Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo (Ikatlong Bahagi)
Ang unang hakbang sa pagpasok sa mga katotohanang realidad ay ang magnilay-nilay sa iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos, at ikumpara ang lahat ng iyong iba’t ibang kalagayan sa Kanyang mga salita. Kung gusto mong pumasok nang mas malalim, dapat mong suriin at unawain nang mas malalim ang iyong tiwaling disposisyon. Ano ang dapat mong gawin pagkatapos maunawaan ito? Dapat maghanap ka ng paraan para magsagawa at pumasok, at pag-isipan kung paano isagawa ang katotohanan at kung paano iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon; ito ang tamang landas. Nagiging negatibo ang ilang tao matapos nilang magkamit ng pagkaunawa sa kanilang sarili; umiiyak sila at humihikbi na sila ay itiniwalag at na sila ay mga tagapagserbisyo at hambingan, at ayaw nga rin nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Anong uri ng mga tao ito? Mga wala sa katwiran, at madramang tao ang mga ito. Kaya, ano ang pinakamagandang paraan para ayusin ito? Sa pinakamababa man lang, hindi sila dapat umiyak o gumawa ng gulo, at higit sa lahat, hindi sila dapat sumuko o magreklamo tungkol sa Diyos. Ang pinakamahahalagang bagay na dapat nilang gawin ay ang hanapin ang katotohanan at unawain kung ano talaga ang layunin ng Diyos, kung aling paraan ng pagkilos ang pinakamakatwiran, at anong landas ang dapat nilang piliin; ito ang mga pinakamahalagang bagay. Napakadali para sa mga tao na maiwala ang kanilang katwiran kapag palagi silang nakokontrol ng intensiyon na sila ay pagpalain. Pinakakaawa-awa ang mga taong walang katwiran, pero ang mga taong pumipiling magpasakop sa Diyos at maghangad lamang na palugurin ang Diyos sa lahat ng bagay ay ang pinakamakatwiran at may pinakamalaking konsensiya. Kapag inilalantad ng Diyos ang isang tao, paano nila ito dapat harapin, at ano ang dapat nilang piliin? Dapat nilang hanapin ang katotohanan, at hindi dapat maging magulo ang kanilang isipan sa anumang sitwasyon. Mainam para sa iyo na maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at makita ang iyong katiwalian sa kung ano talaga ito, kaya bakit ka negatibo? Inilalantad ka ng Diyos para magtamo ka ng pagkaunawa sa iyong sarili, at para iligtas ka. Ang totoo, ang tiwaling disposisyon na ipinapakita mo ay nagmumula sa iyong kalikasan. Hindi naman sa gusto ng Diyos na ilantad ka, pero kung hindi ka Niya ilalantad, hindi ba’t ipapakita mo pa rin ito? Noong bago ka pa sumampalataya sa Diyos, hindi ka pa Niya inilalantad, kaya hindi ba’t lahat ng isinabuhay mo noon ay isang satanikong disposisyon? Isa kang taong namumuhay nang ayon sa satanikong disposisyon. Hindi mo dapat labis na ikagulat ang mga bagay na ito. Kapag nagpapakita ka ng kaunting katiwalian, sobrang natatakot ka, at iniisip mong katapusan mo na, na ayaw na sa iyo ng Diyos, at na mauuwi lang sa wala ang lahat ng nagawa mo. Huwag mo na itong palakihin. Mga tiwaling tao ang inililigtas ng Diyos, hindi mga robot. Ano ang ibig Kong sabihin kapag sinasabi Ko na mga tiwaling tao? Ang ibig Kong sabihin ay ang mga taong nagpapakita ng satanikong disposisyon, mga taong mapagmataas at matuwid ang tingin sa sarili, na hindi tumatanggap sa katotohanan, na may kakayahang lumaban at maghimagsik laban sa Diyos, na mga palakontra sa Kanya, at mga may kakayahang sumunod sa mga yapak ni Pablo. Ito ang klase ng mga tao na inililigtas ng Diyos. Kung gusto mong matanggap ang pagliligtas ng Diyos at makamit ang kaligtasan, dapat mong harapin ang tiwaling disposisyon na umiiral sa puso mo, harapin ang tiwaling disposisyong ipinapakita mo araw-araw, at dapat mong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili araw-araw, ikumpara ang iyong sarili sa mga salita ng Diyos, isagawa ang pagkilatis at pagsusuri sa tiwaling disposisyong ipinapakita mo, at labanan ito. Ilang beses na itong nilalabanan ng ilang tao pero natatalo sila, at sinasabi nilang, “Bakit lagi na lang akong nagpapakita ng kayabangan? Bakit ang ibang tao ay hindi naman?” Ang totoo, nagpapakita ng kayabangan ang lahat ng tao. Kapag ipinapakita ito ng ibang tao, hindi mo alam, pero alam nila. O maaaring hindi nila mismo alam kapag nagpapakita sila ng kayabangan, pero alam ng Diyos. At saka, may isa pang isyung dapat tandaan ang mga tao: Itinutuwid ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; hindi Niya itinutuwid ang kanilang paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Hindi napopoot ang Diyos sa panandaliang intensiyong mayroon ka habang ginagawa mo ang isang bagay, o ang partikular na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, o kung tatamad-tamad ka paminsan-minsan o kung hindi ka nagbabayad ng halaga; hindi ang mga bagay na ito ang kinapopootan ng Diyos. Ang kinapopootan ng Diyos ay ang tiwali mong disposisyon. Sa tuwing nararamdaman mong nagpapakita ka ng tiwaling disposisyon, dapat mamalayan mo ito nang kusa bago ka disiplinahin ng Diyos. Hindi ka dapat manghula kung kinapopootan ka ba ng Diyos o kung itiniwalag ka ng Diyos; dapat mamalayan mo ang iyong problema, at pagkatapos ay alamin mo kung paano ka dapat magsisi, at kung anong paraan ng pagsasagawa sa katotohanan ang maghahatid ng pagbabago. Isang pagpapamalas ito ng normal na katwiran. Ang dapat mo munang malaman ay, “Wala sa katwiran ang mga salita kong ito, at nagpapakita ang mga ito ng kayabangan. Wala akong kakayahang gawin ang gampaning ito, pero ibinibida ko ang aking sarili at sinasabi na kaya ko, kaya hindi ba’t pagmamalaki lang ito? Ang pagmamalaki at ang pagbibida-bida sa aking sarili ay nagpapakita na mayroon akong mapagmataas na disposisyon.” Hindi ka kinokondena ng Diyos sa pagmamalaki, pero ibig bang sabihin niyon ay pwede mo na lang itong hayaan? Hindi, hindi mo ito pwedeng hayaan na lang. Dapat mo itong suriing mabuti, at sabihing, “Bakit napakagaling kong magbida-bida at magmalaki? Bakit ko ba ipinagmamayabang ang mga bagay na hindi ko kayang gawin, o ang mga bagay na ni hindi ko nga alam kung kaya ko bang gawin? Bakit ba ako may ganitong kahinaan sa pagkatao?” Hindi ito isang kahinaan sa pagkatao. Ang isang kahinaan sa pagkatao ay isang mababaw na masamang kagawian. Ang pagmamalaki ay isa sa mga paraan kung paano kusang nahahayag ang isang mapagmataas na disposisyon; ang sataniko mong disposisyon ang siyang nagtutulak sa iyo na mamuhay sa isang kalagayang katulad nito—ganap kang pinangungunahan ng iyong disposisyon. Kung mapipigilan mo ito, at hindi ka na magpapakita ng mapagmataas na disposisyon, ibig bang sabihin nito ay wala ka nang mapagmataas na disposisyon? Ibig bang sabihin nito ay naayos mo na ito? Talagang hindi ito ganoon kasimple. Hindi lamang sa pagbabago ng paraan ng iyong paggawa sa isang bagay, sa pagiging masunurin sa mga tuntunin at sa pagiging mabait sa panlabas, sa hindi pagiging hambog, at sa pagkilos nang disente na masasabing hindi ka mayabang. Mga maskara lang ang mga iyon, at nagdaragdag ng mga panibagong problema sa ibabaw ng pagiging mapagmataas, at ang resulta ay mas lalong malaking problema. Kung gusto mong ayusin ang iyong kayabangan, at ayusin ang bawat uri ng tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para ayusin ito kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Ito ang tamang paraan. Halimbawa, ipagpalagay na nating isinasaayos ng lider na gampanan mo ang isang partikular na tungkulin, at matapos makinig, mapagwalang-bahala mong sinasabi na, “Nagawa ko na ang mga ganitong tungkulin noon. Sisiw na lang ito sa akin!” Pero pagkatapos ay agad mong napagtatanto na nagpakita ka ng kayabangan, at na mali ang ganitong paraan ng pag-iisip, at agad kang nananalangin at itinutuwid ang iyong pag-iisip, sinasabing, “O Diyos! Nagpakita na naman ako ng kayabangan. Pakiusap, pungusan Mo sana ako; handa akong gampanang mabuti ang aking tungkulin,” ito ang unang bagay na dapat mong gawin. Kaya, paano mo ba dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Iniisip mo na, “Ginagawa ko ito para sa Diyos, at ginagawa ko ito sa presensiya Niya, kaya dapat ko itong asikasuhin nang buong ingat. Hindi ako maaaring magkamali. Kung magkakamali ako, sobrang nakakahiya ito!” Pagkatapos, pinag-iisipan mo itong mabuti, at iniisip na, “Hindi, hindi tama iyon. Bakit ako matatakot na mapahiya?” Hindi rin tama ang kalagayang ito; nagsimula ka nang lumihis sa landas. Paano mo ito dapat itama? Aling direksiyon ang tamang daan na pupuntahan? Muli, may kinalaman ito sa pagsasagawa ng katotohanan para maayos ang mga problema. Dapat mong isipin na, “Hindi ako takot na mapahiya. Ang mahalaga ay na hindi ako dapat nakapipinsala sa gawain ng iglesia,” at magbabago ang iyong kalagayan. Pero kung iisipin mo na, “Paano kung nakapipinsala ako sa gawain ng iglesia, at pupungusan ako? Mawawalan ako ng maipagmamalaki,” malalagay ka na naman sa maling kalagayan. Paano ito maaayos? Sa iyong puso, dapat mong isipin na, “hindi ko kailanman pinahalagahan ang aking tungkulin, tinatamad akong gawin ito, at napakayabang ko. Nararapat lang ako na mapungusan. Dapat manalangin ako sa Diyos at hayaan Siyang gumawa. Matigas ang ulo ko, pero makapangyarihan sa lahat ang Diyos at walang imposible para sa Kanya, kaya sasandal ako sa Diyos.” Tama ito; ito ang tamang paraan ng pagsasagawa. Nagbigay ang Diyos sa iyo ng ilang kaloob, at hinayaan ka Niyang matuto ng ilang kaalaman, pero ang pagkakaroon ng mga kaalamang ito ay hindi nangangahulugang magagampanan mo na nang mabuti ang iyong tungkulin. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Paano nakakarating sa ganitong konklusyon ang isang tao? (Sa pamamagitan ng karanasan.) Tinuruan ka ng aral ng karanasang ito, at binigyan ka nito ng kabatiran. Halimbawa na lang, ang bagay na ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay hindi isang bagay na likas nilang taglay, hindi rin nila ito kapital; maaaring bawiin ng Diyos kung ano man ang ibinigay Niya sa kanila anumang oras. Kapag gusto kang ilantad ng Diyos, kahit gaano ka pa kahusay sa isang bagay, makakalimutan mo ito at hindi mo na ito magagamit—mawawalan ka ng kabuluhan. Kung, sa pagkakataong ito, ay mananalangin ka, “O Diyos, wala akong kabuluhan. May ganito akong abilidad dahil lamang ibinigay Mo ito sa akin. Nagsusumamo ako sa Iyo na bigyan ako ng lakas! Pakiusap, basbasan at gabayan Mo po ako, para hindi ako nakapipinsala sa Iyong gawain.” Ito ba ang tamang paraan ng pananalangin? (Hindi, hindi ito tama.) Anong mga pagbabago ang dapat mong gawin sa puntong ito? Sinasabi mo, “O Diyos! Handa akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos. Hindi ko pwedeng palaging isipin na tama ako. Bagamat may ilang bagay akong nalalaman tungkol sa aspektong ito ng gawain, at may kaunting kahusayan dito, hindi ito nangangahulugan na magagawa ko nang maayos ang gampanin. Dahil nakalilikha ng gulo ang aking tiwaling disposisyon, malamang na magiging pabasta-basta at pabaya ako sa paggawa ng mga bagay-bagay, at hindi seseryosohin ang aking tungkulin. Wala akong kakayahang kontrolin ang aking sarili, at hindi ko mapangasiwaan ang aking sarili. Nagmamakaawa ako sa Iyo na protektahan ako at gabayan ako. Handa akong magpasakop sa Iyo, gawin ang lahat ng aking makakaya, at ibigay sa Iyo ang kaluwalhatian.” Kung ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin, at ibinibigay mo ang walumpung porsiyento ng papuri sa Diyos at dalawampung porsiyento naman sa sarili mo, nararapat ba iyon? (Hindi, hindi ito nararapat.) Hindi makatwirang hatiin ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Kung hindi gumawa ang Diyos, magagawa mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? Talagang hindi, dahil bukod sa wala kang katotohanan, mayroon ka ring tiwaling disposisyon. Kahit ano pang uri ng tiwaling kalagayan ang umiiral sa puso ng mga tao, dapat palagi nilang pagnilayan ang kanilang sarili, at hanapin ang katotohanan para ayusin ito. Sa sandaling nalinis na ang kanilang tiwaling disposisyon, magiging normal na ang kanilang kalagayan.
Kung minsan, lilitaw ang isang maling kaisipan o ideya sa puso ng isang tao, at ginugulo nito ang kanyang puso. Naiipit siya sa ganoong kalagayan, at hindi na siya makaalis mula rito sa loob ng isa o dalawang araw. Ano ang dapat gawin ng isang tao sa pagkakataong gaya nito? Dapat mong hanapin ang katotohanan para ayusin ang sitwasyon. Una, dapat maging malinaw sa iyo kung paano lumitaw ang maling kaisipan o ideya, kung paano nito nagawang mangibabaw sa iyo, kung paano ka nito ginawang negatibo at nanlulumo, at kung paano ka nito naimpluwensiyahang ipakita ang iba’t ibang uri ng paghihimagsik at mga di-kaaya-ayang gawi. Pagkatapos, kapag napagtanto mo na na ang mga bagay na ito ay dinidiktahan ng tiwali mong disposisyon, at na kinapopootan ito ng Diyos, dapat mong patahimikin ang iyong sarili sa harapan ng Diyos at manalangin, “O Diyos, disiplinahin Mo po ako at tulutan akong matutunan ang mga aral na kailangan kong matutunan. Hindi ako natatakot na mabunyag, hindi rin ako natatakot na mapahiya o mawalan ng dangal. Ang kinatatakutan ko lang ay ang malabag ng aking mga kilos ang Iyong mga atas administratibo, at hindi Kita mapalugod.” Ito ang tamang landas, pero may tayog ka ba para tahakin ito? (Wala.) Kung wala kang ganoong tayog, ibig bang sabihin nito ay hindi ka maaaring manalangin sa direksiyong ito? Sapagkat ito ang tamang landas, dapat kang manalangin sa direksiyong ito. Sa ngayon, maliit ang tayog ng mga tao, dapat madalas silang lumapit sa harapan ng Diyos, sumandal sa Diyos, at hayaang mas protektahan sila at mas disiplinahin sila ng Diyos. Kapag lumago na ang kanilang tayog, at kaya na nilang pumasan at gumawa ng mas maraming gampanin, hindi na kakailanganin pa ng Diyos na mag-alala nang sobra, at hindi na Niya kakailanganin na palagi silang protektahan, disiplinahin sila, subukin sila, o bantayan sila. Usapin ito ng puso, at tinitingnan ng Diyos ang puso ng mga tao. Hindi mahalaga sa Diyos kung gaano ka kabait o kamasunurin sa panlabas; ang tinitingnan Niya ay ang iyong saloobin. Maaaring wala kang sinasabi buong araw, pero anong saloobin ang mayroon ka sa iyong puso? “Ibinigay sa akin ang tungkuling ito, kaya responsabilidad kong gampanan ito nang maayos, pero may gawi ako na hindi ako nagpapapigil, at palagi kong ginagawa kung ano ang gusto ko. Alam kong may ganito akong isyu, pero hindi ko makontrol ang aking sarili. Pamatnugutan nawa ng Diyos ang aking kapaligiran, at alisin ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakapaligid sa akin na maaaring gumulo sa akin, makaapekto sa paggampan ko ng aking tungkulin, o makaapekto sa pagsasagawa ko ng katotohanan, nang sa gayon ay hindi ako mahulog sa tukso, matanggap ko ang mga pagsubok ng Diyos, at matanggap ko ang Kanyang pagdidisiplina.” Dapat magkaroon ka ng pusong handang magpasakop. Kapag may ganito kang mga kaisipan sa iyong puso, paanong hindi makikita ng Diyos ang mga ito? Paanong hindi Niya papansinin ang mga ito? Kaya, kikilos ang Diyos. Minsan, kapag nananalangin ka nang ganito nang isa o dalawang beses, hindi ka pinapakinggan ng Diyos. Kapag sinusubok Niya ang gawain at sinseridad ng isang tao, wala Siyang sasabihing kahit ano, pero hindi ibig sabihin nito na mali ang ginawa mo. Sa anumang sitwasyon, hindi mo dapat tuksuhin ang Diyos. Kung palagi mong tinutukso ang Diyos, at sinasabing, “Tama ba ako sa ginagawa ko? Nakita Mo ba, O Diyos?” kung gayon ay magkakaproblema ka. Hindi tamang kalagayan ito. Tumutok ka na lang sa paggawa ng aksiyon. Dinidisiplina ka man ng Diyos, inaakay ka man, sinusubukan ka, o ginagabayan ka, huwag mo itong pansinin. Tumutok ka na lang sa pagsisikap sa katotohanang nauunawaan mo, at sa pagkilos nang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sapat na iyon. Pagdating sa kung ano ang magiging resulta, kadalasan ay hindi mo ito responsabilidad. Ano ang dapat mong akuin na responsabilidad? Ang paggampan sa tungkuling dapat mong gampanan, ang paggugol ng oras na dapat mong gugulin, at ang pagbabayad ng halagang dapat mong bayaran. Sapat na iyon. Dapat siyasatin ang anumang may kinalaman sa katotohanan, at dapat pagsikapang unawain ito. Ang pinakamahalagang bagay ay na tahakin ng mga tao ang landas na dapat nilang tahakin. Sapat na ito. Ito ang dapat na ginagawa ng mga tao. Tungkol naman sa kung anong antas ng tayog ang mayroon ka, kung anong mga pagsubok ang dapat mong pagdaanan, kung anong disiplina ang dapat mong maranasan, kung anong mga sitwasyon ang dapat mong maranasan, at kung paano may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos, hindi mo na dapat bigyang-pansin ang mga bagay na ito. Ang Diyos ang gagawa nito. Sinasabi mo na, “Maliit ang tayog ko. Huwag Mong iparanas sa akin ang anumang pagsubok, Diyos ko, natatakot ako!” Gagawin ba iyon ng Diyos? (Hindi, hindi Niya iyon gagawin.) Hindi mo kailangang mag-alala. Sinasabi mo na, “Napakalaki ng tayog ko, at sapat ang pananalig ko. O Diyos, bakit hindi Mo ipinararanas sa akin ang ilang pagsubok? Subukin Mo ako gaya ng ginawa Mo kay Job at bawiin Mo ang lahat ng mayroon ako!” Hindi iyon gagawin ng Diyos. Hindi mo alam ang sarili mong tayog, pero alam na alam ito ng Diyos at malinaw ito sa Kanya; nakikita Niya ang puso ng bawat tao. Nakikita ba ng mga tao ang puso ng Diyos? (Hindi, hindi nila nakikita.) Hindi nakikita ng mga tao ang puso ng Diyos, kaya paano nila nauunawaan ang Diyos at paano sila nakikipagtulungan sa