Paano Hangarin ang Katotohanan (1) Ikatlong Bahagi

B. Ang mga Kuru-kuro at Imahinasyon ng mga Tao Tungkol sa mga Resultang Nilalayong Makamit ng Diyos sa Gawain Niya

Bagama’t ang gawain ng Diyos ay makapangyarihan sa lahat at kamangha-mangha, at bagama’t ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at buhay, hindi posibleng gawing ganap o baguhin ang mga tao sa loob ng magdamag. Ang ilang tao, batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, ay madalas na sinasabi, “Napakaraming taon ko nang nananampalataya sa Diyos, kaya bakit hindi pa rin ako nagbabago? Bakit hindi ko pa rin nakakamit ang pagpapabanal? Bakit mahal ko pa rin ang mundo sa puso ko? Bakit napakapalalo ko pa rin? Bakit may buktot na pagnanasa pa rin ako? Mahilig akong manood dati ng ilang video o nakakalibang na palabas ng mundong walang pananampalataya. Bakit gusto ko pa ring panoorin ang mga ito paminsan-minsan, sa kabila ng katunayan na nananampalataya naman ako sa Diyos hanggang ngayon, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos sa loob ng napakaraming taon, ginagawa ang tungkulin ko, tinatalikuran ang mga bagay-bagay, at ginugugol ang sarili ko sa loob ng maraming taon, at pakiramdam ko ay nabitiwan ko na ang mga bagay na ito sa puso ko?” Ang mga ito ay ilang kuru-kurong mayroon ang mga tao, hindi ba? Sa partikular, sa pananampalataya nila sa Diyos, palaging naghahangad ang ilang tao ng mga bagay tulad ng pagsupil sa katawan nila, hindi pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, pagtitiis ng higit na pagdurusa at pagpapakapagod, at pagkakaroon ng kakayahang malampasan ang maraming paghihirap ng katawan. Pero sa kabila ng katunayan na patuloy silang naghahangad sa ganitong paraan, nararamdaman pa rin nila na madalas silang nakokontrol ng mga labis-labis na pagnanais, ng kanilang pag-iimbot sa kaginhawahan, at katamaran ng laman, at kaya madalas silang negatibo at nawawalan ng pananalig sa Diyos, iniisip nila, “Umabot na sa puntong ito ang gawain ng Diyos, kaya bakit masyado akong nakakadismaya at madalas pa rin akong negatibo?” Minsan, kapag nakapagkamit na sila ng ilang resulta sa isang gampanin at nagkamit na ng pagsang-ayon ng lahat, napapanatag sila at iniisip nila, “May pag-asa pa akong maligtas. Napakabuti ng gawain ng Diyos at ng Kanyang mga salita. Talagang makakapagbago ng mga tao ang Kanyang gawain.” Pero pagkalipas ng ilang panahon, pakiramdam nila ay nangungulila pa rin sila sa mga mahal nila sa buhay. Sa partikular, minsan ay inaalala pa nga nila ang mga tao na minsan nilang hinangaan, at inaalala nila nang may sentimyento ang makamundong buhay na ipinamuhay nila noon, at talagang hinahanap-hanap nila ang maluluwalhating araw nila noong nasa mundo pa sila sa labas, kaya naman napapaisip sila, “Bakit hinahanap-hanap ko pa rin ang mga bagay na iyon? Bakit hindi ko pa binibitiwan ang mga kasiyahan ng laman at inihihiwalay ang sarili ko sa mundo bilang isang banal? Bakit hindi pa ako nagbabago?” At sumasama na naman ang loob nila. Madalas nilang binabalikan ang mga kaisipan at pananaw na ito. Ang kalagayan nila ay mabuti minsan at masama minsan, saglit silang mahina at saglit namang malakas, saglit silang negatibo at saglit silang positibo. Madalas nilang tinutukoy ang sarili nila batay sa mga pagpapamalas nila sa pang-araw-araw na buhay. Kung nasa mabuting kalagayan sila, iniisip nilang pakay sila ng pagliligtas; kung nasa masamang kalagayan sila, pakiramdam nila ay wala silang pag-asang maligtas at na hindi na sila matutubos. Sila ay nasa isang dulo ng kasukdulan o kaya ay nasa kabilang dulo. Kapag nasa mabuting kalagayan sila, pakiramdam nila ay isa silang banal at napakalapit nila sa Diyos, na walang anumang mga hadlang sa pagitan nila at ng Diyos, at nararamdaman nila na ang Diyos ay nasa tabi nila mismo. Kapag nasa masamang kalagayan sila, pakiramdam nila ay nalaglag sila sa ikalabing-walong antas ng impiyerno at hindi nila makita o mahawakan ang Diyos, at pakiramdam nila ay napakalayo sa kanila ng Diyos. Bakit ganito? Bakit may mga ganito silang kalagayan? Normal ba o hindi normal ang ganitong mga kalagayan? (Hindi normal.) Kapag nasa mabuting kalagayan sila, ginagawa nila ang anumang isinasaayos ng iglesia na gawin nila, at kaya nilang lampasan ang anumang mga suliranin, tiisin ang anumang paghihirap, at bayaran ang anumang halaga. Pakiramdam nila ay sila ang pinaka-may-kakayahang magpasakop sa Diyos, na sila ay isang tao sa sambahayan ng Diyos na naghahangad sa katotohanan, at na walang suliranin ang magpapabagsak sa kanila. Nagtatrabaho sila nang husto na gawin ang tungkulin nila at handa silang magsikap. Hindi sila nakakaramdam ng pagod, gaano man sila magsalita kapag nakikipagbahaginan sila sa iba, at ayos lang sa kanila na magpaliban ng pagkain, o kulangin ng dalawa o tatlong oras ang tulog nila. Handa silang gugulin ang sarili nila para sa Diyos at ialay ang buong buhay nila sa Diyos. Dahil dito, pakiramdam nila ay nagbago na sila. Hindi na nila iniisip ang pamilya nila, hindi na sila nangungulila sa mga taong minsan na nilang minahal, at hindi na nila inaalala nang may sentimyento ang kaluwalhatian at dangal na mayroon sila noon sa mundo. Iwinawaksi nila ang lahat ng iyon at buong pusong ginugugol ang sarili nila para sa Diyos, sumusunod sa mga prinsipyo, pinupungusan ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala, itinataguyod ang