Paano Hangarin ang Katotohanan (12) Ikatlong Bahagi

II. Ang Ikalawang Katangian: Pagkamanhid

Ang isa pang pagpapamalas ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay na partikular silang manhid sa harap ng maraming tao, pangyayari, at bagay. Bukod sa tinitingnan nila ang mga bagay-bagay sa isang makitid at baluktot na paraan, hindi rin nila kayang matanto kahit kaunti kung ano ang kalikasan, diwa, o ugat na sanhi ng anumang bagay na lumilitaw, kung anong impluwensiya ang maaaring idulot nito, o kung anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot nito. Hindi pa rin nila kayang matanto ang mga bagay na ito at nananatili silang walang alam tungkol sa mga ito, kahit na may ilang tao nang nagsabi o gumawa ng ilang bagay, o nagbunyag ng ilang palatandaan at indikasyon—para silang mga hangal. Sa oras na matanto na nila ang mga ito, tapos na ang usapin, at lumitaw na ang mga kahihinatnan. Kahit pagkatapos marinig ang napakaraming katotohanan, hindi nila alam at hindi nila madama kung anong uri ng mga tao ang nasa paligid nila, kung ano ang diwa ng mga ito, o kung ano ang kayang gawin ng mga ito. May ilang tao na nagsasabi ng mga bagay na malinaw na problematiko, gayumpaman ay hindi nila madama ito. Halimbawa, kapag ang ilang tao ay nagmamayabang, nagsasalita nang hambog, nagpapakitang-gilas, at nagpapangalandakan ng kanilang sarili, ito ay malinaw na pagbubunyag ng isang mapagmataas na disposisyon, gayumpaman ay hindi kayang matanto ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang problema. Sa halip, iniisip nila na ang mga taong ito ay may kakayahan, hinahangaan at tinitingala nila ang mga ito, at gusto pa ngang sundan ang gayong mga tao pagkatapos. Ipinapakita nito na manhid sila. Ang malinaw na masasamang tao at masasamang gawa, malinaw na pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, ang direksyon kung saan malinaw na patungo ang mga bagay-bagay—hindi kayang matanto ng gayong mga tao ang anuman sa mga ito. Hindi nila alam kung ano ang diwa ng usapin, o kung ano ang ugat ng problema; hindi nila madama ito kahit kaunti, wala man lang silang kamalayan. Sila ang madalas nating tawaging mga bangkay na walang espiritu. Ang ganitong uri ng tao ay mas lalo pang nagkukulang pagdating sa mga usaping may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Sinasabi mo sa kanila kung batay sa aling prinsipyo sila dapat magsagawa, ngunit hindi nila nauunawaan; sinasaulo lang nila ang mga regulasyon na dapat nilang sundin. Hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyong ibinabahagi mo, hindi nila maabot ang mga iyon. Tinutukoy mo ang isang partikular na kalagayan sa kanila, na isang pagpapamalas ng kanilang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, ngunit iniisip nila na tungkol sa ibang tao ang sinasabi mo. Kahit pasalitang umamin sila na mayroon din silang ganitong uri ng tiwaling disposisyon, hindi nila kinikilala kung aling mga salita ang kanilang sinabi o aling mga kilos ang kanilang ginawa na tumutugma sa kalagayan o pagpapamalas na ito. Hindi nila nauunawaan at hindi nila alam kung ano ang sinasabi mo. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa mga pagtitipon, habang ang iba ay lumipat na sa susunod na paksa, ibinabalik pa rin nila ang talakayan sa naunang paksa. Hindi ba’t ito ay pagiging mapurol at manhid? Kapag nagsasalita ang iba, hindi sila makasabay—hindi dahil sa hindi makasabay ang pag-iisip nila, kundi dahil hindi sapat at kulang ang kakayahan nila. Kapag sinusubukan ng ilang masamang tao na linlangin sila, paglaruan sila, o pahirapan sila, hindi nila madama ito, kundi sa halip ay itinuturing nila ang masasamang tao bilang mga kapatid at nakakasundo ang mga ito nang malapit, at pagkatapos lang mapinsala ng mga ito ay saka nila napagtatanto na naloko sila. Pagkatapos ay iniisip nila, “Napakatanga ko! Hindi ko alam kung paano husgahan ang mga tao, hindi ko alam kung paano kilatisin ang mga tao! Sa pagkakataong ito, natuto talaga ako ng aral—mula ngayon, hindi na ako magtitiwala sa sinuman, sarili ko lang ang pagtitiwalaan ko. Iyon ang pinakamataas na karunungan!” Pagkatapos malinlang nang isang beses, naniniwala silang nagkaroon sila ng kabatiran at iniisip pa ngang mas matalino na sila ngayon, lumilipat mula sa isang sukdulan patungo sa isa pa. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay manhid sa bawat usapin. Halimbawa, may isang taong namamahala sa pag-aalaga ng hayop at pagtatanim. Isang araw ay bumaba ang temperatura, at sinabi Ko sa kanya, “Ngayong gabi ay magiging minus five degrees. Hindi ba’t dapat asikasuhin ang mga halaman at hayop na hindi makatiis sa lamig?” Pagkarinig dito, tumugon siya, “Mayroon akong dyaket na may palaman, at natutulog ako sa gabi nang may makapal na kubrekama at kumot, kaya hindi ako lalamigin.” Naunawaan ba niya ang ibig Kong sabihin? Batay sa tugon na ito, malinaw na hindi. Hindi ba’t ito ay pagiging manhid? (Oo.) Kung sinabi Ko sana, “Ngayong gabi ay magiging minus five degrees. Kung ang mga bulaklak ay nasa bakuran, mamamatay ang mga ito sa lamig. Ang mga hayop na sensitibo sa lamig at ang mahihina ay dapat panatilihin sa mga kamalig. Dapat kang maglagay ng dagdag na kurtina sa pinto at takpan ang anumang puwang na pinapasukan ng hangin sa mga kamalig.” Pagkarinig dito, nagbulay-bulay sana siya nang sandali at inisip, “Ay, tungkol pala sa mga hayop at halaman ang sinasabi Mo. Kung gayon, hindi ba’t ayos lang na ilipat ang mga bulaklak sa loob ng bahay? Napakaraming hayop, at hindi Mo sinabi kung alin ang sensitibo sa lamig at alin ang hindi, kung alin ang dapat dalhin sa loob at alin ang hindi.” Totoo nga, hindi Ko tinukoy—pero hindi mo ba kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo? Hindi mo man lang napagtatanto na ang mga bulaklak na naiwan sa labas sa taglamig ay maaaring mamatay sa lamig, at kung hindi Ko iatas sa iyo na gawin ang mga bagay na ito, hindi mo gagawin ang mga ito—anong uri ng problema ito? Hindi ba’t ito ay pagiging manhid? (Oo.) Ipinapakita nito na manhid siya. Halimbawa, maaraw sa labas at nakasampay ang mga damit sa labas sa bakuran para matuyo, at may nagsasabing, “Mukhang uulan sa hapon. Mababasa ba ang mga damit na nakasampay sa labas?”—ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig ng isang paalala. Ang isang taong may normal na pag-iisip ng tao ay maririnig ito at magbubulay-bulay, “Dapat akong magbigay-pansin—kapag nagiging maulap ang langit, agad kong ipapasok ang mga damit.” Pero ang mga hindi nagtataglay ng pag-iisip ng normal na pagkatao ay hindi ito mamamalayan. Kapag sinabi mong uulan sa hapon, maririnig nila ito at iisipin, “Ano ang saysay ng pagsasabi niyan? Wala itong kinalaman sa akin. Nasa loob ako, kaya hindi ako mababasa kung uulan. Bukod pa rito, ano ang