Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17 (Ikatlong Bahagi)
Sa mundong ito, anong uri ng mga tao ang pinakakarapat-dapat na respetuhin? Hindi ba’t iyong mga tumatahak sa tamang landas? Ano ang tinutukoy rito ng “tamang landas”? Hindi ba’t nangangahulugan ito ng paghahangad sa katotohanan at pagtanggap sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba’t ang mga tumatahak sa tamang landas ay mga taong sumusunod at tumatalima sa Diyos? (Oo.) Kung ikaw ay ganitong uri ng tao, o sinisikap mong maging ganito, at hindi ka naiintindihan ng iyong mga magulang, at palagi ka pa nga nilang minumura—kung, kapag ikaw ay nanghihina, nanlulumo, at hindi mo alam ang gagawin, maliban sa hindi ka nila sinusuportahan, binibigyang-ginhawa, o hinihikayat, madalas din nilang iginigiit na bumalik ka para maging mabuting anak sa kanila, na kumita ka ng maraming pera at alagaan sila, na huwag silang biguin, na hayaan silang makibahagi sa iyong tagumpay, at mamuhay nang maganda kasama ka—hindi ba’t dapat isantabi ang ganitong mga magulang? (Oo nga.) Ang mga ganitong magulang ay karapat-dapat ba sa iyong respeto? Sila ba ay karapat-dapat sa pagiging mabuti mong anak? Karapat-dapat ba sila sa pagtupad mo sa iyong responsabilidad sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi? Ito ay dahil sawa na sila sa mga positibong bagay, hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Ito ay dahil napopoot sila sa Diyos, hindi ba’t isa iyong katunayan? (Oo.) Ito ay dahil hinahamak nila ang pagtahak mo sa tamang landas, hindi ba’t isa iyong katunayan? (Oo.) Hinahamak nila ang mga taong nakikibahagi sa mga makatarungang layon; kinukutya at minamaliit ka nila dahil sinusunod mo ang Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Anong klase ng mga magulang ang ganito? Hindi ba’t sila ay kasuklam-suklam at ubod ng sama na mga magulang? Hindi ba’t sila ay makasariling mga magulang? Hindi ba’t sila ay masasamang magulang? (Ganoon nga sila.) Hinabol at tinugis ka ng malaking pulang dragon sa iyong pananampalataya sa Diyos, nagtatago ka, hindi ka makauwi, at ang ilang tao ay kinailangan pa ngang mangibang-bansa. Sinasabi ng lahat ng iyong mga kamag-anak, kaibigan, at kaklase na ikaw ay naging isang pugante, at dahil sa mga tsismis at sabi-sabing ito na mula sa ibang tao, iniisip ng iyong mga magulang na dahil sa iyo ay nagdusa sila nang hindi makatarungan, at pinahiya mo sila. Bukod sa hindi sila nakauunawa, sumusuporta, o nakikisimpatiya sa iyo, bukod sa hindi nila sinasaway ang mga taong nagpapakalat ng mga tsismis na iyon, at iyong mga namumuhi at nandidiskrimina sa iyo, kinapopootan ka rin ng mga magulang mo, ang mga bagay na sinasabi nila tungkol sa iyo ay katulad ng sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos at ng sa mga nasa kapangyarihan. Ano ang tingin mo sa mga magulang na ito? Mabuti ba sila? (Hindi.) Kung gayon, nararamdaman mo pa rin ba na may utang ka sa kanila? (Hindi.) Kung tatawagan mo paminsan-minsan ang iyong pamilya, iisipin nila na para itong pagtanggap ng tawag mula sa isang pugante. Madarama nila na isa itong malaking kahihiyan, at na hindi ka mangangahas man lang na umuwi sa bahay, na parang isang hinahabol na daga. Madarama nila na nakakahiya kang maging anak. Karapat-dapat bang respetuhin ang mga ganitong magulang? (Hindi.) Hindi sila karapat-dapat na respetuhin. Kaya, ano ang kalikasan