Paano Hangarin ang Katotohanan (13) Unang Bahagi

Ang Tatlong Kategorya ng mga Tao Batay sa Kanilang mga Pinagmulan

Ang mga Katangian ng mga Taong Nagreinkarnasyon Mula sa mga Hayop

Ang paksang pinagbahaginan natin noong nakaraan ay may kinalaman sa kung paano kilatisin at tingnan ang mga tao. Masasabing interesado ang mga tao sa ganitong uri ng paksa, pero dahil medyo espesyal ang paksang ito at may kaugnayan sa mahalagang isyu ng kinabukasan at tadhana ng mga tao, nagdudulot ito sa mga nakikinig ng ilang damdaming naiiba sa mga napupukaw ng ibang mga aspekto ng katotohanan. Para sa ilan, hindi masyadong kaaya-aya ang mga damdaming ito. Pagkatapos marinig ang paksang ito, maaaring makaranas ang ilang tao ng malaking pagkabagabag sa kalooban, at iyong mga manhid ay maaaring makaranas din ng kaunting pagkabagabag sa kalooban. Tama? (Oo.) Anuman ang mga reaksiyon ng mga tao, ano’t anuman, pagkatapos mapagbahaginan ang mga paksang ito, ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagkakaroon ng kaunting tulong sa pagkilatis sa mga tao at sa pagtalos sa iba’t ibang usapin, at nabibigyang-kakayahan sila na magtamo ng kaunting kabatiran at kaunting pagkilatis. Tama? (Oo.) Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang ilang pagpapamalas at katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kung gayon, ano ang mga pangunahing katangian ng ganitong uri ng mga tao? (Noong nakaraan, pinagbahaginan natin na ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay may apat na katangian: Una, mayroon silang baluktot na pag-arok; ikalawa, sila ay lubhang manhid; ikatlo, sila ay lubhang magulo ang isip; at ikaapat, sila ay lubhang hangal.) Ang apat na katangiang ito ang mga esensyal na katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kung gayon, natukoy na ba ninyong lahat kung ano ba talaga ang mga esensyal na pagpapamalas ng ganitong uri ng mga tao? Sa madaling salita, kung pagbabatayan ang kanilang panlabas—ang kanilang pananalita at asal, at ang iba’t ibang pagpapamalas ng kanilang pagkatao—anong mga pagpapamalas ang mayroon sila na may kaugnayan sa apat na katangiang ito? Halimbawa, ano ang mga katangian ng kung paano nila tinatrato ang katotohanan, at ng konsensiya at katwiran ng kanilang pagkatao? Siyempre, ang mga katangiang ito ay pangunahing nasasaklaw sa loob ng apat na katangian ng baluktot na pag-arok, pagkamanhid, pagiging magulo ang isip, at kahangalan, tama? (Oo.) Ngayon, batay sa ilan sa mga pagpapamalas na nakikita at nararanasan ninyo sa tunay na buhay, ipaliwanag ninyo nang mas detalyado ang apat na katangiang ito. Ano pang ibang mga pagpapamalas ang alam ninyo? Halimbawa, ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay napakamanhid. Kung tutukuyin mo ang problema nila sa pamamagitan lang ng pagbibigay ng isang simbolikong halimbawa, hindi pa rin nila ito mauunawaan kahit pa sabihin mo sa kanila ang tungkol sa problemang ito nang ilang beses. Kaya, kailangan mong sabihin nang tahasan, “Ikaw ang tinutukoy ko,” para mapagtanto nilang tungkol ito sa kanila. Kung hindi, ipapalagay nilang tungkol ito sa problema ng ibang tao, na wala itong kaugnayan sa kanila, at iisipin nilang maayos naman ang ginagawa nila. Hindi ba’t pagkamanhid ito? (Oo.) Kailangan mo pang ilagay ito sa mismong harapan nila para lang tumugon sila nang bahagya. Kung gayon, kaya