Paano Hangarin ang Katotohanan (10) Ikalimang Bahagi

Pagkahilig sa Panitikan, Pagkahilig sa Teknolohiya, at Iba Pa

Pag-usapan natin ang isa pang pagpapamalas, ang pagkahilig sa panitikan. Anong uri ng pagpapamalas ito? (Isang likas na kondisyon.) Ibig sabihin, likas sa mga taong iyon ang pagkahilig sa panitikan. Dahil mahilig sila sa panitikan, pagdating sa mga paksa, aklat, at mga bagay na may kinalaman sa panitikan, nagpapamalas sila ng espesyal na pagkagiliw at kuryosidad, o nagpapamalas sila ng isang espesyal na saloobin—ito ay isang likas na kondisyon. Kung gayon, paano naman ang pagkahilig sa teknolohiya? (Isa itong likas na kondisyon.) Ibig sabihin, kapag walang panghihimasok o pakikialam mula sa mundo sa labas, interesadong-interesado ang mga tao sa mga partikular na uri ng bagay, mahilig silang magbasa ng mga ganoong uri ng aklat, at mahilig din silang magbigay-pansin at mag-usap tungkol sa mga ganoong paksa; kasabay nito, adhikain din nila ang makibahagi sa isang trabaho o larangan na may kaugnayan sa mga ganoong bagay. Ito ay likas—hindi nito kailangan ang iba na makialam, ni hindi ito kailangang ituro, at siyempre, hindi rin nito kailangan ang iba na sadyang mag-impluwensiya o mag-indoktrina sa kanila sa kanilang buhay. Ipinanganak silang may pagkahilig sa mga partikular na bagay. Ang pagkahilig sa teknolohiya ay isang likas na kondisyon, kaya paano naman ang pagkahilig sa mga halaman at hayop? (Likas na kondisyon din iyon.) Ang pagkahilig sa mga halaman at hayop—pagmamalasakit sa mga puno, insekto, at mga ibon; lalo na ang pagkahilig na makisalamuha sa maliliit na hayop, magkaroon ng malapitang pakikipag-ugnayan sa mga ito, at pagiging labis na mapagmahal at mapagparaya sa mga ito—ay isang likas na kondisyon. Kita mo, ang mga bagay na ito na kabilang sa mga likas na kondisyon ay napakanormal, hindi ba? (Oo.) Ang mga ito ay hindi kinapapalooban ng mga negatibong bagay sa loob ng mga tiwaling disposisyon tulad ng kayabangan at kabuktutan. Tapos, ang mga bagay gaya ng pagkahilig sa abyasyon, pagkahilig sa kasaysayan, pagkahilig sa astronomiya at heograpiya, pagkahilig sa agham ng nutrisyon at medisina, pagkahilig sa batas, pagkahilig sa agrikultura—anong uri ng mga pagpapamalas ang mga ito? (Mga likas na kondisyon.) Ang ilang tao ay mahilig sa agrikultura; mahilig silang magsaliksik tungkol sa paghugpong ng mga usbong, pagpapabuti, at ani ng iba’ t ibang halaman, hilig nilang saliksikin ang mga epekto ng klima at temperatura sa mga halaman, hilig nilang magtanim ng mga gulay, pananim, puno, at bulaklak. Araw-araw na maputik at may kalyo ang mga kamay nila dahil sa pagtatrabaho. Ang mga taong ito ay ayaw maging doktor, abogado, o opisyal—ang gusto lang nila ay pagsasaka at ang pag-aasikaso ng mga halaman, at nakakaramdam sila ng malaking kaginhawahan sa pamumuhay nang ganito. May kaugnayan ba sa pagkatao ng mga tao kung ano ang kanilang gusto, ang kanilang mga interes at libangan? (Wala.) Nakakaapekto ba ito sa kanilang pagkatao? (Hindi.) Sa pangkalahatan, hindi ito nakakaapekto roon. Ang mga magsasaka ay hindi maaaring tawaging napakamarangal; mayroon din silang mga tiwaling disposisyon. Gayundin, ang mga nakatataas na intelektuwal, gaya ng mga taong nakikibahagi sa mga larangan ng teknolohiya, panitikan, medisina, o batas, ay hindi mas higit ang pagkatao kaysa sa mga magsasaka. Pagkatapos makakuha ng napakaraming kaalaman, makabasa ng napakaraming