ng kanilang mga ekspektasyon sa iyo? Karapat-dapat bang isaalang-alang ninyo ang mga ito? (Hindi.) Ano ang pangunahing layon ng kanilang mga ekspektasyon sa iyo? Talaga bang gusto nilang tahakin mo ang tamang landas at matamo mo ang kaligtasan sa huli? Umaasa sila na susunod ka sa mga kalakaran ng lipunan at aangat ka sa mundo, na bibigyan mo sila ng karangalan, bibigyan sila ng kakayahang harapin ang mundo nang may dignidad, at maging kanilang ipinagmamalaki at kagalakan. Ano pa? Nais nilang makibahagi sa tagumpay mo, na kumain at uminom nang masagana, magsuot ng magagandang brand at maging mayaman sa ginto at pilak. Gusto nilang sumakay sa mga luxury cruise ship at maglakbay sa bawat bansa sa mundo. Kung makakaangat ka sa mundo, magkakaroon ng kasikatan at pera sa mundong ito, at hahayaan mo silang makibahagi sa iyong tagumpay, babanggitin nila ang pangalan mo kahit saan sila magpunta, sasabihing: “Ang anak kong lalaki, ang anak kong babae ay ganito-at-ganyan.” Binabanggit ba nila ang pangalan mo ngayon? (Hindi.) Tumatahak ka sa tamang landas, pero hindi nila binabanggit ang pangalan mo. Iniisip nila na wala kang pera at naghihikahos, isang kahihiyan, at na ang pagbanggit tungkol sa iyo ay katumbas lang ng pagpapahiya sa kanilang sarili, kaya hindi ka nila binabanggit. Samakatuwid, ano ang pakay ng mga ekspektasyon ng iyong mga magulang? Iyon ay upang makibahagi sa tagumpay mo, hindi ito para lamang sa sarili mong kabutihan. Magiging masaya lamang sila kapag naging bahagi sila ng iyong tagumpay. Ngayon ay nagbalik ka na sa harap ng Panginoon ng paglikha, at tinanggap mo ang Diyos, ang Kanyang pagliligtas, at ang Kanyang mga salita, ngayon ay inaako mo na ang tungkulin ng isang nilikha, at tinatahak ang tamang landas sa buhay, wala silang napapakinabangan o nahihita mula sa iyo, at pakiramdam nila ay nalugi sila sa pagpapalaki sa iyo. Para silang nagnenegosyo, na nalugi. Dahil dito, napuno sila ng panghihinayang. Madalas na sinasabi ng ilang magulang: “Ang pagpapalaki sa iyo ay mas masahol pa sa pagpapalaki ng aso. Kapag nagpapalaki ka ng aso, napakapalakaibigan nito at marunong itong magwagwag ng buntot kapag nakikita ang amo nito. Ano ang maaasahan ko sa pagpapalaki sa iyo? Buong araw kang nananampalataya sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka nagnenegosyo, hindi ka nagtatrabaho, ni ayaw mo nga ng maayos na kabuhayan, at sa huli, pinagtatawanan na tayo ng lahat ng kapitbahay natin. Ano ang napala ko sa iyo? Wala akong nakuhang ni isang magandang bagay mula sa iyo, ni hindi ako naging bahagi ng anumang tagumpay.” Kung sinunod mo ang masasamang kalakaran ng sekular na mundo, at nagsumikap kang maging matagumpay roon, malamang na susuportahan, hihikayatin, at bibigyang-ginhawa ka ng iyong mga magulang kung magdurusa ka, magkakasakit, o malulungkot. Gayunpaman, hindi sila natutuwa o nagagalak sa katunayang nananampalataya ka sa Diyos at na may pagkakataon kang maligtas. Sa kabaligtaran, kinamumuhian at sinusumpa ka nila. Batay sa kanilang diwa, ang mga ganitong magulang ay mga kalaban mo at mga sinumpaang kaaway, hindi mo sila kauri, at hindi sila tumatahak sa landas na gaya ng sa iyo. Bagamat sa panlabas ay mukha kayong magkakapamilya, batay sa iyong mga diwa, paghahangad, kagustuhan, landas na sinusundan, at iba’t ibang saloobin ng pagharap mo sa mga positibong bagay, sa Diyos, at sa katotohanan, hindi