Paano Hangarin ang Katotohanan (14) Ikatlong Bahagi
B. Pagpapasasa sa Seksuwal na Pagnanasa ng Laman
Noong nakaraan, sa pagtatalakay sa lihis na kalikasang diwa ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, binanggit natin ang kanilang “kalaswaan” at “seksuwal na pang-aakit,” dalawang uri ng pagpapamalas ng seksuwal na pagnanasa ng laman. Dagdag pa sa dalawang ito, may isa pang aspekto na nauugnay sa “kalaswaan” at sa “seksuwal na pang-aakit,” isang uri ng panlabas na pag-uugali o pagsasabuhay ng pagkatao, at iyon ay ang “kahalayan”. Ang “kalaswaan” at “kahalayan” ay karaniwang ipinapares nang magkasama. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng “kahalayan”? (Ang pag-uugali at asal na imoral at walang pagpipigil, at pabirong lumalandi sa iba.) Ang “kahalayan” ay nangangahulugan ng pagpapakasasa—ang ibig sabihin nito ay pagiging imoral at walang pagpipigil. Ang tatlong aspektong ito ay dapat sapat na para himayin ang mga buktot na pagpapamalas ng ganitong uri ng tao tungkol sa seksuwal na pagnanasa ng laman. Dapat magawang maunawaan ng mga nasa hustong gulang na ang mga pagpapamalas ng kalaswaan, seksuwal na pang-aakit, at kahalayan. Hindi ito abstrakto, sapagkat ang gayong mga usapin at ang gayong mga tao ay karaniwang nakikita at naririnig sa pang-araw-araw na buhay. Kaya, ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng gayong mga tao? Pagdating sa mga ugnayan sa pagitan ng mga lalaki at babae, wala silang pagpipigil, wala silang mga hangganan, at wala silang pagkaramdam ng kahihiyan. Labis silang nagpapakasasa pagdating sa kanilang seksuwal na pagnanasa, hindi nila ito nirerendahan, at wala talaga silang pagpipigil. Kasabay nito, wala silang nararamdamang anumang kahihiyan tungkol sa pagpapakasasa sa kanilang seksuwal na pagnanasa. Kahit ilang taon na sila, anuman ang kasarian nila, o kung may asawa man sila o wala, labis silang interesado sa kasalungat na kasarian at partikular silang nagbibigay-atensiyon dito. Sa tuwing nakakatagpo nila ang isang grupo ng mga tao, nagbibigay-atensiyon sila sa mga miyembro ng kasalungat na kasarian na pinagkakainteresan nila. Ang atensiyon na ito ay hindi lang pagsulyap sa mga ito nang higit sa karaniwan, pakikipag-usap sa mga ito, o pakikipag-ugnayan sa mga ito nang normal—ito ay na nasisilo sila sa seksuwal na pagnanasa sa pagitan ng mga lalaki at babae at pumapasok sila sa mga romantikong ugnayan. Pagdating sa taong gusto nila, kahit ilang taon na ang taong iyon, at kahit pumapayag man ang kabilang partido o hindi, hangga’t nagugustuhan nila ang taong ito, magkukusa silang landiin siya, na umaabot pa nga sa punto na nagsasagawa sila ng ilang di-karaniwang kilos o asal para makuha ang atensiyon ng kabilang partido. Halimbawa, paminsan-minsan ay gagawa sila ng masarap na pagkain para sa kabilang partido; sa mga holiday, bibigyan nila ito ng mga regalo; mayroon mang dahilan o wala, magpapadala sila ng mga mensahe sa kabilang partido—itinatanong sa umaga kung, “Bumangon ka na ba?” at sa gabi kung, “Nakaligo ka na ba?” Makalipas ang ilang araw ay sasabihin nila, “Ang lamig ng panahon kamakailan—tiyakin mo na magpatong-patong ka ng suot na damit, at huwag kang magpalamig. Kung may kailangan ka mang anumang bagay, puwede kang magpatulong sa akin!” Madalas silang nagpapahayag ng pag-aalala, ginagamit ito bilang palusot para ligaligin ang kabilang partido. Ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman lumalandi ng isa o dalawang indibidwal, o ng dalawa o tatlo—nilalandi nila ang sinumang nagugustuhan nila. Nagkakagusto sila sa lahat ng nakikita nila; sa sandaling may mahanap silang isang taong kaakit-akit o maganda ang pakiramdam nila sa kanya, agad silang nagkakaroon ng mahahalay na kaisipan at nagtatangka silang akitin ang taong iyon. Nasaang grupo man sila o nasaang kapaligiran man sila, hindi nila kailanman nalilimutan ang usaping ito. Saanman sila magpunta, palagi nilang pinupuntirya ang tatlo o lima, o mga isang dosena, na mga kaibigan sa kasalungat na kasarian o katapatang-loob na nagugustuhan nila. Kung kaya nilang magkaroon ng pisikal na pagdikit, itinuturing nila ito bilang pagkakamit sa layon ng pagpasok sa isang romantikong ugnayan. At kung hindi pa ito umaabot sa antas ng isang romantikong ugnayan, ang panlalandi lang sa iba nang gaya nito ay napakaganda na sa kanilang pakiramdam—ang kanilang mga araw ay matamis at kasiya-siya. Kung hindi ito tinutulutan ng kapaligiran at hindi nila magawang lumandi sa kasalungat na kasarian, sumasama ang loob nila. Kung may nagpapaalala sa kanila na ang gayong pag-uugali ay hindi naaangkop, nagkikimkim sila ng sama ng loob sa puso nila. Kung may nagpipigil sa kanila na lumandi ng mga tao nang walang pakundangan, lumalaban sila at salungat sa kanilang puso, at iniisip pa nga na, “Karapatan ko ito—anong nagbibigay sa iyo ng kalipikasyon na pigilan ako? Kalayaan ko ang ginagawa ko! Hindi ko nilalabag ang batas ni hindi ako gumagawa ng krimen, kaya sino ka para subukan akong kontrolin?” Anuman ang kapaligiran, ang ganitong uri ng tao ay palaging nakadarama ng pangangailangan na makahanap ng kung anong uri ng libangan na pagkakaabalahan niya—palagi niyang nararamdaman ang pangangailangan na makahanap ng ilang kaibigan sa kasalungat na kasarian o mga seksuwal na katuwang para magpalipas ng oras, para punan ang kanyang buhay at gawing mas kasiya-siya ito. Kung hindi, pakiramdam nila ay hungkag, nakakabagot, at hindi interesante ang kanilang buhay. Ang ilang tao, pagkatapos landiin nang walang humpay, ay hindi