Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14 (Ikaapat na Bahagi)
Tungkol naman sa pagkokondisyon ng pamilya, bukod sa mga kaisipan at pananaw na nabanggit natin, mayroon pa bang iba? Mangyaring ibuod ito. Maraming bagay ang nagmumula sa pamilya, at sa Tsina, tinatawag itong “kultura sa hapag-kainan.” Halimbawa, sa hapag-kainan, maaaring sabihin ng isang bata, “Ang class monitor namin, iyong babaeng may tatlong stripes sa manggas niya, ay palaging tsine-tsek ang takdang-aralin ko at sinasabi niya na hindi ko pa ito natapos, kahit na natapos ko na. Lagi niya akong pinupuna.” Maaaring sumasagot ang mga magulang, “Lalaki ka, at babae siya. Bakit ka ba nag-aalala tungkol sa kanya? Tumutok ka sa pag-aaral mo para maging proud ang nanay mo. Kapag naging class monitor ka, pwede mong i-tsek ang kanyang takdang-aralin, at magiging maayos ang mga bagay-bagay, hindi ba?” Pagkarinig nito, maaaring isipin ng bata, “Makatwiran naman. Lalaki ako, at kahit siya ang class monitor, babae pa rin siya. Hindi ako dapat mag-alala tungkol sa kanya. Kung guguluhin niya akong muli, hindi ko na lang siya papansinin at matatapos na iyon. Kung mas guguluhin niya ako, mas sisipagan ko ring mag-aral. Malalampasan ko siya, at sa susunod na termino, ako na ang magiging class monitor at ako ang mamamahala sa kanya. Maaayos niyon ang mga bagay-bagay.” Ito ay isang halimbawa ng kultura sa hapag-kainan. Sa hapag-kainan, kung magsisimulang umiyak ang isang batang lalaki, maaaring sasabihin ng mga magulang, “Tigilan mo iyan! Bakit ka umiiyak? Wala kang kwenta!” Ang pag-iyak ba ay nangangahulugan na wala kang kwenta? Ibig bang sabihin niyon na mahusay ang mga taong hindi umiiyak? Ang bawat batang lalaki na hindi kailanman umiyak ay isa bang mahusay na indibidwal? Tingnan mo ang mga matagumpay na taong iyon—umiyak at lumuha ba sila noong bata pa sila? Nagkaroon ba sila ng mga emosyon? Naranasan ba nila ang saya, galit, pighati, at kaligayahan? Naranasan nila ang lahat ng ito. Hindi mahalaga kung ang isang tao ay isang tanyag o ordinaryong tao, ang bawat isa ay may kahinaan ng tao o likas na gawi ng tao. Dahil sa pagtuturo ng magulang at sa kanilang pinagmulang lipunan, kadalasang itinuturing ng mga tao ang parteng ito bilang mahina, duwag, walang kakayahan, o madaling apihin. Hindi sila kailanman naglalakas-loob na hayagan itong ipakita; sa halip, palihim nila itong ipinapahayag sa isang sulok. Ang ilang tanyag na tao, kapag nahaharap sa mga pinakamahirap na panahon sa kanilang propesyon, nang walang tumutulong o sumusuporta sa kanila, ay maaaring naghihintay hanggang sa ang lahat ng sundalo, mga nasasakupan, at mga katulong sa kanilang paligid ay makaalis na. Pagkatapos, inilalabas nila ang kanilang mga emosyon sa pamamagitan ng palihim na paghagulgol nang malakas. Pagkatapos sumigaw, pinag-iisipan nila ito, “May nakarinig ba niyon? Masyado ba akong mapusok? Dapat ay hininaan ko nang kaunti!” Ngunit tila hindi sapat na hinaan ito nang kaunti, kaya’t tinatakpan nila ng tuwalya ang kanilang bibig at patuloy na humahagulgol. Ang normal na sangkatauhan ay nangangailangan ng pagpapalaya at pagpapahayag ng iba’t ibang emosyon. Gayunpaman, sa ilalim ng napakatinding panggigipit ng lipunang ito at ng pang-aapi ng iba’t ibang pampublikong opinyon, walang sinuman ang naglalakas-loob na ipahayag ang kanilang mga emosyon nang normal. Dahil, simula sa pagtuturo at pagkokondisyon ng pamilya, naikintal sa bawat indibidwal ang ilang maling paniniwala, tulad ng “Ang isang lalaki ay dapat makakaasa sa kanyang sarili,” “Upang mapanday ang bakal, dapat malakas ang isang tao,” “Hindi kailangang mag-alala ng isang tao tungkol sa mga tsismis kung siya ay isang matuwid na tao,” at “Kung malinis ang iyong konsensiya, hindi ka matatakot na usigin nito.” Mayroon ding “Ang mabait na tao ay inaapi, gaya ng maamong kabayo na sinasakyan,” na naghahatid ng mensahe na dapat iwasan ng isang tao ang pagiging madaling puntiryahin, at sa halip ay dapat niyang apihin ang iba. Ano ang ibig sabihin ng “mabait” sa konteksto ng “Ang mabait na tao ay inaapi, gaya ng maamong kabayo na sinasakyan”? Ang ibig sabihin nito ay inosente, simple, tapat, mabait, at matuwid. Ibig sabihin, iminumungkahi nito na dapat mong iwasan na maging ganitong uri ng tao, dahil ang mga taong iyon ay madaling puntiryahin. Kaya, sa halip na ganoon, anong uri ng tao ka dapat maging? Dapat kang maging isang mabagsik, tampalasan, gahaman, kontrabida, masamang tao, kriminal—tapos walang maglalakas-loob na kalabanin ka. Saan ka man magpunta, kung hindi gumagana ang pangangatwiran, dapat kang kumilos na parang gahaman, at kayang gumawa ng eksena, magwala, maging hindi makatwiran, at lumikha ng gulo. Umuunlad ang mga taong kumikilos sa ganitong paraan. Sa anumang lugar ng trabaho o grupong panlipunan, karamihan sa mga tao ay natatakot sa mga ganitong indibidwal, at walang sinuman ang nangangahas na galitin sila. Para silang mabahong tae ng aso o nakakairitang insekto, at sa sandaling madikit sila sa iyo, mahirap silang tanggalin. Kailangan mong maging ganitong uri ng tao. Huwag mong hayaang isipin ng mga tao na madali kang puntiryahin o madaling galitin. Dapat mayroong mga tinik sa buong katawan mo. Kung wala kang mga tinik, hindi mo maitatatag ang iyong sarili sa lipunang ito. Palaging may isang taong mang-aapi sa iyo. Ang pagtuturo ng pamilya ay nagsisilbing gabay para sa