Paano Hangarin ang Katotohanan (11) Ikatlong Bahagi

Ang Unang Pagsasagawa Para sa Paghahangad sa Katotohanan: Pagbitiw

Pagbitiw sa mga Hadlang sa Pagitan ng Sarili at ng Diyos at sa Pagkamapanlaban sa Diyos

I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon Tungkol sa Gawain ng Diyos

F. Hindi Binabago ng Gawain ng Diyos ang mga Likas na Kondisyon ng mga Tao; Layon Nitong Baguhin ang Kanilang mga Tiwaling Disposisyon
6. Iba’t Ibang Pagpapamalas ng mga Likas na Kondisyon, ng Pagkatao, at ng mga Tiwaling Disposisyon

Ang ating pagbabahaginan sa panahong ito ay tungkol sa isang partikular na paksa na nakapaloob sa prinsipyo ng pagsasagawa ng “pagbitiw” sa loob ng kung paano hangarin ang katotohanan—mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos pagbahaginan ito nang maraming beses, mayroon na ba kayong kaunting pagkilatis tungkol sa ilang partikular na pagpapamalas at pagbubunyag na kinasasangkutan ng tatlong aspektong ito—mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon? (Ang aking pagkilatis sa mga bagay na ito ay medyo mas mabuti na kaysa noon. Dati, madalas kong napagpapalit ang karakter at mga tiwaling disposisyon, pero sa pamamagitan ng ilang nakaraang pagbabahagi ng Diyos, medyo napag-iiba ko na ang mga ito ngayon.) Bakit kinakailangang pag-ibahin ang mga bagay na ito? (Ito ay upang malaman natin kung aling mga problema sa ating sarili ang dapat malutas at kung alin ang kailangan lang nating harapin nang tama.) Mahusay ang pagkakasabi. Ang pagbabahaginan nang ganoon kadetalyado ay mas nagpapalinaw sa mga pagkakaiba ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon, at nagkakamit ang mga tao ng mas malinaw na pag-unawa sa mga tiwaling disposisyon at mga pagpapamalas ng napakasamang karakter, na dalawang magkahiwalay na bagay. Sa partikular, nagagawang mapag-iba ng mga tao ang masamang karakter, mga tiwaling disposisyon, at mga likas na kondisyon. Hindi nila ituturing ang ilang kapintasan sa pagkatao bilang mga tiwaling disposisyon, at siyempre, hindi rin nila ituturing ang ilang pagkukulang at kapintasan sa loob ng mga likas na kondisyon bilang mga tiwaling disposisyon. Kapag mayroong ganitong pagkilatis ang mga tao, lumilinaw nang lumilinaw sa kanila ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon, at hindi na nila pinalalaki ang maliliit na bagay tungkol sa mga problema na hindi kinasasangkutan ng mga tiwaling disposisyon. Kasabay nito, mayroon din silang mas malinaw na pag-unawa kung ano ba talaga ang mga tiwaling disposisyon. Kaya, maaari ba ninyong ipaliwanag nang malinaw kung ano ba talaga ang mga tiwaling disposisyon? Mayroon bang anumang kaugnayan ang mga tiwaling disposisyon sa mga likas na kondisyon? Naiimpluwensiyahan ba ang mga ito ng mga likas na kondisyon? (Hindi.) Ipagpalagay na ang isang tao ay may magandang hitsura, maputi, at magandang proporsyon ng mga bahagi ng mukha—masasabi ba na dahil mayroon siyang magandang panlabas na anyo ay wala siyang mga tiwaling disposisyon, na ang kanyang pagkatao ay kasingperpekto at kasingdalisay ng kanyang hitsura, na hindi siya mapagmataas o buktot kahit kaunti kundi napakabanal? Masasabi ba ito? (Hindi.) Pagkatapos magbahaginan nang ganito, ang mga pagkakaiba ng tatlong aspektong ito—mga tiwaling disposisyon, mga likas na kondisyon, at pagkatao—ay malinaw na ngayon sa pangkalahatan, hindi ba? (Oo.) Madaling kilatisin ang mga ito.

Ang Pagiging Mahusay sa Pagnenegosyo

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa pagkahilig sa pagnenegosyo. Sa aling aspekto dapat ikategorya ang pagpapamalas na ito ng pagkahilig at pagkagusto sa pagnenegosyo? (Mga likas na kondisyon.) Bakit ito itinuturing na isang likas na kondisyon? (Ito ay isang interes at isang libangan, kaya maituturing ito bilang isang likas na kondisyon.) Sa isang banda, ito ay isang interes at isang libangan; sa kabilang banda, kung ang isang tao ay mahilig sa pagnenegosyo at may talento sa pagnenegosyo—likas siyang mahusay rito nang hindi nag-aaral nang propesyonal, at nagagawa niyang maunawaan ito at alam niya kung paano kumita ng pera, magkaroon ng tubo, samantalahin ang mga oportunidad sa negosyo, at iba pa nang walang gabay mula sa iba—kung gayon, ang taong ito ay nagtataglay ng isang kalakasan sa pagnenegosyo sa kanyang mga likas na kondisyon. Kung likas na taglay ng isang tao ang kalakasang ito, tiyak na isa itong likas na kondisyon, at ang mga likas na kondisyon ay walang gaanong kinalaman sa mga impluwensiyang natatanggap pagkatapos isilang. Tingnan mo, ang ilang tao ay nagsisimulang matutong magnegosyo sa edad na 15 o 16 habang nag-aaral pa. Sa tuwing mayroon silang magandang bagay, nag-iisip sila ng mga paraan para ibenta ito. Ibinebenta pa nga nila ang mga regalo ng kanilang mga magulang para sa kaarawan nila. Hindi nila ginagastos ang sarili nilang baon, at sa halip ay iniipon ang lahat ng ito para magnegosyo. Pagsapit nila sa edad na 18 o 19, kaya na nilang magpatakbo ng maliliit na negosyo. Katamtaman lang ang kanilang mga marka sa paaralan, pero mayroon silang talento para sa pagnenegosyo, mabilis sila sa mga kalkulasyon, at mayroon silang partikular na husay sa negosyo—ito ay isang kalakasan. Ang pagkahilig sa pagnenegosyo ay nabibilang sa mga kategorya ng mga kalakasan o ng mga interes at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Ano’t anuman, isa