Paano Hangarin ang Katotohanan (12) Unang Bahagi
Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw
Pagbitiw sa mga Hadlang sa Pagitan ng Sarili at ng Diyos, at sa Pagkamapanlaban ng Isang Tao sa Diyos
I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos
F. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao; Layon Nitong Baguhin ang Kanilang mga Tiwaling Disposisyon
Anong paksa ang pinagbahaginan natin noong huli? Nagbahaginan tayo tungkol sa ilang partikular na pagpapamalas ng tatlong aspekto—mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Tinalakay natin ang mga partikular na pagpapamalas na ito, at sa ganitong paraan ay kinilatis kung sa alin sa tatlong aspekto nabibilang ang mga iyon. Kung makikita ninyo ang mga pagpapamalas na ito na pinagbahaginan natin sa pang-araw-araw na buhay, sa pangkalahatan ay mailalarawan at maikakategorya ninyo ang mga ito—kung nabibilang ba ang mga ito sa mga likas na kondisyon, sa pagkatao, o sa mga tiwaling disposisyon. Para naman sa mga pagpapamalas na hindi napagbahaginan, alam na ba ninyo ngayon kung paano ikategorya ang mga ito ayon sa mga prinsipyong ito o ayon sa diwang ipinapamalas ng mga ito? (Pakiramdam namin ay medyo mas mahusay na kami rito kaysa dati—nagagawa naming magnilay-nilay sa ganitong paraan, pero hindi pa namin lubos na nararating ang punto na kaya nang kumilatis.) Sa pangkalahatan ay nakikilatis ninyo ang mga pagpapamalas na pinagbahaginan natin, pero para naman sa mga hindi napagbahaginan at walang anumang kaugnayan sa mga pagpapamalas na napagbahaginan na dati, hindi ninyo alam kung kaya ninyong kilatisin ang mga ito. (Tama.) Sa ilang nakaraang sermon, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang pagpapamalas ng mga hilig, libangan, at mga kalakasan sa loob ng mga likas na kondisyon, pati na rin ang mga isyu tungkol sa mga aspektong ito na naipapamalas sa mga tao. Nagbahaginan din tayo tungkol sa saloobin at sa landas ng pagsasagawa na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa mga isyung ito, pati na rin ang mga hinihingi ng Diyos para sa mga taong nagtataglay ng mga hilig, libangan, at kalakasan. Ang pagbabahaginan tungkol dito ay pangunahin na para sabihin sa mga tao ang mga kaisipan at pananaw na dapat nilang taglayin—kasama ang landas ng pagsasagawa na dapat nilang maunawaan—tungkol sa mga hilig, libangan, at kalakasan, pati na rin ang mga layunin at hinihingi ng Diyos na may kinalaman sa mga aspektong ito na dapat nilang maunawaan. Tungkol sa mga isyu ng mga hilig, libangan, at kalakasan, nagbahaginan lang tayo sa pangkalahatan at hindi tayo partikular na nagbahaginan tungkol sa kung anong mga maling kaisipan at pananaw ang mayroon ang mga tao sa mga bagay na ito, kung anong mga maling landas ng pagsasagawa ang maaari nilang tahakin, o kung anong mga maling pagkaunawa ang mayroon sila tungkol sa mga hinihingi ng Diyos sa bagay na ito. Kaya, pagbahaginan natin ngayon nang detalyado ang mga partikular na isyu na dapat maunawaan ng mga tao tungkol sa mga hilig, libangan, at kalakasan batay sa mga isyung ito na mayroon ang mga tao.
7. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng mga Hilig at Libangan, at mga Kalakasan
Napansin ba ninyo kung anong mga walang-katotohanang pagkaunawa o mga baluktot na pag-arok ang mayroon kayo tungkol sa mga hilig, libangan, at kalakasan? Para sa karamihan ng mga isyu, ang nangyayari ba ay na nauunawaan lang ninyo hanggang sa kung saan Ako nagbabahagi, at pagkatapos, hindi kayo nagbubulay-bulay ni nagkukumpara sa sinabi sa mga bagay sa buhay ninyo, pero pakiramdam ninyo ay nauunawaan ninyo ang lahat at itinuturing ninyong napakasimple ng mga isyu? Una, pag-isipan ninyo ang tanong na ito: May pagkakaiba ba sa pagitan ng mga hilig at libangan, at mga kalakasan? (Mayroon.) Ano ang pagkakaiba? Kung nakikita mo na may pagkakaiba, sa anong paraan magkaiba ang mga ito? (Ang pagkakaroon ng hilig at libangan ay nangangahulugan lang na talagang gusto ng isang tao ang isang partikular na bagay, hindi ito agad na nangangahulugang nagtataglay siya ng kalakasan sa larangang iyon.) Sa pangkalahatan ay naipahayag na ang mga pangunahing punto ng pagkakaiba—halos ganoon na nga iyon. Mula sa perspektiba ng pagkatao, ang mga hilig at libangan ay tumutukoy sa pagiging interesado ng isang tao sa isang partikular na uri ng espesyalisadong aktibidad o klase ng bagay, na handa siyang bigyang-pansin o gawin ang mga ito. Ibig sabihin, ang personal niyang kagustuhan ay medyo nakakiling sa mga bagay na interesado siya at maalab ang damdamin niya. Hindi lang siya may bahagyang pagkagusto sa mga propesyonal na kasanayan sa bagay na ito kundi lubha siyang interesado sa mga ito, lumalampas sa antas ng pagkagusto o pagmamahal na maaaring mayroon siya sa mga ordinaryong bagay. Ito ang mga hilig at libangan. Gayumpaman, tungkol sa uri ng espesyalisadong aktibidad o bagay na interesado siya at maalab ang damdamin niya, batay sa kanyang kakayahan, kung mahusay ba siya rito, kung magagawa ba niya ito nang maayos, at kung hanggang sa anong antas niya ito magagawa—walang alinman dito ang tiyak. Samakatwid, ang