Paano Hangarin ang Katotohanan (15) Ikatlong Bahagi
Ang katatapos lang nating pagbahaginan ay ang pinakamalulubhang pagpapamalas ng pagiging kakatwa sa mga taong diyablo. Medyo mas madali para sa mga tao na kilatisin ang mga pagpapamalas na ito. Mayroon ding ilang pagpapamalas na medyo mas hindi malubha. Ibig sabihin, sa pang-araw-araw na buhay, madalas silang magkaroon ng ilang sukdulang kaisipan at pananaw, at sukdulang pag-uugali at pagsasagawa; ang mga kilos nila ay madalas na lumalampas sa saklaw na kayang tiisin ng normal na pagkatao. Halimbawa, kung may masabi o magawa silang mali, kinamumuhian nila ang sarili nila, sinasampal ang sarili nilang mukha, at pinarurusahan pa nga ang sarili nila sa pamamagitan ng hindi pagkain sa maghapon at hindi pagtulog sa gabi. Madalas silang gumamit ng mga sukdulang pamamaraan para parusahan ang kanilang laman, ginagamit ito bilang paraan para ipakita ang determinasyon nilang itama ang kanilang mga pagkakamali. Maaaring payuhan sila ng isang tao, “Hindi malulutas ang problema sa paggawa nito. Kailangan mo munang pagnilayan at kilalanin ang sarili mo batay sa mga salita ng Diyos, pagkatapos ay hanapin ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa, at saka lang magkakaroon ng unti-unting pagbabago. Ang pagbabago ng anumang uri ng tiwaling disposisyon ay hindi isang bagay na maaaring mangyari sa loob ng isa o dalawang araw; nangangailangan ito ng isang partikular na haba ng panahon, kailangang mayroong isang proseso.” Isa itong tumpak na pahayag, pero hindi nila ito tinatanggap ni isinasagawa. Hindi nila hinaharap ang iba’t ibang problema batay sa mga katotohanang prinsipyo kundi gumagamit sila ng mga sukdulang hakbang. Gaano sila kasukdulan? Buweno, madalas silang gumamit ng mga pamamaraang nakapipinsala sa sarili nilang laman at ng mga pamamaraang nagpapahirap sa sarili nila, para lutasin ang mga problema. Hindi ba’t sukdulan iyon? (Oo.) Ganito rin nila tratuhin ang iba, gumagamit ng mga sukdulang pamamaraan laban sa kanila. Gumagamit din sila ng mga sukdulang pamamaraan para harapin ang iba’t ibang usapin. Halimbawa, sabihin nating isang babae ang madalas makaramdam na abalang-abala siya sa kanyang tungkulin at pakiramdam niya ay masyadong malaking abala ang paggugol ng oras sa pagpapagupit at paghuhugas ng kanyang buhok, kaya kinalbo na lang niya ang sarili. Para mabawasan ang dalas ng pag-aahit, naglalagay pa nga siya ng ilang produktong kemikal para pigilan ang normal na pagtubo ng buhok. Hindi ba’t sukdulan ito? Dahil nakikitang kalbo siya, ipinagpapalagay ng mga tao na lalaki siya, pero batay sa kanyang boses at pangangatawan, iniisip nilang baka babae siya—sadyang hindi nila masabi kung lalaki ba siya o babae. Pagkatapos lang magtanong sa ibang mga kapatid saka nila nalaman na babae pala siya at nagpakalbo para makaiwas sa abala. Ang ilang taong walang pagkilatis ay binibigyan pa nga ito ng pagsang-ayon, hinahangaan ang gayong tao: “Tingnan mo, ang determinasyon niyang maghimagsik laban sa laman ay talagang higit pa sa mga ordinaryong tao. Ang pagkamuhi niya sa laman ay tunay na pagkamuhi; talagang kumikilos siya pagdating sa hindi pagpapahalaga sa laman! Isang araw, magpapakalbo rin ako tulad niya.” May ilan pa ngang gumagaya sa kanya! Hindi ba’t magkakauri sila? Nakatagpo sila ng isang katulad nila; bukod sa wala silang pagkilatis sa usaping ito, labis pa nila itong pinupuri at gustong tularan. Hindi ba’t mga sukdulang tao ang mga ito? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ginagawa ng mga sukdulang tao ang lahat nang may lihis na puwersang nagtutulak? (Oo.) Saan nagmumula ang lihis na puwersang nagtutulak na ito? Mayroon bang ganitong lihis na puwersang nagtutulak sa normal na pagkatao? (Wala.) Kung gayon, bakit walang ganitong lihis na puwersang nagtutulak sa normal na pagkatao? Dahil, kung taglay ng mga tao ang pag-iisip, konsensiya, at katwiran ng normal na pagkatao, isasaalang-alang nila ang mga usapin sa isang medyo normal, positibo, at praktikal na paraan; kaya, hinding-hindi sila gagawa ng mga sukdulang pag-uugaling ito. Ibig sabihin, anuman ang gawin nila, bagay man ito na gusto nila o hindi, kikilos sila nang normal at makatwiran, at hindi sila magiging sukdulan. Masasabi ba kung gayon na mayroong mali sa pag-iisip ng ganitong uri ng tao na nagiging sukdulan? (Oo.) Mayroong problema sa pag-unawa nila, hindi ba? (Mayroon.) Halimbawa, hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging tapat sa paggampan ng kanilang tungkulin. Pinagbubulayan nila kung paano magiging tapat at napagtatanto nila na dapat silang magtiis ng paghihirap, kaya isinasagawa nila