itong aspekto ng mga likas na kondisyon, at dito ikinaklasipika ang pagpapamalas ng pagkahilig sa pagnenegosyo. Ang ilang tao ay hindi tiyak na may libangan o kalakasan na nauugnay sa negosyo. Pangunahin silang umaasa sa pandaraya at panloloko sa mga tao kapag nagnenegosyo sila. Hindi sila kumikita ng pera sa pamamagitan ng sarili nilang pagsisikap at pagpupursigi o sa pamamagitan ng paggamit ng mga lehitimong pamamaraan at metodo sa negosyo, kundi sa halip ay gumagamit sila ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya at ng pagsasamantala sa mga butas sa batas para makamit ang kanilang layon na magkaroon ng tubo at kumita ng pera. Anong uri ng problema ito? Palagiang nagnenegosyo ang gayong mga tao sa ganitong paraan—nasasangkot ba rito ang diwa ng kanilang pagkatao? (Oo.) Mabuti ba o masama ang gayong pagkatao? (Masama ito.) Paano ito naging masama? Pagdating sa pagkatao ng gayong mga tao, sa pangkalahatan, mayroon silang masamang karakter. Ang layon ng mga tao sa pagnenegosyo ay palaging ang kumita ng pera. Kung kumikita ka ng pera sa pamamagitan ng mga lehitimong pamamaraan ng pagnenegosyo, ito ay isang abilidad na mayroon ka, at isa itong pakinabang na dulot ng kalakasang ibinigay sa iyo ng Diyos. Pero kung hindi nakapagtatamo ng pera at tubo ang isang tao sa pamamagitan ng mga lehitimong pamamaraan ng pagnenegosyo, kundi sa pamamagitan ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya, kung gayon, ang gayong mga tao ay walang integridad at may mababang karakter. Mayroon bang konsensiya ang gayong mga tao? (Wala.) Sa kolokyal na pananalita, ganap na bulok ang kanilang konsensiya—wala silang konsensiya. Bakit natin sinasabing wala silang konsensiya? (Sa pangkalahatan, ang mga taong may konsensiya ay nakararamdam ng pag-aakusa mula rito pagkatapos nilang mandaya at manloko ng ibang tao, at hindi na nila ginagawa ang mga bagay na iyon. Gayumpaman, ang mga taong walang konsensiya ay nakatuon lang sa pagkakaroon ng tubo. Ang kanilang konsensiya ay walang anumang kamalayan, kaya patuloy lang sila sa paggawa ng mga bagay na iyon.) Hindi gumagana ang kanilang konsensiya; masasabi rin na wala silang konsensiya. Kung mayroon silang konsensiya, gagana ang kanilang konsensiya, at pagkatapos manloko ng isang tao nang isang beses, makararamdam sila ng panunumbat sa sarili mula sa kanilang konsensiya. Kahit na kumita sila, makararamdam sila ng matinding pagkabalisa sa loob-loob nila. Kapag ginastos nila ang pera, mamumula ang kanilang mukha, at makararamdam sila ng pagkabagabag sa loob-loob nila, nararamdaman na ang ginawa nila ay marumi at mababang-uri. Kaya, mula noon, hindi na sila manloloko ng sinuman muli; gaano man kalaki ang posibleng tubo, hinding-hindi nila ito gagawin—ito ang paggana ng konsensiya. Pero iyong mahuhusay sa pandaraya, panlilinlang, at panloloko sa iba ay gagawin ito sa tuwing gusto nila. Pagkatapos nilang magtagumpay, hindi nababagabag ang kanilang puso kapag ginagastos nila ang pera. Sa sandaling makuha nila ang pera, iniisip nila na sila ay matalino at magaling, at nakararamdam sila ng kagalakan at malaking pagmamalaki sa tagumpay ng kanilang mga estratehiya sa panloloko. Nagbebenta sila ng mga kalakal na kulang sa timbang, nagbebenta sila ng pekeng gamot, pekeng ginseng, karneng tinurukan ng tubig—ang lahat ng ibinebenta nila ay may halo at mapanlinlang. Ang bawat negosyong pinapasok nila ay kinasasangkutan ng mga taktika at patibong sa panloloko, at ang lahat ng perang kinikita nila ay nakukuha sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na pamamaraan. Anuman ang negosyong pinapasok nila, hindi nila ito kailanman isinasagawa sa paraang sumusunod sa panuntunan sa pamamagitan ng paniningil ng tamang presyo. Tingnan mo, partikular na niloloko ng ilang tao ang mga regular na parokyano kapag nagnenegosyo. Halimbawa, kung madalas kang bumili sa kanila at alam nilang may pera ka, sisingilin ka nila ng 100 yuan para sa isang bagay na ibinebenta nila sa iba nang 10 yuan. Sasabihin pa nga nila, “Hindi ko ito ibinebenta sa iba—itinatabi ko ito para lang sa iyo. Nakikita mo ba kung gaano katibay ang ating ugnayan? Sulit para sa iyo, hindi ba?” Nanloloko sila ng mga tao at ipinaparamdam pa nga sa mga ito na dapat maging mapagpasalamat ang mga ito—napakagagaling nilang manloloko! Ang mga tao na walang anumang pagkaramdam ng pag-aakusa sa sarili sa kanilang konsensiya ay hindi nakararamdam ng panunumbat o kamalayan sa kanilang konsensiya anuman ang gawin nila, kaya masasabing ang gayong mga tao ay walang konsensiya. Anuman ang lagay ng kanilang katwiran, kung huhusgahan lang batay sa kanilang konsensiya, ang mga taong ito ay walang pagkatao at may mababang karakter. Hanggang saan ang pagiging mababa nito? Wala silang konsensiya at walang pagkatao. Ibig sabihin, wala silang kamalayan, paggana, at mga pagpipigil ng konsensiya na mayroon ang mga normal na tao. Kung wala ang mga pagpipigil na ito, kaya nilang gawin ang anumang bagay. Sa pagnenegosyo, kaya nilang gumawa ng pandaraya at panloloko; sa anumang operasyon ng negosyo, kaya nilang manipulahin ang mga bagay-bagay at labagin ang mga panuntunan. Kaya nilang gumawa ng anumang imoral na kilos. Kahit kapag nagtatayo sila ng mga bahay, gumagamit sila ng mga mahinang klase ng materyales. Tingnan mo—ano ang sanhi niyong mga nakatagilid na gusali at mga pagguho ng