Kanya? (Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita.) Sa pamamagitan ng pag-unawa sa Kanyang mga salita, paggampan nang maayos sa kanilang tungkulin, at pagkapit sa kanilang posisyon bilang mga tao. Ano ba ang tungkulin ng mga tao? Ito ang gawaing dapat gawin ng mga tao, at ang trabahong kaya nilang gawin. Ito ang mga gampaning ibinigay sa iyo ng Diyos. Ano ang kabilang sa mga gampaning ibinigay sa iyo? Ang aspekto ng gawain na pamilyar ka, ang mga gampaning ibinibigay sa iyo ng iglesia, ang mga gampaning dapat mong gawin, at ang mga gampaning kaya mong gawin sa abot ng iyong makakaya. Parte ito nito. Ang isa pang parte ay may kinalaman sa usapin ng buhay pagpasok. Dapat magawa mong isagawa ang katotohanan at makapagpasakop sa Diyos. Tumutok ka lang sa pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan. Huwag mong bigyang-pansin ang pagsusuri ng iba tungkol sa iyo o kung ano ang tingin sa iyo ng Diyos. Hindi mo kailangang bigyang-pansin ang mga bagay na ito, hindi rin mahalagang bigyang-pansin mo ang mga bagay na ito—hindi ito ang mga bagay na dapat mong ipag-alala. Walang kontrol ang mga tao sa kanilang magandang kapalaran, kasawiang-palad, haba ng buhay, sa lahat ng bagay na nararanasan nila sa kanilang buhay, sa kanilang suwerte, o sa kanilang buhay; hindi mababago ng sinuman ang mga bagay na ito. Dapat maging malinaw ito sa iyo. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na ito. Talagang dapat malinaw na makilala at maunawaan ito ng mga tao sa kanilang puso. Huwag kang mag-alala sa anumang bagay para sa Diyos; huwag kang magtangka at magdesisyon kung ano ang gustong gawin ng Diyos. Tumutok ka na lang sa epektibong pag-aasikaso sa mga bagay na dapat mong gawin, kung ano ang dapat mong pasukin, at sa landas na dapat mong tahakin. Sapat na iyon. Pagdating naman sa kung ano ang magiging hantungan mo sa hinaharap, may kontrol ka ba rito? (Wala.) Kung gayon, paano mo malulutas ang problemang ito? Ang isang parte nito, ay sa pamamagitan ng paggawa nang maayos sa lahat ng bagay na dapat mong gawin araw-araw, at sa pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang tao. Ito ang atas na ibinibigay ng Diyos sa lahat. Dumating ka sa mundong ito, at inakay ka ng Diyos sa buong panahong ito—binigyan ka man Niya ng iba’t ibang uri ng kaloob, o tinustusan ka at binigyan ka ng talento o abilidad, ipinapakita nito na binigyan ka ng Diyos ng mga atas. Kitang-kita naman kung anong atas ang ibinigay sa iyo ng Diyos, at hindi na kailangang direkta pa itong sabihin sa iyo ng Diyos. Halimbawa, kung marunong kang mag-Ingles, tiyak na may mga hinihingi sa iyo ang Diyos sa aspektong ito. Ito ang tungkulin mo. Hindi na kailangang tumawag pa ang Diyos mula sa langit at sabihin sa iyo nang deretsahan na, “Ang tungkulin mo ay pagsasaling-wika, at kung hindi mo ito gagawin, parurusahan kita.” Hindi na kailangan pang sabihin ito. Malinaw na malinaw na ito sa iyo dahil binigyan ka ng Diyos ng normal na pagkamakatwiran, mga proseso ng isipan at pag-iisip, pati na ng abilidad na maunawaan ang wikang ito. Sapat na iyon. Kung ano ang ibinigay ng Diyos sa iyo, iyon ang sinasabi Niyang gawin mo, at malinaw na malinaw ito sa iyong puso. Sa proseso ng paggampan sa iyong mga tungkulin, at sa panahon ng proseso ng pagtanggap sa atas ng Diyos, dapat mong tanggapin ang lahat ng ginawa ng Diyos sa iyo, kasama na ang positibong patnubay, pagdidilig, at pagtutustos na ibinigay Niya sa iyo. Halimbawa, sa pamamagitan ng madalas na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa pakikinig sa mga sermon, pamumuhay ng buhay-iglesia, pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at maayos na pakikipagtulungan sa iba habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ang isa pang parte nito ay sa pamamagitan ng indibidwal na buhay pagpasok—ito ang pinakaimportante. Palaging gusto ng ilang tao na malaman kung may buhay ba sila, at kung epektibo ba sila. Ayos lang naman na pagnilayan ang mga bagay na ito nang pansamantala, pero huwag tumutok sa mga ito. Katulad ito ng pagtatanim taon-taon—walang kahit isa sa mga magsasaka ang nagsasabi kung gaano karami ang dapat nilang aanihin sa taong iyon, at na kung hindi nila maaabot ang resultang iyon, mamamatay sila. Hindi sila ganito kahangal. Lahat sila ay nagtatanim ng binhi kapag panahon na para dito, pagkatapos ay dinidiligan, nilalagyan ng pataba, at inaalagan nila ang mga ito nang normal. Pagkatapos, kapag sakto ang panahon, siguradong may aanihin sila. Dapat magkaroon ka ng ganitong pananalig; ito ay tunay na pananalig sa Diyos. Huwag kang masyadong mapagkalkula sa Diyos, na sinasabing, “Nagsikap naman ako kamakailan, gagantimpalaan kaya ako ng Diyos?” Hindi katanggap-tanggap na palaging humingi ng mga gantimpala, kagaya ng isang empleyado sa opisina na humihingi ng kanyang suweldo sa katapusan ng buwan. Hindi katanggap-tanggap na palagi na lang humihingi ng suweldo. Masyadong mahina ang pananalig ng mga tao, at wala silang tunay na pananalig sa Diyos. Sa sandaling malinaw mo nang nakikita na ang landas ng pagsunod sa Diyos ay ang landas tungo sa kaligtasan, at ito ang totoong buhay, na ito ang tamang landas na dapat sinusunod ng mga tao, at ang buhay na dapat mayroon ang mga nilikha, tumutok ka sa paghahangad sa katotohanan at paghahangad na makapasok sa realidad, sa pakikinig sa mga salita ng Diyos, at sa pagtahak at pagkilos sa direksiyong itinuturo sa iyo ng Diyos. Tama ito. Huwag mong palaging tanungin ang Diyos na, “O Diyos, gaano pa kaya katagal hanggang sa masundan Kita tungo sa dulo ng daan? Kailan ako maliligtas? Kailan ako gagantimpalaan at makakakuha ng korona? Kailan darating ang araw ng Diyos?” Ang mga ito ay mga kalagayang lahat na mayroon ang mga tao, pero ibig bang sabihin ay tama ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na “Ang batas ay hindi maipatutupad kapag lahat ay lumalabag,” pero nakalilinlang ang kasabihang ito, wala itong katuturan, at hindi ito naaayon sa katotohanan. Ang katunayan na may ganitong mga kalagayan ang lahat ng tao ay nagpapatunay na may tiwaling disposisyon ang lahat, kaya kailangan nilang lahat na lunasan ang problemang ito at malampasan ang hadlang na ito. Dapat palagi mong suriin ang sarili mo sa iyong puso, hindi nakatuon sa kung kumusta na ang iba, at habang sinusuri mo ang iyong sarili, dapat mong itama ang anumang tiwaling kalagayang mayroon ka. Ang isipan ng mga tao ay dinamiko, at palaging aktibong nag-iisip—sa isang sandali ay nasa kaliwang panig ito, at pagkatapos ay nasa kanan naman; palaging medyo hindi sakto ang paraan ng kanilang pag-iisip. Hindi sila tumatahak sa tamang landas. Iginigiit nilang sumunod sa iba, at sumunod sa mga buktot na kalakaran sa mundo at tumahak sa maling landas. Ito ang kalikasang diwa ng mga tao, at hindi nila kayang kontrolin ito kahit gustuhin pa nila. Kung hindi mo ito kayang kontrolin, kung gayon ay huwag mo itong kontrolin. Kapag may isang maling intensiyon o pananaw na lumitaw, ayusin mo ito. Sa ganitong paraan, unti-unting mababawasan ang katiwaliang ipinapakita mo. Paano mo ba ito maaayos? Sa pamamagitan ng pananalangin, at palagiang pagkamit ng pag-unawa at pagbabago sa mga bagay-bagay. Minsan, kahit gaano mo pa subukang baguhin ang mga bagay-bagay, lumilitaw pa rin ang mga bagay na iyon, kaya huwag mong pansinin ang mga ito, at gawin mo lang kung ano ang kailangan mong gawin. Ito ang pinakamadaling paraan. Kaya, ano ba ang dapat gawin ng mga tao? Ang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, at manatili sa kanilang tungkulin. Hindi mo pwedeng tanggihan ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos; dapat mo itong tapusin nang maayos. Bukod dito, pagdating sa indibidwal na buhay pagpasok, dapat mong gawin ang iyong makakaya na pagsikapan ang katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at gumawa nang maigi para makamit ang anumang antas ng pagpasok na kaya mo. Kung makakaabot ka man sa pamantayan sa bandang huli, ang Diyos ang magpapasya niyon. Walang silbi ang mga pansariling damdamin at pasya ng mga tao. Hindi mapagdedesisyunan ng mga tao ang sarili nilang kapalaran, at hindi nila kayang suriin ang kanilang pag-uugali, o tukuyin kung ano ang kahihinatnan nila sa bandang huli. Tanging ang Diyos lamang ang makakasuri at makakatukoy sa mga bagay na ito. Dapat kang magtiwala na ang Diyos ay matuwid. Sabi nga ng mga walang pananampalataya, dapat maglakas-loob kang kumilos, maglakas-loob na panagutan ang iyong mga kilos, maglakas-loob na harapin ang mga katunayan, at magawang umako ng responsabilidad. Dapat gampanan nang maayos ng mga taong may konsensiya at katwiran ang kanilang tungkulin at dapat silang umako ng responsabilidad.
