Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 13 (Unang Bahagi)
Matagal-tagal na tayong nagbabahaginan sa paksang “pagbitiw” sa “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan.” Napag-isipan ba ninyo ang iba’t ibang aspektong nasasangkot sa paksang ito? Tungkol sa mga bagay na pinagbahaginan natin na kailangang bitiwan ng mga tao, madali ba para sa mga tao na bitiwan ang mga ito? Pagkatapos makinig sa mga pagbabahaginan, pinagmuni-munihan at pinagnilay-nilayan ba ninyo ang inyong mga sarili batay sa nilalaman ng mga ito? Inihambing ba ninyo ang nilalamang ito sa mga ipinapakita at ipinapamalas ninyo sa pang-araw-araw na buhay? (Madalas kong pag-isipan ito. Noong huling beses na nagbahagi ang Diyos tungkol sa pagbitiw sa mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya sa atin, napagtanto ko na karaniwan kong sinusunod ang mga satanikong pilosopiyang ito sa buhay ko sa pagharap sa mundo, tulad ng kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” na ikinintal sa akin ng aking pamilya. Pagkatapos tanggapin ang mga ideyang ito, binigyan ko ng halaga ang dignidad at katayuan sa lahat ng ginagawa ko, takot akong mapahiya, at hindi ko magawang maging isang matapat na tao.) Ang lahat ng nilalamang ito na pinagbahaginan natin tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang bagay ay pangunahing tumutukoy sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao sa iba’t ibang bagay. Sa pamamagitan ng paglalantad sa kanilang mga maling kaisipan at pananaw sa mga usaping ito, binibigyan nito ng kakayahan ang mga tao na makilala ang mga ito at magkaroon ng malinaw na kaalaman tungkol sa mga ito, at pagkatapos ay mabitiwan ang mga ito sa positibong paraan at hindi na mapigilan ng mga ito. Ang pinakamahalaga ay ang hindi magpagapos sa mga kaisipan at pananaw na ito, kundi ang mamuhay at umiral sa pamamagitan ng wastong paggamit sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan bilang pamantayan ng isang tao. Kung nais pumasok ng mga tao sa realidad ng iba’t ibang katotohanan, dapat silang magkaroon ng kaalaman at karanasan mula sa lahat ng perspektiba. Partikular na dapat silang magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga pasibo at negatibong ideya at pananaw tungkol sa iba’t ibang bagay. Kung mayroon silang pagkilatis sa mga ito, saka lamang nila maagap na mabibitiwan ang mga ito at hindi na malilinlang at maigagapos ng mga ito. Samakatuwid, upang makapasok sa realidad ng iba’t ibang katotohanan at matamo ang resulta ng paghahangad sa katotohanan, dapat madalas na pagnilay-nilayan ng mga tao ang kanilang sarili at isipin kung paanong nakagapos at kontrolado sila sa pang-araw-araw na buhay ng iba’t ibang ideya at pananaw, o madalas na sikaping alamin kung anong mga kaisipan at pananaw ang pinanghahawakan nila tungkol sa iba’t ibang bagay sa pang-araw-araw na buhay, at tukuyin kung tama ba o hindi ang mga kaisipan at pananaw na ito at kung alinsunod ba ang mga ito sa katotohanan, kung ang mga ito ba ay positibo at nagmumula sa Diyos, o kung ang mga ito ay nagmumula sa mga intensiyon ng tao o kay Satanas. Ito ay isang napakahalagang aral, at isa itong aspekto ng realidad na dapat pasukin ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ibig sabihin, sa pang-araw-araw na buhay, nakakatagpo ka man o hindi ng iba’t ibang tao, usapin at bagay, dapat palagi mong suriin kung anong mga kaisipan at pananaw ang pinanghahawakan mo, at kung ang mga kaisipan at pananaw na ito ay tama at alinsunod sa katotohanan—ito ay isang napakahalagang aral. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, maliban sa karaniwang pagganap mo sa iyong tungkulin, dapat 80 hanggang 90 porsiyento ng buhay mo ang iginugugol mo sa pagpasok sa aspektong ito. Sa ganitong paraan ka lamang makakaasa na maaalis ang lahat ng uri ng kaisipan at pananaw tungkol sa mga negatibong bagay, at makakapasok sa katotohanang realidad. Masasabi rin na magkakaroon ka lamang ng pag-asa kapag tinitingnan mo ang mga tao at bagay, kapag umaasal ka, at kumikilos batay sa mga salita ng Diyos, at na ang pamantayan ay ang katotohanan; saka ka lang makakaasa na maliligtas ka sa huli. Kung sa pang-araw-araw mong buhay, maliban sa karaniwang pagganap mo sa iyong mga tungkulin ay walang laman ang isipan mo sa natitirang 80 hanggang 90 porsiyento ng oras, o pinag-iisipan at pinagmumuni-munihan mo lamang ang iyong pisikal na buhay, katayuan at reputasyon, kung gayon, hindi magiging madali para sa iyo na makapasok sa katotohanang realidad, o makamit ang resulta ng paghahangad sa katotohanan. Kung alinman sa mga bagay na ito ay hindi madali para sa iyo na kamtin, magiging napakaliit ng tsansa mong maligtas. Sa ano, kung gayon, nakasalalay ang pagkakamit ng kaligtasan? Sa isang punto, nakasalalay ito sa kung paano gumagawa ang Diyos at kung gumagawa ba sa iyo ang Banal na Espiritu; sa isa pang punto, nakasalalay ito sa iyong sariling kasipagan, kung gaano kalaki ang halagang ibinabayad mo, at kung gaano karaming lakas at oras ang ginugugol mo sa paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan. Kung ang kadalasan mong iniisip at ginagawa ay walang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, kung gayon, walang kinalaman ang ginagawa mo sa pagkakaligtas—ito ay isang hindi maiiwasang katunayan at isang hindi maiiwasang resulta. Kaya, ano ang dapat ninyong gawin, magmula ngayon? Ang isang aspekto ay na dapat maingat ninyong sundin ang bawat paksa na pinagbabahaginan, at pagkatapos ay aktibong sikaping pagnilayan at unawain ang paksa, ibig sabihin, kapag natapos na natin ang isang paksa, dapat ka nang kumilos habang mainam pa ang pagkakataon sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa iyong sarili, upang makamit ang isang tunay at tumpak na kaalaman, at tunay na pagsisisi. Ang layon ng pagkakaroon ng kaalaman sa aspektong ito ng katotohanan sa lalong madaling panahon pagkatapos nating magbahaginan dito, o pagkatapos mong maunawaan ang ilang bahagi ng ating pinagbahaginan, ay upang magkaroon ka ng pinakabatayang kamalayan sa sarili mong mga kaisipan at pananaw, upang sa kalaunan, kapag naharap ka sa mga usaping nauugnay rito sa pang-araw-araw na buhay, ang iyong dating kaalaman at pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo ay magiging mga batayang ideya at pananaw na gagabay sa iyong karanasan sa usaping ito. Kahit papaano, sa sandaling magkaroon ka ng kamalayan at ng tumpak at wastong kaalaman, ang saloobin at pag-unawa mo sa usaping ito ay magiging positibo at maagap. Ibig sabihin, bago mangyari ang kaganapang ito, mababakunahan ka na at magkakaroon ng panangga, para kapag talagang nangyari na ito, mababawasan ang mga tendensiya mong mabigo, gayundin ang posibilidad na pagtaksilan mo ang Diyos, at tataas nang husto ang probabilidad na makapasok ka sa katotohanang realidad. Katulad lang ito ng kapag nagaganap ang isang pandemya: Kung hindi ka magpapabakuna, ang tanging magagawa mo ay manatili sa loob ng bahay at huwag lumabas, kaya liliit ang posibilidad na mahahawa ka. Ngunit kung lalabas ka at maglilibot-libot, at makikihalubilo sa mundo sa labas, dapat kang magpabakuna. Inaalis ba ng bakunang ito ang posibilidad ng impeksiyon? Hindi, pero binabawasan nito ang probabilidad ng impeksiyon. Sapat nang sabihing magkakaroon ka ng antibodies sa katawan. Ang proseso ng paghahangad sa katotohanan ay nagsisimula sa kaalaman sa iba’t ibang katotohanan. Kung may alam kang mga tama at positibong pahayag at prinsipyo mula sa loob ng iba’t ibang katotohanan, at kasabay nito, may partikular ka ring kaalaman sa iba’t ibang negatibo at masamang kaisipan at pananaw na inihahayag ng bawat katotohanan, kung gayon, kapag muling mangyari ang gayong kaganapan, ang mga pasya mo ay hindi na magiging batay sa pamantayan ng mga negatibo at masamang ideya at opinyon na ikinintal sa iyo ni Satanas, at hindi ka na magkakaroon ng saloobin na kumakapit sa gayong mga ideya at pananaw. Bagamat sa yugtong ito ay hindi ka pa nakapasok sa aspektong ito ng katotohanang realidad at maaaring neutral ang mga pananaw mo, gayunpaman, pagkatapos tanggapin ang mga positibong ideya at pananaw na ito, magkakaroon ka ng tiyak na kaalaman sa mga negatibong ideya at pananaw, upang kapag naharap ka sa parehong usapin sa hinaharap, kahit papaano ay matutukoy mo ang mga positibo at negatibong ideya at pananaw na nauugnay sa ganitong uri ng usapin, at magkakaroon ka ng partikular na mga pamantayan sa pagharap dito. Sa batayan ng mga pamantayang ito, ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at mayroong pagkatao ay malamang na mas nahihikayat na isagawa ang katotohanan at tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa pamantayan ng katotohanan. Sa partikular na antas, lubos itong makatutulong sa iyo na makapasok sa katotohanang realidad at makapagsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, masunod ang Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, at matanggap ang mga tao, usapin, at bagay na isinasaayos ng Diyos para sa iyo. Mula sa pananaw na ito, masasabi ba na kung mas maraming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, mas malaki rin ang posibilidad na makakapasok siya sa katotohanang realidad, at kung mas lubusan niyang nauunawaan ang mga negatibong bagay, mas malaki ang probabilidad na tatalikuran niya ang mga negatibong bagay na ito? (Oo, maaari.) Samakatuwid, hindi mahalaga kung handa ka o hindi na hangarin ang katotohanan, o kung nakapagpasya ka na o hindi pa na hangarin ang katotohanan, o kung ikaw ay nasa landas ng paghahangad sa katotohanan o wala, at hindi mahalaga ang iyong kakayahan o kung paano mo nauunawaan ang katotohanan, sa madaling salita, kung gusto ng mga tao na hangarin ang katotohanan, kung nais nilang maunawaan ang mga pamantayan ng katotohanan, at maisagawa ang katotohanan at makapasok dito, kinakailangang makilatis at maunawaan nila ang lahat ng uri ng negatibong bagay. Ito ang mga unang kinakailangan para sa paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad.
