Paano Hangarin ang Katotohanan (1) Ikaapat na Bahagi

C. Ang mga Kuru-kuro at Imahinasyon ng mga Tao Tungkol sa Kung Paano Dinadalisay at Inililigtas ng Diyos ang Tao

May isa pang uri ng kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, at iyon ay na sa pang-araw-araw na buhay nila, kapag mahina sila, kapag umuusbong sa kanila ang iba’t ibang uri ng paghihimagsik sa Diyos, o kapag gumawa sila ng mga bagay na naghihimagsik laban sa Diyos at sumasalungat sa Diyos, naniniwala sila sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila na dapat silang disiplinahin, ituwid, o parusahan pa nga, sumpain, at iba pa. Halimbawa, minsan ay nasasabi ng mga tao ang maling bagay o nagbubunyag sila ng ilang kuru-kuro, o nagkikimkim sila ng ilang opinyon at kaunting pagtutol tungkol sa isang bagay, at pagkatapos ng ilang sandali, iniisip nila, “Nabunyag ko ang paghihimagsik at pagkakanulong ito, pero bakit hindi ako dinisiplina dahil dito? Walang mga singaw sa dila ko, hindi ako binabangungot sa gabi, at hindi nababagabag ang puso ko. Bakit ganoon? Bakit hindi ko nadarama ang paggawa ng Banal na Espiritu?” Sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, naniniwala sila na dahil pumarito ang Diyos para iligtas sila, at dahil tiyak na ang gawain ng Diyos ay hindi lang sila lulupigin, kundi babaguhin at dadalisayin din sila, at babaguhin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na kinikimkim nila na hindi alinsunod sa katotohanan, kung gayon, kung may ilang bagay sa isipan nila na hindi alinsunod sa katotohanan, o mga bagay na madungis, marumi, o buktot, dapat silang disiplinahin, sawayin, o parusahan pa nga dahil sa mga ito, at iniisip nila, “Paano magbabago ang mga tao at paano sila magagawang banal kung hindi sila madalas na dinidisiplina?” Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao rito? Ito ay na dapat silang madalas na disiplinahin, sawayin, ituwid, parusahan, at kastiguhin at hatulan pa nga at na saka lang sila magkakamit ng disposisyonal na pagbabago. Gayumpaman, sa pang-araw-araw na buhay, kapag nagbubunyag ang mga tao ng kadungisan, kabuktutan, at katiwalian, ginagawa nila ito nang napakanatural, nararamdaman nila ito, at payapa pa nga ang pakiramdam nila sa pamumuhay nang ganito at hindi nila nararamdaman na dinidisiplina o pinaparusahan sila, at tingin nila ay hindi normal ito. Iniisip ng mga tao na kung magbubunyag sila ng katiwalian, kahit papaano ay dapat maramdaman nilang sinasaway sila, o dapat silang magkasakit, o magkaroon ng mga singaw sa bibig nila, o mabulunan sila o makagat nila ang dila nila habang kumakain, at na dapat mamula at mamaga ang mata nila kung may pinanood sila na hindi nila dapat panoorin. Sabihin ninyo sa Akin, ginagawa ba ng Diyos ang mga bagay na ito? (Hindi.) Hinding-hindi ba Niya ginagawa ang mga ito? (Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, maaari silang disiplinahin at sawayin ng Diyos nang kaunti ayon sa tayog nila, para magawa nilang pagnilayan ang sarili nila at pumasok sa katotohanan. Gayumpaman, kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at malinaw sa puso nila na mali ang ginawa nila, tiyak na hindi sila didisiplinahin ng Diyos sa kasong iyon, dahil umaasa Siyang mahahanap nila ang katotohanan, at magagamit ang Kanyang mga salita at ang katotohanan para sukatin ang sarili nilang mga kilos at pag-uugali.) Mahusay na napagbahaginan iyan. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na sa tuwing nagbubunyag sila ng katiwalian at paghihimagsik, dapat silang disiplinahin ng Diyos, at na sa partikular, kapag gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, dapat agad na dumating sa kanila ang kaparusahan ng Diyos, para tiyak na maparusahan ang masasamang tao. Pero sa tunay na buhay, madalang nilang nakikitang nangyayari ang mga kaparusahang ito. Sa isang banda, kapag nagbubunyag ang mga tao ng iba’t ibang uri ng katiwalian at paghihimagsik, hindi sila nadidisiplina o natutuwid, at sa kabilang banda naman, kapag gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi sila napaparusahan. Dahil dito, umuusbong ang ilang kuru-kuro tungkol sa gawain ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at nawawalan pa nga ng pananalig ang ilang tao, at sinusukat nila ang gawain ng Diyos batay sa mga panlabas na bagay na ito, at hinuhusgahan nila ang Kanyang gawain. Ang mga ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, hindi ba? Kapag nagbubunyag ang mga tao ng katiwalian at paghihimagsik, dapat ba silang disiplinahin ng Diyos, o kastiguhin at hatulan? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Kapag inililigtas ng Diyos ang mga tao, dapat Niya silang iligtas nang lubusan. Ano ang layunin ng gawain ng Diyos? Hindi ba’t ito ay para dalisayin ang mga tao? Kaya, kapag nagbubunyag ang mga tao ng katiwalian at paghihimagsik, dapat silang disiplinahin at sawayin ng Diyos—ito ay pagiging responsable sa kanila. Kung hindi, wala Siyang pakialam sa mga tao at hindi Niya talaga sila minamahal o kinakaawaan.” Hindi ba’t ganito mag-isip ang mga tao? (Oo.) Ano ang mga katotohanang dapat maunawaan dito? Ang madisiplina, maituwid, at maparusahan ba ay kinakailangang proseso para maunawaan ng mga tao ang katotohanan at makapasok sila sa katotohanang realidad? Ang mga ito ba ay kinakailangang paraan at gawi para iligtas ng Diyos ang mga tao at baguhin sila? Hindi ito maarok ng ilang tao at iniisip nila, “Kung talagang umiiral ang Diyos at ginagawa Niya ang Kanyang gawain para iligtas ang mga tao, bakit hindi Niya dinidisiplina ang mga tao kapag nagbubunyag sila ng katiwalian o naghihimagsik laban sa Kanya? Bakit hindi pinaparusahan ng Diyos ang masasamang tao dahil sa paggawa ng kasamaan?” Kapag hindi dinidisiplina ng Diyos ang mga tao, o kapag hindi pinaparusahan ang masasamang tao dahil sa paggawa nila ng kasamaan, hindi ba’t dahil dito ay kukuwestiyunin ng ilang tao ang pag-iral ng Diyos at ang mga resulta ng Kanyang gawain? Kung ang madalas na pagdidisiplina at pagpaparusa ay makakapalit sa paghahanap ng mga tao sa katotohanan o makakapagbigay-kakayahan sa kanilang makapasok sa katotohanang realidad, kung gayon, ang pagdidisiplina at pagpaparusa ang magiging pangunahing paraan ng paggawa ng Diyos para iligtas ang mga tao, at isang kinakailangang pamamaraan ng paggawa niyon. Pero batay sa kasalukuyang antas ng katiwalian ng mga tao, maaari bang agad na mabago ang sataniko nilang kalikasan sa pamamagitan ng pagdidisiplina at pagpaparusa ng Diyos? Maaari bang agad na magkaroon ng tunay na pagsisisi ang mga tao? Maaari ba silang agad na makapasok sa katotohanang realidad? (Hindi, hindi maaari.) Hindi nila iyon makakaya. Samakatwid, sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, kasabay ng pagpapahayag ng Diyos ng mga katotohanan para tustusan ang mga tao ng buhay, hindi Siya—maliban sa gawain ng Banal na Espiritu ng pagbibigay-liwanag at paggabay sa mga tao—gumagawa ng anumang higit sa likas, at lalong madalang Niyang ginagawa ang mga bagay tulad ng pagtutuwid, pagdidisiplina, o pagpaparusa sa mga tao. Ang pagtutuwid, pagdidisiplina, at pagpaparusa sa mga tao ay hindi isang pangunahing bahagi ng gawain ng Diyos, pero ginagawa pa rin Niya ang mga bagay na ito. Ibig sabihin, sa kaso ng ilang espesyal na tao o espesyal na usapin, o sa ilang espesyal na kapaligiran, alang-alang sa pagkamit ng ilang espesyal na resulta o dahil sa ilang espesyal na dahilan, gagawin ng Diyos ang gawain ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa sa mga tao. Pero sa kabuuan, sa yugtong ito ng Kanyang gawain, ang pangunahing paraan ng Kanyang paggawa ay ang magsalita at magpahayag ng katotohanan para ibigay ang kinakailangan ng mga tao sa landas nila ng paghahangad ng katotohanan, at ang layunin nito ay ang bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at makapasok sa katotohanang realidad. Ngayong nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming katotohanan, madalang na Niyang ginagawa ang gawaing ito ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at maging ng pagpaparusa na ginawa Niya noon. Kaya, ang mas dapat pagtuunan ng mga tao ay ang iba’t ibang katotohanang prinsipyong dapat nilang isagawa kapag nahaharap sila sa mga usapin sa pang-araw-araw na buhay, sa halip na tumuon sa kung dinidisiplina o hinahadlangan ba sila ng Diyos, o kung idinudulot ba ng Diyos na maging maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa kanila sa isang partikular na usapin, at iba pang gayong mga pamamaraan at pagsasagawa. Dahil madalang gamitin ng Diyos ang mga pamamaraang tulad ng pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpaparusa, hindi ito nangangahulugan na hindi Niya kailanman ginagamit ang mga ito, madalang lang Niya talagang gamitin ang mga ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa “madalang gamitin ang mga ito”? Paminsan-minsan, sa ilang espesyal na sitwasyon, gagamitin Niya ang mga pamamaraan ng pagdidisiplina, pagtutuwid, o pagpaparusa para—sa isang magaan o kumakatawan o sumisimbolong paraan—gumawa ng kaunting gawaing nakakatulong sa mga taong maunawaan ang katotohanan at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, ginagamit Niya ang mga paraang ito para tulungan ang mga tao na makapasok sa katotohanang realidad, pero iyon lang iyon. Kung gayon, bakit hindi madalas na ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito sa Kanyang gawain? Bakit hindi Siya pangunahing gumagawa sa ganitong mga paraan? Sa isang banda, ito ay dahil sa yugtong ito ng Kanyang gawain, sinabi at tinustos na Niya sa mga tao ang iba’t ibang katotohanang dapat nilang maunawaan, at narinig na nila ang mga katotohanang ito, at mayroon na silang pagkaarok at kaalaman sa mga ito sa saklaw ng pagkaunawa nila. Isang dahilan ito. Ang isa pang dahilan ay nauugnay sa mga subhetibong salik ng mga tao. May konsensiya ng normal na pagkatao ang mga tao, at sa ilalim ng epekto ng konsensiyang ito, susukatin nila kung positibo ba o negatibo ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, o ang sarili nilang mga kilos, kaisipan, at pananaw. Sa loob ng mga tao, kahit papaano man lang, mayroong pamantayan ng konsensiya sa pagsukat sa lahat ng ito. Kung gagamitin mo ang konsensiya mo para sukatin ang isang partikular na bagay at matukoy mo na positibo ito, dapat kang humayo at gawin mo ito, at hindi mo kailangang sawayin ang sarili mo kung medyo mabagal o huli ka na sa paggawa nito. Kung gagamitin mo ang konsensiya mo para sukatin ang bagay na iyon at matukoy mo na negatibo ito at isa itong bagay na hindi dapat gawin, dapat mong pigilan ang sarili mo at huwag mo itong sabihin o gawin. Gayumpaman, kung wala kang mga damdaming inuudyok ng konsensiya at katwiran mo, hindi ka isang tao. Kung wala ka man lang konsensiya at katwiran, imposibleng masukat mo kung ang isang bagay ay tama ba o mali, positibo ba o negatibo, kaya naman magiging walang kabuluhan para sa Diyos na disiplinahin at parusahan ka. Sa madaling salita, hindi gumagawa ang Diyos sa mga hindi nasasailalim sa mga epekto ng konsensiya, at hindi Niya inililigtas ang gayong mga tao. Ano ang nabibilang sa “hindi pagliligtas sa kanila”? Ni ayaw Niyang disiplinahin sila; hindi Niya sila dinidisiplina