Paano Hangarin ang Katotohanan (14) Ikalawang Bahagi

Iyong mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ang pinakaayaw na makarinig ng mga salita ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Lalo na kapag ang gayong mga salita ay tungkol sa pagkilala sa sarili, paghihimay sa mga kalagayan ng iba’t ibang uri ng mga tao, kung paano makapasok sa mga katotohanang realidad, o sa mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan, nakadarama sila ng sukdulang pagkasuklam sa kanilang puso, at kasabay nito, nagpapakalat sila ng mga baluktot na pagkaunawa at opinyon. Halimbawa, kapag pinapaalis ng iglesia ang ilang taong gumagawa ng kasamaan, ang ganitong uri ng tao ay inuudyukan ang iba, nang nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Ang sambahayan ng Diyos ay walang pagmamahal para sa mga tao. Para bang kinakatay nila ang kalabaw kapag nabungkal na ang bukid,” o kaya, “Pinaalis ang mga taong ito dahil napasama nila ang loob ng mga nakatataas na lider.” Hindi niya magawang tratuhin nang tama ang gawain ng pag-aalis mula sa iglesia sa loob ng sambahayan ng Diyos, ni wala rin siyang dalisay na pagkaarok—nag-iisip at nagsasalita siya tungkol dito sa isang baluktot na paraan. Hindi ka makakarinig ng anumang mga salita ng konsensiya o katwiran mula sa kanyang bibig, ni ng anumang mga salita na mga positibong bagay, lalo na ng anumang bagay na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang kanyang puso ay puno ng mga reklamo, pagtutol, at hinaing. Kapag walang pagpipigil niyang ipinapahayag ang kanyang mga pananaw, ang mga bagay na sinasabi niya at ang mga kaisipan at pananaw na ibinubunyag niya ay pawang lihis at baluktot. Nakikita mo na ito ay hindi lubos maisip—iniisip mo kung paanong nanampalataya siya sa Diyos at nakinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon, at kung paanong sa panlabas ay tila napakabait niya at hindi masama, at nagtataka ka kung paanong nagagawa niyang sabihin ang mga di-makatwirang bagay na ito sa mga kritikal na oras. Sa wakas ay naisiwalat na niya ang kanyang tunay na mga kaisipan, mga bagay na itinago niya sa kanyang puso sa loob ng mahabang panahon—hindi ba’t ibinubunyag nito ang kanyang problema? (Oo.) Ang mga tunay na kaisipan na isiniwalat niya ay ganap na mga baluktot na argumento at maling paniniwala. Kaya, isinatinig ba niya ang mga baluktot na argumento at maling paniniwalang ito dahil sa isang pansamantalang masamang lagay ng loob? (Hindi.) Hinding-hindi. Kahit ilang taon na siyang nananampalataya sa Diyos at nakikinig sa mga sermon, ang mga kaisipang ito ay palaging natatago sa kanyang puso, nang hindi kailanman nasisiwalat. Pero kapag dumating ang isang napakahalagang sandali at hindi na niya magawang mapigilan ang nais niyang sabihin, sumasabog ito na parang isang bulkan—unti-unti na itong nabubuo nang napakatindi sa loob niya, at isang araw ay hindi na niya ito kayang supilin, at sumasambulat ang lihis na galit na ito. Kapag sumabog ang kanyang maladiyablong kalikasan, ang lahat ng uri ng mga baluktot na argumento at maling paniniwala at maling kaisipan ay lumalabas—nagsasabi siya ng mga salita na nagrereklamo tungkol sa Diyos, mga salita na naglalapastangan sa Diyos, mga salita na nang-iinsulto sa Diyos, mga salita ng pagkainggit at pagkamuhi sa mga tao, mga salita ng pang-uudyok—naglalabas siya ng lahat ng uri ng mga maladiyablong salita, at saka mo lang mapagtatanto na siya ay isang diyablo at ganap nang nabunyag. Dati, napansin mo na ang mga sermon ay palagi niyang hindi naiintindihan at hindi niya kailanman naunawaan ang katotohanan sa lahat ng taon na nanampalataya siya sa Diyos. Ipinagpalagay mo na mahina ang kanyang kakayahan at na hindi niya maabot ang katotohanan, kaya itinuring mo siya bilang isang kapatid at sinubukan mo siyang tulungan. Nagtapat ka sa kanya at sinabi mo kung paano nadalisay ang iyong sariling mga tiwaling disposisyon. Pero paano ka man makipagbahaginan sa kanya, hindi niya kailanman binuksan ang kanyang puso para sabihin kung kumusta talaga siya. Hindi mo kailanman nagawang maunawaan: Bakit hindi niya mabuksan ang kanyang puso? Bakit hindi niya inihayag ang kanyang tunay na kalagayan? Maaari kayang hindi siya kailanman nagbunyag ng mga tiwaling disposisyon? Hindi mo siya kailanman nagawang makilatis, at inakala mo pa nga na maganda ang asal niya at siya ay simple at totoo. Nang sumabog na ang kanyang maladiyablong kalikasan at nakapagsabi siya ng napakaraming bagay na nagrereklamo at lumalapastangan sa Diyos, saka mo lang nakita na sa aktuwal ay wala siyang pagkatao at ganap na maladiyablo ang kalikasan niya. Nadarama mo, “Kahindik-hindik ang taong ito! Nanampalataya siya sa Diyos sa loob ng lahat ng taon na ito, pero lumalabas na palagi niyang kinamumuhian at nilalabanan ang katotohanan sa kanyang puso! Hindi nakapagtataka na hindi siya kailanman nagtapat sa kahit na sino—natatakot siya na makikilatis ng iba ang kanyang maladiyablong kalikasan! Siya ay isang tunay na diyablo!” Kapag nakilatis mo na ang kanyang diwa, nadarama mo na ganap kang naging bulag sa lahat ng taon na ito—nang ginagawa ang iyong tungkulin araw-araw at namumuhay ng buhay iglesia kasama siya, habang iniisip