landas mo sa buhay, at isa ring partikular na aral at pagkintal ng mga prinsipyo kung paano umasal. Ibig sabihin, ginagamit ng mga magulang ang mga kaisipan at kasabihang ito para turuan ka kung paano umasal, kumilos, at humarap sa mga bagay-bagay. Anong uri ng tao ang sinasabi nila na dapat kang maging? Sa panlabas, maaaring nagsasabi ang ilang magulang ng mga bagay na magandang pakinggan, tulad ng, “Hindi na kailangang sumikat o maging isang tanyag na tao ang anak ko; sapat na ang pagiging isang mabuting tao.” Gayunpaman, sinasabi rin nila sa kanilang mga anak ang mga pariralang tulad ng, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” “Ang mabait na tao ay inaapi, gaya ng maamong kabayo na sinasakyan,” at “Ang isang lalaki ay dapat makakaasa sa kanyang sarili.” Kaya, pagkatapos ng maraming pagsasalita, sinasabi ba nila sa kanilang mga anak na maging mabuting tao o iba pa? (Hinihikayat nila ang kanilang mga anak na maging mabagsik, o kahit man lang magkaroon ng kakayahang protektahan ang sarili.) Sabihin mo sa Akin, handa ba ang karamihan sa mga magulang na makita ang kanilang mga anak na nang-aapi ng iba o mas gugustuhin ba nilang makita ang mga anak na maging matuwid at tumatahak sa tamang landas subalit madalas inaapi at ibinubukod? Anong uri ng tao dapat na maging ang isang bata para ang kanyang mga magulang ay maging pinakamasaya, pinaka-proud, at makikitaan ng kagalakan ang mukha? (Proud ang mga magulang kapag ang mga anak nila ay nagagawang mang-api ng iba, ngunit itinuturing nilang kahiya-hiya kung ang kanilang mga anak ay madalas na pinagmamalupitan habang tumatahak sa tamang landas.) Kung tumatahak ka sa tamang landas ngunit madalas na pinagmamalupitan, ang iyong mga magulang ay mamimighati, malulungkot, at magdadalamhati, at hindi sila papayag na mangyari ito. Ano ang nasa ugat nito? Anuman ang mga dahilan, ang bawat kaisipan at pananaw na itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak tungkol sa kung paano umasal at kumilos ay mali at sumasalungat sa katotohanan. Sa madaling salita, hinding-hindi ka aakayin ng mga kaisipan at pananaw na ito na ikinikintal sa iyo ng mga magulang tungo sa presensiya ng Diyos, ni hindi ka aakayin ng mga ito tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Siyempre, hindi kailanman magkakamit ng kaligtasan ang mga tao sa ilalim ng patnubay ng gayong mga kaisipan at pananaw. Hindi maikakaila ang katunayang ito. Kaya, anuman ang mga intensiyon o motibasyon ng iyong mga magulang, anuman ang impluwensiya nila sa iyo, kung ang isinasabuhay mo ay kumokontra sa katotohanan, sumasalungat sa katotohanan, at pumipigil sa iyo na magpasakop sa Diyos at sa katotohanan, kung gayon ay dapat mong bitiwan ito.
Tungkol sa iba’t ibang kaisipan mula sa pagkokondisyon ng pamilya na bumuo nitong mga huling sesyon ng pagbabahaginan, bagamat malawakang ginagamit at itinataguyod sa mga tao ang mga kaisipang ito, gaano man karami ang tumatanggap sa mga ito o gaano man karaming tao ang yumayakap sa mga ito, at gaano man karaming tao ang umaasa sa mga ito, kung isasaalang-alang ang pinsalang idinudulot ng mga ito sa mga indibidwal, napakahalaga na bitiwan ng mga tao ang mga kaisipan at pananaw na ito. Dapat nilang suriing muli o harapin ang iba’t ibang usapin na nauukol sa mga kaisipan at pananaw na ito, saliksikin ang mga tamang landas ng pagsasagawa at mga katotohanang prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pasukin ang mga katotohanang realidad sa ilalim ng pamantayang dapat nilang bitiwan itong pagkokondisyon sa pag-iisip, nang sa gayon ay magkaroon sila ng pag-asang maligtas. Sa pamamagitan nitong mga sesyon ng pagbabahaginan tungkol sa mga kaisipan at pananaw at iba’t ibang partikular na kasabihang ikinondisyon sa iyo ng pamilya, napapaisip Ako kung hanggang saan mo nakilala ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na umiiral sa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Sa madaling salita, anuman ang mangyari, ang mga sesyon ng pagbabahaginan na ito ay dapat magsilbi bilang pampamulat, na nagbibigay sa mga tao ng sariwang pang-unawa sa konsepto ng pamilya, pati rin ng isang bagong pagkaunawa at pagkabatid sa pagkokondisyon ng mga kamag-anak ng pamilya, pag-iisip ng pamilya, at kultura ng pamilya, na nagbibigay sa kanila ng bagong pamamaraan ng pakikitungo at abilidad na gamitin ang tamang perspektiba at paninindigan sa kung paano nila pinakikitunguhan ang kanilang pamilya. Anuman ang panlabas na paraan ng pakikitungo mo sa iyong pamilya, sa madaling salita, tungkol sa mga bagay na naimpluwensiyahan ka ng iyong pamilya gaya ng mga maling kaisipan at pananaw tungkol sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, paano umasal, at kumilos, dapat mong kilatisin ang bawat isa sa mga ito, at pagkatapos ay isa-isa mong bitiwan ang mga kaisipang ito, upang yakapin nang may tunay na pagkaunawa ang mga pananaw at pamamaraan na itinuturo ng Diyos sa mga tao, at tanggapin ang iba’t ibang tamang pananaw at pamamaraan na itinuturo ng Diyos sa mga tao tungkol sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, paano umasal, at kumilos. Ito ang dapat gawin ng mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan.
