Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos (Ikalawang Bahagi)

Dalawang libong taon na mula nang ipinako ang Panginoong Jesus, at ngayon, itong mga taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay naririnig ang Kanyang tinig, at nakakapakinig ng mga sermon at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan araw-araw. Nauunawaan nila ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, at alam nila ang mga hiwaga ng Kanyang plano ng pamamahala. Nauunawaan kaya ito ng mga mananampalataya ng Panginoon na nasa relihiyon? Kahit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila nauunawaan, at nakakapit pa rin sila sa mga kuru-kuro nila. Kapag sinabi ng isang tao, “Ang Panginoong Jesus ay anak ng isang dukhang karpintero. Tingnan ninyo kung anong klaseng Panginoon ang sinasampalatayanan ninyo,” wala silang kapangyarihang pasinungalingan ito, at hindi sila makapagpatotoo sa Diyos. Napakakasuklam-suklam ng mga tao! Ang Diyos ay nagpahayag ng napakaraming katotohanan para sa sangkatauhan at gumawa ng mga ganoon kadakilang mga bagay, pero kung hindi Niya personal na sasabihin sa tao ang kahulugan, halaga, at katotohanan na nasa mga bagay na ito, wala ni isang tao kung ganoon ang makakapanindigan para magsalita at magpatotoo sa Diyos. Ano ang kahulugan ng makapagsalita para sa Diyos? Ito ay ang magpatotoo sa mga gawa at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa halaga na Kanyang ibinayad upang tubusin ang lahing ito ng tao, at sa Kanyang mga kaisipan at ang kahulugan ng lahat ng bagay na ginawa Niya. Ano ang mauunawaan ninyo mula rito? (Hindi kayang maisip ng sangkatauhan ang gawain ng Diyos.) Hindi kayang maisip ng sangkatauhan ang gawain ng Diyos, ni maarok ito. Kaya dapat magkaroon ang tao ng wastong perspektiba at pananaw sa pagtingin o pagturing sa gawain ng Diyos, sa paggabay Niya sa sangkatauhan, at sa Kanyang kalooban. Dapat na may tamang pananaw ang tao. Mahalaga ito. Dapat mong malaman kung sino ka at kung sino ang Diyos, ang mga bagay na kailangan ay mayroon ka na magpapaunawa sa iyo ng mga salita at gawain ng Diyos, kung ano ang natural na hindi mo kayang maunawaan o maarok nang malinaw, at kung anong klaseng saloobin ang dapat na mayroon ka. Ito ang katwirang dapat mong taglayin. Sa ganitong paraan, ang relasyon mo sa Diyos ay magiging medyo normal at nagkakasundo. Kung lagi mong paiiralin ang saloobing naghihintay sa kung ano ang mangyayari, nag-aakala, nagdududa o maging lumalaban sa pag-aaral at nagkakaroon ng mga espekulasyon tungkol sa Diyos, o pagsisiyasat sa lahat ng bagay na ginagawa Niya, magkakaroon ng problema. Ito ay akademiko, ito ay pananaliksik—ito ay isang hindi mananampalataya. Dapat mong ituring ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nang may perspektiba at saloobin ng pagsunod, paghahangad, at may-takot; ito lamang ang magbubunga ng tunay na kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Kung nauunawaan mo ang Diyos hindi ka sasalungat sa Kanya, o kahit papaano ay hindi ka magkakamali ng pag-unawa sa Kanya. Magpapasakop ka, at masasabi mong, “Kahit na hindi ko alam ang kahulugan ng paggawa dito ng Diyos, naiintindihan ko na lahat ng ginagawa Niya ay tama.” Ano ang pagkaunawang ito? Ito ay ang lubusang pagkakumbinsido ng puso mo na lahat ng ginagawa ng Diyos ay may kahulugan, at