Paano Hangarin ang Katotohanan (1) Ikalawang Bahagi
I. Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon ng Isang Tao Tungkol sa Diyos: Pagbitiw sa mga Kuru-kuro at Imahinasyon ng Isang Tao Tungkol sa Gawain ng Diyos
A. Ang Imahinasyon ng mga Tao na ang Gawain ng Diyos ay Partikular na Higit sa Likas at Malapantasya
Pagdating sa pagbitiw sa mga hadlang sa pagitan ng sarili nila at ng Diyos, at sa pagkamapanlaban nila sa Diyos, ang unang dapat bitiwan ng mga tao ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila. Isa itong napakahalagang piraso ng nilalaman, hindi ba? (Oo, napakahalaga nito.) Hindi ba’t umiiral sa bawat tao ang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos? (Oo, umiiral ang mga ito.) Walang taong namumuhay nang ganap na hiwalay sa anumang impluwensiya, at walang taong robot. Ang bawat tao ay may malayang kalooban, at nagkikimkim ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na nakuha nila mula sa mundo sa labas; siyempre, ang bawat tao ay mayroon ding iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nabuo sa loob ng subhetibo nilang kalooban batay sa sarili nilang mga pangangailangan, kagustuhan, at pagnanais. Ang katunayan na tinatawag ang mga ito na “mga kuru-kuro” at “mga imahinasyon” ay nangangahulugan na tiyak na hindi alinsunod ang mga ito sa katotohanan o sa mga katunayan; kahit papaano man lang, hindi tugma ang mga ito sa mga layunin ng Diyos, sa pagkakakilanlan ng Diyos, at sa diwa ng Diyos. Samakatwid, ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay ang unang malaking bagay na dapat bitiwan ng mga tao. Kaya, ano ang pangunahing kabilang sa nilalamang nauugnay sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos? Sa isang banda, kabilang dito ang mga dati nang umiiral na mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos bago pa sila manampalataya sa Kanya. Sa kabilang banda, kabilang dito ang mga bagong kuru-kurong nabuo ng mga tao tungkol sa Diyos matapos nilang magsimulang manampalataya sa Kanya, at ang mga bagong kuru-kurong ito ay mas partikular at makatotohanang mga kuru-kuro at imahinasyon. Bago manampalataya ang mga tao sa Diyos, puno ang puso nila ng mga imahinasyon tungkol sa Diyos, at ang mga imahinasyong ito ay masasabi ring mga kuru-kurong karaniwan sa lahat ng tao. Katulad ito ng kung paanong tinatawag ng mga Tsino ang Diyos na “ang Matandang Lalaki sa Langit,” kahit hindi naman sila nananampalataya sa Kanya, at kung paanong ang mga taga-Kanluran—na ang nakararami ay talagang nananampalataya sa Diyos—ay tinatawag Siyang “ang Panginoon.” Bagama’t maraming tao ang hindi nananampalataya sa Diyos, naniniwala ang karamihan ng tao na mayroong Diyos at puno sila ng mga imahinasyon tungkol sa Kanya, iniisip na umiiral ang Diyos sa lahat ng bagay at mas mataas sa lahat ng bagay, at na Siya ay nasa lahat ng dako, makapangyarihan sa lahat, at nagtataglay ng mga dakila at kahanga-hangang kapangyarihan. Kaya, sino ba mismo ang Diyos na ito? Walang nakakaalam, pero sa ano’t anuman, alam nila na ang Diyos ang pinakadakila at na pinaghaharian Niya ang lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang partikular na wangis ng Diyos? Ang bawat tao, sa isipan nila, ay nagkikimkim ng ideya sa anyo at wangis ng Diyos na nailarawan at natukoy nila sa isip nila. Natalakay na natin dati ang mga pangkalahatang kuru-kuro at imahinasyong ito ng tao, at hindi ang mga ito ang pangunahing nilalaman ng pagbabahaginan ngayong araw. Ang pagbabahaginan natin ngayon ay ang iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro at imahinasyong salungat sa Diyos at hindi alinsunod sa Kanyang diwa, na dapat bitiwan ng mga tao, na nakapaloob sa iba’t ibang uri ng mga kuru-kuro at imahinasyong nauugnay sa mga hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos at sa pagkamapanlaban nila sa Diyos. Hindi natin pag-uusapan ang tungkol sa mga hungkag, di-totoo, at di-maintindihang mga kuru-kuro at imahinasyon. Masasabi na, batay sa kasalukuyan ninyong tayog, halos hindi naman problema ang mga bagay na iyon at hindi makakaapekto sa paghahangad ninyo sa katotohanan, lalo na sa inyong pagsunod sa Diyos, at na kahit ang ilang indibidwal ay may ilan pa ring malapantasyang imahinasyon sa isipan nila, hindi makakaapekto ang mga ito sa pagsunod nila sa Diyos, at samakatwid ay hindi masyadong malaking problema ang mga iyon. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao na pagbabahaginan natin ay nauugnay sa mga saloobin ng mga tao sa Diyos sa pang-araw-araw nilang buhay, pati na sa paggampan ng mga tao ng mga tungkulin, sa mga landas na tinatahak ng mga tao, at siyempre, lalong nauugnay ang mga ito sa mga paghahangad ng mga tao. Sa iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyong mayroon ang mga tao tungkol sa Diyos, una sa lahat, may napakaraming kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa Kanyang gawain, na mas labis na makatotohanan kaysa sa iba’t ibang imahinasyong mayroon ang mga walang pananampalataya tungkol sa Diyos, at ang mga ito ay hindi hungkag ni di-maintindihan. Ang mga ito ay mga bagay na umiiral sa isipan ng bawat tao habang sinusundan nila ang Diyos. Ibig sabihin, puno ang mga tao ng maraming malapantasya at di-makatotohanang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Halimbawa, nasa imahinasyon ng mga tao na puno ng mga himala ang Kanyang gawain, at puno ng mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang makita nang patiuna o makamit ng mga tao. Siyempre, ang mga pinakamalaking kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao sa aspektong ito ay na ang gawain ng Diyos ay maaaring magawang ganap ang isang tao sa isang iglap lang, o na, sa pagsasabi lang ng ilang salita o paggawa ng isang himala o kamangha-manghang bagay, kayang baguhin ng Diyos ang isang tao sa isang iglap at gawin itong isang taong nakalaya na mula sa buhay ng laman at