Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan (Ikatlong Bahagi)

Madali ba para sa isang mananampalataya na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan? Sa totoong buhay, hindi ito madaling bagay; kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi mo ito kailanman makakamit. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao na: “Hindi talaga madaling manalig sa Diyos, at dapat ka ring gumawa ng iyong tungkulin, magdusa, at magbayad ng halaga.” Ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mo ang mga salitang ito? Ano ang mali sa pagsasabi ng mga salitang ito? Kung wala kang pusong may takot sa Diyos, ano ang iyong sasabihin? Sasabihin mo: “Tama iyan, iniwan ko ang aking tahanan upang gawin ang aking tungkulin sa loob ng maraming taon, nangungulila ako sa aking mga anak at ina, at marami akong pinagdusahan. Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala, hindi iyon magiging makatarungan!” May takot ba sa Diyos ang mga salitang ito? (Wala.) Kung ang isang tao ay walang pusong may takot sa Diyos at sinasabi niya ang gayong mga salita, ano ang kalidad ng kanyang pag-uugali? Hindi ba’t sumasalungat siya sa Diyos, naghihinaing laban sa Diyos? Kung nagsasalita siya ng mga hinaing laban sa Diyos, talaga bang naniniwala siya na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos? Kung ang isang tao ay walang takot sa Diyos sa kanyang puso, kung hindi niya magawang katakutan ang Diyos, madali ba para sa kanya na umiwas sa kasamaan? (Hindi madali.) Hindi niya magagawang umiwas sa kasamaan. Sasabihin ng taong iyon: “Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala matapos kong isuko ang aking pamilya at karera, magiging labis itong hindi makatarungan!” Kung agad mo itong sasang-ayunan ng, “Tama iyan,” ano ang magiging dating sa iyo ng mga salitang iyon? Pag-iwas ba ito sa kasamaan? Ang katunayang kaya mong sabihin ang “tama iyan” ay nagpapatunay lang na gaya ng ibang tao, naghihinaing ka rin laban sa Diyos. Ang hinaing ay lumabas na sa iyong bibig at naging kasamaan. Bukod sa hindi mo kayang umiwas sa kasamaan, kaya mo ring magsalita ng mga hinaing at gumawa ng masama. Bagamat isa itong maliit na kasamaan, paghihinaing pa rin ito laban sa Diyos. Kung hindi malulutas ang kasalukuyang maliit na kasamaan, bukas ay manganganib kang pagtaksilan ang Diyos—ganyan katerible ang tiwaling disposisyon ng tao. Malinaw ba sa inyo ang bagay na ito? Kung ang isang tao ay walang pusong may takot sa Diyos, anuman ang kanyang sinasabi nang malakas, o anuman ang kanyang iniisip sa puso niya, o anuman ang natural na lumalabas mula sa kanya—lahat ay kasamaan. Kung wala kang pusong may takot sa Diyos, kahit ang maliit na bagay ay lubos na makapaglalantad ng iyong tiwaling disposisyon, iyong karakter, mga hangarin, at intensyon; maaari pa nga nitong ilantad ang iyong kawalang-kasiyahan sa Diyos. Sinasabi ng mga taong walang pusong may takot sa Diyos ang anumang gusto nila. Sinasabi nila ang anumang iniisip nila, at pagkatapos nila itong sabihin, nagiging totoo ito. Sa pananaw ng Diyos, ang gayong mga tao ay walang takot sa Kanya, hindi rin sila umiiwas sa masasamang bagay; bagkus, isinasangkot nila ang kanilang sarili sa masasamang bagay kapag nakakakita sila nito, at sila ay nagiging mga kasabwat ng masasamang tao. Kung mayroon kang pusong may takot sa Diyos, kung kinatatakutan mo Siya, kung namumuhay ka sa Kanyang presensya, paano ka dapat tumugon sa mga salita ng gayong tao? Ano ang ibig niyang sabihin sa kanyang mga salita? Hindi siya handang isuko ang mga pagpapala. Gusto niyang magkamit ng mga pagpapala, ngunit hindi siya handang magdusa o magbayad ng halaga, kaya sinasabi niyang: “Hindi talaga madaling manampalataya sa Diyos.” Hindi ba siya naghihinaing? Naglalaman ang mga salitang ito ng paghihinaing; masama ang loob ng taong ito sa Diyos, naghihinaing siya, at iniisip niya na masyadong malaki ang hinihingi ng Diyos sa mga tao; iniisip niya na gusto ng Diyos na magbayad sila ng napakalaking halaga para sa maliit na pagpapala na ibinibigay Niya sa kanila; iniisip niyang hindi dapat kumilos nang ganito ang Diyos, na walang pagmamahal ang Diyos sa tao, na wala talaga Siyang awa sa tao, na pinahihirapan ng Diyos ang tao; iniisip niya na hindi madali para sa isang tao na ipagpalit ang pagdurusa sa pagpapala—hindi ba ito ang ibig niyang sabihin? (Ito nga.) Kaya paano mo siya dapat sagutin? Makinig sa sagot na ito, at tingnan kung sa palagay ninyo ay