Paano Hangarin ang Katotohanan (12) Ikalimang Bahagi

IV. Ang Ikaapat na Katangian: Kahangalan

Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay ang ikatlong pagpapamalas ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—na magulo ang isip nila. May isa pang pagpapamalas, at iyon ay na hangal sila. Ang kahangalan ay may kaugnayan din sa talino—kaya gaano ba talaga kahangal ang mga taong ito? Anong mga pagpapamalas ang nagpapakita ng kahangalan? Ang ilang tao, kapag nangangaral ng ebanghelyo, ay nagsasabi, “Isaalang-alang ninyo ang mga layunin ng Diyos! Wala man lang mapagpahingahan ng Kanyang ulo ang Diyos. Masisidhi ang mga layunin ng Diyos! Hindi madali ang gawain ng Diyos—ito ay napakahirap!” Kapag naririnig ito ng mga walang pananampalataya, sinasabi nila, “Ano ba iyang pinagsasasabi mo na walang katuturan?” Hindi mauunawaan ng mga walang pananampalataya ang mga salitang ito. Hindi sila nananampalataya sa Diyos, kaya hindi nila alam kung ano ang tinutukoy ng mga salitang ito o kung ano ang pinagmulan ng mga ito. Kaya hindi ba’t kahangalan na sabihin mo ang mga bagay na ito? (Oo.) Sa anong paraan ito kahangalan? Mali ang kinakausap nila, hindi ba? (Oo.) Ang ilang taong magulo ang isip, pagkatapos maaresto, ay tinatanong ng buktot na mga pulis: “Nananampalataya kayo sa diyos—ano ang ipinapagawa sa inyo ng diyos? Hindi mo ba alam na ilegal ang maniwala sa diyos? Nilabag ninyo ang batas. Hindi pinahihintulutan ng estado ang ganyang pananampalataya!” Ang totoo, naghahanap lang ang buktot na mga pulis na ito ng dumi na magagamit nila para hatulan ang mga mananampalataya sa Diyos, pero hindi ito nakikilatis ng ganitong uri ng hangal na tao. Sinasabi nila, “Hindi ilegal ang pananampalataya namin sa Diyos. Sinasabi sa amin ng Diyos na maging matatapat na tao, na lumakad sa tamang landas, at maging mabubuting tao.” Kapag naririnig ito ng mga diyablo, sinasabi nila, “Dahil sinasabi sa inyo ng diyos na maging matatapat na tao, sabihin ninyo sa amin—sino ang mga lider ng inyong iglesia? Saan nakatago ang pera ng inyong iglesia? Magsalita ka nang tapat! Kung hindi ka magsasalita nang tapat, kokondenahin ka ng iyong diyos!” Pagkarinig nito, natitigilan ang ganitong uri ng hangal na tao. Hindi ba’t kahangalan ito? Paano makakapagsalita nang tapat ang isang tao sa mga diyablo? Paano masasabi ng isang tao ang katotohanan ng Diyos sa mga diyablo? Anuman ang mangyari, hinding-hindi ito dapat sabihin sa kanila. Mayroon ding mga hangal na taong nagtatanong sa mga pulis, “Bakit ninyo kami palaging inaaresto? Bakit ninyo palaging pinahihirapan kaming mga mananampalataya sa Diyos? Bakit palagi kayong nag-iimbento ng mga tsismis tungkol sa amin?” Hindi ba talaga nila alam kung bakit? Inaasahan ba nilang makakuha ng sagot mula sa mga ito? Makakakuha ba sila ng sagot? Ang tanungin sila kung bakit—hindi ba’t ito ay baligho, hindi ba’t ito ay kahangalan? Ngunit kayang-kaya ngang itanong ng mga hangal na taong ito ang gayong mga kahangalan. Sadyang hindi nila nauunawaan at patuloy silang nagtatanong, “Bakit palagi tayong inuusig ng CCP? Bakit palagi nilang inaaresto tayong mga mananampalataya sa Diyos at nag-iimbento pa nga ng mga tsismis tungkol sa atin? Malinaw na inuusig tayo at hindi makauwi, pero sinasabi nilang tinalikuran natin ang ating mga pamilya. Hindi ibinabatay ng mga diyablong ito ang kanilang mga salita sa mga katunayan! Hindi ba’t ito ay ganap na gawa-gawa lamang? Gumagawa lang naman tayo ng ilang masining na pagtatanghal na video para magpatotoo sa Diyos at ipakalat ang mga salita ng Diyos—bakit labis itong kinamumuhian ng mga diyablo at mga Satanas? Palagi silang pumupunta sa bahay ko para pagbantaan at takutin ang aking pamilya at mga kamag-anak, nagkakabit pa nga ng mga surveillance camera—bakit?” Kailangan pa bang itanong ito? Hindi ba’t isang kahangalan na sabihin iyan? Kung nagsisimula ka pa lang na manampalataya sa Diyos, normal lang na hindi mo nauunawaan kung ano ang nangyayari. Ngunit napakaraming taon mo nang nananampalataya sa Diyos—paanong hindi mo pa rin alam? At kung alam mo, bakit ka pa nagtatanong? Hindi pa rin ito maintindihan ng ilang tao: “Hindi naman natin kailanman kinalaban ang Partido o ang estado, hindi tayo kailanman nakibahagi sa mga gawaing pampolitika, hindi natin kailanman sinubukang pabagsakin ang gobyerno o ang pamumuno nito, hindi tayo kailanman nagdulot ng anumang banta sa pamumuno nito—kaya bakit palagi tayong inaaresto at inuusig ng CCP? Palagi tayong nagtatago, hindi makauwi o makatawag sa ating mga pamilya kahit gusto natin. Hindi ko talaga maintindihan—bakit palagi tayong pinahihirapan ng CCP?” Kung talagang hindi mo ito makilatis, kung gayon ay labis kang mangmang—tunay kang hangal. Halimbawa, may isang babaeng nag-asawa ng isang di-nananampalatayang lalaki. Noong magkasintahan pa sila, sinabi nito, “Sasampalataya rin akong kasama mo—sabay tayong papasok sa kaharian ng langit.” Napakaganda ng kanyang pagkakasabi, ngunit ang totoo, isa siyang hindi mananampalataya, isang diyablo—pinapaikot lang siya nito. Ngunit nang talikuran niya ang lahat para gugulin ang sarili para sa Diyos, sumiklab ito sa galit. Hindi siya nito pinahihintulutang dumalo sa mga pagtitipon, hindi siya nito pinahihintulutang gumampan ng kanyang tungkulin, at hindi siya nito pinahihintulutang basahin ang mga salita ng Diyos. Nagtataka