Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11 (Ikatlong Bahagi)
Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa isyu ng “hindi dapat maging mga alipin ng pag-aasawa ang mga tao,” na nagsasabi sa mga tao na iwaksi ang kanilang nakalilinlang na mga pananaw sa pag-aasawa. Ibig sabihin, iniisip ng ilang tao na dapat nilang ingatan na hindi masira at magwakas ang kanilang buhay may-asawa. Upang makamit ang layong ito, nakikipagkompromiso sila. Mas pipiliin nilang isakripisyo ang sarili nilang mga positibong paghahangad upang magpatuloy ang kanilang buhay may-asawa, at handa silang magpaalipin sa kanilang buhay may-asawa. Mali ang nagiging interpretasyon ng mga taong ito sa pag-iral at sa depinisyon ng pag-aasawa, at mali ang kanilang saloobin sa pag-aasawa, kaya dapat nilang talikdan ang gayong mga maling kaisipan at pananaw, lumayo sa ganitong baluktot na kalagayan ng buhay may-asawa, harapin nang tama ang pag-aasawa, at pangasiwaan nang tama ang mga isyung ito na lumilitaw sa buhay may-asawa—ito ang ikatlong isyu na dapat iwaksi ng mga tao tungkol sa pag-aasawa. Susunod, magbabahaginan tayo sa ika-apat na isyu tungkol sa pag-aasawa: Ang pag-aasawa ay hindi ang iyong destinasyon. Ito rin ay isang isyu. Dahil ito ay isang paksa na ating pinagbabahaginan, ipinapakita nito ang isyu sa loob ng mga kasalukuyang sitwasyon ng buhay may-asawa ng mga tao. Ito ay umiiral sa lahat ng uri ng sitwasyon ng mag-asawa. Ito rin ay isang uri ng saloobin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa o isang uri ng kalagayan ng pamumuhay, kaya dapat tayong magbahaginan tungkol sa isyung ito at linawin ito. Pagkatapos nilang ikasal, iniisip ng ilang babae na natagpuan na nila ang tamang lalaki para sa kanila. Naniniwala sila na makakaasa sila at mapagkakatiwalaan nila ang lalaking ito, na maaari itong maging matibay na suporta sa kanila sa kanilang landas sa buhay, at na ito ay magiging matibay at maaasahan kapag kailangan niyang umasa rito. Iniisip ng ilang lalaki na natagpuan na nila ang tamang babae para sa kanila. Siya ay maganda at mapagbigay, malumanay at maalalahanin, malinis at maunawain. Kasama ang babaeng ito, naniniwala ang ilang lalaki na magkakaroon sila ng isang maayos na buhay at ng isang payapa at mapagmahal na tahanan. Kapag nag-aasawa ang mga tao, iniisip nilang lahat na sila ay masuwerte at masaya. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na kapag sila ay nag-asawa, ang kanilang kabiyak ay isang simbolo ng kanilang piniling buhay sa hinaharap at na, siyempre, ang kanilang buhay may-asawa ang destinasyon na hinahangad nila sa buhay na ito. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito, lahat ng nag-aasawa ay naniniwala na ang pag-aasawa ang kanilang destinasyon, at na kapag sila ay may gayong buhay may-asawa, ang pag-aasawang iyon ang kanilang destinasyon. Ano ang ibig sabihin ng “destinasyon”? Ito ay nangangahulugan ng isang matibay na pundasyon. Ipinagkakatiwala nila sa kanilang buhay may-asawa ang kanilang mga inaasam, hinaharap, at kaligayahan, pati na rin sa kanilang kabiyak, at kaya pagkatapos nilang makapag-asawa, iniisip nila na wala na silang kakailanganin o aalalahanin pa. Ito ay dahil pakiramdam nila ay natagpuan na nila ang kanilang destinasyon, at ang destinasyong ito ay ang kanilang kabiyak at ang tahanang itinatayo nila nang magkasama ng taong iyon. Dahil natagpuan na nila ang kanilang destinasyon, hindi na nila kailangan pang hangarin ang anuman o mag-asam ng anuman. Siyempre, mula sa mga saloobin at pananaw ng mga tao sa pag-aasawa, ito ay nakakatulong sa katatagan ng balangkas ng pag-aasawa. Sa pinakamababa, kung ang isang lalaki o babae ay mayroon nang tiyak na kabiyak sa kabilang kasarian bilang kanyang asawa, hindi na siya makikipaglandian o makikiapid pa sa kabilang kasarian. Kapaki-pakinabang ito sa karamihan ng mga mag-asawa. Sa pinakamababa, ang kanilang mga puso ay mapapanatag pagdating sa usapin ng mga relasyon, magkakagusto sila sa isang tapat na kabiyak sa kabilang kasarian at magiging matatag ang kanilang kalagayan ng pamumuhay dahil sa tapat na asawang iyon—ito ay isang mabuting bagay. Gayunpaman, kapag ang isang tao ay pumasok sa pag-aasawa, kung itinuturing niya ang kanyang pag-aasawa bilang ang kanyang destinasyon, habang itinuturing niya ang lahat ng kanyang paghahangad, ang kanyang pananaw sa buhay, ang landas na kanyang sinusunod sa buhay, at ang hinihingi sa kanya ng Diyos bilang mga bagay na hindi kinakailangan sa kanyang libreng oras, kung gayon, hindi niya namamalayan na hindi isang mabuting bagay na ituring na kanyang destinasyon ang kanyang pag-aasawa, sa halip, ito ay nagiging sagabal, balakid, at hadlang sa kanyang paghahangad sa mga tamang layon sa buhay, sa kanyang pagtatatag ng tamang pananaw sa buhay, at maging sa kanyang paghahangad ng kaligtasan. Ito ay dahil kapag ang isang taong nag-asawa ay itinuturing ang kanyang kabiyak bilang ang kanyang destinasyon at ang kanyang tadhana sa buhay na ito, naniniwala siya na ang iba’t ibang emosyon ng kanyang kabiyak, ang kaligayahan at kalungkutan nito, ay may kaugnayan sa kanyang sarili, at na ang kanyang sariling kaligayahan at kalungkutan at iba’t ibang emosyon ay may kaugnayan din sa kanyang kabiyak, at kaya, ang buhay, kamatayan, kaligayahan at kagalakan ng kanyang kabiyak ay konektado sa kanyang sariling buhay, kamatayan, kaligayahan at kagalakan. Kaya, dahil sa ideya ng mga taong ito na ang kanilang pag-aasawa ang destinasyon ng kanilang buhay, nagiging matamlay at pasibo ang paghahangad nila sa kanilang landas sa buhay, sa mga positibong bagay, at sa kaligtasan. Kung ang kabiyak ng isang taong sumusunod sa Diyos ay nagpapasyang hindi sumunod sa Diyos at sa halip ay nagpapasyang maghangad ng mga makamundong bagay, kung gayon, ang taong sumusunod sa Diyos ay lubhang maaapektuhan ng kanyang kabiyak. Halimbawa, naniniwala ang asawang babae na dapat siyang manampalataya sa Diyos at maghangad ng katotohanan, at na dapat niyang bitiwan ang kanyang trabaho at gampanan ang kanyang tungkulin, igugol ang kanyang sarili, at ialay ang kanyang sarili sa sambahayan ng Diyos, samantalang iniisip ng kanyang mister, “Ang pananampalataya sa Diyos ay isang mabuting bagay, ngunit kailangan pa rin nating mabuhay. Kung pareho tayong gagampan ng ating tungkulin, sino ang kikita ng pera? Sino ang mag-aalaga ng tahanan? Sino ang magtutustos sa buhay ng ating pamilya?” Nang