Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14 (Unang Bahagi)

Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pamilya sa loob ng mas malawak na paksa ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at pagnanais ng mga tao—aling seksiyon ng paksa ng pamilya ang pinagbahaginan natin? (Noong huli, nagbahagi ang Diyos tungkol sa ilang kasabihang nagmumula sa pagkokondisyon ng pamilya, tulad ng “Alinman sa tatlong taong magkakasamang naglalakad, kahit papaano ay mayroong isa na maaaring maging aking guro,” “Kung gusto mong magmukhang marangal kapag nakatingin ang mga tao, kailangan mong magdusa kapag sila ay hindi nakatingin,” “Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao,” “Ang isang babae ay nagpapaganda para sa mga humahanga sa kanya, samantalang ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya,” “Ang mga anak na babae ay dapat palakihin na parang mayayamang anak, at ang mga anak na lalaki na parang mahihirap na anak,” “Ang mga tao ay hindi kailangang magkaroon ng mataas na IQ, kundi kailangan lang ng mataas na EQ,” “Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses,” at “Ang magulang ay palaging tama.” Sa kabuuan, ang walong kasabihang ito ay tinalakay.) Nagbahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya, na kung saan ang paksa ay sumasaklaw sa pagkokondisyon ng pamilya at edukasyon tungo sa pag-iisip ng isang tao. Ang ilang partikular na kasabihan ay ibinahagi nang detalyado, habang ang iba ay saglit lang na binanggit at hindi pinagbahaginan nang detalyado. Napakahalaga ng pamilya sa buhay ng bawat indibidwal. Ito ay isang lugar kung saan ang mga tao ay lumilikha ng mga alaala, lumalaki, at kung saan nagsisimulang mabuo ang kanilang iba’t ibang kaisipan. Kung paano umaasal, kumikilos, humaharap sa mga bagay-bagay, nakikipag-ugnayan sa iba, humaharap sa iba’t ibang sitwasyon ang mga tao, at kapag nahaharap sa mga sitwasyong iyon, kung paano gumawa ng mga paghuhusga at mula sa aling mga perspektiba at paninindigan nila dapat pangasiwaan ang mga bagay na ito, atbp., hindi mahalaga kung ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay simple o mas kongkreto, ang lahat ng ito ay higit na nakabatay sa pagkokondisyon ng pamilya. Ibig sabihin, bago pormal na pumasok ang mga tao sa lipunan at sumali sa mga grupong panlipunan, ang kanilang mga kauna-unahang kaisipan at pananaw ay lahat nagmumula sa kanilang mga pamilya. Samakatuwid, ang pamilya ay napakahalaga para sa lahat. Ang kahalagahan nito ay higit pa sa pisikal na paglago; higit sa lahat, bago pumasok ang mga tao sa lipunan, marami silang natututuhan na mga kaisipan at pananaw sa tahanan na dapat gamitin sa kung paano nila harapin ang lipunan, ang mga grupong panlipunan, at ang kanilang buhay sa hinaharap. Bagamat ang mga kaisipan at pananaw na ito ay hindi talaga partikular o tumpak na natutukoy habang lumalaki ang isang tao, ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ito, at ang iba’t ibang pamamaraan, panuntunan, at maging ang mga paraan para sa pagharap sa mundo, ay likas at pauna nang ikinintal, ipinang-impluwensiya, at ikinondisyon sa mga tao ng kanilang mga magulang, nakatatanda, o ng iba pang miyembro ng pamilya bago pa sila pumasok sa lipunan. Ang pagsasagawang ito ng pagkintal, pag-impluwensiya, at pagkokondisyon ay isinasagawa habang lumalaki ang mga tao kasama ang kanilang mga pamilya; kaya naman napakahalaga ng pamilya sa bawat tao. Siyempre, ang kahalagahang ito ay nakatuon lamang sa antas kung saan ang mga indibidwal ay pumapasok sa lipunan at sumasapi sa mga grupong panlipunan, at pumapasok sa buhay at pag-iral ng pagiging nasa hustong gulang na—ito ay limitado sa antas ng pisikal na pag-iral. Ipinapakita nito kung gaano kahalaga ang pagkokondisyon ng pamilya sa isang taong papasok sa lipunan at sa pamumuhay nang nasa hustong gulang. Ibig sabihin, kapag ang mga tao ay umabot na sa hustong gulang at pumasok sa lipunan, karamihan sa kanilang mga pilosopiya sa pagharap sa mundo ay nagmumula sa pamana ng kanilang mga magulang at sa impluwensiya ng kanilang pamilya. Mula sa perspektibang ito, masasabi rin na ang pamilya, bilang ang pinakamaliit na yunit sa lipunan, unang-una sa lahat, ay gumagampan ng papel sa paghubog sa mga kaisipan, gayundin sa iba’t ibang pamamaraan at prinsipyo ng pagharap sa mundo, at maging sa pananaw sa buhay ng isang tao. Sapagkat itong iba’t ibang kaisipan, pananaw, pamamaraan sa pagharap sa mundo, at pananaw sa pag-iral ay negatibo, hindi naaayon sa katotohanan, hindi nauugnay sa katotohanan, o masasabing taliwas pa nga sa katotohanan, at hindi nagmumula sa Diyos ang mga ito, kinakailangan ng mga tao kung gayon na bitiwan ang pagkokondisyon ng kanilang pamilya. Kung isasaalang-alang ang mga kahihinatnan ng pagkokondisyon ng pamilya, makikita natin na ito ay kumokontra at hindi naaayon sa katotohanan, sumasalungat sa Diyos, at sadyang masasabi na ang mga pamilya ay mga lugar kung saan ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, inaakay