pa rin ang hangal na babaeng ito, “Hindi naman siya ganito dati. Mahal na mahal niya ako, inaalagaan niya akong mabuti, nauunawaan niya akong lubos, at lubos niyang sinusuportahan ang pananampalataya ko sa Diyos. Bakit parang ibang-iba na siyang tao ngayon? Dati ay nananampalataya rin siya—bakit siya nagkaganito?” Sa loob ng ilang taon na malayo siya sa tahanan para gumampan ng kanyang tungkulin, palagi niyang pinagbubulayan ang bagay na ito: “Imposibleng maghanap ng ibang babae ang asawa ko. Ako ang pinakamamahal niya. Ako lang ang nag-iisa para sa kanya, ako ang una niyang pag-ibig. Hinding-hindi siya magmamahal ng ibang babae. Bukod pa rito, isang taong totoo ang asawa ko, at wala siyang anumang pambihirang mga abilidad o kasanayan—sino ang gugustuhing sumama sa kanya?” Ang totoo, kahit iniisip niya ito, hindi siya mapalagay sa kanyang puso. Umaasa siyang hinihintay pa rin siya ng kanyang asawa. Ngunit ang totoo, kahit noong nasa bahay pa siya, dahil abala siya sa pananampalataya sa Diyos at sa paggampan ng kanyang tungkulin araw-araw, nakahanap na ito ng ibang babae. Subalit iniisip niyang imposible iyon: “Ang ibang lalaki ay maaaring maghanap ng ibang babae, pero hindi siya. Hindi siya ganoong klase ng tao! Noong nasa bahay pa ako, sinabi pa nga niyang gusto niyang manampalataya sa Diyos!” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t sukdulan ang kanyang kahangalan? (Oo.) Sa lahat ng mga taon na ito na wala siya sa tahanan—hindi lang nakahanap ng iba ang kanyang asawa, kundi itinakwil na rin siya maging ng kanyang mga anak at mga magulang. Matagal na siyang hindi itinuturing na miyembro ng pamilyang iyon. Sino ang nakakaalam kung paano nila siya iniinsulto kapag nakatalikod siya o kung gaano kalalim ang pagkamuhi nila sa kanya. Subalit hindi niya ito makilatis—sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) Gaano kalala ang kanyang kahangalan? Hanggang sa puntong ganap na wala siyang talino ng normal na pagkatao; kaya, hindi niya magamit ang normal na pag-iisip ng tao para tingnan ang mga tao at mga bagay. Palagi niyang ginagamit ang kanyang isip-bata, baluktot, at hangal na mga kaisipan at pananaw para tingnan at sukatin ang mga bagay-bagay. Sa huli, madalas siyang naiipit sa mahihirap na sitwasyon, nagiging napakapasibo, at kumikilos sa paraang napakamangmang. Hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) May ilang hangal na taong tulad nito. Ang pagiging hangal ay nangangahulugang wala silang talino ng normal na pagkatao, kaya kapag tinitingnan ang mga tao at mga bagay o nangangasiwa ng mga usapin, wala silang mga pangunahing prinsipyo bilang suporta para magawa nilang makamit ang mabubuting resulta, tama ba? (Oo.)

Bilang buod, kung susukatin ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop gamit ang katotohanan bilang pamantayan, ang pangunahin nilang katangian ay na halos hindi nila ito maabot—isa itong mataas na pamantayan. Kung susukatin sila sa pamamagitan ng talino ng normal na pagkatao, ni hindi man lang nila kayang tingnan ang mga tao, pangyayari, bagay, o sitwasyong lumilitaw sa kanilang pang-araw-araw na buhay gamit ang pag-iisip ng normal na pagkatao. Sa mahigpit na pananalita, sa pang-araw-araw na buhay, ni hindi man lang kayang pangasiwaan nang mag-isa ng gayong mga tao ang sarili nilang pagkain, pananamit, tirahan, o transportasyon, ni hindi nila kayang tumugon at pangasiwaan nang mag-isa ang mga isyung ito. Kahit na halos makaligtas sila nang hindi namamatay sa gutom, mula sa kanilang mga pagpapamalas sa pangangasiwa ng iba’t ibang usapin, ang gayong mga tao ay mukhang napakahangal at napakamalamya, malayo sa pagtataglay ng tunay na normal na pagkatao. Halimbawa, ang ilang hayop—ni hindi nila alam sa sarili nila kung gaano karaming pagkain ang angkop kainin. Tanging kung papakainin sila ng mga tao sa takdang oras at nang may sukat ay saka lang sila makakakain sa malusog na paraan. Halimbawa, ang mga aso, kung hahayaang kumain nang malaya, nang walang paghihigpit sa kung gaano karami, kakain sila nang sobra-sobra. Patuloy silang kakain hanggang sa sila ay ganap na mabusog at pisikal na hindi na kayang kumain pa. Kaya, isang napakalinaw na katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay na hindi nila kayang pangasiwaan nang mag-isa ang maraming aspekto ng sarili nilang buhay. Bakit hindi nila ito magawa nang mag-isa? Ito ay dahil hindi nila kailanman alam kung ano ang mga prinsipyo sa paggawa ng gayong mga bagay, kung ano ang mga pangunahing kondisyon, o kung anong mga hangganan ang hindi nila dapat lampasan. Katulad lang ito ng ilang hayop kapag kumakain ang mga ito—hindi nila alam kung gaano karaming pagkain ang angkop. Kung hindi sila pangangasiwaan ng mga tao, kakain sila hanggang sa mabusog sila nang sobra at mamatay. Kung mayroong isang taong nangangasiwa at nagpapakain sa kanila, maaari silang makapagpanatili ng magandang kalusugan. Ang katangiang ito ay medyo malinaw rin sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Tulad lang ng sinasabi ng ilang tao: “Kumakain sila nang hindi nalalaman kung sila ay gutom o busog, at natutulog nang hindi nalalaman kung umaga na ba o gabi.” Kaya, nagtataglay ba ng talino ng pagkatao ang gayong mga tao? Napakalinaw na hindi. Ang mga pagsasaalang-alang tulad ng kung paano sila dapat kumain para ayusin ang kanilang kalusugan sa buong