Paano Hangarin ang Katotohanan (14) Ikaapat na Bahagi
Sa tunay na buhay, ang mga tao ay madalas na nakakatagpo ng ilang malaswa at mahalay na indibidwal. Pagkatapos nating pagbahaginan ang mga salitang ito ngayon, dahil nagkamit na kayo ng pagkakilatis tungkol sa ganitong uri ng tao at alam ninyo na hindi sila mga normal na tao kundi mga diyablo, kapag sinubukan nilang akitin ka, kaya mo na silang tanggihan nang mariin. Huwag mo silang tanggihan nang di-tuwiran o nang may pag-iingat sa iyong pananalita, o huwag kang masyadong mahiya na tanggihan sila, o huwag kang matakot sa gayong mga tao. Siyempre, kung wala kang pakialam kung diyablo man sila, at sinasabi mo na, “Nasa trenta o kuwarenta na ang edad ko at hindi ko pa nararanasan ang pag-aasawa; kung ang isang tao ay talagang may ganitong uri ng pangangailangan sa akin, masaya akong tatanggap,” kung gayon, dahil wala kang pakialam sa kung anong mga kahihinatnan ang maaaring lumitaw, ni wala kang pakialam tungkol sa mga sikolohikal na peklat, wala na Akong sasabihin pa. Ang layon Ko sa pagsasabi nito ay para hayaan ang ilang hangal na tao, na walang pagiging mapagbantay o mga pag-iingat laban sa pang-aakit ng kasalungat na kasarian, na malaman kung anong tamang saloobin ang dapat nilang panghawakan kapag sumasapit sa kanila ang tukso. Kung wala kang pakialam na ang isang tao ay malaswa at mahalay, wala kang pakialam na isa siyang diyablo, at ikinararangal mo nang husto dahil lang gusto ka niya—tulad na lang ng sinasabi ng kasabihan ng mga walang pananampalataya: “Iniaalay ng isang lalaki ang kanyang buhay para sa isang taong nakakaunawa sa kanya, habang nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga”—at iniisip mo na, “Bilang isang babae, kung tunay na gusto ako ng isang tao, ipinapakita nito na katanggap-tanggap ang hitsura ko, kaya dapat na madama ko na isa itong napakalaking karangalan. Hayaan siyang lumapit sa akin nang mapangahas, kung gayon; malugod ko itong tatanggapin, at yayakapin ko siya nang bukas ang aking mga bisig”—kumusta ang ganitong uri ng saloobin? Sabihin sa Akin, ang kasabihan ba na, “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga,” ay kagalang-galang sa mga babae? (Hindi.) Ang isang lalaki ay dapat na isakripisyo ang kanyang buhay para sa mga nakakaunawa sa kanya, at ang isang babae ay dapat na magpaganda para sa kanyang tagahanga—tama ba ang kasabihang ito? (Hindi.) Bakit labis na hinahamak ang mga kababaihan? Hinahamak din ang mga kalalakihan. Kaya, kailangang ialay ng mga lalaki ang kanilang buhay para sa iba. Kung sinuman ang iyong katapatang-loob ay ang iyong panginoon, na siyang dapat mong pag-alayan ng iyong buhay—bakit labis na walang halaga ang buhay mo? Maaari kayang ang buhay mo ay nabibilang sa iba at hindi sa sarili mo? Pinakapinapahalagahan ng Diyos ang buhay ng tao, dahil ang buhay na ito, ang hiningang ito, ay ibinigay ng Diyos; ito ang batayang kondisyon para makagalaw at maging isang buhay na nilalang ang nilikhang laman. Kung hindi mo pinapahalagahan ang buhay mo, bagkus ay kaswal mo itong ibinibigay sa iba at isinasakripisyo ito para sa kanila, ano ang ipinapakita nito? Hindi ba’t ipinapakita nito na ikaw ay hinahamak? (Oo.) Ipinapakita nito na ang buhay mo ay walang anumang halaga. Hindi mo pinapahalagahan ang buhay mo, hindi mo ginagamit ang buhay mo para gawin ang mga pinakamakabuluhan at pinakamahalagang bagay, pero kaya mong kaswal na mamatay para sa sinumang nakakaunawa sa iyo. Ipinapakita nito na lubhang walang halaga ang buhay mo; isa lang itong bulok na buhay, na kasingwalang-halaga ng buhay ng isang aso, pusa, o manok. Kaya, tama ba ang kasabihan na, “Iniaalay ng isang lalaki ang kanyang buhay para sa isang taong nakakaunawa sa kanya”? (Hindi.) Ang kasabihang ito ay nanghahamak sa mga tao, walang pagrespeto sa mga tao; ito ay isang kasabihan na hindi nagpapahalaga sa buhay. Ang kahandaang mamatay para sa iba—madali bang dumating ang buhay ng tao? Hindi madaling dumating ang buhay; hindi maaaring gayon kahandang mamatay ang isang tao. Samakatwid, ang kasabihan na, “Iniaalay ng isang lalaki ang kanyang buhay para sa isang taong nakakaunawa sa kanya,” ay hindi tama at hindi madedepensahan. Kung gayon, tama ba ang kasabihan na, “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga”? (Hindi rin ito tama.) Sa anong paraan ito hindi tama? Minsan ba ay talagang nagustuhan ninyo ang kasabihang ito, talagang sinang-ayunan ninyo ito, na itinuturing pa nga ito bilang katotohanan, bilang isang motto? Kahit kailan ba ay may humanga na sa iyo? Kung ang taong humahanga sa iyo ay isang taong gusto mo, nakaramdam ka ba ng karangalan? (Hindi naman mismong karangalan, marahil ay nakaramdam ako ng kaligayahan sa loob ko.) Kung gayon ay hindi iyon malayo sa pagkaramdam ng isang karangalan. Mabuti ba ang kaligayahang ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Para magdamit ang isang babae nang maganda para sa pagpapahalaga at pagmamahal ng isang lalaki, nang namumuhay para sa mga kalalakihan, nang inilalaan ang lahat ng kanyang kaisipan dito—pakiramdam