Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos (Ikatlong Bahagi)

Paano nagkakaugnay ang tao at ang Diyos? Paano mo makikilala ang Diyos? Paano Siya gumagawa sa tao? Ito ay sa pamamagitan ng paggamit sa Kanyang mga salita, kung saan ibinubunyag Niya ang Kanyang mga layunin, gabayan ka sa landas na dapat mong tahakin, subukin ka, at sabihin sa iyo ang lahat ng hinihingi at mga pamantayan Niya para sa iyo. Nauunawaan ng mga tao ang lahat ng aspekto ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, nang hindi ito namamalayan: ang mga prinsipyo sa likod ng kung paano makitungo sa mga tao at pangasiwaan ang mga bagay, paano tratuhin ang kanilang mga kapatid, ang gawain ng iglesia, at ang kanilang tungkulin, paano maranasan ang mga pagsubok, paano maging tapat sa Diyos, paano magwaksi, paano pakitunguhan ang mundo ng mga walang pananampalataya, at iba pa. Lahat ng ito ay nasa salita ng Diyos, at sinabi na Niya sa sangkatauhan. Pero sa huli, hanggang sa anong sukat ito mararanasan ng tao? Puwedeng makita ng mga tao ang Diyos sa Kanyang mga salita, at makalapit sa Kanya nang harapan. Maaaring may magtanong ng: “Nasaan ang Diyos na sinasampalatayanan mo?” Ang mga hindi nakaranas nito ay hindi ito mauunawaan: “Tama, nasaan ang Diyos? Hindi pa Siya nagpapakita sa akin. Laging sinasabi na nasa ikatlong langit Siya, pero hindi ko pa Siya nakikita. Hindi ko alam kung gaano talaga kalaki o kataas ang Diyos, o kung gaano Siya kamakapangyarihan at kung paanong Siya ay nasa lahat ng dako.” Sasabihin ng mga may karanasan: “Hindi mahalaga ang mga bagay na iyon. Nakaharap ko na ang mga salita ng Diyos mula noong pinakaunang araw na nanampalataya ako sa Kanya. Ngayon ay dalawampu o tatlumpung taon na akong nananampalataya sa Kanya, at nakikita ko sa mga salita Niya ang Kanyang disposisyon at diwa, at mayroon akong ilang pagkaunawa at kaalaman sa Kanya. Matapos maranasan ang Kanyang mga salita sa mga nakalipas na taon, kung isang araw ay lalapit ang Diyos sa akin at magsasalita sa akin, makikipag-ugnayan sa akin, makukumpirma ko na Siya ang Diyos na naghayag ng mga salitang iyon, Siya ang Kaisa-isang sinasampalatayanan ko, walang duda! Anuman ang hitsura Niya, hangga’t ang Kanyang mga salita at ang mga ito ay pareho ang pinagmulan, Siya ang Diyos na sinasampalatayanan ko, ang Diyos mula sa langit, ang Isa na may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ko, at sa lahat ng bagay. Siya iyon.” Sa panahong ito, kailangan pa rin bang magsalita ng Diyos sa iyo mula sa langit? (Hindi na kailangan.) Anuman ang anyo o imaheng kinuha ng Diyos, hindi mo ito kailangang makita. Hindi kailangan. Hindi ka magkakaroon ng ganoong kuryosidad. Pero bakit? Pagkatapos ng ilang taon ng karanasang ito, ng pakikipag-ugnayan sa Diyos, kahit na hindi mo masabi na kilala mo Siya, o sobrang pamilyar ka na, kahit papaano ay hindi ka na estranghero sa Kanya dahil sa Kanyang mga salita at sa mga karanasan mo sa mga iyon at sa Kanyang gawa. Kasama mo Siya, ginagabayan ang buhay mo, kataas-taasan ang kapangyarihan sa iyo sa araw-araw at sa iyong kapalaran. Labis Niyang nauunawaan ang iyong kagalakan, kalungkutan, galit, at kasiyahan, at alam mo ang sa Kanya. Hindi na mali ang pagkakaunawa mo sa Kanya o hindi ka na nagrereklamo tungkol sa Kanya, at sa lugar Niya sa puso mo ay masasabi mong Siya ang nasa trono, at naghahari bilang Hari, kayang pamahalaan ang buo mong pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng “naghahari