mga hilig at libangan ay tumutukoy sa mga bagay na interesado ang mga tao at gusto ng mga ito, mga bagay na handa silang madalas na gawin at handang paglaanan ng oras at lakas para bigyang-pansin at gawin sa pang-araw-araw na buhay. Para naman sa kung gaano nila ito kagaling na magagawa, nakadepende iyon sa kanilang kakayahan at kung mahusay ba sila sa mga ito. Ipagpalagay na ang bagay na ito ay isang bagay na partikular siyang interesado at maalab ang damdamin niya, at kasabay nito, mahusay din siya rito—ibig sabihin, bukod sa pagiging interesado sa bagay na ito at maalab ang damdamin dito, kaya rin niya itong gawin nang napakahusay, makamit ang mga makabuluhang resulta, at magtamo ng malalaking tagumpay. Sa madaling salita, ang kahusayan niya sa hilig at libangan na ito ay nakahihigit sa karaniwang tao, at ang kanyang pagkaunawa, bilis sa pagkatuto, at ang bilis ng kanyang pagkaarok sa mga prinsipyo sa larangang ito ay nakahihigit sa karaniwang tao. Kapag mayroong ganitong mga pagpapamalas, ito ay tinutukoy bilang pagkakaroon ng kalakasan. Maaaring kailanganin ng ibang tao na dumaan sa pormal at pangmatagalang propesyonal na pagsasanay, edukasyon, pagkuha ng kaalaman, at pagsasagawa, at tumanggap ng gabay, pamumuno, pagsusuri, istandardisasyon, at payo mula sa mga kaugnay na propesyonal, at iba pang mga katulad na bagay, bago nila magawang mag-isa ang isang bagay nang maayos. Gayumpaman, ang mga taong may mga kalakasan ay karaniwang may isang partikular na antas ng kakayahang umarok sa mga propesyonal na kasanayan kung saan sila mahusay nang hindi dumadaan sa propesyonal na pagsasanay o sistematikong pag-aaral. Nagtataglay sila ng ilang praktikal na pagkaunawa, praktikal na karanasan, o personal na mga tagumpay sa larangang ito. At sa pamamagitan ng propesyonal na pagsasanay, ang kalakasan nila sa larangang ito ay maaaring umabot sa mas mataas pang antas. Sa madaling salita, ang pagkakaroon ng kalakasan ay nangangahulugan ng pagiging lubos na mahusay sa mga bagay na interesado ang isang tao at maalab ang damdamin niya, na nakahihigit sa karaniwang tao. Ano ang ibig sabihin ng pagiging “mahusay”? (Pagkakaroon ng kalakasan sa isang partikular na larangan, pagiging medyo maalam tungkol sa mga bagay na ito, at pangangasiwa sa mga ito nang may kahusayan na hindi pinaghihirapan.) Ang pagiging mahusay sa isang bagay ay hindi lang tungkol sa pagiging maalam dito; sa halip, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng pambihirang likas na talento at isang medyo malakas na likas na talento sa larangang ito. Kahit walang mga patnubay mula sa iba, naaarok nila ang mga bagay na hindi kayang arukin ng iba. At kapag sinamahan ng pormal na pagsasanay o pagtuturo mula sa isang kilalang guro, mas magiging mahusay pa sila sa larangang ito. Kapag pinag-uusapan ang pagkakaroon ng kalakasan, nangangahulugan ito na ang isang tao ay partikular na magaling sa isang partikular na hilig o libangan, nang may pambihirang likas na talento sa larangang ito. Ang kanyang abilidad na umarok, ang kanyang pagkaunawa, at ang kanyang abilidad na matuto sa larangang ito ay pawang napakalakas, at napakabilis niyang naaarok ito. Kapansin-pansin siyang mahusay sa larangang ito kumpara sa karaniwang tao. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kalakasan.
Ngayong nauunawaan na ninyo kung ano ang mga kalakasan, pag-usapan naman natin ang mga hilig at libangan. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga hilig at libangan, at ng mga kalakasan? Pareho ba ang mga hilig at libangan sa mga kalakasan? (Hindi magkapareho ang mga ito.) Bakit hindi pareho ang mga hilig at libangan sa mga kalakasan? (Dahil ang pagiging interesado sa isang bagay ay hindi agad na nangangahulugang magagawa ito nang maayos, ni nangangahulugang mahusay rito; bukod pa rito, hindi rin ito nangangahulugang mauunawaan ng isang tao ang bagay na iyon nang napakabilis.) Ang pagkakaroon ng mga hilig at libangan ay nangangahulugang gusto mo ang isang partikular na kategorya ng mga bagay, pero kung ito ba ay ang kalakasan mo ay nakadepende sa iyong abilidad na umarok, sa iyong abilidad na matuto, at sa iyong kakayahang umunawa sa larangang ito, pati na rin sa iyong likas na talento sa larangang ito, at kung likas kang mahusay rito. Kung mahusay ka rito, kung gayon ay kalakasan mo ito. Kung hindi ka mahusay rito at isa lang itong personal na kagustuhan—isang larangan na interesado ka—pero mahina ang iyong kakayahan, at kulang ang iyong likas na talento, na nangangahulugang mababa ang iyong abilidad na umarok sa hilig at libangan mong ito, hindi ka talaga mahusay rito, ginagawa mo ito nang malamya, walang kahusayan at walang nakakamit na mga resulta sa larangang ito, kung gayon ang larangang ito ay hindi ang kalakasan mo—nananatili lang ito sa antas ng isang hilig at libangan para sa iyo. Bakit ito ay hilig at libangan mo lang at hindi ang kalakasan mo? Dahil hindi ka mahusay rito. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao, “Gustong-gusto ko talagang kumanta.” Gaano nila ito kagusto? Mula sa sandaling imulat nila ang kanilang mga mata sa umaga, nagpapatugtog sila ng mga sikat na kanta; nakikinig sila sa lahat ng uri ng kanta, kabilang ang mga kantang banyaga at mga opera mula sa Kanluran at Tsina—anumang maituturing na musika, gustong-gusto nilang pakinggan. Gusto rin nilang kumanta, pero may isang malaking problema—sila ay likas na sintunado o sadyang walang kalakasan sa larangang ito. Mayroon ding mga tao na, kahit pagkatapos mag-aral kumanta sa loob ng ilang taon, ay hindi pa rin mahanap ang mga tamang pamamaraan. Hindi nila alam kung paano kumanta sa pinakakaaya-ayang paraan, kung paano gawing nakaaantig ang kanilang pagkanta, o kung paano makamit ang magagandang resulta sa pamamagitan ng kanilang pagkanta. Bagama’t gustong-gusto na nila ang pagkanta mula pagkabata, at isa ito sa kanilang mga hilig at libangan, dahil sa mga limitasyon ng kanilang mga likas na kondisyon, ang kanilang hilig at libangan ay maaari lang manatili sa antas ng isang hilig at libangan—hindi ito kalakasan. Halimbawa, kapag ang isang taong mahusay sa pagkanta ay nag-aaral ng isang himno, kaya niyang kantahin ang pangunahing himig pagkatapos lang itong kantahin nang mga tatlong beses. At pagkatapos ng apat o limang beses, halos kaya na niyang kantahin ang buong kanta. Gayumpaman, iyong mga nasisiyahang makinig sa mga kanta pero hindi mahusay sa pagkanta ay maaaring hindi pa rin matandaan ang pangkalahatang melodiya pagkatapos makinig nang tatlong beses. Kahit pagkatapos ng limang beses, maaaring hindi pa rin nila ito kayang kantahin at palaging kailangang tumingin sa mga liriko o sa sheet music. Pagdating sa aktuwal na pagkanta, hindi nila makuha ang damdamin ng kanta o mahanap ang tamang puwesto ng boses. Hindi rin nila matandaan ang mga liriko, at kung minsan, wala pa nga sila sa tono. Dagdag pa rito, kapag kumakanta ng mga medyo madamdaming kanta, hindi nila kailanman makontrol nang maayos ang pagpapahayag ng mga damdamin. Sinasabi ng iba na hindi kaaya-ayang pakinggan at hindi nakakasiya ang kanilang pagkanta, pero hindi sila nasisiraan ng loob o sumusuko—nagpupursigi pa rin sila sa pag-aaral at pagkanta. Siyempre, ang pagkanta ay isang personal na kalayaan at isang personal na karapatan; walang sinumang naghihigpit sa kanila. Gayumpaman, ang pinagbabahaginan natin ngayon ay ang pagkakaiba sa pagitan ng mga hilig at libangan, at ng mga kalakasan. Batay sa mga pagpapamalas na ito, ang kanilang hilig at libangan ay hindi mga bagay na mahusay sila. Kaya bakit kailangan nating pagbahaginan nang malinaw ang tungkol sa usaping ito? Para matulungan ang mga taong maunawaan na ang kanilang mga hilig at libangan ay hindi kapareho ng kanilang mga kalakasan. Kung, batay sa lahat ng aspekto ng iyong mga likas na kondisyon, hindi ka mahusay sa isang partikular na larangan, kung gayon kahit na ito ay hilig at libangan mo, itinatakda ng mga limitasyon ng iyong mga likas na kondisyon na ang hilig at libangan mo ay hindi ang kalakasan mo. Bagama’t gustong-gusto mo ito, hanggang sa punto na minamahal mo ito na parang sarili mong buhay, sa kasamaang-palad, hindi ka talaga mahusay sa bagay na ito. Halimbawa, gustong-gusto ng ilang tao ang pagsasayaw. Sa tuwing nakakarinig sila ng musika, nagsisimulang gumalaw ang kanilang mga katawan kasabay ng kumpas at melodiya, at labis silang nasisiyahan habang gumagalaw. Gayumpaman, hindi maganda ang kanilang likas na hitsura, hindi sila gaanong matangkad, hindi partikular na mahahaba ang kanilang mga braso at binti, at hindi partikular na elegante ang kanilang pangangatawan. Sa kabuuan, hindi gaanong kaaya-ayang tingnan ang kanilang pagsasayaw. Pero gustong-gusto lang talaga nila ang pagsasayaw, at kung minsan, sa mga pampublikong lugar o sa tabi ng daan, sumasayaw sila nang may ganap na pagkahumaling. Sa tingin ng mga dumaraan ay katawa-tawa ito, pero sumasayaw sila na para bang walang ibang tao sa paligid, walang anumang pakialam kung ano ang tingin sa kanila ng iba, na para bang wala silang anumang kamalayan. Nahuhumaling sila rito sa ganitong antas. Bagama’t pakiramdam nila ay napakahusay nilang sumayaw, sa aktuwal, hindi sila mahusay rito. Hindi nila kayang maarok ang diwa ng pagsasayaw, ni hindi nila alam kung aling mga galaw ang angkop, aling mga galaw ang kaaya-aya, at aling mga galaw ang mas kayang magpahayag ng iba’t ibang uri ng damdamin ng tao. Ibig sabihin, hindi talaga nila nauunawaan ang maraming aspektong may kaugnayan sa sayaw. Kahit na may gabay ng isang propesyonal na guro at pagsasanay mula sa isang propesyonal na paaralan, batay sa sarili nilang likas na kakayahan, hindi sila mahusay rito at hindi nila kayang maarok ang diwa nito. Samakatwid, kung isasaalang-alang ang lahat ng aspekto ng kanilang mga likas na kondisyon, ang pagsasayaw, na gusto nila, ay hindi isang bagay na mahusay sila. Kahit na gustong-gusto nila ito at labis silang nahuhumaling dito, madalas na hinahangaan ang sarili nilang galaw at dating kapag sumasayaw sa harap ng kamera o salamin, kung titingnan natin ang aktuwal na sitwasyon, hindi sila mahusay sa pagsasayaw. Sa madaling salita, ang pagsasayaw ay hilig at libangan lang nila, hindi nila kalakasan.
