Paano Hangarin ang Katotohanan (15) Ikalimang Bahagi

C. Pagtatangkang Palitan ang Katotohanan

Ang mga taong may masamang diwa ni Satanas ay nagtataglay ng mga disposisyong partikular na mapaminsala. Hindi lang sila nagpapakita ng pagkamapanlaban sa katotohanan at umaatake sa katotohanan, kundi gusto rin nilang gamitin ang sarili nilang mga maling pananampalataya at maling kaisipan para ipalit sa katotohanan. Ang pangunahin nilang pagpapamalas ay na kinamumuhian at inaatake nila ang sinumang pumupungos o naglalantad sa kanila, at pinahihirapan nila ang mga ito. Napakasama ng disposisyong diwang ito, mas malupit pa kaysa sa disposisyon ng anumang mabangis na hayop. Bagama’t may mababangis na disposisyon ang mga tigre at leon, kapag hindi sila gutom o kapag hindi ka banta sa kanila, binabalewala ka nila at ayaw ka nilang saktan. Pero iba ang mga diyablo. Kahit na balewalain mo sila, basta’t banta ka sa katayuan nila, hindi ka nila palalampasin; sila ang unang aatake sa iyo—lalo na kung ilalantad at pupungusan mo sila. Hindi lang nila hindi kailanman tinatanggap ang mapungusan, kundi tumatanggi rin silang makinig sa anumang mga tamang kasabihan o mungkahi. Sa halip, nag-iisip sila ng iba’t ibang paraan para gantihan ang kabilang panig upang gawing tagumpay ang pagkatalo, nagkakamit ng kalamangan sa bawat pakikibaka at paligsahan, ginagawang inisyatiba ang pagiging pasibo. Ipagpalagay mong may makita kang isang tao sa iglesia na hindi sumusunod sa mga panuntunan, hindi nagagapos ng anumang mga pagpipigil, hindi matanggap na mapuna o masalungat ng sinuman, hindi tumatanggap kapag may nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, lumalaban at nakikipagtalo kapag pinupungusan, at kinamumuhian at inaatake ang sinumang naglalantad sa kanya—isa itong diyablo. May ilang taong nagkakamali nang kaunti sa gawain nila, at bago pa man sila punahin o ilantad ng iba para sa anuman, inuunahan na nila ang pag-atake, iniisip ang lahat ng paraan para makahanap ng mga dahilan upang bigyang-katwiran at ipagtanggol ang sarili nila, sinasabing may mga dahilan at paliwanag sa hindi nila maayos na gawain at may isang taong nanabotahe rito, sinusubukan ang lahat ng paraan para ipasa ang responsabilidad sa iba at linisin ang sarili nilang pangalan. Talagang sensitibo sila sa tuwing may sinumang nakikipagbahaginan at humihimay sa sarili niyang tiwaling disposisyon, naniniwalang tungkol talaga ito sa kanila, at sinusubukan nila ang lahat ng paraan para protektahan ang kanilang ego at pagtakpan ang mga pagkakamali nila, hinuhusgahan at kinokondena pa nga ang mga nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan. Hinding-hindi kailanman aaminin ng gayong mga tao ang mga pagkakamali nila o magninilay sa sarili, lalo namang hindi sila magsisisi. Sa halip, nag-iisip sila ng lahat ng paraan para magbalatkayo, para maging mga perpektong tao at mga indibidwal na walang kapintasan sa paningin ng iba, mga taong sa tingin ng iba ay hindi kailanman nagkakamali. Mali man ang masabi nilang isang parirala, mali man ang magamit nilang isang termino, o magkaroon man ng ilang paglihis o kapintasan sa gawain nila, o maglantad man ng ilang tiwaling disposisyon at intensyon na natuklasan ng iba, pakiramdam nila ay isa itong masamang pahiwatig, na para bang may isang teribleng bagay na malapit nang mangyari, na nakataya ang buhay nila, o na magugunaw na ang mundo. Pagkatapos ay nag-iisip sila ng iba’t ibang paraan para bigyang-katwiran at ipagtanggol ang sarili nila; ito ang likas nilang reaksiyon. Gumagawa pa nga sila ng ilang pagkukunwari, nagsasabi ng mga bagay na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, mga salitang nakakakuha sa loob ng mga