Paano Hangarin ang Katotohanan (11) Ikalawang Bahagi

Gusto ng lahat na magkamit ng mga pagpapala. Walang sinuman ang may gustong malipol at mapadala sa impiyerno, pero kahit ayaw nila, maraming tao ang paulit-ulit na gumagawa ng kasamaan, naglalakbay nang napakabilis sa landas na patungo sa impiyerno. Paulit-ulit na binabalewala ng ilang tao ang mga pagkakataong ibinigay ng sambahayan ng Diyos na gampanan ang kanilang tungkulin, binabalewala nila kapag inaantig at sinasaway sila ng Banal na Espiritu, at binabalewala nila ang tulong at mga inaasahan sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Ipinagpipilitan nilang maging pabasta-basta, mag-amok sa paggawa ng masasamang bagay, kumilos nang arbitraryo at walang pakundangan, at gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, nang hindi pinagninilayan ang kanilang sarili kahit katiting. Hindi ba’t sila ay mga taong sadyang suwail at walang hiya? Palagi kang gumagawa ng kasamaan na tulad nito. Hindi sa pinipilit ka ng iba na gawin ito—malinaw na ito ay personal mong pagpili, isang bagay na personal mong gusto at masaya mong ginagawa. Kung may magsasabi na ang landas na tinatahak mo ay landas ng paglaban sa Diyos at patungo sa impiyerno, nakararamdam ka ng bigat ng loob at pagkanegatibo. Ano ang dahilan ng pagkanegatibo mo? Hindi ba’t ikaw mismo ang nagdulot nito sa iyong sarili at umaani ng iyong itinanim? Hindi ba’t nararapat lang ito sa iyo? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko makontrol ang sarili ko na hindi gumawa ng kasamaan. Sa tuwina, gusto kong gawin nang maayos ang mga bagay-bagay, pero pagkatapos kong gawin ang mga ito, natutuklasan ko na hindi masyadong maganda ang mga kahihinatnan ng aking mga kilos.” Nakagawa ka ng kasamaan, nagdulot ng mga paggambala at panggugulo, at nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Kahit pa hindi ka panagutin para sa iyong mga pagsalangsang, nag-iwan ang mga ito ng mga nakatagong panganib, at maaari mong magawa ulit sa hinaharap ang mga ito. Napakamapanganib nito. Katulad lang ito ng isang landas na nilakaran ng isang tao—saanman siya naglakad, tiyak na mag-iiwan siya ng mga bakas. Nakikilala mo ba ang mga pagsalangsang na nagawa mo? Nakararamdam ka ba ng pagsisisi dahil sa mga ito? Nakararamdam ka ba ng pagkakautang at kalungkutan? Umiiyak ka ba nang mapait dahil sa mga ito? Nagbalik-loob ka na ba? Tunay mo bang kinamumuhian ang iyong masasamang gawa? Binitiwan mo na ba ang kasamaan na nasa iyong mga kamay at tunay ka na bang nagsisi sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao: “Kinamumuhian ko rin ang aking sarili. Sinampal ko na ang sarili kong mukha nang di-mabilang na beses sa pribado, at lumuhod na rin ako sa harap ng Diyos, umiiyak nang mapait sa panalangin.” Pinagdaanan mo na nga ang mga prosesong ito, pero hindi tinitingnan ng Diyos ang mga prosesong ito. Ang tinitingnan ng Diyos ay ang iyong mga pagpapamalas. Kapag lumitaw muli ang parehong sitwasyon o napunta muli sa iyo ang parehong tungkulin, paano mo ito tinatrato? Mayroon ka bang sinseridad at katapatan? Kaya mo bang magbayad ng halaga? Kaya mo bang kumilos ayon sa mga salita ng Diyos? Ano ang mga pagpapamalas ng iyong pagbabalik-loob? Binitiwan mo na ba ang kasamaan na nasa iyong mga kamay? Ipinagpapatuloy mo pa rin ba ang paggawa ng masasamang bagay na ginawa mo noon? Nagsisinungaling ka pa rin ba, kumikilos pa rin nang arbitraryo at walang pakundangan, sumasalungat pa rin sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga katotohanang prinsipyo, kumikilos pa rin ayon sa sarili mong mga ambisyon at pagnanais, at nakikipagsabwatan pa rin sa masasamang tao para gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia? Kung kumikilos ka pa rin nang ganito, ang iyong pagsisisi at mapait na pag-iyak ay huwad at pabasta-basta. Bilang ano inilalarawan ang pabasta-basta at huwad na pagsisisi? (Pagpapaimbabaw.) Inilalarawan ba ito bilang pagpapaimbabaw? Inilalarawan ito bilang panlilinlang. Tumpak ba ang pahayag na ito? (Oo.) Sa paningin ng Diyos, ang gayong mapait na pag-iyak at ang gayong pagsisisi ay panlilinlang. Halimbawa, sinabi ng Diyos, “Ialay mo sa Akin ang sampung libra ng bigas mula sa ani ngayong taon.” Ang ilang tao ay ayaw itong ialay at gusto itong itago para kainin nila, kaya kumuha sila ng sampung libra ng ipa ng palay at inilagay ang mga ito sa altar. Nang tanungin kung ano ito, sinabi nilang palay ito. Sinabi ng Diyos, “Hindi ba’t humingi Ako sa iyo ng bigas?” Sinabi nila, “Ang palay ay bigas.” Panlilinlang