mapigilan na mag-internet para manood ng pornograpiya, nang namumuhay sa loob ng seksuwal na pagnanasa ng kanilang laman, imoral at walang pagpipigil, at hangga’t tinutulutan ng mga kondisyon, kaya nilang gumawa ng anuman. Ang mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, anuman ang okasyon o ang kapaligiran, gaano man kahirap ang kanilang buhay, gaano man kabigat ang kanilang trabaho, at tinutulutan man ito ng kapaligiran o hindi, ay palaging kailangang magpakasasa sa seksuwal na pagnanasa, at maghanap ng mga oportunidad para makipag-ugnayan at makipaglandian sa kasalungat na kasarian, nang ganap na tinutugunan ang kanilang seksuwal na pagnanasa. Kung ang seksuwal na pagnanasa ng kanilang laman ay hindi matutugunan, kahit ang pagtugon sa pagnanasa ng kanilang isipan ay sapat na. Ito ang tinatawag na pagiging lihis—masyado silang lihis. Ang ilang tao ay matanda na, may mga anak na may asawa na at may sarili nang mga pamilya, pero labis pa rin silang nagpapakasasa at walang pagpipigil sa kanilang seksuwal na pagnanasa, ganap na walang pagkaramdam ng kahihiyan. Kapag nakakakita sila ng isang miyembro ng kasalungat na kasarian na gusto nila, nag-iisip sila ng lahat ng paraan para lumikha ng mga oportunidad para masolo siya—at pagkatapos ay hawakan ang kamay, yakapin, o dumikit sa kabilang partido, at magsabi ng ilang malandi at mapanuksong mga bagay o magsabi ng ilang mapang-akit na bagay. Sa paggawa niyon, unti-unti silang nagdudulot ng kaguluhan sa ilan sa mga kasalungat na kasarian. Ito ay kalaswaan. Hanggang sa anong antas malaswa ang ganitong uri ng tao? Kapag nakakakita siya ng isang tao sa kasalungat na kasarian na kaakit-akit o may magandang pigura, nagsisimula siyang magkaroon ng mahahalay na kaisipan. Kahit ang marinig lang ang isang tao sa kasalungat na kasarian na magsalita sa isang malumanay, kaakit-akit, at medyo kaaya-ayang pakinggan na tinig ay maaaring magpukaw ng mahahalay na kaisipan sa kanya. Kapag napukaw na ang mahahalay na kaisipang ito, hindi lang niya paminsan-minsang iniisip ang mga bagay na ito—sa halip, iniisip niya ang mga ito nang napakadalas. Iniisip niya ang mga ito habang kumakain, habang nagtatrabaho, kahit habang nananaginip, ang isipan niya ay umaapaw sa mahahalay na kaisipang ito araw-araw. Dahil taglay niya ang buktot na diwa ng kalaswaan, magpapakasasa siya sa seksuwal na pagnanasa ng kanyang laman nang walang anumang pagpipigil. Kahit kapag nakakakita siya ng isang tao na mula sa isang magandang pamilya na may kayamanan at katayuan—isang mayamang batang dalaga o isang mayamang babaeng asawa, o isang matangkad, mayaman, at guwapong lalaki o isang mayamang negosyante—nagsisimula siyang magkaroon ng mahahalay na kaisipan. Tingnan mo na lang kung gaano kalubhang malaswa ang gayong mga tao! At may mas malulubha pa ngang kaso. Sa iglesia, may isang brother na magaling umawit. Hindi naman siya anumang “pang-sikat na antas” na mang-aawit—maganda lang sa pandinig ang tinig niya. Lumalabas na nang marinig ng ilang babae ang kanyang pag-awit, ang mga ito ay nagkaroon ng magagandang damdamin sa kanya at gusto siyang pakasalan. Ang mga babaeng ito ay ni hindi kailanman nakita ang hitsura ng brother na ito. Hindi nila alam kung ilang taon na siya, kung anong uri ng personalidad ang mayroon siya, kung ano ang antas ng pinag-aralan niya, kung ano ang kakayahan niya, o kung kumusta ang pananampalataya niya sa Diyos. Hindi nila isinaalang-alang ang mga bagay na ito, pero gusto pa rin nilang pakasalan siya; ang kanilang mahahalay na kaisipan ay napukaw dahil lamang sa pagkarinig sa kanyang tinig. Sabihin sa Akin, hindi ba’t ang gayong mga diyablo ay may lihis na kalikasan? Ang isang normal na tao, pagkarinig na mahusay umawit ang isang tao, ay makadarama ng hindi hihigit sa kaunting inggit pero hindi kailanman iisipin na pakasalan ang taong iyon. Kung tunay na gusto niyang pakasalan ang isang tao, kikilalanin muna niya ang karakter ng taong iyon at ang sitwasyon ng pamilya nito bago gumawa ng gayong desisyon, tulad ng kung ilang taon na ito, ano ang hitsura nito, ano ang karakter nito, kumusta ang pamilya nito—kapag kalugod-lugod ang lahat ng aspekto ay saka lang niya isasaalang-alang na pakasalan ito. Pero ang mga tao na mga diyablo ay iba—ang ilang babae, pagkarinig na mahusay umawit ang isang lalaki, ay gusto nang pakasalan ito; ang ilang lalaki, pagkakita sa isang kaakit-akit na babae, ay gusto nang pakasalan ito. Hindi ba’t nakakakilabot ang gayong mga tao? Sila ay kapwa nakakakilabot at nakakasuklam! Sa tuwing nakakakita sila ng isang tao na may katayuan, kaalaman, kahusayan sa pagsasalita, o may isang partikular na kalakasan, o kung nakakakita sila ng isang taong maganda o guwapo, nagsisimula silang magkaroon ng mahahalay na kaisipan. Kapag nakakakita sila ng gayong mga tao, lagi nilang tinititigan ang mga ito nang hindi kumukurap; nakapirme ang kanilang mga mata, pero ang kanilang isipan ay napakaaktibo at ang kanilang seksuwal na pagnanasa ay naglalagablab—ito ay pagkakaroon ng mahahalay na kaisipan. Sa tuwing may isang tao na palaging tumititig sa mga tao sa kasalungat na kasarian nang hindi inaalis ang tingin—at may ilan pa nga na nagbubunyag ng isang buktot na tingin sa kanilang mga mata, o naglalaway habang nakabukas ang kanilang bibig—ito ay pagkakaroon ng mahahalay na kaisipan. Kapag napukaw ang kanilang mahahalay na kaisipan, nagsisimula silang maging mapanghipo sa iba. Ito ay tinatawag na pagiging lihis. Anuman ang sitwasyon, hangga’t ang kanilang kahalayan sa paningin, kahalayan sa