Paano Hangarin ang Katotohanan (15) Unang Bahagi
Ang Tatlong Kategorya ng mga Tao Batay sa Kanilang mga Pinagmulan
Ang mga Katangian ng mga Taong Nagreinkarnasyon Mula sa mga Diyablo
II. Ang Ikalawang Katangian: Paglihis
B. Pagpapasasa sa Seksuwal na Pagnanasa ng Laman
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa tatlong partikular na pagpapamalas ng pagkalihis sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo: kahalayan, seksuwal na pang-aakit, at kalaswaan—ibig sabihin, mga lihis na pagpapamalas na taglay ng mga tao tungkol sa seksuwal na pagnanasa. Ang pangunahing problema sa gayong mga tao ay na ang saloobin nila sa seksuwal na pagnanasa ay lubhang mahalay; sinasalangsang nila ang mga hangganan ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at hindi nila pinipigilan o kinokontrol ang kanilang mga seksuwal na pagnanasa sa anumang sitwasyon, bagkus ay hinahayaan nilang maghari ang mga ito. Mayroon ding isang bahagi ng mga tao na lalong mahalay; ibig sabihin, batay sa pagiging mahalay, nagiging wala silang pakundangan, lalo pang sumasama. Ang ilan sa kanila ay naghahanap pa nga at gumagawa ng lahat ng uri ng pagkakataon para matugunan ang kanilang mga seksuwal na pagnanasa habang nangangaral ng ebanghelyo. Partikular nilang ipinapangaral ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kasalungat na kasarian, at sa sandaling makahanap sila ng angkop na puntirya, inilulunsad nila ang kanilang pag-atake, gamit ang iba’t ibang paraan at pamamaraan para akitin ang kabilang panig na kumagat sa pain, gumagamit pa nga ng mga kasuklam-suklam na panlalansi para makamit ang kanilang mga pakay. Habang nangangaral ng ebanghelyo, hindi lang ganito umasal ang mga taong ito, kundi gumagawa rin sila ng mga bagay na nagbibigay ng matinding kahihiyan sa pangalan ng Diyos. Hindi lang sila nag-iisip ng malalaswang bagay, kundi, sinasamantala nila ang pagkakataon ng pangangaral ng ebanghelyo bilang isang pagdadahilan para matugunan ang kanilang mga seksuwal na pagnanasa. Higit pa rito, paulit-ulit nilang ginagawa ang parehong pagkakamali, ginagawa ang parehong mga bagay sa mga tao na may iba’t ibang edad at may iba’t ibang sitwasyon. Sabihin ninyo sa Akin, kapag natuklasan ang gayong mga tao, paano sila dapat pangasiwaan? Dapat ba silang pahintulutang ipagpatuloy ang paggawa ng tungkulin ng pangangaral ng ebanghelyo, o dapat ba silang paalisin at patigilin sa paggawa sa tungkuling ito? (Dapat silang paalisin.) Sayang bang paalisin sila? Paano kung makapagkamit pa sila ng isa pang tao? (Kung pananatilihin sila at hahayaang magpatuloy sa pangangaral ng ebanghelyo, magiging mas malubha pa ang mga kahihinatnan. Sa sandaling gumawa sila ng malalaswang aktibidad, nagbibigay-kahihiyan ito sa pangalan ng Diyos.) Sabihin ninyo sa Akin, makapagkakamit ba ng mga tao ang gayong mga tao na ang isipan ay palaging abala sa seksuwal na pagnanasa kapag nangangaral sila ng ebanghelyo? (Hindi.) Kahit na paminsan-minsan ay makapagkamit sila ng ilang tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, kaya rin nilang gumawa ng mga bagay na nagbibigay-kahihiyan sa pangalan ng Diyos. Hindi ba’t mas nakakasama kaysa nakakabuti ang paggamit sa gayong mga tao? (Oo.) Kung gayon, sayang pa rin bang paalisin sila? (Hindi.) Puwede bang