Paano Hangarin ang Katotohanan (10) Ikaapat na Bahagi
Pakikibahagi sa Matayog-pakinggan na Pananalita
Ang susunod na pagpapamalas ay ang pakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita at hindi paggawa ng anumang tunay na gawain. Talakayin muna natin kung anong uri ng problema ito. Ang gayong mga tao ay nasisiyahang magsalita ng matatayog na doktrina at nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita. Sa mga pagtitipon, madalas nilang tinatalakay ang kanilang mga adhikain at paninindigan, ang kanilang sariling pagkaunawa, at ang kanilang mga plano para sa gawain. Pero kapag oras na para gumawa ng tunay na bagay, hindi sila makahugot ng anumang lakas. Anong uri ng problema mayroon ang gayong mga tao? Ito ba ay isang isyu ng mga likas na kondisyon, pagkatao, o mga tiwaling disposisyon? (Sa tingin ko, nabibilang ito sa mga tiwaling disposisyon.) Nabibilang ba ito sa mga tiwaling disposisyon? Mayroong dalawang problemang nakapaloob dito, hindi ba? Ang isa ay ang depekto ng pagkatao—ayaw nilang gumawa ng anumang tunay, dahil pakiramdam nila ay kinakailangan nilang mag-alala, magtiis ng paghihirap, magbayad ng halaga, at gumugol ng lakas. Hindi ba’t may bakas ng katamaran dito? Ang katamaran ba ay isang depekto ng pagkatao? (Oo.) Ang mga taong ganito katamad ay walang ginagawang tunay pero nakikibahagi pa rin sa matayog-pakinggan na pananalita. Gusto pa rin nilang ilagay ang kanilang sarili sa isang pedestal at mangaral ng matatayog na doktrina sa ibang mga tao. Nagpapahiwatig ba ito ng isang masamang disposisyon? Naglalaman din ba ito ng mga elemento ng isang tiwaling disposisyon? (Oo.) Anong uri ng tiwaling disposisyon ito? (Kayabangan.) Isa itong mayabang na tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito, sila ay tamad, mahal nila ang kaalwanan habang namumuhi sila sa gawain, hindi nila ginagawa ang mga bagay sa praktikal na paraan, pundasyon, at ayaw nilang makilahok sa tunay na pagkilos, pero nais pa rin nilang umaktong superyor, igiit ang kanilang katayuan, at mangaral sa iba—handa lang silang igalaw ang kanilang mga labi pero hindi mag-angat ng daliri. Malaki ang mga kapintasan sa kanilang pagkatao, at napakalinaw ng kanilang tiwaling disposisyon. Hindi ba’t napakahalata ng dalawang problemang ito? (Oo.) Hindi ba’t marami ang gayong mga tao? (Oo.) Kapag nagtatalakay ng gawain, nakikibahagi sila sa matayog-pakinggan na pananalita at walang-katapusang nagsasalita, pero pagdating sa paggawa ng tunay na bagay, hindi sila makagawa ng kahit isang hakbang. Huwag nating pag-usapan kung kumusta ang kakayahan nila—batay lamang sa katunayan na puro salita lang sila at walang ginagawang tunay, maaari silang ilarawan bilang mga walang silbing tao. Hindi sila gumagawa ng tunay na bagay pero gusto pa rin nilang umaktong superyor at magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan—hindi ba’t mayabang sila hanggang sa punto ng kawalan ng katwiran? Puro salita lang sila, wala silang anumang tunay na ginagawa, at parehong tamad at mayabang sila—sila ay mga walang silbing tao, hindi ba? Kung hihilingin sa kanila na gumawa ng aksiyon at gumawa ng tunay na bagay, na mag-organisa, magplano, at magpatupad ng gawain, ayaw nilang gawin iyon; nakakaramdam sila ng paglaban dito sa kailaliman ng kanilang puso. Kaytamad ng gayong mga tao! Ang mga ito ay mga palamunin na hindi nag-aasikaso sa kanilang marapat na gawain. Nasisiyahan lang silang magsalita nang walang katuturan, ayaw nilang gumawa ng kahit anong bagay, gusto lang nilang iraos ang buhay, kumain nang maayos, magbihis nang maganda, at gayumpaman, gusto rin nilang labis silang pahalagahan ng iba, at matamasa ang mataas na antas ng pagtrato at ang uri ng pagtrato na ibinibigay sa mga may katayuan. Kumusta ang pagkatao nila? (Masama.) Karima-rimarim ba para sa inyo ang gayong mga tao? (Oo.) Kapag nakikita ng ilang tao ang mahuhusay magsalita pero walang ginagawang tunay, naiinggit sila sa mga ito. Iniisip nila, “Kaya nilang magsalita nang magsalita, at ang lahat ng sinasabi nila ay organisado at sistematiko—ipinapakita nito na mayroon silang katotohanang realidad.” Masasabi ng mga mapagkilatis na tao na ang mga bagay na madalas nilang sinasabi ay pawang natutunan mula sa mga sermon at mga pagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos at hindi nagmumula sa sarili nilang mga karanasan. Samakatwid, bagama’t kahanga-hangang pakinggan ang kanilang pangangaral, hindi nila kayang lutasin ang anumang problema. Sa paglipas ng panahon, malinaw na nakikita ng mga tao na ang gayong mga indibidwal ay mga huwad mula pa noon. Anumang katanungan ang inihahain mo, hindi nila ito masagot, ni hindi sila makapagbahagi ng anumang mga prinsipyo o landas ng pagsasagawa, pero gusto pa rin nilang mataas ang tingin mo sa kanila. Paano nila ginagawang mataas ang tingin mo sa kanila? Ginagamit nila ang kanilang mga pagpapakitang-tao at pananalita para makakuha ng puwang sa iyong puso, nagsasanhing mainggit, humanga, at tumingala ka sa kanila. Hindi ba’t walang kahihiyan ang mga gayong tao? Wala