may ganitong pananaw, pinipili niyang magpatuloy sa pagtatrabaho at paghahangad sa mga makamundong bagay; hindi niya sinasabi na hindi siya nananampalataya sa Diyos, at hindi rin niya sinasabi na tinututulan niya ito. Palaging iniisip ng misis na nananampalataya sa Diyos na, “Ang asawa ko ang aking destinasyon. Magiging maayos lang ang aking kalagayan kapag siya ay nasa maayos ding kalagayan. Kung hindi maayos ang kanyang kalagayan, hindi rin magiging maayos ang aking kalagayan. Nakatali na kami sa isa’t isa sa hirap at ginhawa. Iisa lang ang aming kaligayahan at kalungkutan, at kami ay mamumuhay at mamamatay nang magkasama. Nagpupunta ako saanman siya nagpupunta. Ngayon, may mga pagtatalo kami sa pagpili ng aming landas at nagsisimulang lumitaw ang mga problema, kaya paano kami magkakasundo? Gusto kong sundin ang Diyos, pero hindi siya interesado sa pananalig sa Diyos. Kung hindi siya mananampalataya sa Diyos, hindi ako makakausad sa sarili kong pananalig at mawawalan na ako ng ganang sundin pa ang Diyos. Ito ay dahil sa pinakasimula, itinuring ko na siya na aking kalangitan, aking destinasyon. Hindi ko siya kayang iwan. Kung hindi siya mananampalataya sa Diyos, kung gayon, pareho kaming hindi mananampalataya, at kung mananampalataya siya sa Diyos, pareho kaming mananampalataya. Kung hindi siya mananampalataya sa Diyos, mararamdaman kong may kulang sa akin, na para bang kinuha ang aking kaluluwa.” Palagi siyang nababalisa at nag-aalala tungkol sa usaping ito. Madalas siyang nagdarasal, umaasa na ang kanyang mister ay mananampalataya sa Diyos. Ngunit gaano man siya magdasal, hindi naaantig ang kanyang mister at hindi ito nananampalataya sa Diyos. Nababagabag siya—ano ang gagawin niya? Wala siyang magagawa, kaya ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya, at hangga’t nasa bahay ang kanyang mister, isinasama niya ito sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Walang pagtutol na binabasa ng kanyang mister ang mga salita ng Diyos at nakikinig habang binabasa niya ang mga ito, ngunit hindi ito aktibong nakikipagbahaginan. Dahil mag-asawa sila, hindi na lang ito nakikipagtalo sa kanya. Kapag hinihiling niya sa kanyang mister na aralin ang pagkanta ng mga himno, sumusunod ito at natututo itong kantahin ang mga himno, at pagkatapos nitong matutunan ang mga himno ay hindi nito sinasabi kung ganap ba nitong natutunan ang mga himno o kung nagustuhan ba nito ang mga himno. Kapag pinapadalo sa mga pagtitipon ang kanyang mister, paminsan-minsan ay sumasama ito sa kanya sa pagtitipon kapag may libre itong oras, ngunit karaniwan ay abala ito sa pagtatrabaho at pagkita ng pera. Hindi nito kailanman binabanggit ang anumang may kinalaman sa pananalig sa Diyos, hindi ito kailanman nagkukusa na magtanong kung maaari itong dumalo sa isang pagtitipon o gumampan ng isang tungkulin. Sa madaling salita, wala itong interes sa lahat ng ito. Hindi nito tinututulan ang pananampalataya sa Diyos, ngunit hindi rin nito sinusuportahan ang pananampalataya sa Diyos, at hindi nito ipinapakita kung ano ang saloobin nito tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Ang asawang babaeng nananampalataya sa Diyos ay isinasapuso at tinatandaan ang lahat ng ito, at sinasabi, “Dahil kami ay mag-asawa at magkapamilya, kung papasok ako sa kaharian, kailangan ay pumasok din siya. Kung hindi niya ako susundan sa aking pananalig, hindi niya mapapasok ang kaharian o makakamit ang kaligtasan, at kung gayon ay hindi ko na rin gugustuhing mabuhay at gugustuhin ko na lang na mamatay.” Kahit hindi pa siya patay, sa kanyang puso ay palagi siyang nag-aalala, nasasaktan, at nahihirapan sa usaping ito, iniisip niya, “Kung isang araw ay dumating ang mga sakuna at mamatay ang mister ko sa mga sakuna, ano ang gagawin ko? Mayroong laganap na sakit ngayon. Kung mahahawa siya ng sakit na ito, ayaw ko nang mabuhay pa. Hindi niya sinasabi na tutol siya sa aking pananampalataya sa Diyos, ngunit ano ang gagawin ko kung isang araw ay talagang sasabihin niya na ayaw na niya akong manampalataya sa Diyos?” Nag-aalala siya na, kapag dumating ang oras na iyon, susundin niya ang kanyang mister at pipiliin niyang hindi na manampalataya sa Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Ito ay dahil sa kanyang puso, ang mister niya ang kanyang kaluluwa, ang kanyang buhay, at higit pa rito, ang kanyang mister ang kanyang langit, ang lahat-lahat para sa kanya. Ang mister sa kanyang puso ang siyang pinakanagmamahal sa kanya, at siya ang pinakanagmamahal sa kanyang mister. Ngunit ngayon ay nahaharap siya sa isang problema: Kung tututol ang kanyang asawa sa kanyang pananampalataya sa Diyos at walang magagawa ang kanyang mga panalangin, ano na lang ang gagawin niya? Palagi niya itong inaalala. Kapag kinakailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa labas ng tahanan, bagamat nais din niyang gampanan ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kapag nalaman niya na upang magampanan ang kanyang tungkulin ay kailangan niyang umalis ng kanilang tahanan at maglakbay nang malayo, at na kailangan niyang mawalay nang matagal sa kanilang tahanan, siya ay nakakaramdam ng labis na paghihinagpis. Bakit ganoon? Nag-aalala siya na sa pag-alis niya ng bahay ay wala nang mag-aalaga sa kanyang mister, mangungulila siya sa kanyang mister at hindi niya mapipigilan ang pag-aalala tungkol dito. Mag-aalala siya para dito, mangungulila rito, at mararamdaman pa nga niya na hindi siya mabubuhay kung wala ito sa kanyang tabi, na mawawalan siya ng pag-asa at direksiyon sa buhay, at na hindi rin niya magagampanan nang buong puso ang kanyang tungkulin. Ngayon, iniisip pa lang niya ito ay kumikirot na ang kanyang puso, lalo pa kung talagang mangyayari ito. Kaya sa iglesia, hindi siya kailanman nangangahas na hilingin na gampanan ang kanyang tungkulin sa ibang lugar, o kung may isang gawaing nangangailangan na ang isang tao ay manatili sa malayong lugar nang matagal at matulog nang magdamag sa ibang lugar, hindi siya kailanman nangangahas na magboluntaryo para sa gawaing iyon o pumayag sa gayong kahilingan. Ginagawa niya lamang ang lahat ng kanyang makakaya sa paghahatid ng mga sulat para sa kanyang mga kapatid, o kung minsan ay sa pagpapatuloy sa mga ito sa mga pagtitipon sa kanyang tahanan, ngunit hindi siya kailanman nangangahas na humiwalay sa kanyang asawa sa loob ng isang buong araw. Kung talagang mayroong espesyal na