Paano Hangarin ang Katotohanan (13) Ikalawang Bahagi

Ang mga Katangian ng mga Taong Nagreinkarnasyon Mula sa mga Diyablo

Noong nakaraan, nabanggit natin na ang mga tao ay malawak na nahahati sa tatlong kategorya. Paano napag-iiba ang tatlong kategoryang ito? Napag-iiba ang mga ito batay sa kanilang pinagmulan. Ang unang kategorya ay ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, ang ikalawang kategorya ay ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, at ang ikatlong kategorya ay ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao. Natapos na nating talakayin ang mga katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, at ngayon ay pag-usapan naman natin ang mga katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Anong mga pangunahing katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ang naiisip ninyo? (Antagonistiko sila sa katotohanan at sa Diyos.) Isa itong medyo pangkalahatang pahayag; kailangan ninyong ilarawan ang kanilang mga esensyal na pagpapamalas, at kailangan ninyong mahinuha ang mga katangian ng ganitong uri ng mga tao gamit ang kanilang pang-araw-araw na mga pagbubunyag at ang kanilang mga partikular na pagpapamalas sa buhay. Alam ba ninyo kung ano ang isang katangian? Ang isang katangian ay isang pagpapamalas na kumakatawan sa diwa ng isang partikular na uri ng tao. Kung nagtataglay ang isang tao ng mga katangian ng isang partikular na uri ng tao, mayroon siyang diwa ng ganoong uri ng tao, at kung ang isang tao ay ganoong uri ng tao, natural niyang tataglayin ang mga katangiang iyon—walang sinuman ang eksepsiyon. Iyon ang isang katangian. Naiisip ba ninyo ang mga katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo? (Sila ay lubhang tutol at namumuhi sa katotohanan. Tumutugon sila nang may galit at pagkasuklam kapag naririnig ang katotohanan.) Ang pagtugon nang may galit at pagkasuklam sa sandaling makita ang katotohanan ay isang partikular na pagpapamalas. Ano pa ang naiisip ninyo? (Sila ay buktot at lihim na mapanira. Hindi ko alam kung maituturing ba iyon na isang katangian?) Medyo may kaugnayan iyan. (Sila rin ay walang awa at mapagmataas.) Ang pagiging walang awa ay isa pang partikular na pagpapamalas. Ang pagmamataas ay isang karaniwang katangian na taglay ng mga tiwaling tao, at hindi lang ito taglay ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo; taglay rin ito ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga tao—ang dalawang uring ito. Bukod sa mga partikular na satanikong tiwaling disposisyong iyon, anong mga partikular na katangian ang taglay ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo sa usapin ng kanilang pagkatao? Ibig sabihin, ano ang mga pangunahing katangian ng kanilang ibinubunyag, sinasabi, at ginagawa sa kanilang pang-araw-araw na buhay? (Kalupitan.) Isa itong katangian. Ano pang ibang mga katangian ang mayroon? Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo at ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay parehong nagtataglay ng ilang partikular at esensyal na katangian, ngunit ang mga katangian ng dalawang uring ito ay ganap na magkaiba. Ang mga katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay baluktot na pag-arok, pagkamanhid, pagiging magulo ang isip, at kahangalan. Bakit ang mga katangiang ito? Sapat na ang mga katangiang ito para patunayan na, sa usapin ng kanilang diwa, ang ganitong uri ng tao ay kapos sa mga katangian ng tao, at kapos sa wastong talino at paraan ng pag-iisip na taglay ng mga tao. Samakatwid, pinatutunayan ng mga napakatipikal na katangiang ito na ang ganitong uri ng mga tao ay nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay iba sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Ano ang kanilang mga katangian? Dahil sila ay nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, sila ay mga diyablong naging tao. Ang kanilang panloob na diwa ay sa isang diyablo. Bagama’t hindi sila mga hayop—hindi sila hangal, o manhid, at marahil ay wala silang baluktot na pag-arok—hindi rin sila tao, at wala silang normal na pag-iisip ng mga tao. Dahil sila ay nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, tiyak na sila ay ganap na naaayon at katulad na katulad ng mga diyablo sa usapin ng diwa at tunay na anyo, nang walang anumang mga pagkakaiba. Kaya, ano ang mga katangian ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo? Ang unang katangian ay ang pagiging likas na sinungaling. Paano man sila magsinungaling, hindi namumula ang kanilang mukha, hindi kumakabog ang kanilang puso, at kumikilos sila nang lubhang normal at natural, nang hindi nagkakamali o nagpapakita ng anumang butas. Walang sinuman ang makakakilatis kung alin sa kanilang mga salita ang totoo at alin ang hindi. Ang ikalawang katangian ay pagkalihis. Nabanggit ninyo ang ikatlong katangian ngayon-ngayon lang, ang kasamaan. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay may tatlong katangian—bagama’t kulang ito ng isang katangian kumpara sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, ang mapanirang kapangyarihan at antas ng malubhang pinsalang idinudulot nila sa mga tao ay higit na mas malaki kaysa sa pasakit o kapahamakang dulot ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, dahil sila ay mga diyablo. Sa usapin ng antas, ang mga paraan ng matinding pamiminsala ng mga diyablo sa mga tao ay higit na mas malubha kaysa sa pananakit ng mga hayop sa mga tao. Ang pambibitag, pagyurak, pagpapamanhid, panlilihis, at matinding pamiminsala sa mga tao ay likas sa mga diyablo; ito ang kanilang kalikasang diwa. Tungkol naman sa mga hayop, hangga’t hindi mababangis ang mga ito, sa pangkalahatan ay walang malaking mapanirang kapangyarihan sa mga tao ang mga ito; ilang partikular na hayop lang ang medyo matinding namiminsala sa mga tao, kumakain ng laman ng tao o nananakit ng mga tao dahil sa instinto. Iba ang mga diyablo. Hindi mahalaga kung sila ay malalaki o maliliit na diyablo—hindi na kailangang pag-ibahin ang iba’t ibang uri ng mga diyablo—lahat sila ay nagdudulot ng parehong pasakit at matinding pinsala sa mga tao. Ang anumang diumano’y mga pagkakaiba ay naipapamalas lamang sa mga