Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14 (Ikalawang Bahagi)

Bukod sa pagkokondisyon sa kanila gamit ang mga kasabihang gaya ng “Ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” madalas na sinasabi ng mga magulang sa mga anak na lalaki: “‘Ang mabuting tandang ay hindi nakikipaglaban sa mga aso; ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae’; huwag kang makipaglaro o makipag-away sa mga babae; huwag mong ibaba ang iyong sarili sa kanilang antas; sila ay mga babae, at dapat na maging maluwag ka sa kanila.” Bakit mo kailangang maging maluwag sa kanila? Kung may nagawa silang mali, hindi ka dapat maging maluwag sa kanila o palayawin sila. Ang mga lalaki at babae ay magkapantay. Ipinanganak at pinalaki rin sila ng isang nanay at tatay katulad mo, kaya bakit ka magiging maluwag sa kanila? Dahil lang ba sa mga babae sila? Kapag nakagawa sila ng mali, dapat silang maparusahan, mapangaralan tungkol dito, umamin sa kanilang pagkakamali, humingi ng tawad, maunawaan kung ano ang nagawa nilang mali, at na hindi na nila dapat ulitin ang parehong pagkakamali sa susunod na maharap sila sa mga gayong usapin. Dapat kang matuto kung paano sila tutulungan, sa halip na sundin ang prinsipyong “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae” na itinuro sa iyo ng iyong mga magulang sa pagharap sa sitwasyon. Lahat ng tao ay nagkakamali minsan, kapwa lalaki at babae. Kapag nagkakamali sila, dapat nilang aminin at pagsisihan ang mga ito. Ang mga lalaki at babae ay kapwa dapat tumahak sa tamang landas at mamuhay nang may dignidad, sa halip na sumunod sa kung ano ang sinabi ng kanilang mga magulang: “Ang mabuting tandang ay hindi nakikipaglaban sa mga aso; ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae.” Hindi naipapakita ng isang lalaki ang kanyang kabutihan sa pamamagitan ng hindi pakikipag-away sa mga babae, o sa pamamagitan ng pagbaba ng sarili niya sa antas ng mga babae. Kita mo, kadalasang sinasabi ng mga magulang: “Ang mga babae ay may mahahabang buhok ngunit kakaunti ang kaalaman. Wala silang potensyal, huwag kang gumaya sa kanila, huwag mo silang seryosohin o pansinin.” Ano ang ibig mong sabihin na “huwag mo silang pansinin”? Ang isyu sa mga prinsipyo ay kailangang linawin at ipaliwanag. Sino ang nagkamali, sino ang nagsabi ng positibo o negatibong bagay, sino ang nagbanggit ng tamang landas—ang mga bagay na may kinalaman sa mga prinsipyo, landas, at pag-asal ay dapat na linawin. Huwag lumikha ng kalituhan sa kung ano ang tama at mali; kahit para sa isang babae, dapat mong linawin ang mga bagay-bagay. Kung talagang isinasaalang-alang mo siya, dapat mong sabihin sa kanya ang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao, tulungan siyang tumahak sa tamang landas, huwag siyang palayawin, at huwag iwasan na seryosohin siya o linawin ang mga bagay-bagay dahil lamang sa isa siyang babae. Ang kababaihan ay dapat ding mamuhay nang may dignidad at hindi dapat palayawin ang kanilang sarili o tumanggi na maging makatwiran dahil lamang sa nakikipagkompromiso sa kanila ang mga lalaki. Ang mga lalaki at babae ay magkaiba lamang sa katawan, ngunit sa mga mata ng Diyos, ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan ay pareho. Pareho silang mga nilikha, at maliban sa mga kaibahan sa kanilang kasarian, wala na silang gaanong ipinagkakaiba. Pareho silang nakararanas ng katiwalian at iisa ang kanilang mga prinsipyo ng pag-asal. Parehong-pareho ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos sa mga lalaki at babae, walang pinagkaiba ang mga ito. Kaya, totoo ba ang turo ng mga magulang na “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae”? (Hindi.) Ano ang tamang diskarte kung gayon? Hindi ito tungkol sa pagkikipag-away kundi sa pag-ayon ng iyong pagsasagawa sa mga prinsipyo. Ano ang ibig sabihin ng mga magulang sa gayong mga pananalita? Hindi ba’t pinapaboran nito ang mga anak na lalaki kaysa sa mga anak na babae? Parang sinasabi nila na “Ang mga babae ay may mahahabang buhok ngunit kakaunti ang kaalaman. Sila ay walang muwang, halos wala silang katalinuhan. Bakit kailangan pang mangatwiran sa kanila? Hindi naman nila ito maiintindihan. Gaya nga ng kasabihan, ‘Ang mga babaeng malalaki ang dibdib ay walang utak, mahahaba ang kanilang buhok ngunit kakaunti ang kaalaman.’ Bakit mo pa poproblemahin ang mga babae o seseryosohin sila?” Hindi ba tao ang mga babae? Hindi ba inililigtas ng Diyos ang mga babae? Hindi ba Niya ibinabahagi sa kanila ang katotohanan, o binibigyan sila ng buhay? Ganoon ba ang lagay? (Hindi.) Kung hindi ito ginagawa ng Diyos, kung hindi Niya tinatrato nang hindi patas ang kababaihan, paano ka dapat kumilos? Tratuhin mo ang mga babae ayon sa mga prinsipyong itinuturo sa iyo ng Diyos; huwag mong tanggapin ang mga kaisipan ng iyong mga magulang o ituring na mas mababa ang mga babae kaysa sa mga lalaki. Bagamat maaaring medyo mas matibay ang iyong mga buto at kalamnan kaysa sa mga babae, bagamat maaaring mas malaki at malakas ang katawan mo, bagamat maaaring mas marami ang kinakain mo, ang iyong tiwaling disposisyon, pagiging mapanghimagsik, at ang antas ng hindi mo pagkaunawa sa katotohanan ay walang pinagkaiba sa mga babae. Ang mga