apat na panahon ng taon habang nakakaranas ng iba’t ibang kondisyon ang kanilang katawan, kung aling mga pagkain ang masustansya at kung aling mga pagkain ang hindi masustansya sa aling panahon, kung aling mga paraan ng pamumuhay ang masustansya at hindi masustansya—ang isang normal na tao, sa edad na dalawampu, ay maaaring hindi alam ang mga bagay na ito, ngunit sa edad na tatlumpu, alam na niya ang ilan sa mga ito, at sa edad na apatnapu ay mas marami na siyang alam. Sa edad na limampu, batay sa sarili niyang aktuwal na pisikal na kondisyon, nakabuo na siya ng isang hanay ng mga panuntunan sa pamumuhay na angkop sa kanya, at ito ay halos maitatatag at magiging matatag na, nang wala nang karagdagang malalaking pagbabago. Ngunit ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, kahit na mabuhay sila hanggang sa edad na walumpu, ay hindi pa rin makapagbubuod ng isang hanay ng mga panuntunan sa pamumuhay. Sila ay kumakain nang sobra o kulang, kaya sila ay sinisikmura o hindi natutunawan. Wala silang ideya kung aling mga isyu sa kalusugan ang sanhi ng aling mga gawi sa pamumuhay o aling mga pagkain—kumakain lang sila nang magulo. Kung hihilingin mo sa kanila na magbuod ng isang plano sa pagkain o paraan ng pagkain na angkop sa kanila batay sa kung aling mga pagkain ang angkop o hindi angkop para sa kanilang pangangatawan, at sa iba’t ibang impormasyon, hindi nila ito magagawa. Halimbawa, may nagsabi online na mataas sa calcium ang mga balat ng itlog at na ang pagkain ng mga balat ng itlog ay makadaragdag sa kanilang calcium intake, kaya pinag-isipan nila ito: “Hindi ako masyadong matangkad dahil kulang ako sa calcium—kakain ako ng mga balat ng itlog para madagdagan ang calcium intake ko.” Ngunit sa huli, pagkatapos kumain nito sa loob ng ilang panahon, tila walang pagbuti sa antas ng kanilang calcium. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t baluktot ito? Kapag nakakita ka ng impormasyon online na nagsasabing mataas sa calcium ang mga balat ng itlog at maaaring gamitin bilang pandagdag sa calcium, paano mo ito dapat arukin? Napakalinaw na ang mga taong kumakain ng mga balat ng itlog ay may tendensiya sa pagkabaluktot. Mali ang kanilang pag-arok, kaya ang kanilang pagsasagawa ay baluktot, sukdulan, at hangal. Kung gayon, ano ang tamang paraan para arukin ito? Bagama’t maaaring mataas sa calcium ang mga balat ng itlog, hindi ito isang bagay na makakain natin. Kung mayroon ba talaga itong epekto bilang pandagdag sa calcium ay hindi pa rin alam, at kahit pa makadaragdag ito sa antas ng iyong calcium, kung kaya mo itong ma-absorb ay hindi rin tiyak. Dagdag pa rito, mayroon bang anumang ebidensya na ang mga balat ng itlog ay maaaring maging pandagdag sa calcium? Napatunayan na ba ang pahayag na ito? Ang totoo, maraming bagay ang makadaragdag sa calcium intake, at lahat ng ito ay napatunayan na sa medisina. Kung tatanggi kang tanggapin ang mga napatunayang paraang ito, isa kang taong baligho. Hindi ka ba puwedeng uminom na lang ng mga calcium tablet para madagdagan ang iyong calcium intake? Iyon ang pinakasimpleng paraan. Hindi ito nakakasama sa tiyan o nakakasira ng ngipin, masarap ito, at mararamdaman mo ang mga epekto. Hindi ba’t ito ang tamang pag-arok? (Oo.) Ngunit ang mga may baluktot na pag-arok ay hindi ito naaarok sa ganitong paraan—dinadala nila ang mga bagay-bagay sa sukdulan. Naniniwala sila, “Kung may nagsabing makadaragdag sa calcium intake mo ang mga balat ng itlog, kung gayon ay tiyak na ayos lang kumain ng mga balat ng itlog. Kung kailangan mong dagdagan ang iyong calcium intake, kailangan mong kainin ang mga ito.” Ni hindi man lang nila isinasaalang-alang kung kaya ba itong i-absorb ng katawan pagkatapos kainin. Sinasalamin nito ang baluktot na pag-arok, ito ay pagiging sukdulan. Kung may nagsabi, “Mataas sa bitamina ang balat ng saging, at ang pagkain nito ay makapagpapaganda sa iyo,” kakainin ba ninyo ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil ang ilang pagkaing nilikha ng Diyos ay dapat kainin pagkatapos balatan, ayon sa likas na kaayusan. Ang pagpipilit na kainin ang balat ay pagdadala ng mga bagay-bagay sa sukdulan. Kung nais ng isang tao na dagdagan ang kanyang vitamin intake para gumanda, dapat siyang kumain ng mga pagkaing kapwa normal na nakakain at may mga epektong pampaganda.) Ito ang tamang pag-arok. Ngunit tingnan ninyo ang taong iyon na sukdulan kung kumilos—hindi niya ito inaarok sa ganitong paraan. Iginigiit niyang pilitin ang sarili na kainin ang balat at sinasabi pa, “Dapat akong maghimagsik laban sa aking laman. Dapat akong kumain ng balat ng saging para madagdagan ang antas ng isang partikular na sustansya sa akin.” Ngunit hindi niya iniisip, “Hindi masarap ang balat ng saging. Hindi ito pagkain. Hindi ko ito kakainin. Bakit hindi na lang ako kumain ng ibang bagay na naglalaman ng sustansyang ito?” Hindi ba’t ito ang tamang pag-arok? (Oo.) Kung kaya mong maging mapanuri sa ganitong paraan, kung kaya mong arukin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, pinatutunayan nitong nagtataglay ka ng talino ng tao. Ngunit kung hindi ka marunong maging mapanuri sa ganitong paraan, at sa sandaling marinig mo na naglalaman ng isang partikular na sustansya ang balat ng saging, iginigiit mong kainin ito kahit na masama ang lasa nito—kung gayon ay isa kang hangal, isa kang taong nagreinkarnasyon