ba nilang maarok ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi nila kayang maarok ang katotohanan? (Dahil mabagal silang tumugon at hindi nila maunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos. Kapag tinutukoy ng iba ang mga problema nila, isang doktrina o isang regulasyon lang ang kanilang naaarok; hindi nila ito kayang arukin mula sa isang positibong perspektiba, at sa gayon ay imposible para sa kanila na magkaroon ng positibong pagpasok.) Ito ay kawalan ng abilidad na umarok. Sa usapin ng pagkamanhid, kapag may tumukoy sa isang uri ng kalagayan, sadyang hindi nila napagtatanto kung ano ang kinalaman nito sa kanila, kung mayroon ba talaga silang ganitong uri ng kalagayan o wala, at kung mayroon ba talaga sila mismo ng ganoong uri ng problema—hindi nila mapagtanto ang mga bagay na ito ni maunawaan ang sinasabi ng ibang tao. Kahit na tukuyin mo pa kung aling bagay ang ginawa nila, aling mga salita ang sinabi nila, o aling pagpapamalas ang ipinakita nila sa isang partikular na araw, at alam nilang sila ang tinutukoy mo, ang naaarok lang nila ay isang usapin, isang pahayag, o isang pangungusap, at isinasaulo nila ito sa isang malabo at mababaw na paraan. Pagkatapos itong maisaulo, kumakapit na lang sila sa isang regulasyon: Huwag sabihin ang mga salitang iyon, at huwag gawin ang mga bagay na iyon; gawin ang mga bagay na ito, at kumilos sa ganoong paraan. Kaya nilang kumapit sa regulasyong ito habambuhay, tumatangging tumanggap ng pagbabahaginan ninuman, at kahit pa sampung kabayo ay hindi sila mahihila palayo. Habang nagbabago ang sitwasyon, dahil sa mga pagbabago sa panahon, mga heograpikal na kapaligiran, mga tao, pangyayari, at bagay, at iba pa, sinasabi mo sa kanila na hindi na uubra ang pagkilos sa paraang ginawa nila noon at na kailangan nilang iangkop ang kanilang diskarte o estratehiya—bagama’t hindi naman talaga nagbago ang prinsipyo—hindi nila ito kayang maarok. Sinasabi nila, “Napakaraming taon na akong nagsasagawa sa ganitong paraan, at sa pakiramdam ko ay ayos lang naman ito. Nagsasagawa ako batay sa pakikipagbahaginan ng mga lider at manggagawa maraming taon na ang nakalipas. Bakit ko dapat baguhin kung paano ako nagsasagawa?” Mayroon pa nga silang batayan, pero sa realidad, kumakapit lang sila sa isang regulasyon sa loob ng maraming taon nang hindi nila mismo ito napagtatanto o nalalaman.

Pagdating sa katangian ng pagkakaroon ng baluktot na pag-arok, karamihan sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay nagpapakita ng mga pagpapamalas ng baluktot na pag-arok. Ang paraan nila ng pag-iisip ay naiiba sa paraan ng mga normal na tao. Ang kanilang mga ideya ay labis na di-pangkaraniwan, kakatwa, at kung minsan ay lubhang hindi inaasahan—sadyang hindi mo lubos na maisip kung bakit sila mag-iisip sa ganoong paraan, at hindi mo kailanman inakala na may sinuman sa mundong ito na magsasaalang-alang sa mga isyu sa ganoon kakakatwang paraan. Maaari kang mapatigagal sa kanilang mga ideya. Ito ay dahil ang mga taong may normal na pag-iisip ay karaniwang nag-iisip ng mga isyu ayon sa isang normal na paraan ng pag-iisip, samantalang ang paraan ng pag-iisip ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay labis na kakaiba. Madalas silang magpahayag ng ilang kakatwa at di-pangkaraniwang mga pahayag, at kapag narinig sila ng isang taong may