tao, para linlangin ang mga nasa paligid nila. Talagang takot silang malaman ng mga tao ang tunay nilang kulay, ang mga depekto at kapintasan nila, at talagang takot silang malantad ang tunay nilang sitwasyon. Hindi nila kailanman inaamin na mahina ang kakayahan nila o na may mga problema sila sa kanilang pagkatao, at siyempre, lalong hindi nila inaamin ang mga pagkakamaling nagawa nila o ang mga tiwaling disposisyong ibinunyag nila. Mahigpit nilang ibinabalot ang kanilang sarili, tinitiyak na walang anumang makakalusot. Ang layon nila ay protektahan ang kanilang katayuan at reputasyon, na panatilihin magpakailanman ang isang maluwalhati at walang kapintasang imahe sa puso ng mga tao, ipinaiisip sa mga tao na wala silang mga depekto sa kanilang pagkatao, na minamahal at hinahangad nila ang katotohanan, na kaya nilang isagawa ang katotohanan, na kaya nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga, at na wala silang anumang mga tiwaling disposisyon. Ang gayong mga tao ay mga diyablo, hindi mga tao. Sadyang hindi tinatanggap ng mga diyablo ang katotohanan, at nag-iisip pa nga sila ng lahat ng paraan para magbalatkayo bilang ang mismong pagsasakatawan ng katotohanan, ang pinakalarawan ng isang perpektong imahe. Ito ay kapwa lihis at masama, hindi ba? Gaano man karaming taon na silang nananampalataya sa Diyos, palagi nilang ipiniprisinta ang sarili nila bilang mga perpektong tao, walang mga depekto. Kahit na mayroon silang pagkanegatibo, kahinaan, o mga kuru-kuro, hindi sila kailanman naglalakas-loob na ilantad ang mga ito, ibinabalot lang nila ang mga ito. Sa sandaling may isang taong maglantad sa kanila, kinamumuhian nila ang taong iyon at nag-iisip sila ng iba’t ibang paraan para pahirapan ito, habang kasabay nito ay gumagamit ng iba’t ibang metodo at paraan para ibalik ang kanilang imahe. Halimbawa, palaging ipinagtatanggol ng ilang tao ang sarili nila, nagsasalita ng ilang mapanlihis na maladiyablong salita, at sadyang ginagawang puti ang itim at nililito ang tama sa mali, para ilihis ang ilang taong walang pagkilatis, sa gayon ay binabago ang pananaw ng mga tao sa kanila at ipinasusuring-muli sa mga tao ang paglalarawan sa kanila. Ang gayong mga tao ay mga tunay na diyablo, na walang katiting na pagkatao. Gaano man kahusay umarte ang mga diyablo, anuman ang mga pananaw nila sa iba’t ibang usapin, sa madaling salita, dahil mayroon silang masamang kalikasan, magiging mapanlaban sila sa katotohanan. Ibig sabihin, mula sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan o mga positibong bagay. Hindi sila nakikinig sa mga salita ng Diyos o tumatanggap sa mga salita ng Diyos; ang kalikasang diwa nila ay ang kamuhian ang Diyos. Anuman ang sabihin ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkasuklam. Marahil ay hindi mo matutuklasan ang pagkasuklam nila; sa panlabas, dumadalo rin sila sa mga pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at hindi sila nagpapakita ng saloobin ng pagkamapanlaban sa bawat katotohanan. Ngunit kapag may nangyayaring hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro o may kinalaman sa kanilang mga interes, hinuhusgahan nila ang Diyos, ang sambahayan ng Diyos, at ang katotohanan, hinuhusgahan at inaatake nila ang mga naghahangad sa katotohanan, at hinuhusgahan nila ang anumang positibong bagay—ilalantad nila ang kanilang masamang kalikasan. Sa panahong ito, matutuklasan mo na ang pahayag nilang handa silang tanggapin ang katotohanan ay pawang pagkukunwari; sa kaibuturan ng kanilang puso, nasusuklam at nasusuya sila sa katotohanan, at hindi nila ito tinatanggap kahit kaunti. Ngunit dahil magaling silang magbalatkayo, nililinlang nila ang ilang tao, tulad lang ng mga Pariseo.