gusali sa kalakhang Tsina? Ito ay dahil, para kumita ng labis-labis na tubo, gumamit ang mga tagapagtayo ng mga hindi pasok sa pamantayang proporsyon ng halo ng semento at pamamaraan sa paggamit ng steel rebar, na nakaapekto na sa kondisyon ng mga gusali. Bilang resulta, hindi pa nagtatagal pagkatapos manirahan ng mga tao roon, gumuguho na ang ilang gusali. Kung magkakaroon ng magnitud lima o anim na lindol, guguho ang karamihan sa mga gusali, at hindi lubos maisip ang mga kahihinatnan. Ang mga walang-pusong kontratistang iyon ay walang konsensiya kahit kaunti—pagkakita na may mga taong namatay, agad nilang hinahanap ang kanilang mga tagasuporta para gumawa ng mga pangontrang hakbang upang harapin ang sitwasyon. Kung sapat ang lakas ng kanilang mga tagasuporta at mayroon silang mga pangontrang hakbang, matagumpay na mapagtatakpan ang usapin. Ang iilang pagkamatay na iyon ay binabalewala sa pamamagitan ng ilang tulong sa pagpapalibing, at walang sinuman ang makapagpapanagot sa kanila kahit kaunti. Ang kanilang konsensiya ay walang kamalayan; lalo na ang iilang pagkamatay—kahit pa dose-dosena, daan-daan, o sampu-sampung libong tao ang mamatay, wala lang ito sa kanila. Sa kanilang paningin, ang buhay ng mga tao ay walang pinagkaiba sa buhay ng mga langgam—walang kabuluhan ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, mayroon bang konsensiya ang gayong mga tao? Ang mga tao na walang konsensiya ay masasabing walang pagkatao. Kaya, ang kanilang mga kilos ba ng pandaraya at panloloko sa iba habang nagnenegosyo ay mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon? (Oo.) May mga partikular na tiwaling disposisyon sa loob nito. Anong mga tiwaling disposisyon? (Pagiging malupit at pagiging mapanlinlang.) Ang kanilang mga karakteristiko at representatibong tiwaling disposisyon ay panlilinlang at kabuktutan. Iyong mga kayang gumawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya ay partikular na mapanlinlang. Minsan, ang mga pamamaraang ginagamit nila para manloko at mandaya ng mga tao ay iyong mga hindi mo kailanman inaasahan, at maaari ka pa ngang medyo makaramdam ng kaligayahan habang niloloko ka nila, inaakala na tinatrato ka nila nang napakabuti. Pagkalipas lang ng mahabang panahon ka magigising at bigla mong mapagtatanto na nalinlang ka. At kapag hinanap mo sila, naglaho na sila nang walang bakas. Napakasopistikado ng kanilang mga pamamaraan ng panloloko sa mga tao! Noong dekada 80 at 90, medyo maunlad ang industriya at komersyo sa Guangdong, Tsina. Ang ilang medyo makabagong gamit sa bahay ay hindi pa nakararating sa mga panloob na rehiyon, kaya ang ilang tao mula sa mga panloob na rehiyon ay naglakbay patungong Guangdong para bilhin ang mga ito upang sumabay sa uso. Nang mapagtanto ng mga mangangalakal na ang mga parokyanong ito ay mula sa mga panloob na rehiyon, nagsimula silang mag-isip kung paanong ito na ang kanilang pagkakataon para magsagawa ng isang panloloko. Bumili ang mga taong mula sa mga panloob na rehiyon ng mga tape recorder, telebisyon, at iba pang kagamitan. Pagkatapos magbayad, sinabi pa nga sa kanila ng mga nagbebenta kung gaano katagal ang warranty at sinabing kung may anumang isyu sa mga kagamitan, maaari silang bumalik para magpapalit, na nagparamdam sa mga parokyano na medyo maganda ang serbisyo pagkatapos makabenta. Nang paalis na sila, sinabi ng mga nagbebenta na kailangan nilang balutin ang mga kagamitan, at pagkatapos ay dinala nila ang mga ito sa likod para balutin. Pero, nang makauwi ang mga parokyano at buksan ang balot, wala silang nakita kundi mga laryo at bato sa loob sa halip na mga kagamitan—saka lang nila napagtanto na pinalitan ng mga mangangalakal ang binili nila, at na naloko sila. Ang paglalakbay pabalik para hanapin ang mga ito ay magiging napakahaba, at malaki rin ang magagastos nila sa paglalakbay, kaya ang magagawa na lang nila ay tanggapin ang kawalan at matuto ng aral mula sa karanasan—kapag bumili ka ng isang bagay, dapat mong iabot ang bayad gamit ang isang kamay at kunin ang mga kalakal gamit ang kabila, at dapat na personal na suriin ang lahat para makatiyak na nakukuha mo ang binayaran mo. Madalas mangyari ang ganitong uri ng bagay sa mga tao na madalas bumiyahe para sa negosyo. Ngayon, ang gayong mga insidente ay hindi na lang mga paminsan-minsang pangyayari sa iisang lungsod kundi naging karaniwan na. Dumarami ang mga insidente ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya, at parami nang paraming mga tao na nagnenegosyo ang nanloloko. Bakit hindi ganoon karami nito noon? Ito ay dahil lang, noon, hindi pa natutuklasan ng ilang tao ang mga taktikang ito sa panloloko. Noong sandaling sumikat na ang mga taktikang ito sa panloloko sa lipunan, nagsimula nang sunod-sunod na gumaya at sumunod ang mga mangangalakal, at nagsimula silang lahat na gawin ito. Nagsimula silang lahat na gawin ito—maaari bang mangahulugan iyon na naging tiwali ang kanilang konsensiya kalaunan? Hindi, ang mga taong ito ay likas na walang gaanong konsensiya. Kaya lamang dati, dahil sa antas ng kanilang karanasan o kaalaman, hindi pa nila alam kung paano manloko at mandaya ng iba nang ganito. Kalaunan, dahil sa pagiging tiwali ng lagay ng lipunan, unti-unti silang naging mas malupit at walang awa sa paggawa ng gayong mga bagay, at ang kalikasan ng kanilang mga kilos ay lalong nagiging ubod ng sama.