dapat magpasakop ang mga tao. Dinala ng Panginoong Jesucristo ang sarili Niya sa mga kamay ni Satanas at ipinako ni Satanas—hindi ito mabuting bagay sa mga mata ng tao, pero isinakatuparan Niya ang kalooban ng Diyos at tinapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Isa itong dakilang bagay, isang bagay na may malaking kahulugan at halaga sa buong sangkatauhan, subalit malinaw ba itong nakita ng sangkatauhan? (Hindi.) Hindi ito malinaw na nakita ng sangkatauhan. Hindi nakita ng sangkatauhan ang layunin ng Diyos dito, hindi rin nila naunawaan ang kahulugan at kahalagahan ng paggawa dito ng Diyos; iyon ay, hindi nakita ng mga tao ang malaking pakinabang para sa sangkatauhan. Nakita lamang nila na ang Panginoong Jesus ay muling nabuhay tatlong araw matapos ipapako, nagpakita sa mga tao at nakipagtagpo sa kanila, nakipag-usap, nakipaggunitaan, at pagkatapos ay lumisan; subalit ang kalooban ng Diyos ay naisakatuparan. Hindi ba ito labis na mahalaga? (Tama.) Naarok ba ito ng mga tao? Hindi. Mula sa bagay na ito, dapat magkaroon ang mga tao ng tamang pagsusuri sa kanilang sarili, at tamang saloobin tungo sa Diyos. Anuman ang ginagawa ng Diyos, nauunawaan man ito ng tao o hindi, dapat nilang takpan ang kanilang mga bibig. Tama ito. Huwag mong isiping pag-aralan ang lahat ng bagay, hindi iyon mabuti. Bakit hindi? Walang panuntunan na nagsasabing hindi ka pinahihintulutang gawin iyon, subalit mawawalan ka ng mapupuntahan at manganganib. Hindi mo maunawaan, at hindi mo maintindihan sa ngayon, pero gusto mo laging mag-aral, laging sumalungat sa Diyos. Kung hindi mo ito magawa sa pamamagitan ng pag-aaral, pero hindi mo rin hinahangad ang katotohanan, anong mga problema ang agad na lilitaw? Magiging madali sa iyo na magkamali sa pagkakaunawa sa Diyos. Mali ang magiging pagkaunawa mo sa simula, at kung hindi mo mauunawaan nang malinaw ang mga bagay at nanatili ang maling pagkaunawang ito, magiging negatibo ka at mahina, at maaapektuhan nito ang pagtupad mo sa iyong tungkulin at sa iyong buhay pagpasok—lahat ng bagay na ito ay magkakaugnay. Maraming bagay ang hindi nauunawaan nang malinaw sa loob ng isa o dalawang taon lang, at ang katotohanan ay napakalalim. Kahit na binigyang-liwanag ka ng Diyos ngayon, mauunawaan mo ba ito sa iyong maliit na tayog? Kahit na medyo maunawaan mo, mauunawaan mo ba nang lubusan ang katotohanan? Sasabihin mo, “Alam ko ang gravity. Bakit bumabagsak ang mga bagay at hindi pataas mula sa lupa, pero kung lalagpas ka ng atmospera at lalabas sa kalawakan, lulutang ka? Dahil lalabas ka sa paghila ng grabitasyon ng lupa. Naiintindihan ko ito, kung ganoon hindi ba’t nauunawaan ko na ang mga gawa ng Diyos?” Hindi mo alam kung paanong may ganap na kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa gravity, at naunawaan mo lang ang pagpapamalas nito. Hindi ibig sabihin nito na naarok mo na kung paanong may ganap na kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos dito, at kahit na magawa mo pa, magagawa mo bang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan dito? Manganganib ang mga tao kung lalabas sila ng atmospera, lulutang-lutang at lilipad-lipad lamang sila kung saan-saan kung walang gravity. Anong makikita mula rito? (Na maraming bagay ang hindi maaarok ng tao.) Hindi maarok ng tao, pero lagi silang sumasalungat sa Diyos para