silang ginagawang tunay na gawain, ni wala silang kakayahan na gumawa ng tunay na gawain, pero gusto pa rin nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at gusto pa rin nilang sayangin ang lakas at oras ng ibang tao gamit ang kanilang matayog-pakinggan na pananalita, pero sa huli, hindi nila kayang lutasin ang anumang problema. Ang mga taong sumasampalataya sa Diyos nang isa o dalawang taon ay maaaring malihis pa rin nila, pero ang mga sumasampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at nakakaunawa ng kaunting katotohanang realidad ay ayaw makinig sa kanilang matayog-pakinggan na pananalita. Pero kung tumatanggi kang makinig, bumubuo sila ng negatibong opinyon tungkol sa iyo at sinasabi nilang hindi mo mahal ang katotohanan. Hindi ba’t napakamapanggulo ng gayong mga tao? (Oo.) Mayroon lamang silang bahagyang pagkaunawa sa anumang aspekto ng katotohanan, at kapag nakakaunawa sila ng ilang doktrina, hindi nila maipaliwanag ang mga ito nang malinaw, subalit gusto pa rin nilang ipangaral ang mga doktrinang ito sa iba at ipatanggap ang mga ito sa iba. Kung tatanggi kang makinig, sasabihin nilang hindi mo mahal ang katotohanan at hindi mo sila iginagalang. Pero kung pakikinggan mo man sila, hindi komportable ang pakiramdam mo at hindi ka mapakali sa kinauupuan mo. Bakit hindi ka mapakali sa kinauupuan mo? Dahil marami kang problema na kailangang lutasin at maraming gawain na dapat tapusin, at wala kang oras para pakinggan ang kanilang matayog-pakinggan na pananalita. Kung tunay na naiinggit ang isang tao sa mga nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita, anong uri siya ng tao? Siya ay isang taong walang ginagawa, isang hangal na tao, at isang taong walang ibang magawa na mas mabuti. Pagdating sa paggawa ng isang tungkulin, ang gayong mga tao ay walang debosyon at walang anumang dinadalang pasanin; gusto lamang nilang iraos ang buhay, nagiging palamunin at naghihintay na mamatay. Araw-araw, nakikinig sila sa ilang malalim na doktrina para magpalipas-oras, pero iniisip pa rin nila na may nakamit sila at umusad sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos: “Nagiging mas matayog kada araw ang mga katotohanang ipinapangaral nila—ang pangangaral nila ay malapit nang umabot sa antas ng ikatlong langit! Ang mga ito ay pawang mga misteryo mula sa langit!” Nakikinig sila sa maraming doktrina na sinasabi ng mga nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita, pero hindi pa rin nila alam kung paano maging tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin o kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin kapag ginagawa ang kanilang tungkulin. Kung gayon, kapaki-pakinabang ba ang pakikinig sa mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ang dapat ninyong gawin kapag nakakatagpo kayo ng mga taong nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita at nangangaral ng matatayog na doktrina? Dapat ba ninyo silang mahigpit na sundan o tanggihan? (Tatanggihan sila.) Paano ninyo sila tatanggihan? Kailangan mong malaman kung paano sila tatanggihan at kung bakit mo sila tinatanggihan. Kung hindi mo alam ito, kapag tinanggihan mo sila, maaaring mapapaisip ka pa rin sa puso mo, “Ang pagtanggi ba sa kanila ay nangangahulugan na hindi ko minamahal ang katotohanan?” Kung mayroon kang ganitong kaisipan, problema ito—pinatutunayan nito na wala kang pagkilatis at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanang realidad. Kung pinakikinggan mo sila na nagsasalita ng mga doktrina at iniisip mo pa rin na nakikipagbahaginan sila sa katotohanan, at sinasang-ayunan mo pa nga sila sa puso mo, ikaw ay lubos na hangal. Kung mayroon kang pagkilatis tungkol sa mga doktrinang sinasalita ng mga gayong tao na nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita, dapat mo silang tanggihan. Ang dahilan dito ay na ang lahat ng kanilang sinasalita ay mga doktrina at mga hungkag na salita—walang silbi ito. Para iyong pagguhit ng mga keyk para lunasan ang gutom o pagtitig sa mga duhat para pawiin ang uhaw—hindi talaga nito kayang lutasin ang mga tunay na problema. Nagsasalita sila ng maraming doktrina, pero ang mga doktrinang ito ay hindi tumutugma sa mga tunay na problemang nararanasan ng mga tao habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hindi talaga nila kayang lutasin ang mga ito. Ang pakikinig sa kanila ay hindi naiiba sa hindi pakikinig. Hindi nila alam kung paano lutasin ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng ebanghelyo at sa buhay iglesia; hindi nila alam kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, o kung anong gawain ang may mga kapintasan at agwat na kailangang maremedyuhan o masubaybayan; at hindi nila alam kung paano lutasin o pabulaanan ang mga baluktot na kuru-kuro kapag binabanggit ng iba ang mga ito. Hindi nila alam ang alinman dito, kaya, hindi ba’t pagsasayang ng oras ang pakikinig sa kanilang matayog-pakinggan na pananalita? Ito ang dahilan kung bakit dapat mo silang tanggihan. Samakatwid, dapat tanggihan ang matayog-pakinggan na pananalitang