ang pagtitiis ng paghihirap: Sumusunod sila sa mga regulasyon sa bawat pagkain, kumakain ng takdang bilang ng butil ng kanin at piraso ng gulay; kapag nagkabutas-butas na ang kanilang mga damit, tinatagpian nila ang mga ito at patuloy na isinusuot, na nagmumukhang mga asetiko sa iba; habang ang iba ay natutulog nang anim hanggang walong oras araw-araw, sila ay natutulog lang nang isa o dalawang oras. Pakiramdam nila ay mayroon silang determinasyong magtiis ng paghihirap at na mas tapat sila kaysa kaninuman. Palagi nilang pinag-iisipan ang mga sukdulang kaisipan at pag-uugaling ito, na hindi kayang maunawaan ng mga normal na tao. Halimbawa, kung may masabi silang mali o may magamit silang maling salita habang nakikipag-usap sa isang tao at pinagtawanan sila, labis silang napapahiya at nagbubulay-bulay sila: “Hindi ko na kailanman gagamitin ang salitang ito sa buong buhay ko, at hindi lang iyon—hindi na ako makikipagkita sa taong ito sa buong buhay ko, at hindi ko na kailanman kakausapin ang taong ito, para hindi niya ako mapintasan!” At kaya nila itong gawin—kaya nilang panindigan ito. Kaya nilang panindigan ang anumang sukdulang pag-uugali o kaisipan at pananaw sa buong buhay nila, at tumatanggi silang mahikayat ng sinuman. Naninindigan lang sila nang ganito, at mayroon pa nga silang mga dahilan at batayan para sa kanilang paninindigan, naniniwalang isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa katotohanan, isang pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos, at isang pagpapamalas ng katapatan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t mapanggulo ang gayong mga tao? (Oo.) Madali ba silang pakisamahan? (Hindi.) Kung gayon, paano lumilitaw ang kanilang mga pag-uugali? Hindi ba’t sanhi ang mga ito ng isang uri ng sukdulang pag-iisip? Itinuturing nila ang mga sukdulang pag-uugali at pagpapamalas na ito bilang pagsasagawa sa katotohanan at nagpupursigi silang gawin ito. Hindi ba’t ang mga sukdulang kaisipan at pananaw na ito ang ugat ng mga pag-uugaling ito sa ganitong uri ng tao? Naniniwala sila na ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay pagsasagawa sa katotohanan at pagpapahayag ng katapatan sa Diyos, at higit pa rito, sa kalooban nila ay kinokondena at dinidiskrimina nila ang sinumang hindi gumagawa ng katulad nito, nagpapakita ng paghamak. Halimbawa, isaalang-alang ang babaeng binanggit kanina na kinalbo ang sarili niya; nang makita ang iba na hindi nagpapakalbo, iniisip niya, “Hmmp, nagpapahaba kayo ng ganyang buhok, inaayusan pa ito sa iba’t ibang paraan. Labis ang banidad ninyong lahat; hindi ninyo minamahal ang diyos! Tingnan ninyo ako, napakaraming taon ko nang kalbo at hindi ako kailanman natakot na pagtawanan; wala akong banidad. Pinapahaba ninyo ang buhok ninyo at kailangan ninyo itong hugasan nang madalas—napakalaking pag-aaksaya ng oras! Sa lahat ng oras na iyon, hindi ba’t maganda kung magbabasa pa kayo ng mga salita ng diyos at gagawa ng kaunti pang tungkulin?” Kinokondena pa nga niya ang iba! Ang ganitong uri ng tao ay nakikinig sa napakaraming salita ng Diyos at nakikinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon, pero hindi pa rin niya nauunawaan kung ano ang katotohanan. Marami pa rin siyang sukdulang mga kaisipan, at sa ilalim ng gabay ng maraming sukdulang kaisipang ito, nagpapakita siya ng maraming sukdulang pag-uugali, pagsasagawa, at estilo, pagkatapos ay tinutukoy ang sarili niya bilang ang taong pinakanagmamahal sa Diyos at pinakatapat. Hindi ba’t isa pa itong pagpapamalas ng pagkalihis? (Oo.) Ang pagiging sukdulan sa lahat ng bagay ay lihis. Sabihin ninyo sa Akin, hindi naman nakakapinsala sa iba ang mga sukdulang pagpapamalas na ito, kaya bakit natin sinasabing lihis ang mga ito? (Ang mga pagpapamalas na ito ay hindi umaayon sa pag-iisip ng mga normal na tao; hindi ito mga pag-uugali at pagsasagawang dapat taglayin ng mga normal na tao.) Ang mga sukdulang pagpapamalas na ito ay walang anumang kaugnayan sa pag-iisip at mga pagpapamalas ng mga normal na tao; hiwalay ang mga ito sa realidad, hiwalay sa obhetibo at praktikal na buhay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Gumagamit sila ng isang radikal na pamamaraan sa iba’t ibang usapin, pagkatapos ay tinutukoy ang mga sukdulan at radikal na kaisipan, pananaw, at pag-uugaling ito bilang mga positibong bagay, habang tinutukoy ang katotohanan bilang isang negatibong bagay. Hindi ba’t pagbabaligtad ito sa tama at mali, ginagawang puti ang itim? (Oo.) Ang pagbabaligtad sa tama at mali, ang paggawang puti sa itim, ang mapanlinlang na pagpapalit ng mga konsepto—ito ay pagkalihis. Paano ka man