Hindi nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan, at pagdating sa iba’t ibang paksa na pinagbabahaginan natin ngayon, palagi nilang nararamdaman na: “Hindi ko kailanman napag-isipan ang mga paksang ito, ni naranasan ang mga ito. Hindi ko makita ang kaugnayan sa pagitan ng sinasabi Mo tungkol sa mga paksang ito at ng aking iba’t ibang problema, tiwaling disposisyon, at pagpapakita ng katiwalian, kaya ano ang kinalaman ng sinasabi Mo tungkol sa mga paksang ito sa paghahangad ko sa katotohanan? Mukhang wala naman itong gaanong kinalaman sa aking pagpasok sa katotohanang realidad, hindi ba? Bakit hindi Mo na lang talakayin ang ilang matayog at malalim na paksang tungkol sa positibong pagpasok ng mga tao? Bakit lagi Mong inilalantad itong negatibong maliliit na bagay ng pang-araw-araw na buhay?” Tama ba ang opinyong ito o mali? (Mali.) Sa tuwing naririnig ng mga taong may mga ganitong ideya ang gayong mga walang kuwentang bagay ng pang-araw-araw na buhay, lalo na kapag nabibigyang halimbawa ang mga usaping ito, nasusuklam sila at ayaw nilang makinig. Iniisip nila, “Masyadong pangkaraniwan at mababaw ang paksang ito. Walang anumang espesyal tungkol dito, masyado itong simple. Naiintindihan ko ito kaagad pagkarinig ko pa lang. Masyado itong madali. Hindi dapat ganito ang katotohanan, dapat mas malalim ito kaysa rito, at kailangang makinig ang mga tao rito nang ilang beses bago nila ito maunawaan at matandaan ang isa o dalawang pangungusap. Ang sinasabi Mo ngayon ay mga maliliit na usapin ng pang-araw-araw na buhay, at ilang pagpapamalas ng normal na pagkatao sa pang-araw-araw na buhay. Hindi ba’t masyado itong mababaw para sa amin?” Sa tingin mo ba na ang mga taong may ganitong pananaw ay tama sa kanilang pag-iisip? (Hindi, mali sila.) Bakit mali sila? Ano ang mali sa kanila? Una sa lahat, nakahiwalay ba ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Nakahiwalay ba ang kanilang iba’t ibang pagpapamalas at saloobin sa kanilang pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Hindi, wala sa mga bagay na ito ang magkahiwalay. Ang mga tiwaling disposisyon, kaisipan, at pananaw ng mga tao, ang kanilang mga ideya at intensiyon tungkol sa iba’t ibang usapin, ang kanilang mga partikular na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, pati na ang mga kaisipan at ideya na nagmumula sa kanilang isipan, ay lahat hindi maipaghihiwalay sa kanilang iba’t ibang pagpapamalas at pagbubuhos sa pang-araw-araw na buhay. Higit pa rito, ang iba’t ibang pagpapamalas at pagbubuhos na ito sa pang-araw-araw na buhay, gayundin ang mga kaisipan, pananaw, at saloobin ng mga tao sa iba’t ibang usapin na nangyayari sa kanila, ay mga mas partikular na bagay na nauukol sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang layon ng paghahangad sa katotohanan ay ang baguhin ang mga maling kaisipan at pananaw ng mga tao at, sa pamamagitan ng pagbabago sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, at sa pamamagitan ng pagbabago sa kanilang mga saloobin sa lahat ng uri ng tao, usapin, at bagay, upang maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at maiwaksi ang kanilang pagsuway at pagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos, pati na ang kanilang kalikasang diwa na salungat sa Diyos. Samakatuwid, kung nais mong hangarin ang katotohanan, hindi ba’t talagang kinakailangan na iwaksi at baguhin ang iba’t iba mong maling kaisipan at pananaw sa pang-araw-araw na buhay? Hindi ba’t ito ang pinakamahalagang bagay? (Oo, ito nga.) Kaya, gaano man tila kababaw o kapangkaraniwan ang mga bagay na sinasabi Ko, huwag magkaroon ng mapanghimagsik na pag-iisip tungkol sa mga ito. Ang mga bagay na ito ay tiyak na hindi basta-basta lamang. Inookupa ng mga ito ang puso at isipan mo, at kinokontrol ang iyong mga kaisipan at pananaw tungkol sa bawat tao, usapin, at bagay na iyong kinakaharap. Kung hindi mo babaguhin o iwawaksi ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa pang-araw-araw na buhay, kung gayon, ang iyong pahayag na tinatanggap mo ang katotohanan at na mayroon kang katotohanang realidad ay magiging mga walang kabuluhan. Katulad ito ng kapag mayroon kang cancer—dapat maagap itong magamot. Hindi mahalaga kung saang organ naroroon ang mga cancer cell, kung nasa dugo o nasa iyong balat, o kung nasa ibabaw ang mga ito o nakatago sa kailaliman, sapat nang sabihing ang unang bagay na dapat asikasuhin ay ang mga cancer cell sa katawan mo. Pagkatapos maalis ang mga cancer cell, saka lang maa-absorb at gagana sa loob mo ang iba’t ibang sustansiyang natatanggap mo. Sa ganitong paraan, ang lahat ng organ sa katawan mo ay gagana na nang normal. Sa sandaling naalis na ang sakit, magiging mas malusog at mas normal ang katawan mo. At ang ganitong mga tao ay ganap nang gumaling sa sakit. Ang paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay ang proseso ng pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon, at ito rin ang proseso ng pagpasok sa katotohanang realidad. Ang proseso ng pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ay ang proseso ng pagbabago ng mga tao at ang pag-aalis sa iba’t ibang mali at negatibong kaisipan