o itinutuwid. May ilang nagtatanong, “Kung gagawa ng kasamaan ang isang tao, paparusahan ba siya ng Diyos?” Hindi siya direktang paparusahan ng Diyos, dahil may mga atas administratibo ang iglesia. Kung isa siyang masamang taong nagdudulot ng kaguluhan o pagkagambala, ang magiging katapusan nito ay ang pagpapaalis o pagpapatalsik sa kanya. Kahit na hindi siya pasok sa mga kondisyon ng pagpapaalis o pagpapatalsik, ipapadala siya sa grupong B. Kung lulustayin ng isang tao ang mga handog para sa Diyos, mas malubha iyon, at dapat niyang ibalik ang anumang dapat niyang ibalik, at pagkatapos ay dapat siyang pangasiwaan nang naaangkop. Ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos at ang prinsipyo ng pagtrato Niya sa mga tao. Simple ito, hindi ba? (Oo, simple ito.) Iniisip mo ba na ang pagpili ng Diyos sa iyo ay nangangahulugan na dapat ka Niyang gawing ganap, at na hindi Siya titigil hangga’t hindi Niya nagagawa iyon? Iyon ang kaso para lang sa mga may konsensiya at katwiran, at sa mga naghahangad ng katotohanan—ito ang kaso para lang sa mga puwedeng maligtas. Para naman sa mga wala man lang kamalayan ng konsensiya, kailangan lang silang tratuhin at pangasiwaan ayon sa mga atas administratibo ng iglesia—hindi sila didisiplinahin ng Diyos. Ano pa ang saysay ng pagdidisiplina sa kanila? Ang pagdidisiplina sa mga taong walang normal na pagkatao at konsensiya ay katumbas ng pagpilit sa isang isda na mamuhay sa lupa, o sa isang baboy na lumipad, at ito ay pareho ng paghahagis ng mga perlas sa harap ng mga baboy at pagpapakain ng mga banal na bagay sa maruruming nilalang—tiyak na hindi ito ginagawa ng Diyos. Samakatwid, sa usaping ito, hindi dapat isipin ng mga tao, “Hinirang ako ng Diyos, isa ako sa mga tupa ng Diyos, at kahit na makagawa ako ng mga pagkakamali at makagawa ng kasamaan, hindi ako aabandonahin ng Diyos.” Walang batayan ang pahayag na ito—mahirap sabihin kung ikaw ba ay isang tupa o isang lobo. Paano mo sinusukat kung isa ka sa mga tupa ng Diyos? Depende ito sa kung may kamalayan ka ba rito at kung nakadarama ba ang konsensiya mo ng pagsaway o pagkondena kapag may ginawa kang isang bagay na salungat sa pagkatao at konsensiya. Kung nararamdaman nga nito na kinokondena ito, itatama mo ang sarili mo, at kahit hindi mo nauunawaan ang katotohanan, magagawa mong kumilos ayon sa pamantayan ng konsensiya. Kahit papaano man lang, magagawa mong kumilos ayon sa normal na pagkatao. Kung may mga ganito kang pagpapamalas, isa ka sa mga tupa ng Diyos. Kung, kapag nahaharap ka sa isang bagay na salungat sa konsensiya ng normal na pagkatao at labag sa moral na katarungan, wala kang kahit katiting na pagpapahalaga sa katarungan, at wala kang nadaramang pagkapoot o pagkamuhi sa kasamaang ginawa mo, o sa kaguluhang dinulot ng masasamang tao, at hindi talaga nakakaramdam ng anumang pagkondena ang konsensiya mo, kung gayon, hindi ka isa sa mga tupa ng Diyos, isa kang lobo, isa kang hayop, at isa kang diyablo. Ito ang pamantayan para sukatin kung isa ka sa mga tupa ng Diyos o kung isa kang lobo. Kung hindi ka isa sa mga tupa ng Diyos, pero palagi mo pa ring sinusukat ang gawain ng Diyos gamit ang mga ideya, kuru-kuro at imahinasyon tulad ng, “Nagbunyag ako ng katiwalian at paghihimagsik, pero hindi ako dinisiplina ng Diyos; dapat akong disiplinahin ng Diyos,” kung gayon, hangal ka. Hindi ka talaga isa sa mga tupa ng Diyos, at walang layunin ang Diyos na iligtas ka, kaya, kalipikado ka bang sukatin at husgahan ang gawain ng Diyos? Kung hindi ito kahangalan, ano ito? Kaya mong sukatin ang usaping ito, tama ba? (Kaya ko na ngayon.)

