Paano Hangarin ang Katotohanan (11) Ikaapat na Bahagi

Ang Pagmamahal sa Sining

Ngayon tingnan natin ang pagmamahal sa sining. Iyong mga nagmamahal sa sining ay likas na mahilig sa pag-awit, pagsayaw, at pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika, at nasisiyahan din sila sa pagtatanghal. Habang dumarami ang mga tao, mas nasasabik sila; at gusto nilang magbigay-aliw nang kaunti, sa pamamagitan ng pag-crosstalk, mga skit, pag-awit, pagsayaw, o pagtugtog ng mga instrumentong pangmusika para pasayahin ang lahat at tulungan ang mga ito na makapagrelaks. Anong uri ng pagpapamalas ang pagmamahal sa sining? Una, kailangan nating tingnan kung ang sining ba ay binubuo ng mga positibong bagay o mga negatibong bagay. Kung hindi malinaw sa inyo ang tungkol dito, hayaan ninyong tanungin Ko kayo: Sa tingin ba ninyo ay mga lehitimong pangangailangan ng sangkatauhan ang pag-awit at pagsayaw? (Oo.) Mga lehitimong pangangailangan ng sangkatauhan ang mga ito. Ibig sabihin, ginagamit ng mga tao ang kanilang mga boses sa pag-awit, ang lengguwahe ng katawan, o ang isang uri ng masining na pamamaraan para gawing masaya ang buhay, para dagdagan ang kagalakan ng buhay, o para ipahayag ang isa sa kanilang mga lagay ng loob. Maituturing ba itong lehitimo? (Oo.) Ngayon, bumalik tayo sa orihinal na paksa—ang pagkahilig sa sining, pagkahilig sa pag-awit at pagsayaw, sa pagtugtog ng mga instrumento at pagtatanghal—sa anong kategorya nabibilang ang mga ganitong uri ng pagpapamalas? (Mga hilig at libangan.) Dahil mga hilig at libangan ang mga ito, saan nabibilang ang mga ito? (Mga likas na kondisyon.) Ang ilang bata ay mahilig makinig sa musika at manood ng mga sayaw mula sa edad na lima o anim, at kapag naririnig nila ang kumpas ng musika, nagsisimula nang gumalaw ang kanilang mga kamay at paa, at nakararamdam sila ng pagnanais na sumayaw. Ito ay likas. Ang ilang tao ay nakaririnig ng mga kanta at musikang pansayaw at gustong matuto, pero hindi nila kaya, kahit pa sila ay tinedyer na o nasa edad dekada dalawampu. Napakahirap para sa kanila na subukang matutong sumayaw, at partikular silang alanganin sa paggalaw. Ito ay likas din. Sa kabaligtaran, iyong mga likas na mahilig sa pag-awit at pagsayaw ay makapagsisimula na masayang sumayaw kapag nakaririnig sila ng pinatutugtog na musika. Kapag nakaririnig sila ng isang taong umaawit ng isang kanta, nakasasabay sila at natututo mula sa kanya, at pagkatapos lamang magsanay nang ilang beses, kaya na nila mismong awitin ito. Pinatutunayan nito na para sa ganitong uri ng tao, ang mga bagay na ito ay likas at nasa dugo na nila; gusto nila ang mga bagay na ito sa puso nila, at magaling din sila sa mga ito. Alam nila kung paano gawin ang mga ito nang walang sinumang nagtuturo sa kanila. Mayroon pa ngang ilang partikular na natatanging indibidwal na kayang umawit ng ilang linya ng rehiyonal na opera sa edad na pito o walong taong gulang pa lang, at ang kanilang pag-awit ay mayroong makatotohanang dating, at nasa tamang tono ito at sumusunod sa tamang ritmo—tunay na bihira iyon! Ang ilang bata ay kaya pa ngang umawit ng ilang pop song, at ang ilan ay kayang sumayaw sa mga estilo tulad ng Indian dance, Xinjiang dance, o modern dance. Kapag nakaririnig sila ng mga kanta o musikang pansayaw, likas na nagugustuhan nila ang mga ito, at mabilis nilang sinisimulang