ko na ang pamumuhay nang ganito ay labis na nakakababa.) Mayroon bang magkakaibang pananaw? Ang kasabihan mismo na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga” ay inilalagay ang mga kababaihan sa isang di-pantay na posisyon sa mga lalaki. Hinihingi nito sa mga babae na magpaganda para mapalugod ang mga kalalakihan, na mamuhay alang-alang sa kaligayahan ng mga kalalakihan, at na madama ang isang karangalan sa tuwing may nagkakagusto at humahanga sa kanila. Ito ay hindi pantay; ito mismo ay isang tunay na pagsasalamin ng mababang katayuan ng mga kababaihan. Ang implikasyon ng kasabihan na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga” ay na nagugustuhan man ng iba ang isang babae dahil sa kanyang magandang hitsura, o nakakaakit man siya ng pagmamahal ng mga kalalakihan dahil marunong siyang magpaganda ng sarili para maging kaaya-aya sa paningin, dapat siyang makaramdam ng kaligayahan at karangalan dahil dito. Ito mismo ay isang paghamak sa mga kababaihan. Sinasabi ng kasabihang ito sa mga babae na ang halaga ng kanilang pag-iral, ang pinagmumulan ng kanilang kaligayahan, ay ang magkaroon ng isang tao na nagkakagusto sa kanila, at na kung walang nagkakagusto sa kanila, dapat maramdaman nila na sawimpalad sila at sumama ang loob nila, at dapat nilang pagnilayan kung bakit walang nagkakagusto sa kanila, at kung, bilang mga kababaihan, namumuhay ba sila ng isang buhay na walang halaga at bigo. Kaya, hindi ba’t ang kasabihan na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga” ay isang paghamak sa mga kababaihan? (Oo.) Sa parirala na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga,” hindi ba’t ang tagahanga ay karaniwang tumutukoy sa isang lalaki? Ang kasabihang ito mismo ay naglalagay sa mga kalalakihan sa posisyon ng mga panginoon, na mas mataas kaysa sa mga kababaihan. Ibig sabihin nito na ang isang babae ay dapat makaramdam ng karangalan na ang isang lalaki—ang isang panginoon—ay may gusto at pagpapahalaga sa kanya. Kung ang isang lalaki—ang isang panginoon—ay walang gusto sa kanya, kung gayon ay may mali sa kanya, hindi siya kaibig-ibig, isa siyang kabiguan sa buhay, at hindi siya kalipikado na maging babae. Kita mo, hindi halatang itinataas nito ang katayuan ng mga lalaki, na tinutulutan ang mga ito na tapakan ang leeg ng mga kababaihan at maging dominante sa kanila. Naririto ang mali sa kasabihan na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga.” Dagdag pa, nagugustuhan ba ng mga kalalakihan ang mga kababaihan dahil lang sa kanilang hitsura at mga pagpapaganda? O nagugustuhan ba nila ang mga kababaihan dahil lang nakikita nila na ang mga ito ay malumanay, mabuti, may dignidad, at magiliw? Gusto ba ng mga kalalakihan ang mga kababaihan para lang maging kaaya-aya sa mga mata nila? (Hindi, ito ay para tugunan ang seksuwal na pagnanasa ng laman.) Kung gayon ay ano ang layon ng pagsubok ng mga kababaihan na palugurin at pasayahin ang mga lalaki? (Ito rin ay para bigyang-layaw ang seksuwal na pagnanasa ng laman.) Ibig sabihin, ang mga kalalakihan at kababaihan ay kapwa may mga pangangailangan pagdating sa isa’t isa, at ang pinakabatayan sa mga pangangailangang ito ay ang seksuwal na pagnanasa ng laman. Ang pangangailangan ng isang lalaki sa isang babae ay hindi lang tungkol sa pagkagusto sa hitsura nito, kundi, batay roon, ang matamo ito sa isang pisikal na paraan—sa deretsahang pananalita, ang matamo ang katawan nito para matugunan ang sarili niyang seksuwal na pagnanasa. Samakatwid, ang layon sa likod ng kasabihan na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga,” sa aktuwal, ay para tugunan ang seksuwal na pagnanasa ng mga kalalakihan. Hinihingi nito sa mga kababaihan na hindi lang gawing kaaya-aya sa mga lalaki ang kanilang hitsura at mga pagpapaganda, kundi para din tugunan ang seksuwal na pagnanasa ng mga kalalakihan. Hindi ba’t napakahamak ng gayong paraan ng pamumuhay? Kung iniisip pa rin ng mga kababaihan na tama ang kasabihang ito, na isa itong bagay na dapat nilang makamit at sundin, kung gayon ay hinahamak ng mga kababaihan ang sarili nila. Ang mga lalaki ay may mga seksuwal na pangangailangan sa mga babae at gustong paglaruan ang katawan ng mga ito; kung ang mga kababaihan, sa halip na makita ito bilang kasuklam-suklam at kamuhi-muhi, ay nagpapaganda pa rin para sa kanilang mga tagahanga, na pakiramdam nila ay ito ang pinakamalaking karangalan sa buhay nila, ang pinakamataas na karangalan, hindi ba’t hinahamak nila ang sarili nila? (Oo.) Ito ay ganap na pagkakait sa mga kababaihan ng kanilang mga karapatan. Hindi lang nito pinagkakaitan ang mga kababaihan ng kanilang karapatan na umiral, ng kanilang dignidad, at ng kanilang mga karapatang pantao, kundi ipinapaisip din nito sa kanila na ito ang pinakamalaking karangalan. Hindi ba’t malupit ito? Labis itong malupit! Bukod sa kawalan ng awtonomiya at kawalan ng anumang mga karapatang pantao, ang kaligayahan, kagalakan, at kasiyahan ng isang babae ay makakamit lang batay sa pagpapalugod sa mga kalalakihan at ganap na pagpapasaya sa mga ito. Anumang