Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12 (Ikalawang Bahagi)

Maaaring sinasabi ng ilan na: “Ang mga magulang na ikinuwento mo ay pawang mga magsasaka, mga hamak na mangangalakal, mga naglalako, mga tagapaglinis, at iyong mga gumagawa ng samu’t saring trabaho. Napakababa ng mga katayuang ito sa lipunan, at tama lang na dapat bitiwan ng mga tao ang mga ito. Ayon nga sa kasabihan, ‘Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,’ dapat tumingala ang mga tao at mangarap nang mataas, at hindi dapat tumingin sa mga bagay na ito na nauugnay sa mababang katayuan. Halimbawa, sino ba ang gustong maging magsasaka? Sino ba ang gustong maging isang hamak na mangangalakal? Lahat ay gustong kumita ng malaking pera, maging isang opisyal na may mataas na ranggo, magkaroon ng katayuan sa lipunan, at magkamit ng napakabilis na tagumpay. Walang naghahangad na maging isang magsasaka mula pagkabata, at makuntento na lang na sakahin ang lupa at magkaroon ng sapat na makakain at maiinom. Hindi ito itinuturing ng sinuman na isang malaking tagumpay, walang gayong mga tao. Mismong dahil nagdudulot ng kahihiyan sa mga tao ang mga ganitong pamilya at nagiging dahilan para tatratuhin sila nang hindi patas ng mga tao dahil sa kanilang pagkakakilanlan, kung kaya’t dapat nilang bitiwan ang pagkakakilanlang minana nila sa kanilang pamilya.” Ganito ba ang nangyayari? (Hindi.) Hindi ganito. Kung tatalakayin natin ito mula sa ibang aspekto, may mga taong ipinapanganak sa mga pamilyang nakakalamang, o mga pamilyang may magandang sitwasyon ng pamumuhay o mataas na katayuan sa lipunan, kaya, namamana nila ang isang respetadong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan, at hinahangaan sila kahit saan. Maingat na maingat silang tinatrato ng kanilang mga magulang at mga nakatatanda sa pamilya habang sila ay lumalaki, bukod pa sa pagtrato sa kanila ng lipunan. Dahil sa kanilang espesyal at marangal na pinagmulan ng pamilya, sa paaralan, lahat ng kanilang guro at kaklase ay tumitingala sa kanila, at walang nangangahas na mang-api sa kanila. Malumanay at magiliw na nakikipag-usap sa kanila ang mga guro, at talagang magalang sa kanila ang kanilang mga kaklase. Dahil nagmula sila sa isang nakalalamang na pamilya na may respetadong pinanggalingan, na nagbibigay sa kanila ng isang marangal na pagkakakilanlan sa lipunan at siyang dahilan kaya mataas ang tingin sa kanila ng iba, nararamdaman nilang mas nakatataas sila at na mayroon silang kagalang-galang na pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Bilang resulta, sa anumang grupo, ipinapakita nilang labis ang tiwala nila sa sarili, sinasabi nila ang anumang gusto nila nang hindi isinasaalang-alang ang damdamin ng sinuman, at ganap na walang pigil sila sa anumang ginagawa nila. Para sa ibang tao, sila ay sopistikado at elegante, hindi natatakot na mag-ambisyon, magsalita, at kumilos, at anuman ang sabihin o gawin nila, dahil suportado sila ng kanilang matatag na pinagmulan ng pamilya, palaging mayroong ilang respetadong tao na handang tumulong sa kanila, at maayos ang takbo ng lahat ng ginagawa nila. Habang mas maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, lalo nilang nararamdaman na mas nakatataas sila. Saanman sila magpunta, intensyon nilang maging maawtoridad at mamukod-tangi sa karamihan, at maging naiiba sa lahat. Sa tuwing kumakain sila kasama ang iba, iyong malalaking piraso ang pinipili nila, at kung hindi nila makuha ang mga ito ay nagagalit sila. Kapag naninirahan kasama ang mga kapatid, ipinagpipilitan nilang matulog sa pinakamagandang higaan—iyong higaan na nasa pinakamaaraw na puwesto, o malapit sa pangpainit, o kung saanman sariwa ang hangin—at sa kanila lang iyon. Hindi ba’t isa itong pagkaramdam na nakatataas sila sa iba? (Oo.) Ang mga magulang ng ilang tao ay kumikita nang malaki, o kaya ay mga empleyado sila ng gobyerno, o mahuhusay na propesyonal na may matataas na suweldo, kaya talagang komportable at may-kaya ang kanilang pamilya, at walang mga alalahanin sa pagbili ng mga pagkain o damit. Dahil dito, pakiramdam ng mga gayong tao ay lubos silang nakaaangat. Nasusuot nila ang anumang gusto nila, bumibili sila ng mga pinakausong kasuotan at itinatapon ang mga ito kapag wala na sa uso. Nakakain rin nila ang anumang gusto nila—ang kailangan lang nilang gawin ay hingin ito at may isang tao na maghahatid nito. Talagang wala silang anuman na dapat ipag-alala, at pakiramdam nila ay lubos silang nakatataas. Ang pagkakakilanlang namamana nila sa ganitong uri ng nakalalamang na pamilya ay nangangahulugan na sa mga mata ng iba, talagang sila ay isang prinsesa kung babae, o isang palikero naman kung lalaki. Ano ang namana nila sa ganitong uri ng pamilya? Isang marangal na pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Ang namana nila sa ganitong uri ng pamilya ay hindi kahihiyan, kundi kaluwalhatian. Anumang kapaligiran o grupo ng mga tao ang kinabibilangan nila, palagi nilang nararamdaman na lubos silang nakaaangat sa lahat. Nagsasabi sila ng mga bagay na tulad ng, “Mayayamang negosyante ang mga magulang ko. Maraming pera ang pamilya ko. Ginagastos ko ito kung kailan ko gusto, at hindi ko kailanman kailangang mag-budget,” o kaya naman ay “Matataas na opisyal ang mga magulang ko. Saanman ako magpunta para gawin ang mga bagay-bagay, natatapos ko ang mga ito sa isang salita lamang, nang hindi dumadaan sa mga normal na proseso. Nakikita mo kung gaano kayo kailangang magsikap para matapos ang mga bagay-bagay, kailangan pa ninyong dumaan sa mga wastong patakaran, maghintay sa inyong pagkakataon, at makipag-ugnayan sa mga tao. Tingnan ninyo ako, sinasabi ko lang sa isa sa mga alalay ng mga magulang ko kung ano ang kailangang gawin at natatapos na ito. Hindi ba’t iyan ay isang pambihirang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan!” Nararamdaman ba nila na mas nakatataas sila? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao: “Ang mga magulang ko ay mga tanyag na tao sa publiko, puwede mong hanapin ang mga pangalan nila sa internet at tingnan kung lalabas ang mga ito.” Kapag tinitingnan ng isang tao ang mga listahan ng tanyag na tao at talagang naroroon nga ang mga pangalan ng mga magulang, nararamdamanan ng mga taong iyon ang pagiging mas nakatataas. Saan man sila pumunta, kung may magtanong sa kanila ng, “Ano ang pangalan mo?” sasagot sila ng, “Hindi mahalaga kung ano ang pangalan ko, ang mga pangalan ng mga magulang ko ay ganito-at-ganyan.” Ang unang sinasabi nila sa mga tao ay ang mga pangalan ng kanilang mga magulang, upang ipaalam sa iba ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Iniisip ng ilang tao na: “May katayuan ang pamilya mo, parehong mga opisyal ang mga magulang mo, o mga tanyag na tao, o mayayamang negosyante, kaya ka isang nakalalamang na anak ng matataas na opisyal o napakayaman na mga magulang. Ano ako?” Matapos itong pag-isipan, sumasagot sila ng, “Walang espesyal tungkol sa mga magulang ko, mga ordinaryong manggagawa lamang sila na kumikita ng katamtamang sahod, kaya walang dapat ipagmalaki—pero ang isa sa mga ninuno ko ay isang punong ministro sa isang dinastiya.” Sinasabi ng iba: “Isang punong ministro ang ninuno mo. Hanep, mayroon ka palang espesyal na katayuan. Ikaw ay inapo ng isang punong ministro. Ang sinumang inapo ng isang punong ministro ay hindi isang ordinaryong tao, nangangahulugan ito na ikaw rin ay inapo ng mga tanyag na tao!” Kita mo, sa sandaling iugnay ng isang tao ang kanyang sarili sa isang tanyag na tao, magiging iba ang kanyang pagkakakilanlan, agad na itataas ang kanyang katayuan sa lipunan, at siya ay magiging isang respetadong tao. May iba na nagsasabing: “Ang mga ninuno ko ay isang henerasyon ng mayayamang negosyante. Talagang napakayaman nila. Kalaunan, dahil sa mga pagbabago sa lipunan at sa sistemang panlipunan, kinumpiska ang mga ari-arian nila. Ngayon, marami sa mga bahay na tinitirhan ng mga tao, sa loob ng sampu-sampung milya mula rito, ay mga bahay ng aking mga ninuno. Dati-rati, may apat o limang daang silid ang tahanan ng aking pamilya, o hindi bababa sa dalawa o tatlong daang silid, at higit sa isang daang tagapaglingkod sa kabuuan. Ang lolo ko ang may-ari ng negosyo. Wala siyang ginawang anumang trabaho, inuutusan lang niya ang iba na gawin ito. Namuhay si Lola sa layaw, at pareho silang may mga katulong na nagbibihis sa kanila at naglalaba ng kanilang mga damit. Nang maglaon, dahil nagbago ang sitwasyong panlipunan, bumagsak ang aming pamilya, kaya hindi na kami bahagi ng maharlika kundi naging mga pangkaraniwang tao na lang. Noon, malaki at prestihiyoso ang pamilya ko. Kapag ipinadyak nila ang kanilang paa sa isang dulo ng nayon, ramdam ang pagyanig hanggang sa kabilang dulo ng nayon. Kilala sila ng lahat. Iyan ang uri ng pamilya na pinanggalingan ko, kaya anong tingin mo roon? Talagang pambihira, hindi ba? Dapat tinitingala mo ako, hindi ba?” Gayunpaman, sinasabi pa rin ng iba: “Wala namang kahanga-hanga tungkol sa yaman ng mga ninuno mo. Ang ninuno ko ay isang emperador, at isang tagapagtatag na emperador pa nga. Sabi nila, sa kanya ko raw namana ang apelyido ko. Lahat ng pamilya ko ay direktang kamag-anak niya, hindi malayong kamag-anak. Anong tingin mo roon? Ngayong alam mo na ang pinagmulan ng aking ninuno, hindi ba’t dapat mo akong tratuhin nang may panibagong paghanga at pakitaan ng kaunting paggalang? Hindi ba dapat tinitingala mo ako?” Sinasabi ng ilang tao: “Bagamat walang mga emperador sa mga ninuno ko, may ninuno akong isang heneral na pumatay ng napakaraming kaaway, nakagawa ng hindi mabilang na kapakinabangan sa militar, at naging isang importanteng ministro sa korte ng imperyal. Ang pamilya ko ay kanyang direktang inapo lahat. Hanggang ngayon, nag-aaral pa rin ang pamilya ko ng mga galaw sa martial arts na ipinamana ng mga ninuno ko, na inililihim sa mga tagalabas. Ano ang tingin mo roon? Hindi ba’t espesyal ang aking pagkakakilanlan? Hindi ba’t mayroon akong respetadong katayuan?” Ang mga espesyal na pagkakakilanlang ito na minana ng mga tao mula sa kanilang diumano’y sinaunang pamilya ng mga ninuno, pati na rin mula sa kanilang mga pangkasalukuyang pamilya, ay itinuturing ng mga tao bilang kagalang-galang at dakila, at paminsan-minsan, pinangangalanan at ipinagmamalaki nila ang mga ito bilang simbolo ng kanilang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Sa isang punto, ginagawa nila ito para patunayan