ang mga tao na itatwa ang Diyos, labanan Siya, at sundin ang maling landas sa buhay. Mula sa perspektibang ito, masasabi ba na ang pamilya, bilang ang pinakamaliit na yunit sa lipunan, ay kung saan unang nagagawang tiwali ang mga tao? Bagamat isang malawak na perspektiba ang pagsasabing ginagawang tiwali ni Satanas at ng mga kalakarang panlipunan ang mga tao, pagdating sa mga detalye, dapat ituring ang pamilya bilang ang lugar kung saan ang mga tao ay unang tumatanggap ng katiwalian at ng mga negatibong kaisipan, masasamang kalakaran, at ng mga pananaw ni Satanas. Sa mas partikular, ang katiwaliang tinatanggap ng mga indibidwal ay nagmumula sa kanilang mga magulang, nakatatanda, iba pang kapamilya, at sa mga kaugalian, prinsipyo, tradisyon, atbp., ng kanilang buong pamilya. Ano’t anuman, sa pamilya unang nahaharap ang mga tao sa katiwalian, tumatanggap ng masasamang kaisipan at kalakaran ni Satanas, at dito rin nagsisimulang tanggapin ng mga tao ang iba’t ibang tiwali at masasamang kaisipan sa panahon ng kanilang paglaki. Ginagampanan ng pamilya ang isang papel na hindi kayang gampanan ng buong lipunan, ng mga panlipunang kalakaran, o ni Satanas sa paggawang tiwali sa mga tao, kaya naikintal na sa mga indibidwal ang iba’t ibang kaisipan at pananaw mula sa masasamang kalakaran ni Satanas bago sila pumasok sa lipunan at sumapi sa mga grupong panlipunan. Paano man ito nabuo, ang pamilya ang pangunahing pinagmumulan ng iyong mga satanikong kaisipan at pananaw. Kaya, upang matulungan ang mga tao na bitiwan ang iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, kinakailangang tukuyin at suriin hindi lamang ang laganap na mga maling kaisipan at pananaw mula sa lipunan, kundi pati na rin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw, gayundin ang mga prinsipyo sa pagharap sa mundo na nagmumula sa pagkokondisyon ng pamilya. Ang pamilya mismo ay parte ng buong lipunan ng tao, hindi ito ang iglesia o ang sambahayan ng Diyos, at lalong hindi ito ang kaharian ng langit. Ito lamang ang pinakamaliit na yunit sa loob ng lipunan na nilikha sa gitna ng tiwaling sangkatauhan, at ang pinakamaliit na samahang ito ay binuo rin ng tiwaling sangkatauhan. Kaya, kung nais ng isang tao na palayain ang kanyang sarili mula sa mga hadlang, gapos, at problema ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, dapat muna niyang pagnilayan, unawain, at himay-himayin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na natanggap niya mula sa pagkokondisyon ng pamilya, hanggang sa maabot niya ang punto kung saan kaya na niyang bitiwan ang mga ito. Ito ay isang tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa sa pagbitiw sa pagkokondisyon ng pamilya ng mga tao.

Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa pagkokondisyon ng pamilya ng mga tao, na may kinalaman sa mga bagay tulad ng kanilang pananaw sa buhay, mga panuntunan sa pag-iral, mga prinsipyo at pamamaraan sa pag-uugali at pagharap sa mundo, at ilang karaniwang pamantayan sa pag-uugali kapag pumapasok sa lipunan. Ano ang ilan sa mga pananaw sa buhay na may kinalaman sa paksang ito? Halimbawa, “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Ano ang ilan sa mga prinsipyo ng pagharap sa mundo na ikinikintal ng mga pamilya sa mga tao? Kabilang sa mga halimbawa ay: “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at “Mas madaling malulutas ang hidwaan sa pamamagitan ng pagkokompromiso.” Ano pa? (“Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao,” at “Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses.” Ito ay mga pamamaraan at prinsipyo rin sa pagharap sa mundo.) Mayroon bang anumang panuntunan sa pakikipag-ugnayan sa lipunan? Gaya ng, “Ang ibong nag-uunat sa kanyang leeg palabas ang unang nababaril”? (Oo.) “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Ano pa? (Ito ang karma mo.) Isa rin iyan, pero hindi tayo nagbahaginan tungkol diyan noong huli. Higit pa rito, madalas sabihin sa iyo ng iyong mga magulang, “Sa mundong ito, dapat maging maingat ang iyong paghuhusga, matamis ang iyong pananalita, at matalas ang iyong mga mata. Dapat kang ‘maging mapagmasid sa lahat ng daanan, maging mapagmatyag sa lahat ng direksyon.’ Huwag kang masyadong magpakasiguro sa iyong mga nakagawian.” Mayroon ding “Walang masama sa pagpuri sa isang tao,” at “Kailangan mong makisabay sa agos saan ka man naroroon. Ang batas ay hindi maipatutupad kapag lahat ay lumalabag. Kapag may pag-aalinlangan, sundan ang karamihan.” Ang lahat ng ito ay mga panuntunan sa pakikipag-ugnayan. Tapos, may mga kasabihang tulad ng, “Ang isang babae ay nagpapaganda para sa mga humahanga sa kanya, samantalang ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya,” at “Walang pangit na babae, may mga tamad nga lang.” Sa anong kategorya nabibilang ang mga ito? Nabibilang ang mga ito sa kategorya ng pang-araw-araw na buhay; sinasabi ng mga ito sa iyo kung paano mamuhay at kung paano tratuhin ang iyong pisikal na katawan. Tapos, may mga kasabihan na, “Ang magulang ay