igalaw ang kanilang mga katawan sa musika. Kung hindi mo sila hahayaang umawit, palihim silang aawit sa kanilang puso o maghahanap ng angkop na lugar para umawit nang malakas. Gusto lamang nilang umawit at mahilig silang umawit, at walang sinuman ang makapipigil sa kanila. Hindi sila naimpluwensiyahan ng kanilang mga magulang, ni tinuruan ng sinuman. Mula noong maliit pa sila, taglay na nila ang mga kalakasan o libangang ito. Malinaw na isa itong likas na kondisyon—mayroon silang likas na hilig sa sining. Kung interesado ang mga batang iyon sa sining, dapat ba silang makibahagi sa gawaing ito—dapat ba silang magtrabaho sa industriyang ito sa buong buhay nila? Hindi tiyak iyon. Nakadepende ito sa pag-orden ng Diyos, sa kung paano ginagamit ng Diyos ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at isinasaayos ang mga bagay-bagay. Kung isasaayos ng Diyos na magtrabaho sila sa sining, matatali sila sa industriyang ito sa buong buhay nila. Pero kung hindi isinaayos o inorden ng Diyos na magtrabaho sila sa industriyang ito, magkakaroon lang sila ng hilig at libangang ito, at kahit pa nasisiyahan sila rito, hindi magiging posible para sa kanila na makibahagi sa trabahong iyon. Ang ilang tao ay mahilig na sa sining mula pa pagkabata. Ang kanilang mga magulang, nang makita na ang kanilang anak ay may ganitong hilig at libangan, ay nag-iisip, “Linangin natin ito kung gayon. Baka makapaglabas ang ating pamilya ng isang talento sa sining. Baka sumikat pa nga ang ating anak at maging isang bituin!” Kaya sinisimulan nilang linangin ang kanilang anak sa mga pag-aaral nito sa pagsayaw at pag-awit, at sa huli, natatanggap ang anak sa isang akademya ng sining. Bagama’t nananatiling matindi ang hilig at libangan ng anak sa sining pagkatapos makapagtapos, hindi tiyak kung makakapagtrabaho ba siya sa industriyang ito. Posible na kapag makikibahagi na siya sa trabahong ito, magbabago ang kanyang lagay ng loob, at pagkatapos ay magbabago ang kanyang saloobin at mga pananaw sa trabahong ito, at posible rin na dahil sa iba’t ibang dahilan sa loob ng mga obhetibong sitwasyon, mapapalampas niya ang pagkakataong maging bahagi ng industriyang ito. Posible ang lahat ng bagay na ito; nakadepende ito sa paunang pag-orden ng Diyos. Pero kung titingnan ito mula sa ugat na sanhi, ang hilig at libangan ng anak ay ang kanyang likas na kondisyon—bago pa man siya ipanganak, isinaayos na ng Diyos ang kalakasang ito para sa kanya, at nagdagdag na ang Diyos ng ilang espesyal na katangian sa kanyang pagkatao, ginagawa siyang likas na partikular na sensitibo at magaling sa musika, sayaw, at iba pang aspekto ng sining. Kaya, ang ipinamamalas niya sa kanyang pang-araw-araw na buhay ay isang partikular na pagkahilig sa pag-awit at pagsayaw. Masigla man o mahiyain ang kanyang personalidad, mahilig man siyang magsalita o hindi mahilig magsalita, ano’t anuman, mayroong isang bagay na nasa dugo niya na hindi maaalis—mahilig siyang umawit, mahilig sumayaw, at mahilig magtanghal. Ang ilang tao, kahit na nagiging labis silang masigla at nakararamdam sila ng paglaya sa kanilang kaluluwa kapag umaawit sila, ay napakamahiyain pa rin kapag kinakausap mo sila, at hindi sila magaling sa pagpapahayag ng kanilang sarili o sa pakikisalamuha sa mga tao. Kapag nakikisama sa iba, labis silang di-natural at tensiyonado, at kinakabahan