Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan (Unang Bahagi)
Anong mga pagsubok ang kaya ninyong tiisin ngayon? Mangangahas ba kayong sabihin na mayroon kayong pundasyon, kaya ba ninyong manindigan kapag nahaharap sa mga tukso? Ang mga tukso ng pangtutugis at pang-uusig ni Satanas, halimbawa, o ng katayuan at katanyagan, ng pag-aasawa, o kayamanan, kaya ba ninyong malampasan ang mga tuksong ito? (Malalampasan namin ang ilan sa mga ito.) Ilang antas ng mga tukso ang mayroon? At aling antas ng tukso ang kaya ninyong lampasan? Halimbawa, maaaring hindi ka natatakot kapag nababalitaan mong may inaresto dahil sa pananalig sa Diyos, at maaaring hindi ka natatakot kapag nakikita mong inaaresto at pinapahirapan ang iba—ngunit kapag ikaw ang inaresto, kapag nasumpungan mo ang iyong sarili sa sitwasyong ito, kaya mo bang manindigan? Isa itong malaking tukso, hindi ba? Sabihin natin, halimbawa, may kakilala kang isang tao, isang taong may mabuting pagkatao, na masigasig sa kanyang pananampalataya sa Diyos, na tinalikuran ang pamilya at propesyon para magampanan ang kanyang tungkulin at dumanas siya ng labis na paghihirap: Biglang dumating ang isang araw na inaresto at sinentensiyahan siyang makulong dahil sa kanyang pananalig sa Diyos, at pagkatapos ay nabalitaan mong binugbog siya hanggang sa mamatay. Isa ba itong tukso sa iyo? Ano ang magiging reaksyon mo kapag nangyari ito sa iyo? Paano mo ito dadanasin? Hahanapin mo ba ang katotohanan? Paano mo hahanapin ang katotohanan? Sa panahon ng gayong tukso, paano ka makakapanindigan, at makakaunawa sa kalooban ng Diyos, at paano mo makakamit ang katotohanan mula rito? Naisip mo na ba ang gayong mga bagay? Madali bang lampasan ang gayong mga tukso? Di-pangkaraniwan ba ang mga bagay na iyon? Paano ba dapat danasin ang mga bagay na katangi-tangi at sumasalungat sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? Kung wala kang landas, malamang ba na magreklamo ka? Magagawa mo bang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos at makita ang diwa ng mga problema? Magagamit mo ba ang katotohanan para matukoy ang mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa? Hindi ba’t ito ang dapat na makita sa mga naghahangad sa katotohanan? Paano mo malalaman ang gawain ng Diyos? Paano mo ito dapat danasin para magawang makamtan ang mga bunga ng paghatol, pagdadalisay, pagliligtas at pagpeperpeko ng Diyos? Anong mga katotohanan ang dapat na maunawaan para malutas ang napakaraming kuru-kuro at mga hinaing ng mga tao laban sa Diyos? Ano ang mga pinakakapaki-pakinabang na katotohanan na dapat mong isangkap sa iyong sarili, ang mga katotohanang magtutulot sa iyo na makapanindigan sa gitna ng iba’t ibang pagsubok? Gaano kalaki ang tayog ninyo ngayon? Anong antas ng mga tukso ang kaya ninyong lampasan? May ideya ba kayo? Kung wala, ito ay walang katiyakan. Kasasabi lang ninyo na kaya ninyong “lampasan ang ilan sa mga ito.” Magulo ang mga katagang ito. Dapat malinaw sa inyo kung anong uri ng tayog mayroon kayo, kung anong mga katotohanan ang naisangkap na ninyo sa inyong sarili, anong mga tukso ang kaya ninyong lagpasan, anong mga pagtitiis ang kaya ninyong tanggapin, at aling mga katotohanan ang dapat mong taglayin sa panahon ng mga partikular na pagsubok, anong kaalaman ng gawain ng Diyos, at piliin ninyo kung aling landas ang magpapalugod sa Diyos—dapat mayroon kayong magandang ideya tungkol sa lahat ng ito. Kapag nahaharap ka sa isang bagay na hindi akma sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, paano mo ito daranasin? Sa gayong mga bagay, paano mo dapat sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan—at kung aling mga aspeto ng katotohanan—upang malagpasan ito nang maayos, hindi lang nilulutas ang iyong mga kuru-kuro, kundi kinakamtan ang tunay na kaalaman sa Diyos—hindi ba’t ito ang dapat mong hangarin? Anong mga uri ng tukso ang karaniwan ninyong nararanasan? (Katayuan, katanyagan, pakinabang, pera, mga relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae.) Ang mga ito ang karaniwan. At patungkol sa tayog ninyo ngayon, sa aling mga