bilang Hari”? Ibig sabihin nito ay ginagamit mo ang mga salita ng Diyos upang lutasin ang anumang nangyayari, at ang Kanyang mga salita ang panginoon ng puso mo. Hindi na ikaw ang panginoon. Ang kaalaman at natutuhan mo, ang mga librong nabasa mo, ang mga karanasan at pangyayari sa buhay mo—hindi ka magagabayan ng lahat ng ito. Gagabayan ka ng mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, ang mga ito ang magiging gabay na aklat ng buhay mo, na nabubunyag at naisasabuhay araw-araw sa iyong aktuwal na pamumuhay. Ito ang paraan para magkaroon ka ng mga katotohanang realidad. Sa panahong iyon, kung may magtatanong ulit sa iyo, “Dahil nananampalataya ka sa Diyos, kilala mo ba Siya?” Sasabihin mo: “Kilala ko nang bahagya ang Diyos. Ayokong mangahas na gumamit ng mga salita para ilarawan ang Kanyang kapangyarihan at karunungan, o mangahas man na bigyang-kahulugan Siya, pero kahit papaano ay alam kong hindi maaarok ang Diyos, napakarunong at kahanga-hanga, at labis na nagmamahal sa sangkatauhan. Ang pagmamahal ng Diyos ay napakadakila, napakatotoo, at ang Kanyang disposisyon ay napakamatuwid!” Hindi ba’t ang katiting na pagkakakilalang ito ay mas mahalaga kaysa sa hindi tunay at malalabong kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao? (Tama, ganoon nga.) Kung ganoon, saan nanggagaling ang mahahalagang bagay na ito? Nanggagaling ang mga ito sa pagdanas ng mga salita ng Diyos. Iyon ay, matapos mabigyan ng mga salita ng Diyos sa loob ng maraming taong ito, nag-ugat ang mga ito sa iyo at umusbong, namulaklak, at namunga, at naisabuhay mo ang realidad ng Kanyang mga salita. Paano mo makakamit ang epektong ito habang isinasabuhay ang mga salita ng Diyos? (Sa pamamagitan ng pagdanas, paunti-unti, sa mga pagsasaayos ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay.) Galing ito sa karanasan, ang patuloy na pagpapatunay sa mga salita ng Diyos sa panahong ito, pagpapatunay na bawat isa sa mga pangungusap ng Diyos ay ang katotohanan, at ang kailangan mo sa iyong buhay. Sa panahong iyon, kung may magsasabing, “Ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay hindi Diyos, hindi Siya umiiral, hindi Siya makita,” sasabihin mo sa kanya: “Hindi para sa isang tao ang pagpapasya sa pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang Diyos ang siyang magpapasya, ang katunayan na umiiral at kataas-taasan ang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ang siyang magpapasya, ang aktuwal na karanasan ko sa gawain ng Diyos sa loob ng mga taong ito ang magpapasya, ang lahat ng patotoo ng karanasan sa gawain ng Diyos ang magpapasya. Ito ang katibayan.” Ito ay ang pagpapatotoo sa Diyos. Kung may magsasabi uli ng, “Nasaan ang Diyos?” paano ka tutugon? (Nasa puso ng bawat taong nananampalataya sa Kanya.) Nabubuhay na ang Diyos sa puso ng mga tao, pero nasa loob rin Siya at nasa lahat ng bagay, sa paligid natin. Ito ang pag-iral ng Diyos. Hindi mo ito maikakaila, at ang nararanasan mo ay mas tunay kaysa sa nakikita mo. Kahit na makita mo ang Diyos, makikilala mo ba Siya? (Hindi, hindi ko makikilala.) Kung bababa ang espirituwal na katawan ng Diyos sa mga tao at magsasabing, “Ako ang Diyos,” magugulat ka at sasabihing, “Ikaw ang Diyos? Paanong hindi Kita nakikilala? Hindi ko tinatanggap ang Diyos na gaya Mo!” Sa totoo lang, matatakot ka. Bakit ka magkakaroon ng ganitong klaseng reaksyon? Dahil hindi mo kilala ang Diyos, kaya may ganito kang klaseng saloobin at pag-uugali tungo sa Kanya.

