Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 11 (Unang Bahagi)

Ano ang pinagbahaginan natin sa huling pagtitipon? Nagbahaginan tayo sa paksa ng “pagbitiw” tungkol sa pag-aasawa bilang bahagi ng “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan.” Ilang beses na rin tayong nagbahaginan tungkol sa pag-aasawa—ano ang pangunahin nating pinagbahaginan noong huli? (Nagbahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa at pagtutuwid sa ilang baluktot na ideya at pagkaunawa ng mga taong may-asawa tungkol sa pag-aasawa, pati na rin sa tamang pagharap sa seksuwal na pagnanasa. Sa pagtatapos, nagbahaginan tayo na ang paghahangad ng kasiyahan sa pag-aasawa ay hindi ang ating misyon.) Nagbahaginan tayo tungkol sa paksa ng “pagbitiw sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa,” kaya gaano karami ang inyong naunawaan, at gaano karami ang inyong natatandaan? Hindi ba’t pangunahin nating pinagbahaginan ang tungkol sa iba’t ibang di-makatotohanan, di-praktikal, pangbata at di-makatwirang opinyon at pagnanais ng mga tao tungkol sa pag-aasawa? (Oo.) Ang tamang pag-unawa at pag-intindi sa pag-aasawa at ang tamang pagharap sa pag-aasawa—ito ang saloobin na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa. Hindi dapat ituring ang pag-aasawa bilang isang laro, o bilang isang bagay na tutugon sa lahat ng pantasya at di-makatotohanang mga paghahangad. Ano ang kabilang sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa? May partikular na ugnayan ang mga pantasyang ito at ang iba’t ibang saloobin ng mga tao sa buhay at, ang pinakamahalaga, ang mga ito ay nauugnay sa iba’t ibang kasabihan, interpretasyon, at saloobin tungkol sa pag-aasawa na natatanggap ng mga tao mula sa mundo at lipunan. Ang mga kasabihan, interpretasyon, at saloobing ito ay samot-saring di-makatotohanan at maling mga kasabihan at pananaw mula sa lipunan at sa lahat ng tao sa sangkatauhan. Bakit kailangang bitiwan ng mga tao ang mga bagay na ito? Dahil ang mga bagay na ito ay nagmumula sa tiwaling sangkatauhan, dahil ang lahat ng ito ay iba’t ibang uri ng pananaw at saloobin tungkol sa pag-aasawa na lumitaw mula sa buktot na mundo, at ang mga pananaw at saloobing ito ay lubos na lumilihis mula sa tamang depinisyon at konsepto ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang konsepto at depinisyon ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa sangkatauhan ay mas nakatuon sa mga responsabilidad at obligasyon ng tao, pati na rin sa pagkatao, konsensiya, at katwiran na dapat katawanin ng mga tao sa buhay. Ang depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa ay pangunahing naghihikayat sa mga tao kung paano gampanan nang tama ang kanilang mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Kung ikaw ay walang asawa at hindi mo kailangang tumupad ng mga responsabilidad sa buhay may-asawa, kailangan mo pa ring magkaroon ng tamang pagkaunawa sa depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay na hinihikayat ng Diyos ang mga tao na maghanda na magpasan ng mga responsabilidad na kanilang dapat akuin sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ang pag-aasawa ay hindi isang laro, o parang mga batang naglalaro ng bahay-bahayan. Ang unang bagay na dapat malaman at na dapat maging konsepto ng isang tao ay na ang pag-aasawa ay isang tanda ng responsabilidad. Ang mas mahalaga pa ay ang ihanda ng isang tao ang kanyang sarili para sa mga responsabilidad na dapat matupad sa kanyang normal na pagkatao. At saan mas nakatuon ang mga konsepto, pagkaunawa, at kasabihan tungkol sa pag-aasawa na mula kay Satanas at mula sa buktot na mundo? Mas nakatuon ang mga ito sa paglalaro ng mga emosyon at seksuwal na pagnanasa, pagtugon sa mga pisikal na pagnanasa, at pagtugon sa kuryosidad ng laman ukol sa kabilang kasarian, pati na rin, siyempre, sa pagtugon sa banidad ng tao. Hindi kailanman nababanggit ng mga bagay na ito ang responsabilidad o pagkatao, lalo na kung paanong dapat pasanin ng mag-asawang inorden ng Diyos, ang lalaki at babae, ang kanilang mga responsabilidad, tuparin ang kanilang mga obligasyon, at gawin nang maayos ang lahat ng bagay na dapat gawin ng isang lalaki at isang babae, sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ang iba’t ibang interpretasyon, kasabihan, at saloobin sa pag-aasawa na iniindoktrina ng mundo sa mga tao ay mas nakatuon sa pagtugon sa emosyon at pagnanasa ng tao, sa pagtuklas sa emosyon at pagnanasa, at sa paghahangad sa emosyon at pagnanasa. Kaya, kung tatanggapin mo ang iba’t ibang kasabihan, pagkaunawa, o saloobing ito tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa lipunan, hindi mo maiiwasang maapektuhan ng mga buktot na ideyang ito. Sa mas tumpak na salita, hindi mo maiiwasan na maging tiwali dahil sa mga pananaw na ito tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa mundo. Kapag ikaw ay nagawang tiwali at naapektuhan ng mga ideya at pananaw na ito, hindi mo na maiiwasang makontrol ng mga ideyang ito, at kasabay nito, tatanggapin mo na rin ang maloko at mamanipula ng mga pananaw na ito katulad ng mga walang pananampalataya. Kapag tinanggap na ng mga walang pananampalataya ang mga ideya at pananaw na ito tungkol sa pag-aasawa, nagsasalita sila tungkol sa pag-ibig at sa pagtugon sa kanilang mga seksuwal na pagnanasa. Gayundin, kapag walang pag-aalinlangan mo nang tinanggap ang mga ideya at pananaw na ito, magsasalita ka rin tungkol sa pag-ibig at pagtugon sa iyong mga seksuwal na pagnanasa. Ito ay hindi maiiwasan at hindi mo ito matatakasan. Habang wala kang tamang depinisyon sa pag-aasawa, at walang tamang pagkaunawa at saloobin ukol sa pag-aasawa, natural mong tatanggapin ang lahat ng iba’t ibang pananaw at kasabihan tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa mundo, sa lipunan, at sa sangkatauhan. Hangga’t naririnig mo ang mga ito, hangga’t nakikita mo ang mga ito, hangga’t nalalaman mo ang mga ito, at hangga’t hindi mo malabanan ang mga ideyang ito, hindi mo mamamalayang maaapektuhan ka ng ganitong uri ng kalagayan sa lipunan, at hindi mo mamamalayan na tinatanggap mo na ang mga pananaw at kasabihang ito tungkol sa pag-aasawa. Kapag tinanggap mo ang mga bagay na ito sa loob mo, hindi maiiwasan na maaapektuhan ng mga ideya at pananaw na ito ang iyong saloobin sa pag-aasawa. Dahil hindi ka namumuhay nang hiwalay sa ibang tao, lubos na madali kang maapektuhan at makontrol pa nga ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa pag-aasawa na nagmumula sa mundo, sa lipunan, at sa sangkatauhan. Kapag nakontrol ka na ng mga ito, mahihirapan ka nang makawala sa mga ito, at hindi mo maiiwasang magpantasya tungkol sa kung ano ang dapat na mangyari kapag ikaw ay nag-asawa na.