pangyayari at kinakailangang umalis ng kanyang mister para sa isang business trip o kapag wala ito sa loob nang ilang araw, umiiyak siya sa bahay nang dalawa o tatlong araw bago umalis ang kanyang mister, umiiyak hanggang sa ang kanyang mga mata ay namumugto na parang kamatis. Bakit siya umiiyak? Nag-aalala siya na baka mamatay ang kanyang asawa sa isang aksidente sa eroplano at hindi na makikita pa ang katawan nito, at ano ang kanyang gagawin kung magkagayon? Paano siya mabubuhay at makakaraos sa mga araw? Mawawala ang kanyang kalangitan, mararamdaman niya na parang ninakaw ang puso niya. Iniisip pa lang niya ito ay natatakot na siya nang husto, at kaya umiiyak siya kapag iniisip ito. Hindi pa nga nakakaalis ang kanyang mister ay umiiyak na siya nang dalawa o tatlong araw, at patuloy siyang umiiyak hanggang sa makabalik ito, umiiyak nang sobra na nayayamot na ang kanyang mister at sinasabi nito na, “Ano ba ang problema sa kanya? Hindi pa nga ako patay pero umiiyak na siya. Sinusumpa ba niya na mamamatay ako?” Walang magawa ang kanyang mister, patuloy lang siyang umiiyak, sinasabing, “Ayaw ko lang na umalis ka, ayaw kitang mawala sa paningin ko.” Itinataya niya ang kanyang kapalaran at destinasyon sa kanyang mister na napangasawa niya, at kahit na isang kahangalan at parang isip-bata ang ganitong pagkilos, marami pa ring ganitong tao. Mas marami bang lalaki ang ganito o mas maraming babae? (Mas maraming babae.) Tila mas maraming babae ang ganito, ang mga babae ay medyo mahina. Sinuman ang nang-iiwan, ang lalaki man o ang babae, makakaya pa rin ba nilang patuloy na mabuhay? (Oo.) Kung sinuman ang nang-iiwan, iyon ba ay isang bagay na maaari mong piliin? Iyon ba ay isang bagay na maaari mong kontrolin? (Hindi.) Hindi, hindi iyon isang bagay na maaari mong kontrolin, at kaya naliligaw ka sa mga walang kabuluhang imahinasyon, at umiiyak ka, nayayamot, nag-aalala, at nasasaktan—may saysay ba ang lahat ng ito? (Wala.) Iniisip ng mga taong ito na ang magawang tingnan, mahawakan sa kamay, at makasama sa buhay ang kanilang kabiyak ay nangangahulugan na mayroong susuporta sa kanila habambuhay, tulad ng magbibigay ng kapanatagan at ginhawa sa kanila. Iniisip nila na wala na silang aalalahanin tungkol sa pagkain o pananamit, walang mga iisipin, at na ang kanilang kabiyak ang kanilang destinasyon. Mayroong kasabihan ang mga walang pananampalataya na nagsasabing, “Kung kasama kita sa buhay na ito, wala na akong kailangan pa.” Ito ang nararamdaman ng mga taong ito tungkol sa kanilang pag-aasawa at sa kanilang kabiyak sa kaibuturan ng kanilang puso; masaya sila kapag masaya ang kanilang kabiyak, nababalisa sila kapag nababalisa ang kanilang kabiyak, at nagdurusa sila kapag nagdurusa ang kanilang kabiyak. Kung ang kanilang kabiyak ay mamamatay, ayaw na rin nilang mabuhay. At kung ang kanilang kabiyak ay aalis at mahuhulog sa iba, ano ang gagawin nila? (Ayaw na nilang mabuhay.) May mga ayaw nang mabuhay pa at kaya nagpapakamatay sila, at may ilan na nasisiraan ng bait. Sabihin mo sa Akin, bakit nangyayari ang lahat ng ito? Anong klase ng tao ang nasisiraan ng bait? Ang masiraan ng bait ay nagpapakita na sila ay sinapian. Naniniwala ang ilang babae na ang kanilang mister ang kanilang destinasyon sa buhay, at na kapag natagpuan na nila ang gayong lalaki, hindi na sila magmamahal pang muli ng ibang lalaki—ito ay isang kaso ng “Kung kasama ko siya sa buhay na ito, wala na akong kailangan pa.” Ngunit binigo siya ng kanyang mister, umalis at umibig ito sa iba, at ayaw na nito sa kanya. Kaya, ano ang nangyayari sa huli? Kinamumuhian na niya ang lahat ng lalaki. Kapag nakakakita siya ng ibang lalaki, gusto niya itong duraan, murahin, at saktan. Nagkakaroon siya ng tendensiyang maging bayolente, at nagiging baluktot ang kanyang katwiran. May ilan na talagang nasisiraan na ng bait. Ito ang mga kahihinatnan kapag hindi tama ang pagkaunawa ng mga tao sa pag-aasawa.
Itinuturing ng mga taong ito ang pag-aasawa bilang simbolo ng kanilang matagumpay na paghahangad ng kaligayahan, at isa ring destinasyon at layon sa buhay na matagal na nilang pinangarap at ngayon ay nakamit na. Para sa kanila, ang pag-aasawa ang kanilang huling layon sa buhay, at ang kanilang mga paghahangad tungkol sa pag-aasawa ay upang makasama ang kanilang kabiyak sa buhay na ito, para tumanda sila nang magkasama, at mamuhay at mamatay nang magkasama. Upang patunayan ang kaisipan at ideya na ang kanilang pag-aasawa ang kanilang destinasyon, gumagawa sila ng maraming bagay sa buhay may-asawa na hindi makatwiran at labas sa saklaw ng responsabilidad ng isang tao. Ang mga bagay na ito na labas sa saklaw ng responsabilidad ng isang tao ay kinapapalooban ng mga labis-labis na bagay kung saan nawawalan sila ng kanilang integridad, dignidad, at ng mga layon na kanilang hinahangad. Halimbawa, madalas nilang binabantayan kung sino ang kasama ng kanilang kabiyak araw-araw, kung ano ang ginagawa nito kapag lumalabas ito, kung nakipag-ugnayan ba ito sa ibang babae, at kung nakikihalubilo o nakikipagmabutihan ba ito sa ibang babae nang higit pa sa pagiging magkaibigan. Mayroon ding ilang taong gumugugol ng maraming oras sa pagmamasid at pagsusuri sa saloobin ng kanilang kabiyak tungkol sa kanila upang malaman kung iniisip ba sila ng kanilang kabiyak at kung iniibig pa rin ba sila nito. Inaamoy rin ng ilang babae ang damit ng kanilang mister kapag umuuwi ito, sinusuri kung may buhok ng babae ang damit nito, sinusuri kung may bakas ng lipstick ng ibang babae ang damit nito. Sinusuri rin nila ang telepono ng kanilang mister upang makita kung may mga numero ng mga babae na hindi nila kilala, sinusuri pa nga nila kung ilan ang telepono ng kanilang mister, kung sino ang mga nakakaugnayan nito, at kung totoo ba ang sinasabi nito kapag tumatawag ito araw-araw. Halimbawa, tumatawag ang isang babae sa kanyang mister at nagtatanong, “Nasaan ka? Ano ang ginagawa mo?” Sumasagot ang kanyang mister, “Nasa trabaho ako, inaaral ang ilang dokumento.” Sinasabi niya, “Kuhaan mo ng litrato ang mga dokumentong inaaral mo at ipadala mo ito sa akin.” Sinusunod ng kanyang mister ang sinasabi niya, at pagkatapos ay nagtatanong siya, “Sino ang kasama mo sa opisina?” Sumasagot ito, “Ako lang.” Sinasabi naman niya, “Pwede mo ba akong i-video call para makita ko kung sino ang iba pang nasa opisina?” Nakikipag-video call ang kanyang mister sa kanya at nakikita niya na parang may hugis ng