Ang mga taong tulad nito ay gumagamit ng mga pamamaraan ng pandaraya at panloloko habang nagnenegosyo, kaya mandadaya at manloloko rin ba sila ng mga tao habang gumagawa sila ng ibang mga bagay? (Oo.) Ang kanilang mga pamamaraan at metodo ng pagnenegosyo at ang kanilang saloobin sa mga bagay tulad ng pandaraya at panloloko ay kumakatawan sa kanilang pagkatao. Mayroon silang ganitong uri ng pagkatao, kaya anuman ang gawin nila—kahit pa hindi ito pandaraya at panloloko sa iba—hindi ito magiging mas mabuti kaysa roon. Dahil ang ganitong uri ng pagkatao ang batayan ng paggawa nila ng mga bagay na ito, anuman ang gawin nila, ang kalikasan nito ay halos pareho lang—sadyang wala silang kamalayan ng konsensiya. Kapag naging mga opisyal ang mga taong ito, ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasalita at pagkilos ay pareho lang sa pamamaraan nila kapag nagnenegosyo sila—hindi gumagana ang kanilang konsensiya, nandadaya at nanloloko sila, nananakit at pumapatay sila ng mga tao, at lumalabag sila sa batas; kaya nilang gawin ang anumang bagay na sumasalungat sa pagkatao, moralidad, at katarungang moral. Ganito sila umasal sa negosyo pati na rin sa politika. Kung magsasagawa sila ng siyentipikong pananaliksik, maaari bang magbago ang kanilang pagkatao dahil iba ang larangang kinabibilangan nila? Hindi. Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang kalamangan ang gayong mga tao pagdating sa paggampan ng mga pangkalahatang gawain sa iglesia? Sinasabi ng ilang tao, “Si ganito-at-ganyan ay naging isang malaking boss o isang CEO sa sekular na mundo noon. Ang kanyang mga pamamaraan ng pagnenegosyo ay napakatalino, pero medyo hindi disente—minsan ay nandadaya at nanloloko siya ng mga tao. Hindi ko alam kung ang pag-aangat sa ganitong uri ng tao para gumawa ng mga pangkalahatang gawain sa iglesia ay angkop ba o hindi.” Sabihin ninyo sa Akin, mabuting tao ba ang ganitong uri ng tao? Siya ba ay isang indibidwal na tunay na may talento? (Hindi.) Palaging itinuturing ng ilang tao ang mga indibidwal na ito bilang mga taong may talento, at inirerekomenda ang lahat ng taong ito na may kaunting prestihiyo sa lipunan, sinasabing si ganito-at-ganyan ay isang CEO o isang nakatataas na ehekutibo, na ang isa pang indibidwal ay isa sa nangungunang sampung natatanging kabataan sa lipunan o isang huwarang manggagawa, at na ang iba ay may mga master’s o doctoral degree, o nagtrabaho bilang mga abogado o mamamahayag, o bilang mga lingkod-bayan o opisyal. Ang totoo, ang mga taong nagrerekomenda sa mga indibidwal na ito ay walang espirituwal na pang-unawa at hindi nakakaunawa sa katotohanan. Pakiramdam lang nila na ang iba’t ibang aytem ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay kailangang akuin ng mga taong ito na may talento at mga piling tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay sa lipunan, kaya inirerekomenda nila ang mga taong ito na akuin ang papel ng mga superbisor para sa mga aytem na ito ng gawain. Pagkatapos maging superbisor ang mga taong ito, hindi lang nabigo silang pangasiwaan nang maayos ang gawain, kundi ginulo rin nila ito nang husto, na nagresulta sa paglitaw ng kaguluhan saanman sa gawain ng iglesia—ito ay talagang ganap na walang katuturan! Ang tanging nagawa ng mga taong ito ay ang mangahas na kumilos nang may hindi makatwirang kapusukan, mag-amok sa paggawa ng masasamang gawa, maging walang pakundangan at mapangahas, at walang-kahihiyang isagawa ang ilang gawain—bukod doon, walang kahit isang aytem ng gawain na tunay nilang nagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang pinakamalaking katangian ng mga taong ito ay na hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan sa anumang ginagawa nila at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso. Bakit nagagawa nilang maging mga superbisor? Ang isang dahilan ay na naniniwala silang sila ay mga piling tao, mga indibidwal na may talento, at mga haligi mula sa lahat ng antas ng pamumuhay sa lipunan, kaya iniisip nila na dapat silang umako ng mga pangunahing posisyon, umako ng malalaking responsabilidad, at gumanap ng mahahalagang papel pagkatapos nilang pumasok sa sambahayan ng Diyos, na dapat silang magkaroon ng prestihiyo at bigyan ng paggalang, at na hindi makakaya ng sambahayan ng Diyos nang wala sila. Kaya, ginagawa nilang sentro ng atensiyon ang kanilang sarili, sinusubukang maging mga superbisor at umako ng gawain. Ang isa pang dahilan ay na binibigyan din sila ng mga pagkakataon ng sambahayan ng Diyos. Dahil handa silang gawin ang gawain, pinapayagan silang subukan ito—may kakayahan man sila o wala, kailangan silang subukin. Pero ang mga taong ito ay walang anumang tunay na talento o tunay na kaalaman. Huwag nang isipin kung nauunawaan ba nila ang katotohanan at kung kaya ba nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—sa usapin lang ng sarili nilang kakayahan, mga talento, kabatiran, ng kanilang abilidad na makaarok sa iba’t ibang usapin, ng kanilang abilidad na tingnan ang mga bagay-bagay, at ng kanilang abilidad na mangasiwa ng mga usapin, karamihan sa kanila ay walang tunay na talento o tunay na kaalaman. Wala silang tunay na talento o tunay na kaalaman, kaya bakit sabik na sabik at maagap pa rin sila sa pag-ako ng malalaking responsabilidad at pagpasan ng gawain? Ito ay dahil gumagana ang kanilang ambisyon at banidad, at bukod pa rito, sila ay walang-hiya—hindi nila alam ang sarili nilang tunay na kakayahan pero palagi nilang gustong magpakitang-gilas. Bilang resulta, nabibigo silang gawin nang maayos ang gawain at napagmumukha lang nilang hangal ang kanilang sarili. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil pagkatapos akuin ng mga taong ito ang mga papel na ito, ang bawat bahagi ng gawaing ginawa nila ay magulo at walang kaayusan. Para ilarawan ito sa isang salita, ito ay “kaguluhan.” Wala silang mga prinsipyo sa paggamit ng mga tao, walang mga prinsipyo sa pangangasiwa ng mga usapin, ginastos nila ang mga handog nang hindi makatwiran, at hindi nila sinubaybayan o pinangasiwaan ang iba’t ibang aytem ng gawain nang maagap. Kahit ang pinakapangunahing mga pangkalahatang gawain ay hindi makaya ng karamihan sa kanila; iniwan nila ang lahat ng bagay nang ganap na gulo-gulo. Pagsasaka, pag-aalaga ng mga manok, pag-aalaga ng mga tupa—wala ni isa sa kanila ang may kakayahan para sa gayong mga gampanin. Hindi malinaw sa kanila kung ano ang itatanim sa aling panahon, kung kailan aararuhin, lalagyan ng pataba, at tatanggalan ng damo ang lupa, o kung kailan mag-aani. Isinadlak nila ang lahat ng kanilang gawain sa kaguluhan. Kung, sa simula, hindi ginamit ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, iisipin nilang hindi sila binibigyan ng mga pagkakataon ng sambahayan ng Diyos at na minamaliit sila nito. Kaya binigyan sila ng mga pagkakataon—at ano ang naging resulta ng paggamit sa kanila? Iniwan nila ang kanilang gawain sa ganap na kaguluhan, at sa huli ay kinailangan pa ring ayusin ng sambahayan ng Diyos ang kanilang kalat. Ang bawat aytem ng gawain na ginawa nila ay nangailangan na magbigay ng tagubilin at pagsusuri ang ang Itaas—kahit para sa maliliit na usapin tulad ng pagpapanatili ng kalinisan sa loob at labas, kinailangan na magbigay ng tagubilin ang ang Itaas. Sa huli, ang gawain ay maituturing lang na halos nasa tamang landas na ngayon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ang Itaas ng mahigpit na pangangasiwa, pagpaplano, at koordinasyon, nagtatagubilin at nagdidirekta sa lahat ng bagay mula sa simula nang paunti-unti. Nang hindi na binabanggit ang iba pang bagay—sa pag-uusap lang tungkol sa mga isyu sa mga sakahan, kahit papaano ay kailangang may mga angkop na tao para mamahala sa kalinisan. Ang karamihan sa mga tao ay parang maiilap na hayop, nagtatapon ng basura kung saan-saan, nagsasalita nang hindi isinasaalang-alang ang epekto sa kapaligiran, sumisigaw at humihiyaw—sadyang kaparehong-kapareho sila ng mga walang pananampalataya. Wala ni isa sa mga tinatawag na taong ito na may talento, nang maharap sa mga partikular na pangkalahatang gawaing ito, ang sistematikong nakapamahala nang maayos sa mga bagay-bagay. Hindi man lang nila mapangasiwaan nang maayos ang maliliit na usapin tulad ng pamamahala sa kalinisan at sa kapaligiran. Ang mga panlabas na usaping ito ay hindi tungkol sa katotohanan, at sinumang may kaunting kakayahan at kaunting konsensiya ay dapat na kayang pangasiwaan ang mga ito nang maayos—kung hindi man lang mapangasiwaan nang maayos ng isang tao ang mga panlabas na usaping ito, sadyang wala siyang silbi. Gusto ng mga taong iyon na maging mga opisyal at magmando sa kabila ng katunayan na wala silang konsensiya at katwiran, o kakayahan at talento. Nang hindi sila payagang maging mga opisyal, naging mapanghamon sila at nakipagtalo, at hindi sumuko kaninuman. Hindi ba’t sila ay mga diyablo? Pagkatapos ilantad at itiwalag ng sambahayan ng Diyos ang mga diyablong ito, pinili ang mga angkop na tao para mamahala sa sakahan. Salamat sa patnubay at pagpaplano ng ang Itaas, ang sakahan ay naitayo na ngayon nang napakaayos, at gusto ito ng lahat. Labis din itong hinahangaan at lubos na sinasang-ayunan ng mga lokal. Sinabi ng ilan sa kanila, “Hindi pa ako kailanman nakakita ng isang sakahan na pinamahalaan para maging napakalinis at napakaganda. Hindi namin ito kayang baguhin sa ganitong antas kahit sa loob ng sampung taon. Paano ninyo ito napamahalaan nang ganito kaayos, nang ganito kabilis? Ilang taon ang inabot ninyo para baguhin ito at maging ganito?” Ang totoo, ang gayon kalaking pagbabago ay inabot lang ng isang taon, ang isang tiwangwang na lupa ay ginawang isang parke, isang hardin sa paningin ng mga kapatid. Sinabi pa nga ng ilan na ang lugar na ito ay mukhang isang fairyland, tulad ng isang painting. Ang wastong pagpaplano at pagtatayo ay tunay na malaki ang nagagawa. Ang lugar na ito ay orihinal na nababalot ng dumi at putik, at may basura at kalat kahit saan. Kalaunan, sa pamamagitan ng pag-aayos at regulasyon, unti-unti itong bumuti. Sa paglipas ng panahon, nasanay na ang lahat sa ganitong uri ng kapaligiran sa pamumuhay, hanggang sa punto na kung magiging medyo marumi o magulo ito, hindi man lang sanay ang ilang tao rito. Tingnan mo, sa pamamagitan ng ganitong uri ng pamamahala, nakikinabang ang karamihan sa mga tao at nagkakaroon sila ng mabubuting gawi sa pamumuhay. Sa ilalim lang ng personal na tagubilin ng ang Itaas makakamit ang ganitong uri ng pagtatayo. Sa kabaligtaran, ang totoo ay wala ni isa sa mga tinatawag na taong ito na may talento ang kayang gumawa ng anumang praktikal na bagay. Hindi man lang nila mapamahalaan nang maayos ang simpleng gawain ng paglilinis. Hindi nila alam kung paano ayusin ang isang silid sa paraang mukhang angkop, at hindi nila makilatis kung anong uri ng tao ang angkop na gumawa ng kung anong tungkulin. Anong uri ng gawain ang kayang pasanin ng mga taong ito? Hindi nila kayang gumawa ng anumang gawain. Hindi man lang nila mapamahalaan ang sarili nilang kapaligiran sa pamumuhay—paano sila maituturing na mga taong may talento? Wala man lang kaunting katalinuhan ang mga taong ito, hindi sila makapagsalita nang malinaw, hindi tumpak ang pagtingin nila sa mga bagay-bagay, at wala silang sariling abilidad na magpasya. Ipinapakita nito na sila ay “mga taong may talento” na nasa loob ng mga panipi, hindi mga tao na may tunay na talento at tunay na kaalaman. Ang mga taong may talento ay dapat munang magtaglay ng ilang katangian sa kanilang pagkatao, tulad ng abilidad na pahalagahan ang mga bagay-bagay, abilidad na suriin at pahalagahan ang mga bagay-bagay, at kabatiran. Kung hindi nila taglay ang mga katangiang ito, pinapahiya lang nila ang kanilang sarili kapag nangangasiwa ng mga partikular na usapin, at hindi man lang nila mapamahalaan at maplano kahit ang isang hardin o isa o dalawang lote ng lupa—ni magamit ito nang epektibo—kung gayon ay walang anumang talento ang gayong mga tao. Hindi hinihingi sa iyo na pamahalaan ang buong mundo, binibigyan ka lang ng isa o dalawang lote ng lupa para pamahalaan nang maayos, ibig sabihin, para ayusin upang maging maganda at malinis ito, at magawa itong isang eleganteng kapaligiran—napakaganda para sa mga tao na manirahan doon, kahit ang mga ibon ay hindi gugustuhing umalis sa sandaling dumating ang mga ito. Ang mga tinatawag na taong ito na may talento ay walang-wala talaga. Hindi nila kayang gawin ang anumang kongkretong gawain. Wala talaga silang talento kahit kaunti—nagkukulang sila ng mga bagay sa kanilang pagkatao. Hindi nila kayang gawin nang maayos ang anumang bagay, gayunman ay gusto pa rin nilang magpakitang-gilas at maging mga lider at manggagawa, at gusto pa rin nilang umako ng mga pangunahing posisyon at maging mga superbisor. Anong uri ng disposisyon ito? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon.