tukso ninyo kayang manatilihing mahinahon at manindigan? Taglay ba ninyo ang tunay na tayog ng pagdaig sa mga tuksong ito? Talaga bang magagarantiya ninyo na gagampanan ninyo nang maayos ang inyong tungkulin, at hindi gagawa ng anumang bagay na lalabag sa katotohanan, o na nakagagambala at nakagugulo, o suwail at mapanghimagsik, o nakakasakit sa Diyos? (Hindi.) Kaya ano ang dapat ninyong gawin upang magampanan nang maayos ang inyong tungkulin? Una, dapat ninyong suriin ang inyong sarili sa lahat ng bagay, para makita kung ang mga kilos ninyo ay naaayon ba o hindi sa mga katotohanang prinsipyo, para makita kung pabasta-basta ba o hindi ang inyong mga kilos, kung mayroon bang mga mapanghimagsik o mapanlaban na elemento. Kung mayroon, dapat ninyong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Dagdag pa rito, kung may ilang bagay na hindi ninyo alam tungkol sa sarili ninyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Kung iwinasto at tinabasan kayo, dapat ninyong tanggapin ito at magpasakop. Hangga’t nagsasalita ang mga tao alinsunod sa mga katunayan, hindi kayo maaaring makipagtalo at makisali sa nakalilinlang na argumento sa kanila; saka lang ninyo makikilala ang inyong sarili at tunay na magsisisi. Dapat makamit ng mga tao ang mga hinihingi ng dalawang aspetong ito at magkaroon ng tunay na pagpasok. Sa ganitong paraan, magkakamit sila ng pagkaunawa sa katotohanan at makakapasok sa realidad, at magagampanan ang kanilang tungkulin nang pasok sa pamantayan.
Sinasabi ng ilang tao, “Kadalasan, kapag may nangyayari sa akin, hindi ko alam kung paano hanapin ang katotohanan at kahit na kapag alam ko na, wala akong mahanap na sagot. Nagdasal ako, naghanap, at naghintay pero walang nangyari. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Nais kong hanapin ang mga salita ng Diyos upang malutas ito, pero napakarami ng mga salita, hindi ko alam kung aling bahagi ng mga salita ng Diyos na babasahin ang angkop, at makakalutas sa problemang ito.” Ano kung gayon ang dapat nilang gawin? Mayroong pinakamababang pamantayan para dito: Kapag may nangyari sa iyo at hindi mo alam kung ano ang gagawin, ang pinakapangunahing bagay na dapat mong gawin ay ang sundin ang iyong konsiyensiya; isa itong bagay na makapagliligtas sa buhay ng tao, isa itong batayan na dapat sundin nang higit sa lahat, at isa ring prinsipyo ng pagsasagawa. Kaya gaano ba kalakas ang pamumuno ng konsiyensiya sa bawat tao? Kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, kung gaano kalaking papel ang maaaring gampanan ng kanyang konsiyensiya ay nakadepende sa kung anong klase ang kanyang pagkatao. Kung hindi nauunawaan ng taong ito ang katotohanan at hindi kumikilos ayon sa kanyang konsiyensiya, at hindi mo nakikita ang anumang aspeto ng kanyang mga kilos na nagpapakita ng anumang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos ni hindi mo nakikita sa kanya ang anumang may takot sa Diyos na puso—kung hindi mo nakikita ang alin man sa mga ito, maaari bang ituring ang taong ito na nagtataglay ng konsiyensiya at pagkatao? (Hindi.) Anong klase ng tao ito? Ang ganitong uri ng tao ay tumpak na masasabi na isang taong walang pagkatao. Ginagawa niya ang mga bagay nang hindi batay sa katwiran o sa konsiyensiya, na siyang lumalagpas na sa pamantayan ng pagkilos ng tao. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang maraming katotohanan. Hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila, at kapag nakakaharap sila ng mga problema, hindi nila alam ang tamang paraan ng pag-asikaso sa mga iyon. Paano sila dapat magsagawa sa ganitong sitwasyon? Ang pinakamababang pamantayan ay ang kumilos ayon sa konsiyensiya—ito ang panimulang punto. Paano ka dapat kumilos nang ayon sa konsiyensiya? Kumilos ka nang mula sa sinseridad, at maging karapat-dapat sa kabaitan ng Diyos, sa pagbibigay sa iyo ng Diyos ng buhay na ito, at sa pagkakataong ito na ibinigay ng Diyos upang matamo ang kaligtasan. Epekto ba iyon ng iyong konsiyensiya? Sa sandaling matugunan mo na ang pinakamababa sa mga pamantayan na ito, makakamit mo na ang proteksiyon at hindi ka gagawa