aklat, at mag-aral sa napakahabang panahon, sa huli, wala silang pagkaunawa sa Diyos kahit kaunti—natuto lamang sila nang kaunti pa mula sa mga aklat at nagkamit sila ng kaunti pang kaalaman at kabatiran. Pero pagdating sa kung paano sila umasal, anong uri ng landas sa buhay ang dapat nilang sundin, paano sila dapat manampalataya at sumamba sa Diyos, at paano kumilos upang umayon sa mga prinsipyo ng pag-asal sa lahat ng uri ng usapin sa buhay—wala silang alam tungkol sa alinman sa mga bagay na ito. Ang karaniwang katangian ng mga taong mayroong mga hilig at libangan sa iba-ibang larangan ay na kahit ano man ang gusto nila, handa silang gawin iyon, at handa silang makibahagi sa gawain ng larangang iyon, at pagkatapos ay inilalaan nila ang sarili nila sa larangang iyon. Sa alinmang larangan nila inilalaan ang kanilang sarili, hangga’t nasa loob sila ng lipunang ito, nakondisyon at natiwali sila ni Satanas. Walang pagkatao ng tao ang nagiging marangal dahil lamang ang kanyang mga hilig at libangan, o ang larangang kinasasangkutan niya, ay mas marangal o mas kagalang-galang kaysa sa iba. Gayundin, walang tao ang nagiging mas mababa o mas tiwali kaysa sa iba dahil lamang ang antas ng hanapbuhay niya ay mababa, aba, o minamaliit ng iba. Sa kabaligtaran, anuman ang mga hilig at libangan ng isang tao, anuman ang uri ng larangang kinasasangkutan niya sa paggamit ng anumang kalakasan o kaloob, sa huli, hindi umaayon sa katotohanan ang mga kaisipan at pananaw na taglay niya. Ang mga tao ay pawang may parehong saloobin sa katotohanan at sa Diyos, at ang ibinubunyag nila ay pawang mga tiwaling disposisyon. Ang pagkakapareho ng mga tao ay na namumuhay sila nang may mga tiwaling disposisyon bilang kanilang buhay. Kaya, anuman ang mga hilig at libangan na mayroon ka at anumang hanapbuhay ang kinasasangkutan mo, hindi ibig sabihin na maaapektuhan nito ang pagkatao mo, ni hindi ibig sabihin na ang pagkatao mo ay maitataas o maaagnas sa isang partikular na antas. Mula sa mga katunayang ito, makikita na ang mga likas na kondisyon na ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay hindi nakaaapekto sa kanilang mga pamantayan para sa kanilang sariling asal at mga kilos, o nakakabago sa landas at direksiyon ng kanilang mga kilos. Ang mga hilig at libangan na ito ay mga kasangkapan lamang o isang uri ng likas na kapital na inaasahan nila para patuloy na umiral, nang sa gayon, sa pamamagitan ng larangang kinasasangkutan nila, magkakaroon sila ng pagkakakitaan at mapapanatili ang kanilang kabuhayan. Gayumpaman, sa proseso ng pagpapanatili ng kanilang kabuhayan, ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na tinatanggap ng mga tao sa gitna ng mga grupo ng mga tao sa iba’t ibang larangan ay magkakapareho. Samakatwid, sa huli, sa alinmang larangan naroroon ang isang tao, alinmang sulok ng lipunan siya naroroon, o sa alinmang grupo ng mga tao o alinmang lahi siya nabibilang, pareho ang natatanggap niyang katiwalian. Hindi ka nagiging mas marangal o hindi gaanong malalim na tiwali kaysa sa iba dahil lang gumagawa ka ng isang medyo mas mataas na antas ng trabaho o hanapbuhay, ni hindi ka nagiging mas malalim na tiwali kaysa sa iba dahil lang sa mababa ang antas ng larangang kinasasangkutan mo. Sa madaling salita, anuman ang mga likas mong hilig at libangan, sa huli, hindi maiiwasan at hindi mapaglalabanan na ginagawa kang tiwali ni Satanas sa lipunang ito at sa gitna ng mga tao.