Bumalik tayo sa paksa ng pagkahilig sa pandaraya at panloloko ng mga tao sa pagnenegosyo. Anong uri ng isyu ang pandaraya at panloloko ng mga tao? Ang isang aspekto ng isyu ay na ang pagkatao ng gayong mga tao ay masama; wala silang konsensiya o katwiran. Kung gayon, batay sa kanilang pag-uugali, anong mga tiwaling disposisyon ang ibinubunyag nila? Una sa lahat, ang disposisyon ng gayong mga tao ay mapanlinlang at buktot; ikalawa, nasusuya sila sa katotohanan at matigas ang kalooban nila. Kapag nandadaya sila ng iba, ang kawalang-habag na ipinapakita nila ay pagiging malupit—mayaman man o mahirap ang puntirya nila, may pera man o wala ang puntirya nila, niloloko pa rin nila ang mga ito, hindi nagpapakita ng awa. Ang mga tiwaling disposisyon ng gayong mga tao ay napakalubha sa bawat aspekto. Sabihin ninyo sa Akin, madali ba para sa gayong mga tao na magtamo ng kaligtasan? (Hindi.) Batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi madali para sa kanila na magtamo ng kaligtasan. Kung gayon, sa usapin ng kanilang pagkatao, anong aspekto ang nagpapahirap sa kanila na magtamo ng kaligtasan? Mayroon bang ugat na sanhi? (Wala silang konsensiya.) Tama iyan, hindi madali para sa mga tao na walang konsensiya na magtamo ng kaligtasan. Ang pakultad ng konsensiya ay wala na sa kanila, hindi na ito umiiral. Kung hindi gumagana ang konsensiya, hindi nagtataglay ang isang tao ng pundamental na kondisyon para tanggapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Kaya, napakahirap para sa kanila na magtamo ng kaligtasan; masasabi rin na hindi sila makapagtatamo ng kaligtasan. Posible rin na ang ganitong uri ng tao ay handang magtrabaho at magagawa ito hanggang sa isang partikular na antas, at sa huli, dahil ang kanilang pagtatrabaho ay pasok sa pamantayan at nakatutugon sa mga hinihingi ng Diyos, magiging tapat na trabahador sila at mananatiling buhay. Biyaya rin ito ng Diyos. Bagama’t ang mga tapat na trabahador ay makakapanatiling buhay, hindi iyon nangangahulugan na nagtamo na sila ng kaligtasan. Ang manatiling buhay at ang magtamo ng kaligtasan ay dalawang magkaibang konsepto. Mayroong agwat at pagkakaiba sa pagitan ng mga ito. Ang mga prinsipyo, hangganan, direksyon, at layon ng mga kilos ng isang tao ay, sa malaking antas, nauugnay sa kung mabuti ba o masama ang kanyang pagkatao. Kung ang isang tao ay nagmamahal sa mga positibong bagay o may kaunting pagpapahalaga sa katarungan, ipinapakita nito na ang kanyang konsensiya ay may kamalayan—ipinapakita nito na ang taong ito ay may kaunting konsensiya. Sa kanilang sariling asal, ang ilang tao ay walang pagpapahalaga sa katarungan, at hindi rin sila gumagawa ng anumang positibong pagpili. Gustong-gusto lang nilang gumawa ng mga buktot na bagay at labis silang nasusuklam sa mga positibong bagay. Lalo na kapag may nagsasalita nang kaunti tungkol sa mga positibong paraan ng pagkilos, tungkol sa kung paanong ang isang tao, sa kanyang sariling asal, ay dapat na may pagkatao, konsensiya, at mga hangganan ng moralidad at sumunod sa mga panuntunan, tinitingnan nila ito bilang pagiging mapangaral. Ang pagtawag dito na “pagiging mapangaral” ay ang magandang paraan ng paglalarawan dito; ang totoo, hinahamak at nililibak ka nila. Naniniwala sila na ang pag-asal sa ganitong paraan ay isang kabiguan: “Tingnan mo kung gaano kakaawa-awa ang buhay mo. Hindi mo alam kung paano gumawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya, ni alam kung paano magkamit ng mga kalamangan sa pamamagitan ng katusuhan. Sa iyong asal, palagi kang masyadong sumusunod sa panuntunan, masyadong dungo. Sa panahon ngayon, ang matatapang ay nagpapakasasa habang ang mga dungo ay nagugutom. Kung dungo ka, hindi ka magtatagumpay!” Naniniwala sila na sa pag-asal nang may konsensiya at mga prinsipyo ay nagiging dungo ka lang, at na sa pangangahas na gumawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya ay nagiging matapang sila. Pero dahil ba talaga ito sa matapang sila? Ang ilang tao na nananampalataya sa Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon ay hindi natatakot na dumanas ng pag-uusig at maaresto at nagpupursigi pa rin sa pananampalataya sa Diyos. May anumang kinalaman ba ito sa pagiging matapang o dungo? (Wala.) May kaugnayan ito sa kanilang paghahangad—sa kanilang pagkatao, mayroon silang pangangailangan at pag-aasam para sa pananampalataya sa Diyos. Hindi ito usapin ng pagiging matapang o dungo. Ang ilang tao ay gumagawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya kapag nagnenegosyo. Sa maraming pagkakataon, nahaharap sila sa pagtugis at pag-aresto, sa pagkumpiska ng kanilang mga ari-arian, o sa panganib ng pagkabangkarote at pagsasara, pero patuloy pa rin sila sa panloloko ng mga tao. Kahit pa hahantong ang kanilang panloloko sa pagkawala ng buhay, wala silang pakialam. Ang ilang tao, kapag nagnenegosyo, ay nanloloko ng iba sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang pekeng kompanya—ang totoo, ang kompanyang ito ay hindi talaga umiiral at wala itong tunay na negosyo, at hindi rin ito gumagawa ng anumang mga produkto. Umaasa lang sila sa kanilang madulas na pananalita para manloko ng mga tao upang umorder ang mga ito kung saan-saan. Sa sandaling magbayad sa kanila ng deposito ang ibang tao, agad silang tumatakas, nang hindi nag-iiwan ng bakas. Niloloko nila ang mga tao nang ganito, sa sunod-sunod na transaksiyon, at pagkatapos nilang makuha ang lahat ng pera sa pamamagitan ng panlilinlang, ang buong pamilya nila ay namumuhay sa karangyaan, nagpapakasasa sa pinakamasasarap na pagkain at inumin. Hanggang sa anong antas nanloloko ang ilang tao? Niloloko pa nga nila ang mga institusyon at ahensiyang may matataas na antas. Minsan, nasa napakamapanganib na sitwasyon na sila, at posible na may isang tao na makahalata sa kanilang mga panlalansi at maglantad sa kanila. Ang totoo ay