magbago ang ganitong uri ng tao? Madali bang lutasin ang problema niya? (Hindi. Isa itong problema ng kanyang kalikasang diwa; hindi ito maaaring magbago.) Ang mga taong puno ng pagnanasa ay hindi tao; isang diyablo ang nananahan sa loob nila, ginagamit ang kanilang laman para sabihin kung ano ang gusto nitong sabihin at gawin kung ano ang gusto nitong gawin. Kung gumagamit ang iba ng mga panghihikayat at babala na naaayon sa konsensiya at katwiran, mababago ba ng mga bagay na ito ang kanilang kalikasang diwa? (Hindi.) Kung gayon, malulutas ba ang problema nilang ito sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng katotohanan para tulungan sila? (Hindi.) Kahit pa sila ay pungusan, may itinalaga para mangasiwa sa kanila, o inilipat sila sa ibang kapaligiran, nang sa gayon ay wala silang pagkakataong magpasasa sa kanilang mga seksuwal na pagnanasa, maaari bang malutas ang maladiyablong kalikasan sa loob nila? (Hindi.) Sa anumang ginagawa ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, wala silang pagkatao. Ito ay itinatakda ng kanilang kalikasang diwa. Samakatwid, paano ka man makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para hikayatin o tulungan sila, hindi nito malulutas ang problema ng kanilang kalikasang diwa. Sa isang banda, ito ay dahil ang kalikasang diwa ng mga diyablo ay na kinamumuhian nila ang katotohanan at hindi nila matanggap ang katotohanan kahit katiting. Sa kabilang banda, ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay walang konsensiya at katwiran, at wala silang katiting na kamalayan tungkol sa kasamaang ginagawa nila at hindi sila kailanman nakakaramdam ng kahihiyan, pagsisisi, o pagkabagabag. Kaya, hindi nila taglay ang pakiramdam ng pagkapahiya o ang pakiramdam ng kahihiyan na dapat taglayin ng mga normal na tao. Hindi nila nauunawaan ang moralidad at etika ng tao, o ang dignidad at pakiramdam ng kahihiyan na dapat taglayin ng isang tao sa pag-asal. Wala silang nauunawaan sa mga bagay na ito. Kahit na makapagsabi sila ng ilang doktrinang magandang pakinggan, hindi nito pinatutunayan na nagtataglay sila ng normal na pagkatao; sila ay mapagpaimbabaw at nanlilinlang lamang ng mga tao. Samakatwid, anuman ang mga katotohanang ibinabahagi sa gayong mga tao, hindi mababago ang kanilang kalikasang diwa. Kung gayon, mayroon lang isang solusyon: Huwag gamitin ang gayong mga tao para sa tungkulin. Alisin sila. Nalulutas nito ang problema. Sinasabi ng ilang tao, “Kung ititiwalag at paaalisin sila, at hindi na sila magpapasasa sa kanilang seksuwal na pagnanasa at manggugulo sa gawain sa loob ng sambahayan ng Diyos, hindi ba’t makapipinsala pa rin sila sa mga tao kung gagawin nila ang mga bagay na ito sa gitna ng mga walang pananampalataya? Hindi ba’t dapat silang panatilihin sa sambahayan ng Diyos, na may itinalagang isang tao para mangasiwa sa kanila, para mapigilan silang maminsala ng mga tao sa lipunan?” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit ito hindi tama? (Ang pagpapanatili sa kanila sa sambahayan ng Diyos ay nakakapinsala sa mga kapatid, nakakagulo sa gawain ng iglesia, at nakakagambala sa gawain ng Diyos. Hindi ito angkop. Hayaan silang bumalik sa mundo. Napakaraming diyablo at Satanas sa mundo, at anuman ang mga uri ng kaguluhang idulot nila, hindi ito maituturing na pamiminsala sa mga diyablo. Dahil silang lahat ay mga diyablo, ang ginagawa nila ay hindi maituturing na pamiminsala.) Hindi ba’t umaayon sa realidad ang pananaw na ito? (Oo.) Tama ang pananaw na ito. Ang mga nagpapasasa sa mga seksuwal na pagnanasa ay mga diyablo, at hindi sila maaaring pahintulutang manatili sa sambahayan ng Diyos para pinsalain ang mga kapatid. Anuman ang gawin nila sa lipunan ay walang kinalaman sa sambahayan ng Diyos, dahil ang mga hindi nananampalataya sa Diyos ay walang pagkatao at pawang mga diyablo. Paano man mag-away-away ang mga diyablo, hindi nito magugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Silang lahat ay kay Satanas, at sa simula pa lang ay kasabwat na sila ni Satanas. Libo-libong taon na nilang inaaway at pinipinsala ang isa’t isa. Ano ang pakialam natin doon? Nagdudulot sila ng pinsala sa isa’t isa, na isang bagay na kusa nilang ginagawa. Lahat sila ay pare-parehong masasama; magkakauri sila. Sa madaling salita, ayaw ng sambahayan ng Diyos sa ganitong uri ng tao. Dahil ang mga taong diyablo ay hindi nag-aasikaso ng mga wastong gampanin at walang konsensiya o katwiran, nasaan man sila, nagdudulot lang sila ng mga kaguluhan, at nakikibahagi lang sila sa pananabotahe at pagwasak. Hindi sila makakagawa ng anumang bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao. Kaya lang nilang pinsalain ang mga tao. Kahit na makapagserbisyo sila nang kaunti, mas matimbang pa rin ang mga kawalang idinudulot nila kaysa rito. Ang gayong mga tao ay maaaring mukhang napakabait at tila walang ginagawang anumang masama, pero sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, kaya nilang gumawa ng talagang masasamang bagay. Samakatwid, dapat agarang harapin ang gayong mga tao sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanila. Bagama’t maaari silang magserbisyo nang kaunti at gumawa ng ilang tamang bagay, hindi ito nangangahulugang tunay na silang nagsisi, lalong hindi na nagbago ang kanilang kalikasang diwa. Anuman ang kasalukuyan nilang kondisyon, hindi dapat malihis ng kanilang huwad na hitsura ang isang tao, lalo namang hindi sila dapat pagkatiwalaan o paniwalaan na kaya nilang gumawa ng anumang gawain. Dahil ang kanilang kalikasang diwa ay sa isang diyablo, saanman sila mamumuhay ng buhay iglesia, sila ay isang bombang nagbabadyang sumabog at nagdudulot ng banta sa lahat. Kahit na pansamantala silang tumigil sa paggawa ng masasamang bagay, ang kanilang bawat salita at kilos, ang kanilang bawat galaw, ay makaaapekto pa rin sa kondisyon ng kalooban at mga emosyon mo, at maaari pa ngang makaimpluwensiya sa iyong mga pananaw. Ito ang kahihinatnan ng pagkakaroon ng diyablo sa malapit. Halimbawa, ipagpalagay na kamakailan ay nasa masamang kalagayan ka o medyo negatibo, o nakarinig ka ng ilang negatibong propaganda at walang batayang mga tsismis, na naging sanhi para magkaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung mayroong isang diyablo na malapit sa iyo, maaari kang patuloy na magkaroon ng mga bangungot kapag natutulog ka. Maaari pa ngang pagkatapos mong makipag-usap sa kanila, bukod sa bigong maging positibo at masigla ang kalagayan mo, lalo ka pang nakakaramdam ng panlulumo at kadiliman sa loob ng iyong espiritu. Habang lalo kang napapalapit sa