ba ito? (Oo.) Ito ay walang-hiyang panlilinlang. Pagkatapos gumawa ng kasamaan, ipinagtatapat mo ang iyong kasalanan, paulit-ulit na sinasabing may pagkakautang ka sa Diyos, at umiiyak ka pa nga nang mapait, pero pagkatapos, kumikilos ka na parang walang nangyari at patuloy mong ginagawa ang mga bagay sa parehong paraan tulad ng dati. Inilalarawan ng Diyos ang ganitong uri ng pag-uugali bilang panlilinlang. Sa paningin ng Diyos, ang ganitong uri ng mapanlinlang na pag-uugali ay katumbas ng masasamang gawa. Kung tunay kang may determinasyong magbago at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo kailangang gumawa ng mga pagpapasya o umiyak nang mapait. Gawin mo muna ito—manumpa ka sa Diyos kapag kaya mo itong gawin. Kung hindi mo ito kayang gawin, hinding-hindi ka dapat manumpa. Kung manunumpa ka, seseryosohin ito ng Diyos at hihingin Niya ang resulta ng iyong pinangako. Kung hindi mo ito matutupad, sa paningin ng Diyos ay panlilinlang iyon—ang panlilinlang sa Diyos ay nagiging isa na namang masamang gawa na nakatala laban sa iyo. Kaya, kung hindi ka tunay na makapagsisisi at sa halip ay nililinlang mo ang Diyos gamit ang iyong mga panunumpa, ang landas na tinatahak mo ay patungo sa pagkawasak. Ang bawat isa sa iyong masasamang gawa ay isang paghampas sa mga tarangkahan ng impiyerno; marahil isa sa mga paghampas na ito ang sa wakas ay magbubukas sa mga ito, at ang oras ng iyong kamatayan ay sasapit na. Masasabing para sa ilang tao, mula noong magsimula silang manampalataya sa Diyos hanggang ngayon, ang lahat ng kanilang mga kilos at pag-uugali ay ang patuloy na pag-iipon ng masasamang gawa at paghampas sa mga tarangkahan ng impiyerno, at kasabay nito, ang pag-iipon ng galit ng Diyos; hinihintay nilang bumaba sa kanila ang kaparusahan ng Diyos. Gayumpaman, ang ibang tao ay umuusad sa isang positibo at tamang direksyon sa proseso ng pananampalataya sa Diyos. Ang landas na tinatahak nila ay ang daan patungo sa kaharian ng langit. Sa panahong ito, bagama’t sila ay mapaghimagsik at nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at siyempre ay mayroon din silang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at may sarili nilang kalooban sa paggampan ng kanilang tungkulin, habang ibinubunyag ang mga pagpapamalas na ito o nakikibahagi sa mga pag-uugaling ito, patuloy rin nilang tinatanggap ang katotohanan, at patuloy na iwinawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at binabago ang mga ito; tunay silang nagbago, at mayroon silang mga pagpapamalas at realidad ng pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan. Bagama’t ang gayong mga tao ay nakagawa na noon ng maraming pagsalangsang at nakagawa ng ilang bagay na kinamumuhian at kinokondena ng Diyos, unti-unti nilang iwinawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at hindi na sila gumagawa ng kasamaan pagkatapos nilang maunawaan ang katotohanan at magbalik-loob. Sa kanilang pagbabalik-loob, at sa kanilang determinasyon at paninindigan na magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para sa katotohanan, inaantig nila ang Diyos. Kasabay nito, ang kanilang mga pagsisikap at kilos, at ang mabubuting gawa na inihahanda nila ay unti-unting nagkakamit ng pagtanggap at pagsang-ayon ng Diyos, at ang mga bagay na ito ay tinatandaan din ng Diyos. Kung huhusgahan mula sa kabuuang mga pagpapamalas ng gayong mga tao, sa pangkalahatan, sila ay—gaya ng madalas ninyong sabihin—mga tamang tao. Ang landas na tinatahak ng mga tamang taong ito ay ang landas na patungo sa kaharian ng langit, ang landas na patungo sa kaligtasan. Ang gayong mga tao ay tumatahak sa landas ng kaligtasan. Siyempre, ang mga pagpapamalas ng mga taong ito, sa pangkalahatan, ay hindi resulta ng pag-uudyok, pangangasiwa, pamamahala, o pagpupungos ng iba, ni ng regulasyon ng mga atas administratibo ng iglesia. Sa halip, maagap silang nagbabalik-loob, at, sa kanilang buhay pagpasok, mayroon silang sarili nilang mga personal na plano at balak, pati na rin ng sarili nilang maagap na determinasyon. Ang landas na tinatahak ng mga taong ito ay ang tamang landas. Naghahanda sila ng mabubuting gawa para sa sarili nilang hantungan gamit ang mga positibo at maagap na pagpapamalas na ito. Ang kanilang personal at subhetibong paghahangad ang tumutukoy sa landas na tinatahak nila at tumutukoy sa saloobin ng Diyos sa kanila. Sa huli, dahil sa kanilang personal at pansariling paghahangad, nagagawa nilang makatanggap mula sa Diyos ng isang angkop na hatol at isang angkop na hantungan.