na siya ay isang mabuting tao, isang miyembro ng sambahayan ng Diyos, isa sa hinirang na mga tao ng Diyos, at walang anumang pagkilatis sa kanya. Iyon ay isang labis na nakakatakot na sitwasyon! Kung namumuhay at nakikisalamuha ka sa mga kapatid, at matutuklasan mo na ang isang tao ay may mga tiwaling disposisyon o lumalabag sa mga prinsipyo sa kanyang tungkulin, at nakikipagbahaginan ka sa kanya sa katotohanan at tinutulungan mo siya, at nagagawa niya itong tanggapin at nagpapahayag siya ng pasasalamat, makadarama ka ng pagkalugod nang husto—madarama mo na ang taong ito ay napakabuti, na minamahal niya ang katotohanan; hinding-hindi ka makakaramdam ng pagkasuklam sa kanya. Pero kung makikipag-ugnayan ka sa isang diyablo sa loob ng ilang taon, at palagi mo siyang tinatrato bilang isang kapatid, at madalas mo siyang tinutulungan, sinusuportahan, at pinapakitaan ng pagmamahal, pagpapasensiya, at pagpaparaya, pero itinuturing ka niya nang may labis na pagkamapanlaban, nang laging mapagbantay laban sa iyo na para bang kaaway ka niya, at unti-unti mong napagtatanto na sa kanyang puso ay hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at na siya ay walang iba kundi isang diyablo—ano ang madarama mo? Tungkol sa taong kakabanggit lang natin na napatalsik—kung nakipag-ugnayan kayo sa ganitong uri ng tao, at isang araw ay natuklasan ninyo na napakasama ng kanyang pagkatao, na hindi lang niya kinamumuhian ang Diyos sa kanyang puso at hindi lang tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, kundi kinamumuhian din niya iyong mga tumutulong sa kanya nang may pagmamahal, kaya nakatitiyak ka na ang ganitong uri ng tao ay isang tunay na diyablo, ano ang madarama mo? (Madarama ko na tunay akong naging hangal.) Una, madarama mo na ikaw ay naging hangal, at magtataka ka kung paanong gumugol ka ng labis na walang-kuwentang pagsisikap sa gayong tao. Ano pa? (Medyo masusuklam ako.) Kanino ka masusuklam? Masusuklam ka ba sa kanya o sa sarili mo? (Masusuklam ako sa kanya, pero sa sarili ko rin dahil hindi ko siya nagawang makilatis.) Kung gayon, gugustuhin mo pa rin bang makita siya o makipag-ugnayan sa kanya sa hinaharap? (Hindi na.) Kung gayon, anong uri ng ugnayan ang gugustuhin mong magkaroon kayo? Anong uri ng diskarte ang gugustuhin mong gamitin sa pakikipag-ugnayan sa kanya? (Hindi ko na gugustuhin kailanman na makita siyang muli—kung mas malayo akong makakapanatili mula sa kanya, mas mainam iyon.) Kung gayon, paano kung sa panahon ng paggawa ng iyong tungkulin, kailangan mo pa rin siyang makita o makipagtalakayan ng gawain sa kanya, at hindi mo siya maiwasan—ano ang gagawin mo kung gayon? Nakapaghinuha ba kayo ng anumang mga prinsipyo at mga landas ng pagsasagawa para dito? Nakadarama kayo ng pagkasuklam sa kanya kung kaya gusto ninyo siyang iwasan at hindi makita, pero kung iniiwasan ninyo siyang makita sa inyong tungkulin, maaantala at maaapektuhan nito ang gawain—kaya ano ang dapat ninyong gawin? Mayroon ba kayong anumang magagandang solusyon? (Wala.) Kung gayon ay sasabihin Ko sa inyo ang dalawa. Ang una ay na kung ang ganitong uri ng tao ay kayang manatili sa iglesia para magserbisyo, kapag hindi ninyo kailangan na makipag-ugnayan sa kanya sa inyong tungkulin, hindi mo kailangang makipag-ugnayan sa kanya. Ito ay dahil nasusuklam ka sa kanya, ang makipag-ugnayan sa kanya ay nakakaasiwa at masakit, at dahil napapansin din niya na nasusuklam ka sa kanya, ikinasasama ito ng loob niya. Kung kaya, hindi mo na kailangang ilantad ang iyong puso sa kanya at sabihin sa kanya ang iyong mga iniisip sa kaloob-looban mo tulad ng dati. Sa halip, maging mapagparaya at mapagpasensiya ka na lang, at makisalamuha ka sa kanya gamit ang matatalinong pamamaraan—sapat na iyon. Ito ay isang prinsipyo. Ang isa pang prinsipyo ay na kapag kailangan mong makipag-ugnayan sa kanya sa iyong gawain, kailangan mong malinaw na ipaliwanag sa kanya ang gawain na itinatalaga sa kanya at ang mga nauugnay na katotohanang prinsipyo. May isang punto rito na kailangan mong bigyang-pansin—kailangan mong makita kung may kapabilidad ba siyang matagumpay na matapos ang gawain na itinalaga sa kanya. Kung sa karaniwan ay nagagawa niyang gawin ang ilan sa gawaing ito, makipagbahaginan sa kanya at pangasiwaan ang usapin sa isang walang-pagkiling at obhetibong paraan. Pero kung palagi siyang pabasta-basta at iresponsable sa gawaing ito, hindi ka maaaring mapanatag na ipasa ang gawain sa kanya, at dapat ka na lang pumili ng iba. Kung sa puntong ito ay walang naaangkop na kandidato at wala kang mapagpipilian kundi ang gamitin siya, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang magsaayos ng isang tao para pangasiwaan siya. Sa sandaling siya ay makita na hindi gumagawa ng tunay na gawain o na umaasal sa isang paraan na nagdudulot ng mga kaguluhan o pagkagambala, dapat itong iulat kaagad. Kung ang taong nangangasiwa sa kanya ay nabibigong gawin ito nang epektibo, may isa pang solusyon: Ang mga lider at manggagawa ay dapat na personal na mangasiwa at magsubaybay sa kanyang gawain, at dapat medyo mas madalas ang mga pagsusubaybay na ito. Ito ay dahil ang gayong mga tao ay sukdulang hindi maaasahan; sa sandaling hindi siya binabantayan nang