kanila, lalong hindi mo nararamdaman ang presensiya ng Diyos. Habang mas matagal kang nakikipag-ugnayan sa kanila, lalong lumalayo ang iyong puso sa Diyos, lalo mong nararamdaman na walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos, at makakaapekto pa nga sa iyong mga kaisipan at makakaimpluwensiya sa iyong mga pananaw at saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo ang bawat salita at kilos nila. Gayumpaman, kapag nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan ka sa mga ordinaryong tiwaling tao, iba ito, at hindi ka magkakaroon ng masasamang reaksiyong ito. Samakatwid, kahit na hindi malinaw na maramdaman ng mga tao ang pinsalang dulot ng gayong mga tao na mga diyablo kapag nasa malapit ang mga ito, ang pinsalang idinudulot nila sa iba ay palagian, gayundin ang bantang idinudulot nila. Kahit na mukha silang napakapalakaibigan sa iyo, tila hindi ka nila kinamumuhian, at hindi ka nila hinusgahan o inatake, basta’t sila ay mga diyablo at hindi mga tao, magkakaroon pa rin ng epekto sa iyo ang kanilang mga salita at kilos, pananalita at pag-uugali. Ang epektong ito ay nangyayari nang hindi mo namamalayan, at maaaring hindi ito maramdaman ng mga hindi nakauunawa sa katotohanan. Samakatwid, kung may matuklasang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo sa loob ng mga pangkat ng mga taga-ebanghelyo, lalo na ang mga taong walang pakundangang nagpapasasa sa kanilang mga seksuwal na pagnanasa, dapat silang agarang harapin at paalisin. Hindi dapat bigyang-layaw o kunsintihin ang masasamang tao. Palaging iniisip ng mga tao na sa mga pangkat ng mga taga-ebanghelyo, ang pagkakaroon ng isa pang tao ay nagdaragdag ng isang bahagi ng lakas sa mga pagsisikap sa ebanghelyo. Katanggap-tanggap ang pagkakaroon ng isa pang tao, pero ang pagdaragdag ng isang diyablo ay nangangahulugan ng problema. Kung isa pang tao ito, kahit na medyo mahina ang kakayahan niya at kaya lang niyang gumawa ng mga simpleng gampanin, kahit papaano ay hindi niya guguluhin o pipinsalain ang gawain ng iglesia tulad ng gagawin ng isang diyablo. Pero iba ang isang diyablo. Marahil sa panlabas ay mahusay siyang magsalita at matatas, at batay sa kanyang kakayahan, maaari siyang maging mahusay bilang isang superbisor para sa isang partikular na aspekto ng gawain. Gayumpaman, dahil sa kanilang kalikasang diwa, talagang imposible para sa kanila na gumawa ng gawain nang maayos. Magdudulot lang sila ng ganap na kaguluhan dito, dahil anuman ang ginagawa ng mga diyablo ay nagdudulot ng paggambala, panggugulo, at pinsala. Samakatwid, dapat agarang ilantad at kilatisin ang masasamang gawa ng gayong mga tao, para matukoy at makilatis ng hinirang na mga tao ng Diyos ang masasamang gawa ng mga diyablo. Maliban na lang kung hindi mo pa natutuklasan o napagtatanto na sila ay mga diyablo, at sa palagay mo ay mga normal silang tao na paminsan-minsan lang nagbubunyag ng ilang buktot na pagnanasa—na maaari pang bahagyang maging katwiran para pahintulutan silang manatili para sa karagdagang obserbasyon. Kung matutuklasan mo na hindi lang sila paminsan-minsang nagbubunyag ng buktot na pagnanasa, kundi ikinasisiya nila ito, tulad ng malalaswang taong iyon na, saanman sila magpunta, ay ginagawang priyoridad nila ang paghahanap ng mga miyembro ng kasalungat