Paano Hangarin ang Katotohanan (16) Unang Bahagi

Ang Tatlong Kategorya ng mga Tao Batay sa Kanilang mga Pinagmulan

Ang nilalaman ng ating pagbabahaginan kamakailan ay tungkol sa pagkilatis sa iba’t ibang uri ng tao—pagbubukod-bukod sa kanilang iba’t ibang kategorya at klasipikasyon batay sa kanilang mga pinagmulan, at pagkatapos ay pagkilatis sa diwa ng iba’t ibang uri ng tao sa pamamagitan ng kanilang iba’t ibang pagpapamalas sa totoong buhay. Ang pagkatutong kilatisin ang iba’t ibang uri ng tao ay kapaki-pakinabang sa kung paano sila pakikitunguhan nang wasto at kung paano mo pakikitunguhan nang wasto ang iyong sarili, hindi ba? (Oo.) Hindi ba’t nalutas din ng pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito ang mga dating kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa mga mananampalataya sa Diyos? Halimbawa, dati ay tinatrato ng maraming tao ang lahat ng mananampalataya bilang mga kapatid. Basta’t nasa iglesia ang isang tao, basta’t masigasig siya sa paggawa ng kanyang tungkulin, gaano man karaming kasamaan ang nagawa niya, gaano man kasama ang kanyang pagkatao, o gaano man kayabang, katuso, o kamapanlinlang ang kanyang disposisyon, tinrato siya ng mga taong ito bilang kapatid at tinulungan nila siya nang may pagmamahal. May pagkilatis ba ang gayong mga tao? (Wala.) Sa pamamagitan ng ilang taon na ito ng pagdidilig at pagtustos, malaki na ang ipinagbago ng inyong mga pananaw, hindi ba? (Oo.) Ngayong nagbago na ang inyong mga pananaw, hindi ba’t medyo may prinsipyo na kayo sa pakikitungo sa iba’t ibang uri ng tao? (Oo.) Hindi ba’t iba na ang mga pananaw at saloobin ninyo sa iba’t ibang uri ng tao kumpara sa dati? (Oo, iba na.) Bago magbahagi tungkol sa mga isyung ito, walang pagkilatis ang mga tao sa iba’t ibang uri ng tao, naniniwalang basta’t nananampalataya sa Diyos ang isang tao, mabuti siyang tao, isang miyembro ng sambahayan ng Diyos, at kahit iyong mga may masamang pagkatao ay mga taong nilalayong iligtas ng Diyos. Kung titingnan ngayon, ganoon ba ang sitwasyon? (Hindi.) Hindi na ganoon ang sitwasyon ngayon. Kaya, kung titingnan ngayon, mas marami ba ang mabubuting tao o ang masasamang tao? (Sa tingin ko ay mas marami ang masasamang tao. Dati, ang tingin ko sa maraming tao ay mabuti naman, pero sa pamamagitan ng pagbabahaginan ng Diyos at sa pag-uugnay nito sa mga pagpapamalas ng iba’t ibang uri ng tao, pakiramdam ko ay mas marami ang masasamang tao.) Dati, sa pinakamainam, mayroon kang kaunting pagkilatis sa mga malinaw na hindi mananampalataya, mga oportunista, masasamang espiritu, maruruming espiritu, at sa mga maaaring magdulot ng malilinaw na paggambala at panggugulo, nalalamang hindi sila mabubuting tao o mga kapatid. Ngayon, sa pamamagitan ng gayong pagbabahaginan, bukod sa pagkakaroon ng kakayahang kilatisin iyong mga may malilinaw na pagpapamalas, hindi ba’t, sa pangkalahatan, ay kaya mo nang kilatisin ang lahat ng tao batay sa kanilang mga pagbubunyag at pagpapamalas? (Oo.) Kaya, pagkatapos ng gayong pagbabahaginan, kapag kayo ay muling nakikipag-ugnayan sa mga tao, hindi ba’t iba na ang pakiramdam kumpara sa dati? (Medyo iba na. Ngayon, kapag nakikipag-ugnayan ako sa mga tao, nakatuon ako sa pag-obserba sa kanilang mga pagbubunyag at kung anong mga pananaw ang ipinapahayag nila kapag nakakaranas sila ng mga bagay-bagay, para tayahin kung sila ay nagreinkarnasyon mula sa mga tao, mga hayop, o mga diyablo. Nakatuon na ako sa pagkilatis sa mga tao batay sa kanilang diwa at uri.) Ibig sabihin nito, natuto ka nang kumilatis ng mga tao. Kaya mo na bang kilatisin ang sarili mo, kung gayon? (Medyo.) Sa madaling salita, ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay kapaki-pakinabang para sa pagkilatis sa mga tao. Makakatulong ito sa iyong kilatisin ang mga pag-uugali at pananaw ng iba’t ibang uri ng tao at matarok ang diwa ng mga taong ito. Sa ganitong paraan, pakikitunguhan mo ang iba’t ibang uri ng tao ayon sa mga prinsipyo, at kapag nahaharap sa ilang espesyal na tao, pangyayari, o bagay, hindi mo sila pakikitunguhan batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at magagawa mong maarok ang ilang pangunahing prinsipyo sa pangangasiwa ng mga problema, kaya’t mas mababawasan ang paggawa mo ng mga kahangalan. Halimbawa, dati, kapag nakakakita ng ilang taong may abnormal na pag-uugali o baluktot na mga pag-iisip at pananaw, maaaring iniisip mo na ang gayong mga tao ay may mahinang kakayahan at walang abilidad na umarok, o na kakaunti ang napakinggan nilang sermon at napakababaw ng kanilang pundasyon, at kaya dapat kang maglaan ng kaunting pagsisikap para mas diligan at tulungan sila. Ngayon, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, dahil nagkamit ka na ng pagkilatis sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, tatalikuran mo na ang mga dating hangal na gawi na iyon at hindi ka na gagawa ng mga gampaning walang maibubunga. Kung gayon, kaya ba ninyong pakitunguhan ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo? (Kaya namin nang kaunti.) Magkakaroon ba kayo ng mga paglihis sa inyong pagsasagawa? (Kung hindi ko mahuhusgahan nang wasto ang diwa ng isang tao, maaari akong magkaroon ng mga paglihis sa aking pagsasagawa.) Sa anong mga pagkakataon ka magkakaroon ng mga paglihis sa iyong pagsasagawa? Ipagpalagay na ang panlabas na pag-uugali nila ay lubos na umaayon sa mga kuru-kuro ng karamihan ng tao—kaya nilang magbayad ng halaga at talikuran ang mga bagay-bagay, madalas na magsabi ng mga tamang bagay, at madalas na magkawanggawa at tumulong sa iba—sa usapin ng pagkatao, itinuturing na mabait ang taong ito, pero kasabay