magagawa ko sa pag-ulan? Walang silbi ang pagsasabi mo nito sa akin!” Sadyang hindi nila napagtatanto kung bakit sinasabi ito sa kanila o kung bakit binabanggit ang usaping ito. Kaya paano mo sila dapat kausapin para aktuwal nilang maunawaan? Kailangan mong sabihin sa kanila, “Uulan sa hapon sa ganito at ganoong oras. Bago umulan, kapag nakita mong nagiging maulap ang langit, agad na ipasok ang mga damit. Kung hindi mo gagawin iyon, mababasa ang mga ito at kailangang muling labhan. Dagdag pa rito, kapag kinukuha ang mga damit, tingnan mo kung mayroon pang ibang bagay sa bakuran na hindi dapat mabasa o malantad sa ulan, at isilong mo rin ang mga iyon.” Dapat mo silang tagubilinan nang ganito. Kung hindi mo sila tatagubilinan sa ganitong paraan, hindi nila mapagtatanto na kailangan nilang ipasok ang mga damit, ni hindi nila mapagtatanto na kailangan nilang isilong ang anumang iba pang bagay na hindi dapat maulanan. Hindi nila gagawin ang mga bagay na ito. Bakit? Dahil masyado silang manhid, hindi sila nagtataglay ng pag-iisip ng normal na pagkatao, at hindi nila natutugunan ang pamantayan ng normal na pagkatao. Ibig sabihin, ang katalinuhan at kakayahan nila ay hindi umaabot sa pamantayan ng normal na pagkatao. Ganito ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kapag inuutusan ang gayong tao na gumawa ng isang bagay, kahit na tinagubilinan Ko na siya nang maraming beses, at nagawa na niya ito nang maraming beses noon, kailangan Ko pa rin siyang tagubilinan muli. Kung hindi Ko sila tatagubilinan, hindi nila mapagtatanto kung ano ang kailangang gawin, ni hindi nila magagawa ito. Kaya sa bawat pagkakataong nakakaharap sila ng ganitong uri ng gampanin, kailangan mong sabihin sa kanila nang eksakto kung ano ang kailangang gawin at kung paano ito gagawin, tinatagubilinan sila sa bawat hakbang sa proseso. Kung kakalimutan mo ang kahit isang bagay, hindi nila gagawin ang bagay na iyon, o posibleng mapapalpak pa nga nila ang buong gawain. At kung tukuyin mo naman ang mga problema nila, tutugon sila nang may sandamakmak na mga baluktot na argumento at magsisimulang maging sutil na walang katwiran muli. Ito ay isang pagpapamalas ng pagiging manhid.

Ang katangiang ito ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop, ang kanilang pagkamanhid, ay napakalinaw. Halimbawa, mula sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, nauunawaan nila sa usapin ng doktrina kung paano kilatisin kung gumagawa ba ng aktuwal na gawain ang isang lider ng iglesia, kung isa ba siyang lider na pasok sa pamantayan, o kung isa siyang huwad na lider o isang anticristo. Gayumpaman, pagdating sa pagkilatis kung sa aling kategorya nabibilang ang sarili nilang lider ng iglesia, kahit na nasasaksihan nila ang ilang partikular na pagpapamalas na ipinapakita ng lider ng iglesia, hindi nila alam kung paano kilatisin ang mga iyon. Kung tatanungin mo sila, “Gumagawa ba ng aktuwal na gawain ang lider ng iglesia ninyo?” sasabihin nila, “Nakikita ko siyang abala araw-araw sa mga pagtitipon at nagkukumahog sa pag-oorganisa ng mga bagay-bagay, nagpapamahagi ng mga aklat sa mga kapatid, at nagsusubaybay sa gawain ng ebanghelyo.” Pagkatapos ay itatanong mo, “Kung gayon, gaano kahusay ang paggawa niya sa kanyang gawain? Isa ba siyang taong naghahangad sa katotohanan?” Sasagot sila, “Tinalikuran na niya ang kanyang karera at pamilya. Kahit noong dumalaw