pandinig, o seksuwal na pagnanasa ng laman ay napukaw, magkakaroon sila ng mahahalay na kaisipan—ang gayong mga tao ay mga diyablo. Ang seksuwal na pagnanasa ba ng mga diyablo ay napipigilan o nalilimitahan ng konsensiya at katwiran ng pagkatao? Hindi ito napipigilan, kaya palaging umaapaw ang kanilang seksuwal na pagnanasa, at palagi silang nagpapakita ng mga pagpapamalas ng kahalayan—labis silang nagpapakasasa. Wala silang pakialam kung gaano karami ang tao sa paligid nila, kung ano ang sarili nilang edad, o kung gusto ba sila ng kabilang partido, o kung nasusuklam ba ito at napopoot sa kanila—hangga’t ito ay isang taong gusto nila, magkakaroon sila ng mahahalay na kaisipan at magpapakasasa sila sa mga pantasya, nang tinutugunan ang kanilang seksuwal na pagnanasa hanggang sa pinakasukdulan. Hindi ba’t kasuklam-suklam iyon? Ang ganitong mga tao ay labis na malaswa. Kahit na hindi sila makahanap ng pagkakataon para magkaroon ng mga ugnayan sa kasalungat na kasarian, gusto pa rin nilang manlandi ng iba. Ang mga pagpapamalas ng pag-uugaling ito ay na madalas silang nagpapadala ng malalanding senyales sa pamamagitan ng pagtingin sa iyo nang malagkit, iniisip ang lahat ng paraan para makaugnayan ka at mapalapit sa iyo—sadyang daanan ka at hawakan nang bahagya ang iyong kamay, balikat, o likuran—at magsabi ng malalanding bagay, at ang lahat ng ito ay sinasadya. Ipinapakita nito na ang kanilang puso ay puno na ng kahalayan. Ang mga normal na taong nasa hustong gulang, kapag nakikisalamuha sa mga miyembro ng kasalungat na kasarian, ay nagpapanatili ng mga hangganan, pagpipigil, at saklaw. Ito man ay tungkol sa mga bagay tulad ng seksuwal na pagnanasa, mga kaisipan, pananalita, pisikal na pagdikit, o pisikal na distansya sa pagitan ng mga tao, ang lahat ng ito ay pinamamahalaan at pinipigilan ng kanilang konsensiya at katwiran. Pero ang mga taong malalaswa at mahahalay ay hindi ganito. Anuman ang okasyon, gaano karaming tao man ang nasa paligid, o anuman ang sitwasyon sa oras na iyon, at anuman ang sarili nilang edad at kung may asawa man sila o wala, kung gusto man ng kabilang partido, o nasusuklam man sa kanila ang kabilang partido, ginagawa pa rin nila ang anumang gusto nila, nang walang habas na nagpapakasasa sa kanilang seksuwal na pagnanasa. Ito ang tinatawag na kahalayan. Ang ganitong mga tao ay hindi napipigilan ng anumang bagay—ni hindi sila sumusunod sa mga moral na hangganan; ganap silang nagpapakasasa. Sa katunayan, gaano kalayo ang inaabot ng ilang tao sa kanilang pagpapakasasa? Sobrang sukdulan na umaabot sila sa hayagang pagtitig sa maseselang bahagi ng kasalungat na kasarian. Kung ang isang tao sa kasalungat na kasarian ay may maniningning at magagandang mata, gagawa sila ng anumang oportunidad para ibahagi ang nasa kanyang puso, para makipag-usap o makipagtalakayan ng gawain sa kanya, tumititig nang nakapirme sa kanyang mga mata. Kung ang isang tao sa kasalungat na kasarian ay may maputi, makinis, at malambot na balat, madalas nila itong tinititigan, sinasadya man o hindi sinasadya. Kung ang isang tao sa kasalungat na kasarian ay may matangkad at payat na pigura, palihim silang nanonood mula sa likod, tinititigan siya nang hindi inaalis ang tingin. Ito ay pagiging puno ng seksuwal na pagnanasa. Lihis ba ang ganitong mga tao? (Oo.) Mayroon ding ilang menor de edad, o mga nasa hustong gulang na may asawa na, na madalas manood ng pornograpiya o ng mga beauty pageant gaya ng Miss World, kung saan ang mga babae ay nagdadamit nang masyadong kita ang laman—sapat na para tugunan ang pagkahalay ng kanilang paningin. Habang mas nagpapakasasa sila nang ganito, nagiging mas mahirap na rendahan at kontrolin ang kanilang seksuwal na pagnanasa at mahahalay na kaisipan. Isa ba itong pagpapamalas ng mga diyablo? (Oo.) Mamumuhay ba sa ganitong paraan ang mga normal na tao? Aasal ba sila sa ganitong paraan? (Hindi.) Ang ilang lalaki mula sa Silangan ay medyo konserbatibo, at kapag nagpupunta sila sa Kanluran at nakakakita sila ng maraming babaeng nakadamit nang kita ang laman, nagiging mausisa sila at gusto nilang sumulyap nang ilang beses pa, pero pagkalipas ng ilang panahon, kapag nasanay na sila rito, hindi na sila nagiging mausisa—isa itong normal na pagpapamalas. Mayroon ding ilang tao na walang asawa na medyo mausisa tungkol sa mga usapin ng seksuwal na pagnanasa, o na paminsan-minsan, dahil sa obhetibong kapaligiran, ay nagkakaroon ng kung anong buktot na kahalayan. Ang lahat ng ito ay mga normal na pisyolohikal na reaksiyon—hindi ito matatawag na pagiging lihis. Pero ang mga tao na mga diyablo ay hindi katulad ng mga ordinaryong tao. Ang kanilang pagiging lihis ay lampas sa mga normal na tao—ito ay partikular na hindi normal. Hindi lang sila mausisa tungkol sa seksuwal na pagnanasa o mayroon silang mga normal na pisyolohikal na reaksiyon o mga pangangailangan—sila ay imoral at mahalay. Kapag nagpapakasasa sila sa buktot na kahalayan, hindi sila nakakaramdam ng kahihiyan kahit kaunti. Ito ang tinatawag na pagiging lihis. Hanggang saan ang pagkalihis nila? Sa pagtingin lang sa balat, mga mata, pigura, o hitsura ng kasalungat na kasarian—o kahit naririnig lang nila ang tinig nito—nagsisimula na silang magkaroon ng mahahalay na kaisipan, at pagkatapos ay lumilikha sila ng lahat ng posibleng oportunidad para makaugnayan o makalapit sa kabilang partido, na umaabot pa nga sa punto na umaaksiyon sila para tugunan ang kanilang seksuwal na pagnanasa. Ito ay tinatawag na pagiging lihis.