uri ng di-makataong pagtrato ang pinagdurusahan ng mga kababaihan, hinihingi pa rin sa kanila na ipagmalaki ito. Hindi ba’t ito ay pang-aabuso at pagwasak sa mga kababaihan? Mga makabago o sinaunang kababaihan man, itinuturing nilang lahat ang kasabihan na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga” bilang ang motto nila, bilang ang layon ng kanilang buhay. Hindi ba’t ganap itong mali? Hindi ba’t isa itong panlalansi na ginagamit ni Satanas para abusuhin at ilihis ang mga tao? (Oo.) Kung isa kang babae, at nalulugod sa iyo ang isang lalaki, na ang kanyang puso ay puno ng buktot na kahalayan para sa iyo, ikaw ba ay masusuklam, o mararamdaman mo ba na isa itong malaking karangalan kung malalaman mo? (Masusuklam.) Kapag iniisip ka niya, iniisip lang niya ang iyong katawan, at ang iyong hitsura, habang inilalabas din ang kanyang sariling seksuwal na pagnanasa. Habang mas nalulugod siya sa iyo, mas lalo siyang napupuno ng seksuwal na pagnanasa para sa iyo; ang napupukaw sa kanya pagdating sa iyo ay ganap na mahahalay na kaisipan. Sinusubukan pa nga niya ang lahat ng paraan para makuha ka upang matamasa niya ang iyong katawan, ganap na matugunan ang kanyang seksuwal na pagnanasa, at mailabas ang kanyang seksuwal na pagnanasa. Kung alam mo na mayroon siya ng gayong mga intensyon sa iyo, iisipin mo pa rin ba na ang kasabihan na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga” ay tama? Mararamdaman mo pa rin ba na isang karangalan ang magustuhan at mapahalagahan ng isang tao? (Hindi.) Kung isa kang babae na may pagkaramdam ng kahihiyan, at dignidad, dapat kang masuklam sa kasabihang ito, at kapootan at tanggihan mo ang magustuhan ng gayong mga tao. Sa pamumuhay lang sa ganitong paraan ka magkakaroon ng dignidad. Ang isang taong tunay na nasisiyahan at nagpapahalaga sa iyo ay ginagawa iyon dahil sa kalidad ng iyong karakter, sa iyong mga paghahangad, dahil nauunawaan mo ang katotohanan, at gusto rin niyang may makamit na isang bagay na nakakapagpatibay mula sa iyo at makatanggap ng tulong mula sa iyo—hindi dahil gusto niya ang pahalagahan ang iyong katawan para bigyang-layaw at tugunan ang kanyang seksuwal na pagnanasa. Kung pinapahalagahan ka ng isang tao sa kabila ng iyong karakter o kung sinisikap mo mang matamo ang katotohanan o hindi, at dahil lang ang iyong hitsura at pigura ay kaaya-aya sa mata at kayang ganap na tugunan ang kanyang seksuwal na pagnanasa, pero hindi ka nakadarama ng pagkasuklam o pagkapoot dito, sa halip ay nadarama mo na gusto ka niya—sa partikular, dahil gumawa na siya ng mga pisikal na pag-abante sa iyo, mas lalo mo pang nararamdaman na gusto ka niya—at nadarama mo pa nga na isa itong karangalan, kung gayon ay hinahamak mo ang iyong sarili. Kung, sinuman ang may anumang mga plano o mga buktot na intensyon sa iyong katawan, wala kang pakialam, at hangga’t gusto ka niya, itinuturing mo ito na isang espesyal na karangalan at nadarama mo na isa itong karangalan, kung gayon, ikaw ay hindi isang tao na may integridad at dignidad, ni hindi ka isang mabuting babae. Ipagpalagay nang may isang tao na may mga seksuwal na pangangailangan sa iyo at nadarama mo na nakahanap ka na ng isang taong nakakaunawa sa iyo, at nakahanap ka na rin ng oportunidad para maglabas ng seksuwal na pagnanasa; dalawang tao ang may pananagutan, at kayong dalawa ay nagsasama dahil nagmula kayo sa parehong salbaheng pinagmulan. Sa ganoong kaso, ikaw ay isang tao na walang anumang integridad at dignidad, na hindi karapat-dapat na magustuhan; kauri mo ang malalaswa at mahahalay na tao. Kung tunay na isa kang babaeng may dignidad, dapat kang makaramdam ng pagkapoot, pagkasuklam, at pagkamuhi na nagugustuhan ka ng gayong malalaswa at mahahalay na tao. Siyempre, kung ang dahilan kaya ka nagugustuhan ng isang tao ay tunay na dahil sa iyong pagkatao, sa iyong mga paghahangad, o dahil mayroon kang partikular na kalakasan, hindi mo rin dapat maramdaman na isa itong karangalan. Ang layon ng pagsasabi ng mga tao na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga” ay tiyak na hindi kasingsimple ng pagpapahalaga ng isang lalaki sa isang babae. Tiyak na inilalagay nito ang mga lalaki sa isang posisyon kung saan dominante sila sa mga babae. Sa mas tumpak na pananalita, lumitaw ang kasabihang ito sa ilalim ng pananaw sa moralidad na ang mga lalaki ay superyor at ang mga babae ay mas mababa. Dagdag pa, ang realidad ay na ang mga kababaihan ay isang madaling maapektuhan na grupo sa ilalim ng anumang sistemang panlipunan, na tinitingnan bilang mga kadugtong at laruan ng mga kalalakihan. Samakatwid, ang kasabihan na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga” ay tiyak na isang kahihiyan sa lahat ng kababaihan. Kung ang mga kababaihan ay partikular na sumasang-ayon sa kasabihang ito, isa itong kapighatian para sa mga kababaihan, at dapat makaramdam ng pagkasuklam ang isang tao sa lahat ng kababaihang sumasang-ayon dito. Kung gayon ay dapat bang sang-ayunan ng mga kalalakihan ang pananaw na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga”? (Hindi.) Kung nakikita ng isang lalaki na ang isang babae ay nagpapaganda para sa kanyang tagahanga, hindi ba’t nadarama niya na ang ganoong babae ay namumuhay sa isang napakahamak na paraan, at hindi ba’t hahamakin niya ang gayong babae? (Oo.)