Ang isang mahalagang kaisipan at pananaw na ikinintal ng mga pamilya sa mga tao ay na dapat silang maging mabagsik at gumamit ng iba’t ibang paraan para protektahan ang kanilang sarili. Kung iisipin kung paano pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang mga interes, laman, at personal na seguridad pagkatapos makakuha ng mga diskarte at pamamaraan sa pagharap sa mundo mula sa pagkokondisyon ng iba’t ibang kaisipan at pananaw, ano ang pangunahing layon sa likod ng pagkikintal ng mga pamilya ng mga kaisipang ito? Ito ay upang protektahan ang mga indibidwal mula sa pang-aapi. Ngayon, suriin natin ang diwa ng pagiging naaapi. Mabuting bagay ba ang maapi? Maiiwasan ba ito? Mayroon bang sinuman na hindi kailanman naapi? Ano ang kaakibat ng pagiging naaapi? Bukod sa umaasa ang mga magulang na ang kanilang mga anak ay maaaring maging bahagi ng lipunan at normal na maitatag ang kanilang sarili, palagi ring natatakot ang mga magulang na ang kanilang mga anak ay maapi. Samakatuwid, madalas magbahagi sa iyo ang iyong mga magulang ng ilang hakbang at paraan para sa pagharap sa mundo, ginagamit ang mga pamamaraang ito para protektahan ka at maiwasan mo ang pang-aapi. Dahil hindi ka masasamahan o mapoprotektahan ng iyong mga magulang sa lahat ng oras, kapag ibinuka mo ang iyong mga pakpak at kailangang lumipad nang mag-isa, sinasangkapan ka nila ng ilang kaisipan at pananaw para matiyak na hindi ka maapi. Tama ba ang mga kaisipan at pananaw na ito? Natatakot ba kayong maapi? Pinanghahawakan ba ninyo ang kaisipan at pananaw na ito: “Pagkarating ko sa lipunan at sa mga grupo sa lipunan, at lalo na kapag nakikipag-ugnayan ako sa mga hindi mananampalataya, natatakot akong maapi—ito ang pinaka-ikinababahala ko. Kung makatatagpo ako ng isang taong halos kapantay ko, makakaya ko pa ring ipagtanggol ang sarili ko. Ngunit kung makatagpo ako ng isang taong mas mabagsik kaysa sa akin, hindi ako mangangahas na lumaban. Tatanggapin ko na lang ang kahit anong pang-aapi sa akin. Wala akong magagawa tungkol dito. Mayroon silang mga tagasuporta at mga taong maimpluwensiya, at kailangan kong tiisin ito.” Ito ba ang nangingibabaw na kaisipan at pananaw sa karamihan ng mga tao? (Mayroon akong ganoong mga pananaw noon. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, nakasundo ko na ang aking mga kapatid. Kapag nakikipag-ugnayan ako sa mga hindi mananampalataya, kahit na nahaharap sa pang-aapi at pang-uusig, alam kong pinahihintulutan ito ng Diyos, at may aral na kailangan kong matutunan. Kaya, hindi na ako gaanong natatakot, at sa halip ay natutong umasa sa Diyos para maranasan ito.) Anong uri ng tao ang partikular na puno ng takot? (Iyong mga walang pananalig sa Diyos.) Bukod sa mga indibidwal na ito, mayroon ding mga taong talagang matatakutin, na introvert at may mababang pagpapahalaga sa sarili, na mahina at masakitin, na hindi gaanong kaakit-akit ang hitsura o na may mas maliit na tayog, na nagmula sa kahirapan—lalo na iyong mga galing sa pamilyang kinukutya o dinidiskrimina—na may mababang katayuan sa lipunan, walang kasanayan o kadalubhasaan, at nagtatrabaho bilang manual laborers, at iyong mga may pisikal na kapansanan, bukod sa iba pa. Ang lahat ng taong ito ay mas madaling apihin at natatakot silang maapi. Laganap ba na isyu sa lipunan ang pang-aapi? (Oo.) Kung saan may mga tao, mangyayari ang mga bagay na ito roon. Paano nagkakaroon ng pang-aapi? (Dahil, pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, sila ay naging napakasama, nagnanais na mang-api ng iba habang sila mismo ay hindi naaapi. Kaya’t ang mga insidente ng paniniil ay nangyayari sa lahat ng dako.) Ito ay isang aspekto. Ang ilang tao ay ayaw maapi ng iba, kaya sila ang nagkukusa, una nilang inaapi ang iba at tinatakot ang mga ito para walang maglakas-loob na mang-api sa kanila. Sa katunayan, sa kanilang kaloob-looban, ayaw nilang umasal nang ganito; nakakapagod din ito para sa kanila. Kapag pinatutumba mo ang lahat ng tao, hindi ba’t napapagod ka rin? May kasabihan na, “Magtamo ng higit na tagumpay, subalit katumbas nito ay malaking kawalan.” Kuning halimbawa ang isang parkupino: Pagkatapos nitong maglabas ng kanyang mga tinik, hindi ba’t napapagod nang husto ang nervous system nito? Nasasaktan ang mga tao kapag tinutusok sila nito, at napapagod din ito. Kaya, bakit nito ginagawa iyon kung ito ay nakakapagod? Ito ay para sa pangangalaga sa sarili—kinakailangang magsikap ng parkupino para protektahan ang sarili. Sapagkat ang masamang mundong ito ay walang anumang positibo o tumpak na prinsipyo sa pagtrato sa iba’t ibang tao, at ang mga tao ay inuuri batay sa pilosopiya ni Satanas sa pagharap sa mundo at sa herarkiya ng lipunan, lumilitaw sa gitna ng mga tao ang pagkakaiba-iba at ang mga herarkiya batay sa mga prinsipyo at pamantayang ito ng hindi pantay na pagkakabukod-bukod. Kapag nangyayari ito, hindi nakakapag-ugnayan nang patas at maayos ang mga tao. Nakikipagkumpitensya sila upang mapabilang sa mataas na antas, upang maging ang pinakamahusay sa lahat. Ang mga nasa itaas ay maaaring maghari-harian sa iba, at apihin at kontrolin ang mga ito ayon sa kanilang kagustuhan. Dahil hindi patas ang lipunang ito, hindi rin patas ang mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao. Kaya, ang mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao ay tiyak na hindi magiging maayos, at ang mga prinsipyo, pamamaraan, at diskarte ng pakikipag-ugnayan ng mga tao sa isa’t isa ay pawang nagiging hindi patas. Ang pagiging hindi patas na ito ay partikular na tumutukoy sa mga tao na nagkukumpara