Ano ang pinakamahalagang bagay na dapat pag-ukulan ng pansin kapag nananampalataya sa Diyos? Maaari mong sabihin na ang pagdanas sa Kanyang mga salita ang pinakamahalaga. Sa proseso ng pagdanas sa mga salita ng Diyos, anumang maling mga kalagayan mayroon ang mga tao, mga kalagayan ng paglaban sa Diyos o pagiging mapagrebelde, o anumang nakalilinlang na mga pananaw, lahat ng ito ay dapat na baguhin at lutasin gamit ang katotohanan. Sa ganitong paraan, unti-unting bubuti ang panloob mong kalagayan, lalong magiging normal ang relasyon mo sa Diyos, at madarama mo ang pag-iral ng Diyos. Kung ang relasyon mo sa Diyos ay hindi normal, hindi mo madarama ang pag-iral ng Diyos. Hindi ba’t may katotohanan sa lahat ng ito? May katotohanan sa lahat ng ito. Kung ang mga taong nananampalataya sa Diyos ay parang nabubuhay sa kawalan, walang ugnayan sa anuman, walang nakikita, walang alam, binabalewala ang panlabas na mundo, tulad ng mga Taoistang monghe at madre na nagsasagawa ng asetikong pamumuhay, hindi ito ang tamang paraan. Kung nakakapagmasid, nakakaunawa, at nakakaranas ang mga tao, makikita nila ang mga pagkilos ng Diyos sa maraming bagay. Subalit may ilang bagay sa kasalukuyan na napakalalim at hindi maaabot ng karamihan sa mga tao, kaya hindi mo dapat bitiwan kung ano ang malapit para hanapin kung ano ang malayo. Tumuon ka lang sa mga salita ng Diyos at pag-aralang sukatin ang sarili mo sa mga iyon. Ano ang ibig sabihin ng sukatin ang sarili sa mga iyon? Ito ay ang makita kung mayroon ka bang iba’t ibang kalagayan na inilantad sa mga salita ng Diyos, kung nasaang katayuan ka, ano ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos, at kung anong kalagayan ng tao ang sinasabi Niya. Lahat ng ito ay dapat na masuri at maunawaan nang malinaw. Minsan maririnig ng mga tao ang mga salita ng Diyos nang isang beses, pero pumapasok ang mga ito sa isang tainga at lumalabas sa kabila at iniisip nila, “Hindi para sa akin ang mga salita ng Diyos. Wala akong ganitong kalagayan. Ibang tao ang tinutukoy Niya.” Ito ang maling paraan ng pag-unawa sa mga iyon, at ipinakikita nito na hindi mo pa rin nauunawaan ang Kanyang mga salita, na wala pa ring epekto ang mga iyon sa iyo, at hindi mo pa nahimay-himay ang mga iyon. Magtamo ka pa ng karanasan hanggang sa dumating ang araw na marinig mo ang mga salita ng Diyos na nagsisiwalat sa mga tao at sasabihin mong, “Nagsasalita ang Diyos tungkol sa akin.” Ito ay ang sukatin ang iyong sarili sa mga salita ng Diyos. Subalit simula pa lamang ito, simula pa lamang ito ng pagpasok sa mga salita ng Diyos—maaaring hindi mo pa alam kung ano talaga ang kalagayang sinasabi ng Diyos. Kaya dapat kang dumaan sa isang panahon ng paghahanap kung ano ang katotohanang nasa sinasabi ng Diyos, kung ano ang mga hinihingi Niya, at kung anong landas ang ibinibigay Niya sa sangkatauhan. Kinapapalooban ito ng mga detalye; hindi ka maaaring magsuri lamang ng panlabas na kalagayan at magtapos doon. Ano ang layon ng Diyos sa pagsusuri sa kalagayan ng mga tao at pagpapasiyasat nito sa kanila? Ito ay ang baguhin ang kanilang direksyon. Sinasabi ng Diyos na ito ay isang maling kalagayan, at kung nabubuhay ka sa ganitong uri ng kalagayan, o kung mayroon kang ganitong uri ng pananaw, magagawa mong labanan ang