Sabihin ninyo sa Akin, paano dapat gumawa ang mga tao ng mga makatarungang gawa, at sa anong kalagayan at kondisyon nila dapat gawin ito, para makonsidera ito na paghahanda ng mabubuting gawa? Sa pinakamababa, dapat mayroon silang positibo at maagap na saloobin, at habang ginagawa ang kanilang tungkulin, dapat silang maging tapat, dapat magawa nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagiging positibo at maagap ang susi. Kung palagi kang pasibo, isa itong problema. Para bang hindi ka miyembro ng sambahayan ng Diyos; hindi mo ginagawa ang tungkulin mo, kundi wala kang pagpipilian kundi gawin ito sa utos ng isang amo para makakuha ng suweldo—hindi mo ito ginagawa nang kusa. Kahit na gumawa ka ng kaunti nito, ginagawa mo ito dahil kailangan, at ginagawa mo ito nang pasibo. Kung hindi sangkot ang mga interes mo, sadyang hindi mo ito gagawin, o kung walang nangangasiwa sa iyo, hinding-hindi mo ito gagawin. Ang gayong mga negatibo at pasibong kilos ay hindi mabubuting gawa. Samakatwid, ang ganitong uri ng tao ay napakahangal. Napakapasibo niya sa paggawa ng mga positibong bagay at sa paggawa ng dapat niyang gawin—hindi niya ginagawa ang mga bagay na naiisip niya, ni hindi niya ginagawa ang mga bagay na kaya niyang gawin na nangangailangan ng oras at lakas, sa halip, naghihintay at nagmamasid lang siya sa tabi, iniisip na pinakamabuti kung iba ang gagawa ng mga iyon. Problematiko ito, at napakahirap para sa kanya na gampanan nang maayos ang tungkulin niya. Una, hindi naman sa hindi sapat ang kakayahan mo; ikalawa, hindi naman sa kulang ang karanasan mo; ikatlo, hindi naman sa wala kang mga tamang kondisyon para gawin ito. Taglay mo ang kakayahan na gawin ang gawaing ito, at kung gugugulin mo ang oras at enerhiya, magagawa mo ito, pero hindi mo ito nagagawa, nabibigo kang maghanda ng mabubuting gawa. Labis itong nakakapanghinayang. Bakit Ko sinasabi na nakakapanghinayang ito? Ito ay dahil kung magbabalik-tanaw ka rito pagkalipas ng maraming taon, makakaramdam ka ng pagsisisi, at kung gusto mong bumalik sa taon na iyon, sa buwang iyon, at sa araw na iyon, para gawin ang gawaing iyon, nagbago na ang mga bagay-bagay at lumipas na ang oras na iyon. Hindi ka makakakuha ng pangalawang pagkakataon na gaya niyon; kapag lumipas na ang pagkakataong iyon, lumipas na ito, kapag nawala na ito, nawala na ito. Kung mapapalampas mo ang mga kasiyahan ng laman gaya ng pagkain ng masasarap na pagkain o pagsuot ng magagandang damit, hindi ito gaanong mahalaga, dahil hungkag ang mga bagay na ito, at ang mga ito ay walang anumang epekto sa iyong buhay pagpasok o sa iyong paghahanda ng mabubuting gawa, o sa iyong hantungan. Gayumpaman, kung ang isang bagay ay nauugnay sa saloobin at pagtatasa ng Diyos sa iyo, o maging sa landas na tinatahak mo at sa hantungan mo, ang mawalan ng pagkakataong magawa ito ay labis na nakakapanghinayang. Ito ay dahil mag-iiwan ito ng isang mantsa at magdudulot ng mga pagsisisi sa iyong landas ng pag-iral sa hinaharap, at sa buong buhay mo ay hindi ka na kailanman magkakaroon ng isa pang pagkakataon para makabawi rito. Hindi ba’t nakakapanghinayang ito? Kung masyadong mahina ang kakayahan mo at hindi mo kayang isagawa ang gawaing ito, hindi iyon nakakapanghinayang—kayang isaayos ng sambahayan ng Diyos na iba ang gumawa nito. Kung kaya mong gawin ito nang maayos, pero hindi mo ito ginagawa, labis na nakakapanghinayang iyon. Isa itong pagkakataong ibinigay sa iyo ng Diyos, pero hindi mo ito sineseryoso, hindi mo sinusunggaban ang pagkakataong ito, at hinahayaan mo itong makalampas—masyado itong nakakapanghinayang! Para sa iyo, nakakapanghinayang ito; para sa Diyos, nakakadismaya ito. Binigyan ka ng Diyos ng sapat na kakayahan at ng mas nakakahigit na kondisyon, na nagtutulot sa iyong makita nang malinaw ang ilang bagay at maging may-kakayahan sa gawaing ito. Gayumpaman, wala ka ng tamang saloobin sa iyong tungkulin, wala kang sinseridad, mas lalo na ng debosyon, at ayaw mong subukan ang lahat ng makakaya mo para magawa ito nang maayos. Lubhang nadidismaya ang Diyos dito. Kaya, kung tamad ka at palagi mong nararamdaman na ang gawaing itinalaga sa iyo ay isang abala at ayaw mo itong gawin, at nagrereklamo ka sa loob-loob mo, “Bakit sa akin ito ipinapagawa at hindi sa iba?” kung gayon, kahangalan ang iniisip mo. Kapag sumapit sa iyo ang isang tungkulin, hindi iyon isang hindi magandang pangyayari, isa itong karangalan, at pagtataas ito ng Diyos. Dapat mo itong tanggapin nang masaya at gawin ang tungkuling nararapat mong gawin; hindi ka nito papagurin. Sa kabaligtaran, kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, mauunawaan ang katotohanan at malulutas ang mga problema, makakaramdam ka ng kapayapaan at kapanatagan sa iyong puso, at hindi mo bibiguin ang Diyos. Sa harap ng Diyos, magkakaroon ka ng pananalig at makakaasal ka nang taas-noo. Kung hindi mo natupad nang maayos ang iyong tungkulin at palagi kang pabasta-basta, isa itong pagsalangsang, at kahit pa wala kang naidulot na anumang kawalan, mag-iiwan ang pagsalangsang na ito ng habambuhay na pagsisisi sa iyong puso. Ang pagsalangsang na ito ay magiging tulad ng isang walang-hanggang itim na butas; sa tuwing maiisip mo ito, makakaramdam ka ng pasakit at pagkabalisa, isang pighati na tumatagos sa puso. Hindi lang sa hindi ka magkakaroon ng kapayapaan o kagalakan, kundi sa kabaligtaran, sasamahan ka ng pasakit ng pagsisisi at pagpapahirap sa buong buhay mo at hindi na ito kailanman mabubura. Hindi ba’t isa itong walang-hanggang pagsisisi? At paano naman mula sa perspektiba ng Diyos? Ginagamit ng Diyos ang mga katotohanang prinsipyo para ilarawan ang usaping ito, kaya ang kalikasan nito ay higit na mas malubha kaysa sa nararamdaman mo. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kaya, komprehensibong isasaalang-alang ng Diyos ang iyong karaniwang paggampan, at ang saloobin mo sa katotohanan at sa tungkulin mo, para tingnan ang landas na tinatahak mo. Ipagpalagay na ang saloobin mo sa katotohanan at sa tungkulin mo ay palaging pabaya, at nangangako ka sa panlabas pero hindi mo isinasagawa ang mga ito kapag walang nakakakita, at nagpapatumpik-tumpik ka at nagmamabagal, at wala kang positibong saloobin ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Bagama’t sa panlabas ay hindi ka nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, gumagawa ng kasamaan, o kumikilos nang arbitraryo at walang habas o nag-aamok na gumagawa ng mga maling gawa, at mukha kang isang taong masunurin sa patakaran at medyo may magandang asal, hindi mo positibo at maagap na ginagawa ang hinihingi ng Diyos sa iyo, sa halip, tuso ka at nagpapakatamad, at umiiwas sa totoong gawain. Kung gayon, anong landas ba talaga ang tinatahak mo? Kahit na hindi ito ang landas ng isang anticristo, sa pinakamababa, ito ang landas ng isang huwad na lider.

May ilang tao na tila may pagpapasakop sa paggawa ng kanilang tungkulin, ginagawa nila kung ano man ang isinasaayos ng ang Itaas. Pero kapag tinanong sila, “Pabasta-basta mo bang ginagawa ang tungkulin mo? Ginagawa mo ba ito ayon sa mga prinsipyo?” wala silang maibigay na tiyak na sagot, sasabihin lang nila, “Ginagawa ko ang mga itinatagubilin ng ang Itaas at hindi ako nangangahas na magwala sa paggawa ng masasamang gawa.” Kapag tinanong kung natupad ba nila ang kanilang responsabilidad, sinasabi nila, “Buweno, ginagawa ko naman ang dapat kong gawin.” Palagi silang may ganitong uri ng saloobin sa paggawa ng tungkulin nila, walang pagmamadali at walang pakialam. Bagama’t walang lumitaw na kapansin-pansing problema, kung susukatin ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang paggampan nila sa tungkulin nila ay hindi episyente at hindi pasok sa pamantayan. Pero wala silang pakialam. Kumikilos pa rin sila sa pabasta-bastang paraan tulad ng ginawa nila noon, at ganoon pa rin sila kapasibo pagdating sa mga bagay na dapat mag-inisyatiba silang gawin—hindi sila nagbago kahit kaunti. Hindi ba’t sila ay walang-kahihiyang matigas ang ulo? Palagi nilang pinapanatili ang saloobing ito: “Maaaring mayroon kang sanlibong mahuhusay na plano, ngunit mayroon akong sariling mga panuntunan. Ganito lang talaga ako. Tingnan natin kung ano ang magagawa mo sa akin. Ito ang saloobin ko!” Wala silang nagawang napakalaking pagkakanulo o kasamaan, ngunit kakaunti rin ang mabubuting gawa na nagawa nila. Anong landas ang masasabi mong tinatahak nila? Mabuti ba ang ganitong uri ng saloobin sa pananampalataya sa Diyos at sa tungkulin ng isang tao? (Hindi.) Sa Aklat ng Pahayag sa Bibliya, sinasabi ito ng Diyos: “Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi malamig ni mainit, isusuka kita mula sa Aking bibig” (Pahayag 3:16). Ang pagiging maligamgam, hindi malamig ni mainit—mabuti ba ang ganitong saloobin? (Hindi.) Mayroon ding sariling mga kalkulasyon sa isip nila ang ganitong uri ng tao: “Hangga’t hindi ako gumagawa ng kasamaan o nanggagambala sa gawain ng iglesia sa paggampan ng tungkulin ko, hindi ako makokondena. Kung ang paggampan nang maayos sa tungkulin ko ay masyadong nakakapagod at nangangailangan ng labis na pagdurusa, hindi ko ito gagawin. Hindi ko papagurin ang sarili ko, pero hindi rin ako gagawa ng malalaking pagkakamali. Sa ganoong paraan, hindi ako mapapaalis o matitiwalag, at mas mabuti pa rin ako kaysa sa mga hindi gumagawa ng tungkulin. Kaya, nananatili akong maligamgam, hindi malamig ni mainit. Anuman ang ipagawa mo sa akin, gagawin ko ito. Pero kung hindi mo sasabihin sa akin na gawin ang isang bagay, hindi ako makikialam. Sa ganitong paraan, hindi ako mapapagod, at dagdag pa roon, walang mahahanap na kamalian sa akin ang mga tao. Mahusay ang pamamaraang ito!” Mabuti ba ang ganitong paraan ng pag-asal? (Hindi.) Alam mong hindi ito mabuti, kaya paano dapat magbago ang iyong pagsasagawa? Kung hindi mo kailanman hahangaring lumakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan at magpupursigi ka pa ring mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, kung gayon, tiyak na wala kang pag-asang matamo ang kaligtasan. Kung aasal ka sa mundo sa ganitong paraan, talaga ngang magkakaroon ka ng kalamangan. Poprotektahan ka ng iyong pilosopiya at saloobin sa mga makamundong pakikitungo, at hindi mo rin mapapasama ang loob ng mga tao. Higit pa rito, iyong mga taong nasa mataas na antas ng lipunan na may katanyagan at reputasyon ay hindi makararamdam na isa kang banta sa kanila at pahahalagahan ka nilang lahat nang labis. Iyong mga