palaging tama,” “Si Nanay ang pinakamabuti sa buong mundo,” “Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga,” at “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng ama.” Ang mga ito ay tumutukoy sa mga kaisipan at pananaw ng pagmamahal at damdamin ng pamilya. Isa pa, madalas sinasabi ng mga tao, “Ang mga patay ay dakila sa mga mata ng buhay”—pagkatapos mamatay ng isang tao, siya ay nagiging dakila. Kung gusto mo ng mas mataas na katayuan, kung gusto mong magsabi ng magagandang bagay ang mga tao tungkol sa iyo at igalang ka ng mga ito, kung gayon ay dapat kang mamatay. Sa sandaling mamatay ka, ikaw ay magiging dakila. “Ang mga patay ay dakila sa mga mata ng buhay”—katawa-tawa ba ang lohikang ito o ano? Sabi nila, “Huwag magsabi ng anumang masama tungkol sa isang tao pagkatapos niyang mamatay. Ang mga patay ay dakila sa mga mata ng buhay. Respetuhin mo sila!” Gaano man karaming masamang bagay ang nagawa ng taong ito, nagiging dakila siya pagkatapos niyang mamatay. Hindi ba’t ipinapakita nito ang ganap na kawalan ng pagkakilala sa pagitan ng mabuti at masama at ang kawalan ng mga prinsipyo sa pag-asal ng mga tao? (Oo.) “Ang magulang ay palaging tama.” Detalyado natin itong pinagbahaginan noong nakaraan. Ang iba pang kasabihan na ito, tulad ng “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng ama,” at “Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga,” ay hindi kasali sa pinagbahaginan, ngunit hindi ba’t madaling makilala ang mga ito? Tama ba ang kasabihang “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng ama”? Ginagawa nitong mukhang napakahalaga ang pagtuturo ng isang ama. Sa anong uri ng landas maaaring akayin ng isang ama ang mga tao? Kaya ka ba niyang akayin sa tamang landas? Kaya ka ba niyang gabayan na sambahin ang Diyos at maging isang tunay na mabuting tao? (Hindi.) Sinasabi sa iyo ng iyong ama, “Ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” ngunit bata ka pa, at umiiyak ka kapag nararamdaman mong naagrabyado ka. Pinagagalitan ka ng iyong ama, sinasabing “Pigilan mo ang luha mo! Magpakalalaki ka. Iniiyakan mo ang bawat maliit, walang kabuluhang bagay!” Pagkatapos nitong mangyari, iniisip mo, “Hindi ako pwedeng lumuha; kung iiyak ako, wala akong kwenta.” Pinipigilan mo ang iyong mga luha, hindi nangangahas na umiyak, at lihim na umiiyak sa ilalim ng kumot sa gabi. Bilang isang lalaki, wala ka man lang karapatang ipahayag o ipahiwatig ang iyong mga emosyon nang natural; wala kang karapatang umiyak, kailangan mong tiisin ito sa tuwing nararamdaman mong naagrabyado ka. Ito ang pagtuturong natatanggap mo mula sa iyong ama, at ito ang tunay na kahulugan ng “Ang pagkukulang ng isang anak ay kasalanan ng ama.” Ang iyong ama, ang iyong ina, at ang nakatatandang henerasyon ay pawang kumakapit sa pagtuturong ito, sinasabing, “Ikaw na isang batang lalaki, kung anu-ano na lang ang iniiyakan mo, umiiyak ka sa tuwing nararamdaman mong naagrabyado ka, at kapag binubugbog ka sa labas. Wala kang kwenta! Sinaktan ka nila, bakit hindi ka gumanti? Sinaktan ka nila, kaya huwag ka nang makipaglaro sa kanila. Kapag nakita mo silang muli, at nakita mong kaya mo silang bugbugin, eh di gawin mo; kung hindi mo kaya, tumakbo ka na lang. Tingnan mo kung paanong tiniis ni Han Xin[a] ang kahihiyan nang pinilit siya na gumapang sa pagitan ng mga binti ng ibang tao. Hindi siya umiyak; ganoon ang tunay na lalaki!” Ganito tinuturuan ng mga ama ang kanilang mga anak na lalaki at ganito ikinikintal ang kaisipan ng pagiging isang tunay na lalaki sa kanila. Hindi pwedeng ipahayag ng mga lalaki ang kanilang mga problema at hindi sila pwedeng lumuha; kailangan nila itong pigilan. Sabihin mo sa Akin, gaano karaming kawalang-katarungan ang dapat tiisin ng mga lalaki? Sa lipunang ito, kailangang suportahan ng mga lalaki ang kanilang pamilya, magpakita ng paggalang sa kanilang mga nakatatanda, at hindi sila nangangahas na magreklamo gaano man sila kapagod. Hindi sila makaimik kahit gaano pa karaming kawalang-katarungan ang tiniis nila. Hindi ba’t hindi ito patas para sa mga lalaki? (Hindi ito patas.) Noong tinuruan kayo ng inyong ama nang ganito, ano ang naramdaman ninyo? Kapag gusto mong umiyak minsan, ano ang sinabi ng iyong ama? “Ako, si ganito-ganyan, ay naging matalino at masigasig na umangat sa buong buhay ko. Paanong nakapagpalaki ako ng isang mahinang katulad mo? Noong kaedad kita, mag-isa ko nang sinusuportahan ang pamilya. Tingnan mo ang sarili mo, masyado kang laki sa layaw, wala kang kwenta!” Ano ang naramdaman mo? Tinuruan ka ng iyong mga magulang at lolo at lola, sinasabing: “Ang lalaki ang haligi ng pamilya. Bakit ka namin sinusuportahan? Bakit ka namin pinapaaral sa kolehiyo? Ito ay para tulungan kang masuportahan ang pamilya, hindi para umiyak ka o maagrabyado sa tuwing may nangyayari.” Ano ang naramdaman ninyo nang sabihin ng inyong ama at nakatatanda ang mga bagay na ito? Naagrabyado ba kayo o hinayaan na lang ito? (Nanlumo ako, pakiramdam ko ay naagrabyado ako.) Wala ka bang magawa