Diyos. Isa itong pagrerebelde, ginagalit nito ang Diyos, at isa itong tiwaling disposisyon na nabibilang kay Satanas at hindi umaayon sa katotohanan; dapat mong baguhin ang landas mo. Habang nagbabago ng landas, dapat mong maunawaan kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, na may katotohanan sa mga hinihinging ito, at dapat mong maunawaan ang layunin ng Diyos at pagnilayan na, “Ano ba ang hinihingi ng Diyos sa bagay na ito? Paano ko mababago ang landas, mapapalaya ang sarili ko at malulutas ang ganitong uri ng kalagayan?” Kinapapalooban ito ng paghahangad sa katotohanan. Hindi sapat na sukatin mo lang ang sarili mo sa mga salita ng Diyos—karagdagan pa rito, kailangan mo pa ring maunawaan ang katotohanan at kilalanin ang sarili mo. Pagkatapos ay madarama mo na dakila ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at mapupuri mo Siya mula sa iyong puso: “Napakarunong ng Diyos, sinisiyasat ang kaibuturan ng puso ng tao! Inilantad ng Diyos ang kalagayan ko, hindi ko alam na mayroon pala ako niyon, ngunit alam ng Diyos ang lahat ng bagay!” Iyon na ba iyon? Napakalayo pa nito sa pagiging sapat, at hindi ito ang hinihingi ng Diyos. Hinihingi Niyang bitiwan mo ang mga negatibo, mga maling kalagayan, na nagmumula sa mga tiwaling disposisyon at, sa sandaling malutas mo ang mga iyon, magsagawa ka nang alinsunod sa katotohanan. Habang ang pagkaunawa mo sa katotohanan ay unti-unting lumalalim, lubusang magbabago ang panloob mong kalagayan at bibitiwan mo ang dati mong pananaw sa mga bagay, makikita mo na nakalilinlang ito, malalaman mo kung nasaan ang kamalian at kung ano ang diwa nito, at dahil dito ay malulutas mo ito. Kapag kaya mo nang ganap na bitiwan ang mga makamundong bagay at mga satanikong pananaw, kahit na pakiramdam mo ay inukaan ka sa loob, ang puso mo ay magsisimulang mapuno ng mga katotohanang naunawaan mo. Kung ano ang tamang pananaw na gusto ng Diyos na taglay mo, kung ano ang nais Niyang magkaroon ka, kung aling mga pananaw ang tamang makamit mo at kung alin ang mali—may proseso para maunawaan ang mga bagay na ito na hinihingi sa iyo na patuloy mong hanapin ang katotohanan at mas lumalim pa rito, at kapag tunay mong naunawaan ang katotohanan, ang puso mo ay ganap na masisiyahan at mapapanatag. Hindi madali para sa isang tao ang maniwala at tanggapin ang katotohanan. Lahat ng tao ay may mga aktibong kaisipan, lahat sila ay may mga kaisipan at ideya at tiwaling disposisyon, at kapag wala silang ginagawa, lagi nilang pag-aaralan at susuriin kung tama ba o mali ang mga salita ng Diyos. Kung may makakatagpo silang isang tao na nauunawaan ang katotohanan at ibinahagi niya ang patotoo niyang batay sa karanasan, makakatamo sila ng ilang pakinabang at pagpapatibay; subalit kapag may nakatagpo silang isang tao na nagsasabi ng mga kahangalan at kakatwang pananaw, mahihikayat rin niya sila. Ito ay isang normal na kalagayan. Subalit, pagkatapos makaranas nang sapat, isang araw ay ganap nilang tatanggapin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at matatanto nila kung saan sila nagkamali. Subalit ang pagkatanto ba rito ay nangangahulugang maisasagawa nila ang katotohanan? (Hindi, hindi nila kaya.) Hindi pa sila handa, iniisip nila sa sarili nila, “Pagkakaitan ko lang ang sarili ko