paraan o metodo, ngunit sa usapin ng diwa ng mga diyablo, ito ay palaging para matinding pinsalain ang mga tao. Ginalit mo man sila o hindi, ang kanilang kalikasang diwa ay ang palaging manakit ng mga tao. Hangga’t lumalapit ka sa kanila, hangga’t nasasangkot sila sa malalaki o maliliit na usapin sa iyong buhay, malamang na mapinsala ka nila. Kung nauunawaan mo ang ilang katotohanan, kung nagtataglay ka ng ilang katotohanang realidad, at may pagkilatis ka tungkol sa mga diyablong ito, ang antas ng pamiminsala nila sa iyo ay medyo mababawasan o maiibsan. Ngunit kung mababa ang iyong tayog, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at ikaw ay isang taong walang katotohanan at buhay, ang antas ng magiging pamiminsala sa iyo ay madaling mahihinuha—paano man nila gustong pinsalain ka, pipinsalain ka nila sa ganoong paraan, at hanggang sa anong antas ka man nila gustong pinsalain, mapipinsala ka hanggang sa ganoong antas. Ito ang pinsalang idinudulot sa mga tao ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Nakikita mo, kapag nasa kapangyarihan ang mga diyablo, kahit na suportahan mo sila, pipinsalain ka pa rin nila, at kung hindi mo sila susuportahan o sasalungatin mo sila, mapipinsala ka pa rin. Hangga’t pinamumunuan ka nila, hangga’t nasa ilalim ka ng kanilang kapangyarihan, hangga’t sumusunod ka sa Diyos ngunit hindi mo pa natatamo ang katotohanan o hindi ka pa ganap na nakakamit ng Diyos, ikaw ay, walang-duda, ang talunang kalaban ng mga diyablo, ang kanilang biktima, at walang sinuman ang eksepsiyon dito. Tumutukoy ito sa malalaking diyablo. Tungkol naman sa mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, sila ay maliliit na diyablo sa tunay na buhay, sila ay iba’t ibang uri ng mga diyablo. Kung mamumuhay kang kasama nila, isa sa mga pinakakaraniwang pangyayari ay na likas silang magsisinungaling. Palagi ka nilang malilinlang at palagi ka nilang maloloko; hindi mo malalaman kung alin sa kanilang mga salita ang totoo at alin ang hindi, at magugulo ka hanggang sa punto na mababalisa ka araw-araw. “Totoo ba o hindi ang sinabi nilang ito? Sinusubukan na naman ba nila akong linlangin? Paano ko makikilatis kung tama o mali ang sinasabi nila?” Kita mo, kung mamumuhay kang kasama nila, labis kang magdurusa sa kanilang pamiminsala. Ang usapin lang na ito ng kanilang patuloy na pagsisinungaling ay guguluhin ka hanggang sa punto na ikaw ay ganap na maguguluhan, at araw-araw ang iyong puso ay walang kapanatagan, kapayapaan, o kagalakan.

I. Ang Unang Katangian: Likas na Pagsisinungaling

Para sa uri ng tao na nagreinkarnasyon mula sa isang diyablo, likas sila kung magsinungaling, at lahat ng ginagawa nila ay napakatuso. Anuman ang lihim nilang sabihin sa iba o anuman ang gawin nila nang patago, hindi nila sinasabi ang totoo tungkol dito pagkatapos; sa halip, mayroon silang ibang bersyon ng kuwento. Sinisiraan nila ang ibang tao sa iyo, at sinisiraan ka nila sa ibang tao. Bunga nito, nagkakaroon ng mga hadlang sa pagitan mo at ng ibang mga taong iyon, at nagkakaroon kayo ng masamang palagay sa isa’t isa. Ang totoo, hindi naman talaga kayo pamilyar sa isa’t isa, at hindi ninyo gaanong kilala ang isa’t isa. Dahil mismo sa diyablong ito na gumawa ng mga kuwento para pag-awayin kayo kung kaya’t naging magkaaway kayo. Pinaglaruan ka na ng diyablo pero hindi mo pa rin alam kung ano ang nangyayari, at iniisip mong totoo ang sinabi ng diyablo at na mabuti sila sa iyo. Kita ninyo, kayang paglaruan ng isang taong likas na sinungaling ang mga tao nang ganito katindi. Palagi silang nagsisinungaling; madalas silang magtsismis, maghasik ng alitan, at walang pakundangang gumawa ng mga tsismis sa pamamagitan ng pagpapalabis at pagdaragdag sa mga kuwento at paggawa ng mga walang batayang paratang kapag kasama ka nila. Ginugulo ka nito hanggang sa punto na hindi ka na mapakali, at palagi mong kailangang kumilatis at mag-ingat: “Ano bang masasamang bagay ang sinabi ni Ganito-at-ganyan tungkol sa akin? Paano ko dapat tratuhin si Ganito-at-ganyan?” Ginugulo ka nila hanggang sa punto na ganap ka nang gulong-gulo, sinisira ang takbo ng iyong buhay, ang mga kinagawian sa iyong pamumuhay, at ang kasalukuyan mong kondisyon. Kapag mababa ang iyong tayog at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at kapag hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, madalas kang napapasailalim sa kanilang impluwensiya, at naililihis, nagugulo, nalilimitahan, at nagagapos pa nga ng ilan sa kanilang mga kasinungalingan. Halimbawa, ipagpalagay na nahalal ka bilang isang lider ng iglesia, at sinabi nila sa iyo, “Sinabi ni Ganito-at-ganyan tungkol sa iyo: ‘Akala ng taong iyan ay kaya niyang maging lider? Wala naman talaga siyang kuwenta, pero ang lakas pa rin ng loob niyang makipagbahaginan ng katotohanan sa mga tao!’” Sa realidad, hindi naman talaga ito sinabi ng taong iyon; iyon ang gustong sabihin ng diyablong ito, at ibinibintang niya ito sa ibang tao. Ang isang komentong ito lang mula sa kanya ay nagpapahina sa iyo, at lumalapit ka sa harap ng Diyos at nananalangin, “O Diyos, tunay na mababa ang aking tayog at hindi ko kayang pasanin ang gawaing ito. May pagkakautang ako sa Iyo, hindi ko nagawa nang maayos ang aking gawain. Gusto kong magbitiw sa tungkulin, pero natatakot akong iyon ay kawalan ng katapatan. Ano ang dapat kong gawin?” Ginulo ka nila hanggang sa punto na hindi mo na maipagpatuloy ang iyong gawain; kahit na ipagpatuloy mo pa, ginagawa mo ito nang may isang uri ng negatibong emosyon, unti-unting nawawala ang pagpapahalaga mo sa pasanin para sa gawain ng iglesia, hanggang sa huli, napaparalisa ang gawain. Nagulo ka, hindi ba? (Oo.) Talagang napakamapanggulo ang mamuhay, makisalamuha, at magtrabaho kasama ang ganitong uri ng tao. Masyadong maraming kasinungalingan sa kanilang mga salita, masyadong maraming halo, masyadong maraming sarili nilang kalooban, at masyadong maraming sarili nilang motibo; lahat ng sinasabi nila ay kasinungalingan. Palagi mong kailangang kilatisin: “Alin sa mga salita nila ang totoo at alin ang hindi? Ano ba talaga ang ginawa nila noong walang nakakakita at ano ang hindi nila ginawa? Isa ba silang