Noong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa, at ang mga pantasyang ito ay nagmumula sa napakaraming maling pagkaunawa at pananaw ng buktot na sangkatauhan tungkol sa pag-aasawa. Ang mga pagkaunawa at pananaw na ito, sa partikular man o pangkalahatan, ay pawang mga bagay na dapat bitiwan ng isang taong naghahangad sa katotohanan. Una, dapat niyang bitiwan ang lahat ng iba’t ibang maling depinisyon at pagkaunawa tungkol sa pag-aasawa; pangalawa, dapat ay tama ang pagpili niya sa kanyang kabiyak; at pangatlo, dapat harapin nang tama ng mga may asawa na ang kanilang buhay may-asawa. Ang salitang “tama” rito ay tumutukoy sa saloobin at responsabilidad na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa, na siyang utos at tagubilin ng Diyos sa kanila. Dapat maunawaan ng mga tao na ang pag-aasawa ay hindi isang simbolo ng pag-ibig at na ang pagpasok sa pag-aasawa ay hindi pagpasok sa isang palasyo ng pag-aasawa, o kaya naman ay pagpasok sa isang puntod, lalong hindi ito isang kasuotang pangkasal, isang diyamanteng singsing, isang simbahan, ang panunumpa ng walang-hanggang pag-ibig, ang pagkain nang may kandila, romansa, o isang mundo ng dalawang tao—wala sa mga bagay na ito ang sumisimbolo sa pag-aasawa. Kaya, kapag nag-uusap tayo tungkol sa pag-aasawa, ang unang bagay na dapat mong gawin ay alisin ang mga pantasya tungkol sa pag-aasawa na itinanim sa iyong puso kasabay ng mga simbolo na lumilitaw mula sa iyong mga pantasya tungkol sa pag-aasawa. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa tamang interpretasyon ng pag-aasawa at pagsusuri sa iba’t ibang baluktot na ideya sa pag-aasawa na nagmumula sa buktot na mundo ni Satanas, hindi ba’t nagkakaroon kayo ng mas tumpak na pagkaunawa sa depinisyon ng pag-aasawa? (Oo.) Para naman sa mga walang asawa, hindi ba’t sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga ganitong bagay ay nararamdaman ninyong medyo mas may kumpiyansa kayo tungkol sa usapin ng pag-aasawa? At hindi ba’t nakakatulong ito na lumago ang inyong kabatiran? (Oo.) Sa anong aspekto lumalago ang inyong kabatiran? (Ang aking mga dating pantasya tungkol sa pag-aasawa ay naglalaman lamang ng mga bagay na walang katiyakan tulad ng mga bulaklak, diyamanteng singsing, kasuotang pangkasal, at panunumpa ng walang-hanggang pag-ibig. Ngayon, pagkatapos makinig sa pagbabahagi ng Diyos, nauunawaan ko nang ang pag-aasawa ay inorden pala ng Diyos, at na ito ay dalawang taong magkasama na kayang magpakita ng konsiderasyon sa isa’t isa, na mag-alaga sa isa’t isa, at managot para sa isa’t isa. Ito ay pagpapahalaga sa responsabilidad, at ang pananaw na ito sa pag-aasawa ay mas praktikal at hindi kasali rito ang mga bagay na walang katiyakan.) Lumago ang iyong kabatiran, hindi ba? Sa pangkalahatan, lumago ang iyong kabatiran. Pagdating sa maliliit na detalye, mayroon bang kaunting pagbabago sa mga pamantayan sa mga bagay na dati mong hinahangaan at kinahuhumalingan? (Mayroon nga.) Noon, palagi mong sinasabi na gusto mong makahanap ng isang matangkad, mayaman, gwapong lalaki, o isang maputi, mayaman, magandang babae; saan ka na nakatuon ngayon? Kahit papaano, nakatuon ka na sa pagkatao ng isang tao, at kung siya ba ay masasandalan at may pagpapahalaga sa responsabilidad. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang tao ay pipili ng kabiyak nang ayon sa direksiyon, layunin, at pamamaraang ito, mas malaki ba ang posibilidad na magiging masaya ang kanyang buhay may-asawa o na siya ay magiging malungkot at makikipagdiborsiyo? (Mas malaki ang posibilidad na siya ay magiging masaya.) Mas malaki ang posibilidad na siya ay magiging masaya. Bakit hindi natin sinasabi na ang ganitong uri ng pag-aasawa ay isandaang porsiyentong garantisadong magiging masaya? Gaano karami ang dahilan para dito? Sa pinakamababa, isa sa mga dahilan ay na maaaring magkamali ang mga tao at hindi nila makita nang malinaw ang isang tao bago nila ito pakasalan. Ang isa pang dahilan ay na bago sila magpakasal, maaaring napakaganda ng nasa imahinasyon ng isang tao tungkol sa pag-aasawa, iniisip niya na “Bagay ang aming mga personalidad at pareho kami ng mga hangarin. Nangako rin siya sa akin na handa siyang umako ng responsabilidad at tuparin ang kanyang mga obligasyon sa akin pagkatapos naming magpakasal, at na hinding-hindi niya ako bibiguin.” Subalit, pagkatapos nilang magpakasal, hindi lahat ng bagay sa buhay mag-asawa ay umaayon sa kanilang kagustuhan, at hindi lahat ng bagay ay maayos ang takbo. At saka, ang ilang tao ay nagmamahal sa katotohanan at sa mga positibong bagay, samantalang ang ibang tao ay mukhang hindi masama ang taglay na pagkatao, ngunit wala silang pagmamahal para sa mga positibong bagay at hindi nila hinahangad ang katotohanan. Kapag mag-asawa na sila at namumuhay sila nang magkasama, unti-unting naglalaho ang kaunti niyang pagpapahalaga sa responsabilidad o obligasyon na mayroon siya sa kanyang pagkatao, nagbabago siya sa paglipas ng panahon, at ipinapakita niya ang kanyang tunay na kulay. Sabihin mo sa Akin, kung ang isa sa mag-asawa ay naghahangad sa katotohanan at ang isa ay hindi, kung ikaw lamang ang naghahangad sa katotohanan at talagang hindi niya tinatanggap ang katotohanan, hanggang kailan mo siya matitiis? (Hindi gaanong matagal.) Maaaring labag-sa-loob mong titiisin ang ilang kagawian niya sa buhay o ang ilang maliit na kapintasan o pagkukulang sa kanyang pagkatao, ngunit habang tumatagal, hindi na kayo magkakaroon ng parehong wika o paghahangad. Hindi niya hinahangad ang katotohanan, ni hindi niya gusto ang mga positibong bagay, at palagi siyang mahilig sa mga bagay ng buktot na kalakaran ng mundo. Unti-unting nagiging mas madalang ang inyong pag-uusap, nagkakalayo na ang inyong mga inaasam, at ang kanyang pagnanais na tuparin ang kanyang mga responsabilidad ay naglalaho na. Masaya ba ang ganitong uri ng buhay mag-asawa? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin kung hindi ka masaya? (Kung hindi na kayang magpatuloy ng dalawang tao, dapat silang maghiwalay sa lalong madaling panahon.) Tama. Gaano katagal mula sa pagkakaroon ng ideyang ito sa simula hanggang sa sila ay maghiwalay? Sa simula, nagkakasundo nang maayos ang dalawang tao, at pagkaraan ng ilang panahon ng pagkakasundo, nagsisimula na silang magbangayan. Pagkatapos nilang magbangayan, nagkakabati sila, at kapag nagkabati na sila, nakikita ng babae na hindi nagbago ang lalaki, kaya siya ay nagtitiis, at pagkatapos ng ilang panahon ng pagtitiis, nagtatalo silang muli. Kapag umabot na sa sukdulan ang hidwaang ito, muling humuhupa ang mga bagay-bagay, at iniisip niya, “Hindi kami bagay sa isa’t isa at hindi ganito ang inakala kong mangyayari. Masakit ang pagsasama namin. Dapat na ba kaming magdiborsiyo? Pero sobrang naging mahirap para sa amin na umabot sa puntong ito at napakaraming beses na naming naghiwalay at nagkabalikan. Hindi ko siya dapat idiborsiyo nang ganoon-ganoon na lang. Dapat ko na lang itong tiisin. Ang mamuhay nang mag-isa ay hindi kailanman mas mainam kaysa sa dalawang taong namumuhay nang magkasama.” Kaya, nagtitiis siya sa loob ng isa o dalawang taon; habang mas tinitingnan niya ang kanyang asawa, mas lalong hindi na siya nasisiyahan, at habang mas tumatagal ito, mas lalo siyang nadidismaya. Hindi na siya masaya sa pagsasama nila, at mas lalong hindi na sila nagkakasundo kapag nag-uusap. Nakikita niya na lalong dumarami ang mga kasalanan ng kanyang asawa at mas lalo siyang nawawalan ng gana na pakisamahan at tiisin ito. Pagkatapos ng lima o anim na taon, hindi na niya ito kayang tiisin pa, sumabog na siya, at gusto niyang tuluyang makipaghiwalay sa kanyang asawa. Bago siya magpasyang tuluyan nang makipaghiwalay, kailangang pag-isipan niyang maigi ang buong bagay mula sa umpisa hanggang wakas at kailangang isipin niya nang malinaw at lubusan kung paano siya mamumuhay pagkatapos nilang magdiborsiyo. Pagkatapos pag-isipan nang maigi ang lahat ng ito, hindi siya makapagdesisyon, ngunit pagkatapos na pag-isipan ito nang ilang beses pa, may pag-aalinlangan siyang nagdedesisyong iwanan na ang kanyang asawa, iniisip na, “Makikipagdiborsiyo na ako sa kanya. Ang mamuhay nang payapa nang mag-isa ay mas mabuti pa kaysa sa ganito.” Palagi silang nagtatalo at hindi sila magkasundo. Ang dati niyang natitiis ay hindi na niya makayanan ngayon. Sumasama ang loob niya kapag nakikita ang kanyang asawa, nagagalit siya kapag naririnig itong magsalita, at sinisikmura at nasusuka na siya kahit marinig lang niya ang boses nito, makita ang hitsura nito, pananamit nito, at ang mga bagay na ginamit nito. Umabot na sa puntong hindi na niya makayanan at naging estranghero na sila sa isa’t isa at kailangan na niyang makipagdiborsiyo rito. Ano ang batayan na kailangan niyang idiborsiyo ang kanyang asawa? Masyado nang masakit ang pagsasama nila, at mas mainam ang mamuhay siya nang mag-isa. Kapag umabot na sa ganitong punto, hindi na siya mananatiling konektado sa kanyang asawa. Wala na siyang nararamdaman pa, pinag-isipan na niya ito nang mabuti at naiintindihan na niya: Mas mainam pang mamuhay nang mag-isa, tulad ng madalas na sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Kapag namumuhay ka nang mag-isa, hindi mo na kailangang alalahanin pa ang ibang tao.” Kung hindi, palagi pa niyang kakailanganing isipin ang kanyang asawa, mapapaisip siya kung, “Kumain na kaya siya? Maayos ba ang suot niya? Maayos ba ang tulog niya? Nakakapagod ba para sa kanya na magtrabaho sa labas ng tahanan? Minamaltrato ba siya? Kumusta kaya ang pakiramdam niya?” Palagi niyang kailangang mag-alala sa kanyang asawa. Pero ngayon, natatanto niya na mas payapa ang mamuhay nang mag-isa, nang walang ibang iniisip o iniintindi. Hindi karapat-dapat na magsakripisyo para sa gayong klase ng lalaki. Hindi ito karapat-dapat sa kanyang pag-aalala, hindi karapat-dapat sa kanyang pag-ibig, hindi karapat-dapat na panagutan niya, at talagang walang kaibig-ibig tungkol sa lalaking iyon. Sa huli, makikipagdiborsiyo siya, magwawakas ang kanilang pagiging mag-asawa, at hindi siya kailanman magbabalik-tanaw at magsisisi sa kanyang desisyon. May ganitong mga pagsasama ng mag-asawa, hindi ba? (Oo.) Mayroon ding mga pag-aasawa na nagaganap dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng mga dating kabutihan at mga hinanakit mula sa nakaraang buhay. Tulad ng ating natalakay noon, may mga taong nagsasama dahil may utang ang isa sa isa pa. Sa mag-asawa, maaaring may utang ang babae sa lalaki, o maaaring ang lalaki ang may utang sa babae. Sa nakaraang buhay, maaaring masyadong nagsamantala ang isang tao, maaaring masyadong malaki ang pagkakautang nito, at kaya sa buhay na ito, sila ay pinagsama para mabayaran ng taong iyon ang kanyang utang. Maraming ganitong buhay mag-asawa ang hindi masaya, pero hindi sila maaaring magdiborsiyo. Maaaring napipilitan silang magsama dahil may pamilya sila, o dahil sa kanilang mga anak, o sa iba pang kadahilanan, sa ano’t anuman, hindi sila magkasundo, palagi silang nag-aaway, palaging nagtatalo, at hindi talaga nagkakatugma ang kanilang mga personalidad, hilig, paghahangad, at mga libangan. Hindi nila gusto ang isa’t isa at parehong hindi na sila masaya sa kanilang pagsasama, ngunit hindi sila maaaring magdiborsiyo, kaya nananatili silang magkasama hanggang sa kamatayan. Kapag malapit na ang kamatayan, kinakailangan pa rin nilang insultuhin ang kanilang kabiyak at sabihing, “Ayaw ko nang makita ka sa susunod na buhay!” Sobra silang napopoot sa isa’t isa, hindi ba? Pero sa buhay na ito, hindi sila maaaring magdiborsiyo, at ito ay inorden ng Diyos. Ang lahat ng iba’t ibang uri ng buhay mag-asawang ito, ano man ang kaayusan o pinagmulan ng mga ito, may asawa ka man o wala, ano’t anuman, dapat palagi mong bitiwan ang iba’t ibang di-makatotohanan at inosenteng pantasyang mayroon ka tungkol sa pag-aasawa; dapat ay harapin mo nang tama ang pag-aasawa at hindi paglaruan ang mga emosyon at pagnanais ng mga tao, lalong huwag kang magpasilo sa mga maling pananaw sa pag-aasawa na iniindoktrina sa iyo ng lipunan, palaging pinagninilay-nilayan kung ano ang nararamdaman mo tungkol sa pag-aasawa: Mahal ka ba ng iyong kabiyak? Nararamdaman mo ba na mahal ka ng iyong kabiyak? Mahal mo pa ba ang iyong kabiyak? Gaano pa ba kalaki ang pagmamahal mo sa iyong kabiyak? May nararamdaman pa ba ang iyong kabiyak para sa iyo? May nararamdaman ka pa ba para sa iyong kabiyak? Hindi kinakailangang maramdaman o pagnilayan ang mga bagay na ito—lahat ito ay katawa-tawa at walang kabuluhang ideya. Habang mas pinagninilay-nilayan mo ang mga bagay na ito, mas lalo mong nararamdaman na nasa krisis ang iyong buhay may-asawa, at mas lalo kang nalulugmok sa ganitong mga kaisipan, mas pinatutunayan nito na nasilo ka na sa bitag ng pag-aasawa, at tiyak na hindi ka magiging masaya o makakaramdam ng anumang seguridad. Ito ay dahil kapag nalugmok ka sa mga ideya, pananaw, at kaisipang ito, ang iyong buhay may-asawa ay nagkakadepekto, ang iyong pagkatao ay nagiging baluktot, at ikaw ay ganap ding nakokontrol at nagagapos ng iba’t ibang ideya at pananaw tungkol sa pag-aasawa na mula sa lipunan. Kaya, tungkol sa iba’t ibang pananaw at kasabihan sa pag-aasawa na nagmumula sa lipunan at sa buktot na sangkatauhan, kailangan