Ano ang pamantayan para sa pagkakaroon ng konsensiya? Paano mo susukatin kung may konsensiya ba o wala ang isang tao? (Depende ito sa kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa katarungan sa puso niya kapag nakikita niya ang masasamang taong gumagawa ng kasamaan o kapag nakikita niya ang mga bagay-bagay na nakakapinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at kung nagagawa ba niyang kamuhian ang mga bagay na ito. Kung wala talaga siyang kamalayan sa puso niya, wala siyang konsensiya. Dagdag pa, kung walang kamalayan ang isang tao sa puso niya tungkol sa kasamaang nagawa niya, o tungkol sa mga bagay-bagay na nagawa niya na malinaw na labag sa mga prinsipyo, wala ring konsensiya ang gayong mga tao.) Kung wala kang konsensiya, hindi ka tao. Sa ganoong kaso, ililigtas ka pa rin ba ng Diyos? Kung hindi ka ililigtas ng Diyos, didisiplinahin ka pa rin ba Niya? Ang pagdidisiplina at pagtutuwid ay maliit na bahagi ng gawain ng Diyos. Kapag sinabi Kong “maliit,” ang ibig Kong sabihin ay paminsan-minsan lang ginagamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito, pero bahagi pa rin ang mga ito ng gawain ng Diyos. Kung wala ka man lang konsensiya o katwiran, may silbi pa ba ang pagdidisiplina ng Diyos sa iyo? Kung wala kang pagpapahalaga sa katarungan, at wala kang anumang nararamdaman sa lahat ng buktot, sa lahat ng salungat sa katotohanan, sa lahat ng salungat sa moral na katarungan, at maging sa salungat sa konsensiya mo, at hindi mo kinakamuhian ang gayong mga bagay, at kung hindi mo magawang pumanig sa Diyos para ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi mo magawang tumindig at magsabi ng isang bagay para ipagtanggol ang gawain ng iglesia—maging ng isang patas na pahayag—hindi ka tao. Hindi ka tao, pero labis-labis ka pa ring umaasa na didisiplinahin ka ng Diyos. Talagang itinataas mo ang sarili mo at hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang tagalabas! May ilang nagsasabi, “Kung ang isang tao ay hindi isa sa mga tupa ng Diyos kundi isang lobo, hindi siya didisiplinahin ng Diyos. Kaya, kung isa siya sa mga tupa ng Diyos, didisiplinahin ba siya ng Diyos?” Sa ilalim ng mga partikular na sitwasyon, paminsan-minsan kang didisiplinahin ng Diyos at pananagutan ka Niya. Kahit na manhid ka at wala kang kamalayan, papaalalahanan, didisiplinahin, at sasawayin ka ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa sa angkop na antas at hanggang doon lang iyon. Bakit Siya gumagawa sa ganitong paraan? Dahil kung may konsensiya ka, kapag sinasaway ka ng Diyos sa ganitong paraan, mabilis na magkakaroon ng kamalayan ang konsensiya mo, at sisisihin mo ang sarili mo at makakaramdam ka ng pagkakautang sa Kanya; makakaramdam ka ng pagsisisi, kalungkutan, at dalamhati, at magagawa mong ituwid ang sarili mo at sa huli ay hahanapin mo ang mga katotohanang prinsipyo at magsasagawa ka ayon sa katotohanan—ito ang resultang gusto ng Diyos. Kung may sensitibo kang konsensiya at nauunawaan mo ang maraming katotohanan, at kahit na hindi ka dinidisiplina, itinutuwid, o pinapaalalahanan ng Diyos, nagagawa mo pa ring mapagtanto ang problema, at may kamalayan pa rin ang konsensiya mo, at nakadarama ito ng pagsaway at pagbabawal, kung gayon, mas mainam iyon, at hindi na kailangan ang pagdidisiplina ng Diyos. Kahit na hindi ka dinidisiplina ng Diyos, labis-labis na sensitibo ang konsensiya mo at nakadarama ito ng pagbabawal, at nadarama mo na pinagsasabihan ka, nakadarama ka ng kalungkutan, at pagkakautang sa Diyos, at na naagrabyado mo Siya, binigo mo Siya, at iniwan mo Siyang hindi nasisiyahan, at nagagawa mong aktibong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at kumilos ayon sa Kanyang mga hinihingi. Ito ang epekto sa mga tao ng konsensiya ng normal na pagkatao, at ito rin ang dapat nitong epekto sa mga tao. Samakatwid, ang isang tao man ay isa sa mga tupa ng