Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1 (Ikatlong Bahagi)
Tungkol sa kung paano mo mismo dapat bitawan ang dating poot at galit na iyon na ating tinatalakay, ang isang aspeto ay ang makita nang malinaw itong mga diumano’y hindi tao, ang makita nang malinaw na ang kalikasang diwa nila ay sa diyablong si Satanas, na ang diwa nila ay mapaminsala sa mga tao, na ang diwa nila at ang diwa ng diyablong si Satanas at ng malaking pulang dragon ay parehong-pareho at iisa ang pinagmumulan, na nilalansi ka ng mga ito, na pinipinsala ka ng mga ito, gaya ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sa sandaling maunawaan mo ang puntong ito, hindi ba’t medyo bibitawan mo ang iyong mga emosyon ng poot at galit? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Hindi sapat na maunawaan lamang ang mga bagay na ito. Minsan ay naiisip ko lang ito ay nalulungkot na ako!” Ano ang dapat mong gawin kapag nalulungkot ka? Maaari bang ganap na wala kang anumang kalungkutan? Ang mga peklat ay laging nag-iiwan ng mga bakas, pero ang pagkakaroon ng mga peklat na ito ay hindi palaging isang masamang bagay. Ang mismong penomena na ito ng pagiging hindi patas ng lipunan, at ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito na nagdudulot sa iyo ng poot at galit, na nagtutulot sa iyo na madama ang pagiging hindi patas ng lipunan, na nagtutulot sa iyo na madama ang paninira, pamiminsala, at kasamaan ng sangkatauhan, at na nagtutulot sa iyo na madama ang pagiging hindi patas at kapanglawan ng mundo, at dahil sa mga ito, ninanais at inaasam mo ang liwanag at pinananabikan mo ang pagliligtas ng Diyos sa iyo mula sa lahat ng pagdurusang ito. Kaya, mayroon bang konteksto sa pagnanais na ito? (Mayroon.) Madali bang nagkakaroon ng ganitong pagnanais? (Hindi.) Kung kahit kailan ay hindi ka pa napahamak sa piling ng sangkatauhan o lipunan, iisipin mo na maraming mabuting tao sa paligid. Kung lumabas ka at madapa at may tumulong sa iyo na makabangon, o mamimili ka ngunit wala kang sapat na pera at tinulungan ka ng taong katabi mo, o maiwala mo ang iyong pitaka at may makahanap nito at magbalik nito sa iyo, iisipin mong maraming mabuting tao sa paligid. Sa ganitong pag-iisip at sa ganitong pagkaunawa mo sa lipunan, gaano kalawak ang magiging pagkaunawa mo sa kahulugan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o sa pangangailangan na gawin ng Diyos ang gawain ng pagliligtas? Gaano katindi ang magiging pagnanais mo na pumarito ang Tagapagligtas at iligtas ka mula sa labis na pagdurusa? Hindi mo ito masyadong nanaisin, tama ba? Ito ay magiging isang kahilingan lang, isang pantasya. Habang mas sumasailalim sa paghihirap at pagdurusa ang isang tao sa mundo, nagdurusa ng lahat ng uri ng hindi patas na pagtrato, o sa madaling salita, habang mas matagal na nabubuhay ang isang tao sa lipunang ito at sa piling ng mga tao, isang tao na may malalim na poot at galit sa sangkatauhan at lipunan, mas lalo niyang hihilingin na wakasan na ng Diyos ang masamang kapanahunan na ito sa lalong madaling panahon, na puksain ang masamang sangkatauhan na ito sa lalong madaling panahon, na iligtas siya mula sa labis na pagdurusa sa lalong madaling panahon, na parusahan ang masasama at protektahan ang mabubuti—hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kaya ngayon, sa puntong ito, iniisip ninyo, “Naku, kailangan ko talagang pasalamatan ang mga demonyong iyon. Kailangan kong pasalamatan ang kanilang hindi patas na pagtrato at pagdidiskrimina sa akin, ang kanilang pang-iinsulto at pang-aapi sa akin. Ang kanilang masasamang gawa at pinsalang idinulot sa akin ang nagtulak sa akin na lumapit sa Diyos, na huwag nang naisin ang mundo o buhay sa piling ng mga taong ito, na maging handang pumunta sa sambahayan ng Diyos, na humarap sa Diyos, na maging handang gugulin ang aking sarili sa Diyos, na ialay ang buong buhay ko, na mamuhay nang may kabuluhan, at huwag nang makipag-ugnayan pa sa masasamang tao. Kung