alam nila sa kanilang puso na ilalagay sila sa panganib ng kanilang mga kilos, pero wala silang pakialam. Kung susuwertuhin sila at malulusutan nila ito, patuloy silang manloloko ng mga tao sa susunod na pagkakataon. Hangga’t kumikita sila ng pera sa pamamagitan ng kanilang mga panloloko, iniisip nilang nanalo sila, na “nakamit nila ang kasikatan at tagumpay.” Pero kung hihilingin mo sa kanila na manampalataya sa Diyos, hindi sila mangangahas. Sinasabi nila, “Ang pananampalataya sa Diyos ay magiging dahilan para mahatulan at maaresto ako ng gobyerno. Hindi ako nangangahas na manampalataya!” Gayunman, pagdating sa paggawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya, hindi sila natatakot na maaresto. Kung pupunta ka sa mga pagtitipon, sinasabi pa nga nila, “Napakatapang mo talaga. Ang estado ay walang habas na nang-aaresto at nang-uusig ng mga mananampalataya ngayon; paanong nagagawa mo pa ring mangahas na pumunta sa mga pagtitipon?” Sinasabi mo, “Kaming mga nananampalataya sa Diyos at tumatahak sa tamang landas ay hindi natatakot na maaresto. Napakamapanganib para sa inyo na magpatakbo ng mga pekeng kompanya at magsagawa ng mga panloloko—bakit hindi ka natatakot?” Sinasabi nila, “Kaming mga negosyante ay hindi natatakot na sumuong sa panganib. Pero napakatapang ninyo na maglakas-loob pa ring dumalo sa mga pagtitipon ngayong labis na sinusubukan ng gobyerno na arestuhin ang mga mananampalataya!” Kapag nakikita nilang inaaresto ang mga mananampalataya sa Diyos, hindi sila nangangahas na manampalataya, pero hindi sila natatakot na maaresto dahil sa pagsasagawa ng mga panloloko habang nagnenegosyo. Anong uri sila ng mga hamak na tao? Hindi ba’t ipinapakita nito ang pagkakaiba sa pagkatao ng mga tao? Mayroon mismong ganitong pagkakaiba sa pagitan ng mga tao. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay pare-pareho—lahat sila ay may parehong mga tiwaling disposisyon—pero batay sa mga pagkakaiba sa kanilang pagkatao, ang ilang tao ay hindi kailanman magagawang manampalataya sa Diyos; hindi sila kailanman maaaring maging mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kahit pa manampalataya sa Diyos ang gayong mga tao, hindi sila kailanman makapagtatamo ng kaligtasan. Mula sa anong aspekto ito makikita? Makikita ito mula sa kanilang pagkatao. Sinusuportahan ng ilang tao ang kanilang mga misis sa pananampalataya sa Diyos, pero kapag hinihimok sila ng kanilang mga misis na manampalataya, sinasabi nilang masyado itong mapanganib at hindi sila nangangahas. Gayunman, sa pagnenegosyo, gumagawa sila ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya, at wala silang pakialam kahit gaano kalaking panganib ang kanilang harapin. Kaya nilang labagin ang anumang batas at nangangahas silang gumamit ng anumang taktika. Kahit gaano kahigpit ang pagmamanman ng gobyerno o anong mga paghatol at sentensiya ang ibinibigay sa ilalim ng batas, wala silang pakialam. Wala silang mga hangganan sa kung paano sila umaasal, wala silang pakialam sa mga kahihinatnan kapag kumikilos sila, at iniisip nilang ayos lang ang lahat hangga’t may tubong kikitain. Kung mananampalataya sa Diyos ang gayong tao, hindi siya makapagkakamit ng katotohanan, at hindi siya makapagtatamo ng kaligtasan—ito ay dahil hindi niya minamahal ang katotohanan, kundi pera lang. Hangga’t nagnenegosyo siya, mandadaya at manloloko siya ng iba, at mamanipulahin niya ang mga bagay-bagay—naipapamalas ang kanyang maitim na budhi. Ganap na katapusan na ng isang tao na may ganitong uri ng karakter; hindi inililigtas ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “Paano kung ang ganitong uri ng tao ay kumita ng maraming pera at ihandog ito sa sambahayan ng Diyos?” Hindi tinatanggap ng sambahayan ng Diyos ang gayong pera; hindi tinatanggap ng sambahayan ng Diyos ang pera na hindi kinita sa pamamagitan ng mga lehitimong pamamaraan. Ang gayong uri ng tao ay gagawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya sa sandaling magnegosyo siya—napakasama ng kanyang pagkatao. Gaano ito kasama? Kung hihilingin mo sa kanya na suriin ang kanyang konsensiya, sasabihin niya, “Wala akong nararamdaman. Hindi ko alam kung nasaan ang aking konsensiya. Hindi ko rin alam kung ano ang konsensiya, o kung magkano ito kada libra.” Sa sandaling iyon, mauunawaan mo: “Kaya pala mas mabilis siyang kumita ng pera kaysa sa ibang mga tao sa parehong negosyo. Hindi nakapagtataka na lahat ng parokyano ay bumibili sa kanya. Gumagamit ang taong ito ng mga mapanlinlang na taktika—gumagawa siya ng mga kahina-hinalang gawain kapag nagnenegosyo siya, at ang kanyang mapanlinlang na pag-uugali ay talagang malubha!” Pero hindi lang sa hindi niya ito nakikita bilang kahiya-hiya, nagmamayabang at nagmamalaki pa nga siya, sinasabi niya, “Tingnan ninyo ang inyong sarili, nagnenegosyo nang seryoso at wasto. Manloko kayo ng isang tao nang isang beses at labis kayong natatakot na kumakabog ang inyong puso. Tingnan ninyo ako—hindi ako natatakot! Hangga’t hindi nakakakuha ng anumang ebidensya ang Kawanihan ng Industriya at Komersiyo at ang mga pulis, ayos lang ang lahat. Gusto ninyo akong kasuhan? Wala kayong ebidensya! Tingnan mo kung gaano ako katalino manloko ng mga tao! Kaya mo ba itong gawin? Hindi mo kaya! Sa sandaling manloko ka ng isang tao, ibinubunyag mo ang iyong sarili. Wala ka ng mga taktikang tulad ng sa akin. Mahina ang iyong kakayahan!” Anong uri ng tao ito? Siya ay isang masamang tao. Mayroon bang anumang pag-asa na matubos siya? Hindi na siya matutubos. Hindi dahil may mga tiwaling disposisyon ang gayong mga tao kaya hindi sila maililigtas, kundi dahil masyadong masama ang kanilang pagkatao. Masama sa anong paraan? Masama sa paraang wala silang pagkatao at walang konsensiya; nawala na ang kanilang konsensiya. Ano ang ibig sabihin ng mawala ang konsensiya ng isang tao? Nangangahulugan ito ng paggawa ng