kasanayan sa buhay kung saan ka mahusay ay maaaring iba sa kababaihan: Mahusay ka sa mga electroniko at makinarya, samantalang ang mga babae ay magaling sa pagbuburda, pananahi, at pagsusulsi. Kaya mo bang gawin ang mga bagay na iyon? Habang ang mga lalaki ay mahusay sa pagbuo ng mga bagay-bagay, ang mga babae naman ay mahusay sa pagpapaganda. Habang ang mga lalaki ay marunong magpatakbo ng iba’t ibang makinarya at kagamitan, ang mga babae ay hindi rin naman napag-iiwanan. May kakulangan nga ba sa mga babae? Ang lahat ng gayong paghahambing ay walang patutunguhan. Ang punto rito ay bitiwan mo ang pangmamaliit sa mga babae. Huwag mong tanggapin ang mga kaisipang tulad ng “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae”; ang mga bagay na sinasabi ng mga magulang ay hindi ang katotohanan, nakakapinsala ang mga ito sa iyo. Huwag na huwag mong sasabihin ang mga bagay na ito na nanghahamak sa kababaihan—tahasan itong sumasalungat sa katwiran at kawastuhan. Anong uri ng isyu ang hindi paggalang sa kababaihan? Mayroon man lang bang pagkatao ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay? (Wala.) Wala silang pagkatao. Kung hindi mo nirerespeto ang mga babae, tandaan mo na ang iyong ina, ang iyong mga lola, at mga kapatid ay pawang mga babae. Ayos lang ba sa kanilang makatanggap ng gayong kawalan ng respeto? Sinasabi pa nga ng ilang ina sa kanilang mga anak na lalaki, “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae.” Hindi ba’t hangal ang mga ganitong ina? Ang ganitong mga ina ay mahina ang isip, at bilang mga babae mismo, hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sarili; malinaw na magulo ang isip nila at hindi nila alam kung ano ang kanilang sinasabi. Ang pahayag na “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae” ay tahasang sumasalungat sa katwiran at kawastuhan. Hindi kailanman tinukoy ng Diyos ang mga babae sa ganitong paraan, ni hindi Niya kailanman pinagsabihan ang mga lalaki, sinasabing, “Ang mga babae ay marupok, sila ay may mahahabang buhok ngunit kakaunti ang kaalaman, at wala silang sentido komun. Huwag mo silang awayin. Kahit na awayin mo sila, hindi mo malinaw na maaayos ang mga bagay. Sa lahat ng bagay, maging mapagpatawad at mapagpaunlak, huwag mo silang seryosohin; ang mga lalaki ay dapat malawak ang pag-iisip at bukas sa lahat-lahat.” May sinabi bang ganito ang Diyos kailanman? (Wala.) Dahil hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay, huwag mong gawin ang mga ito o tingnan ang mga babae nang may gayong mga pananaw. Ito ay diskriminasyon at kawalan ng respeto sa kababaihan. Maaari kang tumulong sa mga bagay na kapos ang kasanayan ng mga babae, ngunit kailangan mo rin sila na tumulong sa mga bagay na wala kang kasanayan. Ang pagsandal sa isa’t isa at pagpupuno sa kakulangan ng isa’t isa ang tamang pananaw. Bakit ito ang tamang pananaw? Dahil ang mga kalakasan ng kapwa lalaki at babae ay inorden ng Diyos. Anong mga kaisipan at pananaw ang dapat mong panghawakan para harapin ang katunayan na ang mga kalakasan ng kapwa lalaki at babae ay inorden ng Diyos? Ito ay ang punan ang isa’t isa—ito ang prinsipyo ng pagsasagawa. Hindi dapat diskriminahin ng mga lalaki ang mga babae, at ang mga babae ay hindi dapat masyadong sunud-sunuran sa mga lalaki, iniisip na, “Sa wakas, mayroon na tayong brother sa iglesia natin, isang sandigan ng lakas. Ngayon, kompleto na ang aming iglesia, mayroon nang makakasuporta sa amin at makakapangasiwa ng mga bagay-bagay para sa amin, para pamunuan kami.” Ikaw ba ay mas mababa? Nasa mga lalaki ba ang pananalig mo? Kung ang iglesia ay binubuo lamang ng mga sister, nangangahulugan ba ito na wala ka nang pananalig sa Diyos? Na hindi ka maliligtas o makauunawa sa katotohanan? Kapag may nagkokomento nang hindi nag-iisip, “Bakit walang mga brother sa iglesia ninyo?” pakiramdam mo ay para kang sinaksak sa puso, sinasabing, “Huwag mo nang banggitin, iyan ang isang pagkukulang sa iglesia namin. Ayaw naming mapag-usapan ito; napansin mo ang tanging pinagsisihan namin,” at nananalangin ka, “Diyos ko, kailan Ka maghahanda ng isang brother para sa iglesia namin?” Mga brother ba ang nagpapanatili sa iglesia? Hindi ba ito makakatayo nang walang mga brother? Sinabi ba ito ng Diyos kailanman? (Hindi, hindi Niya ito sinabi.) Hindi ito kailanman sinabi ng Diyos, hindi rin Niya kailanman sinabi na ang isang iglesia ay kailangang magkaroon ng babae at lalaki bago ito maitatag, o na hindi ito maitatatag nang may isang kasarian lamang. Kahit kailan ba ay sinabi Niya ito? (Hindi.) Ang lahat ng ito ay bunga ng sobenismo na ikinondisyon ng pamilya. Umaasa ka sa mga lalaki sa lahat ng bagay, at sa sandaling may nangyayari, sinasabi mo, “Kailangan ko muna itong talakayin sa asawa ko pag-uwi niya,” o “Abala kamakailan ang mga brother sa iglesia namin, kaya walang namumuno sa pag-aasikaso sa bagay na ito.” Kung gayon, para saan ba ang mga babae? Hindi mo ba kayang pangasiwaan ang mga gampaning ito? Wala ka bang bibig o mga paa? Walang kulang sa iyo: Nauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo, at dapat kang kumilos nang naaayon. Ang mga lalaki ay hindi mo mga amo, hindi rin sila ang iyong mga pinuno; ordinaryong tao lamang