Pagkahilig sa Gawaing Pinansiyal at Accounting

Susunod, pag-usapan naman natin ang isa pang pagpapamalas. Ang ilang tao ay mahilig sa gawaing pinansiyal at accounting; mahilig silang humawak ng mga numero at ginugugol nila ang buong buhay nila nang gumagawa ng gawaing pinansiyal. Araw-araw silang nagtatala ng mga account, nag-aayos ng mga account, humahawak ng mga bayad at tumatanggap ng pera—palaging puno ng mga datos ang isipan nila, pero hindi nila nararamdaman na nakakainip ito. Ang pagkahilig sa gawaing pinansiyal at accounting—sa anong aspekto ito nabibilang? (Mga likas na kondisyon.) Ito ay isang kalakasang ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Dahil magaling ka rito, natural mong pinipili ang hanapbuhay na ito, at pagkatapos ay nagkakaroon ka ng kabuhayan para sa buong buhay mo—ganito mo sinusustentuhan ang sarili mo. Katumbas ito ng pagpapadala ng Diyos sa iyo ng mana o pugo mula sa langit, para mayroon kang makakain. Ang hilig at libangan na ito ay parang isang gintong gansa na nahuhulog mula sa langit, dumadapo sa mga kamay mo, na nagbibigay-daan para magkaroon ka ng ganitong hilig at libangan. Pagkatapos, natural kang nakikibahagi sa isang hanapbuhay na kaugnay ng iyong hilig at libangan, at nang may ganito bilang kabuhayan mo, nasusustentuhan mo ang iyong sarili hanggang sa ngayon. Hindi mahalaga kung magaling ka rito o hindi, o kung ilang taon ka nang nakikibahagi rito, basta’t ito ay isang bagay na mula pagkapanganak mo, ito ang inorden ng Diyos para sa iyo—isa itong likas na kondisyon. Sa madaling salita, ang lahat ng ito ay nagmumula sa Diyos—walang dapat ipagyabang ang mga tao tungkol dito. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.)

Pagiging Bihasa sa Pagnenegosyo

Ang pagkahilig sa pagnenegosyo, ang pagiging bihasa sa pagnenegosyo—sa anong aspekto ito nabibilang? (Mga likas na kondisyon.) Ang pagiging bihasa sa pagnenegosyo ay nangangahulugan ng pagpapatakbo ng sariling negosyo nang mas mahusay kaysa sa karamihan ng tao. Maaaring nagpapatakbo ang iba ng negosyo sa loob ng dalawa o tatlong buwan at nababangkarote, nawawalan pati ng kanilang unang puhunan, pero pinapatakbo nila ang kanilang negosyo nang dalawa o tatlong taon at lalo silang gumagaling. Unti-unti, umuunlad ang kanilang buhay—mas nakakakain at nakakapanamit nang maayos ang kanilang pamilya, napapalitan ang maliit nilang bahay ng mas malaki, ang maliit na sasakyan ng mas malaking sasakyan, at patuloy na bumubuti ang buhay nila; nagiging mayayamang negosyante sila. Ang pagiging bihasa sa pagnenegosyo—isa ba itong likas na kondisyon? (Oo.) Ang pagiging bihasa sa pagnenegosyo, ang likas na kondisyong ito, ay kalakasan nila. Hindi nila espesyal na pinag-aralan kung paano magnegosyo, ni hindi sila naimpluwensiyahan ng kanilang mga magulang, pero madali silang nagtatagumpay sa pagpapatakbo ng maliit na negosyo at sa pagkita ng pera. Tinanong mo sila, “Mahirap ba para sa iyo ang pagnenegosyo?” Sumasagot sila, “Hindi naman. Ginagamit ko lang ang utak ko, iniisip ko kung paano gawin ang mga bagay sa paraang angkop at kikita ng pera, at pagkatapos ay nagpapatuloy ako at ginagawa ko ito sa ganoong paraan—at sa huli, akin ang pera.” Sinasabi mo, “Mukhang walang hirap at napakadali para sa iyo ang pagnenegosyo. Bakit hindi ko ito magawa?” Bakit? Dahil hindi ka binigyan ng Diyos ng ganoong kalakasan, kaya sadyang wala kang talento rito. Kaya, ang mga may kalakasan ay hindi dapat magmataas, at ang mga walang kalakasan ay hindi dapat mainggit. Ang ibinibigay