nito, sadyang hindi siya normal, at madalas siyang nagpapakita ng ilang sukdulang pag-uugali, at nagpapakita siya ng ilang higit sa natural na pagpapamalas, makikilatis mo ba ang gayong tao? Alam mo ba kung paano siya pakikitunguhan? (Dahil lang sa pagbabahagi ng Diyos noong nakaraan kaya ko nalaman na ang gayong tao ay isa sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo.) Mailalarawan mo ang kanyang diwa bilang diwa ng isang diyablo at matatarok mo ang katunayang ito, pero matutukoy mo ba kung ano ang angkop na paraan para pakitunguhan siya batay sa kanyang mga pagpapamalas sa pang-araw-araw na buhay at sa kasalukuyan niyang kalagayan? Nasasangkot dito ang mga prinsipyo ng pakikitungo sa mga tao. Kaya, ano ang angkop na paraan para pakitunguhan ang ganitong uri ng tao? Kung ang kalagayan ng kanyang buhay ay normal naman, hindi siya nagdulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia, at hindi nanggulo sa iba, kung gayon ay pakitunguhan siya nang wasto—kung kaya niyang magserbisyo, hayaan siyang gawin ito; kung hindi niya kaya, at nakapanggulo na siya sa iba, at natarok na ng karamihan ang kanyang mga pagpapamalas at pagpapakita at natutukoy nila na ang kanyang diwa ay diwa ng isang diyablo, kung gayon ay hindi pa huli ang lahat para pangasiwaan siya sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanya. Hindi ba’t isa itong prinsipyo? (Oo.) Ito ay isang prinsipyo; dapat itong maging malinaw sa iyong puso. Paano man siya pangasiwaan pagkatapos, dapat ay angkop ang tiyempo. Ipagpalagay na natatarok mo siya, pero hindi pa siya nakakasalamuha ng karamihan, at lalong hindi pa nila siya natatarok. Kung direkta mo siyang ilalarawan at pangangasiwaan nang hindi nagbabahagi tungkol sa katotohanan at ipinapaliwanag kung paano siya kikilatisin, iyan ay masyadong padalos-dalos. At ipagpalagay na matapos matarok ang kanyang diwa, nagsimula kang makaramdam ng pagkasuklam sa kanya, at pagkatapos ay naghanap ka ng mga pagkakataon para pungusan siya, o palagi mo siyang pinupuntirya sa iyong mga salita at kilos, pati na rin kapag nagbabahaginan tungkol sa katotohanan—magandang paraan ba ito ng pagkilos? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil kung ganito natin siya pakikitunguhan, hindi malalaman ng karamihan ng tao kung ano ang nangyayari at baka magkaroon pa sila ng mga maling pagkaunawa. Dapat ibunyag at ilantad ang diwa ng taong ito sa pamamagitan ng mga katunayan, at kapag may pagkilatis na ang mga tao sa kanya, saka pa lang angkop na ilantad at himayin siya o pungusan siya—mauunawaan ng lahat kung gayon. Kung ang taong ito ay hindi isang taong naghahangad ng katotohanan, pero hindi naman nanggugulo at kaya pa ring magserbisyo nang kaunti, kung gayon ay dapat natin siyang hayaang magserbisyo. Kung alam nating hindi siya isang taong naghahangad ng katotohanan pero patuloy pa rin natin siyang pinupungusan, makakaapekto ito sa paggampan niya ng tungkulin.) Tama iyan. Ang pagkilos sa ganoong paraan ay walang prinsipyo. Kapag pinakikitunguhan ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo at ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, kahit pa, sa pamamagitan ng pakikisalamuha at pag-obserba sa loob ng mahabang panahon ay natarok mo na ang kanilang diwa, dapat kang gumamit ng kaunting karunungan at pakitunguhan sila ayon sa mga prinsipyo. Ayos lang na gumamit ng karunungan, pero hindi mo maaaring labagin ang mga prinsipyo. Maraming detalyeng nasasangkot sa pakikitungo sa gayong mga tao ayon sa mga prinsipyo. Ang isa sa mga ito ay na kahit pa malinaw mong nakikita na sila ay mga taong tutol sa katotohanan, na ang diwa ay diwa ng mga diyablo, hindi mo maaaring palaging hanapan sila ng mali o punahin ang maliliit nilang pagkakamali para pungusan sila, o ilantad sila sa bawat pagkakataon. Hindi nila malalaman kung ano ang nangyayari; magiging wala silang kaalam-alam, at hindi nila malalaman kung bakit mo sila pinupungusan at pinupuntirya. Ang paggawa nito ay makakaapekto pa sa paggampan nila ng tungkulin. Kahit pa, sa paningin ng iba, hindi ka nagkakamali sa iyong ginagawa o sinasabi, ang pagkilos sa ganitong paraan ay hindi lamang walang naidudulot na resulta kundi humahantong pa sa masasamang kahihinatnan, at hindi ito umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, anuman ang uri ng taong iyong kinakaharap, dapat mo silang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo at nang walang kinikilingan; huwag kang kumilos batay sa iyong nararamdaman. Ayos lang na gumamit ng kaunting karunungan, pero dapat mo silang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo. Ang pagkilos sa ganitong paraan, sa isang banda, ay sumusunod sa kaayusan at sa mga alituntunin, at mas maliit ang posibilidad na magdulot ng mga paggambala; sa kabilang banda, pinapatunayan din nito na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, na hindi ka nagwawala at gumagawa ng masasamang gawa, at hindi mo sadya o walang ingat na ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa sarili mong mga intensyon. Dapat kang magkaroon ng mga prinsipyo sa pakikitungo sa bawat uri ng tao. Sila man ay mga diyablo, hayop, o tao, dapat mo silang pakitunguhan ayon sa mga prinsipyo. Dapat mong makilatis ang mga uring ito ng tao at maarok ang mga prinsipyo sa pakikitungo sa mga tao. Hindi ka dapat magkaroon ng baluktot na pagkaarok pagdating sa usaping ito, tama ba? (Tama.) Huwag kang gumawa ng anumang bagay na nakakagambala. Kung gagawa ka ng isang bagay na nagdudulot ng mga paggambala o panggugulo, masyado kang hangal; hindi ito ang dapat gawin ng isang tao. Naunawaan ba? (Naunawaan.)