at natatakot pa nga, hindi alam kung paano haharapin ang mga sitwasyong ito. Pero kapag tumutuntong sila sa entablado para magtanghal, ginagawa nila ito nang may kadalian; tila ba naging ibang tao sila. Sinasabi ng mga walang pananampalataya na ito ay ang “patron na diyos” ng kanilang larangan na nagbibigay sa kanila ng abilidad na ito para kumita ng ikabubuhay—tama ba ito? Ang totoo, ito ay pag-orden ng Diyos. Kung anong mga kalakasan, hilig, at libangan ang likas na mayroon ang isang tao ay nauugnay sa paunang pag-orden ng Diyos. Anumang mga kalakasan at libangan mayroon ang isang tao, ang lahat ng ito ay paunang inorden ng Diyos. Kung binibigyan ka ng Diyos ng isang hilig at isang libangan, gusto mo ito at pinahahalagahan mo ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, partikular na maalab ang damdamin mo rito. Kapag nakikibahagi ka sa gawaing ito o gumagawa ka ng isang bagay na nauugnay sa gawaing ito, nakararamdam ka ng matinding kapayapaan at kapanatagan sa loob-loob mo, at labis ka ring interesado rito. Samakatwid, kung mayroon kang isang uri ng kalakasan, kapag kailangan ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, dapat mong gawin ang kaukulang tungkuling iyon. Para sa iyo, ito ang pinakamagandang pagkakataon para magamit ang iyong kalakasan. Gayundin, dahil ang kalakasang ito ay ibinigay sa iyo ng Diyos, hindi mo ito pribadong pag-aari; hindi mo ito maaaring gamitin nang mali ayon sa gusto mo. Kapag kailangan ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, dapat mo itong gamitin at ihandog sa Diyos, nang ginagamit ito sa iyong tungkulin. Ito ay isang paborableng kondisyon para matamo mo ang kaligtasan, at isa rin itong superyor na kondisyon na ibinigay sa iyo ng Diyos—dapat mo itong gamitin nang maayos at ilapat nang maayos, nang hindi nagpipigil. Sa ganoong paraan, sa isang banda, magagamit mo ang iyong kalakasan, at sa kabilang banda, matutupad mo rin nang maayos ang iyong tungkulin para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi ba’t napakaganda nito? (Oo.)

Binigyan ng Diyos ang mga tao ng ilang uri ng kalakasan, at maging sa sinaunang panahon man o sa makabagong panahon, ang isa sa mga ito—ang sining—ay hindi kailanman sineryoso, at palaging ibinibilang sa mga bagay na nasa mabababang antas ng lipunan. Sa partikular, sa ilang medyo tradisyonal at pyudal na kapaligirang panlipunan, tinitingnan ng lahat ng tao ang sining nang may pagkiling, at ang sining ay palaging dinidiskrimina ng ilan. Sa gitna ng mga tao, ang sining ay inilalarawan sa ganitong paraan, at mayroon itong ganitong uri ng ranggo, katayuan, o depinisyon, dahil sa mga kuru-kuro ng mga tao, mga pyudal na ideya ng mga tao, o mga baluktot at walang-katotohanang kaisipan at pananaw na ikinikintal ni Satanas sa mga tao. May isa pang salik, na isang masamang kultura ang nalinang sa industriyang ito dahil sa impluwensiya ng masamang lipunan at masasamang kalakaran, at kaya, nagkakaroon ang mga tao ng mababang pagtingin sa industriya ng sining. Ginamit ng ilang taong nakikibahagi sa industriyang ito ang kanilang mga hilig at kalakasan sa sining para gumawa ng maraming negatibo at buktot na bagay, na dumungis sa sining at bumaluktot sa kalikasan ng sining. Bilang resulta, nakabuo ang mga tao ng maraming negatibong opinyon tungkol sa mundo ng sining, at itinuturing nila