tama ito. Dapat mong sabihin: “Ano ba ang halaga ng ating kaunting pagdurusa? Nakita mo kung gaano nagdusa ang Diyos. Upang iligtas ang sangkatauhan, bumaba ang Diyos mula sa langit patungo sa lupa, at nagkatawang-tao nang mababa at palihim sa piling ng mga tao, at dumanas ng labis na pang-aalipusta; upang iligtas ang sangkatauhan, ibinuwis Niya pati ang Kanyang buhay. Ang pagdurusa ng Diyos ay labis na nakahihigit sa kaunting pinagdusahan natin. Walang kabuluhan ang ating pagdurusa. At higit pa, dapat tayong magdusa; hindi ba’t ang ating pagdurusa ay upang pagpalain tayo?” Ano sa palagay mo? Sa tingin, tila tama ito, at mula sa pandoktrinang pananaw, walang mali rito, pero mayroon bang patotoo rito? (Wala.) Wala itong patotoo. Pabasta-bastang pagsasalita lang ito ng doktrina nang malakas upang manghikayat ng isang tao. May malulutas ba itong anumang problema? Kung nais mong lumutas ng mga problema, paano ka dapat magbahagi sa kanya? Kung maririnig mo ang mga salitang ito ng paghihinaing, ano ang mararamdaman mo sa puso mo? Mararamdaman mo na habang ginagawa niya ang kanyang tungkulin habang nananampalataya sa Diyos, hindi partikular na kusang-loob ang kanyang pagdurusa, ngunit pagkatapos magnilay-nilay nang ilang sandali ay maiisip mo: “Kung wala siyang kusang-loob, bahala siyang maging ganoon. Ano bang kinalaman nito sa akin? Kung naghihinaing siya laban sa Diyos, hindi siya naghihinaing laban sa akin, at wala itong kinalaman sa kapakinabangan ko. Personal niya itong relasyon sa Diyos, kaya dapat niya itong harapin nang mag-isa. Ano bang kinalaman nito sa akin?” Tila sentido komun ang pagtrato sa kanya sa ganitong paraan, at hindi ito mali, ngunit bilang isang taong may pusong takot sa Diyos, kapag nangyari ito sa iyo, dapat mo munang isipin na: “Nananampalataya ang taong ito sa Diyos, at naghihinaing pa rin laban sa Diyos, at binabaluktot niya ang mga totoong pangyayari habang nagsasalita siya. Imposibleng matanggap ng ganitong uri ng tao ang katotohanan. Malaking bagay ang mailigtas, kaya ayos lang ba kung hindi man lang siya magdusa? At higit pa, bakit nagdurusa ang mga tao? Hindi ba’t dahil ito sa kanilang mga tiwaling disposisyon? May mabubuting layunin ang Diyos sa pagpapahintulot na magdusa ang mga tao. Kapaki-pakinabang ito para sa mga tao, ginagawa sila nitong perpekto at pinalalakas sila nito; kung hindi magdurusa ang mga tao, hindi sila matututo ng mga aral, ni makakamit ang katotohanan, ni makakaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang kaunting pagdurusa ay awa at biyaya mula sa Diyos; pagmamahal ito ng Diyos sa sangkatauhan. Pagliligtas ito! Paano niya nagagawang magsalita nang ganito? Dapat akong magbahagi sa kanya. Hindi ko siya maaaring hayaan na magkamali ng pag-unawa at maghinaing laban sa Diyos, hindi ko siya maaaring hayaang magpunta kung saan-saan at ipagkalat ang mga salitang ito upang impluwensiyahan ang iba. Sa bagay na ito, dapat akong magsalita para sa Diyos. Dapat ko siyang tulungang lutasin ang kanyang mga maling pag-unawa tungkol sa Diyos, at tulungan siyang magkaroon ng tamang pag-unawa tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kung mali ang pag-unawa niya sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba niya tinatrato ang Diyos nang hindi makatarungan? Napakadakila ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa tao! Paano niya naiisip ang ganoon?” Kung ganito ka mag-isip, hindi ba’t nangangahulugan iyon na mayroon kang pusong may takot sa Diyos? (Oo.) Tungkol naman sa pagkatakot sa Diyos, hindi ka lang nangungusap ng mga tamang salita; bagkus, mayroon kang pusong may takot sa Diyos sa loob-loob mo, nagagawa mong magpasakop sa Kanya, talagang hindi ka nagrerebelde o naghihinaing. Kung kaya, ikaw ay nagiging isang taong may takot sa Diyos. Pagdating sa pagkatakot sa Diyos, nakamit mo na ang katotohanan. Hindi ka basta sumisigaw ng salawikain, nagagawa mong magpatotoo tungkol sa Diyos, at manindigan sa iyong patotoo sa Kanya. Sa kaalamang ito, ano ang dapat mong sabihin sa taong iyon? Dapat mong sabihin: “Gumugugol ng labis na pangangalaga ang Diyos sa kaligtasan ng tao. Ang mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso ay madalas na nagrereklamo at lumalaban sa Kanya, at hindi man lang sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa Kanyang mga layunin. Kung magdurusa sila nang kaunti, o hindi nila makikita ang mga pagpapala ng Diyos, maghihinaing sila, maghihimagsik ang kanilang