hindi, matutulad pa rin ako sa kanila, sumusunod sa mga makamundong kalakaran, at naghahangad ng kasikatan at pakinabang, ng magandang buhay, mga kasiyahan ng laman, at ng magandang kinabukasan. Ngayon ay nananalig na ako sa Diyos, kaya hindi ko na kailangan pang tahakin ang baluktot na daang iyon. Hindi ko na sila tinitingnan nang may poot. Nakikita ko na nang malinaw kung sino sila noon pa man. Naroroon sila upang magserbisyo, maging paghahambingan sa gawain ng Diyos. Kung wala sila, hindi ko makikita ang mismong diwa ng mundong ito at ng sangkatauhang ito, at iisipin ko pa rin na lalong nagiging kamangha-mangha ang mundo at sangkatauhang ito. Ngayong sumailalim na ako sa pagdurusang ito, hindi ko na ilalagay pa sa mundong ito o sa kamay ng sinumang dakilang tao ang aking mga hangarin at inaasam. Sa halip, inaasam ko ang pagparito ng kaharian ng Diyos, at ang paghahari ng pagiging patas at pagiging matuwid ng Diyos.” Sa pagninilay-nilay sa ganitong paraan, hindi ba’t unti-unting nababawasan ang mga emosyon mo ng poot at galit? (Oo.) Nababawasan ang mga ito. At hindi ba’t nagbago ang iyong perspektiba at mga pananaw sa mga tao, pangyayari at bagay sa puso mo? Hindi ba’t ipinahihiwatig nito na ang landas na tatahakin mo sa hinaharap, ang iyong mga desisyon, at ang iyong mga layon ay unti-unting sumasailalim sa pagbabago, at na unti-unti kang bumabaling sa paghahangad sa mga tamang layon at direksyon? (Oo.) Iniisip mo ang mga bagay na nangyari sa nakaraan na dumurog sa puso mo at nagsanhi sa iyo na kapootan ang mundo, at sa sandaling malinaw mo nang nakikita ang kahulugan at diwa ng mga ito, napupuno ang puso mo ng pasasalamat sa Diyos. Kapag puno ka ng pasasalamat, hindi ba’t ganap mo itong tatamasahin? Kung magkagayon, hindi ba’t iisipin mo na, “Iyong mga hindi mananampalataya na hindi nananalig sa Diyos ay nililinlang, pinipinsala, at winawasak pa rin ng mismong hari ng mga diyablo, si Satanas. Sobrang kaawa-awa ang sitwasyong ito! Kung hindi ako nanalig sa Diyos at hindi ako lumapit sa Diyos, matutulad ako sa kanila, hinahangad ang mundo, sinisikap na magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagdurusa nang husto at hindi ko kailanman naiisip na magbago ng landas. Masasadlak ako sa hindi matatakasang kasalanan—nakakalungkot! Ngayong nananalig ako sa Diyos, nauunawaan ko na ang katotohanan at naaarok ko ang usaping ito. Ang landas na dapat sundin ng mga tao ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan—ito ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan. Ngayong pinakikitaan ako ng Diyos ng labis na kabutihan nang sa gayon ay hindi ko na kakailanganing magdusa pa nang ganoon, magiging determinado ako na sundin ang Diyos hanggang sa huli, pakinggan ang Kanyang mga salita, mamuhay nang alinsunod sa Kanyang mga salita, at hindi na mamuhay gaya ng dati, noong hindi pa ako namumuhay na parang tao.” Kita mo, lumitaw na ang mabuting hangaring ito, hindi ba? Hindi ba’t unti-unting nagiging malinaw sa isip at kamalayan ng mga tao ang mga tamang layon at direksyon sa buhay? At hindi ba’t nagagawa na nila ngayong tahakin ang tamang landas sa buhay? (Nagagawa na nila.) Kaya, kapag lumitaw ang mga positibong mga emosyon at hangaring ito, kailangan pa rin bang pag-isipan iyong mga negatibong emosyon? Pagkatapos pag-isipan ang mga ito nang ilang panahon o pag-isipan nang maraming beses hanggang sa maunawaan mo ang mga ito, kapag ang mga usaping ito ay hindi na gumugulo sa isipan o kumokontrol sa landas na tinatahak mo pagkatapos, nang hindi namamalayan, nabibitawan mo ang mga emosyon ng poot at galit, hindi na sinasakop ng mga ito ang iyong puso, at sa paglipas ng panahon, nalulutas mo ang isyu ng iyong tiwaling disposisyon. May kaugnayan ba sa paghahangad sa katotohanan ang usapin ng paglutas sa iyong tiwaling disposisyon? (Mayroon.) At hindi ba’t nangangahulugan iyon na natahak mo na ang tamang landas sa buhay? Hindi mahirap tumahak sa tamang landas sa