mong makilatis nang tumpak ang mga ito, at dapat mo ring tanggihan ang mga pananaw at kasabihang ito. Hindi mahalaga kung ano ang sinasabi ng ibang tao o kung paano nagbabago ang kanilang kasabihan tungkol sa pag-aasawa, sa huli, hindi dapat iwaksi ng mga tao ang depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa, ni hindi dapat maapektuhan o mabulag ang mga tao sa mga buktot na pananaw ng mundo tungkol sa pag-aasawa. Sa madaling salita, ang pag-aasawa ay ang simula ng ibang yugto ng buhay ng isang tao mula sa pagiging binata o dalaga patungo sa pagiging nasa hustong gulang na. Ibig sabihin, kapag nasa hustong gulang ka na, pumapasok ka sa ibang yugto ng buhay, at sa yugtong ito ng buhay, pumapasok ka sa pag-aasawa at mamumuhay kasama ang isang taong hindi mo kadugo. Mula sa araw na magsimula kang mamuhay kasama ang taong iyon, nangangahulugan ito na bilang isang misis o mister, kailangan mong pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon ng lahat ng bagay sa buhay ng mag-asawa at, higit pa roon, kailangan ninyong harapin ang lahat ng bagay ng buhay mag-asawa nang magkasama. Ibig sabihin, ang pag-aasawa ay nangangahulugan na iniwan ng isang tao ang kanyang mga magulang, na nagpaalam siya sa buhay ng pagiging solo, at na pumasok siya sa buhay ng pandalawang tao. Ito ang yugto kung saan magkasamang hinaharap ng dalawang tao ang buhay. Ang yugtong ito ay nangangahulugang papasok ka rin sa ibang yugto ng buhay, pati na rin, siyempre, na mahaharap ka sa lahat ng pagsubok ng buhay. Kung paano mo pangangasiwaan ang buhay sa loob ng balangkas ng pag-aasawa at kung paano ninyo haharapin ng iyong kabiyak ang lahat ng bagay na sasapit sa inyo sa loob ng pag-aasawa ay maaaring mga pagsubok para sa iyo, o ang mga bagay na ito ay maaaring pagpeperpekto sa iyo, o ang mga ito ay maaaring mga sakuna. Ngunit siyempre, ang mga ito ay maaari ding mga pinagmulan ng higit pang karanasan sa buhay; ang mga ito ay maaaring magbigay sa iyo ng mas malalim na pagkaunawa at pagpapahalaga sa buhay, tama ba? (Tama.) Dito na natin tatapusin ang ating pagbabalik-aral sa paksa ng pagkakaroon ng tamang pagkaunawa sa pag-aasawa at sa iba’t ibang pantasya tungkol sa pag-aasawa.

Nagbahaginan tayo tungkol sa isa pang paksa noong huli—ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi ang iyong misyon. Ano ang binigyang-diin natin habang nagbabahaginan sa paksang ito? (Ito ay na hindi natin dapat ipagkatiwala sa ating kabiyak ang kaligayahan natin sa buhay, at hindi tayo dapat gumawa ng mga bagay na nagpapalugod sa ating kabiyak para lamang maakit natin sila o maprotektahan ang diumano’y pag-iibigan natin. Hindi natin dapat kalimutan na tayo ay mga nilikha at na ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat nating tuparin sa pag-aasawa ay hindi sumasalungat sa mga tungkulin at responsabilidad na dapat nating tuparin bilang mga nilikha.) Iniaasa ng maraming tao ang kanilang kaligayahan sa buhay sa pag-aasawa, at ang kanilang layon sa paghahangad ng kaligayahan ay ang paghahangad ng kaligayahan at pagiging perpekto ng buhay may-asawa. Naniniwala sila na kung masaya ang kanilang buhay may-asawa at kung masaya sila sa kanilang kabiyak, mamumuhay sila nang masaya. Kaya, itinuturing nila ang kaligayahan ng kanilang buhay may-asawa bilang isang panghabambuhay na misyon na dapat makamit sa pamamagitan ng walang humpay na pagsusumikap. Dahil dito, kapag pumasok sila sa pag-aasawa, maraming tao ang pumipiga ng kanilang utak sa kakaisip ng iba’t ibang paraan upang mapanatiling “sariwa” ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Ano ang ibig sabihin ng “sariwa”? Ito ay nangangahulugan, gaya nga ng sabi nila, na kahit gaano katagal na silang mag-asawa, palaging nararamdaman ng dalawang tao na sila ay magkadikit at hindi maaaring maghiwalay kailanman, katulad lamang noong bago pa lang sila naging magkarelasyon, at gusto nilang palagi silang magkadikit at na hindi maghiwalay kailanman. Bukod dito, saanman sila naroroon at sa lahat ng oras, palagi nilang naiisip ang kanilang kabiyak at nangungulila rito, at ang kanilang puso ay puno ng boses, ngiti, pananalita, at kilos ng kanilang kabiyak. Kung hindi nila naririnig ang boses ng kanilang kabiyak sa loob ng isang araw, labis na nalulumbay ang kanilang puso, at kung hindi nila nakikita ang kanilang kabiyak sa loob ng isang araw, para bang nawalan na sila ng kaluluwa. Sa palagay nila, ito ang mga simbolo at tanda ng kaligayahan sa pag-aasawa. Kaya, ang ilang tinaguriang maybahay ay nananatili sa bahay at iniisip nilang ang paghihintay sa kanilang mister na makauwi ay ang pinakamasayang bagay. Kung hindi umuuwi sa tamang oras ang kanilang mister, tinatawagan nila ito, at ano ang unang tanong na lumalabas sa kanilang bibig? (Anong oras ka uuwi?) Mukhang madalas ninyo itong naririnig—ang tanong na ito ay malalim na nakaugat sa puso ng karamihan. Ang unang tanong ay “Anong oras ka uuwi?” Pagkatapos itanong ito, nakatanggap man sila ng tumpak na sagot o hindi, ano’t anuman, nabubunyag ang pagiging tuliro ng isang babaeng may masayang buhay may-asawa. Ito ay isang normal na kalagayan sa buhay ng mga taong naghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa. Tahimik silang naghihintay sa bahay sa pag-uwi ng kanilang kabiyak mula sa trabaho. Kung lalabas sila, hindi sila nangangahas na pumunta sa malayo o magtagal sa labas, natatakot silang madaratnan ng kanilang kabiyak ang bahay nila na walang tao, at na ito ay labis na masasaktan, madidismaya, at sasama ang loob. Ang mga taong ito ay puno ng pag-asa at pananalig sa kanilang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, at hindi sila nag-aatubiling magbayad ng anumang halaga o gumawa ng anumang pagbabago. May ilan pa nga na patuloy na naghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, gaya lang ng kanilang ginagawa noon, kahit pagkatapos nilang sumampalataya sa Diyos, naghahangad silang mahalin ang kanilang kabiyak at palagi nilang tinatanong ang kanilang kabiyak kung mahal ba sila nito. Kaya, sa mga pagtitipon, maaaring iisipin ng isang babae na, “Nakauwi na kaya ang asawa ko? Kung nakauwi na siya, nakakain na kaya siya? Pagod kaya siya? Nandito pa ako sa pagtitipon na ito at medyo hindi ako mapalagay. Medyo nararamdaman ko na napabayaan ko siya.” Pagdalo niya sa susunod na pagtitipon, itatanong niya sa kanyang asawa, “Anong oras ka kaya makakauwi? Kapag nasa pagtitipon pa ako pagkauwi mo, hindi ka ba malulungkot?” Sasagot ang kanyang asawa, “Paanong hindi ako malulungkot? Walang tao sa bahay at nag-iisa lang ako. Karaniwan ay palagi tayong magkasama rito, at ngayon, bigla na