pagiging patas sa sambahayan ng Diyos, naninindigan sa panig ng katarungan, ipinagtatanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at itinatatag ang sarili nilang imahe bilang isang estrikto at walang-kinikilingang “hukom.” Mahusay silang gumagampan sa loob ng ilang panahon. Pero malamang na dumating ang panahon na magbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon nila o gagawa sila ng mali, at pagkatapos ay magiging negatibo at mahina sila, iniisip nila, “Ibinunyag ako ng Diyos, hindi na Niya ako mahal.” Mula noon, hindi na sila muling makakabangon. Pakiramdam nila ay wala silang silbi at na wala silang anumang kayang gawin, na may mga makasariling kaisipan at buktot na pagnanasa pa rin sila, na madalas silang nangungulila sa mga taong minsan na nilang minahal at nagustuhan, na madalas silang negatibo at mahina, na lumalaban pa rin sila sa Diyos, na hindi nila kayang isagawa ang katotohanan, na hindi pa rin sila nagbago kahit napakaraming taon na nilang nananampalataya sa Diyos, at iisipin nila, “Hindi ba’t ibig sabihin nito ay katapusan ko na?” Iisipin nila na wala silang pagkakataong maligtas, at na wala na talaga silang pag-asa. Kapag masaya sila, sobrang nagagalak sila, at kapag nasasaktan sila, sobra silang miserable. Palagi silang napupunta sa dalawang sukdulang ito, palipat-lipat sila sa dalawang ito. Bakit ganito? Ang mga kalagayan at pagpapamalas man na ito ay mga positibo o pagkasira ng loob, sa kabuuan, magkakapareho ang uri ng lahat ng problemang ito, tulad ng pagiging puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at palaging pagtukoy sa sarili at paglalarawan sa sarili batay sa mga lagay ng loob ng isang tao, at batay sa mga pagbubunyag at pagpapamalas ng isang tao sa loob ng isang partikular na panahon, habang kasabay nito ang pagtukoy sa gawain ng Diyos, sa mga resultang nakakamit ng Kanyang gawain sa mga tao, at sa mithiin at layong nakakamit ng Kanyang gawain sa mga tao. Ito ba ang ugat ng problema? (Oo.) Kapag positibo ang mga tao, nagdarasal sila sa harap ng Diyos, ipinapahayag ang kapasyahan nila habang tumatangis, handang ialay ang buong buhay nila sa Diyos nang walang hinihinging anumang kapalit, handang sundan ang Diyos at gugulin ang sarili nila para sa Kanya. Kapag nagdarasal sila at gumagawa ng mga kapasyahan tulad nito, pakiramdam nila ay hindi na mga paghihirap ang lahat ng paghihirap. Napapaluha sila, at naniniwala pa nga silang ang Banal na Espiritu ang umantig sa kanila. Iniisip nila, “Inantig ako ng Banal na Espiritu. Tiyak na labis akong mahal ng Diyos! Hindi ako inabandona ng Diyos!” Nagdarasal sila habang lumuluha at sinasabi nilang inantig sila ng Banal na Espiritu—hindi ba’t isa itong delusyon? (Oo.) Ang totoo, naantig ka sa ganda ng pakiramdam mo sa sarili mo; naantig ka sa sarili mong kapasyahan, mga adhikain, mga kahilingan, at sa sarili mong mga kilos, imbes na sa Banal na Espiritu. Bakit Ko sinasabing naantig ka sa sarili mo? Napakarami mong kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at napakabaluktot ng mga ito—tingin mo ba ay aantigin ka ng Diyos? Kung nasa ganitong sukdulang kalagayan ka, aantigin ka ba ng Diyos para lalo kang maging mas sukdulan? Kung aantigin ka ng Diyos, lalo ka lang magiging mas sukdulan, at mas lalo kang hahanga at maaantig sa sarili mo, at mas lalo mong gugustuhing gawin ang kapasyahang ito: “Babawasan ko ang pagtulog ko at magdurusa ako ng higit pang paghihirap, kakainin ko ang pagkain, masarap man ito o hindi, ayos lang na kumain ako ng kahit ano, at wala akong pakialam kung nakakabuti man ito sa katawan ko o hindi. Dapat kong malampasan ang mga kagustuhan ng dati kong laman, dapat kong partikular na gamutin ang mga depekto ng dati kong laman, at dapat kong mas pagdusahin ang laman ko at hindi ito hayaang maging komportable. Kung komportable ang pakiramdam nito, hindi ko mamahalin ang Diyos; kung komportable ang pakiramdam nito, magpapasasa ako sa mga kaginhawahan ng laman at hindi ako magsisikap na gawin ang tungkulin ko.” Kung ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, magpapatuloy ka lang sa ganitong sukdulan, at lalong magiging mali ang paniniwala mo na napagtagumpayan mo ang laman at nagapi mo na si Satanas, at na naligtas ka na. Kaya sinasabi Ko na hindi ka inantig ng Banal na Espiritu, kundi ng sarili mo. Madalas ba kayong inaantig ng sarili ninyo? (Oo.) Inaantig kayo ng sarili ninyong kapasyahan na gugulin ang sarili ninyo at magdusa ng paghihirap para sa Diyos, at handang-handa kayo sa puso ninyo na magdusa ng paghihirap para sa Diyos, na magdusa ng gaano man karaming paghihirap, o mamatay pa nga, at pagkatapos ay bumubuhos ang luha sa inyong mukha. Ang talagang totoo, hindi naaantig ang Diyos na naaantig ka, ni hindi Siya naaantig sa kapasyahan mo. Ang pagbubulalas mong ito ay isang panandaliang bugso ng damdamin lang, isang panandaliang pag-alab ng damdamin. Sa sitwasyong ito, maaari ka pa ngang magdasal sa Kanya at sabihin mo, “O Diyos, handa akong mamatay para sa Iyo! O Diyos, napakaabala ko sa paggawa ng tungkulin ko ngayong araw na nagpaliban ako ng pagkain. Kahit pa 10 beses akong hindi kumain, handa akong gawin ito! Hindi nabubuhay ang mga tao sa tinapay lang, sa halip, nabubuhay sila sa mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos. O Diyos, handa akong mahalin Ka sa buong buhay ko, magpakailanman at walang katapusan, at hindi kailanman