ng matitinding pagkakamali. Hindi ka na madaling gagawa ng mga bagay upang suwayin ang Diyos o pabayaan ang iyong mga responsabilidad, ni manganganib na kumilos nang walang-interes. Hindi ka rin masyadong magbabalak ng pakana para sa iyong sariling posisyon, katanyagan, pakinabang, at kinabukasan. Ito ang papel na ginagampanan ng konsiyensiya. Ang konsiyensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa ang pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at salbahe.) Ang mga taong makasarili at salbahe ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. Ano ang iniisip nila tuwing mayroon silang ginagawa? Ang unang iniisip nila ay, “Malalaman ba ng Diyos kung gagawin ko ito? Nakikita ba ito ng ibang mga tao? Kung hindi nakikita ng ibang mga tao na nagsisikap ako nang husto at masipag akong nagtatrabaho, at kung hindi rin ito nakikita ng Diyos, kung gayon walang silbi ang aking paggugol ng gayong pagsisikap o pagdurusa para dito.” Hindi ba ito lubos na makasarili? Isa rin itong mababang-uring klase ng layunin. Kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, may papel bang ginagampanan ang kanilang konsiyensiya? Nababagabag ba ang konsiyensiya nila rito? Hindi, walang nagiging papel ang kanilang konsiyensiya, at hindi ito inuusig. May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nanggagambala at nanggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga taong mahilig magpalugod ng iba at sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang ilaan ang kanilang panahon at pagsisikap sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila. Malinaw sa lahat ang mga kilos at layunin ng isang taong katulad niyon: Lumalabas siya tuwing may pagkakataong maipakita ang kanyang mukha o magtamasa ng kaunting pagpapala. Ngunit, kapag walang pagkakataong maipakita ang kanyang mukha, o sa sandaling nagkaroon ng panahon ng pagdurusa, naglalaho sila sa paningin tulad ng isang pagong na nag-atras ng ulo nito. May konsiyensiya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? (Wala.) Nakadarama ba ng paninisi sa sarili ang isang taong walang konsiyensiya at katwiran na ganito kung kumilos? Ang gayong mga tao ay walang pakiramdam ng paninisi sa sarili; walang silbi ang konsiyensiya ng ganitong klaseng tao. Hindi sila kailanman nakadama ng paninisi ng kanilang konsiyensiya, kaya’t mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman.
Maprinsipyo ang gawain ng Banal na Espiritu, at mayroon itong paunang mga kahingian. Sa anong uri ng tao karaniwang ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain? Anong mga paunang kahingian ang dapat tuparin ng isang tao upang matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu? Dapat maunawaan ng yaong mga nananalig sa Diyos ang pinakamaliit na dapat nilang taglayin para matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa pinakamaliit, dapat silang magtaglay ng konsiyensiya at ng matapat na puso, at dapat mayroong elemento ng katapatan ang kanilang konsiyensiya. Dapat maging matapat ang puso mo at tanggapin ang pagsusuri ng Diyos. Yaong mga nangangahas na hindi tanggapin ang pagsusuri ng Diyos ay hindi matatapat na tao, at hindi sila taimtim na nananalig sa Diyos. Palaging sinasabi ng mga tao na sinusuri ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng mga tao, na nakikita Niya ang lahat, at nakikita ng tao ang labas, habang nakikita ng Diyos ang puso, pero bakit hindi nila matanggap ang pagsusuri ng Diyos? Bakit hindi nila kayang makinig sa mga salita ng Diyos at magpasakop sa Kanya? Ang paliwanag ay na naiintindihan lamang ng mga tao ang mga salita at doktrina, pero hindi nila mahal ang katotohanan. Bakit hindi kailanman natatanggap ng ilang tao ang gawain ng Banal na Espiritu, palagi silang nasa negatibo at nalulumbay na kalagayan, nang walang anumang kagalakan o kapayapaan? Kung maingat mong susuriin ang kanilang mga kalagayan, karaniwang wala silang kamalayan sa kanilang konsiyensiya, walang matapat na puso, may mahinang kakayahan, at hindi sila nagsisikap tungo sa katotohanan, kaya bihirang-bihira na normal ang mga kalagayan nila. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay naiiba. Palagi silang nagsisikap tungo sa katotohanan, bumubuti ang kanilang kalagayan habang nauunawaan nila ang mga bahagi ng katotohanan, at nagagawa nilang lutasin ang ilang tunay na problema habang nauunawaan ang mga bahagi ng katotohanan, kaya patuloy na bumubuti at higit na nagiging normal ang kanilang mga kalagayan. Ano man ang mangyari sa kanila, bihira silang maging negatibo, at nagagawa nilang mamuhay sa presensiya ng Diyos. Sa anumang panahon, palagi silang may mga nakakamit at kaalaman, at palagi silang may mga tagumpay sa paggawa ng kanilang tungkulin. Nagagawa nilang mahikayat ang mga tao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ano man ang tungkulin nila, ginagawa nila ito sa paraang may prinsipyo. Saan nagmumula ang mga pakinabang na ito? Ito ang mga resultang natatamo sa pamamagitan ng madalas na pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagkakaroon ng kaliwanagan, pagtanglaw, at pagkaunawa sa katotohanan, mga resultang nakamit sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu. Kapag taglay mo ang matapat na puso, ang konsiyensiya at katwiran na dapat taglayin ng sangkatauhan, saka lang magagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain sa iyo. Kayong lahat ba ay may pag-unawa sa mga panuntunan tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa anong uri ng tao ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain? Kadalasang ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain sa mga taong matapat ang puso. Gumagawa Siya sa mga nahihirapan at naghahanap sa katotohanan. Hindi kinikilala ng Diyos ang mga walang anumang pagkatao, yaong mga walang anumang konsiyensiya o katwiran man lang. Kung matapat ang isang tao, ngunit pansamantalang lumalayo sa Diyos ang kanyang puso, ayaw magsikap na maging mas mabuti, naiipit sa isang negatibong kalagayan, hindi nagdarasal o naghahanap sa katotohanan para malutas ang lahat ng ito, ayaw makipagtulungan—sa ganitong kalagayan ng pansamantalang kadiliman, pansamantalang kawalang-dangal, hindi ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain. Gaano pa kaya kalabong gagawin Niya ito para sa isang taong walang kamalayan sa pagkatao? Tiyak na hindi Niya ito gagawin. Ano ang gagawin ng Diyos sa ganitong uri ng tao na walang konsiyensiya o katwiran, na wala man lang pagmamahal sa katotohanan? Hindi Niya kikilalanin ang mga ito. May pag-asa pa ba para sa mga taong ito? May isang hibla ng pag-asa. Ang tanging paraan para sa kanila ay ang tunay na magsisi, ang maging matatapat na tao, at saka lamang nila matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu. Paano maging isang matapat na tao? Una sa lahat, dapat mong buksan ang iyong puso sa Diyos at hanapin ang katotohanan mula sa Kanya, at kapag naunawaan mo ang katotohanan, kailangan mong maisagawa ito at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, na lahat ay katumbas ng pagbibigay ng puso mo sa Diyos. Saka ka lang matatanggap ng Diyos. Kailangan mo munang talikdan ang iyong laman, isuko ang iyong sariling banidad at pride, isuko ang iyong sariling mga interes, ibuhos ang lakas mo sa iyong tungkulin, kapwa katawan at isipan, gawin ang iyong tungkulin nang may mapagpasakop na puso, at maniwala sa puso mo na hangga’t binibigyang-kasiyahan mo ang Diyos, hindi mahalaga kung ano ang pinagdurusahan mo. Kung makakaranas ka ng mga paghihirap, at nagdarasal ka sa Diyos at hinahanap mo ang katotohanan, tingnan mo kung paano ka pinapatnubayan ng Diyos, at kung mayroon kang kapayapaan at kagalakan sa puso mo o wala, kung mayroon ka man nitong katibayan o wala. Kung gusto mong matanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, una, dapat kang tunay na magsisi, ibigay ang sarili mo sa Diyos, buksan ang puso mo sa Kanyang presensiya, at bitiwan ang mga basurang masyado mong pinahahalagahan tulad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan. Kung patuloy mong hahangarin ang mga bagay na ito, ngunit nais mo pa ring humingi ng malalaking pagpapala mula sa Diyos, kikilalanin