Ang mga nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo ay walang ibang taglay kundi pagkamapanlaban, paghusga, at pag-atake sa katotohanan; dahil sa gayong pag-iisip, imposible para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Pagdating sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, basta lang nila itong binabasa nang malakas para marinig ng iba at pagkatapos ay itinuturing na tapos na. Kapag oras na para gawin ang aktuwal na gawain, kahit kaunti ay hindi sila nagsasagawa ayon sa mga prinsipyong hinihingi sa mga pagsasaayos ng gawain, bagkus ay kumikilos sila ayon sa sarili nilang kalooban, sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Tanging ang mga pagsasaayos ng gawaing iyon na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan at reputasyon ang ipatutupad nila; kung hindi kapaki-pakinabang sa kanilang kasikatan, pakinabang, at katayuan ang mga pagsasaayos ng gawain, hindi nila ipatutupad ang mga ito, kahit pa may kakayahan silang gawin ito. Bakit ganito? Dahil sa sandaling maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, malalaman ng mga tao na ang sambahayan ng Diyos ang gumawa nito at magpapasalamat lang sila sa Diyos, hindi sa kanila; mararamdaman ng mga tao na mahal ng Diyos ang tao at hindi nila mararamdaman na mayroon silang anumang merito, na nangangahulugang hindi sila magkakamit ng reputasyon, katayuan, o anumang mga pakinabang. Isa itong dahilan. Ang isa pang dahilan ay dahil may kalikasan ang mga diyablo na mapanlaban sa katotohanan, hindi sila gagawa ng anuman ayon sa mga katotohanang prinsipyo, bagkus ay kikilos sila ayon sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at instinto. Ano ba ang mga instinto ni Satanas? Ang gumawa ng kasamaan at labanan ang Diyos, ang gambalain ang gawain ng Diyos, at ang ilayo ang mga tao sa Diyos, ipagkanulo ang Diyos, at sa halip ay sambahin ito. Ang layunin ni Satanas sa pagpunta sa iglesia ay ang guluhin at wasakin ang gawain ng iglesia. Gagawin nito ang anumang makapagdudulot ng kaguluhan at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kahit na hindi ito magdulot ng pakinabang sa katayuan o reputasyon nito, hangga’t makapagdudulot ito ng paggambala, panggugulo, at pinsala sa gawain ng iglesia, nakamit na nito ang layon nito. Halimbawa, hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga iglesia sa lahat ng lokalidad na tumpak at makatotohanang iulat ang bilang ng mga taong nakamit sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo bawat buwan. Magagawa ba nila ito sa paraang walang panlilinlang? Hindi, mag-iisip sila ng lahat ng paraan para manlinlang at mag-ulat ng mga huwad na bilang, mag-uulat ng dagdag na isandaang tao sa buwang ito, dagdag na dalawandaan sa susunod na buwan, at kung walang sinumang makakatuklas nito, mag-uulat sila ng dagdag na ilang daan pa. Hindi sila kailanman nagsasagawa ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, at anuman ang mga problemang makaharap nila ay hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo; wala silang mga moral na hangganan sa kung paano sila umasal o kumilos. Sila ay mga diyablo. Paano man ibahagi ang katotohanan, hindi nila ito tatanggapin. Ang kanilang konsensiya ay walang pakiramdam; sila ay mga walang konsensiyang nilalang. Itinatakda ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos ang mga prinsipyo para sa pamamahagi ng mga aklat ng mga salita ng Diyos—kung sino ang dapat tumanggap ng mga ito at kung sino ang hindi. Kaya ba nilang kumilos ayon sa mga prinsipyong ito? (Hindi.) Itinatakda ng mga pagsasaayos ng gawain kung gaano karaming tao ang kailangan para magtatag ng isang iglesia, kung gaano karaming iglesia ang bumubuo ng isang distrito, kung gaano karaming distrito ang maaaring bumuo ng isang rehiyon, at kung ano ang mga kondisyon at prinsipyo para sa pagtatatag ng mga lider sa lahat ng antas. Kaya ba nilang magsagawa ayon sa mga prinsipyong ito? (Hindi.) Hindi sila gagawa ng anumang gawaing kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos o sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Iniisip nila, “Kung gagawin ko nang maayos ang gawain para sa iyo, at lalago sa buhay ang mga kapatid at magkakaroon ng pagkilatis sa akin, makakapanatili pa ba ako sa aking posisyon at mapapanatili ko pa ba ang katayuan ko? Tiyak na hindi ko papagurin ang sarili ko para sa iyo! Basta-basta ko na lang gagawin ang mga bagay-bagay. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos na limampung tao ang bumuo ng isang iglesia, pero igigiit ko ang walumpu o siyamnapu. Para naman sa kung paano inihahalal ang mga lider ng iglesia, nakadepende iyan sa kung anong pagsasagawa ang kapaki-pakinabang sa akin. Kung hindi ko gusto ang nahalal na lider ng iglesia, magtatalaga ako ng isang taong nakikinig sa akin at sumusunod sa akin.” Sa ganitong paraan ng paggawa nila, posible bang lumitaw ang normal na buhay iglesia? Aabutin ito nang napakatagal. Kung walang normal na buhay iglesia, mabilis bang lalago sa buhay pagpasok ang mga kapatid? Mabilis bang makakapagpatatag ng pundasyon ang mga bagong mananampalataya? (Hindi.) Ibig sabihin, ang mga huwad na lider at anticristong ito na mga diyablo ay hindi gagawa ng anumang gawaing kapaki-pakinabang sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Nakikita mo silang abalang-abala at napakasigla, pero ano ba ang ginagawa nila? Gumagawa lang sila ng mga bagay para sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ginagawa nila ang anumang gusto nila basta’t ito ay kapaki-pakinabang sa kanila, binibigyan ang sarili nila ng ganap na kalayaang gawin ang anumang gusto nila. Anumang mga ambisyon at pagnanais ang mayroon sila, isasakatuparan nila ang mga ito nang lubos kapag nakakuha na sila ng kapangyarihan; hinding-hindi nila palalampasin ang pagkakataong ito. Para naman sa buhay iglesia, sa buhay pagpasok ng mga kapatid, sa kaayusan ng iglesia, at kung umuusad ba o maayos na umuusad ang gawain ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos at ang gawain sa ibang mga larangan—wala sa mga ito ang kanilang inaalala. Halimbawa, kung sasabihan sila kung paano dapat mamahagi ng mga aklat ang isang iglesia at kung kanino, pag-iisipan nila, “Hindi kailangang maging napakahigpit. Basta ko na lang ipapamahagi ang mga ito kahit paano at iyon na iyon.” Kapag tinanong kung ligtas ba ang lugar kung saan nag-iimbak ng mga aklat ang iglesia, sasabihin nila, “Wala akong pakialam kung ligtas ito o hindi. Ano’t anuman, mayroon tayong lugar para pag-imbakan ng mga aklat, kaya ayos na.” Nakikita mo, mayroon silang mga kontra-hakbang sa mga polisiya ng nakatataas. Hindi nila ipinatutupad ang anuman sa mga pagsasaayos ng gawain o mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa mula sa sambahayan ng Diyos; sa halip, kumikilos sila ayon sa sarili nilang mga ideya at pamamaraan. Hindi ba’t pagtatangka itong palitan ang katotohanan ng sarili nilang mga pagsasagawa? Kung mapapasakamay ng gayong mga diyablo ang hinirang na mga tao ng Diyos, magdurusa sila—gagawin ng mga diyablo ang anumang gusto nila, at kailangang makinig sa kanila ang lahat, na para bang sila ay mga pinunong bandido, mga hari-harian sa kanilang lugar, mga amo, o mga emperador. Magiging imposible para sa hinirang na mga tao ng Diyos na magkaroon ng normal na buhay iglesia, magiging imposible para sa kanila na mabilis na makapagtatag ng pundasyon sa tunay na daan, at magiging imposible para sa kanila na mabilis na umusad sa iba’t ibang katotohanan. Hindi gagawa ng kahit isang mabuting bagay ang mga diyablo. Saanman makaranas ang isang iglesia ng mga panggugulo mula sa masasamang tao at mga anticristo, at lumitaw ang isang kalagayan ng kaguluhan, pinatutunayan nito na walang kakayahan ang mga lider ng iglesiang iyon na gumawa ng aktuwal na gawain at sila ay mga tau-tauhan lang. Ang mga kapatid na bago sa pananalig ay inililihis ng mga anticristo bago pa man sila makapagtatag ng pundasyon, at ang buhay iglesia ay nasasadlak din sa kaguluhan. Ang lahat ng ito ay idinulot ng mga huwad na lider na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain. Maaari kayang walang panahon ang mga huwad na lider para gumawa ng aktuwal na gawain? (Hindi.) Kung gugustuhin nilang gawin ang mahalagang gawaing ito, magkakaroon sila ng higit pa sa sapat na panahon, pero sadyang hindi nila ito ginagawa. Inilalantad nito ang masamang kalikasan ng mga diyablo. Wala silang ibang higit na kinatatakutan kundi ang hindi maging magulo ang iglesia, ninanais na maging ganap itong magulo, hinahangad na ang gawain ng iglesia ay mapunta sa isang kalagayan ng kaguluhan at pagtigil, umaasang susunod ang lahat ng miyembro ng iglesia sa masasamang tao at mga anticristo, at malilihis ng mga anticristo, masasamang tao, at mga diyablo, at hindi susunod sa Diyos. Ito mismo ang gusto nila, at