Nakikita mo na ba ngayon nang malinaw kung ang kasabihan na, “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga,” ay tama o hindi? (Hindi ito tama.) Ang kasabihang ito ay hindi isang positibong bagay, ni hindi ito isang tamang kaisipan o pananaw. Tumingin sa Bibliya at sa mga salitang ipinahayag ng Diyos—mayroon bang anumang pangungusap na nagsasabi sa mga kababaihan na dapat silang magpaganda para sa mga humahanga sa kanila? Mayroon bang anumang pangungusap na naghahati sa katayuan ng mga kalalakihan at kababaihan sa mga antas, na nagsasabi na ang mga lalaki ay nakatataas sa mga babae? Wala, walang ganoon. Ang nakatala sa Aklat ng Genesis sa Bibliya ay na ang babae ay buto ng mga buto ng lalaki at laman ng laman nito. Ang mga lalaki at mga babae ay kapwa mga tao na nilikha ng Diyos; pantay sila sa harap ng Diyos, nang walang pagkakahati ng mga antas, nang walang pagkakaiba sa pagitan ng nakatataas at ng nakabababa. Ang paghahati sa mga tao sa nakatataas at nakabababa at pagtukoy ng mga antas ng katayuan ay isang bagay na ginagawa ni Satanas; ito ay tunay na pruweba ng pang-aapi at pang-uusig ni Satanas sa mga kababaihan. Simula nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan sa umpisa, ang mga kalalakihan at kababaihan ay pantay sa mga mata ng Diyos. Sila ay kapwa mga nilikha at pakay ng pagliligtas ng Diyos. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang mga kalalakihan ay nakatataas at na ang mga kababaihan ay nakabababa, ni hindi Niya kailanman sinabi na ang mga kalalakihan ay dapat na ang pinuno ng mga kababaihan o ang kanilang mga panginoon, na ang mga kalalakihan ay dapat na maging dominante sa mga kababaihan, na dapat maging priyoridad ang mga kalalakihan kaysa sa mga babae sa anumang gawain, o na ang mga kalalakihan ay may sarili nilang mga opinyon at ang mga pangunahing puwersa habang ang mga kababaihan ay dapat na mas makinig sa mga kalalakihan. Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay. Dahil lang sa pagtitiwali ni Satanas kaya lumitaw sa gitna ng mga tao ang mga kasabihan tungkol sa pagiging mas nakatataas ng mga kalalakihan at pagiging mas nakabababa ng mga kababaihan, at pagkatapos ay nabuo ang kalakarang ito sa buong lipunan at sa buong sangkatauhan, nang palaging sinusupil ang mga kababaihan sa ilalim ng awtoridad ng lalaki. Dahil sa kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan, pagkatapos maimpluwensiyahan at malihis ang mga kababaihan ng lahat ng uri ng masasamang kalakaran ni Satanas, pakiramdam nila ay sekundarya sila sa mga kalalakihan at mas mababa ang katayuan nila kaysa sa mga kalalakihan. Iyon ang dahilan kung bakit, hanggang sa kasalukuyang panahon, maraming kababaihan pa rin ang naniniwala na ang kasabihan na “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga” ay tama. Ito ay isang napakalungkot na bagay. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nalilihis at nakokontrol pa rin sila ng iba’t ibang kaisipan at pananaw ni Satanas sa maraming partikular na usapin. Kahit ang maliit na usaping ito ay isang napakalinaw na paglalarawan, hindi ba? (Oo.) Ano ang dahilan kung bakit handa ang mga kababaihan na hamakin ang sarili nila? Ito ay dahil idinudulot ng pangkalahatang kapaligiran ng lipunan na ang mga kababaihan ay hindi maaaring magkaroon ng pantay na katayuan sa mga lalaki, at na ang mga kababaihan ay dapat na magbigay-daan sa mga kalalakihan at lumikha ng mga paborableng kondisyon para sa mga ito, at dapat ding gumawa ng maraming sakripisyo at magbayad ng malaking halaga para palugurin ang mga kalalakihan. Ito ay dulot ng lipunan, ng iba’t ibang masamang kalakaran na pinapangunahan ni Satanas. Kaya ngayon, pagkatapos maunawaan ang katotohanan sa aspektong ito, hindi ba’t may isang tiyak na kongklusyon tungkol sa kasabihan na, “Nagpapaganda ang isang babae para sa kanyang tagahanga”? (Mayroon.) Ang kasabihang ito ay walang-katotohanan at hindi naaayon sa katotohanan, tama ba? (Oo.) Pagkatapos marinig ang aktuwal na sitwasyon, hindi ba’t nararamdaman ng mga kababaihan na namuhay sila nang labis na agrabyado at nasupil sa lahat ng taon na ito? Kung gayon ay dapat pa rin bang magpaganda ang mga kababaihan para sa kanilang mga tagahanga? (Hindi.) Bilang mga miyembro ng nilikhang sangkatauhan, ang mga kababaihan ay naiiba sa mga kalalakihan tanging sa kasarian at pisyolohiya; sa ibang mga aspekto, walang anumang mga pagkakaiba. Sa mga mata ng Diyos, ang mga kalalakihan at kababaihan ay walang anumang mga pagkakaiba sa katayuan. Sa anumang mga sitwasyon, hindi kailanman humingi ang Diyos sa mga kababaihan nang naiiba sa mga hinihingi Niya sa mga kalalakihan. Sa mga aspekto gaya ng bilang ng mga taong hinihirang ng Diyos, ng pag-asa ng kaligtasan, ng kanilang mga oportunidad na gumampan ng mga tungkulin, ng mga tungkuling maaari nilang gampanan, at ng gawaing maaari nilang gawin, sa pangkalahatan, ang mga kababaihan ay pantay sa mga kalalakihan; ang mga kababaihan ay hindi mas mababa kaysa sa mga kalalakihan. Ito ang aktuwal na sitwasyon.
