Paano Hangarin ang Katotohanan (10) Ikalawang Bahagi
6. Iba’t Ibang Pagpapamalas ng mga Likas na Kondisyon, ng Pagkatao, at ng mga Tiwaling Disposisyon
Kabastusan
Nagbahaginan tayo noong nakaraan tungkol sa maraming partikular na pagpapamalas kaugnay ng pagkatao, mga likas na kondisyon, at mga tiwaling disposisyon. Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ilang partikular na pagpapamalas kaugnay ng tatlong aspektong ito. Magsisimula tayo sa unang pagpapamalas: kabastusan. Ano ang ibig sabihin ng terminong ito? (Ibig sabihin, ang isang tao ay hindi maganda ang tindig, hindi matuwid at disente, at siya ay malihim at patago.) (Ibig sabihin, ang pag-uugali at asal ng isang tao ay mukhang medyo buktot.) Medyo buktot—tila medyo abstrakto iyan. Hindi nailalarawan sa isip ng karamihan ng tao kung ano mismo ang pagpapamalas ng kabuktutang ito. Mayroon pa ba? (Ang kabastusan ay nangangahulugan na medyo mababang-uri ang pag-uugali at asal ng isang tao.) Ilang aspekto na ang nabanggit mo? Pagiging malihim at patago, buktot, mababang-uri, kasuklam-suklam, kahiya-hiya—hindi ba’t ang mga ito ang mga pagpapamalas? (Oo.) Kung gayon, maaari bang mapalitan ang konsepto ng kabastusan ng pagiging kasuklam-suklam at mababang-uri? (Maaari.) Sa aling aspekto ikinakategorya ang mga pagpapamalas na ito ng kabastusan? (Ubod ng samang karakter.) Isa ba itong depekto ng pagkatao? (Hindi.) Higit na mas malubha sa kalikasan ang pagpapamalas na ito kaysa sa isang depekto ng pagkatao, kaya hindi ito maaaring ikategorya bilang isang depekto ng pagkatao. Ang kabastusan ay isang pagpapamalas ng ubod ng samang karakter. Kung kumikilos ang isang tao sa bastos na paraan, bagama’t hindi masasabi na masamang tao ang taong ito, kung titingnan ito mula sa mga pagpapamalas ng kabastusan, dahil sa mga ito ay palaging nakakaramdam ang mga tao ng pagtutol at pagkasuya. Ang mga gayong tao na nagpapakita ng kabastusan ay tiyak na palihim at patagong gumagawa ng mga bagay-bagay, nang hindi man lang nagiging hayagan, umaasal sa paraang medyo mababang-uri, at palaging gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay. Ibig sabihin, gumagamit sila ng mga kasuklam-suklam, walang kahihiyan, at kahiya-hiyang pamamaraan sa paggawa ng mga bagay-bagay, mga pamamaraang hindi matuwid o bukas. Karamihan sa mga tao ay nakakaramdam ng pagkasuya at pagkamuhi kapag nakikita nila ito. Ipinapakita nito na sila ay kasuklam-suklam at hamak. Ang pinakaprominenteng katangian nila ay ang pagiging lubhang walang kahihiyan, mababang-uri, at kasuklam-suklam. Anuman ang gawin o sabihin nila, hindi nila kayang maging matuwid at bukas; palagi silang may mga lihim na pakana at nakikibahagi sa ilang bagay na kahiya-hiya. Halimbawa, ang pananampalataya sa Diyos ay unibersal na kinikilala bilang isang napakamarapat na usapin, isang bagay na kayang unawain at sang-ayunan ng mga tao. Pero kapag nananampalataya ang mga taong ito sa Diyos, kumikilos sila na parang natahak nila ang maling landas, na para bang isa itong bagay na kahiya-hiya. Ang mga ito ang uri ng mga tao na kasuklam-suklam at bastos. Anong papel ang