tunay na mananampalataya sa Diyos? Sinasabi nilang tiyak na gagampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin sa hinaharap at tiyak na magiging karapat-dapat sila sa pag-aangat na ito na ibinigay sa kanila ng sambahayan ng Diyos—talaga bang taos-puso ang mga salitang ito? Kikilos ba sila ayon sa panunumpa na kanilang binitiwan at sa determinasyong ipinahayag nila?” Kapag nakikita mo ang kanilang pag-uugali, napupuno ang iyong isipan ng sunud-sunod na mga tanong. Madalas mong nararamdaman na nakakatakot sila, pero ang mga salita nila ay tila kapani-paniwala at makatwiran. Subalit, sa iyong mga panaginip sa gabi, nakikita mong ang mukha nila ay naging mukha ng isang diyablo, na ipinakikita nila ang kanilang mga pangil at iwinawasiwas ang kanilang mga kuko, at napapaisip ka, “Tao ba talaga sila? Alin sa mga salita nila ang totoo at alin ang hindi? Bakit hindi ko sila matalos? Masyadong nakakatakot ang ganitong uri ng tao!” Nararamdaman mong sila ay nakakatakot at hindi mapagkakatiwalaan, ngunit kapag sinusuri mo ang kanilang gawain, masasabing katanggap-tanggap naman ito, at kapag nakikinig ka sa kanilang pagsasalita, wala kang napapansing anumang pagkakamali. Gayumpaman, sadyang hindi mo sila matalos—mayroon kang hindi maipaliwanag na pagdududa sa iyong espiritu, at palagi mong nararamdaman sa iyong puso na kaya nilang gumawa ng gulo, palaging nararamdaman na ang kanilang mga salita ay hindi taos-puso at hindi lubos na totoo. Marahil isang araw ay malantad ang kanilang kalikasan na magsinungaling, at mapapatunayan ang iyong pakiramdam tungkol sa kanila: Matutuklasan mo na tama ang hinala at pakiramdam mo tungkol sa kanila noon, at na bagama’t labis na magandang pakinggan at kapani-paniwala ang mga salitang binitiwan nila, lahat ng iyon ay huwad at panlilinlang; sa likod ng mga eksena, wala talaga silang ginawang anumang tunay na gawain. Kaya, maaari pa bang pagkatiwalaan ang ganitong uri ng tao? (Hindi.) Bagama’t sa puso mo ay nararamdaman mong hindi na sila mapagkakatiwalaan, kapag nakaharap mo silang muli at narinig silang magsalita, ang kanilang pag-arok ay tila napakadalisay, maganda pakinggan ang kanilang sinasabi, at wala kang makitang anumang problema sa kanilang mga salita, at sa panlabas ay kaya rin nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga. Napagbubulayan mo, “Ano ang nangyayari dito? Baka nagkamali ako ng paghusga sa kanila, baka naging mapagmalisya lang ako. Hayaan mong pagkatiwalaan ko sila nang isa pang beses. Tutal, sa ngayon ay wala akong mahanap na angkop na tao para pumalit sa kanila sa gawaing ito, kaya gagamitin ko sila nang isa pang beses.” Pagkatapos ay patuloy mo silang gagamitin, at ang huling resulta ay pareho pa rin: Natutuklasan mong nalinlang ka na naman nila. Maganda silang magsalita, pero ang totoo, sa likod ng mga eksena, isinasakatuparan lang nila ang sarili nilang proyekto at hindi sila gumagawa ng anumang tunay na bagay. Kung magkakamit sila ng sampung tao sa isang buwan ng pangangaral ng ebanghelyo, igigiit nilang limampu iyon. Sadyang hindi sila magsasabi ng totoo. Sila ay likas na sinungaling, isang eksperto sa pagsisinungaling. Pinagkakatiwalaan at ginagamit mo sila nang paulit-ulit, at bunga nito, nalilinlang ka nang paulit-ulit. At sino ang nagdurusa ng kawalan sa huli? Siyempre, sa pamamagitan ng pagdanas sa mga bagay na ito, nagkakaroon ang mga tao ng pagkilatis sa iba, lumalago ang kanilang kabatiran, dumarami ang kanilang karanasan, at nagiging mas mahusay sila sa pagkilatis sa mga tao, ngunit ano ba talaga ang nagdurusa ng kawalan? Ito ay ang gawain ng iglesia. Kaya sabihin ninyo sa Akin, itong isang kalikasang diwa lang ba ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo—ang pagiging likas na sinungaling—ay nagdudulot ng malaking pinsala sa iba o hindi? (Nagdudulot ito ng malaking pinsala.) Gaano kalaki ang pinsalang ito? Kaya ka ba nilang ilihis? (Oo, puwede kaming mailihis at masamantala.) Puwede kang mailihis, masamantala, at magulo—puwede ba itong umabot sa punto na mamanipulahin ka na nila? (Oo.) Kung bata ka pa at kulang sa karanasan, at hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi mo matalos ang mga bagay-bagay, puwede ka nilang manipulahin. Ano ang ibig sabihin ng mamanipula nila? Ibig sabihin, wala kang magawa laban sa kanila, kontrolado ka nila, itinali nila ang iyong mga kamay at paa, ang iyong paraan ng pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay at ang iyong mga kaisipan at pananaw ay naiimpluwensiyahan at naaakay nila, ang susunod mong gagawin ay ganap na naaayon sa kanilang plano, at ganap kang nahuhulog sa bitag na idinisenyo nila para sa iyo—ito ang ibig sabihin ng mamanipula. Pauna na nilang pinaplano ang lahat sa likod ng mga eksena, gamit ang lahat ng uri ng taktika para magplano laban sa iyo. Talos na talos ka nila—kung ano ang nauunawaan mo at kung ano ang hindi mo matalos, kung sa anong mga bagay ka may pagkilatis at kung sa ano ang wala, kung ano ang iyong mga hangganan, kung paano ka maaaring samantalahin, at kung anong mga salita ang makakapaglihis sa iyo. Sa huli, sinasamantala nila ang iyong mga kapintasan at iba’t ibang kahinaan para mag-imbento ng mga kasinungalingan at linlangin ka. Sa puso mo, malinaw sa iyo na mali ang ginawa nila, o na may problema sa sinabi nila at nagsisinungaling sila, pero wala kang karunungan para harapin ito; nababagabag ka pero wala kang magawa laban sa kanila, at maaari ka lang maging sunud-sunuran sa kanila. Hindi ba’t minamanipula ka na nila? (Oo.) Sa huli, ang direksyon ng pag-usad ng sitwasyon, hanggang sa mismong panghuling resulta, ay naaayon sa kanilang plano—nangangahulugan itong minanipula ka na nila. Ibig sabihin, ganap kang nawawalan ng kakayahang kontrolin ang direksyon ng pag-usad ng sitwasyon, at ganap kang nagiging sunud-sunuran sa kanila. Sa huli ay nakukuha nila ang gusto nila sa usapin ng anumang layon ang nais nilang makamit, anuman ang nais nilang isakatuparan, sinuman ang nais nilang samantalahin, at paano man nila gustong gawin ang mga bagay-bagay. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t pagmamanipula nila ito sa inyo? (Oo.)

