Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 18 (Ikaapat na Bahagi)

Kapag kaya ng kanilang mga anak na mamuhay nang nakapagsasarili, ang dapat gawin ng mga magulang ay magpakita lang ng pagmamalasakit sa kanilang mga anak at ng karampatang pag-aalaga pagdating sa trabaho, buhay, at pamilya ng mga ito, o magbigay ng naaangkop na tulong sa mga sitwasyon kung saan hindi kaya ng kanilang mga anak na isakatuparan o pangasiwaan ang isang bagay gamit ang kanilang sariling mga abilidad. Halimbawa, sabihin nating mayroong sanggol ang iyong anak, at silang mag-asawa ay parehong napakaabala sa trabaho. Napakaliit pa ng sanggol, at kung minsan ay walang mag-aalaga rito. Sa mga ganitong sitwasyon, maaari mong tulungan ang iyong anak na alagaan ang kanilang sanggol. Ito ang responsabilidad ng isang magulang, dahil dugo at laman mo ang sanggol, at mas ligtas kung ikaw ang mag-aalaga ng kanilang sanggol kaysa sa ibang tao. Kung pinagkakatiwalaan ka ng iyong anak na mag-alaga sa kanyang sanggol, dapat mo itong alagaan. Kung hindi sila panatag na ipagkatiwala sa iyo ang kanilang sanggol at ayaw nilang alagaan mo ito, o kung hindi sila papayag na alagaan mo ito dahil iniingatan ka nila, dahil iniisip ka nila, at nangangamba silang baka hindi kayanin ng katawan mo, kung gayon ay hindi mo sila dapat sumbatan. May mga anak pa nga na sadyang hindi nagtitiwala sa kanilang mga magulang, iniisip nila na hindi kaya ng kanilang mga magulang na mag-alaga ng isang sanggol, na marunong lang na magpalayaw ng maliliit na bata ang kanilang mga magulang pero hindi marunong magturo sa mga bata, at hindi rin maingat pagdating sa kinakain ng mga bata. Kung walang tiwala sa iyo ang anak mo at ayaw nitong ikaw ang mag-alaga sa kanilang sanggol, mas mainam iyon, magkakaroon ka ng mas maraming libreng oras. Ito ay tinatawag na pagkakasundo ng parehong panig: Parehong hindi nakikialam sa isa’t isa ang magulang at anak, at kasabay nito ay nagpapakita sila ng konsiderasyon sa isa’t isa. Kapag nangangailangan ng tulong, pagmamalasakit, at pag-aalaga ang kanilang mga anak, kailangan lang magbigay ng angkop at karampatang pagmamalasakit, pag-aalaga, at pinansyal na suporta ang mga magulang sa kanilang mga anak sa emosyonal o iba pang aspekto. Halimbawa, ipagpalagay na mayroong kaunting ipon ang isang magulang, o magaling sila sa kanilang trabaho at mayroong pinagkakakitaan. Kapag nangangailangan ng pera ang kanilang mga anak, maaari silang magbigay ng kaunting tulong kung kaya nila. Kung hindi nila kaya, hindi nila kinakailangang isuko ang lahat ng kanilang ari-arian o mangutang ng pera mula sa loan shark para lang matulungan ang kanilang mga anak. Kailangan lamang nilang gawin kung ano ang makakaya nila para tuparin ang mga responsabilidad na mayroon sila sa balangkas ng pagiging magkapamilya. Hindi kailangang ipagbili ang lahat ng mayroon sila, o ibenta ang kanilang mga kidney o dugo, o magtrabaho nang todo para lang matulungan ang kanilang mga anak. Ang buhay mo ay pagmamay-ari mo, ito ay ibinigay sa iyo ng Diyos, at mayroon kang sarili mong mga misyon. Taglay mo ang buhay na ito para maisakatuparan mo ang mga misyon na iyon. Taglay din ng iyong mga anak ang kanilang buhay para matapos nila ang kanilang mga landas sa buhay at makumpleto ang kanilang mga misyon sa buhay, hindi para maging mabuting anak sa iyo. Samakatuwid, nasa hustong gulang man ang kanilang mga anak o hindi pa, ang buhay ng mga magulang ay pagmamay-ari lamang nila, hindi pagmamay-ari ng kanilang mga anak. Natural na hindi libreng yaya o alipin sa kanilang mga anak ang mga magulang. Anuman ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, hindi ibig sabihin na hahayaan na lamang nila ang kanilang mga anak na basta-basta silang utus-utusan nang walang anumang kabayaran, o na maging utusan, kasambahay, o alipin sila ng kanilang mga anak. Anuman ang mga damdamin mo para sa iyong mga anak, ikaw ay isa pa ring taong nakapagsasarili. Hindi mo dapat akuin ang responsabilidad sa kanilang buhay kapag nasa hustong gulang na sila, na para bang ganap na tamang gawin iyon, dahil lang sa sila ay mga anak mo. Hindi mo kailangang gawin ito. Sila ay mga taong nasa hustong gulang na; natupad mo na ang iyong responsabilidad na palakihin sila. Mamumuhay man sila nang maayos o hindi sa hinaharap, kung sila man ay magiging mayaman o mahirap, at kung sila man ay mamumuhay nang masaya o malungkot, personal na nilang usapin iyon. Walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo. Bilang isang magulang, wala kang obligasyon na baguhin ang mga bagay na iyon. Kung hindi masaya ang kanilang buhay, hindi ka obligadong sabihin na: “Hindi ka masaya—mag-iisip ako ng paraan para ayusin ito, ibebenta ko ang lahat ng ari-arian ko, uubusin ko ang lahat ng lakas ko sa buhay para pasayahin ka.” Hindi mo kinakailangang gawin ito. Kailangan mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad, iyon lang. Kung gusto mo silang tulungan, maaari mo silang tanungin kung bakit hindi sila masaya, at tulungan silang maunawaan ang problema sa teoretikal at sikolohikal na antas. Kung tatanggapin nila ang tulong mo, mas mainam pa iyon. Kung hindi, kailangan mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang magulang, at wala nang iba pa. Kung gusto ng iyong mga anak na maghirap, problema na nila iyon. Hindi mo kailangang mag-alala o mabahala tungkol dito, o na hindi makakain o makatulog nang maayos. Sobra-sobra na kung gagawin mo iyon. Bakit sobra-sobra na? Dahil nasa hustong gulang na sila. Dapat silang matutong mamahala sa lahat ng bagay na kinakaharap nila sa buhay nang sila lang. Kung nag-aalala ka sa kanila, iyan ay pagmamahal