karaniwang ginagampanan ng mga taong bastos sa gitna ng iba? (Sila ay mga negatibong karakter, mga kahamak-hamak na tao.) Gumaganap sila ng negatibong papel. Anong mga katangian ang mayroon ang mga gayong tao? Maaaring mula sa kanilang anyo, hindi mo masasabi na napakasama nila, o hindi mo makikita na mayroon silang anumang masasamang intensiyon sa kanilang ginagawa. Gayumpaman, pagkatapos mong makisalamuha sa kanila sa loob ng ilang panahon, nararamdaman mo na palagi silang nagsasalita at kumikilos sa paraang hindi matuwid at bukas. Magandang pakinggan ang sinasabi nila, pero iba ang ginagawa nila kapag walang nakakakita. Palagi mong nararamdamang hindi tama ang mga intensiyon nila, o na hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay-bagay na nilalayon nilang gawin, iniiwan kang naguguluhan. Sa huli, nararamdaman mo na lubhang hindi maaasahan ang gayong mga tao at gumagawa lang sila ng mga kasuklam-suklam, pailalim na bagay-bagay, at palagi nilang sinisira ang iyong mga gawain. Ang mga ito ay mga bastos na tao. Hindi mo makikita ang mga tao na ito na hayagang nagpapahayag ng kanilang naiibang pananaw o hayagang nagsasatinig ng mga pagtutol. Sa harap ng iba, maaari pa ngang magsabi sila ng isang bagay na magandang pakinggan, tulad ng, “Hindi natin puwedeng gawin iyan; dapat tayong kumilos nang may konsensiya.” Gayumpaman, kapag walang nakakakita, minamanipula nila ang mga bagay-bagay, inuudyukan ang ilang tao na walang pagkilatis, hangal, at mangmang na kumilos ayon sa kanilang mga intensiyon. Sa huli, nagagawa ang usaping gusto nilang isakatuparan, tinatamasa nila ang mga bunga ng pagsasakatuparang ito, subalit walang sinuman ang nakakatanto na sila ang may kagagawan niyon. Nakikita mo na wala silang sinasabi o ginagawang anuman sa presensiya ng iba, pero sa huli, nagpapatuloy sa direksiyong minanipula nila ang takbo ng mga kaganapan. Mula sa perspektibang ito, ang gayong mga tao ay medyo lihim na mapanira din. May mga bastos na tao ba sa paligid ninyo? Karaniwan bang madaling makilatis o tunay na makilala ng iba ang mga bastos na tao? (Hindi.) Napakalalim na itinatago ng mga taong ito ang kanilang sarili. Ang isyu sa kanila ay isang problema sa karakter; mayroon silang mababang pagkataong diwa. Nakatagpo na ba kayo ng mga bastos na tao? Malinaw ba sa inyo ang tungkol sa mga pangunahing pagpapamalas ng gayong mga tao? (Hindi masyado.) Mula ngayon, kailangan ninyong bigyang-pansin at obserbahan kung anong uri ng mga tao sa paligid ninyo ang madalas na nagbubunyag ng iba’t ibang pagpapamalas ng kabastusan. Medyo abstrakto at nakatago ba ang mga pagpapamalas sa aspektong ito? (Oo.) Kahit na may ganoong mga tao sa paligid mo, dahil mahirap silang makilatis, hindi magiging madali para sa iyo na mapansin sila. Kapag isang araw ay natukoy nga ninyo ang gayong tao, maaari ninyo siyang obserbahan at itala ninyo ang mga pagpapamalas niya mula simula hanggang katapusan para makita ninyo kung ano talaga ang kanyang mga katangian at ang diwa niya, at pagkatapos ay ibuod ninyo ang mga ito. Hihinto muna tayo rito ngayon sa paksa ng pagpapamalas ng kabastusan.