mabuti, malamang na gumawa siya ng kasamaan at gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, at ang mga kawalang naidudulot ng paggamit sa kanya ay magiging mas matimbang kaysa sa mga pakinabang. Kaya, kung kailangan mong makisalamuha sa kanya para sa gawain, hindi mo ito maiiwasan. Hindi mo maaaring ilayo ang iyong sarili o balewalain siya dahil lang nagagawa mo siyang kilatisin at makita ang kanyang tunay na mukha—iyon ay magiging isang pagpapamalas ng iresponsabilidad. Dahil nagagawa mo siyang kilatisin, at dahil alam mo na ang kanyang kalikasang diwa ay sa isang diyablo, at alam mo na kaya niyang gumawa ng kasamaan at magdulot ng mga kaguluhan, kung gayon ay mas lalong mayroon kang responsabilidad na pangasiwaan at subaybayan siya, sa halip na balewalain siya dahil sa pangamba o pagkamuhi. Bilang isang lider o manggagawa, ang pinakamalaking responsabilidad mo ay ang bantayan ang mga tarangkahan ng sambahayan ng Diyos, protektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at asikasuhin ang mga kapatid. Ngayong naibunyag na ng isang diyablo ang kanyang tunay na anyo at nakilatis mo na siya at alam mo na kung anong uri mismo ng buhong siya, mas lalong dapat mo siyang pangasiwaan nang maayos, para epektibo siyang makapagserbisyo sa pinakamataas na antas na posible—ito ang dapat mong gawin. Hindi ka dapat, dahil nakilatis mo na siya, tumanggi na bigyang-pansin siya o mabigong ipaliwanag nang malinaw ang gawain na dapat ipaliwanag sa kanya, o tumangging makipagbahaginan sa kanya kahit na magtanong siya sa iyo tungkol sa mga isyung nauugnay sa gawain. Hindi ba’t iyon ay pagbubunton ng iyong galit sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t iyon ay pagsasawalang-bahala sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa buhay pagpasok ng mga kapatid? Kung gagawin mo ito, ikaw ang mali—nangangahulugan ito na hindi mo natupad ang iyong responsabilidad. Sa iyong personal na buhay, maaaring hindi mo siya makaharap kahit minsan, at maaaring hindi mo na siya makaugnayan gaya ng dati. Pero kung hinihingi ng gawain ng sambahayan ng Diyos na makisalamuha at makipag-ugnayan ka sa kanya, hindi mo puwedeng iwasan ang responsabilidad na ito—ito ang iyong tungkulin at ang iyong responsabilidad, at hindi ka puwedeng gumawa ng mga palusot para iwasan ito. Pagdating sa mga diyablo, ang pamamaraan ng pagdidistansiya ng iyong sarili, pagtatanggi sa kanila, pag-iwas sa kanila, at pagkaramdam ng pagkasuya at pagkasuklam sa kanila sa iyong puso ay hindi isang pamamaraan na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Dapat mo rin silang pangasiwaan at pigilan. Kung handa silang magserbisyo, dapat mo silang tulungan at gamitin mo sila para makapagserbisyo sila nang maayos—bigyang-kakayahan sila na epektibong makapagserbisyo sa pinakamataas na antas na posible. Kung hindi sila nagseserbisyo nang maayos at, kapag hindi sila binabantayan kahit sa isang sandali, nagagawa nilang guluhin at sirain ang gawain ng iglesia, kung gayon, ang pinsalang idinudulot nila ay mas matimbang kaysa sa kanilang pagiging kapaki-pakinabang, at dapat silang paalisin kaagad. Ang gayong mga negatibong halimbawa ay dapat na banggitin para sa paghihimay sa tuwing kinakailangan, para ang mga kapatid ay maaaring magkamit ng pagkakilatis, makilatis ang kalikasang diwa ng mga diyablo at mga Satanas, at pagkatapos ay tanggihan ang mga ito mula sa puso, hindi malihis, magulo, o makontrol ng mga ito. Ito ang ibig sabihin ng paggamit sa mga diyablo at mga Satanas, ng paggamit sa lahat ng bagay para magserbisyo sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ang inyong responsabilidad—ito ang dapat ninyong gawin. Pero wala kayong ganitong pagpapahalaga sa responsabilidad. Gaya na lang ng sinabi ninyo kanina—sa sandaling nakilatis na ninyo ang ganitong uri ng tao, namumuhi kayo at ayaw na ninyo siyang makita, at kapag nakikita ninyo nga siya ay umiiwas kayo, nang lumalayo hangga’t maaari. Iyon lang ang mayroon kayo bilang solusyon. Wala kayong pagpapahalaga sa pasanin kahit kaunti para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, para sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Ito ang inyong tayog—nabunyag na ito, hindi ba? Nakikilatis mo ang diwa ng isang diyablo, at pagkatapos ay iniiwasan mo siya tuwing nakikita mo siya. Pero hindi mo pinoprotektahan ang mga kapatid, at bilang resulta ay napipinsala sila. Nabibigo kang tuparin ang responsabilidad mo bilang isang lider o manggagawa—isa itong pagpapabaya sa responsabilidad. Kapag hindi pa nabubunyag ang diyablo, dapat mong bigyang-babala ang mga kapatid, paalalahanan sila na maging mapagbantay laban sa masasamang tao, sabihin sa kanila kung ano ang ginawa ng diyablo, kung bakit niya ginawa ang gayong mga bagay, kung ano ang kalikasan ng mga kilos niya, kung anong mga epekto ang maaaring idulot ng mga kilos na ito at kung anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot ng mga ito, kung paano inilalarawan ng Diyos ang diyablong ito, at kung sa anong paraan siya dapat na tratuhin. Sa sandaling nagkamit na ng pagkakilatis ang mga kapatid, at natapos nang magserbisyo ang diyablo at wala na siyang halaga para sa mga kapatid o sa sambahayan