na katangi-tangi ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan. Sa isa pang punto, kapag sinasabi ng mga tao ang mga kwentong ito, sinusubukan din nilang lumikha ng mas mataas na katayuan at katayuan sa lipunan para sa kanilang sarili, para magiging mas mataas ang halaga nila sa iba at magmumukhang katangi-tangi at espesyal. Ano ang layon ng pagiging katangi-tangi at espesyal? Ito ay para magkamit ng mas mataas na antas ng paggalang, paghanga, at pagpapahalaga mula sa iba, para magkaroon sila nang mas komportable, madali, at marangal na buhay. Lalo na sa ilang espesyal na kapaligiran, halimbawa, may mga taong palaging hindi kayang igiit ang kanilang presensiya sa loob ng isang grupo, o magkamit ng paggalang at pagpapahalaga ng iba. Kaya, naghahanap sila ng mga pagkakataon at paminsan-minsan ay ginagamit nila ang kanilang espesyal na pagkakakilanlan o espesyal na pinagmulan ng kanilang pamilya para igiit ang kanilang presensiya at ipaalam sa mga tao na sila ay katangi-tangi, at para bigyang-halaga at igalang sila ng mga tao, nang sa gayon ay magkamit sila ng katanyagan sa mga tao. Sinasabi nila: “Bagamat ang aking sariling pagkakakilanlan, katayuan, at kakayahan ay pangkaraniwan lamang, ang isa sa mga ninuno ko ay tagapayo sa pamilya ng isang prinsipe noong Ming Dynasty. Narinig mo na ba ang ganito at ganiyan? Iyon ay ang aking ninuno, ang lolo ng aking lolo sa tuhod, siya ay isang mahalagang tagapayo sa pamilya ng prinsipe. Kilala siya bilang ‘Ang Pinuno ng Utak.’ Dalubhasa siya sa lahat ng bagay mula sa astronomiya hanggang sa heograpiya, sinauna at modernong kasaysayan, at mga usapin sa China at mga dayuhang bansa. Nakagawa rin siya ng ilang hula. Nasa amin pa rin ang geomantic feng shui compass na ginamit niya sa aming pamilya.” Bagamat hindi nila ito madalas pag-usapan, gayunpaman ay inaaliw nila ang iba paminsan-minsan gamit ang mga kuwento ng mabulaklak na kasaysayan ng kanilang mga ninuno. Walang nakakaalam kung totoo ang mga sinasabi nila o hindi, at ang ilan sa mga ito ay maaaring mga eksaheradong kuwento, ngunit ang ilan ay maaaring totoo. Ano’t anuman, sa isipan ng mga tao, napakahalaga ng pagkakakilanlang namamana nila mula sa kanilang pamilya. Ito ang nagtatakda ng kanilang posisyon at katayuan sa gitna ng ibang tao, sa pagtratong natatanggap nila sa mga tao, pati na sa kanilang sitwasyon at antas sa mga tao. Ito ay tiyak na dahil kapag kasama ang iba, nakikita ng mga tao ang mga bagay na ito na nakukuha nila sa kanilang minanang pagkakakilanlan, kaya itinuturing nila ang mga ito bilang napakahalaga. Dahil dito, maya’t maya nilang ipinangangalandakan ang mga “dakila” at “kamangha-manghang” kabanata ng kasaysayan ng kanilang pamilya, habang paulit-ulit na iniiwasang banggitin iyong mga aspekto ng pinagmulan ng kanilang pamilya o iyong mga kahiya-hiyang bagay na nangyari sa kanilang pamilya, o iyong maaaring maliitin o diskriminahin. Sa madaling salita, ang pagkakakilanlang namamana ng mga tao sa kanilang pamilya ay napakahalaga sa puso nila. Kapag nakararanas sila ng ilang partikular na kaganapan, madalas nilang ginagamit ang espesyal na pagkakakilanlan ng kanilang pamilya bilang puhunan at bilang dahilan para magpasikat, upang makamit ang pagkilala ng mga tao at magkaroon ng katayuan sa iba. Hindi mahalaga kung ang iyong pamilya ay naghahatid sa iyo ng kaluwalhatian o kahihiyan, o kung ang katayuan sa lipunan na iyong namana mula sa iyong pamilya ay marangal o mababa, sa iyong pananaw, hanggang ganito lang ang pamilyang ito. Hindi ito ang nagtatakda kung mauunawaan mo ba ang katotohanan, kung magagawa mo bang hangarin ang katotohanan, o kung magagawa mo bang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Samakatuwid, hindi ito dapat ituring ng mga tao bilang isang napakahalagang bagay, dahil hindi ito ang nagtatakda sa kapalaran ng isang tao, ni sa kinabukasan ng isang tao, at lalo namang hindi ito ang nagtatakda sa landas na tatahakin ng isang tao. Ang sarili mong damdamin at pananaw sa iba ang kaya lamang itakda ng pagkakakilanlan na iyong namana mula sa iyong pamilya. Hindi mahalaga kung ang pagkakakilanlang namana mo mula sa iyong pamilya ay isang bagay na kinasusuklaman mo o isang bagay na karapat-dapat na ipagmalaki, hindi nito maitatakda kung magagawa mo bang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan o hindi. Kaya, pagdating sa paghahangad sa katotohanan, hindi mahalaga kung anong uri ng pagkakakilanlan o katayuan sa lipunan ang namamana mo mula sa iyong pamilya. Kahit na ipinararamdam sa iyo ng pagkakakilanlang namana mo na ikaw ay nakatataas at mapalad, wala itong kabuluhan. O, kung nagbibigay ito sa iyo ng kahihiyan, kababaan, at kawalan ng kumpiyansa sa sarili, hindi ito makakaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Hindi ito makakaapekto sa iyong paghahangad sa katotohanan ni katiting, ni hindi ito makakaapekto sa iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha sa harap ng Diyos. Bagkus, anuman ang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan ang namana mo mula sa iyong pamilya, mula sa pananaw ng Diyos, ang lahat ay may parehong pagkakataon na mailigtas, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at