Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago Na ang Disposisyon ng Isang Tao (Ikalawang Bahagi)

Ang paghahangad ng pagbabago ng disposisyon ay nangangailangan muna ng pag-unawa sa kung aling mga bagay ang walang kaugnayan sa disposisyonal na pagbabago, at wala sa saklaw ng disposisyonal na pagbabago, ngunit sa halip ay mga panlabas na mabuting pag-uugali, pati na kung ano ang tinutukoy ng disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos, at kung ano ang gustong baguhin ng Diyos sa tao—kailangang maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito. Ang iniisip ng tao na disposisyonal na pagbabago ay isang pagbabago lamang sa pag-uugali, at iyon ay isang naiibang bagay at landas mula sa disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos. Masisiguro ba ng inaakala ng tao na disposisyonal na pagbabago na hindi maghihimagsik, lalaban, o magkakanulo ang mga tao sa Diyos? Mahihikayat ba sila nitong panindigan ang kanilang pagpapatotoo at tugunan ang mga layunin ng Diyos sa huli? Ang disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos ay nangangahulugang sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan, sa pamamagitan ng pagdanas sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at sa pamamagitan ng Kanyang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino sa pamamagitan Niya, ang mga tao ay nagtatamo ng pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay nabubuhay sila alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, nagkakaroon ng mga pusong nagpapasakop at may takot sa Diyos, nang walang anumang maling pagkaunawa sa Diyos, at nagtataglay ng tunay na kaalaman at tunay na pagsamba sa Diyos. Ang sinasabi ng Diyos ay isang pagbabago sa disposisyon ng isang tao, ngunit ano nga ba ang tinutukoy ng disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng tao? Tinutukoy nito ang pagbuti ng pag-uugali, ang pagpapakita na may magandang asal at kalmado, at hindi pagiging mapagmataas; nangangahulugan ito ng pagsasalita sa isang pino at disiplinadong paraan, hindi pagiging sutil at pilyo, at pagtataglay ng konsensiya, katwiran, at ng mga moral na pamantayan sa pananalita at pag-uugali ng isang tao. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago ng disposisyong sinasabi ng tao at sa pagbabago ng disposisyong hinihingi ng Diyos? Ano ang pagkakaiba? Ang pagbabago ng disposisyong sinasabi ng tao ay isang pagbabago sa panlabas na pag-uugali, isang pagbabagong sumusunod sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang pagbabago ng disposisyong hinihingi ng Diyos ay ang pagwawaksi sa tiwaling disposisyon ng isang tao, ito ay isang pagbabago sa buhay disposisyon na dulot ng pagkaunawa sa katotohanan, isang pagbabago sa pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay, isang pagbabago sa pananaw at mga asal ng isang tao. Mayroong pagkakaiba. Kahit pa mga tao o bagay ang hinaharap mo, ang iyong mga motibo, ang mga prinsipyo ng iyong mga kilos, at ang iyong pamantayan ng pagsukat ay kailangang alinsunod lahat sa katotohanan, at kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo; ito ang tanging paraan upang magtamo ng pagbabago ng disposisyon. Kung lagi mong sinusukat ang iyong sarili batay sa mga pamantayan ng pag-uugali, kung lagi kang tumutuon sa mga pagbabago sa iyong panlabas na pag-uugali, at iniisip mong nagsasabuhay ka ng wangis ng tao at mayroong pagsang-ayon ng Diyos dahil lamang nagtataglay ka ng kaunting mabuting pag-uugali, maling-mali iyon. Dahil mayroon kang mga tiwaling disposisyon, at kaya mong labanan ang Diyos, at nanganganib kang magtaksil sa Diyos, kung hindi mo hahanapin ang katotohanan upang malutas ang sarili mong tiwaling disposisyon, gaano pa man kabuti ang iyong panlabas na pag-uugali, hindi ka makapagtatamo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, at hindi mo magagawang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Makapagbubunga ba ang panlabas lamang na mabuting pag-uugali ng may-takot-sa-Diyos na puso? Mahihikayat ba nito ang isang taong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan? Kung hindi kaya ng