Paano Hangarin ang Katotohanan (1) Ikalimang Bahagi

Kung may konsensiya ng normal na pagkatao ang isang tao, aayusin niya ang mga kaisipan, salita, at gawa niya. Ano ang ibig sabihin ng “aayusin”? Ibig sabihin, kapag lumihis ang mga kaisipan at pag-uugali mo palabas sa pamantayan ng normal na pagkatao, huhusga ang konsensiya mo na mali na mag-isip nang ganoon at na hindi mabuting gawin ang bagay na iyon, kaya naman mamumula ka at makakaramdam ka ng pagkabagabag at pagsaway. Pagkatapos maramdaman ang mga ito, medyo mapipigilan ang mga kaisipan at pag-uugali mo, at ang ganitong antas ng pagpipigil ang mag-aayos sa pag-uugali mo at magbibigay sa iyo ng kakayahang iwasan ang paggawa ng mga bagay na malinaw na labag sa mga katotohanang prinsipyo, at ng mga bagay na salungat sa konsensiya mo at sa moral na katarungan. Pero kung wala kang pamantayan ng konsensiya, kapag gumawa ka ng mga bagay, mawawalan ka ng anumang pamantayan para ayusin at pigilan ang mga kaisipan at pag-uugali mo, kaya naman mawawalan ka ng limitasyon, gagawin mo anuman ang maisipan mo, anuman ang gusto mo, at anuman ang nakakatulong at kapaki-pakinabang sa iyo. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito ng kawalan mo ng anumang mga pagpipigil, labis na mapapalaki ang mga kaisipan at pag-uugali mo. Ano ang ibig sabihin ng “labis na mapapalaki”? Mawawalan ng anumang regulasyon sa mga ito. Magiging katulad lang ito ng kapag dinadaya ng mga walang pananampalataya ang mga tao—wala sila ng kamalayan sa konsensiya, at kung maloloko ka nila kapalit ng isanlibong salapi, hindi sila makokonsensiya, at kung magagantso ka nila hanggang sa puntong masira ang pamilya mo, hindi rin sila makokonsensiya, at kahit na lumuhod ka at magmakaawa ka sa kanila, hindi ka nila papansinin. Tunay na lubha silang masasamang tao. Bakit nagagawa nilang gumawa ng gayong kasamaan? Ito ay dahil wala silang kamalayan sa konsensiya, o ng pagpipigil na ibinibigay ng isang konsensiya, kaya naman maaari silang maging napakasama at maging mga karumal-dumal na makasalanan. Samakatwid, mahalagang magkaroon ng konsensiya ng normal na pagkatao. Nagagawa ng mga tao na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, una sa lahat, sa ilalim ng kondisyon na mayroon silang kamalayan sa konsensiya. Ang pagkakaroon ng kamalayan sa konsensiya at ng pagpapahalaga sa kahihiyan ang siyang nagbibigay-kakayahan na maayos ang pag-uugali mo at ang nagbibigay sa iyo ng pagkakataong tumahak sa landas ng paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan. Kung wala ka ng kamalayan sa konsensiya para ayusin ang sarili mo, hindi ka magkakaroon ng pagkakataong tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Samakatwid, sa pundasyon lang ng pagkakaroon ng kamalayan sa konsensiya magkakaroon ang mga tao ng pagkakataong maakay sa landas ng pagsasagawa sa katotohanan at pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo—pero gayumpaman, mayroon lang sila ng ganitong pagkakataon. Sinasabi Ko na mayroon lang sila ng ganitong pagkakataon, dahil kahit na naaayos ng kamalayan sa konsensiya ang mga kaisipan at pag-uugali ng isang tao, maaari pa rin niyang labagin ang mga katotohanang prinsipyo o hindi siya kumilos nang ayon sa mga ito, nagiging neutral, hindi itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo pero hindi rin nakikipagsabwatan sa masasamang tao. Ibig sabihin, sa ilalim ng epekto ng konsensiya, ang medyo mabubuting tao ay kayang isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, samantalang ang mga taong medyo may mas mahinang kakayahan, kahit papaano, ay kayang iwasan ang makontrol o mapuwersa ng masasamang tao, at iwasang sumunod sa mga ito sa paggawa ng kasamaan—pag-abot lang ito sa batayang pamantayan na nagmumula sa pamantayan ng konsensiya. Kahit hindi mo isinagawa ang katotohanan, hindi ka gumawa ng kasamaan. Kahit papaano, matatawag pa rin ang ganitong tao na isang taong may konsensiya, at bagama’t hindi pa siya nagsagawa ng katotohanan, tiyak na hindi siya gagawa ng kasamaan. Ito ang epekto ng konsensiya sa mga tao. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan, ang isa sa mga pinakakapaki-pakinabang na epekto ng konsensiya ay na may pagkakataon itong ayusin ang mga salita at pag-uugali nila, at maaari silang akayin ng konsensiya sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan at ng pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, para sa mga tao, ang konsensiya ay isang napakahalagang bahagi ng pagkatao nila, at ito ay isang bagay na hindi puwedeng mawala sa kanila. Kaya, ano ang ibig sabihin ng “konsensiya”? Pag-uusapan natin iyan nang detalyado sa susunod kapag may pagkakataon tayo, pero talakayin lang natin ito nang maiksi ngayon. Ang konsensiya ay tumutukoy sa pagkakaroon ng isang tao ng mabuting puso at pagpapahalaga sa katarungan, na siyang dalawang pinakabatayang katangian. Kung taglay mo ang dalawang katangiang ito, isa kang taong may konsensiya; kung hindi mo taglay ang alinman sa dalawang katangiang ito, wala kang konsensiya. Walang normal na pagkatao ang mga taong walang konsensiya, at ang kawalan ng normal na pagkatao ay nangangahulugang wala silang pagpapahalaga sa katarungan at hindi mabuti ang puso nila. Ano ang ibig sabihin ng “walang pagpapahalaga sa katarungan”? Ang ibig sabihin nito ay pagiging baliko at buktot. Ano ang ibig sabihin ng “hindi mabuti ang puso”? Ang ibig sabihin nito ay ang pagiging mapaminsala, malupit, at buktot. Ang mga taong nagtataglay ng mga disposisyong ito ay mga taong walang pagkatao, at dahil dito ay may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng masamang bagay, dahil wala silang konsensiya ng normal na pagkatao, ni wala rin sila ng dalawang diwa ng pagpapahalaga sa katarungan at ng pagiging mabuti ng puso na nakapaloob sa konsensiya ng normal na pagkatao. Wala silang kahihiyan, labis silang baliko, at lubha silang malupit at mapaminsala, kaya may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng masasamang bagay. Ibig sabihin, gaano man kabuktot at kamapaminsala ang mga bagay na ginagawa nila, wala silang nararamdaman—hindi sila nakokonsensiya, at hindi nila nararamdamang sinasaway sila. Bakit may kakayahan silang gumawa ng anumang uri ng kasamaan? Ito ay dahil hindi mabuti ang puso nila at wala sila ng diwa ng pagkatao; anumang kasamaan ang gawin nila, tingin nila ay may katwiran ito at hindi nila nararamdamang masama ito. Halimbawa, kung isa kang taong may kamalayan sa konsensiya, kapag may sinabi kang sumusumpa o bumabatikos sa isa pang tao, hindi mo ito makakayanan. Iisipin mo, “Nakapagsabi ako ng ilang bagay para isumpa siya, at tama na iyon. Talagang sumasama ang loob ng mga tao kapag sinusumpa sila! Sasama rin ang loob ko kung may susumpa sa akin nang ganoon, kaya ngayong may ilang bagay na akong nasabi para isumpa siya upang maibsan ang pagkamuhi ko at makapaglabas ako ng sama ng loob, hanggang doon na lang iyon.” Kaya naman, titigil ka na. Pero hindi ganoon mag-isip ang masasamang tao. Iniisip nila, “Masyadong magaan ang pagsumpa sa iyo. Bubugbugin din kita, sisirain ko ang pamilya mo, at pagdudusahin ko ang mga inapo mo! May katwiran ang anumang mga masama o maling bagay na ginagawa ko sa iyo. Hangga’t natatanggap mo ang nararapat na parusa sa iyo at naiibsan ko ang pagkamuhi ko, handa akong gawin ang anuman!” Maaari ngang hindi ka nila isumpa, at diretsahang gawan ka na lang ng masasamang bagay at paghigantihan ka—ito ang pagiging masama. Ganito ang mga taong walang kamalayan sa konsensiya—may kakayahan silang gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan.