sa iba’t ibang praktikal na paghihirap ng laman. Sa imahinasyon nila, ang taong ito ay hindi kumakain ni umiinom, at walang mga pangangailangan ang katawan nito na gaya ng isang robot; higit pa rito, naniniwala sila na ang taong ito ay nag-iisip sa isang dalisay na paraan, nang walang mga makasariling pagsasaalang-alang, at na labis na banal ang kalooban nito. Iniisip nila na para makamit ito, hindi kinakailangang maghangad ng katotohanan, o na pagbahaginan ang katotohanan o tanggapin ang pagkakapungos sa loob ng ilang taon nang walang tigil; sa halip, kayang makamit ng Diyos ang lahat ng ito gamit lang ang ilang salita, dahil matutupad ang anumang sinasalita ng Diyos at magiging matatag ang anumang inuutos Niya. Lalo na sa simula, noong kakatanggap pa lang ng mga tao sa ikatlong yugto ng gawain ng Diyos, mas lalong puno sila ng lahat ng uri ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain. Nang marinig ng ilang tao na “malapit nang matapos ang gawain ng Diyos,” hindi nila alam kung sa aling taon, buwan, o araw ito magtatapos, pero nabalisa sila at tinalikuran pa nga ang mga trabaho at pamilya nila. Tumigil ang ilang magsasaka sa pagtatanim, habang tumigil ang iba sa pag-aalaga ng mga baka at tupa. Ibinenta pa nga ng ilang tao ang mga ari-arian at sasakyan nila, kinuha nila ang lahat ng pera nila sa bangko, tinipon ang lahat ng ari-arian nila, at nagsimula silang bitbitin ang ginto, pilak, at mahahalagang kagamitan nila, handang sumunod sa Diyos. Ito ay dahil inakala ng mga tao na matatapos na ang gawain ng Diyos, at na hindi na nila kailangang ipamuhay ang buhay nila, at naniwala silang pinaghiwalay ng Diyos ang mga pamilya at mag-asawa, at na dapat nilang isuko ang mga pag-aasawa, trabaho, at kinabukasan nila, at talikuran ang lahat ng makamundong kasiyahan para sumunod sa Diyos. Kung may magtatanong sa kanila, “Saan ka pupunta dala iyang maleta at ang buong pamilya mo?” sasabihin nila, “Pupunta ako sa kaharian ng langit.” Kung tatanungin naman sila, “Nasaan ang kaharian ng langit?” sasagot sila, “Hindi ko pa alam, pupunta ako saanman ako dalhin ng Diyos.” Kumikilos man sila nang biglaan o nang napag-isipan ito, sa ano’t anuman, ibinubunyag ng mga pagpapamalas na ito ang isang katunayan, na ang mga tao ay may napakaraming imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Hindi nila alam kung paano gagawa ang Diyos para iligtas sila, o kung ano ang mararamdaman nila o kung anong uri ng kalagayan at kapaligiran ang papamuhayan nila pagkatapos silang iligtas ng Diyos. Pagdating naman sa kung ano ba mismo ang mga layunin ng Diyos, o kung anong resulta ang gustong makamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa mga tao, hindi rin nila alam ang anuman sa mga ito. Kaya, ano ang alam nila? Isang pangungusap lang ang naaalala nila: Malapit na ang araw ng Diyos, bumaba na ang mga sakuna, malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, at dapat na nating talikuran ang lahat ng bagay at sundan ang Diyos. Ito ang pinagmulan at batayan ng pagkakabuo ng lahat ng kuru-kuro at imahinasyon nila, at sa pamamagitan ng mga kuru-kuro at imahinasyong ito, nakagawa sila ng kung ano-anong pagpili at desisyon. Anong mga pagpili at desisyon ang nagawa nila? Pinili nilang talikuran ang mundo, talikuran ang mga pag-aaral nila, talikuran ang mga propesyon nila, talikuran ang mga buhay may-asawa nila, talikuran ang mga pamilya nila, at talikuran pa nga ang makalamang pagmamahal sa pamilya, at iba pa, at dahil nabitiwan na ang lahat ng bagay na ito, naghihintay sila na matapos na ang gawain ng Diyos. Ano ang pakay nila sa paghihintay na matapos na ang gawain ng Diyos? Ito ay ang madala paitaas at sumunod sa Diyos. Madala paitaas saan mismo? Iniisip nila na saanman sila madala paitaas, o kung sa anong araw man sila mismo madadala paitaas, sa ano’t anuman, hindi sila mapupunta sa impiyerno. Naniniwala sila na kahit hindi man sa langit, papunta sila sa isang mas mataas na lugar, at na kahit hindi man sa langit, o sa isang pisikal na kaharian, hindi sila magkakamali sa pagsunod sa Diyos, at na malamang na madadala sila paitaas kung nasaan man ang Diyos. Bagama’t ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ng mga tao ay ganap, maaari bang magkatotoo ang mga ito? Ang hinihintay ba nilang sandali—ang pagtatapos ng gawain ng Diyos—ay dumating na? (Hindi pa.) At dahil hindi pa nagtatapos ang gawain ng Diyos, nadidismaya o nababalisa ba ang mga tao? Nakakaramdam ba sila ng pagsisisi? Nadidismaya ang ilang tao, tama ba? Nagiging negatibo ang ilang tao kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap habang ginagawa ang tungkulin nila, o nakakaramdam sila ng pagsisisi kapag nakakaranas sila ng kapighatian sa buhay nila sa kanilang tahanan o kapag nagdurusa sila sa pang-uusig at hindi sila makaalpas. Siyempre, hindi naging madali para sa ilang tao na makapagtiis hanggang sa kasalukuyang sandali, pero sa puso nila ay balisang-balisa nga sila. Ano ang ikinababalisa nila? Iniisip nila, “Bakit hindi pa nagtatapos ang gawain ng Diyos? Gaano pa ba katagal ang gawain ng Diyos? Dapat na ba akong umuwi at ituloy ang buhay ko? Dapat ba akong bumalik sa trabaho at maghanap ng kinabukasan para sa sarili ko sa mundo? Dapat ko bang bilhing muli ang bahay ko? Hindi tayo sinasagot ng Diyos o binibigyan ng malinaw na sagot tungkol dito! Hindi ba’t dapat sabihan tayo kung kailan ba magtatapos ang gawain ng Diyos, at kung ano pang ibang gawain ang gagawin Niya, para makapaghanda tayo? Hindi sinasabi sa atin ng Diyos ang mga bagay na ito, patuloy lang Siyang nagpapahayag ng mga katotohanan, nakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanan, at nagtatalakay tungkol sa kaligtasan. Hindi Niya kailanman tinatalakay kung ano ang mangyayari kalaunan, o ang tungkol sa hinaharap, o kung kailan papasok ang sangkatauhan sa isang magandang hantungan, o kung kailan magwawakas