Ang isa pang pagpapamalas ng pagiging lihis ay na ang mga taong ito, nasa anumang kapaligiran sila, ay palaging napapaligiran ng iba’t ibang tao sa kasalungat na kasarian. Ang gayong tao ay nanlalandi ng ilang miyembro ng kasalungat na kasarian nang sabay-sabay at madalas na nagpapanatili ng mga malabong ugnayan sa maraming tao. Ano ang ibig sabihin ng isang malabong ugnayan? Isa itong ugnayan na katulad ng isang pagkakaibigan pero katulad din ng isang romantikong ugnayan—walang makakapagsabi nang malinaw kung anong uri ng ugnayan ang aktuwal na mayroon sila. Wala silang malilinaw na hangganan sa kasalungat na kasarian; ang kanilang mga ugnayan ay labis na malabo—mayroong palagiang landian, at ang mga bagay ay magulo at hindi malinaw. Ang mga pagpapamalas ba na ito ay pinamamahalaan ng isang malaswang kalikasan? (Oo.) Sa usapin ng moralidad at ng etika ng mga ugnayan ng tao, ang masasamang kalakaran ng mundo ngayon ay hindi na pinupuna man lang ang ganitong uri ng penomenon. Tinatawag ito ng mga tao na pagkakaroon ng kapabilidad, na pagiging sunod sa uso—tinatawag nila ito na pagiging malaya ng seksuwalidad. Kaya, ang ilang tao ay nagdadala ng ganitong mga uri ng mga kaisipan at pananaw sa iglesia. Naniniwala sila na, “Kahit ilang tao sa kasalungat na kasarian ang romantikong nakakaugnayan ko, kalayaan ko ito. Maging ang batas ay hindi ito kinokondena ngayon, kaya mayroon akong karapatan na piliin kung ilang kaibigan sa kasalungat na kasarian ang romantikong nakakaugnayan ko, mayroon akong karapatan na piliin kung paano ko pangangasiwaan ang aking seksuwal na pagnanasa. Hindi ko dapat pagdusahin ang sarili ko—kailangan kong ganap na ilabas ang aking seksuwal na pagnanasa.” Hindi ba’t isa itong buktot na argumento? (Oo.) Kahit ilang tao ang sumasang-ayon o nagtataguyod sa mga opinyong isinusulong ng mga kalakaran ng lipunan, kahit ilang tao ang nagsasagawa sa mga ito, sa sambahayan ng Diyos, ang ganitong mga uri ng mga maling paniniwala at mga maling kaisipan ay inilalarawan bilang “lihis,” at iyong mga kumakapit sa ganitong mga uri ng mga maling paniniwala at mga maling kaisipan ay inilalarawan din bilang “lihis”—sa partikular na pananalita, ang mga ito ay “malaswa” at “mahalay.” Tumpak ba ang paglalarawang ito? (Oo.) Ang bawat papel at likas na gawi ng mga katawan ng mga tao ay humihingi ng isang pundamental na antas ng regulasyon batay sa pagkatao. At saan nakasalalay ang regulasyong ito? Nakasalalay ito sa konsensiya at katwiran ng mga tao. Dapat na pangasiwaan nang wasto ng pagkaramdam ng kahihiyan sa loob ng konsensiya at katwiran ang mga pisyolohikal na pangangailangan at ang seksuwal na pagnanasa ng isang tao. Kung hindi mo ito pangangasiwaan o pipigilan, bagkus ay magpapakasasa ka sa seksuwal na pagnanasa, iyon ay tinatawag na kahalayan, iyon ay tinatawag na kalaswaan. Kung mayroon kang gayong mga pagpapamalas, ikaw ay lihis. Ang pagiging lihis ay isang negatibong bagay—hinding-hindi ito isang positibong bagay. Ito ay dahil lumalampas ito sa mga hangganan ng pagkaramdam ng kahihiyan na taglay ng pagkatao ng mga tao, lumalampas sa mga hangganan ng normal na pagkamakatwiran na hinihingi ng Diyos sa mga tao; nilalampasan nito ang mga hangganan ng pagkatao at nagdudulot ito ng panggugulo at pinsala sa normal na mga buhay ng mga kapatid. Samakatwid, ang pagiging lihis ay tiyak na inilalarawan bilang isang bagay na buktot, bilang isang negatibong bagay; hinding-hindi ito isang positibong bagay. Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay hinding-hindi nagtataguyod ng kalayaan ng seksuwalidad. Ano ang itinataguyod ng sambahayan ng Diyos? (Ang pagiging may dignidad at disente, at ang pagsasabuhay sa normal na pagkatao.) Itinataguyod ng sambahayan ng Diyos ang pagkakaroon ng asal ng mga banal, at ang pag-asal nang may konsensiya at katwiran. Sa pinakamababa, pagdating sa seksuwal na pagnanasa at mga pisyolohikal na pangangailangan, ang isang tao ay dapat na magkaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan. Ibig sabihin, kung gusto mong mag-asawa, gusto mong magkaroon ng normal na romantikong ugnayan, ito ay dapat na alinsunod sa mga prinsipyo ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa mga tao—hindi ito maaaring kasangkutan ng pakikipagtalik sa kadugo, kahalayan, o kalaswaan. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Ngayon lang ay nagbahaginan tayo tungkol sa ilang pagpapamalas ng pagiging lihis ng mga tao na mga diyablo. Mabuti ba na nagbahaginan tayo tungkol sa ganitong uri ng paksa para tulungan kayo na magkaroon ng kaunting pagkakilatis? (Oo.) Anuman ang pagpapamalas, kung lumalampas ito sa saklaw ng mga tiwaling disposisyon ng mga normal na tao o lumalampas ito sa saklaw ng likas na kalikasan at mga likas na gawi ng mga tao, hindi ito normal—isa itong pagpapamalas ng mga diyablo. Sa ating mga napagbahaginan, maliban sa mga taong may mga kaisipan at pag-uugali na labis na lihim na mapanganib at hindi normal, may isa pang uri ng tao na maaaring hindi nagpapakita ng mga halatang masama at di-normal na pagpapamalas na iyon, pero ang malinaw niyang pagpapamalas ay labis na kalaswaan at kahalayan. Ang pagkakaroon ng malilinaw na pagpapamalas na ito ay nagpapatunay rin na mayroon silang aspekto ng lihis na diwa ng mga diyablo. Kung gayon, masasabi ba nang may katiyakan na ang mga taong may malilinaw na pagpapamalas na ito ay mga diyablo? (Oo.) Nagpapakasasa sila sa kanilang seksuwal na pagnanasa sa anumang oras, ang puso nila ay nag-uumapaw sa buktot na kahalayan, at labis silang interesado sa mga usaping nauugnay sa seksuwal na