ng kapangyarihan, pinagmulang pamilya, mga kasanayan, mga abilidad, pisikal na anyo, tangkad, pati na rin ng mga taktika, pakana, at estratehiya. Saan nagmumula ang lahat ng bagay na ito? Hindi nanggaling sa katotohanan o sa Diyos ang mga ito—nagmula ang mga ito kay Satanas. Ang mga bagay na ito mula kay Satanas ay nakikintal sa mga tao, at namumuhay sila ayon sa mga ito, kaya paano sa iyong palagay makikipag-ugnayan ang mga tao sa isa’t isa? Tatratuhin ba nila ang bawat isa nang patas? (Hindi.) Talagang hindi. Gagana ba kahit ang pinakasimpleng prinsipyo ng halalan sa sambahayan ng Diyos sa loob ng masamang mundong pinamumunuan ni Satanas? (Hindi.) Ano ang diwa kung bakit hindi ito gumagana? Ito ay dahil hindi naghahari ang katotohanan sa masamang mundong ito; ito ay pinamumunuan ng masasamang kalakaran, pati rin ng iba’t ibang kaisipan at mga pilosopiya ni Satanas. Kaya, maaari lamang na apihin at kontrolin ng mga tao ang isa’t isa—ito ang tanging posibleng kalagayan ng mga pangyayari. Imposibleng maiwasan ang pang-aapi—normal lang ito. Dahil ang mundo ay wala sa ilalim ng paghahari ng katotohanan, sa masamang mundong ito, kapag nakikipag-ugnayan ang mga tao sa isa’t isa, kung hindi ka isang taong nang-aapi ng iba, kung gayon ikaw ang naaapi. Ang dalawang bagay lang na ito ang papel mo. Sa katunayan, ang bawat tao ay parehong nang-aapi at naaapi. Ito ay dahil palaging mayroong mga taong nasa itaas at nasa ibaba mo. Inaapi mo ang iba dahil mas mataas ang katayuan mo kaysa sa kanila, ngunit kasabay nito, habang inaapi mo sila, may mga taong mas mataas pa ang katayuan at posisyon kaysa sa iyo, at aapihin ka nila, at kakailanganin mong tiisin ang kanilang pang-aapi. Ang isang uri ng mga tao ay nang-aapi sa isa pang uri: Ito ang ugnayan sa pagitan ng mga tao, ang mang-api at maapi. Ito ang tanging ugnayan. Walang tunay na pag-ibig sa pamilya, walang pagmamahal, walang pagpaparaya, walang pagpapasensiya, at walang posibilidad ng pagtrato sa bawat tao nang makatarungan at patas ayon sa mga prinsipyo. Dahil ang mundong ito ay hindi pinamumunuan ng katotohanan, kundi ni Satanas, ang tanging mga ugnayang nabubuo sa pagitan ng mga tao ay ang pang-aapi at ang maapi, ang manggamit at magamit. Ito ay hindi maiiwasan, at walang makakatakas dito. Maaari mong sabihin na ikaw ay isang boss sa mundo ng krimen at marami kang alipores at tauhan, lahat sila ay tinatakot at kinokontrol mo. Subalit, maging ang isang boss sa mundo ng krimen ay mayroon pa ring mga nakatataas, at nandiyan din ang gobyerno. Bagamat sinasabi na ang mga opisyal at bandido ay iisang pamilya, kung minsan, sadyang naghahanap ng gulo ang gobyerno, nagkakamit ng pakinabang, at hindi ka nito pakakawalan. Kakailanganin mong magbayad ng halaga sa istasyon ng pulis at makipaglapit sa kanila. Kita mo, bagamat tila marangya ang isang boss sa mundo ng krimen, kapag pumupunta sila sa istasyon ng pulis, kailangan pa rin nilang yumuko at magpakumbaba—hindi sila nangangahas na maging mayabang. Gaya ng mga kasabihan ng mga hindi nananampalataya, “Kapag dumarami ang kabutihan, humahabol ang kasamaan,” at “Palaging mayroong mas hihigit pa sa iyo.” Nangangahulugan ito na ang bawat tao ay nang-aapi at naaapi, at ito ang diwa at penomena ng pang-aapi.
Tungkol sa usapin ng pang-aapi, sapagkat ito ay isang bagay na hindi maiiwasan ng sinuman, paano ito dapat harapin ng isang tao? Sa iglesia, kahit na maaaring hindi ka natatakot na maapi, umiiral ba ang ganitong bagay? Maaari bang mangyari ito? Kapag nakikisalamuha ka sa mga hindi mananampalataya, maaaring apihin ka nila. Kaya, hindi ba’t nangyayari ito sa loob ng iglesia? (Nangyayari nga ito.) Nangyayari ito, sa iba’t ibang antas, dahil ang lahat ng tao ay ginawang tiwali ni Satanas. Bago magkamit ng kaligtasan ang mga tao, madalas silang nagpapakita ng katiwalian, at ang isang aspekto ng mga pagpapakita na iyon ng katiwalian ay ang pagtrato sa iba ayon sa sarili nilang kagustuhan, hindi pinakikitunguhan ang mga ito nang patas. Kapag lumitaw itong hindi patas na pagtrato sa iba, nangyayari din ang pang-aapi at ang maapi. Kaya, nangyayari paminsan-minsan ang mga bagay na ito, at hindi makakatakas o makakaiwas sa mga ito ang mga tao. Ano ang tamang prinsipyo sa pangangasiwa at pagharap sa usaping ito? (Ayon sa mga salita ng Diyos, ayon sa mga prinsipyo.) Sa teorya, ito ang sinasabi. Paano naman ang partikular na pagsasagawa nito? Paano mo mauunawaan ang usapin ng pang-aapi at ng naaapi? Halimbawa, sabihin nating sumulat ka ng isang liham para mag-ulat ng mga problema tungkol sa isang huwad na lider, at gusto kang apihin ng huwad na lider, sinasabing, “Kung ayaw mong umayos diyan, kung patuloy kang mag-uulat ng mga problema ko sa mga nakatataas, magsusumbong tungkol sa akin, o magsusulat ng negatibong bagay sa aking mga pagsusuri, papatayin kita! May kapangyarihan akong itiwalag ka. Hindi ka ba natatakot?” Paano mo pangangasiwaan ang sitwasyong ito? Pinagbabantaan ka niya; sa partikular na salita, inaapi ka niya. Nasa kanya ang kapangyarihan, at isa kang ordinaryong mananampalataya, kaya’t pabasta-basta ka niyang pinahihirapan nang walang anumang prinsipyo o batayan. Tinatrato ka niya sa paraan ng pagtrato ni Satanas sa mga tao. Sa mas kongkretong termino, hindi ba’t inaapi ka niya? Hindi ba’t sinsubukan ka niyang pahirapan? (Oo.) Kaya, paano mo ito pangangasiwaan? Makikipagkompromiso ka