Sabihin ninyo sa Akin, kung pagbabatayan lang ang kalikasan ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo na maging likas na sinungaling, malaki ba o hindi ang pinsalang idinudulot nila sa hinirang na mga tao ng Diyos, at lalo na sa gawain ng iglesia? (Malaki.) Napakalaki ng pinsala! Kaya bukod sa pag-apekto sa pang-araw-araw na buhay ng ilang indibidwal, ano pang malaking pinsala ang idinudulot nila sa mga tao? (Napakalubha ng panggugulong idinudulot ng mga kilos ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo sa mga nasa paligid nila. Nakasalamuha ko na dati ang isang taong ganoon; saanman siya naroroon, ang lugar na iyon ay mapupuno ng intriga at pag-aagawan sa kapangyarihan at katayuan, magkakaroon ng mga hadlang sa pagitan ng mga tao, at makakaramdam din ng kadiliman sa kanilang puso ang mga kapatid.) Nagdulot ito ng kaguluhan, hindi ba? (Oo.) Ang idulot na maghinala sa isa’t isa at mag-awayan ang mga tao, at pumasok sa isang kalagayan ng kaguluhan—napakalaki ng pinsalang ito! Kaya pagkatapos, nagkaroon ba ang lahat ng pagkilatis sa diyablong ito? (Oo.) Pinaalis ba siya? (Pinaalis siya.) Pagkatapos siyang paalisin, ibinuod ba ng lahat ang mga bagay-bagay? Ang mga pangunahing partikular na pagpapamalas ng kanyang pagsisinungaling, ang mga kasinungalingang sinabi niya, ang mga bagay kung para saan siya nagsinungaling, ang mga pamamaraan at tono ng boses na ginamit niya noong nagsinungaling siya, ang layuning nais niyang makamit—ibinuod ba ninyong lahat ang mga partikular na pamamaraan at pagpapamalas na ito? (Oo. Halimbawa, likas siyang sinungaling; ang kanyang mga salita ay may kalikasan ng pagbaluktot sa tama at mali at pagtawag na puti sa itim, ginagawang negatibo ang mga positibong tao at ginagawang positibo ang mga negatibong tao. Magpaparatang siya ng mga walang batayang akusasyon sa sinumang kinaiinggitan o kinamumuhian niya, at uudyukan din niya ang mga kapatid na salungatin ang mga ito, na lumilikha ng kaguluhan. Sinusupil din niya ang ilang mabuting tao o ang mga nagkakaroon ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin, habang inaangat ang mga taong gusto niya at nanunuyo sa kanya.) Isa itong anticristo, hindi ba? (Oo.) Ano ang mga pangunahing paraan ng pagsisinungaling na ginagamit ng ganitong uri ng tao? Pag-iimbento ng mga bagay mula sa wala, pagdaragdag at pagpapalabis sa mga kuwento, pagbabaling ng sisi sa iba, paggawa ng mga kuwento para lumikha ng alitan, at paghahasik ng pagkakawatak-watak—ano pa? (Pagsusulsol.) Pagsusulsol at pagpapatindi ng mga alitan. Halimbawa, dalawang tao ang may magandang pagsasama, ayaw makipagtalo tungkol sa anuman o makipag-away kaninuman, ngunit sinusulsulan sila ng ganitong uri ng tao para magsimula silang mag-away. Kung makikita niyang nag-aaway ang dalawang taong iyon, masisiyahan na siya, at nagtagumpay na ang kanyang masamang balak. May ilang ganitong uri ng tao sa bawat grupo. Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon, ngunit gagawin ba ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga tao ang mga bagay na ito? (Hindi.) Bakit hindi? Ano ang pagkakaiba nila sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo? (Ang mga normal na tao ay may batayang pamantayan ng konsensiya.) Tama iyan. Mayroon silang batayang pamantayan ng konsensiya; sa kanilang sariling asal, pinipigilan sila ng konsensiya. Hindi nila gagawin ang mga bagay na ito na tiwali sa moralidad, ang mga bagay na ito na nangangahulugan ng pagkawala ng integridad at dignidad, o ang mga bagay na ito na nakakapinsala sa iba at nakikinabang sila. Ang pagkakaroon ng konsensiya ay nangangahulugang mayroon silang pinakamababang pamantayan, at sa gayon ay napipigilan ang kanilang mga kilos. Kaya, mayroon bang konsensiya ang mga taong ito na nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo? (Wala.) Kung gayon, anong uri ng puso ang mayroon sila? (Mga pusong mapaminsala.) Mayroon silang pusong mapaminsala at buktot, kaya nakapagsisinungaling sila nang likas, at paano man sila magsinungaling, hindi sila nababagabag sa loob nila. Bakit hindi sila nababagabag? Dahil sila ay mga diyablo at walang konsensiya, kaya kapag nagsisinungaling sila at gumagawa ng kasamaan, hindi sila nababagabag, ni nakakaramdam ng panunumbat. Sa kabaligtaran, kung hindi sila nagsisinungaling, at kung—kung nasaan man sila—hindi sila gumagawa ng kaunting kasamaan o nagdudulot ng kaunting kaguluhan at kalituhan, at lahat ay namumuhay nang payapa at may kagalakan, at lahat ay namumuhay sa harap ng Diyos, nakakaramdam sila ng pagkainis at hindi mapalagay ang loob nila. Bakit sila hindi mapalagay? Ito ay dahil lahat ay lumalapit sa harap ng Diyos, pinagbubulayan ang Kanyang mga salita, kumikilos ayon sa Kanyang mga salita at sa mga katotohanang prinsipyo, namumuhay sa loob ng normal na pagkatao, at hindi sila sinasamba; hindi sila namumukod-tangi sa mga tao o nakakaramdam na mahalaga sila, kaya iniisip nila, “Labis na nakakabagot mamuhay nang ganito, hindi ito masaya!” Para maging masaya, gawing interesante ang buhay, mamuhay nang kagalang-galang at makaramdam ng kahalagahan, kailangan nilang gumawa ng ilang gulo at magdulot ng ilang problema, manggulo at magdulot ng kaguluhan at kalituhan sa mga tao. Ano nga ba ang kasabihang iyon? Paggawa ng gulo. Gusto ng ganitong uri ng tao na gumawa ng gulo saanman sila naroroon; ayaw nilang manatili sa kanilang tamang lugar. Gusto ng mga normal na tao na manatili sa kanilang tamang lugar—na mamuhay nang matatag, at gawin kung ano ang nararapat nilang gawin sa nakagawiang paraan—ayaw nilang gumawa ng mga gulo. Ngunit ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay hindi nananatili sa kanilang tamang lugar. Bakit hindi sila nananatili sa kanilang tamang lugar? Dahil isang diyablo ang nananahan sa loob ng ganitong uri ng tao, at gusto ng mga diyablong magdulot ng mga problema sa anumang grupo na kinaroroonan nila. Kahit pa hindi mo sila ginalit o ininis, nagsisimula lang sila ng gulo nang kusa—ito ay paggawa ng gulo. Anumang grupo ang kinaroroonan ng ganitong uri ng tao, tingnan mo man ito mula sa malayo o mag-usisa ka man tungkol sa mga sitwasyon ng mga miyembro nito, palagi mong nararamdaman na mayroong isang malademonyong