Napakahalaga na madalas suriin ng mga tao ang kanilang sarili, at napakahalaga na tanggapin ng mga tao ang pagsisiyasat ng Diyos. Napakahalaga rin na hanapin ng mga tao ang katotohanan, baguhin ang kanilang mga kalagayan at pananaw, at na makalabas sila mula sa mga ito, kapag sinusuri nila ang kanilang sarili at nalamang mayroon silang mga maling kalagayan o pananaw. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang mga maling kalagayang mararanasan mo, at lalo mong makikilatis ang mga ito nang hindi mo namamalayan. Pagkatapos mong baguhin ang mga mali mong kalagayan, dadami ang mga positibong bagay sa loob mo, at mas higit na dadalisay ang paggampan mo sa iyong tungkulin. Bagamat sa panlabas, kagaya pa rin ng dati ang paraan ng iyong pagsasalita at ang personalidad mo, magbabago na ang iyong buhay disposisyon. Sa anong mga paraan ito makikita? Magagawa mong sumunod sa mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagawa mong panagutan ang mga bagay na ito; magagalit ka kapag nakikita mo ang iba na pabasta-bastang ginagawa ang mga bagay-bagay, at kapag nakakakita ka ng isang buktot na penomena, at ng mga pasibo, negatibo, hindi tama at buktot na kaugalian na nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, kamumuhian mo ang mga ito. Habang mas lalo mong tinitingnan ang mga bagay na ito, mas lalo kang nasusuya, at mas lalo mong nakikilatis ang mga ito. Kapag nakakakita ka ng ilang tao na matagal nang nananampalataya sa Diyos, at mga nakakapagsalita nang napakalinaw tungkol sa mga salita at doktrina, pero hindi naman gumagawa ng tunay na gawain at walang mga prinsipyo, magagalit ka at kasusuklaman mo ito. Lalo na kapag nakikita mo ang mga lider at mga manggagawa na hindi naman gumagawa ng tunay na gawain, na palaging nagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina, at maraming taon nang nananampalataya sa Diyos pero wala namang ipinagbago, makikilatis mo sila, magagawa mo silang ilantad at iulat, at magtataglay ka ng pagpapahalaga sa katarungan. Bukod sa mapopoot ka sa iyong sarili, mapopoot ka rin kapag nangyayari ang mga buktot at di-makatarungang bagay na ito. Patutunayan nito na nagkaroon na ng pagbabago sa loob mo. Magagawa mong tingnan ang mga isyu at tratuhin ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo mula sa perspektiba ng katotohanan, mula sa panig ng Diyos, at mula sa perspektiba ng mga positibong bagay—ipapakita nito na nagkaroon nga ng pagbabago sa iyo. Kaya, kakailanganin mo pa rin ba ang Diyos para suriin ka? Hindi—mararamdaman mo ito mismo sa sarili mo. Halimbawa, noon, kapag nakikita mo ang isang tao na ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, iniisip mo na, “Normal lang iyon. Ganoon din ako. Kung hindi niya ginawa ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan, magmumukhang ginagawa ko ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta.” Ginagawa ng lahat ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, kaya pakiramdam mo ay ayos lang ang ginagawa mo. Sa pagkakataong iyon, hindi ka na mag-iisip nang ganoon. Iisipin mo na, “Hindi katanggap-tanggap na gawin ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Mahalaga ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Lubos na mapaghimagsik na ang paggawa ko sa mga bagay-bagay nang pabasta-basta—bakit ninyo ako tinutularan, at ginagawa rin ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan?” Iisipin mo na napakamangmang at napakaisip-bata mo noon, na kasuklam-suklam at kahiya-hiya ang paraan kung paano mo tiningnan ang mga bagay-bagay, at hindi mo ito maipaliwanag sa Diyos, at hindi ito mapapalagpas ng iyong konsensiya. Ang katunayan na magkakaroon ka ng ganitong mga kaisipan at damdamin ay magpapatunay na nag-ugat at sumibol na sa loob mo ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos. Ang perspektiba kung saan tinitingnan mo ang mga bagay-bagay, at ang mga pamantayang gamit mo sa pagsusuri sa mga bagay-bagay ay magbabago na. Magiging ganap ka nang ibang tao kaysa dati, noong namumuhay ka pa sa loob ng iyong mga tiwaling disposisyon. Tunay ka nang magbabago. Nagbago ka na ba nang kaunti ngayon? (Medyo.) Ngayong medyo nagbago ka na, at kapag nakikita mo paminsan-minsan ang mga tao na pabasta-bastang ginagawa ang mga bagay-bagay, ayaw isagawa ang katotohanan, at palaging nagpapakasasa sa mga pisikal na kaginhawahan, hindi mo na iniisip na magandang bagay ito. Pero, kapag pinakiusapan kang tulungan at suportahan sila, napipigilan ka pa rin ng mga satanikong pilosopiya. Bagamat nadidiskubre mo ang problemang ito sa mga tao, hindi ka nangangahas na magsabi ng anumang bagay sa takot na masalungat sila, at iniisip mo pa nga na, “Walang bumoto sa akin bilang lider ng grupo, kaya hindi ako dapat makialam sa buhay ng iba.” Kapag nahaharap ka sa mga di-makatarungan at negatibong bagay na ito, hindi mo nagagawang manindigan sa panig ng katotohanan sa iyong mga pananalita at kilos, o na umako ng responsabilidad; nagbubulag-bulagan ka na lang, at iniisip mong isang magandang paraan iyon ng pag-asal, at idinidistansiya ang iyong sarili mula sa pakikipagtalo. Iniisip mo, “Kapag may nangyaring masama, wala itong kinalaman sa akin. Umiiwas ako sa gulo.” Kung may mga ganito ka pa ring pananaw, maisasagawa mo ba ang katotohanan? Magkakaroon ka kaya ng buhay pagpasok? Kapag may mga pananaw kang ganito sa iyong puso, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi pwedeng hayaang hindi maitama ang ganitong mga pananaw. Kung gusto mong magkaroon ng buhay pagpasok, sa isang aspekto, dapat mapangasiwaan mo ang sarili mo. Sa isa pang aspekto, kailangan mong pangunahing tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kung napapansin mong may paninisi sa loob ng puso mo, dapat magnilay-nilay ka sa iyong sarili, at alamin kung saan nanggagaling ang paninising ito. Kung nararamdaman mo na sinisiyasat ka ng Diyos, at naniniwala ka na sinisiyasat ka ng Diyos, dapat mong tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Sa pamamagitan lamang ng madalas na pagsisisi, pagkabagabag sa iyong puso, at pakiramdam na may utang na loob ka sa Diyos dahil nasa ganoon kang mga kalagayan, na magkakaroon ka ng motibasyon na isagawa ang katotohanan at pumasok sa katotohanan. May mga pamantayan, at praktikal na pagpapamalas ng pagpasok sa mga katotohanang realidad. Hanggang sa anong antas na ba kayo nakapasok sa mga ito, ngayon? (Kapag may sitwasyong lumilitaw, nakikita ko ang marami kong pagkukulang, pero matagal akong naiipit sa ganoong kalagayan. Hindi ko alam kung paano gamitin ang perspektiba ng katotohanan para suriin o unawain kung anong mga isyu ang mayroon ako; wala akong malinaw na pagkakilala sa sarili ko; hindi ko malinaw na nakikita ang sarili ko, at madalas na hindi ko rin nakikita nang malinaw ang kalagayan ng ibang tao.) Kung hindi mo malinaw na nakikita ang sarili mo, hindi mo makikita nang malinaw ang iba. Tama ang pahayag na ito. Kapag may isyu ang ibang tao, iniisip mong wala itong kinalaman sa iyo, pero ang totoo, hindi tumitigil ang mga kalagayang ito, at magkakapareho ang mga ito. Kung hindi mo makita nang malinaw ang sarili mong kalagayan, hindi mo malulutas ang iyong mga isyu, at lalo namang hindi mo malulutas ang mga isyu ng iba. Kapag nalutas mo na ang iyong mga isyu, makikita mo nang malinaw ang mga isyu ng iba, at maaayos mo kaagad ang mga ito. Kung gusto mong magkaroon ng buhay pagpasok, dapat mong sundin ang dalawang bagay: Una, dapat gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at ang ikalawa, habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat madalas mong suriin ang iyong sarili, hanapin ang katotohanan para itama ang iba’t ibang maling pananaw, kaisipan, paninindigan, intensiyon, at kalagayan, at lumabas mula sa bawat uri ng maling kalagayan. Kung may lakas kang lumabas mula sa mga ito, mapagtatagumpayan mo si Satanas at maiwawaksi mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Pagkatapos, mababago mo na ang sarili mo. Makakalabas ka na mula sa pasibo at negatibo mong mga kalagayan, at hindi ka na mapipigilan o makokontrol ng mga kalagayang ito. Ito mismo ay isang hakbang pasulong. Dapat lutasin muna ninyo ang isyung ito. Anong mga negatibo o pasibong kalagayan ang mayroon kayo? Iniisip ng ilan, “Ganoon lang talaga ako. Wala na akong magagawa para ayusin ang mapagmataas kong disposisyon. Ano’t anuman, alam ng Diyos ang tungkol dito, at palagay ko ay naiuri na Niya ako. Maraming beses ko nang sinubukang magbago, pero ganoon pa rin ako. Ganito lang talaga ako.” Hindi maganda ang tingin mo sa iyong sarili, pero isa itong negatibong kalagayan; para itong isang pag-iisip na nawawalan ka na ng pag-asa sa iyong sarili. Hindi mo hinanap ang katotohanan para lutasin ang isyung ito, kaya bakit iniisip mong wala ka nang pag-asa? Madalas na namumuhay ang mga tao sa ganitong mga kalagayan; isang panandaliang pagbubunyag ng katiwalian at iniisip na nilang naiuri na sila, at na ganitong uri sila ng tao. Negatibong kalagayan ito; dapat itong baligtarin, at kailangan mong makalabas mula rito. Ano pang mga negatibo o pasibong kalagayan ang mayroon kayo? (Madalas akong namumuhay sa isang kalagayan kung saan ginagawa ko ang mga bagay-bagay batay sa aking mga kaloob at aking kakayahan, at wala akong buhay pagpasok. Napakalubha ng kalagayang ito.) Kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay batay sa kanilang mga kaloob at kakayahan, palagi nilang gustong makipagkompitensiya sa iba, iniisip na, “Paano mo nagagawang tapusin ang gampaning ito samantalang ako ay hindi? Kailangan kong magtrabaho nang husto at magsikap sa gampaning ito, na subukan at mas galingan ito kaysa sa iyo!” Lumitaw rito ang maladiyablo mong kalikasan. Ano ang dapat gawin tungkol dito? Kung may ganito kang motibasyon o pinagmumulan kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, huwag mo itong intindihin. Isa itong pansamantalang pagbubunyag, o isang pansamantalang kamangmangan. Huwag kang paapekto rito, at magiging ayos ka lang. Dapat mong gawin ang mga bagay-bagay sa praktikal na paraan, at sa paraan kung paano dapat gawin ang mga ito. Kung maharap ka sa isang paghihirap, magkusa kang tingnan kung paano ito pinangasiwaan ng ibang mga tao. Kung napangasiwaan nila ito nang maayos, kausapin mo sila at matuto ka mula sa kanila. Sa ganitong paraan, mababaligtad mo ang iyong mga maling kalagayan. Kung mayroon kang ganoong mga kaisipan at nagpapakita ka ng katiwalian sa loob mo, pero hindi ka naman kumikilos nang ganoon, kung gayon ay mapupuksa ang iyong mga tiwaling disposisyon. Pero, kung mayroon kang ganoong mga kaisipan at kumikilos ka sa ganoong paraan, at mas malubha pa ang iyong mga kilos kaysa sa iyong mga kaisipan, magdudulot ito ng problema, at guguluhin nito ang mga bagay-bagay. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ang pinakakinapopootan ng Diyos sa lahat.
