Mga Salita sa Kung Paano Tinutukoy ng Diyos ang mga Kahihinatnan ng mga Tao (Sipi 77)
Ang ilang tao ay masyadong mababa ang kakayahan at hindi minamahal ang katotohanan. Paano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila ito kayang maunawaan. Maraming taon na silang nananalig sa Diyos ngunit hindi pa rin nila kayang magsalita tungkol sa anumang tunay na karanasan o pagkaunawa. Dahil dito, iniisip nila na hindi sila kabilang sa mga taong paunang itinadhana at hinirang ng Diyos, at na hindi sila maliligtas ng Diyos, kahit ilan pang taon sila manalig sa Kanya. Pinaniniwalaan nila sa kanilang puso, “Tanging ang mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos ang maliligtas, at ang lahat ng masyadong mababa ang kakayahan at hindi kayang maunawaan ang katotohanan ay hindi kabilang sa mga paunang itinadhana at hinirang ng Diyos; hindi sila maliligtas, kahit pa manampalataya sila.” Iniisip nila na hindi pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali. Kung ganito ka mag-isip, labis mong hindi nauunawaan ang Diyos. Kung ganito talaga ang ginawa ng Diyos, magiging matuwid ba Siya? Pinagpapasyahan ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao gamit ang isang prinsipyo: Sa huli, ang kalalabasan ng mga tao ay pagpapasyahan batay sa sarili nilang mga pagpapamalas at pag-uugali. Kung hindi mo makita ang matuwid na disposisyon ng Diyos at palaging mali ang pagkakaunawa mo sa Diyos at binabaluktot mo ang Kanyang mga hinihiling, kung kaya’t palaging negatibo ang pananaw mo sa buhay at dismayado ka, hindi ba’t ikaw ang nagdulot niyan sa iyong sarili? Kung hindi mo nauunawaan kung paano isinasagawa ang paunang pagtatakda ng Diyos, dapat mong hanapin ang katotohanan mula sa Diyos sa Kanyang mga salita at hindi basta-basta isipin na hindi ka kabilang sa Kanyang paunang itinadhana at hinirang na mga tao. Isa itong malubhang di-pagkakaunawa sa Diyos! Sadyang hindi mo man lang alam ang gawain ng Diyos, at hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at lalo na ang maingat na pagsisikap na nasa likod ng anim na libong taon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ikaw ay sumusuko, nagpapalagay at nagdududa sa Diyos, natatakot na ikaw ay isang tagapagsilbi na ititiwalag kapag natapos mo na ang iyong paglilingkod, at palagi kang nagmumuni-muni, “Bakit dapat kong gawin ang tungkulin ko? Nagseserbisyo ba ako habang ginagawa ko ang aking tungkulin? Hindi ba ako malilinlang, kung ako ay itatapon pagkatapos kong magserbisyo?” Ano ang masasabi mo sa pag-iisip na ito? Nakikilatis mo ba ito? Palagi mong hindi nauunawaan ang Diyos, ikinakategorya mo Siya kasama ng mga diyablong hari na namumuno sa mundo, binabantayan mo ang iyong puso laban sa Kanya, at palagi mong iniisip na Siya ay kasingmakasarili at kasingkasuklam-suklam ng mga tao. Hindi ka kailanman naniniwala na mahal Niya ang sangkatauhan, at hindi ka kailanman naniniwala sa Kanyang katapatan sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kung palagi mong itinuturing ang iyong sarili bilang isang tagapagsilbi at natatakot kang maitiwalag pagkatapos mong magserbisyo, taglay mo ang mapanlinlang na pag-iisip ng mga hindi mananampalataya. Ang mga walang pananampalataya ay hindi nananalig sa Diyos dahil hindi nila inaamin na mayroong Diyos, o na ang salita ng Diyos ang katotohanan. Yamang