pag-aralan at obserbahan Siya, naghihinala ang mga puso nila na nagsasabing, “Kung hindi ko maaarok ang bagay na ito, hindi Ka Diyos.” Paano naman ang pananaw na ito? Ang pananaw at palagay na ito ay mali, sumasalungat ang mga ito sa Diyos, at mali na lagi Siyang pag-aralan. Dapat mong maunawaan ang Diyos, at sabihin na, “Hindi ko ito maunawaan, napakalalim nito at hindi ko ito maiintindihan nang lubusan kahit na bigyang-liwanag pa ako ng Diyos. Kaya magsisikap pa ako nang ilang taon nang may isang mapagpasakop na puso, at kung hindi ako sasagutin ng Diyos kakalimutan ko na lang ang tungkol dito. Walang harang o di-pagkakaunawaan sa pagitan ko at ng Diyos. Kung hindi ako magkakamali ng unawa o magrereklamo tungkol sa Diyos hindi ko Siya lalabanan. Kung hindi ko Siya lalabanan hindi ako maghihimagsik laban sa Kanya at kung hindi ako maghihimagsik laban sa Kanya, hindi ako tatanggi o lalayo sa Kanya. Isa akong tagasunod ng Diyos magpakailanman.” Ano ang pundasyon ng pagiging “isang tagasunod ng Diyos magpakailanman”? Ito ay “Kung umaayon man ang ginagawa ng Diyos sa aking mga kuru-kuro, lagi akong magpapasakop at susunod. Ang Diyos ay Diyos ko pa rin at ako ay isang nilikha, ako ay isang tao. Paano man ako tratuhin ng Diyos, itapon man ako sa impiyerno, sa lawa ng apoy, kay Satanas, o sa mga diyablo, lagi akong magpapasakop sa Kanya nang walang mga reklamo. Hindi mababago ang katayuan ng Diyos, ni ang pagkakakilanlan ko bilang isang nilikha. Hangga’t nananatiling di-nagbabago ang katunayang ito, dapat akong sumunod sa Diyos, at Siya ang aking Diyos magpakailanman.” Sa sandaling matatag na mag-ugat ang iyong paniniwala sa Diyos, hindi mo Siya tatalikuran. Ito ang relasyon sa pagitan ng iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha at ng Diyos. Sa sandaling makita mo nang malinaw ang pagkakakilanlan at posisyon ng Diyos sa iyong puso, at ang pagkakakilanlan at posisyon mo bilang isang nilikha na dapat mong ayunan, at kapag umugat ang mga ito sa puso mo, hindi ka lalayo mula sa Kanya. Pagkatapos, kapag mahina ka, negatibo, malungkot, o may nangyayaring hindi ayon sa iyong mga kuru-kuro at hindi mo ito maarok o maunawaan, maaapektuhan ba nito ang relasyon mo sa Diyos? (Hindi.) Hangga’t malinaw ka tungkol sa katotohanan ng mga pangitain, nakapaglatag ng pundasyon, at nakaranas ka ng maraming kapaligiran at nakaunawa na ang lahat ng bagay ay may kahulugan, malalaman mo ang gawain ng Diyos at magiging mahirap para sa mga kuru-kuro mo na maglitawang muli. May ilang tao na naiintindihan lamang ang ilang bahagi. Halimbawa, tungkol sa paghatol at pagkastigo, inaamin ng mga tao na ang ginagawa ng Diyos ay makahulugan, pero may mga kuru-kuro kapag humarap sa pagpupungos. Sinumang magpungos sa kanila, hindi sila handang tanggapin ito at hindi nila tinatanggap na mula sa Diyos ang bagay na ito. Iniisip nilang ginagawa ito ng tao, at nagmumula kay Satanas. Hindi ba’t isa na naman itong pagkakamali? Isa na namang problema ang lumalabas, at ang paghahanap sa katotohanan ay dapat na magpatuloy. Kung hindi mo ito malalampasan, ganap ka bang makakapagpasakop sa gawain ng Diyos? Makakapagpasakop ka lamang sa umaayon sa iyong mga kuru-kuro, at susuwayin ang mga hindi. Napakadali para sa ganitong klase ng tao ang lumaban sa Diyos, at ang kanyang disposisyon ay hindi pa nagbago.