puso, at magiging negatibo at salungat sila. Pinatutunayan nito na natural sa mga taong may mga tiwaling disposisyon na madalas na lumaban sa Diyos, at ang kalikasan ng tao ay kontra sa Diyos. Kapag ang mga tao ay nagbabayad ng kaunting halaga, nagsusuko ng kaunti, at ginugugol ang kanilang sarili nang kaunti sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ito ay para makamit nila ang kaligtasan—hindi ito para sa Diyos. Nagdurusa ka dahil sa iyong tiwaling disposisyon. Kung nais mong makamit ang katotohanan, kailangan mong magdusa nang kaunti. Kung sasabihin ito nang hindi gaanong kaaya-aya, karapat-dapat na magdusa ang mga tao; hindi ka binibigyan ng Diyos ng pagdurusa, hindi ka rin Niya pinahihirapan. Kung mayroon kang mapaghimagsik na disposisyon, maiiwasan mo ba ang pagdurusa? Ang iyong tiwaling disposisyon ang nagiging sanhi ng iyong pagdurusa—walang kinalaman ang Diyos dito. Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan at tunay kang nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, magdudulot ka pa rin ba ng pagiging negatibo? Maghihinaing ka pa rin ba laban sa Diyos? Pagdurusahan mo pa rin ba ang mga bagay na ito? Kaya, anuman ang pinagdurusahan ng mga tao, ito ay bunga ng kanilang mga tiwaling disposisyon; hindi nila maaaring sisihin ang iba, lalo na ang Diyos. Pag-aani ito ng iyong itinanim. Kung hindi ka magdurusa, mapupuksa ka; maparurusahan ka. Alin ang pipiliin mo? Ayaw ng Diyos na magdusa ka, ngunit kung walang pagdurusa, magagawa mo bang magpasakop sa Diyos? Kung walang pagdurusa, magagawa mo bang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Kung walang pagdurusa, magagawa mo bang makinig sa mga salita ng Diyos?” Matapos sabihin ang mga salitang ito, magkakaroon ba ng kaunting pagkaunawa ang iyong kausap? Una sa lahat, naaayon ba ang mga salitang ito sa mga layunin ng Diyos? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? (Oo.) Dahil naaayon ang mga ito sa katotohanan, hindi ba’t dapat sabihin ng isang taong may takot sa Diyos ang mga salitang ito? (Dapat nga.) Umiiwas sa kasamaan ang isang taong kayang sabihin ang mga salitang ito. Kaya, ano ang dapat taglayin ng isang tao upang makaiwas siya sa kasamaan? (Dapat siyang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos.) Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos siya makakaiwas sa kasamaan; sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos makapagpapasakop at makapagpapatotoo ang mga tao sa Diyos. Ang gayong mga tao ay natural na iiwas sa kasamaan.

Kung gayon, sa tingin ninyo, sa anong kalagayan madalas namumuhay ang mga taong walang pusong may takot sa Diyos? Mayroon ba silang relasyon sa Diyos? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao: “Hindi tama iyon. Nagdarasal sila araw-araw, nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, dumadalo sila sa mga pagtitipon nang nasa oras, at normal nilang ginagawa ang kanilang tungkulin. Paano ninyo nasasabing wala silang relasyon sa Diyos? Kung hindi sila nananalig sa Diyos, magagawa ba nila ang lahat ng iyon?” Tama ba ang ganitong pananalita? (Hindi. Panlabas na pagkilos lang ito. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan habang kumikilos kayo, kung gayon, wala kayong pusong may takot sa Diyos, at walang kahit ano sa ginagawa ninyo ang may kinalaman sa Diyos.) Kung ang mga tao, sa kanilang pananalig sa Diyos, ay hindi madalas nabubuhay sa harap Niya, hindi nila magagawang magkaroon ng anumang takot sa Kanya, kaya hindi nila magagawang layuan ang kasamaan. Magkakaugnay ang mga bagay na ito. Kung sa kaloob-looban madalas kang namumuhay sa harap ng Diyos, mapipigilan ka, at matatakot sa Kanya sa maraming bagay. Wala kang sasabihing anumang wala sa katwiran, hindi ka sosobra o gagawa ng anumang bagay na napakasama, ni gagawa ka ng anumang kinamumuhian ng Diyos. Kung tinatanggap mo ang pagsusuri ng Diyos, at tinatanggap ang Kanyang pagdidisiplina, iiwasan mong gumawa ng maraming bagay na masama. At sa gayon, hindi mo ba nalayuan ang kasamaan? Kung sinasabi mong nananalig ka sa Diyos pero madalas ay lito ang puso mo, hindi mo alam kung paano gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, o kung paano dapat hangarin ng tao ang katotohanan, hindi mo rin alam kung minamahal mo ba ang katotohanan, o aling mga pangyayari ang dapat maging dahilan para manalangin ka sa Diyos; kung araw-araw kang naguguluhan, hindi seryoso sa lahat ng bagay, at sumusunod ka lang sa mga regulasyon; kung