lang; kung hindi ka nag-aalala sa kanila, hindi ito nangangahulugang wala kang puso, o na hindi mo natupad ang iyong mga responsabilidad. Sila ay nasa hustong gulang na, at ang mga nasa hustong gulang ay dapat humarap sa mga problema ng ganitong edad at pangasiwaan ang lahat ng bagay na dapat gawin ng mga taong nasa hustong gulang. Hindi sila dapat umasa sa kanilang mga magulang sa lahat ng bagay. Siyempre, hindi dapat akuin ng mga magulang ang responsabilidad sa kung magiging maayos ba ang mga trabaho, propesyon, pamilya, o buhay may asawa ng kanilang mga anak kapag nasa hustong gulang na ang mga ito. Maaari kang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito, at maaari kang magtanong tungkol dito, ngunit hindi mo kailangang lubusang pangasiwaan ang mga ito, iginagapos ang iyong mga anak sa tabi mo, dinadala sila kahit saan ka magpunta, binabantayan sila kahit saan ka magpunta, at iniisip sila: “Kumakain kaya sila nang maayos ngayon? Masaya kaya sila? Maayos kaya ang trabaho nila? Pinahahalagahan ba sila ng kanilang amo? Mahal ba sila ng kanilang asawa? Masunurin ba ang kanilang mga anak? Matataas ba ang marka ng kanilang mga anak?” Ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa iyo? Kayang lutasin ng iyong mga anak ang sarili nilang mga problema, hindi mo kailangang makialam. Bakit Ko itinatanong kung ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa iyo? Ang ibig Kong sabihin dito ay walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na iyon. Natupad mo na ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga anak, napalaki mo na sila tungo sa hustong gulang, kaya dapat ay huwag ka nang makialam. Sa sandaling gawin mo ito, hindi ibig sabihin na wala ka nang gagawin. Napakarami pa ring bagay na dapat mong gawin. Pagdating sa mga misyong kinakailangan mong tapusin sa buhay na ito, bukod sa pagpapalaki ng iyong mga anak tungo sa hustong gulang, mayroon ka pang ibang misyon na dapat tapusin. Maliban sa pagiging magulang sa iyong mga anak, ikaw ay isang nilikha. Dapat kang humarap sa Diyos at dapat mong tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Kanya. Ano ang iyong tungkulin? Natapos mo na ba ito? Inialay mo na ba ang iyong sarili rito? Natahak mo na ba ang landas tungo sa kaligtasan? Ito ang mga bagay na dapat mong pag-isipan. Tungkol sa kung saan susunod na pupunta ang iyong mga anak kapag nasa hustong gulang na sila, kung ano ang magiging buhay nila, kung ano ang magiging mga sitwasyon nila, kung magiging masaya at masigla sila, walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito. Nakapagsasarili na ang iyong mga anak, sa panlabas at mental na aspekto. Dapat mo silang hayaan na makapagsarili, dapat kang bumitiw, at hindi mo sila dapat subukang kontrolin. Sa aspekto man ng panlabas na parte ng mga bagay-bagay, pagmamahal, o mga ugnayan ng pamilya, natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, at wala nang ugnayan sa pagitan mo at ng iyong mga anak. Walang kaugnayan ang kanilang mga misyon at ang iyong mga misyon, at walang kaugnayan ang mga landas sa buhay na kanilang tinatahak at ang iyong mga ekspektasyon. Natapos na ang iyong mga ekspektasyon para sa kanila at ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Natural na hindi ka dapat magkaroon ng mga ekspektasyon sa kanila. Sila ay sila, at ikaw ay ikaw. Kung hindi mag-aasawa ang iyong mga anak, kung gayon, pagdating sa inyong kapalaran at misyon, kayo ay ganap na hindi konektado at mga indibidwal na nakapagsasarili. Kung mag-aasawa sila at magsisimula ng pamilya, kung gayon, ang inyong mga pamilya ay ganap na mga pamilyang hindi konektado. Ang iyong mga anak ay may kanilang mga kagawian at pamumuhay, mayroon silang mga pangangailangan ukol sa kalidad ng kanilang buhay, at mayroon ka ring mga kagawian mo at iyong mga pangangailangan ukol sa kalidad ng iyong buhay. Mayroon kang sariling landas sa buhay at sila ay mayroon ding kanilang mga landas sa buhay. Mayroon kang sariling mga misyon, at sila ay mayroon ding kanilang mga misyon. Siyempre, mayroon kang sariling pananampalataya, at mayroon din sila. Kung ang kanilang pananampalataya ay nakasalalay sa pera, katanyagan, at pakinabang, kayo ay ganap na magkaibang tao. Kung magkapareho kayo ng pananampalataya, kung hinahangad nila ang katotohanan at tinatahak ang landas ng kaligtasan, natural lang na kayo ay ganap na magkaibang indibidwal pa rin. Ikaw ay ikaw, at sila ay sila. Hindi mo kailangang makialam pagdating sa landas na tinatahak nila. Maaari mo silang suportahan, tulungan, at tustusan, maaari mo silang paalalahanan at payuhan, pero hindi mo kailangang makialam o makisangkot. Walang sinuman ang makapagpapasya kung anong uri ng landas ang tatahakin ng isang tao, kung magiging anong uri sila ng tao, o kung ano ang uri ng kanilang magiging mga paghahangad. Pag-isipan ito, sa anong batayan Ako nakaupo rito, nakikipag-usap sa inyo at nagsasalita sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na ito? Batay sa inyong kahandaang makinig. Nagsasalita Ako dahil handa kayong makinig sa Aking mga taimtim na payo. Kung hindi kayo handang makinig, o kung aalis kayo, hindi na Ako magsasalita. Ang bilang ng mga salitang binibigkas Ko ay nakasalalay sa kung handa kayong makinig at kung handa kayong gumugol ng inyong oras at enerhiya para dito. Kung sasabihin mo, “Hindi ko naiintindihan ang sinasabi Mo, maaari bang gawin Mong mas detalyado?” kung gayon, gagawin Ko ang lahat ng Aking makakaya para maging mas detalyado, upang maipaunawa sa iyo ang Aking mga salita at nang makapasok ka sa mga ito. Kapag nailagak na kita sa tamang landas, nadala ka sa harap ng Diyos at ng katotohanan, at