isang babaeng naglalakad palayo, kaya sinasabi niya, “Hindi iyan totoo, sino ang babaeng iyon?” Sinasabi ng kanyang mister, “Iyong tagalinis lang iyon.” Sinasabi niya, “Ah, sige.” Saka lamang siya napapanatag. Ang ganitong mga tao ay sinusuri ang telepono ng kanilang mister, ang kinaroroonan nito, kung ano ang ginagawa nito sa bawat oras buong araw. Napakalaki ng kanilang mga ekspektasyon sa kanilang buhay may-asawa, at mas matindi ang kanilang pakiramdam ng kawalang-katiyakan. Siyempre, labis-labis ang kanilang pagnanais na ariin at kontrolin ang kanilang asawa. Dahil nakatitiyak sila na ang kanilang asawa ang kanilang destinasyon at na ang kanilang asawa ang kailangan at dapat nilang makasama sa buong buhay nila, kaya naman, hindi nila pwedeng tulutan na lumitaw ang anumang pagkatisod o lamat sa kanilang buhay may-asawa, o maging ang anumang depekto o maliit na problema—ang lahat ng ito ay hindi nila pwedeng tulutang mangyari. Kaya ibinubuhos nila ang halos lahat ng kanilang enerhiya sa pagsusubaybay sa kanilang asawa, sa pag-iimbestiga sa kanilang asawa, sa pagtatanong-tanong tungkol sa mga kilos at kinaroroonan nito, at sa pagkontrol dito. Lalo na kapag may kaapid ang kanilang asawa, ito ay isang bagay na hindi nila matitiis. Nag-eeskandalo sila, nagwawala, umiiyak, at nanggugulo sila, at nagbabanta na magpapakamatay. Dinadala pa nga ng ilan ang kanilang mga problema sa mga pagtitipon at nakikipagtalakayan sa kanilang mga kapatid tungkol sa mga estratehiya, sinasabi na, “Siya ang aking unang pag-ibig, ang lalaking pinakamamahal ko. Sa buong buhay ko, ni wala akong nahawakang kamay o balat ng ibang lalaki. Siya lang ang lalaki para sa akin, siya ang aking kalangitan, at siya ang para sa akin sa buhay na ito. Sumama siya sa iba at hindi ko talaga matanggap ang ginawa niya sa akin.” May nagsasabi sa kanya, “Ano ang silbi kung hindi mo kayang tanggapin ito? Mababago mo ba ang nangyari? Matagal nang nakikita ng ibang tao na may ganitong tendensiya ang mister mo.” Sumasagot siya, “May ganitong tendensiya man siya o wala, hindi ko talaga kayang tanggapin ang nangyari. Sino ang tutulong sa akin na mag-isip ng paraan upang parusahan siya at subukang pigilan ang kanyang kabit na agawin ang puwesto ko?” Nakikita mo, lubos siyang nasasaktan kaya dinadala niya ang kanyang mga problema sa pagtitipon para makipagbahaginan tungkol dito. Ito ba ay pakikipagbahaginan? Ito ay pagbubulalas ng mga hindi nararapat na pahayag, pagbubulalas ng mga negatibong mensahe, at pagpapalaganap ng negatibong impormasyon. Sariling problema mo na ito, at kung uuwi ka man sa bahay ninyo, isasara ang pinto at bubugbugin siya at makikipagtalo sa kanya, problema mo na iyon, ngunit hindi mo dapat dalhin ang iyong mga problema at talakayin ang mga ito sa mga pagtitipon. Kung nais mong hanapin ang katotohanan sa isang pagtitipon, maaari mong sabihin, “Nangyari na ito sa akin, kaya paano ko maiaalis ang aking sarili sa sitwasyong ito at paano ako hindi magpapigil sa kanya? Ano ang pwede kong gawin para hindi maapektuhan ng usaping ito ang aking pananalig sa Diyos at ang pagganap ko sa aking tungkulin?” Tama lang na hanapin mo ang katotohanan, ngunit kung pupunta ka sa isang pagtitipon at tatalakayin ang iyong mga problema, iyon ay isang bagay na hindi mo dapat gawin. Bakit hindi mo dapat gawin iyon? Naharap ka sa isyung ito at ngayon ay nasa ganito kang sitwasyon sa buhay dahil sa iyong maling pagkaunawa sa pag-aasawa. Pagkatapos ay nais mong dalhin ang mga problema at kinahinatnang ito sa iyong mga kapatid para pagbahaginan, at maliban sa nakakaapekto ito sa ibang tao, hindi rin ito nakakabuti sa iyo. Tinatalakay mo ang tungkol sa iyong mga problema, ngunit ang karamihan sa mga tao ay hindi nauunawaan ang katotohanan at walang tayog, at ang magagawa lamang nila ay tulungan kang mag-isip ng mga ideya at suriin ang iyong mga problema. Bukod sa hindi ka nila matutulungan na magtamo ng positibong pagpasok, taliwas dito, pinalulubha nila ang mga bagay-bagay at ginagawang mas malala at mas komplikado ang problema. Ang karamihan sa mga tao ay magulo ang isipan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos—mabibigyan ka ba ng gayong mga tao ng tulong na kapaki-pakinabang at may halaga? May nagsasabi, “Ikaw pa rin ang kanyang legal na asawa. Hinding-hindi matatalo ng kasamaan ang katarungan.” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) May iba pang nagsasabi, “Huwag mong pagbigyan ang kabit niya, at makikita natin kung kaya ka ba niyang palitan!” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Masaya ka ba kapag naririnig mo ang mga taong nagsasabi ng mga ganitong bagay, o nagagalit ka ba dahil dito? Sinasabi ba nila ang mga bagay na ito upang uminit ang ulo mo o upang maunawaan mo ang katotohanan at magkaroon ka ng landas ng pagsasagawa? May isa pang tao na nagsasabi, “Alam na alam ko iyan. Wala nang mabuting lalaki ngayon. Ang sinumang lalaking may pera ay nagiging masama.” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) At pagkatapos ay may nagsasabi, “Hindi mo dapat hinahayaan ito. Kailangan mong ipaalam sa kabit na iyon na hindi ka pwedeng basta-basta na lang hahamakin. Ipakita mo sa kanya kung sino ang mas nakahihigit. Pumunta ka sa pinagtatrabahuhan niya at ipagsabi mo sa lahat, mag-eskandalo ka, at ipagsabi mo na siya ang kabit ng iyong mister. Ikaw ang legal na asawa at siguradong ikaw ang papanigan ng lahat at hindi siya. Pwersahin mo siyang sumuko at lumayo.” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t ang mga kasabihang ito ang mga nakalilinlang na pagkaunawa ng karamihan ng mga tao? (Oo.) May isa pang nagsasalita nang medyo maingat, sinasabi na, “Buong buhay ay siya na ang kasama mo, hindi ka pa ba nagsasawa sa kanya? Kung gusto niyang sumama sa iba, hayaan mo siya. Hangga’t nag-uuwi siya ng pera at may nakakain at naiinom ka, hindi ba’t sapat na iyon? Dapat kang maging masaya, at hindi ka na niya laging aabalahin. Hangga’t umuuwi siya sa inyong tahanan at kinikilala niyang ito ang kanyang tahanan, hindi ba’t sapat na iyon? Ano bang ikinagagalit mo? Sa katunayan, ikaw pa ang nakikinabang dito.” Nakagagaan ito sa loob kung pakikinggan, ngunit ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Sasabihin ba ng isang disenteng tao ang ganitong mga bagay? (Hindi.) Ang intensyon nito ay hindi ang magsimula ng hidwaan o ng pagtatalo, ang intensyon nito ay ang pakalmahin ang mga bagay-bagay at makipagkompromiso nang walang prinsipyo. Mayroon bang salita na sumasalamin sa perspektibang dapat taglayin ng asawang babae sa usaping ito, isang perspektiba na parehong tama at naaayon sa katotohanan? (Wala.) Hindi ba’t karamihan ng mga tao ay nagsasabi ng ganitong mga bagay? (Oo.) Ano ang pinapatunayan nito? (Ang karamihan sa mga tao ay medyo magulo ang isip at ang mga ideya nila ay hindi nakakatulong.) Ang karamihan sa mga tao ay magulo ang isip, hindi nila hinahangad ang katotohanan, o hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ano’t anuman, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, o kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Sa mas partikular, tungkol sa pag-aasawa, sadyang hindi nauunawaan ng mga tao, pagdating sa mga salita ng Diyos at depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa, kung paano nila dapat harapin ang mga problema na lumilitaw sa pag-aasawa sa paraang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at kung paano sila hindi dapat magpadala sa init ng ulo.
Anumang isyu ang iyong kinakaharap, ito man ay malaki o maliit, dapat palagi mo itong harapin gamit ang mga salita ng Diyos bilang ang iyong batayan at ang katotohanan bilang ang iyong pamantayan. Kung gayon, ano ang batayan sa mga salita ng Diyos tungkol sa mga isyung ito na lumilitaw sa pag-aasawa? Ano ang pamantayan ng katotohanan? Ang iyong asawa ay hindi tapat sa inyong pagsasama, at problema niya iyon. Ngunit hindi mo maaaring hayaang makaapekto ang kanyang problema sa pagkakaroon mo ng tamang saloobin at pagpapahalaga sa responsabilidad sa pag-aasawa. Siya ang nagkasala, ngunit hindi mo dapat hayaang makaapekto ang kanyang mga pagsalangsang sa saloobin na dapat mayroon ka sa pag-aasawa. Naniniwala kang siya ang iyong destinasyon, ngunit akala mo lang iyon, at ang totoo, hindi iyon ganoon. Hindi rin kailanman hiningi o inorden ng Diyos na ganito ang mangyari. Sadya lamang na iginigiit mong paniwalaan na siya ang iyong destinasyon, ang kabiyak ng iyong kaluluwa, nang dahil sa pagmamahal, sa pagnanais ng tao, at ang mas tumpak, dahil sa init ng ulo ng tao. Mali na igiit mong paniwalaan ito. Anuman ang iyong pinaniniwalaan noon, ano’t anuman, dapat baguhin mo na ngayon ang iyong direksiyon at tingnan kung ano ang tamang mga pag-iisip at saloobin ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Paano mo ito dapat harapin kapag ang iyong asawa ay hindi tapat? Hindi ka dapat makipag-away at manggulo, o mag-eskandalo at magwala. Dapat mong maunawaan na kapag nangyari ito, hindi bumabagsak ang langit, hindi rin nasisira ang iyong pangarap sa iyong destinasyon, siyempre, hindi rin ito nangangahulugan na kailangang matapos ang iyong buhay may-asawa at maghiwalay kayo, lalong hindi ito nangangahulugan na nabigo ang iyong buhay may-asawa o na ito ay nagwakas na. Sadya lamang na dahil ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon, at dahil ang mga tao ay naiimpluwensiyahan ng mga buktot na kalakaran at ng mga karaniwang pagsasagawa ng mundo at wala silang panangga para depensahan ang kanilang sarili laban sa mga buktot na kalakaran, hindi maiwasan ng mga tao na magkamali, maging hindi tapat, makiapid, at biguin ang kanilang kabiyak. Kung titingnan mo ang problemang ito mula sa perspektibang ito, hindi ito gaanong malaking isyu. Ang lahat ng mag-asawa ay naaapektuhan ng pangkalahatang kapaligiran ng mundo at ng mga buktot na kalakaran at mga karaniwang kaugalian ng lipunan. Dagdag pa rito, mula sa perspektiba ng isang indibidwal, ang mga tao ay mayroong mga seksuwal na pagnanasa, at sila ay naiimpluwensiyahan ng gayong mga penomena tulad ng pangangalunya ng mga lalaki at babae sa mga pelikula at mga drama sa telebisyon at ng pagkauso ng pornograpiya sa lipunan. Mahirap para sa mga tao na sumunod sa mga prinsipyong dapat nilang itaguyod. Sa madaling salita, mahirap para sa mga tao na mapanatili ang isang moral na pamantayan. Madaling masira ang mga hangganan ng seksuwal na pagnanasa; ang mismong seksuwal na pagnanasa ay hindi tiwali, ngunit dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, pati na rin ang katunayan na ang mga tao ay namumuhay sa ganitong uri ng pangkalahatang kapaligiran, madali silang nakakagawa ng mga pagkakamali pagdating sa mga relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae, at ito ay isang bagay na dapat malinaw mong maunawaan. Walang sino man na may tiwaling disposisyon ang makatitiis sa tukso o pang-aakit sa ganitong uri ng pangkalahatang kapaligiran. Ang seksuwal na pagnanasa ng tao ay maaaring lumitaw kahit anong oras at kahit saan, at ang mga tao ay maaaring makiapid kailanman at saanman. Ito ay hindi dahil mayroong problema sa seksuwal na pagnanasa mismo, sa halip, ito ay dahil mayroong mali sa mga tao mismo. Ginagamit ng mga tao ang kanilang mga seksuwal na pagnanasa upang gawin ang mga bagay na nagiging sanhi ng pagkawala ng kanilang moralidad, etika, at integridad, tulad ng pakikiapid, pakikipagrelasyon sa iba, pagkakaroon ng kabit, at iba pa. Kaya, bilang isang taong nananampalataya sa Diyos, kung mahaharap mo nang tama ang mga bagay na ito, dapat na pangasiwaan mo ang mga ito nang makatwiran. Ikaw ay isang tiwaling tao, at siya ay isa ring tiwaling tao, kaya hindi mo dapat igiit na tularan ka niya at manatili siyang tapat dahil lamang sa nagawa mong manatiling tapat sa inyong buhay may-asawa, hinihingi sa kanya na hindi siya dapat magtaksil kailanman. Kapag nangyari ang ganoong bagay, dapat mo itong harapin nang tama. Bakit? Ang lahat ay may oportunidad na humarap sa gayong kapaligiran o tukso. Maaari mong bantayan nang husto ang iyong asawa ngunit wala itong saysay, at kapag mas mahigpit mo siyang binabantayan, mas mabilis at mas maaga itong mangyayari. Ito ay dahil ang lahat ay mayroong mga tiwaling disposisyon, ang lahat ay namumuhay sa ganitong pangkalahatang kapaligiran ng isang buktot na lipunan, at kaunting-kaunti lang ang hindi malalandi. Napipigilan lang silang maging malandi dahil sa kanilang sitwasyon o mga kondisyon. Mas nakahihigit ang tao sa mga hayop sa iilang bagay lamang. Sa pinakamababa, ang hayop ay likas na sumusunod sa mga seksuwal na gawi nito, ngunit hindi ganoon ang mga tao. Ang mga tao ay may kakayahan na makipagtalik sa maraming tao at sa kanilang kadugo nang may kamalayan—tanging ang mga tao ang may kakayahang makipagtalik sa maraming tao. Kaya naman, sa