mga bagay nang walang mga hangganan ng konsensiya. Ang mga hangganang ito ay itinatag batay sa konsensiya—ang konsensiya ang bumubuo sa mga hangganan. Sinuman ang lokohin mo sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya habang nagnenegosyo, masamang tao man ito o mabuting tao, ano’t anuman, ang mismong kilos na ito ay sumasalungat sa moralidad, konsensiya, at pagkatao. Sa sandaling magawa ang gayong bagay, makararamdam ka ng pag-aakusa sa sarili sa iyong konsensiya magpakailanman. Magiging mantsa ito habambuhay. Kung tunay kang tao, hinding-hindi mo dapat gawin ang gayong bagay. Sinuman ang puntirya ng iyong mga panloloko, at anuman ang halaga ng pera na nakukuha mo sa panloloko—kahit pa manloko ka ng masasamang tao at buktot na tao—panloloko pa rin ito. Kaya, anuman ang sitwasyon o sinuman ang kinakaharap mo, hindi ka dapat kailanman manloko ng mga tao. Ito ang pagkakaroon ng mga hangganan ng konsensiya sa iyong sariling asal, at ito ang pumipigil na puwersa na nagmumula sa paggana ng konsensiya. Kung gumagana ang iyong konsensiya, magkakaroon ka ng mga hangganan sa iyong mga ginagawa. Kung hindi gumagana ang iyong konsensiya, lalampas ka sa mga hangganang iyon at makakaya mong gawin ang anumang bagay. Masasabing ang mga indibidwal na tulad nito ay walang kahit katiting na konsensiya at katwiran at na mas masahol pa sila kaysa sa mga hayop. Kung iniisip ng ilang tao na masyadong sukdulan ang pahayag na ito, sabihin natin ito sa ibang paraan: Ang isang tao na walang kahit katiting na katwiran ay parang isang hayop. Hindi ba’t mga hayop ang mga taong walang pagkatao? Kung ang isang tao ay tao pero walang pagkatao, ano ang kanyang diwa? Hindi ba’t iyon ay sa isang hayop? Ang pagkakaiba sa pagitan niya at ng isang hayop ay na nakakalakad siya gamit ang dalawang paa, at mayroon siyang wika, samantalang ang mga hayop ay hindi nagtataglay ng abilidad ng tao sa wika. Para kumita, kaya mong gumamit ng lahat ng uri ng pamamaraan at metodo para gumawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya, samantalang ang mga hayop ay walang gayong mga pamamaraan. Kaya, ang pagsasabing ang ganitong uri ng mga tao ay katumbas ng mga hayop ay, sa katunayan, pagiging maluwag sa kanila—ang totoo, ang gayong mga tao ay tunay na mas masahol kaysa sa mga hayop. Makapagtatamo ba ng kaligtasan ang mga mas masahol pa sa mga hayop? Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti—pera lang ang minamahal nila. Isa itong problema sa kanilang kalikasan, at walang sinuman ang makakapagpabago nito. Ang asahan ang gayong mga tao na tumanggap sa katotohanan ay tulad ng pag-asa na mangitlog ang isang tandang—hindi ito mangyayari kailanman. Samakatwid, sa tiwaling sangkatauhan, maliban sa mga pumapatay para kumita o nakikibahagi sa mga kriminal na gawain at lumalabag sa batas, ang mga taong ito na gumagawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya ay maituturing na may pinakamasamang pagkatao—sila ang mga latak ng sangkatauhan, ang mga bulok sa sangkatauhan. Sa kasalukuyang panahong ito ng malaking kasaganaan ng ekonomiya, mayroong napakaraming taong tulad nito na gumagawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya habang nagnenegosyo. Pero kahit gaano pa karami ang mga taong ito, ano’t anuman, ang gayong mga pagpapamalas ay sapat na para ilarawan ang isang problema sa pagkatao. Kung paano ang konsensiya ng isang tao, pati na rin kung mayroon ba siyang mga hangganan ng konsensiya—ito ay isang indikasyon para sa pagsukat sa kanyang pagkatao. Paano posibleng maligtas ang isang tao na wala man lang pagkatao? Sa pinakamababa, ang pagkatao ng isang tao ay dapat na maglaman ng mga kondisyon para tumanggap ng katotohanan. Iyong mga gumagawa ng lahat ng uri ng panlilinlang at pandaraya ay sadyang hindi nagtataglay ng mga kondisyon para tumanggap ng katotohanan sa kanilang pagkatao. Kaya, kung hihilingin mo sa kanila na tanggapin ang katotohanan para iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, magiging imposible para sa kanila na makamit ito. Tanging ang mga may konsensiya at katwiran ang makatatanggap sa katotohanan at makapagwawaksi ng kanilang mga tiwaling disposisyon at sa gayon ay magtatamo ng kaligtasan, dahil ang kanilang konsensiya ay may isang partikular na antas ng kamalayan, at kapag umaasal at kumikilos sila, ang kanilang konsensiya ay kayang gumampan ng isang partikular na papel. Kapag nakikipagbahaginan ka tungkol sa katotohanan sa gayong mga tao, at nagsasalita ka tungkol sa kung paano pumasok sa katotohanan, kung paano iwaksi ang mga tiwaling disposisyon, kung aling mga bagay ang katugma ng mga layunin ng Diyos at alin ang hindi, at kung paano dapat kumilos ang mga tao, kaya nilang tumanggap at magpasakop. Angkop na makipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa gayong mga tao—sila ang mga tamang tatanggap. Kung makikipagbahaginan ka tungkol sa katotohanan sa mga tao na ang pangunahing pamamaraan ng pagnenegosyo ay ang pandaraya at panloloko sa iba, para ka na ring nakikipag-usap sa pader. Kaya, pagdating sa gayong mga tao na nagnenegosyo, pagmasdan mo lang kung gumagamit ba sila ng mga lehitimong pamamaraan sa pagnenegosyo at sa kanilang mga pakikipagtransaksiyon at pakikitungo sa mga tao, kung mayroon ba silang mga pagpipigil at hangganan ng konsensiya, at kung ang kanilang konsensiya ay kaya bang gumana sa kanilang mga pakikipagtransaksiyon at pakikitungo sa mga tao. Kung ang konsensiya ng isang tao ay kayang gumana at maglapat ng isang pumipigil na puwersa sa kanila, katanggap-tanggap sila at karapat-dapat na makasalamuha. Ang ebanghelyo ay maaaring ipangaral at ang katotohanan ay maaaring ibahagi sa gayong mga tao. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, may pag-asa na magtamo sila ng kaligtasan. Hanggang dito na lang ang ating talakayan tungkol sa pagkahilig sa pagnenegosyo.