Ang pagharap ng Diyos sa iyong mga tiwaling disposisyon ay hindi para itago mo ang mga ito, ikubli ang mga ito, o magpanggap sa mga ito. Sa halip, pinapayagan ka Niyang ipakita ang mga ito, inilalantad ka at hinahayaan kang magkamit ng kaalaman tungkol sa mga ito. Kapag may kaalaman ka na tungkol sa mga ito, iyon na ba lahat? Hindi. Pagkatapos mong magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga ito, at malaman na maling gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga tiwali mong disposisyon, at na isa itong daan na walang labasan, dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos, at manalangin sa Kanya at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwali mong disposisyon. Bibigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos, at bibigyan ka Niya ng tamang landas sa pagsasagawa. Sinasabi ng mga salita ng Diyos kung ano ang dapat gawin ng mga tao, pero may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at minsan, ayaw nilang gawin kung ano ang sinasabi ng Diyos; gusto nilang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang paraan. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos? Binibigyan ka ng Diyos ng kalayaan, at pinapayagan ka Niyang kumilos nang ganito pansamantala. Habang patuloy kang kumikilos sa ganitong paraan, makakasagupa ka ng malaking hadlang at mararamdaman mong nagkamali ka. Pagkatapos, babalik ka sa Diyos at aalamin kung ano ang dapat mong gawin. Sasabihin ng Diyos, “Nauunawaan mo sa iyong puso ang Aking mga hinihingi. Kaya, bakit hindi ka nakikinig?” At sasabihin mo, “Kung gayon, disiplinahin Mo po ako, Diyos ko.” Didisiplinahin ka ng Diyos, at magiging masakit ito, kaya iisipin mo na, “Hindi ako mahal ng Diyos. Bakit Siya ganoon kalupit sa akin? Masyado Siyang walang puso.” Sasabihin ng Diyos, “O sige, hindi Ko na ito gagawin. Patuloy mong gawin ang mga bagay-bagay ayon sa gusto mo,” at babalik ka sa landas na kinaroroonan mo noon. Gagawin mo ang mga bagay-bagay, makakasagupa ka na naman ng malaking hadlang, at magninilay-nilay na, “May hindi tama sa ginagawa ko. Kailangan kong bumalik at ikumpisal ang aking mga kasalanan. May utang ako sa Diyos.” Babalik ka na naman sa Diyos at mananalangin at maghahanap, at mauunawaan mo na tama ang mga sinasabi ng Diyos, at pagkatapos ay gagawin mo kung ano ang sinasabi ng Diyos. Pero habang ginagawa mo na ito, iisipin mo na, “Masasaktan ang dangal ko kapag ginawa ko ito. Mainam siguro na unahin ko na muna ang dangal ko.” Pagkatapos ay magkakaproblema ka na naman, at mabibigong muli. Sa paglipas ng panahon paulit-ulit kang magpapabalik-balik nang ganito. Kung nakapagninilay-nilay ang mga tao sa kanilang sarili, palaging nakakakilala sa mga paglihis sa loob nila, nakapagninilay-nilay at nakakaunawa sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at pagkatapos ay nakapaghahangad sa katotohanan para lutasin ang mga ito, kung gayon, sa takbo ng karanasang ito, patuloy ding lalago ang kanilang tayog. Para sa mga taong may puso, na handang isagawa ang katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay, unti-unting mababawasan ang nararanasan nilang balakid at kabiguan, dadami ang mga parte nila na mapagpasakop sa Diyos, at dadami ang mga parte nila na nagmamahal sa katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit tinutulutan ka ng Diyos na mabigo at maghimagsik habang nararanasan at isinasagawa mo ang katotohanan; hindi Siya tumitingin sa mga bagay na ito. Hindi naman sa hindi ka na gusto ng Diyos, o na ipapadala ka Niya sa impiyerno, o sesentensiyahan ka Niya ng kamatayan dahil sa hindi mo pakikinig sa Kanya sa isang pagkakataon. Hindi ito gagawin ng Diyos. Bakit sinasabi na napakalawak ng pagmamahal ng Diyos kapag inililigtas Niya ang mga tao? Sa ganito naipapamalas ang pagmamahal ng Diyos. Naipapamalas ito sa Kanyang pagtitimpi at pagpapasensiya sa mga tao. Patuloy Siyang nagtitimpi sa iyo, pero hindi ka Niya pinapalayaw. Ang pagtitimpi ng Diyos ay tungkol sa Kanyang kabatiran sa tayog ng mga tao, sa kabatiran Niya sa likas nilang kapasidad, sa kabatiran Niya sa kung ano ang ipinapakita ng mga tao sa mga partikular na sitwasyon, at kung ano ang kaya nilang kamtin batay sa kanilang tayog, at tinutulutan ka Niyang ipakita ang mga bagay na ito, binibigyan ka ng partikular na puwang, at tinatanggap ka kapag bumabalik ka sa Kanya at taos-pusong nagsisisi, habang kinikilala rin ang sinseridad ng iyong pagsisisi. Kaya, kapag bumalik ka at tinanong mo ang Diyos kung tama bang kumilos sa ganoong paraan, patuloy na magsasabi sa iyo ang Diyos at bibigyan ka Niya ng kasagutan. Matiyagang sasabihin sa iyo ng Diyos na tamang kumilos sa ganoong paraan, at bibigyan ka Niya ng pagpapatunay. Pero kapag nagbago na naman ang isip mo, at sinabing, “O Diyos, ayaw ko nang gawin ito. Hindi ito nakabubuti para sa akin, at hindi ako nasisiyahan at komportable rito—sa tingin ko ay dapat ko pa ring gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan, sa ganoong paraan, hindi ako mapapahiya, magiging mahusay at tuso ako, at mabibigyan ko ng kasiyahan ang aking sarili sa lahat ng aspekto—tutugunan ko muna ang mga indibidwal kong pagnanais,” sasabihin ng Diyos, “Maaaring mabigo ka, pero sa paggawa mo nito, ikaw mismo ang madedehado sa bandang huli, hindi Ako.” Kapag inililigtas ka ng Diyos, tinutulutan ka Niya minsan na maging sutil na gaya nito; ito ang Kanyang pagtitimpi at ito ang awa na ipinapakita Niya sa mga tao. Gayunpaman, hindi maaaring maging mapagpalayaw sa sarili ang mga tao kapag nakikita nila ang Kanyang awa, at tratuhin ang Kanyang pagpapasensiya at pagtitimpi bilang isang uri ng kahinaan, o ituring ito bilang dahilan para maghimagsik laban sa Kanya at hindi makinig sa Kanyang mga salita. Ito ay paghihimagsik at kabuktutan sa panig ng mga tao. Dapat makita ito nang malinaw ng mga tao. Ang pagtitimpi at pagpapasensiya na ipinapakita ng Diyos sa iyo ay walang-hanggan. Kung nararamdaman mo ang mga taimtim na layunin ng Diyos, mabuting bagay iyon. Hindi naman sa walang kakayahan ang Diyos na gumamit ng mga labis-labis na pamamaraan para iligtas ka—dapat mong maunawaan na may mga prinsipyo sa likod ng mga kilos ng Diyos. Ginagawa Niya ang mga bagay-bagay sa maraming paraan, pero hindi Siya gumagamit ng mga labis-labis na pamamaraan. Bakit ganito? Tinutulutan ka ng Diyos na danasin ang lahat ng uri ng paghihirap, pagkadismaya, at kapighatian, pati na ang maraming kabiguan at dagok. Sa huli, sa pamamagitan ng pagtulot sa iyo na danasin ang mga bagay na ito, ipinapaunawa sa iyo ng Diyos na ang lahat ng Kanyang sinabi ay tama at ang katotohanan. Kasabay nito, ipinapaunawa Niya sa iyo na mali lahat ang iniisip at inaakala mo, pati na ang iyong mga kuru-kuro, kaalaman, mga teoryang pilosopikal, mga pilosopiya, at ang mga bagay na natutunan mo sa mundo at na mga itinuro sa iyo ng iyong mga magulang, at na hindi ka magagabayan ng mga bagay na ito sa tamang landas sa buhay, at hindi ka maaakay ng mga ito para maunawaan ang katotohanan o makalapit sa harapan ng Diyos. Kung namumuhay ka pa rin ayon sa mga bagay na ito, kung gayon ay tinatahak mo ang landas ng kabiguan, pati na ang landas ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos. Sa huli, ipapakita ito sa iyo ng Diyos nang malinaw. Ang prosesong ito ay isang bagay na dapat mong maranasan, at sa ganitong paraan lamang makakamit ang mga resulta, pero masakit din ito para sa Diyos na makita. Mapaghimagsik at may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya dapat silang magdusa nang kaunti, at dapat nilang danasin ang mga dagok na ito. Kung wala ang pagdurusang ito, hindi sila magkakaroon ng paraan na madalisay. Kung ang isang tao ay tunay na may pusong nagmamahal sa katotohanan, at tunay na nakahandang tanggapin ang iba’t ibang pamamaraan ng pagliligtas ng Diyos, at magbayad ng halaga, hindi na niya kailangang magdusa nang husto. Sa totoo lang, ayaw ng Diyos na pagdusahin nang husto ang mga tao, at hindi Niya gustong iparanas sa kanila ang napakaraming dagok at kabiguan. Gayunpaman, masyadong mapaghimagsik ang mga tao; ayaw nilang gawin ang iniuutos sa kanila, ayaw magpasakop, at hindi nila magawang tahakin ang tamang landas o pumili ng mas maikling daan; tinatahak lamang nila ang sarili nilang daan, naghihimagsik laban sa Diyos at nilalabanan Siya. Tiwali ang mga tao. Ang magagawa lamang ng Diyos ay ang ipasa sila kay Satanas at ilagay sila sa iba’t ibang sitwasyon para palagi silang hubugin, sa gayon ay tinutulutan silang magkamit ng maraming