lang akong mag-isa rito. Bakit ba kailangan mong palaging dumalo sa mga pagtitipon? Pwede ka namang dumalo sa mga iyon, pero maganda sana kung mas maaga kang makakauwi kaysa sa akin!” Nararamdaman niya sa kanyang puso, “Hindi naman malaki ang hinihiling niya sa akin, kailangan ko lang na maunahan siya sa pag-uwi.” Sa susunod na pagtitipon, palagi siyang tumitingin sa orasan, at kapag nakikita niyang malapit nang umuwi ang kanyang asawa mula sa trabaho, hindi na siya mapakali at sinasabi niya na, “Magpatuloy lang kayo, may kailangan akong asikasuhin sa bahay kaya aalis na ako.” Nagmamadali siyang umuwi at iniisip niya, “Buti na lang, hindi pa nakauwi ang asawa ko! Magmamadali akong magluto at mag-ayos ng bahay para pagkauwi niya, makikita niyang malinis ito, maaamoy niya ang pagkain, at malalaman niyang may tao rito. Maganda na magkakasama kami kapag oras na ng kainan! Bagaman nabawasan ang oras ko sa pagtitipon at mas kaunti ang napakinggan at nakamit ko, magandang bagay pa rin na nakauwi ako bago bumalik ang asawa ko at mahahainan ko siya ng mainit na pagkain, at ito ay pangunahing mahalaga sa pagpapanatili ng kaligayahan sa pag-aasawa.” Pagkatapos ay madalas na niya itong ginagawa sa mga pagtitipon, pero minsan ay natatagalan ang pagtitipon, at pagkauwi niya ng bahay, naroroon na ang kanyang asawa. Medyo hindi ito natutuwa at nasisiyahan sa kanya, at nagrereklamo ito, “Hindi ba pwedeng lumiban ka sa kahit isang pagtitipon lang? Hindi mo ba alam kung ano ang nararamdaman ko kapag wala ka sa bahay, at umuuwi ako at hindi kita nakikita rito? Naiinis ako!” Naaantig siya nang husto pagkarinig nito at iniisip niya, “Ang ibig niya talagang sabihin dito ay na talagang iniibig niya ako at hindi siya mabubuhay nang wala ako. Naiinis siya kapag nakikita niyang wala ako rito. Napakasaya ko! Bagaman medyo galit ang tono niya, nararamdaman ko pa rin ang pagmamahal niya sa akin. Kailangan kong mag-ingat sa susunod at kahit gaano pa kahaba ang pagtitipon, dapat akong umuwi nang maaga. Hindi ko pwedeng biguin ang kanyang pagmamahal para sa akin. Hindi mahalaga kung medyo kaunti lang ang nakakamit ko at kung medyo kaunti lang ang napapakinggan kong mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon.” Mula noon, kapag dumadalo siya sa mga pagtitipon, ang tanging naiisip niya ay ang makauwi na sa bahay para maging karapat-dapat sa pagmamahal ng kanyang asawa at para mapanatili ang kaligayahan na kanyang hinahangad sa buhay may-asawa. Medyo may palagay siya na kung hindi siya makakauwi nang maaga, bibiguin niya ang pagmamahal sa kanya ng kanyang asawa, at kung patuloy niya itong bibiguin nang ganoon, iniisip niya na baka maghanap ito ng iba at hindi na siya iibigin nito nang gaya ng dati. Naniniwala siya na palaging isang kaligayahan ang umibig at ang ibigin, at na ang pagpapanatili sa relasyong ito ng pag-iibigan ay ang kanyang hinahangad sa buhay, isang bagay na determinado siyang hangarin, kaya iyon ang ginagawa niya nang walang pag-aatubili o pag-aalinlangan. May ilang tao pa nga na, kapag umaalis at gumaganap ng kanilang tungkulin sa labas ng bahay, ay madalas nagsasabi sa kanilang lider, “Hindi ako pwedeng magpalipas nang magdamag nang wala sa bahay. May asawa ako, kaya kung hindi ako uuwi, malulungkot ang asawa ko. Sasama ang loob niya kung wala ako roon kapag nagising siya sa gabi. Masasaktan siya kapag wala ako roon pagdilat niya ng kanyang mga mata sa umaga. Kung madalas akong hindi uuwi, hindi ba’t pagdududahan ng asawa ko ang aking katapatan at kalinisan ng konsensiya? Nang magpakasal kami, nagkasundo kami na maging tapat sa isa’t isa. Anuman ang mangyari, kailangan kong tuparin ang aking pangako. Gusto kong maging karapat-dapat sa kanya, dahil wala nang ibang nagmamahal sa akin nang ganito sa mundong ito. Kaya, upang mapatunayan na malinis ang aking konsensiya at na ganap akong tapat sa kanya, hindi talaga pwedeng wala ako sa bahay buong magdamag. Kahit gaano pa kaabala ang gawain ng iglesia o kahit gaano pa kaapurahan ang aking tungkulin, kailangan kong umuwi kahit dis-oras na ng gabi.” Sinasabi niya na ito ay para mapanatili ang kanyang kalinisan ng konsensiya at katapatan, ngunit ito ay isang pormalidad lamang, mga salita lamang, samantalang ang totoo ay natatakot lang siyang maging malungkot at na maghiwalay silang mag-asawa. Mas gugustuhin niyang mawala ang kanyang tungkulin at talikdan ang tungkuling dapat niyang gampanan upang mapanatili ang kanyang kaligayahan sa pag-aasawa, na para bang ang kaligayahan sa pag-aasawa ang kanyang motibasyon at ang pinagmumulan ng lahat ng kanyang ginagawa. Kung walang masayang buhay may-asawa, hindi niya magagampanan ang tungkulin ng isang nilikha; kung walang masayang buhay may-asawa, hindi niya magagawang maging isang mabuting nilikha. Itinuturing niya ang hindi pagbigo sa pag-ibig sa kanya ng kanyang asawa at ang manatiling iniibig nito bilang mga tanda ng kaligayahan sa pag-aasawa at ang mga layon sa buhay na dapat niyang hangarin. Kapag isang araw ay nararamdaman niya na hindi na siya masyadong iniibig ng kanyang asawa o may nagawa siyang mali at binigo niya ang pag-ibig sa kanya ng kanyang asawa, na nagiging dismayado ang kanyang asawa sa kanya at hindi ito natutuwa sa kanya, mararamdaman niya na parang mawawalan siya ng katinuan, hindi na siya dadalo sa mga pagtitipon o magbabasa ng mga salita ng Diyos, at kahit na kapag kailangan ng iglesia na gumanap siya ng ilang tungkulin, kung ano-ano ang kanyang idadahilan para makatanggi. Halimbawa, sasabihin niya na masama ang pakiramdam niya o na mayroong apurahang isyu sa bahay, at gagamit pa nga siya ng mga walang kabuluhan at mabababaw na palusot para makaiwas sa pagganap ng tungkulin. Itinuturing ng mga taong ito ang kaligayahan sa pag-aasawa bilang labis na mahalaga sa buhay. Ibinibigay pa nga ng ilang tao ang lahat ng kanilang makakaya upang mapanatili ang kaligayahan sa kanilang buhay may-asawa, at hindi sila nag-aatubiling magbayad ng anumang halaga para itali ang puso ng kanilang asawa at kumapit rito upang palagi silang iibigin ng kanilang asawa, nang hindi kailanman nawawala ang pagmamahal na mayroon sila noong bagong kasal sila, at hindi kailanman nawawala ang nararamdaman nila tungkol sa pag-aasawa sa simula pa lang. May ilang babae pa nga na nagsasakripisyo pa nang mas malaki: May ilang nagpapatangos ng kanilang ilong, may ilang nagpapabago ng hugis ng kanilang baba, at may ilang nagpapalaki ng kanilang dibdib at nagpapatanggal ng taba, tinitiis nila ang anumang sakit. May ilang babae pa ngang nag-iisip na masyadong mataba ang kanilang mga binti, kaya nagpapa-opera sila para