mula sa isang hayop, at hindi mo taglay ang pag-iisip ng normal na pagkatao. Anumang maling pananampalataya o kaisipan ay maaaring lumihis sa gayong mga tao, at sadyang hindi nila kayang kilatisin ang pagiging tama o totoo ng iba’t ibang impormasyon—palagi silang naloloko. Ang lahat ng ito ay bumubuo sa isang pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang iba’t ibang partikular na usapin—sila ay sukdulang hangal, baluktot at baligho ang kanilang pag-arok, at dinadala nila ang lahat ng bagay sa sukdulan. Kapag sinasabi ng mga tao na iminumungkahi ng pananaliksik na ang isang bagay ay nakakain, hindi iyon nangangahulugang dapat mo itong kainin, ni nangangahulugang walang ibang makapapalit dito. Kung sasabihin mo na ang katotohanan ay hindi mapapalitan ng anumang teorya, iyon ay obhetibo at tumpak. Ngunit ang mga sustansyang ito ay mga materyal na bagay—imposibleng walang anumang kapalit. Lumikha ang Diyos ng saganang pagkakaiba-iba ng mga pagkain, at maraming pagkain na naglalaman ng iba’t ibang sustansya. Makakagawa ang mga tao ng mga tumpak na pagpili batay sa kanilang indibidwal na pangangatawan, pangkat ng edad, at kasalukuyang kalagayan ng kalusugan—hindi kailangang kumapit sa mga regulasyon. Pagkatapos makarinig ng isang impormasyon, ang mga taong sukdulan kung kumilos ay hindi ito kayang tratuhin nang tama, ni hindi nila ito kayang kilatisin. Palagi silang nalilihis ng mga bagay na ito, at sa huli, sinasabi nila, “Lahat ng nasa internet ay kasinungalingan—wala ni isang salita ang totoo!” Nakikita mo, pumupunta naman sila ngayon sa kabilang sukdulan. Maaari kang maghanap ng impormasyon online, ngunit dapat mong malaman kung paano gamitin ang talino ng tao at ang tamang paraan ng pag-iisip ng tao para kilatisin ito, para makagawa ng tamang pagpili kung ano ang gagamitin at ano ang isasantabi. Kung may isang bagay na kapaki-pakinabang sa iyo, maaari mo itong gamitin; kung hindi ito kapaki-pakinabang o hindi angkop para sa iyo, maaari mo itong ituring bilang isang sanggunian o bilang isang uri ng karaniwang kaalaman. Ang mga taong may pag-iisip ng tao ay nagsasagawa sa ganitong paraan. Ang mga hindi nagtataglay ng pag-iisip ng tao ay nagsasagawa sa paraang lumilihis papunta sa kaliwa o sa kanan—sila ay naloloko o ganap na hindi naniniwala sa lahat ng bagay. Wala silang kakayahang kilatisin nang maingat ang gayong mga usapin. Ang gayong mga tao ay mukhang napakatigas ng ulo, katawa-tawa, magulo ang isip, at hangal sa kung paano nila tinatrato ang iba’t ibang uri ng impormasyon o pinangangasiwaan ang mga usapin sa tunay na buhay. Ang mga taong ganito kahangal, na hindi makakilatis ng tama sa mali o ng wasto sa di-wasto—paano nila naitatawid ang bawat araw ng kanilang buhay? Ang pagtingin pa lang sa kung paano sila kumilos ay nakapag-aalala na—makakaasa ka pa ba na magagawa nilang makapasok sa katotohanang realidad?

May isang babaeng nag-asawa ng isang bastos na tampalasan at iniisip, “Mahal na mahal ako ng asawa ko. Natagpuan ko na ang tunay na pag-ibig, umiibig na ako,” at pakiramdam niya ay lubos siyang maligaya. Ngunit tinitingnan ng iba ang kanyang asawa at nakikita nilang hindi man lang ito tao—isa itong diyablo—at nagtataka sila kung paanong nahuhumaling pa rin siya at labis na nagpapakasaya. Maging sila ay nababalisa at nag-aalala para sa kanya. Sa huli, pagkatapos magkaanak sa kanyang mister, ipinagtabuyan siya at wala siyang suporta—naging sukdulang mahirap ang kanyang buhay! Mula sa mga kahangalang ginawa ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, malinaw na ang katunayang nagagawa nilang mamuhay at makaligtas ay higit na dahil sa biyaya ng Diyos. Binibigyan sila ng Diyos ng hininga para manatili silang buhay, at binibigyan sila ng pagkain para makaligtas sila. Ang mga ibon sa himpapawid, ang maliliit na hayop at maging ang mga langgam sa lupa ay pawang may makakain—gaano pa kaya ito katotoo para sa mga tao? Dahil ikaw ay nagreinkarnasyon bilang isang tao, binibigyan ka ng Diyos ng paraan para makaligtas. Maaaring may naglalaan para sa iyo, o mayroon kang isang partikular na kakayahan na nagpapahintulot sa iyong maipagpatuloy ang iyong kabuhayan. Ito ang biyaya ng Diyos. Hindi ka hinahayaan ng Diyos na mamatay sa gutom kundi binibigyan ka Niya ng paraan para manatiling buhay, kaya nagagawa mong mabuhay hanggang sa katandaan, na mabuhay hanggang sa wakas. Kung walang biyaya ng Diyos, kung gayon sa kakayahang taglay ng mga nagreinkarnasyon mula sa mga hayop mula sa pagsilang, ang kawalan nila ng normal na pag-iisip, at ang kawalan nila ng kahit katiting na abilidad na pangasiwaan ang mga problema, ni hindi man lang nila kayang kumita para sa kanilang ikabubuhay. Mula sa ibang perspektiba, ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay talagang tunay na pinagpala. Kung isasaalang-alang ang kanilang mga abilidad sa lahat ng aspekto at ang kanilang talino, halos imposible para sa kanila na kumita ng kanilang ikabubuhay sa komplikado at masamang mundong ito. Ngunit dahil nagpapakita ng biyaya at may habag ang Diyos sa lahat ng nilikha, kung gayon, nagreinkarnasyon ka man mula sa isang hayop o isang tao, sa mga mata ng Diyos, kung isa kang nilikha at binigyan ka Niya ng hininga, kung gayon ay normal Niyang inilalaan kung ano ang kailangan mo para mabuhay at makaligtas, na nagpapahintulot na mapanatili