nang ganun-ganun lang?” Gusto pa rin nilang magpatuloy sa pagsusuri ng mga bagay, at anuman ang isipin nila sa kanilang mga puso, laging naroon ang kanilang pagiging mapagrebelde at tiwaling disposisyon. Hindi ganoon kadali para sa kanila ang tanggapin ang katotohanan; hindi nila basta o ganap na tuwirang matatanggap ito bilang ang katotohanan. Kahit na malinaw nilang nalalaman na ito ang katotohanan, hindi pa rin nila ito agad-agad at ganap na maisasagawa. Kinukumpirma nito ang katunayan na sa loob ng tao ay ang mga tiwaling disposisyon, at isang satanikong diwa. Ang layunin ng gawain ng Diyos at ang pagpapahayag ng katotohanan ay lutasin ang tiwaling disposisyon ng tao, hukayin ang katiwalian, lutasin ito, at linisin ito nang paunti-unti. Ang pananaw ng tao ay unti-unting aayon sa pananaw ng Diyos, at ang ginagawa nito ay magiging tugma sa katotohanan. Sa anumang aspekto ka naaayon sa Diyos, hindi ka magkakamaling maunawaan Siya sa aspektong iyon. Saan ka man may maling pagkakaunawa sa Diyos, doon mo dapat hanapin ang katotohanan, at gamitin ito upang lutasin ang di-pagkakaunawaan. Hindi mo dapat laging igiit ang iyong pananaw, laging iniisip na ang maling pagkakaunawa mo ay wasto at may katwiran, na ito ay matatag at may katuturan saanman ito gamitin. Katawa-tawa ito. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon—normal sa kanila na maging medyo mapagmataas; maaari silang magbago hangga’t tinatanggap nila ang katotohanan. Mapanganib kung sila ay kakatwa at may mga maling pananaw sa mga bagay, at hindi magiging madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan, at madalas na mali ang pagkakaunawa nila rito. Ang ganitong mga klase ng tao ay malamang na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at sumalungat sa Diyos; sila ang mga uri na nabibilang kay Satanas. Tungkol sa di-pagkakaunawa sa Diyos, kung hindi hinahanap ng isang tao ang katotohanan, iisipin niya na mali ang ginagawa ng Diyos. Kung lagi nilang “lilitisin” ang Diyos sa ganitong paraan, nakikipagtunggali at lumalaban sa Kanya, lumalaban at nakikipagtunggali, sa huli ay magtatapos ito sa kabiguan, at sila ay lubusang mapapahiya. Ang katotohanan at ang Diyos ay laging lalabas na matagumpay. Kung mapapanatili mo ang isang mapagpasakop na puso, at hahanapin at tatanggapin ang katotohanan sa iyong pakikipagtalo at pakikipaglaban sa Diyos, doon lamang puwedeng magbago ang iyong puso, at kalaunan ay kailangan mong magpasakop sa salita ng Diyos. Ang proseso ng pagliligtas ng Diyos at pagkamit ng tao ay ang pagdanas sa prosesong ito, at ang mga mas gustong mamatay kaysa tanggapin ang katotohanan ay ilalantad at ititiwalag. Kung matatanggap mo ang katotohanan, at makapagpapasakop ka sa Diyos, isa kang tao na sumusunod sa Diyos, puwede mong makamit ang pagiging kaayon Niya, at hindi na muling magrerebelde o lalaban sa Kanya. Gaano man kahaba ang panahong nananampalataya ang isang tao sa Diyos, hangga’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan at magtagumpay sa pagpapasakop sa Kanya, sa huli ay makakamit nilang lahat ang pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Hayaan ninyong bigyan Ko kayo ng halimbawa. Sabihin nating pinag-aaralan mo ang botanika o agrikultura, at nagtanim ka sa lupa ng sampung binhi