mo sila kauri. Samakatuwid, kahit gaano kadalas mo pa sabihing, “May pag-asa akong maligtas, tinahak ko na ang tamang landas sa buhay,” hindi sila matitinag, at hindi sila magiging masaya para sa iyo, o magagalak para sa iyo. Sa halip, mapapahiya sila. Sa emosyonal na antas, ang mga magulang na ito ay ang iyong pamilya, ngunit batay sa iyong mga kalikasang diwa, hindi mo sila pamilya, sila ay mga kaaway mo. Isipin mo, kung ang mga anak ay nagdadala ng mga regalo at pera kapag umuuwi sila, at pinakakain nang masagana ang kanilang mga magulang at pinatitira sa magagandang lugar, labis na matutuwa ang kanilang mga magulang, magiging masayang-masaya na hindi na nila alam kung ano ang sasabihin nila. Sa puso nila, palagi nilang sasabihin: “Napakagaling ng anak kong lalaki, napakagaling ng anak kong babae. Hindi naging walang saysay ang pagpapalaki at pagmamahal ko sa kanila. Matino sila, alam nila kung paano maging mabubuting anak sa amin, at mayroon kaming puwang sa puso nila. Mabait silang anak.” Sabihin nating umuwi ka na walang dala, nang walang anumang binili, dahil nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ipagpalagay na ibinabahagi mo ang katotohanan sa iyong mga magulang, tinatalakay mo ang tungkol sa salita ng Diyos, at sinasabi na tinahak mo na ang landas sa paghahangad sa katotohanan. Iisipin kaagad ng iyong mga magulang: “Ano ang pinagsasabi mo? Hindi kita maintindihan. Ilang taon kitang pinalaki, at hindi mo natupad ang alinman sa mga ekspektasyon ko. Sa wakas ay bumalik ka na para bisitahin kami, sana man lang ay binilhan mo kami ng isang pares ng medyas o ng ilang prutas. Wala kang anumang dala, bumalik ka lang nang walang bitbit.” Hindi sasabihin ng iyong mga magulang na: “Nang marinig naming sabihin mo ang mga bagay na ito, masasabi kong malaki ang pinagbago mo. Noon, bata ka pa at mayabang, pero ngayon ay nagbago ka na talaga. Masasabi ko na ang lahat ng bagay na tinatalakay mo ay mga tamang bagay. Nakausad ka na. May potensyal ka, at may pag-asa ka—nagagawa mong tumahak sa tamang landas, at sumunod sa Diyos at magtamo ng kaligtasan. Mabuti kang anak. Naghihirap ka sa labas, dapat ipagluto kita ng masarap na makakain. Nag-aalaga kami ng ilang manok, at kadalasan ay ayaw naming patayin ang mga ito, sa halip ay naghihintay kami na makain ang mga itlog. Ngunit ngayong umuwi ka na, magkakatay ako ng manok, at magluluto ako ng sopas na may manok para sa iyo. Tama na pinili mo ang landas na ito, makakamit mo ang kaligtasan. Masayang-masaya ako para sa iyo! Sobra akong nangulila sa iyo nitong mga nakaraang taon. Bagamat hindi tayo nagkakausap, bumalik ka para bisitahin kami ngayon, at panatag na ang kalooban ko. Lumaki ka na. Mas mature at mas may katwiran ka na kaysa dati. Ang mga bagay na sinasabi at ginagawa mo ay pawang wastong bagay.” Sa pamamagitan ng pagkakita sa kanilang anak na tumatahak sa tamang landas, at nagtataglay ng mga wastong kaisipan at pananaw, maaari ding makinabang ang mga magulang at mapapalawak nila ang kanilang kaalaman. Sapagkat nagagawang gampanan ng kanilang anak ang isang tungkulin, at hangarin ang katotohanan, dapat suportahan ng mga magulang ang anak. Kung, sa hinaharap, ang kanilang anak ay magkakamit ng kaligtasan at papasok sa kaharian, at hindi na napipinsala ng kanilang mga sataniko, tiwaling disposisyon, iyon ay isang kahanga-hangang bagay. Bagaman ang