makipagbahaginan tungkol sa normal na pagkatao, konsensiya at katwiran, sa pag-iisip ng mga normal na tao, o sa mga kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga normal na tao sa iba’t ibang usapin, hindi ito tumatagos sa kanila, at sa kalooban nila ay sadyang hindi nila ito tinatanggap. Bukod sa hindi pagtanggap dito, bumubuo pa nga sila ng ilang katawa-tawa at kakatwang pagsasagawa, pag-uugali, at maging mga kaisipan at pananaw na hiwalay sa landas ng normal na pagkatao, ipinapatupad ang mga ito sa sarili nila, at kasabay nito ay ginagamit ito bilang pamantayan sa pagsukat sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay, naniniwala na ang anumang hindi umaayon sa kanilang mga sukdulang kaisipan, pananaw, at pag-uugali ay mali, habang ang anumang umaayon sa kanilang mga sukdulang kaisipan, pananaw, at pag-uugali ay tama at umaayon sa katotohanan. Hindi ba’t pagbabaligtad ito sa tama at mali? Hindi ba’t ito ay paggawang puti sa itim, hindi ba’t mapanlinlang na pagpapalit ito ng mga konsepto? Isa pa itong pagpapamalas ng pagkalihis sa mga nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo. Ibig sabihin, hindi nila kailanman tinatanggap ang mga positibong bagay, kundi sa halip ay ipinapalabas nila ang mga hindi positibo o negatibong bagay bilang mga positibong bagay para tularan at gayahin ng mga tao, at sa gayon ay nakakamit ang layong ilayo ang mga tao sa Diyos. Isa rin itong uri ng sukdulang pag-uugali.
May isa pang pagpapamalas ng pagkalihis ang mga taong diyablo: Hindi nila minamahal ang katotohanan kahit kaunti. Gusto nilang hangarin ang mga di-normal at sobrenatural na bagay, palaging gustong bumuo ng isang hanay ng mga ganap na espirituwal na teorya at kasabihan, gusto pa ngang saliksikin ang batayan ng mga sobrenatural na usaping ito. Itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang katotohanan, bilang mga gabay, direksyon, at layon para sa mga kilos sa pang-araw-araw na buhay, ginagamit ang mga ito para harapin at husgahan ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, kapag hindi maganda ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila, inaalala nila kung ano ang mga napanaginipan nila noong nakaraang gabi, kung mayroon bang anumang di-normal na penomenang naganap sa paligid nila, o kung mayroon bang anumang masasamang senyales, sinusubukang maghanap ng batayan doon para matukoy ang kanilang kapalaran; ito ang mga uri ng bagay na palagi nilang hinahangad. Lalo na kapag nakakatagpo ng mga taong may malulubhang sakit, itinuturing nilang malas ang mga ito, naniniwalang ang pakikisalamuha sa gayong mga tao ay sisipsip sa sarili nilang sigla at magdadala ng kamalasan. Kaya, pagkatapos makisalamuha sa gayong mga tao, madalas silang tumingin sa salamin para tingnan kung umitim ba ang noo nila o kung mayroon ba silang anyo ng kamalasan. Karaniwan, palagi nilang pinagbubulay-bulayan kung ano talaga ang magiging kapalaran nila. Sa tuwing mayroon silang libreng sandali, binubuklat nila ang lumang almanake o naghahanap sa internet ng mga kasabihan sa panghuhula. Ang isang panaginip nila, o isang pamahiing narinig mula sa iba—kaya nilang gawing batayan ang lahat ng ito para husgahan kung maganda ba o masama ang kapalaran nila. Bagama’t nananampalataya sila sa Diyos, hindi nila kailanman ginagamit ang mga salita ng Diyos bilang batayan sa pagtrato sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nila, ni hindi nila ginagamit ang katotohanan bilang batayan sa pagtrato sa bawat pangyayaring nagaganap sa paligid nila. Sa halip, palagi silang naghahanap ng ilang di-pangkaraniwang pakiramdam. Halimbawa, kung medyo masama ang pakiramdam nila habang kumakanta isang araw, iniisip nila, “Pinipigilan ba ako ng diyos? Ayaw ba ng diyos na kumanta ako?” Kung lalabas sila para mangaral ng ebanghelyo isang araw, kahit na malinaw na nilang isinaayos ang oras at lugar sa isang tao, kailangan pa rin nilang magdasal para maarok ang pakiramdam sa kanilang espiritu. Pagkatapos magdasal, naghihintay sila ng ilang minuto, pero wala silang nararamdaman. Pagkatapos ay titingnan nila kung mayroon bang anumang di-normal na penomenon sa araw noong araw na iyon, o kung mayroon bang mga magpie na humuhuni o mga uwak na umuuwak sa labas, ginagamit ang mga ito para husgahan kung ano ang magiging kapalaran nila sa araw na iyon, kung magiging maayos ba ang paglabas para mangaral ng ebanghelyo, at kung magkakamit ba sila ng mga tao. Kung hindi gumana ang mga pamamaraang ito, maghahagis pa nga sila ng barya para magpasya kung aalis o hindi. Kung ang lumabas ay ang bahagi ng barya na may ulo, para sa kanila ay nangangahulugan