atmospera doon. Paminsan-minsan, naririnig mo na may alitan si Taong A kay Taong B, na hindi nakakasundo ni Taong C si Taong D at hindi sila nagpapansinan, na may mga hindi pagkakasundo si Taong E kay Taong F sa gawain nila, na palaging nakikipagkumpetensya para sa katayuan si Taong G, at palaging kailangang ulitin ang kanyang gawain. Kung makakakita ka ng alinmang iglesia kung saan palaging may magulo at malabong atmospera, kung saan walang kapayapaan, kung saan palaging hindi magkasundo o maayos na makapagtulungan ang mga tao, mayroong isa o maraming diyablo pa nga na nanggugulo sa loob nito. Gaano man karaming diyablo ang nanggugulo sa isang iglesia, ang ibang mga tao na may kaunting batayang pamantayan ng konsensiya at gustong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay lubhang napipinsala nila. Sa sandaling mapaalis na ang lahat ng uri ng mga diyablo, kapag muli nang sama-samang namumuhay ng buhay iglesia at gumagawa ng kanilang mga tungkulin ang lahat, naiiba na ang atmospera. Bagama’t hindi mo masasabing nag-aalab ang damdamin ng lahat, kahit papaano ay nararamdaman ng lahat na ang mga tao roon ay may pagmamalasakit ng tao at hindi gumagawa ng gulo; hindi malademonyo ang atmospera doon, isa itong atmospera ng tao. Sa mga lugar kung saan malademonyo ang atmospera, kapag nag-uusap ang mga tao, may mali sa tingin sa kanilang mga mata, pati na rin sa tono ng kanilang boses at sa atmospera kapag nagsasalita sila. Hindi sila tumitingin sa mata kapag nakikipag-usap; bukod pa rito, napakasimple ng kanilang sinasabi, walang sinuman sa kanila ang gustong magsalita nang mula sa puso, at walang berbal na usapan. Para bang may pader sa pagitan nila. Walang komunikasyon sa pagitan nila; nagkikimkim sila ng pagkamuhi sa kanilang puso. Posibleng ang mga taong ito ang mga biktima. Biktima man o nambibiktima ang mga taong ito, sa madaling salita, may mga diyablong nakahalo at nanggugulo sa loob ng grupong ito, ginugulo ang mga puso ng mga tao hanggang sa punto na nagugulo na ang kalooban nila at hindi sila makahanap ng kapayapaan. Kapag sama-samang namumuhay ang mga tao sa grupong ito, palagi nilang nararamdaman na hindi kasiya-siya at hindi maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, hindi sila makapamuhay nang magkakasama nang may pagkakasundo, at siyempre, lalong hindi posible ang maayos na pakikipagtulungan. Kapag nagsasalita, kumikilos, at gumagawa ng kanilang mga tungkulin sa grupong ito, palaging hindi masaya ang pakiramdam ng mga tao sa loob nila, at mayroon ding mga hadlang sa pagitan nila. Ito ay dahil may mga diyablong nanggugulo sa grupong ito, kaya lahat ay nalilimitahan at hindi masaya.

Naranasan ng ilang tao ang matinding panggugulo ng mga diyablo at sa pangkalahatan ay minanipula sila ng mga ito. Nang makita Ko sila pagkatapos ng isa o dalawang buwan, tila may mali sa kanilang mukha, na para bang pinaglaruan sila. Maaari kayang wala silang gawain ng Banal na Espiritu at presensiya ng Diyos? Paanong labis na nakakaasiwa ang hitsura nila? Kalaunan, sa pamamagitan ng maingat na pag-uusisa, nalaman Kong mayroon ngang nangyari: Kinontrol ng dalawang diyablo ang lahat ng taong ito. Hanggang sa anong antas sila kinontrol ng mga diyablo? Ginawa ng mga diyablo ang anumang gusto ng mga ito; ang mga pagsasaayos ng gawain na ibinigay ng ang Itaas at ang mga prinsipyong ibinahagi ng ang Itaas ay hindi maipatupad—pawang umiral ang mga iyon sa pangalan lang. Dahil humahadlang ang dalawang diyablong ito, walang nangahas na magbigay ng opinyon o mag-ulat ng mga problema. Pagkatapos, sobrang nagalit ang ilang tao kapag nababanggit ang dalawang diyablong ito kaya napapahagulgol sila. Bakit hindi mo sila inilantad noon? Kahit napakaraming tao roon, walang nangahas na tumindig at ilantad ang mga diyablo—gaano kaya kalakas ang kapangyarihan ng mga diyablong iyon? Sa panlabas ay mukha silang tao, ngunit ang kanilang diwa ay talagang diwa ng isang diyablo. Ang ganitong uri ng tao ay kinatatakutan ng ibang tao saanman sila magpunta. Kailangan lang silang makasalamuha ng mga tao para matakot ang mga ito, para kilabutan. Kung makakatagpo ng isang bata ang ganitong uri ng tao, maiiyak ito sa takot. Hanggang sa anong antas natatakot ang mga taong totoo kapag nakakatagpo nila ang ganitong uri ng tao? Kapag nasa harap na nila ang mga ito, hindi sila nangangahas na huminga nang malakas o magsalita nang malakas, at sinusubukan pa ngang agad na iwasan ang mga ito sa pamamagitan ng pag-iiba ng daan. May isang taong nakakita na hindi ipinapatupad ng mga diyablong ito ang gawain ayon sa mga pagsasaayos ng gawain at sinabi, “Hindi tama ang paggawa nito sa ganitong paraan; hindi ito naaayon sa mga prinsipyong ibinahagi ng ang Itaas.” Gumanti ng sagot ang isa sa mga diyablong iyon, “Ako ang nasusunod dito. Kung susuway ka, maniwala ka man o hindi, kaya kitang patalsikin ngayon din!” Labis na ikinatakot ito ng tao kaya namutla ang kanyang mukha, at hindi na siya nangahas na magbigay muli ng opinyon, sinabi niya nang lumuluha, “Nagkamali ako. Magkunwari ka na lang na wala akong sinabi. Pakiusap, huwag mo akong patalsikin!” Nakita ito ng iba at sinabi, “Masyado siyang katakot-takot, napakalaki ng kapangyarihan niya! Patatalsikin niya ang sinumang hindi sumunod sa kanya! Mahirap makamit ang pagkakataon nating gampanan ang ating mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung patatalsikin niya tayo, saan tayo magsusumbong? Hindi ba’t magiging katapusan na natin? Hindi ba’t mawawala na ang pag-asa nating maligtas? Talagang hindi tayo dapat magbigay ng ating mga opinyon; hindi tayo dapat mapatalsik dahil sa isang sandali ng kawalang-ingat.” Tingnan ninyo, ganito sila katakot. Sa huli, nang inilalantad na ang mga diyablo, inilantad ng ilang tao kung paano naghasik ng alitan at bumuo ng mga paksyon ang mga diyablo, habang inilantad naman ng iba ang mga maling kaisipang ikinalat ng mga diyablo para ilihis ang mga tao. Sa katunayan, malinaw na nakita ng mga taong ito ang kasamaang ginawa ng mga diyablo noong panahong iyon; iyon nga lang ay walang nangahas na magsalita o lumaban. Ang ilan ay umiyak pa habang nagsasalita, na mukhang kahabag-habag. Pero bakit hindi sila lumaban noong minamanipula at kinokontrol