at pananaw mula sa kanilang sarili. Ito rin ang proseso ng pagsasangkap ng mga tao sa kanilang sarili ng iba’t ibang wasto at positibong ideya at pananaw. Ano ba ang mga positibong ideya at pananaw? Ang mga ito ay mga bagay na may kinalaman sa realidad, mga prinsipyo, at sa pamantayan ng katotohanan. Upang makapasok sa katotohanang realidad, kailangang isa-isang suriin at unawain ng mga tao ang kanilang iba’t ibang maling ideya at pananaw tungkol sa buhay, pananatiling buhay, at pakikitungo sa iba sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at pagkatapos, lutasin ang mga ito at isa-isang iwaksi. Sa madaling salita, ang paghahangad sa katotohanan ay tungkol sa pagbibigay-kakayahan sa mga tao na iwaksi ang lahat ng kanilang mali at hindi wastong kaisipan at pananaw, at pagkakaroon ng mga wastong kaisipan at pananaw tungkol sa lahat ng uri ng bagay, kaisipan at pananaw na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng mga tao ang layon ng pagtingin sa mga tao at bagay, pag-asal, at ganap na pagkilos batay sa mga salita ng Diyos at na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang pangwakas na resulta na nakakamit ng mga tao sa paghahangad sa katotohanan, at ito rin ang katotohanang realidad na sa wakas ay maisasabuhay ng mga tao matapos makamit ang kaligtasan. Naiintindihan mo ba ito? (Oo.)
Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa paksa ng “pagbitiw” hinggil sa pamilya. Ano ang pinagbahaginan natin noong nakaraan tungkol sa paksa ng pamilya? (Nagbahaginan tayo tungkol sa mga pang-aabala at panghahadlang ng pamilya sa paghahangad natin sa katotohanan, nagbahaginan din tayo kung ano ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na dapat nating bitiwan pagdating sa isyu ng pamilya. Binanggit ng Diyos ang dalawang bagay, ang isa ay ang bitiwan ang pagkakakilanlang namamana natin sa ating pamilya, at ang isa naman ay ang bitiwan ang mga epekto ng pagkokondisyon sa atin ng pamilya.) Iyon nga ang dalawang bagay na iyon. Ang una ay ang bitiwan ang pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya. Alam mo ba kung ano ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao sa aspetong ito? Pagkatapos makinig sa mga pagbabahagi Ko, kung hindi Ako magbibigay ng partikular na pagbubuod, kayo ba ay marunong magbuod ng mga bagay-bagay? Pagkatapos Kong magbahagi tungkol sa mga bagay na ito at sa mga partikular na detalye hinggil sa mga ito, ibinuod ba ninyo ang mga nauugnay na prinsipyo na dapat sundin ng mga tao pagdating sa aspetong ito ng katotohanan? Kung alam mo kung paano ibuod ang mga ito, maisasagawa mo ang mga ito; kung hindi mo alam kung paano ibuod ang mga ito, at nakatutok lamang sa bahagyang pagkaunawa, at hindi mo alam kung ano ang mga sangkot na katotohanang prinsipyo, hindi mo maisasagawa ang mga ito. Kung hindi mo alam kung paano isagawa ang mga ito, hinding-hindi ka makapapasok sa aspetong ito ng katotohanang realidad. Kahit na matuklasan mo kung ano ang mga sarili mong problema, hindi mo pa rin maiuugnay ang mga ito sa Aking mga salita, at hindi ka makakahanap ng mga kaukulang prinsipyo na isasagawa. Ang pangunahing layon ng pagbabahaginan tungkol sa isyu ng pagbitiw sa pagkakakilanlan na namamana mo mula sa iyong pamilya ay upang magawa mong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ka nang hindi naaapektuhan ng iba’t ibang impluwensiyang nauugnay sa pagkakakilanlang iyon. Kung ang pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya ay respetado, dapat mong harapin nang tama ang pagkakakilanlang ito. Hindi mo dapat maramdaman na respetado ka, o na mas karapat-dapat ka kaysa sa iba, o na espesyal ang iyong pagkakakilanlan. Kapag kasama ang iba, dapat magawa mong makipag-ugnayan nang tama sa kanila ayon sa mga prinsipyo na ipinapaalala ng Diyos sa mga tao, at dapat mong tratuhin nang tama ang lahat, sa halip na gamitin ang respetadong pamilyang pinanggalingan mo bilang kapital para magpasikat sa lahat ng pagkakataon, at hikayatin ang iba na maging mataas ang tingin sa iyo sa bawat sitwasyon. Ipagpalagay nang hindi mo kayang bitiwan ang pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, at palagi mong ginagamit ang pinanggalingan mong pamilya bilang kapital, at umaasal ka bilang isang taong may labis na pagtingin sa sarili, sutil, at tila mahalaga. At ipagpalagay nang palagi kang nagpapasikat at nagpapapakitang-gilas, at palagi mong ipinangangalandakan ang pinanggalingan mong pamilya at ang espesyal na pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya. At bukod pa rito, ipagpalagay nang sa kaloob-looban mo ay masyado ka ring mapagmataas at mapanupil, at lalong mapang-api at walang pakundangan kapag nakikipag-usap sa iba, at madalas mong ginagamit ang iyong pagkakakilanlan bilang kapital para sumbatan ang mga tao at supilin sila—sa madaling salita, iniisip ng mga tao na wala kang normal na katwiran—at itinuturing mong mga karaniwang tao ang lahat, at lalo na kapag nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha ka sa mga tao, hinahamak mo ang mga taong mas mababang-loob