hindi kaya ng puso mo na maging payapa sa harap ng Diyos, at hindi ka nananalangin o hinahanap ang katotohanan sa tuwing may nangyayari sa iyo; kung madalas kang kumikilos ayon sa sarili mong kalooban, namumuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon, at inihahayag ang iyong mapagmataas na disposisyon, at kung hindi mo tinatanggap ang pagsusuri o pagdidisiplina ng Diyos, at wala kang pusong mapagpasakop, kung gayon sa kaloob-looban, palagi kang mamumuhay sa harap ni Satanas, at kokontrolin ni Satanas at ng iyong tiwaling disposisyon. Ang gayong mga tao ay wala kahit katiting na takot sa Diyos. Talagang hindi nila kayang layuan ang kasamaan, at kahit hindi sila gumagawa ng masama, lahat ng iniisip nila ay masama pa rin, at kapwa walang kaugnayan sa katotohanan at sumasalungat dito. Kung gayon, ang mga ganoong tao ba ay pangunahing walang ugnayan sa Diyos? Kahit sila ay pinamumunuan Niya, hindi kailanman lumapit sa Kanya ang puso nila, ni hindi sila kailanman tunay na nagdasal sa Kanya; hindi nila kailanman itinuring ang Diyos bilang Diyos, hindi nila Siya kailanman itinuring bilang ang Lumikha na may kataas-taasang kapangyarihan sa kanila, hindi nila kailanman kinikilala na Siya ay kanilang Diyos at kanilang Panginoon, at hindi nila kailanman isinaalang-alang na masugid Siyang sambahin. Ang gayong mga tao ay hindi nakauunawa kung ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos, at iniisip nilang karapatan nilang gumawa ng masama. Sinasabi nila sa kanilang puso, “Gagawin ko ang gusto ko. Bahala ako sa sarili ko, walang pakialam ang sinumang iba pa!” Itinuturing nila ang pananampalataya sa Diyos bilang isang uri ng mantra, isang anyo ng seremonya. Hindi ba’t ginagawa sila nitong mga hindi mananampalataya? Sila ay mga hindi mananampalataya! Sa isip ng Diyos, ang mga taong ito ay masasama lahat. Sa buong maghapon, lahat ng iniisip nila ay kasamaan. Sila ang masasamang tao ng sambahayan ng Diyos, at hindi Niya kinikilala ang gayong mga tao bilang mga kaanib ng Kanyang sambahayan. Anong klaseng mga tao ang mga nasa sambahayan ng Diyos? Sila ang mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, mga taong nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ang mga naniniwala lang sa pangalan ng Diyos, na hindi naman Siya tinatanggap bilang kanilang Panginoon at Diyos—parte ba sila ng sambahayan ng Diyos? Ang mga hindi tumatanggap sa Diyos bilang kanilang Lumikha, ang mga hindi tumatanggap sa katunayang Siya ang katotohanan—pag-aari ba sila ng Diyos? Talagang hindi. Ang mga tumatanggap lamang sa katotohanan ang siyang pag-aari ng Diyos; ang mga tumuturing lang sa Diyos bilang Diyos ang Kanyang pag-aari. Sa mga taong kayang malaman na ang Diyos ang katotohanan, na kaya Siyang tanggapin na kanilang Panginoon, at na nakikita na Siya ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, paano ba ipinapahayag ng gayong mga tao ang kanilang mga sarili? Anong kalagayan ang mayroon sila sa kanilang puso? Paano sila nagsasagawa kapag may nangyayari sa kanila? (Hinahanap nila ang katotohanan sa lahat ng bagay.) Isang aspeto iyon. Ano pa? (Nagpapasakop sila sa lahat ng kapaligiran, tao, pangyayari at bagay na itinatakda ng Diyos, natututo sila mula sa mga iyon at nagtatamo ng katotohanan.) (Hindi sila nangangahas na gumawa ng anumang lumalaban o sumasalungat sa Diyos.) Ang mga ito rin ay mga paraan ng pagpapahayag nila sa kanilang sarili. Ang pangunahing bagay ay na kapag may nangyayari sa kanila, nauunawaan man nila o hindi ang katotohanan, naisasagawa man nila o hindi ang katotohanan, unang-una sa lahat ay mayroon silang pagkasindak sa Diyos; hindi sila kumikilos nang padalos-dalos ayon sa sarili nilang kalooban, nagagawa nilang matakot sa Diyos at hindi magkasala sa Kanya. Nakikita ng iba na hindi sila walang-ingat magsalita, na mahinahon ang kanilang mga kilos sa halip na mapusok at pasaway, na lubos silang payapa, na may kakayahan silang maghintay, na nakikipag-usap sila sa Diyos sa kanilang puso at hinahanap Siya, na mayroon silang pusong nagpapasakop sa Diyos, at nagtataglay sila ng pusong may takot sa Diyos. Ang mga taong isinasabuhay ang mga bagay na ito ay kayang ikonekta at iugnay sa mga salita ng Diyos ang anumang nangyayari sa kanila, at normal ang kanilang relasyon sa Kanya. Ang ilang tao—yaong wala sa kanilang puso ang Diyos—ay walang kakayahang isabuhay ang mga realidad na ito, at tiyak na mapagmataas, pasaway at walang-pigil ang kanilang mga