kundi tanggapin ito, o may hinanakit ba sa puso mo? (Nakaramdam ako ng hinanakit, pero kailangan kong tanggapin ito.) Bakit mo ito ginawa? (Dahil naramdaman ko na sa ilalim ng gayong sitwasyon o sistema ng lipunan, wala akong ibang magagawa.) Ganito ang posisyon ng mga lalaki sa lipunan. Ipinanganak sila sa ganitong uri ng sitwasyong panlipunan, at wala silang magagawa. Ang pagtuturong natanggap mo mula sa iyong ama at mga nakatatanda ay nagmula sa lipunan; pagkatapos nilang matanggap ang ideolohikal na pagtuturong ito, ikinintal naman nila sa iyo ang mga kaisipang ito na mula sa lipunan. Sa totoo lang, nang tanggapin nila ang mga kaisipan at pananaw na ito sa panahon ng kanilang paglaki, nag-atubili rin sila. Habang tumatanda sila, ipinapasa nila ang mga kaisipang ito sa susunod na henerasyon. Hindi nila iniisip kung dapat bang tanggapin ng susunod na henerasyon ang mga kaisipan at pananaw na ito o kung tama ba ang mga ito, dahil ganito sila lumaki. Inisip nila na dapat mamuhay sa ganitong paraan ang mga tao; ano naman kung naagrabyado ka, ang mahalaga ay na makakatulong sa iyo ang pagtanggap sa mga kaisipang ito na mahanap mo ang iyong posisyon sa lipunan at na hindi ka maaapi ng ibang tao. Bakit tiniis din nila ang mga hinaing na ito, at nalugmok sa depresyon at naghinanakit na tulad mo, ngunit ipinapasa pa rin sa iyo ang mga saloobin at pananaw na ito? Ang isang dahilan ay na natural nilang tinanggap ang iba’t ibang kaisipan at pananaw mula sa lipunan, na nagtulot sa kanila na maging bahagi ng mga kalakarang panlipunan, tinutulungan silang mahanap ang kanilang katayuan sa lipunan. Sinusunod ng lahat ang mga kaisipan at pananaw na ito bilang mga patnubay at pamantayan sa pamumuhay, nang walang sinumang kumukwestiyon o nagnanais na sirain o talikuran ang mga ito. Ito ay isang aspekto—upang patuloy na mabuhay. Ang isa pang aspekto, ang pinakamahalaga, ay na walang abilidad ang mga tao na kilalanin ang pagkakaiba ng mga positibo at negatibong bagay. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at wala silang mga wastong kaisipan at pananaw tungkol sa pag-iral, pagharap sa mundo, o sa landas na dapat nilang sundin. Upang umangkop sa lipunan, makisabay, at umiral sa loob ng lipunang ito at sa mga grupong panlipunan, dapat aktibo o pasibong tanggapin ng mga tao ang iba’t ibang prinsipyo sa pagharap sa mundo at ang mga panuntunang itinakda ng lipunan. Ang layon ng pakikiangkop ay upang maitatag ng mga tao ang kanilang sarili sa lipunan at manatiling buhay. Gayunpaman, dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang magagawa kundi piliin ang mga prinsipyong ito sa pagharap sa mundo at ang mga panuntunang itinakda ng lipunan. Samakatuwid, bilang isang lalaki, nang turuan ka ng iyong ama na, “Ang mga lalaki ay hindi madaling mapaluha,” kahit na pakiramdam mo ay naagrabyado ka at nais mong ibulalas ang iyong pagkadismaya, hindi mo siya kayang pabulaanan, ni hindi mo maarok kung ano ang sinasabi niya. Sa huli, ang dahilan kung bakit mo ito tinanggap sa iyong puso ay na, “Bagamat medyo malupit at masakit pakinggan ang mga salita ng aking ama, at kahit na labag sa kalooban ko na tanggapin ang mga salitang ito, ginagawa ito ng aking ama para sa aking ikabubuti, kaya dapat kong tanggapin ang mga ito.” Dahil sa kanilang konsensiya at paggalang sa magulang bilang isang anak, kailangang makipagkompromiso ng mga tao at tanggapin ang mga kaisipan at pananaw na ito. Anuman ang aspekto ng pagkokondisyon ng pamilya ng mga tao, palagi silang nasa gayong kalagayan, patuloy na nakikintal sa kanila ang mga pamamaraang ito hanggang sa huli ay tinatanggap nila ang mga ito kahit ayaw nila. Sa buong prosesong ito ng patuloy na pagtanggap, unti-unting tumatagos sa kaloob-looban ng isang tao ang mga mali at negatibong kaisipan at pananaw na ito, o unti-unti at tuluy-tuloy na pumapasok sa kanilang mga kaisipan at pananaw, na nagiging iba’t ibang batayan sa kung paano sila umaasal at humaharap sa mundo. Maaaring ilarawan ang prosesong ito bilang pagsailalim ng isang tao sa katiwalian, dahil ang proseso ng pagtanggap ng mga maling kaisipan at pananaw ay proseso rin ng katiwalian. Kung gayon, sino ang nagtiwali sa mga tao? Sa teorya, sila ay ginawang tiwali ni Satanas, sa pamamagitan ng masasamang kalakaran; sa mas partikular, sila ay ginawang tiwali ng kanilang pamilya, at sa mas higit na partikular, ng kanilang mga magulang. Kung sinabi Ko ito sampung taon na ang nakararaan, maaaring walang sinuman sa inyo ang kayang tanggapin ito, at maaaring lahat kayo ay nakaramdam ng galit sa Akin. Gayunpaman, karamihan sa inyo ngayon ay kayang makatwiran na tanggapin ang pahayag na ito bilang tama, at tumugon ng “amen” dito, tama ba? (Oo.) Bakit tama ang pahayag na ito? Upang maunawaan iyon, kailangan ng mga tao na unti-unting pahalagahan ito sa kabuuan ng kanilang karanasan. Kung mas tiyak at malalim ang iyong pagpapahalaga, at kung mas sumasalamin dito ang iyong mga karanasan, mas higit mong masasang-ayunan ang pahayag na ito.