sila ng mga diyablo? Bakit wala silang lakas noon? Ngayong pangangasiwaan na ng ang Itaas ang mga diyablo, lumakas ang loob nila. Sabihin mo sa Akin, kung hindi binantayan at pinrotektahan ng Diyos ang mga taong ito na mababa ang tayog at hindi nakakaunawa sa katotohanan, at kung hindi sila nagkaroon ng pangangalaga ng Diyos, hindi ba’t lubha na sana silang napinsala ng mga diyablo hanggang sa maging katapusan na nila? Hindi ba? (Oo.) Kita mo, hindi gaanong natatakot ang mga tao sa Diyos, pero kapag pinahihirapan ng mga diyablo at mga Satanas ang mga tao, labis silang natatakot na nanginginig ang buong katawan nila at hindi man lang sila makaiyak nang maayos—takot na takot sila! Nang ilantad at pangasiwaan ng ang Itaas ang dalawang diyablong ito, narinig ng mga taong iyon ang balita at sa wakas ay nakaramdam sila ng kalayaan. Sa loob ng ilang buwang iyon, kinontrol sila ng mga diyablo at namuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, nalugmok sila sa kadiliman, nang walang liwanag sa dulo ng landas, at walang makasagot sa kanilang mga daing. Labis na kahabag-habag ang buhay nila! Sa wakas, pinaalis ang dalawang diyablong ito, at lahat ay nakalaya at naging masaya. Napaisip Ako, “Pinaalis ng ang Itaas ang dalawang diyablong ito sa pagkakataong ito, kaya kung makaharap muli ng mga taong ito ang mga diyablong gumagawa ng masama at kumokontrol sa mga tao, makikilatis kaya nila ang mga ito? Matatanggal kaya nila sa puwesto ang mga diyablo nang hindi na kailangang umaksiyon ang ang Itaas para lutasin ang usapin? Magagawa kaya nilang lahat na sama-samang ilantad ang mga diyablo, ibuod ang lahat ng masasamang gawa ng mga ito at pagkatapos ay tanggalin ang mga ito sa mga puwesto, at hindi pakinggan ang mga ito, hindi malimitahan ng mga ito sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, at palayasin ang mga ito sa iglesia?” Pero batay sa kanilang tayog, natatakot Akong hindi nila iyon makakamit. Bagama’t ang mga taong ito ay taos-pusong nananampalataya sa Diyos, may determinasyong magdusa, handang gawin ang kanilang tungkulin nang may debosyon, at handang hangarin ang katotohanan, masyado lang talaga silang duwag. Nang lumabas ang isang maliit na diyablo lang para manggulo, gaano man sila katanda, ang mga taong ito ay umatras at natakot, lahat sila ay kayang kontrolin ng mga ito at hindi nangahas na lumaban. Nang makita ito, naging malinaw sa Akin kung gaano kahabag-habag ang mga taong ito. Kung hindi pinrotektahan, pinagmalasakitan, at binantayan ng Diyos ang mga tao, ang sangkatauhang ito ay walang paraan para manatiling buhay. Tingnan ninyo ang mga bagay na ito na nangyayari sa tunay na buhay: Ang pag-uugali ng iba’t ibang diyablo, ang kanilang mga layunin, at ang kanilang mga pamamaraan at taktika sa paggawa ng mga bagay-bagay, sa pangkalahatan, ay magkakatulad at madaling kilatisin, subalit kapag lumalabas ang iba’t ibang diyablo para magdulot ng mga paggambala at panggugulo, at limitahan, kontrolin, gapusin, at lubhang pinsalain ang hinirang na mga tao ng Diyos, iilan lang ang nangangahas na tumindig at lumaban, walang nagkukusang ilantad ang mga diyablong ito, tanggalin ang mga ito sa puwesto, at alisin ang mga ito sa iglesia; hinahayaan lang nila ang mga diyablo na kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos at guluhin at isabotahe ang gawain ng iglesia. Tinitiis lang ng mga kahabag-habag na taong ito ang lahat; nababagabag sila sa kanilang puso, at umiiyak sila ng mapapait na luha habang nananalangin sa Diyos, ngunit wala silang mga solusyon; wala silang matatalinong pamamaraan, at hindi nila ginagamit ang katotohanan bilang isang makapangyarihang sandata para labanan ang mga diyablo, at para harapin ang mga ito. Walang gumagawa nito, ni nangangahas na gawin ito; wala man lang silang lakas ng loob na labanan ang mga diyablo. Sa alinmang iglesia, kung may lumitaw na masasamang tao o mga diyablo para kontrolin ang mga tao at gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, karamihan sa mga tao ay nagtitiis lang. Sa huli, ang sambahayan ng Diyos ang kumikilos para pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng mga diyablong ito, winawakasan ang kanilang kapalaran, na nagbibigay-daan sa mga kapatid na maprotektahan, mamuhay nang normal sa iglesia, normal na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at normal na gawin ang kanilang mga tungkulin, at nagbibigay-daan sa maayos na pag-usad ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Lubos na sa pamamagitan ng pagpapadala ng Diyos ng mga tao, at ng personal na pagsasaayos at paggabay ng sambahayan ng Diyos sa pagsasagawa ng partikular na gawaing ito, kaya napoprotektahan ang mga taong ito na kulang pa sa paglago, mangmang, at mahina mula sa panlilihis at lubhang pamiminsala ng masasamang tao at mga anticristo. Labis na kahabag-habag ang mga hangal at mangmang na taong ito na hindi nakakaunawa sa katotohanan! Sa mas malawak na kapaligiran, ang buong sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas; sa mga partikular na kapaligiran ng pamumuhay, ginugulo, kinokontrol, at lubhang pinipinsala ang mga tao ng iba’t ibang diyablo. Ang ilang tao ay mababa ang tayog at mababaw ang pundasyon, kaya kapag nakakaharap nila ang mga panggugulo ng masasamang tao, hindi nila matalos ang mga bagay na ito. Palagi nilang iniisip na hindi dapat umiral ang masasamang tao sa iglesia, at iniisip na walang pagmamahal o pagmamalasakit ng tao sa pagitan ng mga tao. Ang ilan ay ayaw na ngang gawin pa ang kanilang mga tungkulin, sinasabing, “Mas mabuti pang manampalataya sa Diyos sa bahay. Bakit pinapahintulutang umiral ang gayong mga tao sa iglesia?” Hindi matalos ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan ang mga bagay na ito. Hindi nila kayang matuto ng mga aral mula sa mga bagay na ito; hindi nila alam na nasa likod ng pagharap nila sa gayong mga bagay ang mabubuting layunin ng Diyos; hindi nila alam kung kanino sila dapat pumanig o kung paano haharapin ang mga bagay na ito gamit ang mga katotohanang prinsipyo; hindi nila kayang makipagkaisa sa mga tunay na kapatid para salungatin at labanan ang mga diyablo. Hindi ba’t ito ay pagiging mababa ang tayog? Hindi ba’t ito ay kahabag-habag? (Oo.)