ang mga magulang niya, masyado siyang abala sa pagganap ng kanyang tungkulin para makipagkita sa kanila. Tiyak na isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, hindi ba?” Tinitingnan lang nila ang mga panlabas na pagpapamalas na ito ng lider ng iglesia; pero gaano man karaming kasamaan ang lihim na ginagawa ng lider, kahit na nakikita nila ito, hindi nila ito natutukoy bilang isang problema, hindi nila alam na isa itong problema. Gaano man karami sa mga bagay na ito ang mangyari sa harap nila, para bang wala silang nakitang anuman kailanman, na para bang hindi sila namumuhay kasama ng mga tao kundi sa isang ganap na ibang mundo. Hindi ba’t sukdulang manhid ang gayong mga tao? (Oo.) Ito ay pagiging manhid. Kapag nakakaharap sila ng isang taong may gawain ng masasamang espiritu, na palaging nagbibigay-pansin sa mahihiwagang bagay at palaging nagsasalita tungkol sa mga bagay na nararamdaman niya, palaging nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “May narinig akong isang tinig, binigyang-liwanag ako ng Diyos, tinanglawan ako ng Diyos, ginabayan ako ng Diyos, may inihayag na namang isang bagay sa akin ang Diyos sa loob ko,” iniisip ng mga taong manhid, “Tunay siyang nagmamahal sa Diyos. Nakatanggap siya ng mga paghahayag—bakit ako hindi?” Hindi lang talaga nila natatanto na ito ang gawain ng masasamang espiritu. Kapag isang araw ay biglang nabaliw ang taong iyon, gumawa ng malaking eksena sa harap ng lahat, nagpagulong-gulong sa lupa, at tumakbong hubad sa mga lansangan, saka lang nila nakikita na isa pala itong masamang espiritu. Sa katunayan, bago nabaliw ang taong iyon, marami nang mga pahiwatig, at sapat na sana ang mga pagpapamalas na ito para ilarawan siya bilang may gawain ng masasamang espiritu at para matugunan siya kaagad sa pamamagitan ng pagpapaalis sa kanya. Pero manhid sila, hindi nila matanto ang mga bagay na ito, at hindi natatanto kung anong mga kahihinatnan ang maaaring idulot ng pag-iiwan sa gayong tao sa iglesia—hindi ba’t malamang na magdulot ito ng mga sakuna? Umaabot pa nga sa punto na nananakit na ng mga tao ang ilang masamang espiritu at masamang demonyo, pero hindi pa rin sila matanto ng mga taong manhid kung ano talaga sila. Naniniwala pa nga sila na tunay na minamahal ng gayong mga indibidwal ang Diyos at na punong-puno ang mga ito ng sigasig, madalas na nagpupuyat sa gabi para magbasa ng mga salita ng Diyos at mag-aral ng mga himno, hindi kumakain o natutulog nang ilang araw pero hindi pa rin nakakaramdam ng pagod. Kahit na malinaw na hindi ito normal, sinasabi nilang pagmamahal ito sa Diyos. Hindi ba’t masyado silang manhid? Ang mga taong manhid, sa isang banda, ay hindi nakakakilatis ng mga bagay-bagay; hindi nila kayang tumingin nang lampas sa panlabas na anyo para makita ang diwa ng mga isyu. Kaya naman, napakahirap para sa kanila na tumpak na ilarawan ang anumang isyu. Dagdag pa rito, ang mga taong manhid ay walang mga normal na paraan ng pag-iisip o walang kakayahang tumukoy ng mga bagay-bagay, kaya nananatili silang walang anumang kamalayan sa maraming bagay na nangyayari sa paligid nila. Ang mga taong tulad nito ay maaaring manirahan sa isang lugar sa loob ng ilang taon, pero kapag tinanong, “Kumusta ang klima roon? Ano ang katangian ng bawat panahon? Maginhawa bang manirahan doon?” ay hindi sila makasagot. Sinasabi nila, “Ano ang tungkol sa klima? Hindi ko