uri ng karanasan at matuto ng maraming uri ng aral, at maunawaan ang diwa ng maraming uri ng buktot na bagay. Pagkatapos niyon, kapag bumalik na ang mga tao at muling tingnan ang mga ito, mapagtatanto nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, aaminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at aaminin na ang Diyos ang realidad ng lahat ng positibong bagay, at ang Nag-iisang tunay na nagmamahal, nag-aalala, at makapagliligtas sa mga tao. Ayaw ng Diyos na magdusa nang husto ang mga tao, pero masyadong mapaghimagsik ang mga tao, gusto nilang tahakin ang maling landas, at gustong pagdaanan ang pagdurusang ito. Walang magawa ang Diyos kundi ilagay ang mga tao sa iba’t ibang sitwasyon para patuloy silang hubugin. Hanggang saan hinuhubog ang mga tao sa huli? Hanggang sa sasabihin mong, “Naranasan ko na ang bawat uri ng sitwasyon, at nauunawaan ko na sa wakas na maliban sa Diyos, wala nang tao, pangyayari o bagay ang makapagpapaunawa sa akin sa katotohanan, na makapagpapatamasa sa akin ng katotohanan, o makapagbibigay-daan sa akin na pumasok sa mga katotohanang realidad. Kung masunurin akong magsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, masunuring mananatili sa lugar ng tao, itataguyod ang aking katayuan at tungkulin bilang nilikha, masunuring tatanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, hindi na magkakaroon ng karagdagang reklamo o magnanais ng magagarbong bagay mula sa Diyos, at tunay na makapagpapasakop sa harap ng Lumikha, saka lamang ako magiging isang tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos.” Kapag umabot na ang mga tao sa antas na ito, tunay silang yuyukod sa harap ng Diyos, at hindi na kakailanganin ng Diyos na magsaayos ng iba pang mga sitwasyon na ipaparanas sa kanila. Kaya, aling landas ang nais ninyong tahakin? Sa kanilang mga pansariling pagnanais, walang may gustong magdusa, walang may gustong dumanas ng mga dagok, kabiguan, suliranin, pagkadismaya, o paghihirap ngunit wala nang ibang paraan. Ang mga tao ay mayroong satanikong kalikasan; masyado silang mapaghimagsik, napakamasalimuot ng kanilang mga kaisipan at pananaw. Araw-araw, may walang tigil na kontradiksiyon sa puso mo, alitan, at pagkaligalig. Kaunting katotohanan lamang ang nauunawaan mo, mababaw ang iyong buhay pagpasok, at wala kang lakas na madaig ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at tiwaling disposisyon ng laman. Ang magagawa mo lang ay sundin ang karaniwang pamamaraan ng tao: palaging dumaranas ng kabiguan at pagkadismaya, at palaging nasasadlak, sinasalanta ng paghihirap, at gumulong-gulong sa putik, hanggang sa sumapit ang isang araw na sasabihin mong, “Pagod na ako. Sawa na ako. Ayaw ko nang mamuhay nang ganito. Ayaw kong maranasan ang mga kabiguang ito. Handa akong humarap sa Lumikha nang may pagsunod; makikinig ako sa sinasabi ng Diyos, at gagawin ko ang sinasabi Niya. Ito lamang ang tamang landas sa buhay.” Sa araw na ganap kang kumbinsido at tinatanggap mo ang pagkatalo, saka ka lamang makakaharap sa Diyos. May naunawaan ka ba tungkol sa disposisyon ng Diyos mula rito? Ano ang saloobin ng Diyos sa mga tao? Anuman ang gawin ng Diyos, ninanais Niya ang pinakamainam para sa tao. Anuman ang sitwasyong isinasaayos Niya o ang hinihingi Niyang gawin mo, palagi Niyang hinihiling na makita ang pinakamagandang kalalabasan. Sabihin nang may pinagdadaanan kang isang bagay at nahaharap ka sa mga dagok at kabiguan. Hindi nais ng Diyos na makita kang pinanghihinaan ng loob kapag nabigo ka, isipin na katapusan mo na at na naagaw ka na ni Satanas, at pagkatapos ay susukuan mo na ang iyong sarili, hindi na muling makakabangon, at masasadlak ka sa panlulumo—hindi nais ng Diyos na makita ang kalalabasang ito. Ano ang nais makita ng Diyos? Na bagamat nabigo ka sa bagay na ito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilay-nilayan ang iyong sarili, makita ang dahilan ng iyong pagkabigo, tanggapin ang aral na itinuro ng kabiguang ito sa iyo, gunitain ito sa hinaharap, malaman na maling kumilos nang ganito at na sa pagsasagawa lamang ayon sa mga salita ng Diyos ang tama, at napagtatanto mo na, “Masamang tao ako. Mayroon akong isang tiwaling satanikong disposisyon. May paghihimagsik sa loob ko. Malayo ako sa matutuwid na tao na binabanggit ng Diyos, at wala akong may-takot-sa-Diyos na puso.” Nakita mo na ang katunayang ito nang malinaw; nakilala mo ang katotohanan ukol sa bagay na ito, at sa pamamagitan ng dagok na ito, ng kabiguang ito, nagkamit ka ng kaunting pang-unawa at naging husto ang pag-iisip. Ito ang gusto ng Diyos na makita. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging nasa hustong pag-iisip? Ibig sabihin nito ay maaari kang makamit ng Diyos, na maaari kang maligtas, na maaari kang pumasok sa mga katotohanang realidad, at na tinahak mo ang landas ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Umaasa ang Diyos na makita ang mga tao na tumahak sa tamang landas. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay nang may mga napakataimtim na layunin, at ang lahat ng ito ay ang nakatago Niyang pagmamahal, pero madalas na hindi ito nararamdaman ng mga tao. Ang mga tao ay makikitid ang utak at lubhang mababaw ang pag-iisip. Sa sandaling hindi nila matamasa ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, nagiging negatibo sila at nagpapakita ng galit, pero hindi ito ginagamit ng Diyos laban sa kanila. Tinatrato lang Niya sila na parang mga mangmang na bata at hindi Niya sila pinupuna. Naglalatag Siya ng mga sitwasyon para sa mga tao para ipaalam sa kanila kung paano natatamo ang biyaya at mga pagpapala, ipinauunawa sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng biyaya sa tao, at kung ano ang matututunan ng mga tao mula rito. Sabihin na nating gusto mong kumain ng isang bagay na sinasabi ng Diyos na masama para sa iyong kalusugan kapag nasobrahan ka ng kain. Hindi ka nakinig, at nagpumilit kang kainin ito, at tinulutan ka ng Diyos na malayang pagpasyahan iyon. Bunga nito, nagkasakit ka. Pagkatapos maranasan ito nang ilang beses, napagtanto mo na talagang tama ang mga salitang binibigkas ng Diyos, na totoo ang mga sinasabi Niya, na dapat kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita, at na ito ang tamang landas. Kung gayon, ano ang ibubunga ng mga dagok, kabiguan at pagdurusang nararanasan mo? Isa na rito ay na, mararamdaman mo ang mga napakataimtim na layunin ng Diyos. Ang isa pa ay na, napapaniwala ka nito at nakakasigurado ka na tama nga ang mga salita ng Diyos at na praktikal ang lahat ng ito, at lumalago ang pananalig mo sa Diyos. Dagdag pa roon, sa pagdanas mo sa yugtong ito ng kabiguan, nakikilala mo ang pagkatotoo at katumpakan ng mga salita ng Diyos, nakikita mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at nauunawaan mo ang prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan. Kaya naman, mabuti para sa iyo na makaranas ng kabiguan—bagamat isa rin itong bagay na nagpapahirap sa iyo, at humuhubog sa iyo. Pero kung ang pagkakahubog ay makapagpapabalik-loob sa iyo sa Diyos sa huli, magiging dahilan para maunawaan mo ang Kanyang mga salita at tanggapin ang mga ito sa iyong puso bilang katotohanan, at magiging dahilan para makilala mo ang Diyos, kung gayon, ang pagkakahubog, ang mga dagok at kabiguang naranasan mo ay hindi mauuwi sa wala. Ito ang resultang nais ng Diyos na makita. Ngunit sinasabi ng ibang tao, “Dahil masyadong mapagtimpi ang Diyos sa mga tao, hahayaan ko na lang ang sarili ko, gagawin ko ang mga bagay-bagay ayon sa gusto ko, at mamumuhay sa paraang gusto ko.” Ayos lang ba ito? (Hindi.) Ang dapat gawin ng mga nilikha ay ang magsagawa ayon sa tamang landas na itinuro sa kanila ng Diyos, at huwag lumihis mula rito. Kung hindi nila magawang ganap na umayon sa mga layunin ng Diyos, hangga’t hindi nila kinokontra ang katotohanan, at kaya nilang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, ayos lang ito. Ito ang pinakamababang pamantayan na hinihingi. Kung lumilihis ka sa katotohanan, hindi nananalangin, at hindi naghahanap, masyado ka nang nalayo sa Diyos, at tumawid ka na sa mapanganib na teritoryo. Kapag masyado ka nang malayo sa Diyos, hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin sa iglesia, at iniwan mo na ang lugar kung saan gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao, titigil na ang Banal na Espiritu sa paggawa sa iyo, at mawawalan ka na ng pagkakataon, at mawawalan ka na ng kaligtasan. Para sa iyo, ang mga salita ng Diyos ay mga hungkag na salita lamang.