magiging masaya at kontento sila. Kapag ang mga kapatid ay may normal na buhay iglesia, normal na nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos at nakakapagbahaginan tungkol sa katotohanan, at may natatamo sila sa tuwing nakikilahok sila sa buhay iglesia, hindi sila komportable. Dahil kung palaging may natatamo ang mga tao at unti-unting lumalago ang mga ito sa buhay, magkakaroon ang mga ito ng pagkilatis sa kanila at itatakwil sila, at mawawala ang kanilang katayuan, na isang kalalabasang ayaw nilang makita. Pakiramdam nila, habang mas nagiging magulo ang iglesia, mas marami silang pagkakataon na ipakita ang kanilang mga talento, mas marami silang puwang para gamitin ang kanilang mga talento, at mas nasa kanilang elemento sila at naghahanap ng tagumpay sa gitna ng kaguluhan. Tunay na ito ang pakana ng mga diyablo! Walang katotohanang prinsipyo at walang partikular na pagsasaayos ng gawain ang maipapatupad kung saan naroroon ang mga diyablo. Hindi nababasa ng mga kapatid ang mga pagsasaayos ng gawain at wala silang landas sa paggampan ng kanilang tungkulin. Kapag lumilitaw ang kaguluhan sa iglesia, sadyang hindi ito nilulutas ng mga huwad na lider at anticristong ito na mga diyablo, at lihim pa nga silang nagagalak. Nag-iisip pa nga sila ng lahat ng paraan para lumikha ng gulo, nagtatalaga ng isa pang diyablo o anticristo bilang isang lider, na nagiging sanhi para lalo pang maging magulo ang iglesia; lalo pa nilang ikinasisiya ito. Hindi ba’t pareho ito sa kung paano gumagawa ng mga bagay ang malaking pulang dragon? Hindi pinapayagan ng malaking pulang dragon ang mga tao na manampalataya sa Diyos, sumunod sa Diyos, o gampanan ang kanilang tungkulin; pinapayagan lang nito ang mga tao na makinig sa Partido at sumunod sa Partido. Puwede silang kumain, uminom, magsaya, at gumawa ng anumang krimen; anuman ang krimeng gawin nila, hindi sila nililimitahan nito. Maraming lokal na siga, basagulero, at mga kalapating mababa ang lipad sa lipunan; namumuhay ang mga tao sa kasalanan at nagpapasasa sa mga kaluguran ng kasalanan, at sa gayon ay walang sinumang nagmamalasakit sa mga pambansang usapin, at walang sinumang nagsisiyasat kung gaano karaming kasamaan ang nagawa ng CCP kapag walang nakatingin. Ito ay tinatawag na paglilihis ng atensiyon. Sa maraming taon ng pamumuno nito sa Tsina, ang pinakamabisang taktika para sa malaking pulang dragon ay ang ipakilala sa Tsina ang iba’t ibang masasamang kalakaran at masasamang kaisipan at pananaw mula sa iba’t ibang bansa. Pagkatapos nito, ang mga Tsino ay ganap na naging liberal pagdating sa pakikipagtalik, bukas ang kanilang isipan, at bukas din ang paraan ng pagsasalita nila tungkol sa pakikipagtalik. Iniisip nila ang mga bagay na ito buong araw. Ano na ang nangyari sa buhay ng mga karaniwang tao? Umiikot ito sa pagkain at pakikipagtalik, sa kanilang mga likas na pagnanasa. Lahat ng karaniwang tao ay nabibitag sa gayong malupit na siklo, kaya nagiging maluwag sila sa kanilang pagbabantay sa politika at mga pinuno, wala silang pagkasensitibo tungkol sa politika at mga pinuno, at hindi na sila nagmamalasakit sa mga ito. Tulad ng mga lulong sa opyo, humihina ang lakas ng kanilang kalooban. Wala nang ambisyon ang mga lalaki na maghangad ng mga propesyon, at hindi na ninanais ng mga babae na maging mabubuting asawa at mga mapagmahal na ina. Hindi tinatahak ng mga tao ang tamang landas o ginagawa ang mga nararapat na gawain. Walang sinumang nakikilahok sa politika, at lahat ay ganap na sunud-sunuran sa malaking pulang dragon. Sa ganitong paraan, napatitibay ang rehimen ng malaking pulang dragon, dahil madaling pamunuan ang gayong mga tao. Ano ang ibig sabihin ng “madaling pamunuan”? Ang ibig sabihin nito ay gaano man apihin ng malaking pulang dragon ang mga karaniwang tao, wala silang mga pagtutol at kailangan nilang tiisin ito. Hindi ba’t ito mismo ang epektong nakamit ngayon? (Oo.) Tingnan ninyo ang mga pelikulang Tsino o mga online video; walumpu hanggang siyamnapung porsiyento ng mga ito ay tungkol sa seksuwal na pagnanasa o mga relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae. Mayroon itong teribleng epekto sa mga tao; hindi nito pinoprotektahan ang mga bata at menor de edad. Mayroong mahihigpit na regulasyon ang mga taga-Kanluran sa bagay na ito; pinoprotektahan nila ang mga bata at menor de edad at mayroon silang mga hakbang sa pag-iwas para sa mga ito. Ang mga kabataang