iyong mga nagtatrabaho sa sining o may mga hilig at libangan sa larangang ito bilang mga negatibong personalidad. Gayumpaman, anuman ang pagtingin ng lipunan at sangkatauhang ito sa ganitong uri ng kalakasan, sa madaling salita, kung ang sinumang tao—miyembro man siya ng sambahayan ng Diyos o isang tao na nasa labas ng sambahayan ng Diyos—ay may kalakasan o hilig at libangan sa larangang ito, hindi maikakaila na ang kalakasan at libangang ito ay mga likas na kondisyon. Dahil mismo mga likas na kondisyon ang mga ito, hindi negatibo o buktot ang mga ito. Dahil lang sa direksyon ng ilang maling kaisipan at teorya sa mga partikular na panahon kaya ang sining at iyong mga nakikibahagi rito ay inilarawan bilang mga buktot at negatibong bagay. Ito ay isang bagay na madalas nangyayari sa buong kasaysayan. Katulad lang ito ng kung paanong ang mga soybean ay maaaring gawing fragrant tofu na gustong-gustong kainin ng mga tao, pero maaaring i-ferment ang tofu gamit ang mga mikroorganismo tulad ng amag para maging stinky tofu. Hindi mo masasabing masama ang mga soybean dahil lang sa ayaw mong kumain ng stinky tofu. Tama ba ang lohikal na pangangatwirang ito? (Hindi.) Malinaw na hindi ito tama; ito ay baluktot. Samakatwid, bagama’t may ilang marumi at pangit na bagay sa loob ng mga grupo ng sining sa lipunan, hindi mo masasabing ang sining mismo ay marumi, pangit, at negatibo, lalong hindi mo masasabing ang mga taong ito na mahilig at mahusay sa sining ay pawang mga buktot at pangit na negatibong karakter. Ito ay maling pangangatwiran; hindi ito isang tamang pag-arok. Kung, dahil buktot ang ilan sa mga taong iyon, sasabihin mong buktot din ang sining kung saan sila magaling, kung gayon ito ay isang malubhang pagkakamali. Ang iba’t ibang kalakasan na ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay may layong maglingkod sa mundo ng tao. Kung walang kultural na buhay ang sangkatauhan, iyon ay magiging nakakabagot. Ang pagsasaayos ng Diyos para magkaroon ang mga tao ng isang kultural na buhay ay hindi mali. Ang mga buktot na bagay na iyon ay pawang idinudulot ng pananamantala ng mga diyablo at ni Satanas sa mga pagkakataon para magdulot ng mga panggugulo. Kahit na, kumpara sa perpektong sangkatauhan—iyong sa huli ay gagawing ganap—ang sangkatauhang ito na nilikha ng Diyos ay hindi perpekto at may mga kapintasan ngayon, hindi ito nangangahulugan na ang sangkatauhang nilikha ng Diyos ay buktot o negatibo—ang mga ito ay dalawang magkaibang konsepto. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Anuman ang tingin ng masamang panahong ito at masamang mundong ito sa sining, at sa mga hilig, libangan, o kalakasan sa pag-awit at pagsayaw, ano’t anuman, hindi maikakaila na mga pangangailangan ng sangkatauhan ang mga ito, at na mga hilig at libangan din ang mga ito na taglay ng ilang espesyal na tao. Dahil mga hilig at libangan ang mga ito, likas ang mga ito sa mga tao at isang bagay na taglay na ng mga tao pagkapanganak, na nangangahulugang nagmumula ang mga ito sa Diyos at ibinibigay ng Diyos. Bago pa man ipanganak ang mga tao, pauna nang itinadhana ng Diyos ang trabahong papasukin ng bawat isa sa kanila: Ang ilang tao ay inilalagay sa komersyo para magnegosyo, ang ilan ay inilalagay sa mga pabrika para maging mga manggagawa, ang ilan ay inilalagay sa agrikultura para gumawa ng gawaing