taong nasa mababang antas ng lipunan na walang katayuan ay hindi rin mangangahas na pasamain ang loob mo. Kaya, magiging sikat na sikat ka—kapwa sa mga tao na nasa mababang antas ng lipunan at mga tao na nasa mataas na antas ng lipunan, ikaw ay magiging isang tao na hinahangad nilang makuha ang loob, magiging isa kang taong hinahangad ng lahat, at magagawa mong makisalamuha sa lahat ng grupo ng tao, mataas at mababa, mabuti at masama, nang madali. Gayumpaman, kung gagamitin mo pa rin sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos ang ganitong uri ng saloobin sa mga makamundong pakikitungo, hindi ito uubra. Ang lahat ng iba’t ibang prinsipyo na may kinalaman sa katotohanan ay nangangailangan ng isang saloobin mula sa iyo, at ang saloobing ito ay tama o mali, itim o puti, totoo o huwad—ito ay partikular na malinaw, at partikular na may prinsipyo. Nangangailangan ang mga ito ng iyong paninindigan at ng iyong tumpak na pananaw, sa halip na ng iyong pamamaraan na mapagkompromiso sa parehong panig. Iyong mga gumagamit ng pamamaraan na mapagkompromiso sa parehong panig ay hindi makapaninindigan sa harap ng katotohanan. Huwag mong isipin, “Tingnan mo kung gaano katalino ang paraan ko ng pamumuhay. Natutunan kong protektahan ang aking sarili gamit ang pamamaraang ito mula pa noong bata ako, at sa pagbabalik-tanaw sa buhay ko hanggang sa kasalukuyan, pakiramdam ko ay napakapraktikal ng pamamaraang ito. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, namumuhay pa rin ako ayon sa pamamaraang ito. Sa mga taon na nanampalataya ako sa Diyos, hindi ako napungusan, hindi ako nabigo nang malaki sa paggampan ng aking tungkulin, hindi ako napasailalim sa anumang malaking pagpipino o mga pagsubok, at hindi ako kailanman kinondena o itinaboy ng Diyos. Tingnan mo kung gaano ako kamatagumpay sa pag-asal, kung gaano ako kahusay rito!” Mali ka! Hindi mo alam kung paano umasal—gumagamit ka ng tusong pamamaraan para harapin ang bawat usapin at para harapin ang katotohanan. Ang pamamaraang ito ay ganap na mali, at hindi ka makapaninindigan sa paggawa nito. Huwag kang magkaroon ng mentalidad na umaasa sa suwerte, iniisip na, “Ginagawa ko ito noon at palagi akong nagtatagumpay. Hindi ako kailanman nabigo, at hindi kailanman napahiya o nagpakita ng aking kamangmangan. Ngayong nananampalataya na ako sa Diyos, magpupursigi pa rin ako sa pinakasopistikadong estratehiyang ito para sa mga makamundong pakikitungo.” Sinasabi Ko na kahangalan ang paggawa mo nito! Bakit nagsasalita ang Diyos ng napakaraming salita para iligtas ang mga tao? Ito ay mismong para bigyang-kakayahan ang mga tao, sa ilalim ng gabay ng mga salitang ito, na maunawaan kung ano ang tamang landas sa buhay at kung anong uri ng landas ang dapat tahakin ng mga tao; ito ay para hayaan kang pumili—hindi ito para hayaan kang sumabay sa agos nang may pagka-oportunistiko rito. Kung ito ay para hayaan kang sumabay sa agos nang may pagka-oportunistiko, hindi sasabihin ng Diyos ang mga salitang ito o gagawin ang gawaing ito. Bakit sa ating pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang usapin, ang lahat ng bagay na sumasalungat sa katotohanan ay ginagawang napakalinaw? Ito ay mismong para sabihin sa iyo kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, upang malinaw mong mapag-iba ang mga ito at makita ang mga ito nang malinaw. Ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay ay ganap na bukas, naipapamalas, at malinaw sa harap ng Diyos—hindi malabo ang mga ito. Samakatwid, hinihingi sa iyo ng Diyos na maging malinaw sa paggawa ng anumang bagay at sa pagpili ng iyong landas—dapat na malinaw ang iyong saloobin, at dapat na malinaw ang iyong mga kaisipan at pananaw; dapat walang anumang malabo. Ang may kinalaman sa katotohanan at sa mga katotohanang prinsipyo ay hindi naglalaman ng anumang malabo—ang itim ay itim, ang puti ay puti, ang oo ay oo, ang hindi ay hindi. Ang isang kasinungalingan, kahit pa sabihin nang isang libong beses, ay isa pa ring kasinungalingan at hindi kailanman magiging katotohanan. Ang katotohanan, kahit pa iilan lang sa mundo ang tumatanggap dito, o kahit pa tinatanggihan at kinokondena ito ng maraming bansa, ay nananatiling katotohanan. Ang katotohanan ay palaging ang katotohanan at hinding-hindi magiging isang maling kaisipan o erehiya. Kahit gaano karaming tao ang sumusunod sa mga negatibong bagay na kay Satanas o kahit ilang taon nang naging makamundong kalakaran ang mga ito, mga negatibong bagay pa rin ang mga ito at kay Satanas pa rin—hindi kailanman magiging mga positibong bagay ang mga ito. Sa kabaligtaran, ang mga positibong bagay, kahit pa inaatake, sinusupil, at kinokondena ang mga ito sa mundong ito, ay nananatiling mga positibong bagay at hindi kailanman magiging mga negatibong bagay. Ang Diyos ay Diyos magpakailanman, magpakailanmang pagsasakatawan ng katarungan, at ang kinatawan ng lahat ng positibong bagay magpakailanman. Ang katayuan ng Diyos ay hindi nagbabago, at ang Kanyang diwa ay hindi nagbabago. Samantala, si Satanas ay si Satanas magpakailanman, pagsasakatawan ng kasamaan magpakailanman, kinatawan ng sentro ng kasamaan magpakailanman, negatibo magpakailanman, at hindi ito kailanman magiging isang positibong bagay.