ito dahil ang sinasalita ng mga taong ito ay hindi ang katotohanan kundi mga doktrina. Ano ang mga doktrina? Ang mga doktrina ay binubuo ng mga salita na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga taong ito ay hindi nakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo na tumutuon sa diwa ng problema. Bagama’t kaaya-ayang pakinggan ang mga salita nila at ipinapahayag ang mga ito sa malinaw at lohikal na paraan, hindi kayang lutasin ng mga ito ang mga problema kahit kaunti. Ang mga salitang ito, kung gayon, ay mga doktrina; gaano man kamukhang tama ang mga ito, ang mga ito ay hindi ang mga katotohanang prinsipyo. Maaaring tila mababaw ang mga salita ng ilang tao, pero kayang tamaan ng mga ito ang pinakabuod ng problema at malinaw na ipaliwanag ang diwa nito. Kahit na ang ilan sa mga salita nila ay kasinghindi kanais-nais pakinggan gaya ng mga insulto, ang mga ito ay mga salitang kayang tanggapin ng mga tao, at kayang lutasin ng mga ito ang mga tunay na problema. Walang duda, umaayon ang mga salitang ito sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ilang salita ay maaaring kaaya-aya, maingat, pino, at malalim pakinggan, pero hindi kayang lutasin ng mga ito ang anumang mga tunay na problema. Ang mga ito ay hindi nauukol sa mga katotohanang prinsipyo kahit kaunti, ni hindi kayang tukuyin ng mga ito ang isang landas o direksiyon para sa mga tao. Ang mga ito ay pawang mga nakalilinlang na doktrina. Ang mga salitang ito, kung gayon, ay dapat tanggihan. Ang dahilan sa pagtanggi sa gayong mga tao ay na sinasayang ng kanilang matayog-pakinggan na pananalita ang oras na dapat na ginagamit mo para gawin ang iyong tungkulin, sinasayang ang oras na dapat ginagamit mo sa paghahanap sa katotohanan, at sinasayang ang iyong personal na lakas—kaya, dapat mo silang tanggihan. Paano mo sila dapat tanggihan? Sa simpleng pagsasabi ng “Paalam,” tinatanggihan mo sila, hindi ba? O maaari mong sabihin, “Tumigil ka na sa pagsasalita, nauunawaan ko ang lahat ng sinasabi mo. Kailan mo ba sasagutin ang katanungan ko? Kung hindi mo ito masasagot, umalis ka na kaagad at tigilan mo ang pagsasayang ng oras ko.” Mabuti ba ang ganitong paraan ng pagtanggi sa kanila? (Oo.) Mukhang napakabuti nito para sa Akin—kung hindi, paano mo pa sila tatanggihan? Ang pagtanggi sa kanilang matayog-pakinggan na pananalita, mga doktrina, at mga islogan ay katulad ng pagtanggi sa mga Pariseo. Ang mga taong gaya nito ay hindi kayang gumawa ng anumang tunay na bagay. Hindi pasok sa pamantayan ang pagkatao nila, mahina ang kakayahan nila, at sila ay pundamental na walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain. Gayumpaman, gumagamit pa rin sila ng matatayog na doktrina para subukang ilihis ka. Kung hindi mo sila tatanggihan, lubos kang hangal. Tama lang na tanggihan ang gayong mga tao kapag nakakatagpo mo sila. Sabihin lang na “Paalam” at lumakad palayo—isa itong bagay na napakadaling lutasin, hindi ba? Ganito mismo ang pagtrato sa mga nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita pero hindi gumagawa ng anumang tunay na bagay. Ang mga taong gaya nito ay hindi ang mga gumagawa ng mga bagay sa maayos at seryosong paraan; hindi sila ang mga gumagawa ng mga bagay sa praktikal na paraan. Ang sinasabi nila ay walang kredibilidad, hindi karapat-dapat pagtuunan ng labis na pansin, at hindi karapat-dapat pakinggan na para bang epektibong payo o isang epektibong landas ito. Kaya, pagdating sa kanilang matayog-pakinggan na pananalita, deretsahan mo lang na tanggihan ito—hindi na kailangang gumawa ng mga tala, at hindi ito karapat-dapat pahalagahan. Dito nagtatapos ang ating talakayan tungkol sa isyu ng matayog-pakinggan na pananalita.
Pagkahilig Magtalakay ng Politika
Pag-usapan natin ang isa pang pagpapamalas: ang pagkahilig magtalakay ng politika. Ang ilang tao ay mahilig magtalakay ng politikal na sitwasyon ng sarili nilang bansa o ng pandaigdigang politikal na sitwasyon, gayundin ang mga polisiya at pahayag ng matataas-na-antas na politikal na tao, ang kanilang adyenda sa pamamahala at linya sa politika, ang mga metodo at pamamaraan ng pagpapatupad nila ng iba’t ibang polisiya, at iba pa. Sa madaling salita, madalas nilang talakayin ang mga paksang nauugnay sa politika; mapaluma man o makabagong politika ang mga paksang ito, domestiko man o internasyonal na politika, nasisiyahan silang banggitin ang mga ito paminsan-minsan. Ang pagkahilig bang magtalakay ng politika ay nabibilang sa mga likas na kondisyon, pagkatao, o mga tiwaling disposisyon? Hindi mo alam, hindi ba? Iyon ay dahil ang paksang ito ay medyo espesyal. Ang gusto nilang talakayin ay politika, at sa pananaw ninyo, ang politika ay hindi isang bagay na positibo. Iniisip ninyo: “Kung ang pagkahilig magtalakay ng politika ay isang hilig at libangan na nasa loob ng mga likas na kondisyon, kung gayon, hindi sana binigyan ng Diyos ng ganitong hilig at libangan ang mga tao; kung isa itong isyu ng masamang pagkatao, ang simpleng pagtatalakay tungkol dito nang hindi gumagawa ng anumang masamang bagay ay