bukid, ang ilan ay inilalagay sa edukasyon para maging mga guro, at ang ilan ay inilalagay sa sining para maging mga tagapagtanghal. Naglagay na ang Diyos ng iba’t ibang uri ng kalakasan sa iba’t ibang tao sa oras na ipanganak sila. Ibig sabihin, sa kanilang makalamang buhay, ang mga hilig, libangan, at kalakasan ng bawat tao ay magkakaiba. Bago ka pa man ipanganak, nagdagdag na ang Diyos ng ilang espesyal at iba’t ibang bagay sa iyo. Kung wala kang mga hilig at libangan o mga kalakasan, hindi ka dapat magreklamo na hindi idinagdag ng Diyos ang mga ito sa iyo. Kung wala ang mga ito, maaari ka pa ring mabuhay, at maaari mo pa ring gampanan ang iyong tungkulin. Hindi ka nagkukulang ng anumang bagay kumpara sa iba, dahil mayroon kang parehong pagkakataon tulad ng iba para gumampan ng isang tungkulin. Ang iyong mga tiwaling disposisyon ay pareho sa mga tiwaling disposisyon ng iba; iyon nga lang, ang mga likas na kondisyon ng mga tao ay magkakaiba—ang bawat tao ay may sariling mga kalakasan at kahinaan. Kaya, ano ang pangunahing punto? Ang pangunahing punto ay ang mga pagkakaiba sa pagkatao. Ang isang tao na nagtataglay ng ilang espesyal na hilig, libangan, at kalakasan sa kanyang mga likas na kondisyon ay hindi isang uri ng espesyal na talento, at ang isang tao na hindi nagtataglay ng anumang hilig, libangan, o kalakasan sa kanyang mga likas na kondisyon ay hindi isang uri ng pangkaraniwang tao. Ang lahat ay halos pare-pareho lamang. Iyon nga lang, anuman ang ibigay sa iyo ng Diyos, hinihingi Niya mula sa iyo, at dapat mo itong gamitin sa iyong tungkulin, at anuman ang hindi Niya ibigay sa iyo, hindi Niya karagdagang hinihingi mula sa iyo. Bagama’t maaaring hindi ka binigyan ng Diyos ng mga hilig at libangan, o mga kalakasan, ang iba’t ibang bagay o kondisyon na taglay mo sa iyong pagkatao ay sapat pa rin para umako ka ng isang aytem ng gawain o isang tungkulin. Kung hindi mo ito kayang akuin, posible na ikaw ay isang tao na nasa labas ng mga hanay ng mga gumagampan ng isang tungkulin, at iyon ay magiging isang ganap na ibang usapin.

Tatapusin natin dito ang ating talakayan tungkol sa paksa ng pagmamahal sa sining. Ang paglalarawan ng katangian sa ganitong uri ng kalakasan ay dapat na malinaw na sa inyo ngayon. Huwag ninyong isipin na ang mga nagmamahal sa sining ay kakatwa o buktot. Kung ganito kayo mag-isip, ang inyong pag-arok ay lubhang baluktot. Dapat ninyong tratuhin ang gayong mga tao nang tama, pakisalamuhaan ang gayong mga tao nang tama, at hikayatin silang ilapat sa kanilang mga tungkulin ang mga propesyonal na teknik kung saan sila magaling at na nauunawaan nila. Kung ikaw ay isang lider o manggagawa, dapat kang matutong gumamit ng tamang diskarte para tulungan, gabayan, at patnubayan ang mga taong iyon sa paggamit ng kanilang mga kalakasan, upang makarating sila sa tamang landas at makaako ng isang tungkulin na nauugnay sa kanilang mga hilig at libangan, at sa gayon ay maging mga nilikha na pasok sa pamantayan, at maging karapat-dapat sa iba’t ibang hilig, libangan, at kalakasan na ibinigay sa kanila ng Diyos. Kung hindi nila kayang umako ng isang tungkulin na nauugnay sa kanilang mga hilig at libangan, ayos lang din na gumawa sila ng ibang tungkulin. Gayumpaman, hindi sila dapat pagbawalan na magkaroon ng sarili nilang mga hilig at libangan, dahil bahagi ito ng pagkatao.