ang buhay ng laman; pinaghihintay lang Niya tayo nang walang tiyak na katapusan.” Walang kaalaman ang mga tao sa gawain ng Diyos. Sa mas partikular, hindi malinaw sa kanila kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung anong mga pamamaraan ang ginagamit Niya para iligtas ang mga tao, kung anong partikular na gawain ang isinasakatuparan ng Diyos sa lahat ng gawain Niya para bigyang-kakayahan ang mga tao na maligtas, at iba pa. Sa halip, palagi silang namumuhay sa loob ng sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at itinuturing ang gawain ng Diyos bilang isang pormalidad o bilang isang mahiwagang uri ng mahika. Para bang ang Kanyang gawain ay retorika lang at walang anumang partikular na nilalaman—kailangan lang magsabi ng Diyos ng ilang salita at matutupad ang anumang sinasalita Niya, at magiging matatag ang anumang inuutos Niya, at pagkatapos ay magbabago ang mga tao, at magiging katulad mismo ng ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag, nagiging mga banal at ginagawang banal. Anuman ang mga malapantasya at hungkag na ideyang mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos, partikular man ang mga ito o hindi, sa kabuuan, puno ang mga tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanyang gawain, at palagi silang namumuhay sa loob ng mga hungkag na kuru-kuro at imahinasyon sa kung paano nila hinaharap ang gawain ng Diyos, at sa kung paano nila hinaharap ang bawat partikular na piraso ng gawaing ginagawa ng Diyos at bawat partikular na bagay na sinasabi Niya para iligtas ang sangkatauhan. Siyempre, ang karamihan ng tao ay mayroon lang isang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at iyon ay na sa sandaling matapos na ang gawain ng Diyos, makakaraos na sa wakas ang mga tao, at basta’t kaya nilang maghintay hanggang sa matapos na ang Kanyang gawain at mananatili silang buhay sa panahong iyon, mananalo na sila, at magiging sulit na ang lahat ng tinalikuran at inihandog nila, at ang mga paghihirap na pinagdusahan nila, at ang mga halagang ibinayad nila. Batay rito, sa isang banda, puno ng kung ano-anong imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Sa kabilang banda, hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan sa pananampalataya nila sa Diyos; sa halip, may katangian ng pagsusugal sa pananalig nila—isinusugal nila ang buhay nila at ang lahat ng pag-aari nila, ang kinabukasan nila, ang buhay may-asawa nila, at ang lahat ng mayroon sila, at iniisip nilang kailangan lang nilang magtiis hanggang sa matapos ang gawain ng Diyos, at na basta’t buhay pa rin sila kapag pinroklama na ng Diyos na tapos na ang Kanyang gawain, kung gayon ay makikinabang na sila, at mababawi na nila ang lahat ng ibinayad nila. Hindi ba’t ganoon mag-isip ang mga tao? (Oo.) Ngayong marami na tayong napag-usapan tungkol dito, ano ang mga pangunahing kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? (Naniniwala ang mga tao na ang gawain ng Diyos ay puno ng mga himala, at na kayang linisin ng Diyos ang mga tao gamit lang ang ilang salita, at na makakapasok sila sa kaharian ng langit nang hindi na kailangan pang magbayad ng anumang halaga o maghangad ng katotohanan.) Ang mga ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos. Ano pa ang ibang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Hindi alam ng mga tao kung anong resulta mismo ang gustong makamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain sa mga tao, at iniisip nila na basta’t kaya nilang magtiis hanggang sa matapos na ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pag-asang makapasok sa kaharian ng langit.) Isa rin itong kuru-kuro at imahinasyon—iniisip ng mga tao na ang gawain ng Diyos ay isang pormalidad at proseso lang. Ano pa ang mayroon? (Sa pananampalataya nila sa Diyos, hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan; sa halip, may katangian ng pagsusugal sa pananalig nila.) Isa ba itong kuru-kuro at imahinasyon? Ito ang diwa ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos at ang diwa ng paghahangad nila. Anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang nakapaloob dito? Hindi ba’t ito ay na iniisip ng mga tao na basta’t tinatalikuran nila ang lahat ng bagay at ginagawa nila ang isang tungkulin habang sumusunod sa Diyos, mababago sila, na para bang dahil sa mahika? (Oo.) Ang mga kaisipan ng mga tao ay labis na hungkag, kinasasangkutan ng mga bagay na higit sa likas, at malapantasya. Iniisip ng mga tao na hindi nila kailangang tumanggap ng pagkastigo, paghatol, o pagpupungos, o ng pagtutustos ng mga salita ng Diyos, na kailangan lang nilang sumunod sa Diyos sa ganitong paraan, ginagawa ang anumang mga tungkuling pinapagawa sa kanila, at na hangga’t sumusunod sila hanggang sa huli, mababago sila, at sa huli ay makakapasok sila sa kaharian ng langit sa sandaling natapos na ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga ito? (Oo.)
Ang mga tao ay puno ng lahat ng uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos. Ang pinagbahaginan natin ngayon lang ay tungkol sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa mga araw ng gawain ng Diyos. Dagdag pa sa mga kuru-kurong ito, may isa pang uri ng kuru-kuro at imahinasyon. Ito ay na sa tuwing nakakaranas ang mga tao ng ilang tunay na paghihirap, madalas silang umaasa sa subhetibo nilang kalooban na makakakuha sila ng biglaang inspirasyon mula sa Diyos at pagkatapos ay bigla silang may mapagtatanto, nang hindi na nila kailangan pang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, sangkapan ang sarili nila ng katotohanan, o arukin ang mga katotohanang prinsipyo sa mga ordinaryong pagkakataon, at na matutulungan sila ng Diyos na lutasin ang anumang mga isyung kakaharapin nila sa pang-araw-araw na buhay nila, gaano man kalaki o kaliit ang mga ito. Ang pagkaarok at pagkaunawa ng mga tao sa gawain ng Diyos ay labis na malapantasya