ng Diyos, dapat mo siyang paalisin, nang tinatapos ang mismong buhay ng diyablo at Satanas na ito. Ito ay tinatawag na karunungan—ito ay paggawa ng gawain nang may mga prinsipyo at pagkakaroon ng isang landas para sa pagsasagawa. Ikaw na ang bahala kung paano ka makikipag-ugnayan sa ganitong uri ng tao sa iyong personal na buhay—kalayaan mo iyon. Pero bilang isang lider o manggagawa, may isang responsabilidad na dapat mong pasanin: Dapat mong protektahan ang mga kapatid, at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia. Sa pundasyon ng prinsipyong ito, tungkol sa ganitong uri ng tao na isang diyablo, kung kasalukuyan siyang nagseserbisyo, hindi ka dapat magmadali na umaksiyon laban sa kanya. Dapat mong pangasiwaan ang kanyang gawain at mahigpit na obserbahan ang kanyang bawat galaw para makita kung ano ang kanyang ginagawa. Sa sandaling lumitaw ang anumang mga tanda na may mali, dapat agad mong isagawa ang paglalantad at pagpupungos sa kanya, o alisin mo siya mula sa kanyang posisyon. Kung pagkatapos malantad at mapungusan ay nagagawa niyang magserbisyo nang kaunti, kapaki-pakinabang iyon sa gawain ng iglesia. Pero sa sandaling matuklasan na ayaw niyang magserbisyo, hindi siya tumatahak sa isang mabuting landas, at malapit na siyang manggambala at manggulo, at inuunat niya ang kanyang mga maladiyablong kuko para ilihis ang mga kapatid, iyon ay kung kailan ibinubunyag ng diyablo ang tunay niyang anyo, at iyon mismo ang tamang oras para umaksiyon laban sa kanya. Binigyan siya ng pagkakataon na magserbisyo pero hindi niya iyon ginawa nang maayos—ipadala siya sa isang grupong B kung gayon. Kung malubha ang sitwasyon, isagawa ang pagpapaalis sa kanya o pagpapatalsik sa kanya—ito rin ang sandali para wakasan ang kapalaran ni Satanas. Hangga’t sumusunod kayo sa dalawang prinsipyong ito, magagawa ninyong tratuhin ang masasamang tao at mga diyablo sa isang paraan na may prinsipyo. Ang paggawa ba nito sa ganitong paraan ay pagtupad sa inyong responsabilidad? (Oo.) Sa isang banda, magkakaroon kayo ng pagkakilatis sa mga diyablo, hindi na kayo malilihis o magugulo ng mga ito, at hindi na kayo gagawa ng mga hangal na bagay—sa pinakamababa, hindi na kayo makikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa ganitong mga tao na mga diyablo. Sa puso mo, malalaman mo: Ang taong ito ay isang diyablo—ang pakikipagbahaginan sa kanya sa katotohanan ay katulad ng paghahagis ng mga perlas sa isang baboy; paano man ibahagi ang katotohanan sa kanya, wala itong saysay. Kaya, hindi ka patuloy na gagawa ng mga hangal na bagay. Makikipag-usap ka lang sa kanya tungkol sa ilang doktrina na dapat niyang maunawaan, at sa mga regulasyon na dapat niyang sundin—sapat na iyon. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, hindi maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Gayumpaman, kung hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo, may posibilidad na gumawa ka ng mga hangal na bagay. Sa kabilang banda, ang mga lider at manggagawa ay dapat na pangasiwaan nang maayos at gamitin ang mga tagapagserbisyong ito at mga diyablong ito na hindi tumatanggap sa katotohanan kahit kaunti. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay makapagbibigay-katiyakan na ang gawain ng iglesia ay hindi napipinsala, habang pinoprotektahan din ang mga kapatid mula sa panlilihis at panggugulo ng mga diyablo at Satanas. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Hinding-hindi mo dapat tratuhin ang masasamang tao at mga diyablo bilang mga kapatid. Hangga’t mayroon kang pagkilatis sa mga diyablo at sa masasamang tao, hindi ka na gagawa ng mga hangal na bagay. Dati, ang mga tao ay walang pagkakilatis at gumawa ng maraming hangal na bagay—palaging tinatrato ang masasamang tao at mga diyablo bilang mga kapatid, nang hinahayaan lang ang mga diyablo na pagtawanan sila. Kapag binubuksan mo ang iyong puso para makipagbahaginan sa mga diyablo, iniisip nila na, “Napakamatapat mo, napakadalisay at bukas—tunay na hangal ka!” kinukutya ka sa loob-loob nila. Ngayon na may pagkakilatis ka na sa mga diyablo, hindi mo na gagawin ang ganitong uri ng hangal na bagay. Alam mo na ngayon na ang pagbukas sa iyong puso sa pakikipagbahaginan o ang pagsuporta at pagtulong sa isang tao, dapat mo itong gawin sa mga tunay na kapatid, sa mga naghahangad ng katotohanan at mayroong pagkatao—hindi sa mga diyablo. Ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay na hindi ka na naduduwag o natatakot sa mga diyablo. Alam mong mga diyablo sila, at alam mo kung ano ang iniisip nila sa kanilang puso. Ngayon na may pagkakilatis ka na sa kanila, alam mo na kung paano sila tratuhin nang naaangkop. Palagi mo silang dapat bantayan nang mabuti—tingnan kung ano ang sinusubukan nilang gawin, kung ano ang kanilang kinakalkula at binabalak sa kanilang puso, kung sa anong mga bahagi ng gawain sila maaaring manggambala, manggulo, at manabotahe, kung anong uri ng mga salita ang maaari nilang gamitin para mang-udyok at manlihis ng iba, at kung anong mga layon ang sinusubukan nilang makamit. Kapag malinaw mo nang nakita ang lahat ng bagay na ito, malalaman mo kung paano kikilos nang naaangkop, at ikaw ay susunod sa mga katotohanang prinsipyo.