o mas aba kaysa sa iyo, at kapag nakikipag-usap ka sa kanila, masyado kang agresibo, marahas, at talagang inilalabas mo ang iyong mga pangil. At ipagpalagay na palagi mong gustong sumbatan ang iba, at tratuhin ang iba na parang mga aliping inuutus-utusan at sinisigaw-sigawan, at palagi kang naniniwala na respetado ang iyong pagkakakilanlan, at hindi mo magawang makisama nang maayos sa iba, at hindi mo magawang tratuhin nang tama ang mga taong mas mababa ang katayuan kaysa sa iyo—lahat ito ay mga tiwaling disposisyon, at lahat ito ay mga bagay na dapat iwaksi ng mga tao. Ang gayong mga tiwaling disposisyon ay nangyayari at naidudulot kapag ang isang tao ay may respetadong pinanggalingang pamilya at katayuan sa lipunan. Samakatuwid, ang ganitong uri ng tao ay dapat magnilay-nilay sa kanyang mga salita at gawa, at magnilay-nilay sa sarili niyang mga kaisipan at pananaw, lalo na ang mga tungkol sa pagkakakilanlan ng pamilya. Dapat niyang bitiwan ang gayong mga kaisipan at pananaw at balikan ang iba’t ibang pagkataong kanyang isinasabuhay bilang resulta ng kanyang espesyal na katayuan sa lipunan. Sa madaling salita, dapat bitiwan ng ganitong uri ng tao ang pagkakakilanlang minana niya mula sa kanyang pamilya. Iniisip ng karamihan sa mga tao na ang kanilang sariling katayuan sa lipunan ay mas mababa. Sa partikular, ang uri ng mga taong minamaliit, dinidiskrimina, at inaapi sa lipunan ay kadalasang nakakaramdam na ang kanilang pagkakakilanlan ay mas mababa, at dahil sa kahihiyang dulot ng kanilang espesyal na kapaligiran sa pamilya, lalo nilang nararamdaman ang pagiging hamak. Ang pakiramdam na ito ay madalas na nagpaparamdam sa mga tao na mas mababa sila at na hindi nila magawang makisalamuha sa iba nang maayos at sa patas na paraan. Siyempre, ipinapamalas din ng mga ganitong uri ng tao sa iba’t ibang paraan ang kanilang sarili. Ang ilang tao ay partikular na tumitingala sa mga may respetadong katayuan at pagkakakilanlan, sumisipsip sa mga ito, nagbibigay-puri, nambobola sa mga ito, at ginagawa nila ang lahat para mapalugod ang mga ito. Palagi nilang ginagaya ang mga taong iyon at wala silang mga prinsipyo o dignidad, at handa silang maging tau-tauhan ng mga taong iyon at mautus-utusan at mamanipula ng mga ito tulad ng mga alipin. Ang mga prinsipyo ng gayong mga tao sa paggawa ng mga bagay ay hindi rin naaayon sa katotohanan, dahil sa kaibuturan ng kanilang isipan, naniniwala silang mababa ang kanilang pagkakakilanlan at isinilang sila para maging sawing-palad, at hindi sila karapat-dapat na maituring na kapantay ng mayayaman o ng mga may marangal na pagkakakilanlan sa lipunan, at sa halip ay ipinanganak sila para ituring bilang mga alipin ng mga taong iyon, at dapat nilang sundin ang mga taong iyon at maging utus-utusan ng mga ito. Hindi naman nila nararamdamang nagiging utus-utusan sila. Sa halip, iniisip nilang normal lang ito, at na ganito lang talaga dapat ang mga bagay-bagay. Anong klaseng mga ideya at pananaw ang mga ito? Hindi ba’t isang uri ng panghahamak sa sarili ang ganitong mga kaisipan at pananaw? (Oo.) Mayroon ding uri ng mga taong nakikita ang mayayamang tao na namumuhay nang may labis na pagtingin sa sarili, nang sutil, walang pakundangan, at mapangdomina, at labis pa nga nilang kinaiinggitan at pinagsisikapang gayahin ang gayong mga tao, at umaasa silang kung magkakaroon sila ng pagkakataong baguhin ang mga bagay-bagay, makapamumuhay sila nang kagaya sa mayayamang taong ito na sutil at may labis na pagtingin sa sarili. Iniisip nilang walang masama sa pagiging sutil at pagkakaroon ng labis na pagtingin sa sarili; sa kabaligtaran, itinuturing nila ang mga ito bilang mga kaakit-akit at romantikong katangian. Mali rin ang mga kaisipan at pananaw ng gayong mga tao at dapat na bitiwan. Anuman ang iyong pagkakakilanlan o katayuan, lahat ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Anuman ang uri ng pamilya o pinagmulan na pamilya ang pauna nang itinakda ng Diyos para sa iyo, ang pagkakakilanlang namamana mo mula rito ay hindi nakakahiya at hindi rin marangal. Ang prinsipyo ng kung paano mo itinuturing ang iyong pagkakakilanlan ay hindi dapat nakabatay sa prinsipyo ng karangalan at kahihiyan. Sa anumang uri ng pamilya ka inilalagay ng Diyos, sa anumang uri ng pamilya ka Niya tinutulutan na manggaling, isa lamang ang pagkakakilanlan mo sa harap ng Diyos, at iyon ay ang pagkakakilanlan ng isang nilikha. Sa harap ng Diyos, isa kang nilikha, kaya sa mga mata ng Diyos, kapantay ka ng sinuman sa lipunan na may naiibang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Lahat kayo ay miyembro ng tiwaling sangkatauhan, at lahat kayo ay mga taong nais na iligtas ng Diyos. At siyempre, sa harap ng Diyos, lahat kayo ay may parehong pagkakataon na gampanan ang inyong mga tungkulin bilang mga nilikha, at lahat kayo ay may parehong pagkakataon na mahangad ang katotohanan at makamit ang kaligtasan. Sa antas na ito, batay sa pagkakakilanlan ng isang nilikha na ibinigay sa iyo ng Diyos, hindi mo dapat pahalagahan ang sarili mong pagkakakilanlan, at hindi