hindi dapat maging katumbas ng masamang pagkatao, at mas lalong hindi ito maaaring umabot sa antas ng tiwaling disposisyon. Kaya, saan ito dapat iklasipika?” Sa huli, hindi kayo nakakabuo ng isang kongklusyon. Ganito ba ang kaso? (Oo.) Kaya tama bang mag-isip kayo sa ganitong paraan? Bakit sa huli hindi kayo nakakabuo ng isang kongklusyon? Saan kayo naiipit? Naiipit kayo sa salitang “politika,” hindi ba? (Oo.) Kung magsasalita Ako tungkol sa pagkahilig magtalakay ng sining, musika, sayaw, disenyo, o ekonomiks, saan iyon maikaklasipika? (Maikaklasipika ito bilang isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon.) Kung babanggitin Ko ang pagkahilig na magtalakay ng kasaysayan o magtalakay ng gourmet na pagkain, saan iyon dapat iklasipika? (Mga likas na kondisyon.) Kapag sinasabi na ang isang tao ay mahilig magtalakay ng isang bagay, mahilig magsaliksik tungkol sa isang bagay, o magaling sa isang bagay, ibig sabihin ay gusto niya ang larangang iyon at may interes siya rito. Kaya, ikinaklasipika ito bilang isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Ngunit dahil ang paksang kinahihiligang talakayin ng mga taong ito sa kasong ito ay politika, hindi kayo naglalakas-loob na iklasipika ito sa ganitong paraan. Bakit hindi kayo naglalakas-loob na iklasipika ito sa ganitong paraan? Dahil ang politika ay isang napakasensitibong paksa, at ang politika ay hindi isang bagay na partikular na positibo, tama? (Tama.) Bagama’t ang politika ay hindi isang bagay na partikular na positibo, ang aktibidad sa pagkahilig magtalakay ng politika, gaya ng nabanggit, ay talakayan. Samakatwid, dapat itong iklasipika bilang isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Ang likas na hilig at libangan ng gayong tao ay ang pagkahilig, sa isang relatibong antas, na sundan at talakayin ang politika. Pero nakikilahok ba siya sa politika? Hindi pa tayo umabot doon; sa ngayon, nililimita lang natin ang ating pagtuon sa akto ng pagtatalakay, kaya maaari lang itong iklasipika bilang isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? (Oo.) Ang pagsasabi nito sa ganitong paraan ay obhetibo; isa itong katunayan, hindi ba? (Oo.) Halimbawa, ipagpalagay na may isang tao na mahilig magtalakay tungkol sa mga sinaunang monarka at madalas niyang talakayin ang tungkol sa kung paano tinrato ng mga partikular na emperador ang kanilang mga ministro at mga karaniwang tao, kung paanong masigasig na pinamahalaan at inalagaan ng mga partikular na pinuno ang mga tao, at kung paanong sapat ang mga reserbang butil ng bansa at kung anong antas ng pamantayan ng pamumuhay ang naabot ng mamamayan sa panahon ng kanilang paghahari. Tinatalakay rin niya kung aling mga emperador ang naging mga tirano at kung paanong naghikahos ang mga tao sa ilalim ng kanilang pamumuno habang ang mga emperador na ito ay nagpakasasa sa maluluhong piging at kahalayan at namuhay sa malaking karangyaan sa kanilang mga palasyo. Pagkatapos ay nagpapatuloy siya sa pagtatalakay sa mga problema ng mga kontemporaryong personalidad ng politika, tinatalakay kung sino ang mahusay na gumagawa at sino ang hindi, at iba pa. Sadyang hilig niyang talakayin ang mga bagay na ito. Sa madaling salita, likas na medyo interesado ang taong ito sa ganitong mga uri ng paksa at usapin. Sa araw-araw niyang buhay, ang paraan niya ng pagpapaalwan at paglilibang ay ang pagtalakay ng mga usaping pampolitika na ito, ginagamit niya ito bilang pampalipas-oras—parte ito ng buhay niya. Kung mahilig lamang siyang magtalakay tungkol sa politika, isa lang itong hilig at libangan. May kinalaman ba rito ang pagkatao niya? Kung titingnan lamang ninyo ang pagkahilig niya sa pagtatalakay ng politika, hindi mo masasabi kung ano ang karakter niya, dahil hindi ninyo makita kung ano ang saloobin at mga pananaw niya tungkol sa politika. Siya ay simpleng nasisiyahan sa pagtatalakay ng mga gayong paksa at interesado sa mga usaping ito; hindi ito kinapapalooban ng kanilang mga prinsipyo ng pag-asal. Kung ang isang tao ay simpleng mahilig magtalakay ng politika at tinatrato niya ito bilang isang paksang panlibangan sa kanyang pang-araw-araw na buhay, bilang isang materyal sa pakikipag-usap, o bilang isang madalas na paksa ng talakayan kapag nakikisalamuha sa iba at humaharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, isa itong hilig at libangan, at hindi ito kaugnay sa pagkatao ng taong iyon. Ang mga taong may ganitong hilig at libangan ay katulad ng mga taong may ibang mga libangan—pantay-pantay sila. Hindi puwedeng ilarawan ang taong ito bilang ambisyoso, may masamang pagkatao, o may ubod ng samang karakter dahil gusto niyang talakayin ang politika. Bagama’t ang mga sumasampalataya sa Diyos ay hindi nakikilahok sa politika, pagdating sa politika mismo, may karapatan ang bawat tao na makilahok dito. Ang politika ay hindi isang bagay na positibo, pero hindi rin masasabi na negatibo ito—sadyang ito ay isang bagay na di-maiiwasang umiiral sa proseso ng pag-unlad ng lipunan ng tao. Kaya, ang simpleng pagkahilig na magtalakay ng politika ay hindi