Sa loob ng iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, ang mga alam ng mga tao ay pangunahing ang mga kuru-kurong madalas nilang tinatalakay na nauugnay sa pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa. Sa isang banda, nagbahaginan tayo tungkol sa mga kuru-kuro at imahinasyong umuusbong sa mga tao sa loob ng gawain ng Diyos; sa kabilang banda, dapat ding malaman ng mga tao na gumagawa ang Diyos sa mga tao sa marami at iba’t ibang paraan. Depende sa iba’t ibang kapanahunan ng Kanyang paggawa, at depende sa iba’t ibang pamantayang hinihingi Niya sa mga tao, at siyempre, depende sa iba’t ibang resultang gusto Niyang makamit sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang gawain, at depende rin sa iba’t ibang puntirya ng Kanyang gawain at sa iba’t ibang kalikasang diwa ng mga tao, gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang pamamaraan at gumagawa Siya sa mga tao sa marami at iba’t ibang paraan. Ang pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa ay isang maliit na bahagi lang ng Kanyang gawain, at hindi ang mga ito ang mga pangunahing pamamaraang ginagamit Niya sa Kanyang gawain. Dahil, sa ikatlong yugto ng Kanyang gawain, nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan para tustusan ang mga tao at para makamit ang resulta ng pagliligtas sa kanila, napakaliit ng bilang ng gawain ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at maging ng pagpaparusang ginagawa Niya sa mga tao. Higit pa rito, depende sa iba’t ibang puntirya ng Kanyang gawain, ginagawa rin ng Diyos ang mga bagay na ito ayon sa mga nauugnay na prinsipyo, at nag-iiba-iba ang Kanyang mga kilos depende sa mga pakay at sa iba’t ibang sitwasyon. Dahil dito, kung ikukumpara, bihira Niyang disiplinahin, ituwid, o parusahan ang mga tao. Samakatwid, dapat tigilan na ng mga tao ang pagkapit sa mga dati nilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at dahil napakarami nang ipinahayag ng Diyos na salita at katotohanan, hindi sila dapat patuloy na umasa sa pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa sa kanila ng Diyos, pasibong hinahayaan Siya na himukin silang isagawa ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad—isa itong ideyang hindi dapat taglayin ng mga tao. Ang tamang ideyang dapat taglayin ng mga tao ay na hindi sila dapat pasibong umasa sa pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos para ipaunawa sa kanila ang Kanyang mga layunin o para palapitin sila sa Kanya, at sa halip ay dapat mas maging positibo at aktibo sila sa paglapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang mga layunin at ang mga katotohanang prinsipyo. Kahit kailanman, ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo ang direksyon ng pag-usad mo, at ang mga ito ang mga prinsipyo at landas na pinakadapat mong itaguyod at isagawa sa pang-araw-araw mong buhay o sa landas ng pag-iral mo, samantalang ang pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos ay mga paraan lang ng paggawa na ipinapakita Niya sa ilang partikular na sitwasyon at sa mga sitwasyong sa tingin Niya ay kinakailangan. Para sa mga tao, hindi sila dapat pasibong maghintay o pasibong humiling na mangyari ito, iniisip, “Nawa’y disiplinahin, ituwid, at parusahan ako ng Diyos para magawa kong mahalin at isagawa ang katotohanan.” Hindi tama ang pamamaraang ito—gumagawa ang Diyos ayon sa aktuwal na mga pagpapamalas ng mga tao at sa mga pangangailangan ng kanilang buhay. Naririnig ng ilang tao na iyong mga walang konsensiya ay mga hayop at hindi maililigtas, kaya nababalisa sila at iniisip nila, “Kung hindi ako maililigtas, malaking problema iyon. Dahil wala akong