Kahalayan
Ang kasunod na pagpapamalas ay kahalayan. Una, tingnan ninyo—sa anong aspekto nabibilang ang kahalayan? (Ubod ng samang karakter.) Nabibilang ito sa ubod ng samang karakter. Kung gayon, sa pangkalahatan, anong uri ng mga problema ang tinutukoy ng kahalayan? (Mga problema sa pag-asal sa pagitan ng mga tao.) Lubos na tumpak iyan—sa pangkalahatan, ang kahalayan ay kinapapalooban ng mga problema sa pag-asal sa pagitan ng mga lalaki at babae. Kung gayon, ang kahalayan ay nauukol ba sa mga lalaki o sa mga babae? (Parehong sa mga lalaki at babae.) Hindi ito nauukol lang sa iisang kasarian. May mga lalaking ganito, at may mga babaeng ganito. Samakatwid, hindi lang mga lalaki ang maaaring maging mahalay. Kung may mga problema ang mga babae sa pag-asal sa pagitan ng mga tao, kahalayan din ito. Kung gayon, ano ang mga partikular na pagpapamalas ng kahalayan? Palagi nilang gustong makihalubilo sa kasalungat na kasarian at magpakitang-gilas—anong uri ng problema ito? Hindi ba’t medyo mahalay ito? (Oo.) Nasasabik sila kapag nakikita ang kasalungat na kasarian. Kapag mas maraming tao ng kasalungat na kasarian ang naroroon, mas nasasabik sila, at mas lalong gusto nilang magpakitang-gilas. Lalo na para sa ilang tao, hanggang sa anong antas sila nagpapakitang-gilas? Paglalantad ng kanilang mga dibdib at pagtatambad ng kanilang likod, paggawa ng mga mapanuksong galaw, pagsasabi ng mga mapanuksong salita—hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng kahalayan? (Oo.) Hangga’t may mga miyembro ng kasalungat na kasarian sa paligid, anuman ang edad nila o gusto man nila ang mga taong ito, nagbibihis sila nang nakakaagaw-pansin, mapang-akit, o kahali-halina para akitin ang kasalungat na kasarian. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng kahalayan? (Oo.) Ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas. Naging karaniwan na ang mga penomenong ito at nakikita bilang hindi kakaiba sa gitna ng mga walang pananampalataya. Hindi nila ito itinuturing na kahalayan, kundi sa halip ay nakikita nila ito bilang napakanormal at napakamarapat. Naniniwala sila na dapat magbihis nang maganda ang parehong kasarian para maging kaakit-akit at hangaan ng kasalungat na kasarian, para mahalina ang kasalungat na kasarian na ligawan sila. Ang gayong mga kaisipan at pananaw ba ay mahahalay na kaisipan at pananaw? (Oo.) Palagi nilang gustong maging sentro ng atensiyon para sa kasalungat na kasarian, palaging gustong akitin ang mga ito at gawing interesado ang mga ito sa kanila; may asawa man sila o wala o anuman ang kanilang edad, palagi silang mayroong ganitong mga kaisipan at pagkilos, at puno ng gayong pag-iisip ang buhay nila—hindi ba’t kahalayan ito? (Oo.) Ang mga ito ay ilang pagpapamalas na medyo katanggap-tanggap para sa karamihan ng tao at hindi nila itinuturing na labis na mahalay—gusto lang ipresenta at ipakitang-gilas ang sarili sa harap ng kasalungat na kasarian. Halimbawa, ang pagsusuot ng magagandang damit, pag-spray ng kaunting pabango, pagbibihis nang medyo mapang-akit, pagsasabi ng mga mapanuksong salita, o pangangalandakan ng sariling alindog—para sa karamihan ng tao, ang mahahalay na pagpapamalas na ito ay mga bagay na matitiis. Ang isang mas malubhang pagpapamalas ng kahalayan ay na, sa kahit anong kapaligiran nila nakikita ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian, ang gayong mga tao ay nangangahas na umakto nang hindi nararapat at hawakan sila. Kaswal silang lumalapit sa mga kasalungat na kasarian at hinahawakan nila ang mga ito, nang hindi isinasaalang-alang kung pumapayag ba ang mga ito, kumikilos na para bang matagal na silang pamilyar sa isa’t isa. Partikular silang mahusay sa pag-oobserba ng mga ekspresyon at reaksiyon ng iba. Kung nakikita nilang hindi nasusuklam at medyo maamo ang isang tao, nangangahas silang kaswal na hawakan ang ulo o likod nito, o umuupo pa nga nang malapit dito o, kung hindi naman nagpupumiglas ang ibang tao, hinahawakan nila ang kamay nito. Ang ilang babae ay kayang direktang kumandong sa mga lalaki, nang hindi iniintindi kung ano ang maaaring maramdaman ng iba kapag nakita ito. Lumampas na ito sa simpleng pagpapakitang-gilas, naging mas kongkreto na ito. Hindi ba’t pagiging mahalay ito? (Oo.) Kaya bang tanggapin ng karamihan ng tao ang