naipaunawa sa iyo ang katotohanan at kapag napasunod kita sa daan ng Diyos, matatapos na ang Aking gampanin. Subalit, pagdating sa kung magiging handa ka bang isagawa ang Aking mga salita matapos marinig ang mga ito, o kung anong uri ng landas ang tatahakin mo, anong uri ng buhay ang pipiliin mo, o kung ano ang hahangarin mo, hindi Ko na problema ang mga bagay na ito. Kung sasabihin mo, “May tanong ako tungkol sa aspektong iyon ng katotohanan, gusto ko itong hanapin,” matiyaga Kong sasagutin ang iyong tanong. Kung hindi mo nanaising hanapin ang katotohanan kahit kailan, pupungusan ba kita dahil doon? Hindi. Hindi kita pipiliting hanapin ang katotohanan, o kukutyain o pagtatawanan, at lalong hindi Ako manlalamig sa iyo. Aakto pa rin Ako gaya nang dati. Kung makagagawa ka ng kamalian sa iyong tungkulin o sadyang magdudulot ng pagkagambala o kaguluhan, mayroon Akong mga prinsipyo at pamamaraan para pangasiwaan ka. Subalit, maaaring sabihin mo na: “Ayaw kitang marinig na nagsasalita tungkol sa mga bagay na ito, at hindi ako handang tanggapin ang mga pananaw Mo na iyan. Patuloy kong gagampanan ang aking tungkulin gaya nang dati.” Kung gayon, hindi ka dapat lumabag sa mga prinsipyo o sa mga atas administratibo. Kung lalabag ka sa mga atas administratibo, pangangasiwaan kita. Ngunit kung hindi ka lalabag sa mga atas administratibo, at kaya mong umasal nang maayos habang namumuhay ng buhay-iglesia, hindi Ako makikialam sa iyo, kahit na hindi mo hinahangad ang katotohanan. Hindi Ako makikialam pagdating sa iyong personal na buhay, sa kung ano ang gusto mong kainin, suotin, o sinong mga tao ang gusto mong makasalamuha. Binibigyang-kalayaan kita sa mga aspektong ito. Bakit ganoon? Nalinaw Ko na sa iyo ang lahat ng prinsipyo at nilalaman tungkol sa mga usaping ito. Ang natitira ay nakasalalay na sa sarili mong mga pagpapasya. Ang landas na pinipili mong tahakin ay nakasalalay sa kung anong uri kang tao, malinaw ito. Kung hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan, sino ang makakapilit sa iyo na mahalin ito? Sa huli, ang bawat tao ang may pananagutan sa landas na kanilang tinatahak, at sa mga resultang papasanin nila. Hindi Ko kailangang panagutan ito. Kung hahangarin mo ang katotohanan, gawin mo nang kusang-loob. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, gawin mo rin nang kusang-loob—walang pumipigil sa iyo. Kung talagang hahangarin mo ang katotohanan, walang maghihikayat sa iyo, at hindi ka bibigyan ng espesyal na biyaya o mga materyal na pagpapala. Ginagampanan at tinutupad Ko lamang ang Aking mga responsabilidad, sinasabi sa inyo ang lahat ng katotohanan na dapat ninyong maunawaan at kailangan ninyong pasukin. Tungkol sa kung paano kayo namumuhay sa inyong pribadong buhay, hindi Ako kailanman nag-usisa o nakialam tungkol dito. Ito ang saloobing taglay Ko. Dapat ganito rin ang ipakita ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ang mga taong nasa hustong gulang ay may kakayahang tukuyin ang tama sa mali. Nasa sa kanila na iyon kung pipiliin nila ang tama o mali, kung pipiliin nila ang itim o puti, kung pipiliin nila ang mga positibo o negatibong bagay—depende ito sa mga pangangailangan ng kanilang kalooban. Kung masama ang diwa ng isang tao, hindi niya pipiliin ang mga positibong bagay. Ngunit kung nagsisikap ang isang tao na maging mabuti, at nagtataglay siya ng pagkatao, kamalayan ng konsensiya, at pakiramdam ng kahihiyan, pipiliin niya ang mga positibong bagay; kahit na medyo mabagal siya sa paggawa niyon, sa huli ay tatahakin niya ang tamang landas. Ito ay hindi maiiwasan. Kaya, dapat magkaroon ng ganitong saloobin ang mga magulang sa kanilang mga anak, at hindi sila dapat manghimasok sa mga desisyon ng kanilang mga anak. Ang mga hinihingi ng ilang magulang sa kanilang mga anak ay: “Ang aming mga anak ay dapat na tumahak sa tamang landas, manampalataya sa Diyos, tumalikod sa sekular na mundo, at bumitiw sa kanilang trabaho. Kung hindi, kapag pumasok na kami sa kaharian, hindi makakapasok ang aming mga anak, at mahihiwalay kami sa kanila. Napakaganda sana kung ang buong pamilya namin ay sama-samang makakapasok sa kaharian! Maaari kaming magsama sa langit, tulad ng pagsasama namin dito sa lupa. Habang nasa kaharian kami, hindi namin dapat iwan ang isa’t isa, dapat magkakasama kami sa buong kapanahunan!” Subalit, hindi naman pala nananampalataya ang kanilang mga anak sa Diyos, bagkus ay hinahangad ng mga ito ang mga makamundong bagay, at nagsusumikap na kumita ng maraming pera at na maging napakayaman; sinusuot nila ang anumang uso, ginagawa at pinag-uusapan nila ang anumang sikat, at hindi nila tinutupad ang mga kahilingan ng kanilang mga magulang. Bilang resulta, sumasama ang loob ng mga magulang na ito, nagdarasal at nag-aayuno ang mga ito dahil dito, nag-aayuno nang isang linggo, 10 araw, o nang dalawang linggo, at nagsusumikap nang husto para sa kapakanan ng kanilang mga anak tungkol sa usaping ito. Madalas silang nagugutom na nakakaramdam na sila ng pagkahilo, at madalas silang nagdarasal sa harap ng Diyos habang umiiyak. Subalit, kahit gaano pa sila magdasal o gaano man sila magsikap, hindi naaantig ang kanilang mga anak at hindi alam ng mga ito kung paano mamulat. Habang mas lalong tumatangging manampalataya ang kanilang mga anak, mas lalong naiisip ng mga magulang na ito na: “Naku, binigo ko ang aking mga anak, nadismaya sila nang dahil sa akin. Hindi ko naipalaganap ang ebanghelyo sa kanila, at hindi ko sila naisama tungo sa landas ng kaligtasan. Ang mga hangal na iyon—ito ang landas ng kaligtasan!” Hindi sila mga hangal; sadyang wala silang ganitong pangangailangan. Ang mga magulang na ito ang mga hangal, dahil