mapapayat ang kanilang mga binti, at sa huli ay napipinsala ang kanilang mga nerve at hindi na sila makatayo. Kapag nakikita ito ng mister ng ganitong babae, sinasabi nito, “Mataba ang binti mo noon, pero normal na tao ka pa rin naman noon. Ngayon ay hindi ka na makatayo, at wala ka nang silbi. Gusto ko nang makipagdiborsiyo!” Kita mo, nagbayad siya ng gayon kalaking halaga at ito ang kanyang napala sa huli. May ilang babae rin na nagbibihis nang maganda araw-araw, na nagpapabango at nagpupulbo ng kanilang mukha. Naglalagay sila ng iba’t ibang uri ng kolorete sa mukha tulad ng lipstick, blusher, at eye shadow para manatili silang mukhang bata at maganda upang maging kaakit-akit sila sa kanilang kabiyak at upang ibigin sila ng kanilang kabiyak gaya noong una. Gayundin, marami ring isinasakripisyo ang mga lalaki para sa kaligayahan sa pag-aasawa. May isang tao na sinabihan ng, “Kilala ka ng maraming tao bilang isang mananampalataya sa Diyos. Napakaraming tao rito ang nakakakilala sa iyo, kaya nanganganib kang maisumbong at maaresto, kaya kailangan mong umalis dito at gampanan ang iyong tungkulin sa ibang lugar.” Pagkatapos ay nababagabag siya at iniisip niya, “Pero kung aalis ako, ibig sabihin ba ay katapusan na ng aking buhay may-asawa? Magsisimula na ba itong gumuho ngayon? Kung aalis ako sa bahay, maghahanap ba ng iba ang aking asawa? Maghihiwalay na ba kami simula ngayon? Hindi na ba kami muling magkakasama?” Nalulungkot siya habang iniisip ang mga bagay na ito, at kaya nagsisimula siyang makipagtawaran, sinasabi niya, “Pwede ba akong manatili? Ayos lang kahit isang beses lang akong umuwi sa isang linggo—kailangan kong alagaan ang pamilya ko!” Ang totoo, hindi talaga niya iniisip ang pag-aalaga sa kanyang pamilya. Natatakot siya na makakahanap ng iba ang kanyang asawa at na hindi na siya magkakaroon ng anumang kaligayahan sa pag-aasawa. Ang kanyang puso ay puno ng pangamba at takot, ayaw niyang mawala at maglaho nang ganito ang kaligayahan sa kanyang pag-aasawa. Sa puso ng gayong mga tao, ang kasiyahan sa pag-aasawa ay mas mahalaga kaysa anupaman, at kung wala ito, pakiramdam nila ay para bang ganap silang walang kaluluwa. Naniniwala sila na “Ang pag-ibig ang pinakamahalagang bagay sa isang masayang buhay mag-asawa. Kaya lamang masaya ang aming pagsasama at kaya lang kami nagtagal nang ganito ay dahil iniibig ko ang aking asawa at iniibig din niya ako. Kung mawawala sa akin ang pag-ibig na ito at magwawakas ang pagmamahalan na ito dahil sa pananampalataya ko sa Diyos at pagganap ko sa aking tungkulin, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay tapos na at naglaho na ang aking kaligayahan sa pag-aasawa, at na hindi ko na muling matatamasa ang kaligayahan na ito sa pag-aasawa? Kung wala ang kaligayahan sa pag-aasawa, ano ang mangyayari sa amin? Ano ang magiging buhay ng aking misis kung wala ang pag-ibig ko? Ano ang mangyayari sa akin kung mawawala sa akin ang pagmamahal ng aking misis? Mapupunan ba ng pagganap sa tungkulin ng isang nilikha at ng pagsasakatuparan sa misyon ng tao sa harap ng Diyos ang kawalan na ito?” Hindi nila alam, wala silang kasagutan, at hindi nila nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Kaya, kapag hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga taong lubos na naghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa na lisanin ng mga ito ang kanilang tahanan at pumunta sa malayong lugar upang ipalaganap ang ebanghelyo at gampanan ang kanilang tungkulin, madalas ay nadidismaya ang mga ito, pakiramdam ng mga ito ay wala silang magawa, at nababagabag ang mga ito sa katunayan na maaaring malapit nang mawala sa kanila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa. May ilang tao na tumatalikod o tumatangging gampanan ang kanilang mga tungkulin upang mapanatili nila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, at may ilan pa nga na tumatanggi sa mahahalagang pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Mayroon ding ilan na madalas na inaalam ang damdamin ng kanilang asawa upang mapanatili ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa. Kapag nakakaramdam ng bahagyang pagkainis ang kanilang asawa sa kanilang pananampalataya o kahit bahagya lang nitong ipinapakita na hindi ito natutuwa o nasisiyahan sa kanilang pananampalataya, sa landas ng pananampalataya sa Diyos na kanilang tinatahak, at sa kanilang pagganap ng tungkulin, agad silang nagbabago ng direksiyon at nakikipagkompromiso. Para mapanatili ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, madalas silang nakikipagkompromiso sa kanilang asawa, kahit pa mangahulugan ito ng pagsuko sa mga oportunidad na magampanan ang kanilang tungkulin, at pagsuko sa oras na para sa mga pagtitipon, sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pagsasakatuparan ng mga espirituwal na debosyon, para lang maipakita sa kanilang asawa na sinasamahan nila ito, para hindi maramdaman ng kanilang asawa na nag-iisa ito at nalulumbay, at para maipadama nila sa kanilang asawa ang kanilang pagmamahal; mas gugustuhin pa nilang gawin ito kaysa mawala ang pagmamahal ng kanilang asawa o mawalay sa pagmamahal nito. Ito ay dahil nararamdaman nila na, kung isusuko nila ang pag-ibig ng kanilang asawa alang-alang sa kanilang pananampalataya o sa landas ng pananampalataya sa Diyos na kanilang tinatahak, ibig sabihin nito ay tinalikdan na nila ang kanilang kaligayahan sa pag-aasawa at hindi na nila ito mararamdaman, at sila ay magiging isang taong nag-iisa, kaawa-awa, at kahabag-habag. Ano ang ibig sabihin ng pagiging kaawa-awa at kahabag-habag? Ang ibig sabihin nito ay isang taong walang pag-ibig o pagmamahal ng iba. Bagaman nauunawan ng mga taong ito ang ilang doktrina at ang kahalagahan ng pagsasagawa ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagliligtas, at siyempre, nauunawaan nila na bilang isang nilikha ay dapat nilang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, dahil ipinagkakatiwala nila sa kanilang asawa ang kanilang sariling kaligayahan at siyempre, iniaasa rin nila ang kanilang sariling kaligayahan sa kanilang kaligayahan sa pag-aasawa, bagaman nauunawaan at alam nila ang kanilang dapat gawin, hindi pa rin nila kayang bitiwan ang kanilang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa. Mali nilang itinuturing ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang ang misyon na dapat nilang hangarin sa buhay na ito, at mali nilang itinuturing ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang ang misyon na dapat hangarin at isakatuparan ng isang nilikha. Hindi ba’t ito ay isang pagkakamali? (Oo, ito ay isang pagkakamali.)