Ang unang katangian ng uri ng tao na nagreinkarnasyon mula sa isang diyablo, na nabubunyag sa kanilang pang-araw-araw na buhay ay ang likas na pagsisinungaling. Anuman ang edad, kasarian, o pinagmulan, kahit ilang taon na siyang nananampalataya sa Diyos, hangga’t ang pananalita ng isang tao ay palaging naglalaman ng mga kasinungalingan, hangga’t puno siya ng kasinungalingan at likas kung magsinungaling, siya ay nagreinkarnasyon mula sa isang diyablo; hindi siya tao. Nagsisinungaling din ang mga tao, dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon; ang pagiging mapanlinlang at ang kabuktutan sa loob ng mga tiwaling disposisyon ay maaaring maging sanhi para magsinungaling ang mga tao. Ngunit ang antas ng pagsisinungaling ng tao ay iba sa antas ng pagsisinungaling ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo. Kung likas kung magsinungaling ang isang tao, ang katunayang ito pa lang ay sapat na para patunayan na, sa kanyang diwa, hindi siya tao, kundi isang diyablo. Dahil sa epekto ng konsensiya, talagang imposible para sa mga tao na umabot sa punto ng likas na pagsisinungaling. Bagama’t may mga pagkakataon ding nagsisinungaling at nanlilinlang ang mga tao, ang kanilang pagsisinungaling ay isa lamang normal na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon; kinasasangkutan ito ng paminsan-minsang pagsisinungaling tungkol sa mga partikular na bagay. Bagama’t maaaring magkamukha sa panlabas ang pagsisinungaling ng mga tao at ng mga diyablo, sa diwa, mayroong pagkakaiba ang mga ito. Kapag nagsisinungaling ang mga diyablo, hindi sila kailanman nakakaramdam ng panunumbat sa sarili o pagsisisi. Bukod dito, sila ay natutuwa sa kanilang sarili, nasisiyahan, at nakakaramdam ng tagumpay tungkol sa mga kasinungalingang sinasabi nila at sa mga panlilinlang na ginagawa nila. Kung hindi matagumpay ang isang kasinungalingan, lalo pa nilang pag-iigihan ang pagsasabi ng mas maraming kasinungalingan at paggamit ng mas sopistikadong mga taktika ng panlilinlang para makapanlinlang ng mas maraming tao. Ngunit pagkatapos magsinungaling ng mga normal na taong may mga tiwaling disposisyon, hindi mapalagay ang kanilang konsensiya at nakakaramdam sila ng panunumbat, at pakiramdam nila ay masyado na silang nasiraan ng puri para mabuhay pa. Kung nalinlang nila ang isang tao, medyo nahihiya sila kapag muli nila itong nakakaharap. Kung hihilingin sa kanila na aminin sa publiko na nagsinungaling sila at mangakong hindi na muling magsisinungaling kundi magsasabi na lang ng totoo, hindi pa sapat ang kanilang kasalukuyang tayog para doon. Gayumpaman, mayroon silang panloob na kamalayan; nakakaramdam sila ng kahihiyan, pagkakasala, at pagkabagabag para sa mga kasinungalingang sinabi nila; nakakaramdam sila ng panunumbat sa loob. Ngunit ang ganitong uri ng tao na nagreinkarnasyon mula sa isang diyablo ay likas kung magsinungaling. Pagkatapos nilang magsinungaling, wala silang nararamdamang panloob na pag-uusig at walang pagkaramdam ng pagkakonsensiya. Bakit hindi sila nakakaramdam ng pagkakonsensiya? Dahil sila ay isang diyablo. Ang makaramdam ng pagkakonsensiya sa mga tao o sa Diyos, ang makaramdam ng pag-uusig sa puso ng isang tao—iyan ang normal na kamalayan ng isang tao. Dahil sila ay isang diyablo, wala silang gayong kamalayan. Samakatwid, kaya nilang magpatuloy na magsinungaling, at lalo pa ngang pag-igihan ito; magpapatuloy sila sa pagsisinungaling at hindi kailanman magbabago. Sa huli, kailan ba hihinto ang kanilang pagsisinungaling? Pagkatapos lang ng huling hininga ng kanilang pisikal na buhay, kapag hindi na sila makapagsalita, saka lang titigil ang kanilang pagsisinungaling. Ngunit ang espiritu ng sinungaling na diyablo sa loob nila ay muling magrereinkarnasyon sa ibang tao, at ang taong iyon ay patuloy na magsisinungaling. Samakatwid, ang kalikasan ng mga diyablo na magsinungaling ay hindi kailanman nagbabago. Ito ang likas na pagsisinungaling. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo ay nanlilinlang ng kahit sino at kayang magsabi ng anumang kasinungalingan. Kaya nilang magsinungaling sa anumang sitwasyon at tungkol sa anumang bagay, at ang kanilang mga taktika sa pagsisinungaling ay partikular na sopistikado; walang sinuman ang makakakita na nagsisinungaling sila. Tingnan mo, kapag ang mga taong madalas magsinungaling ay nagsasabi ng kasinungalingan, para silang isang normal na taong nagsasabi ng totoo—tila napakanatural, nang walang anumang kapansin-pansing kapintasan. Maaaring isipin mong nagsasabi sila ng totoo. Kung ituturing mong totoo ang kanilang mga kasinungalingan, pagtatawanan ka nila sa kanilang puso, iisipin, “Hangal, nagbibiro lang ako at tinuring mo ito na totoo? Talagang napakahangal mo!” Sa susunod na makita ka nila, magsisinungaling pa rin sila at paglalaruan ka nila, para lang makita kung ano ang iyong reaksyon pagkatapos marinig ang kasinungalingan. Kung muli mo itong ituturing na totoo, lalo pa silang sasaya, magkakaroon ng mas malaking pagkaramdam ng pagtatagumpay, at lalo pang mararamdaman na matagumpay sila sa kanilang paraan ng pag-asal. Sabihin ninyo sa Akin, tao ba sila? Mayroon ba silang kamalayan ng tao? Mayroon ba silang pagkaramdam ng konsensiya ng tao? Malinaw na wala. Habang