sinusubukan nilang itulak ang kanilang mga anak patungo sa landas na ito, hindi ba? Kung may ganitong pangangailangan ang kanilang mga anak, kinakailangan pa ba ng mga magulang na magsalita tungkol sa mga bagay na ito? Kusa nang mananampalataya ang kanilang mga anak. Palaging iniisip ng mga magulang na ito: “Binigo ko ang mga anak ko. Bata pa lamang sila ay hinikayat ko na silang magkolehiyo, at simula nang magkolehiyo sila, hindi na sila nag-iba ng landas. Hindi sila tumitigil sa paghahangad ng mga makamundong bagay, at sa tuwing bumabalik sila, wala silang ibang kinukwento kundi ang tungkol sa trabaho, pagkita ng pera, tungkol sa kung sino ang itinaas ang ranggo o bumili ng kotse, sino ang nakapag-asawa ng mayaman, sino ang pumunta ng Europa para mag-advance studies o maging exchange student, at sinasabi nila kung gaano kaganda ang takbo ng buhay ng ibang tao. Sa tuwing umuuwi sila, ikinukwento nila ang mga bagay na iyon, at ayaw kong marinig ang mga iyon, pero wala akong magawa. Kahit anong sabihin ko para mahimok silang manampalataya sa Diyos, ayaw pa rin nilang makinig.” Dahil dito, nagkakaroon ng hidwaan ang mga magulang at ang kanilang mga anak. Sa tuwing nakikita nila ang kanilang mga anak, sumasama ang ekspresyon ng kanilang mga mukha; kapag nakikipag-usap sila sa kanilang mga anak, sumisimangot sila. Hindi alam ng ibang anak kung ano ang gagawin, at iniisip nila na: “Hindi ko alam kung ano ang problema sa mga magulang ko. Kung hindi ako nananampalataya sa Diyos, edi hindi. Bakit ba palaging ganito ang trato nila sa akin? Akala ko pa naman, kapag mas nananampalataya ang isang tao sa Diyos, nagiging mas mabuting tao siya. Bakit napakaliit ng pagmamahal ng mga mananampalataya para sa kanilang mga pamilya?” Masyadong nag-aalala ang mga magulang na ito sa kanilang mga anak na halos puputok na ang kanilang ugat, at sinasabi nila na: “Hindi ko sila anak! Pinuputol ko na ang anumang ugnayan namin, itinatakwil ko na sila!” Sinasabi lang nila iyon, pero hindi talaga iyon ang nararamdaman nila. Hindi ba’t hangal ang mga ganitong magulang? (Oo.) Palagi nilang gustong kontrolin at pangasiwaan ang lahat, palaging gustong pangasiwaan ang kinabukasan ng kanilang mga anak, ang pananalig at mga landas na tinatahak ng mga ito. Napakahangal nito! Hindi ito nararapat. Sa partikular, may mga anak na naghahangad ng mga makamundong bagay, mga anak na na-promote sa mga posisyon ng pamamahala at kumikita ng maraming pera. Nag-uuwi sila ng bulto-bultong ginseng, mga gintong hikaw, at gintong kuwintas bilang regalo sa kanilang mga magulang, at sinasabi ng kanilang mga magulang: “Ayaw ko sa mga bagay na ito, ang gusto ko lamang ay maging malusog kayo, at sumunod kayo sa akin sa pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay isang napakagandang bagay!” At sinasabi naman ng kanilang mga anak: “Huwag mo nang umpisahan iyan. Na-promote na ako, at wala ka man lang ginawa para batiin ako. Kapag nababalitaan ng ibang magulang na na-promote ang kanilang mga anak, nagbubukas sila ng champagne, kumakain sila sa mga mamahaling restawran, ngunit kapag binibilhan kita ng mga kuwintas at hikaw, hindi ka masaya. Ano ang nagawa kong pagkukulang sa iyo? Nagtatampo lang kayo dahil hindi ako nananampalataya sa Diyos.” Tama bang magtampo ang mga magulang nang ganito? May iba’t ibang paghahangad ang mga tao, iba’t ibang landas ang tinatahak nila, at sila mismo ang pumipili sa mga landas na ito. Dapat harapin ng mga magulang ang bagay na ito nang tama. Kung hindi kinikilala ng iyong mga anak ang pag-iral ng Diyos, hindi mo dapat igiit na manampalataya sila sa Diyos—hindi kailanman nagtatagumpay ang pagpilit sa mga bagay-bagay. Kung ayaw nilang manampalataya sa Diyos, at hindi sila ganoong uri ng tao, kung gayon, kapag mas binabanggit mo ito, mas lalo kang maiinis sa kanila at maiinis din sila sa iyo—pareho lang kayong maiinis. Ngunit ang pagkainis ninyong pareho ay hindi ang mahalaga—ang pinakamahalaga ay na kamumuhian ka ng Diyos, at sasabihin Niya na napakatindi ng pagmamahal mo. Dahil kaya mong magbayad ng napakalaking halaga dahil lang sa hindi nananampalataya sa Diyos ang mga anak mo, at lubos na masama ang loob mo dahil hinahangad nila ang mga makamundong bagay, kung isang araw ay kuhain sila ng Diyos, ano ang gagawin mo? Magrereklamo ka ba sa Diyos? Kung sa puso mo, ang iyong mga anak ang lahat-lahat sa iyo, kung sila ang iyong kinabukasan, ang iyong pag-asa, at ang iyong buhay, kung gayon, isa ka pa rin bang taong nananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t kasusuklaman ka ng Diyos dahil ganito ang ikinikilos mo? Ang pagkilos mo ay napakahangal, hindi tugma sa mga prinsipyo, at hindi masisiyahan ang Diyos dito. Kaya, kung matalino ka, hindi mo gagawin ang mga ganitong bagay. Kung hindi nananampalataya ang mga anak mo, dapat hayaan mo na lang sila. Naiparating mo na ang lahat ng argumento na dapat mong iparating, at nasabi mo na ang nararapat mong sabihin, kaya hayaan mo silang gumawa ng sarili nilang mga pagpapasya. Patuloy mong ingatan ang relasyon na mayroon ka sa iyong mga anak. Kung nais nilang maging mabuting anak sa iyo, kung gusto ka nilang pahalagahan at alagaan, hindi mo ito kailangang tanggihan. Kung gusto ka nilang dalhin para mamasyal sa Europa, ngunit nakakahadlang ito sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at ayaw mong sumama, kung gayon ay huwag ka nang sumama. Pero kung nais mong sumama, at may oras ka, kung gayon ay sumama ka. Walang masama sa pagpapalawak ng iyong mga kaalaman. Hindi madudumihan ang iyong mga kamay rito, at hindi ito kokondenahin ng Diyos. Kung bibilhan ka ng iyong mga anak ng ilang magandang