Paano Matukoy ang Kalikasang Diwa ni Pablo (Unang Bahagi)
Matagal-tagal na rin kayong nagbahaginan tungkol sa seksiyon ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao.” Anong mga isyu ang tinatalakay nito, at anong mga katotohanan ang may kinalaman rito? (May kinalaman ito sa landas na tinatahak ng tao bilang mananampalataya.) Pangunahing umiikot ang naturang paksa sa mga landas na tinahak nina Pedro at Pablo, tama ba Ako? Matapos magbahaginan nang napakatagal na panahon, sigurado Akong may natutunan na kayo mula rito—marahil ay maraming bagay. Dapat ninyong ibuod ang mahalagang punto ng mga sermon na napakinggan ninyo sa panahong ito, at pagkatapos ay pag-uri-uriin ang mga pangunahing himaymay nito, at dumanas nang ayon sa ganitong paraan ng pag-iisip, at sa mahahalagang bagay at himaymay na binuod ninyo. Tutulungan kayo nito kung paano danasin ang gawain ng Diyos, kung paano gampanan nang maayos ang inyong tungkulin, at kung paano magpatotoo nang mabuti sa tunay na buhay. Umaasa Ako na pagkatapos ninyong magbuod, malaki ang isusulong ng inyong buhay pagpasok at ng inyong espirituwal na tayog. Kaya, kapag binubuod ninyo ang mga katotohanang realidad na dapat sana ninyong maunawaan mula sa kabanatang iyon, magsisimula ba kayo sa karanasan ni Pablo, o ni Pedro? (Kay Pablo.) Bakit? (Sa pagninilay-nilay sa aming sarili batay sa mga dahilan kung bakit nabigo si Pablo, malalaman namin kung nasa landas ba kami ni Pablo. Pagkatapos ay titingnan namin kung nasa anong uri ba ng landas si Pedro, para magkaroon kami ng isang layon at direksiyon na hahangarin.) Ang totoo, ganoon dapat. Humugot ng mga aral at ibuod ang mga karanasan mula sa lahat ng pinagdaanan ni Pablo at daang tinahak niya. Unawain kung anong landas ang tinahak niya, kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga mananampalataya na sumunod sa tamang landas, at kung ano ba ang tamang landas. Kung kaya mong sumunod sa landas ng paghahangad sa katotohanan, maiiwasan mong maligaw sa mga totoong sitwasyon ng buhay, pati na kapag nararanasan mo ang gawain ng Diyos sa mga panahong ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Maiiwasan mo rin na magambala ang gawain ng Diyos, magkamaling mahulog sa maling landas, o sa huli ay makapagdulot ng kaparusahan sa iyong sarili, tulad ng ginawa ni Pablo.
Ngayon, batay sa mga naging karanasan ni Pablo, ibuod natin ang mga katangian ng daang tinahak niya, ang paraan ng kanyang pananampalataya sa Diyos, at ang mga layon at direksiyong hinangad niya. Titingnan muna natin ang kalidad ng pagkatao ni Pablo at ang kanyang disposisyon mula sa mga anggulong ito. Kung titingnan ang buhay ni Pablo at ang mga kuwento tungkol sa kung ano ang mga nangyari sa kanya, may ilang aspekto sa kanyang disposisyon: pagmamataas, pagmamatuwid sa sarili, panlilinlang, pagkapoot sa katotohanan, kabuktutan, at kabagsikan. Gaano man karaming pangunahing aspekto ng disposisyon ni Pablo ang nakikita o naibubuod ng mga tao, kung ang mga aspekto lang na ito ng kanyang disposisyon ang pag-uusapan mo, mararamdaman mo siguro na medyo hungkag ito, tama ba Ako? Kapag binabanggit mo ang mga aspektong ito ng kanyang disposisyon, nakatali ba ang mga ito sa kanyang mga paghahangad, sa direksiyon ng kanyang buhay, at sa landas na sinunod niya bilang mananampalataya? Kapag kayabangan niya ang pag-uusapan mo, mayroon ka bang mga katunayan para suportahan ito? Ano ang dahilan at nayayabangan ka sa kanya? Ano ang dahilan at sa tingin mo ay mapanlinlang siya? Ano ang dahilan at sa tingin mo ay napopoot siya sa katotohanan? Kung ibubuod mo lang ang diwa ng mga aspektong ito ng kanyang disposisyon at hindi mo pag-uusapan ang kanyang mga paghahangad, ang direksiyon ng kanyang buhay, at ang landas na sinunod niya bilang mananampalataya, kung gayon, mga hungkag na salita nga ito, at hindi magkakaroon ng anumang positibo o kapaki-pakinabang na silbi para sa mga tao ngayon. Mas mabuti pang magsalita mula sa perspektiba ng mga paghahangad ni Pablo at ng kanyang landas. Hindi isang simpleng bagay ang maunawaan ang diwa ng isang tao. Hindi matutukoy ang kalikasang diwa ng isang tao kapag wala siyang ginagawa, o kapag gumagawa lang siya ng ilang di-mahahalagang bagay. Dapat mong tingnan kung paano niya regular na ipinapakita ang kanyang sarili at ang intensiyon at motibasyon sa likod ng kanyang mga ikinikilos, sa madaling salita, tingnan mo ang kanyang mga paghahangad, pagnanais, at ang landas na kanyang sinusundan. Ang isa pang lalong mahalagang aspekto ay ang tingnan kung paano ito pinangangasiwaan ng isang tao kapag nahaharap siya sa isang sitwasyong idinisenyo ng Diyos para sa kanya, o kapag may personal na ginagawa ang Diyos sa kanya, gaya ng subukin siya, pinuhin siya, pungusan siya, o kapag personal siyang tinatanglawan at ginagabayan ng Diyos. Pangunahing tinitingnan ng Diyos ang mga aspektong ito. Ano ang tinutukoy ng mga aspektong ito? Tumutukoy ang mga ito sa mga prinsipyo ng kung paano kumikilos, namumuhay, umaasal at nakikisalamuha ang isang tao sa mundo, pati na sa mga layon at direksiyong hinahangad niya, sa landas na kanyang sinusunod, kung paano siya namumuhay, kung anong mga prinsipyo ang sinusunod niya sa buhay, at sa pundasyon ng kanyang pag-iral. Ito ang tinutukoy ng mga aspektong ito. Iyon ang dahilan kung bakit Ko sinasabi na kung iiwasan natin ang lahat ng bagay na ito at pag-uusapan na lamang ang tungkol sa kalikasang diwa ni Pablo, gaano man karami ang ating sasabihin o gaano man tayo kakomprehensibo, mga hungkag na salita lamang ang mga ito. Kung gusto nating tingnan ang diwa ni Pablo mula sa bawat aspekto ng kanyang pagkatao, at tulungan ang mga tao ngayon, o bigyan sila ng isang salamin kung saan nila makikita ang kanilang sarili, dapat muna nating ibuod ang landas na sinundan ni Pablo, ang mga layong hinangad niya, ang pundasyon ng kanyang pag-iral, at ang saloobin niya sa Diyos. Kung susuriin nating mabuti ang bawat aspekto ng kanyang disposisyon sa pamamagitan ng pagtingin dito mula sa mga anggulong ito, hindi ba’t may batayan tayo? Ang pagbabahagi at pagbubuod sa ganitong paraan ay para bahagyang makita ninyo nang mas malinaw si Pablo, pero higit sa lahat para kapag humarap ang mga tao ngayon sa pagliligtas at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, malalaman nila kung paano harapin ito, at kung paano nila dapat hangarin ang katotohanan, upang maiwasan nilang sumunod sa mga yapak ni Pablo at maiwasang maparusahan kagaya niya. Ito ang pinakamabisang pamamaraan.