buhay; kailangan mo munang bitawan ang iba’t iba mong pananaw sa mundo, sa pagkatao ng isang tao, at sa sangkatauhan na hindi umaayon sa mga katunayan. Paano mo malinaw na makikita ang mga pananaw na ito na hindi alinsunod sa mga katunayan? Paano mo malulutas ang mga ito? Ang mga pananaw na ito na hindi naaayon sa mga katunayan ay nakatago sa mga emosyon ng puso mo, at kinokontrol ng mga emosyong ito ang panghuhusga at pag-iisip ng iyong pagkatao, gayundin ang iyong katangian, ang iyong pananalita at mga kilos, gayundin siyempre ang iyong konsiyensiya at katwiran. Ang mas mahalaga pa, kinokontrol at iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong mga layon sa buhay at ang landas na tinatahak mo. Samakatuwid, bitawan ang lahat ng negatibong emosyon at bitawan ang lahat ng emosyong kumokontrol sa iyo—ito ang unang hakbang na dapat mong isagawa sa paghahangad sa katotohanan. Lutasin muna ang isyu ng iba’t ibang negatibong emosyon, lutasin ang mga ito sa tuwing natutuklasan mo ang mga ito, at huwag mag-iwan ng problema. Kapag nalutas na ang mga isyung ito, hindi ka na magagapos, nang dinadala ang mga negatibong emosyong ito sa iyong paghahangad sa katotohanan, at magagawa mo nang hanapin ang katotohanan at lutasin ito kapag nagpapakita ka ng isang tiwaling disposisyon. Madali bang maisakatuparan ang bagay na ito? Ang totoo, hindi ito ganoon kadali.
Habang ibinabahagi at sinusuri Ko ang mga negatibong emosyong ito, ginagamit ba ninyo ang mga sinasabi Ko sa inyong sarili? Sinasabi ng ilang tao, “Bata pa ako at wala pa akong masyadong karanasan sa buhay. Hindi pa ako naharap sa anumang balakid o kabiguan o nakaranas ng anumang trauma. Hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala akong anumang negatibong emosyon?” Ang lahat ay mayroong negatibong emosyon; ang lahat ay mahaharap sa maraming paghihirap at malamang na magkakaroon ng mga negatibong emosyon. Halimbawa, dahil sa kasaysayan ng masasamang kalakaran ng lipunan sa kapanahunang ito, maraming bata ang lumalaki nang isa lang ang magulang, ang iba ay lumalaki nang walang pagmamahal ng isang ina, ang ilan ay walang pagmamahal ng isang ama. Kung ang sinuman ay walang pagmamahal ng isang ina o isang ama, makokonsidera na mayroong kulang sa kanya. Anuman ang edad mo noong mawalan ka ng pagmamahal ng iyong ama o ina, sa perspektiba ng normal na pagkatao, paano’t paanuman ay magkakaroon ito ng epekto sa iyo. Ang ilang tao ay ilalayo ang kanilang sarili, ang ilang tao ay makararamdam na mas mababa sila, ang ilan ay magiging iritable, ang ilan ay mababahala at mag-aalinlangan sa sarili, at ang ilan ay mangdidiskrimina at iiwas sa ibang kasarian. Anu’t anuman, iyong mga lumaki sa ganitong partikular na kapaligiran ay magkakaroon ng ilang abnormalidad sa kanilang normal na pagkatao. Sa modernong pananalita, medyo nababaluktot sila. Halimbawa, ang mga babaeng lumaki nang walang pagmamahal ng ama ay hindi gaanong magkakaroon ng karanasan pagdating sa mga lalaki. Mula sa murang edad, kailangan nilang matuto kung paano asikasuhin ang kanilang mga sariling pangunahing pangangailangan, at na pasanin pa nga ang mabigat na pinansyal na obligasyon ng pamilya at ang iba’t ibang gawain na kailangang gampanan, gaya lamang ng ginagawa ng kanilang ina, hindi namamalayan na maaga silang natututo na alalahanin at asikasuhin ang mga bagay-bagay, o protektahan ang kanilang sarili, kanilang ina, at kanilang pamilya. Mayroon silang malakas na kamalayan tungkol sa pagpoprotekta sa sarili at magkakaroon din sila ng matinding pakiramdam ng pagiging mas mababa. Kapag lumaki na sila sa ganitong partikular na kapaligiran, hindi nila mamamalayan na madarama nila sa kaibuturan ng kanilang puso na para bang may kulang sa kanila at ito ang nadarama nila, lubos mang naapektuhan ng damdaming ito ang kanilang paghuhusga at mga desisyon noon o hindi. Sa madaling salita, sa sandaling nasa hustong edad na ang isang tao, magkakaroon ng mga negatibong emosyon na