mga magulang na ito ay matanda na, mabagal sa pag-unawa sa katotohanan, at hindi lubos na nauunawaan ang mga bagay na ito, nararamdaman nila: “Kayang tumahak ng anak ko sa tamang landas, mabuti iyon. Mabait siyang anak. Walang mataas na posisyon sa gobyerno at walang halaga ng kayamanan ang kasingganda o kasinghalaga nito!” Sabihin mo sa Akin, mabubuting magulang ba ang mga ito? (Oo.) Karapat-dapat ba silang respetuhin? (Oo.) Karapat-dapat sila sa iyong respeto. Kaya, paano mo dapat sila pakitaan ng respeto? Dapat mo silang ipagdasal sa iyong puso. Kung nananampalataya sila sa Diyos, dapat kang magdasal sa Diyos na gabayan at ingatan sila, upang makapanindigan sila sa kanilang patotoo sa panahon ng mga pagsubok at tukso. Kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, dapat mo pa ring respetuhin ang kanilang desisyon, at naising maging maayos ang kanilang buhay, na hindi sila gagawa ng anumang masama, at mas kaunti ang kanilang gagawing masasamang gawa, nang sa gayon, sa pinakamainam, hindi sila gaanong magdurusa sa mga kaparusahan pagkatapos nilang mamatay; bukod pa rito, dapat mong gawin ang iyong makakaya para magbahagi tungkol sa ilang positibong bagay, kaisipan, at pananaw sa kanila. Ito ay tinatawag na respeto, at matatawag din ito na pinakamagandang uri ng pagiging mabuting anak sa mga magulang at ang pinakamainam na pagtupad sa iyong mga responsabilidad. Makakamit mo ba ito? (Oo.) Sa espirituwal at sikolohikal na antas, bigyan sila ng lakas ng loob at suporta. Sa pisikal na antas, habang sinasamahan mo sila sa bahay, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para tulungan silang matapos ang ilang gawain, at magbahagi ka tungkol sa ilang bagay na naiintindihan mo at kayang maarok ng iyong mga magulang. Tulungan silang maghinay-hinay lang, huwag masyadong pagurin ang kanilang sarili, huwag masyadong mag-aalala tungkol sa pera at sa kung ano-anong bagay, at hayaan lang na mangyari ang mga bagay-bagay. Ito ay pagrespeto. Tratuhin ang iyong mga magulang bilang mga mabuti, disenteng tao, tuparin ang kaunting responsabilidad mo sa kanila, ipakita sa kanila ang pagiging mabuting anak sa mga magulang, at gampanan ang ilang obligasyon mo sa kanila. Ito ay pagrespeto. Ang mga magulang lamang na nakauunawa at sumusuporta sa iyong pananampalataya sa Diyos na tulad nito ang karapat-dapat na respetuhin. Bukod sa kanila, walang ibang magulang ang karapat-dapat na respetuhin. Bukod sa tinutulak ka nila na kumita ng pera, gusto nilang umangat ka sa mundo, gumawa ng pangalan para sa iyong sarili, at gawin ito o iyon. Ito ang mga magulang na hindi nag-aasikaso sa mga nararapat nilang gawain, at hindi sila karapat-dapat na respetuhin.
Nauunawaan na ninyong lahat ngayon ang pagbitiw sa mga ekspektasyon ng magulang, at nagagawa ninyong bitiwan ang mga ekspektasyon ng inyong mga magulang. Ano pang mga bagay ang hindi ninyo kayang bitiwan? Pagdating sa buhay ng iyong mga magulang o sa mga magulang mo mismo, anong mga bagay ang pinakamahalaga sa iyo? Ibig sabihin, anong mga bagay ang pinakamahirap para sa iyo na iwanan o bitiwan sa emosyonal na aspekto? “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang; hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran”—hindi ba’t natapos na natin ang pagbabahaginan sa paksang ito? Naiintindihan mo ba ito? (Oo.) Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang—ibig sabihin, hindi mo kailangang palaging pag-isipan kung paano mo sila dapat suklian dahil lang sa napakahaba ng panahong iginugol nila sa pagpapalaki sa iyo. Kung hindi mo sila masusuklian, kung wala sa iyo ang pagkakataon o mga angkop na sitwasyon para masuklian sila, palagi kang malulungkot at makokonsensiya, hanggang sa punto na malulungkot ka pa sa tuwing nakakakita ka ng isang tao na kasama, inaalagaan ang kanilang mga magulang, o gumagawa ng mga bagay na nagpapakita ng pagiging isang mabuting anak sa kanilang mga magulang. Inorden ng Diyos na palakihin ka ng iyong mga magulang, binibigyan ka ng kakayahang umabot sa hustong gulang, hindi para gugulin mo ang iyong buhay sa pagsukli sa kanila. Mayroon kang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin sa buhay na ito, isang landas na dapat mong tahakin, at mayroon kang sariling buhay. Sa buhay na ito, hindi mo dapat ibuhos ang lahat ng iyong lakas sa pagsukli sa kabutihan ng iyong mga magulang. Isa lang itong bagay na kasama mo sa iyong buhay at sa iyong landas sa buhay. Kung ang pagkatao at mga emosyonal na ugnayan ang pag-uusapan, ito ay isang bagay na hindi maiiwasan. Ngunit tungkol sa kung anong uri ng ugnayan ang nakatadhana para sa iyo at sa iyong mga magulang, kung magagawa man ninyong mamuhay nang magkasama habambuhay, o kung paghihiwalayin kayo, at hindi pag-uugnayin ng kapalaran, nakasalalay ito sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos na magiging nasa magkaibang lugar kayo ng iyong mga magulang sa buhay na ito, na magiging napakalayo mo sa kanila, at hindi sila madalas na makakasama, kung gayon, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa kanila ay isang uri lamang ng adhikain para sa iyo. Kung isinaayos ng Diyos na manirahan ka nang napakalapit sa iyong mga magulang sa buhay na ito, at na magagawa mong manatili sa tabi nila, kung gayon, ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, at ang pagpapakita sa kanila ng pagkamabuting anak ay mga bagay na dapat mong gawin sa buhay na ito—walang anumang bagay na mapupuna tungkol dito. Ngunit kung iba ang lugar mo sa iyong mga magulang, at wala sa iyo ang pagkakataon o mga sitwasyon para ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak, kung gayon, hindi mo ito kailangang ituring bilang isang kahiya-hiyang bagay. Hindi ka dapat mahiya na harapin ang iyong mga magulang dahil hindi mo magawang ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak, sadyang hindi lang ito pinahihintulutan ng iyong sitwasyon. Bilang anak, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Maraming bagay ang dapat mong gawin sa buhay na ito, at lahat ito ay mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha, na ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoon ng paglikha, at walang kinalaman ang mga ito sa pagsukli mo sa kabutihan ng iyong mga magulang. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, pagsukli sa kanila, pagpapakita sa kanila ng kabutihan—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa iyong misyon sa buhay. Masasabi rin na hindi mo kinakailangang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, na suklian sila, o tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa kanila. Sa madaling salita, maaari mong gawin ito nang kaunti at gampanan nang kaunti ang iyong mga responsabilidad kapag pinahihintulutan ng iyong sitwasyon; kapag