normal na pag-iisip, magugulat ang taong iyon. Kung susubukan mong sundan ang kanilang paraan ng pag-iisip para isaalang-alang ang isang isyu, matutuklasan mong ito ay labis na kakatwa at walang patutunguhan. Dahil mayroon silang ganitong paraan ng pag-iisip, sa tunay na buhay—sila man ay gumagawa ng kanilang mga tungkulin, nakikisalamuha sa iba, o nahaharap sa mga partikular na sitwasyon, mga tao, pangyayari, at bagay—ang kanilang mga ideya ay palaging labis na kakatwa, at hindi nila makasundo ang karamihan ng tao. Hindi sila mukhang mga nilalang na namumuhay sa mundo ng mga tao, kundi sa halip ay tila namumuhay sila sa ibang mundo. Hindi mo kailanman mauunawaan kung bakit sila nag-iisip sa paraang ginagawa nila o kung bakit sila nakakaisip ng gayong mga kaisipan. Ang paraan ng pagsasaalang-alang nila sa mga isyu ay madalas na lumalampas sa saklaw ng pag-iisip ng normal na pagkatao at lumilihis mula sa tamang landas ng normal na pag-iisip. Ang huling resulta ay na sa tingin ng lahat ay labis na kakatwa ang kanilang paraan, paninindigan, at mga prinsipyo sa pagsasaalang-alang ng mga isyu. Kung naroroon ang gayong tao habang isinasaalang-alang o pinagbabahaginan ng lahat ang isang isyu, at karamihan sa mga taong naroroon ay walang pagkilatis, walang sariling mga opinyon, o hindi nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, madalas na mangyayari na ang takbo ng kanilang pag-iisip ay matitigil o na ang isang normal na talakayan ay magugulo at maaantala dahil sa isa sa mga baluktot na kaisipan at pananaw ng taong iyon. At ano ang resulta sa huli? Pagkatapos ng palitan ng mga ideya, natutuklasan ng mga tao na ang pananaw na inilahad ng taong iyon ay lumilihis mula sa tamang landas, na ito ay hindi obhetibo ni praktikal, at na, higit pa rito, ito ay lubhang kakaiba, at na ang paraan niya ng pagsasaalang-alang sa mga isyu ay sukdulang kakatwa pa nga. Kapag nag-uusap at nagkukuwentuhan ang mga normal na tao, lalong sumisigla ang usapan, lalong nagiging malinaw sa lahat ang mga isyung pinag-uusapan, at lalong umuusad ang paksa habang lalo silang nag-uusap. Ngunit kapag sumingit ang taong ito, lumilihis sa paksa ang usapan. Nawawalan ng masasabi ang ibang mga tao, nararamdaman nilang lahat na masyadong kakatwa ang mga salita ng taong ito, at hindi sila makatugon dito. Sa gayon, naaantala ang paksang pinag-uusapan. Bagama’t ang ganitong uri ng tao ay may “natatanging” mga kaisipan at pananaw, palaging naiiba ang mga ito sa mga pananaw na inilalahad ng mga may normal na pag-iisip. Ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay hindi ang dapat taglayin ng normal na pagkatao, at ang mga ito ay wala sa saklaw ng pag-iisip ng normal na pagkatao, kaya ang mga sinasabi nila ay tila kakatwa sa pandinig ng ibang mga tao o hindi pa nga lubos na maisip, at ang kanilang mga solusyon at landas ay hindi nakakatulong sa mga tao, at higit pa rito ay may kalikasan ng paggambala, panggugulo, pagpapahina, at pananabotahe. Ayos lang kung mananatili silang tahimik, at medyo nananatiling malinaw ang takbo ng pag-iisip ng lahat, ngunit sa sandaling sumingit sila para magpahayag ng kanilang opinyon o magbigay ng isang mungkahi, nagugulo at nagagambala ang lahat kapag naririnig nila ito, lumilitaw ang mga paglihis sa paksang tinatalakay, at mahirap makamit ang magagandang resulta. Gayumpaman, ang