Sinasabi ng ilang tao, “Kailangan marunong kang makibagay sa pamumuhay sa iglesia. Huwag kang masyadong kumiling sa alinmang direksyon. Huwag mong tanggapin ang katotohanan, pero huwag ka ring masuya rito; huwag mong pasamain ang loob ng mga positibong tao o ng mga negatibong tao. Pinakamabuti na maging isang taong walang pinapanigan. Hindi ko tinututulan ang mga positibong bagay, at hindi ko pinupuna ang mga negatibong bagay. Hindi ako nagpapalapad ng papel o sumusubok na makakuha ng pabor sa mga taong naghahangad ng katotohanan, at hindi rin ako nakikipaglapit sa kanila. Hindi ko rin inilalayo ang aking sarili sa mga anticristo. Ano ang magagawa mo sa akin? Tingnan mo kung gaano ko kalinaw na nauunawaan ang buhay!” Ito ba ay malinaw na pag-unawa? Hindi ito malinaw na pag-unawa; ito ay kahangalan. Ito ay pagiging magulo ang isip at kawalan ng kakayahang mapag-iba ang tama sa mali. Ang gayong tao ay isang taong magulo ang isip. Sinasabi Ko sa iyo, ang ganitong uri ng taong namamangka sa dalawang ilog ay sadyang walang kuwenta. Ano ang magiging panghuling resulta ng pamumuhay sa ganitong paraan? (Wala siyang kalalabasan at kahahantungan.) Nasira na niya ang sarili niyang destinasyon. Bagama’t hindi niya tinututulan ang mga positibong bagay, sa diwa, hindi rin niya tinatanggap ang mga positibong bagay. Ang hindi pagtutol ay hindi katulad ng pagtanggap, at ang hindi pagpuna sa mga negatibong bagay ay hindi katulad ng pagbitiw sa mga ito. Iniisip mo ba na sa hindi pagtanggap sa mga positibong bagay at hindi pagpuna sa mga negatibong bagay, nabitiwan mo na ang mga negatibong bagay at mga negatibong pananaw? Hindi mo mabibitiwan ang mga ito. Tanging sa pagtanggap sa mga positibong bagay at pagtanggap sa katotohanan unti-unting mabibitiwan at masisira ang mga negatibong kaisipan at pananaw ng mga tao, pati na rin ang mga buktot na kaisipan at pananaw na kay Satanas; saka lang matatanggap ng mga tao ang mga positibong kaisipan at pananaw, kasama na ang mga pagsasagawa, kabatiran, pag-unawa, at pamantayan na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa madaling salita, kung gusto mong tanggapin ang mga positibong kaisipan at pananaw, kung gusto mong tanggapin ang katotohanan, kung gusto mong pumasok sa iyo ang katotohanan at maging buhay mo, dapat mo munang alisin ang lahat ng nasa loob ng iyong sarili, at pagkatapos ay tanggapin ang katotohanan at hayaan ang katotohanan na pumasok sa iyo at humawak ng kapangyarihan sa iyong puso. Ito ay pagkakaroon ng katotohanan bilang buhay. Ang paghahangad ng katotohanan ay isinasagawa sa ganitong paraan. Ang pangunahing layunin ng pananampalataya sa Diyos ay ang makamit ang katotohanan. Dapat mong makilatis ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na sumasalungat sa katotohanan. Lalo na kung ikaw ang uri ng tao na sumusunod sa pilosopiya ni Satanas, dapat mong bitiwan ang mga tusong kaisipan at pananaw ng pamamaraang mapagkompromiso sa parehong panig, at dapat kang sadyang maghimagsik laban sa mga ito. Kapag lumitaw ang gayong mga kaisipan at pananaw sa mga sitwasyong nakakaharap mo, dapat mong mapagtanto na mali ang mga ito at dapat mong isipin: “Ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos? Ano ang hinihingi ng Diyos? Alinmang paraan ng pagkilos ang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, magkukusa ako at magsusumikap na kumilos nang naaayon, hindi hinahayaan ang mga kaisipan at pananaw ng pamamaraang mapagkompromiso sa parehong panig na pamahalaan ako o hadlangan ako sa pagsasagawa ng katotohanan. Sa halip, dapat kong hayaan ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, na maging pamantayan para sa aking pag-asal at mga kilos, at para sa paggampan ko ng aking tungkulin.” Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay magdudulot ng ibang resulta. Kahit pa ito ay isang napakaliit na bagay at hindi karapat-dapat na tandaan ng Diyos, kahit papaano, hindi ito kokondenahin ng Diyos. Habang unti-unting naiipon ang iyong mga kilos sa ganitong paraan, ang iyong mabubuting gawa ay unti-unting maihahanda nang paunti-unti. Kung ang iyong mga kilos ay maituturing na mabubuting gawa sa paningin ng Diyos, magkakaroon ka ng pag-asa. Magsisimula kang magkaroon ng tama at positibong direksyon at layon, at magsisimula kang maging isang positibong tao, isang tamang tao. Sa ganitong paraan, mailalayo mo ang iyong sarili mula sa landas ng pagkawasak na patungo sa impiyerno at unti-unti ay makakabaling ka na sa landas na patungo sa kaharian ng langit. Ito ay isang magandang resulta ng isang tao na nagagawang magbalik-loob. Madali ba itong makamit? Nakadepende iyon sa antas ng pagmamahal ng isang tao sa katotohanan. Kung