bagay, masarap na pagkain o mga damit, at iniisip mo na nababagay sa isang santo na suotin o gamitin ang mga ito, kung gayon ay tamasahin mo ang mga ito, at ituring na biyaya mula sa Diyos. Kung ayaw mo sa mga bagay na iyon, kung hindi ka nasisiyahan sa mga ito, kung sa tingin mo ay sagabal at kasuklam-suklam ang mga ito, at kung ayaw mong tamasahin ang mga ito, maaari mong tanggihan ang mga ito, sabihin na: “Masaya na ako na makita kayo, hindi ninyo kailangang magdala ng mga regalo o gumastos para sa akin, hindi ko kailangan ang mga bagay na iyon. Gusto ko lang na maging ligtas at masaya kayo.” Hindi ba’t kahanga-hanga iyon? Kung sasabihin mo ang mga salitang ito, at pinaniniwalaan mo ang mga bagay na ito sa iyong puso, kung talagang hindi mo hinihingi sa iyong mga anak na magtustos sa iyo ng anumang materyal na kaginhawahan, o na tulungan ka na makibahagi sa kanilang tagumpay, kung gayon ay hahangaan ka ng iyong mga anak, hindi ba? Tungkol naman sa anumang paghihirap nila sa trabaho o buhay, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya na tulungan sila sa tuwing may magagawa ka. Kung ang pagtulong sa kanila ay makakaapekto sa paggampan mo ng iyong tungkulin, maaari kang tumanggi—karapatan mo iyon. Dahil wala ka nang anumang pananagutan sa kanila, dahil wala ka nang anumang responsabilidad sa kanila, at sila ay mga nasa hustong gulang na at marunong magsarili, kaya na nilang pamahalaan ang sarili nilang buhay. Hindi mo sila kailangang paglingkuran nang walang kondisyon o sa lahat ng oras. Kung hihingan ka ng tulong ng iyong mga anak, at ayaw mo silang tulungan, o kung makakaapekto ito sa paggampan mo ng iyong tungkulin, maaari kang tumanggi. Karapatan mo iyon. Bagamat kadugo mo sila, at ikaw ang magulang nila, ito ay isang relasyon lamang ng pormalidad, dugo, at pagmamahalan—pagdating sa iyong mga responsabilidad, malaya ka na mula sa ugnayan ninyo. Kaya, kung matalino ang mga magulang, hindi sila magkakaroon ng anumang ekspektasyon, hinihingi, o pamantayan para sa kanilang mga anak kapag umabot na ang mga ito sa hustong gulang, at, mula sa perspektiba o posisyon ng isang magulang, hindi nila hihingiin na kumilos sa partikular na paraan ang kanilang mga anak o na gumawa ng mga partikular na bagay, dahil nakapagsasarili na ang kanilang mga anak. Kapag ang iyong mga anak ay nakapagsasarili na, ibig sabihin ay natupad mo na ang lahat ng iyong responsabilidad sa kanila. Kaya, anuman ang gawin mo para sa iyong mga anak kapag pinahihintulutan ng mga sitwasyon, pinakikitaan mo man sila ng malasakit o pag-aalaga, ito ay pagmamahal lamang, at ito ay kalabisan. O kung hihilingin sa iyo ng mga anak mo na gumawa ng isang bagay, iyon ay kalabisan din, hindi ito isang bagay na tungkulin mong gawin. Dapat mong maunawaan ito. Malinaw na ba ang mga bagay na ito? (Oo.)

Ipagpalagay nang may isa sa inyo ang magsasabi: “Hindi ko kayang bitiwan ang mga anak ko kailanman. Ipinanganak sila na may mahinang katawan, at likas silang duwag at mahina ang loob. Hindi rin gaanong mahusay ang kakayahan nila at palagi silang inaapi ng ibang tao sa lipunan. Hindi ko sila kayang bitiwan.” Kung hindi mo kayang bitiwan ang iyong mga anak, hindi ito nangangahulugan na hindi ka pa tapos sa pagtupad ng iyong mga responsabilidad sa kanila, ito ay bunga lamang ng iyong mga damdamin. Maaaring sabihin mo: “Palagi akong nag-aalala at napapaisip kung kumakain ba nang maayos ang mga anak ko, o kung mayroon silang anumang problema sa tiyan. Kung hindi sila kumakain sa tamang oras at palagi na lang nag-oorder ng pagkain sa labas sa loob ng mahabang panahon, magkakaroon ba sila ng mga problema sa tiyan? Magkakasakit ba sila? At kung may sakit sila, mayroon bang mag-aalaga sa kanila, magpapakita ng pagmamahal sa kanila? Mag-aalala ba sa kanila ang kanilang mga asawa at aalagaan sila?” Ang iyong mga alalahanin ay sadyang nagmumula sa iyong mga damdamin at sa pagiging magkadugo ninyo ng mga anak mo, ngunit ang mga ito ay hindi mo mga responsabilidad. Ang mga responsabilidad na ibinigay ng Diyos sa mga magulang ay ang mga responsabilidad lamang ng pagpapalaki at pag-aalaga sa kanilang mga anak bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Kapag nasa hustong gulang na ang kanilang mga anak, wala nang responsabilidad sa kanila ang mga magulang. Ito ang pagtingin sa mga responsabilidad na dapat tuparin ng mga magulang mula sa perspektiba ng ordinasyon ng Diyos. Nauunawaan mo ba ito? (Oo.) Gaano man kalakas ang iyong mga damdamin o kapag umandar na ang iyong likas na pagiging magulang, hindi ito pagtupad sa iyong mga responsabilidad; ito ay bunga lamang ng iyong mga damdamin. Ang mga bunga ng iyong damdamin ay hindi nagmumula sa katwiran ng pagkatao, o sa mga prinsipyo na itinuro ng Diyos sa tao, o sa pagpapasakop ng tao sa katotohanan, at lalong hindi nagmumula ang mga ito sa mga responsabilidad ng tao; bagkus, ito ay nagmumula sa mga damdamin ng tao—mga damdamin ang tawag sa mga ito. May kaunti lang na pagmamahal at pagiging kapamilya ng magulang ang nakapaloob dito. Dahil mga anak mo sila, palagi kang nag-aalala sa kanila, iniisip mo kung nagdurusa ba sila, at kung sila ba ay inaapi. Iniisip mo kung maayos ba ang takbo ng kanilang trabaho, at kung kumakain ba sila sa tamang oras. Iniisip mo kung may sakit ba sila, at kung makakaya ba nilang bayaran ang kanilang mga gastusin sa pagpapagamot kung sakaling magkasakit nga sila. Madalas mong iniisip ang mga bagay na ito, at wala talagang kinalaman ang mga ito sa iyong mga responsabilidad bilang magulang. Kung hindi mo mabitiwan ang mga alalahaning ito, masasabi lang na namumuhay ka nang nababalot sa iyong mga damdamin at hindi ka