na kasarian na gusto nila para magpasasa sa kanilang mga seksuwal na pagnanasa—tulad ng mga diyablong naghahanap ng mga kaluluwang malalamon nila, nililihis, binibitag, at pinipinsala ang mga tao sa lahat ng dako—at sinumang makaugnayan nila ay nagdurusa sa kanilang panliligalig, at palagi silang nag-iiwan ng gayong mga isyu sa kanilang dinaraanan, kung gayon, hindi ito pag-uugali ng isang tao; malinaw na ito ay sa isang diyablo. Dapat paalisin ang mga diyablo sa lalong madaling panahon para maiwasan ang problema sa hinaharap. Maaaring paminsan-minsan ay magkamali ang lahat, mawalan ng kontrol, at gumawa pa nga ng mga bagay na lumalampas sa mga hangganan ng pagkatao, pero hindi palagian ang pag-uugaling ito, hindi nila ito ikinasisiya, at pagkatapos gumawa ng mali at sumalangsang, nakakaramdam sila ng pagsisisi, pagkakonsensiya, at kahihiyan. Kapag nakaharap nilang muli ang parehong sitwasyon o usapin, kaya nilang iwasan ang tukso at magpakita ng mga palatandaan ng pagbabago at pagsisisi. Pero hindi kailanman nagbabago ang mga diyablo, dahil hindi nila kayang magsisi, ni hindi sila nagsisisi. Nakita mo na ba kailanman na nagbago ang kalikasan ng mga diyablo na labanan ang Diyos, lapastanganin ang Diyos, at atakihin ang Diyos? Hindi ito nagbago kailanman. Gaano man katagal nang may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa sangkatauhan at pinamahalaan ito, at gaano man karami ang naibunyag ng Diyos sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, karunungan, at awtoridad, nananatiling mapanghamon si Satanas at patuloy na nagpoprotesta laban sa Diyos. Kahit na palagi itong talunang kaaway ng Diyos, nagpoprotesta pa rin ito laban sa Diyos, at inaatake at nilalabanan pa rin nito ang Diyos. Samakatwid, kung ang kalikasang diwa ng isang tao ay sa isang diyablo, hindi kailanman mababago ang lihis niyang kalikasang diwa. Ang pagkalihis ang kanyang tunay na mukha, ang pagkalihis ang kanyang kagustuhan at kanya ring kalikasan, kaya hindi siya magbabago. Sa alinmang iglesia mo makita ang ganitong uri ng tao, sa lalong madaling panahon, dapat mo siyang ilantad, kilatisin at pagkatapos ay paalisin. Huwag bigyan ang mga diyablo ng pagkakataong magsisi. Ang pagsasagawa sa paraang ito ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa hinirang na mga tao ng Diyos. Kung gayon, anong uri ng tao ang dapat bigyan ng pagkakataong magsisi? Dapat ay nakatitiyak ka na ang gayong tao ay isang normal na tao, hindi isang diyablo, at na sumalangsang lang siya dahil sa pansamantalang kahinaan o sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon, pero pagkatapos ay nakaramdam siya ng pagsisisi, kinamuhian pa nga ang sarili niya at sinampal ang sarili niyang mukha. Dapat ay nakatitiyak ka na gumagana ang kanyang konsensiya. Ang gayong mga tao ay maaaring bigyan ng pagkakataong magsisi. Pero nagpapasasa ang mga diyablo sa kanilang mga seksuwal na pagnanasa sa tuwing may pagkakataon sila. Ito ay itinatakda ng kanilang kalikasan. Samakatwid, hindi maaaring bigyan ng pagkakataong magsisi ang mga diyablo, at dapat silang harapin sa lalong madaling panahon, paalisin o patalsikin. Ito ang prinsipyo sa pagtrato sa ganitong uri ng tao, at ito ang pinakamainam na paraan para harapin siya. Malinaw na ba ang usaping ito ngayon? (Oo.)