kokontrol sa kanyang mga kaisipan na matagal nang naroroon, at palaging magkakaroon ng dahilan kung bakit nandoon ang mga iyon. Halimbawa, kung may ilang lalaki na lumaki sa isang pamilya na iisa lang ang magulang, wala silang ama kundi ina lang, sa murang edad ay natututunan na nila kung paano gumawa ng mga gawaing bahay kasama ng kanilang ina, nagiging kagaya ng sa isang ina ang katangian nila. Nasisiyahan sila sa pag-aalaga sa kababaihan at nakikisimpatiya sila sa mga ito, nadarama nila na hindi sila naiiba sa mga babae at nasisiyahan sila sa pagpoprotekta sa kababaihan, at medyo may pagkiling sila laban sa kalalakihan. Mayroon pa ngang ilan na nakadarama ng bahagyang pagkadisgusto at pagkamuhi sa kalalakihan, dinidiskrimina nila ang mga ito, naniniwala na ang lahat ng lalaki ay walang kwenta at iresponsable, at na hindi ginagawa ng mga ito kung ano ang tama at wasto. Siyempre, may ilan sa mga taong ito na normal naman. Gayunpaman, hindi maiiwasan na may ilan na magkakaroon ng partikular na mga hindi makatotohanan at hindi wastong kaisipan tungkol sa kalalakihan at kababaihan, at lahat sila ay may kakulangan at may mali sa kanilang pagkatao. Kung may isang tao na makatuklas na may ganito kang problema at makatukoy ito sa iyo, o sa pamamagitan ng pagsusuri sa sarili ay matutuklasan at malalaman mo na mayroon ka mismo ng ganitong malubhang negatibong emosyon, at na nakakaapekto na ito sa iyong mga desisyon at pagsasagawa sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay, at kung paano ka umaasal at kumikilos, kung gayon ay dapat mong pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili. Dapat mong kilatisin at lutasin ang negatibong emosyong ito nang ayon sa mga salita ng Diyos, sikapin na iwaksi ang mga gapos, ang kontrol at impluwensya nitong negatibong emosyon, dapat kang lumaban para mapigilan mo ang kasiyahan, galit, kalungkutan, kagalakan, pag-iisip, panghuhusga, konsiyensiya at katwiran ng iyong pagkatao na maging baluktot, na lumabis o lumagpas sa limitasyon nito. Ano pa ba? Sa sandaling napagsumikapan mo nang pigilan na mangyari ang mga bagay na ito, magagawa mo nang mamuhay nang normal, nang may konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao at nang may likas na gawi at malayang kalooban ng normal na pagkatao na ipinagkaloob ng Diyos sa tao. Sa madaling salita, magsisikap ka na panatilihin sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao na inilatag ng Diyos ang iyong mga kaisipan, likas na gawi, malayang kalooban, kakayahang manghusga, at ang iyong konsiyensiya at katwiran. Samakatuwid, anuman ang negatibong emosyong kumokontrol sa iyo, mayroon kang problema sa aspetong iyon ng iyong normal na pagkatao. Nauunawaan mo ito, hindi ba? (Oo.)
Ang paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay nakakamit sa batayan ng normal na konsiyensiya, katwiran, likas na gawi, at malayang kalooban ng normal na pagkatao, at ng saklaw ng mga normal na emosyon ng tao. Gaya ng iyong nakikita, sa saklaw ng normal na pagkatao na ibinigay ng Diyos sa tao, walang labis-labis, walang sobra-sobra, walang baluktot, at walang pagkakahati at kasamaan sa personalidad. Paano naipapamalas ang pagiging sobra-sobra? Ang palaging pag-iisip na wala kang kwenta, na wala kang halaga—hindi ba’t kalabisan ito? Hindi ito makatotohanan, hindi ba? (Hindi ito makatotohanan.) Ang bulag na pagtingala sa mga lalaki, paniniwala na mabuti ang mga lalaki, na mas may kakayahan ang mga lalaki kaysa sa babae, na walang kakayahan ang mga babae, na walang kwenta ang mga babae, na hindi sila kasinghusay ng mga lalaki, at na kung titingnan sa kabuuan, hindi sila kasinggaling ng mga lalaki—hindi ba’t kalabisan ito? (Oo.) Paano naipapamalas ang pagiging kalabisan ng mga bagay-bagay? Ito ay ang palaging pagnanais na malagpasan ang likas na kaya mong makamit at palaging pagsasagad sa iyong sarili. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay limang oras kung matulog sa gabi at pagkatapos ay normal na nakapagtatrabaho sa buong araw, kaya sila ay dapat na apat na oras lang na matulog at tingnan kung ilang araw sila makatatagal. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay dalawang beses lang kung kumain sa isang araw at maraming enerhiya ang mga ito, nagagawang magtrabaho buong araw, kaya dapat na kumain sila ng isang beses lamang sa isang araw—hindi ba’t nakasasama ito sa katawan? Ano ang silbi ng palaging pagsusumikap na magmukhang mas magaling kaysa sa talagang kaya mo? Para saan kaya ka nakikipagkumpetensiya sa sarili mong laman? Ang ilang tao na nasa singkwenta na ang edad ay mahuhuna na ang mga ngipin at ni hindi na makanguya ng mga buto o makakagat ng tubó. Sinasabi nila, “Huwag kayong mag-alala, wala namang problema kung mabubungi ako, ngunguya na lang ako nang ngunguya! Kailangan kong malampasan ang paghihirap na ito. Kung hindi ko susubukan na lampasan ito, kung gayon ay mahina ako at walang silbi!” Hindi ba’t pagiging labis-labis na ito? (Oo.) Pakiramdam mo ay kailangan mong matamo iyong hindi mo naman kayang matamo at hindi likas na kayang makamit ng iyong pagkatao. Hindi mo makakamit ang mga ito gamit ang iyong talento, karunungan, o tayog, o gamit ang mga bagay na natutunan mo, o gamit ang iyong edad at kasarian, pero bagamat hindi mo makamit ang mga ito, pakiramdam mo ay kailangan mo pa ring magawa ito. Ang ilang babae ay minamalaki ang kanilang kalakasan, sinasabing, “Kaya naming mga babae na gawin kung ano ang kayang gawin ng mga lalaki. Kung kaya ng mga lalaki na magtayo ng mga gusali, kaya rin namin; kung kaya ng mga lalaki na magpalipad ng mga eroplano, kaya rin namin; kung kaya ng mga lalaki na maging boksingero, kaya rin namin; kung kaya ng mga lalaki na magbuhat ng sako na may lamang dalawang daang libra ang bigat, kaya rin namin.” Pero sa huli, sa sobrang bugbog ng katawan nila sa paggawa nito ay dugo na ang naidudura nila. Sinusubukan pa rin ba nilang magmukhang mas may kakayahan kaysa sa katunayan? Hindi ba’t labis-labis na ito? Hindi ba’t sobra-sobra na ito? Lahat ng pagpapamalas na ito ay labis-labis at sobra-sobra. Ang mga kakatwang tao ay madalas na iniisip ang mga problema at tinitingnan ang mga tao, pangyayari at bagay sa ganitong paraan, at ganito rin nila hinaharap at nilulutas ang mga isyu. Samakatuwid, kung nais ng mga tao na lutasin ang mga sobra-sobrang pagpapamalas na ito, kailangan muna nilang wakasan at bitawan iyong mga labis-labis na bagay. Ang pinakamalubha sa mga bagay na ito ay ang iba’t ibang labis-labis na emosyon sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa ilalim ng mga gayong sitwasyon, madalas na idinudulot ng mga emosyong ito na magkaroon sila ng mga labis-labis na kaisipan at gumamit ng mga labis-labis na pamamaraan, kaya’t nalilihis sila. Maliban sa pinagmumukhang hangal, mangmang, at estupido ang mga tao ng mga labis-labis na emosyong ito, nalilihis at nawawalan din sila dahil sa mga ito. Nais ng Diyos ng isang normal na tao na naghahangad sa katotohanan, ayaw Niya na maghangad sa katotohanan ang isang taong kakatwa, labis-labis, at sobra-sobra. Bakit ganito? Ang mga taong kakatwa at labis-labis ay walang kakayahan na maunawaan nang tama ang mga bagay-bagay, lalong hindi nila kayang tunay na maunawaan ang katotohanan. Ang mga taong huwad at labis-labis ay gumagamit din ng mga labis-labis na pamamaraan para unawain, harapin, at isagawa ang katotohanan—napakamapanganib at napakalaking problema nito para sa kanila. Magdurusa din sila sa malaking kawalan, at malubha din nitong nabibigyan ng kahihiyan ang Diyos. Hindi kailangan ng Diyos na sagarin mo ang iyong sarili, o gumamit ng mga labis-labis at radikal na pamamaraan upang isagawa ang katotohanan. Sa halip, sa mga sitwasyon na normal ang lahat ng aspeto ng iyong pagkatao, at sa saklaw ng pagkatao ng kung alin iyong mauunawaan at makakamit mo, nais Niya na isagawa mo ang mga salita ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at tugunan ang Kanyang mga hinihingi. Ang pinakalayon ay ang magbago ang iyong tiwaling disposisyon, na unti-unti mong itama at baguhin ang iyong mga kaisipan at pananaw, na mas palalimin mo ang iyong pagkaunawa sa mga tiwaling disposisyon ng tao at ang iyong kaalaman sa Diyos, nang sa gayon ay mas lalong maging kongkreto at totoo ang iyong pagpapasakop sa Diyos—ganito mo makakamit ang kaligtasan.