Noong nakaraan ay pinag-usapan natin ang tungkol sa mga pagpapamalas ng kalaswaan, kahalayan, at pagiging mapang-akit ng mga buktot na tao na mayroong kalikasang diwa ng mga diyablo, at pati na ang tungkol sa kung paano tratuhin ang mga buktot na tao kung nakatagpo ang mga ito ng isang tao pagdating sa pagpasok sa mga romantikong ugnayan o paghahanap ng isang kasintahan. Umaasa ba kayong makatagpo ng gayong tao para makaranas ng panandaliang romansa, kumilos minsan nang walang alalahanin, at bigyang-layaw ang sarili ninyo minsan? (Hindi.) Kung gayon ay umaasa ba kayong makatagpo ang inyong pinapangarap na kasintahan, ang inyong nakatadhanang kapareha, ang inyong Mister o Miss Right? (Hindi.) Hindi mahalaga kung inaasahan mo man ito o hindi. Ang susi ay na dapat kang magkaroon ng pagkakilatis tungkol sa malalaswa, mahahalay, at mga mapang-akit na taong ito na may buktot na kalikasang diwa, at dapat kang lumayo sa kanila. Sa mga salita ng mga walang pananampalataya, karamihan ng taong ito ay mga batikang manlalaro, imoral at romantiko. Ang karamihan ng nasa hustong gulang ay dapat na magawang makilala ang ganitong uri ng tao kapag nakatagpo nila ang mga ito; marahil pagkatapos ng ilang pakikisalamuha, ang karamihan ng nasa hustong gulang ay malalaman na ang mga ito ay ganitong uri. Ang ganitong uri ng tao ay walang pinipili pagdating sa panlalandi sa mga tao; kahit ilang taon ka na, hangga’t medyo may hitsura ka, maaari ka niyang landiin, na siyang nagdudulot na mahulog ka sa kanyang patibong nang walang kahit kaunting kamalayan sa kung ano ang nangyayari. Palagi siyang nagsasabi sa iyo ng mga banayad at malumanay na salita, at pinapakitaan ka niya ng pag-aalala, pagmamalasakit, at pagsasaalang-alang. Naghahanap siya ng mga oportunidad para titigan ka nang malagkit, hainan ka ng tsaa o tubig, at kung minsan ay bilhan ka pa nga ng maliliit na regalo, mga tsokolate, at iba pa. Kapag ganap kang hindi mapagbantay, ginigiba niya ang iyong mga depensa at pinapasok niya ang puso mo. Nang hindi mo namamalayan, kailangan mo lang siyang isipin at kinikilig ka na; kung hindi mo siya nakikita sa loob ng ilang araw, pakiramdam mo ay may kulang, iniisip na, “Walang tao sa paligid ko ang nagmamalasakit sa akin tulad ng pagmamalasakit niya. Tila napamahal na ako sa kanya. Napamahal na rin kaya siya sa akin?” Anong klaseng kalagayan ito? (Ang pagkahulog sa tukso.) Ang ilang batikang manlalaro ay napakasanay sa pang-aakit sa iba sa pamamagitan ng pagbitiw sa mga ito; pagkatapos kang pakitaan ng pag-aalala sa loob ng ilang panahon at patakamin, hindi na sila nagpaparamdam sa iyo, nang pinapakagat ka mismo sa pain. Kapag napagtanto mong napamahal ka na sa kanya at hindi mo kayang mabuhay nang wala siya, nahulog ka na sa bitag ng pag-ibig, at nabighani ka na. Sa sandaling nabighani ka na, ganap na niyang nakuha ang loob mo. Ano itong bitag ng pag-ibig na kinahuhulugan ng mga tao? Hindi ito ang pagmamahal ng magkapamilya, pagkakaibigan, o ang pagmamalasakit at pagmamahal sa pagitan ng mga tao, kundi ang lambat ng seksuwal na pagnanasa. Sa sandaling nahulog ka sa bitag ng seksuwal na pagnanasa, madali kang mawawalan ng kontrol. Ang higit sa siyamnapu’t limang porsiyento ng mga tao, lalo na ang mga kabataan, ay hindi ito mapagtagumpayan at hindi makatakas sa gayong patibong. Ano ang dapat gawin kung gayon? Dahil alam mong napakahirap na makatakas sa gayong patibong, huwag mong hayaan ang sarili mo na mahulog dito. Gawin ang lahat ng posible para makalayo sa mga tao, bagay, o kapaligiran na maaaring magdala sa iyo sa patibong. Dumistansya sa loob ng ilang panahon, at magdasal sa Diyos at magbasa ng mga salita ng Diyos. Unti-unti, ang iyong mga seksuwal na pangangailangan ay kukupas at maglalaho, hindi ka na makukulong sa patibong, at sa pangkalahatan ay mapapagtagumpayan mo na ang tuksong ito. Gayumpaman, hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa iyo sa susunod na makatagpo mo ang gayong mga tukso at patibong, kung magagawa mo bang mapagtagumpayan ang mga ito. Ang tanging paraan ay ang madalas na lumapit sa harapan ng Diyos para magdasal at hanapin ang katotohanan, at lumayo sa iba’t ibang tukso. Siyempre, ang pagsasangkap sa iyong sarili ng katotohanan at pag-unawa sa katotohanan ay ang mga pinakapundamental na bagay. Pero hindi simple ang pagsasangkap sa sarili mo ng katotohanan; hinihingi nito sa iyo na sumailalim sa ilang karanasan, at ang tayog mo ay hindi lumalago nang ganoon kabilis, kaya ang mga depensa mo sa iba’t ibang aspekto ay hindi rin maitatatag nang ganoon kabilis. Ano ang dapat gawin kung gayon? Dapat kang madalas na mamuhay sa harap ng Diyos, magkaroon ng paggabay ng mga salita ng Diyos, ng gawain ng Banal na Espiritu, at ng proteksyon ng Diyos. Taglay ang lahat ng bagay na ito, dagdag pa ang personal mong determinasyon, magkakaroon ka ng mga pandepensang