mga taong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, walang dami ng mabuting pag-uugali ang magpapahiwatig na mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Samakatwid, walang dami ng mabuting pag-uugali ang nagpapahiwatig ng pagbabago sa disposisyon. May ilang tao na pinong-pino kung magsalita, hindi kailanman gumagamit ng masamang pananalita, na parang mga iskolar—lumalabas pa nga ang mga salita sa kanilang mga bibig na para bang mula sa mga panulat ng mga dalubhasa, parang mga manunulat o mananalumpati. Sa pagtingin sa mabababaw na pag-uugali at pagpapamalas na ito, walang mga problemang makikita, ngunit paano mo matutuklasan kung may mga problema sa kanilang disposisyon? Paano mo masusukat kung nagkaroon ng anumang pagbabago sa kanilang disposisyon? Saan ito makikita? (Sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang saloobin sa katotohanan.) Isa itong indikasyon sa pagsukat nito. Mayroon pa bang iba? (Tingnan mo ang kanilang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, at ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay.) Nakukuha na niyon ang pinakapunto nito. Hindi mo dapat tingnan ang paraan ng kanilang pananalita, elegante man o masagwa, o intelektuwal na pananalita man ito—huwag kang tumingin sa panlabas. May ilang tao na sobrang paligoy-ligoy kung magsalita, hindi marunong magpahayag ng kanilang sarili, at hindi mapakali kapag nag-aalala—may kaugnayan ba ito sa kanilang disposisyon? (Wala.) Panlabas na pag-uugali lamang ito, kadalasan ay may kaugnayan ito sa personal nilang karakter o pagpapalaki ng pamilya, wala itong kaugnayan sa kanilang disposisyon. Kaya paano mo makikita kung anong uri ng disposisyon ang taglay nila, kung nagbago na ang disposisyon nila, at kung sila ay mga taong nagsasagawa ng katotohanan? Sa pamamagitan ng pagtingin sa nilalaman ng kanilang pananalita. Kung ang bawat salita nila ay totoo, at nagmumula sa kaibuturan ng kanilang mga puso, nang walang anumang pagnanasa o ambisyon, at walang mga hangarin sa likod ng kanilang pananalita, kung prangka at matatapat na salita lamang ang sinasabi nila, at nagagawa nilang magtapat sa iba tungkol sa sarili nilang mga paghihirap at kahinaan, at pinagbabahaginan at ibinabahagi nila sa iba ang pagtanglaw at kaliwanagang natatanggap nila, kung matapat sila sa anumang nais nilang gawin, inilalantad at ibinubunyag ang buong pagkatao nila, kung gayon ay hindi ba’t tagapaghangad ang mga ito ng katotohanan? Huwag na muna nating pag-usapan kung nagbago ang kanilang disposisyon o hindi, o kung gaano kalaki ang ipinagbago nito, ngunit batay sa mga paghahayag at pagpapamalas na ito, ang mga ito ay mga taong nagsasagawa ng katotohanan. Ngayon, tingnan natin ang paraan ng pagtrato nila sa ibang tao. Nagagawa nilang tratuhin ang mga tao nang patas at hindi pinipigilan ang mga ito, sinusuportahan at tinutulungan nila ang mahihinang kapatid, at hindi nila pinagtatawanan ang mga ito. Higit pa roon, tapat sila at isinasaalang-alang nila ang mga layunin ng Diyos sa kanilang mga tungkulin, at anuman ang mga paghihirap na kanilang kinahaharap, hindi sila sumusuko, at nagagawa nilang ipagtanggol ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng mga taong nagsasagawa ng katotohanan? (Oo.) Ang gayong mga tao ay medyo matuwid at nagmamahal sa katotohanan sa isang medyo mataas na antas. Maaaring magsalita ang isang tao nang pinong-pino, manamit nang maayos na maayos, at magmukhang masigasig sa panlabas, ngunit ano naman ang nilalaman ng kanyang pananalita? Sinasabi niya, “Dati akong ipinareha sa lider na si ganito-at-ganyan, at mayroon siyang depekto sa pagsasalita, kaya kinailangan kong mas magsalita sa pagbabahagi sa mga pagtitipon—kailangang mas magtrabaho ang mas magaling, hindi ba? Ang resulta, sinimulan akong idolohin ng mga kapatid, hindi ko sila masisisi, kinailangan kong ipagpatuloy ang pagbabahagi. Matapos ko silang personal na diligan, maraming kapatid ang medyo naging malapit sa akin, kaya kapag nagkakaroon ng problema ang sinuman sa kanila, kadalasan ay nalulutas ko ito. Kapag nanghihina ang ilang tao, kailangan ko lang magbahagi sa kanila, at nanunumbalik na ang kanilang lakas. Wala na akong ibang kapintasan, ang pinakamalaking kahinaan ko ay ang malambot kong puso. Hindi ko kayang panooring nagdurusa ang iba; sa tuwing nagdurusa ang sinuman, nababalisa ako, at ninanais kong ako na ang magdusa sa halip na sila.” Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Parang wala namang problema sa mga salitang ito, ngunit mayroon bang problema sa mga motibo ng kanyang pananalita? (Oo, itinataas at pinatototohahan niya ang kanyang sarili.) Ano ang disposisyon ng gayong tao? Mapagmataas at mapanlinlang ang kanyang disposisyon, gusto niyang gamitin ang pamamaraang ito at gamitin ang lahat ng salitang ito upang magkaroon ng epekto, upang bahagyang magpahiwatig ng ibang bagay, manghikayat ng ibang tingalain at sambahin siya. Ito ang layunin at hangarin ng kanyang mga salita. Pakikinggan siya ng mga taong naguguluhan na walang pagkilatis at iisiping, “Napakadakila ng taong ito, hindi nakapagtatakang isa siyang lider, mas mahusay siya sa amin, angkop siyang maging lider.” Ganito ang pag-iisip ng isang taong naguguluhan na hindi nakakikita ng totoo sa mga bagay-bagay. Maiintindihan ng mga taong may pagkilatis na: “Napakarami niyang sinabi tungkol sa kung gaano siya kahusay, kung gaano siya kasipag magtrabaho at sa mga serbisyong ginampanan niya, tungkol sa kung paano niya nabigyang-pakinabang at natulungan ang mga kapatid, nang sa gayon ay tingalain siya ng mga tao, habang lagi’t laging sinasabing ayaw niyang tingalain siya ng mga tao. Sa katunayan, walang-kapaguran siyang nagmamadali at nagtatrabaho para lamang tingalain at sambahin siya ng mga tao. Bukod sa mapagmataas siya ay masyado rin siyang mapanlinlang! Gusto niyang makuha ang loob ng mga tao, makipagkompitensiya sa Diyos para sa katayuan, at ginagamit niya ang pamamaraang ito upang iligaw ang mga tao. Hindi ba’t tulad lang siya ni Pablo? Isa siyang diyablo! Napakatagal niyang nagsalita nang walang anumang binabanggit tungkol sa sarili niyang mga pagkakamali at pagkukulang, na para bang wala siyang mga tiwaling disposisyon; ang mga kahinaang sinabi niya ay nakahihikayat sa mga tao na labis siyang kainggitan at hangaan, at maramdamang hindi sila sapat. Bagaman hindi niya tuwirang hinihikayat ang mga taong sambahin at purihin siya, ang epekto ng kanyang mga salita ay nakahihikayat sa mga taong purihin at sambahin siya; nakukuha at naaagaw niya ang loob ng mga tao, at naililigaw niya ang mga taong naguguluhan at ang mga taong mangmang at hindi pa husto ang tayog. Hindi ba’t panlilihis iyon sa mga tao? Napakamapaminsala at napakasama ng mga motibo sa likod ng kanyang mga salita! Ang taong ito ay pasok sa kategorya ng mga anticristo, madali itong makilatis.” May malinaw na pagkakaiba sa ganitong dalawang uri ng tao. Ang isang uri ng tao ay nagsasalita nang napakalinaw at simple, ngunit totoo siya, at nagsasalita siya nang matapat at mula sa puso; anuman ang kanyang sabihin, hindi siya sasambahin ng mga tao, bagkus ay papaboran lamang siya sa kanilang mga puso. Ang ganitong uri ng tao ay hindi mang-aagaw ng puso ng mga tao o sasakop ng puwang sa kanilang mga puso, at kaya niyang tratuhin ang mga tao bilang mga kapantay niya; hindi niya mapipigilan, mamamanipula o makokontrol ang mga tao. Isa itong tunay na mabuting tao. Walang anuman sa kanyang pananalita, sa paraan ng kanyang pag-asal at pagharap sa mga bagay, ang naghahayag ng anumang ambisyon o pagnanasa, o nagpapakitang ninanais niyang magkontrol ng mga tao o sumakop ng puwang sa puso ng mga tao; hindi niya taglay ang disposisyong iyon, isa siyang taong may pagkatao. Ang mga taong buktot, na palaging naghahangad at nagnanais na magkontrol ng iba, ay talagang gumagalang sa kapangyarihan at katayuan, kaya madalas silang magsabi ng mga bagay na nagpapasikat at nagpapatotoo sa kanilang sarili, at gumagawa ng mga bagay na nagliligaw at nagkokontrol sa mga tao. Malinaw na isa itong satanikong disposisyon; ang mga ito ay mga taong walang pagkatao. May ilang taong walang talento, walang mga kalakasan, at walang mga kakayahan, at sa panlabas ay mukha silang may magandang asal