Kapag tiningnan ninyo ang iba’t ibang paraan kung paano iprinesenta ni Pablo ang kanyang sarili, dapat ay makita ninyo ang kanyang kalikasang diwa, at ganap na makapaghinuha na mali ang direksiyon, mga layon, ang pinagmulan, at motibasyon ng kanyang mga paghahangad, at na ang mga bagay na ito ay naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hindi nakalulugod sa Kanya, at kinamumuhian ng Diyos. Ano ang unang pangunahing paraan ng pagpresenta ni Pablo sa kanyang sarili? (Nagpakapagod at nagtrabaho siya kapalit ng isang korona.) Saan ninyo siya nakitang nagpresenta ng kanyang sarili sa ganitong paraan, o nakita na nasa ganito siyang kalagayan? (Sa kanyang mga salita.) Sa pamamagitan ng kanyang mga sikat na kasabihan. Kadalasan, ang mga sikat na kasabihan ay positibo, at nakakatulong at kapaki-pakinabang sa mga may determinasyon, pag-asa, at adhikain; kaya ng mga ito na palakasin ang loob ng gayong mga tao at bigyan sila ng motibasyon, pero ano ang naging silbi ng mga sikat na kasabihan ni Pablo? Marami siya nito. Maaari ba ninyong ibigkas ang isa sa mga mas sikat niyang kasabihan? (“Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8).) Anong aspekto ng kanyang kalikasang diwa ang inirerepresenta ng mga salitang ito? Paano natin ito dapat bigyan ng depinisyon ayon sa katotohanan? (Mapagmataas, inaakalang mas matuwid kaysa sa iba, at nakikipagtawaran sa Diyos.) Ang mapagmataas niyang kalikasan ang siyang nagtulak sa kanya na sabihin ang mga salitang ito—hindi siya tatakbo sa takbuhin, hindi siya magtatrabaho, o mananampalataya pa nga sa Diyos kung walang korona sa huli. Pagkatapos makinig sa napakaraming sermon, dapat magawa na ng mga tao ngayon na kilalanin ang pagpapamalas na ito at ang kalagayang ito na ipinakita ni Pablo, pero kaya ba ninyo itong bigyan ng depinisyon? Kapag sinabi natin na “ibuod,” layon nating bigyan ng depinisyon ang isang bagay; ang mga salitang ginagamit mo para bigyan ng depinisyon ang isang bagay ay tunay na pagkaunawa. Kapag tumpak mong nabibigyan ng depinisyon ang isang bagay, pinatutunayan nito na malinaw mong nakikita ang naturang bagay; kapag hindi mo kayang bigyan ng depinisyon ang isang bagay at kinokopya mo lang ang mga depinisyon ng ibang tao, pinatutunayan nito na hindi mo ito tunay na nauunawaan. Anong uri ng pag-iisip o kalagayan ang nagtulak kay Pablo na sabihin ang mga salitang iyon sa pagkakataong iyon? Anong intensyon ang nagtulak sa kanya para gawin ito? Ano ang diwa ng kanyang mga paghahangad na ipinapakita sa iyo ng mga salitang ito? (Para magkamit ng mga pagpapala.) Nagsikap siya nang husto, ginugol ang kanyang sarili at ibinuhos ang kanyang sarili dahil ang intensiyon niya ay ang magkamit ng mga pagpapala. Iyon ang kalikasang diwa niya, at iyon ang nanahan sa kaibuturan ng kanyang puso. Ngayon lang, habang sinusuri ninyong mabuti ang isyu, sinabi ninyo na nakikipagtawaran si Pablo sa Diyos. Anong saloobin ni Pablo ang inirerepresenta nito? Sinusubukan natin ngayong ibuod ang pinakatotoong saloobin ni Pablo tungkol sa korona, sa pagtatamo ng mga pagpapala, at pananampalataya sa Diyos; hindi natin sinusubukang ibuod kung nakikipagtawaran nga ba si Pablo sa Diyos at kung tunay nga ba siyang mananampalataya. Sabihin ninyo ulit sa Akin. (Hindi niya minahal ang katotohanan at mapangmata siya.) Hindi ito isang saloobin; bahagi ito ng kanyang disposisyon. Pinag-uusapan natin ngayon ang kanyang saloobin. (Sakim siya.) Isang aspekto ito ng kanyang kalikasang diwa, katulad ng kanyang intensiyong magkamit ng mga pagpapala, at katulad ng kanyang pagnanais. Ano ba ang isang saloobin? Halimbawa, sinabi Kong masama sa sikmura ang pagkain palagi ng maaanghang, at may sumasagot ng, “Alam ko naman na masamang kumain ng maanghang na pagkain, pero mahilig ako sa maanghang na pagkain! Ano bang puwede kong kainin kung hindi ako kakain ng maanghang na pagkain?” Sasagot Ako, “Alang-alang sa iyong kalusugan, bibigyan kita ng limang dolyar tuwing kainan para bumili ka ng ibang pagkain, basta’t huwag ka lang kumain ng anumang maanghang.” Pagkatapos, masayang-masaya talaga sila, at sinasabing, “Sige, hindi na ako kakain ng maanghang na pagkain!” May nabuong kasunduan at sinusunod nila ito. Pero bakit nila napipigilan ang kanilang sarili sa pagkain ng maaanghang na pagkain? Ang totoo, dahil ito sa pera. Kung hindi Ko sila bibigyan ng pera, hindi nila makokontrol ang kanilang sarili; patuloy silang kakain ng maaanghang na pagkain gaya ng dati. Tumigil sila sa pagkain ng maaanghang na pagkain dahil lamang sa may mapapala sila mula rito—pera. Ito ang saloobin nila. Ito ang nakatago sa kaibuturan ng kanilang puso. Tumigil kaya sila sa pagkain ng maaanghang na pagkain dahil isinasagawa nila ang katotohanan, sinusunod ang iniuutos sa kanila, o ginagawa ito para mapalugod ang Diyos? (Hindi.) Hindi, wala sa mga kadahilanang iyon. Hindi nila pinigilan ang kanilang sarili sa pagkain ng maaanghang na pagkain dahil isinasagawa nila ang katotohanan, o dahil iniingatan nila ang kanilang kalusugan; mapagwalang-bahala at mababaw ang kanilang saloobin; isang transaksiyon ang tingin nila rito, at ginagawa nila ito para makapagsipsip. Kung hindi nila makakamit ang kanilang layunin at hindi matatanggap ang pera, babalik sila sa pagkain ng kung ano man ang gusto nila, at maaaring mas marami pa nga ang kakainin nila kaysa dati. Maaaring hindi ito pinakaangkop na halimbawa, pero ano ang mga pagkakatulad nito kapag ikinumpara natin ito kay Pablo? (Katulad ito ng kung paano ginanahan si Pablo ng pagtatamo ng mga pagpapala at kaya nakipagtawaran siya sa Diyos.) Itinuring ni Pablo ang pakikipaglaban ng mabuting laban, pagtakbo sa takbuhin, pagtatrabaho, paggugol ng sarili, at maging ang pagdidilig sa iglesia, bilang mga alas na magagamit niya kapalit ng korona ng katuwiran, at bilang mga landas patungo rito. Kaya, kahit pa nagdusa siya, gumugol ng kanyang sarili, o tumakbo sa karera, gaano man siya nagdusa, ang tanging layon sa kanyang isip ay ang makuha ang korona ng katuwiran. Itinuring niyang isang angkop na layon sa pananampalataya sa Diyos ang paghahangad sa korona ng katuwiran at ang paghahangad ng mga pagpapala, at ang pagdurusa, paggugol ng kanyang sarili, pagtatrabaho, at pagtakbo sa dapat takbuhin bilang mga landas patungo rito. Ang lahat ng mabuting pag-uugali na ipinapakita niya sa panlabas ay pakitang-tao lamang; ginawa niya ito kapalit ng pagkuha ng mga pagpapala sa pinakahuli. Ito ang una sa malalaking kasalanan ni Pablo.