kamalayan sa konsensiya ng normal na pagkatao, mas gugustuhin kong disiplinahin at parusahan ako ng Diyos bilang kapalit ng konsensiya ng normal na pagkatao.” Magandang ideya ba ito? Bilang isang nilikha, at bilang isang ordinaryong miyembro ng tiwaling sangkatauhan, kung talagang iniisip mo na wala kang normal na pagkatao at wala kang konsensiya ng normal na pagkatao, malalim mong nararamdaman ang pasakit nito, at umaasa kang hindi ka lilisanin ng pagdidisiplina, pagtutuwid at pagpaparusa ng Diyos, at na bibigyang-kakayahan ka ng mga ito na magbago at manatiling buhay sa huli—kung talagang may ganito kang determinasyon, kung gayon, maaaring mabuting bagay iyon, at may katiting na pag-asa na manatili kang buhay. Pero kung wala ka ng ganoong determinasyon, sinasabi Ko sa iyo: Nasa matinding panganib ka kung wala ka ng kamalayan sa konsensiya ng normal na pagkatao. Kahit na paminsan-minsan kang nakakatanggap ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa ng Diyos, isa iyong bagay na ipinagkaloob Niya sa iyo. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito at ginagamit ang mga pamamaraang ito para paalalahanan ka at bigyan ka ng babala, para mas kakaunti ang gagawin mong kasamaan at ang tatanggapin mong pagpaparusa. Sapat na ang pagligtas ng Diyos sa pride mo; dapat kang magpasalamat sa Diyos na gumawa Siya ng eksepsiyon sa pamamagitan ng pagpapakita sa iyo ng biyayang ito, sa halip na hindi malaman kung ano ang nakakabuti sa iyo. Sa mga normal na sitwasyon, hindi gagawa ang Diyos ng anumang gawain o hindi gagamit ng anumang mga paraan ng paggawa sa isang taong walang konsensiya at katwiran ng pagkatao. Kung nakatanggap ka ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa mula sa Diyos, alinman ito, katamtaman man ito o medyo mas malubha, dapat kang magpasalamat sa Diyos para sa lahat ng ito. Sa kolokyal na pananalita ng tao, ito ay pagkakaroon ng Diyos ng pagpapahalaga sa iyo at pagtataas Niya sa iyo. Hinding-hindi ka tinitingnan ng Diyos nang may pagkamapanlaban o hindi ka Niya kinokondena, kaya dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Kung talagang may pagkakataon kang tanggapin ang pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos nang lampas sa pagtustos ng katotohanan, pinapatunayan nito na tinatrato ka pa rin ng Diyos bilang isang nilikha at isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Dapat mong pasalamatan ang Diyos, unawain ito nang tama, at dapat kang magpasakop sa pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa ng Diyos. Hindi ka dapat magkimkim ng mapanlaban na saloobin sa Diyos dahil dito, ni dapat na mas maghimagsik laban sa Diyos dahil dito. Anumang uri ng disiplina ang natanggap mo, o gaano man kalubha ang parusang natanggap mo, dapat kang magpasakop sa Diyos at pasalamatan mo Siya kaagad, pasalamatan Siya para sa pagpapaalala at pagbibigay-babala sa iyo, at para sa pagbibigay sa iyo ng pagkakataong ito, at para sa pagtutulot sa iyo na magkaroon ng pagkakataong tanggapin ang lahat ng ito mula sa Diyos. Pinapatunayan din nito na may ugnayan ka pa rin sa Diyos at na hindi pa ganap na naputol ang ugnayang ito. Sa gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan, at sa proseso ng Kanyang pagliligtas sa mga tao, nasa puso ka pa rin ng Diyos; kahit papaano man lang, nakikita ka pa rin ng Diyos—kapag nakikita Niya ang paghihimagsik at katiwalian mo, handa pa rin Siyang disiplinahin ka, ituwid ka, at parusahan ka. Pinapatunayan nito na hindi ka pa Niya ganap na sinukuan; para sa iyo, mapalad ito, at mabuting balita rin ito. Samakatwid, kahit na mapasailalim ka sa kaunting masakit na pagdidisiplina o pagtutuwid, dapat