ganitong uri ng kahalayan? (Hindi nila kaya.) Hindi iniisip ng ilang tao na malaking usapin ito at sinasabi pa nga nila, “Hindi ito kahalayan. Napakanormal na magpakita ng pagkagiliw sa isa’t isa ang mga lalaki at babae. Kung hindi, ano pa ang silbi ng mabuhay? Dapat maaliw ang mga lalaki sa mga babae, at dapat maaliw ang mga babae sa mga lalaki—saka lang nagiging interesante ang buhay.” Kung walang sinuman sa kasalungat na kasarian ang gumagawa ng ganoong mahahalay na galaw sa kanila, iniisip nila, “Dahil ba wala akong anumang alindog? Bakit hindi ko maakit ang kasalungat na kasarian?” Pagkatapos ay nakakaramdam sila ng pagkadismaya. Kapag nakakatagpo ang gayong mga tao ng isang taong mahalay na lumalandi sa kanila, labis silang nasisiyahan at natutuwa sa loob-loob. Sa pinakamababa, nakakaramdam sila ng pisikal at mental na pagkalugod, iniisip na may kabuluhan ang kanilang buhay kapag may isang taong interesado sa kanila. Kaya naman, kayang tanggapin ng ilang tao ang ganitong uri ng kahalayan. Halimbawa, ipagpalagay na may gusto ang isang tao sa iba at may nararamdaman siya para dito; kung palagi siyang hindi pinapansin ng taong iyon at hindi ito nagpapakita ng interes sa kanya, lubha siyang nadidismaya. Pero kung paminsan-minsan ay hinahawakan siya ng taong iyon, tinutukso siya, hinahaplos ang kanyang kamay, o umuupo nang malapit sa kanya, sapat para maramdaman niya ang init ng katawan nito—o higit pa rito, kung isa itong lalaki na umakto nang hindi nararapat sa isang babae, iniisip niya, “Ah, maganda iyan, gusto niya ako. Kahit na hindi kami puwedeng magsama bilang iisa sa mundong ito, ang matrato niya ako nang mahalay gaya nito, kahit papaano ay nagiging sulit ang buhay ko!” Kita mo, tinatanggap ng ilang tao ang ganitong uri ng kahalayan mula sa kaibuturan ng kanilang puso, sa halip na hamakin ito. Nakasalalay ang saloobin nila sa kung gusto ba nila ang tao ng kasalungat na kasarian na gumagawa ng mga bagay na ito. Kung gusto nila ang taong ito at hindi sila nakakaramdam ng pag-ayaw, o pinananabikan pa nga nila ito sa kanilang puso, kung gayon, hindi nila hinahamak ang gayong mahahalay na tao o mahahalay na kilos. Sa halip, kaya nilang tanggapin ang mga ito at maging bukas sa mga ito sa kanilang puso, binibigyan ang mga ito ng puwang sa kanilang puso. Kaya, tinatanggap ng ilang tao sa loob-loob nila ang gayong mahahalay na indibidwal. Dahil hindi mabuti ang mga taong mahalay, hindi ba’t nangangahulugan iyon na mahalay rin iyong mga kayang tumanggap ng ganoong mahalay na pag-uugali? (Oo.) Mahalay rin sila. May ilang pagpapamalas na mas malala kaysa sa ganitong uri ng kahalayan—hindi lang bahagyang pagpapakitang-gilas, hindi lang pakikipagpalitan ng mga tingin o pagkakaroon ng kaunting paghaplos, kundi lumalagpas pa nga. Ang isipan ng mga taong ito ay tuluyan nang nilamon ng gayong mahahalay na bagay. Kung nangyayari ito kapag nakikipagrelasyon ang isang tao, isa itong normal na pagpapamalas. Pero kung hindi ito pinahihintulutan ng edad at mga aktuwal na sitwasyon ng isang tao, at buong-buo pa rin niyang iniisip ang gayong mga bagay kapag nakikita ang kasalungat na kasarian, kung gayon, ano ang diwa ng pagpapamalas na ito? Nangangahulugan ito na kapag kaharap ang kasalungat na kasarian, palagi siyang mayroong isang uri ng pagnanais at pananabik, o mayroon siyang layon sa isipan—hindi lang ito dahil gusto niyang matugunan ang isang sikolohikal na pangangailangan at iyon na iyon; sa halip, gusto niyang gumawa ng mga kongkretong aksiyon at magkaroon ng kongkretong pag-usad. Sa puso niya, palagi niyang hinahabol ang mga bagay na ito; bukod sa pag-iisip tungkol sa mahahalay na bagay sa isipan niya, pagdating sa kanyang pag-uugali, nagsisimula rin siyang maghanap na makipag-ugnayan sa mga angkop na miyembro ng kasalungat na kasarian para magpakasasa sa kanyang seksuwal na pagnanais at maglabas nito. Hindi ba’t mahahalay ang gayong mga tao? (Oo.) Kung ikukumpara sa dalawang naunang uri ng mahahalay na tao, hindi ba’t napakamapanganib at nakakatakot ang ganitong uri ng mahalay na tao? (Oo.) Ang gayong mahahalay na tao ay maaaring umaksiyon anumang oras—ipinapakita na nito na sila ay napakabuktot at sobrang mahalay. Tungkol naman sa mga antas na lampas pa rito, hindi na natin tatalakayin pa ang mga ito.