Karamihan sa inyo, pagkatapos nating magbahaginan tungkol sa pagkilatis sa mga lihis na pagpapamalas ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, ay marahil mayroon na ngayon ng kaunting kalinawan sa inyong puso at ng kaunting pagkakilatis—tulad ng kung aling mga tao, pagkalipas ng lahat ng taon na ito ng pakikisalamuha sa kanila, ang tila mga diyablo, na hindi mo na pagbabahaginan ng tunay mong mga damdamin; at kung aling mga tao ang mga kapatid, na higit mong pakikisamahan, lalapitan, at—kapag may mangyari—mas pagbabahaginan. Sa ganitong paraan, ang iyong pagtrato sa bawat uri ng tao ay magkakaroon ng prinsipyo, at hindi ka gagawa ng mga kamalian. Pero ang karamihan ba ng tao ay kayang abutin ang punto ng pagkilatis sa mga diyablo, ng pagtalos sa kalikasan ng mga diyablo? At kung ang isang diyablo ay handang magserbisyo, puwede ba nilang gamitin ang pagseserbisyo ng diyablo? Ang karamihan ng mga kapatid ay walang kapabilidad na magsagawa sa ganitong paraan—pero dapat magawa ito ng mga lider at manggagawa. Bakit Ko sinasabi na dapat nila itong magawa? Dahil ikaw, bilang isang lider o manggagawa, ay dapat na sumuri ng mga bagay nang maayos. Kapag natuklasan mo ang isang masamang tao na gumagawa ng kasamaan, dapat magawa mong agad na ilantad at himayin ito, at pigilan ang mga panggugulo at panggagambala nito. Kung kaya mong magsagawa sa ganitong paraan, magagawa mong tiyakin ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, at ang mga kapatid ay mapoprotektahan—lalago sila sa pagkilatis, at ang kanilang buhay pagpasok ay hindi magdurusa ng kawalan dahil sa mga panggugulo ng mga diyablo. Kung hindi mo magawang magsagawa sa ganitong paraan—kung hindi mo kayang pigilan ang mga diyablo, hindi mo kayang bantayan ang tarangkahan—ang mga diyablo ay palaging darating para manggulo. Ngayon ay ginugulo nila ang isang tao, nang ginagawa siyang negatibo at idinudulot na siya ay maging matamlay sa pangangaral ng ebanghelyo; bukas ay iba naman ang ginugulo nila, na humahantong sa resulta na ayaw na niyang gawin ang kanyang tungkulin, na umaantala sa gawain at pinupuwersa ka na maghanap ng kapalit. Palagi mong kakailanganing pangasiwaan ang ilang biglaan at di-inaasahang sitwasyon. Hindi ba’t labis na pasibo ang paggawa ng gawain sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, bilang isang lider o manggagawa, hindi ba’t malayo ka mula sa pagiging pasok sa pamantayan? Kung hindi ka nagseserbisyo bilang isang lider o manggagawa, magagawa mong pamahalaan ang sarili mong buhay pagpasok, ang sarili mong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at ang tungkulin mo. Pero sa sandaling magserbisyo ka bilang isang lider o manggagawa, abala ka araw-araw—nagpaparoo’t parito nang natataranta, nagmamadali. Alinman sa isang anticristo o masamang tao ay nagpapakita at nanggugulo sa iglesia, o ang ilang kapatid ay nagiging negatibo at ayaw gawin ang kanilang tungkulin, o ang isang bagong mananampalataya ay nalilihis ng mga tsismis at ayaw nang manampalataya at umuurong. Ang gawain ay hindi nagagawa nang sapat, na nagdudulot ng patuloy na paglitaw ng mga problema kung saan-saan, at ang palagiang paglitaw ng mga problemang ito ay idinudulot na ikaw ay mabigatan at mahapo at hindi mo na ito makayanan sa bawat araw, hindi ka na makakain o makatulog nang maayos—pero kahit na ganoon, hindi nagagawa nang maayos ang gawain. Iyon ay pagiging ganap na walang abilidad para sa gawain. Ang gayong lider o manggagawa ay lubos na hindi pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi na hindi ka pasok sa pamantayan? Dahil hindi ka malinaw na nakipagbahaginan nang maaga tungkol sa mga problemang ito na tiyak na lilitaw, na binibigyang-kakayahan ang lahat na maunawaan ang katotohanan at magkamit ng pagkakilatis, para ang mga problema ay maaaring malutas kaagad kapag lumitaw ang mga ito. Sa madaling salita, hindi mo inihanda ang karamihan ng mga tao para sangkapan sila ng abilidad na makayanan ang mga bagay na ito. Sa huli, kapag sunod-sunod na nangyari ang mga bagay na ito, ikaw ay nagiging labis na pasibo—palaging nag-aayos ng kaguluhan, palaging inaayos ang kinalabasan. Nangangahulugan ito na malayo ka pa sa pagiging pasok sa pamantayan bilang isang lider o manggagawa. Sa iyong pagtrato sa iba’t ibang uri ng mga diyablo, ang iyong mga pamamaraan para sa pangangasiwa sa kanila ay hindi naaangkop, ang gawaing ginagawa mo ay hindi sapat, kung kaya ang gawain ng iglesia ay palaging nagugulo, palaging napeperwisyo ng mga problema. Palagi mong kinakailangang lunasan ang mga bagay at ayusin ang mga ito, kaya pakiramdam mo ay labis kang abala, at ang paggawa sa gawaing ito ay nagiging labis na nakakapagod.

Naaalala mo ba ang dalawang prinsipyo para sa pagtrato sa mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo? Ano ang pangunahin? Huwag matakot sa mga diyablo at mga Satanas, at huwag silang iwasan. Sa halip, matutong makilatis sila at matalos ang kanilang diwa, at arukin ang tendensiya ng kanilang mga kaisipan; ibig sabihin, malinaw na tingnan kung ano ang gusto nilang gawin sa iglesia, at kung anong mga layon ang gusto nilang makamit. Sa ganitong paraan, magagawa mong inisyatiba ang pagiging pasibo, at aktibo kang makakapunta sa opensa para ilantad at harapin sila. Kung, pagkakita sa mga diyablo at mga Satanas na magsalita at kumilos, nasusuklam ka lang sa kanila at ayaw mo silang pansinin o na makipagtulungan sa kanila at iyon na iyon—binabalewala mo pa nga kapag nakakakita ka ng mga diyablo at mga Satanas na nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia—ang pagkilos ba sa ganitong paraan ay umaayon sa mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Pagkatapos pasukin ng mga diyablo at Satanas ang iglesia, hindi sila mamumuhay ng buhay iglesia sa isang paraan na sumusunod sa tuntunin, lalong hindi sila magseserbisyo sa isang paraan na sumusunod sa tuntunin. Hindi maiiwasan na magsasalita sila at gagawa ng mga bagay, maging hanggang sa punto ng hindi pagtigil hanggang sa ang kanilang mga layon ay makamit. Kaya, sa pagtrato sa mga diyablo, dapat kang maging marunong, at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Iyong