hakbang kapag nahaharap sa gayong mga tukso. Dagdag pa rito, kapag alam mo ang kalikasan ng usapin at ang mga kahihinatnan na idudulot nito, sadya mong iiwasan ang gayong mga kapaligiran, na siyang magpapatunay na mayroon kang determinasyon na tanggihan ang gayong mga tukso. Kapag nagkagayon, dahil sa iyong saloobin at sa iyong subhetibong pagnanais, tutulungan ka ng Diyos na matakasan ang gayong mga tukso. Kung mahaharap ka sa gayong kapaligiran at makadarama ka ng pagkasuklam at pagkamuhi sa puso mo pero hindi mo alam kung paano tumanggi, magdasal ka sa Diyos, nang hinihiling sa Kanya na protektahan ka at alisin ang gayong kapaligiran para sa iyo. Kapag mayroon kang gayong mga pagsusumamo at kahilingan, marahil, dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, ang taong nagiging isang mapanganib na tukso sa iyo ay aalisin palayo, kaya magiging abala para sa kanya na kontakin kang muli, at hindi mo na siya makakaharap pang muli. Ito ay pagtulong ng Diyos sa iyo; ito ay proteksyon ng Diyos. Dahil nakikita ng Diyos ang iyong personal na pagnanais, saloobin, determinasyon, at kapasyahan, kusa at lubusan ka Niyang tutulungan na tuparin ang kahilingan mo, nakakamit ang resulta ng pagprotekta sa iyo. Kapag lumisan ang taong ito at hindi ka na niya inaabala, maaaring makadama ka ng kaunting kahungkagan sa kalooban mo, maisip mo na sayang naman na lumisan siya, at magpapantasya ka pa nga na, “Kung nandito pa rin siya, magkakasundo kaya kami?” Paminsan-minsan, maaaring lumitaw ang gayong mga kaisipan, pero kapag may proteksyon ng Diyos, sa huli ay nailalayo ka sa tukso. Nang hindi namamalayan, unti-unting kumukupas ang usaping ito sa puso mo, unti-unti itong lumalayo sa iyo, at sa paglipas ng panahon ay nanunumbalik sa iyo ang kapayapaan, bumabalik ka sa dati mong kalagayan ng buhay at normal na mentalidad. Sa puntong ito, nagtatapos na ang usapin. Hindi ito naging anumang banta o panggugulo sa iyo, kundi sa halip ay naging malakas na ebidensiya at patotoo ito sa iyong tagumpay laban kay Satanas at sa pag-iwas at pagtanggi mo sa diyablo. Hindi ba’t napakaganda nito? (Oo.) Noong malapit nang maging isang banta sa iyo ang tuksong ito, sa mapanganib na sandaling iyon, dahil sa iyong saloobin at pakikipagtulungan, pinrotektahan ka ng Diyos. Naghanda ang Diyos ng naaangkop na kapaligiran para sa iyo, na tinutulutan ka na makapanindigan. Itinataguyod nito ang paglago ng tayog mo; palalakasin nito ang pananalig mo, palalakasin nito ang iyong determinasyon at ang pagnanais mo na isagawa ang katotohanan, bibigyan ka nito ng motibasyon, at tutulutan nitong lumago ang tayog mo. Kung, kapag sumapit sa iyo ang tuksong ito, ayaw mo itong tanggihan o iwasan, wala kang kahandaan na isagawa ang katotohanan, hahayaan mo itong umunlad nang malaya, at handa kang tanggapin ang tuksong ito, handa ka pa ngang tanggapin ang panliligalig at panggagapos ng diyablo, at natatamasa mo nang natatamasa ang gayong kalagayan, lalo kang nagiging handa na mamuhay sa gayong kapaligiran, at hindi ka aktibong nagdarasal sa Diyos nang hinihingi sa Kanya na tanggalin ang gayong kapaligiran—nang makita na ang saloobin mo sa usaping ito ay ganito, hindi ka pipilitin ng Diyos. Sa mga kilos ng Diyos, hindi Niya kailanman inoobliga ang sinuman. Dahil gustong-gusto mo ang taong ito, dahil nadarama mo na makapagbibigay siya sa iyo ng labis na kaligayahan at kagalakan, nang binibigyan ka ng kasiyahan, hindi ka pagkakaitan ng Diyos ng gayong kagalakan at kaligayahan, ni hindi aalisin palayo ng Diyos ang taong ito. Tungkol naman sa mga kahihinatnan, ikaw lang ang dapat na magpasan sa mga ito. Ang mangyayari ay na unti-unti kang mahuhulog sa tukso at mahalay na panggagapos ng mga diyablo, ng mga buktot, malalaswa, at mahahalay na tao, na sa huli ay nawawala ang pang-aakusa ng konsensiya mo at ang presensiya ng Diyos. Matapos tamasahin ang kaligayahan at kagalakan ng pagpapakasasa sa mga seksuwal na pagnanasa ng laman, wala kang nadaramang kahihiyan at hindi mo mahila ang sarili mo mula sa gayong tukso—ito ay tinatawag na pagtulot sa sarili mo na malugmok sa kabuktutan. Pakiramdam mo ay ikaw ang pinakamasayang tao, labis mong tinatamasa ang kaligayahan at kagalakang ito, pakiramdam mo ay mapalad ka na magkaroon ng gayong kaligayahan at kagalakan, at labis kang nasisiyahan na masilo sa gayong bitag ng pag-ibig. Ano pa ang magagawa o masasabi ng Diyos, kung gayon? Hindi ka bibigyan ng Diyos ng anumang pahiwatig, hindi ka Niya babalaan tungkol sa anumang bagay, at wala Siyang gagawing anuman. Sige lang at magpakasaya ka. Ang mga kahihinatnan sa huli para sa mga nasilo sa bitag ng mga seksuwal na pagnanasa ay mahuhulaan. Walang sinuman na nahuhulog sa bitag ng pag-ibig ang nagiging maligaya o nagagalak sa huli; sa kabaligtaran, ang kalalabasan ay maaari lang maging masakit at masaklap. Ikaw lang ang dapat magpasan ng gayong mga kahihinatnan, at nararapat sa iyo na pasanin ang mga iyon. Kumikilos ba ang Diyos nang may mga prinsipyo? (Oo.) Iginagalang ng Diyos ang mga pagpipili mo. Huwag isipin na, “Babantayan at