disposisyon. Ginugugol nila ang buong araw na nagtatawanan at nagbibiruan, hindi nila ibinubuhos ang kanilang puso sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, sinasabi at ginagawa nila ang anumang pumapasok sa kanilang mga isipan, ipinapakita nila ang kanilang mga pangil at iniaamba ang kanilang mga kuko, at walang-ingat at mapusok sila sa lahat ng kanilang ginagawa. Masasabi mo sa unang tingin pa lamang na katulad sila ng mga walang pananampalataya. Ang isang tao bang may ganitong uri ng pagbuhos at pag-uugali ay isang taong namumuhay sa harapan ng Diyos? Taos-puso ba siyang nananalig sa Diyos? Nasa puso ba niya ang Diyos? Tiyak na tiyak na hindi. Ang gayong mga tao ay isinusumpa at kinasusuklaman ng Diyos.

Ngayon ay nagbabahaginan tayo tungkol sa isa sa pinakamahahalagang paksa. Saan ba may kinalaman ang paksang ito? (Sa kaligtasan.) Kung ninanais ng mga tao na maligtas kapag naniniwala sila sa Diyos, ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba silang pusong may takot sa Diyos o wala, kung may puwang ba ang Diyos sa puso nila o wala, kung nagagawa ba nila o hindi na mamuhay sa harapan ng Diyos at mapanatili ang normal na ugnayan sa Diyos. Ang mahalaga ay kung ang mga tao ba ay nakapagsasagawa ng katotohanan at nagiging mapagpasakop sa Diyos o hindi. Ganyan ang landas at mga kondisyon para maligtas. Kung hindi nagagawa ng puso mong mamuhay sa harapan ng Diyos, kung hindi ka madalas na nananalangin sa Diyos at nakikipagbahaginan sa Diyos, at nawawalan ka ng normal na ugnayan sa Diyos, hindi ka maliligtas kailanman, dahil naharangan mo ang landas tungo sa kaligtasan. Kung wala kang anumang ugnayan sa Diyos, naabot mo na ang hangganan. Kung ang Diyos ay wala sa puso mo, walang saysay na sabihin na nananampalataya ka, na manalig sa Diyos sa turing lamang. Hindi mahalaga kung gaano karaming salita at doktrina ang nagagawa mong bigkasin, kung gaano na karami ang naging pagdurusa mo para sa pananalig mo sa Diyos, o kung gaano man karami ang mga kaloob mo; kung wala sa puso mo ang Diyos, at wala kang takot sa Diyos, walang halaga kung paano ka nananalig sa Diyos. Sasabihin ng Diyos, “Layuan mo Ako, ikaw na masamang tao.” Ikaw ay ituturing na masamang tao. Mawawalan ka ng ugnayan sa Diyos; hindi mo na Siya magiging Panginoon o ang iyong Diyos. Kahit na kinikilala mo na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at kinikilala mo na Siya ang Lumikha, hindi mo Siya sinasamba, at hindi ka nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sinusunod mo si Satanas at mga diyablo; tanging si Satanas at mga diyablo ang mga panginoon mo. Kung nagtitiwala ka sa iyong sarili sa lahat ng bagay, at sinusunod ang sarili mong kalooban, kung nagtitiwala ka na ang kapalaran mo ay nasa sarili mong mga kamay, ang pinaniniwalaan mo kung gayon ay ang sarili mo. Kahit na sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, hindi ka kinikilala ng Diyos. Wala kang ugnayan sa Diyos, kaya sa huli ay nakatakda kang itaboy Niya, parusahan Niya, at itiwalag Niya; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga tumatanggap sa Kanya bilang ang Tagapagligtas, na tumatanggap na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Nagagawa nilang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Kanya at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha; nararanasan nila ang gawain ng Diyos, isinasagawa nila ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at tinatahak nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sila ay mga taong nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumusunod sa Kanyang kalooban. Maliligtas lamang ang mga tao kapag mayroon silang ganoong pananampalataya sa Diyos; kung wala, sila ay kokondenahin. Katanggap-tanggap ba ang pangangarap nang gising ng mga tao kapag nananalig sila sa Diyos? Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari bang matamo ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang kumakapit sa kanilang sariling mga kuru-kuro at malabo at mahirap maunawaang mga imahinasyon? Hinding-hindi. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, maniwala sa Kanya gaya ng hinihingi Niya, at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos; noon lamang nila matatamo ang kaligtasan. Wala nang iba pang paraan bukod dito—anuman ang ginagawa mo, hindi ka dapat mangarap nang gising. Ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay napakahalaga para sa mga tao, hindi ba? Isa itong panggising sa inyo.