Maraming kaisipan, ideya, at kalagayan sa loob ng mga tao na madalas ay nakakaimpluwensiya sa ilan nilang mga opinyon, perspektiba, at pananaw. Kung kaya mong lutasin isa-isa ang mga kaisipan, ideya at kalagayang ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, hindi maaapektuhan ng mga ito ang relasyon mo sa Diyos. Maaaring may maliit kang tayog ngayon, na may mababaw na pagkaunawa sa katotohanan, at dahil kakapanampalataya mo pa lamang sa Diyos o dahil sa iba’t iba pang mga dahilan, hindi pa marami ang nauunawaan mong katotohanan—pero dapat mong maintindihan ang isang prinsipyo: Dapat akong magpasakop sa lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos, mukha man itong mabuti o masama sa labas, tama o mali, at kung umaayon man ito o hindi sa kuru-kuro ng tao. Wala akong karapatang punahin, timbangin, suriin, o aralin kung tama ba ito o mali. Ang dapat kong gawin ay tuparin ang tungkulin ko bilang isang nilikha at pagkatapos ay isagawa ang mga katotohanan na nauunawaan ko, para pasiyahin ang Diyos at hindi lumihis mula sa tunay na daan. Isasagawa ko gaano man karami ang ipaunawa sa akin ng Diyos, at hahangarin ko ang dapat kong isagawa, kahit na hindi pa ako nabigyang-liwanag ng Diyos; kung hindi ako binigyang-liwanag ng Diyos tungkol sa isang bagay na hindi ko kailangang maunawaan, magpapasakop at maghihintay ako, at marahil isang araw ay ipauunawa ito sa akin ng Diyos. Tulad ng pagkapako ng Panginoong Jesus, na matapos ang dalawang libong taon ay nauunawaan na ng mga tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at kahit na ang mga hindi masyadong masigasig sa kanilang paghahangad ay nakakaunawa din sa lahat ng tungkol doon. Maaaring hindi mo maunawaan ang ilan sa mga dakilang gawain tungkol sa planong pamamahala ng Diyos ngayon, pero may mali kang pagkaunawa sa Kanya at ikinakaila mo ang pag-iral Niya dahil hindi mo naiintindihan ang katotohanan, na siyang sumisira sa normal na relasyon sa pagitan mo at ng Diyos. Napakaseryosong pagkakamali nito. Dapat kang magkaroon ng saloobin, perspektiba, at pananaw kung saan sinasabi mo: “Maghihintay na lang ako sa mga bagay na ito na hindi ko naiintindihan. Kapag isang araw ay binigyang-liwanag ng Diyos ang sangkatauhan, marahil ay maiintindihan ko na ang lahat ng iyon.” Nang lumisan ang Panginoong Jesus sinabi Niya, “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis,”—bakit hindi matitiis ang mga iyon? Dahil ang tayog ng mga tao ay napakamusmos pa, at hindi nila maiintindihan. Parang pagsasabi ito sa isang tatlo o limang taong gulang na bata ng tungkol sa kung paano kumita ng pera o suportahan ang isang pamilya; maririnig niya ito, pero madarama niyang napakalayo nito sa kanya na hindi niya maunawaan at hindi niya ito maaabot. Napakaraming gustong sabihin ng Diyos sa sangkatauhan na dapat maunawaan ng mga tao, pero dahil sa musmos na tayog ng sangkatauhan, o dahil hindi pa ganap na naibunyag sa sangkatauhan ang mga proseso ng gawain ng Diyos, at hindi pa iyon naranasan ng mga tao, hindi nila maiintindihan kung malalaman nila nang napakaaga ang mga bagay na ito. Kahit na nakinig sila, kukunin lang nila ito bilang doktrina at uunawain nang literal, pero hindi nila tunay na malalaman kung ano ang sinasabi ng Diyos. Kaya, hindi nagsasalita ang Diyos. Angkop ba para sa Diyos ang hindi magsalita? May pakinabang ba sa tao? (Mayroon.) Maaantala ba nito ang paglago ng mga buhay ng tao? Tiyak na walang anumang