makalaya mula sa mga ito. Namumuhay ka lang nang nababalot sa iyong mga damdamin, pinangangasiwaan ang iyong mga anak ayon sa iyong mga damdamin, sa halip na mamuhay ayon sa depinisyon ng mga responsabilidad ng magulang na ibinigay ng Diyos. Hindi ka namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, dinadama, tinitingnan, at pinangangasiwaan mo lang ang lahat ng bagay na ito ayon sa iyong mga damdamin. Nangangahulugan ito na hindi mo sinusunod ang daan ng Diyos. Malinaw ito. Ang iyong mga responsabilidad bilang magulang—ayon sa itinuro sa iyo ng Diyos—ay natapos na sa sandaling nasa hustong gulang na ang iyong mga anak. Hindi ba’t madali at simple ang paraan ng pagsasagawa na itinuro sa iyo ng Diyos? (Oo.) Kung magsasagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka gagawa ng mga walang kabuluhang bagay, at bibigyan mo ng kalayaan ang iyong mga anak, at ng pagkakataon na mapaunlad ang kanilang sarili, nang hindi nagdudulot ng dagdag na problema o abala sa kanila, o ng dagdag na pasanin sa kanila. At dahil sila ay nasa hustong gulang na, ang paggawa nito ay magbibigay-daan sa kanila na harapin ang mundo, ang kanilang buhay, at ang iba’t ibang problemang kinakaharap nila sa kanilang pang-araw-araw na buhay at pag-iral, nang may perspektiba ng isang taong nasa hustong gulang na, nang may nakapagsasariling mga pamamaraan ng isang taong nasa hustong gulang na sa pangangasiwa at pagtingin sa mga bagay-bagay, at nakapagsasariling pananaw sa mundo ng isang taong nasa hustong gulang na. Ito ang mga kalayaan at karapatan ng iyong mga anak, at higit pa rito, ito ang mga bagay na dapat nilang gawin bilang mga nasa hustong gulang na, at walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito. Kung palagi mong gustong masangkot sa mga bagay na ito, medyo nakakasuya iyon. Kung palagi mong sinasadya na isingit ang iyong sarili sa mga bagay na ito at makialam sa kanila, makapagdudulot ka ng gulo at pagkawasak, at sa huli, bukod sa salungat sa iyong mga kagustuhan ang kalalabasan ng mga bagay-bagay, higit pa roon, magiging tutol rin sa iyo ang iyong mga anak, at magiging labis na nakakapagod ang buhay mo. Sa huli, mapupuno ka ng mga hinaing, at magrereklamo ka na ang iyong mga anak ay hindi mabuti, masunurin, o maalalahanin sa iyo; magrereklamo ka na wala silang utang na loob, walang pagpapahalaga, at mga walang malasakit na ingrata. May ilang magulang din na walang modo at hindi makatwiran na iiyak, manggugulo, at magbabantang magpakamatay, ginagamit ang kung anu-anong panlalansi. Mas lalo itong nakakasuya, hindi ba? (Oo.) Kung matalino ka, hahayaan mo ang likas na takbo ng mga bagay-bagay, mamumuhay ka nang magaan, at tutuparin mo lang ang iyong mga responsabilidad bilang magulang. Kung sinasabi mong gusto mong alagaan ang iyong mga anak at magpakita sa kanila ng malasakit alang-alang sa pagmamahal, kung gayon, ayos lang na magpakita sa kanila ng nararapat na malasakit. Hindi Ko sinasabi na basta na lang putulin ng mga magulang ang ugnayan nila sa kanilang mga anak sa sandaling umabot na sa hustong gulang ang mga ito at natupad na ng mga magulang ang kanilang mga responsabilidad. Hindi dapat lubusang pabayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, hindi nila dapat sabihin sa kanilang mga anak na basta na lang humayo ang mga ito nang mag-isa, o balewalain ang mga ito kahit gaano pa kalaki ang mga suliraning kinakaharap ng mga ito—kahit itinutulak na ng mga suliraning iyon ang kanilang mga anak sa bingit ng kamatayan—o hindi sila dapat na tumangging mag-alok ng tulong sa kanilang mga anak kapag kailangan sila ng mga ito. Mali rin ito—ito ay labis-labis. Kapag kailangan ng iyong mga anak na magtapat ng saloobin sa iyo, dapat kang makinig, at pagkatapos mong makinig, dapat mong itanong kung ano ang kanilang iniisip at balak na gawin. Maaari ka ring magbigay ng sarili mong mga suhestiyon. Kung may sarili silang mga iniisip at plano, at hindi nila tinatanggap ang iyong mga suhestiyon, sabihin mo na lang na: “Sige. Dahil nakapagpasya ka na, anuman ang kahihinatnan nito sa hinaharap, ikaw na ang may pananagutan doon. Buhay mo iyan. Kailangan mong tahakin at tapusin ang iyong sariling landas sa buhay. Walang iba ang maaaring managot sa buhay mo. Kung buo na ang isip mo, susuportahan kita. Kung kailangan mo ng pera, pwede kitang bigyan nang kaunti. Kung kailangan mo ang tulong ko, pwede kitang tulungan sa abot ng makakaya ko. Tutal, magulang mo ako, kaya wala nang dapat sabihin pa. Pero kung sasabihin mo na hindi mo kailangan ang aking tulong o pera, at kailangan mo lang na makinig ako sa iyo, mas madali iyon.” Pagkatapos, nasabi mo na ang kailangan mong sabihin, nasabi na rin nila ang kailangan nilang sabihin; nailabas na nila ang lahat ng kanilang hinaing, lahat ng kanilang galit ay naibulalas na. Pupunasan nila ang kanilang mga luha, aalis sila at gagawin ang kailangan nilang gawin, at matutupad mo na ang iyong mga responsabilidad bilang magulang. Ito ay ginagawa alang-alang sa pagmamahal; tinatawag itong pagmamahal. At bakit ganoon? Dahil bilang isang magulang, wala ka namang anumang masamang intensiyon sa mga anak mo. Hindi mo sila pipinsalain, hindi ka magpapakana laban sa kanila, o kukutyain sila, at tiyak na hindi mo sila pagtatawanan nang dahil sila ay mahina at walang kakayahan. Ang mga anak mo ay maaaring umiyak, magbulalas, at magreklamo sa harap mo nang walang pagpipigil, na para bang sila ay maliliit na bata; maaari silang magmaktol, magmukmok, o magpakasutil. Gayunpaman, pagkatapos nilang maibulalas ang kanilang mga emosyon at magmukmok at magpakasutil, dapat pa rin nilang gawin ang dapat nilang gawin, at pangasiwaan ang