at hungkag, at puno rin ang mga tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa mga pamamaraan ng Diyos ng pagliligtas sa tao. Ayaw ng mga tao na maghanap ng iba’t ibang katotohanan sa gawain ng Diyos at harapin ang bawat usapin sa praktikal na paraan ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, umaasa sila na sa tuwing makakaranas sila ng anumang uri ng isyu, bibigyan sila ng Diyos ng liwanag at mga paghahayag, tulad ng kung paano Siya nagbigay ng mga paghahayag sa mga propeta, para anuman ang mangyari sa kanila sa tunay nilang buhay, magkakaroon sila ng karunungan at abilidad, at mga pamamaraan para harapin ang lahat ng uri ng mga isyu, nang hindi na nila kailangang magdasal sa Diyos at maghanap sa katotohanan, o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, na para bang namumuhay sila sa isang mundo ng mahika. Ayon sa mga imahinasyon ng mga tao, iniisip nila na sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos, magiging matalino at mautak sila. Iniisip pa nga ng ilan na sa sandaling magsimula silang manampalataya sa Diyos, magiging marikit sila, at hindi na sila magkakaroon ng anuman sa mga paghihirap at problema ng laman, o ng paghadlang ng mga tiwaling disposisyon, o ng anumang mga tunay na paghihirap sa pang-araw-araw na buhay nila. Naniniwala sila na basta’t mayroon sila ng kahandaan na mapalugod ang Diyos, bibigyan Niya sila ng lakas at lilikha Siya ng mabubuti at mga nakahihigit na sitwasyon para sa kanila, gagawin Niyang realidad ang lahat ng ito, at isasakatuparan Niya ang lahat ng adhikain at hinihiling nila, at na, lalo na kapag nahaharap sila sa mga bagay na lampas sa kayang makamit ng kanilang kakayahan at likas na gawi, mas lalong tutulong ang Diyos para matalino o madali nilang magagawa ang mga bagay na gusto nilang gawin. May ilang tao rin na may mahinang kakayahan at walang mga kasanayan sa bawat uri ng propesyon na iniisip na kailangan lang ng Diyos na gumawa ng isang himala o kamangha-manghang bagay at bigla na lang magiging mahusay ang kakayahan nila, at bigla silang magiging matalino. Naniniwala rin silang walang mahirap na makamit para sa Diyos, at na matutulungan sila ng Diyos na maisakatuparan ang mga bagay na hindi nila kayang maisakatuparan nang sila lang, at matutulungan silang lutasin ang mahihirap na problemang hindi nila kayang lampasan nang sila lang at na lampas sa mga abilidad nila. Sa pagbubuod, sa gawain ng Diyos, maraming kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao. Sa isang banda, puno sila ng iba’t ibang imahinasyon tungkol sa tagal ng gawain ng Diyos, at gumawa na rin sila ng iba’t ibang kilos at nagbayad ng iba’t ibang halaga sa aspektong ito. Kasabay nito, puno rin ang mga tao ng iba’t ibang uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa iba’t ibang paghihirap at problemang nararanasan nila, at maging tungkol sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Karamihan sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay hungkag, malabo, at hindi makatotohanan, at higit pa rito, lampas ang mga ito sa kakayahan at isipan ng mga tao, at lumalagpas sa saklaw ng mga likas nilang gawi. Madalas umasa ang mga tao na hindi kikilos ang Diyos batay sa mga aktuwal na paghihirap nila, o batay sa kanilang kakayahan, isipan, at mga likas na gawi, at sa halip ay bibigyang-kakayahan Niya sila na lampasan ang lahat ng ito, at lampasan ang normal na pagkatao nila at ang kakayahan at mga likas na gawi nila na gawin ang ilang bagay. Puno ang mga tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at ang nilalaman ng mga imahinasyon nila ay sukdulang higit sa likas. Ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay ganap na kontra at mapanlaban sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Hindi iniisip ng mga tao: Kung ginagawa ng Diyos ang mga higit sa likas na bagay na ito, bakit nagsasabi pa rin Siya ng napakaraming salita at nagtutustos ng napakaraming katotohanan sa mga tao? Hindi na Niya kakailanganing gawin iyon. Ang dahilan kung bakit napakapraktikal ng gawain ng Diyos ay dahil umaasa ang Diyos na maitustos Niya ang lahat ng Kanyang salita at katotohanan sa mga tao at na ikintal ang mga ito sa mga tao, para makapamuhay sila ayon sa mga salita at katotohanang ito. Ang Kanyang layunin ay hindi ang bigyang-kakayahan ang mga tao na lampasan ang normal na pagkatao o ang mga likas nilang gawi, kundi ang bigyang-kakayahan sila, batay sa normal na pagkatao, na panghawakan ang mga katotohanang prinsipyo, at panghawakan ang mga tungkulin at atas na ibinigay sa kanila ng Diyos. Gayumpaman, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay ang mismong kabaligtaran ng gawain ng Diyos, at hindi talaga naaayon ang mga ito sa paraan ng paggawa ng Diyos. Gusto ng Diyos na gumawa sa isang praktikal na paraan, samantalang ang mga imahinasyon ng mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ay nauugnay sa mga bagay na higit sa likas, hungkag, at hindi makatotohanan. Siyempre, umaasa ang ilang tao na gagamit ang Diyos ng ilang mas lalong espesyal na pamamaraan para bigyan sila ng mga paghahayag, tustusan sila, suportahan at tulungan sila, at baguhin pa nga sila at bigyang-kakayahan sila na maligtas. Halimbawa, sa tuwing nakakaranas ang ilang tao ng isyu, madalas na hindi sila naghahanap sa loob ng mga salita ng Diyos para sa mga kasagutan o mga landas ng pagsasagawa, kundi sa halip ay lumuluhod, pumipikit, at nagdarasal sila. Hindi nila hinahanap ang katotohanan tungkol sa problema kapag nagdarasal sila, at pagkatapos ay hindi nila hinahanap ang mga nauugnay na salita ng Diyos para lutasin ito. Sa halip, umaasa sila na masasabi sa kanila ng Diyos sa puso nila kung ano ang dapat nilang gawin; o na mabibigyang-liwanag sila ng Diyos gamit ang isang pangungusap, isang ideya, o isang imahe; o na mabibigyang-kakayahan sila na magkamit ng kaunting liwanag at mabibigyan