Kapag nananampalataya ka sa Diyos, dapat maunawaan mo muna ang Diyos, maunawaan ang Kanyang mga layunin, at ang Kanyang saloobin sa tao. Kapag ginawa mo ito, malalaman mo kung anong katotohanan ang gusto ng Diyos na maunawaan at pasukin mo sa huli, at mauunawaan mo kung anong landas ang dapat mong sundan. Pagkatapos mong malaman ang mga bagay na ito, dapat gawin mo ang iyong buong makakaya para makipagtulungan sa kung ano ang gustong gawin ng Diyos, at kung ano ang gusto Niyang isakatuparan sa iyo. Kung hindi mo talaga kayang makipagtulungan at ubos na ang enerhiya at lakas mo, ganoon na talaga iyon; hindi pupuwersahin ng Diyos ang mga tao. Gayunpaman, hindi ibinubuhos ng mga tao ngayon ang lahat ng kanilang lakas sa mga bagay na ito. Kung hindi mo ibubuhos ang buo mong lakas sa pagsasagawa ng katotohanan, pero ibinubuhos mo ang buo mong lakas sa pagtatamo ng mga pagpapala at ng putong ng katuwiran, kung gayon ay lumihis ka na mula sa tamang landas. Dapat pagsikapan mong isagawa ang katotohanan, at makipagtulungan ka sa mga misyon at tungkuling ibinibigay sa iyo ng Diyos; dapat mong ialay ang iyong sarili at gugulin ang iyong sarili para sa mga bagay na ito nang buong puso. Kung magkagayon, makakaayon ka sa mga layunin ng Diyos. Hindi pinapansin ng Diyos ang mga taong hindi nag-aasikaso nang maayos sa kanilang mga tungkulin, pero ang hindi pagpansin sa kanila ay hindi nangangahulugang walang prinsipyo sa likod ng Kanyang mga kilos. Kapag hindi sila pinapansin ng Diyos, ipinapakita nito na Siya ay mapagtimpi, tumatanggap, at mapagpasensiya. Alam Niya kung anong mga bagay ang dapat maranasan ng mga tao sa kanilang buhay, kung ano ang kayang isakatuparan ng mga nilikhang ito, at kung ano ang hindi nila kaya, kung ano ang kayang isakatuparan ng ilang uri ng tao sa mga partikular na panahon, at kung ano ang hindi nila kaya. Ang Diyos ang siyang may pinakamalinaw na kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, higit pa kaysa sa mga tao mismo. Gayunpaman, dahil lamang malinaw sa Diyos ang mga bagay na ito, hindi nangangahulugan na pwede mong sabihin na, “O sige, gawin Mo na lang kung ano ang gusto Mo, O Diyos. Hindi ko na kailangang mag-isip tungkol sa anumang bagay. Uupo na lang ako buong maghapon at maghihintay na lang ng manna na malaglag mula sa kalangitan. Ayos lang na ang Diyos na ang bahala sa lahat.” Dapat gawin ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya na makipagtulungan kapag isinasagawa ang kanilang mga responsabilidad, ang mga bagay na dapat nilang gawin, ang mga bagay na dapat nilang pasukin, ang mga bagay na dapat nilang isagawa, at ang mga bagay na nasa saklaw ng likas na kakayahan ng mga tao na isakatuparan. Ano ba ang ibig sabihin na gawin ng isang tao ang lahat ng kanyang makakaya para makipagtulungan? Ibig sabihin nito ay dapat maglaan ka ng panahon at enerhiya sa iyong tungkulin, magdusa at magbayad ng halaga para dito. Minsan dapat isakripisyo ang iyong dangal, banidad, at pansariling interes, at dapat tuluyan mong bitiwan ang iyong pananabik para sa isang hantungan, at ang iyong pagnanais na pagpalain. Dapat bitiwan ang mga bagay na ito, kaya dapat mong bitiwan ang mga ito. Halimbawa, sinasabi ng Diyos na, “Huwag mong nasain ang mga kaginhawahan ng laman, dahil hindi ito nakabubuti sa paglago ng iyong buhay.” Hindi ka makapagpasakop sa Kanya, at pagkatapos maranasan ang ilang kabiguan, iniisip mo, “Tama ang Diyos. Bakit hindi ko ito maisagawa, at malabanan ang laman? Wala ba akong kakayahang magbago? Ganito rin ba ang tingin sa akin ng Diyos? Hindi ba Niya ako ililigtas? Wala na akong pag-asa, kaya magiging trabahador na lang ako, at magtatrabaho hanggang sa huli.” Katanggap-tanggap ba ito? (Hindi.) Madalas na nasa ganitong kalagayan ang mga tao. Naghahangad lang sila ng mga pagpapala at ng isang putong, o hindi kaya ay—matapos makaranas ng ilang beses ng pagkabigo—iniisip nila na hindi nila kaya ang gampanin, at na hinatulan na rin sila ng Diyos. Mali ito. Kung kagyat mong mababago ang mga bagay-bagay, mababago ang iyong puso at isipan, mabibitiwan ang kasamaang nagawa ng iyong mga kamay, makababalik sa harapan ng Diyos, makakapagtapat at makakapagsisisi sa Diyos, makikilala na ang iyong mga kilos at ang landas na nilalakaran mo ay mali, at maaamin ang sarili mong mga pagkukulang, kung gayon ay magsagawa ayon sa landas na itinuro sa iyo ng Diyos, nang hindi sinusukuan ang paghahangad sa katotohanan gaano ka man karumi, kung gayon ay tama ang ginagawa mo. Sa panahon ng pagdanas ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon at pagkakaligtas, kinakailangang humarap ng mga tao sa maraming paghihirap. Halimbawa, ang hindi makapagpasakop sa mga sitwasyong inilatag ng Diyos, ang kanilang iba’t ibang pansariling kaisipan, pananaw, imahinasyon, tiwaling disposisyon, kaalaman at kaloob, o di-kaya’y ang iba’t iba nilang personal na problema o pagkakamali. Dapat mong labanan ang lahat ng uri ng paghihirap. Sa sandaling mapagtagumpayan mo ang sari-saring paghihirap at kalagayang ito, at kapag tapos na ang labanan sa iyong puso, magtataglay ka na ng mga katotohanang realidad, hindi ka na maigagapos ng mga bagay na ito, at makakaalpas at makakalaya ka na. Ang isang problemang madalas na makaharap ng mga tao habang nasa prosesong ito ay na iniisip na nilang mas mahusay sila kaysa sa ibang mga tao bago pa man nila matuklasan ang mga problema sa kanilang sarili, at na pagpapalain sila kahit na ang iba ay hindi, tulad lamang ni Pablo. Kapag natuklasan nila ang kanilang mga problema, iniisip nilang wala silang kuwenta, at na katapusan na nila. Palaging may dalawang sukdulan. Dapat mong mapagtagumpayan ang dalawang sukdulang ito, upang hindi ka malihis. Kapag nahaharap ka sa isang paghihirap, kahit pa alam mo nang lubhang mahirap solusyunan ang problemang ito, at magiging mahirap ayusin, dapat mo itong harapin nang wasto, humarap sa Diyos at hingin ang Kanyang tulong sa pag-aayos nito, at sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, solusyunan ito nang paunti-unti, gaya ng mga langgam na kumakagat sa buto, at baguhin mo ang kalagayang ito. Dapat kang magsisi sa Diyos. Ang pagsisisi ay isang katunayan na may puso kang tumatanggap sa katotohanan at may isang saloobin ng pagpapasakop, na nangangahulugang may pag-asang matatamo mo ang katotohanan. At kung, sa gitna nito, may lumitaw pang dagdag na mga paghihirap, huwag kang matakot. Magmadaling manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya; palihim na nanonood at naghihintay sa iyo ang Diyos, at hangga’t hindi ka umaalis sa tagpo, daloy, at saklaw ng Kanyang gawaing pamamahala, may pag-asa ka pa—hinding-hindi ka dapat sumuko. Kung ang ipinapakita mo lang ay isang normal na tiwaling disposisyon, kung gayon, hangga’t nauunawaan mo ito at natatanggap ang katotohanan, at naisasagawa ang katotohanan, darating ang araw na malulutas ang mga problemang ito. Dapat kang sumampalataya rito. Ang Diyos ang katotohanan—bakit kailangan mong mangambang hindi malulutas ang munting problemang ito? Malulutas ang lahat ng ito, kaya bakit ka magiging negatibo? Hindi ka sinukuan ng Diyos, kaya bakit mo susukuan ang iyong sarili? Hindi ka dapat sumuko, at hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong harapin nang maayos ang problema. Dapat alam mo ang mga normal na batas para sa buhay pagpasok, at makita ang pagbubunyag at pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon, pati na ang paminsan-minsan na pagiging negatibo, kahinaan, at pagkalito, bilang mga normal na bagay. Matagal at paulit-ulit ang