pipigilan ako ng Diyos; hindi Niya ako hahayaan na makipag-date, ni hahayaan na tugunan ko ang mga seksuwal na pangangailangan ko.” Nagkakamali ka; hindi ka pinapakialaman ng Diyos. Ang gustong gawin ng Diyos ay ang protektahan ka mula sa pagkahulog sa tukso, mula sa panlilihis ng masasamang tao, mula sa pangwawasak at lubhang pamiminsala ni Satanas. Pero kung pinipili mong sumama kay Satanas, sinasabi ng Diyos na kalayaan at pagpipili mo iyon; basta’t kusang-loob ka, basta’t hindi mo ito pinagsisisihan, hindi ka oobligahin ng Diyos; ikaw lang ang aani ng itinatanim mo, at kapag dumating ang panahon at umiiyak ka nang miserable, huwag kang magreklamo na hindi ka pinaalalahanan ng Diyos, at huwag kang magreklamo na hindi ka pinrotektahan ng Diyos. Gusto kang protektahan ng Diyos, gusto ng Diyos na lumayo ka sa tukso, pero tumatanggi ka. Kung aalisin palayo ng Diyos ang taong gusto mo, ang taong kasama mong nakagapos sa bitag ng pag-ibig, hahanapin mo siya, kikilos ka na para kang baliw, mawawalan ka ng kontrol, magrereklamo ka tungkol sa Diyos, aawayin mo ang Diyos dahil sa pagiging hindi mapagsaalang-alang sa iyong mga damdamin at hindi pagkaunawa sa iyong mga suliranin. Kaya, hindi iyon gagawin ng Diyos; hindi idudulot ng Diyos na gawin ng mga tao ang mga bagay na ayaw nilang gawin. Dahil ikaw mismo ang pumili sa landas na iyan, ikaw lang ang dapat pumasan sa mga kahindik-hindik na kahihinatnan na lumilitaw sa huli. Walang magdurusa para sa iyo. Malinaw na ba ang usaping ito ngayon? (Oo.)
Kung ang ilang tao ay mahaharap laban sa mga panggagapos ng mga diyablo at Satanas—ng mga buktot na tao—at hindi tatanggihan ang mga ito kundi kusang-loob na gugugulin ang buhay nila kasama ang mga ito, sariling pagpipili nila ito. Kapag sa huli ay magreresulta ito sa mapapait na kahihinatnan, hindi nila dapat sisihin ang iba; maaari lang nilang kamuhian ang sarili nila sa pagiging masyadong hamak at masyadong lihis, at dapat nilang sampalin ang sarili nilang mukha at sumpain ang sarili nila. Anumang mapait na bunga ang aanihin mo sa huli ay wala itong anumang kinalaman sa Diyos. Huwag mong sabihin na, “Bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos? Bakit hindi ako pinigilan ng Diyos noon?” Sinasabi Ko sa iyo, walang gayong obligasyon ang Diyos; malinaw na Niyang sinabi sa iyo ang dapat Niyang sabihin sa iyo. Ikaw ay isang tao na may abilidad na mag-isip nang nagsasarili; binigyan ka ng Diyos ng malayang kalooban, at mayroon kang karapatan na pumili nang malaya. Samakatwid, binibigyan ka ng Diyos ng karapatan na pumili kapag nahaharap ka sa anumang bagay. Dahil mayroon kang karapatang pumili, ang mapait na bunga na aanihin mo sa huli ay magmumula sa sarili mong pagpipili, kaya hindi ka dapat magreklamo tungkol sa Diyos o magbaling ng sisi kung saan-saan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay ang sabihin sa iyo ang katotohanan at ipakita sa iyo ang landas patungo sa kaligtasan. Tungkol naman sa kung pipiliin mong sumunod sa Diyos o sumunod kay Satanas, depende iyon sa iyo. Kung isa kang pinagpalang tao at handa kang hangarin ang katotohanan, sumunod ka sa Diyos. Kung hindi mo minamahal ang katotohanan, bagkus ay minamahal mo ang mundo at minamahal mo ang kabuktutan—kung ang buhay mo ay isang buhay lang na walang-halaga—kung gayon ay piliin mong sumunod kay Satanas; walang pumipigil sa iyo. Hanggang sa araw na ito, ang ilang tao ay nagkakamali pa rin ng pagkaunawa sa Diyos at sa sambahayan ng Diyos, palaging nagrereklamo na, “Nasa trenta o kuwarenta anyos na ako, wala pa akong nakaka-date o napapangasawa—hindi ito tinutulutan ng sambahayan ng Diyos!” Kailan pa pinigilan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na makipag-date o mag-asawa? Kalayaan mo ito; hindi nakikialam ang sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, mayroong isang kondisyon: Kung gagawin mo iyon, hindi ka maaaring gumawa ng tungkulin sa isang iglesiang may tungkuling full-time, dahil ang pagiging nasa isang romantikong ugnayan at ang hindi na pag-iisip na gawin ang iyong tungkulin ay makakaantala sa gawain ng iglesia. Kung talagang gusto mong makipag-date at mag-asawa, ipasa mo muna ang gawain na pinapanagutan mo, at pansamantala tayong maghihiwalay. Malinaw ba sa lahat ang mga prinsipyo sa aspektong ito? (Oo.) Kung gusto ng isang tao na makipag-date o mag-asawa, ganap na ayos iyon; walang pumipigil dito. Gayumpaman, ang walang pagpipiling panlalandi sa kasalungat na kasarian at panggugulo sa buhay iglesia ay hindi katanggap-tanggap. Iyong mga walang pagpipiling nanlalandi sa iba ay mga diyablo; sila ay mga buktot, malalaswa, at mahahalay na tao, at hinding-hindi pinapahintulutan ng sambahayan ng Diyos ang presensiya ng gayong mga tao. Ang ganitong uri ng tao ay walang pagpipiling nanlalandi at nanliligalig ng iba kahit nasa alinmang grupo ng mga tao siya naroroon. Tulad ng isang salot, nagdudulot siya ng pagkataranta at palaging ipinadarama sa mga tao ang pagiging hindi mapakali at hindi mapanatag. Saanman siya namumuhay ng buhay iglesia, ang kanyang mga