kalikasan. Samakatwid, ang sangkatauhan ay matatawag lamang na mga Taga-Mundo. Ang mga batas na ito ng ikabubuhay ng tao at ang mga kondisyong ito ng pananatiling buhay ay paunang inorden para sa mga tao noong nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Samakatwid, ang sangkatauhan ay angkop lamang na mabuhay sa Mundo, hindi sa paninirahan sa ibang mga planeta. Sinira at pininsala na ng sangkatauhan ang Mundo hanggang sa punto na hindi na ito matitirhan, at gusto na lang nilang umalis at matapos na ito, palaging naghahangad na manirahan sa ibang mga planeta. Isa itong walang-saysay na pakikibaka. Ang pagsasagawang ito ay hindi naaayon sa mga batas ng kalikasan na inorden ng Diyos para sa mga Taga-Mundo; sa halip, nilalabag nito ang mga batas ng pisikal na pananatiling buhay para sa mga Taga-Mundo at isa itong napakahangal na pagsasagawa. Kaya, isa itong negatibong bagay. Kahit pa may ilang planeta na may hangin, at makakapunta roon ang mga Taga-Mundo para magtingin-tingin, hindi ibig sabihin nito na mabubuhay ang sangkatauhan sa mga planetang iyon. Maging sa Mundo, maaari kang pumunta sa South Pole o sa North Pole para magtingin-tingin, maaari kang tumuntong doon, pero kung maninirahan ka roon nang maraming taon, makakaya mo ba? Mayroon ding ilang medyo mainit na lugar kung saan mahigit animnapung digri Celsius sa buong taon; hindi rin angkop ang mga iyon para sa pananatiling buhay ng tao. Hindi angkop ang mga tao para sa pangmatagalang pananatiling buhay sa iilang lugar sa Mundo dahil sa mga espesyal na heograpikal na kapaligiran, lalo na ang manirahan sa ibang mga planeta. Hindi iyon bahagi ng mga pagsasaayos ng Diyos. Batay sa mga katangian ng laman ng tao, ang sangkatauhang ito ay angkop lamang na manirahan sa Mundo; ito ay may matibay na batayan. Ang layunin ng paglikha ng Diyos sa Mundo ay para magsaayos ng isang angkop na kapaligiran ng pamumuhay para sa sangkatauhan. Kung gusto mong takasan ang gayong kapaligiran at humanap ng ibang malalabasan, hahantong lang iyan sa pagkawasak. Samakatwid, isa itong negatibong bagay. Kung alam mo na ang palaging pagsasaliksik sa paninirahan sa ibang mga planeta ay isang negatibong bagay, pero sa puso mo ay sinasang-ayunan mo pa rin ang pagsasagawa ng sangkatauhan ng siyentipikong pananaliksik para humanap ng paraan para manirahan sa ibang mga planeta, kung gayon, pinapatunayan nito na may problema sa iyong pagkatao, na hindi mo nauunawaan ang tama at mali, at na hindi mo makilatis ang wasto sa di-wasto. Kung malinaw mong alam na ang landas na ito ay hindi praktikal, subalit hinahangad at inaasahan mo pa ring makapanirahan sa ibang mga planeta sa susunod na kapanahunan, kung gayon, hindi ka isang normal na tao—isa kang kakatwang tao.