Ang lahat ng sinabi at ginawa ni Pablo, ang mga ipinakita niya, ang intensiyon at layon ng kanyang gawain at ang takbuhing tinakbo niya, pati na ang saloobin niya sa mga ito—may kahit ano ba tungkol sa mga bagay na ito ang ayon sa katotohanan? (Wala.) Walang anumang bagay sa kanya ang umaayon sa katotohanan, at wala siyang ginawang anumang bagay na nakaayon sa kung ano ang itinagubilin ng Panginoong Jesus na gawin ng mga tao, pero pinagnilayan ba niya ito? (Hindi, hindi niya ito pinagnilayan.) Ni hindi niya ito kailanman pinagnilayan, ni hindi siya naghanap, kaya ano ang batayan niya para ipagpalagay na tama ang iniisip niya? (Ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon.) May isyu sa bagay na ito; paano niya gagawing layon na itataguyod niya sa kanyang buong buhay ang isang bagay na naisip niya? Pinag-isipan ba niya ito nang mabuti o tinanong ang kanyang sarili na, “Tama ba ang iniisip ko? Hindi ganito mag-isip ang ibang tao, ako lang. Problema ba ito?” Bukod sa wala siyang ganitong mga pagdududa, isinulat niya ang kanyang mga kaisipan sa mga liham at ipinadala ang mga ito sa lahat ng iglesia, para mabasa ng lahat ang mga ito. Ano ang kalikasan ng pag-uugaling ito? May problema sa bagay na ito; bakit hindi niya kailanman kinuwestiyon kung nakaayon ba sa katotohanan ang mga iniisip niya, bakit hindi niya hinanap ang katotohanan, o ikinumpara ito sa kung ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? Sa halip, itinuring niya bilang mga layon na dapat niyang hangarin ang mga naisip niya, at ang mga bagay na inakala niyang tama sa kanyang mga kuru-kuro. Ano ang problema rito? Itinuring niya bilang katotohanan at layong dapat niyang hangarin ang mga naisip niya at ang mga bagay na inakala niyang tama. Hindi ba’t ito ay labis na kayabangan at pag-aakalang mas matuwid siya sa iba? May puwang pa ba ang Diyos sa puso niya? Nagawa pa ba niyang ituring bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos? Kung hindi niya nagawang ituring bilang katotohanan ang mga salita ng Diyos, ano kung gayon ang magiging saloobin niya sa Diyos? Ginusto rin ba niyang maging diyos? Kung hindi, hindi niya ituturing bilang mga layong dapat niyang hangarin ang mga bagay na naisip niya sa sarili niyang mga kaisipan at kuru-kuro, ni hindi niya ituturing na para bang katotohanan ang kanyang mga kuru-kuro o kung ano ang kanyang naisip. Naniwala siya na kung ano ang naisip niya, iyon ang katotohanan, at na ito ay nakaayon sa katotohanan at sa mga layunin ng Diyos. Ibinahagi rin niya sa mga kapatid na nasa mga iglesia ang mga bagay na inakala niyang tama, at ikinintal ito sa kanila, dahilan para mapasunod niya ang lahat sa mga katawa-tawang bagay na sinabi niya; ipinalit niya ang kanyang mga salita sa mga salita ng Panginoong Jesus, at ginamit ang mga katawa-tawang salita niyang ito para magpatotoo na para sa kanya, ang mabuhay ay si cristo. Hindi ba’t ito ang pangalawang malaking kasalanan na nagawa ni Pablo? Lubhang malala ang problemang ito!
Marami nang tao ang naging kagaya ni Pablo sa paglipas ng mga panahon, kaya bakit natin ginagamit si Pablo bilang isang klasikong halimbawa? Dahil nakatala siya sa Bibliya, at ang mga erehiya at maling paniniwalang sinabi niya, at pati siya mismo, ay may malaking impluwensiya sa lahat ng Kristiyano. Masasabi mo na masyadong malaki ang pinsalang naidulot niya. Napakaraming tao ang nalihis at nalason dahil sa kanya. Bukod sa nalason niya ang maraming henerasyon ng mga tao, tumindi pa ang lason. Gaano katindi? (Huwaran ang tingin sa kanya ng lahat ng Kristiyano at tinutularan siya; isinasagawa nila ang kanyang mga salita na para bang mga salita ito ng Diyos.) Kung magbabahagi ka tungkol sa mga salita ni Cristo at sa mga salita ng Diyos, walang masyadong makikinig nito. Pero kapag nagbahagi ka tungkol sa mga salita ni Pablo, uupo sila kaagad at makikinig. Ano ang ibig sabihin nito? (Itinuturing nila si Pablo na parang si cristo.) Kapag itinuturing ng mga tao si Pablo na parang si cristo, napalitan na niya ang Panginoong Jesucristo sa kanilang puso. Hindi ba’t tanda ito ng isang napakalaking kasalanan? (Oo.) Si Pablo ang pinakamalaking anticristo sa kasaysayan! Halatang-halata ang intensiyon ng kanyang mga salita; malinaw na ipinapakita ang kanyang mga layon at katusuhan; lubhang tuso at makamandag ang kanyang diwa. Malubhang problema ang kalikasan nito! Iyon ang dahilan kung bakit kinailangan Ko itong banggitin at suriing mabuti. Kung hindi Ko iyon ginawa, patuloy na malilihis ang mga tao dahil sa kanya. Ngunit, kung susuriin Kong mabuti ang mga isyu ni Pablo, kailangan Ko siyang gawing mas kapaki-pakinabang para sa mga tao ngayon, bilang isang halimbawa ng kung ano ang hindi dapat gawin. Ngayon lang ay ibinuod natin ang dalawa sa mga kasalanan ni Pablo. Ano ang una? (Itinuring ni Pablo ang pagtatrabaho at pagtakbo sa takbuhin bilang mga alas na maaari niyang ipalit sa isang korona. Itinuring niyang naaangkop na layon na dapat niyang hangarin ang pagtatamo ng mga pagpapala at ng isang korona.) Tama ang sinabi mong iyan. Ang pinakamalaking problema ni Pablo ay na itinuring niya ang mga bagay na ito bilang mga layong dapat niyang hangarin. Sa simula pa lang, isa na itong transaksiyon na may kaakibat na paghihimagsik at masamang kalikasan, pero itinuring ito ni Pablo bilang isang naaangkop na layong dapat hangarin. Ito ang pinakamatinding problema. Ano naman ang pangalawa? (Itinuring ni Pablo na katotohanan ang lahat ng bagay na naisip niya, pati na ang mga bagay na inakala niyang tama batay sa kanyang mga kuru-kuro. Hindi niya kailanman pinagnilayan ito o naghanap tungkol dito; sa halip, nilihis niya ang mga tao, at pinasunod ang mga kapatid sa kanyang mga salita at kakatwang teorya, na nagiging dahilan para tratuhin siya ng mga tao na parang Cristo.) Isa talaga itong malubhang isyu. Tumpak ninyong tandaan ang mga isyung ito; pagkatapos nating ibuod ang mga ito, dapat ninyong ikumpara ang inyong sarili sa mga ito. Kapag may tinatalakay tayong paksa, dapat muna nating pag-usapan ang partikular na aspektong iyon ng katotohanan, at pagkatapos ay gumawa tayo ng mga paghahambing. Ang pagsusuri sa kung paanong ipinresenta ni Pablo ang kanyang sarili ay nagsisilbing isang babala sa lahat, at sinasabi rin nito sa mga tao na dapat nilang piliin ang tamang landas, at pagkatapos ay maghanap sila ng isang tumpak na landas ng pagsasagawa at iwasan nilang sumunod sa mga yapak ni Pablo. Pagkatapos, magiging ganap kayong epektibo.