nagpapahiwatig kung ano ang karakter ng isang tao. Para itong isang tao na nasisiyahan sa pagsayaw—hindi mo masasabi na ang taong ito ay lihis o hindi nakikibahagi sa mga wastong gampanin. Kung ang isang tao ay mahilig sa mga elektronikong produkto, hindi mo rin masasabi na ang taong ito ay may kakayahan sa mga dakilang bagay o isang positibong personalidad. Magiging tama ba ang ganoong uri ng paghusga? (Hindi.) Kung gayon, paano ito dapat suriin? Nakadepende ito sa kung ano ang ginagawa mo sa iyong mga hilig at libangan. Kung nakikibahagi ka sa isang makatarungang gawain, makalilikha ng kapaki-pakinabang na halaga ang mga hilig at libangan mo. Kung ginagamit mo naman ang mga hilig at libangan mo para gumawa ng mga negatibong bagay, mga bagay na nakapipinsala sa mga tao at nakakasira sa kanilang mga interes, hindi pa rin masasabi na negatibo ang iyong mga hilig at libangan—sa halip, nangangahulugan ito na masama ang pagkatao mo at mali ang landas na tinatahak mo. Maaari mong gamitin ang mga hilig at libangan mo para gumawa ng masasamang bagay, pero ang iyong mga hilig, libangan, kalakasan, at kaugnay na mga propesyonal na kasanayan, mga teknikal na kasanayan, at kaalaman sa kanilang sarili ay hindi negatibo. Anuman ang mga hilig at libangan mo, ang mga ito ay para sa paggamit mo. Kung tinatahak mo ang tamang landas, makatarungan ang ginagawa mo sa mga hilig at libangan mo. Kung hindi ka tumatahak sa tamang landas, kung gayon, ang pinaggagamitan mo ng mga hilig at libangan mo ay hindi makatarungan, kundi masama. Halimbawa, ang kompyuter ay isa lamang makina—isa itong kasangkapang teknolohikal. Puwede kang gumamit ng kompyuter para sa mga pagtitipon, sermon, at sa pangangaral ng ebanghelyo, pero kasabay nito, maraming buktot at masamang tao ang puwede ring gumamit ng kompyuter para gumawa ng masasamang bagay. Kaya, kapag ginagamit ang isang kompyuter para makibahagi sa isang makatarungang gawain, hindi mo puwedeng sabihin na ang kompyuter mismo ay makatarungan; gayundin, kapag ginagamit ang kompyuter para gumawa ng masasamang bagay, hindi mo puwedeng sabihin na ang kompyuter mismo ay masama. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Gayundin, para sa mga taong mahilig talakayin ang politika, ang pagpapamalas na ito ng pagkahilig magtalakay ng politika ay isang hilig at libangan—hindi ito kinapapalooban ng mga isyu ng kanilang pagkataong diwa. Dagdag pa rito, ang mga mahilig magtalakay ng politika ay mahilig sa mga politikal na paksa. Palagi nilang gustong talakayin ang mga usapin ng tama at mali at makipagtalo sa iba tungkol sa ilang paksa na nauugnay sa mga politikal na pananaw. Ang ilan ay partikular na interesado sa mga paksang nauugnay sa mga sikat na tao at mga dakilang personalidad, samantalang ang ilan naman ay partikular na interesado sa mga paksa na naglalantad sa madidilim na bahagi ng lipunan. Pero ano’t anupaman, ang mga mahilig magtalakay ng politika ay hindi nagtataglay ng katotohanan, at walang puwang ang Diyos sa puso nila—ito ay lubos na tiyak. Sige, halos iyon na lahat para sa ating talakayan tungkol sa isyu ng pagkahilig magtalakay ng politika.
Kagustuhang Makilahok sa Politika
Ang pagkahilig magtalakay ng politika ay isang hilig at libangan ng ilang tao. Susunod, itaas pa natin ang antas ng talakayang ito at pag-usapan naman ang kagustuhang makilahok sa politika. Ang kagustuhang makilahok sa politika ay hindi katulad ng pagkahilig magtalakay ng politika—ito ay may kasamang aksiyon. Ang kagustuhang makilahok sa politika ay hindi lang isang uri ng materyal sa pag-uusap pagkatapos ng hapunan o isang kaaliwan, at hindi rin ito nananatili lamang sa antas ng mga hilig at libangan, o pagmamalasakit tungkol sa politika; sa halip, may kinalaman ito sa landas na tinatahak ng isang tao. Kung gayon, anong landas ang tinatahak ng mga taong mahilig makilahok sa politika? May kinalaman ba ito sa pagkatao nila? (Mayroon.) Kaya, paano dapat iklasipika ang kagustuhang makilahok sa politika? Mahirap na katanungan ito para sa inyong lahat—hindi ninyo ito makilatis. Kaya, pagbahaginan natin ang tungkol dito. May mga tao sa iba’t ibang antas ng buhay na mahilig magtalakay ng politika. Kita mo, bagama’t ang mga magsasaka ay namumuhay sa pinakamababang antas ng lipunan, ang ilan sa kanila ay maraming alam tungkol sa mga usaping nauugnay sa matataas na antas ng politika, at kaya nilang magpahayag ng mga partikular na pananaw na may kinalaman sa politika. Ang mga taong nakikibahagi sa negosyo at ekonomiya ay nagtatalakay rin ng politika, at maging ang mga nasa sining at edukasyon ay nagtatalakay rin ng politika. Ibig sabihin, sa lahat ng uri ng larangan, may mga taong mahilig magtalakay ng politika at interesado sila sa mga politikal na paksa. Anuman ang larangang kinabibilangan ng isang tao, kung mahilig siyang magtalakay ng politika, iyon ay ganap na dahil interesado siya sa politika. Ang interes na ito ay may partikular na kaugnayan sa likas niyang kakayahan at sa taas ng kanyang perspektiba. Kaya niyang arukin ang mga usapin sa loob ng saklaw