hinahangad ang katotohanan nang may parehong katayuan at pagkakakilanlan. Ang pagkakakilanlang namana mo mula sa iyong pamilya, marangal man ito o nakakahiya, ay hindi nagtatakda sa iyong pagkatao o sa landas na iyong tatahakin. Gayunpaman, kung masyado mo itong binibigyan ng pagpapahalaga, at ituturing ito bilang isang mahalagang bahagi ng iyong buhay at pagkatao, kung gayon, mahigpit mo itong panghahawakan, hinding-hindi ito bibitiwan, at ipagmamalaki pa ito. Kung ang iyong namanang pagkakakilanlan mula sa iyong pamilya ay marangal, ituturing mo itong isang puhunan, samantalang kung mababa ang pagkakakilanlang namana mo mula sa iyong pamilya, ituturing mo itong isang kahiya-hiyang bagay. Marangal, dakila, o kahiya-hiya man ang pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, iyon ay personal mo lang na pang-unawa, at resulta lamang ng pagtingin sa isyu mula sa perspektiba ng iyong tiwaling pagkatao. Sariling pakiramdam, pandama, at pang-unawa mo lang ito, na hindi naaayon sa katotohanan at walang kinalaman sa katotohanan. Hindi ito puhunan sa iyong paghahangad sa katotohanan at, siyempre, hindi ito hadlang sa iyong paghahangad sa katotohanan. Kung marangal at nakatataas ang iyong katayuan sa lipunan, hindi ito nangangahulugan na puhunan ito para sa iyong kaligtasan. Kung mababa at hamak ang iyong katayuan sa lipunan, hindi ito nangangahulugan na ito ay isang hadlang sa iyong paghahangad sa katotohanan, lalong hindi ito isang hadlang sa iyong paghahangad sa kaligtasan. Bagaman ang kapaligiran at pinagmulan ng isang pamilya, kalidad ng buhay, at mga kondisyon ng pamumuhay ay nagmulang lahat sa ordinasyon ng Diyos, walang kinalaman ang mga ito sa tunay na pagkakakilanlan ng isang tao sa harap ng Diyos. Ang sinumang tao, anuman ang pamilyang pinanggagalingan niya, o kung tanyag o mas mababa man ang pinagmulan ng kanyang pamilya, ay isang nilikha sa mga mata ng Diyos. Kahit na may tanyag na pinagmulan ang iyong pamilya at ikaw ay nagmula sa marangal na pagkakakilanlan at katayuan, isa ka pa ring nilikha. Gayundin, kung mababa ang katayuan ng iyong pamilya at minamaliit ka ng iba, isa ka pa ring ordinaryong nilikha sa mga mata ng Diyos—walang espesyal sa iyo. Ang iba’t ibang pinagmulan ng pamilya ay nagbibigay sa mga tao ng iba’t ibang kapaligiran sa kanilang paglaki, at ang iba’t ibang kapaligiran ng pamumuhay ng pamilya ay nagbibigay ng iba’t ibang pananaw sa mga tao sa kanilang pagharap sa mga materyal na bagay, sa mundo, at sa buhay. May-kaya man o salat sa buhay ang isang tao, o nakalalamang man o hindi ang mga sitwasyong pampamilya ng isang tao, ito ay isa lamang na naiibang karanasan para sa iba’t ibang tao. Sa isang banda, iyong mahihirap at may pamilyang may katamtamang pamantayan ng pamumuhay ang may mas malalim na karanasan sa buhay, samantalang, iyong mayayaman at may pamilyang partikular na nakalalamang, mas mahirap para sa kanila na makamit ito, hindi ba? (Oo.) Anumang uri ng kapaligiran ng pamilya ang kinalakihan mo, at anumang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan ang nakuha mo mula sa kapaligiran ng pamilyang iyon, kapag humarap ka sa Diyos, kapag kinilala at tinanggap ka ng Diyos bilang isang nilikha, katulad ka rin ng ibang tao sa mga mata ng Diyos, ikaw ay kapantay ng ibang tao, walang anumang espesyal sa iyo, at pareho lang ang mga pamamaraan at pamantayan na gagamitin ng Diyos sa Kanyang mga hihingin sa iyo. Kung sinasabi mong, “Mayroon akong espesyal na katayuan sa lipunan,” kung gayon, sa harap ng Diyos, dapat mong balewalain ang “pagiging espesyal” na ito; kung sasabihin mong, “Mababa ang katayuan ko sa lipunan,” dapat mo ring balewalain ang “pagiging mababa” na ito. Sa harap ng Diyos, ang bawat isa ay dapat lumayo sa pagkakakilanlang minana mo sa iyong pamilya, bitiwan ito, tanggapin ang pagkakakilanlang ibinigay sa iyo ng Diyos bilang isang nilikha, at pagtibayin ang pagkakakilanlang ito sa pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha. Kung galing ka sa isang mabuting pamilya at may marangal na katayuan, wala kang dapat ipagmayabang, at hindi ka mas marangal kaysa sa sinuman. Bakit ganoon? Sa mga mata ng Diyos, hangga’t isa kang nilikha, puno ka ng mga tiwaling disposisyon, at isa ka sa mga gustong iligtas ng Diyos. Gayundin, kung mababa at hamak ang pagkakakilanlang namana mo mula sa iyong pamilya, dapat mo pa ring tanggapin ang pagkakakilanlan ng isang nilikha na ibinigay sa iyo ng Diyos at harapin ang Diyos bilang isang nilikha para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Maaaring sabihin mo na: “Mababa ang katayuan sa lipunan ng pamilya ko, at mababa rin ang aking pagkakakilanlan. Mababa ang tingin sa akin ng mga tao.” Sinasabi ng Diyos na hindi ito mahalaga. Ngayon, sa harap ng Diyos, hindi ka na nagpapakita bilang isang tao na mayroong pagkakakilanlang ibinigay sa iyo ng iyong pamilya. Ang kasalukuyan mong pagkakakilanlan ay iyong sa isang nilikha, at ang dapat mong tanggapin ay ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Walang sinumang kinikilingan ang Diyos. Hindi Niya tinitingnan ang pinagmulan ng iyong pamilya o ang iyong pagkakakilanlan, dahil sa Kanyang mga mata, katulad ka rin ng iba. Ginawa kang tiwali ni Satanas, miyembro ka ng tiwaling sangkatauhan, at isa kang nilikha sa harap ng Diyos, kaya isa ka sa mga gustong iligtas ng Diyos. Hindi mahalaga kung anak ka ng mga opisyal na may mataas na ranggo o mga napakayamang magulang, isa ka mang binatang may pribilehiyo o isang prinsesa, o kung anak ka man ng mga magsasaka o ng kung sinong ordinaryong tao. Hindi mahalaga ang mga bagay na ito, at hindi tumitingin ang Diyos sa alinman sa mga ito. Dahil ang gustong iligtas ng Diyos ay ikaw bilang isang tao. Gusto Niyang baguhin ang iyong tiwaling disposisyon, hindi ang iyong pagkakakilanlan. Ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi itinatakda ng iyong pagkakakilanlan, ang iyong halaga ay hindi rin itinatakda ng iyong pagkakakilanlan, at ang iyong tiwaling disposisyon ay hindi nanggagaling sa iyong pamilya. Gusto ng Diyos na iligtas ka hindi dahil sa maaaring mababa ang katayuan mo, at lalong hindi dahil maaaring respetado ang katayuan mo. Sa halip, pinili ka ng Diyos dahil sa Kanyang plano at Kanyang pamamahala, dahil ginawa kang tiwali ni Satanas, at miyembro ka ng tiwaling sangkatauhan. Sa harap ng Diyos, anuman ang pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, katulad ka rin ng lahat. Lahat kayo ay miyembro ng sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, at may mga tiwaling disposisyon. Walang espesyal sa iyo. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Samakatuwid, sa susunod na may isang tao sa paligid mo na nagsasabing, “Dati akong mahistrado ng probinsiya,” o “Gobernador ako ng probinsiya noon,” o may magsasabing, “Ang mga ninuno namin ay mga emperador,” o may magsasabing, “Miyembro ako ng kongreso noon,” o “Tumakbo akong presidente,” o may magsasabing, “Ako ang presidente ng isang malaking kumpanya noon,” o “Ako ang boss sa isang negosyong pag-aari ng estado,” ano ang kamangha-manghang tungkol doon? Mahalaga ba na dati kang senior executive o commanding officer? Masyadong binibigyang-halaga ng mundo at ng lipunang ito ang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan ng mga tao, at nagpapasya kung paano ka pakikitunguhan ayon sa iyong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Pero ngayon ay nasa sambahayan ka na ng Diyos, at hindi magiging iba ang tingin sa iyo ng Diyos dahil lang sa kung gaano ka kapambihira noon, o kung gaano kapambihira at kadakila ang iyong pagkakakilanlan noon. Lalo na ngayon na hinihingi Niya sa iyo na hangarin ang katotohanan, mayroon bang anumang kabuluhan ang pagpapasikat ng iyong mga kuwalipikasyon, katayuan sa lipunan, at halaga? (Wala.) Kahangalan ba kung gagawin ito? (Oo.) May tendensiya ang mga hangal na tao na gamitin ang mga bagay na ito upang ikumpara ang sarili nila sa iba. Mayroon ding ilang bagong mananampalataya na may mababang tayog at hindi nauunawaan ang katotohanan, at na madalas ginagamit ang mga bagay na ito mula sa lipunan at pamilya para ikumpara ang kanilang sarili sa iba. Ang mga taong may kaunting pundasyon at tayog sa kanilang pananampalataya sa Diyos ay karaniwang hindi gagawa nito, ni hindi sila mag-uusap tungkol sa mga gayong bagay. Ang paggamit sa pagkakakilanlan ng pamilya o katayuan sa lipunan bilang puhunan ay hindi naaayon sa katotohanan.

Ngayong marami Akong naibahagi tungkol dito, naiintindihan mo ba ang sinabi Ko tungkol sa pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya? (Oo.) Sabihin mo sa Akin ang tungkol dito. (Diyos ko, may sasabihin ako tungkol dito. Madalas na binibigyan ng espesyal na halaga ng mga tao ang pamilyang sinilangan nila, at ang pagkakakilanlan at katayuan ng kanilang pamilya sa lipunan. May tendensiyang isipin ng mga taong ipinanganak sa isang pamilyang may mababang katayuan sa lipunan na medyo mas mababa sila kaysa sa iba. Pakiramdam nila ay nanggagaling sila sa napakababang pinagmulan, at hindi nila maipagmamalaki ang kanilang sarili sa lipunan, kaya gusto nilang magsikap na pagbutihin ang kanilang katayuan sa lipunan; ang mga ipinanganak sa isang pamilyang medyo may mataas na posisyon at katayuan ay may tendensiyang maging medyo mayabang at mapagmataas, mahilig silang magpasikat, at natural nilang nararamdaman ang pagiging nakatataas. Pero sa totoo lang, ang katayuan ng mga tao sa lipunan ay hindi ang pinakamahalagang bagay, dahil sa harap ng Diyos, ang mga tao ay may pare-parehong pagkakakilanlan at katayuan—lahat sila ay nilikha. Hindi matutukoy ng pagkakakilanlan at katayuan ng isang tao kung mahahangad ba niya ang katotohanan, maisasagawa ang katotohanan, o maliligtas, kaya hindi pwedeng higpitan ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa kanyang pagkakakilanlan at katayuan.) Mabuti. Masyadong inaalala ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang tungkol sa pagkakakilanlan at katayuan ng isang tao sa lipunan, kaya sa ilang espesyal na sitwasyon, sinasabi nila ang mga bagay tulad ng: “Alam mo si gayo’t ganito sa iglesia namin, may-kaya ang pamilya nila!” Nagniningning ang mga mata nila kapag sinasabi nila ang salitang “may-kaya,” na nagpapahiwatig ng kanilang lubos na mapanaghili at mainggitin na pag-iisip. Ang mga nararamdaman nilang inggit ay tumitindi nang napakatagal hanggang sa puntong nahuhumaling sila