anumang bagay na nasa harap nila. Kung magagawa nila iyon nang hindi ka gumagawa ng anumang bagay para sa kanila o nagbibigay ng anumang tulong, napakainam niyon, at magkakaroon ka ng mas maraming libreng oras, hindi ba? At dahil sinabi na ng iyong mga anak ang mga bagay na iyon, dapat magkaroon ka ng kaunting pagkakilala sa sarili. Malaki na ang mga anak mo, nakakapagsarili na sila. Gusto ka lang nilang kausapin tungkol sa bagay na iyon, hindi nila hiningi ang tulong mo. Kung wala kang pag-unawa rito, maaaring iniisip mo na: “Mahalagang bagay ito. Dahil sinabi mo ito sa akin, ibig sabihin ay nirerespeto mo ako, kaya, hindi ba’t nararapat lang na bigyan kita ng kaunting payo tungkol dito? Hindi ba’t nararapat kitang tulungan sa pagdedesisyon?” Ang tawag dito ay sobrang pagpapahalaga sa sarili mong kakayahan. Kinakausap ka lang ng mga anak mo tungkol sa bagay na iyon, pero tinatrato mo na ang sarili mo na isang napakahalagang tao. Hindi ito tama. Sinabi ng iyong mga anak ang bagay na iyon dahil ikaw ang kanilang magulang, at nirerespeto at pinagkakatiwalaan ka nila. Ang totoo, matagal na silang may sariling mga ideya tungkol dito, pero ngayon ay gusto mong palaging makialam dito. Hindi iyon naaangkop. Pinagkakatiwalaan ka ng iyong mga anak, at dapat kang maging karapat-dapat sa tiwalang iyon. Dapat mong igalang ang kanilang desisyon at hindi ka dapat makisali o makialam dito. Kung gusto ka nilang makisali, maaari mo itong gawin. At ipagpalagay na, nang makisali ka na nga, napagtanto mo na: “Naku, napakalaking problema nito! Maaapektuhan nito ang paggampan ko sa aking tungkulin. Hindi talaga ako pwedeng makisali rito; bilang isang mananampalataya sa Diyos, hindi ko magagawa ang mga bagay na ito.” Kung gayon, dapat agad kang humiwalay sa usaping iyon. Sabihin nang gusto pa rin nilang makialam ka, at iniisip mo: “Hindi ako makikialam. Ikaw mismo ang dapat na mangasiwa rito. Sapat nang nakinig ako sa pagbubulalas mo ng hinaing na ito at ng lahat ng walang katuturang isyu na ito. Natupad ko na ang mga responsabilidad ko bilang magulang. Hindi talaga ako pwedeng makialam sa bagay na ito. Mapanganib iyan, at hindi ako makikisali diyan. Kung gusto mo, sige, harapin mo iyan nang mag-isa.” Hindi ba’t angkop ito? Ito ay pagkakaroon ng paninindigan. Hindi mo dapat bitiwan ang mga prinsipyo o ang iyong paninindigan kailanman. Ito ang mga bagay na dapat gawin ng mga magulang. Naintindihan mo ba ito? Madali bang gawin ang mga bagay na ito? (Oo.) Sa katunayan, madaling gawin ang mga ito, pero kung palagi kang kumikilos ayon sa iyong mga damdamin, at kung palagi kang nakakulong sa iyong damdamin, magiging mahirap para sa iyo na makamit ang mga bagay na iyon. Mararamdaman mo na napakasakit nitong gawin, na hindi mo kayang talikuran ang bagay na ito, at na hindi mo rin ito kayang pasanin, o na hindi mo kayang sumulong o umatras. Anong salita ang magagamit para ilarawan ito? “Naiipit.” Maiipit ka roon. Nais mong makinig sa mga salita ng Diyos at isagawa ang katotohanan, ngunit hindi mo mabitiwan ang iyong mga damdamin; mahal na mahal mo ang mga anak mo, pero nararamdaman mong hindi ito naaangkop, na salungat ito sa mga turo ng Diyos at sa mga salita ng Diyos—may problema ka. Kailangan mong magpasya. Maaari mong bitiwan ang iyong mga ekspektasyon sa iyong mga anak, at hindi na magtangkang pamahalaan ang iyong mga anak, bagkus ay hayaan silang maging malaya, dahil sila ay mga nasa hustong gulang na at nakapagsasarili na, o maaari kang sumunod sa kanila. Kailangan mong piliin ang isa sa dalawang opsyon na iyon. Kung pipiliin mong sundin ang daan ng Diyos at pakinggan ang mga salita ng Diyos, at bibitiwan mo ang iyong mga alalahanin at damdamin para sa iyong mga anak, kailangan mong gawin ang dapat gawin ng isang magulang, mahigpit na kumapit sa iyong paninindigan at sa iyong mga prinsipyo, at iwasang gawin ang mga bagay na kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos. Kaya mo ba ito? (Oo.) Sa totoo lang, madaling gawin ang mga bagay na ito. Sa sandaling bitiwan mo ang kaunting pagmamahal na kinikimkim mo, maisasakatuparan mo na ang mga bagay na ito. Ang pinakasimpleng pamamaraan ay ang huwag makisali sa buhay ng iyong mga anak at hayaan silang gawin ang nais nila. Kung gusto ka nilang kausapin tungkol sa kanilang mga paghihirap, pakinggan mo sila. Sapat nang malaman mo na ganoon ang sitwasyon. Pagkatapos nilang magsalita, sabihin mo sa kanila: “Naririnig kita. May iba ka pa bang gustong sabihin sa akin? Kung gusto mo ng makakain, pwede kitang ipagluto. Kung ayaw mong kumain, pwede ka nang umuwi. Kung kailangan mo ng pera, pwede kitang bigyan ng kaunti. Kung kailangan mo ng tulong, gagawin ko ang makakaya ko. Kung hindi kita matutulungan, ikaw mismo ang kailangang maghanap ng solusyon.” Kung igigiit nilang tulungan mo sila, pwede mong sabihin na: “Natupad na namin ang aming mga responsabilidad sa iyo. Ito lang ang mga abilidad namin, nakikita mo naman iyon—hindi kami kasinghusay mo. Kung nais mong magtagumpay sa mundo, ikaw na ang bahala roon, huwag mo na kaming isali. Medyo matanda na kami, at tapos na kami sa ganyang responsabilidad. Ang responsabilidad lang namin bilang magulang ay ang palakihin ka hanggang nasa hustong gulang ka na. Tungkol sa kung anong uri ng landas ang tatahakin mo, at kung paano mo pahihirapan ang sarili mo, huwag mo na kaming isali sa mga usaping iyon. Hindi namin pahihirapan ang aming sarili kasama mo. Natapos na namin ang aming misyon sa iyo. May sarili kaming mga usapin, sariling paraan ng pamumuhay, at sarili naming mga misyon. Ang mga misyon namin ay hindi ang gumawa ng mga bagay para sa iyo, at hindi namin kailangan ang tulong