ng politikal na kapangyarihan, kaya paminsan-minsan, nagpapahayag siya ng sarili niyang mga pananaw. Ang mga pagpapamalas niya ay nananatili sa antas ng isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Gayumpaman, ang pakikilahok sa politika ay hindi nangangahulugan ng pagiging nasisiyahan sa ganitong uri ng hilig at libangan sa antas ng kaisipan; sa halip, nangangahulugan ito ng pagtalikod sa dating larangan at pagpili na makilahok sa gawaing politikal, pagtungtong sa entablado ng politika, at pagkakaroon ng mga pakikitungo sa mga tao sa politika. Kaya, ano ang problema sa gayong mga tao? Maaaring ang ganitong uri ng tao na gustong makilahok sa politika ay hindi naman palaging nagtatalakay tungkol sa politika, pero anuman ang propesyon na piliin niya, basta’t nakikibahagi siya sa isang trabahong hindi kaugnay sa politika, wala siyang interes dito at pakiramdam niya ay madilim ang kinabukasan niya. Ngunit kapag lumitaw ang pakikilahok sa politika, kumikinang sa pagnanasa ang kanyang mga mata, at napupukaw ang kanyang interes. Kapag nabalitaan niya na may isang tao na tumatakbo para maging alkalde, gobernador, mambabatas, o presidente, nakakaramdam siya ng kawalan sa puso niya at pinipiga niya ang kanyang utak sa kaiisip ng mga paraan kung paano siya mismo makikilahok. Anong uri ng tao siya? Hindi ba’t siya ang uri ng taong may matinding pagnanais sa kapangyarihan? (Oo.) Kaya, anong karagdagang bagay ang taglay ng ganitong uri ng tao sa loob ng kanyang pagkatao? Lubos ba siyang nahuhumaling sa pera o lubos na nahuhumaling sa kapangyarihan? (Lubos siyang nahuhumaling sa kapangyarihan.) Nakikita niya na ang kapangyarihan ay higit sa lahat, tinitingnan ito bilang kanyang pinakabuhay, itinuturing ito bilang isang layon na hahangarin sa buong buhay niya. Kaya, anong mismong uri ng tao siya? Anong karagdagang bagay ang mayroon siya sa loob ng kanyang pagkatao na wala ang mga karaniwang tao? (Ambisyon at pagnanais.) Ano ang mayroon siyang ambisyon at pagnanais na gawin? (Ang humawak ng kapangyarihan.) Ano ang pinakadirektang pakinabang na idinudulot sa kanya ng paghawak ng kapangyarihan? (Ang magkamit ng katayuan at labis na tingalain ng iba.) Ang mga iyon ay sekundaryang bagay, hindi ang krusyal na pakinabang. (Gusto niyang kontrolin ang mga tao.) Malapit na iyon. Kung ang isang tao ay mahilig humawak ng katungkulan, pero ang posisyong hawak niya ay isang hungkag na titulo lamang, at wala siyang kahit isang tauhan sa ilalim niya, maituturing ba iyon na pagkakaroon ng kapangyarihan? (Hindi.) Hindi ito maituturing na pagkakaroon ng kapangyarihan. Wala siyang mga espesyal na pribilehiyo at hindi niya matamasa ang anumang mga pakinabang ng paghawak ng katungkulan. Sa pananaw niya, mayroon bang anumang aktuwal na halaga ang paghawak ng ganoong posisyon? (Wala.) Kung gayon, ang ganitong uri ng tao ay may isang bagay na wala ang iba—isang lubhang matinding ambisyon at pagnanais para sa kapangyarihan. Dahil taglay niya ang ganitong uri ng ambisyon at pagnanais, ang layon na nais niyang makamit ay hindi isang bagay na kasingsimple ng labis na tingalain, maidolo, o kainggitan ng iba, sa halip, nais niyang humawak ng katungkulan, magdesisyon sa lahat ng bagay, at manguna sa iba. Mayroon siyang ganitong ambisyon at pagnanais—kung wala siyang katayuan, makakamit ba niya ang layon niya? Makikinig ba sa kanya ang sinuman? Hinding-hindi. Iyon ang dahilan kung bakit determinado siyang magkamit ng katayuan. Sa sandaling magkaroon siya ng katayuan, magkakaroon ng mga taong makikinig sa kanya kapag nagsasalita siya, at kapag hinihingi niya sa iba na gumawa ng isang bagay, mayroong mga susunod at tatalima—ang kanyang ambisyon at pagnanais, ang nais niyang isakatuparan, ay maaari nang maging realidad. Maaaring ilarawan sa magagandang termino ang mga gustong makilahok sa politika bilang mga marangal at naghahangad, pero sa payak na salita, nahuhumaling lang sila sa paghawak ng katungkulan—sadyang mahilig silang humawak ng katungkulan. Kapag hindi sila humahawak ng katungkulan, hindi nila mapagpapasyahan ang lahat ng bagay, at wala silang ilang tauhan na mapamumunuan, at kaya, nasisiraan sila ng loob at pakiramdam nila ay mapanglaw ang buhay. Pero sa sandaling humawak sila ng katungkulan, mayroong mga taong nakikinig sa kanila kapag nagsasalita sila at mayroon silang mga tagasunod, at dahil dito, pakiramdam nila ay kasiya-siya ang buhay. Kaya, may problema ba sa kanilang pagkatao? (Mayroon.) Masasabi ba na isa itong depekto ng kanilang pagkatao? (Hindi.) Ito ay tiyak na hindi ganoon kasimple. Kung gayon, anong uri ng problema ito? (Mga tiwaling disposisyon.) Sa usapin ng kanilang pagkatao, maaasahan ba ang ganitong uri ng tao? (Hindi.) Mabuti ba ang karakter nila? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? (Palagi nilang gustong kontrolin ang mga tao, at palagi nilang gustong magpasya sa lahat ng bagay.) Ang ganitong uri ng tao ay may napakatinding pagnanais para sa katayuan—palagi nilang gustong maghanap ng iba’t ibang pagkakataon para magpasya sa lahat ng bagay, at palagi nilang gustong maging nasa posisyon ng pamumuno at makontrol ang iba. Hindi maaasahan ang gayong mga tao, at hindi rin mabuti ang kanilang karakter. Marami-rami ang ganitong uri ng mga tao sa sambahayan ng Diyos. Kung ipinamahala sa kanila ng sambahayan ng Diyos ang isang aytem ng gawain, naniniwala sila na nangangahulugan ito na humahawak sila ng katungkulan at naglilingkod sa papel ng pamumuno. Hahanapin ba nila ang mga katotohanang prinsipyo? Ipapatupad ba nila ang mga pagsasaayos ng gawain? (Hindi.) Kung itinuturing nila ang pagiging superbisor o lider bilang paghawak ng katungkulan, tiyak na hindi nila ipatutupad ang mga pagsasaayos ng gawain at tiyak na hindi sila gagawa ng aktuwal na gawain. Ano ang gagawin nila? Isasagawa nila ang kanilang sariling proyekto, itatatag ang sarili nilang awtoridad, patatatagin ang sariling katayuan, at sasabihin ang sarili nilang mga ideya sa mga nasa ibaba nila at hihikayatin ang mga tao na makinig sa kanila—ginagawang walang bisa ang mga pagsasaayos ng gawain, mga layunin ng Diyos, at ang katotohanan. Ito mismo ang diwa ng gayong mga tao. Kapag wala silang katayuan, hinahangad nila ito nang buong lakas nila, at sa sandaling magkamit sila ng katayuan, para sa kanila, nangangahulugan ito na nakahanap sila ng pagkakataon. Pagkakataon para gawin ang ano? Para matugunan ang kanilang sariling ambisyon at patatagin ang kanilang sariling katayuan sa pinakamalaking antas na posible; ginagamit nila ang ganoong pagkakataon para matugunan ang kanilang sariling ambisyon at pagkagumon sa paghawak ng katungkulan.
Ang kagustuhang makilahok sa politika ay parehong usapin ng masamang karakter at ng mga tiwaling disposisyon. Ilang tiwaling disposisyon ang sangkot dito? (Kayabangan at kalupitan.) Kayabangan, kalupitan, pagtutol sa katotohanan, at katigasan ng kalooban—naroroon ang lahat ng tiwaling disposisyong ito; ang bawat isa ay naroroon. Kung gayon, ano ang pinakamalubhang tiwaling disposisyon dito? Ito ay ang kalupitan—ang tipikal na katangian na pinakaprominente ay ang kalupitan. Para sa mga taong gustong makilahok sa politika, kung dismayado at hindi sila matagumpay sa mundo, nagnanais na makilahok sa politika pero walang pagkakataon o hindi makahanap ng paraan para makapasok sa mga mundo ng politika, kapag dumarating sila sa sambahayan ng Diyos, hindi namamatay ang kanilang ambisyon—nais pa rin nilang makilahok sa politika. Samakatwid, tinatrato nila ang paghahalal ng mga lider sa iba’t ibang antas na parang halalan ito para sa mga opisyal ng gobyerno. Sa tuwing may ganoong halalan, sabik na sabik silang pumunta, nangangalap ng suporta sa mga tao kahit saan para iboto sila. Sa sandaling maging mga lider sila, nakikita nila ito bilang paghawak ng katungkulan, pagkapit sa katayuan para sa kanilang sarili, pagsunggab ng kapangyarihan, at paggawa ng gusto nila. Kumikilos sila sa kahit anong paraang gusto nila at binabalewala nila ang gawaing itinalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos at ang tungkuling dapat nilang gawin, inaalala lamang ang tungkol sa pagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuan. Tinatrato nila ang paggawa ng tungkulin ng isang lider katulad ng paghawak ng katungkulan, ginagawa ang anumang gusto at nais nilang gawin, at kumikilos sa anumang paraan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na itatag ang sarili nilang awtoridad, patatagin ang sarili nilang katayuan, gawing makinig sa kanila ang iba, at lubusang matugunan ang kanilang pagkagumon sa paghawak ng katungkulan. Hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang mga kinakailangan ng mga pagsasaayos ng gawain. Napakamapanganib ng ganitong uri ng mga tao—kahit hindi pa sila nabubunyag bilang mga anticristo, sila ay magiging mga anticristo. Mayroon bang mabubuting tao sa mga gustong makilahok sa politika? Wala, walang mabubuting tao. Ang mga taong may matinding pagnanais para sa kapangyarihan ay imposibleng magmahal sa katotohanan. Dahil mayroon silang lubhang matinding pagnanais para sa kapangyarihan, hindi kayang supilin o pigilan ng kanilang konsensiya at katwiran ang kanilang pagnanais at paghahangad ng kapangyarihan. Kung ang isang tao ay gustong makilahok sa politika o lubhang nahuhumaling dito, at may malakas siyang pagnanais na gawin ito, ibig sabihin ay may malaking ambisyon siya para sa katayuan at kapangyarihan. Ang mga intensiyon, pakay, at batayan ng kanyang sariling asal at mga kilos ay ganap na nakasalalay sa kung makapagtatamo ba siya ng kapangyarihan at kung matutugunan ba ang ambisyon niya, sa halip na matukoy ng konsensiya at katwiran. Ito ang dahilan kung bakit nakakakilabot ang pagkatao ng gayong mga tao. Upang matugunan ang kanilang pagnanais para sa kapangyarihan at magkamit ng kapangyarihan, kaya nilang gawin ang kahit ano at isakripisyo ang anumang bagay—isinasakripisyo pa nga ang mga taong pinakamalapit at pinakamamahal nila. Kung huhusgahan batay rito, may pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Halimbawa, ipagpalagay na ang isang lalaki ay gustong