ka ba Niya? May mga paunang kahingian ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang Diyos ay isang mapanibughuing Diyos, isang banal na Diyos. Kung palaging naghahangad ang mga tao ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at mula sa simula hanggang sa huli ay hindi nila kayang bitiwan ang mga bagay na ito, kung sarado ang puso nila sa Diyos, kung hindi sila naglalakas-loob na magtapat sa Kanya, kung palagi nilang tinatanggihan ang Kanyang gawain at patnubay, kung gayon, wala Siyang gagawin. Hindi kailangang gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa bawat tao, na pinipilit kang gawin ang kung ano-ano. Hindi ka pinipilit ng Diyos. Ang masasamang espiritu lamang ang pumipilit sa mga tao na gawin ang kung ano-ano, sapilitan pa ngang sinasapian ang isang tao para makontrol ito. Sadyang banayad ang gawain ng Banal na Espiritu, na kapag inaantig ka Niya, ni hindi mo ito nararamdaman. Iisipin mo na parang hindi namamalayang nakaunawa ka at nagising. Ganito inaantig ng Banal na Espiritu ang mga tao. Kaya kung nais ng isang tao na tanggapin ang gawain ng Banal na Espiritu, dapat siyang tunay na magsisi at tunay na makipagtulungan.
Paano mo ibibigay ang puso mo sa Diyos? Kapag may nangyari sa iyo, dapat mong ipahayag sa Diyos na hindi ka aasa sa sarili mo. Ang pagbibigay ng puso mo sa Diyos ay nangangahulugan ng pagtutulot sa Diyos na maging Pinuno ng iyong tahanan. Bukod pa rito, dapat mong bitiwan ang mga bagay na humahadlang sa iyo sa pagsasagawa sa katotohanan, gaya ng reputasyon, katayuan, banidad, at pride, tulutan mo ang Diyos na gabayan ka, tulutan ang puso mo na magpasakop sa Kanya, tulutan Siyang maghari sa puso mo, at kumilos ka ayon sa Kanyang mga salita. Sa sandaling nagagawa mong isuko ang mga bagay na tinatamasa ng laman, at nakikita ng Diyos na hindi ka na nagdadala ng mga pasanin, bagkus ay lumalapit ka sa Kanya nang may masunuring puso, handang makinig sa Kanyang mga salita at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at mga plano, tinutulutan Siyang kumilos at mamuno—kapag nakita ng Diyos na taos-puso ka, gagawin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain. Una, dapat kang tunay na magsisi, ibaling ang puso mo sa Diyos, isaalang-alang ang Kanyang kalooban, at magsikap tungo sa katotohanan. Hindi ka maaaring maging negatibo o tamad, lalong hindi matigas ang ulo. Kung palagi mong gustong mamuno, na maging pinuno ng sarili mong tahanan, at kumilos ayon sa sarili mong mga kagustuhan, anong uri ng saloobin ito? Anong uri ng kalagayan ito? Ito ay paghihimagsik at paglaban. Iniisip mo ba na kailangan kang iligtas ng Diyos, na hindi Niya kayang wala ka? Ganito nga ba? Bakit napunta sa mga Hentil ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Bakit hindi Niya ito ginagawa sa Israel? Bakit hindi Niya ito ginagawa sa mundo ng relihiyon? Ito ay dahil masyado silang mapanghimagsik at mapanlaban sa Diyos kung kaya’t ibinaling Niya ang gawaing ito sa mga Hentil. Paano tinitingnan ng Diyos ang bagay na ito? Inililigtas ng Diyos ang mga tumatanggap sa katotohanan. Hindi mahalaga kung nagbabalik-loob sila mula sa loob ng relihiyon o sila ay mga hindi mananampalataya na tumatanggap sa gawaing ito—mapagpatawad ang Diyos at nililigtas Niya ang mga tumatanggap sa katotohanan. Malinaw ba sa inyong lahat ang mga bagay na ito? Ang bawat bagay na ginagawa ng Diyos ay napakamakabuluhan, at taglay ang disposisyon at karunungan ng Diyos. Siyempre, walang dapat ipagmalaki ang mga tao kapag nauunawaan nila ang kalooban ng Diyos o kapag nagpapasakop sila sa Kanyang mga pagsasaayos. Huwag isipin na ikaw ay matalino, o na mahal mo ang katotohanan, o na mas malakas ka kaysa sa ibang tao. Dahil lang sa matalino ka sa isang bagay ay hindi nangangahulugang magiging matalino ka sa isa pa, kaya dapat madalas kang magdasal at maghanap sa katotohanan sa lahat ng bagay. Dapat mong suriin ang lahat ng kilos mo para tingnan kung mayroon kang may takot sa Diyos na puso o wala, kung naaayon ang mga ito sa katotohanan o hindi, at kung napapalugod man ng mga ito ang kalooban ng Diyos.