Dati, nagbahagi tayo tungkol sa mga pagpapamalas ng mga diwa ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, na dalawang magkaibang klasipikasyon. Nakatulong ito sa mga tao na makita na bagama’t lahat ng uri ng tao ay may anyong-tao, ang mga pagkakaiba sa kanilang diwa at kanilang klasipikasyon ay makikilatis sa pamamagitan ng magkakaibang saloobin nila sa katotohanan. Anuman ang hitsura ng panlabas na anyo ng isang tao—marahil ang isang tao ay may maayos na mga katangian ng mukha, mukhang napakapino at mabait, o tila edukado, maganda ang pagpapalaki, nagtataglay ng katayuan at kagandahang-asal, at tila may dignidad pa nga, ay napakadakila, hindi isang ordinaryong tao—wala sa mga ito ang batayan para sa paglalarawan ng kanyang diwa. Anuman ang kanyang hitsura, matangkad man siya o maliit, mataba o payat, anuman ang kulay ng kanyang balat, o kung ang buhay man niya ay masagana o maralita, wala sa mga ito ang makakapagpakita kung ano talaga ang kanyang diwa. Ang paglalarawan sa diwa ng isang tao ay hindi maaaring ibatay sa mga pamantayan ng tradisyonal na kultura ng tao o mga kasabihan tungkol sa wastong asal, at hindi rin ito maaaring ibatay sa mga motto o tanyag na kasabihan ng mga kilalang tao na ibinubuod ng mga tao sa buong kasaysayan, o sa mga mapanlihis na pahayag ng mga naghaharing partido. Kung gayon, sa ano ito dapat ibatay? Dapat gamitin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ang katotohanang ipinahayag ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, bilang batayan para husgahan at tukuyin ang diwa ng iba’t ibang uri ng tao. Hinding-hindi dapat husgahan ang mga tao batay sa kanilang panlabas na anyo, kanilang mga kaloob, o sa kaalamang naarok na nila, at lalo namang hindi batay sa katayuan ng isang tao o sa papel na ginagampanan niya sa lipunan at sa gitna ng mga tao. Lahat ng gayong paraan ng paghusga sa mga tao ay mali. Dapat husgahan ang mga tao batay sa mga salita ng Diyos; tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Sa isang banda, dapat itong ibatay sa katotohanan; sa kabilang banda, dapat itong ibatay sa saloobin ng isang tao sa katotohanan at kung kaya ba niyang arukin ang katotohanan. Pinakatumpak na kilatisin ang diwa ng isang tao at tukuyin ang kanyang klasipikasyon batay sa katotohanan. Tiyak na walang magiging pagkakamali.

Ang mga Katangian ng mga Taong Nagreinkarnasyon Mula sa mga Tao

I. Pagtataglay ng Konsensiya at Katwiran

Pagkatapos magbahagi tungkol sa mga pagpapamalas ng dalawang uring iyon ng mga tao—ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo—susunod, dapat tayong magbahagi tungkol sa mga pagpapamalas ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tunay na tao. Dumating na tayo ngayon sa pinakamahalagang bahagi. Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay may ilang partikular na pagpapamalas at katangian para ipakita ito, gayundin ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Kaya, mayroon din bang kaukulang mga pagpapamalas at katangian ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao? (Mayroon.) Tiyak ito. Nabanggit na natin ang ilan sa mga pangunahing pagpapamalas at katangian ng pagkatao na taglay ng mga tunay na tao. Ngayon, magbabahagi tayo tungkol sa mga partikular na pagpapamalas at katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao. Dahil ang klasipikasyon ng ganitong tao ay tao, bago tayo pormal na magbahaginan, isipin muna natin kung ano ang mga pangunahing katangian ng pagiging isang tao. O, sa pamamagitan ng iyong maraming taon ng pakikipag-ugnayan at pakikisalamuha sa mga tao, ano ang mga katangiang naobserbahan mo sa ganitong uri ng tao na may klasipikasyon na tao? Ano ang kanilang mga pagpapamalas? Sige na. (Ang ganitong uri ng tao na may klasipikasyon na tao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran. Halimbawa, kung may nagawa silang mali, o may naagrabyado silang tao, o nakagawa sila ng isang bagay na lumalabag sa katotohanan, nakakaramdam sila ng panunumbat sa kanilang konsensiya.) (Ang ganitong uri ng tao ay nakakaarok ng katotohanan kahit papaano, nagmamahal sa mga positibong bagay, at nasusuklam sa mga negatibong bagay. Ang kanilang konsensiya at katwiran ay matino.) Ang pagkakaroon ng kakayahang arukin ang katotohanan ay isang medyo mataas na pamantayan. Bago nila makaharap ang katotohanan, anong mga katangian ng pagkatao ang taglay ng ganitong uri ng tao? Ano ang mga katangian ng kanilang mga kilos, pananalita, at kung paano sila umasal at kung paano nila pakitunguhan ang mundo? Ano ang mga pagpapamalas at pagpapakita ng normal na pagkatao na ipinapakita nila? Ibig sabihin, kapag sila ay nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha sa mga tao, anong mga pagpapamalas ang ipinapakita nila na nagbibigay-daan sa iba na makita na sila ay mga positibong tao? (Sila ay medyo makatwiran, sila ay mabait, hindi sila gumagawa ng mga bagay na nanloloko o namiminsala sa iba, at wala silang intensyong maminsala ng