hindi, hindi mo kailangang piliting gawin ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong mga responsabilidad na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, hindi ito isang masamang bagay, sumasalungat lang ito nang kaunti sa iyong konsensiya, moralidad ng tao, at mga kuru-kuro ng tao. Ngunit kahit papaano, hindi ito sumasalungat sa katotohanan, at hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi uusigin ang iyong konsensiya sa bagay na ito. Hindi ba’t napapanatag ang puso ninyo ngayong naunawaan na ninyo ang aspektong ito ng katotohanan? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao: “Bagamat hindi ako kokondenahin ng Diyos, sa aking konsensiya, hindi ko pa rin ito malampasan, at hindi panatag ang pakiramdam ko.” Kung ito ang nararamdaman mo, kung gayon ay masyadong maliit ang tayog mo, at hindi mo naunawaan o nakilala ang diwa ng usaping ito. Hindi mo nauunawaan ang tadhana ng tao, hindi mo nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi ka handang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Palagi kang nagtataglay ng kalooban ng tao at ng sarili mong mga damdamin, at ang mga bagay na ito ang nagtutulak at nangingibabaw sa iyo; naging buhay mo na ang mga ito. Kung pinipili mo ang kalooban ng tao at ang iyong damdamin, kung gayon ay hindi mo pinili ang katotohanan, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan o hindi ka nagpapasakop dito. Kung pinipili mo ang kalooban ng tao at ang iyong damdamin, kung gayon ay ipinagkakanulo mo ang katotohanan. Malinaw na hindi ka tinutulutan ng iyong sitwasyon at ng iyong kapaligiran na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, ngunit palagi mong iniisip: “May utang ako sa aking mga magulang. Hindi pa ako nagpakita sa kanila ng pagkamabuting anak. Maraming taon na nila akong hindi nakikita. Walang saysay ang pagpapalaki nila sa akin.” Sa kaibuturan ng iyong puso, hindi mo talaga kayang bitiwan ang mga bagay na ito. Pinatutunayan nito ang isang bagay: Hindi mo tinatanggap ang katotohanan. Pagdating sa doktrina, kinikilala mo na ang mga salita ng Diyos ay tama, ngunit hindi mo tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, o itinuturing ang mga ito bilang mga prinsipyo ng iyong mga kilos. Kaya, sa pinakamababang antas, pagdating sa usapin ng kung paano mo tinatrato ang iyong mga magulang, hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan. Ito ay dahil, sa usaping ito, hindi ka kumikilos batay sa katotohanan, hindi ka nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, sa halip ay tinutugunan mo lamang ang iyong mga emosyonal na pangangailangan, at ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya, nagnanais na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang at suklian ang kanilang kabutihan. Bagamat hindi ka kinokondena ng Diyos sa pasyang ito, at ito ang pasya mo, sa huli ang siyang mawawalan, lalo na pagdating sa buhay, ay ikaw. Palagi kang nakagapos sa bagay na ito, palaging iniisip na masyado kang nahihiyang harapin ang iyong mga magulang, na hindi mo nasuklian ang kanilang kabutihan. Isang araw, kapag nakita ng Diyos na napakalaki ng iyong pagnanais na suklian ang kabutihan ng iyong mga magulang, magpapatuloy Siya at mangangasiwa ng isang kapaligiran para sa iyo, at pagkatapos ay makakauwi ka na. Hindi ba’t iniisip mo na ang iyong mga magulang ay mas mataas sa lahat