sila ng kaunting motibasyon—gusto nilang maunawaan ang katotohanan sa ganitong paraan. Siyempre, may ilang tao na mas sukdulan ang ginagamit na pamamaraan, at iyon ay na, sa tuwing nakakaranas sila ng isang problema, umaasa sila na mahahayag sa kanila ng Diyos sa isang panaginip ang isang sipi ng Kanyang mga salita, sinasabi sa kanila kung dapat ba nilang gawin ang ganito’t ganoong bagay at kung paano nila ito gagawin, o kung dapat ba silang pumunta sa ganito’t ganoong lugar, o kung dapat ba nilang ipangaral ang ebanghelyo kay Ganito-at-ganyan. Ang ilang tao, kapag nahaharap sa malalaking paghihirap, ay umaasang makatanggap ng isang panaginip o makuha ang kasagutan sa isang panaginip, at umaasa pa nga silang masuri at mabigyang-interpretasyon ang panaginip nila kasama ang mga kapatid o ang mga lider ng iglesia, iniisip nila, “Ano ang kahulugan ng panaginip na ito na ibinigay sa akin ng Diyos? Ano ang gusto Niyang gawin ko? Sinasabihan ba Niya akong magpunta o hindi?” Naniniwala sila na ang gawain ng Diyos ay ang magbigay ng mga paghahayag sa mga tao, akayin ang mga tao, at tustusan ang mga tao gamit ang mga espesyal na pamamaraang ito, at sa gayon ay bigyang-kakayahan silang maligtas. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro at imahinasyon? (Oo.) Mayroong ibang mga tao na, kapag nakaharap sila sa isang problema at hindi nila alam kung ano ang gagawin at hindi sila nakakatanggap ng mga kasagutan mula sa Diyos kapag nagdarasal sila, kaya nagdedesisyon sa pamamagitan ng paghahagis ng isang barya. Halimbawa, pagdating sa pagpunta sa isang lugar para ipangaral ang ebanghelyo, kapag nagdarasal sila sa Diyos tungkol sa kung dapat ba silang magpunta o hindi at hindi sila nakakakuha ng kasagutan, ano ang ginagawa nila kung nagkagayon? Naghahagis lang sila ng isang barya para magdesisyon kung magpupunta ba sila o hindi. Iniisip nila na kung babagsak ito nang ulo ang nasa ibabaw, patunay ito na gusto ng Diyos na magpunta sila, samantalang kung buntot ang nasa ibabaw, patunay ito na ayaw ng Diyos na magpunta sila. Hinahagis nila ang barya nang tatlong beses, at halimbawang isang beses na ulo ang pumaibabaw at dalawang beses na buntot ang pumaibabaw, magpapasya sila, “Dalawang beses umibabaw ang buntot, ibig sabihin, ayaw ng Diyos na magpunta ako,” at hindi na sila nagpupunta. Sobrang panatag pa nga sila sa hindi nila pagpunta, iniisip nila na kagustuhan ito ng Diyos, at sinasabi sa sarili nila, “Dapat kong sundin ang patnubay ng Diyos. Desisyon ito ng Diyos, hindi sa akin. Dapat akong magpasakop sa patnubay ng Diyos at hindi magpunta.” Kaya, dapat ba talaga silang magpunta o hindi? Makakakuha ba ng tumpak na kasagutan ang paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa ganitong paraan? Tiyak na hindi magiging tumpak ang kasagutan. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat kang magdesisyon batay sa mga prinsipyo at kung tinutulutan ba ito ng mga sitwasyon—ito lang ang tamang pamamaraan. Ang pangangaral sa ebanghelyo ay tungkulin mo, gampanin mo, at ang gawaing dapat mong gawin ngayon, kaya dapat kang magpunta—tama lang na magpunta ka. Gayumpaman, madalas na hindi naaarok o napapangasiwaan ng mga tao ang gayong mga usapin batay sa mga realidad na ito. Sa halip, madalas nilang hinaharap ang mga ito batay sa ilang kuru-kuro at imahinasyon, at hinuhusgahan nila ang mga ito gamit ang ilang di-karaniwang diskarte at pamamaraan, at sa huli ay gumagawa sila ng mga kakatwa at baluktot na desisyon. Hindi ba’t dulot ito ng mga kuru-kuro at imahinasyon nila? (Oo.) Sa loob ng gawain ng Diyos, kapag hindi nagbibigay ang Diyos ng malilinaw na salita para sabihin sa mga tao kung paano dapat gawin ang bawat bagay o kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin sa pagharap sa bawat uri ng isyu, kailangang sumunod ng mga tao sa patnubay ng Banal na Espiritu at sumunod sa gabay na ibinibigay ng Diyos sa kanila sa loob ng mga tunay na sitwasyon. Siyempre, kailangan din nilang makipagtalakayan o magdasal at maghanap kasama ang mga kapatid nila, at sa huli ay pagdesisyunan kung paano haharapin ang kasalukuyang isyu batay sa aktuwal na sitwasyon. Gayumpaman, sa gawain ng Diyos, kapag may malilinaw na salita at tagubilin ang Diyos na sinasabi sa mga tao ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa iba’t ibang usapin, ang mga dating ginagamit na pormalidad na ito ay maaari nang iwaksi, at hindi na kailangang sundin ng mga tao ang mga ito. Kung patuloy man silang susunod sa mga ito, makakaantala lang ito sa mga bagay-bagay. Halimbawa, ipagpalagay na, sa tuwing may nangyayari at kinakailangang magpunta at kumilos, lumuluhod pa rin ang mga tao at nagdarasal, nagtatanong, “O Diyos, dapat ba akong magpunta o hindi? Kung ayaw Mong magpunta ako, lumikha Ka na lang ng isang sitwasyon para hadlangan ako, o kung gusto Mo akong magpunta, gawin Mo na lang na maging maayos ang takbo ng lahat ng bagay para sa akin.” Ito ay mahigpit na pagsunod sa mga pormalidad at hindi ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kapag may malilinaw na salita ang Diyos tungkol sa Kanyang mga hinihingi at pamantayan, hindi na kailangang dumaan ng mga tao sa anumang mga pormalidad ng paghahanap, pagdarasal, pagsisiyasat, at iba pa. Sa halip, sa isang banda, dapat silang kumilos ayon sa aktuwal na sitwasyon at mga tunay na sitwasyon, at sa kabilang banda, higit sa lahat, dapat silang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo—tama ito. Bawat araw, pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa wastong kaayusan, gawin ang anumang dapat mong ginagawa, at huwag gawin ang mga bagay na hindi mo dapat ginagawa; harapin ang anumang apurahan at kailangang harapin, ipagpaliban ang anumang puwedeng isantabi muna, at asikasuhin muna ang mga apurahang usapin. Hindi ba’t mga prinsipyo ang mga ito? (Oo.) Mga prinsipyo nga ang mga ito. Dapat mo itong tandaan: Kapag nagdarasal ka sa Diyos at hinahangad mong arukin ang Kanyang mga layunin, dapat mo itong gawin batay sa Kanyang mga salita; sa mga espesyal na sitwasyon, tulad ng kapag walang malilinaw na salita mula sa Diyos na nagbibigay ng tagubilin, dapat mo pa ring malaman na mayroon Siyang malilinaw na salita at mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa lahat ng uri ng usapin, at sa gayong mga kaso, dapat kang kumilos nang alinsunod sa iba’t ibang katotohanang prinsipyo na ginamit ng Diyos para tagubilinan ang mga tao noon. Gayumpaman, sa isipan nila, nakabuo na ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos ng maraming kuru-kuro at imahinasyon na katawa-tawa, kakaiba, at may kaugnayan sa mga bagay na higit sa likas, na ginagawang mga dekorasyon at hungkag na doktrina ang mga salita ng Diyos at ang iba’t ibang katotohanang prinsipyo, at kaya hindi maaaring maging mga pamantayan ng mga tao ang mga ito para sa pagharap sa mga bagay-bagay o mga landas ng pagsasagawa kapag nakakaharap sila ng mga problema. Kalunos-lunos ang bagay na ito, at ito ay ganap na dulot ng katunayang nakabuo ang mga tao ng napakaraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos.
May iba pang mga katawa-tawa, kakaiba, at kakatwang kuru-kuro at imahinasyon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos na laganap sa pang-araw-araw na buhay nila. Halimbawa, nang gagawin na ng isang tao ang isang gampaning pinakadapat niyang ginagawa, may nangyari na sa tingin niya ay hindi dapat nangyari, tulad ng nanakaw ang telepono niya habang papunta siya para gawin ang gampanin, o tumirik ang kotse niya o natumba siya habang papunta siya roon, o may iba pang naging problema. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig bang sabihin nito ay hinahadlangan sila ng Diyos mula sa paggawa ng gampaning ito? Ibig bang sabihin ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos ang paggawa sa gampaning ito? Ibig bang sabihin ay hindi dapat gawin ang gampaning ito? Dapat ba itong unawain at arukin sa ganitong paraan? (Hindi.) Kung ito ang pinakamahalagang bagay na dapat mong gawin sa ngayon sa paggampan ng tungkulin mo, at nagpunta ka at ginawa mo ito, kung gayon, kahit na makaranas ka ng ilang hadlang at paghihirap sa proseso, o maging ng mga bagay na iniisip ng mga tao na hindi dapat mangyari, hindi masasabi na ang tungkuling ito na ginagampanan mo at ang trabahong ito na ginagawa mo ay hindi nakakalugod sa Diyos, o na hinahadlangan ka ng Diyos mula sa paggawa ng mga bagay na ito—iyon ay isang kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kung gusto kang hadlangan ng Diyos, hindi Niya gagamitin ang mga pamamaraang iyon. Sa halip, direkta Siyang maghahanda ng isang sitwasyon para hindi mo na likas na kailangang magpunta at gawin ang gampaning iyon. Ibig sabihin, gagawing napakalinaw ng Diyos sa isipan mo na may mas mahalagang bagay na dapat mong gawin ngayon, at dahil dito, kailangang iusog sa ikalawa o ikatlong bilang sa listahan mo ang gampaning iyon, at saka na lang ito gawin. Paano ka man magkalkula, matatanto mo na imposibleng maisakatuparan ang gampaning iyon ngayon batay sa aktuwal na sitwasyon. Ito ay paghadlang sa iyo ng Diyos. Pero, anuman ang isipin mo, at anumang mga hadlang o paghihirap ang umusbong sa proseso ng pagsasakatuparan ng gampaning iyon, sa ano’t anuman, kung dapat na gawin ang gampaning iyon ngayon, dapat kang magpunta at gawin ito. Kung hahadlangan ka ng Diyos, gagamit Siya ng mga pinakaangkop at pinakanababagay na pamamaraan para likas mong sukuan ang gampaning iyon—ganito gumawa ang Diyos. Ang paraan ng paggawa ng Diyos ay ang hayaan ang mga tao na gawin ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga likas na gawi ng pagkatao. Sa isang banda, ito ang saloobing dapat mayroon ang mga tao. Sa kabilang banda, nariyan din ang salik ng mga obhetibong sitwasyon—kung tutulutan ng mga sitwasyon na magawa ang gampanin, dapat itong gawin; kung hindi ito tutulutan ng mga sitwasyon, dapat maghintay muna nang ilang saglit ang mga tao bago ito gawin. Ano ang layunin ng paghihintay? Ito ay ang maghintay para sa tamang oras at mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos. Kung ang mga sitwasyon ay palaging hindi angkop at patuloy na nagkakaaberya ang mga bagay-bagay habang sinusubukan mong gampanan ang gampaning ito, hindi mo ito dapat gawin. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, hindi na nila kailangang subukang arukin kung ano ang nararamdaman nila sa espiritu nila kapag gumagampan sila ng mga gampanin, anumang uri ng mga gampanin ang mga ito, malaki o maliit man na mga usapin ang mga ito, o personal na usapin man ang mga ito o mga usapin ng iglesia. Kung pinanghihinaan ka ng loob ngayon, at sa puso mo, ayaw mong gumawa ng isang gampanin, tanungin mo ang ibang mga kasama mong gagampan dito kung pinanghihinaan din ba sila ng loob. Kung hindi naman pinanghihinaan ng loob ang iba, at handa sila sa puso nila na gawin ang gampanin, pero pinagpapasyahan mong hindi ito dapat gawin batay sa sarili mong mga damdamin, hindi ba’t masyado kang nagiging subhetibo tungkol dito? (Oo.) Samakatwid, sa tuwing ginagampanan ng mga tao ang isang gampanin, kahit papaano ay dapat nilang maunawaan na hindi nila dapat subukang arukin ang mga damdamin nila o kumilos batay sa mga damdamin nila. Halimbawa, sabihin nang kailangan mong gampanan ang isang gampanin, at medyo kinakabahan ka, kibot nang kibot ang mata mo, at umuugong ang mga tainga mo, at sasabihin mo, “Kumikibot ang talukap ng kanang mata ko, masamang pahiwatig ba iyon? Dapat ko bang gawin ang gampaning ito?” Pagkatapos ay may magsasabi, “Ang pagkibot ng kaliwang mata ay nagbabadya ng magandang kapalaran, subalit ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna,” at pagkatapos itong marinig, hindi ka nangangahas na magpunta at gawin ang gampanin. Aling mata mo man ang