Kaya, sa tatlong uri ng kahalayan na ito, alin ang kaya ninyong tanggapin? Ibig sabihin, alin ang nagpaparamdam sa inyo na ang taong kumikilos nang ganoon ay normal lang, hindi isang malaking problema, at na isa siyang taong wala kayong gaanong nararamdaman na pagkasuklam o paghamak at na medyo kaya ninyong tanggapin? Anong antas ng kahalayan ang kaya ninyong tanggapin? (Hindi namin kayang tanggapin ang anumang antas.) Bakit hindi ninyo kayang tanggapin ang anumang antas ng kahalayan? (Ang kalikasan ng huling uri ng kahalayan ay labis na ubod ng sama, at bagama’t ang unang uri ng kahalayan ay may kinalaman lamang sa pagpapakitang-gilas sa harap ng kasalungat na kasarian, nagsasanhi ito ng mga kaguluhan sa mga nakapaligid sa kanila.) Ang unang uri ng tao ay walang malinaw na pakiramdam ng kaibahan ng kasarian sa loob ng puso niya. Ang karamihan ng tao ay nagbibigay-pansin sa mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae kapag nakikisalamuha sa kasalungat na kasarian. Sa partikular, pagdating sa mga babaeng nakikisalamuha sa mga lalaki, dapat silang manatiling mahinhin at magpanatili ng ilang hangganan sa harap ng mga lalaki. Gayumpaman, nasisiyahan ang ilang babae sa pakikihalubilo sa kasalungat na kasarian at nasasabik sila kapag may nakikita silang isang taong nagugustuhan nila. Sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, nakakahanap sila ng dahilan para makipag-ugnayan. Ang sinumang sadyang naghahanap na makisalamuha sa kasalungat na kasarian ay may hindi normal na bagay sa puso niya. Bagama’t ang unang uri ng kahalayan ay hindi naglalaman ng kongkretong mahahalay na paraan ng pagkilos o humahantong sa anumang kongkretong pangyayari, at hindi rin ito kinapapalooban ng seksuwal na pag-atake, batay sa kanilang mga pagpapamalas, sa usapin ng pag-asal sa pagitan ng mga tao, ang mga taong ito ay walang malinaw na mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae. Ibig sabihin, sa puso nila, wala silang malilinaw na hangganan at hindi nila nauunawaan na dapat mayroong pakiramdam ng kahihiyan ang mga normal na tao at hindi sila maging dahilan para maliitin sila ng iba. Kung ang isang tao ay nagpapakita ng mahahalay na pagpapamalas nang walang anumang nararamdaman tungkol dito, hindi siya normal na tao at kahit papaano ay wala siyang konsensiya at katwiran ng normal na mga tao. Lalaki man o babae ang isang tao, dapat niyang sundin ang mga hangganan sa pagitan ng mga kasarian, at dapat malinaw sa puso niya na hindi puwedeng lumagpas sa mga hangganang ito. Nilikha ng Diyos ang mga lalaki at babae nang may mga likas na pagkakaiba; hindi posibleng palabuin ang linya sa pagitan ng mga ito. Kung palaging walang malilinaw na hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae ang isang tao at palagi siyang nagpapakitang-gilas sa harap ng kasalungat na kasarian, hindi lang ito pangkalahatang pagpapalayaw o kawalan ng pagpipigil—kinapapalooban ito ng isang isyu ng pag-asal sa pagitan ng mga tao. Hindi mahalaga kung ang mga bagay na ginagawa niya ay kinapapalooban ng mga kongkretong problema o hindi, hangga’t may kinalaman ang mga pagpapamalas na ito sa mga isyu ng pag-asal sa pagitan ng mga tao, ang mga ito ay hindi naaayon sa pakiramdam ng kahihiyan ng tao. Lalo na pagdating sa mga usapin sa pagitan ng mga lalaki at babae, kung ang isang tao ay hindi alam ang kahihiyan o walang pakiramdam ng kahihiyan, nasa malaking panganib siya. Kung kaya mong sadyang ipangalandakan ang iyong alindog sa harap ng kasalungat na kasarian at subukang akitin sila, ikaw ay malamang na malamang na umusad sa susunod na antas ng kahalayan. Maaaring magsimula ka sa pagpapakitang-gilas, pero madali iyong mauuwi sa paghawak-hawak, at