magbabago ang pagmamahal ko para sa Iyo!” Palagi kang inaantig ng mga engrandeng salita mong ito na tumangis, pero hindi nagbabago ang saloobin ng Diyos sa iyo. Bakit? Ito ay dahil inantig ka ng panandaliang bugso ng damdamin, at ang mga luha mo ay hindi mga luha ng pagsisisi, mga luha ng pagkakautang, o mga luha dahil tunay mo nang nakilala ang sarili mo, at lalong hindi mga luha ng kalungkutan ang mga ito para sa kawalan mo ng kakayahang isagawa ang katotohanan at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, ikaw lang ang maaantig sa emosyon mong ito, at maaaring makaantig din sa mga nasa paligid mo, pero hindi naaantig ang Diyos dito. Samakatwid, hindi ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, bagkus, ikaw ang umaantig sa sarili mo. Tumutulo ang luha mo dahil naantig ka sa sarili mo. Ang mga luha, emosyonal na salita, at maalab na damdamin mo ay mababaw na penomeno lang, isang uri lang ng pag-uugali ang mga ito. Ang mga ito ay hindi isang pagbabago sa diwa at buhay mo, ni isang pagbubunyag ng katotohanan bilang buhay mo. Kapag mayroon kang maalab na damdamin at bugso ng damdamin na gugulin ang sarili mo at magdusa para sa Diyos at labis kang maagap, pakiramdam mo ay ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo, na nagbago ka na, at na pakay ka ng pagliligtas—isa itong uri ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ka tungkol sa gawain ng Diyos. Kapag naging negatibo ka dahil sa isang pansamantalang pagkabigo at pagbagsak, o dahil nabunyag ang katiwalian at mga kakulangan mo, o dahil pinungusan at ibinunyag ka, nalulungkot at nasasaktan ka, at iniisip mong hindi ka nagbago at wala kang pag-asang maligtas—isa pa itong uri ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ka tungkol sa gawain ng Diyos. Sa katunayan, anuman ang nakikita ng Diyos—nasa negatibo o positibong kalagayan ka man, o hanggang saan man nasira at bumagsak ang kalagayan mo—paano ka tinitingnan ng Diyos sa buong panahong ito? Iyon talaga ang tayog mo. Tutukuyin ng Diyos kung gaano ka na nagbago at kung gaano karaming katotohanang realidad ang napasok mo batay sa aktuwal na sitwasyon mo, mga aktuwal na pagpapamalas mo, at aktuwal na tayog mo. Ang kasalukuyan mong kawalan ng kakayahan na makabangong muli at ang kasalukuyan mong pagkalugmok sa ganap na pagkasira ng loob ay hindi ang pamantayan ng pagtingin ng Diyos sa iyo o pagtukoy sa aktuwal na tayog mo. Kaya, nasa positibo o negatibong kalagayan ka man, o puno ka man ng nag-aalab na damdamin o nakakaramdam ka man ng pagkasira ng loob, hindi ito makakaapekto sa pagsusuri at paglalarawan ng Diyos sa iyo. Ikaw lang ang nagkakamali sa paglalarawan sa sarili mo batay sa mga pansamantalang pagbubunyag at pagpapamalas mo—bilang isang taong katulad na ni Pedro, o bilang isang taong hindi na matutubos—dahil mayroon kang napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Pero paano ka man tumutukoy, anumang mabubuti o masasamang damdamin ang nararanasan mo, lahat ng ito ay idinulot ng mga kuru-kuro at imahinasyong nabuo mo tungkol sa gawain ng Diyos, at hindi tumutugma ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito sa tumpak at praktikal na depinisyon ng isang tao at sa tumpak at praktikal na pagtukoy Niya rito. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Samakatwid, ito man ay ang sarili nilang mga pagpapamalas, ang sarili nilang diwa, o ang panghuling paglalarawan nila sa sarili nila, hindi matutukoy ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa halip, dapat nilang sukatin ang mga bagay na ito batay sa mga normal na tuntunin ng gawain ng Diyos at sa mga aktuwal na resultang gustong makamit ng Diyos sa Kanyang gawain, o batay sa mga paraan ng paggawa ng Diyos at sa Kanyang mga tumpak na depinisyon ng mga tao. Ano ang mga pangunahing kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos dito? Naniniwala ang mga tao na ang aktuwal nilang tayog ay natutukoy batay sa mga pansamantala nilang pagpapamalas, o sa mga pagpapamalas nila sa isang partikular na panahon: Kung nasa mabuting kalagayan sila sa panahong ito, gagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, at sila ay magbabago, magtataglay ng buhay, lalago sa tayog, at magagawa nilang magkamit ng kaligtasan; kung nasa masamang kalagayan sila at wala silang anumang tunay na pananalig sa Diyos sa panahong ito, nangangahulugan ito na wala silang anumang tayog. Hindi ba’t ang mga ito ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Oo.) Ang isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay na hindi ito ginagampanan sa mga tao nang matagalan at tuluy-tuloy, kundi sa halip, na panandalian sila nitong binibigyan ng kaunting kaliwanagan, na nagdudulot sa kanila na magpamalas ng bugso ng lakas at ng panandaliang bugso ng damdamin. Ang isa pang uri ay na naniniwala ang mga tao na higit sa likas ang gawain ng Diyos, na inaantig Niya ang mga tao na magkaroon ng positibong saloobin, at magkaroon ng determinasyong magdusa ng paghihirap at gugulin ang sarili nila para sa Kanya, at na nagkakamit sila ng tayog at nagiging mga taong may katotohanan ng Diyos bilang buhay nila. Naniniwala sila na kung manghihina sila dahil sa isang isyu, tutukuyin ng Diyos na nabigo at nabunyag na sila, at pagkatapos ay kokondenahin sila ng Diyos, at ititiwalag at aabandonahin Niya sila. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga ito? (Oo.)

Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao na katatapos lang nating pagbahaginan? (May ilang kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Naniniwala sila na ang aktuwal na tayog ng isang tao ay napagpapasyahan ng mga pagpapamalas nito sa isang partikular na panahon o ng mga pansamantala nitong pagpapamalas, at iniisip nila na saglit lang na nagaganap ang gawain ng Diyos sa mga tao, sa halip na matagalan at tuluy-tuloy. Naniniwala rin ang mga tao na ang gawain ng Diyos ay napakahigit sa likas at na madalas na inaantig ng Diyos ang mga tao. Kapag ang mga tao ay panandaliang inaantig ng Banal na Espiritu, pakiramdam nila ay malapit na silang magawang perpekto o na mas malapit na nilang makamit ang pamantayan ni Pedro, at kapag nabibigo at nanghihina ang mga tao, natutukoy nila na naitiwalag na sila.) Ano ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos sa aspektong ito? Naniniwala ang mga tao na ang mga pansamantalang pagpapamalas nila ay kumakatawan sa aktuwal nilang tayog, at na tinutukoy ng Diyos ang mga tao batay sa mga pansamantalang pagpapamalas nila. Iniisip ng mga tao na gusto ng Diyos na makitang nagdurusa sa paghihirap at nagbabayad ng halaga ang mga tao, na gusto Niyang makita ang mga tao na madalas magdasal at gumawa ng mga kapasyahan at maantig hanggang sa puntong umiyak sila nang labis, at na gusto Niyang magawang talikuran ng mga tao ang mga bagay at gugulin ang sarili nila at gumawa nang masigasig, at na magawa nilang lampasan ang iba’t ibang suliranin ng laman. Iniisip nila na kumikilos man sila o hindi nang ayon sa mga prinsipyo o nang alinsunod sa katotohanan, basta’t nagagawa nilang madalas na magbayad ng halaga, at, sa paggampan ng tungkulin nila, madalas silang hindi nakakakain at nakakatulog, gumigising nang maaga at nagpupuyat sa gabi, at nagtatrabaho sa gabi at araw, magugustuhan ito ng Diyos. Ipinapahiwatig nito na anumang gawain ang ginagawa ng Diyos o ilang salita man ang sinasabi Niya, umaasa lang Siya na ang lahat ng tao ay magagawang magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga para sa Kanya, hindi kumain ng masasarap na pagkain o magsuot ng magagandang damit, at hindi magkaroon ng anumang bakanteng oras, at na dapat nilang gugulin ang bawat araw alinman sa paggawa ng mga tungkulin nila o sa pagdarasal, at madalas silang gumawa ng mga kapasyahan, ipahayag nila ang determinasyon nila, ituon ang isipan nila, at manumpa. Iniisip ng ilang tao na gustong pigilan ng Diyos ang puso at mga kamay at paa ng mga tao, na hindi Niya binibigyan ang mga tao ng kalayaan at paglaya, at sa halip, na ipinaparamdam Niya sa kanila na nasusupil sila para hindi sila makalaya, at pinagkakaitan Niya sila ng kalayaan ng isang buhay ng normal na pagkatao. Iniisip ito ng mga tao, hindi ba? (Oo.) Ano pa ang ibang iniisip ng mga tao? Na hindi pinapayagan ng Diyos ang mga tao na mabigo, magbunyag ng kahinaan o katiwalian, o magpakita ng mga pagkukulang nila. Naniniwala rin ang mga tao na kung gusto nilang magkamit ng kaligtasan at magawang perpekto, kung gayon, sa proseso ng paggawa ng tungkulin nila ay hindi talaga sila puwedeng maging mahina, o magkaroon ng anumang mga pangangailangan, kakulangan, o kapintasan ng normal na pagkatao, at hindi dapat magbunyag ng anumang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga ito? (Oo.) Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, iniisip nila na sa ilalim ng gawain at gabay ng Diyos, dapat silang manatiling bata sa puso nila, manatiling masigasig, at mapuno ng maalab na damdamin para sa gawain nila at magkaroon ng seryosong saloobin dito, gayundin na maging palaging napakahigpit sa sarili at hindi kailanman nagluluwag. Hindi ba’t ito ang iniisip ng mga tao? Ito ba ay isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao, o ito ba ay tunay na hinihingi ng Diyos sa mga tao? (Ito ay isang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao.) Iniisip ng mga tao na kung sila ay medyo negatibo at mahina, o may kaunting paghihirap ng laman, o may ilang kakulangan o kapintasan sa pagkatao nila, o nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at paminsan-minsang nag-iimbot ng kaginhawahan ng laman, kung gayon, hindi sila gugustuhin ng Diyos, hindi Niya sila kakausapin o hindi Siya gagawa sa kanila, at sila ay ititiwalag at mawawalan ng pag-asang maligtas. Ganito nga ba ang nangyayari? (Hindi.) Hindi ba’t ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao? (Oo.) Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, naniniwala sila, sa isang banda, na gusto ng Diyos ang mga taong palaging puno ng sigasig at nag-aalab na damdamin para sa gawain nila, at sa kabilang banda, na ayaw ng Diyos sa pagkanegatibo ng mga tao at hindi sila tinutulutang ipakita ang mga kahinaan nila. Sa madaling salita, iniisip ng mga tao na gusto ng Diyos ang mga asetiko, hindi ba? Iniisip nila na kailangang ipamuhay ang buong buhay nila sa karalitaan, na huwag talagang magbigay-pansin sa mga panlabas na usapin, at na basahin ang mga salita ng Diyos araw-araw sa ilalim ng malamlam na liwanag ng malamig na de-langis na lampara; naniniwala sila na parehong kinakailangan ang mga dasal sa umaga at gabi, na dapat nilang pasalamatan ang Diyos kada bago kumain, at na hindi sila puwedeng magkaroon ng anuman sa iba’t ibang pangangailangan ng normal na pagkatao. Naniniwala sila na saka lang sila maituturing na ganap na tapat sa Diyos at ganap na may pananalig sa gawain nila, at na tanging sa pagpapanatili ng ganitong uri ng sigasig sila magugustuhan ng Diyos at magiging isang taong gusto ng Diyos na iligtas at gawing perpekto. Dahil may ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao, ang ilan ay labis na nakakaramdam ng pagsaway sa loob nila kapag paminsan-minsan silang nangungulila sa pamilya nila, at hindi rin