pagkaantala, wala talaga, wala itong epekto sa pang-araw-araw mong buhay o sa normal mong paghahangad. Kaya, kalmahin mo lang ang puso mo at hangarin ang katotohanan, dahil ito ang pinakamahalagang bagay; sa huli, ang lahat ng bagay ay papunta sa paghahangad ng katotohanan. Kung hahangarin mo ang katotohanan, ang mga hiwaga sa ilang bagay na ginagawa ng Diyos, ang Kanyang karunungan, pagiging kahanga-hanga, at disposisyon sa lahat ng Kanyang ginagawa, at ang mga bagay na dapat maunawaan ng sangkatauhan, ay unti-unting magiging malinaw sa pamamagitan ng proseso ng pagsunod sa Diyos. Maraming aspektong kasama sa pagkamit ng pagkakilala sa Diyos, at—sa iyong proseso ng pakikipag-ugnayan, pakikisalamuha, at koneksyon sa Diyos—dapat mong maranasan ang Kanyang mga salita, malasap ang Kanyang mga salita, malasap ang Kanyang gawa, gayundin ang Kanyang pagbibigay-liwanag at paggagabay sa iyo. Sa panahon ng prosesong ito, kahit na hindi mo namamalayan, makakamit mo ang kaalaman sa Diyos; iyon ay, unti-unti mong makakamit ang pagkaunawa sa Diyos sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos sa iyo. Kung hindi ka dadaan sa mga prosesong ito, sa halip ay titingin na lamang nang may kamalayan sa himpapawid araw-araw, umaasa sa imahinasyon mo para makita ang gawain ng Diyos, hindi mo ito magagawa kailanman. Sa bandang huli ay magdududa ka at magsasabing, “Nasaan ang Diyos? Ginawa ba Niya ang buwan? Sumisikat ang araw sa umaga at lumulubog sa gabi—ganito ba pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay?” Ang ganitong uri ng pagkaunawa ay walang saysay, at ang pananalig mo ay magiging mga walang katuturang salita. Kung may magtatanong sa iyo kung nananampalataya ka sa Diyos, sasabihin mo: “Nananampalataya ako sa Diyos, may matibay akong pananalig, Kristiyano ako.” Kung tatanungin nila: “Bakit hindi ka Budista?” sasabihin mo: “Ang totoong daan ay hindi Budismo, kundi Kristiyanismo.” Ang katunayan na ito lamang ang masasabi mo ay nagpapatunay na wala kang karanasan at wala kang nakuhang anuman. Lahat ng bagay tungkol sa Diyos, lahat ng mayroon Siya at kung ano Siya, Kanyang disposisyon, Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos para sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay, at ang realidad at pagiging tumpak ng Kanyang mga salita at ang kahulugan, pagtuturo at halaga ng mga ito sa sangkatauhan, gayundin ang ilang paraan Niya ng pagsasagawa, gaya ng pagsubok, pagdidisiplina, pagbibigay-liwanag, paglilinaw, pagbibigay-kapanatagan at paghihikayat, at ang ilan sa Kanyang natatanging paggabay sa tao—kung hindi mo personal na naranasan ang mga ito, hindi mo tunay na nalasap ang mga ito, magiging normal ba ang relasyon mo sa Diyos? Totoo bang makakapagpasakop ka sa Kanya? Ang pagkaunawa mo sa Diyos ay magiging isang katanungan magpakailanman, isang hanay ng mga tandang pananong, na wala talagang tunay na pagkaunawa. Kung ganoon, normal ba ang relasyon mo sa Diyos? Talaga bang relasyon ito ng nilikha at ng Lumikha? Ano ba talaga ang kinakatawan ng tandang pananong na ito? Magiging di-pamilyar ang Diyos sa iyo magpakailanman, sa pagkakakilanlan man, katayuan, o Kanyang diwa. Hindi mo Siya pamilya, hindi mo kamag-anak, parang palagi Siyang dayuhang bisita na hindi mo kailanman nakilala—kaya hindi madaling ipaliwanag kung ano ba talaga ang relasyon mo sa Diyos, pero tiyak na hindi talaga ito umaabot sa ugnayan sa pagitan ng nilikha at ng Lumikha.