pagnanasa ng laman—ang interes nila ay lumalampas sa mga pisyolohikal na pangangailangan ng mga normal na tao. Ibig sabihin, anuman ang kanilang edad, kasarian, o kung may asawa man sila o wala, ang mga pagpapamalas nila ng seksuwal na pagnanasa ng laman ay lumalampas sa mga pagpapamalas ng mga normal na tao, at lumalampas din sa mga pangangailangan ng mga normal na tao. Sapat na ito para masabi na ang mga pagpapamalas nila sa aspektong ito ay hindi normal. Kung gagamit ng dalawang salita para ilarawan sila, sila ay labis na “malaswa” at “mahalay.” Ibig sabihin, ang kanilang mga pisyolohikal na pangangailangan ay sukdulang hindi normal. Sa tuwing nakakakita sila ng miyembro ng kasalungat na kasarian na may partikular na kalakasan o isang paborableng likas na kondisyon sa isang larangan, maaari silang magkaroon ng mahahalay na kaisipan at maglabas ng seksuwal na pagnanasa. Halimbawa, kapag nakakakita sila ng isang tao sa kasalungat na kasarian na may mga makislap at tuwid na ngipin, at na may ngiti na napakaganda at napakatamis, o may napakagandang buhok o mga mata, maaari silang magkaroon ng mahahalay na kaisipan. Anumang katangian ng kasalungat na kasarian ang maganda o marikit na tingnan para sa kanila, maaari silang magkaroon ng mahahalay na kaisipan—at ginagamit nila ang paglalabas ng seksuwal na pagnanasa bilang paraan ng pagpapahayag ng kanilang pagkagusto at pagpapahalaga para sa kabilang partido. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Labis itong kasuklam-suklam! Ang ilang buktot na tao ay nagkakaroon ng mahahalay na kaisipan sa tuwing nakakakita sila ng isang tao sa kasalungat na kasarian na gumagawa ng isang partikular na ekspresyon sa mukha, tulad ng bahagyang pagtataas ng mga kilay habang nagsasalita, o mga pagpapakita ng mga dimpol o pagpapakita ng partikular na kahali-halinang tingin kapag ngumingiti sila. Ang dalas at bilang ng beses na napupukaw sa kanila ang mahahalay na kaisipan ay wala sa hinagap at hindi lubos maisip. Sadyang nalilito ang mga normal na tao rito: “Kung maganda ang hitsura ng isang tao, ayos lang na sulyapan siya nang isa o dalawang beses pa—pero paanong humahantong iyon sa mahahalay na kaisipan at paglalabas ng seksuwal na pagnanasa? Hindi ba’t baluktot iyon?” Ang mga bagay na iniisip ng mga normal na tao na hindi pupukaw ng mahahalay na kaisipan ay maaaring magdulot sa mga buktot na tao na magkaroon ng mahahalay na kaisipan at maglabas ng kahalayan, at hindi ito maunawaan ng mga normal na tao. Ito ay tinatawag na pagiging lihis. Sa madaling salita, ito ay tinatawag na pagiging baluktot, pagiging bastos. Ang ilang babae, kahit kapag nakakakita sila ng isang lalaking maskulado, maganda ang hubog ng mukha, at matangkad, ay maaaring magkaroon ng mahahalay na kaisipan. O kapag nakakakita sila ng isang lalaking may ilang kasanayan, kung anong abilidad, at higit pa roon ay may kayamanan at katayuan, palaging napupukaw sa loob nila ang mahahalay na kaisipan. Hindi lang nila siya hinahangaan o iniisip na disente siya, hindi lang sila nakadarama ng kaunting pagkagusto sa kanya, at hindi lang nila gustong magkaroon ng romantikong ugnayan sa kanya o ligawan siya para makaugnayan—sa halip, palaging napupukaw sa loob nila ang mahahalay na kaisipan tungkol sa kanya. Sabihin sa Akin, hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Hindi ba’t lihis ito? (Oo.) Ang madalas na pagkapukaw ng mahahalay na kaisipan ay hindi normal—ito ay lihis.
Tatapusin natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas ng kalaswaan at kahalayan sa mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Ngayon ay pag-usapan naman natin ang “seksuwal na pang-aakit.” Ang seksuwal na pang-aakit ay aktuwal na nauugnay kapwa sa kalaswaan at kahalayan; isang paraan lang ito ng pagsasalita tungkol sa parehong bagay mula sa ibang perspektiba. Ito ay tumutukoy sa kung paanong ang ilang tao, para maakit ang kasalungat na kasarian at makagawa ng paborableng impresyon dito, ay madalas na ipangalandakan ang kanilang mga mapanghalinang alindog sa harap nito. Halimbawa, ang ilang babae ay mahilig maglagay ng matingkad na pula at kaakit-akit na lipstick, na gawing labis na kahali-halina ang kanilang mga mata gamit ang kolorete, at na maglagay pa nga ng blush kahit na napakatanda na nila. Kapag namimili ng pananamit, palagi silang tumutuon sa pagiging seksi, kahali-halina, at agaw-pansin; kapag nagsasalita, sinasadya nilang maging mapanghalina o pa-cute sa isang paraan na kayang mahalina ang kasalungat na kasarian; at iba pa. Ang ilang lalaki ay madalas na ipinipresenta ang kanilang sarili bilang mga bayani na may makikisig na bisig para sandigan ng mga babae. Madalas nilang ipinagyayabang ang kanilang mga muscle sa harap ng mga babae, nang handang hubarin ang kanilang mga damit para ipangalandakan ang kanilang abs, nang ginagamit ang mga pamamaraang ito para akitin ang kasalungat na kasarian. Ang layon nila ay hindi lang ang magkaroon ng magandang impresyon sa kanila ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian o para makahanap ng kasintahan, kundi sa halip ay ang akitin ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian, maging interesado ang mga ito, at pagkatapos ay bitagin ang mga ito sa seksuwal na pagnanasa. Ito ang kanilang layon. Hindi ba’t ito ay pagiging seksuwal na mapang-akit? (Oo.) Ito ay pagiging mapang-akit. Tinatawag ng mga walang pananampalataya ang gayong mga tao na “malalandi.” Anong mga uri ng mga bagay ang ginagawa ng “malalanding” ito? Kung isa itong babae, partikular siya kahit