sila, mga miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Matuto kang umasa sa Diyos at sa Kanyang mga salita sa lahat ng iyong ginagawa. Ito ang prinsipyo at daan na dapat mong sundin, sa halip na sumandal sa sinumang tao. Bagamat hindi Ko isinusulong ang sobenismo, siyempre ginagawa Ko ito hindi para itaas ang mga karapatan ng kababaihan o ipagtanggol ang mga ito, kundi upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang isang aspeto ng katotohanan. Aling aspeto ng katotohanan? Na ang kasabihang ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang, “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae,” ay hindi tama; ikinikintal at itinuturo nito ang isang maling kaisipan. Hindi ka dapat mapangunahan ng kaisipan at pananaw na ito sa iyong papel bilang lalaki o sa kung paano mo tratuhin ang mga babae. Ito ay isang aspekto ng katotohanan na dapat mong maunawaan. Huwag palaging isipin na “Lalaki ako, dapat kong isaalang-alang ang mga isyu mula sa perspektiba ng isang lalaki, dapat akong magpakita ng konsiderasyon sa mga sister na ito at protektahan, tiisin, at patawarin sila mula sa posisyon ng isang lalaki, hindi sineseryoso ang sinuman sa kanila. Kung nais tumakbo sa halalan ng isang sister para maging lider ng iglesia, pakikitunguhan ko siya nang may paggalang, at hahayaan siyang mamuno.” Sa anong batayan? Dahil lang sa ikaw ay lalaki, sa tingin mo ay bukas ka sa lahat-lahat? Kaya mo ba silang tiisin? Ni hindi mo nga kayang tiisin ang iyong sarili. Ang pamumuno sa iglesia ay dapat pagpasyahan sa kung sino ang angkop para sa tungkulin. Kung pipiliin ka ng mga kapatid, dapat mong balikatin ang pasanin na ito. Pareho itong responsabilidad at tungkulin mo. Bakit ka basta-bastang tumatanggi? Para ipakita kung gaano ka karangal? Iyan ba ang prinsipyo ng pagsasagawa? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Hindi.) Mali ang tumanggi at mali ang ipaglaban ito; kung gayon, ano ang tamang paraan ng pagkilos? Ang tamang paraan ay ang ibatay ang iyong mga kilos sa mga salita ng Diyos at gamitin mong pamantayan ang katotohanan. Itinuro sa inyo ng inyong mga magulang na “Ang mabuting lalaki ay hindi nakikipag-away sa mga babae.” Ilang taon ka nang namumuhay nang may ganitong sobenismong kaisipan at pananaw? Iniisip ng maraming tao, “Ang paglalaba at pagsusulsi ay pawang gawain ng kababaihan. Hayaan na ang mga babaeng mag-asikaso ng mga ito. Naiinis talaga ako kapag kailangan kong gawin ang mga gawaing ito; Pakiramdam ko ay nababawasan ang aking pagkalalaki.” Kaya, ano ang mangyayari kung gagawin mo ito? Hindi ka na ba lalaki? Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga damit ko ay palaging nilalabhan ng nanay, kapatid kong babae, o ng lola ko. Hindi pa ako kailanman nakagawa ng ‘gawaing pambabae.’” Ngayon, ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at kailangan mong makapagsarili. Ito ang dapat mong gawin; ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Gagawin mo ba ito? (Oo.) Kung tutol ang puso mo, ayaw mo at palagi mong iniisip ang iyong ina dahil sa bagay na ito, kung gayon, talagang wala kang kwenta. Ang mga lalaki ay may mga ganitong sobenismong kaisipan, at minamaliit nila ang ilang gawain tulad ng pag-aalaga ng mga bata, pagliligpit sa bahay, paglalaba, at paglilinis. Ang ilan ay talagang matindi ang sobenismo, at nayayamot sa mga gawaing-bahay na ito, ayaw nilang gawin ang mga ito, o kung gagawin man nila ang mga ito, ginagawa nila ito nang labag sa kanilang loob, natatakot na hahamakin sila ng iba. Iniisip nila, “Kung palagi kong ginagawa ang mga gawaing-bahay na ito, hindi kaya ako maging binabae?” Anong kaisipan at pananaw ang kumokontrol nito? Hindi ba’t may problema sa kaisipan nila? (Oo, mayroon.) May problema ang kaisipan nila. Tingnan ang ilang rehiyon kung saan ang mga lalaki ay palaging nakasuot ng apron at nagluluto. Pag-uwi ng babae mula sa trabaho, hinahainan siya ng lalaki ng pagkain, sinasabing, “Heto, kumain ka na. Masarap talaga ito; niluto ko ang lahat ng paborito mo ngayon.” Angkop lang na kainin ng babae ang nakahandang pagkain, at angkop lang na ihanda ito ng lalaki, nang hindi kailanman nararamdaman na isa siyang maybahay. Sa sandaling lumabas siya at tinanggal ang kanyang apron, hindi ba’t lalaki pa rin siya? Sa ilang rehiyon kung saan talagang malubha ang sobenismo, hindi maikakailang pinalayaw sila ng pagkokondisyon at impluwensiya ng pamilya. Iniligtas o ipinahamak ba sila ng pagkokondisyong ito? (Ipinahamak sila nito.) Ito ay nakapipinsala sa kanila. Ang ilang lalaki na edad trenta, kwarenta, o maging singkuwenta ay hindi man lang kayang maglaba ng sarili nilang medyas. Hindi sila nagpapalit ng sando sa loob ng kalahating buwan, madumi na ito pero ayaw nilang labhan; wala silang kaalam-alam sa kung paano ito labhan, sa kung gaano karaming tubig o sabon ang gagamitin, at kung paano ito malilinis. Isinusuot lamang nila ito nang ganoon at iniisip na, “Balang araw, magpapabili ako sa nanay o asawa ko ng maraming sando at medyas para malabhan ko ang mga ito ng kahit isang beses kada dalawang buwan. Ang saya kung may mga araw na paparito ang nanay o asawa ko para labhan ang mga iyon para sa akin!” Ang ugat ng kanilang