pangkalahatang kapaligiran ng buktot na lipunang ito, hindi lamang ang mga hindi nananampalataya sa Diyos kundi ang halos lahat ng tao ay may kakayahan na gumawa ng gayong mga bagay. Ito ay isang katunayan na hindi mapapabulaanan, at hindi makakatakas ang isang tao mula sa problemang ito. Kaya, dahil maaaring mangyari ang ganitong bagay sa sinuman, bakit hindi mo pahintulutan na mangyari ito sa iyong mister? Ang totoo, napakanormal lamang na mangyari ito. Dahil lamang sa emosyonal na ugnayan mo sa kanya, kapag inabandona at iniwan ka niya, hindi mo ito magawang malampasan at hindi mo ito makayanan. Kung mangyari ang ganitong bagay sa ibang tao, mapapangiti ka na lang nang alanganin at sasabihing, “Normal lang iyan. Hindi ba’t ganito ang lahat sa lipunan?” Ano nga ba ang nilalaman ng kasabihang iyon? Iyong tungkol sa “pakikiapid”? (Pagtanggap na nakikiapid ang lalaki dahil itinataguyod naman nito ang pamilya.) Ang lahat ng ito ay mga popular na salita at bagay ng mga buktot na kalakaran ng mundo. Ito ay isang bagay na kapuri-puri sa isang lalaki. Kung hindi kayang itaguyod ng lalaki ang pamilya at hindi siya nakikiapid, ito ay nagpapakita na wala siyang kakayahan at tatawanan siya ng mga tao. Kaya kapag nangyari ang ganitong bagay sa isang babae, maaaring siya ay mag-eskandalo, umiyak, manggulo, at hindi kumain dahil sa nangyaring ito, at nanaisin niyang mamatay, magbigti, at magpakamatay. Ang ilang babae ay sobrang nagagalit hanggang sa nasisiraan na sila ng bait. Hindi namamalayan na may kaugnayan ito sa kanyang saloobin sa pag-aasawa, at siyempre, direkta rin itong may kaugnayan sa kanyang ideya na “ang kanyang asawa ang kanyang destinasyon.” Ang babae ay naniniwala na sa paghihiwalay nilang mag-asawa, sinira din ng kanyang asawa ang pagtitiwala at kahanga-hangang aspirasyon ng destinasyon ng kanyang buhay. Dahil ang kanyang mister ang unang sumira sa balanse ng kanilang buhay mag-asawa, ang unang hindi tumupad sa mga panuntunan, dahil ito ang nang-iwan sa kanya, lumabag sa mga sinumpaang pangako ng mag-asawa, at ginawang bangungot ang kanyang magandang pangarap, ito ang nagdudulot sa kanya na ipahayag ang kanyang sarili sa ganitong mga paraan at umasal nang labis-labis. Kung tatanggapin ng mga tao ang tamang pagkaunawa sa pag-aasawa mula sa Diyos, aasal sila nang medyo makatwiran. Kapag nangyari ang ganitong bagay sa kanila, ang normal na mga tao ay masasaktan, iiyak, at magdurusa. Ngunit kapag kumakalma na sila at naiisip nila ang mga salita ng Diyos, ang pangkalahatang kapaligiran sa lipunan, at pagkatapos ay naiisip nila ang aktuwal na sitwasyon, na ang lahat ay may mga tiwaling disposisyon, pangangasiwaan nila ang usapin nang makatwiran at tama, at bibitiwan nila ito sa halip na kumapit dito na tulad ng pagkapit ng isang aso sa isang buto. Ano ang ibig Kong sabihin sa “bibitiwan nila ito”? Ibig Kong sabihin, dahil nagawa ng iyong mister ang bagay na ito at hindi siya naging tapat sa inyong buhay mag-asawa, dapat mong tanggapin ang katunayang ito, umupo kayong dalawa at mag-usap, tanungin mo siya, “Ano ang mga plano mo? Ano na ang gagawin natin ngayon? Itutuloy ba natin ang ating pagsasama bilang mag-asawa o tatapusin na natin ito at mamumuhay na tayo nang magkahiwalay?” Maupo lang kayong dalawa at mag-usap; hindi na kailangang mag-away pa o magdulot ng gulo. Kung iginigiit ng iyong asawa na tapusin na ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, hindi iyon malaking isyu. Madalas na sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Maraming isda sa dagat,” “Ang mga lalaki ay tulad ng mga bus—laging may sunod na darating,” at ano iyong isa pang kasabihan? “Huwag isuko ang buong gubat para lamang sa iisang puno.” At maliban sa pangit ang punong ito, bulok na rin ang loob nito. Tama ba ang mga kasabihang ito? Ito ay mga bagay na ginagamit ng mga walang pananampalataya para ipanatag ang kanilang sarili, ngunit may kinalaman ba ang mga ito sa katotohanan? (Wala.) Kaya ano ang dapat na tamang pag-iisip at pananaw? Kapag naharap ka sa gayong pangyayari, una sa lahat ay hindi dapat uminit ang ulo mo, at dapat mong pigilan ang iyong galit at sabihin, “Kumalma tayo at mag-usap. Ano ang plano mong gawin?” Sinasabi niya, “Plano kong patuloy na sumubok kasama ka.” At pagkatapos ay sinasabi mo, “Kung gayon, patuloy tayong susubok. Huwag ka nang makiapid, gampanan mo ang iyong mga responsabilidad bilang mister, at maaari na nating tapusin ang usaping ito. Kung hindi mo magagawa iyon, maghiwalay na tayo at magkanya-kanya na. Maaaring inorden ng Diyos na dito na magtatapos ang ating buhay mag-asawa. Kung gayon nga, handa akong magpasakop sa Kanyang pagsasaayos. Maaari mong sundin ang malawak na daan, susundin ko naman ang landas ng pananalig sa Diyos, at hindi tayo makakaapekto sa isa’t isa. Hindi kita pakikialaman, at hindi mo ako dapat pigilan. Hindi ikaw ang magpapasya sa aking kapalaran at hindi ikaw ang aking destinasyon. Ang Diyos ang nagtatakda ng aking kapalaran at destinasyon. Kung saan ako makakarating sa buhay na ito ang huling paroroonan ko, at ito ang pagdating ng aking destinasyon—dapat akong magtanong sa Diyos, Siya ang nakakaalam, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan, at nais kong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Ano’t anuman, kung ayaw mong ituloy ang pagsasama natin bilang mag-asawa, maghihiwalay tayo nang payapa. Bagaman wala akong partikular na kasanayan at umaasa sa iyo ang pamilyang ito sa pinansiyal na aspekto, magagawa ko pa ring mabuhay nang wala ka, at mamumuhay ako nang maayos. Hindi hahayaan ng Diyos na magutom ang isang maya, kaya mas higit pa ang Kanyang gagawin para sa akin, na isang buhay na tao. Mayroon akong mga kamay at paa, kaya kong alagaan ang sarili ko. Hindi mo kailangang mag-alala. Kung inorden ng Diyos na magiging mag-isa ako habambuhay nang wala ka sa aking tabi, kung gayon ay handa akong magpasakop, at handa akong tanggapin ang katunayang ito nang walang reklamo.” Hindi ba’t magandang gawin ang ganito? (Oo.) Napakaganda nito, hindi ba? Hindi na kailangan pang magtalo at mag-away, lalong hindi na dapat pang magdulot ng walang katapusang gulo upang malaman ito ng lahat—hindi na kailangan pa ang anuman sa mga iyon. Personal na usapin ng mag-asawa ang kanilang buhay mag-asawa. Kung may alitan na lumitaw sa buhay mag-asawa, kailangan na kayong dalawa ang lumutas nito at magpasan sa mga kahihinatnan. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat kang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos anuman ang magiging resulta. Siyempre, pagdating sa pag-aasawa, kahit ano pa ang lumitaw na mga lamat o mga kahihinatnan, kung magpapatuloy man o hindi ang pagsasama ng mag-asawa, kung ikaw man ay tatahak sa isang bagong buhay sa loob ng iyong buhay may-asawa, o kung ang iyong buhay may-asawa ay magtatapos na roon, ang iyong pag-aasawa ay hindi ang iyong destinasyon, at ang iyong asawa ay hindi rin ang iyong destinasyon. Inorden lamang siya ng Diyos na lumitaw sa iyong buhay at sa iyong pag-iral upang gumanap ng isang papel ng pagsama sa iyo sa iyong landas sa buhay. Kung masasamahan ka niya hanggang sa dulo ng daan at mararating niya ang pinakadulo nang kasama ka, wala nang mas mainam pa sa roon, at dapat mong pasalamatan ang Diyos sa Kanyang biyaya. Kung may problema sa buhay mag-asawa, kung may mga lumilitaw man na lamat o may nangyayari na hindi mo gusto, at sa huli ay nagwawakas ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, hindi iyon nangangahulugan na wala ka nang destinasyon, na ang iyong buhay ngayon ay nasa kadiliman na, o na wala nang liwanag, at wala kang kinabukasan. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay ang simula ng isang mas magandang buhay. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos na ang mamamatnugot at magsasaayos nito. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay magbibigay sa iyo ng mas malalim na pagkaarok at pagpapahalaga sa pag-aasawa, at ng mas malalim na pagkaunawa. Siyempre, maaaring para sa iyo, ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay isang mahalagang oras ng pagbabago sa iyong mga layon at direksiyon sa buhay at sa landas na iyong tinatahak. Ang idudulot nito sa iyo ay hindi malulungkot na alaala, lalong hindi masasakit na alaala, ni hindi rin pawang mga negatibong karanasan at resulta, sa halip, idudulot nito sa iyo ang mga positibo at aktibong karanasan na hindi mo makakamit kung ikaw ay may asawa pa rin. Kung nagpatuloy ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, marahil ay palagi kang mamumuhay sa ganitong simple, karaniwan, at walang kulay na buhay hanggang sa katapusan ng iyong buhay. Gayunpaman, kung magtatapos ang iyong buhay may-asawa at kayo ay maghihiwalay, hindi ito isang masamang bagay. Ikaw ay dating napipigilan ng kaligayahan at mga responsabilidad ng iyong buhay may-asawa, pati na rin ng mga emosyon o paraan ng pamumuhay ng iyong pagmamalasakit para sa iyong asawa, ng iyong pag-aalaga sa kanya, pag-iisip sa kanya, pag-aaruga sa kanya, at pag-aalala sa kanya. Gayunpaman, simula sa araw na nagtapos ang iyong buhay may-asawa, lahat ng pangyayari sa iyong buhay, ang iyong mga layon sa pamumuhay at ang iyong mga paghahangad sa buhay ay sumasailalim sa isang masinsinan at ganap na pagbabago, at dapat sabihin na ang pagbabagong ito ay dahil sa pagtatapos ng iyong buhay may-asawa. Maaaring ang resulta, pagbabago, at transisyong ito ang nilalayon ng Diyos na makamit mo mula sa pag-aasawa na inorden Niya para sa iyo, at ang nilalayon ng Diyos na makamit mo sa paggabay sa iyo na wakasan na ang iyong buhay may-asawa. Bagamat nasaktan at nagdusa ka, at bagamat may mga ginawa kang mga sakripisyo at pakikipagkompromiso na hindi naman kailangan sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, ang iyong matatanggap sa huli ay hindi makakamit sa loob ng buhay may-asawa. Kaya, ano man ang sitwasyon, tama lang na bitiwan ang pag-iisip at pananaw na “ang pag-aasawa ang iyong destinasyon.” Kung ang iyong buhay may-asawa man ay nagpapatuloy o nahaharap sa isang krisis, o kung ang iyong buhay may-asawa ay nahaharap man sa hiwalayan o ito ay nagtapos na, ano man ang sitwasyon, ang pag-aasawa mismo ay hindi ang iyong destinasyon. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao.
Hindi dapat kimkimin ng mga tao ang kaisipan at pananaw na “ang pag-aasawa ang destinasyon ng isang tao.” Ang kaisipan at pananaw na ito ay isang malaking banta sa iyong kalayaan at sa iyong karapatan na pumili ng iyong landas sa buhay. Ano ang ibig Kong sabihin sa “banta”? Bakit Ko ginagamit ang salitang ito? Ibig Kong sabihin, sa tuwing nagdedesisyon ka, o sa tuwing ikaw ay may sinasabi o tinatanggap na anumang pananaw, kung ito ay may kinalaman sa kaligayahan mo sa pag-aasawa o sa integridad ng iyong pag-aasawa, o kung may kinalaman ito maging sa ideya na ang iyong kabiyak ang iyong destinasyon at ang iyong pangunahing tagasuporta, kung gayon, lubusan kang magagapos, at ikaw ay magiging sobrang mapagbantay at maingat. Nang hindi mo namamalayan, sa ganitong paraan, ang iyong malayang kalooban, ang iyong karapatang pumili ng iyong landas sa buhay, pati na rin ang iyong karapatan na hangarin ang mga positibong bagay at hangarin ang katotohanan, ay pawang magagapos at maaalis pa nga ng kaisipan at pananaw na ito, at kaya unti-unting dumadalang ang iyong pagharap sa Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag unti-unting dumadalang ang pagharap mo sa Diyos? Ang iyong pag-asa na makamit ang kaligtasan ay unti-unting mababawasan at ang mga sirkumstansiya sa iyong buhay ay magiging kaawa-awa, kahabag-habag, madilim, at walang dangal. Bakit ganoon? Ito ay dahil itinuon mo ang lahat ng iyong mga pag-asa, ekspektasyon, at layon at direksiyon sa buhay sa iyong kabiyak na kasama mo sa pag-aasawa, at itinuturing mo na siya ang lahat-lahat para sa iyo. Dahil sa mismong pagturing mo sa iyong kabiyak bilang ang lahat-lahat para sa iyo kaya ka niya tinatanggalan ng lahat ng iyong karapatan, ginugulo at hinaharangan niya ang iyong pananaw, inaalisan ka niya ng integridad at dignidad, ng iyong normal na pag-iisip at katwiran, at ipinagkakait niya sa iyo ang karapatan na manampalataya sa Diyos at sundin ang tamang landas sa buhay, ang karapatan na magtatag ng tamang pananaw, at ang karapatan na maghangad ng kaligtasan. Kasabay nito, ang mga karapatan mong ito ay pawang pinamamahalaan at kinokontrol ng iyong kabiyak, at kaya sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay namumuhay nang kaawa-awa, hindi marangal, at mababa. Sa sandaling ang kabiyak ng ganitong tao ay hindi masyadong nasisiyahan sa isang bagay o hindi komportable sa anumang paraan, nagsasabi pa nga na hindi maganda ang kutob nito, na labis silang natatakot na hindi na sila makakain o makatulog sa loob ng ilang araw at humaharap pa nga sila sa Diyos para manalangin habang umaagos ang kanilang mga luha—kailanman ay hindi pa sila nabagabag at nabalisa nang gayon sa anumang bagay sa buhay nila noon, talagang nag-aalala sila—sa sandaling mangyari ang ganitong bagay, parang sila ay mamamatay na. Bakit nga ba? Naniniwala sila na magkakaroon ng labis na pinsala, na mawawala na ang kanilang pangunahing tagasuporta, at na ang ibig sabihin nito ay katapusan na rin nila. Hindi sila naniniwala na ang buhay at kamatayan ng isang tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, at lubha silang natatakot na kukuhain sa kanila ng Diyos ang kanilang asawa, na idudulot ng Diyos na mawala sa kanila ang kanilang kabiyak, ang kanilang tagasuporta, ang kanilang kalangitan, at ang kanilang kaluluwa—ito ay pagiging mapaghimagsik. Ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang pag-aasawa, at kapag mayroon ka nang tagasuporta at kabiyak, nalilimutan mo ang lahat tungkol sa Diyos, ayaw mo na sa Kanya. Ang iyong kabiyak na ang iyong diyos, ang iyong panginoon, pati na rin ang iyong tagasuporta. Ito ay pagtataksil at ito ang pinakamapaghimagsik na pagkilos na maaaring gawin ng isang tao laban sa Diyos. May ilan pa nga na, kapag ang kanilang asawa ay medyo nagagalit o nagkakasakit, labis silang natatakot na hindi sila dumadalo sa mga pagtitipon nang maraming araw. Wala silang pinagsasabihan, ni hindi nila ipinapasa ang kanilang tungkulin para gawin ito ng iba, bigla na lamang silang nawawala na parang bula. Ang buhay at kamatayan ng kanilang asawa ang kanilang pinakapinag-aalala at ang kanilang pinakapinahahalagahan sa kanilang buhay, at wala nang mas mahalaga pa kaysa rito—ito ay mas mahalaga para sa kanila kaysa sa Diyos, sa atas ng Diyos, at sa kanilang tungkulin. Nawawala sa mga taong ito ang kanilang pagkakakilanlan, halaga, at kabuluhan na dapat mayroon ang mga nilikha sa harap ng Diyos, at nasusuklam sa kanila ang Diyos. Binigyan ka ng Diyos ng isang tahimik na buhay at ng isang kabiyak para lamang mamuhay ka nang mas maayos at mayroong mag-aalaga sa iyo, upang mayroon kang kapiling, hindi upang makalimutan mo ang Diyos at ang Kanyang mga salita o talikuran mo ang iyong obligasyon na gampanan ang iyong tungkulin at ang iyong layon sa buhay na hangarin ang kaligtasan kapag may asawa ka na, at pagkatapos ay mamumuhay ka para sa iyong asawa. Kung talagang kikilos ka nang ganito, kung talagang mamumuhay ka nang ganito, kung gayon ay umaasa Ako na magbabago ka ng landas sa lalong madaling panahon. Gaano man kahalaga sa iyo ang isang tao, o gaano man siya kahalaga sa iyong buhay, sa iyong pamumuhay, o sa landas ng iyong buhay, hindi siya ang iyong destinasyon dahil siya ay isa lamang tiwaling tao. Isinaayos ng Diyos ang iyong kasalukuyang asawa para sa iyo, at maaari kang mamuhay kasama siya. Kung magbago ang isip ng Diyos at isasaayos Niya ang ibang tao para sa iyo, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos, kaya naman, ang iyong kasalukuyang kabiyak ay hindi ang iyong natatangi, ni hindi siya ang iyong destinasyon. Tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang iyong destinasyon, at tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang destinasyon ng sangkatauhan. Maaari ka pa ring mabuhay kung iiwan mo ang iyong mga magulang, at siyempre, maaari ka pa ring mamuhay nang maayos kung iiwan mo ang iyong kabiyak. Ang iyong mga magulang at ang iyong kabiyak ay hindi ang iyong destinasyon. Dahil lamang sa mayroon kang kabiyak, mayroon kang mapagkakatiwalaan ng iyong espiritu, ng iyong kaluluwa, at ng iyong laman, huwag mong kalimutan ang mga pinakamahalagang bagay sa buhay. Kung makakalimutan mo ang Diyos, makakalimutan kung ano ang ipinagkatiwala Niya sa iyo, makakalimutan ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha, at makakalimutan kung ano ang iyong pagkakakilanlan, kung gayon ay ganap ka nang walang konsensiya at katwiran. Anuman ang sitwasyon ng iyong buhay ngayon, may asawa ka man o wala, hinding-hindi magbabago ang iyong pagkakakilanlan sa harap ng Lumikha. Walang sinuman ang maaaring maging destinasyon mo, at hindi mo rin maaaring ipagkatiwala ang iyong sarili sa sinuman. Tanging ang Diyos ang makapagbibigay sa iyo ng angkop na destinasyon, tanging sa Diyos lamang ipinagkakatiwala ang pag-iral ng sangkatauhan, at hindi na ito magbabago. Malinaw ba iyon? (Oo.)
Tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa pag-aasawa. Kung nais ninyong ipahayag ang inyong sariling mga ideya, pananaw, o sabihin ang inyong mga saloobin, mangyaring gawin na ninyo ito ngayon. (Dati, mayroon akong mga pananaw at kaisipang iyon na ang pag-aasawa ang destinasyon ng isang tao. Kung makikiapid ang aking asawa, magiging desperado ako at hindi ko kakayaning mabuhay pa. Narinig ko mula sa ilang kapatid na naranasan din nila ang ganito, at ang danasin ang ganitong bagay ay napakasakit. Ngunit ngayon, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos, kaya ko nang harapin nang tama ang bagay na ito. Una, binanggit ng Diyos na sa buktot na lipunang ito, maaaring maakit ang mga tao ng mga tao, pangyayari, at bagay ng mundo sa labas at napakadali nilang magkamali, kaya nauunawaan ko na ngayon ang ganitong bagay. Pangalawa, kailangan din nating harapin nang tama ang ating asawa. Ang ating asawa ay hindi ang ating destinasyon sa buhay. Tanging ang Diyos ang ating destinasyon, at tanging sa pagsandal sa Diyos tayo makakapagpatuloy sa buhay. Pakiramdam ko, may kaunti na akong bagong pagkaunawa tungkol dito ngayon.) Mahusay. Ang lahat ng pananaw at saloobin tungkol sa katotohanan na pinagbabahaginan natin ay naglalayong bigyang-kakayahan ang mga tao na iwaksi ang lahat ng uri ng baluktot, hindi tama, at negatibong kaisipan at pananaw; pagkatapos, pinagbabahaginan ang mga ito upang, kapag naharap ng mga tao ang gayong bagay, maaari silang mapatibay gamit ang tamang mga kaisipan at pananaw, maaari silang magkaroon ng tamang landas ng pagsasagawa, upang hindi sila malihis, at hindi na sila malihis at makontrol pa ni Satanas; pinagbabahaginan ang mga ito upang ang mga tao ay hindi gumawa ng mga labis-labis na bagay, upang makaya nilang tanggapin ang lahat ng bagay mula sa Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay, at maging tunay na mga nilikha. Ito ang tamang paraan. Sige, dito na natin tapusin ang ating pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!
Pebrero 4, 2023