ba o maninindigan sa mga prinsipyo? (Maninindigan sa mga prinsipyo.) Sa teorya, ang mga tao ay dapat manindigan sa mga prinsipyo at hindi matakot sa huwad na lider na ito. Ano ang batayan nito? Bakit hindi ka dapat matakot sa kanya? Kung talagang ititiwalag ka niya, matatakot ka ba? Dahil kaya ka talaga niyang itiwalag, baka hindi ka maglakas-loob na manindigan sa mga prinsipyo, at baka matakot ka. Saan naiipit ang usaping ito? Bakit ka natatakot? (Dahil hindi ako naniniwala na ang sambahayan ng Diyos ay nasa ilalim ng pamumuno ng katotohanan.) Iyan ay isang aspekto nito. Kailangan mong magkaroon ng ganitong pananalig at sabihing, “Isa kang masamang tao. Huwag mong isipin na dahil lang sa isa kang lider ngayon ay may kapangyarihan kang itiwalag ako. Mali ang pagtitiwalag sa akin. Malalantad ang bagay na ito sa malao’t madali. Hindi ikaw ang may tanging awtoridad sa sambahayan ng Diyos. Kung ititiwalag mo ako ngayon, maparurusahan ka sa huli. Kung hindi ka naniniwala, maghintay ka lang at makikita mo. Ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan, ng Diyos. Hindi ka maaaring parusahan ng mga tao, ngunit maaari kang ibunyag at palayasin ng Diyos. Kapag nalantad ang iyong mga maling gawain, iyon ang oras na haharapin mo ang iyong kaparusahan.” Mayroon ka bang ganitong pananalig? (Oo.) Mayroon ka? Kung gayon, bakit hindi ninyo masabi ito? Mukhang malalagay ka sa panganib kung mahaharap ka sa mga ganitong sitwasyon; wala kang lakas ng loob at tunay na pananalig. Kapag talagang nahaharap ka sa mga bagay na ito, kapag nakatatagpo ka ng masasamang tao at mga anticristo na ganito kabagsik, na ang mga paraan ng pagpapahirap sa mga tao ay katulad ng sa malaking pulang dragon, ano ang gagawin mo kung gayon? Magsisimula kang umiyak, sasabihing, “Naku, mababa ang tayog ko, matatakutin ako, noon pa man ay takot na ako sa gulo, natatakot na nga ako kahit sa maliliit na bagay lang. Sana lang talaga ay hindi ko kailangang harapin ang mga gayong tao. Ano ang gagawin ko kung apihin nila ako?” Inaapi ka ba nila? Hindi ka nila inaapi; iyan ay si Satanas na nagpapahirap sa iyo. Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng tao, masasabi mong, “Nakakatakot ang taong ito, mayroon siyang katayuan, at inaapi niya ang mga inosenteng tao na walang katayuan.” Iyan ba ang nangyayari? Mula sa pananaw ng katotohanan, hindi iyan pang-aapi; ito ay si Satanas na nagpapahirap sa mga tao, pinagmamalupitan sila, niloloko sila, tinitiwali sila, at niyuyurakan sila. Paano mo dapat harapin at pangasiwaan ang mga kilos na ito mula kay Satanas? Dapat ka bang matakot? (Hindi ako dapat matakot; dapat kong iulat at ilantad ang mga ito.) Sa puso mo, hindi ka dapat matakot sa kanila. Kung ang pag-uulat ng kanilang mga isyu at pakikipaglaban sa kanila ay hindi angkop sa ngayon, dapat pansamantala mong tiisin ang mga ito at maghanap ka ng tamang oras para iulat ang mga ito sa ibang pagkakataon. Kung may mga nakakakilatis na indibidwal na katulad mo sa iyong mga kapatid, dapat kayong magkaisa para iulat at ilantad ang kanilang masasamang gawa. Kung walang ibang taong may pagkilatis, at kapag nag-inisyatiba kang iulat sila, tinatanggihan ka ng lahat, maging mapagpasensya ka muna. Kapag pumunta sa iglesia ninyo ang mga mas nakatataas na lider para suriin at subaybayan ang gawain, maghanap ka ng tamang oras para iulat ang kanilang mga isyu sa mga lider na iyon, malinaw na ipahayag ang kanilang masasamang gawa nang detalyado, at hayaan ang mga lider na alisin sila. Matalino ba ito? (Oo.) Sa isang aspekto, dapat kang magkaroon ng pananalig at hindi matakot sa masasamang indibidwal, anticristo, o kay Satanas. Sa isa pang aspekto, hindi mo dapat tingnan ang kanilang mga kilos sa iyo bilang pang-aapi ng isang tao sa isa pang tao; dapat mong tingnan ang diwa nito bilang panloloko, pagpapahirap, at pagyuyurak ni Satanas sa mga tao. Pagkatapos, depende sa sitwasyon, dapat kang gumamit ng karunungan para harapin ang kanilang pagpapahirap, humanap ng tamang panahon para ilantad at iulat sila, at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang gawain ng iglesia. Ito ang patotoo na dapat mong panindigan at ang tungkulin at obligasyon na dapat mong gampanan bilang isang tao. Gaano ka man nila apihin o tratuhin nang hindi patas, huwag mo itong ituring bilang pang-aapi. Hindi sila ang nang-aapi sa iyo; si Satanas ang nanloloko, yumuyurak, at nagpapahirap sa mga tao. Sasabihin mo ba na inaapi ka ng malaking pulang dragon kapag inuusig nito ang mga mananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ka nito inaapi. Bakit ka nito inuusig? (Dahil ang diwa nito ay ang labanan ang Diyos.) Ang diwa nito ay ang labanan ang Diyos. Itinuturing nitong kaaway ang Diyos at nakikita nito ang lahat ng gawain ng Diyos bilang mga bagay na nakakairita o nakakasagabal. Itinuturing din nito ang mga taong hinirang ng Diyos bilang mga kaaway. Kung susundin mo ang Diyos, kapopootan ka nito, gaya ng sinasabi sa Bibliya: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, alam niyo na Ako’y unang kinapootan nito bago kayo” (Juan 15:18). Ang malaking pulang dragon ay napopoot sa mga tao, napopoot sa Diyos, itinuturing ang Diyos bilang kaaway, at higit sa lahat, itinuturing iyong mga sumusunod sa Diyos, lalo na ang mga nagsasagawa sa katotohanan, bilang mga kaaway. Kaya nais nitong usigin ka, patayin ka, pigilan ka sa pagsunod sa