May isa pang malubhang kasalanan si Pablo, at iyon ay na ginawa niya ang kanyang gawain nang ganap na nakabatay sa kakayahan ng kanyang pag-iisip, sa akademikong kaalaman, teolohikal na kaalaman at teorya. Isa itong bagay na tumutukoy sa kanyang kalikasang diwa. Dapat ninyong ibuod ito, at pagkatapos ay suriin kung ano ang kanyang saloobin tungkol sa mga bagay na ito. Isa itong napakahalaga at importanteng kasalanan, at bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Pagnilayan ninyo sandali kung alin sa mga pagpapamalas ni Pablo ang may kaugnayan sa kasalanang ito; tingnan kung ano ang kanyang kalikasang diwa sa pamamagitan ng mga pagpapamalas na ito, at bumuo kayo ng malinaw na larawan kung ano ang pinahalagahan niya sa kanyang kaloob-looban, at kung ano ang mga layon niya. Ang kanyang intensiyon at mga layon ay ang ugat kung bakit napunta siya sa maling landas. Ito ang mga pinakamahalagang bagay na dapat mong maunawaan nang malinaw. Anong mga kaloob ang mayroon si Pablo? (May mahusay na pagkaunawa si Pablo sa maraming kaalaman sa Bibliya mula sa Kapanahunan ng Kautusan.) Lumang Tipan lamang ang mayroon noong panahong iyon. Pamilyar si Pablo sa mga kasulatang ito, at napakarami niyang nalalaman tungkol sa mga bagay na ito, tulad ng mga teolohikal na guro, pastor, mangangaral, at mga pari sa panahon ngayon. Baka mas malawak pa nga ang kanyang teolohikal na kaalaman kaysa sa kanila, pero natutunan niya ito matapos siyang isilang sa mundo. Ano ang taglay-taglay ni Pablo mula pagkasilang? (Ang kanyang likas na mga abilidad.) Si Pablo ay likas na matalino, mahusay magsalita, mahusay magpahayag ng kanyang sarili, at hindi siya takot tumayo sa harapan ng maraming tao. Pagtuunan natin ngayon ang pag-uusap tungkol sa mga likas na abilidad, kaloob, katalinuhan, kakayahan, pati na sa kaalamang natutunan niya sa buong buhay niya. Ano ang ibig sabihin ng katunayang mahusay siyang magsalita? Sa anong paraan niya ipinakita at iprinesenta ang kanyang sarili? Mahilig siyang magpaligoy-ligoy tungkol sa matatayog na teorya; palagi siyang nagsasalita tungkol sa malalim na espirituwal na doktrina, sa mga teorya at kaalaman, at tungkol sa mga sikat niyang teksto at kasabihan na madalas banggitin ng mga tao. Paano mo ilalarawan sa isang salita ang mga salita ni Pablo? (Hungkag.) Makabubuti ba para sa mga tao ang mga hungkag na salita? Kapag naririnig nila ang mga salitang iyon, lumalakas ang loob nila, pero pagtagal-tagal ay napapawi ang kanilang sigla. Ang mga bagay na sinabi ni Pablo ay malabo at hindi tunay, mga bagay na hindi mo talaga mailalahad sa mga kongkretong salita. Sa mga teoryang sinabi niya, wala kang mahahanap na anumang landas sa pagsasagawa, o direksiyon ng pagsasagawa; wala kang mahahanap na anumang bagay na tumpak mong magagamit sa totoong buhay—mga teorya man ito o mga pundasyon, walang magagamit sa totoong buhay. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi Kong mga hungkag at impraktikal na salita ang mga sinasabi niyang mga teoryang panrelihiyon at espirituwal na doktrina. Ano ba ang layon ni Pablo sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na ito? Sinasabi ng ilang tao na, “Palagi niyang pinag-uusapan ang mga bagay na ito dahil gusto niyang makahikayat pa ng maraming tao, at para igalang at tingalain siya ng mga ito. Ginusto niyang palitan ang Panginoong Jesus at makuha ang loob ng mas maraming tao, para pagpalain siya.” Ito ba ang paksang gusto nating pag-usapan ngayon? (Hindi, hindi ito.) Lubhang normal lang para sa isang taong hindi napungusan, hindi nahatulan o nakastigo, hindi dumaan sa mga pagsubok o pagpipino, may mga kaloob na katulad ng sa kanya, at may kalikasang diwa ng isang anticristo na magpakitang-gilas kagaya nito at umasal gaya ng ginawa niya, kaya hindi na natin susuriing mabuti ang tungkol sa bagay na ito. Ano ang susuriin natin nang mabuti? Ang diwa ng problema niyang ito, ang ugat na dahilan at motibo sa likod ng paggawa niya ng mga bagay na ito, at kung ano ang nag-udyok sa kanya na kumilos nang ganito. Ituring man ng mga tao ngayon ang lahat ng bagay na sinabi niya bilang doktrina, mga teorya, teolohikal na kaalaman, mga likas na kaloob, o sarili niyang interpretasyon ng mga bagay-bagay, sa pangkalahatan, ang pinakamalaking problema ni Pablo ay na itinuring niyang katotohanan ang mga bagay-bagay na nagmula sa kalooban ng tao. Iyon ang dahilan kung bakit malakas ang loob niyang gamitin ang mga teolohikal na teoryang ito nang disidido, may buong tapang, at hayagan para makahikayat ng mga tao at maturuan sila. Ito ang diwa ng problema. Seryosong problema ba ito? (Oo.) Anong mga bagay ang itinuring niyang katotohanan? Ang mga kaloob niya mula pa nang siya ay ipanganak, pati na ang kaalaman at mga teolohikal na teoryang natutunan niya sa buong buhay niya. Natutunan niya ang mga teolohikal niyang teorya mula sa mga guro, mula sa pagbabasa ng mga kasulatan, at nabuo rin sa kung ano ang kanyang naunawaan at naisip. Itinuring niyang katotohanan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng kanyang pagkaunawa bilang tao, pero hindi ito ang pinakamalubhang problema, may mas malala pa. Itinuring niya ang mga bagay na iyon bilang katotohanan, pero inisip ba niya noong pagkakataong iyon na katotohanan ang mga bagay na iyon? Nagkaroon ba siya ng konsepto sa kung ano ang katotohanan? (Wala, wala siyang konsepto.) Kung ganoon, paano niya tinrato ang mga bagay na iyon? (Itinuring niya bilang buhay.) Itinuring niyang buhay ang lahat ng bagay na iyon. Inisip niya na kapag mas marami ang mga sermon na kaya niyang ipangaral, o kapag mas matatayog, mas magiging dakila ang kanyang buhay. Itinuring niyang buhay ang mga bagay na iyon. Seryosong bagay ba ito? (Oo, seryoso ito.) Ano ang naging epekto nito? (Nagkaroon ito ng epekto sa landas na sinunod niya.) Ito ay isang aspekto nito. Ano pa? (Inakala niya na ang pagtatamo ng mga bagay na ito ay makapaghahatid sa kanya ng kaligtasan at makapagpapasok sa kanya sa kaharian ng langit.) May kinalaman pa rin ito sa pagtatamo ng mga pagpapala; inakala niya na kapag mas dakila ang buhay niya, mas malaki ang tsansa niyang makapasok sa kaharian ng langit at makaakyat sa langit. Ano pa ang ibang paraan ng pagkakasabi sa “pag-akyat sa langit”? (Ang maghari at humawak ng kapangyarihan kasama ang Diyos.) Ang layunin niya sa pagpasok sa kaharian ng langit ay para maghari at humawak ng kapangyarihan kasama ang Diyos, pero hindi pa ito ang pinakalayon niya, may isa pa. Sinabi niya ang tungkol dito. Paano niya ito sinabi? (“Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang” (Filipos 1:21).) Sinabi niya na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo, at ang mamatay ay pakinabang. Ano ba ang ibig sabihin nito? Na magiging diyos siya pagkamatay niya? Walang hangganan ang kanyang ambisyon! Napakalala na ng kanyang problema! Kaya, mali bang suriin natin ang kaso ni Pablo? Hindi. Hindi niya dapat itinuring ang kanyang mga kaloob at ang kaalamang natutunan niya bilang buhay. Ito ang kanyang pangatlong malaking kasalanan. Makikita mo ang kalikasang diwa ni Pablo sa alinman sa tatlong kasalanang ito. Ang mga katangian ng kanyang kalikasang diwa ay nalalantad sa bawat isa sa mga kasalanan; walang nakatago o hindi naisama. Nairerepresenta ang kanyang kalikasang diwa sa lahat ng ito.