ng bagay, mas mataas kaysa sa katotohanan? Upang maipakita sa kanila ang pagkamabuting anak at matugunan ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya at damdamin, mas gugustuhin mo pang mawala ang Diyos, talikuran ang katotohanan, at talikuran ang pagkakataon mong makamit ang kaligtasan. Kung gayon, ayos lang, desisyon mo iyan. Hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Pangangasiwaan ng Diyos ang isang kapaligiran para sa iyo, aalisin ka Niya mula sa Kanyang listahan, at susukuan ka na Niya. Kung pipiliin mong umuwi para magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, at hindi gampanan ang iyong tungkulin, kung gayon, tinatakasan at tinatalikuran mo ang tungkulin na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, tinatanggihan mo ang atas at ekspektasyon ng Diyos sa iyo, tinatanggihan mo ang tungkuling ibinigay ng Diyos sa iyo, at tinatalikuran mo ang iyong pagkakataong gumanap ng isang tungkulin. Kung uuwi ka para makasamang muli ang iyong mga magulang, para matugunan ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya, at para matugunan ang mga ekspektasyon ng iyong mga magulang, ayos lang iyon, maaari kang umuwi. Kung hindi mo talaga kayang bitiwan ang iyong mga magulang, maaari kang magkusa na magtaas ng kamay at magsabing: “Sobra akong nangungulila sa mga magulang ko. Inuusig ako ng aking konsensiya araw-araw, hindi ko matugunan ang aking mga damdamin, at kumikirot ang puso ko. Nangungulila ako sa aking mga magulang, at lagi ko silang naiisip. Kung hindi ako babalik para magpakita ng pagkamabuting anak sa aking mga magulang sa buhay na ito, natatakot ako na hindi na ako magkakaroon ng isa pang pagkakataon, natatakot ako na pagsisisihan ko ito.” Pagkatapos ay maaari ka nang umuwi. Kung ang mga magulang mo ang langit at lupa para sa iyo, kung mas nakahihigit sila sa iyo kaysa sa sarili mong buhay, kung sila ang lahat para sa iyo, kung gayon, maaari kang magpasya na huwag silang bitiwan. Walang pipilit sa iyo. Maaari kang magpasya na umuwi para ipakita sa kanila ang pagkamabuting anak at samahan sila, na bigyan sila ng magandang buhay, at suklian ang kanilang kabutihan. Ngunit kailangan mo itong pag-isipang mabuti. Kung ito ang magiging pasya mo ngayon, at sa huli ay mawawalan ka ng pagkakataong makamit ang kaligtasan, ikaw lang ang papasan sa kalalabasang ito. Walang ibang tao ang makakapasan ng ganitong uri ng kahihinatnan para sa iyo, dapat ikaw mismo ang pumasan nito. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Kung mas gugustuhin mong talikuran ang iyong pagkakataong magampanan ang isang tungkulin at makamit ang kaligtasan, para lamang pagkautangan ang iyong mga magulang, at upang mabayaran mo ang iyong mga utang sa kanila, desisyon mo ito. Walang pumipilit sa iyo. Ipagpalagay na may isang tao sa iglesia na humiling, nagsasabing: “Napakahirap mamuhay nang malayo sa tahanan. Sobra akong nangungulila sa mga magulang ko. Hindi ko sila kayang bitiwan sa puso ko. Madalas ko silang napapanaginipan. Sa isip at puso ko, ang tanging naiisip ko ay ang mga alaala nila, at mas lalo akong nakokonsensiya sa lahat ng nagawa nila para sa akin. Ngayong tumatanda na sila, lalo kong nararamdaman na napakahirap para sa mga magulang na magpalaki ng anak, at na dapat ko silang suklian, pasayahin sila, at bigyang-ginhawa sila sa pamamagitan ng aking presensiya sa buong buhay ko. Mas