nananalig ka sa Diyos, bakit hindi ka nananampalataya sa Kanya? Bakit hindi mo inaamin na ang salita ng Diyos ang katotohanan? Ayaw mong gawin ang iyong tungkulin, at hindi ka dumaranas ng mga paghihirap upang isagawa ang katotohanan, at dahil dito, hindi mo pa rin nakakamit ang katotohanan, sa kabila ng iyong maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, at sa kabila ng lahat ng iyon, ang Diyos ang sinisisi mo sa huli, at sinasabi mo na hindi ka Niya paunang itinadhana, na hindi Siya naging tapat sa iyo. Anong problema iyan? Hindi mo nauunawaan ang mga hinihiling ng Diyos, at hindi ka naniniwala sa Kanyang mga salita, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan ni ipinapakita ang iyong pagkamatapat habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Paano mo mapapalugod ang mga layunin ng Diyos? Paano mo makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu at mauunawaan ang katotohanan? Ang ganitong mga tao ay ni hindi karapat-dapat maging mga tagapagsilbi, kaya paano sila magiging karapat-dapat na makipag-ayos sa Diyos? Kung iniisip mo na hindi matuwid ang Diyos, bakit ka naniniwala sa Kanya? Palagi mong nais na sabihin sa iyo ng Diyos nang personal, “Ikaw ay bahagi ng mga tao ng kaharian; hindi ito magbabago kailanman” bago mo igugol ang iyong sarili para sa Kanyang sambahayan, at kung hindi Niya ito gagawin, hindi mo kailanman ibibigay sa Kanya ang iyong puso. Napakasuwail at mapagmatigas ng gayong mga tao! Nakikita Ko na napakaraming tao na hindi nagtutuon kailanman sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon, lalo na sa pagsasagawa ng katotohanan. Nagtutuon lamang sila sa palaging pagtatanong kung makapagkakamit ba sila ng isang magandang hantungan, kung paano sila tatratuhin ng Diyos, kung mayroon Siyang pagtatalaga para sa kanila na maging Kanyang mga tao, at iba pang mga ganoong sabi-sabi. Paanong ang mga ganitong tao, na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, ay matatamo ang katotohanan? Paano sila mananatili sa sambahayan ng Diyos? Ngayon, taimtim Kong sinasabi sa inyo: Bagama’t ang isang tao ay maaaring paunang itinadhana, kung hindi niya kayang tanggapin ang katotohanan at isagawa ito upang makamit ang pagpapasakop sa Diyos, ang maitiwalag ang kanyang magiging pangwakas na kahihinatnan. Ang mga tao lamang na taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at isinasagawa ang katotohanan nang buong lakas, ang makakaligtas at makakapasok sa kaharian ng Diyos. Bagama’t maaaring nakikita sila ng iba bilang mga taong hindi paunang itinadhanang manatili, magkakaroon sila ng mas mabuting hantungan kaysa sa mga taong diumano’y paunang itinadhana ngunit hindi kailanman nagkaroon ng katapatan sa Diyos, dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Naniniwala ka ba sa mga salitang ito? Kung hindi mo kayang paniwalaan ang mga salitang ito at patuloy kang mapagmatigas na lumilihis sa landas, sinasabi Ko sa iyo na siguradong hindi ka makaliligtas, dahil sadyang hindi ka isang tao na may tunay na pananalig sa Diyos o pagmamahal sa katotohanan. Yamang ganito, hindi mahalaga ang paunang pagtatakda ng Diyos ng kapalaran. Sinasabi Ko ito dahil sa bandang huli, pagpapasyahan ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga tao ayon sa kanilang mga pagpapamalas at pag-uugali, samantalang ang paunang pagtatakda ng Diyos ng kapalaran ay maliit na papel lamang ang talagang ginagampanan, hindi isang pangunahing papel. Nauunawaan mo ba ito?