Susunod, titingnan naman natin ang mga pinakakritikal at pinakamalubhang problema ni Pablo, na pinakakumakatawan sa kanya. Sa mga liham na isinulat ni Pablo, anong mga salita ang madalas niyang ginamit? Tingnan ninyo kung ano ang sinasabi ng orihinal na teksto ng Bibliya, at pag-aaralan at susuriin natin ito, tingnan kung ano talaga ang nasa isip niya, at kung bakit kinamuhian at kinapopootan siya ng Diyos. Bakit naparusahan ang isang katulad ni Pablo na sikat at naging kasangkapan sa gawain ng mga unang iglesia? Paano kinilatis ng Diyos si Pablo sa Kanyang isipan? Paano tiningnan ng Diyos si Pablo? Bakit kinilatis ng Diyos si Pablo sa ganitong paraan, at bakit nagtakda ang Diyos nang ganoon? Ano ang pinagbatayan ng Diyos sa huli sa pagtukoy Niya kay Pablo at sa pagtakda ng kalalabasan ni Pablo? Ilista ninyo ang lahat ng bagay na ito upang makita ng mga tao ang mga katunayan ng kung paanong nilabanan niya ang Diyos, para hindi nila isiping mali ang ginawang pagkondena kay Pablo. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, mas may tendensiya silang tukuyin ang mga tao batay sa kanilang panlabas na anyo. Ano ang batayan ng mga tao sa pagtukoy sa ibang tao batay sa kanilang panlabas na anyo? Isang bahagi nito ay ang tradisyonal na kultura at ang mga turo ng lipunan. Isa pang bahagi nito ay ang edukasyon sa tahanan, ang mga ideya at konsepto ng itim at puti, at mga ideya at konsepto ng tama at mali. Ang isa pang bahagi ay ang edukasyon sa mga paaralan. Sama-sama, ang mga bagay na ito ay bumubuo ng isang buong satanikong sistema ng edukasyon. Ang kahihinatnan ng pagkintal ni Satanas ng mga bagay na ito sa mga tao ay na tinutukoy ito ng mga tao bilang mabuti o masama, bilang tama o mali ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at kagustuhan. Ano ang batayan ng lahat ng depinisyong ito ng mga tao? Sa katunayan, nakabatay ang mga ito sa mga satanikong teorya at pilosopiya; hindi mula sa Diyos o mula sa katotohanan ang mga batayang ito na mayroon ang mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit mali ang mga tiwaling tao gaano man nila tukuyin ang isang tao o pangyayari—wala itong kaugnayan sa katotohanan, at hindi ito nakaayon sa mga layunin ng Diyos; wala itong kinalaman sa Diyos o sa Kanyang mga salita. Pinagpapasyahan ng Diyos ang mga tao at pangyayari ayon sa Kanyang disposisyon at diwa. Ano ang disposisyon at diwa ng Diyos? Ito ay ang katotohanan. Ang katotohanan ang pagpapahayag ng lahat ng positibong bagay, at ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Ang Diyos ang nagtatakda sa lahat ng bagay na umiiral, at sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na nahaharap ng mga tao, alinsunod sa katotohanan. Ibinabatay ng Diyos ang mga pagtakda Niya ukol sa mga tao ayon sa kanilang kalikasang diwa, kung ano ang nagpapakilos sa kanila, ang landas na kanilang tinatahak, at ang saloobin nila tungkol sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Ito ang batayan ng mga konklusyon ng Diyos. Naaayon sa katotohanan ang mga pagtakda ng Diyos sa lahat ng bagay. Ano ang batayan ni Satanas sa pagtukoy sa lahat ng bagay? (Ang sarili nitong lohika.) Ang satanikong pilosopiya at lohika, na kabaligtaran mismo ng katotohanan. Ginawang tiwali ni Satanas ang buong sangkatauhan. Walang katotohanan ang mga tao; kinakatawan nila si Satanas at binibigyan ito ng anyo. Tinutukoy nila ang lahat ng bagay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya at lohika. Kaya, anong mga konklusyon ang nabubuo nila kapag tinutukoy ang mga bagay-bagay? Mga konklusyon na kabaligtaran mismo, at salungat sa katotohanan. Nahanap na ba ninyo ang mga salitang madalas gamitin ni Pablo sa kanyang mga sulat? Basahin ninyo ang mga ito nang malakas. (“Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng diyos” (1 Corinto 1:1).) Nakita ninyo? Ganito iniraranggo ni Pablo ang Diyos at si Cristo: “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng diyos.” Nasaan si Pablo sa pagkakaranggong ito? (Pangatlo.) Sa isipan ni Pablo, sino ang nasa unang puwesto? (Ang Diyos.) At sino ang nasa pangalawa? (Ang Panginoong Jesus.) Si Jesucristo. Sino naman ang pangatlo? (Si Pablo mismo.) Siya mismo. “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng diyos.” Madalas gamitin ni Pablo ang pariralang ito, at punung-puno ito ng impormasyon. Una, alam natin na si Pablo ay isang apostol ng Panginoong Jesucristo. Kaya, mula sa perspektiba ni Pablo, sino ang Panginoong Jesucristo? Siya ang Anak ng tao, at pumapangalawa sa Diyos na nasa langit. Tinawag man niyang Tagapamahala ang Panginoong Jesucristo o tinawag niya Siyang Panginoon, mula sa perspektiba ni Pablo, hindi Diyos ang Cristo na nasa lupa, kundi isang tao lamang na makapagtuturo sa mga tao at makapagpapasunod sa mga ito sa Kanya. Ano ang naging gampanin ni Pablo bilang apostol ng isang taong kagaya nito? Ang ibahagi ang ebanghelyo, bisitahin ang mga iglesia, mangaral ng mga sermon, at sumulat ng mga liham. Naniwala siya na ginagawa niya ang mga bagay na ito sa ngalan ng Panginoong Jesucristo. Sa puso niya, inisip niya na, “Tutulungan kita sa pamamagitan ng pagpunta sa kung saan hindi ka makakapunta, at titingnan ko para sa iyo ang mga lugar na ayaw mong puntahan.” Ito ang konsepto ni Pablo ng isang apostol. Ang pagkakaranggo, sa isipan niya, ay na pareho lang silang karaniwang tao ng Panginoong Jesus. Itinuring niya ang kanyang sarili at ang Panginoong Jesucristo bilang magkapantay, at bilang mga tao. Sa isip niya, wala naman talagang pagkakaiba sa pagitan ng kanilang mga posisyon, ni pagkakaiba sa kanilang mga pagkakakilanlan, lalo na sa kanilang mga ministeryo. Tanging ang mga pangalan, edad, mga sitwasyon ng pamilya at mga pinagmulan nila ang magkakaiba, at nagkaroon sila ng magkakaibang panlabas na mga kaloob at kaalaman. Sa isip ni Pablo, magkapareho lang sila ng Panginoong Jesucristo sa maraming bagay, at maaari din siyang tawaging Anak ng tao. Ang tanging dahilan kung bakit pumangalawa lang siya sa Panginoong Jesucristo ay dahil siya ang apostol ng Panginoong Jesus; ginamit niya ang kapangyarihan ng Panginoong Jesucristo, at isinugo siya ng Panginoong Jesucristo para bisitahin ang mga iglesia at gawin ang gawain ng iglesia sa ngalan ng Panginoong Jesucristo. Naniwala si Pablo na ito ang kanyang posisyon at pagkakakilanlan bilang apostol—ganito ang kanyang interpretasyon. Dagdag pa rito, ang pangalawang salita sa simula ng parirala na, “Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo” ay “tinawag.” Mula sa salitang ito, makikita natin ang pag-iisip ni Pablo. Bakit nito ginamit ang pitong salitang “tinawag … sa pamamagitan ng kalooban ng diyos”? Hindi nito inisip na tinawag ito ng Panginoong Jesucristo para maging apostol Niya; inisip nito na “Walang kapangyarihan ang panginoong Jesucristo para utusan akong gumawa ng anumang bagay. Hindi ko gagawin ang iuutos niya; wala akong gagawing kahit ano para sa kanya. Sa halip, gagawin ko ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng kalooban ng diyos sa langit. Pareho lang kami ng panginoong Jesucristo.” May isang bagay pa itong ipinapahiwatig—inisip ni Pablo na isa siyang Anak ng tao, katulad ng Panginoong Jesucristo. Inihahayag ng pitong salita na “tinawag … sa pamamagitan ng kalooban ng diyos” kung paano itinatwa at pinagdudahan ni Pablo ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo sa kaibuturan ng kanyang puso. Sinabi ni Pablo na isa siyang apostol ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na inutusan siya ng Diyos, inorden at itinatag siya ng Diyos, at na naging apostol siya ng Panginoong Jesucristo dahil tinawag siya at itinakda ito ng Diyos. Sa isip ni Pablo, iyon ang ugnayan sa pagitan niya at ng Panginoong