proseso sa pagbabago ng disposisyon ng isang tao. Kapag malinaw sa iyo ang puntong ito, magagawa mong harapin nang maayos ang mga problema. Minsan, lubhang nagpapakita nang kusa ang iyong tiwaling disposisyon, at nasusuklam ang sinumang nakakakita nito, at kinamumuhian mo ang iyong sarili. O kaya naman, minsan ay masyado kang kampante at dinidisiplina ka ng Diyos. Hindi ito dapat ikatakot. Hangga’t dinidisiplina ka ng Diyos, hangga’t nagmamalasakit at pumoprotekta Siya sa iyo, gumagawa pa rin sa iyo, at laging kasama mo, pinatutunayan nito na hindi ka sinukuan ng Diyos. Kahit na may mga pagkakataong pakiramdam mo ay iniwan ka ng Diyos, at inilubog ka sa kadiliman, huwag matakot: Hangga’t buhay ka pa rin at wala sa impiyerno, may pagkakataon ka pa. Subalit kung katulad ka ni Pablo, na matigas ang ulong tinahak ang landas ng isang anticristo, at sa huli ay pinatototohanan na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo, katapusan mo na. Kung magigising ka sa katotohanan, may pagkakataon ka pa. Ano pang pagkakataon ang mayroon ka? May pagkakataon ka pang lumapit sa harapan ng Diyos, at makakapagdasal ka pa rin sa Diyos at makahahanap, sinasabing “O Diyos! Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan upang maunawaan ko ang aspektong ito ng katotohanan, at ang aspektong ito ng landas ng pagsasagawa.” Hangga’t ikaw ay isa sa mga sumusunod sa Diyos, may pag-asa ka sa kaligtasan, at mararating mo ang pinakadulo. Malinaw na ba ang mga salitang ito? Malamang pa rin bang maging negatibo ka? (Hindi.) Kapag nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, maluwang ang kanilang landas. Kung hindi nila nauunawaan ang Kanyang mga layunin, makitid ito, may kadiliman sa kanilang mga puso, at wala silang landas na tatahakin. Ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay ang mga sumusunod: Makikitid ang kanilang isip, lagi silang nagbubusisi, at lagi silang nagrereklamo at mali ang pagkaunawa nila sa Diyos. Dahil dito, habang lalo silang naglalakad nang malayo, lalo namang naglalaho ang kanilang landas. Sa totoo lang, hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos. Kung itatrato ng Diyos ang mga tao gaya ng nasa imahinasyon nila, matagal na sanang nalipol ang sangkatauhan.
Kumakatawan ang pitong kasalanan ni Pablo sa mga pagbubunyag na tipikal sa tiwaling sangkatauhan, ngunit si Pablo ang pinakamalalang kaso. Natukoy na ang kanyang kalikasang diwa—ganoong uri siya ng tao. Gayunpaman, karaniwan sa lahat ng tiwaling tao ang mga tiwaling disposisyong ito; bawat tao ay mayroong ganito sa magkakaibang antas. Nagmumula lahat ang mga kalagayang ito sa isang tiwaling disposisyon. Bagamat hindi kayo magkauri ni Pablo, nagtataglay ka rin ng ganitong mga tiwaling disposisyon; hindi mo lang naipapamalas ang mga ito nang kasinglubha ng ginawa niya. Sa kasalukuyan, nakikita ng Diyos bilang mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang mga ganitong uri ng kalagayan na mayroon ang karamihan sa inyo. Pero hindi lang basta nagbunyag si Pablo ng tiwaling disposisyon; nasa landas siya ng paglaban sa Diyos, at matigas na tumangging magsisi. Sinentensiyahan siya at kinondena. Mayroon siyang malademonyong kalikasan, at wala nang lunas sa malademonyo niyang kalikasang ito na napopoot sa katotohanan. Pagkatapos nito, dapat kayong magbahaginan tungkol sa diskursong ito, at ikumpara ninyo ang inyong sarili rito. Layon nitong makilala ang kalubhaan ng mga pagkakamaling ito na ginawa ni Pablo, at pagkatapos ay ibunyag ang lahat ng tiwaling kalagayang mayroon kayo na katulad ng kay Pablo, at ayusin ang mga ito nang hakbang-hakbang. Ang punto ng pag-aayos sa mga tiwaling disposisyong ito ay para bigyan ng kakayahan ang mga tao na mamuhay nang may karagdagang wangis ng tao, at lalong maging kaayon ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pag-aayos sa mga tiwaling disposisyong ito tunay na makakalapit ang mga tao sa harapan ng Diyos, magiging kaayon Niya, magiging isang tunay na nilikha, at magiging kasiya-siya sa paningin ng Diyos. Ikinukumpara ba ninyo ang inyong sarili sa mga ito? (Medyo kulang kami sa aspektong ito.) Ang katotohanan ang pinakamalaking kulang sa inyo. Ang katotohanan ang dapat pinapasok ninyo. Medyo may ilang bagay na nasa loob ninyo ngayon, pero ang karamihan sa mga bagay na ito ay tiwali at masama. May kaunti kayong kakatwang kaalaman, masyado kayong makitid ang isip, palagi ninyong iniisip ang tungkol sa pakikipagtransaksiyon at pakikipagkalakalan, mayroon kayong sobra-sobrang negatibong bagay, at nagiging negatibo kayo kapag hindi ninyo ginagawa nang maayos ang isang gampanin, o kapag nakakaramdam kayo ng paghihirap. Kapag nakikita mo na hindi umaayon sa gusto mo ang gawain ng Diyos, umuusbong ang mga negatibong emosyon sa loob mo, at kumokontra ka sa Kanyang gawain at nilalabanan mo ito. Kapag may naisakatuparan kang maliit na resulta sa iyong gawain, lumalaki ang ulo mo at nakakalimutan mo ang iyong sarili. Nagiging mayabang ka at hindi mo na alam ang iyong puwesto sa sansinukob, iniisip mo na mas magaling ka kaysa sa iba, at gusto mong bigyan ka ng Diyos ng putong at gantimpala bilang kapalit; nangangahas ka rin na hayagan na maging walang pigil. Sa kabuuan, walang ipinagkaiba ang mga kalagayang ito sa mga kalagayan ni Pablo—magkakapareho ang mga ito, at kinapopootan ng Diyos ang mga ito.
Naibuod at natukoy na natin ang pitong malaking kasalanan ni Pablo. Nasadlak sa kaparusahan si Pablo sa bandang huli. Nang pagpasyahan ng Diyos ang kalalabasan ni Pablo, ibinatay lang ba Niya ito sa isa sa mga kasalanan ni Pablo? (Hindi.) Kung susumahin, ito ang katapusan na nararapat para sa kanya; ganito siya dapat nagtapos. Nasa harapan mo na mismo ang mga katunayan; hindi mo maikakaila ang mga ito. Kung may ilan sa inyo na tumatahak sa isang daan na katulad ng kay Pablo mula sa simula hanggang sa katapusan, na nagpapamalas ng lahat ng pitong kasalanan ni Pablo, at hindi kayang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ano ang magiging kalalabasan ninyo sa huli? (Katulad ng kay Pablo.) Kayo ay magiging isang anticristong demonyo kagaya ni Pablo, at dapat kayong parusahan. Kapag pinarusahan ka, huwag mong akusahan ang Diyos ng pagiging hindi matuwid. Sa halip, dapat mong purihin ang pagiging matuwid ng Diyos, at sabihing, “Ang Diyos ay matuwid! Inilantad ng Diyos ang pitong kasalanan ni Pablo, at ipinaliwanag ng Kanyang mga salita ang mga ito. Ako ang hindi pumasok sa Kanyang mga salita!” Iba na ang mga bagay ngayon kaysa noong nakaraang dalawang libong taon; sinasabi ng Diyos sa mga tao ang tungkol sa bawat katotohanan nang malinaw at walang itinatago, at nakasulat ito para sa iyo, para marinig at maunawaan mo ito, at nang makita mo rin na ganoon gumagawa ang Diyos at ganoon Niya isinasakatuparan ang mga bagay-bagay sa tunay na buhay. Kung hindi ka pa rin makapasok sa katotohanan, at hindi mo maiayos ang tiwali mong disposisyon ayon sa mga salita ng Diyos, huwag mong sisihin ang Diyos na pinarusahan ka Niya ayon sa Kanyang matuwid na disposisyon. Sa Aklat ng Pahayag, sinabi ng Diyos, “Ang Aking gantimpala ay nasa Akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang gawa” (Pahayag 22:12). Sinusuklian ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang ginawa. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magnilay-nilay at maunawaan ang kanilang sarili batay sa mga salita ng Diyos, at batay sa pitong kasalanan ni Pablo na inilantad ng Diyos, at dapat nilang makamit ang tunay na pagsisisi. Ito ang bagay na sinasang-ayunan ng Diyos.
Hunyo 14, 2018