Diyos o hindi, at maaari man siyang maligtas o hindi, ay depende sa kung mayroon siyang normal na pagkatao at konsensiya. Ito ay napakahalaga at importante. Kung sasabihin mong nauunawaan mo ang maraming katotohanan, kapag ikaw mismo ay mapanghimagsik, o kapag nakakatagpo ka ng masasamang taong gumagawa ng kasamaan, umeepekto ba ang mga katotohanang nauunawaan mo? Nakakamit ba ng mga ito ang epekto ng pangangasiwa sa iyo, pagbibigay-liwanag sa iyo, at pagpaparamdam sa konsensiya mo na ito ay sinasaway at gumagana? Kung wala kang kamalayan sa konsensiya, wala kang konsensiya at normal na pagkatao, at ang nauunawaan mo ay doktrina sa halip na katotohanan. Kung doktrina lang ang nauunawaan mo, hindi mo maisasagawa ang katotohanan, at hindi ka isa sa mga taong maliligtas. Nauunawaan mo ito, tama ba? (Oo.) Samakatwid, sa gawain ng Diyos, pagdating sa ilang pinakapundamental na paraan ng paggawa ng Diyos, hindi dapat limitahan ng mga tao ang mga ito batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ikaw man ay nadisiplina, natuwid at naparusahan ng Diyos, o hindi pa kailanman nadisiplina, natuwid, o naparusahan, hindi nito ipinapahiwatig kung gaano karaming katotohanang prinsipyo ang nauunawaan mo, ni hindi nito ipinapahiwatig na isa kang taong hinirang ng Diyos. Maaaring maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos at nadisiplina at natuwid ka na nang napakaraming beses, pero hindi ka kailanman kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—kung ganoon, kapag hindi ka naligtas sa huli, ang lahat ng ito ay magiging kasalanan mo at ang mismong nararapat sa iyo. Maaari ding bihira kang nadisiplina at naparusahan sa pananampalataya mo sa Diyos, pero dahil sa konsensiya mo, madalas mong nadarama na pinagsasabihan at sinasaway ka, at kapag gumagawa ka ng mga pagsalangsang, nakakaramdam ka ng pagsisisi at itinutuwid mo ang sarili mo, at nagagawa mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, isagawa ang katotohanan, at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—sa kasong ito, isa ka sa mga taong maliligtas. Naunawaan mo ba? (Oo.) Nagbanggit Ako ng dalawang sitwasyon. Ano ang mga ito sa partikular? (Ang isang sitwasyon ay kapag nadisiplina at naparusahan nang maraming beses ang mga tao, pero sa huli, hindi pa rin nila magawang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at hindi pa rin nila nakamit ang katotohanan, kaya naman, hindi sila naliligtas, at kagagawan nila ang lahat ng ito. Ang isa pang sitwasyon ay kapag nagagawa ng ilang tao na gamitin ang konsensiya nila para pigilan ang sarili nila nang hindi na nila kailangang madisiplina o matuwid nang maraming beses ng Diyos, at sa tuwing nilalabag nila ang mga prinsipyo o nagbubunyag sila ng paghihimagsik ay nadarama nila na pinagsasabihan sila ng konsensiya nila, at kaya nilang aktibong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at, kahit papaano man lang, kaya nilang gumawa ng ilang positibong bagay, kaya naman, kasama sila sa mga maliligtas. Kakatalakay lang ng Diyos ang tungkol sa dalawang sitwasyong ito.) Kaya man nila o hindi na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay ang pamantayan para sa pagsusuri sa dalawang uri ng taong ito. Hindi kayang kumilos ng ilang tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at gaano man karaming doktrina ang nauunawaan nila o gaano man sila dinidisiplina at pinaparusahan, hindi sila mga pakay ng pagliligtas. Samantala, ang ibang mga tao naman ay bihirang madisiplina at maparusahan ng Diyos o matuwid at masaway Niya, pero madalas nilang nagagawang pagnilayan ang sarili nila, at sa tuwing kumikilos sila nang labag sa mga prinsipyo o nagbubunyag sila ng paghihimagsik, nararamdaman nila na pinagsasabihan at sinasaway sila ng konsensiya nila, at pagkatapos ay nakadarama sila ng pagsisisi at aktibo silang nagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bagama’t bihira silang madisiplina o matuwid ng Diyos, ang ganitong uri ng mga tao ay mga pakay pa rin ng pagliligtas. Ang pagdidisiplina at pagpaparusang tinutukoy Ko rito ay walang kinalaman sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; ang mga ito ay ang simpleng itinuturing ng mga tao sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon bilang pagdidisiplina at pagpaparusa. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila na kung madalas silang dinidisiplina at pinaparusahan, ibig sabihin nito ay na mayroon silang patotoong batay sa karanasan, at na mga espirituwal na tao sila. Madalas ding iniuugnay ng mga tao ang pagdidisiplina at pagpaparusa sa gawain ng Banal na Espiritu, at naniniwala silang nauugnay sila sa daloy ng Banal na Espiritu. May ilang taong madalas na nagsasabi, “Hindi ko ginawa nang maayos ang tungkulin ko, at pinungusan na naman ako. Ngayon ay may mga singaw ako sa bibig at nagkasakit ako—pagdidisiplina ito ng Diyos sa akin.” Maraming tao ang madalas na nagbabahaginan tungkol sa mga karanasang ito, pero dapat mong tingnan kung ano ang mga pagpapamalas nila sa tuwing may nakakaharap silang mga isyu—tingnan mo kung nadarama nilang pinagsasabihan sila ng konsensiya nila tuwing may ginagawa silang mali, at kung nagagawa ba nilang tumindig at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag nakakatagpo sila ng masasamang taong gumagawa ng kasamaan o kapag nahaharap sila sa mga buktot na bagay. Kung hindi, walang konsensiya ang mga taong ito at hindi sila tao! Nagsasabi sila ng mga salitang magandang pakinggan, at tinatalakay nila nang napakahusay ang tungkol sa maraming patotoong batay sa karanasang taglay nila—para bang pinakitaan sila ng Diyos ng labis na biyaya, at gumawa ng labis na gawain sa kanila ang Diyos at nagsabi ng napakaraming salita sa kanila, at tila ipinapahiwatig nito na nagkamit na sila ng kaligtasan. Gayumpaman, sa pang-araw-araw na buhay nila, sa tuwing nakakaranas sila ng mga problemang nauugnay sa mga prinsipyo, hindi nila kailanman itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at palagi silang umaatras tulad ng isang pagong na nagtatago sa talukab nito at umiiwas sa isyu. At sa tuwing hinihiling sa kanila na magsalita at magpahayag ng mga pananaw at ng tindig nila, isinusuko nila ang karapatan nilang magpahayag, nagmamaang-maangan, at nananahimik sila. Hindi talaga nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, ni isinasagawa ang katotohanan. Anong mga tao ang mga ito? Mga mapagpaimbabaw sila. Kapag dinidiligan at tinutulungan nila ang iba, tinatalakay nila ang tungkol sa mga espirituwal na teorya sa isang napakasistematiko at lohikal na paraan, at inaabot sila ng ilang oras, napapaluha ang ilang tao, pero hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan sa sarili nilang mga kilos—mga Pariseo ang mga ito. Gaano man karaming huwad na espirituwal na karanasan at huwad na espirituwal na doktrina ang tinatalakay nila, o gaano man karaming hungkag na salita at eksaheradong salita ang sinasabi nila, hindi sila sinasaway ng konsensiya nila; at pagdating naman sa anumang mga pangunahing isyu ng tama at mali o mga usapin ng prinsipyo, hindi sila pumapanig sa katotohanan o hindi nila itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi talaga sila sinasaway ng konsensiya nila, pero pagkatapos, nagagawa pa rin nilang magmayabang nang walang kahihiyan tungkol sa kung paano nila ipinapagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nagagawa pa rin nilang maglitanya ng maraming doktrinang magandang pakinggan—ito