nakakagawa ka ng pagkakamali at sinasabi mo lang: “Talagang namumuhi ako sa sarili ko! Paano ko nagawa ang gayong mababang-uri, ubod ng samang bagay? Talagang nangangati akong sampalin ang sarili ko!” namumuhi lang sa sarili mo, wala iyang silbi. Ang susi ay na, kapag nagkamali ka, dapat magawa mong kilatisin kung ano ang mali rito, kung ano ang nag-udyok sa iyo na gawin ito, bakit hindi mo magawang isagawa ang katotohanan, ano ang ugat na dahilan, at ano ang batayan at mga prinsipyo ng pagkilos mo. Ang susi rin ay kung, kapag nahaharap sa isang usapin, ikaw ba ay sadyang kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos at sadyang naghihimagsik laban sa iyong mga satanikong kaisipan at pananaw, sa iyong mga ambisyon at pagnanais, at sa iyong mga intensiyon at plano. Kung sadya mong ginawa ang lahat ng bagay na ito, kung gayon ay nakapaghanda ka ng mabubuting gawa, at isa itong magandang bagay, at may nakamit ka. Mabuti ba ang ganitong uri ng resulta? Ito ba ang resultang gusto ninyong makita? Ito ba ang gusto ninyong hangarin? (Oo.) Anong uri ng pananaw ang pinanghahawakan ng karamihan sa mga tao ngayon? Ito iyon: “Hindi ako gumagawa ng kasamaan o nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo. Hangga’t hindi ako pinapaalis sa iglesiang may tungkuling full-time, ayos lang ang lahat. Bagama’t hindi ako nakapaghanda ng maraming mabuting gawa, at sa aking tungkulin ay hindi ako masyadong tapat, wala akong gaanong sinseridad, at hindi ako masigasig na nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hangga’t hindi ako gumagawa ng kasamaan o nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, hindi ba’t sapat na iyon?” Kumusta ang pananaw na ito? Ito ay isang tiwaling kaisipan at pananaw—ito ay hindi naghahangad ng pag-unlad. Hinding-hindi mo dapat isipin na hangga’t hindi ka gumagawa ng kasamaan o nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, ikaw ay isang mabuting tao, isang marangal na tao, na makakapanindigan ka, at ang ginagawa mo ay katugma ng katotohanan. Sinasabi Ko sa iyo, mali iyan—ito ay isang hangal na paraan ng pag-iisip! Ang hindi paggawa ng kasamaan ay hindi katumbas ng paghahanda ng mabubuting gawa. Ang hindi paggawa ng kasamaan at ang paghahanda ng mabubuting gawa ay dalawang magkaibang konsepto. Ang paggawa ng tungkulin nang hindi gumagawa ng kasamaan ay ang dapat gawin ng isang nilikha; isa itong pagpapamalas na dapat taglayin ng mga may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “May mga taong pumapatay, pero hindi ko ginawa iyon; ang taong iyon ay nagnakaw ng mga bagay mula sa ibang mga tao, pero hindi ko ginawa iyon. Ibig sabihin nito ay mabuti akong tao.” Karapat-dapat bang ipagyabang iyon? Tama ba ang iginigiit nila? (Hindi.) Ito ay pagkalito sa mga konsepto. Ang pagiging hindi magnanakaw, hindi pagpatay o pagsunog, at hindi pakikibahagi sa mga bawal na seksuwal na ugnayan, ay hindi katulad ng pagiging isang mabuting tao. Ang hindi paggawa ng kasamaan o paglabag sa batas ay ibang konsepto mula sa pagiging isang mabuting tao. Ang pagiging mabuting tao ay may sarili nitong mga pamantayan. Ang hindi paggawa ng kasamaan at ang paghahanda ng mabubuting gawa ay dalawang magkahiwalay na konsepto rin. Ang paggawa ng tungkulin mo nang hindi gumagawa ng kasamaan ay isang bagay na dapat mong makamit bilang isang normal na tao. Pero ang paghahanda ng mabubuting gawa ay nangangahulugan na dapat maagap at positibo mong isagawa ang katotohanan at tuparin nang maayos ang iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Dapat kang magkaroon ng katapatan, maging handang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, maging handang akuin ang responsabilidad, at dapat magawa mong kumilos nang positibo at maagap. Sa kabuuan, maituturing na pawang mabubuting gawa ang mga kilos na ginagawa ayon sa mga prinsipyong ito. Malaki o maliit na mga usapin man ito, karapat-dapat mang tandaan ng mga tao ang mga ito o hindi, pinahahalagahan man ito ng mga tao o itinuturing nilang walang halaga, o kung iniisip man ng mga tao na karapat-dapat sa atensiyon ang mga ito, sa mga mata ng Diyos, mabubuting gawa ang lahat ng ito. Kung naghanda ka ng mabubuting gawa, sa huli ay magdadala ito sa iyo ng mga pagpapala, hindi ng mga kapahamakan. Ang ilang tao ay hindi naghahanda ng anumang mabuting gawa kahit kaunti at kontento na sila sa sumusunod: “Ginagawa ko ang anumang ipinapagawa sa akin at pumupunta ako kahit saan ako pinapapunta. Hindi ako kailanman nagsasalita o kumikilos nang arbitraryo, at hindi ako nananadyang gumawa ng problema o nagdudulot ng mga paggambala o panggugulo. Masunurin at mabuti ang asal ko.” Palagi nilang kinikimkim ang ganitong uri