Diyos, itulak kang sambahin at sundin ito, at sumpain ang Diyos. Maaaring sasabihin mong, “Hindi ko Siya isusumpa.” Pagkatapos ay babantaan ka nito, “Kung hindi mo isusumpa ang Diyos, mamamatay ka!” Susubukan ka nitong pilitin na sabihing “Ang Partido Komunista ay mabuti,” at tutugon ka, “Hindi ko sasabihin iyon.” Pagkatapos ay sasabihin nito, “Kung hindi mo ito sasabihin, pahihirapan kita, tatratuhin at sasagutin kita ng malupit na pagpapahirap!” Pang-aapi ba iyon sa iyo? Hindi, iyon ay pang-aabuso ni Satanas sa mga tao. Naiintindihan mo ba? (Naiintindihan ko.) Dapat kang magkaroon ng tamang pag-unawa kapag hinaharap ang usapin ng pang-aapi. Sa lipunan at sa mga grupo ng mga tao, kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng tao, parehong ginagampanan ng bawat tao ang mga papel ng nang-aapi at ng inaapi. Ngunit kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng katotohanan, hindi mo ito dapat makita sa ganitong paraan. Ang diwa ng pag-uugali ng sinumang taong gusto kang apihin at kontrolin ay hindi itinuturing na pang-aapi. Sa halip, ito ay panloloko, pang-aabuso, pangmamanipula, pagyurak, at pagtitiwali ni Satanas. Sa mas partikular, nangangahulugan ito na hindi ka niya tinatrato ayon sa mga makatwiran at makataong pamamaraan, hindi ka niya tinatrato nang patas, kundi sa halip, pinanghahawakan niya ang pananaw at paninindigan ni Satanas, at ginagamit ang mga kaisipan ni Satanas bilang kanyang gabay sa kung paano ka niya tinatrato, kinakausap, at pinakikisamahan. Halimbawa, ipagpalagay na ikaw at ang isang masamang tao ay magkasama sa iisang silid. Ikaw ang unang dumating, kaya dapat mauna kang pumili ng komportableng pwesto, at pinili mo ang ibabang higaan. Sa sandaling dumating siya at makita ito, sasabihin niya, “Tama bang piliin mo ang ibabang kama? Hindi pa nga ako nakakapili, ikaw na ang nauna? Naglakas-loob ka pa talagang matulog sa ibabang kama kahit nandito ako? Ang kapal ng mukha mo! Hindi mo man lang sinabi sa akin at basta mo na lang pinili ang ibabang kama para doon matulog. Doon ka sa itaas!” Sasagot ka, “Bakit hindi ikaw ang matulog sa itaas na kama? Mas huli ka nang dumating; ayon sa pagkakasunod natin, dapat kang matulog sa itaas na kama.” Sasabihin niya: “Pagkakasunod? Hindi ko sinusunod iyan! Hindi ako pumipila kahit saan; ni hindi nga ako pumipila para makatagpo ang presidente! Inalam mo man lang ba kung sino ako? Ang lakas ng loob mo para kausapin ako tungkol sa pagkakasunod-sunod—ang kapal ng mukha mo! Gusto mo bang mamatay? Doon ka sa itaas!” Kaya, kailangan mong masunurin na umakyat sa itaas na kama para matulog. Ito ba ay pang-aapi sa iyo? Mula sa perspektiba ng tao, mukha itong pang-aapi. Tingin niya sa iyo ay inosente, isang taong kaya niyang manipulahin. Pinapakitaan ka muna niya ng nakakatakot na kapangyarihan at tinuturuan ka ng leksiyon para maintindihan mo kung sino siya. Ganito ang pagtingin dito mula sa perspektiba ng tao o mula sa perspektiba ng damdamin o laman ng tao. Ngunit, kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng katotohanan, ganito rin ba ang makikita mo? Ikaw ang unang pumili sa ibabang kama, maayos ang lahat, pero iginiit niya na lumipat ka, iniistorbo ka para lumipat ka sa itaas na kama. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Hindi ba’t pagpapahirap niya ito sa iyo? Hindi ba’t hindi ka niya tinatrato na parang tao? Hindi ba’t wala siyang respeto sa iyo? Hindi ba’t umaakto siya na parang siya ang amo, at tinatrato ka bilang isang utusan o alipin? Ano ang lohika ng kanyang mga kaisipan? Ang bawat tao na hindi kasinglakas niya ay tagapaglingkod lamang niya, isang taong pwede niyang utusan, isang taong pwede niyang pahirapan. Sa perspektiba ng katotohanan, hindi ito matatawag na pang-aapi; ito ay tungkol sa pagpapahirap sa mga tao. Sino ang may kakayahang pahirapan ang mga tao? Mga masamang tao, demonyo, butangero, basag-ulo, kawatan, mga taong hindi makatwiran, walang pagkatao, at walang respeto sa sinuman. Hindi sila sumusunod sa mga panuntunan saan man sila magpunta. Kumikilos sila na parang sila ang boss, na para bang ang anumang mabuti, kapaki-pakinabang, o makabuluhang bagay ay para sa kanila lamang. Ang iba ay hindi tinutulutang magkaroon ng parte sa mga naturang bagay o kahit man lang ang isipin na makakuha ng mga ito. Hindi ba’t ito ay isang kawatan? (Oo.) Ito ang ginagawa ng mga kawatan at demonyo. Pinahihirapan ka nila nang ganito, kaya hindi ba’t matatakot ka? Iisipin mo, “Naku, mayroon palang mga tao na ganito kanakakatakot. Iniisip pa nga niya na maling matulog ako sa ibabang kama. Ano ba ang nangyayari?” Matatakot ka, at mula noon, kapag kausap mo sila, kailangan mong maging maingat. Kailangan mong pagnilayan ito, iisiping: “Hindi ko pwedeng pasamain ang loob nila, at hindi ko sila pwedeng galitin. Kung gagalitin ko sila, pahihirapan nila ako.” Kung ganito ang pag-iisip mo, kung gayon, naabot na nila ang kanilang layon. Ano ang kanilang layon? Gusto ka nilang takutin, na katakutan mo sila, gusto nilang lumikha ng pagkakaiba ng antas sa pagitan ninyo, kung saan sila ang boss, at ikaw ang tagapaglingkod, at saan ka man magpunta, kailangan mong makinig sa kanila at sumunod sa kanila. Hindi ba’t ito ang prinsipyo ng paggawa ni Satanas sa mga bagay-bagay? Kailangan silang maging boss mo, at ikaw ay kailangang maging tagapaglingkod nila. Kailangan mong madisiplina, mautusan, at