ng punong namumunga. Mula sa napag-aralan mo, alam mo na ang sampung binhing ito ay maaaring tumubo at maging sampung puno. Isa itong kongklusyon batay sa siyentipikong pundasyon at teorya, at pinanghahawakan mo ang kongklusyong ito. Kaya kung sasabihin ng Diyos na maaaring tumubo ang labing-isang puno mula sa sampung binhing ito, hindi ka maniniwala: “Posible ba iyon? Paano tutubo ang labing-isang puno mula sa sampung binhi?” Sa katunayan, may isang nakakubling binhi na hindi mo nakita. Ano ang batayan sa pagkapit mo sa sarili mong pananaw? Ito ay ang siyentipikong katibayan at kaalamang natutuhan mo—kinokontrol ng mga ito ang pag-iisip mo, at hindi mo makita ang higit pa sa saklaw nito. Kung kukunin mo iyon bilang iyong pamantayan, ibig sabihin ay hindi mo kinukuha ang mga salita ng Diyos bilang iyong pamantayan—at iyon ay pagrerebelde ng tao. Iisipin mo, “May pundasyon ako, paano Mo nasasabi kung gayon na ang kongklusyon ko ay hindi ang katotohanan? Ang sinabi Mo ay walang batayan, paano Mo kung gayon masasabi na ang mga salita Mo ay ang katotohanan? Ang mga iyon ay ganap na walang pundasyon! Ilang tao ang nagpatunay nito? Sino ang nagpatunay nito? Sino ang nakakita? Nasaan ang mga katunayan?” Itinatatwa mo na ang mga salita ng Diyos bago mo pa makita ang mga katunayan, laging naglalagay ng tandang pananong sa Kanyang mga salita, lagi Siyang itinatatwa, laging nadarama na, “Ang sinabi ng Diyos ay mali; ang kongklusyon ko ang tama, dahil napatunayan na ito. Isa akong akademiko sa larangang ito, isang propesyonal, kaya ang kongklusyon ko ay dapat markahan na tama.” Itinutumbas mo ang sampung binhi sa tutubong sampung puno, kaya hindi ka naniniwala sa Diyos kapag sinasabi Niyang labing-isang puno ang tutubo. Ngunit kapag ang resulta at katunayan ay labing-isang puno ang tumubo, makukumbinsi ka ba? (Oo, makukumbinsi ako.) Lubos ka bang makukumbinsi? Bakit? (Nakita ko ang mga katunayan.) Kapag nakita mo ang mga katunayan, magsisimula kang tanggihan ang kaalamang nakuha mo at ang sarili mong kongklusyon, at marahil ay magkakaroon ng pagpupumiglas sa puso mo: “Bakit ako naging mali? Puwede nga bang maging mali ang agham?” Sa prosesong ito, pag-aaralan at susuriin ng mga tao kung tama ba o mali ang mga salita ng Diyos, at paghahambingin ang mga ito: “Alin ang tama, ang mga salita ng Diyos o ang siyentipikong pangangatwiran? Sino ang malamang na tama?” Naroon na ang katunayan, subalit hindi pa rin sila lubos na matanggap ng mga tao, at dapat pang maghintay ng ilang taon bago sila lubusang makumbinsi ng ginawa ng Diyos at tunay na tanggapin ito. Ang Diyos ay hindi nagsasalita o kumikilos nang walang pundasyon; ang proseso ng Kanyang mga pagkilos ay hinahayaan kang makaranas at matuto sa sarili mo, hanggang sa makita mo kung ano ang mga resulta. Ano ang makakamit mo sa prosesong ito? Hinahayaan nitong magkaroon ka ng tunay na pagpapatibay sa mga pagkilos ng Diyos. Hindi Niya hahayaang sabihin mo nang walang batayan na, “Ikaw ay Diyos, Ikaw ay dakila at marangal, marunong at kahanga-hanga.” Hindi Niya hinahayaang magpatotoo ka sa Kanya nang ganoon; sa halip, ginagamit Niya ang mga katunayang ito para maranasan at makita mo mismo. Hindi sasabihin ng Diyos na mali na ang sampung binhi ay tutubo at magiging sampung