mga dapat malantad at tanggihan ay dapat na malantad at tanggihan. Kapag ang isang diyablo ay hindi pa nabubunyag, kung handa itong magserbisyo, gamitin ito upang magserbisyo, at bantayan ito nang mabuti habang nagseserbisyo. Halimbawa, kung hindi mo ganap na makilatis ang isang partikular na superbisor na namamahala sa partikular na aytem ng gawain—nakikita mo na hindi siya kasingsimple at kasingbukas ng ibang mga kapatid, na hindi niya kailanman sinasabi ang buong katotohanan sa sinuman, at na kapag nahaharap sa mga paghihirap o problema sa gawain, hindi siya naghahanap ng solusyon—kung gayon ay kailangan mong magkusa na tuklasin ang ugat ng kanyang sitwasyon. Hindi ka dapat maging pasibo, na naghihintay hanggang sa magulo niya ang gawain at pagkatapos ay sinusubukan na “ikandado ang pinto ng kuwadra pagkatapos makatakbo ng kabayo.” Kailangan mo siyang kausapin at tingnan kung ano ang saloobin niya sa kanyang tungkulin, kung mayroon ba siyang mga partikular na plano at pagsasaayos para sa gawain, kung mayroon ba siyang mga prinsipyo para sa paggawa ng gawain, kung kaya ba niyang gumawa ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, at kung may kapabilidad ba siyang linlangin iyong mga nasa itaas niya at magtago ng mga bagay mula sa mga nasa ibaba niya, at gumawa ng mga bagay sa sarili niyang paraan. Hindi ba’t ito ang mga bagay na dapat mong bigyang-pansin? (Oo.) Ipagpalagay na natuklasan mo na ang isang tao ay isang diyablo, kung kaya hindi ka na nakikisalamuha sa kanya, sinasabi mo pa nga na, “Labis na nakakakilabot ang diyablong ito—nakikita ko pa lang siya ay nasusuklam na ako. Hindi ko na siya kakausapin pa. Kailangan kong magtakda ng malinaw na hangganan sa pagitan naming dalawa, at himukin ko ang mga kapatid na gumuhit din ng malinaw na linya—dapat siyang balewalain ng lahat.” Ayos lang ba na kumilos sa ganitong paraan? Isa itong hangal na paraan ng pagkilos. Hindi ito mautak ni marunong, at ito ay hindi pagtataglay ng tayog. Sa tingin mo ba ay mautak ka dahil lang hindi mo siya kinakausap? Ikaw ba ay isang taong mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos? Natupad mo ba ang iyong responsabilidad? Nabalikat mo ba ang pasanin ng pagbabantay sa kawan at pagbabantay sa tarangkahan ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t dapat mo ring isipin ang mga bagay na ito? Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na magkaroon ng pagkakilatis sa mga diyablo ay hinding-hindi nangangahulugan na sapat nang tanggihan lang ang mga diyablo. Dapat ay magawa mo ring pangasiwaan at limitahan ang mga diyablo; kung ang isang diyablo ay hindi pa nabubunyag, at gusto nitong magserbisyo, dapat ay magawa mo ring gamitin ito—ang mga bagay rin na ito ang tungkulin na dapat mong gawin, ang responsabilidad na dapat mong tuparin, at ito ay ganap na para sa kapakanan ng pangangalaga sa gawain ng iglesia. Kung nakikita mo na ang isang tao ay ekstraordinaryong mahirap na makilatis, na ang lahat ng kanyang sinasabi ay hindi mabubutasan at walang nakakaarok sa kanya, kung gayon, ang taong ito ay napakamapanganib at hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan. Lalo na kung nakikita mo ang isang tao na umaasal sa labis na lihim na mapanganib at hindi normal, lihim na mapanira, tusong paraan—na hindi kailanman sinasabi ang buong katotohanan sa sinuman, at na hindi makilatis ng karamihan ng kapatid na nakakasalamuha o nakakaugnayan niya—ang gayong tao ay hindi puwedeng isantabi na lang at iwanang mag-isa. Sa halip ay dapat mo siyang lapitan, makipag-ugnayan at makipag-usap ka sa kanya, upang lumago sa pagkilatis at kabatiran, makita kung ano ang kanyang iniisip, tingnan kung ano ang pinagmulan at motibasyon ng kanyang mga kilos, kung ano ang pinaplano niyang gawin, kung nagagawa ba niyang magpasan ng gawain kapag gumagawa ng kanyang tungkulin, kung maaari ba niyang magulo ang gawain ng iglesia at maaari ba siyang magtatag ng nagsasariling kaharian, at kung ang paggawa ba niya ng tungkulin ay nagdudulot ng mas maraming pinsala kaysa sa pakinabang, at sa huli ay nagiging isang kawalan na mas matimbang kaysa sa pakinabang. Tingnan mo—ang pagiging lider o manggagawa ba ay isang simpleng usapin? Kapag ang gayong tao ay natuklasan sa iglesia, hindi mo lang hindi dapat idistansya ang iyong sarili mula sa kanya at iwasan siya, kundi sa halip ay dapat aktibo mo siyang lapitan at aktibo kang makipag-ugnayan sa kanya. Ano ang layon ng paggawa nito? Ito ay para maunawaan ang sitwasyon niya at gumamit ng mga hakbang ng pag-iingat. Halimbawa, kung makakatagpo ka ng isang ahente o espiya ng CCP na palaging naghahanap ng mga oportunidad para mag-usisa sa iyong personal na impormasyon, at nadarama mo sa puso mo na isa siyang espiya, dapat kang maging mapagbantay laban sa kanya, at hinding-hindi mo dapat sabihin sa kanya ang iyong tunay na sitwasyon. Dapat mo ring tandaan ang isang lalo pang mahalagang usapin: Hindi mo maaaring ipaalam sa kanya ang numero ng iyong telepono, ang iyong email account, at iba pa. Gayumpaman, kung magiging mapagbantay ka lang laban sa kanyang pang-uusisa sa sarili mong sitwasyon, pero ganap mong binabalewala at pinapalusot ang ibang mga bagay tulad ng kung sino pa ang nakakaugnayan niya, kung kaninong impormasyon ang tinatanong niya, at kung anong sitwasyon ng iglesia ang tinatanong niya—iniisip mo pa nga na nagiging mautak ka sa paggawa nito—kung gayon ay kumusta ang pangangasiwa mo sa usaping ito? Nagpakita ka ba ng anumang karunungan? Naipakita mo ba na mayroon kang tayog? Natupad mo ba ang iyong responsabilidad? Napangalagaan mo ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at naprotektahan mo ba ang mga kapatid? Kung hindi mo isinasaalang-alang ang mga usapin na ito kahit kaunti, isa kang makasarili at kasuklam-suklam na tao, nang lubus-lubusan. Sabihin natin na nakatagpo mo ang isang tao na isang diyablo, at tinatanong ka niya kung saan ka nagmula at kung may sinuman ba sa iyong pamilya na nananampalataya sa Diyos; alam mo na nag-uusisa siya para sa impormasyon, kaya kaswal kang nagsasabi ng ilang bagay para tratuhin siya nang pabasta-basta nang hindi isinisiwalat ang iyong