Makabuluhan ba para sa Akin na magbahagi tungkol sa kung paano bitawan ang iba’t ibang negatibong emosyon? (Oo.) Ano ang layon Ko sa paggawa nito? Matagal man nang lumitaw ang iba’t ibang negatibong emosyong ito o kung ang mga ito man ay lumilitaw sa kasalukuyan, ito ay upang maging tama ang pagharap mo sa mga ito, para maiwaksi at malutas mo agad ang mga ito sa tamang paraan, para maiwan mo na ang mga mali at negatibong emosyon na ito, at para unti-unti kang umabot sa punto kung saan hindi ka na nababalot ng mga negatibong emosyon na ito, anuman ang mangyari. Kapag muling lumitaw ang iba’t ibang negatibong emosyon, magkakaroon ka na ng kamalayan at pagkilatis, malalaman mo na ang pinsala na idinudulot ng mga ito sa iyo, at siyempre ay unti-unti mo rin dapat na bitawan ang mga ito. Kapag lumitaw ang mga emosyong ito, magagawa mong pigilan ang sarili at makakagamit ka ng karunungan, at magagawa mong bitawan ang mga ito o hanapin ang katotohanan upang lutasin o pangasiwaan ang mga ito. Ano’t anuman, hindi dapat maapektuhan ng mga ito ang paggamit mo ng tamang mga paraan, ng tamang saloobin, at ng tamang opinyon sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay-bagay, at ang iyong mga asal at kilos. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang mga balakid at harang sa iyong landas ng paghahangad sa katotohanan, magagawa mong hangarin ang katotohanan sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos nang walang panggugulo, o nang may mas kaunting panggugulo, at malulutas mo ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita mo sa lahat ng uri ng sitwasyon. Mayroon ka na ba ngayong daang pasulong sa kung paano malulutas ang iba’t ibang negatibong emosyon? Una, suriin mo sa iyong sarili kung ano ang katiwalian na nailalantad mo at tingnan mo kung ang mga negatibong emosyon na ito ay iniimpluwensyahan ang loob mo at kung bitbit-bitbit mo ang mga negatibong emosyon na ito sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay-bagay, at sa kung paano ka umaasal at kumikilos. Dagdag pa rito, suriin mo ang mga usapin na malalim na nakaukit sa iyong memorya sa kaibuturan ng iyong puso at tingnan mo kung nag-iwan ba ng anumang pilat o marka ang mga bagay na ito na nangyari sa iyo, at kung palagian ka bang kinokontrol ng mga ito na gamitin ang mga tamang gawi at pamamaraan sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa iyong pag-asal at pagkilos. Sa ganitong paraan, kapag napawi ang iba’t ibang negatibong emosyong lumitaw noong nasaktan ka, ang susunod mong dapat gawin ay suriin, kilatisin, at lutasin ang mga ito nang isa-isa alinsunod sa katotohanan. Halimbawa, maraming beses nang itinaas ang ranggo ng ilang tao upang maging lider, pero maraming beses na rin silang napalitan o nailipat, at lumilitaw ang isang napakanegatibong emosyon sa kanila. Sa buong proseso na ito ng paulit-ulit na pagtataas ng ranggo at pagkatapos ay papalitan at ililipat, kailanman ay hindi nila napagtatanto kung bakit nga ba ito nangyayari, at kaya hindi nila kailanman nalalaman ang sarili nilang mga kapintasan at kakulangan, ang sarili nilang katiwalian, o kung ano ang ugat ng lahat ng paglabag na nagagawa nila. Kailanman ay hindi nila nalulutas ang mga isyung ito, at isang malalim na impresyon ang naiiwan sa loob nila, at iniisip nila, “Ganito ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Kapag ikaw ay ginagamit, ikaw ay itinataas, at kapag hindi ka ginagamit, ikaw ay pinaaalis.” Ang mga taong may ganitong uri ng pakiramdam ay maaaring may lugar sa lipunan kung saan sila