Tsino ngayon ay lumalaki sa gayong kapaligirang panlipunan. Sa napakabatang edad, ang kanilang isipan ay punong-puno ng mga bagay tulad ng romansa, pag-ibig, pakikipagtalik, at pag-aasawa. Kakila-kilabot! Kung mamumuhay ang sangkatauhan sa gayong konteksto ng lipunan, at sa pamamagitan ng pagkokondisyon at edukasyon ng kapaligirang panlipunan, ang mga normal na pangangailangang pisyolohikal ng sangkatauhan ay ginagawang tiwali ni Satanas sa antas ng pagkabulok, kung gayon ang mga puso ng mga tao ay magiging buktot at bulok. Isang pagpapamalas ng kabuktutan at pagkabulok ay na walang kahihiyan ang mga tao sa bagay na ito, o bumababa ang kanilang pamantayan para sa pakiramdam ng kahihiyan sa bagay na ito. Ang ilang tao, dahil mayroon silang konsensiya at katwiran, ay may isang linya sa kanilang puso na hindi nila lalampasan; ito ang kaunting pakiramdam ng kahihiyan na kayang makamit ng kanilang kakaunting konsensiya at katwiran. Ngunit pagkatapos manampalataya sa Diyos ng mga taong ito, dala pa rin nila ang mga anino at bakas ng paglaki sa kontekstong iyon ng lipunan. Hanggang sa araw na ito, unti-unting iwinawaksi ng ilan ang mga ito, habang ang iba ay namumuhay pa rin sa aninong iyon at hindi pa nakakaahon mula rito. Ang mga taong lumalaki sa ganoong uri ng kapaligiran at kaligirang panlipunan ay nawasak sa isang tiyak na antas ang kanilang panloob na pagnanais para sa mga positibong bagay, para sa katarungan, at ang kanilang pagpapasya, determinasyon, o pananabik na tahakin ang tamang landas. Ano ang ibig sabihin ng “winasak”? Ang ibig sabihin nito ay dahil nakondisyon at naturuan ng gayong kapaligirang panlipunan, ang determinasyon, pagtitiyaga, at lakas ng kalooban ng mga taong ito na manabik para sa mga positibong bagay at hangarin ang liwanag at katarungan ay napakahina; hindi nila kayang mabata ang anumang unos, anumang mga kabiguan, o anumang mga pagkatalo. Ito ay tulad ng mga taong gumamit ng opyo; kahit na tumigil sila, hindi roon nagtatapos ang pinsala ng droga. Kapag nakakaranas sila ng mga kabiguan o pagkatalo, kapag nasisiraan sila ng loob o nagiging negatibo, maaari silang muling bumalik sa bisyo at gumamit muli ng opyo para pamanhirin ang kanilang isipan at takasan ang iba’t ibang paghihirap sa buhay. Ibig sabihin, imposible para sa kanila na talikuran ang kanilang pagkalulong sa droga nang minsanan at tuluyan; babalik sila sa dati habang nasa proseso, babalik sa kanilang mga dating gawi, at gagamitin ang parehong paraan para lutasin ang iba’t ibang problema sa buhay. Ang mga taong ito na lumaki sa gayong masamang kapaligiran at kaligirang panlipunan ay nakatanggap ng maraming maling pananampalataya at maling kaisipan mula kay Satanas, na napakalalim na nag-ugat sa kanilang puso. Ang kanilang kalooban na hangarin ang katotohanan ay napakarupok pa rin, at hindi nila kayang mabata na mailihis at maakit, o ang iba’t ibang tukso ng mga satanikong masamang puwersa. Ibig sabihin, bagama’t sumusunod sa Diyos ang mga taong ito, ang kanilang pananaw sa buhay, ang kanilang sistema ng mga pinahahalagahan, ang kanilang pananaw sa pag-ibig, at ang kanilang pananaw sa kaligayahan ay pawang malalim na naiimpluwensiyahan at kinokondisyon ng masasamang kalakaran, ginagapos at kinakadenahan pa nga ng mga bagay na ito. Nais pa rin ng ilan na hangarin ang isang masayang pag-aasawa, isang mundo para sa dalawa, at bumalik sa masasamang kalakaran ng mundo para magpasasa sa seksuwal na pagnanasa. Napakadali para sa mga taong ito na muling pasukin o makontrol ng masasamang kaisipan at pananaw na iyon. Lalo na kapag nakakapanood ang mga tao ng ilang pelikulang may kinalaman sa pag-ibig at pag-aasawa, nanghihina ang kanilang puso, naiinggit sila sa mga walang pananampalataya na namumuhay sa pag-aasawa at pag-ibig at nagagalak sa buhay, at nawawalan sila ng pagnanais na hangarin ang katotohanan at gampanan ang kanilang tungkulin. Isa itong labis na nakakatakot na bagay. Mula sa mga aktuwal na sitwasyong ito, makikita na ang bawat tao, bagama’t dumaan siya sa hindi mabilang na paghihirap para sumunod sa Diyos hanggang sa araw na ito, ay hindi pa rin ligtas. Marahil ay pakiramdam mo ay nagamit mo na ang lahat ng iyong lakas sa paghahangad ng katotohanan, sa pagtanggap ng katotohanan at pagsasagawa ng katotohanan, ngunit ang masasamang bunga ng pagwasak ni Satanas sa tao ay hindi pa naaalis sa iyo, kaya nasa malaking panganib ka pa rin.