Tungkol diyan, may naaalala Ako—ngayon, sa sambahayan ng Diyos, may ilang bagong mang-aawit na nag-record ng mga kanta. Ang mga bagong mang-aawit na ito, pagkatapos masigasig na magtamo ng propesyonal na kaalaman at magsanay sa pag-awit, ay nakapag-record na rin sa wakas ng mga tapos na kanta, lumipat mula sa pagtatrabaho sa likod ng eksena patungo sa pagtatanghal sa pangunahing entablado. Kahit na ang kanilang pag-awit ay hindi umaabot sa isang propesyonal na pamantayan, at hindi pa umaabot sa antas ng mga propesyonal na mang-aawit, at may puwang pa para bumuti—ang ilan sa kanila ay umaawit nang walang gaanong bihasang kapinuhan, ang mga boses ng ilang mang-aawit ay hindi gaanong malambing at ang kanilang mga pagtatanghal ay hindi gaanong kaaya-aya sa paningin—ang kanilang saloobin sa paggampan ng kanilang tungkulin ay karapat-dapat sa pagpapalakas ng loob. Ang paglipat mula sa pagiging isang hindi propesyonal patungo sa paglabas sa screen bilang isang bagong mang-aawit, isang walang karanasang mang-aawit, ay isang bagay na karapat-dapat sa pagpapalakas ng loob. Kaya, ano ang gusto Kong sabihin sa inyo tungkol sa usaping ito? Kapag ang mga video ng himno na ini-record ng mga bagong mang-aawit na ito ay in-upload sa internet, dapat ninyong palakasin ang loob nila nang kaunti. Maaari din kayong magbigay ng ilang magandang suhestiyon na mapapakinabangan nila, pero huwag ninyo silang hanapan ng mali, huwag ninyo silang maliitin sa mapanghamak na paraan, at huwag kayong maging masyadong mapamuna. Ang saloobing ito ay hindi mabuti; sa pinakamababa na, walang pagmamahal at pagpaparaya rito, at hindi ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao sa kanyang mga kapatid. Ano ang angkop na paraan para tratuhin sila, kung gayon? Dapat ninyo silang hikayatin at palakpakan nang kaunti, at pagkatapos ay magbigay kayo ng ilang angkop na suhestiyon; ito lang ang kapaki-pakinabang sa kanila. Kahit papaano man lang, mayroon silang lakas ng loob na tumayo sa entablado at umawit ng mga himno para purihin ang Diyos, na kapaki-pakinabang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Samakatwid, dapat silang tulungan ng lahat na makagampan nang maayos sa kanilang tungkulin, at hinding-hindi dapat magbitiw ng iresponsableng komento ang lahat, at hindi dapat mainggit sa kanila. Dapat tayong maging masaya at magalak na mas marami na ang may talento sa pag-awit sa sambahayan ng Diyos—isa itong mabuting bagay. Iyong mga may kalakasan sa larangang ito ay pawang dapat payagan na magamit ang mga ito; lahat sila ay dapat bigyan ng mga pagkakataon. Sila mismo ay walang gaanong kumpiyansa, at wala silang mapaggagamitan ng kaunting hilig at libangan na mayroon sila. Kung mayroon silang kahandaan na gampanan nang maayos ang tungkuling ito at nakapag-record sila ng mga video ng himno, kapag nakita mo ito, dapat mo itong pakinggan nang hindi bababa sa dalawa o tatlong beses—pakinggan mo nang mabuti at maingat—at palakasin mo nang kaunti ang loob nila. Huwag mo silang siraan kapag nakatalikod sila. Dapat mong sabihin sa ibang mga kapatid na pakinggan pa ang mga kantang inaawit nila at bigyan sila ng mas maraming like. Ang ilan sa kanila ay umaawit nang napakaganda, nang may tunay na emosyon, binibigkas ang bawat linya nang napakalinaw; ang kanilang kasuotan at kilos ay marangal at wasto, kaya nagmumukha silang angkop sa iba. Gayumpaman, ang iba ay maaaring nagkukulang nang kaunti sa usapin ng kanilang mga boses at teknikal na kahusayan. Kung may alam ka nang kaunti tungkol sa musika at nakakapansin ka ng