tunay na sitwasyon, at pagkatapos ay ibinabalik mo ang mga tanong at tinatanong mo siya, “Saan ka nagmula? Sino sa pamilya mo ang nananampalataya sa Diyos? Kumusta ang buhay iglesia sa iglesia sa iyong bayan? Inaaresto ba ng CCP ang mga mananampalataya roon? Ikaw ba ay naaresto na?” Pagkarinig dito ng ahente o espiya ng CCP, iniisip niya na, “Palaging ako ang nagtatanong ng mga tanong—walang sinuman ang nagbabalik sa akin kailanman ng mga tanong at tinatanong ako. May utak ang taong ito!” Nang makita na patuloy mo siyang tinatanong, nag-aalala siya na malalantad ang kanyang pagkakakilanlan kung kaya binabago niya ang paksa. Dapat maingat mong obserbahan ang ganitong uri ng tao. Kung matitiyak mo na labis siyang kahina-hinala, at mayroong walumpung porsiyentong tsansa na isa siyang espiya ng CCP, dapat kang maging mapagbantay laban sa kanya—hindi ka dapat magsiwalat ng kahit kaunting impormasyon tungkol sa mga kapatid. Kung ang mga kapatid ay hindi magbabantay laban sa kanya kahit kaunti at sasabihin sa taong ito ang lahat ng nalalaman nila nang walang pagpipigil, nang handang pag-usapan ang tungkol sa anumang bagay, madali nitong inilalagay sa panganib ang iglesia at ang mga kapatid. Kaya dapat mong bantayang mabuti ang gayong tao—obserbahan kung sino ang palagi niyang nakakaugnayan, kung sino ang palagi niyang sinusubukan na kunan ng impormasyon, kung palihim ba niyang tinitingnan ang mga numero ng telepono ng mga kapatid, o tinitingnan ang mga account sa kanilang mga computer, o kinakalkal ang mga panloob na impormasyon ng sambahayan ng Diyos kapag nakatalikod ang mga tao. Dapat mo siyang bantayang mabuti—hindi mo siya dapat hayaang magtagumpay. Kailangan mo ring sabihin sa mga kapatid na maging mapagbantay laban sa taong ito—kung paulit-ulit siyang mag-uusisa para makakuha ng impormasyon, dapat siyang iwasan, at dapat siyang balaan na huwag mang-abala ng mga tao. Dagdag pa rito, kailangan mo ring makita kung anong mga maling paniniwala at mga maling kaisipan ang ipinapakalat niya para ilihis ang mga kapatid—kung makakatuklas ka ng gayong mga isyu, dapat mong pangasiwaan at lutasin kaagad ang mga ito. Ang magsagawa sa ganitong paraan ay ang pangalagaan ang gawain ng iglesia at protektahan ang mga kapatid—ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at ito rin ang responsabilidad ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung tatayo ka lang sa isang tabi at walang gagawin, hahayaan siyang mag-ikot-ikot nang nag-uusisa sa kagustuhan niya, posible na ang ilang hangal na tao o baguhan na may mga mababaw na pundasyon sa pananampalataya ay sasabihin sa kanya ang lahat ng bagay. Pagkatapos, ang mga pulis sa kalakhang Tsina ay maaaring agad na magsimulang arestuhin ang kanilang mga kapamilya at kamag-anak, na nagdadala ng gulo sa ilang iglesia at ilang kapatid. Anumang uri ng gulo ang mangyari, ano’t anuman, kung bilang isang lider o manggagawa ay matuklasan mo na ang isang tao ay isang diyablo pero hindi ka kaagad na gumawa ng mga hakbang, hindi mo isinakatuparan nang maayos ang gawain ng pag-iingat, at bilang resulta, ang ilang hangal at mangmang na tao ay nagsisiwalat ng maraming bagay na hindi dapat isiwalat at naglalabas ng impormasyon ng mga kapatid, na nagdudulot ng gulo sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, kung gayon, iyon ay pagpapabaya mo sa responsabilidad. Sabihin mo sa Akin, kumusta ang naging paggampan mo ng tungkulin sa kasong ito? Ginawa mo ba ito nang maayos? (Hindi.) Ang hindi paggawa nang maayos sa iyong tungkulin—isa ba itong usapin kung saan nabigo mo ang Diyos? (Oo.) Ito ay pagbigo sa Diyos. Kung kayo mismo ay lubhang ligtas sa ibang bansa pero nautakan kayo ng isang ahente ng CCP dahil sa sarili ninyong kahangalan, ito ay magdudulot ng mga mapanganib na kahihinatnan; magdudulot ito ng sakuna sa mga iglesia at sa mga kapatid sa inyong bayan sa mainland. Handa ba kayong makita ang gayong kahihinatnan? (Hindi.) Kung ang isang tao ay may kaunting konsensiya at kaunting pagkatao, dapat ay ayaw niyang makita na mangyari ang ganitong uri ng bagay; saanman siya mismo kasalukuyang naroroon, ayaw niyang makita ang sinumang kapatid sa mainland na magdusa ng pang-uusig. Kung may magsasabi ng, “Buweno, ligtas ako ngayon sa ibang bansa—ano naman kung may maaresto! Ano ang kinalaman sa akin kung may magdurusa? Wala nga akong pakialam sa sarili kong pamilya. Wala akong pagmamahal”—may pagkatao ba ang gayong tao? (Wala.) Wala siyang pagkatao—hindi dapat mag-isip nang ganoon ang isang tao. Kung sinasabi mong may konsensiya at pagkatao ka, kung gayon, sa pinakamababa ay hindi ka dapat magdulot ng gulo sa mga kamag-anak mo at sa iglesia sa mainland. Kaya, kapag nahaharap ka sa mga diyablo, hindi sapat na magkaroon lang ng pagkakilatis sa kanila—dapat ka ring mag-isip nang komprehensibo. Dapat mong isipin kung paano kumilos sa isang paraan na nagtitiyak na hindi mo inilalantad ang sarili mo, habang tinitiyak din na ang iyong mga magulang at mga kamag-anak at ang mga kapatid sa mainland ay hindi napipinsala. Dapat mong tuparin ang responsabilidad mo na pangalagaan ang gawain ng iglesia at bantayan ang tarangkahan ng sambahayan ng Diyos. Ito ay ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao. Kung ginawa mo na ang lahat ng makakaya mo, kahit na magkaaberya dahil may mga bagay na hindi mo nagawa o dahil hindi mo nakilatis ang isang usapin, hindi ikaw ang dapat sisihin—ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Pero mula sa perspektiba ng mga tao, dapat maging malinaw sa iyo ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao. Hindi mo ito dapat iwasan, at hindi puwedeng sarili mo lang ang iniisip mo—dapat mo ring isaalang-alang ang mga kapatid sa paligid mo at ang gawain ng iglesia. Malinaw na ba ngayon ang landas na ito ng pagsasagawa? (Oo.) Kita mo, kung ang mga usaping ito ay hindi pinagbahaginan, makakaligtaan sana ninyo ang mga pinakakrusyal at pinakamahalagang bagay, at pakiramdam pa rin ninyo na alam ninyo kung paano tratuhin ang mga diyablo at mga Satanas. Sa aktuwal, hindi ninyo nauunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa—ito ang inyong tunay na tayog.