Ipagpatuloy natin ang pakikipagbahaginan tungkol sa masasamang pagpapamalas ng mga diyablo. Masyadong marami ang masasamang pagpapamalas ng mga diyablo; masasabing nasa lahat ng dako ang mga ito—masusumpungan ninyo ang mga ito sa anumang grupo ng mga tao. Pangunahin nating sinusukat ang iba’t ibang masamang pagpapamalas ng mga diyablo ayon sa katotohanan para ilarawan ang kanilang masamang diwa. Ito ang pinakatumpak na paraan. Batay sa iba’t ibang saloobin ng mga diyablo sa katotohanan—ang pagkamapanlaban dito, pag-atake rito, at paghahangad na palitan ito—ang kalikasang diwa ng ganitong uri ng tao ay isang masamang diwa, ang diwa ng isang diyablo. Hindi sila kailanman magbabago, dahil hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan at hindi nila kailanman itinuturing ang katotohanan bilang isang positibong bagay. Bakit hindi nila itinuturing ang katotohanan bilang isang positibong bagay? Dahil wala silang pagkatao, at sila ay mga diyablo; hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, at wala silang pakultad para tanggapin ang katotohanan, ni wala silang anumang pangangailangan na tanggapin ang katotohanan. Kung gayon, ano ang kanilang pangangailangan? Ito ay ang gumawa ng masasamang bagay, mga bagay na kumakalaban sa Diyos at sa katotohanan, at mga bagay na umaatake at pumapalit sa katotohanan. Ito ang kanilang misyon, at idinidikta rin ito ng kanilang kalikasang diwa. Samakatwid, sa huli, ang gayong mga tao ay maaari lang paalisin sa iglesia. Walang lugar para sa kanila ang sambahayan ng Diyos, ni anumang tungkulin para gawin nila. Walang anumang pangangailangan sa kanila ang sambahayan ng Diyos. Ang mga sinserong gumagampan ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, minamahal man nila ang katotohanan o hindi, kahit papaano man lang, sa kanilang kalooban ay handang tanggapin ang katotohanan, hindi mapanlaban sa katotohanan, hindi kailanman magtatatwa sa katotohanan, at hindi kailanman huhusga, aatake, o lalapastangan sa Diyos. Siyempre, hindi rin sila sadyang magbibitaw ng anumang mga pahayag o gagawa ng anumang mga pag-uugali o pagsasagawa na pumapalit sa katotohanan. Ang masasamang pagpapamalas ni Satanas at ng mga diyablo—ang pagkamapanlaban sa katotohanan, pag-atake sa katotohanan, at pagpapalit sa katotohanan—ay sapat na para patunayan na may masamang diwa si Satanas; hindi sila maaaring manatili sa iglesia. Habang lalong nauunawaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang katotohanan, at habang nagkakaroon ng pagkilatis ang karamihan sa iba’t ibang uri ng mga taong tutol at mapanlaban sa katotohanan, ang kalikasang diwa ng mga tao na mga diyablo ay lalo pang malinaw na nalalantad, at lalo pang malinaw at tumpak na nakikilala at nakikilatis ng mga tao. Samakatwid, ang mga taong ito ay lalong itinatakwil ng iba, at lalong hindi nagagawang makisama at makipagtulungan nang may pagkakasundo sa iba. Kung gayon, sa huli, maaari lang silang unti-unting matiwalag. Handa ba kayong makita na matiwalag ang gayong mga tao? (Oo.) Ang unti-unti nilang pagkakatiwalag ay isang mabuting bagay. Sa isang banda, pinatutunayan nito na lumago na sa tayog ang karamihan sa hinirang na mga tao ng Diyos at nagkaroon na sila ng pagkilatis sa mga tao na mga diyablo, hindi na itinuturing ang mga ito na mga