at simple. Mukha silang inaapi at itinatakwil sa mga grupo ng tao, at nagtatrabaho sila nang masipag at di-kapansin-pansin. Nangangahulugan ba itong mga tagapaghangad sila ng katotohanan? Mayroon ba silang mga ambisyon? (Oo.) Bakit natin sinasabing ang ganitong uri ng tao ay may mga ambisyon din? (Dahil ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon.) Tama iyon, mayroon silang tiwaling disposisyon, kaya may mga ambisyon sila, wala lang sila sa lugar para isakatuparan ang mga ambisyong ito. Walang nagbibigay sa kanila ng pagkakataon, at hindi sila makahanap ng pagkakataon, kaya nakatago ang kanilang mga ambisyon. Sa sandaling makakuha ang ganitong uri ng tao ng pagkakataong isakatuparan ang kanilang mga ambisyon, sa isang angkop na konteksto, at sa isang angkop na sandali, mabubunyag ang kanilang mga ambisyon. Sa sandaling iyon ay matutuklasan mong ang may magandang asal at simpleng taong ito, na wala halos masabi nang malinaw, ay hindi malaya sa tiwaling disposisyon. Makikita mong hindi siya walang ambisyon, at lalong wala siyang mabuting pagkatao o hindi mas kaunti ang katiwalian niya. Kung hindi Ko nilinaw ang bagay na ito, iisipin pa rin ng ganoong uri ng tao na, “Mabuting tao ako, hindi ko kailangang baguhin ang disposisyon ko, nauunawaan ko ang katotohanan, isa akong taong nagpapasakop sa Diyos, matagal ko nang taglay ang katotohanang realidad. Kayong lahat ay may mga tiwaling disposisyon, kailangan ninyong mahatulan, makastigo, at mapungusan dahil lubha kayong tiwali, lahat kayo ay may kakayahan, at masyadong mapagmataas.” Hindi ba’t ang pangangatwiran nilang ito ay baluktot? Isa pa itong uri ng pagmamataas. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, at naipamamalas ang pagmamataas sa maraming iba’t ibang paraan at anyo, kaya nahihirapan ang mga taong kumilatis, at halos nagiging imposible para sa kanilang mag-ingat laban sa mga ito. Wala bang mga mapagmataas na disposisyon ang mga taong walang pakinabang at mahina ang ulo? Wala ba silang mga tiwaling disposisyon? Taglay rin nila ang mga disposisyong ito; kahit ang mga hangal ay mapagmataas. Ang mga taong may kaunting kaalaman ay hindi lamang mapagmataas, kundi natutuhan na rin nilang magpanggap, at mas mahusay sila sa panlilihis ng mga tao; hindi ito madaling kilatisin. Kapag kinikilatis ng mga walang pananampalataya ang iba, kinikilala lamang nila ang kaibahan ng mabubuti sa masasamang tao alinsunod sa mga moral na pamantayan ng tradisyonal na kultura, at hinahatulan ito batay lamang sa pag-uugali at mga pagpapamalas ng isang tao. Binibigyang-daan ba sila nitong makita ang tunay na kalikasan at diwa ng taong iyon? (Hindi.) Kung gayon ay paano mo ba mismo makikilatis ang mga tao? Sa anong batayan mo tumpak na makikilatis ang mga tao at makikita ang tunay nilang pagkatao? Walang duda, ang mga tao ay makikilatis lamang nang tumpak batay sa katotohanan at sa salita ng Diyos, tiyak na tiyak ito. May ilang taong kumikilatis ng iba sa pamamagitan lamang ng paghahambing sa pag-uugali ng mga ito sa mga kuru-kuro at imahinasyon at tradisyonal na moralidad ng tao; posible bang makita ang tunay na pagkatao ng mga tao sa ganitong paraan? Hindi talaga. Mahalagang obserbahan ang mga kaisipan, perspektiba, at layuning inihahayag ng mga tao, batay sa salita ng Diyos; mahalagang tingnan ang mga motibo at hangarin ng mga salita at kilos ng mga tao—iyon lamang ang paraan upang matuklasan kung ano talaga ang kanilang mga tiwaling disposisyon at kalikasan. Sinuman siya, basta’t naghahayag siya ng maraming pananaw sa mga bagay-bagay, at nakapagpapahayag ng sarili niyang mga opinyon sa lahat ng bagay, napakadaling kilatisin ng kanyang tiwaling disposisyon at ng kanyang kalikasang diwa. Kung ang kanyang mga pananaw at opinyon ay lubos na hindi nakaayon sa katotohanan, hindi ba’t lubusang nalalantad ang kanyang tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan? Samakatwid, basta’t kinikilatis mo ang mga tao alinsunod sa salita ng Diyos at sa katotohanan, makikita mong lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan, at na kailangan nilang lahat ang pagliligtas ng Diyos.