mapaglaruan nila nang walang makatarungang dahilan; kailangan mong sumunod sa kanila sa lahat ng bagay. Hindi ka pwedeng tumayong kapantay nila; kung gusto mong maging kapantay nila, ang tanging sitwasyon kung saan magagawa mo iyon ay kapag patay na sila—karapat-dapat ka lang na maging kapantay ng isang patay na tao. Sabihin mo sa Akin, gaano ka nila inaapi? Sa kaibuturan ng puso mo, natakot ka ba sa kanilang masasamang gawa at maawtoridad na pakikitungo? (Oo.) Tinanggap mo ang katunayang ito, nakipagkompromiso ka, kaya masasabi ba natin na bilang kinahinatnan ay nagawa ka nilang tiwali? Mahigpit ka nilang hinawakan; kapag gumagawa sila ng masasamang bagay at lumalabag sa mga prinsipyo, hindi ka naglalakas-loob na magsalita dahil dati nga ay pinalipat ka nila mula sa ibabang kama tungo sa itaas na kama nang ganoon-ganoon lang. Hindi ka mangangahas na galitin silang muli; kapag nakikita mo sila, iniiwasan mo sila, at ang simpleng pagbanggit ng pangalan nila ay nagdudulot sa iyo na pagpawisan ng malamig. Hindi ba’t pagkatakot ito sa kanila? Hindi ka naglalakas-loob na tratuhin sila nang patas ayon sa mga prinsipyo; mahigpit ang pagkakahawak nila sa iyo. Ano ang diwa ng kanilang mahigpit na pagkakahawak sa iyo? Nangangahulugan ito na hawak at kontrolado ka nila. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? (Oo.) Kaya, paano dapat harapin ng mga tao ang sitwasyong ito para hindi sila makontrol ng mga ito? Dapat mong ituring ang usapin ng pang-aapi ng masasamang indibidwal sa mga tao bilang isang penomena ng paggawang tiwali at pang-aabuso ni Satanas sa mga tao. Matapos mong maunawaang mabuti ang diwang ito, paano mo ito dapat harapin? Sa kaibuturan ng iyong puso, dapat mong kamuhian at itakwil ang masasamang indibidwal, huwag mo silang katakutan. Dapat mong isipin, “O, gusto mong matulog ako sa itaas na kama? Sige, sa itaas na kama ako matutulog. Pero ngayong araw ay nakita ko ang mga kilos ng isa pang masamang tao, nakilala ko ang diwa ng isa pang masamang tao, at mula ngayon ay makikilala ko na ang isa pang uri ng pag-uugali na ginagawa ng masasamang tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay at kapag nakatalikod ang mga tao. Simula ngayon, babantayan kong mabuti kung ano ang sinasabi at ginagawa nila, at kung nanlilinlang sila. Kung gagamitin sila ng sambahayan ng Diyos, titingnan ko kung kumikilos sila ayon sa mga prinsipyo, kung itinataguyod nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung nilulustay nila ang mga handog, at kung pinahihirapan pa rin nila ang iba.” Sa kaibuturan ng iyong puso, dapat kang magdasal: “O Diyos, pakiusap, ilantad Mo ang masamang taong ito, bigyan Mo ako ng kakayahang makilala ang kanyang masasamang gawa at ang kanyang diwa. Tulungan Mo akong mangalap ng ebidensya ng kanyang masasamang gawa, at bigyan Mo ako ng lakas ng loob, bigyan Mo ako ng kakayahang huwag matakot sa masasamang tao, magkaroon ng pananalig at lakas na labanan sila.” Bagamat makakasama mo pa rin siya sa iisang silid, at walang magbabago sa panlabas, sa kaibuturan ng puso mo, hindi ka matatakot sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niya sa iyo ay hindi pang-aapi; ito ay isang pagbubunyag at paglalantad ng kanyang satanikong kalikasan. Kapag ganito mo siya tinitingnan, matatakot ka pa rin ba sa kanya? Sa bawat masamang gawa na ipinapakita niya at bawat kakatwang salita na binibigkas niya, isusumpa mo siya sa puso mo, sasabihing, “Ikaw ay isang diyablo, ikaw ay si Satanas, gumagawa ka ng kasamaan at lumalaban sa Diyos, at sa malao’t madali, ikaw ay isusumpa. Hindi ka hahayaan ng Diyos na makatakas; malalantad ka sa huli!” Ganito mo dapat pakitunguhan ang masasamang tao. Dapat kang magkaroon ng pananalig at lakas na labanan sila, at dapat kang manalangin sa Diyos, pagkatapos ay magkakaroon ng lakas ang puso mo, at hindi ka matatakot sa kanila. Ano sa tingin mo? Hindi ba’t epektibo ang mga taktikang ito? (Epektibo ang mga ito.) Kapag kinilatis mo ang mga ito mula sa pananaw ng katotohanan, hindi ba’t mas praktikal ito kaysa sa itinuro sa iyo ng iyong mga magulang: “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya”? Ano ang silbi ng pag-iingat? Hindi mo mapipigilan ang pang-aabuso at pagtitiwali ni Satanas sa iyo. Ang pagtitiwali at pang-aabuso sa iyo ni Satanas ay mga bagay na hindi mapipigilan—nasa lahat ito ng dako. Ang pagtiwali ni Satanas sa mga tao ay hindi lamang sa panlabas, ito ay hindi lamang sa eksternal; ginagawa rin nitong tiwali ang iyong mga kaisipan. Magagawa mo bang mag-ingat laban doon? Ang pinakamahalagang bagay ay ang sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan at umasa ka sa Diyos. Hindi mo lamang dapat kilatisin ang mga kilos ng masasamang tao, kundi pati na rin ang diwa ng masasamang tao, at kasabay nito, dapat mong kilalanin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ipinapahayag ng masasamang tao. Pagkatapos, sangkapan mo ang iyong sarili ng katotohanan, gamit ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan para ilantad at suriin ang mga ito, upang magkaroon din ng pagkilatis ang iyong mga kapatid. Pagkatapos, lahat ay maaaring tumindig para sama-samang tanggihan ang mga ito. Napakaganda niyon. Kung lagi kang depensibo, laging nag-iingat, laging tumatanggi o umiiwas, iyon ay pagiging duwag, hindi iyon ang pagpapamalas ng isang mananagumpay.