tungkol sa lipstick na pinipili niya. Hindi siya gumagamit ng ordinaryong lip balm, at hinahamak din niya ang mga lipstick na ginagamit ng mga taong may dignidad at disente, na para sa kanya ay hindi sapat na mamahalin ang mga ito. Partikular niyang pinipili ang mga nakakaakit na kulay upang ang kanyang mga labi ay magmukhang partikular na seksi at kahali-halina kapag nilagay, nang may pakay na pukawin ang puso ng mga lalaki, na mahalina ang mga ito, at na labis na mahumaling at mahulog ang mga ito sa kanya. Sa kanyang mga pakikisalamuha sa mga kalalakihan, madalas siyang nagbubunyag ng mga mapang-akit na pag-uugali, nang naglalabas ng seksuwal na pagnanasa, na pawang may pakay na akitin ang mga ito. Kapag mas maraming lalaki ang naroroon, lalo na ang mga tipo na gusto niya, lalo siyang nagiging masigla at aktibo, at lalo niyang ginagawa ang pinakamakakaya niya para ipakita ang kanyang sarili, nang ipinapakitang-gilas ang kahusayan niyang magsalita, nang gumagamit ng mas pinong bokabularyo, nang mas nagbibigay-atensiyon sa mga ekspresyon sa kanyang mukha, at nang nagdadamit sa isang partikular na mapanghalina na paraan. Ito ay tinatawag na pagiging mapang-akit. May pagkakaiba ba sa pagitan ng mga mapang-akit na tao at ng malalaswa na tao? Parehong uri ba sila? (Oo.) Nagmula sila sa parehong salbaheng pinagmulan. Ang isa ay aktibong nang-aakit, habang ang isa naman ay aktibong nakikibahagi sa kalaswaan. Ang mga ito ay kapwa mga pagpapamalas ng pagpapakasasa sa seksuwal na pagnanasa, mga pagpapamalas ng nag-uumapaw na seksuwal na pagnanasa at ng imoralidad, na pawang pinamamahalaan ng isang lihis na kalikasang diwa. Ang ganitong uri ng mapang-akit na mga tao, lalaki man o babae, anuman ang edad o may asawa man o wala, ay hindi pinipigilan ang kanilang pag-uugali sa anumang konteksto, ni hindi nila nirerendahan o pinamamahalaan ang kanilang seksuwal na pagnanasa. Sa halip, sila ay imoral at kaswal, aktibo pa ngang nanlalandi—nagsusuot sila ng espesyal na pananamit, gumagamit ng mga espesyal na ekspresyon, espesyal na wika, mga espesyal na paraan ng pagsasalita, at gumagawa ng ilang espesyal na bagay para makuha ang atensiyon ng kasalungat na kasarian, para maakit ang mga ito sa isang pag-uusap, para kagatin ng mga ito ang pain, at iba pa. Samakatwid, ang gayong mga tao ay hindi lang malaswa, kundi mapang-akit din. Ang salitang “mapang-akit” ay talaga ngang labis na kasuklam-suklam. Sa madaling salita, nagpapakita man ang gayong mga tao ng kalaswaan o ng pagiging mapang-akit, ang paraan ng kanilang paglalabas ng seksuwal na pagnanasa ay mahalay, ang kalikasan ng kanilang paglalabas ng seksuwal na pagnanasa ay mahalay, at ang diwa nila ay lihis. Ang mga pagpapamalas ng gayong mga tao, malaswa man o mapang-akit, ay lumalampas sa mga pisyolohikal na pangangailangan ng mga normal na tao, at wala sila ng pagpipigil ng konsensiya at katwiran. Samakatwid, ang gayong mga tao ay lubusang mga buktot na tao. Paano mo man ito tingnan, sila ay hindi mabubuting tao, kundi mga diyablo. Sa anumang grupo, ang presensiya ng kahit isang gayong diyablo ay magdudulot ng kaguluhan. Ang mga taong may dignidad at disente ay nasusuklam sa kanila, samantalang ang mga may mababang tayog, o iyong mga walang anumang pagkilatis o paninindigan—lalo na iyong mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—ay madalas nilang nalilihis at nagdurusa ng kanilang panliligalig. Sa pagbubuod, ang mga diyablo na nagpapakita ng mga buktot na pagpapamalas na ito ay isang salot sa anumang grupo na kinabibilangan nila, nang walang naidudulot na anumang pakinabang o tulong sa sinuman, dahil ang kanilang seksuwal na pagnanasa ay madalas na nag-uumapaw, na madalas na gumugulo sa pang-araw-araw na buhay at mga normal na kaisipan ng ilang tao.
Sabihin sa Akin, madali bang makilatis ang mga buktot na tao na nasa ganitong malaswa, mahalay, at mapang-akit na uri? (Oo.) Kaya silang kilatisin ng mga nasa hustong gulang, at maaaring sa panahon ngayon ay kaya na rin silang kilatisin kahit ng mga menor de edad. Samakatwid, karamihan ng tao, kapag nakakaharap iyong mga may buktot na diwa ng mga diyablo, ay dapat na magkaroon ng kaunting damdamin, ng kaunting pagkilatis; hindi sila magiging ganoon kahangal na hindi nila matutukoy. Kaya, kapag nakakatagpo kayo ng gayong mga tao, alam ba ninyo kung paano sila tratuhin? Tatanggihan ba ninyo sila? Kung may makakatagpo kang isang tao na hindi mo gusto, maaaring tanggihan mo siya. Pero kung ito ay isang tao na gustong-gusto mo—ang iyong pinapangarap na kasintahan, ang iyong ideyal na asawa—magiging madali ba para sa iyo na tanggihan siya? Malinaw na alam mo na ganito siyang uri ng tao, pero dahil masyadong kahali-halina ang kanyang hitsura o ang kung anong kalakasan niya ay masyadong nakakaantig sa iyo, nabibihag niya ang puso mo at nahahalina ka—sa ganitong uri ng sitwasyon, nagiging mahirap para sa iyo na tanggihan siya. Kung hindi mo siya tatanggihan, hindi ba’t nasa panganib ka? (Oo, iyon ay pagkahulog sa tukso.) Pagkahulog lang ba ito sa tukso? Ito ay pagkahulog sa ipo-ipo ng seksuwal na pagnanasa. Madali ba para sa isang taong nahuli sa ipo-ipo ng seksuwal na pagnanasa na makaalpas? (Hindi, hindi ito madali.) Pinapakitaan ka niya ng pag-aalala at pagsasaalang-alang, pagmamahal at pagmamalasakit, dagdag pa rito ay palagi ka niyang hinahandugan ng maliliit na pabor. Nakadarama ka ng labis na pagkagiliw sa loob mo, iniisip mo na, “Wala nang iba pa sa mundong ito na nagtatrato sa akin nang ganito kaganda; ito ang aking Prince Charming, ang