kang lumapit sa Diyos kaagad. Ang layunin ng paglapit sa Diyos ay hindi para yumuko ka sa harap Niya, ni para iparamdam sa iyo na nakakasindak o nakakatakot ang Diyos. Sa halip, dapat mong maunawaan kung ano ang dapat mong gawin para mapalugod ang Diyos, kung ano ang dapat mong gawin para hindi na magalit ang Diyos sa iyo, at kung ano ang dapat mong gawin para mawala ang Kanyang galit. Kahit papaano man lang, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo, sa loob ng saklaw ng kung ano ang kayang makamit ng kakayahan mo, para maisagawa ang mga katotohanang prinsipyong sinabi ng Diyos sa iyo, at hindi mo dapat galiting muli ang Diyos. Kung paulit-ulit na nagagalit ang Diyos sa iyo, at patuloy kang nagiging labis na manhid, at nagmamatigas ka at matigas ang kalooban mong tinitingnan ang Diyos nang may pagkamapanlaban at lumalaban ka sa Kanya hanggang sa pinakadulo, sa huli, hindi maiiwasan na susukuan ka ng Diyos. Sa oras na hindi ka na dinidisiplina, itinutuwid, o pinaparusahan ng Diyos, ay ang oras na sinukuan ka na ng Diyos. At sa sandaling sinukuan ka na ng Diyos, titigil na Siya sa pagpapaalala sa iyo, at aalisin ka Niya sa Kanyang paningin, ililipat ka sa isang lugar sa labas ng iglesia, sa isang lugar na malayo sa sentro ng Kanyang gawain; kahit papaano man lang, idudulot Niya na hindi ka Niya makita sa panahon ng Kanyang gawain—aayaw na ang Diyos na makita ka. Kung ganito na kalubha ang gagawin mong kasamaan at aabot ka na sa puntong ito, wala ka nang pag-asang maligtas. Nauunawaan mo ba? (Oo.)

Nauugnay ang pagbabahaginan ngayon sa paksa ng pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban ng isang tao sa Diyos. Ito man ay paglalantad sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos, o paglalantad sa mga saloobin nila sa Diyos, o pakikipagbahaginan tungkol sa kung paano mismo at sa anong mga paraan ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao, sa ano’t anuman, ang sinasabi ng lahat ng ito sa mga tao sa huli ay na: Ang tamang pananaw na pinakadapat nilang panghawakan sa gawain ng Diyos ay ang tanggapin at magpasakop sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang bawat katotohanang prinsipyong itinutustos Niya sa kanila, sa halip na ang lumihis mula sa Diyos. Sa tuwing may ginagawa silang anuman, dapat nilang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at dapat silang magsagawa ayon sa mga ito, at maghangad ng pagpasok sa katotohanang realidad, sa halip na pagsumikapan ang panlabas nilang pag-uugali, o ang panlabas na pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, at tiyak na sa halip na masilo sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila at masyadong tumuon sa mga ito. Pagkatapos ng lahat, anuman ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos, ang resultang layong makamit ng gawain ng Diyos ay ang isagawa ang Kanyang mga salita at ang katotohanan sa mga tao, at ang bigyan sila ng kakayahan na magkaroon ng mga katotohanang prinsipyong susundin at na itaguyod nila ang mga katotohanang prinsipyong ito sa lahat ng nararanasan nila sa pang-araw-araw na buhay nila at sa landas ng pag-iral nila—ito ang nilalayong resulta ng gawain ng Diyos. Ang panghuling resultang nakakamit ng gawain ng Diyos ay na ang katotohanan ang nagiging realidad at buhay ng mga tao, sa halip na naisasakatuparan Niya ang lahat ng ito ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Nauunawaan mo ito, tama ba? Halos sapat na ang napagbahaginan natin tungkol sa mga paksang ito, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, dito na nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayon. Paalam!

Hulyo 8, 2023