panggugulo ay lumilikha ng isang magulong atmospera at ginagawang napakagulo ang iglesia. Hindi lang niya sinasabotahe ang gawain ng iglesia, kundi ginugulo rin niya ang normal na kaayusan ng mga kapatid na gumagawa ng kanilang mga tungkulin. Ang gayong mga tao ay dapat mahigpit na bantayan at limitahan, at iyong mga nagdudulot ng malubhang epekto ay dapat na ibukod o paalisin. Sinasabi ng ilang tao na, “Iilang tao lang ang napinsala ko—hindi naman iyon malaking problema, tama ba?” Kung kaya mong pinsalain ang iilan, may kapabilidad ka ring pinsalain ang dose-dosena. Sadyang ganito kang uri ng ubod ng samang bagay. Ang walang-pakundangang panlalandi sa iba at ang di-naaangkop na paglalabas ng seksuwal na pagnanasa sa iglesia—na nakakapinsala sa mga tao—ay hindi katanggap-tanggap. Kung gusto mong manlandi ng mga tao, pumunta ka sa mahahalay na lugar ng mundong walang pananampalataya; walang pipigil sayo roon. Pero ang sambahayan ng Diyos, ang lugar kung saan gumagawa ang mga kapatid ng kanilang mga tungkulin, ay taimtim, tahimik, at sagrado; hindi nito pinahihintulutan ang sinumang mga diyablo o mga Satanas na manggulo o manabotahe rito. Kung mayroon mang may gustong gawin ang iglesia na isang lugar para sa pakikipag-date o kalaswaan, nagpapakasasa sa seksuwal na pagnanasa ayon sa sariling kagustuhan, hinding-hindi iyon katanggap-tanggap! Ito ang iglesia, ang lugar ng gawain ng Diyos, ang lugar kung saan gumagawa ang Banal na Espiritu para linisin at gawing perpekto ang mga tao. Lalaki man o babae, ang lahat ay dapat na may dignidad at disente, at mag-asikaso ng wastong gawain. Ang walang-pagpipiling panlalandi sa iba ay hindi pinapahintulutan, gayundin ang di-angkop na paglalabas ng seksuwal na pagnanasa. Kung hindi mo makontrol ang iyong seksuwal na pagnanasa at gusto mo lang itong ilabas, pumili ka ng nababagay na tao para pakasalan; huwag manlandi ng iba nang walang pagpipili sa loob ng iglesia. Ang sinumang walang pagpipiling nanlalandi ng iba at pumupukaw ng galit mula sa mga kapatid ay dapat na paalisin o patalsikin kaagad, sa takot na patuloy nilang guguluhin ang buhay iglesia. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.) Dapat ay may mga hangganan sa pagitan ng mga kalalakihan at kababaihan. Kung ang isang lalaki ay palaging tumatambay sa paligid ng mga grupo ng mga kababaihan, hindi dahil sa gawain, ni hindi rin dahil may mahahalagang usapin na kailangang asikasuhin, kundi para magpakitang-gilas sa mga kababaihan, maglabas ng seksuwal na pagnanasa, at walang pagpipiling manlandi sa mga ito—ito ay panliligalig. Kung ang isang babae, mayroon mang dahilan o wala, ay palaging tumatambay sa paligid ng mga grupo ng mga kalalakihan, nang walang pakundangan na nanlalandi sa mga ito, tinitingnan ang mga ito nang malagkit at ipinapangalandakan ang kanyang alindog, dapat din siyang pakitunguhan bilang isang diyablo. Kung normal ninyong tinatalakay o pinagbabahaginan ang gawain, ito ay katanggap-tanggap, pero ang walang-pagpipiling panlalandi at pakikipagharutan sa iba ay hindi katanggap-tanggap. Ang anumang gayong pag-uugali na nagdudulot ng kaguluhan ay katumbas ng panggugulo sa buhay iglesia at pagsira sa normal na kaayusan ng gawain ng iglesia, at hindi pinahihintulutan sa sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng tao ay dapat na tanggihan at layuan ang malalaswa, mahahalay, at mga seksuwal na mapang-akit na diyablong ito. Kapag ang karamihan ng tao ay tumitindig para tanggihan, ilantad, at iwasan ang mga ito, nang tinitiyak na ang mga pagtatangka ng mga ito na manlandi ng iba ay nabibigo at nang idinudulot na hindi makuha ng mga ito ang kanilang gusto sa anumang sitwasyon, unti-unti nilang ititigil ang ginagawa nila. Kung hindi nila magawa nang normal ang kanilang tungkulin, at walang pakundangan lang nilang nilalandi at ginugulo ang iba sa tuwing wala silang ginagawa, pumupunta sila kung saan-saan at nakikipag-ugnayan nang romantiko, at tinatamasa ang pakiramdam ng pagiging nasa isang romantikong ugnayan, kung gayon ay paalisin sila kaagad. Agad na direktang lutasin ang problema at harapin ang malalanding indibidwal na ito—huwag silang bigyan ng anumang oportunidad para manggulo ng mga tao. Sa pamamagitan ng ating pagbabahaginan, malinaw na ba ngayon ang usaping ito? (Oo.) May nakamit ba kayo na anuman? Mayroon ba kayong landas ng pagsasagawa? Mayroon na ba kayo ngayon ng pagkakilatis tungkol sa ganitong uri ng malaswa at mahalay na tao? (Oo.) Malinaw na ba sa inyo kung paano umasal, kung paano manatili sa inyong wastong lugar, at kung paano gawin ang dapat ninyong gawin sa loob ng normal na pagkatao? (Oo.) Sa loob nito, may mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao at mga prinsipyo ng pagkilatis na dapat maging malinaw sa kanila, at siyempre, mayroon ding mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa ng mga tao at mga landas na dapat nilang tahakin. Dahil nalinaw na ang lahat ng ito, ang usaping ito ay ganap nang nailatag.
Iyon lamang ang lahat para sa ating pagbabahaginan ngayon. Paalam!
Pebrero 11, 2024