iba.) Ang naiisip ninyo ay ang mga positibong pagpapamalas na ito na medyo naaayon sa pagkatao, na mga pagpapamalas ng isang mabuting tao sa isipan ng mga tao. Ang pagiging mabait, hindi panloloko o pananakit sa iba, pagtupad sa kanilang sinasabi, pagkaramdam ng responsabilidad, pagkakaroon ng kakayahang makisama nang maayos sa iba, pananabik sa mga positibong bagay at pagkasuklam sa mga negatibong bagay—lahat ng ito ay ilang positibong pagpapamalas ng pagkatao. Mayroon pa ba? (Mayroon ding pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa—ang kakayahang maunawaan ang mga salita ng Diyos.) Ang pagkakaroon ng espirituwal na pang-unawa ay walang kaugnayan sa pagkatao, na kasalukuyan nating tinatalakay. Pangunahin nating pinag-uusapan ang iba’t ibang pananaw ng mga taong may pagkatao sa pangangasiwa sa mga usapin, pati na rin ang mga pagpapamalas ng diwa ng sariling asal at pakikitungo sa iba, ang kanilang mga prinsipyo at pinakamabababang pamantayan pagdating sa kanilang sariling asal at mga kilos, at iba pa. Ang mga positibong pagpapamalas ng pagkatao na kayang makita at matutunan ng mga tao ay iilan lamang. Tila yaong mga nasa sangkatauhan na nakakaunawa kung paano umasal ay talagang bihira. Hindi kataka-taka na marami ang nagsasabing nabigo sila sa kanilang pag-asal. Tingnan ninyo kung paano ginagampanan ng mga aktor sa mga pelikula at palabas sa telebisyon ang mga positibong karakter—pagdating sa pagbubunyag ng isang partikular na pananaw, pagpapamalas, o saloobin sa isang usapin, hindi alam ng mga aktor kung paano iarte o ipahayag ito, at ang kanilang pagkaunawa sa larangang ito ay blangko. Kung hihilingin mo sa kanilang gampanan ang karakter ng isang siga, isang hoodlum, isang pinuno ng mafia, isang kalapating mababa ang lipad, isang mahalay na babae, o isang sikat o dakilang tao, magagawa nilang gampanan ang papel nang napakahusay, inilalarawan ang bawat kilos, bawat salita at gawa, maging ang isang sulyap, ng mga taong ito nang napakalinaw at may lubos na pagiging partikular. Ang ilang manonood, matapos silang makitang gumanap ng isang negatibong papel, ay napagkakamalan pa nga na sila talaga ang masamang tao mula sa palabas, at gugustuhing saktan sila kung sakaling makita sila ng mga ito. Ang ilan ay duduraan pa sila. Tingnan ninyo kung gaano kalinaw nilang ginampanan ang kanilang papel, binigyan talaga nila ng buhay ang masamang taong iyon. Paano naman pagdating sa pagganap bilang isang mabuting tao? Makakakuha ba ng kaunting inspirasyon ang mga tao mula sa kanilang pagganap, para malaman kung paano maging isang taong may pagkatao? Talagang walang ganoong mga aktor. Ang sangkatauhan ay blangko pagdating sa kung paano maging isang taong may pagkatao. Hindi lamang ang mga iskriprayter at direktor ang blangko, kundi blangko rin ang mga manonood—walang nakakaunawa kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pagkatao. At kaya, ito ay ginagampanan nang may lubos na kahungkagan sa mga pelikula at palabas sa telebisyon. Halimbawa, kapag ginagampanan ng isang aktor ang isang miyembro ng Partido Komunista na ipinipikit ang kanyang mga mata bago siya mamatay, sinasabi ng mga manonood, “Tiyak na hindi pa siya patay, hindi pa niya nababayaran ang butaw niya sa partido!” Siyanga naman, wala pang isang segundo, iminumulat niya ang kanyang mga mata, at nanginginig siyang kumukuha ng ilang barya mula sa kanyang bulsa, sinasabing, “Ito ang butaw ko sa partido. Hindi ako maaaring magkautang sa Partido. Makakatiyak ang Partido. Pagdating ko sa kabilang buhay, mananatili pa rin akong tapat sa Partido, nang hindi natitinag, maging hanggang kamatayan!” Saka lamang siya namamatay. Ganito ginagampanan ang isang taong may pagkatao sa mga pelikula at palabas sa telebisyon. Sa mata ng mga manonood, ito ay talagang ganap na hungkag. Ang gayong mga tao ay hindi umiiral sa totoong buhay, at napakahirap para sa mga tao na makamit ito. Samakatwid, sadyang hindi nauunawaan ng sangkatauhan kung ano ang tunay na pagkatao, at napakahirap para sa kanila na tukuyin ang pamantayan nito. Masyadong mataas ang itinakdang pamantayan at ito ay lubos na hungkag, o kung hindi naman ay walang kaalam-alam ang mga tao at itinatakda nila ito nang arbitraryo. Ang totoo, ang pagkataong taglay ng isang tunay na tao ay napakasimple. Gaano kasimple? Ito ay isang bagay na abot-kamay mo, isang bagay na kaya mong makamit. Ano ang ibig sabihin ng abot-kamay mo? Ibig sabihin nito ay ito ay napakapraktikal, napakatotoo, napakaobhetibo, hindi hungkag sa anumang paraan. Dahil ito ay napakaobhetibo at napakapraktikal, ang pakiramdam ng mga tao ay napakaordinaryo nito at hindi karapat-dapat na banggitin man lang, at lalong hindi nila nararamdaman na ang mga pagpapamalas na ito ay kung ano ang dapat ipakita ng sangkatauhan. Itinataguyod ng sangkatauhang ito ang mga bagay na dakila, matayog, at kahanga-hanga. Maraming tao ang hindi lamang hindi nagtataglay ng mga pagpapamalas ng tunay na pagkatao, kundi hinahamak pa