Ang mga taong nakauunawa sa katotohanan ay madaling makakita ng totoo sa mga bagay-bagay at nakakikilatis ng mga tao. Marunong ka bang kumilatis ng mga tao? Marunong ka bang mag-obserba sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay sa iyong buhay? Kung hindi, ipinakikita nitong hindi mo pa rin talaga nauunawaan ang katotohanan. Upang makakilatis ng mga tao, kailangan mo munang makilatis kung ang sinasabi mo ay nakaayon sa katotohanan at kung may mga prinsipyo ang ginagawa mo. Kapag alam mo kung paano kilatisin ang sarili mong mga salita at gawa, at nakikita mo ang mga problema at nalulutas ang mga iyon, magagawa mong kilatisin ang mga tao. Ang kaalaman kung paano kumilatis ng lahat ng uri ng tao, pangyayari at bagay ay hindi isang madaling bagay; hindi ito isang bagay na makakamit sa pamamagitan lamang ng kaalaman kung paano bumigkas ng ilang salita at doktrina. Kailangan mong magdanas ng maraming bagay, at kahit papaano ay magdanas ng maraming kabiguan at balakid. Saka mo lamang makikilala ang iyong sarili. Simulan mong magsanay sa pamamagitan ng pagkilala sa iyong sarili, at unti-unti mong matututuhan kung paano kumilatis ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay. Inaaral munang kilatisin ang sarili, nagagawang malinaw na kilatisin ang sarili mong pag-uugali at ang sarili mong tiwaling disposisyon, pati na ang iyong mga paglihis, kalagayan, at kakulangan, at nakikita ang totoong diwa ng mga bagay na ito—ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng pagkilatis. Kung makikilatis mo nang mabuti ang iyong sarili, makikilatis mo rin ang iba; kung hindi mo makikilatis nang mabuti ang sarili mong mga usapin, hindi talaga magiging tumpak ang pagkilatis mo sa iba. May ilang tao na malinaw na malinaw na nakikilatis ang mga problema ng iba, ngunit hindi umaaming may mga problema sila kapag nagagawa nila ang parehong mga pagkakamali. Ano ang problema rito? Hindi ba’t isa itong problema sa kanilang disposisyon? Sa mga normal na sitwasyon, ang pagkilatis sa iba, sa totoo, ay pareho ng pagkilatis sa iyong sarili. Kung nakikilatis mo nang mabuti ang iba ngunit hindi mo pinagninilayan at kinikilala ang iyong sarili, at iniisip mo pa ngang mas malakas ka sa iba, nanganganib ka—mayroon kang mga hindi tamang layunin at may problema sa disposisyon mo. May ilang taong napakahusay sa pagkilatis sa iba, at ang lahat ng sinasabi nila ay malinaw at may katuturan, ngunit hindi nila makilatis ang sarili nilang mga problema. Totoo ba ito? Isa itong palabas, mapanlinlang ito. Sa katunayan, hindi sa walang kakayahan ang mga taong ito; may pagkilatis sila sa kanilang sarili, ngunit hindi nagsasabi ng totoo tungkol sa mga ito. Alam nila sa kanilang mga puso kung ano ang nangyayari, ngunit hindi nila ito sinasabi. Ang ganitong uri ng tao ay mapanlinlang magsalita at napakasinungaling; ang taong sinungaling magsalita ay hindi isang matapat na tao, kundi isang buktot at mapanlinlang na tao, isang taong nagsisinungaling. Kung kaya ng isang taong kilatisin nang malinaw ang kanyang sarili, at kayang suriin at ilantad ang kanyang sarili para sa kapakinabangan ng iba, isa itong taong tunay na nakauunawa sa katotohanan, na matuwid at matapat ang karakter, at na nagtatapat sa isang dalisay na paraan. Hindi ito isang simpleng bagay; ang ganitong uri ng tao ay kayang magsagawa sa katotohanan sa sandaling maunawaan niya ito, at isa talaga siyang taong naghahangad sa katotohanan, at isang taong kinalulugdan ng Diyos. Upang maisagawa ang katotohanan sa sandaling maunawaan mo ito, kailangan mo munang magkaroon ng mabuting karakter, at maging isang matapat na tao. Bagama’t lahat ay handang hangarin ang katotohanan, ang pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi basta-basta. Ang susi ay pagtuunan ang paghahanap ng katotohanan at pagsasagawa ng katotohanan. Kailangan mong pagnilayan ang mga bagay na ito sa iyong puso araw-araw. Anumang mga problema o paghihirap ang makaharap mo, huwag kang susuko sa pagsasagawa ng katotohanan; dapat mong matutuhan kung paano hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili, at sa huli ay isagawa ang katotohanan. Ito ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Talagang hindi ka dapat magtangka na protektahan ang sarili mong mga interes, at kung uunahin mo ang sarili mong mga interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Tingnan mo ang mga taong sariling kapakanan lamang nila ang iniisip—sino sa kanila ang nakapagsasagawa ng katotohanan? Wala ni isa sa kanila. Ang mga nagsasagawa ng katotohanan ay pawang matatapat na tao, nagmamahal sa katotohanan at mababait. Silang lahat ay mga taong may konsensiya at katwiran, na kayang talikuran ang sarili nilang mga interes, banidad, at pagmamalaki, na kayang maghimagsik laban sa laman. Ito ang mga taong kayang magsagawa ng katotohanan. Ang unang kailangan mong lutasin upang maisagawa ang katotohanan ay ang sarili mong kasakiman at ang sariling kapakanan lang ang iniisip na disposisyon; sa sandaling malutas ang problemang ito, hindi ka na magkakaroon ng anumang malaking paghihirap. Basta’t kaya mong tanggapin ang katotohanan, alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, at hanapin ang katotohanan upang lutasin ito, maisasagawa mo ang katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, hindi mo malulutas ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, at sa ganitong paraan, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Ang pinakamalaking balakid sa pagsasagawa sa katotohanan ay ang isang tiwaling disposisyon, lalong-lalo na ang isang makasarili, kasuklam-suklam, at sariling kapakanan lang ang iniisip na disposisyon. Basta’t ang problema ng iyong tiwaling disposisyon ay nalutas na, ang ibang balakid ay hindi talaga magdudulot ng problema sa iyo. Siyempre, kaya hindi makapagsagawa ng katotohanan ang ilang tao ay dahil umiiral pa rin ang isang uri ng tiwaling disposisyon sa kaibuturan nila, iyon ay ang mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon. Ang laging pagkakaroon ng labis na pagtingin sa sarili, at laging pag-iisip na tama ang sarili nilang mga pananaw, laging pagnanais na gawin ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, ito ay pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba at kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ito ang pinakamalaking balakid na hinaharap ng mga taong ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Kung kaya nilang hanapin ang katotohanan upang malutas ang paghihirap na ito, hindi sila magkakaroon ng malalaking problema sa pagsasagawa sa katotohanan. Tungkol naman sa ibang problema, basta’t kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili, alamin ang sarili nilang mga kalagayan, hanapin ang katotohanan, at maghanap ng ilang nauugnay na sipi ng salita ng Diyos upang pag-isipan at pagbahaginan, madaling malulutas ang anumang problema. Kailangan ng mga taong naghahangad sa katotohanan na pag-isipan at hanapin ang katotohanan upang malutas ang kanilang mga problema araw-araw, dahil bukod sa paggawa sa kanilang mga tungkulin, maaaring makatagpo ang mga tao ng maraming bagay na direktang may kaugnayan sa pagsasagawa ng katotohanan araw-araw; kahit pa hindi sila lumalabas o nakikipag-ugnayan sa ibang tao, posibleng mabanggit ang ilang usapin tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, kung paano ka nabubuhay sa araw na iyon, kung ano dapat ang pangunahing pinagtutuunan ng iyong buhay sa araw na iyon, kung paano