mo para matapos ang mga ito. Tatapusin namin ang aming mga misyon nang kami lang. Huwag mo kaming isali sa iyong pang-araw-araw na buhay o sa iyong pag-iral. Walang kinalaman sa amin ang mga iyon.” Ipahayag mo nang malinaw ang iyong sarili, at tapos na ang usapan; maaari kang makipag-ugnayan, makipag-usap, at makipagkumustahan sa kanila kung kinakailangan. Ganoon lang kasimple! Ano ang mga pakinabang sa pagkilos nang ganito? (Nagiging napakadali ng buhay.) Sa pinakamababa, mapapangasiwaan mo na ang usapin ng pisikal na pagmamahal sa pamilya nang angkop at maayos. Ang iyong mental at espirituwal na mundo ay magiging panatag, hindi ka gagawa ng mga walang kabuluhang sakripisyo, o magbabayad ng anumang karagdagang halaga; magpapasakop ka sa gitna ng mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at hahayaan mo Siya na mangasiwa sa lahat ng bagay na ito. Tutuparin mo ang bawat responsabilidad na dapat gawin ng mga tao, at hindi mo gagawin ang alinman sa mga bagay na hindi dapat gawin ng mga tao. Hindi ka mag-aabot ng tulong para makialam sa mga bagay na hindi dapat gawin ng mga tao, at mamumuhay ka nang ayon sa itinuturo sa iyo ng Diyos. Ang paraan ng pamumuhay na itinuturo ng Diyos ay ang pinakamagandang landas, dahil dito maaari silang mamuhay nang magaan, masaya, maligaya, at payapa. Subalit, ang pinakamahalaga, bukod sa magkakaroon ka ng mas maraming libreng oras at lakas para gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at magpakita ng debosyon sa iyong tungkulin, magkakaroon ka rin ng mas maraming lakas at oras para maglaan ng pagsusumikap sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung ang iyong lakas at oras ay nakatali at abala sa iyong mga damdamin, laman, sa iyong mga anak, at sa iyong pagmamahal sa pamilya, hindi ka magkakaroon ng karagdagang lakas para hangarin ang katotohanan. Hindi ba’t totoo iyon? (Totoo.)

Kapag ang mga tao ay nakikilahok sa mga propesyon sa mundo, ang tanging iniisip nila ay ang paghahangad sa mga bagay tulad ng mga makamundong kalakaran, katanyagan at pakinabang, at kasiyahan ng laman. Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na ang iyong lakas, oras, at kabataan ay pawang sinasakop at nilalamon ng mga bagay na ito. Makabuluhan ba ang mga ito? Ano ang makakamit mo mula sa mga ito sa huli? Kahit na magkamit ka ng katanyagan at pakinabang, wala pa rin itong magiging kabuluhan. Paano naman kung baguhin mo ang iyong paraan ng pamumuhay? Kung ang iyong oras, lakas, at isipan ay nasasakop lamang ng katotohanan at ng mga prinsipyo, at kung ang iniisip mo lang ay ang mga positibong bagay, tulad ng kung paano gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at paano humarap sa Diyos, at kung ginugugol mo ang iyong lakas at oras para sa mga positibong bagay na ito, kung gayon, iba ang makakamit mo. Ang makakamit mo ay ang mga pinakamakabuluhang pakinabang. Matututo ka kung paano mamuhay, paano umasal, paano harapin ang bawat klase ng tao, pangyayari, at bagay. Sa sandaling matuto ka na kung paano harapin ang bawat klase ng tao, pangyayari, at bagay, sa malaking antas, likas kang makapagpapasakop sa mga pamamanugot at pagsasaayos ng Diyos. Kapag likas kang nakakapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, hindi mo man lang mamamalayan na ikaw ay magiging isang uri ng tao na tinatanggap at minamahal ng Diyos. Pag-isipan mo ito, hindi ba’t magandang bagay iyon? Marahil ay hindi mo pa ito alam, ngunit sa proseso ng iyong pamumuhay, at ng iyong pagtanggap sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo mamamalayan na ikaw ay mamumuhay, titingin sa mga tao at bagay, at aasal at kikilos ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ay nangangahulugan na hindi mo mamamalayan na magpapasakop ka sa mga salita ng Diyos, at magpapasakop ka sa Kanyang mga hinihingi at tutugunan mo ang mga ito. Kung gayon, ikaw ay magiging isa nang uri ng tao na tinatanggap, pinagkakatiwalaan, at minamahal ng Diyos, nang hindi mo man lang namamalayan. Hindi ba’t napakaganda niyon? (Oo.) Samakatuwid, kung igugugol mo ang iyong lakas at oras para hangarin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ang makakamit mo sa huli ay ang mga pinakamahalagang bagay. Sa kabilang banda, kung palagi kang namumuhay para lang sa iyong mga damdamin, laman, mga anak, trabaho, at sa katanyagan at pakinabang, kung palagi kang sangkot sa mga bagay na ito, ano ang makakamit mo sa huli? Isang kahungkagan lamang. Wala kang anumang makakamit, at lalayo ka nang lalayo sa Diyos, at sa huli ay lubusan kang itataboy ng Diyos. Kung magkagayon, ang buhay mo ay magwawakas, at mawawala ang pagkakataon mong maligtas. Kaya, dapat bitiwan ng mga magulang ang lahat ng kanilang mga emosyonal na pag-aalala, pagkagiliw, at obligasyon sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, anuman ang ekspektasyon nila sa mga ito. Wala silang dapat na maging ekspektasyon sa kanilang mga anak sa emosyonal na aspekto mula sa katayuan o posisyon ng isang magulang. Kung maisasakatuparan mo ang mga bagay na ito, maganda iyon! Sa pinakamababa, matutupad mo na ang iyong mga responsabilidad bilang magulang, at ikaw ay magiging sapat na tao—na nagkataon lang na isa ring magulang—sa mga mata ng Diyos. Sa anumang perspektiba ng tao mo ito tinitingnan, mayroong mga prinsipyo para sa mga bagay na nararapat gawin ng mga tao at sa perspektiba at posisyon na dapat nilang panghawakan, at mayroong mga pamantayan ang Diyos ukol sa mga bagay na ito, hindi ba? (Oo.) Tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak at sa mga prinsipyong dapat nilang isagawa kapag nasa hustong gulang na ang kanilang mga anak. Paalam!

Mayo 21, 2023