ang mga ito dahil ang mga pagpapamalas ng normal na pagkatao ay napakapraktikal, napakaordinaryo, napakakaraniwan, at sa halip, hinahangad at sinasamba nila ang kaalaman. Sa ganitong paraan, isang masamang kalakaran ang nabuo sa buong lipunan, isang kalakaran na hinahamak at minamaliit ang mga pagpapamalas ng isang tunay na tao. Maging ang isang taong tunay na may pagkatao ay hindi nararamdaman na ang pag-asal sa ganitong paraan ay pagiging isang tunay na tao o isang taong may pagkatao. Sa kabaligtaran, hinahangad niyang maging ang mga tinatawag na marangal at di-pangkaraniwang tao na itinataguyod ng masasamang kalakaran ng lipunan. Pinapawalang-saysay at tinatakpan nito ang pagkataong diwa na taglay ng ilang taong may pagkatao. Ano ang ibig sabihin dito ng “tinatakpan”? Ibig sabihin nito ay walang sinumang tumuturing sa iyo na isang taong may pagkatao. Ibig sabihin nito, anuman ang gawin mo, ibubukod ka ng iba at mamaliitin ka nila, at sa gitna ng mga tao ay wala kang lugar para gamitin ang iyong mga talento, walang lugar para sa iyo na magsalita, at walang pagkakataon para sa iyo na gamitin ang iyong mga kalakasan. Ang ibig sabihin ng “pinapawalang-saysay” ay na ang iyong normal na pagkatao ay sadyang hindi karapat-dapat na banggitin sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Ang pagkakaroon ng pagkatao ay hindi isang bagay na kanilang itinataguyod. Ano ang itinataguyod nila? Itinataguyod nila ang pagpapalugod sa karamihan, ang pagiging taong magaling makisama para sa sariling interes, ang pambobola at pagsipsip, at pagsisinungaling at panlilinlang, ang kakayahang sabihin ang anumang bagay gaano man ito nakakasuya sa tamis o salungat sa kanilang tunay na nararamdaman. Wala kang mararating sa lipunang ito kung magsasabi ka ng katotohanan. Gaano man kabuti ang iyong pagkatao, hindi ito itinataguyod ng lipunang ito, at papawalang-saysay ito. Kung magsasalita ka ng ilang positibo, makatarungan, o patas na bagay, o mga salita ng konsensiya, kung magsasalita ka ng ilang makatwirang bagay habang lumalagay ka sa iyong tamang lugar, ibubukod ka nila, papawalang-saysay ka, at mamaliitin ka. Mayroon pa ngang ilan na kukutyain ka, tutuyain ka, hihiyain ka, at pagkatapos ay titipunin ang lahat ng buktot na puwersa at kapangyarihan para atakihin at itakwil ka, na sa huli ay magpaparamdam sa iyo na wala ka nang mukhang maihaharap, na magiging dahilan para ikaw mismo ang magpawalang-saysay sa iyong sarili. Sa huli ay maiisip mo, “Wala akong silbi, hindi ako makaangkop sa mga kalakaran ng lipunan, ni sa mga taong ito. Hindi ako marunong magbalak ng masama, hindi ko kayang bumalangkas ng mga pakana o panlalansi, kaya napakahirap para sa akin na patuloy na mamuhay sa gitna ng mga taong ito.” Nagsisimula mong maramdaman na labis kang mababa, pakiramdam mo ay hindi mo kayang makisama sa mga taong ito. Ang totoo, hindi mo kayang makiayon sa kanilang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, ang kanilang mga metodo at paraan ng pagharap sa mga usapin, at ang kanilang paraan ng pamumuhay. Matapos mapawalang-saysay ng masamang kalakarang ito at ng masasamang taong ito, pinapawalang-saysay mo ang iyong sariling pagkatao, at pagkatapos ay sinusubukan mo ang lahat ng posibleng paraan para umangkop sa kanila, para sundan sila, para makisama sa lipunan, para makisama sa masasamang taong ito, at para makisabay sa masamang kalakarang ito. Sinusubukan mong gayahin kung paano gumagamit ang iba ng mga panlalansi, intriga at pakana, at sinusubukan mo ring gayahin kung paano sila bumibigkas ng mga salita ng pambobola, ng mga salitang nakakasuya sa tamis, at ng mga salitang salungat sa kanilang tunay na mga damdamin. Ngunit gaano mo man subukang gayahin ang mga bagay na ito at gaano man kalaking pagsisikap ang iyong ibuhos, sa kabuuan, nararamdaman mo na hindi ito ang mga salitang gusto mong sabihin o ang mga bagay na gusto mong gawin. Bawat salitang sinasabi mo ay labis na salungat sa iyong tunay na mga damdamin, at bawat bagay na ginagawa mo ay nagdudulot ng panunumbat sa iyong konsensiya; nararamdaman mo na hindi ito ang dapat mong sabihin o gawin. Namumuhay ka nang ganito araw-araw, may suot na maskara. Bagama’t tila sa usapin ng pag-uugali, pananalita, o ilang kaisipan at pananaw ay tila nakisabay ka na sa masamang kalakarang ito at sa tiwaling sangkatauhang ito, sa kaibuturan mo, ikaw ay nasasaktan, nasisikil, at puno ng sama ng loob. Matapos magkaroon ng gayong karanasan sa buhay, nagsisimula kang manabik para sa patas at makatarungang pakikitungo, para sa mga positibong bagay, at para sa liwanag. Kaya, anong mga katangian ng pagkatao ang taglay ng gayong tao na nagpapahintulot sa kanya na magkaroon ng gayong mga damdamin at mga karanasan sa gitna ng ibang tao at masasamang kalakaran? Ang totoo, napakasimple nito: Kapag ang isang tao ay nagtataglay ng pagkataong diwa ng konsensiya at katwiran, magkakaroon siya ng gayong mga karanasan kapag namumuhay siya sa gitna ng mga tao.