sa gayong mga tao at nagsasabing, “O, alam mo, iyong mga tao roon, isang mataas na opisyal ang ama niya, at iyon namang isang iyon ay mahistrado ang ama sa probinsiya, ang ama ng taong iyon ay isang alkalde, at ang ama ng isa pang iyon ay sekretarya sa isang departamento ng gobyerno!” Kapag nakakakita sila ng isang tao na may suot na magagandang damit, o isang taong maganda ang pananamit, o may kaunting karangyaan o kabatiran, o gumagamit ng mga partikular na mamahaling bagay, naiinggit sila at naiisip nila na, “Mayaman ang pamilya nila, tiyak na nakahiga sila sa pera,” at sila ay kinakain ng paghanga at inggit. Sa tuwing pinag-uusapan nila si gayo’t ganito sa pagiging amo ng isang kumpanya, mas pinahahalagahan nila ang pagkakakilanlan ng taong iyon kaysa sa ginagawa nito mismo. Palagi nilang pinag-uusapan ang tungkol sa trabaho ng isang tao kahit na hindi ito binabanggit kailanman ng taong iyon mismo, at ibinoboto pa nga nila ang taong iyon kapag panahon na para maghalal ng lider sa iglesia. Mayroon silang espesyal na damdamin para sa mga taong mas mataas ang katayuan sa lipunan kaysa sa kanila, at pinaglalaanan nila ang mga ito ng espesyal na atensiyon. Palagi nilang sinusubukan na sumipsip sa mga taong iyon, makipaglapit at bolahin ang mga ito, habang kinamumuhian ang kanilang sarili at iniisip na, “Bakit hindi opisyal ang aking ama? Bakit ako ipinanganak sa pamilyang ito? Bakit wala akong magandang masabi tungkol sa pamilya ko? Ang mga pamilyang sinilangan nila ay mga pamilya na alinmang mula sa mga opisyal o mayayamang negosyante, samantalang ang aking pamilya ay walang kahit na ano. Pawang mga ordinaryong tao ang mga kapatid ko, mga magsasakang nag-aararo at lahat ay nasa mababang antas ng lipunan. At mas mabuti na rin kung walang gaanong ikinukuwento tungkol sa mga magulang ko—ni hindi sila nakapag-aral. Sobra itong nakakahiya!” Sa sandaling may sinumang magbanggit sa mga magulang nila, umiiwas sila at sinasabing, “Huwag na nating pag-usapan ang paksang ito, iba na lang ang pag-usapan natin. Pag-usapan natin si ganito-at-ganyan sa iglesia natin. Tingnan mo ang posisyon sa pamamahala na hawak niya, marunong siyang maging lider. Ilang dekada na niya itong ginagawa, walang makakapalit sa kanya. Ang lalaking iyon ay ipinanganak para mamuno. Kung gayon lang din sana ang masasabi tungkol sa atin. Ngayong nananampalataya siya sa diyos, napakaraming magandang bagay na nangyayari. Isa talaga siyang pinagpalang tao, dahil nasa kanya na ang lahat na gugustuhin ng isang tao sa lipunan, at ngayong nakapasok na siya sa sambahayan ng diyos, makakapasok na rin siya sa kaharian at magkakaroon ng magandang destinasyon.” Naniniwala sila na kapag pumasok sa sambahayan ng Diyos ang isang opisyal, dapat maging lider ito ng iglesia, at magkaroon ng magandang destinasyon. Sino ang nagpapasya niyon? Sila ba ang may huling salita? (Hindi.) Malinaw na isa itong bagay na sinasabi ng mga hindi mananampalataya. Kung may nakikita silang isang taong may kaunting abilidad at likas na talento, na nananamit nang maayos at nagtatamasa ng magagandang bagay sa buhay, at nagmamaneho ng magandang sasakyan at nakatira sa isang malaking bahay, palagi silang nakikipag-ugnayan sa taong iyon, binobola ito, at sumisipsip dito. Tapos, mayroong iba na pakiramdam nila ay mayroon silang mataas na katayuan at posisyon sa lipunan. Kapag pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos, palagi silang humihingi ng mga espesyal na pribilehiyo, nag-uutos sa mga kapatid, at tinatrato nila na parang mga alipin ang mga ito, dahil masyado na nilang nakasanayan na mamuhay bilang isang opisyal. Iniisip ba ng gayong mga tao na mga tauhan nila ang kanilang mga kapatid? Kapag panahon na para maghalal ng lider ng iglesia, kung hindi sila napipili, nagagalit sila at nagsasabing, “Hindi na ako mananampalataya, hindi patas ang sambahayan ng diyos, hindi nito binibigyan ng pagkakataon ang mga tao, minamaliit ng sambahayan ng diyos ang mga tao!” Nasanay na sila na maging isang pambihirang opisyal sa labas na mundo, at iniisip na sila ang tunay na kahanga-hanga, kaya kapag pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos, palagi nilang sinusubukang mamuno, manguna sa lahat, at manghingi ng mga espesyal na pribilehiyo, at tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos tulad ng ginagawa nila sa mundo at lipunan. Marahil sa labas na mundo, ang isang tao ay asawa ng isang pambihirang opisyal, ngunit gusto pa rin niya na ituring siya na tulad ng asawa ng isang opisyal kapag pumapasok siya sa sambahayan ng Diyos, at purihin at sundan siya ng mga tao. Sa mga pagtitipon, kung hindi siya nagagawang batiin ng mga kapatid, nagagalit siya at hindi na dumadalo sa mga pagtitipon, dahil pakiramdam niya ay hindi siya sineseryoso ng mga tao, at na walang kabuluhan ang pananampalataya sa Diyos. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? (Oo.) Anuman ang iyong espesyal na pagkakakilanlan sa lipunan, kapag pumasok ka na sa sambahayan ng Diyos, mawawala ang iyong espesyal na pagkakakilanlan. Sa harap ng Diyos at sa harap ng katotohanan, ang mga tao ay may iisa lamang na pagkakakilanlan, iyon ay ang pagiging nilikha. Sa labas na mundo, isa ka mang opisyal ng gobyerno o asawa ng isang opisyal, isa ka mang miyembro ng mataas na antas ng lipunan o isang rank-and-file na nagtatrabaho sa opisina, o kung isa ka mang heneral o isang sundalo, mayroon ka lamang na iisang pagkakakilanlan sa sambahayan ng Diyos, iyon ay ang pagiging isang nilikha. Walang espesyal sa iyo, kaya’t huwag kang maghangad ng mga espesyal na pribilehiyo o pasambahin sa iyo ang mga tao. Mayroon pa ring iba na galing sa isang espesyal na Kristiyanong pamilya, o galing sa isang pamilyang nananampalataya sa Panginoon sa loob ng maraming henerasyon. Marahil ay sinanay ang ina nila sa isang seminaryo, at ang ama nila ay isang pastor. Partikular na malugod silang tinatanggap sa komunidad ng relihiyon, at nagtitipon ang mga mananampalataya sa paligid nila. Matapos tanggapin ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, nararamdaman pa rin nila na katulad pa rin ng dati ang kanilang pagkakakilanlan, ngunit namumuhay pa rin sila sa isang panaginip! Oras na para huminto sila sa pananaginip at gumising. Hindi mahalaga kung isa kang pastor o lider, kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, dapat mong maunawaan ang mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos at matutong baguhin ang iyong pagkakakilanlan. Ito ang unang bagay na kailangan mong gawin. Hindi ka isang opisyal na may mataas na ranggo, ni isang rank-and-file na nagtatrabaho sa opisina, hindi ka isang mayamang negosyante, at hindi ka rin naman mahirap at walang pera. Kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, isa lang ang iyong pagkakakilanlan, iyon ay ang pagkakakilanlan na ibinigay sa iyo ng Diyos—ang pagiging isang nilikha. Ano ang dapat gawin ng mga nilikha? Hindi mo dapat ipangalandakan ang kasaysayan ng iyong pamilya, o ang katayuan sa lipunan na minana mo mula sa iyong pamilya, hindi mo rin dapat gamitin ang iyong nakatataas na katayuan sa lipunan para manggulo sa sambahayan ng Diyos at maghangad ng mga espesyal na pribilehiyo, at lalong hindi mo dapat gamitin ang karanasang naipon mo sa lipunan, at ang pagiging nakatataas na ipinararamdam sa iyo ng iyong katayuan sa lipunan, para kumilos na tila isang kataas-taasang pinuno sa sambahayan ng Diyos at upang mamahala. Sa halip, sa sambahayan ng Diyos, dapat mong tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, umasal nang wasto, huwag banggitin ang pinagmulan ng iyong pamilya, huwag magkimkim ng anumang pakiramdam ng pagiging nakatataas, at hindi ka rin dapat magkaroon ng pakiramdam ng pagiging mas mababa; hindi mo kailangang maramdaman na mas mababa ka, o maramdaman na mas nakatataas ka. Sa madaling salita, kailangang masunurin mong gagawin nang maayos ang dapat gawin ng isang nilikha, at gampanan nang maayos ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha. Sinasabi ng ilang tao na: “Ibig bang sabihin niyan ay kailangan kong pigilan ang sarili ko at iwasang makakuha ng atensiyon?” Hindi, hindi mo kailangang pigilan ang iyong sarili o iwasang makakuha ng atensiyon, hindi mo kailangang maging sunud-sunuran at lalong hindi mo kailangang magmataas at magmalaki. Hindi mo kailangang subukang mamukod-tangi, hindi mo kailangang magpanggap, at hindi mo kailangang makipagkasundo para lang mapanatiling masaya ang lahat. Tinatrato ng Diyos ang mga tao nang patas at makatarungan, dahil ang Diyos ang katotohanan. Maraming sinabing salita ang Diyos sa mga tao at gumawa ng maraming kahilingan, at sa huli, ang hinihingi Niya ay gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at gawin ang lahat ng bagay na dapat gawin nang maayos ng isang nilikha. Sa pagharap sa usaping ito ng pagkakakilanlang namamana ng mga tao mula sa kanilang pamilya, kinakailangan mo ring tingnan ang mga tao at bagay, umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos at gamit ang katotohanan bilang pamantayan, sa halip na ipangalandakan ang pakiramdam ng pagiging nakatataas na inihatid sa iyo ng iyong pamilya. At siyempre, kung nanggagaling ka sa isang dehadong pamilya, hindi mo kailangang hayagang magsalita at magtapat sa lahat tungkol sa kung gaano ito kapangit. Sinasabi ng ibang tao na: “Hinihingi ba ng sambahayan ng Diyos na ‘Huwag nating tanungin ang isang bayani tungkol sa kanyang pinanggalingan’?” Ang kasabihan bang ito ay ang katotohanan? (Hindi.) Ang kasabihang ito ay hindi ang katotohanan, kaya hindi mo kailangang sukatin ang anumang bagay base sa kasabihang ito, o gamitin ito bilang pamantayan sa pagsunod sa mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Tungkol sa pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, ang hinihingi sa iyo ng Diyos ay gampanan mo ang iyong tungkulin. Sa harap ng Diyos, ang tanging pagkakakilanlan mo ay ang pagiging isang nilikha, kaya’t dapat mong bitiwan ang mga bagay na makakaapekto sa iyong pagiging mabuting nilikha, o makakapigil sa iyo na gawin ito. Hindi mo dapat bigyan ng puwang ang mga bagay na ito sa puso mo, o masyadong pahalagahan ang mga ito. Pagdating man sa mga hitsura o saloobin, dapat mong bitiwan ang partikular na pagkakakilanlan na namamana mo mula sa iyong pamilya. Ano ang tingin mo roon? Magagawa ba ito? (Oo.) Marahil ay nagmana ka ng isang marangal na pagkakakilanlan