ng saloobin. Hindi nila aktibong hinahanap ang katotohanan o sinusunod ang mga prinsipyo sa paggampan ng kanilang tungkulin. Kapag natutuklasan nila ang sarili nilang mga paglihis at pagkakamali, hindi nila agad itinatama o binabago ang mga ito. Kapag natutuklasan nilang naging mapaghimagsik sila at nagbunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, hindi nila kailanman pinagninilayan ang kanilang sarili, ni aktibong hinahanap ang katotohanan para lutasin ang problema; sa halip, ginagawa lang nila kung ano ang gusto nila. Bagama’t hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan na magdudulot ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, naapektuhan pa rin nila ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Sa pinakamabuti, ang paggampan nila ng kanilang tungkulin ay pagtatrabaho lang, at ang pagtatrabaho, sa kalikasan nito, ay hindi umaabot sa pagiging isang mabuting gawa. Kung gayon, paano ba talaga binibigyang-depinisyon ang mabubuting gawa sa huli? Ito ay kapag, sa pinakamababa, nakakatulong ang ginagawa mo sa buhay pagpasok mo at ng mga kapatid, at kapag kapaki-pakinabang ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kapaki-pakinabang ito sa iyong sarili, sa iba, at sa sambahayan ng Diyos, kung gayon, epektibo sa harap ng Diyos at sinasang-ayunan ng Diyos ang paggampan mo. Bibigyan ka ng Diyos ng marka. Kaya, suriin ninyo ang mga bagay na ito: Gaano karaming mabubuting gawa ang inihanda ninyo sa paglipas ng mga taon? Matutumbasan ba ng mabubuting gawang ito ang mga pagsalangsang mo? Pagkatapos matumbasan ang mga ito, ilang mabuting gawa na lang ang natitira? Kailangan mong bigyan ng marka ang sarili mo at magkaroon ng mahigpit na pagkaarok dito; hindi ka dapat maguluhan tungkol sa bagay na ito.

Sabihin ninyo sa Akin, kinakailangan ba ang Aking pagbabahagi tungkol sa mga usaping ito? (Oo.) Dapat Kong sabihin ang mga salitang ito sa inyo, at dapat Ko kayong bigyan ng ilang payo. Ang layunin ng pagbibigay sa inyo ng mga payo ay hindi para pawiin ang inyong kasiglahan, ni pagtawanan kayo, lalong hindi para kondenahin kayo, kundi para bigyan kayo ng isang paalala, para magbigay ng babala, upang malaman ninyo—ngayon mismo, sa kasalukuyan, sa panahong ito—kung anong sitwasyon ang kinaroroonan ninyo, kung ano ang inyong kalagayan, at kung ano ang mga posibleng panganib. Dapat malinaw sa inyong puso ang mga bagay na ito. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, dapat na palagi at madalas na suriin ng mga tao kung ano ang kanilang kalagayan sa harap ng Diyos. Dapat nilang palagi at malinaw na malaman kung ano ang kanilang ugnayan sa Diyos, kung may mga alitan at hadlang ba na umiiral sa pagitan nila at ng Diyos, kung mayroon ba silang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, kung mayroon ba silang mga hindi makatwirang hinihingi sa Diyos, at kung ano ang tingin ng Diyos sa kanilang kabuuang mga pagpapamalas. Dapat maunawaan at malaman ng mga tao ang mga bagay na ito; lubha itong kapaki-pakinabang sa kanilang buhay pagpasok. Ang layunin ng pagsasagawa sa ganitong paraan ay para matiyak na tumpak na makakikilos ang mga tao ayon sa mga layunin ng Diyos. Huwag kang tumahak sa anumang maling landas, huwag kang makontento sa iyong sarili, at huwag mong linlangin ang iyong sarili at ang iba. Ang hindi pagtahak sa anumang maling landas ay nangangahulugan ng hindi pagsunod sa sarili mong lihis na landas. Iniisip mo na ang paggampan mong ito sa pananampalataya sa Diyos ay medyo maganda, kaya patuloy kang lumalakad sa ganitong paraan. Gayumpaman, lumalabas na lumihis ka mula sa tamang landas; matagal ka nang inabandona ng Diyos, at tumigil na ang Banal na Espiritu sa paggawa sa iyo. Kinamumuhian ka ng Diyos, pero iniisip mo pa rin na mahusay ang ginagawa mo sa iyong pananampalataya: “Mayroon akong mga nakamit mula sa pananampalataya sa Diyos. Kaya ko nang magtiis ng paghihirap ngayon, hindi na ako gumagawa ng kasamaan ngayon, alam ko na kung paano umiwas sa pagdudulot ng mga paggambala, at alam ko na ngayon kung bakit ang mga nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo ay pinapaalis o ibinubukod, at kung bakit hindi sila pinapayagang gumampan ng isang tungkulin.” Hindi sapat na malaman ang mga bagay na ito. Dapat mong malaman kung paano kumilos upang masunod ang daan ng Diyos, kung paano magsagawa upang makalakad sa tamang landas, at kung paano kumilos upang matamo ang kaligtasan. Ang lahat ng ito ay napakahalaga; dapat kang regular na magsagawa ng mga pagsusuri at bumuo ng mga kongklusyon. Hanggang dito na lang ang paksang ito. Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa paksang pinagbabahaginan natin sa panahong ito.