pag-ayaw sa mga gawaing ito ay may partikular na kaugnayan sa edukasyong natanggap nila sa mga kamay ng kanilang pamilya at mga magulang. Ang mga kaisipan at pananaw na ikinikintal ng mga magulang ay nakakaapekto sa mga pinakapangunahin at pinakasimpleng tuntunin sa pamumuhay, pati na sa ilang maling pananaw tungkol sa mga tao. Kung ibubuod, ang lahat ng ito ay binubuo ng pagkokondisyon ng pamilya sa mga kaisipan ng mga tao. Hindi mahalaga kung gaano kalaki ang epekto ng mga ito sa buhay ng isang tao sa panahon ng kanilang pananampalataya sa Diyos at pag-iral, o kung gaano kalaking problema at abala ang idinudulot ng mga ito, likas na mayroong partikular na kaugnayan ang mga ito sa ideolohikal na pagtuturo ng mga magulang. Kung nasa hustong gulang ka na ngayon at namumuhay ayon sa mga kaisipan at pananaw na ito sa loob ng maraming taon, kung gayon, hindi magbabago ang mga ito nang ganoon kadali—kakailanganin nito ng sapat na panahon. Kung ang mga kaisipan at pananaw na ito ay tumutukoy sa pagtupad sa tungkulin ng isang tao o sa mga prinsipyo ng pag-uugali at pagharap sa mundo, at kung hinahangad mo ang katotohanan, dapat mong sikaping baguhin ang mga isyung ito at pasukin ang katotohanang realidad sa lalong madaling panahon. Kung ang mga ito ay nauugnay lamang sa mga aspekto ng personal na buhay ng isang tao, mas mabuti kung handa kang magbago. Kung hindi mo ito magagawa, kung tila masyadong mabigat o mahirap ito, o sanay ka na sa ganitong pamumuhay at hindi mo na kayang magbago, kung gayon, walang pumipilit sa iyo. Tinutukoy Ko lang ang mga ito para malaman mo kung ano ang tama at kung ano ang mali. Tungkol naman sa mga personal na isyung ito sa pamumuhay, ikaw mismo ang tumimbang dito—hindi namin ipipilit ang usaping ito. Tungkol naman sa kung gaano mo kadalas nilalabhan ang iyong mga medyas, at kung susulsihan mo man ang mga ito o itatapon kapag nabubutas, nasa sa iyo na iyon. Ibatay mo ito sa sitwasyon mo—hindi kami magtatakda ng anumang mga partikular na panuntunan.

Sa ilang pamilya, dahil maykaya ang kanilang pinagmulan, madalas sabihin ng mga magulang sa kanilang mga anak, “Kapag lumalabas ka, tandaan mo ang pinagmulan mong pamilya at kung sino ang iyong mga ninuno. Dapat kang kumilos sa paraang nagbibigay-karangalan at kaluwalhatian sa pangalan ng ating pamilya kapag kasama mo ang iba sa lipunan. Huwag kailanman sirain ang reputasyon ng ating ninuno. Palaging tandaan ang mga turo ng ating mga ninuno at huwag magdala ng kahihiyan sa ating angkan. Kung isang araw ay magkamali ka, sasabihin ng mga tao, ‘Hindi ba’t galing ka sa isang prominente at respetadong pamilya? Paano mo nagawa ang ganitong bagay?’ Pagtatawanan ka nila, pero hindi lamang ikaw ang pagtatawanan nila, kundi ang buong pamilya natin. Kung ganoon, sisirain mo ang pangalan ng pamilya natin at ipapahiya ang ating mga ninuno, hindi ito maaari.” Sinasabi rin ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Ang bansa natin ay isang dakilang bayan at sinaunang sibilisasyon. Hindi naging madaling makarating sa kasalukuyang buhay natin, kaya pahalagahan mo ito. Lalo na kapag nasa ibang bansa ka, dapat kang magdala ng kaluwalhatian at karangalan para sa mga Tsino. Huwag kang gumawa ng anumang bagay na maaaring magdulot ng kahihiyan sa ating bayan o makasira sa reputasyon ng mga Tsino.” Sa isang aspekto, sinasabi ng mga magulang sa iyo na magdala ng kaluwalhatian at karangalan para sa iyong pamilya at mga ninuno, at sa isa pang aspekto, para sa iyong bayan at etnisidad, hinihimok ka na huwag magdala ng kahihiyan sa iyong bansa. Mula sa murang edad, tinuturuan ang mga bata sa ganitong paraan ng kanilang mga magulang, at kapag pumapasok na sila sa paaralan, ganoon din ang tinuturo sa kanila ng kanilang mga guro, sinasabing, “Magdala ng kaluwalhatian para sa ating klase, paaralan, lungsod, at bansa. Huwag hayaang kutyain tayo ng mga dayuhan, sasabihing wala tayong kakayahan o na may mababang dangal tayo.” Sinasabi pa nga ng ilan sa iglesia, “Tayong mga Tsino ang unang nanalig. Kapag nakikisalamuha tayo sa mga banyagang kapatid, dapat tayong magdala ng kaluwalhatian para sa mga Tsino at itaguyod ang kanilang reputasyon.” Ang lahat ng kasabihang ito ay direktang nauugnay sa kung ano ang ikinikintal ng mga pamilya sa mga tao. Tama ba ang ganitong uri ng pagkikintal? (Hindi.) Bakit hindi? Anong kaluwalhatian ang hinahanap nila? Mayroon bang anumang silbi sa paghahanap ng gayong kaluwalhatian? (Wala.) May isang insidente kung saan ang isang lalaki mula sa Northeast China ay bumibisita sa iba’t ibang iglesia; kumuha siya ng 10,000 yuan mula sa pera na alay sa iglesia, at pagkatapos ay dali-daling umuwi ng bahay para doon gugulin ang kanyang mga araw. Nang malaman ito ng mga kapatid mula sa Northeast, sinabi ng ilan, “Kasuklam-suklam ang taong ito! Nangahas pa siyang kunin ang pera na alay sa iglesia. Tuluyan niyang sinira ang reputasyon ng mga taong mula sa Northeast! Kung sakaling makita natin siyang muli, dapat natin siyang turuan ng leksiyon!” Pagkatapos ng insidenteng ito, pakiramdam ng mga tao sa Northeast na nawala ang kanilang dangal. Sa tuwing nakikipag-usap sila sa mga kapatid mula sa ibang probinsiya, hindi sila