gugustuhin kong isuko ang aking pagkakataong maligtas para makauwi ako at maipakita sa kanila ang pagkamabuting anak.” Kung gayon, maaari siyang magsumite ng aplikasyon, na nagsasabing: “Nag-uulat ako! Gusto kong umuwi para magpakita ng pagkamabuting anak sa aking mga magulang, ayaw ko nang gampanan ang aking tungkulin.” Pagkatapos ay dapat itong aprubahan ng iglesia, at walang sinuman ang kailangang gumawa sa kanila o magbahagi sa kanila. Ang magsabi pa ng kahit anong bagay sa kanila ay magiging kahangalan lamang. Kapag walang anumang nauunawaan ang mga tao, maaari kang magsalita nang kaunti pa sa kanila, at magbahagi sa katotohanan hanggang sa malinaw na ito. Kung hindi ka pa nakapagbahagi rito nang malinaw, at gumawa sila ng maling pasya bilang resulta, kung gayon ay ikaw ang mananagot dito. Gayunpaman, kung nauunawaan nila ang lahat tungkol sa doktrina, kung gayon ay walang kailangang gumawa sa kanila. Katulad ito ng sinasabi ng ilang tao: “Nauunawaan ko ang lahat, hindi mo kailangang sabihin sa akin ang kahit ano.” Maganda iyon, hindi mo na kailangang mag-aksaya ng laway sa kanila, makakaiwas ka pa sa abala. Dapat mong tulutan ang mga taong tulad nito na makauwi kaagad. Una, huwag mo silang pigilan; pangalawa, suportahan mo sila; pangatlo, bigyan sila ng kaunting ginhawa at pampatibay-loob, sabihin na: “Umuwi ka at ipakita sa iyong mga magulang ang wastong pagkamabuting anak. Huwag mo silang galitin o pasamain ang loob nila. Kung nais mong magpakita ng pagkamabuting anak sa kanila at suklian sila, dapat kang maging isang mabuting anak. Ngunit huwag kang lubos na manghinayang kapag hindi mo makamit ang kaligtasan sa huli. Mag-ingat ka sa biyahe, sana maging maayos ang lahat!” Ayos ba? (Oo.) Kung may gustong umuwi para magpakita ng pagkamabuting anak sa kanilang mga magulang, ayos lang, hindi nila kailangang pigilan ang kanilang damdamin. Ang paggampan ng isang tungkulin ay boluntaryo, at walang sinuman ang magpipilit na gawin mo ito. Hindi ka kokondenahin sa hindi paggampan sa isang tungkulin. Kung ginagampanan mo ang isang tungkulin, nakatitiyak bang maliligtas ka? Hindi ito tiyak. Ito ay isang usapin lamang ng saloobin na mayroon ka sa paggampan mo sa isang tungkulin. Kung gayon, mawawasak ka ba kung hindi mo ginagampanan ang isang tungkulin? Walang nagsabi niyan. Ano’t anuman, malamang na mawawala ang pag-asa mong maligtas. Sinasabi ng ilang tao: “Mabuti o masamang bagay ba ang magpakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang?” Hindi Ko alam. Kung gusto mong magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, gawin mo iyon. Hindi namin ito susuriin, walang kabuluhan na gawin ito. Ito ay isang usapin ng pagkatao at damdamin. Ito ay isang usapin ng pagpili ng iyong pamamaraan ng pag-iral. Wala itong kinalaman sa katotohanan. Ang sinumang gustong umuwi at magpakita ng pagkamabuting anak sa kanyang mga magulang ay malayang gawin ito. Hindi siya pipilitin ng sambahayan ng Diyos na manatili, at hindi makikialam ang sambahayan ng Diyos. Hindi siya dapat pigilang umuwi ng mga lider ng iglesia at ng mga tao sa kanyang paligid. Hindi dapat gumawa sa ganitong uri ng tao ang mga lider ng iglesia at ang mga tao sa paligid nito, o magbahagi ng katotohanan dito. Kung gusto mong umuwi, umuwi ka. Ipaghahanda ka pa ng lahat ng despedida, kakain ng dumplings kasama mo, at sasabihing mag-ingat ka sa biyahe.