isang taong may tunay na mahusay na kakayahan ay kayang tukuyin ang pinakabuod ng isang isyu, at kaya niyang maarok ang mahalagang punto nito at magbahagi ng isang tamang landas para malutas ang problema. Kahit papaano man lang, kaya niyang magbigay ng ilang makabuluhan at mahalagang mungkahi na nakaayon sa takbo ng pag-iisip ng ibang mga tao. Kung maglalahad siya ng isang mungkahi, at sa tingin ng lahat ay angkop ito at handa silang tanggapin ito, nangangahulugan ito na ang mungkahi na inilahad ng taong ito na may mahusay na kakayahan ay natumbok ang mahalagang punto, dahil kaya ng taong ito na matalos ang diwa ng mga bagay. Kung hindi siya magsasalita, maaaring magtalakayan ang lahat sa loob ng tatlong araw nang hindi nakakarating sa isang konklusyon. Kita ninyo, ang dalawang uring ito ng mga tao ay parehong may mga natatanging pananaw na naiiba sa ibang mga tao, ngunit ang mga pananaw na inilalahad ng isang taong may mahusay na kakayahan ay makakatulong sa iba na makilatis ang diwa ng isang isyu, at makakatulong sa mga tao na mahanap ang tamang direksyon at landas ng pagsasagawa kapag sila ay nalilito. Iba naman ang isang taong may baluktot na pag-arok. Ang kanyang mga pananaw at baluktot na paraan ng pag-iisip ay madalas na may epekto na pagbuwag at panggugulo kapag nagtatalakayan ang mga tao ng mga usapin o nagkakaroon ng mga normal na pag-uusap. Kaya, kung ang isang taong may baluktot na pag-arok na nagreinkarnasyon mula sa isang hayop ay kasangkot sa anumang iglesia o anumang aspekto ng gawain, malamang na magdulot siya ng mga panggugulo at paggambala, at masusuya sa kanya nang todo ang lahat, iisipin nila, “Bilisan ninyo at paalisin na siya—masyado siyang nakakainis! Nagsasalita siya ng mga walang-kaugnayang kalokohan araw-araw pero itinuturing pa rin ang sarili niya na napakalalim, gayong sa realidad, ang sinasabi niya ay pawang mga maling kaisipan.” Sa simula, maaaring idolohin siya ng ilang tao, ngunit sa paglipas ng panahon, makikilatis siya ng mga ito at sasabihin nila, “Walang anumang malalim na kabatiran ang taong ito. Nagkukunwari lang siyang isang matalinong tao buong araw sa isang di-natural na paraan. Ang totoo, ang mga pananaw at ideyang inilalahad niya ay lubos na baligho at sadyang walang kinalaman sa mga isyung dapat pangasiwaan.” Magsisimulang mairita at masuklam sa kanya ang mga ito. Kaya, kung ang ganitong uri ng tao ay responsable para sa ilang lubhang teknikal o propesyonal na gawain o gumagawa ng ilang mahalagang gawain habang gumagawa ng kanyang tungkulin, mabilis siyang magdudulot ng inis sa iba dahil ang mga pananaw at hinihingi na kanyang inilalahad ay palaging iniiwan ang mga tao na hindi makapaniwala at hindi sigurado sa angkop na paraan ng pagkilos. Kung siya ay isang ordinaryong tagasunod lamang, na sumusunod lang sa mga tagubilin at utos, madalas na lilitaw ang ilang paglihis sa mga bagay na ginagawa niya. Ang mga lider, manggagawa, at mga nakapaligid sa kanya ay kailangang patuloy na subaybayan at pangasiwaan siya. Sa sandaling maalis sa kanya ang paningin ng mga ito, magkakamali siya, at palaging kailangang tulungan siya ng iba na itama at remedyuhan ang kanyang mga pagkakamali, at ayusin ang mga gulong iniwan niya. Sa huli, kapag nakita ng lahat na wala nang pag-asa ang ganitong uri ng tao, sasabihin ng mga ito, “Palagi siyang nagdudulot ng