ay pagiging mapagpaimbabaw at kawalan ng kamalayan sa konsensiya. Napakaraming beses silang nabibigo na isagawa ang katotohanan, napakaraming beses nilang nilalabag ang katotohanan, napakaraming beses nilang nililinlang at nililihis ang mga tao, pero hindi talaga sila sinasaway ng konsensiya nila, at nagagawa pa rin nilang tahasang magpakitang-gilas—ito ay pagiging walang pagkatao! Kumikilos sila nang presko at nanlilinlang sila sa ganitong paraan kung saan-saan, at hindi man lang sila nahihiya; hindi nila isinasagawa ang katotohanan, pero ipinagmamayabang pa rin nila na mga espirituwal silang tao, na sila ay mga taong naligtas at ginawang perpekto ng Diyos, at na nagmamahal sa Diyos nang higit sa sinupaman—ito ay kawalan ng kamalayan sa konsensiya, at ang mga ito ay hindi mga taong naligtas. Maaari bang walang normal na pagkatao at kamalayan sa konsensiya iyong mga naligtas? Nadarama ng ilang tao na hindi nila masyadong gusto ang katotohanan, at sa tuwing nakakaranas sila ng mga problemang may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, o ng mga pangunahing isyu ng tama at mali, nagiging mapagpalugod sila ng mga tao, sinusubukan nilang iraos lang ang mga bagay-bagay, at hindi nila kailanman nagagawang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo, kaya naman nadarama nilang sinasaway sila sa puso nila at madalas silang nagdarasal sa harap ng Diyos at nakakaramdam ng pagkakautang sa Kanya. Bagama’t madalas silang mahina at hindi nila magawang lampasan ang hadlang na ito, alam nila sa puso nila na hindi nila naitaguyod ang katotohanan o katarungan, at na hindi sila nanindigan sa patotoo nila sa Diyos, at na mga mapagpalugod lang sila ng mga tao, kaya masyado silang nahihiyang sabihin na mayroon silang anumang patotoo. Ito ay dahil hindi nila naitaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at wala silang tunay na patotoong batay sa karanasan, at sila ay naghihirap at bulag at hindi nila natugunan ang mga hinihingi ng Diyos; alam nila ito sa puso nila, at madalas na nakadarama na pinagsasabihan ng konsensiya nila dahil dito, at nadarama nilang may pagkakautang sila sa Diyos at nalulungkot sila. May pag-asa at pagkakataon pa rin para magkamit ng kaligtasan ang mga taong ito. Sa kabaligtaran, may mga taong mukhang nakakaunawa nang husto sa katotohanan sa panlabas, at mukhang kaya nilang diligan, tustusan, at tulungan ang mga tao, pero kapag nakakaranas sila ng mga problemang may kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo, o ng mga pangunahing isyu ng tama at mali, hindi sila kailanman pumapanig sa Diyos at hindi nila kailanman itinataguyod ang mga katotohanang prinsipyo, pero nagmamayabang sila tungkol sa pagiging mga espirituwal na tao, mga taong nagmamahal sa Diyos, at mga taong tapat sa Diyos. Labis na nasa panganib ang ganitong mga tao. Hindi sila naglalakas-loob na harapin ang realidad, hindi sila naglalakas-loob na lutasin ang mga tunay na problema, hindi sila naglalakas-loob na ideklara ang posisyon nila sa malalaking isyu, at hindi sila naglalakas-loob na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo sa isang hayagan at tuwirang pamamaraan, pero pagkatapos nito, walang kahihiyan pa rin nilang ipinagmamayabang na mga espirituwal silang tao, at sinasabi na sila ang pinakanagmamahal sa Diyos at pinakanakakaarok sa mga layunin ng Diyos. Wala talagang kamalayan sa konsensiya ang ganitong uri ng mga tao. Magagawa ba ng isang taong walang kamalayan sa konsensiya na itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo? Naglalakas-loob ba siyang ideklara nang hayagan ang posisyon niya at pumanig sa Diyos para harapin ang masasamang tao? Imposible iyon; napakahirap para sa gayong mga tao na isagawa ang katotohanan.