Hindi makilatis ng ilang tao ang mga bagay-bagay. Nakikita nila na ang ilan sa mga diyablo ay medyo matanda na, pero patuloy pa ring nakikibahagi sa laro ng seksuwal na pagnanasa. Paano man magbahagi ang iba tungkol sa katotohanan, hindi nila ito pinapansin. Kahit na aminin nila nang harap-harapan na nagkamali sila, pagkatapos ay ginagawa pa rin nila ang anumang gusto nila. Ang mga taong hindi nakakakilatis ng mga bagay-bagay ay naiiwanang naguguluhan: “Paano nagkakaroon ang mga diyablo ng gayon kalakas na mga seksuwal na pagnanasa? Paanong napakalihis pa rin nila sa gayong katandang edad? Ang taong ito ay paulit-ulit nang nagkakasala sa mga usaping ito, palaging ganito kung umasal. Paanong wala siyang pakiramdam ng kahihiyan? Paanong hindi siya marunong magpigil?” Hindi ba’t ito ay kabiguang makilatis ang mga bagay-bagay? Pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, hindi pa rin niya alam kung paano pakitunguhan ang mga tao batay sa kalikasang diwa ng mga ito, ni hindi niya nauunawaan na hindi kailanman nagbabago ang kalikasang diwa ng mga diyablo. Hindi ba’t napakahangal at napakamangmang nito? Ipinanganak na ganoon ang mga diyablo; lalaki man o babae, anuman ang edad nila, ganoon sila mismong uri ng nilalang. Ang kanilang kalikasang diwa ay sa isang diyablo. Ang isang pagpapamalas ng kahalayan, seksuwal na pang-aakit, at kalaswaan ng mga diyablo ay ang partikular na pakikibahagi sa laro ng seksuwal na pagnanasa, at paggawa nito hanggang sa mamatay ang kanilang laman. Samakatwid, umabot man sila sa anong edad, nananatili silang ganitong uri ng tao at hindi sila magbabago—hindi ito kakatwa. Nakikita mo na hindi na sila bata, at sa panlabas ay hindi sila mukhang ang uri na nakikibahagi sa laro ng seksuwal na pagnanasa, pero dahil isang diyablo ang nananahan sa loob nila, nakikibahagi sila sa laro ng seksuwal na pagnanasa nang hindi nalilimitahan ng edad o kasarian ng kanilang laman, ni ng kanilang kapaligiran. Hindi rin ito tiyak na may kaugnayan sa kanilang pamilya o mga magulang; hindi ito isang usapin ng henetika, kundi isang problema ng kanilang panloob na kalikasang diwa. Mayroon silang isang lihis na kalikasang diwa, at iyon ang nagtatakda na ang kanilang katangian ay sa isang diyablo. Dahil nalantad na ang kanilang kalikasang diwa, at itinatakda ng kanilang kalikasang diwa ang kanilang katangian, para sa mga ganitong uri ng tao, anuman ang propesyon na dati nilang ginawa, kahit ilang taon na sila ngayon, at anuman ang kanilang mga kasanayan sa pagsasalita o ang kanilang mga likas na kondisyon—wala sa mga ito ang nakaaapekto sa kanilang katangian. Kung titingnan mo lang ang kanilang panlabas na hitsura, madali kang malilihis nito, sasabihing: “Ang taong ito ay mukhang napakapino at may pinag-aralan, at napaka-elegante kung magsalita; tiyak na isa siyang tao na nakauunawa sa kagandahang-asal, katuwiran, integridad, at kahihiyan. Paano niya nagagawa ang gayong mga buktot na bagay? Hindi siya mukhang ang tipo na nakikibahagi sa laro ng seksuwal na pagnanasa!” Hindi mo makilatis ang usaping ito; sa tingin mo ay medyo wala ito sa hinagap at medyo mahirap paniwalaan. Napakahangal mo na panghawakan ang pananaw na ito! Kayang gawin ng isang diyablo ang mga maladiyablong bagay anuman ang laman na suot nito. Anuman ang hitsura ng taong ito sa panlabas, gaano man siya katanda, o anuman ang kanyang personalidad, gagawin niya ang anumang naaayon sa kanyang kalikasan. Wala itong kinalaman sa kanyang hitsura, edad, o edukasyon, ni sa kanyang relihiyosong pinagmulan, lalo namang walang kinalaman sa kanyang lahi, at siyempre, wala rin itong kinalaman sa kanyang kapaligiran sa pamilya. Na kaya niyang gawin ang mga