alam. Basta, namumulaklak ang mga bulaklak sa Abril, naninilaw ang mga dahon at nagsisimulang malaglag bandang Setyembre o Oktubre, at kapag dumarating ang taglamig, panahon na para sa niyebe.” Kapag tinanong, “Kumusta ang mga lokal na kaugalian? Kumusta ang sistemang panlipunan? Mayroon bang diskriminasyon sa lahi? Paano ang mga patakaran ng pamahalaan? Paano nila tinatrato ang mga tao mula sa ibang lugar?” sila ay walang kaalam-alam, natutulala, at walang anumang masabi. Kahit na pagdating sa pinakamahalagang usapin—ang saloobin ng pamahalaan sa relihiyosong pananampalataya—wala silang masabi, sumasagot lang ng, “Aba, naninirahan kami roon at hindi naman kami kailanman ginugulo ng pamahalaan.” Para silang mga manikang kahoy, walang anumang kamalayan sa anuman—ito ay sukdulang pagkamanhid. Mayroon ding ilang tao na nagsasabing masyado silang abala sa pagganap ng kanilang tungkulin at walang oras para asikasuhin ang mga bagay na ito—hindi ba’t isa lang itong palusot? (Oo.) Malinaw na isa itong dahilan. Nangangailangan ba ng sadyang atensyon at pagtatala ang gayon kasimpleng mga bagay? Hindi. Kung taglay mo ang pag-iisip ng normal na pagkatao, pagkatapos manirahan sa isang lugar nang mahigit sa tatlong taon, sa pangkalahatan ay dapat mayroon ka nang pagkaunawa sa lokal na klima, mga kaugalian, mga gawi sa pamumuhay, sitwasyon hinggil sa paniniwalang panrelihiyon, at mga polisiya ng pamahalaan at mga saloobin nito sa mga tao mula sa ibang mga lugar. Hindi mo na kakailanganing espesyal na alamin, tuklasin, o tipunin ang impormasyong ito—malalaman mo na lang ito. Sinumang may pag-iisip ng normal na pagkatao ay kayang maunawaan ang mga bagay na ito nang napakanatural. Kung ni hindi mo kayang maarok ang mga isyung kayang maunawaan at makita nang malinaw ng mga normal na tao, ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na hindi mo taglay ang pag-iisip o pagkamakatwiran ng normal na pagkatao at na hindi ka pasok sa pamantayan ng normal na pagkatao. Ang pangunahing dahilan kung bakit hindi pasok sa pamantayan ng normal na pagkatao ang ganitong uri ng tao ay dahil hindi sila nagreinkarnasyon mula sa mga tao kundi mula sa mga hayop. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kung napakalinaw ng katangian ng pagkamanhid ng isang tao, marami itong sinasabi tungkol sa problema.

Ano ang naunawaan ninyo mula sa ating pagbabahaginan ngayon lang tungkol sa mga katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop? Napansin ba ninyo ang isang katunayan—na ang parehong baluktot na pag-arok at pagkamanhid, ang dalawang katangiang ito, ay napakalinaw sa kategoryang ito ng mga tao? (Oo.) Bakit mayroong dalawang pagpapamalas na ito ang mga taong ito? Ano ang kulang sa kanilang pagkatao? (Normal na pag-iisip.) Medyo angkop iyan—hindi sila nagtataglay ng talino ng tao. Sa panlabas, tila mahina ang kakayahan ng mga taong ito—gaano nga ba ito kahina? Sila ay parehong malamang na mabaluktot at manhid; pagdating sa ilang isyu na madalas kaharapin at kayang harapin at lutasin nang mag-isa ng mga taong may normal na pagkatao, nagkukulang sila at hindi nila kayang lutasin ang mga ito, nagmumukhang napaka-isip-bata, katawa-tawa, at wala sa hustong gulang. Ang mas malala, ang ilan sa mga taong ito ay walang kakayahang manatiling buhay nang mag-isa—hindi nila kayang suportahan ang kanilang sarili, at lumabas man sila para magtrabaho o