Ano ang mali sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa? Ito ba ay naaayon sa depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa at sa ipinagkakatiwala niya sa mga may asawa? (Hindi.) Ano ang mali rito? Sinasabi ng ilang tao, “Sinabi ng Diyos na hindi maganda para sa isang lalaki na mamuhay nang mag-isa, kaya nilikha Niya ang isang asawa para sa lalaki, at sinasamahan ng asawang ito ang lalaki. Hindi ba’t iyon ang depinisyon ng Diyos sa pag-aasawa? Hindi ba’t parte ito ng paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa? Ang dalawang taong nagsasama at gumagampan sa mga responsabilidad sa isa’t isa—ano ang mali roon?” May pagkakaiba ba sa paggampan sa mga responsabilidad sa loob ng balangkas ng pag-aasawa at sa walang pag-aalinlangan na pagturing sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang misyon ng isang tao? (Oo, mayroon.) Ano ang problema rito? (Itinuturing nila ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa bilang ang kanilang pinakamahalagang misyon, samantalang ang totoo, ang pinakamalaking responsabilidad ng nabubuhay na tao ay ang gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha sa harap ng Lumikha. Nagkamali sila ng pagkaunawa sa layon na dapat hangarin sa buhay.) May gusto pa bang magsalita tungkol dito? (Kapag hindi maharap nang tama ng isang tao ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat niyang tuparin sa buhay may-asawa, gugugulin niya ang kanyang oras at enerhiya sa pagpapanatili ng kanyang buhay may-asawa. Gayunpaman, ang tamang pagharap sa mga responsabilidad ng pag-aasawa ay, una sa lahat, ang huwag kalimutan na ang isang tao ay isang nilikha at na dapat niyang gugulin ang karamihan ng kanyang oras sa paggampan ng kanyang tungkulin at pagsasakatuparan ng ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos at ng misyon na ibinibigay sa kanya ng Diyos. Pagkatapos ay dapat niyang tuparin ang kanyang mga responsabilidad at obligasyon sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ang dalawang bagay na ito ay magkaiba.) Ang paghahangad ba ng kaligayahan sa pag-aasawa ang layon na dapat hangarin ng mga tao sa buhay kapag sila ay may asawa na? May kinalaman ba ito sa pag-aasawa na inorden ng Diyos? (Wala.) Ipinagkaloob ng Diyos ang pag-aasawa sa tao, at ipinagkaloob Niya sa inyo ang isang kapaligiran kung saan maaari mong tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon ng isang lalaki o babae sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa, na ibig sabihin ay ipinagkaloob Niya sa iyo ang isang kabiyak. Sasamahan ka ng kabiyak na ito hanggang sa katapusan ng buhay na ito at sasamahan ka sa bawat yugto ng buhay. Ano ang ibig Kong sabihin sa “sasamahan”? Ibig Kong sabihin ay tutulungan at aalagaan ka ng iyong kabiyak, makakasalo mo siya sa lahat ng bagay na iyong makakaharap sa buhay. Ibig sabihin, gaano man karaming bagay ang kakaharapin mo, hindi mo na haharapin ang mga ito nang mag-isa, sa halip, dalawa kayong magkasama na haharap sa mga ito. Nagiging medyo mas madali at panatag ang buhay sa pamamagitan ng pamumuhay sa ganitong paraan, kung saan parehong ginagawa ng bawat isa ang nararapat nilang gawin, pareho nilang ginagamit ang kanilang mga kasanayan at kalakasan, at sinisimulan ang kanilang buhay. Ganoon lang ito kasimple. Gayunpaman, hindi kailanman iginiit ng Diyos sa mga tao na, “Pinagkalooban kita ng pag-aasawa. May asawa ka na ngayon kaya talagang dapat mong mahalin ang iyong kabiyak hanggang sa huli, at palagi mo siyang purihin—ito ang iyong misyon.” Ipinagkaloob ng Diyos sa iyo ang pag-aasawa, ipinagkaloob sa iyo ang isang kabiyak, at ipinagkaloob sa iyo ang naiibang kapaligiran ng pamumuhay. Sa loob ng ganitong uri ng kapaligiran at sitwasyon ng pamumuhay, ang Diyos ay nagbibigay-daan na makibahagi ang iyong kabiyak sa lahat ng bagay at na harapin ninyo ang lahat nang magkasama, upang makapamuhay ka nang mas malaya at madali, habang tinutulutan kang makita ang kahalagahan ng ibang yugto ng buhay. Gayunpaman, hindi ka ipinagkanulo ng Diyos sa pag-aasawa. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Kong sabihin, hindi binawi ng Diyos ang iyong buhay, kapalaran, misyon, ang landas na iyong tinatahak sa buhay, ang direksiyon na iyong pinipili sa buhay, at ang uri ng pananalig na mayroon ka at hindi Niya ito ibinigay sa iyong kabiyak upang ang iyong kabiyak ang magtakda nito para sa iyo. Hindi Niya sinabi na ang uri ng kapalaran, mga paghahangad, landas sa buhay, at pananaw sa buhay ng isang babae ay dapat na itakda ng kanyang mister, o na ang uri ng kapalaran, mga paghahangad, pananaw sa buhay, at buhay ng isang lalaki ay dapat na itakda ng kanyang misis. Hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay at hindi Niya inorden ang mga bagay sa ganitong paraan. Kita mo, sinabi ba ng Diyos ang gayong bagay nang itatag Niya ang pag-aasawa para sa sangkatauhan? (Hindi.) Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay misyon sa buhay ng isang babae o lalaki, at na dapat mong panatilihing mabuti ang kasiyahan ng iyong buhay may-asawa upang maisakatuparan ang misyon sa iyong buhay at upang magtagumpay ka sa pag-asal bilang isang nilikha—hindi kailanman sinabi ng Diyos ang gayong bagay. Hindi rin sinabi ng Diyos na, “Dapat mong piliin ang landas ng iyong buhay sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Makakamit mo man ang kaligtasan o hindi ay itatakda ng iyong buhay may-asawa at ng iyong asawa. Ang iyong pananaw sa buhay at kapalaran ay itatakda ng iyong asawa.” Kahit minsan ba ay sinabi ng Diyos ang gayong bagay? (Hindi.) Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at pinagkalooban ka Niya ng isang kabiyak. Pumapasok ka sa pag-aasawa ngunit hindi nagbabago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa harap ng Diyos—ikaw pa rin iyan. Kung ikaw ay isang babae, babae ka pa rin sa harap ng Diyos; kung ikaw ay isang lalaki, lalaki ka pa rin sa harap ng Diyos. Ngunit may isang bagay na pareho sa inyo, at iyon ay, lalaki ka man o babae, kayong lahat ay nilikha sa harap ng Lumikha. Sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, kayo ay nagpaparaya at nagmamahal sa isa’t isa, nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa, at ito ay pagtupad sa inyong mga responsabilidad. Ngunit sa harap ng Diyos, ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin at ang misyon na dapat mong isakatuparan ay hindi maaaring mapalitan ng mga responsabilidad na tinutupad mo para sa iyong kabiyak. Kaya, kapag hindi nagkakatugma ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak at ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha sa harap ng Diyos, ang dapat mong piliin ay ang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha at hindi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak. Ito ang direksiyon at layunin na dapat mong piliin at, siyempre, ito rin ang misyon na dapat mong isakatuparan. Gayunpaman, may ilang tao na nagkakamali dahil ginagawa nilang misyon ng