Ang konsensiya at katwiran ang dalawang pinakapangunahing bagay na dapat taglayin ng mga may pagkatao. Bagama’t paulit-ulit nang natalakay ang dalawang bagay na ito, napakahalaga ng mga ito para sa mga tao at ang mga ito rin ang pinakamahalagang pamantayan sa pagtatasa kung ang klasipikasyon ba ng isang tao ay tao. Ano ba ang partikular na tinutukoy ng konsensiya? Nasabi Ko na dati na ang konsensiya ay isang pakultad na nalilikha sa puso ng isang tao, at na mayroon itong ilang partikular na hinihingi sa mga tao, at pangunahin itong naipapamalas sa mga prinsipyo ng pag-asal at sa mga pinakamabababang pamantayan ng sariling asal. Sa partikular, ang panuntunan ng isang tao sa kanyang pag-asal, ang kanyang mga prinsipyo sa pag-asal at pakikitungo sa mundo, at ang mga pagbubunyag ng kanyang pagkatao ay makakapagpatunay kung mayroon ba siyang konsensiya o wala. Ngayon lang, nang itanong Ko kung ano ang partikular na tinutukoy ng konsensiya, hindi kayo makasagot. Nakatutok lang kayo sa itinuturing ninyong malalalim na katotohanan, ngunit para sa mga katotohanang tulad nito, pakiramdam ninyo ay masyadong maliit ang mga ito, masyadong ordinaryo, at masyadong hamak para maging karapat-dapat na banggitin, kaya sadyang hindi ninyo pinapansin ang mga ito at hindi ninyo sineseryoso. Kung ang isang tao ay may konsensiya, nangangahulugan ito na ang kanyang pagkatao ay nagtataglay ng dalawang katangian: Ang isa ay pagiging matuwid, at ang isa naman ay kabaitan. Maaaring hindi mo masabi mula sa panlabas na anyo kung ang isang tao ay mabait o hindi, ngunit kung ang isang tao ay mabait ang puso, malalaman mo sa sandaling makisalamuha ka sa kanya. Ano ang batayan sa pagtatasa kung ang isang tao ba ay matuwid? Ito ay ang kanyang mga prinsipyo sa pag-asal at pakikitungo sa mundo. Kung siya ay mapagkanulo, tuso, lihim na mapanira, marunong sa mundo, at mapagpakana at di-matarok sa kanyang pag-asal at pakikitungo sa mundo, kung gayon, ang taong ito ay tiyak na hindi matuwid. Kung ang kanyang paraan ng pag-asal at pakikitungo sa mundo ay napakasimple, napakadirekta, napakatuwiran, kung siya ay napakaprangkang magsalita sa iba, hindi nakikibahagi sa pagiging baliko o panlilinlang kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao, nagsasalita at kumikilos nang walang kasinungalingan—tinatawag na itim ang itim at puti ang puti, napakalinaw na napag-iiba ang gayong mga bagay—kayang kumapit sa mga positibong bagay, at hindi nakikipagkompromiso sa masasamang puwersa, kung gayon ang taong ito ay napakamatuwid. Kung ang isang tao ay kapwa matuwid at mabait, ang taong ito ay may konsensiya, taglay niya ang pinakabatayang katangian ng pagkatao. Ang isa pang katangian ng pagkatao ay katwiran. Ang katwiran ay isa ring termino at paksang madalas nating tinatalakay, ngunit walang sinuman ang kailanman ay malinaw na nagbigay-kahulugan kung ano ang katwiran. Ano ang nasasaklaw sa loob ng katwiran, at anong uri ng mga pagpapamalas ang bumubuo sa mga pagpapamalas ng pagkakaroon ng katwiran—malinaw ba ito sa inyo? Hindi ito gaanong malinaw sa karamihan ng tao; ang kanilang pagkaunawa sa larangang ito ay medyo malabo pa rin. Kaya, ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng katwiran? Nangangahulugan ito ng kakayahang sabihin kung ano ang dapat sabihin at gawin kung ano ang dapat gawin habang pinanghahawakan ang tamang tindig; ito ang pagkakaroon ng katwiran. Kung ikaw ay isang taong may pagkatao, ang iyong pananalita at mga kilos ay magiging maingat. Malalaman mo kung anong mga salita ang dapat mong sabihin, anong mga bagay ang dapat mong gawin, ano ang dapat mong maging paninindigan sa pagsasabi ng mga salitang ito, at anong paraan ng pananalita ang dapat mong gamitin para ipahayag ang isang partikular na usapin, sa loob ng kasalukuyang kapaligiran at batay sa iyong pagkakakilanlan at katayuan. Magkakaroon ka ng mga pamantayan at hangganan sa iyong puso para sa mga bagay na ito. Ibig sabihin, makakayang ituwid ng iyong katwiran ang iyong mga salita at pag-uugali, na gagawing angkop ang iyong mga salita at pag-uugali, upang sa panlabas ay makikita ng iba na ang mga ito ay makatwiran at maingat, na ang iyong pananalita at mga kilos ay tamang-tama at may kakayahang magpatibay sa mga tao. Lubos man na angkop o hindi sa iyong kakayahan, antas ng edukasyon, o edad ang mga salitang sinasabi mo at ang mga bagay na ginagawa mo, sa pinakamababa, magkakaroon ka ng mga hangganan sa iyong puso, ng isang pamantayang pumipigil sa iyo, na nagtutulot sa iyong magsalita at kumilos sa isang makatwirang kalagayan. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng katwiran. Kahit sino pa ang kaharapin ng isang taong may katwiran—mayaman man o mahirap, o may katayuan man o wala—sa anumang sitwasyon, ang kanyang pananalita at mga kilos ay hindi nalilimitahan ng kung maganda ba o masama ang lagay ng kanyang kalooban, at hindi rin niya isinasaalang-alang kung ang isang usapin ay kapaki-pakinabang sa kanya o hindi; palagi siyang may pagpipigil sa kanyang puso, may isang pamantayan o hangganan na kumokontrol sa kanya. Hindi siya sadyang nagsasabi ng mga baluktot na argumento, ni magiging mapanggulo nang walang katwiran. Kahit pa minsan ay galit siya at labis na nag-aalab ang loob, at ang kanyang pagpili ng mga salita ay hindi gaanong angkop, ang mga bagay na sinasabi niya ay hindi bumubuo ng mga baluktot na argumento o mga maling kaisipan; sa halip, ang mga ito ay katanggap-tanggap at lohikal. Ano ang ibig sabihin ng “lohikal”? Nangangahulugan ito na kahit pa ang sinasabi niya ay hindi tiyak na umaayon sa katotohanan, sa paningin ng karamihan sa mga tao, ang “pangangatwiran” na ito ay lohikal; kinikilala ito ng karamihan bilang isang bagay na wasto, at walang tumututol dito. Ang gayong tao ay isang taong may katwiran.