itong magiging maayos ang mga bagay-bagay at magkakamit sila ng mga tao; kung ang bahagi naman na may ibon ang lumabas, nangangahulugan itong hindi magiging maayos ang mga bagay-bagay at hindi sila magkakamit ng mga tao. Nagpapasya sila kung lalabas o hindi batay sa mga bagay na ito. Kahit gaano katagal nang nananampalataya sa Diyos ang gayong mga tao, hindi nila kailanman ginagamit ang katotohanan bilang kanilang batayan o bilang kanilang prinsipyo ng pagsasagawa. Sa halip, palagi silang umaasa sa mga pamahiing iyon o sa mga di-normal na pakiramdam at penomenon para husgahan ang mga tao, pangyayari, at bagay, para harapin ang iba’t ibang usaping nangyayari sa paligid nila, o para tukuyin ang mga prinsipyong dapat nilang isagawa. Palagi nilang hinahanap ang mga walang batayan, kakatwa, kakaiba, at sobrenatural na pakiramdam na ito, at palagi silang kumikilos at namumuhay batay sa mga ito. Ang ilang tao, kapag nakakita ng isang itim na pusa paglabas nila, ay naniniwalang kumakatawan ito sa kamalasan, at mas gugustuhin pa nilang antalahin ang mga usapin kaysa lumabas. Maaaring masiraan ng sasakyan ang ilan habang papunta para asikasuhin ang isang bagay, at naniniwala silang pinipigilan sila ng Diyos, na malas sila sa araw na iyon, at na hindi na lang sana sila lumabas. Ang ilan na nakakakita ng kabaong kapag lumalabas ay naniniwalang magiging masuwerte sila sa pera sa araw na iyon. Kapag gumagawa ng anuman, ang ganitong uri ng tao ay palaging naghahanap ng batayan sa isang uri ng mapamahiing kasabihan; wala silang mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa na batay sa katotohanan. Paano man makipagbahaginan ang iba o paano man isinasagawa ng sambahayan ng Diyos ang gawain, hindi sila kailanman natututong mamuhay at gumawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may ilang di-normal na penomenong paminsan-minsang nangyayari sa bahay, tulad ng isang gripo na biglang nasisira at tumutulo, naghihinala sila na isa itong masamang pangitain. Kung isang bugso ng hangin ang paminsan-minsang nagbubukas ng bintana at nababasag ang salamin, pakiramdam nila, “Hindi normal ang bugso ng hanging ito; tila isa itong tanda ng sakuna. Pinipigilan ba ako ng diyos na lumabas?” Kung nagniniyebe kapag lumalabas sila, sinasabi nila, “Tingnan mo, nagniyebe sa sandaling lumabas ako. Madalas sabihin ng mga tao, ‘Ang mararangal na tao ay nakakaakit ng hangin at niyebe kapag lumalabas sila.’ Mukhang isa akong marangal na tao!” Hindi ba’t kalokohan ito? Ginagamit nila ang mga kakaiba at kakatwang kasabihang ito bilang batayan sa paghusga at pagpapasya sa lahat ng bagay. Halimbawa, kung sumabit ang strap ng kanilang backpack sa doorknob paglabas nila, naniniwala silang may kasabihan at kabuluhan ito. Agad silang kumokonsulta sa almanake at nakikita na ito ang kasabihan para sa paglabas para gawin ang mga bagay-bagay sa oras na ito: “Lahat ng usapin ay hindi paborable; hindi angkop para sa paglabas.” Nagbubulay sila, “Lahat ng usapin ay hindi paborable—nangangahulugan iyon na wala akong puwedeng gawin, dapat akong manatili sa bahay. Ito ang pagtutulot sa akin ng Diyos na magtamasa ng ginhawa at kaginhawahan; proteksyon ito ng Diyos!” Nakakahanap pa nga sila ng batayan para dito. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Anuman ang sitwasyon, pakiramdam nila ay mayroong kasabihan para dito. Hindi ba’t kakatwa ito? Ang lahat ng nangyayari sa paligid nila ay tinitingnan bilang isang kakatwang penomenon, at ang batayan para sa kanilang pagharap sa mga “kakatwang penomenon” na ito ay lahat ng uri ng kakatwang kasabihan. Ginagamit nila ang iba’t ibang kakatwang kasabihang ito para harapin ang lahat ng nangyayari sa paligid nila. Samakatwid, kung namumuhay ka kasama ang ganitong uri ng tao, madalas mong maramdaman na sila ay partikular na kakatwa. Maaari silang biglang magsabi ng isang bagay na magpapakabog sa dibdib mo, na magpapakilabot sa iyo. Halimbawa, ang makarinig ng isang asong tumatahol sa kalaliman ng gabi ay napakanormal, pero para sa kanila, isa itong malaking pangyayari. Kailangan nilang maghanap ng impormasyon, bumaling sa panghuhula at pagbasa ng kapalaran, para malaman kung anong kasabihan ang nagpapaliwanag sa pagtahol ng isang aso sa oras na iyon. Ano ang mararamdaman mo pagkatapos makisalamuha at makisama sa kanila sa loob ng ilang panahon? Tiyak na madalas kang magugulo ng ilang balighong kasabihan. Magkakaroon ka ba ng kapayapaan at kagalakan sa iyong puso? (Hindi.) Kung walang kapayapaan at kagalakan, magiging balisa ka tulad nila, kinakailangang maghanap ng kasabihan para sa lahat ng bagay. Habang naghahanap ka nang