Sinasabi ng ilang tao: “Masama ang aking disposisyon at hindi ko iyon kayang baguhin, gaano ko man iyon hangarin. Kaya hahayaan ko na lamang kung ano ang mangyayari. Kung hindi ako magtagumpay sa aking hangarin, wala akong magagawa.” Lubhang negatibo ang gayong mga tao, kaya nawalan na sila ng pag-asa sa kanilang sarili. Hindi na matutubos ang mga taong ito. Nagsikap ka na ba? Kung talagang nagsikap ka, at handa kang dumanas ng hirap, bakit hindi mo magawang maghimagsik laban sa laman? Wala ka bang puso at utak? Paano ka nagdarasal bawat araw? Hindi mo ba hahanapin ang katotohanan at aasahan ang Diyos? Para sa iyo, ang ibig sabihin ng maghintay kung ano ang mangyayari ay pasibong maghintay, hindi aktibong makipagtulungan. Ang hayaan na lamang kung ano ang mangyayari nang ganoon ay kahalintulad ng pagsasabing, “Wala akong kailangang gawin; ang lahat ay pauna naman nang itinakda ng Diyos.” Ito ba talaga ang layunin ng Diyos? Kung hindi, bakit hindi ka magpasakop sa gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi kang nagiging negatibo at hindi mo magawang gampanan ang iyong tungkulin? Kapag nakagawa ng maliit na paglabag, ipinagpapalagay ng ilang tao na: “Ibinunyag at itiniwalag na ba ako ng Diyos? Pababagsakin ba Niya ako?” Naparito ang Diyos para gumawa sa pagkakataong ito hindi upang pabagsakin ang mga tao, kundi upang iligtas sila, sa pinakamalawak na paraang posible. Walang sinuman na walang pagkakamali—kung pababagsakin ang lahat ng tao, magiging pagliligtas ba iyon? Ang ilang paglabag ay ginagawa nang sadya, samantalang ang iba ay hindi sinasadya. Kung kaya mong magbago pagkatapos mong malaman ang mga bagay na ginagawa mo nang hindi mo sinasadya, pababagsakin ka ba ng Diyos bago mo iyon magawa? Ililigtas ba ng Diyos ang mga tao sa ganoong paraan? Hindi Siya ganoon gumawa! Mayroon ka mang masuwaying disposisyon o kumilos ka man nang hindi sinasadya, tandaan mo ito: Dapat kang magnilay-nilay at kilalanin ang iyong sarili. Magbago ka nang tuluyan, kaagad, at magpunyagi ka nang buong lakas mo para sa katotohanan—at, anumang sitwasyon ang dumating, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay ang pagliligtas ng tao, at hindi Niya basta-basta pababagsakin ang mga taong nais Niyang iligtas. Tiyak ito. Kahit may isa ngang mananampalataya sa Diyos na Kanyang pinabagsak sa huli, garantisado pa rin na ang ginawang iyon ng Diyos ay matuwid. Pagdating ng panahon, ipapaalam Niya sa iyo ang dahilan kaya Niya pinabagsak ang taong iyon, para lubos kang makumbinsi. Sa ngayon, pagsikapan mo lang ang katotohanan, pagtuunan ang pagpasok sa buhay, at hangarin na tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Walang pagkakamali rito! Paano ka man pakitunguhan ng Diyos sa huli, sigurado itong matuwid; hindi ka dapat magduda rito at hindi mo kailangang mag-alala. Kahit na hindi mo nauunawaan ang pagiging matuwid ng Diyos sa ngayon, darating ang araw na ikaw ay makukumbinsi. Gumagawa ang Diyos nang makatarungan at marangal; hayagan Niyang ibinubunyag ang lahat ng bagay. Kung maingat ninyo itong pagbubulayan, taos-puso ninyong mararating ang konklusyon na ang gawain ng Diyos ay ang iligtas ang mga tao at