mo ito dapat isaayos, kung ano ang mga tungkuling dapat mong gampanan, kung paano mo dapat hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga paghihirap na nakahaharap mo sa iyong tungkulin, kung ano ang mga tiwaling bagay na umiiral sa iyong puso na kailangan mong pagnilayan, maunawaan, at malutas—ang lahat ng bagay na ito ay tumutukoy sa mga aspekto ng katotohanan, at kung hindi mo hahanapin ang katotohanan upang malutas ang mga iyon, maaaring hindi mo magampanan nang mabuti ang iyong tungkulin sa araw na iyon, at hindi ba’t isa iyong tunay na problema? Kung ang tanging iniisip mo kapag wala kang ginagawa bawat araw ay may kinalaman sa kung paano lulutasin ang iyong tiwaling disposisyon, paano isasagawa ang katotohanan, at paano mauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, matututuhan mong gamitin ang katotohanan para lutasin ang iyong mga problema ayon sa mga salita ng Diyos. Sa gayon ay magkakaroon ka ng kakayahang mamuhay nang nakapagsasarili, at makakapasok ka na sa buhay, wala ka nang haharaping matitinding paghihirap sa pagsunod sa Diyos, at unti-unti, makakapasok ka sa katotohanang realidad. Kung, sa iyong puso, nahuhumaling ka pa rin sa katanyagan at katayuan, abala pa rin sa pagpapakitang-gilas at pagpapatingala sa iba sa iyo, hindi ka isang taong naghahangad ng katotohanan kung gayon, at maling landas ang tinatahak mo. Ang hinahangad mo ay hindi ang katotohanan, ni ang buhay, kundi ang mga bagay na gustung-gusto mo, ito ay ang kasikatan, pakinabang, at katayuan—kung ganoon, walang kaugnayan sa katotohanan ang anumang gagawin mo, ang lahat ng ito ay paggawa ng masama, at pagtatrabaho. Kung, sa puso mo, minamahal mo ang katotohanan, at lagi kang nagsisikap para sa katotohanan, kung naghahangad ka ng disposisyonal na pagbabago, nagkakamit ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, at nagkakaroon ng takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at kung nakokontrol mo ang sarili mo sa lahat ng ginagawa mo, at nagagawa mong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, patuloy na bubuti ang iyong kalagayan, at ikaw ay magiging isang taong namumuhay sa harap ng Diyos. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay tumatahak sa landas na naiiba sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan: Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay laging nakatuon sa pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, nasisiyahan na sila sa panlabas na mga pagpapakita ng mabuting asal at pagiging makadiyos, ngunit sa kanilang puso ay mayroon pa ring mga ambisyon at hangarin, at naghahangad pa rin sila ng kasikatan, pakinabang at katayuan, nais pa rin nilang mapagpala at makapasok sa kaharian—ngunit dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi pa naiwawaksi, lagi silang namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang lahat ng nagmamahal sa katotohanan ay hinahanap ito sa lahat ng bagay, pinagninilayan nila ang kanilang sarili at sinusubukan na makilala ang kanilang sarili, pinagtutuunan ang pagsasagawa ng katotohanan, at palagi silang may pusong nagpapasakop sa Diyos at may takot sa Diyos sa kanilang mga puso. Kung may anumang kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa Diyos na lumilitaw sa kanila, agad silang nagdarasal sa Diyos at naghahanap ng katotohanan para malutas ang mga ito. Pinagtutuunan nila ang maayos na paggampan sa kanilang mga tungkulin, para matugunan ang mga layunin ng Diyos; at nagsisikap sila tungo sa katotohanan at naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, nagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso at lumalayo sa lahat ng masasamang gawa. Ito ang mga tao na palaging namumuhay sa harap ng Diyos.

Pebrero 1, 2018