makapagbubulalas, pero sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam mo ay walang lugar kung saan maaari kang makapagbubulalas, walang paraan para makapagbubulalas, at walang sitwasyon na makapagbubulalas ka, at kaya ang tanging nagagawa mo lang ay lunukin ito. Ang paglunok na ito ay hindi isang tunay na pagbitaw, bagkus, ito ay pagbabaon ng iyong sama ng loob sa iyong kaloob-looban. May ilang tao na nag-iisip na balang araw ay magagampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin, at na kung makikita ito ng kanilang mga kapatid, pipiliin muli sila ng mga ito na maging lider; mayroon ding ilan na nagnanais na tahimik na magpatuloy sa kanilang tungkulin at ayaw nang maging lider muli, at sinasabi nila, “Hindi ako magiging lider kahit sino pa ang magtaas ng ranggo ko. Hindi ko kakayanin ang mapahiya, at hindi ko matitiis ang pasakit na iyon. Walang kinalaman sa akin kung sino ang magiging lider, o kung sino ang mapapalitan. Hindi na ako muling magiging lider, para hindi ko na kailangang tiisin ang pasakit at ang pakiramdam na inaatake ako kapag ako ay pinapalitan. Gagawin ko na lang nang maayos ang gawain ko at aakuin ang responsabilidad na ito, at para naman sa kung ano ang hantungan at katapusan na naghihintay sa akin, ipinapasa ko na ito sa mga kamay ng Diyos—ang Diyos na ang bahala roon.” Anong klase ng emosyon ito? Hindi lubusang tumpak na sabihing ito ay pagiging mas mababa; sa tingin Ko ay naaangkop na tawagin itong depresyon, kawalan ng pag-asa, pag-iwas sa ibang tao, at pagpipigil. Iniisip nila, “Ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar kung saan itinataguyod ang katarungan, subalit madalas na itinataas ang ranggo ko at pagkatapos ay pinapalitan. Pakiramdam ko ay labis akong naagrabyado, pero hindi ako pwedeng makipagtalo tungkol dito, kaya magpapasakop na lang ako! Ito ang sambahayan ng Diyos, saan pa ba ako makakapunta para ipaglaban ang sarili ko? Sanay na akong mamuhay nang ganito. Walang sinuman sa mundo ang nagpapahalaga sa akin, gayundin sa sambahayan ng Diyos. Hindi ko na lang iisipin kung ano ang mangyayari sa hinaharap.” Buong araw silang malungkot, hindi nila magawang maging interesado sa anumang bagay, iniraraos na lang nila ang lahat ng kanilang ginagawa, kakaunti lamang ang ginagawa nila sa mga bagay na kaya nila at wala na silang ginagawang iba pa; hindi sila nag-aaral, hindi sila nagsisikap, at hindi nila malalim na pinag-iisipan ang anumang bagay, at hindi sila handang magbayad ng halaga. Sa huli, mabilis silang nauubusan ng sigla, ang sigasig na mayroon sila noong umpisa ay lumalamig, iniisip nilang walang kinalaman sa kanila ang anumang bagay, at kung sino sila dati ay patay na. Hindi ba’t kawalan ito ng pag-asa? (Oo.) May isang taong magtatanong sa kanila, “Ano ang pakiramdam mo na napalitan ka?” Sasagot sila, “Mahina naman talaga ang kakayahan ko. Ano ba dapat ang maramdaman ko? Hindi ko ito nauunawaan.” At tatanungin sila niyong tao, “Kung muli kang pipiliin na maging lider, nanaisin mo bang gawin ito?” At sasagot sila, “Naku, bakit ko pa ba nanaisin iyon? Hindi iyon praktikal! Mahina ang kakayahan ko at hindi ko maisakatuparan ang kalooban ng Diyos.” Ang pagsasabi na nawawalan na sila ng pag-asa at sumusuko na ay hindi lubusang makatotohanan. Palagi lang silang malungkot, nalulumbay, umiiwas sa iba, at nawawalan ng pag-asa. Ayaw nilang sabihin sa sinuman kung ano ang nasa puso nila, ayaw nilang maging bukas, at ayaw nilang lutasin ang sarili nilang mga problema, paghihirap, tiwaling kalagayan at tiwaling disposisyon—patuloy lang silang nagtatapang-tapangan. Anong emosyon ito? (Depresyon.) Kumakapit din sila sa isang ideya: “Gagawin ko ang anumang ipinapagawa sa akin ng Diyos at pagsusumikapan ko ang anumang gawain na isinasaayos ng iglesia para sa akin. Kung hindi ko matatapos ang trabaho, huwag ninyo akong sisihin dahil hindi naman ako ang may kasalanan na mahina ang kakayahan ko!” Sa katunayan, ang gayong tao ay