Ngayong narinig na ninyo ang mga mensaheng ito, dapat nauunawaan na ninyo ang katotohanan at malinaw na sa inyo kung ano ang napapaloob sa kaligtasan. Kung ano ang gusto ng mga tao, ano ang pinagsisikapan nila, at ang pinakagusto nilang gawin—wala rito ang mahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa katotohanan. Sa huling pagsusuri, ang matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at na ang nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan ay ang tamang landas. Kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos at palagi mong pinagtutuunan ang paghahangad ng mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, ang pananampalataya mo ay walang kinalaman sa katotohanan, at walang kinalaman sa Diyos. Maaaring sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, subalit ang Diyos ay hindi mo Panginoon, Siya ay hindi mo Diyos, hindi mo tinatanggap na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran mo, hindi ka nagpapasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos para sa iyo, hindi mo kinikilala ang totoo na ang Diyos ang katotohanan—sa gayon ang mga pag-asam mo ng kaligtasan ay nawasak; kung hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak mo ang landas ng pagkawasak. Kung ang lahat ng bagay na iyong hinahangad, pinagtutuunan, ipinagdarasal, at isinasamo ay batay sa mga salita ng Diyos, at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung may lumalagong pagkaunawa ka na ikaw ay nagpapasakop sa Lumikha, at sumasamba sa Lumikha, at nadaramang ang Diyos ang iyong Panginoon, ang iyong Diyos, kung mas nagagalak kang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos para sa iyo, at ang ugnayan mo sa Diyos ay patuloy na nagiging mas malapit, at nagiging mas normal higit kailanman, at kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay nagiging mas dalisay at totoo higit kailanman, kung gayon, ang iyong mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong magagarbong ninanasa sa Diyos, ay patuloy na magiging mas kaunti, at lubos mo nang matatamo ang takot sa Diyos at ang pag-iwas sa masama, na ang ibig sabihin ay nakapasok ka na sa landas ng kaligtasan. Bagama’t ang pagtahak sa landas ng kaligtasan ay may kasamang disiplina, pagpupungos, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, at nagsasanhi ang mga ito na magdusa ka ng labis na pasakit, ito ang pag-ibig ng Diyos na dumarating sa iyo. Kung hinahangad mo lamang na pagpalain kapag naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo lamang ang katayuan, kasikatan at pakinabang, at hindi ka kailanman dinisiplina, o pinungusan, o hinatulan at kinastigo, kung gayon bagama’t mayroon kang madaling buhay, ang puso mo ay patuloy na lalayo sa Diyos, mawawala sa iyo ang normal na ugnayan sa Diyos, at hindi ka na rin magiging handang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos; gugustuhin mo nang maging sarili mong amo—lahat ng ito ay patunay na ang landas na tinatahak mo ay hindi ang tamang landas. Kung naranasan mo na ang gawain ng Diyos nang ilang panahon at may lumalagong pagkaunawa kung paanong ang sangkatauhan ay napakalalim na nagawang tiwali, at malamang talaga na lumaban sa Diyos, at kung nababalisa ka na darating ang araw na gagawa ka ng isang bagay na paglaban sa Diyos, at natatakot ka na malamang na magkakasala ka sa Diyos at lilisanin ka Niya, at kaya nadarama na wala nang mas nakakatakot pa kaysa ang labanan ang Diyos, kung gayon ay magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos. Madarama mo na kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, hindi sila dapat malihis palayo sa Diyos; kung malihis sila palayo sa Diyos, kung malihis sila palayo sa pagdisiplina ng Diyos, at sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ito ay katumbas ng pagkawala ng proteksyon at pangangalaga ng Diyos, ng pagkawala ng mga pagpapala ng Diyos, at katapusan na ito ng mga tao; maaari na lamang silang maging mas ubod ng sama, sila ay magiging tulad ng mga tao ng relihiyon, at malamang pa rin na lumaban sa Diyos habang naniniwala sila sa Diyos—at kung ganito, sila ay magiging mga anticristo. Kung mapagtatanto mo ito, mananalangin ka sa Diyos, “O Diyos! Pakiusap, hatulan at kastiguhin Mo po ako. Sa lahat ng bagay na ginagawa ko, nagsusumamo po ako na siyasatin Mo ako. Kung gumagawa ako ng isang bagay na lumalabag sa katotohanan at kumokontra sa Iyong mga layunin, nawa ay hatulan Mo po ako at kastiguhin nang husto—hindi