Pasok man sa pamantayan ang pagkatao ninyo o hindi, o nasa pamantayan ng normal na konsiyensiya at katwiran, nasisiyahan lamang ang Diyos sa mga taong naghahangad sa katotohanan. Walang katapusan ang paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa buhay. Kung nagtataglay lamang ang isang tao ng konsiyensiya, at kumikilos ayon sa kanyang konsiyensiya, hindi pasok sa pamantayan ng katotohanan ang prinsipyong ito. Dapat din siyang magbayad ng halaga para magsikap tungo sa katotohanan, kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at gawin nang maayos ang kanyang tungkulin ayon sa Kanyang mga hinihingi. Sa pamamagitan lamang ng paghahangad nang ganito niya matatamo ang pagpasok sa buhay, mauunawaan at makakamit ang katotohanan, at mapapalugod ang kalooban ng Diyos. May mga taong may kaunting pagkatao, na nagtataglay ng kaunting konsiyensiya at katwiran, kaya iniisip nila na: “Ang paggawa ng tungkulin ko alinsunod sa aking konsiyensiya ay magiging karapat-dapat sa Diyos.” Tama ba ito? Mapapalitan ba ng pamantayan ng konsiyensiya ang katotohanan? Maaari ka bang magpasakop sa Diyos sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa iyong konsiyensiya? Kaya mo bang gawin ang kalooban ng Diyos? Kaya mo bang kamuhian at talikdan si Satanas? Kaya mo bang tunay na mahalin ang Diyos? Kaya mo bang ipahiya si Satanas? Ang pagkilos ba alinsunod sa iyong konsiyensiya ay isang tunay na patotoo? Wala sa mga ito ang maaaring matamo. Ano ang bumubuo sa pamantayan ng konsiyensiya? Ang konsiyensiya ay isang pakiramdam sa puso ng isang tao, isang panghuhusga ng puso, at sumasalamin ito sa mga kagustuhan ng normal na sangkatauhan. Kadalasan, maraming artikulo ng batas at mga kuru-kuro ng moralidad ang naitatatag batay sa mga nararamdaman ng konsiyensiya, at kaya madaling nagagamit ng mga pakiramdam ng konsiyensiya ang mga artikulo ng batas at mga kuru-kuro ng moralidad bilang pamantayan. Samakatuwid, ang mga nararamdaman ng konsiyensiya ay malayong-malayo sa pamantayan ng katotohanan, at higit pa roon ay napapasailalim ang mga ito sa mga pagpipigil ng damdamin, o nalilinlang at naliligaw ang mga ito ng magagandang-pakinggan na salita, na nagdudulot ng maraming pagkakamali. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, napapasailalim sila sa mga panlilinlang ng mga diyablo, at tinutulutan nila si Satanas na samantalahin sila. Kaya, ang pagkilos alinsunod sa iyong konsiyensiya ay napakalayo sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan mo ring magsikap tungo sa katotohanan. Kapag naunawaan mo ang katotohanan at ginawa ang iyong tungkulin ayon sa mga prinsipyo, saka mo lang matutupad ang mga hinihingi ng Diyos. Ang pamantayan ng katotohanan ay higit na mas mataas pa kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya. Kung basta mo lang ginagawa ang tungkulin mo ayon sa iyong konsiyensiya, makakatanggap ka ba ng papuri ng Diyos? Hindi. Sapagkat hindi mapapalitan ng konsiyensiya ang katotohanan, lalo na ang mga hinihingi ng Diyos, hindi ka pwedeng makontento sa paggawa ng tungkulin mo alinsunod sa iyong konsiyensiya. Hindi ito makakapagbigay sa iyo ng papuri ng Diyos.