aking pinapangarap na kasintahan.” Nabibigo kang mapagtanto na kung siya ay isang malaswa at mahalay na tao, ganoon din ang pagtrato niya sa iba. Isa ka lang sa lahat ng kanyang kaibigan sa kasalungat na kasarian; para sa kanya, isa ka lang tao na dinadaanan niya—isang hintuan lang—sa kanyang mahabang paglalakbay sa buhay. Kapag sapat na ang naging kasiyahan niya sa iyo at hindi ka na kaakit-akit para sa kanya, ikaw ay nagiging isang tao na isinasantabi niya. Isinasantabi ka niya nang walang awa gaya ng pagtatapon sa isang tela o isang basahan, at saka mo madarama ang sakit. Kapag nagpasya siyang isantabi ka, walang silbi ang pag-iyak mo, walang silbi ang pagmamakaawa mo sa kanya, maging ang pagluhod mo sa harap niya ay walang silbi; ang ilang tao ay nagpapakamatay pa nga, pero wala ring silbi iyon—walang makakaantig sa kanya. Sa sandaling wala na siyang mga seksuwal na pangangailangan sa iyo, sasabihin niyang wala na siyang mga damdamin para sa iyo, hindi ka na niya mahal, at maghahanap na siya ng susunod na biktima para ipalit sa iyo. Doon mo matutuklasan na ang gayong mga tao ay hindi naaangkop na asawahin, na ang ideya ng isang Prince Charming, nakatadhanang kapareha, pinapangarap na kasintahan ay pawang isang mapanlinlang na panlalansi lamang, at saka mo lang mapagtatanto na ang seksuwal na pagnanasa ay hindi tunay na pagmamahal. Sinuman ang kasintahan ng gayong malalaswa at mahahalay na tao, mayroon lamang silang seksuwal na pagnanasa at walang tunay na pagmamahal. Kailanman ay wala silang anumang intensyon na makasama ka magpakailanman, o na tumupad ng anumang responsabilidad. Nagpapakasasa lang sila sa laro ng seksuwal na pagnanasa. Kapag sapat na ang naging kasiyahan nila at nasuya na ang kanilang seksuwal na pagnanasa, ni hindi ka na nila susulyapang muli, ni hindi na sila mag-aabalang kaawaan ka. Sa sandaling nakahanap na sila ng bagong lalandiin, nagiging lumang kasintahan ka na, at kapag nagkagayon, ang magagawa mo na lang ay tumangis. Kaya, lalaki man o babae, kapag nakikipag-date o naghahanap ng kasintahan, nakakatagpo minsan ng isang tao ang gayong mga buktot na tao. Nagkakaroon sila ng mahahalay na kaisipan tungkol sa iyo at inaakit ka nila sa kanilang bitag, pero naniniwala ka na tunay ka nilang minamahal at ipinagkakatiwala mo sa gayong tao ang kaligayahan ng buhay mo. Kapag ikaw ay isinantabi at itinapon ay saka mo lang napapagtanto na mali ang naging paghusga mo sa kanya, na ang taong ito ay hindi isang taong may pagkatao na kayang tumupad ng mga responsabilidad, kundi isang malaswa at mahalay na tao. Kapag nagkagayon, huli na para magsisi; ito ay pagtahak sa isang malubak na lihis na daan pagdating sa pag-aasawa. Para sa isang tao na may normal na pagkatao, ang karanasan ng mapaglaruan ay maaaring magdulot ng pasakit na panghabambuhay, pero nananatiling walang pakialam ang mga diyablo kahit ilang tao ang kanilang paglaruan; nakadarama pa nga sila ng pagiging masuwerte, masaya, at kontento, nang sabik na ninanais na maaari nilang landiin at paglaruan ang mas marami pang miyembro ng kasalungat na kasarian. Itinuturing nila ito bilang ang kaligayahan ng isang buong buhay, nang tinatawag ito na kanilang kasanayan at kapabilidad. Ang mga normal na tao ay hindi kaya ang kabayaran ng pakikipag-ugnayan sa kanila. Kaya, kung gusto mong pumasok sa isang relasyon, panatilihing bukas ang iyong mga mata at tingnan nang malinaw ang mga bagay; anuman ang gawin mo, huwag pumili ng isang diyablo. Kung makikipag-date ka sa isang normal na tao, kahit na maghiwalay kayo, hindi ka niya masasaktan nang napakalalim; sa pinakamababa, maaari kayong manatili bilang ordinaryong magkaibigan. Pero kung masasangkot ka sa isang diyablo, masisira ang buong buhay mo sa kanyang mga kamay. Sabihin sa Akin, gaano karaming sinseridad at tunay na pagmamahal mayroon ang isang normal na tao? Gaano karaming enerhiya ang mayroon siya sa buong buhay na ito? Kung sa tuwing pumapasok ka sa isang relasyon kasama ang isang tao ay naloloko ka sa huli, kaya ikaw ay labis na nasasaktan dahil nilinlang at pinaglaruan ka, tatahakin mo ang buong landas ng iyong buhay sa ilalim ng aninong ito, kaya magiging labis na masakit ang iyong pag-iral. Samakatwid, nakikipag-date man o nakikipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian, dapat maging pinakamapagbantay ka laban sa malalaswa at mahahalay na tao na ito. Ikaw man ay lalaki o babae, kung hindi mo kayang makilatis ang mga tao at hindi mo alam kung ang isang tao ay malaswa at mahalay, huwag kang makipag-ugnayan sa kanya nang walang pakundangan, para maiwasan mo ang maloko at magdusa ng habambuhay na pagsisisi. Sa sandaling lumitaw ang mapapait na kahihinatnan, ikaw lang ang kailangang humarap sa mga ito; walang puwedeng pumalit sa posisyon mo, at walang puwedeng mag-alo sa iyong sugatang puso. Kahit na sabihin mong kaya mong kumilatis ng mga tao, maaaring hindi mo ito magawa nang tumpak. Hindi ka makakatiyak sa sinuman sa panahon ngayon. Bago makatanggap ang isang tao ng kaligtasan, mayroon lang siya ng pagnanais na sikaping matamo ang katotohanan; maaaring tila mayroon siyang disenteng pagkatao, pero hindi tiyak kung ano ang aktuwal na mangyayari sa mga bagay kung mamumuhay ka kasama siya. Ang sinumang hindi nakakaunawa sa katotohanan at hindi pa naliligtas ay hindi maaasahan. Bakit hindi siya maaasahan? Sabihin sa Akin, may sinuman bang namumuhay sa masamang mundong ito, nang hindi nakakamit ang katotohanan, ang kayang labanan ang anumang tukso at mariing manindigan sa gitna ng anumang