Sa pagbabahaginan natin tungkol sa lahat ng ito, mayroon na ba kayong bagong pananaw ukol sa usapin ng pang-aapi sa mga tao? Tama ba ang pang-aapi? (Hindi ito tama.) Ano ang kalikasan ng pang-aapi? (Ito ay pagpapahirap ng masasamang tao sa iba.) Sa diwa, ito ay pagpapahirap at panloloko ng masasamang tao at ni Satanas sa iba. Ngayon, ano ang kalikasan ng pagiging naaapi? (Ito ay ang pagiging mahina, hindi pagsasagawa sa katotohanan, hindi paglalakas-loob na tumindig at lumaban.) Tama, ang pagkatakot sa masasamang tao, pagkatakot sa masasamang pwersa, kawalan ng pananalig na labanan si Satanas, kawalan ng pananalig na makilala, makilatis, at maunawaan ang pangit na mukha ni Satanas, at kawalan ng pananalig na labanan ang pangyuyurak at pang-aabuso ni Satanas sa iyo—hindi ba’t ito ang kalikasan nito? (Oo.) Ang mga walang pananalig ay palaging may pangamba sa kanilang puso; palagi silang natatakot, iniisip na, “Hindi ako dapat apihin ng iba. Hindi ako nang-aapi ng iba, at hindi ako dapat apihin ng iba, tulad lamang ng sinabi ng nanay ko, ‘Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya.’” Nagdarasal sila sa Diyos, nagsasabing, “O Diyos, pakiusap, huwag Mo akong hayaang makatagpo ng masasamang tao; matatakutin ako, noon pa man ay inosente at simple na ako. Nananalig ako sa Iyo at sumusunod sa Iyo; dapat Mo akong protektahan!” Ito ay pagiging mahina ang loob. Napakarami mo nang narinig na katotohanan, at nauunawaan mo ang napakaraming katotohanan. Hindi ka takot sa mga diyablo at kay Satanas, kaya takot ka ba sa isang masamang tao? Natatakot ba kayo sa malaking pulang dragon? (Kung mahuhuli, matatakot ako, pero maaari akong magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya.) Ibig sabihin ay hindi ka pa natakot sa kasamaan nito. Ito rin ay isang pagpapamalas na nagmumula lamang sa isang patikular na pundasyon ng pananalig. Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi mong natatakot ako sa malaking pulang dragon. Kung natatakot ako sa malaking pulang dragon, ganito ba kalayo ang mararating ko ngayon? Hindi ba’t totoo iyon? Pero kung hinihiling mo sa akin na sabihing hindi ako natatakot sa malaking pulang dragon, nakakaramdam pa rin ako ng kaunting takot na gawin ito. Paano kung marinig ito ng malaking pulang dragon?” May kaunting takot pa rin doon. Ang ganitong mga tao ay medyo natatakot na hayagang sabihin na masama at malupit ang malaking pulang dragon; wala silang ganoong pananalig at napakaliit pa rin ng kanilang tayog. Hindi Ko hinihiling sa iyo na hayagang makipaglaban sa malaking pulang dragon o galitin ito. Ngunit sa kaibuturan ng iyong puso, kahit papaano, dapat mong malaman na tinatrato ng malaking pulang dragon, ng demonyong ito, ang mga tao nang may pang-aabuso, katiwalian, panloloko, pangyuyurak, at pagkatapos ay nilalamon sila nito. Hindi ito pang-aapi; hindi ito nangangahulugan na inaapi at pinahihirapan nito ang mga mananampalataya dahil sila ay inosente, sumusunod sa panuntunan, at masunurin sa batas. Kalokohan iyan, ito ay isang pahayag na walang espirituwal na pagkaunawa. Inaabuso ka ng malaking pulang dragon. Paano ka nito inaabuso? Ito ay nagbabanta, nananakot, umuusig, at nagpapahirap sa iyo. Ano ang layon ng pang-aabuso nito sa iyo? Upang isuko mo ang iyong pananalig, upang itatwa mo ang Diyos, talikuran ang Diyos, pagkatapos ay makipagkompromiso sa malaking pulang dragon, at sa huli, para sambahin mo ito, sundin ito, magpasailalim dito, tanggapin ang iba’t ibang kaisipan nito, at lumuhod sa pagsamba sa harap nito. Ikinagagalak ito ng malaking pulang dragon; ito ang layon nito sa pang-uusig sa iyo. Dahil nakikita nitong sinusunod mo ang Diyos at hindi ito, nagseselos ito, at hindi ka nito pakakawalan. Siyempre, kung hindi mo susundin ang Diyos, pakakawalan ka ba nito? (Hindi, inaabuso rin nito ang mga hindi nananalig sa Diyos.) Totoo iyan, sa madaling salita, ganoon nga ito; sa mas tumpak na salita, ito ang kalikasang diwa nito. Maging ang mga sumusunod dito, ang mga umaawit ng mga papuri dito, ay inaabuso pa rin, niloloko, at niyuyurakan, at pagkatapos silang gamitin, ibinabasura sila ng malaking pulang dragon, pinapatay pa nga ang ilan sa kanila para isara ang kanilang bibig, at sa huli ay tuluyan silang nilalamon. Ano’t anuman, hindi nagiging maganda ang kinahahantungan nila. Anumang mangyari, dapat na malinaw na makita ng mga tao na ang pinakalayon ng mga pamilya sa pagkokondisyon at pagkintal ng iba’t ibang kaisipan at pananaw sa mga tao ay hindi talaga para protektahan sila o akayin sila sa tamang landas. Sa halip, ito ay upang ilayo ang mga tao sa Diyos, upang mamuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at paulit-ulit at pabalik-balik na tanggapin ng mga tao ang pagyurak ng iba’t ibang kaisipan at ang pagkokondisyon ng iba’t ibang masamang kalakaran na nagmumula sa lipunan at kay Satanas. Anuman ang mga inisyal na intensiyon o layon sa likod ng paggawa nito ng mga pamilya, sa huli, hindi nito magagabayan ang mga tao sa tamang landas o maaakay sila sa pagpasok sa katotohanang realidad at pagkamit sa kaligtasan sa huli. Samakatuwid, ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula sa mga pamilya ay isang bagay na dapat bitiwan ng mga tao, isang bagay na dapat nilang bitiwan sa proseso at sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Buweno, dito na natin tatapusin ang ating pagbabahaginan sa araw na ito. Paalam!
Marso 4, 2023