kanilang buhay ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, o ang pagtupad ng kanilang mga responsabilidad sa kanilang kabiyak, at ang kanilang pagmamalasakit, pag-aalaga, at pagmamahal sa kanilang kabiyak, at itinuturing nila ang kanilang kabiyak bilang ang kanilang langit, ang kanilang tadhana—mali ito. Ang iyong tadhana ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at hindi ito pinamamahalaan ng iyong kabiyak. Hindi mababago ng pag-aasawa ang iyong tadhana, ni ang katunayan na ang Diyos ang namamahala sa iyong tadhana. Tungkol sa uri ng pananaw sa buhay na dapat mong taglayin at sa landas na dapat mong sundin, dapat mong hanapin ang mga ito sa mga salita ng itinuturo at mga hinihingi ng Diyos. Hindi nakasalalay ang mga bagay na ito sa iyong kabiyak at hindi siya ang magtatakda sa mga ito. Bukod sa pagtupad ng kanyang mga responsabilidad sa iyo, hindi siya ang dapat na may kontrol sa iyong tadhana, o hindi niya dapat hilingin na baguhin mo ang iyong direksiyon sa buhay, ni hindi niya dapat itakda kung anong landas ang susundin mo, o itakda kung anong pananaw sa buhay ang dapat mayroon ka, lalong hindi ka niya dapat pigilan o hadlangan sa paghahangad sa kaligtasan. Pagdating sa pag-aasawa, ang magagawa lamang ng mga tao ay tanggapin ito mula sa Diyos at sundin ang depinisyon ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa tao, kung saan ang parehong mag-asawa ay tumutupad sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa isa’t isa. Ang hindi nila magagawa ay ang itakda ang tadhana, nakaraang buhay, kasalukuyang buhay, o ang susunod na buhay ng kanilang kabiyak, lalo na ang buhay na walang-hanggan. Ang iyong hantungan, ang iyong tadhana, at ang landas na iyong susundin ay maaari lamang itakda ng Lumikha. Kaya, bilang isang nilikha, ang iyong papel man ay bilang isang misis o mister, ang kasiyahan na dapat mong hangarin sa buhay na ito ay nagmumula sa paggampan mo ng tungkulin ng isang nilikha at pagsasakatuparan sa misyon ng isang nilikha. Hindi ito nagmumula sa pag-aasawa mismo, lalong hindi sa pagtupad mo ng mga responsabilidad ng isang asawa sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Siyempre, ang landas na iyong pinipiling sundin at ang pananaw sa buhay na iyong ginagamit ay hindi dapat nakabatay sa kaligayahan sa pag-aasawa, lalong hindi ito dapat nakatakda batay sa isa sa mag-asawa—ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan. Kaya, ang mga taong pumapasok sa pag-aasawa na naghahangad lamang ng kaligayahan sa pag-aasawa at tumitingin sa paghahangad na ito bilang kanilang misyon ay dapat na bumitiw sa gayong mga kaisipan at pananaw, dapat nilang baguhin ang paraan ng kanilang pagsasagawa, at baguhin ang direksiyon ng kanilang buhay. Pumapasok ka sa pag-aasawa at namumuhay kasama ang iyong kabiyak sa ilalim ng ordinasyon ng Diyos, iyon lamang, at sapat na ito upang tuparin ang mga responsabilidad ng isang misis o mister habang magkasama kayo sa buhay. Tungkol naman sa kung anong landas ang iyong sinusunod at anong pananaw sa buhay ang iyong ginagamit, ang iyong kabiyak ay walang obligasyon at walang karapatan na itakda ang mga bagay na ito. Kahit na ikaw ay kasal na at may asawa na, ang iyong diumano’y kabiyak ay maaari lamang magdala sa depinisyon ng pagiging isang kabiyak na inorden ng Diyos. Maaari lamang niyang tuparin ang mga responsabilidad ng isang kabiyak, at maaari kang pumili at magdesisyon sa lahat ng iba pang bagay na walang kaugnayan sa iyong kabiyak. Siyempre, ang mas mahalaga pa ay na ang iyong mga pinili at desisyon ay hindi dapat nakabatay sa iyong sariling kagustuhan at pagkaunawa, bagkus ay sa mga salita ng Diyos. Nauunawaan mo ba ang pagbabahagi sa bagay na ito? (Oo.) Kaya, ang mga ikinikilos ng sinumang kabiyak sa loob ng balangkas ng pag-aasawa na pursigido sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa o gumagawa ng anumang sakripisyo ay hindi gugunitain ng Diyos. Gaano man kahusay o kaperpekto ang pagtupad mo sa iyong mga obligasyon at responsabilidad mo sa iyong kabiyak, o gaano mo man natutugunan ang mga ekspektasyon ng iyong kabiyak—sa madaling salita, gaano mo man kahusay o kaperpekto na napapanatili ang iyong kaligayahan sa pag-aasawa, o gaano man ito kakahanga-hanga—hindi ito nangangahulugan na natupad mo na ang misyon ng isang nilikha, hindi rin ito nagpapatunay na ikaw ay isang nilikha na pasok sa pamantayan. Marahil, ikaw ay isang perpektong asawa, ngunit nasa loob pa rin ito ng balangkas ng pag-aasawa. Sinusukat ng Lumikha kung anong uri ka ng tao batay sa kung paano mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang harapan, kung anong uri ng landas ang iyong tinatahak, kung ano ang iyong pananaw sa buhay, kung ano ang iyong hinahangad sa buhay, at kung paano mo isinasakatuparan ang misyon ng isang nilikha. Gamit ang mga bagay na ito, sinusukat ng Diyos ang landas na sinusunod mo bilang isang nilikha at ang iyong patutunguhan sa hinaharap. Hindi Niya sinusukat ang mga bagay na ito batay sa kung paano mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang asawa, o batay sa kung ang pag-ibig mo sa iyong kabiyak ay nakalulugod sa iyong kabiyak. Tungkol naman sa usaping ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi ang iyong misyon, ibinigay Ko ngayon ang mga detalyeng ito upang tapusin na ang paksang ito. Kita mo, kung hindi Ako magbabahagi tungkol sa mga isyung ito, baka isipin ng mga tao na nauunawaan at alam nila nang kaunti ang mga ito, ngunit kapag may aktuwal na nangyayari sa kanila, naiipit at nahahadlangan pa rin sila ng maraming paimbabaw na isyu, nagnanais na tuparin ang mga obligasyon ng isang asawa habang nagnanais din na gawing mabuti ang mga bagay na dapat gawin ng isang tao, ng isang nilikha. Gayunpaman, kapag sinasalungat, kinokontra, o hinahadlangan ng dalawang bagay na ito ang isa’t isa, hindi lubos na malinaw kung paano ito dapat pangasiwaan ng isang tao. Malinaw na ba ito ngayon matapos pagbahaginan sa ganitong paraan? (Oo.) May pagkakaiba sa pagitan ng mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na mabuti at tama sa kanilang mga kuru-kuro sa isang banda at ng mga bagay na positibo, tama, at mabuti ayon sa katotohanan sa kabilang banda. Kapag ito ay ipinaliliwanag, ito ay nagiging malinaw. Ang mga bagay na pinaniniwalaan ng mga tao na positibo at mabuti ay madalas na puno ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at damdamin ng tao, at walang kaugnayan ang mga ito sa katotohanan. Ano ang ibig Kong sabihin sa “walang kaugnayan”? Ibig Kong sabihin ay hindi ang mga ito ang katotohanan. Kung ituturing mo ang mga bagay na mali at ang mga bagay na hindi ang katotohanan bilang mga positibong bagay at bilang ang katotohanan, at sinusunod mo ang mga ito at mahigpit kang kumakapit sa mga ito, naniniwala na ang mga ito ang katotohanan, kung gayon, hindi ka makakatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at sa huli ay labis kang malalayo sa katotohanan. At sino ang may pananagutan doon?