Talagang gustong-gusto ng ilang tao ang literatura. Gusto nilang sumulat ng mga artikulo at bumigkas at lumikha ng mga tula, gusto nila ang mga talakayan sa literatura, at gusto rin nilang magbasa ng mga nobela at iba’t ibang akdang pampanitikan, banyaga man o lokal, moderno at klasiko—gusto nila ang lahat ng akdang ito. Gusto nila ang iba’t ibang terminong bokabularyo at mga estilong lingguwistiko na ginagamit ng mga may-akda sa kanilang mga akdang pampanitikan, at gusto rin nila ang iba’t ibang ideya na ipinapahayag ng mga may-akda sa kanilang mga akda. Ito ba ang kanilang hilig at libangan? (Oo.) Napakalinaw na ito ang kanilang hilig at libangan. Kung ano ang gusto ng isang tao, kung ano ang interes ng kanyang puso at isipan, ay likas—hindi ito isang bagay na natututuhan niya kalaunan sa buhay, at lalong hindi ito isang bagay na nilinang ng kanyang mga magulang o pamilya. Ang ilang tao ay mahilig sa literatura at nakabasa na ng maraming akdang pampanitikan. Ang ilan ay sistematikong nag-aral ng literatura sa unibersidad. Ang ilan ay nagtrabaho pa nga bilang mga propesyonal na propesor sa literatura, o nakibahagi sa mga gawain at karerang may kaugnayan sa literatura, at matagal na panahon pa ngang ginawa ang mga karerang ito; ginugol nila ang kalakhan ng kanilang buhay sa pagharap sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang hilig at libangan; halos bawat araw ng kanilang buhay ay kinabibilangan ng literatura, na interesado sila at maalab ang damdamin nila. Pero nangangahulugan ba ito na ang kanilang hilig at libangan ay tunay nilang kalakasan? Hindi naman—kailangan mong tingnan kung nagtataglay ba sila ng kaalaman o mga kaisipan at pananaw sa literatura na nakahihigit o naiiba sa mga karaniwang tao. Kung ang naarok at naunawaan nila sa literatura ay ang natutuhan lang nila mula sa mga aklat o binubuo lang ng kumbensiyonal na karaniwang kaalaman na kayang matutuhan at maarok ng sinuman, kung gayon ay hindi ito maituturing na kalakasan. Halimbawa, kung hihilingin mo sa kanilang sumulat ng isang artikulo, walang mga pagkakamali sa gramatika, tama ang paggamit ng bantas, maayos ang estruktura ng mga talata, at maganda ang pangkalahatang estruktura ng artikulo. Mayroon pa ngang maraming mabulaklak na pananalita na ginamit sa buong artikulo. Gayumpaman, may isang isyu—pagdating sa pagpapahayag ng isang partikular na bagay, isang partikular na pananaw, o isang partikular na takbo ng kuwento, wala silang natatanging paraan ng pagpapahayag, ni wala silang partikular na mga masining o matatalinong pamamaraan ng pagpapahayag. Wala ang mga katangiang ito sa lahat ng kanilang mga akdang pampanitikan. Ibig sabihin, ang kanilang mga artikulo ay mukhang maayos ang estruktura at napakapropesyonal, na may maingat na piniling mga salita, ngunit kulang ang mga ito sa natatanging paraan ng pagpapahayag ng mga kaisipan at pananaw, mga penomenon, o mga takbo ng kuwento na dapat taglayin ng isang mahusay na manunulat. Karamihan sa kanilang mga artikulo ay pangkaraniwan lang. Ang kanilang estruktura at paraan ng pagpapahayag ng mga ideya ay partikular na matigas, di-nababago, at dogmatiko; hindi sila makabago ni natatangi, kulang sa karunungan at katalinuhan, at tiyak na hindi maituturing na elegante. Ano ang ipinapahiwatig ng penomenong ito? (Hindi sila mahusay sa pagsusulat at wala silang likas na talento para dito.) Hindi sila mahusay sa pagsusulat at hindi nila kayang buuin nang may pag-angkop ang mga kuwento batay sa pinangyarihan ng mga kaganapan o sa prototipo ng gayong mga kuwento. Sa huli, kapag binabasa ng mga tao ang kanilang mga artikulo at akdang pampanitikan, lahat ng ito ay pare-pareho at paulit-ulit, sumusunod sa iisang pormula. Bakit natin sinasabing pare-pareho at paulit-ulit ang mga ito? Sa kabuuan, ang kanilang mga artikulo ay mukhang napakaayos ng estruktura, lubhang nakaayon sa pamantayan, at napakapropesyonal; pagdating sa mga teknikal na aspekto, kakaunti ang mapupuna ng karaniwang tao—maging ang estruktura, sa pangkalahatan, ay palaging pareho. Bagama’t kaya nilang matutuhan ang iba’t ibang anyo ng mga akdang pampanitikan, kabilang ang mga banyagang tula, sanaysay, at pasalaysay na pagsulat, hindi nila kailanman kayang iangkop o ilapat ang mga ito sa sarili nilang nilikhang literatura. Ito ay dahil ang antas ng kanilang kasanayan at kahusayan sa literatura ay palaging mananatili sa antas ng mga hilig at libangan, hindi kailanman aabot sa antas ng kalakasan. Posibleng mayroon silang malawak na kaalaman sa literatura, ngunit wala talaga silang anumang kahusayan sa literatura. Sa madaling salita, wala talaga silang anumang inobasyon sa literatura, imposibleng makagawa sila ng anumang mga signaturang akda, at kulang sila sa mga natatanging kaisipan at pananaw at sa natatanging paraan ng pagpapahayag. Pinatutunayan nito na ang literatura ay hindi nila kalakasan. Nagtataglay sila ng kaalaman at karaniwang kabatiran tungkol sa literatura dahil lang ang larangang ito ay kanilang hilig at libangan, ngunit wala silang kalakasan sa literatura. Nakikita mo, maraming tao ang nagbabasa ng mga aklat, kabilang ang iba’t ibang akdang pampanitikan; marami ang nagsasabing sila ay mahilig sa literatura o mga manlilikha ng panitikan, ngunit sa mga nakikibahagi sa paglikha ng panitikan, ilan ba ang tunay na may sariling mga akda? Ilan ba ang nakapagsulat ng mga akdang pampanitikan na kayang makatagal sa pagsubok ng panahon at maging mga klasiko? Napakakaunti, hindi ba? Karamihan sa mga taong ito ay may kaunting likas na interes at maalab na damdamin sa literatura, at kalaunan, natututo sila, nagsasanay, at nag-eensayo sa mga propesyonal na paaralan, at nagkakataong gumagawa ng gawaing may kaugnayan sa literatura. Bagama’t