baguhin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Dahil ang gawain ng Diyos ay para baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, imposibleng walang mga pagbubunyag ng katiwalian ang mga tao. Sa mga pagbubunyag lamang na iyon ng tiwaling disposisyon na makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, at maaamin na mayroon siyang tiwaling disposisyon, at magiging handang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung walang tatanggaping anumang katotohanan ang mga tao matapos magbunyag ng tiwaling disposisyon, at patuloy silang mamumuhay ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, malamang na malalabag nila ang disposisyon ng Diyos. Magsasagawa ng iba’t ibang antas ng paniningil ang Diyos sa kanila, at pagbabayaran nila ang kanilang mga pagkakasala. Kung paminsan-minsan ay nagiging talipandas ka nang hindi mo namamalayan, at tinutukoy iyon sa iyo ng Diyos at pinupungusan ka, at nagbabago ka at nagpapakabuti, hindi ito panghahawakan ng Diyos laban sa iyo. Ito ang normal na proseso ng pagbabago ng disposisyon, at ang tunay na kabuluhan ng gawain ng pagliligtas ay ipinapakita sa prosesong ito. Ito ang susi. Bilang halimbawa, sa isyu ng mga hangganan sa pagitan ng mga kasarian, sabihin nating naaakit ka sa isang tao, palaging naghahanap ng pagkakataon upang makipag-usap sa kanya, nagsasabi ng mga mapang-akit na salita sa kanya. Kalaunan, pag-iisipan mo, “Hindi ba’t ito ay nakapandidiring pag-uugali? Hindi ba’t isa itong kasalanan? Hindi ba’t isa itong pang-iinsulto sa Diyos, ang hindi panatilihing malinaw ang hangganan sa pagitan ng mga kasarian? Paano ko nagawa ang ganitong bagay?” Matapos mo itong mapagtanto, magmamadali kang humarap sa Diyos at mananalangin, “Oh, Diyos! Ako ay nagkasalang muli. Ito ay pangit at tunay na kahiya-hiya. Kinamumuhian ko ang tiwaling laman. Nawa’y disiplinahin Mo ako at parusahan.” Magpapasya ka na lumayo sa ganoong mga bagay sa hinaharap, at hindi na makipag-ugnayan sa kasalungat na kasarian nang mag-isa. Hindi ba iyon ay magiging pagbabago? At matapos mong magbago nang ganoon, ang iyong mga nakaraang kawalang-ingat ay hindi na ikokondena. Kung makikipag-usap ka sa isang tao at aakitin mo siya, at hindi mo iisipin na ito ay isang kahiya-hiyang bagay, lalo pa’t kung hindi mo kamumuhian ang iyong sarili, paalalahanan ang iyong sarili, pagpapasyahan na maghimagsik laban sa laman, o aaminin at pagsisisihan ang iyong mga kasalanan sa Diyos, maaari kang magpatuloy na gumawa ng higit pang mga maling gawa, at lalala nang lalala ang mga bagay, na hahantong sa iyo na magkasala. Kung gagawin mo ito, ikokondena ka ng Diyos. Kung paulit-ulit kang magkakasala, iyon ay sadyang pagkakasala. Kinokondena ng Diyos ang sadyang pagkakasala, at ang sadyang pagkakasala ay hindi na matutubos. Kung talagang naghahayag ka ng isang tiwaling disposisyon nang hindi mo sinasadya, at kung kaya mong tunay na magsisi, maghimagsik laban sa laman, at magsagawa ng katotohanan, hindi ka ikokondena ng Diyos dahil dito, at maaari ka pa ring maligtas. Ang gawain ng Diyos ay naglalayong iligtas ang tao, at dapat tanggapin ng isang taong naghahayag ng kanyang tiwaling disposisyon na siya ay pupungusan, hahatulan, at kakastiguhin. Hangga’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, magsisi, at magbago, hindi ba’t natugunan na nito ang mga layunin ng Diyos? Ang ilang tao ay hindi tumatanggap sa katotohanan at palaging may mapag-ingat na saloobin sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang pagpasok sa buhay, at sa huli, lahat sila ay mawawalan.