ng Diyos, walang sinuman ang makakaalis—kahit ayaw mo rito, hindi mo ito puwedeng tanggihan. Ginawa ka lang bihasa ng Diyos sa bagay na ito, at sa pamamagitan ng kalakasang ito, binibigyan ka Niya ng paraan ng kabuhayan o isang kalakalan para masustentuhan ang buhay mo. Ito ay biyaya ng Diyos. Ang iba ay natututo, tinuturuan, at nagsasagawa, pero kahit anong sikap nila, hindi sila makapagkamit ng magagandang resulta. Pero kaya mong gawin ito nang hindi ito napag-aralan. Paano man sila mag-isip, hindi gumagana ang isipan nila nang kasingbilis ng sa iyo, at hindi nila kayang magpatakbo nang kasinghusay gaya mo. Kaya, saan nagmumula ang kalakasan mong ito? Hindi ba’t likas ito? At hindi ba’t ang likas ay ipinagkakaloob ng Diyos? Palagi mong sinasabi kung ano ang gusto mo, kung saan ka bihasa—pero iyon ba ay isang bagay na hiniling mo? Sinasabi ng ilang tao na namana nila ito mula sa kanilang mga magulang. Kung gayon, bakit hindi ka nagmana ng iba pang bagay? Subukan mong maghanap ng paraan para ipasa ang kalakasang ito sa iyong susunod na henerasyon—magagawa mo ba ito? Makakapagdesisyon ka ba sa usaping ito? (Hindi.) Talagang hindi. Ang kalakasang taglay mo ay bigay ng Diyos—gaano ka man kinaiinggitan ng iba, hindi nila ito kayang alisin o agawin, at kahit ayaw mo nito, ibinibigay pa rin ito ng Diyos sa iyo. Sapagkat pinakitaan ka ng Diyos ng biyaya, dapat mo itong tanggapin mula sa Kanya. Huwag kang magmataas, at huwag kang magyabang. Ang pagmamataas at pagyayabang ay mga pagpapamalas ng kamangmangan ng tao.

Kaya, paano mo dapat tratuhin nang wasto ang kalakasan na ibinigay sa iyo ng Diyos? Kung kailangan ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng tungkulin sa larangang ito, dapat mong gamitin ang kalakasan mo sa iyong tungkulin, sa gawain ng iglesia. Huwag kang magpigil—ipamalas ito, at gawin ito sa abot ng pinakamakakaya mo. Sa ganitong paraan, hindi maibibigay nang walang saysay ang kalakasang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos; ang biyaya at espesyal na pagtrato na iyong tinamasa mula sa Diyos ay maibabalik sa Kanya. Sa paggawa nito, isa kang taong may konsensiya—hindi ka lang naghahangad ng mga pakinabang para sa sarili mo kundi sinusuklian mo ang Diyos. Ito ay pagkilos nang tama. Kahit iniisip mo, “Mayroon akong ganitong kalakasan, ganitong hilig at libangan, at napakadali para sa akin ang paggawa nito,” hangga’t itinuturing mo ito bilang tungkulin mo, hindi ka maaaring umasa lamang sa iyong kalakasan, hilig, at libangan. Dapat mo itong gawin ayon sa mga prinsipyong sinabi sa iyo ng Diyos at sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay pagsamahin iyon sa kalakasan mo. Sa ganitong paraan, maayos na magagawa ang tungkulin mo, at maiaalay mo ang iyong katapatan. Katulad lang ito ng kung paanong nagkaloob ang Diyos ng isang anak na lalaki kay Abraham—nang ibinigay siya ng Diyos, labis na nagalak si Abraham, at nang ginusto ng Diyos na kunin siya, kinailangan ni Abraham na kusang-loob at ganap na ialay ang anak sa Diyos. Hindi siya nagpigil o hindi niya sinubukang magtakda ng mga kondisyon, at higit pa rito, hindi siya nagreklamo o nang-insulto sa Diyos—kinailangan niyang ialay ang anak nang buong-puso at sinsero. Kapag pinagkakalooban ka ng Diyos ng biyaya, nagiging masayang-masaya at kontento ka, nararamdaman mong nagkamit ka ng kalamangan at na nagpapakita ng kabaitan sa iyo ang Diyos. Pagkatapos mong matamasa ang labis na biyaya ng Diyos, ano ang saloobin mo kapag hiniling ng Diyos na mag-alay ka ng isang bagay? Matitiis mo bang humiwalay rito? Kaya mo bang ialay ito sa Diyos at ibalik sa Kanya nang walang pag-aalinlangan? Kung kaya mong ibalik sa Diyos ang ibinigay Niya sa iyo nang walang kompromiso, ayon sa mga prinsipyong hinihingi Niya, nang walang reklamo, walang pag-aalinlangan, at nang hindi ito itinatago para sa sarili mo, bagkus ay iniaalay ito sa Diyos, kung gayon, ikaw ay pasok sa pamantayan bilang isang nilikha; ang tungkuling ginawa mo ay pasok din sa pamantayan, at masisiyahan ang Diyos. Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo, sapagkat ang ibinigay ng Diyos sa iyo ay maraming beses na lampas pa sa kaya mong ialay. Bukod sa pagbibigay sa iyo ng buhay, binigyan ka rin ng Diyos ng kapital at mga kondisyon na inaasahan mo para sa patuloy na pag-iral. Dahil mayroon kang ganitong kalakasan, hilig at libangan, gaano kalaking pakinabang ang nakamit mo? Gaano kalaking biyaya ng Diyos ang natamasa mo? Hanggang ngayon, gaano kalaki ang naisukli mo sa Diyos? Kung ngayon ka pa lang nagsisimulang magsukli sa Diyos, medyo napakabagal mo. Kung hindi ka mahusay na gumawa noon, mula ngayon, dapat kang mag-alay sa Diyos nang walang anumang pag-aalinlangan; gamitin mo ang iyong kalakasan at ang mga propesyonal na kasanayan at iba’t ibang prinsipyo ng propesyon na pinagkadalubhasaan mo sa iyong tungkulin, nang walang anumang hindi ginagamit, dahil ang iniaalay mo ay orihinal na sa Diyos—ipinagkaloob ito sa iyo ng Diyos. Kapag iniaalay mo ang mga bagay na ito at ginagamit ang mga ito sa tungkulin mo, sa isang banda, tatanggapin ito ng Diyos, at sa isa pang banda, makakamit mo ang katotohanan, makakamit ang buhay, at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos—magkakamit ka ng mga napakalaking pakinabang at hindi ka magdurusa ng kawalan kahit kaunti. Kasabay nito, hindi inalis ng Diyos ang karapatan mong magtamasa ng iyong hilig, libangan, at kalakasan. Dahil ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang hilig at libangang ito, hinding-hindi Niya babawiin ang mga ito. Gaano ka man mag-alay, mananatili pa rin sa iyo ang mga ito—tinitiyak ng Diyos na magpapatuloy na naroroon sa loob mo ang mga ito nang walang katapusan; ang mga ito ay parte ng iyong mismong katauhan. Kung hindi ka nag-aalay sa Diyos, masasabi lamang na wala kang konsensiya, na hindi ka pasok sa pamantayan bilang isang nilikha, at na wala kang sinseridad sa Diyos. Kung mayroon ka ngang sinseridad, dapat kang magsukli sa Diyos ng kung ano ang natanggap mo mula sa Kanya at kung ano ang taglay mo. Dapat may ganito kang saloobin. Gaano man kalaki ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, gaano man kalaki ang nauunawaan mo, at gaano man kalaki ang kaya mong gawin, dapat kang mag-alay sa Diyos nang walang pag-aalinlangan. Sa tingin mo ba ay ipapaalay ito ng Diyos sa iyo nang walang saysay? Tingnan mo si Abraham—nang hiningi ng Diyos sa kanya si Isaac, inialay niya si Isaac sa altar. Pero pagkatapos makita ang sinseridad ni Abraham, kinuha ba talaga ng Diyos si Isaac? Hindi siya kinuha ng Diyos—ibinalik ng Diyos si Isaac kay Abraham at naghanda Siya ng isang kordero sa malapit. Hindi lamang na hindi kinailangang isauli ni Abraham si Isaac sa Diyos, tumanggap din siya ng korderong nakahanda na. Sa huli, ang pagpapalang ibinigay ng Diyos sa kanya ay di-mabilang na humigit pa sa kung ano ang nasa imahinasyon niya. Siyempre, hindi ito isang bagay na nailarawan ni Abraham sa isip, ni isang bagay na hiniling niya. Pero hindi tinatrato ng Diyos nang