sila mapalagay sa tuwing paminsan-minsan silang nakikipag-usap saglit, iniisip na sasawayin sila ng Diyos. Kapag ang ilang dalaga ay paminsan-minsang nagbibihis nang maganda at nagsusuot ng medyo makulay at medyo nauuso, naaasiwa sila nang husto, at iniisip nila, “Hindi kaya medyo hindi disente na magdamit ako nang ganito? Hindi kaya medyo mapagpalayaw ito?” Sa katunayan, hindi naman sila nakasuot ng kakaiba o maiksing kasuotan, pero sadyang nakakaramdam sila ng pagkamapagpalayaw at iniisip nila, “Sinasaway ako ng Diyos sa loob ko. Ayaw Niyang ginagawa ko ito.” Kung tingin mo ay ayaw ito ng Diyos, bakit hindi ka magsuot ng mga damit ng isang Budistang monghe o ng isang Taoista? Labis na “elegante” at “disente” iyon! Hindi iyon mapagpalayaw, hindi ba? Ang ilang tao ay paminsan-minsang nagpapasasa sa kaunting banidad at nagpapakitang-gilas, at pagkatapos ay pakiramdam nila ay sinasaway sila at hindi sila mapalagay sa loob nila at iniisip nila, “Hindi na ako gusto ng Diyos. Ayaw na Niya sa akin.” Nagtatakda pa nga ng mga panuntunan ang ilang tao na bawal silang magsuklay, maglagay ng kolorete, o manalamin, at na puwede lang silang maligo minsan sa isang buwan o minsan kada anim na buwan, at iniisip nila na kung maliligo sila nang mas madalas sa minsan sa isang buwan o kada anim na buwan, kapopootan ito ng Diyos at tiyak na hindi sila maliligtas. Nagtatakda sila ng panuntunan na dapat silang bumangon bago mag-alas singko ng umaga, at iniisip nila na kung mahuhuli nang kalahating oras ang pagbangon nila, nagpapasasa sila sa kaginhawahan, at hindi sila mga taong nagmamahal sa Diyos; nagtatakda sila ng panuntunan na dapat silang mahiga kapag pasado hatinggabi na, at iniisip nila na kung mahihiga sila bago maghatinggabi, hindi sila isang taong tapat na gumagawa ng tungkulin nila. Gumagawa ang mga taong ito ng maraming nakatakdang panuntunan para sa sarili nilang pag-uugali, pang-araw-araw na buhay, at mga pangangailangan sa buhay. Hindi nila hinahanap kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, ni sinusubukang unawain kung ano ang mga pananaw at saloobin ng Diyos sa mga usaping ito. Sa halip, ganap silang subhetibong naniniwala na sa gawain ng Diyos, hindi pinapayagan ng Diyos ang mga tao na magkaroon ng ganitong mga pagpapamalas, at na kung sakaling taglay nila ang ganitong mga pagpapamalas, ganap silang magiging mapaghimagsik, at kapopootan sila ng Diyos, kaya naman, hindi sila maliligtas. Madalas, dahil lang sa ilang maliit na usaping hindi na karapat-dapat pang banggitin, tulad ng pagsasabi ng maling bagay, paggamit ng maling salita, pagkain ng ilang karagdagang meryenda, o paminsan-minsang panonood ng ilang video na nakakalibang, iniisip ng mga tao, “Katapusan ko na! Ganap na mapaghimagsik ang ginagawa kong ito! Hindi ko alam na puwede akong magkaroon ng gayong mga pag-uugali at gayong mga interes—hindi ko alam na may ganitong mga problema pa rin ako. Malubha ito. Dapat kong pagnilayan nang malalim ang sarili ko, himayin ang sarili ko sa kaibuturan ng kaluluwa ko, at sumailalim ako sa isang rebolusyon. Hindi ko ito puwedeng bitiwan!” Labis na pinapahalagahan ng mga tao ang mga usaping ito na wala namang kaugnayan sa mga katotohanang prinsipyo. Lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at kinapopootan ng Diyos ang mga ito. Ayaw ng Diyos na makita ang mga tao na magbunyag ng mga pagpapamalas na ito. Kaya, ano ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao sa aspektong ito? Ano ang mga prinsipyong dapat sundin? Dahil ang mga bagay na ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, tiyak na ang mga ito ay hindi ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao, at tiyak na walang kinalaman ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. At dahil mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga ito, ibig sabihin nito, nabuo at napag-ugnay-ugnay ang mga ito sa isipan ng tao—sa madaling salita, nagmumula ang mga ito sa isipan ng mga tao at walang anumang kinalaman sa mga katotohanang realidad na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao. Paano man sumusunod ang mga tao sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito, hangga’t walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan, walang silbi ang pagsunod ng mga tao sa mga ito. Kahit na sumunod ka nga sa mga ito, hindi ka pa rin sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi ito matatandaan ng Diyos. Sa partikular, labis na hindi mapalagay ang ilang tao at nararamdaman nilang mahigpit silang sinasaway sa loob nila kapag paminsan-minsan silang nagbubunyag ng sarili nilang mga kagustuhan at mga nakagawian ng laman. Paano nagaganap ang pagiging hindi mapalagay at pagsasaway sa sarili na ito? Resulta ba ito ng pag-antig sa kanila ng Banal na Espiritu? (Hindi, may mga kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa Diyos, kaya hindi sila mapalagay.) Ang batayan ng mga damdaming ito ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, hindi ang katotohanan. Nakakaramdam agad ang ilang tao ng pagsaway at pagkabagabag sa loob nila, at nagmamadali silang magdasal at magkumpisal ng mga kasalanan nila, at nagmamadali silang magsisi. Ano ang kailangan mong pagsisihan? Ang mga bagay na ito na ginawa mo ay mga karaniwang pag-uugali sa pang-araw-araw na buhay. Hindi mga kasalanan ang mga ito, at tiyak na hindi malalaking pagsalangsang ang mga ito. Huwag mong masyadong palakihin ang gayong mga bagay na hindi naman mahalaga! Kung sa tingin mo ay mali ang mga bagay na iyon, puwede mong piliing huwag gawin ang mga iyon. Pero ang hindi paggawa sa mga iyon ay hindi nangangahulugan na sumusunod ka sa mga katotohanang prinsipyo, at ang pagiging hindi mapalagay ay hindi nangangahulugan na nilabag mo ang mga katotohanang prinsipyo. Bakit ka nagsisisi? Bakit mo itinutuwid