ang iyong buhay at nagbibigay-kakayahan sa iyong magpatuloy na mabuhay. Kaya kung sasabihin mo, “Lumabas ako at nagsikap na kumita ng pera, tinustusan ko ang aking sarili para ako ay malusog at mataba—hindi ba’t maginhawa ang buhay ko? Hindi ba’t iniinsulto Mo ako sa pagtawag sa akin na hangal?” kung gayon ay mali ka. Ang katunayan na kaya mong kumita ng pera at tustusan ang iyong sarili ay hindi naman talaga dahil sa sarili mong abilidad—siyamnapu’t siyam na porsiyento nito ay biyaya ng Diyos. Binibigyan ka ng Diyos ng kaunting sigla, at sa gayon ay binibigyang-kakayahan kang magpakapagod para kumita ng pera para sa pagkain; binibigyan ka Niya ng partikular na kakayahan, kasama ng isang malusog na katawan, at sa gayon ay binibigyang-kakayahan kang gumawa ng isang trabaho, kumita ng pera, suportahan ang isang pamilya, at manatiling buhay. Ano ang batayan ng kakayahan mong gawin ang mga bagay na ito? Lahat ito ay nakabatay sa pagbibigay sa iyo ng Diyos ng pinakapangunahing likas na kondisyon na nagbibigay-kakayahan sa iyong makibahagi sa normal na pagtatrabaho ng tao, na sa huli ay nagpapahintulot sa iyong tustusan ang iyong sarili at panatilihin ang iyong kabuhayan. Sa madaling salita, anuman ang mangyari, hangal ka man o magulo ang isip, sa ngayon, bilang isang nilikha na may panlabas na anyo ng isang tao, dapat mong malaman ang iyong pagkakakilanlan at ang iyong halaga. Higit pa rito, dapat mong arukin nang tama kung ano ang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, kung ano ang inilaan sa iyo ng Diyos, at ang biyaya at habag ng Diyos. Kung tugma ka sa ilang katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop at pakiramdam mo na tiyak na kabilang ka sa kategoryang ito ng mga tao, ano ang dapat mong gawin? Madali itong pangasiwaan: Anuman ang iyong pinagmulan, nagtataglay ka man o hindi ng talino ng tao at pag-iisip ng tao, ang katunayan ay mayroon ka na ngayong pagkakakilanlan ng isang tao. Dahil mayroon kang pagkakakilanlan ng isang tao, dapat mong tuparin ang tungkulin ng isang tao—gawin ang lahat ng iyong makakaya, sa abot ng iyong abilidad, at, sa sukdulang lawak na posible, isakatuparan at gawin nang maayos kung ano ang nararapat gawin ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao, “Sinabi Mo na ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay kinakikitaan ng baluktot na pag-arok, pagkamanhid, pagiging magulo ang isip, at kahangalan—nangangahulugan iyan na wala silang talino ng tao. Ang napakalaking mayorya ng mga taong ito ay hindi talaga nauunawaan ang katotohanan—paano nila magagampanan nang maayos at angkop ang kanilang tungkulin?” Kung hindi ka sasailalim sa mahihigpit na pamantayan, makakamit mong gawin ito nang maayos at angkop, dahil tutal, mayroon ka ngayong pagkakakilanlan ng isang tao; hangga’t masunurin ka at hindi ka nagsasabi ng mga baluktot na argumento, magagawa mo ito. Kung hindi mo man lang magawa ang dalawang puntong ito, kung gayon ay sinasabi Ko na talagang nasa panganib ka, at kakailanganin kang alisin mula sa iglesia. Kung sasabihin mo, “Kaya kong gawin ang dalawang puntong ito. Hindi ako magsasabi ng mga baluktot na argumento, at tinatanggap ko ang mga tamang pahayag. Anuman ang ipagawa sa akin, gagawin ko; at kung paano man ito ipagawa sa akin, ganoon ko ito gagawin”—kung tunay kang makapagsasagawa sa ganitong paraan, magagawa mong gampanan nang maayos at angkop ang iyong tungkulin. Sinasabi ng ilang tao, “Nagampanan ko na nang maayos at angkop ang aking tungkulin, at gusto ko ring gawin ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo.” Kung tunay kang may intensyong magsikap na maabot ang mga katotohanang prinsipyo batay sa pundasyon ng pagiging kayang gampanan nang maayos at angkop ang iyong tungkulin, kung gayon ay ayos lang kung anuman ang antas na maabot mo—walang mga hinihingi. Hangga’t hindi matigas ang ulo mo, hindi ka nagsasabi ng mga baluktot na argumento, hindi mo patuloy na binibigyang-diin ang sarili mong mga dahilan, hindi ka kumikilos sa paraang magulo ang isip, at hindi ka tumatangging umamin kapag may nagawa kang kahangalan, sapat na iyon. Tungkol naman sa pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, maaari mong gawin kung ano ang kaya mo; anuman ang sa tingin mo ay kaya mong gawin, gawin mo lang iyon. Hindi mataas ang mga hinihingi sa ganitong uri ng tao dahil medyo mahirap para sa kanila na maabot ang mga katotohanang prinsipyo. Kaya, batay sa kanilang mga likas na kondisyon, hindi mahigpit na hinihingi sa kanila na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bakit hindi ito hinihingi sa kanila? Dahil hindi nila ito kaya. Kung ipipilit mong kumilos sila ayon sa mga katotohanang prinsipyo, para mo na ring pinipilit ang isang isda na mamuhay sa lupa. Halimbawa, ang ilang hayop—kung hihingin mong kumain sila ng tamang dami sa bawat pagkain at hindi kumain nang sobra at huwag banatin ang kanilang tiyan, magagawa ba nila ito? Hindi. Kumakain sila hangga’t kaya nila sa isang upuan hanggang sa pisikal na hindi na sila makakain pa. Ganoon din ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kung hihingin mo sa kanilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila ito magagawa. Kaya nangangahulugan ba iyon na tinalikuran na ang gayong mga tao? Hindi, hindi sila tinalikuran. Ngunit ang hindi pagtalikod sa kanila ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa kanila na unawain at arukin ang mga katotohanang prinsipyo. Nangangahulugan lang ito ng pagtrato sa kanila nang tama, hinahayaan silang gawin kung ano ang kaya nilang gawin. Hindi ito pagbawi sa kanilang mga kalipikasyon na gampanan ang kanilang tungkulin, ni pagbawi sa kanilang mga kalipikasyon na hangarin ang katotohanan, at lalong hindi ito pagbawi sa kanilang mga kalipikasyon na makamit ang kaligtasan. Nangangahulugan lang ito na hindi mahigpit na hinihingi sa kanila na magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ni mahigpit na hinihingi na maabot nila ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay. Ibig sabihin, dapat nilang gawin ang lahat ng kanilang makakaya. Hangga’t hindi nila sinasadyang subukang magdulot ng mga panggugulo, hindi nagsasabi ng mga baluktot na argumento o hindi gumagawa ng mga maling gawa nang walang pakundangan pagdating sa napakahahalagang usapin ng prinsipyo, sapat na iyon. Hindi mataas ang mga hinihingi sa gayong mga tao. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)

Tungkol sa mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, napagbahaginan na natin ang ilan sa mga pagpapamalas ng kanilang diwa. Siyempre, may ilang pagpapamalas na hindi natin tinalakay nang detalyado. Kung magsasalita tayo nang mas partikular tungkol sa mga ito, baka hindi ito kayanin ng ilang tao, kaya mas pangkalahatan ang ating naging pagtalakay, at may ilang bagay na hindi na sinabi. Mula saan ka man nagreinkarnasyon, sa huli ay mayroon ka na ngayong pagkakakilanlan ng tao. Dahil mayroon kang pagkakakilanlan ng tao, pinapahalagahan mo ang iyong imahe at ang iyong dignidad, kaya ititira namin ang kaunting dignidad mo—hindi kami magsasalita nang masyadong detalyado tungkol sa aspektong ito. Ang mga napag-usapan na natin, sa pangkalahatan, ay ang kalagayan ng mga bagay—itugma mo ang sarili mo rito. Sabihin nating ang mga pagpapamalas mo ay tumutugma sa mga pagpapamalas ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, at lubos kang nababagabag sa iyong puso—nararamdaman na dahil mayroon kang ganitong uri ng pagkakakilanlan, sa isang banda ay bumaba ang iyong halaga, at sa kabilang banda naman ay nainsulto ang iyong integridad at nahamon ang iyong dignidad. Hindi mo alam kung paano pangangasiwaan ang iyong ugnayan sa Diyos, at bigla mong naramdaman na bumagsak nang husto ang iyong katayuan, na mas mababa ka kaysa sa iba, hindi mo na nararamdaman na may anumang marangal sa iyong sarili, hindi mo na nararamdaman na marangal ang iyong karakter o na mayroon kang marangal na halaga, at bigla mong naramdaman sa iyong puso na wala kang anumang pag-asa o suporta, at na walang katiyakan ang iyong hantungan sa hinaharap. Magaganda bang pagpapamalas ang mga ito? (Hindi.) Kung gayon, hindi ba’t dapat mong ituwid ang sarili mo? (Oo.) Dahil hindi maganda ang mga pagpapamalas na ito at ang ganitong uri ng pag-arok, ano ang dapat gawin? Kailangan nating maghanap ng daan palabas para sa mga taong tulad nito, para gumaan nang kaunti ang pakiramdam nila. Hindi ito tungkol sa pagsuyo sa kanila, ni sa panloloko sa kanila—ito ay tungkol sa pagbibigay-kakayahan sa kanila na tratuhin nang tama ang usaping ito at magsikap na magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya ano ang dapat nilang gawin? Paano dapat arukin ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang usaping ito? Una sa lahat, mula sa perspektiba ng Diyos, mula saan man nagreinkarnasyon ang isang tao, inorden ito ng Diyos—walang magagawa ang mga tao tungkol dito. Sabihin nating isa ka sa mga taong ito. Kung papipiliin ka, pipiliin mo bang magreinkarnasyon bilang isang hayop, o bilang isang tao? (Magreinkarnasyon bilang isang tao.) Bakit iyon ang pipiliin mo? (Dahil kung magreinkarnasyon kami bilang tao, saka lang kami magkakaroon ng pagkakataong marinig ang sinasabi ng Diyos at maunawaan ang Kanyang mga salita.) At kung nagreinkarnasyon ka bilang isang hayop? (Wala kaming pagkakataong marinig ang mga salita ng Diyos.) Nangangahulugan itong hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong marinig ang tinig ng Diyos. Kaya, dahil alam mo na, bilang isang hayop, ang magreinkarnasyon bilang isang tao ay isang mabuting bagay, dapat mong lalong pasalamatan ang Diyos—hindi ka dapat magreklamo tungkol sa Kanya. Dapat mong pasalamatan ang Diyos sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataong maging isang tao—na, higit pa rito, ay isang pagkakataong minsan sa sanlibong taon lang dumarating. Tutal, ang Diyos ay nagkatawang-tao para iligtas ang mga tao, at bagama’t hindi natamo ng karamihan ng mga tao ang biyayang ito ng kaligtasan, natamo mo ito—nagkaroon ka ng magandang kapalaran na marinig ang tinig ng Diyos at marinig ang Diyos na ipahayag ang katotohanan. Ito ang iyong pagpapala. Ito ay isang bagay na, bilang isang nilikha, hindi mo makakamit kahit sa loob ng ilang buhay o maraming kapanahunan, kahit pa magmakaawa ka para dito. Tumpak kang pinili ng Diyos sa kapanahunang ito, pinahintulutan kang magreinkarnasyon bilang isang tao, upang manirahan sa sambahayan ng Diyos at, kasama ng sangkatauhan, gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, na binabago ang iyong pagkakakilanlan mula sa pagiging isang hayop tungo sa pagiging isang miyembro ng sangkatauhan upang magampanan ang tungkulin ng