masamang kalakaran? Wala kahit isa. Samakatwid, walang mga maaasahang tao. Ano ang ibig sabihin na walang mga maaasahang tao? Ang ibig sabihin nito ay na para sa sinuman, lalaki man o babae, ang pagpasok sa pag-aasawa ay ang simula ng trahedya. Dahil sa obligasyon na asikasuhin ang mga pang-araw-araw na pangangailangan at harapin ang iba’t ibang maliliit na usapin at pagkayamot ng buhay araw-araw, mahirap sabihin kung kaya itong gawin ng dalawang tao hanggang sa huli, kung susuportahan ba nila ang isa’t isa sa kanilang paglalakbay, kung magkakaroon ba ng kaligayahan, at kung magkakaroon ba sila ng mapagkakasunduan at parehong mga paghahangad. Samakatwid, sa sandaling ang isang tao ay pumasok sa pag-aasawa at humarap sa tunay na buhay, nagsisimula ang pagdurusa. Kita mo, kapag wala kang asawa, madali lang pangasiwaan ang lahat ng bagay; puwede mong pagpasyahan ang mga bagay para sa sarili mo. Pero kapag ang dalawang tao ay namumuhay nang magkasama, puwede bang ikaw lang mismo ang gumawa ng lahat ng desisyon? Tutulutan ka ba ng kabilang partido? Tutulutan mo ba siya? Aalagaan at isasaalang-alang ka ba niya? Aalagaan mo ba siya? Ang lahat ng ito ay hindi nalalaman. Kahit na ang taong nakatagpo mo ay hindi malaswa at mahalay, at nadarama mo na nababagay kayo sa isa’t isa at puwede kayong pumasok sa pag-aasawa, hindi nalalaman kung kaya ba niyang tuparin sa huli ang kanyang mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, at kung magagawa mo bang maglakbay kasama siya hanggang sa dulo sa loob ng balangkas na ito ay hindi rin nalalaman. Wala kang katiyakan at kumpiyansa kahit sa sarili mo, na nagpapatunay na ang iba ay gayundin—hindi na iyon kailangang pag-usapan pa, hindi ba? (Oo.)
Kung, sa pang-araw-araw mong buhay, nakakatagpo ka ng ganitong uri ng malaswa, mapang-akit, at mahalay na mga tao, at sinusubukan nilang makipaglapit sa iyo, dapat malaman mo kung ano ang layon nila sa paggawa niyon. Kung hindi mo sila tatanggihan, o kung hahayaan mo silang makuha ang gusto nila dahil sa iyong pagiging duwag, walang muwang, hangal, at mangmang, o dahil sa kawalan mo ng kaalamang batay sa karanasan, na humahantong sa paglitaw ng mga di-kanais-nais na kahihinatnan, sa huli, ikaw ang magdurusa ng mga kahihinatnan. Ang malalaswa at mahahalay na tao—mga diyablo—ay hindi kailanman nakokonsensiya o nagsisisi para sa paglalabas ng seksuwal na pagnanasa o paggawa ng mga imoral na bagay. Pakiramdam nila ay hindi ito mahalaga; iniisip nila na nananamantala sila, at na ganito dapat ang mga tao sa buhay. Pero kung ikaw ay isang normal na tao, ang konsensiya at katwiran sa loob ng pagkatao mo ay sadyang hindi kayang tiisin ang gayong mga dagok, pagpapahirap, at malubhang pinsala. Samakatwid, kapag nakatagpo ka ng gayong malalaswa at mahahalay na tao, dapat kang maging maingat. Dapat kang magdasal sa Diyos, nang hinihiling sa Kanya na protektahan ka para hindi ka mahulog sa tukso. Lalo na kapag ang kabilang partido ay maraming natatagong panlalansi, matagal nang mapanlaro, at ang pinapangarap mo rin na kasintahan, ang pinapangarap mo na hangarin, napakadali mong mahuhulog sa tukso at napakadali mong hahantong sa isang sitwasyon na hindi na maaayos, na sa huli ay magdurusa ka ng isang masamang kalalabasan na walang gustong makakita. Sa oras na iyon, ang iyong puso, isipan, at laman ay pawang magdurusa na ng partikular na pagkawasak. Pagkatapos, kapag dumating ka para gawin ang tungkulin mo at humarap ka sa Diyos para sumunod sa Kanya, maraming bagay ang magiging iba—ang mga ito ay hindi na kailanman magiging tulad noong simula at hindi na kailanman makakabalik sa kung paano ang mga ito dati. Kapag ang isang tao ay dumaan na sa ilang di-normal o mahirap na mga karanasang nauugnay sa seksuwal na pagnanasa, nag-iiwan ito ng ilang kahindik-hindik na bakas sa kanyang puso, na hindi madaling malilimutan ng sinumang normal na indibidwal sa kanyang buong buhay. Bagaman, habang unti-unting lumilipas ang oras, maaaring unti-unting kumupas ang mga alaala at pasakit na ito, kung ang mga pangyayaring ito ay nagdulot sa iyo ng partikular na pinsala at pagkawasak, ang mga ito ay mananatiling isang nagtatagal na bangungot sa iyong puso magpakailanman. Sa buong buhay na ito, hindi ka na muling makakabalik sa iyong dating buhay; ang iyong panloob na mundo ay hindi na magiging kasingdalisay at kasingsimple gaya ng dati, at magiging imposible para sa iyo na mapanumbalik ang dati mong kalagayan. Sa puntong ito, kapag dumating ka para gawin ang iyong tungkulin, magkakaroon ka ng karagdagang bagahe sa iyong puso na gusto mong iwaksi pero hindi mo magawa. Ano ang tinutukoy ng bagaheng ito? Tumutukoy ito sa iba’t ibang alaala ng karanasan ng pagkapinsala. Ang pag-iisip sa mga alaalang ito ay magiging nakakasuka, at madalas ding guguluhin ng mga ito ang puso mo at ang iyong mga emosyon. Kaya, ang iyong panloob na mundo ay hindi na magiging kasingdalisay at kasing-simple gaya ng dati; ang iyong mga emosyon ay maglalaman na ngayon ng maraming bagay na hindi dapat umiral sa normal na pagkatao. Sa isang partikular na antas, makakaabala ito sa buhay mo, sa paggampan mo ng tungkulin, at makakaabala rin ito sa pananampalataya mo sa Diyos at sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Ito ay tinatawag na bagahe. Samakatwid, anuman ang edad, sa sandaling ang isang tao ay nahulog sa tukso ng romantikong pagkakasangkot sa isang diyablo, natural siyang nasasadlak sa di-maipaliwanag na pagkasira ng loob. Para sa isang normal na tao, ito ay hindi isang magandang penomenon.