pumasok sa anumang uri ng trabaho, wala silang kakayahan. Saan man sila magpunta, ayaw sa kanila o tinatanggal sila ng mga tagapag-empleyo. Dagdag pa rito, ang pangunahing bagay ay na kapag nahaharap sa iba’t ibang isyu sa saklaw ng sarili nilang buhay, tulad ng mga karaniwang isyu sa buhay at maging ng ilang maliit na bagay, hindi nila kayang harapin nang maayos ang mga ito. Kaya pa nga nilang guluhin ang isang napakasimpleng isyu; palagi lang silang pikit-matang naglalapat ng mga regulasyon. Ang mga pamamaraan at diskarte na ginagamit nila sa pagharap sa mga bagay-bagay ay labis na tunggak at malamya; hindi nila taglay ang mga metodo at paraan na gagamitin ng isang taong nasa hustong gulang para harapin ang mga bagay-bagay sa mundo. Dahil dito, napakalinaw na hindi sila nagtataglay ng talino ng tao. Halimbawa, ang isang ganoong tao ay nagkakasakit at palaging masama ang pakiramdam. Naghanap siya ng ilang impormasyon, at nabasa niya na maaaring isa itong malubhang karamdaman o malalang sakit; natakot siya nang husto, at nagmamadaling pumunta sa ospital para magpasuri. Sinasabi ng doktor, “Napakalubha ng sakit na ito. Napakataas ng bilang ng mga namamatay rito. Kung hindi magagamot, lalala ito at hahantong sa kamatayan. Ang operasyon ang tanging paraan para magamot ito. Kung hindi ka magpapaopera, tatlong buwan na lang ang itatagal ng buhay mo.” Nang marinig ito, natakot siya nang husto at hindi alam ang gagawin. Nang hindi sumasailalim sa mga karagdagang pagsusuri para kumpirmahin ang diyagnosis, nakinig na lang siya sa doktor at nagpasiyang magpaopera. Bago ang operasyon, ni hindi man lang siya nagtanong kung anong mga pag-iingat ang kailangang gawin, kung magkakaroon ba ng mga epekto pagkatapos ng operasyon—ni hindi man lang niya alam na itanong ang mga tanong na ito, at basta na lang natakot sa doktor kaya masunuring humiga sa operating table. Sa huli, pagkatapos ng operasyon, nakakaramdam siya ng hirap dito at hirap doon, at kahit ang pag-inom ng gamot ay hindi nakakatulong. Kalaunan, narinig niya mula sa iba na hindi naman kailangan ng operasyon para sa sakit na ito, na hindi naman talaga ito isang malubhang karamdaman, at na sa pamamagitan ng ehersisyo at pag-inom ng ilang karaniwang gamot, unti-unti itong bubuti at hindi lalala o lulubha. Ang mga doktor, para kumita ng pera, ay gumagawa minsan ng mga nakakaalarmang pahayag para takutin ang mga tao, at ang taong manhid ay walang sariling mga ideya at hindi kayang gumawa ng mga paghusga; nang marinig ang sinabi ng doktor, natakot siya nang husto, at kapag sinabi ng doktor na sumailalim siya sa operasyon, ginagawa niya ito. Kapag nangyayari sa kanya ang gayong mga bagay, kung mayroong isang tao sa paligid na may sariling mga ideya at matatag ang isipan, at may talino para tulungan siyang suriin ang mga bagay-bagay, maiiwasan niyang maligaw ng landas at medyo mababawasan ang kanyang pagdurusa. Pero kung hahayaan siyang harapin ang gayong mga bagay nang mag-isa, lalo na ang malalaking bagay, maaari siyang lumihis sa isang daan o sa iba pa, maaari siyang maloko o mapahamak; palagi siyang gumagawa ng mga sukdulang hakbang. Sadyang hindi niya kayang sukatin nang komprehensibo ang mga bagay-bagay batay sa mga prinsipyo o sa mga karaniwang ginagamit na paraan at metodo sa pagharap sa gayong mga bagay at pagkatapos ay hanapin ang pinakamakatwiran at rasyonal na paraan para