Ano ang mga pangunahing punto sa pananampalataya sa Diyos? Paano gagawing realidad na dapat taglayin ng mga tao sa buhay nila ang pananalig sa Diyos? Paano matutupad ang pagpapasakop at pagkamit sa Diyos? Dapat kang magtiwala sa pagdanas sa Kanyang mga salita, lalung-lalo na sa Kanyang paghatol at pagkastigo, bago mo magawang magpasakop at makamit ang Diyos. Bagama’t maraming tao ang handang tuparin ang kanilang tungkulin, hindi nila nauunawaan kung paano maranasan ang gawain Niya. Para magawa iyon, dapat mong maranasan ang paghatol at pagkastigo Niya, ang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino Niya. Lahat ng hinihingi ng Diyos ay dapat isagawa, pasukin, at abutin. Tinatawag itong pagdanas sa gawain ng Diyos. Para maranasan ito dapat kang magtatag ng isang normal na relasyon sa Kanya, laging nagdarasal sa Kanya at naghahangad mula sa Kanya nang may pusong nagpapasakop. Anuman ang mangyari o anumang mga hirap ang kaharapin mo, dapat kang magtiwala at bumaling sa Diyos, hinahanap ang mga kasagutan at ang daan sa Kanyang mga salita, at laging nagdarasal at nakikipagbahaginan sa Kanya. Ang pagdaranas sa gawain ng Diyos ay ang makipag-ugnayan sa Kanya at sundin ang Kanyang mga salita at gawa, magdasal at maghangad mula sa Kanya kapag may mga problema o paghihirap ka. Kapag marami ka ng karanasan sa ganitong paraan, at nauunawaan mo ang katotohanan, matututuhan mo kung paano gamitin ang mga salita ng Diyos sa mga bagay na nangyayari. Maraming paraan para magamit ang mga salita ng Diyos, halimbawa, sa pamamagitan ng pagdarasal at paghahanap kapag may mga nangyayari, at dahil dito ay makikita kung paano malinaw na inihayag ng mga salita ng Diyos kung paano dapat kumilos ang mga tao, kung ano ang mga prinsipyo, at kung ano ang mga layunin at hinihingi ng Diyos sa tao. Kapag alam mo na ang lahat ng ito, at nauunawaan ang mga pagnanais ng Diyos, magkakaroon ka ng ilang kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok dapat mong hanapin, “Ano ba ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa ganitong mga matinding pagsubok? Ano ang kahulugan ng pagsubok ng Diyos sa mga tao? Bakit gusto Niyang subukin ang mga tao?” Sinasabi ng mga salita ng Diyos na ikaw ay tiwali, laging mapagrebelde at masuwayin, at hindi ka nagpapasakop sa Kanya, kundi ay palaging may mga imahinasyon at kuru-kuro at na gusto kang linisin ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagsubok. Anuman ang maranasan mo, pag-uusig man at mga pagsubok, o pagpupungos, pagdidisiplina at kaparusahan, at kahit na anumang kapaligiran ang inilalatag ng Diyos para sa iyo o anumang kaparaanan ang ginagamit Niya, dapat ay palagi kang maghanap ng kasagutan at batayan sa mga salita ng Diyos, at hanapin ang mga layunin at hinihingi Niya sa iyo. Kumbaga, anupaman ang mangyari, dapat mo munang isipin kung ano ang sinabi ng Diyos, kung paano Niya gustong magsagawa ang mga tao, ano ang mga hinihingi Niya sa mga tao, at kung ano ang mga layunin Niya. Unawain mo ang mga bagay na ito, at malalaman mo kung paano mararanasan ang gawain ng Diyos. Kung walang lugar para sa Diyos sa puso mo at hindi mo minamahal ang katotohanan, sa halip ay lagi mong iniisip kung ano ang sinasabi ng mga tao, libro, o mga kilala at dakilang tao, o kung ano ang ginagawa ng mga walang pananampalataya kapag nangyayari ang mga bagay na ito, kung maghahanap at magsasagawa ka sa ganitong paraan, isa kang hindi mananampalataya, dahil ang mga kaisipan mo at landas mo ay katulad ng sa mga walang pananampalataya. Kung isa kang nananampalataya sa Diyos, pero ang pag-iisip mo ay katulad ng sa mga walang pananampalataya at lumalakad ka sa landas ng mga walang pananampalataya, ito, kung gayon, ay maling daan na may ganap na hangganan; hindi iyon ang dapat gawin ng isang nananampalataya sa Diyos, o ang landas na dapat niyang lakaran. May mga taong gaya nito sa loob ng iglesia, at sila ay sa mga hindi mananampalataya, mga walang pananampalatayang nakatago sa loob ng iglesia.