mas epektibo ang kanilang mga kasinungalingan, mas natutuwa at mas sumasaya sila sa loob, mas lumalaki ang kanilang pagkaramdam ng pagtatagumpay, at mas nararamdaman nilang may kakayahan sila. Kung lumipas ang isang araw na hindi sila nagsinungaling para linlangin o paglaruan ang isang tao, pakiramdam nila ay hindi naging komportable at hindi naging sulit ang araw na iyon, at kailangan nilang humanap ng pagkakataon para manlinlang ng mga tao. Halimbawa, kung makita ng isang diyablo na may magandang relasyon ang dalawang tao at maayos silang nagtutulungan sa kanilang mga tungkulin, hindi siya komportable sa loob niya at nagbubulay-bulay siya, “Maghahasik ako ng kaunting alitan at magsisimula ng ilang tsismis para pag-awayin kayong dalawa, at hindi na kayo magbabati kahit pa gustuhin ninyo.” Sa ilang salita lang, binibitag ng diyablong ito ang dalawang taong iyon sa isang sapot ng kalituhan, at pagkatapos ay nagkakaroon sila ng mga hindi pagkakasundo at alitan at hindi na sila kasingmagkasundo gaya ng dati, kaya ang diyablong ito ay natutuwa, labis na masaya. Ang mga diyablong nakatago sa iglesia ay palaging gumagawa ng ganitong uri ng mga bagay. Malupit na inaaresto ng mga diyablo ng mundong walang pananampalataya ang mga kapatid. Hangga’t sinasabi mong hindi ka na nananampalataya o sumusunod sa Diyos, o kung nagrereklamo ka tungkol sa Diyos o ipinagkakanulo mo ang Diyos, masaya sila. Puwede mong gawin ang kahit ano—puwede kang kumain, uminom, makiapid, at magsugal; puwede kang manunog, pumatay, at magnakaw; puwede kang gumawa ng anumang krimen—hangga’t hindi ka nananampalataya sa Diyos, masaya sila. Mayroon bang koneksyon sa pagitan ng mga bagay na ginagawa ng mga diyablo sa gitna ng mga tao at ng mga bagay na ginagawa ni Satanas sa espirituwal na mundo? Mayroon bang anumang mga pagkakatulad? Lubos na kinamumuhian ng mga diyablong ito ang sinumang nananampalataya sa Diyos at lumalakad sa tamang landas. Sinumang naghahangad sa katotohanan, o palaging nagpupumilit na kumilos ayon sa mga prinsipyo, o madalas na nagpapatotoo sa Diyos, o gumagawa ng kanilang tungkulin nang may debosyon—kapag nakikita nila ang gayong mga tao, nagagalit sila at itinuturing nilang mga kaaway ang mga ito. Hindi ito inggit; ito ay pagkamuhi. Para makamit ang layunin na mambuwag, isa sa mga pamamaraang ginagamit nila ay ang panlilinlang sa pamamagitan ng pagsisinungaling para guluhin ka, ilihis ka, at hilahin ka pababa. Ang paggawa nito ay maaaring hindi magdulot sa kanila ng anumang pakinabang, ngunit sa sandaling mahila ka na nila pababa para mawalan ka ng pananalig sa Diyos, para maging negatibo at mahina ka at ayawan mo nang gawin ang iyong tungkulin, o hindi mo na magawang makipagtulungan nang may pagkakasundo sa iba, nakamit na nila ang kanilang layunin, at masaya na sila, at nawawala na ang kanilang mga alalahanin. Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga diyablo? (Oo.) Ang katunayan na likas na sinungaling ang mga diyablo ay tiyak na walang duda. Tingnan mo ang sinumang tao—anuman ang kanyang lahi, kanyang hitsura, matangkad man siya o pandak, mataba o payat, pangit o maganda, anuman ang antas ng kanyang edukasyon o personalidad, malaki man o maliit ang kanyang mga kaloob, mayroon man siyang mga kalakasan, anuman ang kanyang mga hilig at libangan—kailangan lang niyang magtaglay ng isang katangian, na kaya niyang magsinungaling nang likas at hindi kailanman magbago. Hindi ito paminsan-minsang pagsisinungaling, ni kawalan ng pagpipilian, ni pangangailangang gumamit ng karunungan sa isang partikular na bagay, kundi sa halip, kinakailangan man o hindi, anuman ang sitwasyon o kapaligiran, anuman ang usapin, nagpupumilit siyang magsinungaling, mag-imbento, manlinlang, at gumawa ng maliliit na pakana. Kung taglay niya ang katangiang ito, ang uring ito ay isang ganap na diyablo. Huwag na huwag paniwalaan na kaya niyang maging isang mabuting tao, at huwag na huwag paniwalaan ang magagandang pakinggan na mga salitang lumalabas sa kanyang bibig. Kahit pa magpahayag siya ng determinasyon o gumawa ng mga kakila-kilabot na panunumpa, huwag siyang paniwalaan, dahil siya ay isang diyablo at hindi tao. Kahit pa gumawa ng mga kakila-kilabot na panunumpa ang mga diyablo, ito ay para lang pansamantalang harapin ang sitwasyon; lahat ng ito ay panlilinlang. Talagang hindi nila kayang kumilos ayon sa mga panunumpa nila. Kung paniniwalaan mo sila, hangal ka; hindi mo matalos ang diwa ng mga diyablo. Kaya nilang magsinungaling tungkol sa anumang bagay, kaya ang mga kakila-kilabot na panunumpa na ginagawa nila ay mga kasinungalingan din. Dahil hindi sila kailanman naniniwala na sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi sila naniniwala na gagantihan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga pagkilos nito—hindi sila naniniwala na kayang kumilos ng Diyos sa ganitong paraan, kaya sumusunod lang sila sa sarili nilang kalooban sa kanilang mga pagkilos, nagsisinungaling at nanlilinlang ayon sa gusto nila; kaya nilang gawin ang anumang bagay para makamit ang kanilang mga layunin. Ito ay isang katangian ng mga diyablo, at ito rin ang kanilang kalikasang diwa. Malinaw na ninyong nakikita ang bagay na ito ngayon, hindi ba? (Oo.)