mula sa iyong pamilya, o marahil ay sinisira ng pinagmulan ng iyong pamilya ang iyong pagkakakilanlan. Anuman ang mangyari, umaasa Ako na lalayo ka mula roon, seseryosohin ang bagay na ito, at pagkatapos, kapag nahaharap ka sa ilang partikular na sitwasyon, at naaapektuhan ng mga bagay na ito ang pagtupad sa iyong tungkulin, at naiimpluwensiyahan ang iyong pagtrato sa mga tao, at naaapektuhan ang iyong mga tamang prinsipyo sa pagharap sa mga bagay-bagay, at ang iyong mga prinsipyo sa pakikisalamuha sa iba, umaasa Ako na hindi ka na magpapaimpluwensiya sa pagkakakilanlang minana mo mula sa iyong pamilya, at tatratuhin mo ang lahat ng tao at pangangasiwaan ang lahat ng bagay nang tama. Halimbawa, sabihin nating mayroong isang tao sa iglesia na palaging pabaya sa kanyang tungkulin at patuloy na nakagagambala. Paano mo siya dapat iwasto? Sinusubukan mong lutasin ito, iniisip na, “Kailangan ko siyang pungusan, dahil kung hindi, maaapektuhan nito ang gawain ng iglesia.” Kaya naman naghanda kang pungusan siya. Pero hindi siya pumapayag, at nakakaisip ng napakaraming dahilan. Hindi ka natatakot sa kanya, kaya’t patuloy kang nakikipagbahaginan sa kanya at pinupungusan mo siya. Sabi niya, “Kilala mo ba kung sino ako?” at ang sagot mo ay, “Ano ang pakialam ko kung sino ka?” Sabi niya: “Ang asawa ko ang amo ng asawa mo. Kung pahihirapan mo ako ngayon, magkakaproblema ang asawa mo.” Sasagot ka ng: “Ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo ito gagawin nang maayos at patuloy kang manggagambala, tatanggalin kita sa iyong tungkulin.” Kaya, sasabihin niyang, “Anu’t anuman, sinabi ko na kung ano ang mangyayari. Ikaw ang bahala kung ano ang dapat gawin!” Ano ang ibig niyang sabihin sa “ikaw ang bahala”? Sinasabi niya sa iyo na kung mangangahas kang tanggalin siya, sisisantehin niya ang asawa mo. Sa puntong ito, iniisip mo, “May malakas na kapit ang babaeng ito, hindi nakapagtatakang palagi siyang mayabang magsalita,” kaya, babaguhin mo ang iyong tono at sasabihing: “Buweno, papalampasin ko ito sa ngayon, pero sa susunod ay hindi na! Hindi ko sinasadya ang sinabi ko, lahat iyon ay para lamang sa kapakanan ng gawain ng iglesia. Lahat tayo ay magkakapatid na nananampalataya sa Diyos, lahat tayo ay iisang pamilya. Isipin mo, ako ang lider ng iglesia, paanong hindi ko aakuin ang responsabilidad para rito? Kung hindi ako umaako ng responsibilidad, hindi sana ninyo ako inihalal, hindi ba?” Sinusubukan mong ayusin ang mga bagay-bagay. Mayroon bang anumang prinsipyo sa likod nito? Naglaho ang pananggalang na nasa kaibuturan ng puso mo, hindi ka na naglalakas-loob na kumapit sa mga prinsipyo, at sumusuko ka na. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Kaya, hinahayaan mo na lang siyang makawala sa kasalanan. Ikinahihiya mo na ang iyong pagkakakilanlan ay hindi kasing-rangal ng sa kanya, at na mas mataas ang kanyang katayuan sa lipunan kaysa sa iyo, kaya’t pakiramdam mo ay obligado kang hayaan ang sarili mo na magpakontrol sa kanya at sumunod sa kanya. Bagamat pareho kayong nananampalataya sa Diyos, hinahayaan mo pa rin na gipitin ka niya. Kung hindi mo kayang tanggalin ang impluwensiyang idinudulot sa iyo ng katayuan sa lipunan, hindi mo maitataguyod ang mga prinsipyo, hindi mo maisasagawa ang katotohanan, at hindi ka magiging tapat sa harap ng Diyos. Kung hindi ka tapat sa Diyos, tatanggapin ka ba ng Diyos? Magtitiwala ba sa iyo ang Diyos? Ipagkakatiwala pa rin ba Niya sa iyo ang mahahalagang gawain? Para sa Kanya, magiging isa kang taong hindi mapagkakatiwalaan, dahil sa kritikal na sandali, ipinagkanulo mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang protektahan ang sarili mong mga interes. Sa kritikal na sandali, natakot ka sa masasamang puwersa na nagmumula sa lipunan at mula kay Satanas, na nagiging dahilan para ipagkanulo mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at nabigo kang panindigan ang iyong patotoo. Ito ay isang matinding paglabag at isang tanda ng pagdala ng kahihiyan sa Diyos. Bakit ganoon? Dahil nang gawin mo ito, ipinagkanulo mo ang pagkakakilanlan mo bilang isang nilikha, at nilabag ang prinsipyong ito ng paggawa ng kung ano ang dapat gawin ng isang nilikha. Sa pangangasiwa ng bagay na ito, hinayaan mo ang iyong sarili na maimpluwensiyahan ng iyong katayuan at pagkakakilanlan sa lipunan. Sa pagharap sa anumang isyu, kung hindi mo kayang bitiwan ang mga negatibong impluwensiyang nilikha ng pagkakakilanlang minana mo mula sa iyong pamilya, maaaring tumutugon ka sa mga isyung ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga hindi inaasahang bagay. Sa isang punto, malalabag mo ang katotohanan dahil sa mga bagay na ito, at sa isa pang punto, lubusan kang maguguluhan dahil sa mga ito, hindi alam kung ano ang gagawing mga pagpapasya. Dahil dito, madali kang hahantong sa paglabag at pagsisisi, upang sa harap ng Diyos ay madudungisan ka at maituturing na isang taong hindi mapagkakatiwalaan na lumabag sa prinsipyong ikinintal ng Diyos sa sangkatauhan—iyon ay ang gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha, at gumawa gaya ng dapat gawin ng isang nilikha. Isipin mo, medyo maliit lang ang bagay na ito pero napakamakabuluhan din, hindi ba? (Oo.)