nakikibahagi sila sa gawaing may kaugnayan sa literatura, na maaaring tila nagpapahiwatig na ang hilig at libangang ito ay makakasama nila sa buong buhay nila, kung gaano karaming natapos na akda ang nagagawa nila, gaano karaming kontribusyon ang naiaambag nila, at gaano karaming orihinal na likha ang mayroon sila sa panahon ng kanilang pagtatrabaho sa larangang iyon ay nakadepende sa kung nagtataglay ba sila ng kalakasan sa literatura. Maraming tao ang nakikibahagi sa isang propesyon na gusto nila at maalab ang damdamin nila, at nakakakuha sila mula rito ng isang kabuhayan o ilang partikular na benepisyo, ngunit hindi sila nagkakamit ng magagandang resulta sa propesyong ito. Sapat na ito para patunayan na ang propesyon na gusto nila at maalab ang damdamin nila ay hindi nila kalakasan. Sa kabilang banda, ang ilang tao, sa kabila ng hindi pakikibahagi sa isang propesyon na may kaugnayan sa kanilang mga hilig at libangan, ay nakakagawa ng mga tunay na tagumpay dahil ito ang kanilang kalakasan. Halimbawa, mayroong mga imbentor, iyong mga nakagawa ng mga pambihirang kontribusyon sa iba’t ibang larangan, iyong mga nagpasimuno ng sarili nilang mga natatanging estilo sa iba’t ibang larangan, at mga nangungunang personalidad sa iba’t ibang larangan, at iba pa. Kaya, kung isasaalang-alang ang mga sitwasyong ito, ang pagkakaroon ng mga hilig at libangan ay hindi nangangahulugang pagkakaroon ng kalakasan sa mga larangang iyon. Gayumpaman, hindi kayang kilatisin ng ilang tao ang ugnayan sa pagitan ng mga hilig at libangan, at ng mga kalakasan. Iniisip nila na ang kanilang mga hilig at libangan ay ang kanilang mga kalakasan, ngunit pagkatapos makibahagi sa isang larangan na interesado sila at maalab ang damdamin nila sa loob ng maraming taon, wala talaga silang nakakamit na anumang resulta. Pagkatapos magkaroon ng kalinawan sa mga bagay na ito, paano dapat tratuhin ng mga tao ang kanilang mga hilig at libangan, at ang kanilang mga kalakasan? Napakasimple nito—dapat nilang tratuhin nang tama ang mga ito. Kung kailangan ka ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang isang tungkulin sa isang partikular na larangan na kinasasangkutan ng propesyonal na kaalaman, mga kasanayan, o mga talento na may kaugnayan sa iyong mga hilig at libangan, kung gayon dapat mo itong tratuhin ayon sa mga prinsipyo ng paggampan ng tungkulin—hindi ito tinatanggihan ni naglilitanya ng mga ideyang magaganda lang pakinggan o nagiging padalos-dalos. Kung ito ay isang bagay na hindi ka mahusay, isang bagay na higit sa iyong abilidad na hindi mo kayang gawin, kung gayon ay huwag maging negatibo o magreklamo tungkol sa Diyos; dapat mo itong tratuhin nang tama. Ano ang ibig sabihin ng tratuhin ito nang tama? Nangangahulugan ito na kung pakiramdam mo ay natatangi ang iyong hilig at alab ng damdamin para sa larangang ito, ngunit kapag isinasagawa ang gawaing may kaugnayan dito, hindi mo kailanman matutugunan ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, ni hindi mo kailanman maaabot ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, dapat mong makamit ang anumang kaya mong makamit. Hindi kailanman pinipilit ng Diyos ang isda na mamuhay sa lupa o ang mga baboy na lumipad. Alam ng Diyos kung gaano karami ang kaya mong makamit at kung gaano kabigat ang kaya mong pasanin. Kapag mas marami na ang iyong karanasan, malalaman mo rin. Batay sa mga aktuwal na sitwasyon at sa iyong mga likas na kondisyon, kamtin mo ang lahat ng kaya mong makamit—huwag mong pahirapan ang iyong sarili. Kung kaya mo, huwag kang magpigil; kung hindi mo kaya, huwag maging negatibo o pilitin ang sarili mo nang higit sa iyong abilidad—tratuhin mo ito nang tama.
Nananampalataya na kayo sa Diyos sa loob ng napakaraming taon, at karamihan sa inyo ay gumagampan na ng inyong tungkulin nang mahigit sa tatlong taon—hindi lang isa o dalawang taon na gumagampan kayo ng isang partikular na tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kung gayon, patungkol sa tungkuling ginagampanan mo o sa partikular na propesyonal na gawaing isinasakatuparan mo, malinaw ba sa puso mo kung gaano kalaki ang kaya mong makamit at kung anong antas ang kaya mong maabot, at kung gaano kalaki ang kaya mong maipamalas at hanggang sa anong antas? (Oo.) Sa pangkalahatan, malinaw sa iyo ang lahat ng ito. Ang ilang tao ay hindi pa nagiging bihasa sa isang partikular na tungkulin dahil kakaunti pa lang ang kanilang pagsasanay. Gayumpaman, ginagawa na ng iba ang gawaing ito sa loob ng maraming taon at malaki na ang naisagawa nilang pagsasanay ngunit hindi pa rin nila makamit ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Hindi sila masyadong mahusay sa larangang ito. Bagama’t gustong-gusto nila at maalab ang damdamin nila sa paggampan sa tungkuling ito at nakakaramdam sila ng karangalan at kaligayahan sa paggawa nito, sadyang hindi sila mahusay rito. Anuman ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, sadyang hindi nila kayang tugunan ang mga iyon. Hindi sa sila ay mapaghimagsik at masuwayin, ni hindi sa hindi nila ginagampanan ang kanilang bahagi; sa halip, hindi ito kayang makamit ng kanilang mga likas na kondisyon at may mga limitasyon ang mga ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin? Hayaan na lang ang natural na takbo ng mga pangyayari—huwag maging negatibo, huwag manghina, at huwag magreklamo o makaramdam na hindi ito patas sa iyong puso. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto kong sumayaw, pero ipinanganak ako na alanganing gumalaw at hindi ako kaakit-akit. Gusto kong gampanan ang tungkulin ng pagsasayaw pero hindi ko ito magawa. Kung gayon, ano ang dapat kong gawin? Gustong-gusto ko talagang sumayaw.” Ang pagnanais mong sumayaw ay iyong personal na pagnanais at iyong kagustuhan, ngunit kailangan bang tugunan ng Diyos ang iyong mga kagustuhan? Hindi Niya kailangang gawin iyon. Ang sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyong hinihingi nito at may mga tuntunin ito. Ang pagpili kung sino ang gagawa ng aling gawain ay nakabatay sa mga prinsipyo. Hindi mo maaaring pilit na hilingin, batay sa iyong personal na pagnanais, personal na kagustuhan, o personal na lagay ng loob, na tugunan ka ng sambahayan ng Diyos—hindi ito angkop. Kung hindi ka angkop na gumampan ng tungkulin sa larangang ito, kung gayon, sa iyong puso, tahimik na maghangad ka ng mga pagpapala para sa mga kayang gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito. Gawin mo lang ang anumang makakaya mo, o maaari kang maging isang hindi kilalang manggagawa sa likod ng entablado—tumutulong sa paggabay at pagsusuri, tumutulong sa mga ensayo o sa post-production na pag-eedit ng mga video ng sayaw, tumutulong sa paghahanap ng iba’t ibang materyales, o tumutulong sa paghahanap sa katotohanan. Maraming gawain na maaaring gawin sa iba’t ibang larangan, at malawak ang saklaw ng gawaing may kaugnayan sa iyong mga hilig at libangan. Hindi nangangahulugang kailangan na ikaw ang nasa harap ng kamera—maaari ka ring gumanap ng gawain sa likod ng entablado nang part-time. Paggampan din ito sa iyong tungkulin. Sa paraang ito, pareho mong natutugunan ang iyong mga personal na hangarin at naaabot ang prinsipyo at pamantayan ng pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin—napakaganda niyan! Hindi ba’t para kang nakapukol ng dalawang ibon gamit ang iisang bato? (Oo.) Dahil hindi ka binigyan ng Diyos ng mga kalakasan sa larangang ito bilang bahagi ng iyong mga likas na kondisyon, kung gayon ay wala kang pagpipilian. Hindi ka maaaring magreklamo, magmaktol, o magkimkim ng sama ng loob dahil lang sa likas kang nagkukulang sa larangang ito at hindi mo matugunan ang pamantayan ng pagpili ng talento sa larangang ito ng sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay ayaw mo nang gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito, tumatangging gawin ito kahit na hinihingi ito sa iyo ng sambahayan ng Diyos—hindi ito angkop. Hindi ito ang tamang saloobin sa paggampan ng tungkulin. Anuman ang kaya mong gawin, gawin mo lang ito. Hindi mo maaaring tanggihang gawin ito, tumatangging gawin ito kahit na hinihingi ito sa iyo ng sambahayan ng Diyos, dahil lang sa hindi ka angkop dito o hindi ka mahusay rito. Sa paggawa nito, hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin—tinutugunan mo ang mga personal na pagnanais at isinasagawa ang sarili mong proyekto. Hindi mo ginagampanan ang tungkulin nang may saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, ni nang may saloobin ng sinseridad at katapatan sa Diyos. Hindi ito angkop. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Sa isang banda, unawain nang tama ang mga hilig, mga libangan, at mga kalakasan; bukod pa rito, tratuhin nang tama ang mga hilig, mga libangan, at mga kalakasan.
May ilang taong mahilig magsulat ng mga artikulo at makibahagi sa gawaing may kaugnayan sa panitikan. Palagi nilang gustong magrebisa at magwasto ng mga artikulo, na humarap sa mga artikulo araw-araw. Gayumpaman, sa iba’t ibang kadahilanan—kapwa subhetibo at obhetibo—hindi sila angkop para sa gawaing ito. Sa isang banda, kulang sila sa pundasyong kaalaman sa larangan ng panitikan; sa kabilang banda, medyo mahina ang kanilang kakayahan, at hindi sila nagtataglay ng abilidad na umarok. Samakatwid, kahit na maalab ang damdamin nila sa panitikan at nagsasanay sila sa loob ng ilang taon, hindi pa rin nila maabot ang pamantayan ng pagkakaroon ng kakayahang magsulat. Gayumpaman, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na magtaglay ang mga tao ng kahit man lang isang pangunahing kakayahan para makibahagi sa gawaing nakabatay sa teksto. Kung hindi angkop ang kanilang kakayahan para sa paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto, at kahit na ang kanilang pagrerebisa at pagwawasto ng mga artikulo ay hindi nakakatugon sa pamantayan, kung gayon ay maaari lang silang pumili ng ibang tungkulin. Maaaring halos angkop lang sila para sa paggawa ng ilang pangkalahatang gawain o pagkolekta ng ilang materyales. Sa madaling salita, ang gawaing nakabatay sa teksto na gusto nila sa kanilang puso ay isang bagay na hindi nila kayang gawin—kahit na hindi sila tinanggal sa paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto, wala silang magiging silbi sa gawain at walang makukuhang aktuwal na mga resulta. Paano dapat maarok ng mga tao ang gayong usapin sa dalisay na paraan? (Dapat silang matutong magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at maging makatwiran.) Ito ang pangkalahatang direksyon—paano dapat magsagawa ang mga tao sa partikular na paraan? Kung ito ay isang taong may tendensiyang mambaluktot, sasabihin niya, “Sinasabi ng lahat na ang mga hilig at libangan ay ibinibigay ng Diyos, na ang mga ito ay mga likas na kondisyon. Dahil ibinigay sa akin ng Diyos ang hilig at libangan na ito, kung gayon ay tiyak na inorden ako ng Diyos na makibahagi sa gawaing may kaugnayan dito. Dahil ito ay inorden ng Diyos, kung gayon sa sambahayan ng Diyos, ang gawaing may kaugnayan sa hilig at libangan na ito ay dapat ibigay sa akin—dapat akong magkaroon ng bahagi rito. Kung hindi ako inuutusang gawin ang gawaing ito, kung gayon ay problema ito sa mga tao—nangangahulugan itong minamaliit ako ng mga tao, nangangahulugan itong hindi marunong sumuri ng tao ang mga lider at manggagawa. Narito ako, isang taong may talento, ngunit walang nakakakilatis sa aking galing! Gustong-gusto ko ang panitikan, at talagang mahusay ako rito—napakadali lang para sa akin ang