puno. Hindi Niya ito pabubulaanan o hindi Siya makikipagtalo sa iyo, ngunit gagamit Siya ng mga katunayan para patunayan ang punto, at hayaan kang makita mo ito mismo. Marahil ay sinabi ito ng Diyos sa iyo noong dalawampung taon ka, subalit hindi Niya sinabi na “Ako ang katotohanan, at dapat kang makinig sa Akin.” Hindi iyon sinabi ng Diyos; ginawa na lang Niya iyon, at nakita mo ang resulta noong tatlumpung taon ka na. Ganoon katagal ang inabot. Nakipagtalo ba ang Diyos sa iyo noong panahong ito? (Hindi, hindi Siya nakipagtalo.) Kung ganoon, sino ang nakikipagtalo? Ang mga tao ang nakikipagtalo sa Diyos, at laging nag-iisip na, “Mali ang Diyos. Hindi siyentipiko ang sinasabi at ginagawa Niya at hindi makatwiran.” Gustung-gusto ng mga taong makipagtalo sa Diyos, pero nananahimik lamang Siya at patuloy na gumagawa. Paglipas ng sampung taon matutuklasan mo ang isang katunayan at matatakot: “Naku, mali pala ang pananaw ko!” Sa oras na tanggapin mong mali ka, ang kongklusyon sa bagay na iyon ay nabuo na, pero matatanggap mo ba ito? Tinatanggap mo lamang ang isang kakaibang pangyayari, subalit sa puso mo ay hindi mo pa rin talaga alam kung ano ang nangyayari. Gaano karami pang mga taon ng karanasan ang kailangan mo? Maaaring abutin pa ng isang dekada ang pagdanas mo nito bago mo makumpirma na ang kongklusyon sa kung ano ang ginawa ng Diyos sa bagay na ito ay tama, at na ang Diyos ay ang katotohanan at tama, samantalang ikaw ay mali. Pagdating mo ng apatnapung taon, lubusan ka nang makukumbinsi, at sasabihin na, “Ang Diyos ay ang katotohanan, Siya talaga ay Diyos, at ang ginagawa Niya ay napakakahanga-hanga at tunay! Napakarunong ng Diyos!” Pinagkakaitan mo ang sarili mo. Tingnan mo, ilang taon ng karanasan ang kinailangan? (Dalawampung taon.) At ano ang ginawa ng Diyos sa dalawampung taon na ito? Hindi Siya gumamit ng mga pormula para sabihin sa iyo, gaya ng pagpapaliwanag ng tungkol sa Newton’s law—gumamit Siya ng mga katunayan para ipakita sa iyo ang ilang bagay, at binigyang-liwanag at ginabayan ka para maunawaan ang mga iyon sa pamamagitan ng mga kakaibang pangyayari at mga kaganapan sa paligid mo. Magkakamit ka ng kaunting pagkaunawa matapos ang tatlo o limang taon at sasabihin na, “Mali ako, ngunit lubusan ba akong mali?” Mas danasin mo pa at ilalatag ng Diyos ang ilang katunayan para sa iyo, at kapag apatnapu ka na—pagkatapos pa ng isang dekada—aaminin mo na mali ka. Ganito gumagawa ang Diyos, ito ang mga bagay na ginagawa Niya. Sa pamamagitan ng anong proseso mo matatanggap na mali ka, at tama ang Diyos? Sa pamamagitan ito ng proseso ng pagharap sa mga katunayan, at sa ilalim ng pagbibigay-liwanag at paggagabay ng Diyos na magkakaroon ka sa ganitong pagkatanto. Ganoon ang prosesong ito; hindi ka lamang basta bibigyan ng Diyos ng kongklusyon at papapaniwalain ka roon nang walang pundasyon. Kung pinilit ka ng Diyos na makaunawa, magiging mabuti ba iyon? Kung sapilitan kang kinontrol ng Diyos para makaunawa, magagawa mo, at malalaman mo rin naman na tama ang Diyos. Subalit hindi layunin ng Diyos na gawing robot ang mga tao. Hindi iyon ang nais Niya. Nais Niya na maunawaan ng mga tao ang katotohanan, pumili, at magpasakop sa Kanya. Subalit ang makamit ang resultang ito ay nangangailangan ng panahon.