bagay na ito at magkaroon ng mga pagpapamalas na ito ay itinatakda ng kanyang diwa at kalikasan. Samakatwid, sa isang banda, huwag mo itong ituring na kakatwa o wala sa hinagap; at sa kabilang banda, huwag kang gumawa ng mga hangal na bagay. Huwag mong laging gustuhing magparaya sa kanya, pagpasensiyahan siya, at bigyan siya ng mga pagkakataong magsisi, gustong iligtas siya para magbago siya, sinusubukang himukin siyang mahalin ang katotohanan para makabalik siya sa landas ng normal na pagkatao. Kung nilalayon mo pa ring tulungan at iligtas ang mga taong ito na mga diyablo, napakahangal mo kung gayon—hindi mo nauunawaan ang diwa ng ganitong uri ng tao, hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo sa pagtrato sa kanila, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Kung nakikita mo na mayroon silang lihis na kalikasang diwa at nilalayon mo pa ring tulungan sila para magsisi sila, ipinapakita nito na hindi ka naniniwala sa mga salita ng Diyos; hindi mo tinitingnan o hinuhusgahan ang mga tao, pangyayari, at bagay batay sa mga salita ng Diyos, at wala kang tunay na pagpapasakop o pagtanggap sa mga salita ng Diyos. Nais mo lang tingnan at husgahan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay batay sa kung ano ang nakikita mo at sa mga panlabas na penomeno, at nais mo lang kumilos batay sa sarili mong kasiglahan at mabubuting intensyon. Isa itong walang-katotohanang pag-iisip at pananaw, at isa ring pagpapamalas ng paghihimagsik. Ang solusyon sa pagharap sa ganitong uri ng tao na nakikibahagi sa laro ng seksuwal na pagnanasa ay napakasimple: Pakitunguhan siya ayon sa kanyang diwa. Hangga’t nakatitiyak ka na siya ay ganitong uri ng tao, pakitunguhan siya sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanya; hindi na kailangang bigyan siya ng isa pang pagkakataon para magsisi. Huwag kang magpapalimita kahit na hindi nauunawaan ng iba. Hindi magbabago ang diwa ng mga diyablo. Sila ay ganitong uri ng nilalang sa kanilang kabataan, nananatili silang ganitong uri ng tao sa kanilang kalagitnaang-gulang, at sa katandaan—sa kabila ng kanilang pagtanda—ganitong uri pa rin sila ng nilalang; hindi sila magbabago. Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang mga lalaking pitumpu o walumpung taong gulang na nang-aakit ng mga dalagita, o mga babaeng animnapu o pitumpung taong gulang na naghahanap ng mga binata? (Mayroon.) Maraming gayong kakatwa at lihis na bagay sa lipunan. Nagsimula lang ba silang makibahagi sa laro ng seksuwal na pagnanasa noong tumanda na sila? (Hindi.) Ganito na sila noong bata pa; ganitong uri na sila ng nilalang sa buong buhay nila. Anong mga termino ang ginagamit ng mga walang pananampalataya para ilarawan ito? Ito ang tinatawag nilang “pagpatol sa mas bata”; tinatawag nila itong pagiging pala-ibig. Tingnan ninyo kung gaano kaganda pakinggan ang kanilang pananalita. Gumagamit sila ng mga termino o kasabihan tulad ng “pala-ibig,” “malaya ang espiritu,” “marunong mamuhay,” o “kayang lampasan ang mga makamundong kumbensiyon” para ilarawan ang ganitong uri ng bagay at ganitong uri ng tao. Ang mga termino at kasabihang ginagamit ng mga walang pananampalataya para tukuyin ang gayong mga usapin ay kasuklam-suklam. Hindi nila kayang ilapat ang mga tamang terminolohiya para ilarawan ang mga usaping ito mula sa ugat, mula sa diwa, dahil, sa isang banda, ang mundong walang pananampalataya at ang sangkatauhang ito mismo ay lihis, at sa kabilang banda, walang sinuman ang makakilatis sa ugat ng gayong mga problema. Samakatwid, ang kanilang mga pananaw sa pagtukoy sa mga usaping ito ay napakababaw, at napakabaligho at napakabuktot din; hiwalay ang mga ito sa diwa ng mga usaping ito.