mo rin ito dapat maliitin. Sa halip, dapat mong ituring nang tama ang iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha ng Diyos, at magawang makisama nang maayos at patas sa sinumang tao, at ayon sa mga prinsipyong itinuturo at ipinapayo ng Diyos sa mga tao. Anuman ang katayuan o pagkakakilanlan ng ibang tao sa lipunan, at anuman ang iyong sariling katayuan o pagkakakilanlan sa lipunan, ang sinumang pumapasok sa sambahayan ng Diyos at humaharap sa Diyos ay may iisang pagkakakilanlan lamang—ang pagiging isang nilikha. Samakatuwid, iyong mga may mababang katayuan at pagkakakilanlan sa lipunan ay hindi dapat makaramdam ng pagiging mas mababa. Mayroon ka mang talento o wala, gaano man kahusay ang iyong kakayahan, at mayroon ka mang abilidad o wala, dapat mong bitiwan ang iyong katayuan sa lipunan. Dapat mo ring bitiwan ang mga ideya o pananaw tungkol sa pagraranggo at pagmamarka ng mga tao o pag-uuri sa kanila bilang respetado o mababa batay sa kanilang pinagmulang pamilya at kasaysayan ng pamilya. Hindi ka dapat makaramdam ng pagiging mas mababa dahil sa mababa mong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Dapat kang matuwa na bagamat hindi gaanong makapangyarihan at kamangha-mangha ang pinagmulan ng iyong pamilya, at mababa ang katayuan na minana mo, hindi ka tinalikdan ng Diyos. Mula sa dumi at alikabok ay itinataas ng Diyos ang mga taong may mababang-loob, at binibigyan ka Niya ng parehong pagkakakilanlan—ang pagkakakilanlan ng isang nilikha, katulad ng sa ibang tao. Sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos, ang iyong pagkakakilanlan at katayuan ay kapantay ng sa lahat ng ibang taong hinirang ng Diyos. Sa sandaling mapagtanto mo ito, dapat mong bitiwan ang pakiramdam ng pagiging mas mababa at itigil na ang pagkapit dito. Kapag nahaharap sa mga taong may respetado at magandang katayuan sa lipunan, o sa mga taong may mas mataas na katayuan sa lipunan kaysa sa iyo, hindi mo kailangang yumukod sa kanila o maging labis na magiliw sa kanila, lalong hindi mo sila kailangang hangaan. Sa halip, dapat mo silang ituring na mga kapantay mo, tingnan sila nang diretso sa mata, at tratuhin sila nang tama. Kahit na madalas silang mapangdomina o puspos ng pagpapahalaga sa sarili, at itinuturing ang kanilang sarili bilang may mataas na katayuan sa lipunan, dapat mo pa rin silang tratuhin nang tama at hindi ka dapat magpapwersa o matakot sa kanilang kapangyarihan. Anuman ang kanilang pag-uugali o paano ka man nila tatratuhin, dapat mong malaman na sa harap ng Diyos, pareho lamang kayo, dahil kayong lahat ay nilikha, kayong lahat ay mga taong hinirang ng Diyos para maligtas. Walang espesyal sa kanila kumpara sa iyo. Ang kanilang diumano’y espesyal na pagkakakilanlan at katayuan ay hindi umiiral sa mga mata ng Diyos, at hindi Niya kinikilala ang mga ito. Samakatuwid, hindi mo kailangang mapigilan ng usapin sa pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, at hindi ka rin kailangang makaramdam ng pagiging mas mababa dahil dito. Lalong hindi kailangang bitiwan ang anumang pagkakataon na makipag-ugnayan sa ibang tao sa patas na paraan dahil lamang sa iyong mababang katayuan sa lipunan, o na talikuran ang alinman sa mga karapatan, responsabilidad, at obligasyon na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos. At siyempre, tiyak na hindi mo dapat isuko ang iyong karapatang maligtas o ang pag-asa na makamit ang kaligtasan. Sa sambahayan ng Diyos, sa harap ng Diyos, walang pagkakaiba sa pagitan ng mayaman at mahirap, walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas at mababang katayuan sa lipunan, at walang sinumang may espesyal na pinagmulang pamilya ang karapat-dapat bigyan ng espesyal na pagtrato o ng mga partikular na pribilehiyo. Sa harap ng Diyos, iisa lamang ang pagkakakilanlan ng lahat ng tao, ito ay ang pagiging isang nilikha. Dagdag pa rito, sa harap ng Diyos, ang mga kalikasang diwa ng lahat ng tao ay pare-pareho. Iisang uri lamang ng tao ang gustong iligtas ng Diyos, at iyon ay ang mga tiwaling tao. Kaya, hindi mahalaga kung ang iyong pagkakakilanlan o katayuan sa lipunan ay marangal o mababa, lahat kayo ay mga taong nais iligtas ng Diyos.
Isipin mong may nagsabi sa iyo, “Tingnan mo ang pamilya mo, napakahirap ninyo na wala ka man lang mga disenteng damit; napakahirap ng pamilya mo na nag-aral ka lamang ng elementarya at hindi kailanman nagkapag-high school; napakahirap ng pamilya mo na nakakakain ka lang ng sopas at gulay, at hindi ka man lang nakatitikim pa ng tsokolate, pizza, o softdrink.” Paano mo dapat harapin ang sitwasyong ito? Makakaramdam ka ba ng pagiging mas mababa o pagkalumbay? Magrereklamo ka ba tungkol sa Diyos sa loob-loob mo? Mangliliit ka ba sa sinabi ng taong iyon? (Hindi na ako mangliliit ngayon.) Hindi ka na mangliliit ngayon, pero noon ay mangliliit ka, tama ba? Noon, sa tuwing napapansin mo kung kaninong pamilya ang mayaman, o kung sino ang mayaman at respetado, sasabihin mo, “Huh! Nakatira sila sa isang villa at may sariling sasakyan. Maraming beses na silang nag-abroad. Kailanman ay