mula sa paghawak-hawak, madali itong mauuwi sa isang mas kongkretong bagay, sa huli ay maaaring hindi mo na ito makontrol. Kita mo, anuman ang antas ng kahalayan, basta’t nasa loob ito ng saklaw ng kahalayan, may kinalaman ito sa problema ng pag-asal sa pagitan ng mga tao. Sa sandaling may kinalaman ito sa problema ng pag-asal sa pagitan ng mga tao, walang kaibahan sa pagitan ng mga antas ng kalubhaan. Ito ay dahil ang gayong mga problema ay maaaring lumaki—simula sa pagpapakitang-gilas at kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan, madali itong humantong sa pisikal na pagdikit, pagkakaroon ng pagkagiliw, at pagkatapos ay pagiging kapwa hindi na mapaghihiwalay. Mula roon, maaari pa itong lumaki pa lalo, hindi na makontrol, nagiging masyado nang huli para magsisi. Sa sandaling maging realidad ito, mahirap na itong ihinto nang maayos. Kaya, anumang uri ng mga pagpapamalas ng kahalayan ang ipinapakita mo, hangga’t may kinalaman ito sa problema ng pag-asal sa pagitan ng mga tao, kung hindi mo pipigilan ang iyong sarili at wala kang pakiramdam ng kahihiyan—kung ikaw ay ganap na walang pakialam sa sinasabi ng iba tungkol sa iyo, kung paano ka sinusuri ng mga tao, o kung paano ka tinitingnan ng Diyos—kung gayon, nasa malaking panganib ka. Ano ang ibig sabihin ng pagiging nasa malaking panganib? Nangangahulugan ito na mula sa karaniwang mahahalay na kilos at mga pagpapamalas, napakadaling mabulok at gumawa ng mga balighong bagay na panghabambuhay mong pagsisisihan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Samakatwid, kung hindi mo makilatis ang diwa ng problema ng kahalayan at nabibigo kang lutasin ito nang napapanahon, ikaw ay nasa malaking panganib. Kung nagpapakita ka ng gayong mga pagpapamalas o nasisiyahan ka sa paghahangad ng mga gayong bagay, pinatutunayan nito na may malubhang problema sa pagkatao mo. Anong problema? Kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan. Ang isyu ng pag-asal sa pagitan ng mga tao ay nauugnay sa pakiramdam ng kahihiyan ng isang tao. Kung wala kang pakiramdam ng kahihiyan, wala kang mga hangganan kapag ginagawa ang mga gayong bagay. Kahit ano ang maisip mo, kaya mong isagawa. Ang mga kaisipan at pagnanais mo ay hindi makokontrol ni malilimitahan. Hangga’t naaangkop ang kapaligiran, gagamitin ng mga kaisipan at pagnanais mo ang pagkakataon para magpamalas, unti-unting lolobo ang mga ito at aabot sa punto ng pagsabog. Ito ay hahantong sa mga kakila-kilabot na kahihinatnan.
Kung mayroong gayong mahahalay na tao sa paligid ninyo, na ang problema ng kahalayan ay hindi lang paminsan-minsang pagbitiw ng isang mapanuksong pananalita, at ang kahalayan ay hindi nakatuon lamang sa iilang partikular na indibidwal—sa halip, madalas silang kumikilos sa ganitong paraan, nang walang anumang pakiramdam ng kahihiyan, at nananatiling hindi nalulutas ang problema kahit na hinahamak, pinaaalalahanan, o binabalaan sila ng iba, nagpapatuloy pa rin silang maging mahalay at lalo pang lumalala ang kanilang kahalayan—at kung makatagpo kayo ng ganoong mga tao, dapat ninyo silang iwasan. Bakit ninyo sila dapat iwasan? Dahil walang kahihiyan ang mahahalay na tao. Mayroon bang anumang pagpipigil sa kanilang mga kilos ang mga taong walang kahihiyan? Kaya ba nilang pigilin ang sarili nila? (Hindi.) Hindi nila kayang pigilin ang sarili nila, kaya dapat mong iwasan ang gayong mga tao; gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para iwasang makihalubilo sa kanila. Kung dahil sa trabaho ay kinakailangan mong makipag-ugnayan sa kanila at hindi ito maiiwasan, panatilihin ito na mahigpit na usaping trabaho lamang, pero pinakamainam na may ilang iba pang tao na naroroon kapag nakikipag-ugnayan ka sa kanila. Huwag makipag-ugnayan sa kanila nang mag-isa ka lang, at huwag mo silang bigyan ng anumang pagkakataon na makapagsamantala. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para maiwasang maging mag-isa kasama sila, para hindi ka mahulog sa tukso at hindi mabigyan si Satanas ng anumang pagkakataon na makapagsamantala. Anumang uri ito ng mahalay na pag-uugali, hangga’t natutukoy mo na ang gayong mga tao ay walang kahihiyan sa kanilang pag-asal sa pagitan ng mga tao, na kaya nilang makipaglandian sa sinumang miyembro ng kasalungat na kasarian, at na labis pa nga silang mahalay na kaya nilang magsabi ng malalaswang biro sa presensiya ng maraming miyembro ng kasalungat na kasarian, nagsasalita na para bang ganap na normal lang ito, nagsasanhi na ang mga nakakarinig ay mamula, mapahiya, at hindi makayanang pakinggan ito, samantalang sila mismo ay walang nararamdaman, walang kamalay-malay, at walang pakialam, kung gayon, ang ganoong mga tao ay dapat iwasan. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Lalo na kapag, sa pakikisalamuha sa kanila nang mag-isa, pinapakitaan ka nila ng espesyal na pag-aalaga at atensiyon, at higit pa nga roon ay mapagparaya sila sa mga kapintasan at depekto mo, at pagkatapos ay madalas ang paghawak-hawak nila sa iyo, o ipinepresenta nila ang kanilang sarili sa panlabas bilang maginoo at pino, pero ang mga salita nila ay palaging may bahid ng kalaswaan—napakamapanganib ng gayong mga tao, at dapat kayong maging mapagbantay laban sa kanila. Mayroon ding ilang tao na, para sa mga usaping malinaw na puwedeng pagbahaginan o ipagtanong sa isang tao na pareho ang kasarian, o para sa trabahong puwedeng mapangasiwaan kasama ang isang tao sa parehong kasarian, hindi ito ginagawa, kundi sa halip ay iginigiit nila ang paghahanap ng isang tao sa kasalungat na kasarian. Alinmang miyembro ng kasalungat na kasarian ang puntirya nila, palagi nila itong tinatanong, kinukulit, at nagpapasimula sila ng mga hindi kinakailangang pag-uusap, at gumagawa-gawa sila ng mga bagay para istorbohin ito, palaging tinatanong ang taong ito ng mga walang saysay na katanungan na hindi naman kailangang itanong at nagsisikap pa nga sila nang husto na lumikha ng mga pagkakataon para makasalamuha ang taong ito nang mag-isa. Ang layon nila ng paghahanap ng mga pagkakataon ay para matugunan nila ang sarili nilang mga pagnanais. Lalaki ka man o babae, ano ang dapat mong gawin kapag nakatagpo ka ng gayong mga tao? (Umiwas sa kanila.) Dapat kang mag-isip ng paraan para tanggihan sila; ipaliwanag mo sa kanila ang mga bagay-bagay nang napakalinaw. Huwag bastang lumayo sa kanila nang tahimik at isipin na sapat na iyon. Kung kinukulit ka nila paminsan-minsan lang, maaaring hindi mo matukoy kung umaasal sila nang hindi disente. Pero kung paulit-ulit ka nilang kinukulit, kailangan mo itong linawin sa kanila. Ano ang dapat mong sabihin? Maaari mong sabihin sa kanila: “Mahigit isa o dalawang beses mo na akong kinulit—ano ba talaga ang pakay mo? Maging malinaw ka nga! Mayroon ba talaga tayong ganoong uri ng ugnayan sa trabaho? Napakaraming taong puwede mong tanungin, pero iginigiit mong tanungin ako at lapitan ako—ganoon ba talaga tayo kalapit sa isa’t isa? Huwag mong gawin ito. Hindi ako interesado, at ayaw kong makihalubilo sa mga tao sa ganitong paraan. Pakiusap, huwag mo na akong istorbohin muli sa hinaharap. Wala akong anumang interes sa iyo. Kung patuloy mo akong guguluhin nang ganito sa hinaharap, hindi na ako magiging mabait!” Anong diskarte ang dapat gawin sa gayong mga tao? (Layuan sila at tanggihan sila.) Kung nananatiling hindi nagbabago ang gayong mga tao sa kabila ng paulit-ulit na paalala, paano sila dapat harapin? Dapat