harapin ang mga ito. Kahit sino ay kaya siyang dayain, paglaruan, impluwensiyahan, at ilihis. Nagtatanong ang ilang tao, “Wala bang sariling mga kaisipan o opinyon ang mga taong ito?” Sa katunayan, hindi sa wala silang sariling mga kaisipan o opinyon—nakikita mo, kapag gumagawa sila ng masasamang gawa at naglilitanya ng mga walang-katotohanang argumento, tiyak na may sarili silang opinyon. Kahit sino pa ang magsabi ng mga tamang bagay, hindi sila nakikinig, at kahit na may magsabi ng mga bagay na tama, sila ay tumututol at nagpapatuloy lang sa kanilang mga walang-katotohan at baluktot na argumento. Ngunit pagdating sa aktuwal na pangangailangang gumamit ng normal na katwiran at normal na pag-iisip para harapin at tamang asikasuhin at pangasiwaan ang mga bagay na lumilitaw sa pang-araw-araw na buhay, hindi nila alam kung anong pamamaraan o proseso ang gagamitin para harapin ang mga ito, hindi alam kung paano aasikasuhin ang mga ito, walang mga paraan o metodo, at walang sariling mga kaisipan o opinyon. Sa huli, maaari lang silang manipulahin ng iba—ginagawa nila anuman ang sabihin ng iba na gawin nila. Ang kawalan ng talino ng normal na pagkatao ay isang katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Kaya, bakit kaya nilang magpatuloy sa kanilang mga walang-katotohanan at baluktot na argumento, at kaya pa nga nilang sabihin ang mga ito nang malakas at ikalat sa lahat ng dako? Pinapatunayan nito na sa usapin ng kanilang talino, wala silang kakayahang kilatisin kung ano ang katotohanan at kung ano ang walang-katotohanang pangangatwiran, kung ano ang umaayon sa normal na pagkamakatwiran at kung ano ang hindi—hindi nila kayang pag-ibahin ang mga bagay na ito; samakatwid, kapag nagbabahagi ka ng pangangatwiran na tama, hindi nila ito matanggap at hindi nila ito nauunawaan. Nagpapatuloy lang sila sa sarili nilang baluktot at pilipit na pangangatwiran, at naniniwalang tama ito. Anuman ang pamamaraang gamitin ng sinuman para kausapin sila, gaano man kaganda o kapuno ng karunungan ang paraan ng pagsasalita ng mga ito, hindi ito kayang tanggapin at hindi ito nauunawaan ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop—wala na silang pag-asa. Ipinapakita nito na wala silang talino ng normal na pagkatao. Kahit para sa pinakanormal na bagay sa pang-araw-araw na buhay, kapag nangangatwiran ka sa kanila, hindi ito tumatalab—nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang pilipit na pangangatwiran. Kapag nakikita ito ng mga tao, iniisip nila, “Bakit labis na kakaiba ang taong ito? Bakit hindi siya tinatablan ng katwiran? Para siyang isang taong may sakit sa isip at isang taong wala pa sa hustong gulang—bakit palagi siyang nagsasalita na parang isang bata?” Pero hindi na siya bata—kapag singkuwenta o sisenta anyos na siya, ganito siya, at kapag umabot siya ng otsenta, ganito pa rin siya. Sa buong buhay niya, isa siyang taong may kakulangan sa talino; sa buong buhay niya, hindi siya nagtataglay ng normal na pag-iisip ng tao o ng normal na talino ng tao. Isa itong katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Malinaw ba ang katangiang ito? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating may isang hangal na babae na medyo may hitsura, at pagkatapos akitin ng isang buhong, nagsama na sila sa bahay. Ang buhong na iyon ay palaging nasa labas at nakikipaglandian, pero nang malaman niya, hindi siya nagalit—ano’t anuman, ayos lang sa kanya basta’t mabuti ang pakikitungo nito sa kanya. Kalaunan, ang buhong ay nakipagrelasyon sa iba, pero nang malaman niya, wala siyang pakialam at nanatili pa ring kasama ng buhong nang may di-natitinag na debosyon. Sinabi pa niya, “Basta’t hindi niya ako inaabandona, ayos lang ako.” Pinayuhan siya ng isang tao, sinasabi na, “Nagpakababa na siya nang husto—dapat ay hiwalayan mo na siya.” Sabi niya, “Hindi, hindi ko kayang mawala siya. Mahal niya ako at gusto ko siya!” Karapat-dapat lang sa gayong tao na manatili kasama ang buhong na ito at magdusa habambuhay—hindi lang talaga niya kayang kilatisin kung ano ang isang mabuting tao o kung ano ang isang disenteng tao. Nakipagrelasyon siya sa isang buhong at iniisip pa na tunay siyang minamahal nito. Sinasabihan siya ng buhong ng ilang matamis na salita at binibilhan siya ng masasarap na pagkain, at nang ganoon-ganoon lang, nakuha na siya nito sa matatamis na salita. Pinaglalaruan siya nito na parang naglalaro ng luwad. Kapag nambababae ito sa likuran niya at nalaman niya ito, sa ilang salita lang, naaayos nito ang mga bagay-bagay, nililinlang siya, at hindi lang talaga niya makilatis ito. Sa huli, kinamkam ng buhong ang lahat ng ari-arian at bahay niya at pagkatapos ay iniwan siya. Isinusumpa niya ito na walang konsensiya, pero hindi lang niya sinasabi na naloko siya dahil hindi siya makakilatis ng mga tao. Bakit hindi niloko ng buhong na iyon ang iba pero nagawa siyang lokohin? Hindi ba’t dahil hangal siya? Ang mga pangunahing katangian ng ganitong uri ng tao ay na sila ay matigas ang ulo at katawa-tawa sa kung paano nila naaarok at tinatrato ang lahat ng bagay, at na hindi sila nagtataglay ng talino ng normal na pagkatao. Kaya nga sinasabi nating sila ay nagreinkarnasyon mula sa mga hayop. Dahil mga hayop sila, hindi sila nagtataglay ng talino ng tao. Ang katunayang hindi sila nagtataglay ng talino ng tao ay sapat na para patunayan na ang diwa sa kalooban nila ay hindi diwa ng mga tao. Samakatwid, hindi nila kayang harapin ang mga usapin ng tao o harapin at lutasin ang mga isyu na dapat kayang harapin at lutasin ng mga normal na tao. Maging pagdating sa pagharap nila sa mga bagay-bagay sa sarili nilang pang-araw-araw na buhay—ang kanilang pang-araw-araw na pagkain, ang mga pangunahing pangangailangan, pati na rin ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao at ang nakapaligid na kapaligiran—napakamanhid din nila. Higit pa rito, kapag nakakaharap sila ng ilang partikular na usapin na kailangan nilang harapin at pangasiwaan, wala silang talino ng mga normal na tao, lalo na siyempre ng karunungan. Kapag nahaharap sila sa mga isyung ito, hinaharap nila ang mga ito nang may malaking paghihirap, matinding pagkapagod, at sukdulang pagkamalamya sa pagkilos. Napakatanda na nila at napakatagal na nilang nabubuhay: Paano nila nagagawang harapin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Bakit ang mga bagay na sinasabi nila ay labis na kasuklam-suklam pakinggan at labis na nakakaasiwa? Bakit hindi sila nagsasalita tulad ng mga normal na tao? Nabuhay na sila sa loob ng napakaraming taon at napakarami nang naranasan, pero sa pagharap sa isang napakasimpleng usapin, paano sila nakakakilos nang ganito? Wala man lang silang mga pinakapangunahing hangganan ng pagkatao o ng mga pinakapundamental na prinsipyo na dapat taglayin ng mga tao.