maaaring wala po sa akin ang Iyong paghatol at pagkastigo.” Ito ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kaya gawing panukatan ito: Naglalakas-loob ba kayong sabihin na nakatuntong na kayo sa landas ng kaligtasan? Hindi kayo naglalakas-loob, dahil hindi pa kayo nabibilang sa mga naghahangad ng katotohanan, sa maraming bagay, hindi ninyo hinahanap ang katotohanan, hindi ninyo nagagawang tumanggap at magpasakop sa pagpupungos—na nagpapatunay na malayong-malayo pa kayo sa pagtahak sa landas ng kaligtasan. Madali lang ba na makatuntong sa landas ng kaligtasan kung ikaw ay hindi isang tao na naghahangad ng katotohanan? Ang totoo, hindi ito madali. Kung hindi pa naranasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, kung hindi pa nila naranasan ang pagdisiplina, pagkastigo, at pagpupungos ng Diyos, hindi madali para sa kanila na maging isang tao na naghahangad ng katotohanan, at bunga nito, napakahirap para sa kanila na makatuntong sa landas ng kaligtasan. Kung pagkatapos marinig ang mensaheng ito, alam mong ito ang katotohanan, ngunit hindi mo pa tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan, at hindi mo ito nakikita bilang isang seryosong bagay, nadarama mong sa malao’t madali ay gagawin mo rin naman ito—hindi kailangang magmadali—kung gayon ay anong uri ng pananaw ito? Kung ganito ang inyong pananaw, nasa panganib kayo, at mahihirapan kayong makatapak sa landas ng kaligtasan. Paano kayo dapat magpasya para makatuntong kayo sa landas ng kaligtasan? Dapat ay sabihin mo, “A! Sa ngayon ay hindi pa ako nakatutuntong sa landas ng kaligtasan—napakamapanganib nito! Sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay dapat na mamuhay sa Kanyang harapan sa lahat ng oras, at mas manalangin pa, at na dapat ay maging mapayapa ang kanilang mga puso, at hindi pabigla-bigla—kaya dapat kong simulang isagawa ang lahat ng ito ngayon.” Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay pagpasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos; ganoon iyon kasimple. Anong klase ng mga tao ang nakakarinig ng mga salita ng Diyos at pagkatapos ay humahayo at isinasagawa ang mga ito? Mabubuti ba silang mga tao? Mabubuti sila—sila ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Anong uri ng tao sila kung nananatili silang manhid, walang pakialam, at hindi nagpapasakop matapos marinig ang mga salita ng Diyos—kung hindi nila sineseryoso ang mga salita ng Diyos, at nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sila sa mga ito? Hindi ba’t magugulo ang isip nila? Palaging itinatanong ng mga tao kung may mabibilis na paraan para maligtas kapag nananalig sila sa Diyos. Sinasabi Ko sa inyo na wala, at pagkatapos ay sinasabi Ko sa inyo ang tungkol sa simpleng landas na ito, ngunit matapos itong marinig hindi ninyo ito isinasagawa—na isang sitwasyon na hindi ninyo nalalaman ang mabuting bagay kapag narinig ninyo ito. Maaari bang maligtas ang ganitong mga tao? Kahit pa mayroon silang pag-asa, hindi ito malaki; ang kaligtasan ay magiging napakahirap. Maaaring dumating ang araw na magising sila mula sa pagkakatulog, na maisip nila sa kanilang sarili: “Hindi na ako bata, at hindi ko ginagampanan ang mga itinakdang tungkulin ko habang nananalig sa Diyos sa lahat ng nagdaang taong ito. Hinihingi ng Diyos na mamuhay ang mga tao sa Kanyang harapan sa lahat ng oras, at hindi ako namuhay sa harapan ng Diyos. Kailangan kong magmadali at manalangin.” Kung matauhan sila sa kanilang mga puso at magsimulang gampanan ang kanilang itinakdang tungkulin, huli na ang lahat! Subalit huwag ninyo itong ipagpaliban nang napakatagal; kung maghihintay kayo hanggang mga pitumpu o walumpung taong gulang na kayo, at mahina na ang katawan ninyo, at wala na kayong anumang lakas, hindi ba’t magiging huling-huli na para hangarin ang katotohanan? Kung gugugulin ninyo ang pinakamaiinam na taon ng inyong buhay sa walang kabuluhang mga bagay, at mauwi kayo sa pagpapaliban o pagpapalampas ng paghahangad ng katotohanan, na pinakamahalagang bagay sa lahat, hindi ba’t sukdulang kahangalan ito? Mayroon pa bang higit na kamangmangan kaysa rito? Alam na alam ng maraming tao ang tunay na daan ngunit hinihintay pa nilang dumating ang hinaharap bago ito tanggapin at hangarin—silang lahat ay mga hangal. Hindi nila alam na inaabot nang ilang dekada ang paghahangad ng katotohanan bago nila matatamo ang buhay. Magiging huli na para magsisi kung sasayangin nila ang pinakamainam na panahon para maligtas!