naghahanap, maglalaho ang Diyos sa iyong puso, at ang mga pamahiing iyon na lang ang matitira sa puso mo. Nangangahulugan ito na ginugulo ka ng masasamang espiritu, mga diyablo at mga Satanas, hanggang sa punto na ang iyong mga kaisipan ay nababagabag, ang iyong puso ay walang kapayapaan o kagalakan, ang iyong pag-iisip ay magulo, at nawawala sa iyo ang mga pagpapamalas ng normal na pagkatao. Ang normal na kaayusan at mga padron ng buhay ng mga tao ay nagiging ganap na magulo dahil sa magugulong kaisipan at magugulong kasabihang ito. Anuman ang mangyari, kaya itong ipaliwanag ng ganitong uri ng tao sa pamamagitan ng isang kakatwang kasabihan, at sa huli ay harapin ito sa isang katawa-tawa at kakaibang paraan. Ito ay pagkalihis. Mayroon pa ngang ilang tao na, pagkatapos mapungusan ng isang lider, ay nagbubulay: “Kaninang umaga, naramdaman kong may mali sa katawan ko. Habang naghihilamos, napansin kong maitim ang noo ko. Siyanga naman, napungusan ako ngayon. Tingnan mo, may mga palatandaan. Kaya, kailangan kong tumingin sa salamin araw-araw sa tuwing may libre akong sandali. Kung makita kong maitim ang noo ko, kailangan kong mag-ingat—baka mapungusan ako, baka mabigo ako o hindi magtagumpay sa isang bagay.” Kapag ang ilang tao ay lumalabas para mangaral ng ebanghelyo at nakikita na ang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay isang medyo mabuting tao na may pusong nag-aasam at naghahanap, at kayang tanggapin ang katotohanan kapag ibinabahagi ito, bukod sa pagpapasalamat sa Diyos, nagbubulay-bulay rin sila: “Kahapon, napanaginipan kong hinuhugasan ko ang mga paa ko sa isang bukal. Ang bukal na iyon ay kumakatawan sa kayamanan, at ang pagkakamit ng kayamanan ay kumakatawan sa pagkakamit ng isang tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Kaya, para sa pagkakamit sa taong ito ngayon, dapat ko ring pasalamatan ang diyos; nagbigay na ang diyos ng isang palatandaan!” Anuman ang makaharap nila o anuman ang maramdaman nila, palagi nilang gustong tukuyin ang ugat na sanhi at palaging kailangang maghanap ng batayan. Naniniwala ang ilang tao sa pamahiing, “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna,” at ginagamit ito bilang batayan para husgahan ang mga bagay na nangyayari sa kanila. Hindi sila kailanman nagsisikap sa katotohanan, ni hindi nila hinahanap ang katotohanan at ginagamit ito bilang batayan para husgahan ang iba’t ibang usapin. Ang kanilang puso ay ganap na puno ng iba’t ibang kakatwa, katawa-tawa, kakaiba, at maging ng mga sobrenatural na kasabihan, kaisipan at pananaw, at mga maling pananampalataya at maling kaisipan; nilalamon sila ng mga bagay na ito.
Ang ilang tao ay mukhang normal sa panlabas; ang kanilang buhay, gawain, at pakikisalamuha sa iba ay hindi nagpapakita ng anumang sukdulan, sobrenatural, o kakatwang mga pagpapamalas. Gayumpaman, pagkatapos makisalamuha sa kanila sa loob ng mahabang panahon, natutuklasan ng isang tao na ang kanilang isipan at puso ay ganap na puno ng lahat ng uri ng katawa-tawa, kakaiba, at baluktot na mga mapamahiing kasabihan na nagmumula sa masasamang kalakaran, at ginagamit nila ang mga kasabihang ito bilang batayan para husgahan ang iba’t ibang usaping nangyayari sa paligid nila. Kahit na kinikilala nila na ang mga bagay-bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan, mga pagsasaayos, at proteksyon ng Diyos, naghahanap pa rin sila ng isang uri ng pamahiin bilang batayan para ipaliwanag ang gayong mga usapin, binibigyang-kahulugan ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos gamit ang mga pamahiin. Hindi ba’t pagkalihis ito? (Oo.) Pagkatapos makarinig ng napakaraming katotohanan, paanong hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan, hindi kayang tingnan ang mga problema gamit ang katotohanan, at hindi makapagsabi ng kahit isang bagay na umaayon sa katotohanan? Paanong ang kanilang puso ay walang katotohanan, at sa halip ay sinasakop at pinupuno ng mga maling pananampalataya, mga maling kaisipan, at mga pamahiing iyon? Hindi ba’t pagkalihis ito? (Oo.) Sinasabi pa nga ng ilang tao, “Hindi mo dapat tapakan ang mga langgam! Ang isang langgam ay isa ring buhay na nilalang. Kung tatapakan mo ang isa at papatayin ito, at bumalik ito sa espirituwal na mundo at isumbong ka sa matandang lalaki sa langit, magdurusa ka ng ganti.” “Kung pumatay ka ng isang isda, at ang bibig nito ay nakabukas na nakaharap sa iyo, nangangahulugan iyon na inaakusahan ka nito! Hindi mo puwedeng kainin ang isdang iyon; kung kakainin mo ito, magdurusa ka ng ganti! Ang pagpatay ng mga manok, aso, baka, baboy—lahat iyon ay pagkitil ng buhay; magdurusa ka ng ganti para