mga kapintasan, huwag mo silang kutyain; tratuhin mo sila nang wasto, at palakasin mo ang loob nila at suportahan mo pa rin sila. Ito ang saloobin na dapat mong taglayin bilang isang kapamilya, bilang isang kapatid. Huwag mong tularan ang masasamang tao sa paggawa ng mga bagay na minamaliit ang iba o hinahamak ang iba. Kung ikaw mismo ay hindi makatuntong sa entablado, pero kapag may ibang nakagagawa nito ay naiinggit ka, sinisiraan mo sila, at nagbibitiw ka ng mga walang-kuwentang komento kapag nakatalikod sila, ito ay kawalan ng pagkatao. Ang umasal sa ganitong paraan ay hindi mabuti—ito ay kasuklam-suklam. Kahit pa napapansin mo ang kanilang mga kapintasan, dapat mo pa ring palakasin ang loob nila. Dapat mo itong gawin dahil sila ay mga kapatid—hindi sila mga propesyonal, at hindi rin sila sumailalim sa propesyonal na pagsasanay—at ang kanilang kakayahang umawit tulad ng ginagawa nila ngayon ay ganap na resulta ng sarili nilang pagtuklas, pagsasanay, at pagsisikap. Kaya bakit hindi mo palakasin ang loob nila? Kung matututo kang maging mapagpalakas ng loob at mapagparaya, at kaya mo pa rin silang tratuhin nang tama nang may pagmamahal at pagpaparaya kahit na nakakapansin ka ng ilang kapintasan sa kanilang pag-awit, kung gayon ay ipinapakita nito na mayroon kang pagkatao. Palaging ikinukumpara ng ilang tao ang mga mang-aawit sa sambahayan ng Diyos sa mga propesyonal na mang-aawit ng mundong walang pananampalataya, at kaya minamaliit nila ang mga mang-aawit sa sambahayan ng Diyos at naghahanap sila ng mali sa ganito at ganyan. Ito ay kawalan ng pagkatao. Kung palagi mong pinupuna ang mga pagkukulang ng iba at palagi mong iniisip na mas magaling at mas nakatataas ka kaysa sa iba, bakit hindi ka makaawit ng isang kanta na umaantig sa mga tao? Huwag kang maghanap ng mali sa iba. Ang mga mang-aawit sa iglesia ay walang mga propesyonal na background, pero may isang bagay na espesyal tungkol sa kanila: Sa paggawa ng gawaing ito, hindi sila nakikibahagi sa isang karera—ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Ang kanilang tungkulin ay ang gamitin ang kanilang mga boses para awitin ang mga salita ng Diyos at para patotohanan at ipalaganap ang mga salita ng Diyos. Kaya dapat mong palakasin ang loob nila. Hindi ba’t mabuti ang paggawa nito? (Oo.) Ito ay pagkakaroon ng pagkatao. Huwag kang maghanap ng mali kapag nakikinig ka sa pag-awit ng isang bagong mang-aawit, sinasabing, “Hindi maganda ang boses ng taong ito. Hindi ito pino. Wala siya sa kumpas, at hindi tama ang kanyang tono—hindi ako makikinig! Walang sinuman ang dapat makinig sa kanya, at walang sinuman ang dapat magbigay sa kanya ng like!” Bakit labis kang metikuloso tungkol sa usaping ito? Ang pag-awit nang medyo wala sa tono, pag-awit nang walang bihasang kapinuhan, o sa isang hindi propesyonal na paraan—sumasalungat ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi. Ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, kaya dapat mong sukatin ang kanilang pag-awit gamit ang mga prinsipyo ng paggampan ng isang tungkulin, hindi batay sa sarili mong mga panlasa at perspektiba. Sa prangkang pananalita—ano ba ang alam mo? Kung napakarami mong alam tungkol sa pag-awit, bakit hindi ka pa nakaawit ng kahit isang kanta na pasok sa isang huwarang pamantayan? Dahil hindi ka pa nakaawit nang pasok sa isang huwarang pamantayan, wala kang karapatang punahin ang iba. Siyempre, kahit pa kaya mong umawit nang pasok sa isang huwarang pamantayan, hindi mo pa rin dapat punahin ang iba. Ang kanilang mismong paggampan sa gawaing ito ay hindi