pagrerebisa ng mga artikulo. Ang pagpapadala sa akin para mangaral ng ebanghelyo o gumawa ng manwal na gawain—hindi ba’t paggamit iyon ng kanyon para pumatay ng langgam? Hindi ba’t pagsasayang iyon ng isang indibidwal na may talento? Hindi ba’t tulad iyon ng pagbabaon ng ginto sa lupa? Wala akong magagawa—kapag nasa ilalim ka ng mababang bubong, wala kang pagpipilian kundi ang yumuko! Ngunit mayroong kasabihan: Sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang. Maghintay lang—marahil ito ay pagpipino sa akin ng Diyos, pagsubok sa akin. Isang araw, tiyak na makikibahagi ako sa gawaing inorden ng Diyos para sa akin, ang gawaing may kaugnayan sa aking hilig. Ang mabubuting bagay ay sulit hintayin. Kapag natiwalag na kayong lahat, iyon na ang panahon ko para sumikat—iyon na ang pagkakataon kong magamit ang aking mga kasanayan! Gaya ng sinasabi sa mga kasabihan, ‘Hindi pa huli ang lahat para sa isang ginoo na maghiganti,’ at ‘Habang may buhay, may pag-asa.’” Ano ang tingin ninyo sa mga pananaw na ito? Mali ang mga ito, hindi ba? Ang gayong mga tao ay talagang nag-iilusyon at gumagawa pa nga ng mga pangmatagalang plano, ngunit kung mayroon ba talaga silang tunay na abilidad ay hindi alam. Nakakaramdam pa nga ng pagkaagrabyado ang ilang tao, sinasabing, “Ako ay isang manunulat na may likas na talento, ngunit ipinadala ako para gumawa ng manwal na trabaho, nababalot ng putik buong araw. At kanino ako maaaring umapela tungkol dito? Wala akong magagawa—ganito ito pinamatnugutan ng Diyos. Anong pagpipilian ang mayroon ako?” Sa katunayan, nasubukan na sila ng pangkat ng mga tagasuri ng teksto, at hindi sapat ang kanilang kakayahan sa pagsusulat. Wala silang pundasyon sa panitikan, ni hindi nga sila gumagamit ng tamang bantas. Saanman dapat putulin ang isang pangungusap o saanman dapat huminto, gumagamit sila ng kuwit. Gayumpaman, itinuturing pa rin nila ang kanilang sarili na isang henyo sa panitikan, naniniwalang ang paggawa ng pisikal na trabaho ay isang pagsasayang ng talento. Puno ng hinanakit ang kanilang puso: “Ipinanganak akong may pagmamahal sa panitikan. Noong bata pa ako, mahilig akong magbasa ng mga aklat-pambata. Habang lumalaki ako, nahilig akong magbasa ng mga akda ng mga sikat na tao. Nakabasa na ako ng maraming klasikong panitikan kapwa mula sa mga lokal at dayuhang may-akda; nakabasa na ako ng maraming akda mula sa lahat ng genre, kabilang ang mga dula, tuluyan, tula. Ang paggawa ng gawaing nakabatay sa teksto ay walang kahirap-hirap para sa akin; ang pagsulat ng isang artikulo ay maning-mani lang para sa akin. Pero tingnan mo ako ngayon—nauwi ako sa paggawa ng marumi at nakakapagod na gawain. Ang pagmamahal ko sa panitikan, na kasama ko na sa kalahati ng aking buhay, ay hindi kinilala sa sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng kaalamang naipon ko sa buong buhay ko ay hindi nagamit sa sambahayan ng Diyos—natapos na ang aking karera sa panitikan! Dati, iniisip ko na ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar kung saan ang katotohanan ang may kapangyarihan, kung saan ang pagiging patas at matuwid ang may kapangyarihan. Ang isang tulad ko—isang dakilang talento, isang taong mahilig sa panitikan—ay binalewala at minaliit sa mundo, nang walang pagkakataong magamit ang aking mga kasanayan. Inakala ko na sa sambahayan ng Diyos, magagamit ko ang natitira kong lakas. Puno ng kasiglahan, nagpalista ako para sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto, para lang malaman na hindi ako napili. Tingnan mo lang ako—nakatayo rito ngayon, sino ang makapagsasabi na ako ay mahilig sa panitikan, isang taong may talento sa panitikan? Ang lahat ng aking angking galing sa panitikan ay nawala na dahil sa marumi at nakakapagod na trabahong ito. Ngayon, ang tanging lumalabas sa aking bibig ay magagaspang at mga bargas na salita.” Lubos silang nakakaramdam ng pagkaagrabyado sa kanilang puso. Bagama’t sinasabi nila nang malakas na nagpapasakop sila sa pamamatnugot ng Diyos at gagawin ang anumang ipagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, sa kanilang puso, mayroon silang maling pagtatasa sa sarili, napagkamalan nilang mga kalakasan ang kanilang mga hilig at libangan, bilang isang bagay na angkop para gamitin ng Diyos, hindi nila natagpuan ang kanilang lugar, hindi nila nakilala ang kanilang aktuwal na sitwasyon, hindi nila alam ang kanilang sariling sukat, at hindi nila alam kung ang kanilang mga hilig at libangan ba ay talagang kung saan sila mahusay—hindi malinaw sa kanila at ignorante sila tungkol sa lahat ng ito, ngunit sinasabi pa rin nila na isa silang taong may talento sa panitikan, kulang na lang na tawagin ang kanilang sarili na isang dalubhasa sa panitikan. Ano ang panghuling resulta nito? (Puno sila ng mga reklamo tungkol sa mga pagsasaayos ng iglesia, at sa kanilang puso, ayaw nilang magpasakop.) Patuloy silang nakakaramdam ng pagkaagrabyado sa kanilang puso. Bagama’t kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin ay hindi sila nagpapabaya at kaya nilang magsikap nang husto—halos nagpapasakop lang—dahil sa kanilang maling pagtatasa sa sarili, nakakaramdam sila ng pagkaagrabyado. Isang kaisipan ang madalas na sumasagi sa kanilang isipan: “Maraming matutuling kabayo sa mundo, ngunit iilan lang ang mahusay kumilatis sa mga ito.” Anong matutuling kabayo? Anong mahuhusay na tagakilatis ng kabayo? Dahil mayroon silang kaunting interes at alab ng damdamin para sa isang partikular na larangan, at kalaunan ay sistematikong pinag-aaralan ito, iniisip nila na sila ay walang kapantay, iniisip ang kanilang sarili bilang “matutuling kabayo,” naniniwalang sila ay may talento. Hindi ba’t ito ay ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili? Naniniwala lang sila na