Tulad ng unang nabanggit, maaaring linisin sa isang pasada ang mga kaganapan sa nakaraan; maaaring halinhan ng hinaharap ang nakaraan; ang pagpaparaya ng Diyos ay walang-hangganan na tulad ng dagat. Subalit mayroon ding mga prinsipyo sa mga salitang ito. Hindi naman talaga lilinisin ng Diyos ang anumang kasalanang nagawa mo, gaano man iyon kalaki. Ginagawa ng Diyos ang lahat ng Kanyang gawain nang may mga prinsipyo. Noong araw, nagtakda ng isang atas administratibo na lumulutas sa isyung ito: pinatatawad at pinagpapasensyahan ng Diyos ang lahat ng kasalanang nagagawa ng isang tao bago tanggapin ang Kanyang pangalan. Pero iba ang kaso para sa mga patuloy na nagkakasala matapos manalig sa Kanya: Ang taong isang beses na inulit ang isang pagkakasala ay binibigyan ng pagkakataong magsisi, samantalang ang mga taong inuulit ito nang dalawang beses o tumatangging magbago sa kabila ng paulit-ulit na pagsaway ay itinitiwalag, nang wala nang pagkakataon pang magsisi. Laging nagpaparaya ang Diyos sa mga tao hangga’t maaari sa Kanyang gawain. Dito, makikita na ang gawain ng Diyos ay talagang ang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Gayunman, kung, sa huling bahaging ito ng gawain, gagawa ka pa rin ng mga pagkakasalang hindi maaaring mapatawad, hindi ka talaga matutubos, at hindi ka maliligtas. May proseso ang Diyos sa pagdadalisay at pagbabago ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao: Sa proseso ng palaging pagbubunyag ng tao ng kanyang tiwaling kalikasan na nakakamit ng Diyos ang Kanyang layunin na linisin at iligtas ang sangkatauhan. Iniisip ng ilang tao: “Yamang ito ang aking kalikasan, hayaan nang malantad ang lahat ng ito. Kapag nalantad na ito, malalaman ko iyon at isasagawa ko ang katotohanan.” Kailangan ba ang prosesong ito? Kung ikaw ay tunay na isang taong nagsasagawa ng katotohanan, at nagninilay-nilay ka sa iyong sarili kapag nakikita mo kung aling mga katiwalian ang nahahayag sa iba at kung anong mga maling bagay ang kanilang ginawa, at kapag nakita mo ang parehong mga problema sa iyong sarili, agad mong itinatama at hindi na kailanman ginagawa ang mga iyon sa hinaharap, hindi ba’t ito ay hindi direktang pagbabago? O kung minsan ay nais mong gawin ang isang bagay ngunit napagtanto mo muna na ito ay mali, at kaya mong maghimagsik laban sa laman, hindi ba’t nakakamit din nito ang epekto ng pagdadalisay? Ang pagsasagawa ng katotohanan sa anumang aspeto ay kailangan ng pagdaan sa paulit-ulit na mga proseso. Hindi tuluyang mawawala ang isang tiwaling disposisyon pagkatapos isagawa ang katotohanan nang isang beses. Ang isang tao ay kailangang paulit-ulit na hanapin ang katotohanan, paulit-ulit na pungusan, ituwid at disiplinahin, at pati na rin hatulan at kastiguhin, bago lubusang malulutas ang kanyang tiwaling disposisyon, upang siya ay hindi na ulit mahirapang isagawa ang katotohanan. Kung sa huli ay kayang isagawa ng isang tao ang katotohanan nang ganap na ayon sa mga layunin ng Diyos, at mayroon siyang tunay na pagpapasakop sa Diyos pagkatapos siyang pungusan, hatulan at kastiguhin, iyon ay isang pagbabago sa kanyang disposisyon.