dito!” Saan nila nakukuha ang mga maling pananampalataya at mga maling kaisipang ito? Hindi ba’t naririnig nila ang mga ito mula sa masamang sangkatauhang ito? Namumulot sila ng isang kasabihan dito at isang kasabihan doon, tinatanggap ang lahat ng ito, at itinuturing pa nga ang mga kasabihang ito bilang pinakamatataas na utos, itinuturing ang mga ito na kasingtaas ng kalooban ng Diyos. Ang ilang tao, pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon, ay nagsasabi pa rin ng mga bagay tulad ng, “Hindi ka puwedeng pumatay ng mga manok. Kung papatay ka ng mga manok sa buhay na ito, magiging isang manok ka sa susunod na buhay at papatayin ka ng isang tao. Kaya, hindi ka puwedeng kumitil ng buhay; magdurusa ka ng ganti sa pagkitil ng buhay!” Sinasabi nila ito, pero pagdating sa pagkain ng manok, sila mismo ay kayang kumain ng isang buo sa isang kainan. Hindi ba’t pagiging lihis ito? Sinasabi ng iba, “Hindi ka puwedeng magsuot ng mga balat ng hayop. Pagkatapos mamatay ng mga hayop, nakakaramdam pa rin ang kanilang mga kaluluwa. Kung magsusuot ka ng mga balat ng hayop, para ka na ring nagsuot ng kaluluwa ng hayop. Kung ang hayop na ito ay namatay nang hindi makatarungan, baka hanapin ka nito at guluhin ka, at sa sandaling simulan ka nitong guluhin, hindi ka magkakaroon ng kapayapaan.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kakatwa ang mga kasabihang ito? (Oo.) Ang iba naman, kapag nakakakita ng ibang taong nakasuot ng peluka, ay mayroon ding masasabi: “Ang orihinal na may-ari ng pelukang iyan na suot mo ay maaaring namatay nang hindi makatarungan; ang kaluluwa niya ay nasa buhok pa rin. Kung isusuot mo ang buhok niya, susundan ka ng kaluluwa niya.” Lahat ng uri ng kakatwa, kakaiba, at walang katuturang kasabihan ay nagiging mga bagay na pinahahalagahan ng ganitong uri ng tao sa puso; ang mga ito ang kanilang pinakamataas na direktiba. Sumusunod sila sa mga walang katuturan at katawa-tawang kasabihang ito na para bang ang mga ito ay katotohanan, subalit naniniwala silang sumusunod sila sa daan ng Diyos. Hindi lang sila mismo ang sumusunod sa mga ito, kundi sinasabihan din nila ang iba na gawin ito. Kung hindi sumusunod ang iba, gumagamit pa nga sila ng mga nakakatakot at nakakakilabot na kasabihan para bantaan at takutin ang iba, pinipilit ang mga ito na sumunod. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay natatakot sa kanila. Ang mga kakaiba at katawa-tawang kasabihang ito ay ilang walang batayang tsismis at mga maling kaisipang ikinakalat ng mga diyablo at ni Satanas sa mundo ng mga tao. Sa isang banda, pinakikialaman at kinokontrol ng mga ito ang normal na pag-iisip at malayang kalooban ng mga tao; sa isa pang banda, ginagamit ng mga diyablo at ni Satanas ang mga maling pananampalataya at mga maling kaisipang ito para sakupin ang ilang tao, pinagseserbisyo ang mga taong ito para sa kanila sa mundong ito ng mga tao at maging kanilang mga labasan, ang mga tagapagpatupad ng kanilang iba’t ibang kakaiba at kakatwang kaisipan. Samakatwid, kung huhusgahan batay sa anumang pagpapamalas ng mga kakatwang taong ito, ang kanilang kalikasang diwa ay buktot. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti; pinakapinahahalagahan nila ang mga bagay na lihis. Ito mismo ang isyu. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at kulang sila sa pagkilatis, madalas silang naiimpluwensiyahan at naililihis nang hindi namamalayan ng mga kakatwa at kakaibang kasabihang ito. Gayumpaman, pagkatapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, alam na nilang tukuyin kung ano ang dapat at hindi dapat nilang gawin batay sa paghusga ng normal na katwiran at normal na pag-iisip, pati na rin kung paano kumilos, kung ano ang dapat itaguyod, at kung ano ang dapat talikuran kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay. Ito ang dapat maunawaan at itaguyod ng mga taong may normal na pagkatao, sa halip na gamitin ang mga kakaiba at katawa-tawang kasabihang ito para kilatisin, husgahan, at magpasya kung paano haharapin ang mga tao, pangyayari, at bagay. Pagkatapos magkaroon ng pagkilatis sa ganitong uri ng kakatwang tao, malinaw ba ninyong nakikita ang kanilang diwa? Ano ang kanilang diwa? Ito ay isang diwa ng pagkalihis. Hindi nila dinadakila ang Diyos kundi dinadakila nila si Satanas. Kahit na gusto nilang magsalita tungkol sa isang aspekto ng katotohanan, magpasalamat sa Diyos, o tanggapin ang mga kapaligirang inihahanda ng Diyos, naghahanap sila ng isang kakatwa, kakaiba, katawa-tawa, o walang katuturang kasabihan bilang kanilang batayan. Para sa kanila, ang mga kakaiba at katawa-tawang kasabihan at pananaw na