makilahok sa politika at may lubhang matinding pagnanais para sa kapangyarihan. Kapag lumitaw ang isang oportunidad para sa kanya na makilahok sa politika at makamit ang katayuan at kapangyarihang hinahangad niya, kung kailangan niyang isakripisyo ang babaeng minamahal niya para makamit ang katayuang hinahangad niya, hindi siya mag-aatubiling gawin iyon—hinding-hindi magiging malambot ang puso niya. Ang ilang tao ay hindi man lang mag-aatubiling isakripisyo ang kanilang sariling mga magulang para magkamit ng katayuan—kaya nilang isakripisyo ang sinuman. Ang tanging bagay na hinding-hindi nila bibitiwan ay ang katayuan. Sa madaling salita, maaari nilang gamitin ang sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay bilang pantaya o halagang ipampapalit para sa katayuan. Kaya, batay sa karakter ng gayong mga tao, nagtataglay ba talaga sila ng konsensiya at katwiran? (Hindi.) Kaya napakakakila-kilabot ng ganitong uri ng mga tao. Maaaring naglaho na ang kanilang konsensiya at katwiran, o maaaring hindi sila kailanman nagkaroon ng konsensiya o katwiran sa simula pa lang—parehong posible ito. Bakit Ko sinasabing parehong posible ito? Kapag walang katayuan ang mga taong ito at kapag hindi nasasangkot ang mga usaping pampolitika, maaaring nakakasundo nila nang maayos ang iba, maaaring tinutulungan nila ang mga tao, maaaring hindi nila kailanman sinasamantala ang iba, at maaaring nagbibigay sila ng kawanggawa at nagiging napakamapagparaya. Sa panlabas, tila mayroon silang pagkatao, at mukhang normal ang kanilang konsensiya at katwiran. Pero hindi mo alam kung ano ang minamahal nila sa kanilang kaibuturan. Kapag natuklasan mo na ang minamahal nila sa kanilang kaibuturan ay katayuan at kapangyarihan, at pinagmamasdan mong muli ang pagkatao nila, magbabago ang pananaw mo, at magbabago rin ang pagkaunawa at pagtatasa mo sa kanilang pagkatao. Kapag walang kinalaman ang katayuan at kapangyarihan, umaasal sila nang normal kapag nakikisalamuha sa iba, at para silang mga disenteng tao. Pero sa sandaling magkamit sila ng katayuan at kapangyarihan, hindi na katulad ng dati ang pag-uugali nila—hindi mo na makikita kung nasaan ang kanilang konsensiya o katwiran. Saka mo lang mapagtatanto na talagang kakila-kilabot ang gayong mga tao. Lumalabas na ang pagkataong ipinakita nila noon ay pansamantala lamang—ibinunyag lang ito dahil sa tulak ng isang partikular na kapaligiran at mga partikular na pakinabang, sa ilalim ng mga sitwasyon kung saan hindi sangkot ang kanilang minamahal na kapangyarihan at katayuan. Pero sa sandaling masangkot ang katayuan at kapangyarihan, nabubunyag ang kanilang tunay na pagkatao. Kapag nakita mo ang tunay nilang pagkatao, tutukuyin mo sila bilang mga taong walang pagkatao. Ibig sabihin, bago mo makita ang esensyal na bagay sa kailaliman ng kanilang puso, nararamdaman mo na nakakasundo nila nang maayos ang iba at na hindi sila walang pagkatao. Pero kapag tunay mong nauunawaan ang kanilang panloob na mundo at ang kanilang pagkataong diwa, at nakikita mo na ang minamahal nila ay katayuan at kapangyarihan, mapagtatanto mo na ang gayong mga tao ay walang pagkatao—may dalawang mukha sila. Ano ang tawag ng mga walang pananampalataya sa ganitong uri ng pagpapamalas? Hindi ba’t tinatawag itong split personality? (Oo.) Ang isang hindi-tao ay nagsusuot ng laman ng tao—kapag nakikisalamuha siya sa iba, hindi mo nakikita kung ano ang nasa kailaliman ng kanyang kaluluwa, kaya iniisip mong normal na tao siya—marahil ay naniniwala ka pa nga na mabuting tao siya. Pero kapag nakita mo ang kanyang ibang pagkatao, hindi ka lang titigil sa pag-iisip na siya ay mabuting tao, kundi kakila-kilabot rin ang magiging tingin mo sa kanya. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang hindi-tao. Ano nga ba ang mga hindi-tao? Kahit na may kaunting wangis ng tao sa ipinapakita niya, hindi iyon tunay. Dahil wala siyang katotohanang realidad, ang paminsan-minsan niyang mabubuting pagpapamalas ay hindi kumakatawan sa kanyang diwa. Ang pagkataong ipinapakita niya kapag tunay niyang pinipili ang kanyang landas ang diwa niya. Samakatwid, hindi ka dapat malihis ng panlabas na hitsura ng gayong mga tao—ang susi ay ang tingnan ang landas na tinatahak niya at ang kanyang diwa. Naipaliwanag Ko ba nang malinaw ngayon ang usaping ito? (Oo.) Ano ang naunawaan ninyo? Kung ang isang tao ay mahilig magtalakay ng politika at nananatili lamang ito sa antas ng kaisipan, at isa lamang itong hilig at libangan, kung gayon, hindi ito problema. Pero kung gusto niyang makilahok sa politika, hindi na ito isang isyu ng kaisipan—kinapapalooban na ito ng problema sa kanyang sariling asal at sa landas na tinatahak niya. Sa sandaling may kinalaman na ito sa kung paano siya umaasal at sa landas na tinatahak niya, may kinalaman na ito sa karakter niya. At kapag may kinalaman ang karakter, sa karamihan ng kaso, kinapapalooban ito ng mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Sige, dito na nagtatapos ang ating talakayan tungkol sa pagpapamalas ng kagustuhang makilahok sa politika.