naglalakas-loob na banggitin ang bagay na ito. Nahihiya sila, at natatakot silang sabihin ng iba, “Si ganito at ganyan mula sa inyong rehiyon sa Northeast ay tumakbo dala ang alay na pera.” Natatakot silang pag-usapan ito ng iba, at hindi sila nangangahas na sila mismo ang magbanggit nito. Tama ba ang pag-uugaling ito? (Hindi.) Bakit mali ito? (Walang kinalaman ang iba sa kumukuha sa alay na pera; kinakatawan ng lahat ang kanilang sarili.) Tama iyan. Sariling problema na iyon ng taong kumukuha sa alay na pera. Kung natuklasan mo ito at pinigilan mo siya, at sa gayon ay naisasalba ang kawalan sa sambahayan ng Diyos at napapangalagaan ang mga interes nito, nagagampanan mo ang iyong tungkulin. Kung wala kang pagkakataong pigilan ito at hindi mo maisalba ang kawalan, kung gayon, dapat sana ay nakilala mo kung anong uri siya ng sawing-palad, napaalalahanan ang iyong sarili, nanalangin sa Diyos na protektahan ka mula sa gayong insidente at siguraduhin mong hindi ka mahulog sa parehong tukso. Dapat mong tugunan nang tama ang isyung ito. Bagamat mula siya sa iyong rehiyon, ang kanyang mga kilos ay kumakatawan lamang sa kanya bilang isang indibidwal. Hindi sa dahil tinuruan o hinikayat siya ng mga tao sa rehiyong iyon na kumilos sa ganitong paraan. Wala itong koneksyon sa iba pa. Maaaring ang pinakapananagutan na ng iba ay ang hindi sapat na superbisyon o direksiyon, ngunit walang sinuman ang obligadong pumasan sa mga kahihinatnan ng kanyang maling gawa. Kumilos siya laban sa Diyos at nilabag niya ang mga atas administratibo, walang sinuman ang obligadong pasanin ang mga kahihinatnan para sa kanya. Sarili na niyang problema ang kanyang masamang reputasyon. Bukod dito, ang usaping ito ay hindi tungkol sa pagkapahiya o pagkakaroon ng kaluwalhatian; nauukol ito sa kalikasan ng isang tao at sa landas na kanyang tinahak. Masasabi lamang na, sa simula, nabigo ang mga tao na makilatis ang kanyang tunay na katangian, ngunit pagkatapos ng insidenteng ito ay nabunyag na ang totoo niyang kulay. Wala itong kinalaman sa reputasyon o dignidad ng ibang kapatid sa rehiyong iyon. Kung pakiramdam mo ay binigyan ka niya ng kahihiyan dahil sa pareho kayo ng pinagmulang rehiyon, kung gayon, ganap na mali ang gayong pananaw at pang-unawa. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kailanman nagpaparusa sa isang buong pamilya para sa mga kasalanan ng isang tao; tinitingnan ng Diyos ang bawat indibidwal bilang isang nakahiwalay na nilalang. Saan ka man nanggaling, kahit na mula ka sa parehong pamilya o mga magulang, nakikita ng Diyos ang bawat tao bilang isang natatanging nilalang. Hindi kailanman idinadawit ng Diyos ang sinumang nauugnay na tao dahil sa mga pagkakamali ng isa pang tao. Ito ang prinsipyo, at naaayon ito sa katotohanan. Gayunpaman, kung iniisip mo na ang isang tao mula sa iyong rehiyon na gumagawa ng mali ay nakapipinsala sa iyong reputasyon at nadadamay ka rin nito, ito ay dahil sa iyong maling pang-unawa, at wala itong kinalaman sa katotohanan. Kaya, kapag sinasabi sa iyo ng mga magulang, “Magdala ng kaluwalhatian para sa ating bansa, pamilya, o apelyido,” tama ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Aling parirala ang may kaparehong kalikasan dito? Hindi ba’t kapareho ito ng kalikasan ng kaisipang tinalakay natin kanina, ang “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad”? Sa buhay ng isang tao, ang paggawa ng mga positibong gawa, pagtahak sa tamang landas, pagyakap sa mga positibong bagay at sa katotohanan—hindi ginagawa ang mga ito para bigyang-papuri ang kanilang sarili. Sa halip, dapat umasal ang mga tao nang ganito: Ito ang kanilang responsabilidad, ang landas na dapat nilang tahakin, at ang kanilang tungkulin. Ang pagtahak sa tamang landas, pagyakap sa mga positibong bagay at sa katotohanan, at pagpapasakop sa Diyos ay obligasyon at tungkulin ng mga tao. Ang mga ito ay para din sa pagkamit ng kaligtasan, hindi para umani ng respeto para sa sarili o sa Diyos, siyempre, hindi para umani ng respeto para sa mga tao sa iyong bansa, at lalong hindi para sa isang partikular na apelyido, lahi, o angkan. Hindi ka inililigtas para makapagdala ng kaluwalhatian sa mga tao sa iyong bansa, at lalong hindi para makapagdala ng kaluwalhatian sa iyong pamilya. Ang ideya ng “pagdadala ng kaluwalhatian” ay isang teorya lamang. Walang kinalaman ang iyong kaligtasan sa mga taong iyon. Anong pakinabang ang makukuha nila mula sa kaligtasan mo? Kung makatatanggap ka ng kaligtasan, ano ang mapapala nila rito? Hindi nila sinusunod ang tamang landas, at kaya, tatratuhin sila ng Diyos nang naaayon, nang may matuwid Niyang disposisyon. Tatratuhin Niya sila ayon sa nararapat na pagtrato sa kanila. Ano ang naidudulot sa kanila nitong diumano’y “pagdadala ng kaluwalhatian”? Wala itong kinalaman sa kanila. Tinatanggap mo ang mga kahihinatnan sa landas na tinatahak mo, at tinatanggap nila ang mga kahihinatnan ng sarili nilang landas. Tinatrato ng Diyos ang bawat indibidwal ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Ang pagdadala ng kaluwalhatian para sa bayan, pamilya, o apelyido ng isang tao ay hindi responsabilidad ng sinuman. Natural na hindi mo dapat pasanin ang responsabilidad na ito nang mag-isa, at sa katunayan, hindi mo ito kaya. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang pamilya o angkan, ang direksiyon nito, at ang kapalaran nito ay walang kinalaman sa kung magdadala ka ba sa kanila ng kaluwalhatian. At siyempre, wala itong kinalaman sa landas na iyong tinatahak. Kung umaasal ka nang maayos at nagagawa mong magpasakop sa Diyos, hindi ito para magdala ng kaluwalhatian sa kanila o para bigyan sila ng papuri, hindi rin ito para magkamit ng anumang gantimpala mula sa Diyos para sa kanila o para makasiguro na malilibre sila sa kaparusahan. Ang kanilang pag-unlad, pagbagsak, at kapalaran ay walang kinalaman sa iyo. Lalo na ang tungkol sa kung nakararamdam ba sila ng karangalan o hindi, at kung nagdadala ka ba ng kaluwalhatian para sa kanila o hindi—walang kaugnayan ang mga ito sa iyo. Hindi mo maaaring pasanin ang mga ito sa iyong mga balikat, at wala kang responsabilidad o obligasyon na gawin ito. Samakatuwid, kapag sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang, “Dapat kang magdala ng kaluwalhatian para sa ating bayan, pamilya, o apelyido, at hindi mo dapat sirain ang reputasyon ng ating mga ninuno o hayaan ang iba na punahin tayo kapag nakatalikod tayo,” ang mga salitang ito ay nagbibigay lamang sa iyo ng negatibong sikolohikal na panggigipit. Hindi mo kayang tuparin ang mga ito, at wala ka ring obligasyon na gawin ang mga ito. Bakit? Dahil hinihingi lamang ng Diyos sa iyo na gampanan mo ang iyong tungkulin bilang nilikha sa harapan Niya. Hindi Niya hinihingi sa iyo na gumawa ng anumang bagay o pumasan ng anumang obligasyon para sa iyong bansa, pamilya, o apelyido. Kaya, ang pagdadala ng kaluwalhatian para sa iyong bansa o pamilya, o pagdadala ng kaluwalhatian at karangalan o paggawa ng anumang bagay para sa iyong apelyido ay hindi mo obligasyon. Wala itong kinalaman sa iyo. Ang kapalaran nila ay nasa mga kamay lamang ng Diyos, at hindi mo na kailangang balikatin ang anumang pasanin. Kung magkamali ka, hindi ka dapat makonsensiya sa kanila. Kung gumawa ka ng anumang mabuting gawa, hindi mo dapat isipin na maswerte ka o na nakapagdala ka ng kaluwalhatian para sa iyong bansa, pamilya, o apelyido. Huwag kang magalak sa mga bagay na ito. At kung mabigo ka, huwag kang matakot o mamighati. Huwag sisihin ang iyong sarili. Dahil wala talaga itong kinalaman sa iyo. Huwag mo nang isipin ito—ganoon lang kasimple. Kaya, tungkol sa mga taong may iba’t ibang nasyonalidad, ang mga Tsino ang hinirang ng Diyos; lumapit sila sa harap ng Diyos at sila ay mga nilikha. Ang mga taga-Kanluran ay humaharap sa Diyos, at sila ay mga nilikha rin. Ang mga taga-Asya, Europa, Hilaga at Timog Amerika, ang mga nasa Oceania, at mga Aprikano, ay lumalapit sa harap ng Diyos at tinatanggap nila ang Kanyang gawain, at sila ay Kanyang mga nilikha rin. Kahit saan mang bansa nagmula ang isang tao, ang tanging dapat niyang gawin ay tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, tanggapin ang mga salita ng Diyos, magpasakop sa mga salita ng Diyos, at kamtin ang kaligtasan. Hindi siya dapat bumuo ng iba’t ibang grupo ng angkan batay sa sarili niyang nasyonalidad, ibinubukod-bukod ang kanilang sarili batay sa mga grupo o lahi. Ang lahat na tumuturing sa kaluwalhatian ng lahi bilang ang layon ng pagpupunyagi nito o bilang pangunahing prinsipyo nito ay mali. Hindi ito ang landas na dapat tahakin ng mga tao, at isa itong penomena na hindi dapat lumilitaw sa loob ng iglesia. Darating ang araw, sapagkat mas lumalawak ang pakikipag-ugnayan ng mga tao mula sa iba’t ibang bansa at mas malawak na rin ang naaabot na mga lugar sa mundo, na ang isang Asyano ay maaaring makatagpo ng isang European, ang isang European ay maaaring makatagpo ng isang Amerikano, at isang Amerikano ay maaaring makipag-ugnayan sa isang Asyano o Aprikano, atbp. Kapag nagtitipon-tipon ang iba’t ibang lahi, kung may mga grupong nabubuo batay sa lahi, na pawang nagsusumikap para sa sariling kaluwalhatian ng kanilang lahi at gumagawa ng mga bagay-bagay para sa kanilang lahi, ano ang sisimulang harapin ng iglesia? Haharapin nito ang pagkakabukod-bukod. Ito ay isang bagay na kinasusuklaman at kinokondena ng Diyos. Ang sinumang gumagawa nito ay isinusumpa, sinumang kumikilos nang ganito ay isang tagapaglingkod ni Satanas, at sinumang kumikilos sa gayong paraan ay parurusahan. Bakit sila parurusahan? Dahil ito ay isang paglabag sa mga atas administratibo. Huwag na huwag gawin ito. Kung kaya mong kumilos nang ganito, ito ay nagpapatunay na hindi mo binitiwan ang aspetong ito ng pagkokondisyon ng iyong mga magulang. Hindi mo pa tinanggap ang pagkakakilanlang ibinigay sa iyo ng Diyos bilang isang nilikha, at itinuturing mo pa rin ang iyong sarili bilang Tsino, o bilang isang puti, itim, o kayumangging tao—bilang isang taong mula sa ibang lahi, apelyido, o nasyonalidad. Kung nais mong magdala ng kaluwalhatian sa iyong bayan, lahi, o pamilya, at kumikilos ka nang may ganitong kaisipan, magiging kakila-kilabot ang mga kahihinatnan. Ngayon, taimtim nating ipinapahayag at nililinaw ang bagay na ito rito. Kung isang araw ay may sinumang sumalungat sa aspetong ito ng mga atas administratibo, mahaharap siya sa mga kahihinatnan. Sa oras na iyon, huwag magreklamo, at sabihing, “Hindi Mo sinabi sa akin, hindi ko alam, hindi ko naunawaan.” Matagal mo nang alam ang iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha, pero nagagawa mo pa ring kumilos sa ganitong paraan: Nangangahulugan ito na hindi ka ignorante, kundi sinasadya mo ito, kusang gumagawa ng paglabag. Dapat kang maharap sa pagpaparusa. Ang mga kahihinatnan ng paglabag sa mga atas administratibo ay napakalubha. Naiintindihan ba ninyo? (Oo, naiintindihan namin.)