pakikibahagi sa industriya ng sining o pagtatrabaho sa sining—ito ay paggampan ng isang tungkulin at pagpapakalat ng mga salita ng Diyos, na may ibang kalikasan. Umaawit man sila nang maganda o hindi, inilalagay nila ang kanilang puso sa kanilang ginagawa—ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Pagdating naman sa kanilang propesyonal na antas, iyon ay ibang usapin. Ang isang propesyonal na pamantayan ay unti-unti lang makakamit sa pamamagitan ng pag-aaral at pangmatagalang pagsasanay. Ang mga bagong mang-aawit sa sambahayan ng Diyos ay kasalukuyang nasa antas na kinaroroonan nila. Dapat silang tratuhin nang tama ng mga tao—dapat magbigay ang lahat ng pagpapalakas ng loob at suporta. Huwag kang maghanap ng mali, at huwag mong ipangalandakan ang iyong sarili. Kung ipapangalandakan mo ang iyong sarili, kasusuklaman ka ng mga tao. Kung hindi mo ipapangalandakan ang iyong sarili at sa halip ay makikinig ka nang ilang beses pa, iisipin ng mga tao na isa kang medyo mabuting tao, isang tao na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, na ang puso ay nasa sambahayan ng Diyos, at may pagpaparaya, at ito, kung gayon, ay isang kalakasan, isang merito ng iyong pagkatao. Kung gagawin mo ito, magugustuhan ka ng mga tao, at magugustuhan ka rin ng Diyos. Kung magpapakitang-gilas ka, palaging pinapansin ang mga kapintasan para ipakita na ikaw ay magaling at ikaw ay isang eksperto, kung gayon ay sinisira at ginugulo mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung sinisira mo ang gawain, magugustuhan ka ba ng Diyos? (Hindi.) Hindi ka magugustuhan ng Diyos, at hindi ka rin magugustuhan ng mga kapatid. Ano ba ang naging kasalanan ng mga mang-aawit sa iyo? Bakit kailangan mong magpasikat at sirain sila nang ganito? Isang tao lang ba ang sinisira mo? Hindi, sinisira mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sinisira mo ang Diyos. Kung gagawin mo ito, magugustuhan ka ba ng Diyos? Kahit pa nakaririnig ka ng mga kapintasan sa mga kantang inaawit nila, hindi mo sila dapat husgahan, dahil ang pag-abot sa isang propesyonal na pamantayan sa anumang espesyalisadong gawain ay hindi isang bagay na nangyayari nang magdamag. Hindi ito madali—nangangailangan ito ng pagpapahusay at pagsasanay, at gabay mula sa mga propesyonal; at, bilang karagdagan, ang lahat ay may magkakaibang kakayahan. Kahit ang Diyos ay hindi nagtatakda ng inaasahan sa kanila batay sa propesyonal na pamantayan, kaya anong kalipikasyon ang mayroon ka para hingin ito mula sa kanila? Ang palaging paghingi na dapat maabot ng iba ang isang partikular na antas ay hindi makatwiran; ito ay pagmamataas, at ito ay pagpapasikat. Kapag namumukod-tangi ang iba, nababagabag ang puso mo at nagiging walang-katapusan ang pagkainggit mo, palaging gustong magsabi ng ilang sarkastiko at nakakasakit na salita para mapalugdan ang iyong banidad. Napakababa ng paggawa nito! Ito ay kasuklam-suklam at ubod ng sama, at ang gayong tao ay walang konsensiya at katwiran. Dapat kang gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa iba, mga bagay na karapat-dapat sa paghanga ng iba at tinatandaan din ng Diyos. Huwag kang gumawa ng mga bagay na sumisira sa iba. Tatandaan ba ninyo ito? (Oo.) Kung hindi mo makamit ang pagiging mapagparaya, mapagsuporta, at mapagpalakas ng loob, at hindi mo maprotektahan at mapangalagaan ang gawain ng iglesia, kung wala ka ng pagkataong ito, kahit papaano man lang ay huwag kang gumawa o magsabi ng mga bagay na sumisira sa iba. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin—ito ang hangganan.