Ang dalawang aspektong ito, ang konsensiya at katwiran, ay kapwa naipaliwanag na nang malinaw. Ang mga pangunahing pagpapamalas ng pagkakaroon ng pagkatao ay ang dalawang ito: Ang isa ay ang pagkakaroon ng konsensiya, at ang isa naman ay ang pagkakaroon ng katwiran. Sabihin ninyo sa Akin, ang dalawang aspektong ito ba ay hungkag o hindi? (Hindi.) Hindi ba’t napakatotoo ng mga ito? (Oo.) Napakatotoo ng mga ito, at hindi hungkag. Kung gayon, bakit hindi ito itinataguyod ng sangkatauhan? Dahil ang isang taong may konsensiya ay nagtataglay ng pagiging matuwid at kabaitan, at ang mga taong matuwid at mabait, sa gitna ng masasamang kalakaran at sa gitna ng masama at tiwaling sangkatauhan, ay itinuturing na kasuklam-suklam, at na lubhang hamak, minamaliit ng lahat. Kung ikaw ay isang taong matuwid at mabait, uusisain ka pa nga nila: “Ano ang silbi ng pagiging matuwid at mabait mo? May kaalaman ka ba? May katayuan ka ba sa lipunan? May katanyagan o kapangyarihan ka ba sa lipunan?” Sasabihin mo, “Wala akong katanyagan o kapangyarihan; medyo matuwid at mabait lang akong tao.” Pagtatawanan ka at itataboy ka ng lahat ng tao. Sa kanilang paningin, ang pagkakaroon mo ng konsensiya, at ang pagiging matuwid at mabait mo ay hindi puhunan—kung walang kaalaman, katayuan at katanyagan, o kapangyarihan, wala kang mararating sa lipunan. Sinasabi nila, “May konsensiya ka, pero magkano ang halaga ng konsensiya? Ano ang magagawa mo? Kaya mo bang gumamit ng intriga at mga pakana, o manlinlang ng mga tao? Kaya mo bang kunin ang loob ng mga tao at bilhin ang kanilang pabor?” Hindi mo kayang gawin ang alinman sa mga ito. Kung nagtataglay ka ng konsensiya, kung nagtataglay ka ng pagiging matuwid at kabaitan—ang dalawang aspektong ito ng pagkatao—kung gayon ay hindi ka magiging interesado sa mga bagay na matatagpuan sa masasamang kalakaran ng lipunan, hindi mo susundin ang mga kalakarang ito, kaya wala kang mararating sa lipunan at isasantabi ka ng mga tao. Bakit ka nila isasantabi? Dahil karamihan sa mga tao ay sinasamba ang masasamang kalakaran, at ang masasamang kalakaran ay naging dominanteng kalakaran na sa lipunan—kung kikilos ka ayon sa iyong konsensiya at pangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay nang walang kinikilingan sa lahat ng usapin, ituturing ka ng iba bilang hindi nababagay at isasantabi ka nila. Kung, sa iglesia, makasasandig ka sa iyong konsensiya at makakakapit sa mga katotohanang prinsipyo sa iyong pananalita at mga kilos, at maglalakas-loob ka na ilantad at himayin ang masasamang tao, ang mga sa mga diyablo ay mawawalan ng matatag na posisyon at mabubunyag; ang kanilang mga intriga at pakana, gayundin ang kanilang satanikong kalikasan na namumuhi sa katotohanan, ay lubusang malalantad. Samakatwid, ang mga taong ito na sa mga diyablo ay partikular na natatakot na magkaroon sa iglesia ng mga taong kumakapit sa mga katotohanang prinsipyo. Sa tuwing nakikita nila ang sinumang nakakaunawa sa katotohanan, isinasantabi at sinusupil nila ang mga ito, dahil takot na takot sila na ang mga nakakaunawa sa katotohanan ay titindig para ilantad sila, na hahantong sa kanilang pagkakabunyag at pagkakatiwalag. Sila ay itinutulak ng kanilang satanikong kalikasan na kumilos sa ganitong paraan. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga sa mga diyablo ay hindi makapaninindigan, dahil mismo sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan, ang Diyos ang may hawak ng kapangyarihan. Ngunit iba sa mundong walang pananampalataya. Dahil ang ateismo at masasamang kalakaran ang nangingibabaw sa mundong ito, ang mga taong may pagkatao ay hindi makahanap ng kanilang katayuan sa gitna ng masasamang kalakaran at sa gitna ng masama at tiwaling sangkatauhan. Samantala, ang mga walang awa sa kanilang mga taktika, lihim na mapanira, at tuso ay kadalasang mga lider, mga natatangi, ang tinatawag na mga nakatataas sa gitna ng mga tao. Ang isang taong may pagkatao, anuman ang kanyang kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, o mga talento, ay isinasantabi at walang pagkakataong umangat. Hangga’t nagsasalita siya ng ilang patas na salita o nangangasiwa sa mga usapin nang walang kinikilingan, pahihirapan siya ng masasamang tao at mga diyablong iyon. Samakatwid, ang masamang sangkatauhang ito, na sa mga diyablo, ay binabalewala ang konsensiya; tanging ang mga may pagkatao ang nagtataglay ng konsensiya. Tungkol naman sa katwiran, ang pagpapamalas ng pagkakaroon ng katwiran ay na anuman ang mangyari sa isang tao, kaya niya itong tratuhin nang makatwiran, kaya niyang magsalita at kumilos nang makatarungan, hindi siya kikilos ayon sa kanyang mga damdamin o sa kanyang katanyagan o katayuan, at hindi niya pipilitin o lilimitahan ang iba. Kaya niyang tratuhin ang isang usapin