Ang pagkokondisyon ng pamilya ay malamang na may kasama pang mas maraming panuntunan para sa pag-asal at pagharap sa mundo. Halimbawa, kadalasang sinasabi ng mga magulang, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya; masyado kang hangal at madaling lokohin.” Madalas na inuulit ng mga magulang ang mga ganitong uri ng mga salita, at maging ang mga nakatatanda ay madalas kang punahin, sinasabing, “Maging mabuti kang tao, huwag mong pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi kang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin sa iyo ng iba. Lahat ng tao ay masama. Maaaring nakikita mo na nagsasabi ng magagandang bagay sa iyo ang isang tao sa panlabas, pero hindi mo alam kung ano ang iniisip niya. Ang puso ng isang tao ay nakatago sa likod ng kanyang hitsura, at sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso.” Mayroon bang kongkretong aspekto sa mga pariralang ito? Kung literal na titingnan ang bawat isa sa mga ito, walang mali sa gayong mga parirala. Ang talagang iniisip ng isang tao sa kanyang kaloob-looban, kung ang puso niya ay malupit o mabuti, ay hindi malalaman. Imposibleng malaman kung ano talaga ang nasa kaluluwa ng isang tao. Ang kahulugan sa likod ng mga pariralang ito ay tila tama, subalit ang mga ito ay isang uri lamang ng doktrina. Ano ang prinsipyo sa pagharap sa mundo ang nakukuha ng mga tao mula sa dalawang pariralang ito sa huli? Ito ay na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya.” Ito ang sinasabi ng mas matandang henerasyon. Madalas itong sinasabi ng mga magulang at nakatatanda, at palagi ka nilang pinapayuhan sa pagsasabing, “Mag-ingat ka, huwag kang maging hangal at ibunyag ang lahat ng nasa iyong puso. Matuto kang ingatan ang iyong sarili at maging mapagbantay. Kahit kasama ang mabubuting kaibigan, huwag mong ibunyag ang iyong tunay na sarili o ilahad ang iyong puso. Huwag mong isapanganib ang buhay mo para sa kanila.” Tama ba ang paalalang ito mula sa mga nakatatanda sa iyo? (Hindi, nagtuturo ito sa mga tao ng mga mapanlinlang na paraan.) Sa teorya, mabuti ang pangunahing layon nito: Upang protektahan ka, upang maiwasang malagay ka sa mga mapanganib na sitwasyon, upang protektahan ka mula sa pamiminsala at pandaraya ng iba, upang pangalagaan ang iyong mga pisikal na interes, ang iyong personal na seguridad, at ang iyong buhay. Ito ay para ilayo ka sa gulo, mga demanda, at tukso, at tulutan kang mamuhay araw-araw nang mapayapa, maayos, at masaya. Ang pangunahing layon ng mga magulang at nakatatanda ay para lang protektahan ka. Gayunpaman, ang paraan ng pagprotekta nila sa iyo, ang mga prinsipyong ipinapasunod nila sa iyo, at ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay hindi talaga tama. Bagamat tama ang kanilang pangunahing layon, ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay hindi sinasadyang nagtutulak sa iyo na gumawa ng mga bagay na hindi na normal. Ang mga kaisipang ikinikintal nila sa iyo ay nagiging mga prinsipyo at batayan sa kung paano ka humarap sa mundo. Kapag nakikisalamuha ka sa iyong mga kaklase, kasamahan, katuwang sa trabaho, superyor, at sa bawat uri ng tao sa lipunan, mga tao mula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, ang mga kaisipang ito na ikinintal ng iyong magulang ay nagiging iyong pangunahing birtud at prinsipyo sa tuwing pinangangasiwaan mo ang mga bagay na may kinalaman sa interpersonal na relasyon. Anong prinsipyo ito? Ito ay: Hindi kita pipinsalain, pero kailangan kong maging maingat laban sa iyo sa lahat ng oras para hindi mo ako malinlang o madaya, para maiwasan kong masangkot sa gulo o mga demanda, para hindi bumagsak ang kayamanan ng aking pamilya at hindi masira ang aking mga kapamilya, at para hindi ako humantong sa bilangguan. Sa pamumuhay sa ilalim ng kontrol ng gayong mga kaisipan at pananaw, sa pamumuhay sa gitna ng grupong panlipunang ito nang may ganoong saloobin sa pagharap sa mundo, mas malulugmok ka lang sa depresyon, mas mahahapo, pagod na pagod ang isip at katawan. Kasunod nito, mas lalabanan at tututulan mo ang mundo at sangkatauhang ito, lalong kasusuklaman ang mga ito. Habang kinasusuklaman ang iba, nagsisimula ring manliit ang tingin mo sa iyong sarili, pakiramdam mo ay hindi ka namumuhay sa paraang katulad ng sa isang tao, kundi sa halip, nakakapagod at nakapanlulumo ang buhay mo. Upang maiwasang mapinsala ng iba, kailangan mong palaging mag-ingat, gumagawa at nagsasabi ng mga bagay na labag sa iyong kalooban. Sa paghahangad na protektahan ang sarili mong mga interes at personal na kaligtasan, nagsusuot ka ng pekeng maskara sa bawat aspeto ng iyong buhay at ikaw ay nagbabalatkayo, hindi kailanman naglalakas-loob na magsalita ng katotohanan. Sa sitwasyong ito, sa ganitong mga kondisyon ng pag-iral, hindi makakahanap ng ginhawa o kalayaan ang kaloob-looban mo. Madalas kang nangangailangan ng isang taong hindi magpapahamak sa iyo at hindi kailanman makasasama sa iyong mga interes, isang taong maaari mong pagsabihan ng iyong mga iniisip sa iyong kaloob-looban at paglabasan ng iyong mga pagkadismaya, nang hindi mo kakailanganing panagutan ang iyong mga sinabi, hindi ka makatatanggap ng mga pangungutya, panunuya, panlilibak, o haharap sa anumang kahihinatnan. Sa sitwasyon kung saan ang kaisipan at pananaw na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya” ay ang iyong prinsipyo sa pagharap sa mundo, ang kaloob-looban mo ay napupuno ng takot at kawalan ng kapanatagan. Natural na manlulumo ka, wala kang mapaglabasan, at kailangan mo ng isang taong mag-aalo sa iyo, isang taong mapagsasabihan mo. Samakatuwid, kung titingnan mula sa mga aspektong ito, bagamat ang prinsipyo sa pagharap sa mundo na itinuro sa iyo ng mga magulang mo, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” ay