hindi pa ako nakalabas ng aking nayon, at hindi pa ako nakakita ng tren. Mabibilis ang biyahe ng mga treng sinasakyan nila, nasa pang-first class sila kapag nagbabiyahe, sumasakay sa mga luxury cruise, at nagsusuot ng mga French designer brand at mga alahas na mula sa Italya. Paanong hindi ko man lang alam ang mga bagay na ito?” Sa tuwing kasama mo ang mga taong iyon, nanliliit ka sa sarili mo. Medyo may kumpiyansa ka kapag nagbabahagi ka sa katotohanan at nananampalataya sa Diyos. Pero kapag nakikipag-usap ka sa mga taong iyon tungkol sa iyong pamilya at buhay pamilya, gusto mong tumakbo palayo at tumakas, pakiramdam mo ay hindi ka kasinghusay nila, at na mas mabuti pang mamatay kaysa mabuhay. Iniisip mo, “Bakit nasa ganitong pamilya ako? Wala pa akong karanasan sa mundo. Hand cream ang gamit ng iba sa mga kamay nila, samantalang Vaseline pa rin ang gamit ko; ang iba ay hindi man lang naglalagay ng anumang cream sa mukha nila, sa halip ay dumidiretso na sila sa beauty salon, samantalang hindi ko man lang alam kung nasaan ang beauty salon; ang iba ay naglilibot sakay ng sedan, pero masyado nang magara iyon para sa akin, masuwerte na ako kung makasakay man lang ako sa bisikleta, at kung minsan, kailangan kong sumakay sa isang karitong hinihila ng isang baka o asno.” Kaya’t sa tuwing nakikipag-usap ka sa gayong mga tao, nag-aalangan ka sa sarili mo at nahihiya kang sabihin ang iyong pagkakakilanlan at hindi ka naglalakas-loob na banggitin ito. Sa puso mo, medyo may hinanakit at kaunting galit ka sa Diyos, “Lahat sila ay nilikhang katulad ko,” naiisip mo. “Kaya, bakit tinutulutan sila ng Diyos na labis na masiyahan sa buhay? Bakit pauna Niyang itinakda na magkaroon sila ng gayong uri ng pamilya at katayuan sa lipunan? Bakit napakahirap ng pamilya ko? Bakit nasa ilalim ng lipunan ang mga magulang ko, nang walang mga abilidad o kasanayan? Iniisip ko pa lang ito ay nagagalit na ako. Sa tuwing nagsasalita ako tungkol sa bagay na ito, ayaw kong banggitin ang mga magulang ko, masyado silang walang kakayahan at kahusayan! Hindi bale na ang pagsakay sa sedan at pagtira sa isang villa, makokontento na akong madala sa lungsod para sumakay ng mga bus at ng mabibilis na tren, o maglaro sa mga parke sa lungsod, pero hindi pa nila ako dinala roon, kahit isang beses man lang! Wala akong kahit anong karanasan sa buhay. Hindi pa ako nakakain ng masasarap na pagkain, o nakasakay sa magagandang kotse, at hanggang pangarap ko na lang ang makalipad sakay ng eroplano.” Nararamdaman mong mas mababa ka habang iniisip mo ang lahat ng ito, at madalas kang napipigilan ng usaping ito, kaya palagi kang nakikisalamuha sa mga kapatid na may pagkakakilanlan at katayuan na hindi gaanong naiiba sa iyo, iniisip mo: “Totoo ang sinasabi nila, nagsasama-sama ang mga ibon na pareho ang balahibo. Tingnan mo ang mga taong iyon, lahat sila ay mayayaman, kabilang sa kanila ang mga nakatataas na opisyal ng gobyerno, mga milyonaryo, mga taong may mga napakayamang magulang, mga business tycoon, at mga taong nanggaling mula sa pag-aaral sa ibang bansa at mga postgraduate, pati na rin mga corporate executive at hotel manager. Ikumpara mo sila sa amin, sa aming mga hamak na tao. Kaming lahat ay magsasaka o kaya ay walang trabaho. Naninirahan ang pamilya sa liblib na kabukiran, elementarya lang ang natapos namin, at wala kaming karanasan sa mundo. Nakapagpastol kami ng mga baka, nakapagtayo ng mga stall sa kalye, at nakapag-repair ng mga sapatos. Anong klaseng tao kami? Hindi ba’t kami ay mga hamak na tao lang? Tingnan mo ang mga taong iyon, lahat sila ay elegante at mahusay manamit. Kapag naiisip ko na mga hamak na tao lang kami, pakiramdam ko ay wala akong silbi at agrabyado ako.” Kahit maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, hindi mo kailanman nabitiwan ang usaping ito, at madalas mong nararamdaman ang pagiging mas mababa at pagkalugmok sa depresyon. Ang mga ideya at pananaw ng mga taong ito sa mga bagay-bagay ay malinaw na mali, at lubhang nakakaapekto sa kawastuhan ng kanilang mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay, at sa mga paraan ng kanilang pag-asal at pagkilos. Ang mga ideya at pananaw na ito ay naiimpluwensiyahan ng mga kalakarang panlipunan at ugaling panlipunan. Siyempre, upang maging mas tumpak, ang mga ito ay mga ideya at pananaw na epekto ng pagkokondisyon ng masasamang tao at tradisyonal na kultura. Dahil tiwali ang mga ito at nabibilang sa masasamang kalakaran, dapat mong bitiwan ang mga ito at huwag magpaligalig o magpapigil sa gayong mga ideya at pananaw. Sinasabi ng ilang tao: “Ipinanganak ako sa gayong pamilya, at hindi na mababago ang katunayang ito. Ang mga ganitong uri ng ideya at pananaw ay palaging bumabagabag sa isipan ko, at mahirap itong bitiwan.” Talagang mahirap bitiwan ang mga ito, pero kung palagi mong iisip-isipin ang isang maling ideya at pananaw, hinding-hindi mo ito mabibitiwan. Kung tatanggapin mo ang mga tamang ideya at pananaw, unti-unti mong mabibitiwan ang mga mali. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ang ibig Kong sabihin dito ay hindi posibleng mabitiwan mo ang lahat ng ito nang sabay-sabay, para makasalamuha mo ang mayayaman o iyong mga may mataas na katayuan at halaga bilang kapantay mo o sa normal na paraan. Imposibleng magawa ito nang sabay-sabay, ngunit kahit papaano ay maaari kang makalaya mula sa bagay na ito. Kahit na mayroon ka pa ring pakiramdam ng pagiging mas mababa, kahit na medyo nababagabag ka pa rin nito sa kaibuturan ng iyong puso, nakapagkamit ka na ng kaunting paglaya mula rito sa isang antas. Siyempre, sa susunod mong paghahangad sa katotohanan, unti-unti kang magkakaroon ng higit na kalayaan at liberasyon. Kapag nalantad ang lahat ng iba’t ibang katunayan, makikita mo nang mas higit na malinaw ang diwa ng iba’t ibang tao, usapin, at bagay, at magiging mas malalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan. Kapag mayroon kang mas malalim na kabatiran sa mga ganitong bagay, madaragdagan ang iyong karanasan sa buhay at kaalaman sa gayong mga usapin. Kasabay nito, magiging mas maagap at positibo ang saloobin mo tungkol sa katotohanan, at unti-unti ay hindi ka na mapipigilan ng mga negatibong bagay. Hindi ba’t magbabago ka na sa pagkakataong iyon? Kapag nakatagpo ka sa susunod ng isang taong ibang-iba ang pagkakakilanlan at katayuan sa iyo at nakipag-usap at nakisama ka sa kanya, kahit papaano ay hindi ka na matatakot sa loob-loob mo, hindi ka na tatakbo palayo, kundi sa halip ay magagawa mo siyang tratuhin nang tama, at hindi ka na mapapasailalim sa mga paghihigpit niya, o hindi mo na iisipin kung gaano siya kadakila at karespetado. Sa sandaling maunawaan mo ang mga tiwaling diwa ng mga tao, mapangangasiwaan mo nang tumpak ang lahat ng uri ng tao, at magagawa mong makisama, makisalamuha at makipag-ugnayan sa lahat ng uri ng tao nang naaayon sa mga prinsipyo, nang hindi sila tinitingala o minamaliit, at nang hindi sila dinidiskrimina o masyadong pinapahalagahan. Sa ganitong paraan, unti-unti mo bang makakamit ang resulta ng paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Kapag nakamit mo ang resultang ito, mas mamahalin mo ang katotohanan, mas papaboran ang mga positibong bagay, mas kikiling ka sa katotohanan, at mas magiging handa kang hangaan ang Diyos at ang katotohanan, sa halip na hangaan ang sinuman sa lipunan o sa mundo dahil sa kanilang respetadong pagkakakilanlan at katayuan. Ang mga bagay na iyong hinahangaan at tinitingala, pati na ang mga bagay na sinusunod at sinasamba mo ay mag-iiba, at unti-unting magbabago mula sa mga negatibong bagay tungo sa mga positibong bagay, at sa katotohanan o—para mas maging tumpak—tungo sa Diyos, sa mga salita ng Diyos, at sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa ganitong paraan, unti-unti kang makapapasok sa katotohanang realidad sa aspetong ito. Ibig sabihin, unti-unti mong maiwawaksi ang iyong tiwaling disposisyon at ang mga gapos ni Satanas sa aspetong ito, at unti-unti mong makakamit ang kaligtasan—ganito ang proseso. Hindi ito mahirap; ang daan ay nakalatag na sa harapan mo. Hangga’t hinahangad mo ang katotohanan, makapapasok ka sa katotohanang realidad. At anong katotohanan ang papasukin mo sa huli? Anumang uri ng katayuan ang mamanahin mo mula sa iyong pamilya, hindi ka na mag-aalala o maliligalig kung marangal man ito o mababa. Sa halip, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos bilang isang nilikha, mamuhay sa harap ng Diyos bilang isang nilikha, at mamuhay sa kasalukuyan sa bawat araw, nang may pagkakakilanlan ng isang nilikha—ito ang resulta na hahangarin mo. Magandang resulta ba ito? (Oo.) Kapag pumasok ang mga tao sa aspetong ito ng realidad, napapalaya ang puso nila. Kahit papaano, hindi ka na maliligalig sa usapin ng pagkakakilanlan na namamana mo mula sa iyong pamilya, at hindi ka na mag-aalala kung mataas o mababa ang iyong katayuan. Kung respetado ang iyong pagkakakilanlan at tinitingala ka ng ilang tao, masusuklam ka; kung mababa ang iyong pagkakakilanlan at dinidiskrimina ka ng ilang tao, hindi ka mapipigilan o maliligalig dahil dito, at hindi ka rin malulungkot o magiging negatibo tungkol dito. Hindi mo na kailangang mag-alala, magdalamhati, o makaramdam ng pagiging mas mababa batay sa kung nakasakay ka na ba sa mabilis na tren, nakapunta sa isang beauty salon, nakapaglakbay sa ibang bansa, nakakain ng Western food, o nakapagtamasa ng mga eksklusibong materyal na kaginhawahan tulad ng ginagawa ng mayayaman. Hindi ka na mapipigilan at maliligalig sa mga gayong bagay, at magagawa mong tratuhin nang tama ang lahat ng uri ng tao, bagay, at usapin, at magagampanan mo nang normal ang iyong mga tungkulin. Hindi ba’t magiging malaya ka na sa pagkakataong iyon? (Oo.) Sa ganitong paraan, lalaya ang puso mo. Kapag nakapasok ka na sa realidad ng aspetong ito ng katotohanan, at nakalaya ka na mula sa mga gapos ni Satanas, tunay ka nang magiging isang nilikhang namumuhay sa harap ng Diyos, at isang nilikhang ninanais ng Diyos. Ngayon, dapat mas malinaw na sa iyo ang tungkol sa landas ng pagbitiw sa pagkakakilanlan at katayuan na namamana mo mula sa pamilya.