mananampalataya sa Diyos o bilang mga kapatid. Sa kabilang banda, ang mga bagay na ginagawa ng mga tao na mga diyablo ay lalong nalalantad. Inilalantad ng mga tao ang kanilang kalikasang diwa, at nakikita ng lahat na kahit ang pagseserbisyo nila ay hindi pasok sa pamantayan; nagdudulot lang sila ng mga panggugulo at paggambala sa iglesia at walang positibong epekto. Sa sandaling matiwalag at mapaalis sila, normal nang umuusad ang gawain ng iglesia. Ang mga tao na mga diyablo ay walang pagkatao; mas masahol pa sila sa mga hayop. Alam ng ilang hayop na makinig sa kanilang mga amo, magtrabaho nang masigasig, at hindi magdulot ng gulo sa kanilang mga amo. May kaunting katwiran ang mga hayop, ngunit hindi ito kayang makamit ng mga diyablo. Kung gagamitin mo sila para gampanan ang isang tungkulin, kailangan mo pa ring magtalaga ng ilang tao para mangasiwa sa kanila. Kung kaya nilang magserbisyo nang masunurin, katanggap-tanggap sana iyon, ngunit hindi sila magseserbisyo nang maayos. Kahit na pangasiwaan mo sila, palaging may mga pagkakataon na hindi mo sila mababantayan. Kung aalisin mo ang iyong paningin sa kanila sandali o makaligtaan mo ang isang bagay, sinasamantala ng mga diyablo ang butas at nagdudulot ng kaguluhan at gulo sa gawain ng iglesia. Gumagamit ka ng ilang tao para bantayan sila, at sa huli, kakailanganin mo pa rin ng ilang tao para ayusin ang gulong ginawa nila. Mararamdaman mo na ang paggamit sa kanila para gampanan ang isang tungkulin ay nagdudulot ng napakalaking kawalan, na hindi ito sulit, at na ang paggamit sa kanila ay sobrang nakakapagod sa isip at nakakagalit. Ang panonood sa kanilang pagtatrabaho ay parang panonood sa mga hayop na nagtatrabaho; hindi nila kailanman magagawa kung ano ang kayang gawin ng mga normal na tao. Sa wakas, makikita mo ang kanilang tunay na kulay: Ang gayong mga tao ay mga hayop, sila ay mga diyablo; hindi sila kailanman magbabago. Hindi kailanman tatanggapin ng mga hayop at mga diyablo ang katotohanan. Sa wakas ay malinaw mo nang nauunawaan ang bagay na ito, at sa huli ay nagpasya kang hindi na muling gumamit ng mga diyablo at inalis mo sila. Maaari bang maging mga tao ang mga hayop at mga diyablo? Imposible ito. Imposibleng ipababa sa malaking pulang dragon ang kutsilyong pangkatay; ang kalikasan nito ay sa isang diyablo—pumapatay ito ng mga tao nang hindi man lang kumukurap. Ang mga diyablo at si Satanas ay magkakampi. Kung paano mo tinitingnan ang malaking pulang dragon ay ganoon mo rin dapat tingnan ang mga hayop at mga diyablong ito; tama ito. Kung iba ang pagtingin mo sa mga diyablo kaysa sa pagtingin mo kay Satanas at sa malaking pulang dragon, pinatutunayan nito na wala ka pa ring lubos na pagkaunawa sa diwa ng mga diyablo; kung itinuturing mo pa rin sila bilang mga tao, naniniwalang mayroon silang pagkatao, may ilang kapuri-puring katangian, at maaari pa ring matubos, at kailangan mo pa rin silang bigyan ng mga pagkakataon, kung gayon ikaw ay mangmang, nalinlang ka na naman ng kanilang pakana, at magbabayad ka ng halaga para dito. Para maiwasang malinlang ng kanilang pakana, dapat mong lubusang paalisin ang mga diyablo. Huwag kang maging maluwag sa kanila! Sige, hanggang dito na lang ang pagbabahaginan natin ngayon tungkol sa masasamang pagpapamalas ng mga diyablo. Paalam!

Pebrero 17, 2024