tunay na nananalig sa Diyos, at mayroon siyang mga inaasam. Hindi niya kailanman iiwanan ang Diyos, hindi niya kailanman aabandonahin ang kanyang tungkulin, at palagi niyang susundin ang Diyos. Sadyang hindi niya lang pinagtutuunan ng pansin ang pagpasok sa buhay, o ang pagninilay-nilay sa sarili, o ang paglutas sa kanyang tiwaling disposisyon. Anong klaseng isyu ito? Makakamit ba niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pananalig sa ganitong paraan? Hindi ba’t mahirap ito para sa kanya? (Mahirap nga.) Hindi posible sa kanya na sabihin na hindi siya nananalig sa Diyos, kahit na patayin siya sa bugbog. Gayunpaman, dahil sa ilang partikular na sitwasyon, dahil naranasan na niya ang ilang partikular na sitwasyon at senaryo, at nakapagsabi ang ilang partikular na tao ng mga partikular na bagay sa kanya, labis na siyang nahapo at nanghina na hindi na siya muling makatayo at makahugot ng lakas. Hindi ba’t ipinapakita nito na mayroon siyang mga negatibong emosyon? (Oo.) Ang pagkakaroon ng mga negatibong emosyon ay nagpapatunay na mayroong problema, at kapag mayroong problema, dapat mo itong lutasin. Palaging may daan at landas para malutas ang mga problemang dapat lutasin—pwedeng-pwedeng malutas ang mga ito. Nakadepende lang ito sa kung kaya mong harapin ang problema at kung nais mo itong lutasin o hindi. Kung nais mo itong malutas, walang problema na napakahirap na hindi ito malulutas. Lumalapit ka sa Diyos at hinahanap mo ang katotohanan sa Kanyang mga salita, at nalulutas mo ang lahat ng suliranin. Gayunpaman, hindi ka lamang hindi matutulungan ng iyong pagkalumbay, depresyon, kawalan ng pag-asa, at papipigil na malutas ang iyong mga problema, sa kabaligtaran, maaari pa ngang mas lalong lumubha ang iyong mga problema, at lumala nang lumala. Naniniwala ba kayo rito? (Oo.) Kaya naman, anuman ang mga emosyong kinakapitan mo ngayon o anumang mga emosyon ang kinasasadlakan mo ngayon, umaasa Ako na magagawa mong iwan ang mga maling damdamin na ito. Anuman ang iyong mga katwiran o dahilan, sa sandaling nalugmok ka sa isang hindi normal na emosyon, kung gayon ay nalugmok ka na sa labis-labis na emosyon. Kapag nalugmok ka na sa labis-labis na emosyong ito, tiyak na kokontrolin nito ang iyong paghahangad, at ang iyong mga inaasam at hinihiling, gayundin siyempre ang mga mithiin na hinahangad mo sa buhay, at malubha ang mga kahihinatnan nito.
Sa panghuli, may nais Akong sabihin sa inyo: Huwag hayaan na guluhin ka ng isang maliit na damdamin o isang simple, di-mahalagang emosyon sa buong buhay mo na kung saan naaapektuhan na nito ang iyong pagkamit sa kaligtasan at nasisira na nito ang pag-asa mong mailigtas, nauunawaan mo ba? (Oo.) Itong emosyon mo na ito ay hindi lamang negatibo, upang maging mas tumpak, sa katunayan ay salungat ito sa Diyos at sa katotohanan. Maaaring isipin mo na isa itong emosyon sa loob ng normal na pagkatao, pero sa mga mata ng Diyos, hindi lang ito simpleng usapin ng emosyon, sa halip, isa itong pamamaraan ng pagsalungat sa Diyos. Isa itong pamamaraan na may tanda ng mga negatibong emosyon na ginagamit ng mga tao para labanan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan. Kaya naman, umaasa Ako na, kung nais mo mang hangarin ang katotohanan, susuriin mo nang lubusan ang iyong sarili para makita kung kumakapit ka man sa mga negatibong emosyong ito at mapagmatigas, parang hangal na lumalaban at nakikipagkumpetensiya sa Diyos. Kung natuklasan mo ang sagot sa pamamagitan ng pagsusuri, kung may napagtanto ka at nagkaroon ka ng malinaw na kamalayan, kung gayon ay hinihiling Ko sa iyo na bitawan muna ang mga emosyong ito. Huwag mong pahalagahan ang mga ito o huwag kang kumapit sa mga ito, dahil wawasakin ka ng mga ito, wawasakin ng mga ito ang iyong hantungan, at wawasakin ng mga ito ang iyong oportunidad at pag-asa na hangarin ang katotohanan at kamtin ang pagliligtas. Dito Ko na tatapusin ang pagbabahaginang ito para sa araw na ito.
Setyembre 24, 2022