Ngayon, ano ang pinakamahalagang bagay na dapat ninyong isagawa? Iyon ay na kapag may mga nangyayari sa inyo, dapat ninyong madaliing hanapin ang katotohanan, payapain ang inyong puso sa harap ng Diyos, at magdasal sa Diyos at basahin ang Kanyang mga salita nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan, makapagtatatag kayo ng isang normal na relasyon sa Diyos. Kung nananalig ka sa Diyos pero walang kinalaman sa Kanya, kung nananalig ka pa rin sa malabong diyos, kung wala kang normal na relasyon sa praktikal na Diyos, kung gayon, kikilalanin ba ng Diyos na nananalig ka sa Kanya? Kung hindi ka kinikilala ng Diyos, hindi ba’t mahihirapan ka? Sa puso mo, dapat malinaw sa iyo kung paano maghangad para kilalanin ka ng Diyos bilang miyembro ng Kanyang sambahayan, bilang isa sa Kanyang mga tagasunod. Huwag kang maging mapagmatigas o mapaghimagsik, at hinding-hindi ka maaaring dumistansiya sa Diyos; dapat kang lumapit sa Diyos at tanggapin Siya bilang iyong Panginoon. Kaya, ano ang dapat mong gawin pagkatapos? Magmadali kang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag Niya, isagawa ito at danasin ito, at pumasok sa realidad—ito ang pinakamahalagang bahagi. Kung sa tingin ninyo ay mahalaga ang mga salitang ito na ibinahagi Ko, kung kaya ninyong gamitin ang mga salitang ito sa buhay ninyo, gawing gabay ang mga ito sa buhay ninyo, at gawing realidad ang mga ito na inyong isinasabuhay, kung gayon, magkakaroon kayo ng ilang nakamit, at hindi magiging walang saysay ang ibinahagi Ko ngayon. Ang susi sa pananalig sa Diyos ay na dapat nasa puso ninyo ang Diyos, dapat kayong makakilos batay sa mga salita ng Diyos, dakilain ninyo ang Diyos sa inyong puso, at magpasakop kayo sa Diyos; dapat ninyong ilagay sa harap ng Diyos ang lahat ng ginagawa ninyo, at tiyaking mayroong ugnayan ang mga ito sa Diyos; ibig sabihin, upang manalig sa Diyos, dapat maging kawangis ka ng isang taong nananalig sa Diyos. Dapat kang magkaroon ng realidad ng pananampalataya sa Diyos. Pagkatapos ninyong makinig sa sermon, naiintindihan na ninyo kung ano ang mga layunin ng Diyos, at nakapagsasagawa at nakapapasok kayo ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Pagkatapos ng ilang panahon, nakikita Kong nagbago na ang mga tao, na ang mga salita Ko ay nagbigay ng pakinabang sa kanila, binago nito ang kanilang kalagayan, at binago ang direksiyon na kanilang tinatahak. Kapag talagang binabago ng mga tao ang sarili nila, pakiramdam Ko ay hindi naging walang saysay ang pagsasalita Ko. Kapag nakikita Kong isinasapuso ninyo ang mga salitang ito, nang hindi lang pinalalagpas ang mga ito sa inyong mga tainga, lubos Akong nasisiyahang makita kayo. Kung hindi kayo nakikinig gaano man karaming salita ang binibigkas Ko, kung hindi ninyo sineseryoso ang mga ito, kung ginagawa ninyo ang anumang gusto ninyo, at kumikilos kayo sa anumang paraang nais ninyo, nasasaktan Ako kapag tinitingnan Ko kayo; nagsisimula Akong makaramdam ng pagkasuklam sa inyo, at walang silbi na magsalita ka ng magagandang pakinggan na salita, o pamukhaing mabuti ang sarili mo sa panlabas. Ang gawin iyon ay magiging pagpapaimbabaw sa panig mo, at hindi nakalulugod sa Akin na makita ito. Kaya, napakahalaga para sa mga tao na isagawa ang katotohanan, at ang pumasok sa katotohanang realidad ay lalong mas mahalaga. Ang mga taong mayroong katotohanang realidad ay likas na may takot sa Diyos; ang mga taong may pusong takot sa Diyos ay likas na makatatahak sa landas ng kaligtasan.

Pebrero 5, 2017