Sa ngayon, naranasan na ba ninyo na ang gawain ng Diyos ay praktikal? (Oo, naranasan ko na.) Napakapraktikal nito. Ang pagiging praktikal ng gawain ng Diyos ay kabaligtaran ng mga guni-guni, malabong pananaw ng tao, kaya kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na nasa loob mo na guni-guni, o walang kabuluhan at di-praktikal, o walang batayan sa salita ng Diyos. Tama na pabulaanan mo na lamang ang lahat ng ito. Tiyak na tama ito at kailangan mong maranasan ito sa ganitong paraan. Gaano karaming bagay ang nilikha ng Diyos—ang Lumikha ng lahat ng bagay? Gaano dapat Siya karunong? Kung iniisip mo na ganap mo itong mararanasan at maaarok sa loob ng tatlo o limang taon, imposible iyon. Hindi mo ito maaarok kahit na habambuhay ang taglay mong karanasan. Kaya dapat magpakumbaba ka habang nararanasan mo ang mga salita ng Diyos; magsimula nang maliit, magmula sa mga detalye, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kapag naharap ka sa isang bagay na hindi mo maarok, pag-aralan mong patahimikin ang sarili mo sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan, nang hindi nababalisa o hindi nawawalan ng pasensya. Paano ba magagawang tumahimik ng isang tao sa harap ng Diyos? Ang puso mo ay dapat na manalangin at makipagbahaginan sa Kanya at, kung hindi mo magawang maging tahimik, maaari mong basahin at pag-isipan ang mga salita ng Diyos, o awitin ang mga himno ng mga salita ng Diyos. Lahat ng ito ay makakatulong para makamit ang resulta ng pagiging tahimik sa harap ng Diyos. Ang puso ng isang tao ay magiging tahimik kapag bumabalik ito sa harap ng Diyos; madarama niya na ang paggawa ng mga bagay o pagiging abala sa labas ay walang saysay, na wala namang makakamit. Hangga’t tahimik sila sa harap ng Diyos—nagbabasa man ng Kanyang mga salita, nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, o umaawit ng mga himno bilang pagpupuri sa Diyos—may makakamit ang espiritu nila at maliliwanagan, at madarama ng puso nila ang pangangalaga at kasiyahan. Unti-unti, makikita mo nang malinaw ang gawain ng Diyos, magagawa mong magpasakop sa Kanya, at makakamit mo ang katotohanan at buhay. Kung nais ng mga taong makamit ang katotohanan at makamit ang Diyos, kailangan nilang magsakripisyo, tiisin ang maraming pagdurusa, at gumugol ng panahon at lakas, danasin ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon. Saka lamang nila makakamit ang katotohanan at buhay, at ang buong pagliligtas ng Diyos.

Oktubre 11, 2017