isang tao. Napakalaking karangalan at pribilehiyo nito! Ito ay isang bagay na maaari lamang hilingin ng maraming nilikha ngunit hindi kailanman makakamit—ngunit natamo mo ito at tinatamasa mo ito ngayon. Ang pagkakataong ito ay labis na pambihira; para sa sinumang nilikha, isa itong pagkakataong minsan sa sanlibong taon lang dumarating. Kaya, hindi ka lang dapat masadlak sa pagkasira ng loob at magreklamo, at hindi dapat malungkot o isipin na mas mababa ang iyong katayuan kaysa sa iba, bagkus, sa kabaligtaran, dapat mo talagang maramdamang mapalad ka. Dapat kang magpasalamat sa Diyos—pasalamatan ang Diyos para sa pagkakataong ibinigay Niya sa iyo, pasalamatan Siya para sa Kanyang pagtataas sa iyo, dahil napakadakila ng Kanyang ginawa: Ang Kanyang ginawa ay tunay na biyaya at habag sa mga nilikha. Pagkatapos tanggapin ang biyayang ito mula sa Diyos, dapat kang magpasalamat na binago Niya ang iyong pagkakakilanlan at ang iyong uri. Ngunit hindi mo Siya puwedeng pasalamatan lang at tapos na iyon—bukod sa pagpapasalamat sa Kanya, kailangan mo ring isipin kung paano sasamantalahin ang pagkakataong ito. Anuman ang iyong orihinal na pagkakakilanlan, ngayong kaya mo nang gampanan ang iyong tungkulin bilang isang tao, isa itong magandang pagkakataon para baguhin ang iyong pagkakakilanlan at baguhin ang iyong uri bilang isang nilikha. Kaya paano mo magagawa ang pagbabagong ito? Ang unang mahalagang punto ay gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung, dahil sa iba’t ibang limitasyon ng iyong mga likas na kondisyon, kaya mo lang magpakapagod at gumawa ng pisikal na trabaho, ng marurumi at nakakapagod na gawain, at, batay sa iyong pagkakakilanlan at halaga, ang tungkuling ginagampanan mo ay maaari lamang manatili sa loob ng saklaw na ito, na walang posibilidad ng kaluwagan o pagbuti, kung gayon ay ano ang dapat mong gawin? Aling prinsipyo ang dapat mong sundin? Kung, anuman ang mga pagpapamalas na tinitingnan natin, maging ito man ay ang iyong talino, karakter, o mga likas na kondisyon, ang iyong halaga sa gitna ng mga tao ay palaging magiging ganito—palagi kang magiging isang walang-halaga, hangal, magulo ang isip, manhid, at mapurol ang isip na tao na may baluktot na pag-arok, at hindi kailanman tataas ang iyong halaga—kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Napakahalaga nito. Ipagpalagay nating hindi kailanman tataas ang iyong halaga, at hindi ka kailanman magkakaroon ng anumang dignidad sa gitna ng mga tao. Sa mga mata ng Diyos, habambuhay nang hindi mababago ang iyong kalagayan—iyan ka lang talaga. Ang iyong uri ay maaaring may mga halatang katangian sa panlabas, at hindi ka kailanman magbabago mula sa isang hayop para maging isang tunay na tao. Wala kang pag-asang makamit ang kaligtasan, dahil hindi mo kayang maunawaan ang katotohanan, at wala ka man lang taglay na talino ng tao. Hindi mo nauunawaan ang mga katotohanan ng mga pangitain, at sa sambahayan ng Diyos, hindi ka marunong mangaral ng ebanghelyo, kinakapos ka at hindi ka umaabot sa pamantayan ng anumang uri ng tungkulin na may kinalaman sa mga propesyonal na kasanayan—palagi kang mananatili sa paggawa ng marurumi at mga nakakapagod na trabaho, at wala kang paraan para baguhin ang iyong sitwasyon. Ipagpalagay na ganoon ka, ano ang gagawin mo? Titigil ka ba sa pananampalataya sa Diyos? Susuko ka na ba sa iyong sarili? May ilang tao pa nga bang kikitil ng sarili nilang buhay? Sasabihin ba nila, “Ayaw ko nang mabuhay. Wala na rin naman akong malalabasan—ano pa ang saysay ng mabuhay nang ganito?” Kung gaano man karaming pagsisikap ang ibuhos mo, gaano ka man kasipag, gaano ka man magsumikap, o gaano man kalaking halaga ang ibayad mo, ay hindi kailanman magbabago ang iyong halaga, at sa sambahayan ng Diyos ay palagi ka lang magiging isang taong nagpapakapagod at nagpapawis, isang hamak na taong walang dignidad na minamaliit ng lahat, kung gayon, pagdating sa kung paano mo tratuhin ang iyong tungkulin, ang atas ng Diyos, at ang iba’t ibang hinihingi ng Lumikha, anong paraan ng pagsasagawa ang dapat mong piliin? Ito ang pinakamahalaga. Sa prinsipyo at sa teorya, nakatakda na ang iyong halaga at pagkakakilanlan, ngunit sa katunayan, sa ngayon, sa gitna ng mga tao at sa mga mata ng Diyos, ang tunay mong pagkakakilanlan ay pagkakakilanlan ng isang tao. Bakit Ko sinasabing ito ay pagkakakilanlan ng isang tao? Dahil ang tungkuling kaya mong gampanan, ang iyong mga pang-araw-araw na pagbubunyag, at ang iba’t ibang likas na abilidad ng iyong mga likas na kondisyon ay saklaw ng pangunahing sakop ng kung ano ang normal para sa isang tao—taglay mo ang mga pangunahing kondisyong ito ng pagiging isang tao. Batay lang sa puntong ito, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Hindi nauunawaan ng mga hayop ang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila alam kung paano gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, kung paano paninindigan ang kanilang tungkulin, o kung paano gampanan ang kanilang tungkulin nang deboto at magpursigi sa pagseserbisyo hanggang sa wakas—hindi nauunawaan ng mga hayop ang mga bagay na ito. Ngunit ngayon, bilang isang tao, nauunawaan mo, alam mo, kaya dapat mong makamit ang mga bagay na ito. Dahil kaya mong makamit ang mga bagay na ito, gagawa ang Diyos ng mga hinihingi sa iyo batay sa prinsipyong ito. Gayumpaman, kung, dahil