ito ay mas mataas kaysa sa katotohanan at mas mataas kaysa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Samakatwid, ang kalikasang diwa ng ganitong uri ng tao ay walang-alinlangang isang lihis na diwa. Dahil namumuhay sila batay sa buhay ni Satanas, ang kanilang dinadakila, isinusulong, at hinahangaan ay hindi ang katotohanan kundi ang mga maling pananampalataya at mga maling kaisipan ni Satanas. Kahit na ang nakikita mo ay ang kanilang personal na pag-uugali, ang puwersang nagtutulak sa likod ng mga personal na pag-uugaling ito ay ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mga diyablo at ni Satanas. Bagama’t mukha silang tao sa panlabas, sila ay isang labasan para sa, isang tagapagmana ng, at isang saksi para sa iba’t ibang maling pananampalataya at mga maling kaisipan ng mga diyablo at ni Satanas. Ang kanilang pinatototohanan at isinusulong ay ang mga maling pananampalataya at mga maling kaisipan ni Satanas, hindi ang katotohanan. Ito ang pagpapamalas ng kanilang lihis na kalikasang diwa.
Sabihin ninyo sa Akin, mabuting bagay ba para sa isang tao na makakita ng mga anghel? Kung tunay na makakakita ng mga anghel ang isang tao, siyempre, mabuting bagay iyon. Pero kung ang anghel na iyon ay hindi isang tunay na anghel kundi si Satanas na nagpapanggap, napakapanganib na makita ito. Kung magpapanggap si Satanas bilang isang anghel at hahayaan kang makita ito, isa ba itong mabuting bagay o masamang bagay para sa iyo? (Isang masamang bagay.) Bakit mo nasabing isa itong masamang bagay? Sa mga normal na sitwasyon, nakakakita ba ng mga anghel ang mortal na laman? (Hindi.) Mayroon bang ganitong pakultad ang mga tao? (Wala po.) Sa tumpak na pananalita, walang pakultad ang mga tao na makita si Satanas o ang mga anghel, na mula sa espirituwal na mundo. Pero kung makikita mo sila, ano ang nangyayari? Hindi ba’t nangangahulugan ito na medyo nagbago ang pakultad ng iyong laman? (Oo.) Ganoon nga mismo iyon. Kapag may naganap na higit-sa-karaniwang penomenon sa pakultad ng laman, binago ba ito ng Diyos, ng ibang bagay, o ng sarili mo? (Malamang na binago ito ng ibang bagay.) Kung gayon, babaguhin ba ito ng Diyos para sa iyo? (Hindi, hindi gumagawa ng gayong gawain ang Diyos.) Habang nabubuhay ang mga tao, upang mas maging matatag ang kanilang pananalig, babaguhin ba ng Diyos ang kanilang mga pakultad, na nagpapahintulot sa kanilang makakita ng mga anghel o ng ilang bagay mula sa espirituwal na mundo? Gagawin ba ng Diyos ang mga bagay na ito? (Hindi.) Masasabi natin nang may katiyakan na hindi Niya gagawin ito. Bago magtamo ng kaligtasan ang isang tao, hinding-hindi gagawin ng Diyos ang mga bagay na ito; ito ay tiyak na walang alinlangan. Kung gayon, kung biglang magbago ang pakultad ng iyong laman at maganap ang isang higit-sa-karaniwang penomenon—at hindi ito binago ng Diyos, ni hindi mo mismo kayang baguhin ito—ano ang nangyayari? Hindi gagawin ng Diyos ang gayong bagay, at hindi mo mismo kayang baguhin ito. Ang tanging posibilidad ay na gumagawa sa iyo si Satanas at ang masasamang espiritu; ibig sabihin, iniligaw at kinontrol ka ni Satanas at ng masasamang espiritu, na nagiging dahilan para gumawa ka ng mga sobrenatural na pagsasagawa, na nagpapahintulot sa iyong makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng mga normal na tao at makarinig ng mga salitang hindi naririnig ng mga normal na tao. Hinding-hindi ito isang mabuting bagay. Kung hahayaan ka ni Satanas na makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng iba, ano ang layunin nito? Ito ba ay para palawakin ang iyong mga pananaw, para maniwala ka sa pag-iral ng espirituwal na mundo, o para bigyan ka ng pananalig sa Diyos? (Hindi.) Kapag ginagawa ito sa iyo ni Satanas, mayroon ba itong mabubuting intensyon o mabubuting motibo? (Wala.) Tiyak na wala. Ginagamit ni Satanas ang higit-sa-karaniwang pakultad mong ito para hayaan kang makakita ng ilang bagay na karaniwan mong hindi nakikita, sa gayon ay inaakit ka at ginagawa kang mas interesado sa mga usapin ng espirituwal na mundo. Binibigyan ka nito ng maliit na pakinabang na ito, ng maliit na patikim na ito, at pagkatapos ay inaakit ka nito na tanggapin ang susunod nitong gagawin. At ano iyon? Pagkakalooban ka ba ni Satanas ng katotohanan? Tutustusan ka ba nito ng buhay? Hindi, bubulukin ka nito unti-unti, sisirain nito ang iba’t ibang likas na pakultad ng iyong laman, pagkatapos ay sasakupin ka, aagawin ka mula sa tabi ng Diyos, at idudulot na talikuran mo ang Diyos. Hinahayaan man ni Satanas na makakita ang isang tao ng mga anghel o ng anumang penomenon mula sa espirituwal na mundo, sabihin ninyo sa Akin, mabuti