ang mga hilig at libangan ay ibinibigay ng Diyos, ngunit nabibigo silang kilalanin kung anong kakayahan ang ibinigay sa kanila ng Diyos. Hindi malinaw sa kanila kung sila ba ay talagang mahusay sa mga bagay na interesado sila at maalab ang damdamin nila, at kung kaya ba talaga nilang gawin nang maayos ang gawain at tungkuling may kaugnayan sa kanilang mga hilig at libangan, kung sila ba ay may kakayahan sa mga ito, at kung kaya ba nilang pasanin ang mga ito. Hindi malinaw sa kanila ang tungkol dito at hindi nila ito alam. Hindi ba’t napakaproblematiko nito? (Oo.) Dahil hindi nila makilala o mahanap ang kanilang lugar, nakakaramdam sila ng matinding pagkaagrabyado. Ano ang ipinapakita nila sa panlabas? Madalas silang bumubuntong-hininga nang malalim at madalas na nagpapahayag ng kanilang determinasyon sa harap ng Diyos, umaasa na isang araw, ang Diyos ay lilikha ng isang pagkakataon para sa kanila, magbibigay-lunas sa kanilang mga hinaing, magtataguyod sa katarungan para sa kanila, at magpapahintulot sa kanilang tuparin ang kanilang nais na gampanan ang isang tungkuling may kaugnayan sa kanilang mga hilig at libangan. Tingnan ninyo ang kantang madalas nilang kantahin: “Hindi ko iniisip ang landas sa harapan.” Ano ang kasunod na linya? (“Ang tangi kong pananagutang tungkulin ay sundin ang kalooban ng Diyos.”) Para sa mga tunay na may ganitong tayog, na tunay na may ganitong realidad, at tunay na kayang sundin ang kalooban ng Diyos, ang pagkanta sa kantang ito ay angkop na angkop—ito ay eksaktong nararapat. Ngunit kapag kinakanta ng ganitong uri ng tao ang kantang ito, ano ang kanilang kalagayang emosyonal? Sa anong sitwasyon nila ito kinakanta? (Kapag sila ay nagrereklamo at nakakaramdam ng pagkaagrabyado.) Kaya kapag kumakanta sila, hindi ba’t puno ng hinanakit ang kanilang kinakanta? (Oo.) Ang kinakanta nila ay puno ng mga reklamo, pagtutol, at kawalang-kasiyahan—ito ay walang iba kundi kalungkutan at hinanakit. Kapag naririnig mo silang kumakanta ng kantang ito, iyon ang panahon na sila ay pinakanalulumbay. Mayroong isang kasabihan sa Tsina—ano ba iyon? “Ipinapahayag ng mga lalaki ang kalungkutan sa pamamagitan ng pag-awit, ipinapahayag ng mga babae ang kalungkutan sa pamamagitan ng pag-iyak, at ipinapahayag ng matatandang lola ang kalungkutan sa pamamagitan ng paghihimutok.” Nakikita mo, ipinapahayag ng iba’t ibang uri ng tao ang kanilang kalungkutan sa iba’t ibang paraan. Ang ilang babae, kapag nahaharap sa ganitong uri ng sitwasyon, ay umiiyak na lang, palaging nagpupunas ng kanilang mga luha nang palihim. Hindi nila ito kayang bitiwan, at sa tuwing naiisip nila ito, namumula sa luha ang kanilang mga mata, at ang kanilang puso ay nakakaramdam ng sama ng loob at pagkaagrabyado. Sadyang hindi nila kayang tratuhin nang tama ang usaping ito. Sa katunayan, ito ay isang napakasimpleng usapin—ang mga hilig at libangan, at mga kalakasan, ay likas na dalawang magkahiwalay na bagay. Kung mayroon kang isang partikular na kalakasan, hindi alintana kung ito man ay iyong hilig at libangan, ikaw ay angkop na angkop para sa gawaing may kaugnayan sa kalakasang iyon—ibig sabihin, ang iyong likas na kakayahan, talento, o abilidad ay ginagawa kang mahusay sa paggawa ng partikular na bagay na iyon, at magagawa mo ito nang maayos—sa gayong kaso, kapag nakikibahagi ka sa gawaing iyon, makakamit mo ang ilang resulta, at medyo angkop para sa iyo na gawin ito. Gayumpaman, kung mayroon ka lang hilig at libangan sa larangang ito ngunit hindi ka nagtataglay ng kalakasan dito, kung gayon ay hindi mo ito tiyak na magagawa nang maayos. Ito ay isang napakasimpleng usapin. Dahil sa katigasan ng ulo at baluktot na pag-arok ng mga tao, kasama pa ang kanilang kahangalan at kamangmangan, kapag hindi nila magawang makibahagi sa gawaing interesado sila, sila ay nasisiraan ng loob, nanlulumo, at nagiging negatibo, at nagrereklamo, nag-uumapaw sa lahat ng uri ng negatibong emosyon. Samakatwid, labis na kailangan para sa mga tao na maunawaan ang aktuwal na sitwasyon ng kanilang mga hilig, libangan, at kalakasan. Sa sandaling maunawaan nila, dapat nilang tratuhin nang tama ang mga ito—isa itong aspekto. Ang isa pang aspekto ay dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Kung hinihingi sa iyo ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang iyong tungkulin sa isang partikular na larangan ngunit hindi ka mahusay sa larangang ito ng gawain, interesado ka lang dito at maalab ang damdamin mo rito, at gusto mong gawin ang gawaing ito, at gayumpaman, ayon sa pinakamababang pamantayang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, halos kaya mo itong gampanan, kung gayon ay dapat kang magpasakop at magsumikap na gawin ang iyong bahagi—huwag maghanap ng lahat ng uri ng obhetibong palusot para tumanggi o umayaw. Siyempre, kung limitado ang iyong mga likas na kondisyon sa iba’t ibang larangan o mayroon kang ilang aktuwal na isyu, at hindi ka maaaring pahintulutan ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang isang tungkulin sa larangang ito, kung gayon ay hindi ka dapat magkaroon ng mga reklamo, ni hindi ka dapat maging negatibo o manghina. Anuman ang kaya mong gawin, gawin mo lang. Para naman sa iyong mga hilig at mga libangan, panatilihin mo lang ang mga iyon para sa iyong sarili—hindi makikialam ang mga tao ng iglesia, ni hindi nila aalisin ang iyong karapatang maging interesado sa ilang bagay o maging maalab ang damdamin sa mga ito. Iyan ay iyong personal na usapin. Gayumpaman, pagdating sa paggampan ng tungkulin, dapat mong malinaw na kilatisin ang lahat ng iba’t ibang isyu tungkol sa mga hilig, libangan, at kalakasan, at dapat magawa mong tratuhin ang lahat ng ito nang tama—ito ang pinakamahalagang bagay. Nauunawaan mo ba? (Oo.)