Jesucristo. Gayunpaman, hindi pa nga ito ang pinakamasamang parte nito. Ano ang pinakamasamang parte? Na inisip ni Pablo na siya ang apostol ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, hindi ng Panginoong Jesucristo, na hindi ang Panginoong Jesus ang tumawag sa kanya, kundi ang Diyos sa langit ang siyang nag-utos sa kanya na gawin ito. Inisip niya na walang sinuman ang may kapangyarihan o mga kwalipikasyon para gawin siyang apostol ng Panginoong Jesucristo, na tanging ang Diyos sa langit ang may ganoong kapangyarihan, at na siya ay direktang ginagabayan ng Diyos sa langit. Kaya, ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na sa kaibuturan ng puso ni Pablo, naniwala siya na ang Diyos sa langit ang numero uno, at siya mismo ang pangalawa. Kung gayon, saang posisyon niya inilagay ang Panginoong Jesus? (Sa parehong posisyon niya.) Ito ang problema. Sa kanyang mga labi, ipinahayag niya na ang Panginoong Jesus ang siyang Cristo, pero hindi niya kinilala na ang diwa ni Cristo ay sa Diyos; hindi niya naunawaan ang ugnayan sa pagitan ng Cristo at ng Diyos. Ang walang pagkaunawang ito ang nagdulot ng ganoon kalubhang problema. Sa anong paraan ito naging malubha? (Hindi niya inamin na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Itinatwa niya ang Panginoong Jesus.) Oo, malubha nga iyon. Itinatwa niya na ang Panginoong Jesucristo ay ang Diyos na naging tao, na ang Panginoong Jesus ang laman ng Diyos nang bumaba Siya mula sa langit patungo sa lupa, at na ang Panginoong Jesus ang Diyos na nagkatawang-tao. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na itinatwa ni Pablo ang pag-iral ng Diyos sa lupa? (Oo, ganoon nga.) Kung itinatwa niya ang pag-iral ng Diyos sa lupa, magagawa ba niyang kilalanin ang mga salita ng Panginoong Jesus? (Hindi, hindi niya magagawa.) Kung hindi niya kinilala ang mga salita ng Panginoong Jesus, kaya ba niya itong tanggapin? (Hindi, hindi niya kaya.) Hindi niya tinanggap ang mga salita, pagtuturo, o ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, kaya, magagawa ba niyang tanggapin ang gawain ng Panginoong Jesucristo? (Hindi, hindi niya magagawa.) Hindi niya tinanggap ang gawaing ginawa ng Panginoong Jesucristo, o ang katunayan na ang Panginoong Jesucristo ay Diyos, pero hindi pa ito ang pinakamasamang parte. Ano ang pinakamasamang parte? Dalawang libong taon na ang nakararaan, pumarito ang Panginoong Jesus sa lupa para gawin ang pinakamalaking gawain sa lahat—ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, kung saan nagkatawang-tao Siya at naging wangis ng makasalanang laman, at ipinako Siya sa krus bilang handog para sa kasalanan para sa buong sangkatauhan. Malaking gawain ba ito? (Oo.) Gawain ito ng pagtubos sa buong sangkatauhan, at ang Diyos Mismo ang may gawa nito, pero mariing itinatwa ito ni Pablo. Itinanggi niya na ang Diyos Mismo ang may gawa ng gawain ng pagtubos na ginawa ng Panginoong Jesus, itinatanggi nito ang katunayan na naisakatuparan na ng Diyos ang gawain ng pagtubos. Malubhang problema ba ito? Napakalubha nito! Bukod sa hindi hinangad ni Pablo na maunawaan ang katunayan ng pagkakapako sa krus ng Panginoong Jesucristo, hindi rin niya inamin ito, at ang hindi pag-amin dito ay katumbas ng pagtatatwa rito. Hindi niya inamin na ang Diyos ang siyang napako sa krus at tumubos sa buong sangkatauhan, hindi rin niya inamin na nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ang Diyos para sa buong sangkatauhan. Ipinapahiwatig nito na hindi niya inamin na natubos ang buong sangkatauhan pagkatapos gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, o na napawalang-sala ang kanilang kasalanan. Gayundin, inisip niyang hindi napawalang-sala ang kanyang mga kasalanan. Hindi niya inamin ang katunayan na tinubos ng Panginoong Jesus ang sangkatauhan. Sa kanyang pananaw, nabura na ang lahat ng iyon. Ito ang pinakamalubhang isyu. Ngayon lang, nabanggit Ko na si Pablo ang pinakamatinding anticristo sa nakalipas na dalawang libong taon; naihayag na ang katunayang ito. Kung hindi naitala ang mga katunayang ito sa Bibliya, at sinabi ng Diyos na sinuway ni Pablo ang Diyos at isa itong anticristo, paniniwalaan ba ito ng mga tao? Talagang hindi nila ito paniniwalaan. Buti na lang at nakatala sa Bibliya ang mga sulat ni Pablo, at mayroon ditong matibay na patunay sa mga sulat na iyon; dahil kung hindi, walang magpapatunay sa mga sinasabi Ko, at maaaring hindi ninyo ito tanggapin. Ngayon, kapag pinag-uusapan at binabasa natin ang mga salita ni Pablo, paano tiningnan ni Pablo ang lahat ng bagay na sinabi ng Panginoong Jesus? Inisip niya na hindi kapantay ang mga bagay na sinabi ng Panginoong Jesus sa kahit isa sa mga sariling doktrinang panrelihiyon ni Pablo. Kaya, matapos lisanin ng Panginoong Jesus ang mundong ito, bagamat ipinalaganap ni Pablo ang ebanghelyo, gumawa, nangaral, at nagpastol ng mga iglesia, hindi niya kailanman ipinangaral ang mga salita ng Panginoong Jesus, lalo namang hindi niya isinagawa o naranasan ang mga ito. Sa halip, ipinangaral niya ang sarili niyang pagkaunawa tungkol sa Lumang Tipan, na hindi na napapanahon at mga hungkag na salita. Sa nakalipas na dalawang libong taon, iyong mga nananampalataya sa Panginoon ay nananampalataya alinsunod sa Bibliya, at ang lahat ng tinatanggap nila ay mga hungkag na teorya ni Pablo. Bilang resulta, namalaging walang kaalam-alam ang mga tao sa loob ng dalawang libong taon. Kung sasabihin mo sa isang grupo ng mga relihiyosong tao ngayon na mali si Pablo, magpoprotesta sila at hindi nila ito tatanggapin, dahil tinitingala nilang lahat si Pablo. Si Pablo ang kanilang idolo at amang nagtatag, at sila naman ang mga mabuting anak at inapo ni Pablo. Gaano kalubha silang nalihis? Nasa parehong panig na sila ni Pablo sa pagkontra sa Diyos; pareho ng kay Pablo ang kanilang mga pananaw, magkapareho ang kalikasang diwa, at magkapareho ang pamamaraan ng paghahangad. Tuluyan na silang nahalintulad kay Pablo. Ito ang ikaapat na malaking kasalanan ni Pablo. Itinatwa niya ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesucristo, at itinatwa niya ang gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan. Ito ang pinakamalubhang bagay. Ang isa pang malubhang bagay ay na itinuring niyang kapantay ang kanyang sarili sa Panginoong Jesucristo. Sa panahong nabuhay si Pablo, nakilala niya ang Panginoong Jesucristo pero hindi niya itinuring na Diyos ang Panginoong Jesucristo; sa halip, itinuring niya ang Panginoong Jesucristo bilang isang karaniwang tao, na para bang isa lang miyembro ng sangkatauhan; isang tao na may parehong kalikasang diwa ng mga tiwaling tao. Hindi kailanman tinrato ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang Cristo, lalo na bilang Diyos. Napakalubhang bagay nito. Kaya, bakit ginawa ito ni Pablo? (Hindi niya nakilala na taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang diwa ng Diyos, kaya hindi niya itinuring ang Panginoong Jesucristo bilang Diyos.) (Hindi niya itinuring bilang katotohanan ang mga salita ng Panginoong Jesus, ni itinuring na ang Panginoong Jesus ang pagsasakatawan ng katotohanan.) (Sa panlabas, ipinahayag ni Pablo na nananampalataya siya sa Panginoong Jesus, pero ang malabong diyos sa langit ang talagang sinasampalatayanan niya.) (Hindi niya hinanap ang katotohanan, kaya naman hindi niya napagtanto na si Cristo nga ang katotohanan at ang buhay.) Magpatuloy. (Sinabi ni Pablo na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo. Ginusto niyang maging diyos at palitan ang Panginoong Jesus.) Ang lahat ng sinabi mo ay umaayon sa mga tunay na nangyari. Ang bawat isa sa mga paraan ng pagpapamalas ni Pablo sa kanyang sarili, at ang bawat isa sa mga kasalanan niya, ay mas malala pa kaysa sa nauna.