ang sarili mo? Dahil ba idinudulot ng mga kuru-kuro at imahinasyon mo na mali mong paniwalaan na hindi mo dapat ginagawa ang ganoong mga asal, o dahil ba iniisip mo na ang mga asal mo ay salungat sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo? Kung salungat ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, at talagang hindi ka mapalagay, dapat kang magmadali na magbago ng landas at magsisi sa Diyos. Ang pagiging hindi mapalagay na ito, kahit papaano man lang, ay ang pang-uusig ng konsensiya ng pagkatao. Kung hindi ka mapalagay dahil lang sumalungat ka sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi ba’t nagpapasasa ka sa mga hindi kinakailangang damdamin? (Oo.) Ito ay ganap na pagpapasasa sa mga hindi kinakailangang damdamin at ito ay kalabisan. Bakit naman hindi ka hindi mapalagay kapag sumusunod ka sa mga anticristo? Bakit hindi mo nararamdaman na sinasaway ka dahil doon? Kapag nakikita mo ang masasamang tao na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia at pinipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi ka tumitindig para pigilan sila, hindi ka ba napapalagay? Kapag nagsasalita at kumikilos ka nang labag sa mga katotohanang prinsipyo at batay sa sarili mong kalooban, hindi ka ba napapalagay? Kung nilabag mo ang mga katotohanang prinsipyo sa mga usaping ito pero hindi ka kailanman hindi napapalagay tungkol dito, kung gayon, wala ka man lang pagkatao, ni wala kang konsensiya. At kung wala kang konsensiya, anong mga bagay ang magdudulot para hindi ka mapalagay? Ang pagiging hindi mapalagay mo ay ganap na pagpapasasa mo sa mga hindi kinakailangang damdamin. Ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon ang nagpapahirap sa iyo at nagdudulot sa iyo na hindi mapalagay—wala kang mapapala riyan. Ano ang magiging panghuling resulta ng pananampalataya mo sa Diyos sa loob ng sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon? Lalo ka lang magiging mas mapagpaimbabaw at lalo ka lang magiging mas katulad ng mga Pariseo. Mapapalayo ka lang nang mapapalayo sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at magiging imposible para sa iyo na makapasok sa katotohanang realidad. Palaging mabuti ang pakiramdam mo tungkol sa sarili mo, pero ano ba mismo ang napakabuti sa iyo? Punong-puno ka ng mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang lahat ng nadarama mo ay walang kinalaman sa katotohanan. Ang mga damdamin mo ng pagkaantig at pagkasaway, ang pagkakautang at pagsisising nadarama mo, ang pagsisising sa tingin mo ay dapat mayroon ka, at ang mga panunumpa at kapasyahang ginagawa mo ay pawang nauugnay sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo. Ang mga bagay na ito ay batay lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo at walang kinalaman sa katotohanan. Samakatwid, anumang ginagawa mo—ito man ay pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga o paghahandog ng mga bagay at paggugol ng sarili mo, at anuman ang ginugugol mo—ay walang saysay kung wala naman itong kinalaman sa katotohanan. Naunawaan mo ba? (Oo.)

Ngayong napagbahaginan at nahimay na natin ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito na mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, medyo mas malinaw na ba sa inyo kung paano titingnan ang mga pag-uugali na tulad ng kung nagdurusa ba ang mga tao o hindi, kung nagbabayad ba sila ng halaga, at nagpipigil ng sarili nila sa paggawa ng mga tungkulin nila, at kung mahilig ba sila o hindi na kumain ng masasarap na pagkain at magsuot nang maganda, at iba pa, pati na kung ano ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kung ano mismo ang resultang gustong makamit ng Diyos sa mga tao sa Kanyang gawain? Ang resultang gustong makamit ng Diyos sa mga tao ay hindi ang makita ang maalab mong damdamin para sa gawain mo sa lahat ng oras. Ibig sabihin, ang gustong makita ng Diyos ay hindi ang kasigasigan at determinasyon mong magdusa ng paghihirap at magbayad ng halaga. Sa mga mata ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ang mga pagpapamalas na ito ay mga panandaliang bugso ng damdamin lamang. Sa madaling salita, sigasig mo lang ang mga ito. Ano ba, sa diwa, ang sigasig? Ito ay ang pagkamainitin mo ng ulo, o sa mas partikular, ito ay isang emosyonal na pagharap sa mga bagay-bagay. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang sigasig ng mga tao, ang emosyonal na pagharap nila sa mga bagay-bagay, ang mga pansamantalang bugso ng damdamin nila, o ang ganitong uri ng maalab na kondisyon. Ano ang gusto ng Diyos? (Gusto Niyang maunawaan ng mga tao ang katotohanan.) Kahit papaano man lang, gusto Niyang magawa mong mahalin at maunawaan ang katotohanan, at, kapag nahaharap sa iba’t ibang usapin, huwag mong sundin ang isang regulasyon, isang pormalidad, o isang pag-uugali, bagkus ay sundin ang mga katotohanang prinsipyo; gusto Niya rin, sa tungkuling ginagawa mo at sa lahat ng bagay, na magawa mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at magsagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at na gawing realidad mo ang mga salita at ang katotohanan ng Diyos—ito ang resultang layong makamit ng gawain ng Diyos. Pagdating naman sa personal mong buhay, kung gusto mo mang matulog nang maaga o gumising nang maaga, o matulog nang dis-oras ng gabi o gumising nang tanghali na, o kung anumang uri ng mga kaloob ang mayroon ka o kung gaano ka kahusay magsalita, hindi mahalaga ang mga ito sa Diyos. May determinasyon ka mang magdusa o wala, o gaano man kalaking halaga ang ibayad mo, hindi pinapahalagahan ng Diyos ang mga bagay na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Alang-alang sa pananampalataya ko sa Diyos, hindi ako bumili ng magagandang damit sa loob ng ilang taon, at hindi ako nagpa-parlor sa loob ng mahigit sampung taon.” Kahit na hindi ka