Ang isang taong nakakaunawa sa tama at mali, sa isang banda, ay kayang mahalin at tanggapin ang mga positibong bagay at magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga ito. Dagdag pa rito, kaya niyang makilatis ang mga negatibong bagay, at dahil mayroon siyang pagkatao at katwiran, nakakaramdam siya ng pagtutol at poot sa kanyang puso para sa mga negatibong bagay. Siyempre, kaya rin niyang kasuklaman, punahin, at tanggihan ang mga ito batay sa pagkaunawa sa ilang katotohanan. Kung hindi mo ito magawa, hindi ka isang tao na nakakaunawa sa tama at mali. Maaari ding sabihin na nagkukulang ka pagdating sa pagkatao. Kung wala kang abilidad na makilatis ang tama sa mali sa iyong pagkatao, wala sa iyong pagkatao ang isang napakahalagang kondisyon, ang isang napakahalagang komponente. Ibig sabihin nito, wala kang normal na pagkatao, at hindi ka matatawag na isang tunay na tao. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga halimbawang ibinigay kanina ay nauugnay sa ilang bagay na may kaugnayan sa mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao at may kaugnayan din sa agham. Kung ang mga bagay na iyon ay mga negatibong bagay at kailangan nating kilatisin ang mga ito, kung gayon, dapat ba nating tanggihan ang mga ito?” Hindi iyan kailangan. Ang pagkilatis ng tama sa mali ay nangangahulugan na mayroon kang pagkilatis sa mga positibo at negatibong bagay sa iyong puso. Sa loob ng iyong pagkatao, mayroon kang isang pamantayan para sa paghusga, at alam mo kung anong mga bagay ang positibo at kung anong mga bagay ang negatibo. Mayroon ka ring malinaw na saloobin, alam mo kung paano tratuhin ang mga positibo at negatibong bagay. Kaya mong tanggapin, makiayon, at umangkop sa mga positibong bagay, at wala kang paglaban o pagtutol sa iyong puso para sa mga ito. Tungkol naman sa mga negatibong bagay, kaya mong kilatisin ang mga ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, at kaya mong kasuklaman, tutulan, at kamuhian ang mga ito, at magkaroon pa nga ng sarili mong mga pananaw tungkol sa mga ito, na ginagamit mo para punahin ang mga ito. Ito ang saloobin at pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong nakakakilatis ng tama sa mali. Gayumpaman, ipagpalagay na sa iyong kalooban ay kinasusuklaman at kinamumuhian mo ang mga bagay na malinaw na positibo, at itinuturing mo pa ngang hindi kapansin-pansin ang mga ito kumpara sa mga negatibong bagay, pati na rin na masyadong ordinaryo, masyadong karaniwan, at masyadong hindi karapat-dapat banggitin. Sa iyong kalooban ay hinahangaan, pinananabikan, at hinahangad mo rin ang mga negatibong bagay, at sinasang-ayunan mo pa nga ang mga negatibong bagay na iyon sa lipunan at sa mundo. At paano man pinagbabahaginan ang katotohanan o ang mga prinsipyo ng pagkilatis, hindi mo kayang isapuso o tanggapin ang mga ito. Sa ganoong sitwasyon, ang iyong pagkatao ay hindi normal. Kung wala kang pagkadama o malinaw na mga pananaw pagdating sa mga positibo at negatibong bagay dahil bata ka pa at kulang sa karanasan sa buhay o kabatiran, o dahil hindi ka pa nasangkot sa mga bagay na ito o hindi pa naging bahagi ng iyong buhay ang mga ito, kung gayon, hindi pa masasabi na isa kang taong hindi nakakakilatis ng tama sa mali. Gayumpaman, pagkatapos pagbahaginan kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, kung hindi mo pa rin kayang tanggapin o makiayon sa mga positibong bagay mula sa kaibuturan ng iyong puso, at sa halip ay nakakaramdam ka ng pagtutol at kinasusuklaman mo ang mga ito, habang masigasig mong hinahabol at pinananabikan ang mga negatibong bagay, kung gayon, hindi ka isang tao na nakakakilatis ng tama sa mali. Kung titingnan mula sa puntong ito, napakalinaw na ang gayong tao ay walang pagkatao. Ang usaping ito ng pagkilatis ng tama sa mali ay nagbubunyag sa pagkiling ng isang tao sa mga positibo at negatibong bagay, kaya nagbibigay-daan ito sa atin na matukoy kung ano talaga ang klasipikasyon ng taong ito. Anuman ang makaharap niya, kung kumikiling siya sa mga negatibong bagay sa halip na sa mga positibong bagay, malinaw na ang taong ito ay walang pagkatao at hindi nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Bakit Ko sinasabi ito? Pinananabikan niya ang masasamang bagay, pinananabikan ang iba’t ibang gawain, proyektong pananaliksik, o ilang aspekto ng teknolohiya na itinataguyod, sinasang-ayunan, at isinasagawa ni Satanas at ng masamang sangkatauhan, sa halip na panabikan at sundin ang mga orihinal na tuntunin at batas ng mga positibong bagay, na nagmumula sa Diyos. Ang gayong mga tao, kung gayon, ay tiyak na hindi tao. Malinaw ba ito? (Oo.)