maaaring makapagprotekta sa iyo, parehong may mabuti at masamang epekto ito. Bagamat pinoprotektahan nito ang iyong mga pisikal na interes at personal na kaligtasan sa isang antas, dahil dito ikaw ay nanlulumo at nagiging miserable, wala kang mapaglabasan, at mas lalo pa ngang nagiging dismayado sa mundo at sangkatauhang ito. Kasabay nito, sa kaloob-looban mo, unti-unti ka na ring nayayamot na naipanganak ka sa isang napakasamang panahon, kasama ng napakasamang grupo ng mga tao. Hindi mo maintindihan kung bakit kailangang mabuhay ng mga tao, kung bakit sobrang nakakapagod ang buhay, kung bakit kailangan nilang magsuot ng maskara at magbalatkayo saanman sila magpunta, o kung bakit dapat palagi kang mag-ingat laban sa iba alang-alang sa sarili mong mga interes. Nais mong sabihin ang totoo, pero hindi mo magawa dahil sa mga kahihinatnan. Gusto mong maging isang tunay na tao, hayagang magsalita at umasal, at iwasang maging isang mababang-uri ng tao o gumawa ng mga napakasama at kahiya-hiyang gawa nang palihim, namumuhay lamang sa kadiliman, subalit hindi mo magawa ang alinman sa mga ito. Bakit hindi ka makapamuhay nang matuwid? Habang iniisip mo ang mga dati mong ginagawa, medyo may naramdaman kang pagkasuklam. Kinamumuhian at kinasusuklaman mo ang masamang kalakarang ito at ang masamang mundong ito, at kasabay nito, kinasusuklaman mo ang iyong sarili at kinamumuhian kung sino ka na ngayon. Gayunpaman, wala kang magagawa tungkol dito. Bagamat ipinasa sa iyo ng iyong mga magulang ang birtud na ito, sa pamamagitan ng kanilang mga salita at kilos, ipinaparamdam pa rin nito sa iyo na walang kaligayahan o seguridad ang buhay mo. Kapag nararamdaman mo itong kawalan ng kaligayahan, seguridad, integridad at dignidad, parehong nagpapasalamat ka sa iyong mga magulang sa pagbibigay sa iyo ng birtud na ito at nagagalit dahil sa mga tanikalang inilagay nila sa iyo. Hindi mo naiintindihan kung bakit sinabi sa iyo ng iyong mga magulang na umasal ka sa ganitong paraan, kung bakit kailangan mong umasal nang ganito para magkaroon ng posisyon sa lipunan, para maging bahagi ng grupong panlipunang ito, at para maprotektahan ang iyong sarili. Bagamat isa itong birtud, isa rin itong uri ng kadena na nagpaparamdam sa iyo ng kapwa pagmamahal at poot sa puso mo. Subalit ano ang magagawa mo? Wala kang tamang landas sa buhay, walang nagsasabi sa iyo kung paano mamuhay o kung paano harapin ang mga bagay na sasapit sa iyo, at walang nagsasabi sa iyo kung tama ba o mali ang ginagawa mo, o kung paano mo dapat tahakin ang landas na nasa harapan mo. Nagagawa mo lamang pagdaanan ang pagkalito, pag-aalinlangan, pasakit, at pagkabalisa. Ito ang mga kahihinatnan ng pilosopiya ng pagharap sa mundo na ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang at pamilya, ginagawa nila ito upang hindi maisakatuparan ang pinakasimple mong pangarap na maging isang simpleng tao, tulad ng hangarin mo na umasal nang matuwid at hindi gumagamit nitong mga pamamaraan ng pagharap sa mundo. Maaari ka lamang mamuhay sa mababang paraan, nagkokompromiso at namumuhay alang-alang sa iyong reputasyon, nagpapakabangis ka para mag-ingat laban sa ibang tao, nagpapanggap na mabangis, matayog at malakas, at makapangyarihan at hindi pangkaraniwan para hindi api-apihin ng iba. Maaari ka lamang mamuhay nang ganito nang labag sa iyong kalooban, at dahil dito ay nasusuklam ka sa iyong sarili, ngunit wala kang magagawa. Dahil wala kang abilidad o landas para makatakas sa mga paraan at estratehiyang ito ng pagharap sa mundo, maaari mo lang hayaang manipulahin ka ng mga kaisipang ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya at mga magulang. Nang hindi nila namamalayan, ang mga tao ay niloloko at kinokontrol ng mga kaisipang ikinintal sa kanila ng kanilang mga pamilya at mga magulang sa panahon ng prosesong ito, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan o kung paano sila dapat mamuhay, kaya’t maaari lamang nilang ipaubaya ito sa kapalaran. Kahit sila ay nakararamdam ng kaunting konsensiya, o may kaunting pagnanais na mamuhay nang may wangis ng tao, upang makisama at makipagkumpitensya sa iba nang patas, anuman ang kanilang mga ninanais, hindi nila matakasan ang pagkokondisyon at kontrol ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula sa kanilang pamilya, at sa huli, bumabalik na lamang sila sa kaisipan at pananaw na ikinondisyon sa kanila ng kanilang pamilya na “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” dahil wala silang ibang landas na matatahak—wala silang pagpipilian. Ang lahat ng ito ay dahil walang pagkaunawa ang mga tao sa katotohanan at bigo silang makamit ang katotohanan. Siyempre, sinasabi rin sa iyo ng mga magulang, “Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso”; sinasabi nila sa iyo ang tungkol sa kasanayan ng pagiging maingat laban sa iba, at sinasabi sa iyo na gawin ito dahil lahat ng tao ay tuso; madaling malinlang kung hindi mo nakikilala ang tunay na pagkatao ng iba, ang kanilang mga iniisip ay maaaring hindi katulad ng kanilang panlabas na anyo, ang isang tao ay maaaring mukhang matuwid at mabait kung titingnan, ngunit ang kanilang puso ay makamandag na gaya ng isang ahas o alakdan; o, sa panlabas, maaaring nagsasalita ang isang tao tungkol sa kagandahang-loob, katuwiran, karampatang pag-uugali, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan, sinasabi ang lahat ng tamang bagay, ang kanyang pananalita ay puno ng katuwiran at moralidad, ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso at kaluluwa, siya ay talagang marumi, kasuklam-suklam, mababa, at masama. Kaya, maaari ka lamang humarap at makipag-ugnayan sa iba batay sa mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang.

“Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya,” at “Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso” ang mga pinakabatayang prinsipyo ng pagharap sa mundo na ikinikintal sa iyo ng mga magulang, at ito rin ang pinakapundamental na pamantayan sa pagtingin sa mga tao at pag-iingat laban sa kanila. Ang pangunahing pakay ng mga magulang ay ang protektahan ka at tulungan kang protektahan ang iyong sarili. Gayunpaman, mula sa ibang anggulo, ang mga salita, kaisipan, at pananaw na ito ay maaaring mas magparamdam sa iyo na ang mundo ay mapanganib at ang mga tao ay hindi mapagkakatiwalaan, kaya ganap kang nawawalan ng positibong damdamin para sa iba. Ngunit paano mo ba talaga magagawang kilatisin ang mga tao at tingnan ang iba? Sinong mga tao ang makakasundo mo, at ano ang dapat na tamang ugnayan sa pagitan ng mga tao? Paano dapat makisalamuha ang isang tao sa iba batay sa mga prinsipyo, at paano makikisalamuha ang isang tao sa iba nang patas at maayos? Walang alam ang mga magulang tungkol sa mga bagay na ito. Alam lang nila kung paano gumamit ng mga panlalansi, pakana, at iba’t ibang panuntunan at estratehiya sa pagharap sa mundo upang mag-ingat laban sa mga tao, at upang samantalahin at kontrolin ang iba, para maprotektahan ang kanilang sarili mula sa pamiminsala ng iba, gaano man nila pinipinsala ang iba. Habang itinuturo ang mga kaisipan at pananaw na ito sa kanilang mga anak, ang mga bagay na ikinikintal sa kanila ng mga magulang ay mga partikular na estratehiya lamang sa pagharap sa mundo. Ang mga ito ay mga estratehiya lamang. Ano ang kasama sa mga estratehiyang ito? Ang lahat ng uri ng panlalansi, mga panuntunan sa pakikipag-ugnayan, kung paano palugurin ang iba, kung paano protektahan ang sariling mga interes, at kung paano mapalaki ang pansariling pakinabang. Katotohanan ba ang mga prinsipyong ito? (Hindi.) Ang mga prinsipyong ito ba ang tamang landas na dapat sundin ng mga tao? (Hindi.) Wala sa mga ito ang tamang landas. Kaya, ano ang diwa ng mga kaisipang ito na ikinikintal ng mga magulang sa iyo? Ang mga ito ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi ang tamang landas, at hindi mga positibong bagay. Kung gayon, ano ang mga ito? (Ang mga ito ay ganap na pilosopiya ni Satanas na nagtitiwali sa atin.) Kung titingnan ang mga resulta, ginagawa nitong tiwali ang mga tao. Kaya, ano ang diwa ng mga kaisipang ito? Tulad ng, “Ang isang tao ay hindi dapat magtangkang pinsalain ang iba, ngunit dapat palagi siyang mag-ingat laban sa pinsalang maaaring gawin ng iba sa kanya”—ito ba ang tamang prinsipyo sa pakikisalamuha sa iba? (Hindi, ganap na negatibong bagay ang mga ito na nagmumula kay Satanas.) Ang mga ito ay mga negatibong bagay na nagmumula kay Satanas—kaya ano ang diwa at kalikasan ng mga ito? Hindi ba’t mga panlalansi ang mga ito? Hindi ba’t mga estratehiya ang mga ito? Hindi ba’t mga taktika ang mga ito para makuha ang loob ng iba? (Oo.) Ang mga ito ay hindi ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagpasok sa katotohanan, o mga positibong prinsipyo at direksiyon kung saan itinuturo ng Diyos sa mga tao kung paano umasal; ang mga ito ay mga estratehiya sa pagharap sa mundo, mga panlalansi ang mga ito. Bukod dito, ganoon din ba ang likas na katangian ng mga pariralang tulad ng “Sa pagguhit ng isang tigre, ipinapakita mo ang balat nito, ngunit hindi ang mga buto nito; sa pagkilala sa isang tao, maaring kilala mo ang kanyang mukha, ngunit hindi ang kanyang puso”? (Oo.) Hindi ba’t sinasabi sa iyo ng mga pariralang ito na maging tuso, na huwag maging simple, prangka, o matuwid, na maging isang taong mahirap makilatis, at pahirapan ang iba na makita ang tunay mong pagkatao? Hindi ba’t ang mga partikular na prinsipyo sa pagharap sa mundo, na dulot sa iyo ng mga kaisipan at pananaw na ito, ay nagsasabi sa iyo na gumamit ng mga estratehiya kapag nakikipag-ugnayan sa iba, na matuto kung paano makuha ang loob ng iba, at matutunan ang mga panuntunan sa pakikipag-ugnayan na lumalaganap sa mga tao sa bawat panahon? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi ng mga magulang sa mga tao ang mga pariralang ito para turuan silang mag-ingat laban sa iba at matuto kung paano tingnan ang mga tao.” Sinabi ba nila sa iyo kung paano tingnan ang iba? Hindi nila sinabi sa iyo kung paano tingnan ang iba, hindi nila sinabi sa iyo na harapin ang iba’t ibang tao ayon sa mga tamang prinsipyo, sa halip ay sinabi nila na gumamit ng mga katumbas na panlalansi at pakana para matugunan ang mga pangangailangan at estratehiya ng iba’t ibang tao. Halimbawa, ang iyong amo o superyor ay napakasama at isang babaero. Iniisip mo, “Mukhang kagalang-galang sa panlabas ang amo ko, mukha siyang matuwid, pero ang totoo, babaero siya. Ganoon siyang uri ng napakasamang tao sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ayos lang iyon, tutugunan ko ang kanyang mga kagustuhan, titingnan kung sinong babae ang maganda, lalapitan ito, at ipapakilala sa amo ko para pasayahin