mga panggugulo dito, at walang sinuman ang napapayapa. Hindi ba siya puwedeng paalisin? Hayaan siyang pumunta kung saan man niya gusto!” Iyon ang magiging reaksiyon ng lahat. Sa simula, pagpapasensiyahan siya ng mga ito, iisipin, “Lahat tayo ay magkakapatid, wala sa atin ang may mataas na tayog, at mababaw ang pagkaunawa natin sa katotohanan—suportahan at tulungan natin ang isa’t isa.” Ngunit sa katagalan ng pakikipag-ugnayan sa kanya, makikita ng mga ito ang tunay niyang pagkatao. Lumalabas na ang isyu niya ay hindi ang pagkakaroon ng mababang tayog—may problema sa kanyang kakayahan at pagkaarok. Hindi sa mababaw ang kanyang pag-arok o isip-bata siya; sa halip, baluktot ang kanyang pag-arok. Ang paraan niya ng pagtingin sa mga bagay at ang kanyang mga kaisipan at pananaw ay labas sa saklaw ng normal na pag-iisip, at madalas na iba ang kanilang mga opinyon sa opinyon ng lahat. Tumatanggi silang tanggapin ang sinasabi ng iba kahit na ito ay tama, at hindi sila makikinig sa anumang uri ng paliwanag. Sa sandaling manindigan sila sa sarili nilang ideya, kahit pa sampung kabayo ay hindi sila mahihila palayo mula rito. Ibig sabihin, hindi nila kayang mapag-iba ang mabuti sa masama. Ang mga bagay na itinuturing nilang mabuti sa kanilang mga kaisipan at pananaw ay, para sa mga taong may pag-iisip ng normal na pagkatao, pawang mga baluktot na bagay—mga bagay na hindi mailalabas sa publiko. Ang kanilang mga pananaw ay hindi lang isip-bata o mababang-uri at walang halaga; sadyang hindi mga kaisipan o pananaw ang mga ito na nagmumula sa pag-iisip ng normal na pagkatao. Kaya, hindi makasundo ng ganitong uri ng tao ang karamihan sa mga tao. Hindi ito dahil sa isang tiwaling disposisyon, o sa mga balakid na dulot ng pagkakaiba sa mga gawi sa pamumuhay o pagkakaiba ng mga wika, at tiyak na hindi ito dahil sa paggawa nila ng ilang masasamang gawa o pagpapakita ng mga kakatwang pag-uugali. Pangunahin itong dahil sa mga katangiang ito na ipinapakita ng kanilang pagkatao—baluktot na pag-arok, pagkamanhid, pagiging magulo ang isip, at kahangalan—na siyang dahilan kung bakit imposible para sa kanila na makasundo ang karamihan sa mga tao. Siyempre, hindi rin makasundo ng masasamang tao at mga anticristo ang karamihan sa mga tao, ngunit bagama’t mayroon sila ng parehong katangiang ito, ang diwa o penomenon ng kanilang kawalan ng kakayahang makasundo ang iba ay iba sa diwa o penomenon ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Hindi makasundo ng masasamang tao at mga anticristo ang iba dahil sa diwa ay mga diyablo sila, samantalang ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay ganap na walang pag-iisip at talino ng normal na pagkatao, pati na rin ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, kaya napakahirap para sa mga normal na tao na makipag-usap sa kanila—maaari lang silang mag-usap tungkol sa mga di-mahalaga at pambahay na usapin na hindi nagsasangkot ng mga prinsipyo, kaya nagiging napakalimitado ng saklaw ng pag-uusap. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, kung tutuusin, ay hindi ang mga nagreinkarnasyon mula sa mga diyablo, naiiba sila sa mga ganoong uri ng mga tao, at nabibilang din sila sa isang kategorya ng mga buhay na nilalang. Kaya, hangga’t hindi nasasangkot ang mga pangunahing prinsipyo, kaya pa rin nilang makisama, makipag-usap, at makisalamuha sa iba sa kanilang pang-araw-araw na buhay o habang gumagawa ng kanilang mga tungkulin. Gayumpaman, sa sandaling masangkot ang mga pangunahing katotohanang prinsipyo o mga pagpili tungkol sa kung aling landas ang tatahakin, ang ganitong uri ng tao ay nagiging ganap na hindi kaayon ng karamihan ng mga tao at hindi na siya makasundo. Halimbawa, nakikipag-usap ka sa ganitong uri ng tao tungkol sa mga pang-araw-araw na paksa sa buhay—kung anong mga pagkain at putahe ang gusto mo, kung paano lutuin ang mga ito nang maayos, ang mga bagay tungkol sa iyong bayang pinanggalingan, at iba pa. Habang mas nag-uusap kayo, mas marami kayong nasasabi at lalong nagiging magiliw ang usapan. Nangangahulugan ba ito na magkaayon kayong dalawa? Nangangahulugan ba ito na nabibilang kayo sa iisang kategorya? (Hindi.) Hindi mo masasabi ang mga bagay na iyon batay lang sa ganitong uri ng pag-uusap. Ngunit kapag nag-uusap kayo tungkol sa mga paksang tulad ng kung bakit ka nananampalataya sa Diyos at ang mga pananaw mo sa pananampalataya sa Diyos, mga paksang kinasasangkutan ng mga kaisipan at pananaw, mga katotohanang prinsipyo, mga pananaw sa buhay, mga pagpapahalaga, mga landas na tinatahak ng mga tao, mga hinahangad ng mga tao, at iba pa, ang inyong mga kaisipan at pananaw at ang inyong mga paraan ng pag-iisip ay lalong nagkakalayo, at wala na sa iisang landas, at natitigil ang usapan. At bakit ganoon? Dahil baluktot ang kanyang pag-arok. Noong una mo siyang marinig na magsalita, iniisip mong medyo matalas siya, ngunit sa paglipas ng panahon ay natutuklasan mong mga salita at doktrina lang ang sinasabi niya at medyo mayabang siya. Nagbabago ang damdamin mo sa kanya, hindi na ito ganoon kagiliw, lumilitaw ang mga hadlang, at napag-iiba na ang mga kategoryang kinabibilangan ng bawat isa sa inyo. Tingnan ninyo, kapag tinatalakay ninyo ang buhay-pamilya o ang inyong personal na nakaraan, o nag-uusap kayo tungkol sa mga paksang saklaw ng pang-araw-araw na buhay tulad ng pagkain, inumin, paglilibang, mga hilig, at mga libangan, nakakapag-usap pa rin kayo. Ngunit sa sandaling mapunta ang usapan sa mga kaisipan at pananaw, mga katotohanang prinsipyo, mga pananaw sa buhay, mga pagpapahalaga, mga landas sa buhay, o mga saloobin sa Diyos at sa tungkulin, natitigil ito. Nagbabago ang pananaw mo sa kanya, at nagbabago rin ang pananaw niya sa iyo. Nagsisimula kang makaramdam ng kaunting inis sa kanya sa iyong puso, at nagkakaroon ng mga hadlang sa iyo ang puso niya. Hindi ka niya gusto, at hindi mo rin siya gusto. Unti-unti, nagkakalayo kayo at hindi na kayo magkaintindihan. Sa gayon, napag-iiba ang iba’t ibang kategorya ng mga tao. Samakatwid, para makilala kung sa aling kategorya nabibilang ang isang tao, dapat tingnan kung ano ang abilidad niyang umarok, kung nagtataglay ba siya ng konsensiya at katwiran ng isang normal na tao, at kung mayroon ba siyang normal na pag-iisip at talino. Para naman sa ganitong uri ng tao na nagreinkarnasyon mula sa isang hayop, hindi na tayo partikular na magbabahaginan tungkol sa kanya. Susunod, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa dalawa pang uri ng mga tao. Pagkatapos nating gawin iyon, babalikan at paghahambingin natin ang tatlong uring ito. Sa pamamagitan ng paghahambing na ito, magiging lalong malinaw at tiyak kung paano kilatisin ang tatlong uring ito ng mga tao.