Suriin natin ang pariralang ito na sinabi ni Pablo: “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran.” Kahanga-hanga ang mga salitang ito. Tingnan ninyo ang mga salitang ginamit niya: “ang putong ng katuwiran.” Kadalasan, medyo mapangahas na gamitin ang salitang “putong” mismo, pero sino ba ang mangangahas na gamitin ang salitang “katuwiran” bilang isang ekspresyong tumutukoy sa isang putong? Tanging si Pablo ang mangangahas na gumamit ng salitang ito. Bakit niya ito ginamit? May pinagmulan ang salitang ito, at maingat itong pinili; may malalalim na pahiwatig ang mga salita niyang ito! Ano ang mga pahiwatig nito? (Sinusubukan niyang diktahan ang Diyos sa pamamagitan ng salitang ito.) Ang kagustuhang diktahan ang Diyos ay isang aspekto nito. Siguradong ang intensiyon niya ay ang makipagtransaksiyon, at may elemento rin dito ng pagtatangkang magtakda ng mga kondisyon sa Diyos. Bukod dito, may layon ba sa likod ng kung bakit palagi niyang ipinangaral ang tungkol sa putong na ito ng katuwiran? (Gusto niyang iligaw ang mga tao, at para isipin nila na kung hindi siya nakakuha ng putong, hindi matuwid ang Diyos.) May elemento ng pang-uudyok at panlilinlang sa pangangaral niya tungkol dito, at may kaugnayan ito sa mga pagnanais at ambisyon ni Pablo. Para mangyari at matupad sa wakas ang kanyang pagnanais na magtamo ng putong ng katuwiran, ginamit niya ang taktika ng pangangaral tungkol dito sa lahat ng dako. Sa isang parte, ang layon niya sa pangangaral ng mga salitang ito ay para udyukan at ilihis ang mga tao; ito ay para ikintal ang isang partikular na kaisipan sa mga nakikinig, gaya ng, “Ang isang taong katulad ko na gumugugol nang husto ng kanyang sarili, palaging naglalakbay, at naghahangad tulad ng ginagawa ko ay makakatanggap ng putong ng katuwiran.” Pagkatapos makinig dito, natural na naramdaman ng mga tao na matuwid lamang ang Diyos kung nakatanggap ng putong ang isang taong kagaya ni Pablo. Pakiramdam nila ay dapat silang maghanap, maglakbay, at gumugol ng kanilang sarili gaya ng ginawa ni Pablo, na hindi sila dapat makinig sa Panginoong Jesus, at na si Pablo ang pamantayang dapat tularan, na siya ang panginoon, at siya ang direksiyon at ang patutunguhan na dapat tahakin ng mga tao. Inakala rin nila na kung gagawin ng mga tao ang mga bagay-bagay gaya ng paraan ng paggawa ni Pablo, matatamo nila ang ganoon ding putong, kalalabasan, at hantungan gaya ni Pablo. Sa isang banda, inuudyukan at nililihis ni Pablo ang mga tao. Sa kabilang banda naman, mayroon siyang napakasamang layon. Sa kaibuturan ng kanyang puso, inisip niya na, “Kung dahil sa hindi inaasahang pangyayari ay hindi ako nakakuha ng putong, kung saan sariling imahinasyon at ilusyon ko lang pala ito, mangangahulugan ito na ang lahat ng nananampalataya kay cristo, kasama na ako, ay naligaw sa kanilang pananalig. Mangangahulugan ito na walang diyos sa lupa, at itatatwa ko rin ang pag-iral mo sa langit, diyos ko, at wala kang magagawa tungkol dito!” Ang nais niyang ipahiwatig ay: “Kung hindi ko makukuha ang putong na ito, hindi ka lamang itatatwa ng mga kapatid, kundi pipigilan kita sa pagkamit sa mga taong naudyukan ko at nakakaalam ng mga salitang ito. Pipigilan ko rin silang makamit ka, at kasabay nito, itatatwa ko ang iyong pag-iral bilang diyos sa langit. Hindi ka matuwid. Kung ako, si Pablo ay hindi makakakuha ng putong, walang ibang dapat na makakakuha nito!” Ito ang napakasamang bahagi ng pagkatao ni Pablo. Hindi ba’t ito ang ugali ng isang anticristo? Ito ang ugali ng isang anticristong demonyo: inuudyukan, nililigaw, at inaakit ang mga tao, at hayagang lumilikha ng pag-aalsa laban sa Diyos at kinokontra Siya. Sa kaibuturan ng kanyang puso, inisip ni Pablo na, “Kung hindi ako makakakuha ng putong, hindi matuwid ang diyos. Kung makakakuha ako ng putong, saka lamang ito magiging isang putong ng katuwiran, at saka lamang tunay na magiging matuwid ang pagiging matuwid ng diyos.” Ito ang pinagmulan ng kanyang “putong ng katuwiran.” Ano ang ginagawa niya sa pamamagitan nito? Hayagan niyang inuudyukan at nililigaw ang mga taong sumusunod sa Diyos. Kasabay nito, ginagamit niya ang mga pamamaraang ito para hayagang mag-alsa at kumontra sa Diyos. Sa madaling salita, may pag-aalsa sa kanyang pag-uugali. Ano ang kalikasan nito? Sa panlabas, tila magalang at wasto naman ang mga salitang ginamit ni Pablo, at tila wala namang mali sa mga ito—sino ba ang hindi mananampalataya sa Diyos para makakuha ng putong ng katuwiran at pagpalain? Kahit ang mga taong walang kakayahan ay nananampalataya sa Diyos kahit papaano para makapasok sa langit. Magiging masaya na sila kahit pagwalisin pa sila ng mga kalsada o pagbantayin ng pintuan doon. Ang pagkakaroon ng ganitong intensiyon at layunin sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay maituturing na wasto at kauna-unawa. Subalit hindi lang iyon ang layunin ni Pablo. Nagsikap siya nang husto, gumugol ng maraming lakas, at lumikha ng maraming usap-usapan pagdating sa pangangaral niya tungkol sa kanyang putong ng katuwiran. Inilantad ng mga bagay na sinabi ni Pablo ang kanyang mapaminsalang kalikasan, pati na ang mga nakatago, at masasamang bagay na nasa loob niya. Noong panahong iyon, naging sikat na sikat si Pablo, at maraming tao ang umidolo sa kanya. Nagpunta siya kung saan-saan na ipinapangaral ang mga teorya at ang tila mga importanteng ideyang ito, ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, pati na ang mga bagay na kanyang natutunan sa kanyang mga pag-aaral, at ang mga bagay na kanyang nahinuha gamit ang kanyang isipan. Nang ipangaral ni Pablo ang mga bagay na ito sa iba’t ibang dako, gaano kalaki ang naging epekto nito sa mga tao noon, at gaano katindi ang naging pinsala at lason nito sa kaibuturan ng kanilang puso? Gaano rin kalaki ang naging epekto nito sa mga susunod na henerasyon ng mga taong natuto ng mga bagay na ito mula sa kanyang mga sulat? Hindi na maaalis ng mga taong nakabasa ng kanyang mga salita ang mga bagay na ito kahit gaano pa katagal nilang subukan—masyado nang malalim ang pagkakalason sa kanila! Gaano kalalim? Isang penomena ang lumitaw, na tinatawag na “Epektong Pablo.” Ano ba ang Epektong Pablo? May isang penomena sa relihiyon kung saan ang mga tao ay naiimpluwensiyahan ng mga kaisipan, pananaw, argumento ni Pablo, at ng mga tiwaling disposisyong ibinunyag niya. Partikular na naaapektuhan nito ang mga tao na may mga pamilyang nanampalataya sa Diyos sa loob ng ilang henerasyon—mga pamilyang sumunod kay Cristo sa loob ng maraming dekada. Sinasabi nila, “Nananampalataya ang aming pamilya