silang harapin ayon sa mga pang-administratibong regulasyon ng iglesia, sa pamamagitan ng pagbubukod o pagpapaalis sa kanila. Ang ilang indibidwal ay mapagpalugod ng tao, na hindi nangangahas na salungatin ang iba at sa loob-loob ay natatakot sa ganitong uri ng mahalay na tao. Problema ito. Maaari lang silang maging laruan ng mga ito. Ang gayong mahahalay na tao ay dapat tratuhin nang napakaseryoso. Dapat maging mas malamig ang pakikitungo mo sa kanila, pero hindi kailangan na magalit—magsalita ka lang nang kalmado: “Huwag na tayong maglaro ng mga pambatang laro na ito. Nakikita ko nang malinaw kung ano ang pakay mo. Hindi uubra ang pakikipaglaro sa akin nang ganito. Hindi kita gusto, kaya pakiusap, huwag mo na akong guluhin pa ulit! Kung paulit-ulit mo akong kukulitin, marami akong paraan para pakitunguhan ka!” Hindi ba’t pagtanggi ito sa kanila? (Oo.) Magagawa ba ninyong tanggihan sila sa ganitong paraan? (Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, oo. Bago magsalita ang Diyos, hindi kami maglalakas-loob na tanggihan sila nang ganito.) Siyempre, halimbawa lang ito. Ang gayong mga sitwasyon ay hindi lang limitado sa mga kababaihang ginugulo ng kalalakihan; kasama rin dito ang kalalakihang ginugulo ng mga kababaihan. Sa madaling salita, lalaki ka man o babae na ginugulo, kung malinaw mong nakikita na ang gayong mahahalay na tao ay talaga ngang hindi nakikipag-ugnayan nang normal sa mga pakikisalamuha, taos-pusong mga pag-uusap, o hindi kumokonsulta sa iyo, puwede mo silang tanggihan. Kapag nakikisalamuha sa gayong mga tao, napakadaling maramdaman ang kanilang intensyon, at dapat kang maging mapagbantay. Dapat mong sabihin sa kanila: “Hindi tayo pamilyar sa isa’t isa, kaya mas mabuting huwag mo akong guluhin!” Kung paulit-ulit ka nilang ginugulo at masyado ka pa ring nahihiya na tanggihan sila, nag-aalala na baka masaktan mo ang damdamin nila, at iniisip na bilang mga kapatid ay dapat kang maging mapagparaya sa kanila, dapat mong maunawaan ang mga kahihinatnan na maaaring idulot ng gayong pagpaparaya. Kung gusto mo sila at handa kang makipaghalubilo sa kanila, kalayaan mo iyan. Siyempre, hindi ba’t kahangalan ang makisimpatiya o ang magkagusto pa nga sa isang mahalay na tao? Kung kaya nilang umasal nang mahalay sa iyo, kaya rin nilang gawin iyon sa iba. Ang pakikihalubilo sa gayong mga tao ay parang paghuhukay ng sarili mong libingan—pagtawag sa kamatayan. Samakatwid, sa gayong mga tao, dapat mo silang direktang tanggihan; linawin mo sa kanila ang mga bagay-bagay, at sabihin mo sa kanila na panatilihin ang kanilang distansya. Hindi ba’t napakasimple niyon? (Oo.) Ang tunay na mahahalay na tao ay tumutukoy sa mga taong walang kahihiyan sa kanilang pagkatao. Siyempre, lalaki man o babae, maaaring magpakita ng kaunting abnormal na mga pagpapamalas ang mga tao kapag nakakaharap ang kasalungat na kasarian. Basta’t hindi ito nakagawian, hindi humahantong sa mga kilos o kahihinatnan, at kaya itong itama ng isang tao kapag nararamdaman niyang hindi ito tama pagkatapos ng ilang panahon, hindi ito maikakategorya bilang kahalayan. Itong mga medyo abnormal na pagpapamalas ay hindi dapat gawing pangkalahatan. Ang pagiging mahalay ay isang pagpapamalas ng kawalan ng kahihiyan sa loob ng pagkatao ng isang tao. Ang pangunahing pagpapamalas ng gayong mga tao ay na wala silang kahihiyan sa kanilang pag-asal sa pagitan ng mga tao—sila ay walang preno, walang pagpipigil, at partikular na malaswa. Ito ay ikinakategorya bilang ang pagpapamalas ng kahalayan sa loob ng pagkatao ng isang tao. Ngayon, alam mo na ba kung paano pakitunguhan at pangasiwaan ang gayong mga tao? (Oo.) Iyan na lahat para sa ating talakayan tungkol sa paksa ng kahalayan.