kumikibot, kung isa itong gampaning napagkasunduan na noon, at nakahanda na ang lahat ng salik na kailangan para gawin ang gampaning ito, at tama ang oras at lugar, dapat kang magpunta at gawin ito. Kung magpapasya kang huwag magpunta dahil lang sinabi ng isang tao na ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna, angkop ba iyon? (Hindi.) Bakit hindi ito angkop? Kung responsabilidad at tungkulin mo ito, at ngayon ay tinutulutan ng mga obhetibong sitwasyon at ng lahat ng kondisyon na magawa ito, at higit pa rito, kailangang magawa nang apurahan ang gampanin, dapat kang magpunta at gawin ito. Ano naman kung kumikibot ang kanang talukap mo? Maaaring umusbong ang ilang maliit na isyu at hindi naging masyadong maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, pero nagawa pa rin ang gampanin sa kabila nito. Tanging kapag hinadlangan ito ng Diyos at hindi ito tinulutan ng mga sitwasyon, saka ka lang maaaring hindi magpunta at gawin ang gampanin. May nagsasabi, “Tiyak na may mali kung kumikibot ang kanang talukap mo,” pero may ibang nagsasabi, “Isa itong gampaning napagkasunduan na dati pa, kaya dapat tayong magpunta at gawin ito.” Sa huli, nagpunta pa rin naman kayong lahat para gawin ito, pero hindi inaasahang tumirik ang sasakyan sa kalagitnaan ng biyahe. Sabihin ninyo sa Akin, kapag kumibot ang kanang mata ng isang tao habang papaalis na ang grupo, dapat ba silang magpunta pa rin? Gusto Kong makita kung talaga bang nauunawaan ninyo ang katotohanan o hindi. Ano sa tingin ninyo, tama ba na magpunta at gawin ang gampaning ito? (Oo, tama ito.) Sigurado iyan. Hindi kayo puwedeng humusga kung dapat ba kayong magpunta o hindi batay sa kung kumikibot ba ang kanan o kaliwang talukap ninyo. Una sa lahat, tama ang magpunta para gawin ang gampaning ito. Kung gayon, bakit tumirik ang kotse habang papunta sila roon? Tinulutan ba iyon ng Diyos? Mahirap itong ipaliwanag, hindi ba? (Ang pagtirik ng kotse habang papunta sila roon ay maaaring idinulot ng kapabayaan ng tao, tulad ng kung hindi nasuri ang kotse bago ang biyahe para matingnan kung may anumang mga problema ba rito.) Isang posibleng dahilan iyon. Kung isasantabi natin ang dahilang iyon, normal ba na tumirik ang isang kotse sa kalagitnaan ng biyahe? (Oo.) Kung bumili ka ng segunda-manong kotse na mula sa Tsina na hindi naman masyadong maganda ang kalidad sa simula pa lang, at hindi mo naman ito pinapangalagaan o kinukumpuni nang maayos at minamaneho mo lang ito nang minamaneho, titirik talaga ang kotse sa kalagitnaan ng biyahe. Kung tumirik ang kotse sa kalagitnaan ng biyahe, ang ibig bang sabihin niyon ay hindi talaga puwedeng maisakatuparan ang gampanin? (Hindi naman.) Tumirik ang kotse at inabot ng isa o dalawang oras para kumpunihin ito. Pagkarating ninyo sa destinasyon, sinabi ng mga kapatid doon, “Buti ngayon lang kayo dumating. Kakaalis lang ng mga surveillance agent. Kung napaaga kayo ng dalawang oras, tiyak na nahuli na kayo ng malaking pulang dragon. Muntikan na iyon!” Kita mo, lumabas na isang mabuting bagay ang isang masamang bagay. Tama ba na nagpunta ka at ginawa mo ang gampanin? (Oo.) Mayroon bang mabuting layunin ng Diyos sa pagtirik ng kotse? (Mayroon.) Kaya, senyales ba ng malas o ng suwerte ang pagkibot ng kanang talukap mo? (Hindi ito malas ni suwerte.) Walang nangyari dahil dito. Kung pinutol natin ang kuwento sa punto ng pagtirik ng kotse, kung gayon, ang pahayag na “ang pagkibot ng kanang mata ay nagbabadya ng sakuna” ay magiging tila napakatumpak. Ang pagtirik ng kotse ay isang aksidente, hindi ba? Pero kung titingnan ang panghuling kinalabasan, lumabas na isang mabuting bagay ang pagtirik ng kotse. Kung hindi tumirik ang kotse, malalagay kayong lahat sa panganib sa sandaling marating ninyo ang destinasyon ninyo—hindi lang kayo mabibigong maisakatuparan ang gampanin, maaaresto rin sana kayo. Pero ang nangyari, tumirik ang sasakyan sa biyahe at inabot ng dalawang oras ang pagkumpuni rito, kaya nang nakarating na kayo sa destinasyon, kakalipas pa lang ng panganib at nakaligtas kayo. Pagprotekta ito ng Diyos sa inyo! Pag-isipan ito, kung titingnan mula sa perspektiba ng pagtirik ng kotse, tila hinahadlangan ng Diyos ang pagpunta ninyo, pero ang totoo, nalaman lang ninyo kung ano ang nangyari matapos makumpuni ang kotse at nakarating kayo sa destinasyon nang wala nang ibang aberya. Paano ninyo tinitingnan ang mga prinsipyo at pamamaraan ng mga pagkilos ng Diyos sa panahon ng buong prosesong ito? Anong uri ng pagkaunawa ang dapat mayroon ang mga tao sa gawain ng Diyos? Suriin ninyo ang mga bagay na ito, may mga katotohanang mahahanap dito, at titingnan Ko kung nagagawa ba ninyong hanapin ang mga ito o hindi. (O Diyos, ang pagkaunawa ko ay na mabubuti o masasamang bagay man ang mangyari sa mga tao, mayroong mabuting layunin ang Diyos dito.) Isang aspekto ito. (May isa pang aspekto, at iyon ay na ang gawain ng Diyos ay hindi higit sa likas o malapantasya, kundi napakapraktikal.) Oo, mabuting pagkaunawa iyan. Ang gawain ng Diyos ay praktikal, at hindi ito malapantasya o higit sa likas; ang sinumang may normal na pagkatao ay kaya itong maramdaman at kaya itong malaman sa pamamagitan ng karanasan, at isa rin itong bagay na kayang arukin ng mga tao. Hindi ba’t ito ang pagkaunawang dapat mayroon ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos? (Oo.) Dagdag pa sa pagkaunawang ito, ano pa ang dapat maunawaan ng mga tao? Dapat nilang maunawaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sa gawain ng Diyos, binibigyang-kakayahan ng bawat partikular na bagay na ginagawa Niya ang mga tao na makita na labis na praktikal ang Kanyang mga kilos. Sa simula, noong papaalis pa lang ang grupo ninyo, nag-usap-usap ang ilan sa inyo kung magpupunta ba kayo o hindi. Hindi kayo hinadlangan ng Diyos; hindi Niya idinulot na ikaw ay mahilo, o magsuka, o magtae. Hindi ka Niya hinadlangan, ni hinikayat