Sinasabi ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Saan man tayo magpunta, hindi natin dapat kalimutan ang ating pinagmulan. Hindi natin maaaring kalimutan kung saan tayo ipinanganak at pinalaki, o kung sino tayo. Saan ka man magpunta, kapag nakatatagpo mo ang iyong mga kababayan, dapat mo silang alagaan. Kapag pumipili ng mga lider ng iglesia o ng mga superbisor, unahin ang mga tao mula sa iyong bayan. Kapag may anumang materyal na benepisyo ang iglesia, hayaan ang mga kababayan mo na siyang unang magtamasa sa mga ito. Kung mamimili ka ng mga miyembro para sa isang grupo, mamili ka muna sa mga kababayan mo. Kapag nagtutulungan ang mga magkababayan, pareho kayo ng wikang ginagamit at pamilyar kayo sa isa’t isa.” Ano ang tawag dito? “Kapag nagkikita-kita ang mga magkababayan, naluluha sila.” Nariyan din ang kasabihang, “Magkakamag-anak ang mga tiyuhin at tiyahin, sa magkakasunod na henerasyon: Bagamat maaaring bali na ang mga buto, magkakadugtong pa rin ang mga litid.” Ang ilang tao, dahil sa tagubilin ng kanilang mga magulang at nakatatanda, sa sandaling marinig nila na may manggagaling sa probinsiya o bayan nila, o kung naririnig nila ang taong iyon na nagsasalita nang may accent ng kanilang bayan, sobra nila itong kinagigiliwan. Sama-sama silang kumakain, magkakatabi sa mga pagtitipon, at ginagawa ang lahat ng bagay nang magkakasama. Talagang malapit sila sa isa’t isa. Ang ilang tao, kapag nakatagpo ang isang kababayan, ay maaaring magsabi, “Alam mo naman ang sabi nila, ‘Kapag nagkikita-kita ang mga magkababayan, naluluha sila.’ Kapag nakatatagpo ko ang isang kababayan, malapit ang loob ko sa kanya: Nang makilala kita, pakiramdam ko ay kapamilya kita.” Tinatrato nila nang espesyal ang kanilang mga kababayan. Kung nahihirapan ang kanilang mga kababayan sa buhay o trabaho, o kung may sakit ang mga ito, sila ang nag-aalaga. Mabuti ba ito? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? (Ang pagtrato sa mga tao nang ganito ay walang prinsipyo.) Wala itong prinsipyo, at ang taong ito ay magulo ang isip. Nagpapakita siya ng pagkagiliw sa sinumang kababayan niya, ngunit ano ba ang mga kababayan? Mabubuting tao ba sila? Tunay ba silang mga kapatid? Ang pagtaas mo ba ng ranggo nila ay alinsunod sa mga prinsipyo? Naaayon ba sa mga prinsipyo ang pagrekomenda mo sa kanila? Angkop ba sila sa trabaho? Makatarungan ba ang pagmamalasakit mo sa kanila at ang iyong pagiging malapit sa kanila? Naaayon ba ito sa katotohanan at sa mga prinsipyo? Kung hindi, ang ginagawa mo para sa kanila kung gayon ay hindi nararapat, at ito ay kasuklam-suklam para sa Diyos. Naiintindihan mo ba? (Naiintindihan ko.) Kaya, kapag sinabi sa iyo ng iyong mga magulang na, “Alagaan mo ang mga kababayan kapag nakatatagpo mo sila,” maling paniniwala ito, at huwag mo na itong masyadong isipin at pansinin. Sa hinaharap, kung tatanungin ka ng mga magulang mo ng, “Pareho kayo ng iglesia ng kababayan nating iyon. Inalagaan mo ba siya?” paano ka dapat tumugon? (Sa sambahayan ng Diyos, tinatrato namin nang pantay-pantay ang lahat.) Dapat mong sabihin, “Hindi ako obligadong gawin iyon. Kahit nga hindi kababayan, kahit ikaw, hindi kita aalagaan kung lalabagin mo ang Diyos.” May ilang tao na lubhang naiimpluwensiyahan ng mga ganitong uri ng tradisyonal na kuru-kuro ng pamilya. Sa sandaling makatagpo sila ng sinumang tila kamag-anak nila, o kapareho nila ng apelyido, o kaparehas nila ng pinanggalingang angkan, nahihirapan silang iwasan ang mga ito. Sa sandaling marinig nila na may isang taong kapareho nila ng apelyido, sasabihin nila, “Naku, magkakapamilya kaming lahat dito. Base sa posisyon ko ngayon sa pamilya, dapat ko siyang tawaging tiyahin sa tuhod. Isa ako sa mga apo kung ikukumpara sa kanya.” Kusang-loob nilang tinutukoy ang kanilang sarili bilang apo nito, at kapag nakikita nila ang taong ito, hindi sila naglalakas-loob na tawagin itong sister o anuman; lagi nila itong tinatawag na “tiyahin sa tuhod.” Kapag nakatatagpo ang ilang tao ng isang taong kapareho nila ng apelyido, pakiramdam nila ay talagang malapit ang loob nila rito, hindi alintana kung anong uri ng tao ito. Tama ba ito? (Hindi.) Partikular na may tradisyon ang ilang pamilya na alagaan nang espesyal ang mga taong kaparehas nila ng pinanggalingang angkan, at madalas silang magalang sa mga ito at malapit na nakikipag-ugnayan sa mga taong ito. Kaya naman, tila laging abala ang tahanan nila sa mga tao at aktibidad, at mukhang talagang masigla at masagana ang pamilya. Kapag may nangyayari, lahat ng malalayong kamag-anak ay pumupunta para tumulong, at magbigay ng payo at mga mungkahi. Dahil naiimpluwensiyahan nitong kultura ng pamilya, pakiramdam ng ilan ay mabuting bagay na umasal nang