hindi patas ang mga tao; pinagpapala lang Niya ang mga tao sa ganitong paraan—ito ang nais ng Diyos. Kahit na wala ka pang anumang naisukli sa Diyos, napakarami na Niyang ipinagkaloob sa iyo. Kaya, kung talagang susuklian mo ang Diyos, sa tingin mo ba ay magkakaloob Siya sa iyo nang mas kaunti? Tiyak na hindi—ang pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa iyo ay hihigit pa sa lahat ng kaya mong ilarawan sa isip. Kaya sabihin mo sa Akin, madali bang ialay ang lahat ng kalakasang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo at gamitin ang mga ito sa iyong tungkulin? Ipagpalagay na iniisip mong: “Ang mga kalakasan, hilig, at libangang ito na likas kong taglay ay mga bagay mula pagkapanganak ko, minana ko ang mga ito mula sa aking mga magulang. Ang mga ito ay dahil sa magandang lahi ko at paborable kong pinanggalingan. Kung ipinagkaloob man ito ng Diyos, hindi ko alam. Basta, mapalad lang ako—ito ang sarili kong suwerte. Hinggil sa ibabalik ko man ang mga ito sa Diyos, saka ko na ito pagpapasyahan. Sa ngayon, wala akong planong gawin iyon.” Sabihin mo sa Akin, ibig bang sabihin niyon ay mayroon kang konsensiya? (Hindi.) Kahit na hindi binawi ng Diyos ang mga hilig, libangan, kalakasan, at iba pang bagay na ipinagkaloob Niya sa iyo, hindi mo makakamit ang pagpapala ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, hindi ka magiging pasok sa pamantayan bilang isang nilikha—sa pinakamababa, hindi gusto ng Diyos ang mga taong gaya nito. Ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang mga partikular na hilig, libangan, at kalakasan, at mayroon din Siyang mga partikular na hinihingi para sa mga ito. Tungkol sa kung paano tinatrato ng mga tao ang mga hilig, libangan, at kalakasan na ito, dapat din silang magkaroon ng mga prinsipyong umaayon sa katotohanan. Sa isang banda, huwag mong ituring ang mga ito bilang iyong kapital; dagdag pa rito, kung hinihingi ng gawain ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng tungkuling nauugnay sa iyong mga hilig, libangan, at kalakasan, dapat mong madama na isang karangalan na tanggapin ang tungkuling ito bilang iyong personal na obligasyon. Dapat mong ialay kung ano ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo nang lubos at nang walang pag-aalinlangan, nang sa gayon ay matamasa ng Diyos ang sinseridad at pagpapasakop ng isang nilikha sa Kanya. Hindi ba’t isa itong marangal at maluwalhating bagay? (Oo.) Kung hindi mo kayang ialay sa Diyos ang mga kaloob at kalakasang ipinagkaloob Niya sa iyo, kung gayon, may utang ka sa Diyos—isa iyong kahiya-hiyang bagay. Nang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang mga kaloob at kalakasang ito, napakasaya mo, pero kapag hinihingi ng Diyos na ialay mo ang mga ito sa Kanya, naiirita ka, ayaw mong ipagamit ang mga ito sa Diyos at gusto mo lang na magamit ang mga ito para sa sarili mo. Nagpapakita ba ito ng katwiran? Ang mga iyon ay hindi mo pribadong mga pag-aari—ipinagkaloob ng Diyos ang mga iyon. Dahil ipinagkaloob ng Diyos ang mga iyon, kapag hinihingi Niya ang mga ito, dapat mong ialay ang mga iyon. Ang magawang ialay ang mga ito ay nagpapakita na mayroon kang pagpapasakop at sinseridad sa Diyos. Kung ayaw mong ialay ang mga ito, o ginagawa mo ito nang may pag-aatubili at sama ng loob, nagpapatunay ito na wala kang pagpapasakop ni sinseridad sa Diyos. Masasabi lamang na may problema sa pagkatao at karakter mo.

Sige, iyon na lahat para sa ating pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!

Disyembre 23, 2023