kumakain ng masasarap na pagkain, hindi nagsusuot ng magagandang damit, at nagdurusa ka ng maraming matinding paghihirap sa buong buhay mo, ano naman? Iyon ba ang gusto ng Diyos? Ang pinakalayunin ba ng Diyos sa pangangaral at pakikipagbahaginan ay ang tustusan ang mga tao ng napakaraming katotohanan para lang maging asetiko ka? Ito ba ay para gawin ka lang na isang kaawa-awang sawimpalad, isang pulubi, o isang galit na kabataan? Hindi. Ang gustong gawin ng Diyos ay ang isagawa sa mga tao ang Kanyang mga salita at mga katotohanang prinsipyo. Samakatwid, kapag naniniwala ang marami na gustong makita ng Diyos ang mga tao na nagdurusa ng mas maraming paghihirap at nagbabayad ng mas malaking halaga, at na gusto Niya silang makita na namumuhay ng labis na matipid, mahirap, at simpleng buhay, na labis na nagtataglay ng determinasyon at mga adhikain, at labis na nag-aalab ang damdamin, o na labis na nagpipigil sa sarili, at na talagang marunong lumugar at umasal nang maayos, mga kuru-kuro at imahinasyon lang nila ang mga ito tungkol sa gawain ng Diyos. Ipagpalagay na, sa loob ng maraming taon ng buhay mo, isang beses ka lang kumakain sa isang araw at tatlong oras lang ang tulog mo sa gabi, at hindi ka nakakakain ng masasarap na pagkain o nakakapagsuot ng magagandang damit, at na ginagawa mo ang sa tingin mo ay dapat mong ginagawa sa loob ng maraming taon, at nagdusa ka na ng napakaraming paghihirap at gumawa ka na ng napakaraming determinasyon. Sa sarili ninyong mga salita, “nananatili kayong tapat sa orihinal ninyong adhikain,” at nagdurusa kayo at gumugugol para sa Diyos at inaalay ang buong buhay ninyo sa Diyos. Gayumpaman, sa kabila ng lahat ng ito, kung hindi mo kailanman pagsusumikapan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan, at hindi mo hahanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng ginagawa mo, tiyak na aabandonahin ka. Gusto mong magkamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagdurusa ng paghihirap at pagbabayad ng halaga, at sa pamamagitan ng hindi kailanmang pagbabago sa orihinal mong adhikain, at ng paggugol sa sarili mo para sa Diyos sa buong buhay mo, at ng paghahandog sa Kanya ng lahat ng mayroon ka. Pangarap lang ito—ito ay mapangaraping pag-iisip. Kahit na kumain ka ng giniling na mais at ng putong mais sa buong buhay mo at hindi ka kailanman kumain ng masasarap na pagkain o magtamasa ng magagandang bagay, mawawalan ito ng saysay. Hindi kailanman tumitingin ang Diyos sa pag-uugali ng isang tao, ni tumitingin sa kung anong mga panuntunan ang sinusunod ng isang tao sa panlabas, o kung sa panlabas ba ay namumuhay siya ng isang simple at payak na buhay. Ang gustong makita ng Diyos ay kung nasaang landas ka, kung anong mga prinsipyo ang sinusunod mo sa bawat usaping kinakaharap mo, at kung sumusunod ka ba sa mga katotohanang prinsipyo sa pagharap sa mga problema. Kung hindi mo susundin ang mga katotohanang prinsipyo, gaano mo man kahusay na sinusunod ang mga nakatakdang hinihingi at panuntunan, mawawalan ito ng saysay. Ipapahiwatig lang nito na isa kang taong namumuhay sa loob ng mga kuru-kuro at imahinasyon, isang taong namumuhay sa loob ng mga ganap na personal at magandang kahilingan, na walang anumang kaugnayan sa gawain ng Diyos, at walang kinalaman sa anuman sa mga paraan ng paggampan ng Diyos sa Kanyang pagliligtas sa mga tao—isang taong malayo sa gawain ng Diyos. Samakatwid, kung gusto mong may makamit mula sa gawain ng Diyos, kailangan mo munang pagsumikapan ang katotohanan; hindi mo dapat isagawa o pagsumikapan ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon—walang silbi ang paggawa niyon. Tinatanong Ako ng ilang tao: “Tingin Mo, mas mukha ba akong disente at wasto kung mahaba ang buhok ko? O kung maiksi ito?” Tumutugon naman Ako, “Gusto mo bang mahaba ang buhok mo o maiksi?” Sinasabi nila, “Gusto kong mahaba ang buhok ko. Pero sa tingin ko, hindi disente at wasto ang mahabang buhok, at hindi ito gusto ng Diyos.” At sumasagot Ako, “Kailan iyan sinabi ng Diyos? May anumang kinalaman ba ito sa katotohanan?” May ibang nagtatanong sa Akin: “Puwede ba akong magmeryenda?” At sumasagot Ako, “Ang pagmemeryenda ba ay pangangailangan ng normal na pagkatao? Isinaad ba ng Diyos na hindi puwedeng magmeryenda ang mga tao? Kinokondena ba ito ng Diyos?” At sinasabi nila, “Sa tingin ko, kinokondena ito ng Diyos, dahil ang pagmemeryenda ay mapagpalayaw.” Ano ang ibig sabihin ng “imoral”? Kung sa tingin mo ay mapagpalayaw ang pagmemeryenda, nangangahulugan ba ang hindi pagmemeryenda na hindi ka mapagpalayaw? Nangangahulugan ba ang hindi pagmemeryenda na nauunawaan mo ang katotohanan at isinasagawa mo ang katotohanan? Kaya mo itong maunawaan kapag ipinapaliwanag Ko ito sa ganitong paraan, hindi ba? (Oo.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ay hindi ang katotohanan at walang kinalaman sa katotohanan. Kung matalino ka, dapat kang magmadali na suriin kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka pa rin, at kung anong mga pagsasagawa, kaisipan, at pananaw ng mga Pariseo ang mayroon ka pa rin, at bitiwan mo ang mga ito kaagad. Ang layunin ng pagbitiw sa mga bagay na ito ay hindi para gawin kang mapagpalayaw o mapagpalayaw sa sarili, kundi para palapitin ka sa harap ng Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kamtin mo ang katotohanan bilang buhay mo. Ayaw ng Diyos na makita kang isang pulubi at na ipinapamuhay mo ang buhay ng isang asetiko. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw ng Diyos na maging pulubi ang mga tao, kaya ibig bang sabihin niyon na gusto Niyang maging mayaman sila?” Ayaw ring makita ng Diyos na maging mayaman ang mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao na gusto ng Diyos na magdusa ng pisikal na paghihirap ang mga tao. Kaya, kung ayaw ng Diyos na magdusa ng paghihirap ang mga tao, ibig bang sabihin niyon na gusto Niya silang mamuhay nang komportable?” Mali, kuru-kuro at imahinasyon mo rin ito. Kung gayon, ano ang tamang paraan ng pagkilos? (Gusto ng Diyos na magawang lumapit ng mga tao sa Kanya at hanapin nila ang mga katotohanang prinsipyo, anuman ang mangyari sa kanila.) Kahit kailan, hindi puwedeng kalimutan ang mga katotohanang prinsipyo. Sinasabi ng ilang tao, “Gusto ng Diyos na ang mga tao ay gumawa ng mga determinasyon sa Kanyang harap at magtaglay ng determinasyong magdusa.” Sinasabi ng iba, “Ayaw ng Diyos sa mga taong ayaw magdusa ng paghihirap.” Tama ba o mali na sabihin ang mga bagay na ito? Aling pahayag ang tama at alin ang mali? (Parehong mali ang mga ito.) Palaging nagdurusa ang ilang tao alang-alang sa sarili nilang katayuan, kasikatan, at pakinabang—may matatag silang determinasyon na magdusa ng paghihirap. Nakalulugod ba sa Diyos ang mga pagpapamalas na ito? (Hindi.) Hindi handang magdusa ang ilang tao ng paghihirap pagdating sa mga personal na usapin, pero handa silang magdusa ng paghihirap alang-alang sa paggawa ng tungkulin nila at para sa katotohanan, at handa silang magdusa ng kaunting paghihirap para kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Alin sa mga pagpapamalas na ito ang mas mainam? (Ang pagdurusa ng paghihirap alang-alang sa mga katotohanang prinsipyo.) Ano ang makikita mula sa mga bagay na ito? Na tama ang kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo at ang isagawa ang katotohanan. Ito man ay kaugnay sa mga usapin ng paggawa sa tungkulin ng isang tao, o sa mga usapin sa sariling personal na buhay ng isang tao, kung nagdurusa man ang isang tao ng paghihirap o hindi ay hindi isang pamantayan o prinsipyo. Ano ang mga prinsipyo? Ang mga prinsipyo ay ang mga hinihingi ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan. Kung magsasagawa ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kahit na hindi ka magdusa sa paggawa niyon, tama ang ginagawa mo, at sinasang-ayunan ito ng Diyos; kung hindi ka kikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kahit na magdusa ka ng napakalaking paghihirap o makaranas ka ng matinding pagkapahiya sa proseso, wala itong saysay, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga kilos mo. Tulad lang ng kung paanong naririnig ng ilang tao ang isang kautusan mula sa isang anticristo at pagkatapos ay ginagawa ang sinabi sa kanila, ipinapatupad ang gawain ayon sa mga kagustuhan ng anticristo, nagsasalita nang nagsasalita at nagdurusa nang nagdurusa, at labis na nagpapakaabala, hanggang sa puntong makuba at malugmok na sila sa labis na kapaguran ng katawan. Sinasang-ayunan ba ito ng Diyos? Tatandaan ba ito ng Diyos? (Hindi Niya ito sinasang-ayunan, at hindi Niya ito tatandaan.) Kaya, ano ang saloobin ng Diyos? (Kinapopootan ng Diyos ang gayong mga tao.) Ano ang sinabi ng Diyos? “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Ito ang saloobin ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Gaano man karaming paghihirap ang pinagdusahan mo o gaano man kalaking halaga ang ibinayad mo, bagama’t maaari mong gamitin ang mga ito para ipagyabang ang mga ambag mo, hindi tinitingnan ng Diyos ang mga bagay na ito. Tinitingnan lang ng Diyos kung ginawa mo ba ang mga bagay na ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo at kung sinusunod mo ba ang mga salita ng Diyos—ginagamit Niya ang prinsipyong ito para sukatin ka. Kung hindi mo sinusunod ang mga salita ng Diyos, kundi sa halip ay kumikilos ka ayon sa sarili mong mga ideya, gaano man karaming paghihirap ang pagdusahan mo o gaano man kalaking halaga ang ibayad mo, mawawalan ng saysay ang lahat ng ito. Hindi lang sa hindi ito tatandaan ng Diyos, kundi kokondenahin din Niya ito. Iyon ay pagdulot sa sarili mong pagkawasak, hindi ba? (Oo.) Ititiwalag ang gayong mga tao sa huli—nararapat sa kanila ito, hindi ba? (Oo.) Libo-libong salita na ang sinabi ng Diyos at sinabi na Niya sa iyo ang mga katotohanang prinsipyo, pero sadyang hindi ka nakikinig. Palagi kang may sariling mga ideya, at mapagnasa mong inaasam na palitan ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa gayon ay makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, makapasok sa kaharian, at mapagpala at magantimpalaan. Hindi ba’t paghahanap ito sa kamatayan? Hindi ba’t kauri ni Pablo ang gayong mga tao? (Oo.) Samakatwid, kung gustong bitiwan ng mga tao ang mga hadlang sa pagitan nila at ng Diyos at ang pagkamapanlaban nila sa Diyos, dapat silang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Hindi sila dapat bumuo ng espekulasyon tungkol sa Diyos, hindi nila dapat sukatin ang Kanyang gawain, o sukatin ang sarili nilang pag-uugali at mga pagsasagawa batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at pagkatapos ay pangasiwaan ang lahat ng bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito. Ang magiging panghuling resulta ng pagharap na ito ay na mawawalan ito ng saysay, at sa malulubhang kaso, gagambalain at guguluhin nila ang gawain ng iglesia, sasalungatin ang disposisyon ng Diyos, at mapaparusahan sila. Samakatwid, sa pagharap sa gawain ng Diyos, dapat bitiwan ng mga tao ang iba’t iba nilang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Ibig sabihin, dapat nilang suriin at himayin ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon at pagkatapos ay bitiwan ang mga ito, hanapin ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, at gamitin ang mga katotohanang prinsipyo para palitan ang kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, maling prinsipyo, at pagsasagawa. Sa ganitong paraan ka lang makakatahak sa landas ng kaligtasan. Kung hindi, imposibleng maligtas ka, walang duda! Isang uri ito ng kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Tapusin na natin dito ang pagbabahaginan natin.