siya.” Ito ba ay isang estratehiya sa pagharap sa mundo? (Oo.) Halimbawa, kapag nakakita ka ng isang tao na may halaga para pagsamantalahan at karapat-dapat sa iyong pakikipag-ugnayan, ngunit hindi siya madaling kalabanin, iniisip mo, “Kailangan ko siyang bolahin, sabihin ang anumang gusto niyang marinig.” Sasabihin ng taong iyon, “Maaliwalas ang panahon ngayon.” Sasabihin mo naman, “Talagang maaliwalas ang panahon ngayon, magiging maaliwalas din bukas.” Sasabihin niyang “Ang lamig talaga ng panahon ngayon.” Sasabihin mo naman na “Oo, malamig nga. Bakit hindi ka magdamit ng mas makapal? Makapal ang coat ko, heto, isuot mo,” Sa sandaling humihikab siya, nagmamadali kang abutan siya ng unan; kapag naglalabas siya ng bote ng gamot, kaagad kang nagsasalin ng tubig para sa kanya; kapag umuupo siya matapos kumain, kaagad kang nagtitimpla ng tsaa para sa kanya. Hindi ba’t mga estratehiya ito sa pagharap sa mundo? (Oo.) Ang mga ito ay mga estratehiya sa pagharap sa mundo. Bakit mo nagagamit ang mga estratehiyang ito? Bakit gusto mo siyang purihin? Kung hindi mo siya kailangan at wala siyang pakinabang sa iyo, ituturing mo pa rin ba siya nang ganito? (Hindi.) Hindi, katulad ito ng madalas sabihin ng mga tao, “Huwag tumulong kung walang gantimpala.” Katulad ito ng pagdadala ng pandilig sa halamanan—dinidiligan mo lamang iyong mga kapaki-pakinabang. Aktibo kang pumupunta at nambobola sa mga taong may pakinabang sa iyo. Sa sandaling bumaba na sila o naalis sa kanilang posisyon, agad na lumalamig ang pagtrato mo sa kanila at hindi mo na sila pinapansin. Kapag tinatawagan ka nila, ibinababa mo ang iyong telepono o nagkukunwari kang abala ang linya at hindi ka sumasagot. Kapag nakikita mo sila, binabati ka nila at sinasabing, “Maaliwalas ang panahon ngayon.” Itinataboy mo sila, sinasabing, “Ah, oo. Paalam, mag-usap na lang tayo sa susunod kapag may nangyari, ililibre kita minsan.” Mga pangako lamang ito, at pagkatapos ay hindi mo na sila pinapansin, hindi nakikipag-ugnayan sa kanila, at bina-block mo pa nga sila. Ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ikinikintal ng mga magulang sa mga tao ay nagtatatag ng isang di-nakikitang harang sa paligid ng kanilang puso. Kasabay nito, ikinikintal din nila ang ilang batayang paraan sa pagharap sa mundo o sa pag-iral, itinuturo sa mga tao kung paano paboran ang magkabilang panig at kung paano maging bahagi ng isang grupong panlipunan, kung paano itatag ang kanilang sarili sa lipunan, at kung paano hindi maapi sa isang grupo ng mga tao. Bagamat bago ka pumasok sa lipunan ay hindi ka partikular na ginabayan ng iyong mga magulang sa kung paano harapin ang ilang partikular na sitwasyon, ang pagkokondisyon ng mga magulang o pamilya pagdating sa mga paraan at prinsipyong ito ng pagharap sa mundo ay nakapagbigay na sa iyo ng mga batayang pananaw at prinsipyo sa pagharap sa mundo. Ano itong mga pangunahing pananaw at prinsipyo sa pagharap sa mundo? Tinuturuan ka ng mga ito kung paano magsuot ng maskara sa tuwing nakikisalamuha ka sa mga tao, kung paano mamuhay nang nakamaskara sa bawat grupong panlipunan, at sa huli ay makamit ang layon na maprotektahan ang iyong kasikatan at pakinabang mula sa mga kawalan, at kasabay nito ay makamit ang kasikatan at pakinabang na gusto mo, o magtamo ng batayang garantiya ng personal na kaligtasan. Mula sa mga kaisipan at pananaw at iba’t ibang estratehiya sa pagharap sa mundo na ikinintal sa iyo ng iyong mga magulang, makikita na hindi ka tinuruan ng mga magulang kung paano maging isang mas marangal na tao, kung paano maging isang tunay na tao, kung paano maging isang mabuting nilikha, o kung paano maging isang taong nagtataglay ng katotohanan. Sa kabaligtaran, sinabi nila sa iyo kung paano linlangin ang iba, kung paano mag-ingat laban sa iba, kung paano gumamit ng mga estratehiya para makisalamuha sa iba’t ibang tao, pati na rin kung ano ba ang totoong katangian ng puso ng mga tao at totoong katangian ng sangkatauhan. Sa ilalim ng pagkokondisyon ng mga kaisipan at pananaw na ito mula sa iyong mga magulang, ang iyong kaloob-looban ay patuloy na nagiging mas masama, at nagkakaroon ka ng pagkadisgusto sa mga tao. Sa iyong murang puso, bago ka pa man magkaroon ng anumang estratehiya sa pagharap sa mundo, mayroon ka nang panimula at pangunahing depinisyon ng sangkatauhan, pati na rin ng isang panimula at pangunahing prinsipyo sa kung paano harapin ang mundo. Kaya, anong papel ang ginagampanan ng mga magulang sa iyong pagharap sa mundo? Walang dudang ginagampanan nila ang papel ng pag-akay sa iyo sa maling landas; hindi ka nila inaakay para tahakin ang mabuting landas, o na ginagabayan ka tungo sa tamang landas ng buhay ng tao sa isang positibo at maagap na paraan, kundi sa halip ay inililigaw ka nila.

Talababa:

a. Si Han Xin ay isang kilalang heneral ng dinastiyang Han, na minsang napilitang gumapang sa pagitan ng mga binti ng isang mataderong kumutya sa kanya dahil sa kanyang kaduwagan bago pa siya naging sikat.