ba itong bagay? (Hindi.) Kung ang isang tao ay madalas na makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng iba, o nagsasabing madalas siyang makakita ng mga anghel na lumilipad sa kanyang bubungan, at sinasabing ang mga anghel ay mapuputi at malilinis, at madalas na nakikipag-usap sa kanya, ano ang dapat mong gawin kapag nakatagpo ng gayong tao? (Agad na lumayo.) Dapat kang agad na lumayo sa gayong tao; huwag makipag-usap sa kanya ng tungkol sa anuman. Kung interesado ka sa usaping ito at makikipag-usap ka sa kanya, mapanganib iyon. Huwag mong sabihin sa kanya, “Nanganganib ka; palagi kang nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng iba. Nagiging lihis ka, hindi na ako makikisalamuha sa iyo.” Hindi mo kailangang sabihin ang mga bagay na ito; magkaroon ka lang ng kamalayan sa iyong puso—sapat na iyon. Pinupuntirya na siya ng mga diyablo at ni Satanas, o likas na diyablo ang taong ito, hindi tao. Hindi maaaring makisalamuha ang mga tao sa mga diyablo. Mayroon lang isang huling kahihinatnan para sa mga taong nakikisalamuha sa mga diyablo: ang lamunin ng mga diyablo. Kapag nakatagpo ka ng ganitong uri ng tao na nakakaranas ng mga sobrenatural na penomenon, anumang kakaiba o kakatwang mga bagay ang sinasabi nila, hinding-hindi ka dapat maging mausisa. Agad na lumayo sa gayong mga tao; huwag silang obserbahan, pag-aralan, o subukang baguhin, lalo namang huwag silang pangaralan ng ebanghelyo at pasampalatayanin sa Diyos. Kung gagawin mo iyon, masyado kang hangal. Maging ang Diyos ay ayaw sa mga taong diyablo; gayunman ay magdadala ka ng isang diyablo sa sambahayan ng Diyos at pagagampanin mo ito ng tungkulin. Makikinabang ba rito ang gawain ng iglesia? Hindi lang ito hindi magdudulot ng pakinabang, kundi magdudulot din ito ng panggugulo at paggambala sa gawain ng iglesia. Bagama’t ginagawa mo ito nang may mabubuting intensyon, hindi ito tatandaan ng Diyos at kokondenahin ka pa nga; isa itong masamang gawa. Kaya hinding-hindi mo dapat gawin ang gayong mga bagay. Pamilyar ka man sa isang tao o hindi, kapamilya mo man ito, pinakamalalapit na kamag-anak, o mga kaibigan, o mga kapatid na nakikipagtulungan sa iyo—kung madalas siyang makakita ng isang taong namamasyal sa kanyang bakuran o isang taong palaging sumisilip sa kanya sa siwang ng pinto, at madalas din niyang sabihin na kaya niyang makipag-usap sa mga anghel, na naririnig niya kung ano ang sinasabi ng Diyos sa kanya, na pakiramdam na niya ay siya ay matagumpay na anak na lalaki, na siya ay isang panganay na anak, isang taong madadala paitaas—maituturing mo pa ba ang gayong tao bilang isang kapatid? (Hindi.) Dapat maging malinaw kayo sa inyong puso; huwag ninyong pagkamalan ang gayong mga tao na mga kapatid, huwag kayong maging hangal. Kung hangal ka at, sa sandaling makita ang gayong mga tao, ay iisipin mo, “Sila ay mga mananagumpay, mga panganay na anak, mga taong naperpekto; taglay nila ang katotohanan, dapat akong mapalapit sa kanila,” kung gayon ay hindi ka lang nanganganib, madali ka ring maililigaw nila, na magdudulot ng gulo. Hindi mo kayang kilatisin ang mga tao o matarok ang kanilang kalikasang diwa. Gagawin ba ng Diyos ang ganoong uri ng gawain? Hindi inililigtas ng Diyos ang mga diyablo at mga Satanas. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay ang tustusan ang mga tao ng katotohanan, na nagpapahintulot sa kanila, sa pamamagitan ng pag-unawa, pagsasagawa, at pagpapasakop sa katotohanan, na makamit ang pagkakaroon ng katotohanan bilang kanilang buhay, at magtamo ng tunay na kaalaman at tunay na takot sa Diyos, sa gayon ay ganap na nakakalaya mula sa impluwensiya ni Satanas at nagtatamo ng kaligtasan. Ito ang gawaing ginagawa ng Diyos. Tanging ang katotohanan ang makapagliligtas sa mga tao, hindi ang anumang kakatwang kasabihan, mga maling pananampalataya, o mga maling kaisipan. Ang mga maling pananampalataya at mga maling kaisipang ito ay walang anumang kaugnayan sa katotohanan; kaya lang ng mga ito na iligaw at gawing tiwali ang mga tao, at hinding-hindi mabibigyang-kakayahan ng mga ito ang mga tao na matamo ang kaligtasan. Para matamo ng mga tao ang kaligtasan, para makamit ang pagpapasakop sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, ang tanging landas ay ang tanggapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan; walang ibang landas. Huwag ninyong subukang ipagpanggap ang ilang sukdulang pamamaraan o kasabihan, o mga katawa-tawa at kakaibang kasabihan, bilang ang katotohanan o ipalit ang mga ito sa katotohanan para matamo ang kaligtasan. Walang alinman sa mga landas na ito ang umuubra; ang mga ito ay hindi mula sa Diyos.