hindi ka nasisiyahan sa iyong pagkakakilanlan at pakiramdam mo ay hindi patas ang Diyos, nasisiraan ka ng loob, at nagrereklamo ka tungkol sa Kanya, nararamdaman mong kahiya-hiya at walang dignidad ang iyong buhay, at pagkatapos ay isinusuko mo na ang paggampan sa iyong tungkulin, tumatangging gawin kahit ang kaya mong gawin—kung gayon, ikaw ay lubos na mapaghimagsik. Sa mga mata ng Diyos, hindi ka pasok sa pamantayan bilang isang nilikha; isa kang kakaibang nilalang. Kaya ano ang dapat mong gawin? Marangal man o hamak ang iyong halaga, at anuman ang iyong pinagmulan o anuman ang mga problema sa iyong mga likas na kondisyon, sa madaling salita, anuman ang kaya mong gawin, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para gawin ito, at gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para gawin ito nang maayos. Kung kahit pa nagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya, kinakapos ka pa rin sa mga katotohanang prinsipyo, mayroong pinakamababang pamantayan ang Diyos na hinihingi sa lahat ng uri ng tao: Hangga’t ibinibigay mo ang lahat-lahat mo, ipinapakita mo ang iyong sinseridad, at iniaalay mo ang iyong katapatan, magiging pasok ka sa pamantayan. Hindi hinihingi ng Diyos sa bawat tao na makamit ang isandaang porsiyento—sapat na ang animnapung porsiyento. Ano ang nais ng Diyos? Ang nais ng Diyos ay isang saloobin—kung ang iyong saloobin ay ang naisin na gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, na gawin nang maayos ang mga bagay na dapat mong gawin at dapat makamit, nang walang mga pagsisisi, kung gayon ang saloobing ito ay tinatanggap ng Diyos. Sasang-ayunan ng Diyos ang saloobing ito, at poprotektahan ka nito upang marating mo ang dulo ng landas. Sinasabi ng ilang tao, “Ano ang mangyayari kapag narating ko na ang dulo ng landas?” Hindi Ko ito sasabihin sa iyo ngayon—sasabihin Ko ito sa iyo kalaunan. Kapag narating mo na ang dulo ng landas, malalaman mo. Sa madaling salita, ang pinakamahalaga sa ngayon ay kung paano mo tinatrato ang usaping ito, kung paano mo tinatrato ang tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos, at kung paano mo tinutupad ang tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos. Anuman ang tungkuling ito, hangga’t ito ay isang bagay na itinalaga sa iyo ng sambahayan ng Diyos, dapat mong ibigay ang lahat-lahat mo para gawin ito. Kapag nakikilala mo ang sarili mong mga problema, dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para huwag magsabi ng mga baluktot na argumento, huwag gumawa ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos, at huwag magsalita ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos; sa halip, dapat kang gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao at sa sambahayan ng Diyos, at magsalita ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga tao at sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi ng ilan sa inyo, “Hindi ko pa rin ito kaya sa ngayon.” Kung gayon, huwag kang magmadali—huwag kang mainip. Kung hindi mo ito magawa ngayon, gawin mo ito bukas. Kung hindi mo ito magawa ngayong taon, subukan mong gawin ito sa susunod na taon. Huwag kang magmadali. Ngunit kung sa oras na maanunsyo na ang mga kalalabasan ng mga tao ay hindi mo pa rin ito nakamit, kung gayon ay kakailanganin mo na lang pasanin ang mga kahihinatnan nang mag-isa. Walang sinumang mananagot para sa iyong mga pag-uugali. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Ang usaping ito ay dapat na madaling lutasin—nakasalalay ang lahat sa pagkamakatwiran ng isang tao at kung kaya niyang maunawaan ang mga salitang ito. Kung kaya mong maunawaan ang mga ito, magiging lubhang madaling lutasin ang mga bagay na ito. Kahit na sabihin ng iilang indibidwal na medyo mahirap ito, hangga’t nagsusumikap sila sa direksyong ito, sa huli ay magkakaroon sila ng ilang resulta. Kung hindi ka lalakad sa landas na ito, marahil ay mananatili ka pa ring buhay, ngunit para naman sa kung anong kalalabasan ang naghihintay sa iyo sa huli—mahirap sabihin iyan; walang sinumang makakagarantiya nito, at walang sinumang magbibigay sa iyo ng anumang katiyakan tungkol dito.

Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos marinig ang paksa ngayon? Marahil ay lubhang mabigat ang loob ninyo, hindi ba? Isa ito sa mga paksang pinakaayaw harapin ng mga tao mula nang manampalataya sila sa Diyos, hindi ba? Hindi ba’t mas mabigat sa loob at mas mahirap pa itong tanggapin kaysa sa paksa ng pagiging isang tagapagserbisyo? Mahirap ba itong tanggapin? Ang totoo ay kaya ninyong tanggapin, tama ba? (Oo.) Kung nakatitiyak ang mga tao tungkol sa pagkakakilanlan ng Diyos at natagpuan na nila ang sarili nilang lugar, kung gayon ang mga salitang ito at ang ganitong uri ng isyu ay hindi dapat maging masyadong mahirap para sa mga tao—iilang indibidwal lang ang maaaring medyo mahirapan sa mga ito. Ngunit karamihan sa mga tao, pagkatapos marinig ito, ay malamang na hindi na magpapatuloy sa pag-uusisa kung ano ba talaga ang kanilang halaga at pagkakakilanlan. Kahit na talagang tumutugma sila sa ilan sa mga pagpapamalas ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, magagawa nilang tratuhin ito nang tama, at pagkaraan ng ilang panahon, magiging maayos na ang pakiramdam nila, tama ba? (Oo.) Kaya, hanggang dito na lang ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!

Enero 20, 2024