ganito; kahit papaano, hindi sila nag-iisa o nalulungkot, at may mga taong tutulong kapag nagkakaproblema sila. Anong mga kuru-kuro mayroon ang ibang tao? “Upang mamuhay kasama ng mga tao, dapat maging mahusay makisama ang isang tao.” Bagamat mahirap ipaliwanag ang kasabihang ito, mauunawaan ng lahat ang ibig nitong sabihin. “Ang isang tao ay dapat mamuhay nang may damdamin ng tao. Matatawag pa bang tao ang isang tao kung wala siyang sentimyento ng tao? Kung palagi kang seryoso at taimtim, kung palagi kang nag-aalala sa mga prinsipyo at paninindigan, sa huli, maiiwan kang walang mga kamag-anak o kaibigan. Kailangan mong magkaroon ng damdamin ng tao habang naninirahan kasama ang mga pangkat sa lipunan. Ang mga taong walang kinalaman sa ating apelyido ay iba pang kaso, ngunit sa mga may parehong apelyido o angkan, hindi ba’t malapit ang lahat? Hindi mo maaaring iwan ang sinuman sa kanila. Kapag nahaharap ka sa mga isyu tulad ng karamdaman, kasal, libing, o iba pang malalaki at maliliit na kaganapan, hindi ba’t kakailanganin mo ng makakausap tungkol dito? Kapag bumili ka ng bahay, kotse, o lupa, kahit sino ay maaaring tumulong. Hindi mo maaaring iwan ang mga taong ito; kailangan mong umasa sa kanila sa buhay.” Dahil lubha kang naimpluwensiyahan nitong kultura ng pamilya, kapag nasa labas ka, at lalo na sa iglesia, at nakakita ka ng isang taong kapareho mo ng angkang pinanggalingan, hindi namamalayang nagkakaroon ka ng pagkiling sa kanya, nagkakaroon ng partikular na pagkagiliw sa kanya, madalas na espesyal ang pag-aalaga at pagtrato mo sa kanya, at espesyal ang samahan ninyo. Kahit magkamali siya, madalas ay maluwag ka sa kanya. Sa iyong mga hindi kadugo, tinatrato mo sila nang walang pagkiling. Ngunit pagdating sa iyong mga kaangkan, may tendensiya kang protektahan at paboran ang mga ito, na sa madaling salita ay tinatawag na “pagkiling sa mga kamag-anak.” Ang ilang tao ay madalas na naaakay ng mga kaisipang ito, hindi tinatrato ang mga tao o pinangangasiwaan ang mga usapin sa buhay batay sa mga prinsipyong itinuturo ng Diyos, kundi batay sa impluwensiya ng kultura ng pamilya. Hindi ba’t mali ito? (Oo.) Halimbawa, maaaring tawagin ng isang taong may apelyidong Zhang ang isa pang tao na may parehong apelyido na mas matanda nang kaunti bilang “ate.” Maaaring isipin ng iba na sila ay tunay na magkapatid, pero ang totoo, sila ay hindi magkamag-anak pero pareho ang kanilang apelyido, at hindi talaga sila magkadugo. Bakit ganito ang tawag niya rito? Ito ang impluwensiya ng kultura ng pamilya. Saan man sila magpunta, hindi sila mapaghihiwalay, sinasabi niya ang lahat sa kanyang “ate” at hindi sa mga tagalabas. Bakit? “Dahil siya ay isang Zhang, tulad ko. Magkapamilya kami. Kailangan kong sabihin sa kanya ang lahat. Kung hindi sa kanya, sino pa ba? Kung hindi ko pagkakatiwalaan ang aking pamilya, sa halip ay magtitiwala ako sa mga estranghero, hindi ba’t kalokohan iyon? Gaano mo man ito harapin, ang mga tagalabas ay hindi maaasahan; pamilya lang ang mapagkakatiwalaan.” Sa pagpili ng mga lider ng iglesia, pinipili niya ang ka-apelyido niya, at kapag nagtanong ang mga tao, “Bakit mo siya pinili?” sinasabi niya, “Kasi pareho ang apelyido namin. Hindi ba’t ganap na labag sa katwiran at kawastuhan kung hindi ko siya pipiliin? Kung hindi ko siya pipiliin, tao pa ba ako?” Sa tuwing mayroong mga materyal na benepisyo o magagandang bagay na maibibigay ang iglesia, ito ang una niyang naiisip. “Bakit siya ang una mong naisip?” “Kasi pareho kami ng apelyido, parte siya ng pamilya ko. Kung hindi ko siya aalagaan, sino ang mag-aalaga sa kanya? Magiging tao pa ba ako kung wala ako ng ganitong batayang sentimyento ng tao?” Hindi mahalaga kung ang mga bagay na ito ay nagmumula sa pagmamahal o sa mga makasariling motibo, sa madaling salita, kung naiimpluwensiyahan at nakokondisyon ka ng mga kaisipang ito mula sa iyong pamilya, dapat agad kang tumalikod at huminto sa pag-asal, pagharap sa mga bagay, at pagtrato sa mga tao gamit ang mga pamamaraang ito. Gaano man kaliit o kalawak ang mga pamamaraang ito, ang mga ito ay hindi ang mga prinsipyo at pamamaraang itinuro ng Diyos sa iyo. Sa pinakamababa, ang mga ito ay mga kaisipan at pananaw na dapat mong bitiwan. Sa madaling salita, ang anumang pagkokondisyon ng pamilya na hindi naaayon sa mga prinsipyong itinuturo ng Diyos sa iyo ay dapat na bitiwan. Hindi mo dapat tratuhin ang iba o hindi ka dapat makisalamuha sa kanila gamit ang mga pamamaraang ito, at hindi mo dapat pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan. Maaaring nakikipagtalo ang ilan, “Kung hindi ko pangangasiwaan nang ganito ang mga bagay-bagay, hindi ko alam kung paano pa haharapin ang mga ito.” Madaling pamahalaan iyon. Ang mga salita ng Diyos ay nagbibigay ng mga prinsipyo sa pangangasiwa sa iba’t ibang bagay. Kung hindi ka makakahanap ng isang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, maghanap ka ng isang brother o sister na nakauunawa sa katotohanang ito at tanungin mo siya. Lilinawin niya ang mga bagay-bagay para maintindihan mo. Ito ang mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao pagdating sa pagtrato sa mga isyung nauugnay sa angkan, apelyido, at mga paraan ng mundo.