sa panginoon sa loob ng maraming henerasyon, at hindi kami sumusunod sa mga makamundong kalakaran. Idinistansiya namin ang aming sarili mula sa sekular na mundo, at isinuko namin ang aming mga pamilya at trabaho para gugulin ang aming sarili para sa diyos. Ang lahat ng ginagawa namin ay katulad ng ginawa ni Pablo. Kung hindi kami makakatanggap ng mga putong o makakapasok sa langit, may dapat kaming pag-uusapan ng diyos pagdating niya.” Hindi ba’t may ganitong argumento ang mga tao? (Oo.) At medyo makabuluhan ang kalakarang ito. Saan galing ang kalakarang ito? (Nanggaling ito sa mga ipinangaral ni Pablo.) Ito ang nakamamatay na epekto ng tumor na itinanim ni Pablo. Kung hindi hinimok ni Pablo nang ganito ang mga tao, at kung hindi niya palaging sinabi na, “Natataan sa akin ang putong ng katuwiran” at “Sa akin ang mabuhay ay si cristo,” at kung wala ang konteksto ng panahong iyon sa kasaysayan, hindi magkakaroon ng anumang kaalaman tungkol sa mga bagay na iyon ang mga tao ngayon. Kahit may ganoon silang pag-iisip, wala sana silang lakas ng loob na katulad ng kay Pablo. Ang lahat ng ito ay dahil sa pambubuyo at pang-uudyok ni Pablo. Kung darating ang isang araw na hindi sila pagpalain, magiging malakas ang loob ng mga taong ito na hayagang hamunin ang Panginoong Jesus, at gugustuhin pa nga nilang magmartsa patungo sa ikatlong langit at makipagtalo sa Panginoon tungkol sa bagay na ito. Hindi ba’t ito ang pag-aalsa ng mundo ng relihiyon laban sa Panginoong Jesus? Malinaw na labis na naapektuhan ni Pablo ang mundo ng relihiyon! Ngayong nagsalita na Ako hanggang sa puntong ito, may palagay na kayo kung ano ang ikalimang kasalanan ni Pablo, hindi ba? Pagdating sa pagbubuod tungkol sa pinagmulan ng “putong ng katuwiran” na sinalita ni Pablo, ang binibigyang-pansin rito ay ang salitang “katuwiran.” Bakit niya binanggit ang “katuwiran”? Sa lupa, ito ay dahil gusto niyang udyukan at ilihis ang mga hinirang ng Diyos, para mag-isip sila sa paraang katulad niya. Sa langit, gusto sana niyang diktahan ang Diyos gamit ng salitang ito, at mag-alsa laban sa Kanya. Ito ang layon ni Pablo. Bagamat hindi niya ito kailanman sinabi, ganap nang ipinagkanulo ng salitang “katuwiran” ang kanyang layon at kagustuhang mag-alsa laban sa Diyos. Hayag na hayag na ito; mga katunayan ang lahat ng ito. Batay sa mga katunayang ito, masasabi ba na mapagmataas, matuwid ang tingin sa sarili, mapanlinlang, at hindi nagmamahal sa katotohanan ang kalikasang diwa ni Pablo? (Hindi.) Hindi ito maipapaliwanag ng mga terminong ito. Sa pagtatalakay Ko sa mga katunayang ito at sa paghihimay-himay, pagsusuri, at pagtukoy sa mga ito, dapat makita ninyo nang mas malinaw at lubusan ang kalikasang diwa ni Pablo. Ito ang epektong nakakamit ng pagsusuri sa isang diwa batay sa mga katunayan. Nang mag-alsa si Pablo laban sa Diyos, hindi siya naging medyo emosyonal nang mga sandaling iyon, wala siyang kaunting mapaghimagsik na disposisyon, o ng kawalan ng kakayahang magpasakop, nang pribado. Hindi ito isang pangkaraniwang problema ng pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon; bagkus, lumala pa ito hanggang sa punto ng hayagan na paggamit ng iba’t ibang pamamaraan para udyukan at ilihis ang mga tao sa pamamagitan ng mga sulat at sa mga pampublikong lugar, nang sa gayon sama-samang magalit ang mga tao para kumontra at mag-alsa laban sa Diyos. Hindi lamang nag-alsa si Pablo laban sa Diyos, inudyukan din niya ang lahat na mag-alsa laban sa Diyos—hindi lang siya mayabang, isa rin siyang diyablo! Mas malala pa ang kasalanang ito kaysa roon sa huli. Mabuting bagay ba o masama na pinag-uusapan natin ang tungkol sa mga lumalalang kasalanan? (Mabuti ito.) Paano ito naging mabuti? (Dahil lalo nating nakikilala si Pablo.) Kapag mas may kakayahan kang kumilatis, magagawa mong lubusang mahukay at makita nang malinaw ang iba’t ibang pagpapamalas, pagbubunyag ng katiwalian, at ang tunay na mukha ni Pablo. Kapag ginawa ninyo ito makakamit ba ninyo ang ating layon? (Hindi.) Dapat ninyong kunin ang lahat ng pagpapamalas ni Pablo na ating ibinuod, pati na ang mga pangunahing nilalaman nito, mga tema, at diwa, at iugnay ang mga ito sa inyong sarili at sa mga nasa paligid ninyo. Kapag nakita na ninyo nang malinaw kung gaano mismo kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng landas na tinatahak ninyo at ng sarili ninyong diwa kumpara ng sa kay Pablo, ganap na kayong magkakamit ng mga resulta, at makakamit na ninyo ang ating layon ng pagsusuri kay Pablo. May ilang nagsasabi na, “Walang kahit anong pagpapamalas ng paghahangad ni Pablo ng putong ng katuwiran sa akin.” Maaaring hindi ganoon kalala ang mga pagpapamalas at ang diwa mo tulad ng kay Pablo, pero may kaunting pagkakatulad sa pagitan ng diwa mo at ng sa kanya. Nagtaglay siya ng mga pagpapamalas tulad nito, at nagtataglay ka ng mga kalagayang gaya nito. Masasabi na ang mga pagpapamalas ni Pablo ay nasa antas na 10 o 12, ano naman ang sa iyo? (Nasa pito o walo ako.) Ibinunyag ni Pablo ang mga bagay na ito sa lahat ng oras, at napuno siya ng mga bagay na ito sa lahat ng pagkakataon. Bagamat maaaring hindi mo ibinubunyag ang mga bagay na ito sa lahat ng oras, madalas mo pa ring ibinubunyag ang mga ito. Marahil ay ginugol mo ang kalahati ng buhay sa paggawa ng mga bagay na ito, at pamumuhay sa mga ganitong kalagayan. Lalo na kapag pinararanas sa iyo ng Diyos ang mga pagsubok, kapag hindi tumutugma sa iyong mga kuru-kuro ang gawain ng Diyos, kapag pinupungusan ka Niya, at kapag hindi natutugunan ng mga kapaligirang pinamamatnugutan Niya para sa iyo ang iyong mga ekspektasyon, maaaring magbunga ito ng mga ganitong uri ng kalagayan sa loob mo; baka mag-alsa ka laban sa Diyos at kumontra sa Kanya. Sa mga ganyang pagkakataon, maaaring maging kapaki-pakinabang para sa iyo ang ginawa nating pagsusuri sa kung paano inudyukan at nilihis ni Pablo ang mga tao. Bakit? Dahil ngayon, batid na ng iyong isipan kung gaano talaga katindi ang kalikasan ng mga pagpapamalas ni Pablo; hindi ito mga simpleng pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, kundi isang maladiyablong kalikasang diwa na kumokontra sa Diyos. Kapag lumilitaw ang mga ganitong kalagayan sa iyo, malalaman mo kung gaano kalubha ang problemang ito. Dapat kang bumalik kung gayon, magsisi, at tumalikod sa maling kalagayang ito. Dapat mo itong layuan, dapat mong hanapin ang katotohanan, at maghanap ka ng landas ng pagpapasakop sa Diyos. Iyon ang tunay na landas na dapat sundin ng mga tao, at ang batas na dapat panghawakan ng mga nilikha. Nakakatulong ang pagbabahaging ito sa mga tao.