na magpunta. Hindi ba’t napakapraktikal nito? Hinayaan Niya ang grupo na pag-usapan ito nang magkakasama. Sinabi ng ilang tao na kumikibot ang kanang talukap nila, samantalang sinabi naman ng iba na hindi komportable ang pakiramdam ng kalooban nila, pero umaasa ka man sa mga damdamin o sa lagay ng loob mo, o sa mga imahinasyon tungkol sa mga bagay na higit sa likas, sa huli ay dapat kang magpunta sa dapat mong puntahan, at hindi ka hinadlangan ng Diyos sa anumang paraan. Hindi ba’t napakapraktikal para sa Diyos na gumawa sa ganitong paraan? (Oo.) Ang mga kilos ng Diyos ay hinding-hindi hungkag; tinutulutan ang lahat ng uri ng pagpapamalas ng tao, na maaari pa ngang kabilangan ng pagkibot ng mga talukap ng ilang tao. Sabihin mo sa Akin, mapipigilan o makokontrol ba ng Diyos ang pagkibot ng mga talukap ng mga tao? Hindi ba’t magiging napakadali para sa Diyos na kontrolin ito? Pero ginawa ba Niya iyon? (Hindi.) Hindi iyon ginawa ng Diyos. Hindi Siya nakialam, binigyan ka Niya ng kalayaan. Kumibot nga ang talukap ng mata mo, pero sa huli, umalis pa rin ang grupo—napakapraktikal ng lahat ng ito. Pero may problema sa destinasyon, at hindi inalis ng Diyos ang panganib na ito dahil lang papunta kayo roon. Hindi iyon ginawa ng Diyos, at nangyari pa rin ang problema gaya ng nararapat. Pero may ginawang matalinong bagay ang Diyos: pinatirik Niya ang kotse ninyo habang nasa kalagitnaan kayo ng biyahe, para sa oras na nakumpuni na ang kotse at nakarating na kayong lahat sa destinasyon, lumipas na ang panganib. Pagprotekta ito ng Diyos sa inyo. Kita mo, dahil sa oras ng pagkaantala na ito, matalino Niyang binigyan ka ng pagkakataon na makaiwas sa panganib. Napakapraktikal ng lahat ng ginagawa ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Kaya, ipinapakita nito sa iyo, sa isang napakapraktikal na paraan, na hindi talaga hungkag o higit sa likas ang ginagawa ng Diyos, at likas at hindi maiiwasan ang kaganapan ng bawat bagay, pero naroroon ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa buong panahon ng kaganapan, anuman ang mga imahinasyon ng mga tao, anuman ang mga paghihirap, kahinaan, at problema nila, tama man o mali ang mga pananaw na pinag-usapan nila nang magkakasama, wala sa mga ito ang nakaapekto sa kung ano ang nangyari sa huli, ni hindi rin ito nakaapekto sa di-maiiwasang kinalabasan ng pangyayari. Nangyari nga ang bawat bagay na dapat mangyari, naganap nga ang problemang dapat na maganap, tumirik nga ang kotse na dapat talagang tumirik, at nabunyag din ang mga pananaw ng mga tao, pero nangyari pa rin ang panghuling kinalabasan ng kaganapan ayon sa paraang isinaayos ng Diyos, at ayon sa paunang inorden ng Diyos at sa kung paano nagsagawa ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa pangyayari. Ito ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, hindi ba? (Oo.) Nangyari ang lahat ng ito nang napakapraktikal at napakanormal, tulad lang ng lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao bawat araw sa pang-araw-araw na buhay nila; likas itong nangyari at hindi ito higit sa likas, malapantasya, o hungkag. Samakatwid, sa usaping ito, dapat maunawaan ng mga tao na ang gawain ng Diyos ay praktikal at na may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa lahat ng bagay. Paano dapat magsagawa ang mga tao? Una sa lahat, dapat nilang maunawaan kung anong mga prinsipyo ang dapat nilang sundin anuman ang mangyari sa kanila. Kung bumabatay lang sila sa mga damdamin ng tao, hindi iyon maaasahan. Hindi sila dapat bumatay sa mga higit sa likas na damdamin, o basta-bastang manghula batay sa mga hungkag na imahinasyon. Sa halip, dapat silang magpunta at gawin nila ang dapat nilang gawin batay sa mga aktuwal na sitwasyon at sa mga tungkuling dapat nilang gawin. Dagdag dito, ang mahalagang bagay ay na magpunta sila at gawin ang dapat nilang gawin batay sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t mas lalong madali ito kung gayon? (Oo.) Samakatwid, anumang mga problema ang nararanasan mo, at anumang yugto ang naabot ng gawain ng Diyos, hindi mo kailangang bumatay sa mga damdamin mo, hindi mo kailangang tingnan kung ang isang petsa ay suwerte ba o hindi, at siyempre, lalong hindi mo kailangang tumingin sa anumang astronomikal na penomeno o makinig sa anumang mga propesiya—gawin mo lang ang dapat mong gawin. Mahilig tumingin ang ilang tao sa mga astronomikal na penomeno o tingnan kung ang mga petsa ay suwerte ba o hindi, sinasabi, “Hindi mainam ang petsa bukas, paano kung magkaaberya ang lahat ng bagay kapag lumabas ako? Mang-aaresto ba ang malaking pulang dragon? Bakit may umiiyak na uwak sa may pinto ko nang gumising ako nang maaga at lumabas kaninang umaga? Nabalitaan kong nakakita ng itim na pusa ang ilang tao nang lumabas sila kagabi. Masasamang tanda ang lahat ng ito! Ano ang dapat kong gawin? May magaganap bang kung anong panganib?” Kung may normal kang pagkatao at normal na pag-iisip ng tao, dapat ay magawa mong husgahan kung anong mga uri ng sitwasyon ang mapanganib at kung anong mga uri ng mga sitwasyon ang medyo ligtas, at dapat mong malaman kung paano harapin at pangasiwaan ang mga ito ayon sa aktuwal na sitwasyon—hindi mo kailangang tingnan ang ibang mga bagay na iyon. Tungkol naman sa kung ano ang dapat mong gawin at hindi dapat gawin araw-araw, sa isang banda, may malilinaw na salita ng Diyos na nagsisilbing mga katotohanang prinsipyo, at sa kabilang banda, may normal kang pagkatao, konsensiya at katwiran, at basta’t ginagawa mo ang dapat mong gawin araw-araw batay sa pagsasaayos ng mga aktuwal na sitwasyon at sa patnubay na ibinibigay ng mga ito, at ayon sa mga aktuwal na pangangailangan ng normal na pagkatao at ng sarili mong mga responsabilidad at obligasyon, ayos lang iyon. Kung haharapin ng mga tao ang pang-araw-araw na buhay nila sa ganitong paraan, hindi ba’t magiging mas lalong simple ang mga bagay-bagay? (Oo.)