nang makatwiran: Kung ito ay wasto, ito ay wasto; kung ito ay di-wasto, ito ay di-wasto; kung ito ay tama, ito ay tama; kung ito ay mali, ito ay mali. Tinatasa niya ang mga bagay-bagay nang walang kinikilingan at ginagawa ang mga bagay-bagay nang makatarungan, ayon sa mga prinsipyo, at hindi niya nilalampasan ang mga moral na hangganan ng pagkatao. Ito ang pagpapamalas ng pagkakaroon ng katwiran. Ang dalawang bagay na ito, ang konsensiya at katwiran, ay hindi umuubra sa lipunan, lalo na sa masasamang bansa at sa gitna ng masasamang kalakaran, kung saan lalo pa itong hindi umuubra at hindi mapanghahawakan. Gayumpaman, ang konsensiya at katwiran ay mismong ang dalawang pangunahing katangian na taglay ng normal na pagkatao, at ang mga ito rin ay mga katangiang dapat taglayin ng sangkatauhan. Kapag taglay mo ang dalawang katangiang ito, saka ka lang isang tunay na tao. Kung ikaw ay isang taong may konsensiya at pagkatao, kung gayon sa isang banda, magiging napakamaprinsipyo mo sa iyong pag-asal at magagawa mong tratuhin ang mga tao sa medyo makatarungang paraan. Anuman ang iyong relasyon sa isang tao, o kung nasaktan ka man niya, kaya mo siyang tratuhin nang wasto at tasahin nang obhetibo. Ito ang pagiging matuwid, na isang katangian ng pagkatao. Dagdag pa rito, kung nagtataglay ka ng kabaitan, na isa pang katangian ng pagkatao, magkakaroon ka ng isang partikular na hangganan kapag nakikitungo ka sa mga tao o gumagawa ng mga bagay-bagay, na makakapigil sa iyong magsalita o kumilos laban sa iyong konsensiya. Halimbawa, ang masasamang tao ay palaging nagsasalita ng mga baluktot na salita at naglilitanya ng mga baluktot na argumento, pinagbabaliktad ang itim at puti, at binabaluktot ang mga katunayan. Nagtatanim sila ng sama ng loob at sumusubok na mag-isip ng bawat paraan upang makahanap ng mga pagkakataong pahirapan at gantihan ang sinumang nakakapinsala sa kanila o sinumang nakasakit o pumuntirya sa kanila. Ngunit para sa isang taong may pagkatao, dahil nagtataglay siya ng pagiging matuwid at kabaitan, na bahagi ng konsensiya, kahit pa may isang taong nanakit o nandaya sa kanya, at gusto niyang bumawi at maghiganti, at maaaring magsabi siya ng isang bagay na masakit tulad ng, “Galit na galit ako sa kanya!” sa mga sandali ng pagiging mainitin ng ulo, kapag nabigyan ng isang tunay na pagkakataon para sa paghihiganti, lumalambot ang kanyang puso, at siya ay nagpapaubaya; hindi niya kayang gawin ito, hindi ito maatim ng kanyang kalooban. At pagtagal-tagal, hindi na niya kayang damhin ang pagkamuhing iyon. Ganito ang isang taong mabait. Kung may isang taong nanloko o nanakit sa iyo, at mayroon kang pagkakataon para sa paghihiganti, isang pagkakataong makita ang iyong kaaway na magdusa ng kaparusahan at ganti, magagawa mo bang kumilos at gumawa ng mga bagay upang gantihan siya? Kapag nakakaramdam ka ng galit, maaaring masabi mo, “Tiyak na gagantihan ko siya! Siya ay ubod ng sama at walang awa!” Ngunit kapag dumating talaga ang isang pagkakataon para sa paghihiganti, hindi mo kayang gawin ito. Sasabihin mo, “Hindi bale na, matagal na iyon. Hanggang doon na lang iyon.” Hindi mo ito uusigin nang walang katapusan, at hindi mo rin igigiit na makita ang iyong kaaway na magdusa ng kaparusahan o ng kung anong masamang wakas. Hindi ka mamumuhay nang palaging may pagkamuhi sa iyong puso; pagtagal-tagal, mawawala ang pagkamuhi. Ito ang pagpapamalas ng pagkakaroon ng mabait na puso. Ang kabaitan ay isang katangiang pagpapamalas ng isang taong may konsensiya, at isa ring katangian ng pagkakaroon ng klasipikasyon bilang isang tao. Siyempre, sa paningin ng ilan, ang kabaitan ay isang kahinaan. Maaaring isipin pa nga ng ilang walang pananampalataya na ikaw ay walang gulugod at udyukan ka pa, sinasabi nila, “Kailangan mong maging walang awa at manhid ang puso. Kapag dumating ang isang pagkakataon para sa paghihiganti, dapat ay ngipin sa ngipin, ikaw mismo ang sumupil sa kanila, at patayin mo ang iyong kaaway gamit ang iyong sariling mga kamay.” Ngunit pinagbubulayan mo, “Kung papatayin ko ang aking kaaway gamit ang aking sariling mga kamay, hindi ba’t gagawa ako ng masama? Na nabubuhay sila ay hindi nakakaapekto sa akin; may isang bagay lang silang ginawa na sumobra na at nakasakit sa akin, ngunit iyon ay nakaraan na.” Sa paglipas ng panahon, matutuklasan mo na hindi mo na sila kinamumuhian. Sinasabi ng ilang tao na ikaw ay masyadong duwag, hindi sapat ang pagiging walang awa. Ikaw mismo ay nagtataka rin dito: “Bakit hindi ko magawang maging walang awa? Bakit palagi akong maluwag sa aking mga kaaway at hindi ko kayang magtanim ng sama ng loob?” Sa paningin ng ilan, ang pagkakaroon ng mabait na puso ay isang kahinaan ng pagkatao. Ngunit sa realidad, ito ay isang katangian ng pagkatao, tama ba? (Oo.)