Nagagawa mo man o hindi na makita ang saloobin ng mga diyablo sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa Diyos, ang diwa nila, ano’t anuman, ay pagkamuhi sa katotohanan, pagkamuhi sa mga positibong bagay, at pagkamuhi sa Diyos. Ito ay pagiging lihis. Ito man ay mula sa mga salitang ibinubunyag nila o mula sa mga kaisipan at pananaw sa puso nila, posible na makita ang saloobin nila sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa Diyos. Batay sa saloobing ito, masasabi nang may katiyakan na ang mga diyablo ay hinding-hindi tumatanggap sa katotohanan, hinding-hindi tumatanggap sa mga positibong bagay, at siyempre, hinding-hindi sumasamba sa Diyos. Samakatwid, hindi sila tumatanggap ng anumang mga tamang suhestiyon, pahayag, o panghihikayat mula sa mga tao. Kung gayon, tungkol naman sa mga katotohanang prinsipyo na mula sa Diyos, sa mga babala ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos, at sa mga turo ng Diyos sa mga tao, mas lalong binabalewala nila ang lahat ng ito at hindi kailanman tinatanggap ang mga ito. Sa halip, sa puso nila ay nagpapakana sila tungkol sa anumang bagay na gusto nila, kung anuman ang kapaki-pakinabang sa sarili nila. Nagpapakana sila tungkol sa kanilang katayuan, reputasyon, pride, at hantungan; nagpapakana sila tungkol sa anumang mga pakinabang na gusto nilang matamasa, matamo, at makamit sa kanilang tunay na buhay. Ito ang kanilang panloob na mundo, at sapat na ito para ipakita na buktot ang kanilang kalikasang diwa. Hindi kailanman magbabago ang lihis na kalikasang diwang ito. Mula simula hanggang wakas, ang lahat ng ginagawa nila, at ang lahat ng kanilang mga kaisipan at pananaw, ay walang anumang kinalaman sa katotohanang realidad, at walang kinalaman sa mga turo ng Diyos o sa tamang landas ng buhay ng tao; ang mga ito ay pawang mga buktot na negatibong bagay. Paano mo man ibahagi ang katotohanan sa mga taong may buktot na diwa, paano mo man subukan na tulungan sila nang may pagmamahal, hindi mo sila kayang maantig, hindi mo kayang baguhin ang kanilang mga kaisipan at pananaw, at hindi mo kayang baguhin ang kanilang paraan ng buhay kung saan ang iniisip lang nila araw-araw ay kasamaan. Siyempre, hindi mo rin kayang baguhin ang mga layon na hinahangad nila, ni ang paraan at direksyon ng kanilang pagbabalak sa bawat usapin. Ang mga taong ito na mga diyablo ay nananatiling pareho mula simula hanggang wakas. Ang kanilang buktot na diwa ay hindi magbabago. Kahit na palagi silang gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nang hindi tinatalikuran ang pangalan ng Diyos o iniiwan ang tunay na daan, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at ang lahat ng iniisip at pinagbubulayan nila ay nauugnay sa mga negatibong bagay at sa mga buktot na bagay, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay imposibleng maiwaksi, at ang kanilang pagkatao ay imposible ring sumailalim sa anumang pagbabago. Siyempre, isang bagay ang tiyak: Ang mga taong ito ay imposibleng makapagtamo ng kaligtasan. Tungkol naman sa kung ano ang hantungan nila, malinaw na iyon. Ang kanilang hantungan ay hindi ang pinagbabahaginan natin dito. Ang pinagtutuunan natin ay ang pagkilatis at paghimay sa kanilang kalikasang diwa.

Ang unang pagpapamalas ng lihis na kalikasang diwa ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo—“pagiging masama at hindi normal”—ay ganap nang napagbahaginan ngayon. Ang pangunahin nating pinagbahaginan ay ang kanilang iba’t ibang saloobin at pagpapamalas sa kung paano nila tinatrato ang mga positibong bagay, pati na ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na kinikimkim at pinanghahawakan nila sa loob ng kanilang puso. Ito man ay ang kanilang mga kongkretong pagbubunyag at pagpapamalas, o ang mga bagay na natatago sa kailaliman ng kanilang puso na hindi sila nangangahas na ihayag, ang lahat ng ito ay nagpapatunay na hindi sila mga ordinaryong tiwaling tao. Hindi nila tinataglay ang konsensiya at katwiran ng mga ordinaryong tiwaling tao. Masasabi rin na ang mga taong ito ay hindi nagtataglay ng pagkatao ng mga ordinaryong tiwaling tao. Sa madaling salita, ang mga taong ito ay walang pagkatao. Gaano man kabuktot ang kanilang mga kaisipan at pananaw, gaano man kabuktot at hindi naaayon sa pagkatao ang kanilang mga pahayag, kilos, pag-uugali, at asal, wala silang anumang kamalayan dito. Hindi nila kailanman inilalarawan ang sarili nilang kalikasang diwa bilang buktot, salungat, o mapanlaban sa katotohanan. Paano ka man makipagbahaginan sa kanila, namumuhay pa rin sila sa loob ng mundo ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong ito, kapag nakikipag-ugnayan sa isa’t isa, ay labis na nagkakasundo, at partikular na parehong-pareho na mag-isip sa kanilang kabuktutan. Pero sa puso nila, sukdulan silang nasusuklam at napopoot sa mga tao na nakakaunawa sa katotohanan at naghahangad ng katotohanan.